Bible in 90 Days
Iniuutos ng Diyos kay Josue na Sakupin ang Canaan
1 Nangyari nga, pagkamatay ni Moises na lingkod ng Panginoon, ang Panginoon ay nagsalita kay Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na sinasabi,
2 “Si Moises na aking lingkod ay patay na. Tumindig ka at tumawid sa Jordang ito, ikaw at ang buong bayang ito hanggang sa lupain na aking ibinibigay sa kanila, sa mga anak ni Israel.
3 Bawat(A) dakong tuntungan ng talampakan ng inyong paa ay naibigay ko na sa inyo, gaya ng sinabi ko kay Moises.
4 Mula sa ilang at sa Lebanon na ito, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates, sa buong lupain ng mga Heteo, at hanggang sa Malaking Dagat sa dakong nilulubugan ng araw ay magiging inyong nasasakupan.
5 Walang(B) sinumang tao ang magtatagumpay laban sa iyo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; kung paanong ako'y nakasama ni Moises, ako'y makakasama mo rin. Hindi kita iiwan ni pababayaan man.
6 Magpakalakas(C) ka at magpakatapang na mabuti, sapagkat ipapamana mo sa bayang ito ang lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanilang mga ninuno.
7 Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti. Gawin mo ang ayon sa lahat ng kautusang iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay maging matagumpay saan ka man pumunta.
8 Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag aalisin sa iyong bibig, kundi ito ay iyong pagbubulay-bulayan araw at gabi, upang iyong masunod ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo'y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at magtatamo ka ng tagumpay.
9 Hindi ba't inutusan kita? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay; sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon.”
Nag-utos si Josue sa Bayan
10 Nang magkagayo'y nag-utos si Josue sa mga pinuno ng bayan, na sinasabi,
11 “Kayo'y pumasok sa gitna ng kampo at ipag-utos sa mga tao, na sinasabi, ‘Maghanda kayo ng baon sapagkat sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang pumasok at angkinin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.’”
12 Sinabi(D) ni Josue sa mga Rubenita, sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases,
13 “Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na sinasabi, ‘Binibigyan kayo ng lugar ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Diyos, at ibibigay sa inyo ang lupaing ito.’
14 Ang inyong mga asawa, mga bata, at mga hayop ay mananatili sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa kabila ng Jordan; ngunit lahat ng mandirigma ay tatawid na may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid, at tutulungan sila;
15 hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng Panginoon ang inyong mga kapatid na gaya ninyo, at maangkin nila ang lupaing ibinibigay sa kanila ng Panginoon ninyong Diyos. Kung magkagayo'y babalik kayo sa lupain na inyong pag-aari, at inyong aariin, na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa kabila ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw.”
16 At sila'y sumagot kay Josue, na sinasabi, “Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay pupunta kami.
17 Kung paanong pinakinggan namin si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin papakinggan. Sumaiyo nawa ang Panginoon mong Diyos na gaya kay Moises.
18 Sinumang maghihimagsik laban sa iyong utos, at hindi makikinig sa iyong mga salita sa lahat ng iyong iniuutos sa kanya ay ipapapatay; magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti.”
Nagpadala ng Espiya si Josue sa Jerico
2 Si(E) Josue na anak ni Nun ay palihim na nagsugo mula sa Shittim ng dalawang lalaki bilang tiktik, na sinasabi, “Humayo kayo, tingnan ninyo ang lupain, at ang Jerico.” At sila'y humayo at pumasok sa bahay ng isang upahang babae[a] na ang pangalan ay Rahab, at nakituloy doon.
2 At ito'y ibinalita sa hari sa Jerico, na sinasabi, “Tingnan ninyo, may mga lalaki mula sa Israel na pumasok dito ngayong gabi upang siyasatin ang lupain.”
3 Kaya't ang hari ng Jerico ay nagpasugo kay Rahab, na sinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking dumating sa iyo, at pumasok sa iyong bahay. Sila'y naparito upang siyasatin ang buong lupain.”
4 Subalit isinama ng babae ang dalawang lalaki at naikubli na sila. Pagkatapos ay sinabi niya, “Oo, ang mga lalaki ay naparito sa akin, ngunit hindi ko alam kung taga-saan sila.
5 Sa oras ng pagsasara ng pintuang-bayan, nang madilim na, ang mga lalaki ay lumabas at hindi ko alam kung saan sila pumunta. Habulin ninyo sila kaagad, sapagkat aabutan ninyo sila.”
6 Gayunman, kanyang napaakyat na sila sa bubungan, at ikinubli sila sa mga tangkay ng lino na kanyang inilagay na maayos sa bubungan.
7 Hinabol sila ng mga tao sa daang patungo sa Jordan hanggang sa mga tawiran, at pagkalabas ng humabol sa kanila, ay kanilang sinarhan ang pintuan.
8 Bago sila natulog ay kanyang inakyat sila sa bubungan;
9 at sinabi niya sa mga lalaki, “Nalalaman ko na ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupain, at ang pagkatakot sa inyo ay dumating sa amin, at ang lahat ng nanirahan sa lupain ay nanghihina sa harapan ninyo.
10 Sapagkat(F) aming nabalitaan kung paanong tinuyo ng Panginoon ang tubig sa Dagat na Pula sa harapan ninyo, nang kayo'y lumabas sa Ehipto; at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon at kay Og, na inyong lubos na pinuksa.
11 Nang mabalitaan namin iyon ay nanlumo ang aming puso, ni walang tapang na naiwan sa sinumang tao dahil sa inyo, sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba.
12 Kaya't ngayon, sumumpa kayo sa akin sa Panginoon, yamang ako'y nagmagandang-loob sa inyo ay magmagandang-loob naman kayo sa sambahayan ng aking magulang. Bigyan ninyo ako ng tunay na tanda
13 na ililigtas ninyong buháy ang aking ama, ang aking ina, ang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ang lahat nilang ari-arian, at inyong ililigtas ang aming mga buhay sa kamatayan.”
14 At sinabi ng mga lalaki sa kanya, “Ang aming buhay ay sa iyo kung hindi ninyo ihahayag itong aming pakay. Kapag ibinigay sa amin ng Panginoon ang lupain, kami ay magmamagandang-loob at magiging tapat sa inyo.”
15 Nang magkagayo'y kanyang pinababa sila sa pamamagitan ng isang lubid sa bintana, sapagkat ang kanyang bahay ay nasa pader ng bayan, at siya'y nakatira sa pader.
16 Sinabi niya sa kanila, “Pumaroon kayo sa bundok, baka kayo'y abutan ng mga humahabol sa inyo; at kayo'y magkubli roon ng tatlong araw, hanggang sa bumalik ang mga humahabol, at pagkatapos ay makakahayo na kayo ng inyong lakad.”
17 At sinabi ng mga lalaki sa kanya, “Kami ay mapapalaya mula sa sumpang ito, na iyong ipinasumpa sa amin.
18 Kapag kami ay pumasok sa lupain, itatali mo itong panaling pula sa bintana na ginamit mo sa pagpapababa sa amin. Titipunin mo sa loob ng bahay ang iyong ama, ang iyong ina, ang iyong mga kapatid, at ang buong sambahayan ng iyong ama.
19 Kung may sinumang lumabas sa mga lansangan mula sa pintuan ng iyong bahay, sila ang mananagot sa sarili nilang kamatayan, at kami ay magiging walang kasalanan. Ngunit kung may magbuhat ng kamay sa sinumang kasama mo sa bahay, kami ang mananagot sa kanyang kamatayan.
20 Ngunit kung iyong ihayag itong aming pakay ay magiging malaya kami sa sumpa na iyong ipinagawa sa amin.”
21 At kanyang sinabi, “Ayon sa inyong mga salita ay siya nawang mangyari.” At kanyang pinapagpaalam sila at sila'y umalis, at itinali niya ang panaling pula sa bintana.
22 Sila'y umalis at pumaroon sa bundok, at nanatili roon ng tatlong araw, hanggang sa bumalik ang mga humahabol. Hinanap sila ng mga humahabol sa lahat ng daan, ngunit hindi sila natagpuan.
23 Pagkatapos ay bumalik ang dalawang lalaki mula sa bundok. Sila'y tumawid at naparoon kay Josue na anak ni Nun at kanilang isinalaysay sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila.
24 Kanilang sinabi kay Josue, “Tunay na ibinigay ng Panginoon sa ating mga kamay ang buong lupain; at bukod dito'y nanghina sa takot ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harapan natin.”
Tumawid ang Israel sa Jordan
3 Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue at kasama ang lahat ng mga anak ni Israel ay umalis sa Shittim at dumating sa Jordan. Sila'y nagkampo muna doon bago tumawid.
2 Pagkatapos ng tatlong araw, ang mga pinuno ay dumaan sa gitna ng kampo;
3 at iniutos nila sa taong-bayan, na sinasabi, “Kapag nakita ninyo ang kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos na dala ng mga paring Levita, ay aalis kayo sa inyong kinaroroonan. Susundan ninyo iyon
4 upang malaman ninyo ang daan na nararapat ninyong paroonan; sapagkat hindi pa ninyo nadadaanan ang daang ito noong una. Gayunma'y magkakaroon ng agwat sa pagitan ninyo at sa kaban ng may dalawang libong siko ang sukat. Huwag kayong lalapit nang higit na malapit roon.”
5 At sinabi ni Josue sa bayan, “Magpakabanal kayo; sapagkat bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.”
6 At nagsalita si Josue sa mga pari, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan at mauna kayo sa bayan.” At kanilang binuhat ang kaban ng tipan, at nauna sa bayan.
7 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay pasisimulan kong gawing dakila ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala na kung paanong ako'y kasama ni Moises ay gayon ako sa iyo.
8 Iyong uutusan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan ay tumigil kayo sa Jordan.’”
9 Sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, “Lumapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng Panginoon ninyong Diyos.”
10 At sinabi ni Josue, “Sa ganito ay inyong makikilala na ang buháy na Diyos ay kasama ninyo, at walang pagsalang kanyang itataboy sa harapan ninyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo, at ang Jebuseo.
11 Narito ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay mauuna sa inyo sa Jordan.
12 Ngayon ay kumuha kayo ng labindalawang lalaki sa mga lipi ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
13 Kapag ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng Panginoon, ang Panginoon ng buong lupa, ay tumuntong sa tubig ng Jordan, ang tubig ng Jordan ay hihinto sa pag-agos, maging ang tubig na bumababang mula sa itaas; at ang mga ito ay tatayo na isang bunton.”
14 At nangyari nang umalis ang bayan sa kanilang mga tolda upang tumawid sa Jordan, nasa unahan ng bayan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan.
15 Nang dumating sa Jordan ang mga may dala ng kaban, at ang mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ay nabasa sa gilid ng tubig, (sapagkat inaapawan ng Jordan ang lahat nitong pampang sa buong panahon ng pag-aani,)
16 ang tubig na bumababa mula sa itaas ay tumigil, at naging isang bunton na malayo sa Adam, ang bayang nasa tabi ng Zaretan, samantalang ang umaagos tungo sa dagat ng Araba, na Dagat ng Asin ay ganap na nahawi. At ang bayan ay tumawid sa tapat ng Jerico.
17 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ay panatag na tumayo sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan, samantalang ang buong Israel ay dumaan sa tuyong lupa hanggang sa nakatawid sa Jordan ang buong bansa.
Inilagay ang mga Batong Alaala
4 At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng Panginoon kay Josue,
2 “Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi,
3 at iutos ninyo sa kanila, ‘Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.’”
4 Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
5 At sinabi ni Josue sa kanila, “Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng Panginoon ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;
6 upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, ‘Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?’
7 Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman.”
8 Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ni Josue, at pumasan ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag ang mga iyon doon.
9 At si Josue ay nagpasalansan ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, at ang mga iyon ay naroon hanggang sa araw na ito.
10 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos sabihin ni Josue sa bayan ang bawat bagay na iniutos ng Panginoon ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue; at ang bayan ay tumawid na nagmamadali.
11 Nang ganap nang nakatawid ang buong bayan, ang kaban ng Panginoon at ang mga pari ay itinawid sa harapan ng bayan.
12 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, ay tumawid na may sandata sa harapan ng mga anak ni Israel, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila.
13 May apatnapung libo na may sandata sa pakikidigma ang tumawid sa harapan ng Panginoon na patungo sa pakikibaka sa mga kapatagan ng Jerico.
14 Nang araw na iyon ay dinakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y gumalang sa kanya, gaya ng kanilang paggalang kay Moises sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
15 Ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,
16 “Iutos mo sa mga pari na nagdadala ng kaban ng patotoo na sila'y umahon mula sa Jordan.”
17 Kaya't nag-utos si Josue sa mga pari, “Umahon kayo mula sa Jordan.”
18 Nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang tumuntong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari, ang tubig ng Jordan ay bumalik sa kanilang lugar at umapaw sa pampang na gaya ng dati.
19 Ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasampung araw ng unang buwan, at humimpil sa Gilgal, sa hangganang silangan ng Jerico.
20 Ang labindalawang bato na kanilang kinuha sa Jordan ay isinalansan ni Josue sa Gilgal.
21 At siya'y nagsalita sa mga anak ni Israel, “Kapag itinanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, ‘Anong kahulugan ng mga batong ito?’
22 Inyo ngang ipapaalam sa mga anak ninyo, na sinasabi, ‘Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.’
23 Sapagkat tinuyo ng Panginoon ninyong Diyos ang tubig ng Jordan sa harapan ninyo, hanggang sa kayo'y nakatawid, gaya ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa Dagat na Pula, na kanyang tinuyo para sa amin hanggang sa kami ay nakatawid;
24 upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa na makapangyarihan ang kamay ng Panginoon, upang sila'y matakot sa Panginoon ninyong Diyos magpakailanman.
5 Nang mabalitaan ng lahat ng mga hari ng mga Amoreo na nasa kabila ng Jordan sa dakong kanluran, at ng lahat ng mga hari ng mga Cananeo na nasa tabing dagat, kung paanong pinatuyo ng Panginoon ang tubig ng Jordan sa harapan ng mga anak ni Israel, hanggang sa sila ay nakatawid, nanlumo ang kanilang puso, at sila'y nasiraan ng loob dahil sa mga anak ni Israel.
Ang Pagtutuli sa Gilgal
2 Nang panahong iyon ay sinabi ng Panginoon kay Josue, “Gumawa ka ng mga patalim na yari sa batong kiskisan at muli mong tuliin sa ikalawang pagkakataon ang mga anak ni Israel.”
3 Kaya't gumawa si Josue ng mga patalim na yari sa batong kiskisan, at tinuli ang mga anak ni Israel sa Gibeat-haaralot.[b]
4 Ito ang dahilan kung bakit tinuli sila ni Josue: ang lahat ng mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, samakatuwid ay ang lahat na lalaking mandirigma na namatay sa ilang sa daan, pagkatapos na sila'y makalabas mula sa Ehipto.
5 Bagama't ang buong bayan na lumabas ay mga tuli, ang buong bayan na ipinanganak sa ilang sa daan pagkalabas sa Ehipto ay hindi natuli.
6 Sapagkat(G) ang mga anak ni Israel ay lumakad na apatnapung taon sa ilang, hanggang sa ang buong bansa, samakatuwid, ang mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, ay nalipol, sapagkat hindi nila dininig ang tinig ng Panginoon. Sa kanila'y isinumpa ng Panginoon na hindi niya ipapakita ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa atin, ang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
7 Kaya't tinuli ni Josue ang kanilang mga anak na ipinanganak na kahalili nila, sapagkat hindi sila tuli, yamang hindi sila tinuli sa daan.
8 Nang kanilang matuli na ang buong bansa, nanatili sila sa kanilang mga lugar sa kampo hanggang sa sila'y gumaling.
9 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay iginulong ko palayo sa inyo ang kahihiyan ng Ehipto.” Kaya't ang pangalan ng lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[c] hanggang sa araw na ito.
10 Habang(H) ang mga anak ni Israel ay nagkakampo sa Gilgal ay kanilang isinagawa ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico.
11 Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa, nang araw ding iyon, kanilang kinain ang bunga ng lupain, ang mga tinapay na walang pampaalsa at ang sinangag na trigo.
12 At(I) ang manna ay huminto kinabukasan, pagkatapos na sila'y makakain ng bunga ng lupain; at hindi na nagkaroon pa ng manna ang mga anak ni Israel kundi kanilang kinain ang bunga ng lupain ng Canaan ng taong iyon.
Si Josue at ang Lalaking may Tabak
13 Nang si Josue ay nasa may Jerico, kanyang itinaas ang kanyang paningin at nakita niyang nakatayo ang isang lalaki sa tapat niya na may tabak sa kanyang kamay. Lumapit sa kanya si Josue at sinabi sa kanya, “Ikaw ba'y sa panig namin o sa aming mga kaaway?”
14 At kanyang sinabi, “Hindi; ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ng Panginoon.” At si Josue ay sumubsob sa lupa at sumamba, at sinabi sa kanya, “Anong ipinag-uutos ng aking panginoon sa kanyang lingkod?”
15 Sumagot ang pinuno ng hukbo ng Panginoon kay Josue, “Hubarin mo ang panyapak sa iyong paa, sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal.” At gayon ang ginawa ni Josue.
Sinakop ang Jerico
6 Ang Jerico nga ay ganap na nakasara dahil sa mga anak ni Israel, walang nakakalabas at walang nakakapasok.
2 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyong kamay ang Jerico, ang hari nito at ang mga mandirigma.
3 Lilibutin ninyo ang buong lunsod, lahat ng mga lalaking mandirigma ay liligid na minsan sa lunsod. Gagawin ninyo ito sa loob ng anim na araw.
4 Ang pitong pari ay magdadala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban; at sa ikapitong araw ay inyong paliligiran ng pitong ulit ang bayan at hihipan ng mga pari ang mga tambuli.
5 Kapag hinipan na nila nang matagal ang sungay ng tupa, at kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli ay sisigaw nang malakas ang buong bayan. Ang pader ng lunsod ay guguho at ang buong bayan ay tuluy-tuloy na sasalakay.”
6 Kaya't tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa kanila, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan; pitong pari ang magdala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.”
7 At kanyang sinabi sa bayan, “Sumulong kayo at lumakad sa palibot ng lunsod; at palakarin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.”
8 Nang makapagsalita na si Josue sa bayan, ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa harapan ng Panginoon ay lumakad na pasulong at hinipan ang mga tambuli; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumunod sa kanila.
9 Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa mga pari na humihihip ng mga tambuli, at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban, habang ang mga tambuli ay patuloy na hinihipan.
10 At iniutos ni Josue sa bayan, “Huwag kayong sisigaw, ni maririnig ang inyong tinig, ni magsasalita ng anumang salita hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y sumigaw; at saka lamang kayo sisigaw.”
11 Kaya't kanyang inilibot na minsan sa lunsod ang kaban ng Panginoon. Sila'y pumasok sa kampo at nagpalipas ng gabi doon.
12 Kinaumagahan, si Josue ay bumangong maaga, at binuhat ng mga pari ang kaban ng Panginoon.
13 Ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa ay lumakad na pasulong sa unahan ng kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli. Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa kanila; at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli.
14 Sa ikalawang araw ay minsan silang lumakad sa palibot ng lunsod at bumalik sila sa kampo. Gayon ang kanilang ginawa sa loob ng anim na araw.
15 At nangyari, nang ikapitong araw nang mag-uumaga na, sila'y maagang bumangon at pitong ulit silang lumakad sa palibot ng lunsod sa gayunding paraan. Nang araw lamang na iyon sila lumakad ng pitong ulit sa palibot ng lunsod.
16 Sa ikapitong ulit, nang hipan ng mga pari ang mga tambuli ay sinabi ni Josue sa bayan, “Sumigaw kayo; sapagkat ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang lunsod.
17 Ang lunsod pati ang lahat na naroroon ay itatalaga sa Panginoon sa pagkawasak. Tanging si Rahab na upahang babae, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay ang mananatiling buháy sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ating isinugo.
18 Ngunit kayo, layuan ninyo ang mga itinalagang bagay; baka kapag naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo ng anuman sa itinalagang bagay. Sa gayo'y susumpain dahil sa inyo ang kampo ng Israel, at magkakaroon ng kaguluhan.
19 Ngunit lahat ng pilak, ginto, mga sisidlang tanso at bakal ay banal sa Panginoon; ang mga ito ay ipapasok sa kabang-yaman ng Panginoon.”
20 Kaya't(J) sumigaw ang bayan, at hinipan ang mga tambuli. Nang marinig ng bayan ang tunog ng tambuli, ang bayan ay sumigaw ng napakalakas. Ang pader ay gumuho, kaya't ang bayan ay lumusob sa lunsod, ang bawat lalaki ay tuluy-tuloy na pumasok at kanilang sinakop ang lunsod.
21 Kanilang lubos na pinuksa ng talim ng tabak ang lahat ng nasa lunsod, maging lalaki at babae, ang bata at matanda, ang baka, tupa, at asno.
22 At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking naniktik sa lupain, “Pumasok kayo sa bahay ng upahang babae at ilabas ninyo roon ang babae at ang lahat niyang ari-arian gaya ng inyong ipinangako sa kanya.”
23 Kaya't ang mga binatang espiya ay pumasok at inilabas si Rahab, ang kanyang ama, ina, mga kapatid, at lahat ng kanyang ari-arian. Ang lahat niyang kamag-anak ay kanila ring inilabas at sila ay inilagay sa labas ng kampo ng Israel.
24 At kanilang sinunog ng apoy ang lunsod at ang lahat na naroroon; tanging ang pilak at ginto, mga sisidlang tanso at bakal ang kanilang ipinasok sa kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.
25 Ngunit(K) si Rahab na upahang babae, ang sambahayan ng kanyang ama, at ang lahat niyang ari-arian ay iniligtas ni Josue. Siya'y nanirahang kasama ng Israel hanggang sa araw na ito, sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ipinadala ni Josue upang maniktik sa Jerico.
26 Sumumpa(L) si Josue ng sumpa sa kanila nang panahong iyon, na sinasabi, “Sumpain sa harapan ng Panginoon ang taong magbabangon at muling magtatayo nitong lunsod ng Jerico. Sa halaga ng kanyang panganay ay ilalagay niya ang saligan nito at sa halaga ng kanyang bunsong lalaki ay itatayo niya ang mga pintuan nito.”
27 Kaya't ang Panginoon ay naging kasama ni Josue; at ang kanyang kabantugan ay lumaganap sa buong lupain.
Ang Kasalanan ni Acan
7 Ngunit ang mga anak ni Israel ay lumabag tungkol sa mga itinalagang bagay: si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda ay kumuha sa itinalagang bagay, at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa mga anak ni Israel.
2 Si Josue ay nagsugo ng mga lalaki mula sa Jerico patungo sa Ai na malapit sa Bet-haven, sa gawing silangan ng Bethel, at sinabi sa kanila, “Umahon kayo at tiktikan ninyo ang lupain.” At ang mga lalaki ay humayo at tiniktikan ang Ai.
3 At sila'y bumalik kay Josue at sinabi sa kanya, “Huwag mo nang paahunin ang buong bayan, kundi paahunin lamang ang dalawa o tatlong libong lalaki at salakayin ang Ai; huwag mo nang pagurin ang buong bayan, sapagkat sila'y kakaunti.”
4 Kaya't umahon mula sa bayan ang may tatlong libong lalaki; at sila'y nagtakbuhan sa harapan ng mga lalaki sa Ai.
5 Ang napatay sa kanila ng mga lalaki sa Ai ay may tatlumpu't anim na lalaki; at kanilang hinabol sila mula sa harapan ng pintuang-bayan hanggang sa Sebarim, at pinatay sila sa dakong pababa. At ang mga puso ng taong-bayan ay nanlumo at naging parang tubig.
6 Pagkatapos ay pinunit ni Josue ang kanyang mga suot, at nagpatirapa sa lupa sa harapan ng kaban ng Panginoon hanggang sa kinahapunan, siya at ang matatanda ng Israel; at nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo.
7 At sinabi ni Josue, “O Panginoong Diyos, bakit mo pa pinatawid ang bayang ito sa Jordan upang ibigay lamang kami at puksain ng kamay ng mga Amoreo? Sana'y nasiyahan na kaming nanirahan sa kabila ng Jordan!
8 O Panginoon, ano ang aking masasabi pagkatapos na ang Israel ay tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway!
9 Sapagkat mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng lahat na naninirahan sa lupain, at kami ay kukubkubin at tatanggalin ang aming pangalan sa lupa; at ano ang gagawin mo sa iyong dakilang pangalan?”
10 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tumayo ka; bakit ka nagpapatirapa ng ganito?
11 Ang Israel ay nagkasala at kanilang nilabag ang tipan na aking iniutos sa kanila. Sila'y kumuha sa mga itinalagang bagay, sila'y nagnakaw, nagsinungaling at inilagay ang mga iyon sa kanilang sariling dala-dalahan.
12 Kaya't ang mga anak ni Israel ay hindi makakatagal sa harapan ng kanilang mga kaaway; sila'y tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway sapagkat sila'y naging bagay para sa pagkawasak. Ako'y hindi na sasama sa inyo, malibang puksain ninyo ang mga itinalagang bagay sa gitna ninyo.
13 Tumayo ka, pakabanalin mo ang bayan, at sabihin mo, ‘Magpakabanal kayo sa kinabukasan; sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, “May mga itinalagang bagay sa gitna mo, O Israel. Ikaw ay hindi makakatagal sa harapan ng iyong mga kaaway, hanggang sa inyong alisin ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.”
14 Sa kinaumagahan ay lalapit kayo ayon sa inyong mga lipi. Ang lipi na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga angkan, at ang angkan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga sambahayan, at ang sambahayan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit, bawat lalaki.
15 Ang makunan ng itinalagang bagay ay susunugin sa apoy, siya at ang lahat niyang ari-arian, sapagkat kanyang sinuway ang tipan ng Panginoon, at sapagkat siya'y gumawa ng kahihiyan sa Israel.’”
16 Kinaumagahan maagang bumangon si Josue, at inilapit ang Israel ayon sa kanilang mga lipi, at ang lipi ni Juda ay napili.
17 Kanyang inilapit ang angkan ni Juda at napili ang angkan ng mga Zeraita. Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa angkan ng mga Zeraita, at si Zabdi ay napili.
18 Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa kanyang sambahayan at si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda, ay napili.
19 At sinabi ni Josue kay Acan, “Anak ko, luwalhatiin mo ang Panginoong Diyos ng Israel, at magtapat ka sa kanya. Sabihin mo sa akin ngayon kung ano ang iyong ginawa; huwag mong ilihim iyon sa akin.”
20 Sumagot si Acan kay Josue, “Sa katotohanan ay nagkasala ako laban sa Panginoong Diyos ng Israel, at ganito ang aking ginawa.
21 Nang aking makita sa mga sinamsam ang isang magandang balabal na mula sa Shinar, ang dalawang daang siklong pilak, at ang isang barang ginto na limampung siklo ang timbang ay akin ngang ninasa, at kinuha. Ang mga iyon ay nakabaon sa lupa sa gitna ng aking tolda at ang pilak ay nasa ilalim niyon.”
22 Kaya't nagpadala si Josue ng mga sugo at kanilang tinakbo ang tolda at nakitang iyon ay nakatago sa kanyang tolda, at ang pilak ay nasa ilalim niyon.
23 Kanilang kinuha ang mga iyon palabas ng tolda at dinala kay Josue, at sa lahat ng mga anak ni Israel; at kanilang inilapag ang mga iyon sa harapan ng Panginoon.
24 Kinuha ni Josue at ng buong Israel na kasama niya si Acan na anak ni Zera, at ang pilak, balabal, barang ginto, ang kanyang mga anak na lalaki at babae, ang kanyang mga baka, mga asno, mga tupa, ang kanyang tolda, at ang lahat niyang ari-arian, at kanilang dinala sila sa libis ng Acor.
25 At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami dinalhan ng kaguluhan? Dinadalhan ka ng Panginoon ng kaguluhan sa araw na ito.” At pinagbabato siya ng mga bato ng buong Israel at kanilang sinunog sila sa apoy.
26 Kanilang binuntunan siya ng mataas na bunton ng mga bato hanggang sa araw na ito; at ang Panginoon ay tumalikod sa bangis ng kanyang galit. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Acor,[d] hanggang sa araw na ito.
Sinakop at Winasak ang Ai
8 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot, ni manlumo; isama mo ang lahat ng lalaking mandirigma. Umahon ka ngayon sa Ai. Tingnan mo, ibinigay ko sa iyong kamay ang hari ng Ai, ang kanyang sambahayan, ang kanyang lunsod, at ang kanyang lupain.
2 Iyong gagawin sa Ai at sa kanyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa hari niyon; tanging ang samsam at ang mga hayop nila ang iyong kukunin bilang samsam ninyo; tambangan mo ang bayan sa likuran.”
3 Kaya't humanda si Josue at ang lahat ng lalaking mandirigma upang umahon sa Ai. Pumili si Josue ng tatlumpung libong lalaking matatapang na mandirigma at sinugo sila kinagabihan.
4 At iniutos niya sa kanila, “Narito, tambangan ninyo ang lunsod sa likuran; huwag kayong masyadong lalayo sa lunsod kundi manatili kayong nakahanda.
5 Ako at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa lunsod. Kapag sila'y lumabas laban sa amin gaya ng una ay tatakbuhan namin sila sa harap nila,
6 at sila'y lalabas upang kami ay habulin hanggang sa aming mailayo sila sa lunsod, sapagkat kanilang sasabihin, ‘Sila'y tumatakas sa harap natin na gaya ng una; kaya't tatakbuhan namin sila sa harap nila.
7 Pagkatapos, mula sa pananambang ay inyong sasakupin ang lunsod, sapagkat ibibigay ito ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.
8 Kapag inyong nasakop ang lunsod ay inyong sisilaban ng apoy ang lunsod at gagawin ang ayon sa iniutos ng Panginoon. Narito, inuutusan ko kayo.”
9 Sila'y pinahayo ni Josue at sila'y pumunta sa dakong pagtatambangan at lumagay sa pagitan ng Bethel at ng Ai sa gawing kanluran ng Ai. Samantalang si Josue ay tumigil nang gabing iyon na kasama ng bayan.
10 Kinaumagahan, si Josue ay maagang bumangon at tinipon ang mga tao, at umahon patungo sa Ai kasama ang mga matanda ng Israel sa unahan ng bayan.
11 Ang buong bayan at ang lahat ng lalaking mandirigmang kasama niya ay umahon at lumapit sa harapan ng lunsod at nagkampo sa dakong hilaga ng Ai. Mayroong isang libis sa pagitan niya at ng Ai.
12 Kumuha siya ng may limang libong lalaki at sila'y inilagay niyang panambang sa pagitan ng Bethel at ng Ai, sa dakong kanluran ng lunsod.
13 Kaya't inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilaga ng lunsod, at ang kanilang mga panambang sa kanluran ng lunsod. Ngunit pinalipas ni Josue ang gabing iyon sa libis.
14 Nang ito ay makita ng hari ng Ai, siya at ang kanyang buong bayan, at ang mga lalaki sa lunsod ay nagmamadaling lumabas upang labanan ang Israel sa itinakdang lugar sa harapan ng Araba. Ngunit hindi niya nalalaman na may mananambang laban sa kanya sa likuran ng lunsod.
15 Si Josue at ang buong Israel ay nagkunwaring nadaig sa harapan nila, at tumakbo sila patungo sa ilang.
16 Kaya't ang lahat ng mga tao na nasa loob ng lunsod ay tinawag upang habulin sila, at habang kanilang hinahabol sina Josue, sila ay napapalayo sa lunsod.
17 Walang lalaking naiwan sa Ai o sa Bethel na hindi lumabas upang habulin ang Israel. Kanilang iniwang bukas ang lunsod at hinabol ang Israel.
18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Itaas mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Ai sapagkat ibibigay ko iyon sa iyong kamay.” At itinaas ni Josue ang sibat na nasa kanyang kamay sa gawi ng lunsod.
19 Pagkaunat niya ng kanyang kamay, ang mga mananambang ay mabilis na tumayo sa kanilang kinalalagyan, at sila'y tumakbo at pumasok sa bayan at sinakop ito; at nagmamadali nilang sinunog ang lunsod.
20 Nang lumingon ang mga lalaki ng Ai sa likuran nila ay kanilang nakita na ang usok ng lunsod ay pumapailanglang sa langit. Wala silang kapangyarihan na makatakas sa daang ito o sa daang iyon; sapagkat ang bayan na tumakas patungo sa ilang ay bumaling sa mga humahabol.
21 Nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng mananambang ang lunsod at ang usok ng lunsod ay pumailanglang, sila ay muling bumalik at pinatay ang mga lalaki ng Ai.
22 Ang iba'y lumabas sa lunsod laban sa kanila, kaya't sila'y nasa gitna ng Israel, na ang iba'y sa dakong ito, at ang iba'y sa dakong iyon. Pinatay sila ng Israel, at hindi nila hinayaang sila'y mabuhay o makatakas.
23 Ngunit ang hari ng Ai ay hinuli nilang buháy at dinala kay Josue.
24 Pagkatapos mapatay ng Israel ang lahat ng mga naninirahan sa Ai, sa ilang na doon ay hinabol at nabuwal silang lahat sa pamamagitan ng talim ng tabak, ay bumalik ang buong Israel sa Ai at nilipol ito ng talim ng tabak.
25 Ang lahat ng nabuwal nang araw na iyon sa mga mamamayan ng Ai, maging lalaki o babae ay labindalawang libo.
26 Sapagkat hindi iniurong ni Josue ang kanyang kamay kundi ginamit ang sibat hanggang sa kanyang lubos na mapuksa ang lahat ng mga taga-Ai.
27 Tanging ang hayop at ang samsam sa lunsod na iyon ang kinuha ng Israel bilang samsam, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang iniutos kay Josue.
28 Kaya't sinunog ni Josue ang Ai, at ginawang isang bunton ng pagkawasak na naroon hanggang sa araw na ito.
29 At binitay niya ang hari ng Ai sa isang punungkahoy nang kinahapunan. Sa paglubog ng araw ay iniutos ni Josue na ibaba nila ang kanyang bangkay sa punungkahoy at ihagis sa pasukan ng pintuan ng lunsod. Iyon ay tinabunan ng malaking bunton ng mga bato na naroon hanggang sa araw na ito.
Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal
30 Pagkatapos(M) ay nagtayo si Josue sa bundok ng Ebal ng isang dambana para sa Panginoong Diyos ng Israel,
31 gaya(N) ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambanang mula sa hindi tinapyasang mga bato at hindi ginamitan ng kagamitang bakal ng sinumang tao. Doon ay naghandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog, at nag-alay ng mga handog pangkapayapaan.
32 Sumulat siya sa mga bato ng isang sipi ng kautusan ni Moises na kanyang sinulat sa harapan ng mga anak ni Israel.
33 At(O) ang buong Israel, maging dayuhan o katutubong mamamayan kasama ang kanilang matatanda at mga pinuno at ang kanilang mga hukom, ay tumayo sa magkabilang panig ng kaban at sa harapan ng mga paring Levita, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon. Ang kalahati sa kanila ay sa harapan ng bundok Gerizim at ang kalahati ay sa harapan ng bundok Ebal; gaya ng iniutos nang una ni Moises na lingkod ng Panginoon na kanilang basbasan ang bayan ng Israel.
34 Pagkatapos ay kanyang binasa ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan.
35 Walang salita sa lahat ng iniutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, sa mga babae, mga bata, at mga dayuhang naninirahang kasama nila.
Nilinlang ng mga Gibeonita si Josue
9 Nang mabalitaan ito ng lahat ng haring nasa kabila ng Jordan sa lupaing maburol at sa mga kapatagan, at sa lahat ng baybayin ng Malaking Dagat sa tapat ng Lebanon: ang mga Heteo, mga Amoreo, mga Cananeo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo—
2 sila ay nagkaisang magtipon upang labanan si Josue at ang Israel.
3 Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai,
4 sila ay kumilos na may katusuhan. Sila ay umalis at naghanda ng mga baon, at nagpasan ng mga lumang sako sa kanilang mga asno at mga sisidlang balat ng alak na luma, punit at tinahi-tahi,
5 at mga tagpi-tagping sandalyas sa kanilang mga paa, at ng mga lumang bihisan na suot nila; at ang lahat ng tinapay na kanilang baon ay tuyo at inaamag.
6 Sila'y pumunta kay Josue sa kampo sa Gilgal, at sinabi sa kanya at sa mga Israelita, “Kami ay mula sa malayong lupain, ngayon nga'y makipagtipan kayo sa amin.”
7 Ngunit sinabi(P) ng mga Israelita sa mga Heveo, “Marahil kayo'y naninirahang kasama namin; paano kami makikipagtipan sa inyo?”
8 At kanilang sinabi kay Josue, “Kami ay iyong mga lingkod.” Sinabi naman ni Josue sa kanila, “Sino kayo at saan kayo galing?”
9 Sinabi nila sa kanya, “Mula sa napakalayong lupain ay dumating ang iyong mga lingkod dahil sa pangalan ng Panginoon mong Diyos, sapagkat aming nabalitaan ang kabantugan niya, at ang lahat niyang ginawa sa Ehipto,
10 at(Q) lahat ng kanyang ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon na hari ng Hesbon, at kay Og na hari ng Basan, na nasa Astarot.
11 Ang aming matatanda at ang lahat ng mamamayan sa aming lupain ay nagsalita sa amin, ‘Magbaon kayo sa inyong kamay para sa paglalakbay, at humayo kayo upang salubungin sila, at inyong sabihin sa kanila, “Kami ay inyong mga lingkod, at ngayo'y makipagtipan kayo sa amin.”’
12 Itong aming tinapay ay kinuha naming mainit pa bilang baon namin mula sa aming mga bahay nang araw na kami ay lumabas na patungo sa inyo. Ngunit ngayon, ito ay tuyo at inaamag;
13 at itong mga sisidlang balat ng alak ay bago nang aming punuin ang mga ito, Ngunit ngayon ay mga punit na, at itong aming mga bihisan at aming mga sandalyas ay naluma dahil sa napakalayong paglalakbay.
14 Kinuha ng mga tao sa Israel ang kanilang baon, at hindi humingi ng payo sa Panginoon.
15 Si Josue ay nakipagpayapaan sa kanila at nakipagtipan sa kanila, at hinayaan silang mabuhay; at ang mga pinuno ng kapulungan ay sumumpa sa kanila.
16 Sa katapusan ng tatlong araw, pagkatapos na sila'y makapagtipan sa kanila, kanilang nabalitaan na sila'y kanilang kalapit bayan, at sila'y naninirahang kasama nila.
17 Kaya't ang anak ni Israel ay naglakbay at dumating sa kanilang mga bayan sa ikatlong araw. Ang kanila ngang mga bayan ay Gibeon, Cefira, Beerot, at Kiryat-jearim.
18 Hindi sila sinaktan ng mga anak ni Israel, sapagkat ang mga pinuno ng kapulungan ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel. At ang buong kapulungan ay nagbulung-bulungan laban sa mga pinuno.
19 Ngunit sinabi ng lahat ng mga pinuno sa buong kapulungan, “Kami ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel; kaya't hindi natin sila magagalaw.
20 Ito ang ating gagawin sa kanila: hahayaan natin silang mabuhay upang ang poot ay huwag mapasaatin dahil sa sumpa na ating isinumpa sa kanila.”
21 Sinabi ng mga pinuno sa kanila, “Hayaan silang mabuhay.” Kaya't sila'y naging tagaputol ng kahoy at tagasalok ng tubig para sa buong kapulungan gaya nang sinabi ng mga pinuno sa kanila.
22 Ipinatawag sila ni Josue at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo kami dinaya sa pagsasabing, ‘Kami ay napakalayo sa inyo;’ samantalang sa katotohanan ay naninirahan kayong kasama namin?
23 Ngayon nga'y sumpain kayo, at ang ilan sa inyo ay laging magiging mga alipin, mga tagaputol ng kahoy at tagasalok ng tubig para sa bahay ng aking Diyos.”
24 At sila'y sumagot kay Josue, “Sapagkat tunay na naisalaysay sa iyong mga lingkod, kung paanong iniutos ng Panginoon ninyong Diyos kay Moises na kanyang lingkod na ibibigay sa inyo ang buong lupain, at inyong pupuksain ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harapan ninyo; kaya't natakot kaming mainam para sa aming buhay dahil sa inyo, at aming ginawa ang bagay na ito.
25 Kami ay nasa iyong kamay; kung ano ang inaakala mong mabuti at matuwid na gawin sa amin ay gawin mo.”
26 Gayon ang ginawa niya sa kanila at kanyang iniligtas sila sa kamay ng mga anak ni Israel, at sila'y hindi nila pinatay.
27 Ngunit nang araw na iyon ay ginawa sila ni Josue na mga tagaputol ng kahoy at mga tagasalok ng tubig para sa kapulungan at sa dambana ng Panginoon sa dakong kanyang pipiliin hanggang sa araw na ito.
Ang mga Amoreo ay Natalo
10 Nang mabalitaan ni Adonizedek na hari ng Jerusalem kung paanong nasakop ni Josue ang Ai at ganap itong winasak (gaya ng kanyang ginawa sa Jerico at sa hari niyon, gayundin ang kanyang ginawa sa Ai at sa hari niyon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga-Gibeon, at naging kasama nila;
2 sila ay masyadong natakot sapagkat ang Gibeon ay malaking lunsod na gaya ng isa sa mga lunsod ng hari, at sapagkat higit na malaki kaysa Ai, at ang lahat ng lalaki roon ay makapangyarihan.
3 Kaya't si Adonizedek na hari ng Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari ng Hebron, at kay Piram na hari ng Jarmut, at kay Jafia na hari ng Lakish, at kay Debir na hari ng Eglon na ipinasasabi,
4 “Pumarito kayo at tulungan ninyo ako, at patayin natin ang Gibeon, sapagkat ito ay nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.”
5 Kaya't tinipon ng limang hari ng mga Amoreo, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon ang kanilang hukbo at nagkampo laban sa Gibeon, at nakipagdigma laban dito.
6 At ang mga tao sa Gibeon ay nagpasugo kay Josue sa kampo sa Gilgal, na sinasabi, “Huwag mong iwan ang iyong mga lingkod. Pumarito ka agad sa amin, iligtas at tulungan mo kami, sapagkat ang lahat ng mga hari ng mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol ay nagtipon laban sa amin.”
7 Kaya't umahon si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pandigma na kasama niya, at ang lahat ng mga matatapang na mandirigma.
8 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag mo silang katakutan sapagkat ibinigay ko sila sa iyong mga kamay; walang lalaki sa kanila na makakatayo laban sa iyo.”
9 Kaya't si Josue ay biglang dumating sa kanila; siya'y umahon mula sa Gilgal sa buong magdamag.
10 Nilito sila ng Panginoon sa harapan ng Israel, at kanyang pinatay sila sa isang kakilakilabot na patayan sa Gibeon, at kanyang hinabol sila sa daang paahon sa Bet-horon at tinugis sila hanggang sa Azeka at sa Makeda.
11 Habang tumatakas sa harapan ng Israel samantalang sila'y pababa sa Bet-horon ay binagsakan sila ng Panginoon sa Azeka ng malalaking bato mula sa langit at sila'y namatay. Higit na marami ang namatay sa pamamagitan ng mga batong granizo kaysa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.
12 Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa Panginoon nang araw na ibinigay ng Panginoon ang mga Amoreo sa harapan ng mga anak ni Israel; at kanyang sinabi sa paningin ng Israel,
“Araw, tumigil ka sa Gibeon;
at ikaw, Buwan, sa libis ng Aijalon.”
13 At(R) ang araw ay tumigil at ang buwan ay huminto,
hanggang sa ang bansa ay nakapaghiganti sa kanyang mga kaaway.
Hindi ba ito'y nakasulat sa aklat ni Jaser? Ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.
14 At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyon bago noon o pagkatapos noon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng isang tao; sapagkat ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.
15 At bumalik si Josue kasama ang buong Israel sa kampo sa Gilgal.
Nagapi ni Josue ang Limang Hari
16 Samantala, ang limang haring ito ay tumakas at nagtago sa yungib sa Makeda.
17 At ibinalita kay Josue, “Ang limang hari ay natagpuang nagtatago sa yungib sa Makeda.”
18 Sinabi ni Josue, “Magpagulong kayo ng malalaking bato sa bunganga ng yungib, at maglagay kayo ng mga lalaki roon upang magbantay sa kanila.
19 Ngunit huwag kayong magsitigil; habulin ninyo ang inyong mga kaaway at tugisin ang kahuli-hulihan sa kanila. Huwag ninyong hayaang makapasok sila sa kanilang mga lunsod sapagkat ibinigay sila ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.”
20 Pagkatapos silang patayin ni Josue at ng mga anak ni Israel sa isang kakilakilabot na patayan hanggang sa nalipol at ang nalabi sa kanila ay pumasok sa mga may pader na lunsod,
21 ang buong bayan ay bumalik na ligtas kay Josue sa kampo ng Makeda; walang sinumang nangahas magsalita laban sa sinumang Israelita.
22 Kaya't sinabi ni Josue, “Inyong buksan ang bunganga ng yungib at dalhin ninyo sa akin ang limang haring nasa yungib.”
23 Gayon ang kanilang ginawa at inilabas ang limang hari mula sa yungib, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon.
24 Nang kanilang mailabas ang mga haring iyon kay Josue, ipinatawag ni Josue ang lahat ng lalaki sa Israel at sinabi sa mga pinuno ng mga lalaking mandirigma na sumama sa kanya, “Lumapit kayo, ilagay ninyo ang inyong mga paa sa mga leeg ng mga haring ito.” At sila'y lumapit at inilagay ang kanilang mga paa sa kanilang mga leeg.
25 At sinabi ni Josue sa kanila, “Huwag kayong matakot ni mabagabag; kayo'y magpakalakas at magpakatapang, sapagkat ganito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ninyong mga kaaway na inyong nilalabanan.”
26 Pagkatapos ay pinatay sila ni Josue at ibinitin sila sa limang punungkahoy. Sila'y ibinitin sa mga punungkahoy hanggang sa kinahapunan.
27 Ngunit sa paglubog ng araw, si Josue ay nag-utos at kanilang ibinaba sila sa mga punungkahoy, at kanilang itinapon sa yungib na kanilang pinagtaguan, at kanilang nilagyan ng malalaking bato ang bunganga ng yungib na nananatili hanggang sa araw na ito.
28 Sinakop ni Josue ang Makeda nang araw na iyon, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang hari niyon. Kanyang lubos na nilipol ang lahat ng tao na naroon; wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari ng Makeda ang gaya ng kanyang ginawa sa hari ng Jerico.
29 Si Josue ay dumaan mula sa Makeda, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Libna, at nilabanan ang Libna.
30 Ibinigay rin ng Panginoon, pati ang hari niyon sa kamay ng Israel; at kanyang pinatay ng talim ng tabak ang bawat taong naroon. Wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari niyon ang gaya ng kanyang ginawa sa hari sa Jerico.
31 At dumaan si Josue mula sa Libna, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Lakish, at nagkampo laban doon, at lumaban doon.
32 Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa kamay ng Israel at kanyang sinakop sa ikalawang araw. Lahat ng mga taong naroroon ay kanyang pinatay ng talim ng tabak, gaya ng kanyang ginawa sa Libna.
33 Pagkatapos ay umahon si Horam na hari sa Gezer upang tulungan ang Lakish. Siya at ang kanyang bayan ay pinatay ni Josue, hanggang sa siya'y walang iniwang may buhay.
34 Dumaan si Josue mula sa Lakish, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Eglon; at sila'y nagkampo at nakipaglaban doon.
35 Kanilang sinakop iyon nang araw na iyon at pinatay ng talim ng tabak, at ang lahat na taong naroon, gaya ng kanyang ginawa sa Lakish.
36 At umahon si Josue at ang buong Israel mula sa Eglon hanggang sa Hebron; at sila'y nakipaglaban doon.
37 At kanilang sinakop at pinatay ng talim ng tabak ang hari niyon, ang lahat ng mga lunsod niyon, at ang lahat ng taong naroon. Wala siyang itinira gaya ng kanyang ginawa sa Eglon; kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon.
38 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa Debir at nakipaglaban doon.
39 At kanyang sinakop ito at ang hari niyon, at ang lahat ng mga bayan niyon; at kanilang pinatay ng talim ng tabak at lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon; wala siyang iniwang nalabi; kung paano ang kanyang ginawa sa Hebron, ay gayon ang kanyang ginawa sa Debir, at sa hari nito; gaya nang kanyang ginawa sa Libna at sa hari nito.
40 Ganito ginapi ni Josue ang buong lupain, ang lupaing maburol, at ang Negeb,[e] at ang mababang lupain, at ang mga libis, at ang lahat ng mga hari niyon. Wala siyang itinira, kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat na humihinga, gaya ng iniutos ng Panginoong Diyos ng Israel.
41 At ginapi sila ni Josue mula sa Kadesh-barnea hanggang sa Gaza, at ang buong lupain ng Goshen, hanggang sa Gibeon.
42 At ang lahat ng mga haring ito at ang kanilang lupain ay sinakop ni Josue sa isang panahon sapagkat ang Israel ay ipinaglaban ng Panginoong Diyos ng Israel.
43 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa kampo sa Gilgal.
Tinalo ni Josue si Jabin at Kanyang mga Kasama
11 Nang mabalitaan ito ni Jabin na hari sa Hazor, siya'y nagpasugo kay Jobab na hari sa Madon, at sa hari sa Simron, at sa hari sa Acsaf,
2 at sa mga hari na nasa hilaga, sa lupaing maburol, at sa Araba sa timog ng Cinerot at sa mababang lupain, at sa mga kaitaasan ng Dor sa kanluran,
3 sa Cananeo sa silangan at kanluran, sa Amoreo, sa Heteo, sa Perezeo, sa Jebuseo sa lupaing maburol, at sa Heveo sa ibaba ng Hermon, sa lupain ng Mizpa.
4 At sila'y lumabas, kasama ang kanilang mga hukbo, napakaraming tao na gaya ng mga buhangin na nasa baybayin ng dagat sa dami, na may napakaraming kabayo at karwahe.
5 Pinagsama-sama ng mga haring ito ang kanilang mga hukbo at dumating at sama-samang nagkampo sa tubig ng Merom upang labanan ang Israel.
6 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila sapagkat bukas, sa ganitong oras ay ibibigay ko silang lahat na patay sa harapan ng Israel; pipilayan ninyo ang kanilang mga kabayo at susunugin ng apoy ang kanilang mga karwahe.”
7 Kaya't biglang dumating sa kanila si Josue at ang lahat niyang mga mandirigma sa tabi ng tubig ng Merom, at sinalakay sila.
8 Ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel, at kanilang pinuksa at hinabol sila hanggang sa malaking Sidon, at hanggang sa Misrefot-maim, at hanggang sa libis ng Mizpa, sa dakong silangan at pinatay nila sila hanggang sa wala silang iniwan sa kanila na nalabi.
9 Ginawa ni Josue sa kanila ang gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya; kanyang pinilayan ang kanilang mga kabayo, at sinunog ng apoy ang kanilang mga karwahe.
10 Bumalik si Josue nang panahong iyon at sinakop ang Hazor, at pinatay ng tabak ang hari nito, sapagkat nang una ang Hazor ay puno ng lahat ng mga kahariang iyon.
11 Kanilang pinatay ng talim ng tabak ang lahat ng taong naroon, na kanilang lubos na nilipol; walang naiwan na may hininga, at kanyang sinunog ang Hazor.
12 Lahat ng mga lunsod ng mga haring iyon at lahat ng mga hari ng mga iyon ay sinakop ni Josue, at kanyang pinatay sila ng talim ng tabak at lubos na nilipol sila; gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon.
13 Ngunit tungkol sa mga lunsod na nakatayo sa kanilang mga bunton ay walang sinunog ang Israel, maliban sa Hazor na sinunog ni Josue.
14 Ang lahat na nasamsam sa mga lunsod na ito at ang mga hayop ay kinuha ng mga anak ni Israel bilang samsam para sa kanilang sarili; ngunit ang bawat tao ay pinatay nila ng talim ng tabak hanggang sa kanilang nalipol sila, ni hindi sila nag-iwan ng anumang may hininga.
15 Kung paanong nag-utos ang Panginoon kay Moises na kanyang lingkod ay gayon nag-utos si Moises kay Josue, at gayon ang ginawa ni Josue; wala siyang iniwang hindi ginawa sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Nasasakupang Kinuha ni Josue
16 Kaya't sinakop ni Josue ang buong lupaing iyon, ang lupaing maburol, ang buong Negeb, ang buong lupain ng Goshen, ang mababang lupain, ang Araba, at ang lupaing maburol ng Israel, at ang mababang lupain niyon,
17 mula sa bundok ng Halak na paahon sa Seir, hanggang sa Baal-gad sa libis ng Lebanon sa ibaba ng bundok Hermon; at kinuha niya ang lahat ng kanilang mga hari, at kanyang pinatay sila.
18 Si Josue ay matagal na panahong nakipagdigmaan sa lahat ng mga haring iyon.
19 Walang bayang nakipagpayapaan sa mga anak ni Israel, maliban sa mga Heveo na mga taga-Gibeon; kanilang kinuhang lahat sa pakikipaglaban.
20 Sapagkat(S) pinapagmatigas ng Panginoon ang kanilang puso upang pumaroon laban sa Israel sa pakikipaglaban, upang kanilang mapuksa silang lubos, at huwag silang magtamo ng biyaya, kundi kanyang mapuksa sila, gaya nang iniutos ng Panginoon kay Moises.
21 Nang panahong iyon dumating si Josue at pinuksa ang mga Anakim mula sa lupaing maburol, Hebron, Debir, Anab, at sa buong lupaing maburol ng Juda, at sa buong lupaing maburol ng Israel; pinuksa silang lubos ni Josue pati ng kanilang mga bayan.
22 Walang naiwan sa mga Anakim sa lupain ng mga anak ni Israel; tanging sa Gaza, Gat, at sa Asdod lamang siya nag-iwan ng iilan.
23 Kaya't sinakop ni Josue ang buong lupain ayon sa lahat ng sinabi ng Panginoon kay Moises; at ibinigay ito ni Josue bilang pamana sa Israel, ayon sa kanilang pagkakabahagi sang-ayon sa kanilang mga lipi. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikipagdigma.
Mga Haring Tinalo ni Moises
12 Ang(T) mga ito ang mga hari sa lupain na pinatay ng mga anak ni Israel, at inangkin ang kanilang lupain sa kabila ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon, at ang buong Araba na dakong silangan:
2 si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon at namuno mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon at ang gitna ng libis, at ang kalahati ng Gilead, hanggang sa ilog Jaboc na hangganan ng mga anak ni Ammon;
3 at ang Araba hanggang sa dagat ng Cinerot patungong silangan, at sa dakong Bet-jesimot hanggang sa dagat ng Araba, sa Dagat na Alat, patungong timog sa paanan ng mga libis ng Pisga;
4 at ang hangganan ni Og na hari sa Basan, sa nalabi sa mga Refaim na nakatira sa Astarot at sa Edrei,
5 at namuno sa bundok ng Hermon, at sa Saleca, at sa buong Basan, hanggang sa hangganan ng mga Geshureo at ng mga Maacatita, at ng kalahati ng Gilead, na hangganan ni Sihon na hari sa Hesbon.
6 Pinatay(U) sila ni Moises na lingkod ng Panginoon at ng mga anak ni Israel; at ibinigay ni Moises na lingkod ng Panginoon na pag-aari ng mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.
Mga Haring Tinalo ni Josue
7 Ang mga ito'y ang mga hari ng lupain na tinalo ni Josue at ng mga anak ni Israel sa kabila ng Jordan na dakong kanluran, mula sa Baal-gad na libis ng Lebanon hanggang sa bundok ng Halak, na paahon sa Seir (at ibinigay ni Josue na pag-aari sa mga lipi ng Israel ayon sa kanilang pagkakabaha-bahagi;
8 sa lupaing maburol, at sa mababang lupain, at sa Araba, at sa mga libis, at sa ilang, at sa Timog; ang lupain ng mga Heteo, ang Amoreo, at ang Cananeo, ang Perezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo);
9 ang hari ng Jerico, isa; ang hari sa Ai na nasa tabi ng Bethel, isa;
10 ang hari ng Jerusalem, isa; ang hari ng Hebron, isa;
11 ang hari ng Jarmut, isa; ang hari ng Lakish, isa;
12 ang hari ng Eglon, isa; ang hari ng Gezer, isa;
13 ang hari ng Debir, isa; ang hari ng Geder, isa;
14 ang hari ng Horma, isa; ang hari ng Arad, isa;
15 ang hari ng Libna, isa; ang hari ng Adullam, isa;
16 ang hari ng Makeda, isa; ang hari ng Bethel, isa;
17 ang hari ng Tapua, isa; ang hari ng Hefer, isa;
18 ang hari ng Afec, isa; ang hari ng Lasaron, isa;
19 ang hari ng Madon, isa; ang hari ng Hazor, isa;
20 ang hari ng Simron-meron, isa; ang hari ng Acsaf, isa;
21 ang hari ng Taanac, isa; ang hari ng Megido, isa;
22 ang hari ng Kedes, isa; ang hari ng Jokneam sa Carmel, isa;
23 ang hari ng Dor sa kaitaasan ng Dor, isa; ang hari ng mga bansa sa Gilgal, isa;
24 ang hari ng Tirsa, isa; lahat ng mga hari ay tatlumpu't isa.
Mga Lupaing Dapat Pang Sakupin
13 Si Josue ay matanda na at puspos ng mga taon. Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Ikaw ay matanda na, puspos na ng mga taon, at may nalalabi pang maraming lupain na sasakupin.
2 Ito ang mga lupaing nalalabi: ang lahat ng lupain ng mga Filisteo, at ang lahat ng sa mga Geshureo:
3 mula sa Sihor na nasa silangan ng Ehipto, hanggang sa hangganan ng Ekron sa dakong hilaga na kabilang sa mga Cananeo: ang limang pinuno ng mga Filisteo, ang mga Gazeo, Asdodeo, Ascaloneo, Geteo, Acronneo, at ang mga Heveo,
4 sa timog: ang lahat ng lupain ng mga Cananeo, at ang Mehara, na pag-aari ng mga Sidonio hanggang sa Afec, hanggang sa hangganan ng mga Amoreo;
5 at ang lupain ng mga Gebalita at ang buong Lebanon, sa dakong sinisikatan ng araw, mula sa Baal-gad, sa ibaba ng bundok Hermon hanggang sa pasukan sa Hamat;
6 ang(V) lahat ng naninirahan sa lupaing maburol mula sa Lebanon hanggang sa Misrefot-maim, samakatuwid ay lahat ng mga Sidonio; sila'y aking itataboy mula sa harapan ng mga anak ni Israel: lamang ay ibabahagi mo sa Israel bilang pamana, gaya ng iniutos ko sa iyo.
7 Kaya ngayon, hatiin mo ang lupaing ito bilang pamana sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi ni Manases.”
Ang Paghahati sa Lupaing nasa Silangan ng Jordan
8 Kasama(W) nito, tinanggap ng mga Rubenita at ng mga Gadita ang kanilang mana na ibinigay sa kanila ni Moises, sa kabila ng Jordan na dakong silangan gaya ng ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon;
9 mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon, at ang bayan na nasa gitna ng libis, at ang buong kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon;
10 at ang lahat ng lunsod ni Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghahari sa Hesbon hanggang sa hangganan ng mga anak ni Ammon;
11 at ang Gilead, ang hangganan ng mga Geshureo at ng mga Maacatita at ang buong bundok ng Hermon, at ang buong Basan hanggang sa Saleca;
12 ang buong kaharian ni Og sa Basan, na naghari sa Astarot at sa Edrei (siya lamang nalabi sa mga Refaim); ang mga ito ang nagapi at itinaboy ni Moises.
13 Gayunma'y hindi itinaboy ng mga anak ni Israel ang mga Geshureo, ni ang mga Maacatita; kundi ang Geshur at ang Maacat ay nanirahan sa loob ng Israel hanggang sa araw na ito.
14 Ang(X) lipi lamang ni Levi ang hindi niya binigyan ng pamana; ang mga handog na pinaraan sa apoy sa Panginoong Diyos ng Israel ay kanilang pamana, gaya ng sinabi niya sa kanya.
Ang Ipinamana kay Ruben
15 At nagbigay si Moises ng pamana sa lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa kanilang mga angkan.
16 Ang kanilang hangganan ay mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at ang lunsod na nasa gitna ng libis, at ang buong kapatagan sa tabi ng Medeba;
17 ang Hesbon at ang lahat ng mga bayan nito na nasa kapatagan; ang Dibon at ang Bamot-baal, at ang Bet-baalmeon;
18 ang Jahaz, Kedemot, at ang Mefaat;
19 ang Kiryataim, Sibma, Zeret-shahar, sa burol ng libis;
20 ang Bet-peor, ang mga libis ng Pisga, ang Bet-jesimoth;
21 at ang lahat ng mga lunsod sa kapatagan at ang buong kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo na naghari sa Hesbon, na ginapi ni Moises kasama ang mga pinuno sa Midian; sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at si Reba, na mga pinuno ni Sihon, na nanirahan sa lupain.
22 Maging si Balaam na anak ni Beor na manghuhula ay pinatay ng tabak ng mga anak ni Israel sa mga nalabi sa kanilang pinatay.
23 Ang hangganan ng mga anak ni Ruben ay ang Jordan at ang hangganan nito. Ito ang pamana sa mga anak ni Ruben ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon.
Ang Ipinamana kay Gad
24 Ibinigay ni Moises sa lipi ni Gad, sa mga anak ni Gad, ang ayon sa kanilang mga angkan.
25 Ang kanilang hangganan ay ang Jazer, at ang lahat na lunsod ng Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga anak ni Ammon hanggang sa Aroer na nasa tapat ng Rabba;
26 at mula sa Hesbon hanggang sa Ramat-mizpa, at sa Betonim; at mula sa Mahanaim hanggang sa nasasakupan ng Debir.
27 At sa libis, ang Bet-haram, Bet-nimra, Sucot, Zafon, at ang nalabi sa kaharian ni Sihon na hari sa Hesbon, na ang Jordan ang hangganan nito, hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng dagat ng Cineret, sa kabila ng Jordan sa dakong silangan.
28 Ito ang pamana sa mga anak ni Gad ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon.
Ang Ipinamana sa Kalahating Lipi ni Manases
29 Si Moises ay nagbigay ng pamana sa kalahating lipi ni Manases: at ito ay ibinigay sa kalahating lipi ng mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan.
30 Ang kanilang hangganan ay mula sa Mahanaim, ang buong Basan, ang buong kaharian ni Og na hari sa Basan at ang lahat ng mga lunsod ng Jair na nasa Basan, animnapung bayan.
31 Ang kalahati ng Gilead at ang Astarot at ang Edrei, ang mga lunsod ng kaharian ni Og sa Basan, ay sa mga anak ni Makirita na anak ni Manases, samakatuwid ay sa kalahati ng mga anak ni Makirita ayon sa kanilang mga angkan.
32 Ito ang mga pamana na ibinahagi ni Moises sa mga kapatagan ng Moab, sa kabila ng Jordan sa silangan ng Jerico.
33 Ngunit(Y) sa lipi ni Levi ay walang ibinigay na pamana si Moises; ang Panginoon na Diyos ng Israel ay kanilang pamana, gaya ng kanyang sinabi sa kanila.
Ang Paghahati sa Lupaing Nasa Kanluran ng Jordan
14 Ito ang mga pamanang tinanggap ng mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan, na ipinamahagi sa kanila ng paring si Eleazar, at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel,
2 sa(Z) pamamagitan ng palabunutan ng kanilang mana, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi.
3 Sapagkat(AA) nabigyan na ni Moises ng pamana ang dalawang lipi at ang kalahating lipi sa kabila ng Jordan; ngunit sa mga Levita ay wala siyang ibinigay na pamana sa kanila.
4 Sapagkat ang mga anak ni Jose ay naging dalawang lipi, ang Manases at ang Efraim; at wala ng bahaging ibinigay sa mga Levita sa lupain, liban sa mga lunsod na matitirahan, pati ng mga pastulan para sa kanilang hayop at sa kanilang pag-aari.
5 Kung paano iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, at kanilang ipinamahagi ang lupain.
Ang Hebron ay Ibinigay kay Caleb
6 Nang(AB) magkagayo'y lumapit ang mga anak ni Juda kay Josue sa Gilgal; at sinabi sa kanya ni Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, “Nalalaman ninyo ang sinabi ng Panginoon kay Moises, na tao ng Diyos, tungkol sa akin at tungkol sa iyo sa Kadesh-barnea.
7 Ako'y(AC) apatnapung taon nang ako'y suguin ni Moises na lingkod ng Panginoon mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain; at dinalhan ko siya ng ulat na gaya ng nasa aking puso.
8 Subalit pinapanghina ng mga kapatid na kasama ko ang puso ng bayan; ngunit ako'y lubos na sumunod sa Panginoon kong Diyos.
9 At(AD) si Moises ay sumumpa nang araw na iyon, ‘Tunay na ang lupaing tinuntungan ng iyong paa ay magiging isang pamana sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman, sapagkat lubos kang sumunod sa Panginoon kong Diyos.’
10 At ngayon, gaya ng kanyang sinabi, iningatan akong buháy ng Panginoon, nitong apatnapu't limang taon, mula nang panahong sabihin ng Panginoon ang salitang ito kay Moises, samantalang lumalakad ang Israel sa ilang. Sa araw na ito ako'y walumpu't limang taong gulang na.
11 Gayunma'y malakas pa ako hanggang sa araw na ito na gaya ng araw na suguin ako ni Moises. Kung ano ang lakas ko noon, ay gayon ang lakas ko ngayon sa pakikidigma, at gayundin sa paglabas-pasok.
12 Ngayon nga'y ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito na sinabi ng Panginoon nang araw na iyon; sapagkat nabalitaan mo nang araw na iyon kung paanong nariyan ang mga Anakim, na mga lunsod na malalaki at may pader; marahil ay sasamahan ako ng Panginoon, at maitataboy ko sila na gaya ng sinabi ng Panginoon.”
13 At binasbasan siya ni Josue at kanyang ibinigay ang Hebron kay Caleb na anak ni Jefone, bilang pamana niya.
14 Kaya't ang Hebron ay naging pamana ni Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo hanggang sa araw na ito; sapagkat kanyang lubos na sinunod ang Panginoon, ang Diyos ng Israel.
15 Ang pangalan ng Hebron nang una ay Kiryat-arba; itong Arba ang pinakadakilang lalaki sa mga Anakim. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikidigma.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001