Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 8:15-21:7

15 Pagkatapos nito ay papasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan pagkatapos na malinisan mo sila bilang handog na iwinagayway.

16 Sapagkat sila'y buong ibinigay sa akin mula sa mga anak ni Israel; kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagbubukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga Israelita.

17 Sapagkat(A) lahat ng mga panganay sa mga Israelita ay akin, maging tao o hayop. Nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga sila para sa akin.

18 At aking kinuha ang mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga Israelita.

19 Aking ibinigay ang mga Levita na kaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak mula sa mga anak ni Israel upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa toldang tipanan, upang ipantubos sa mga anak ni Israel, at nang huwag magkaroon ng salot sa mga anak ni Israel kapag ang mga anak ni Israel ay lumalapit sa santuwaryo.”

20 Ganito ang ginawa nina Moises at Aaron, at ng buong sambayanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila.

21 Ang mga Levita ay naglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at naglaba ng kanilang mga damit. Sila'y inihandog ni Aaron bilang handog na iwinagayway sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay gumawa ng pagtubos sa kanila upang linisin sila.

22 At pagkatapos niyon ay pumasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa toldang tipanan sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak. Kung paano ang iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita ay gayon ang ginawa nila sa kanila.

23 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 “Ito ang nauukol sa mga Levita: mula dalawampu't limang taong gulang pataas ay papasok upang gampanan ang gawaing paglilingkod sa toldang tipanan.

25 Mula sa limampung taong gulang ay titigil sila sa katungkulan sa paglilingkod at hindi na sila maglilingkod.

26 Ngunit sila'y maaaring tumulong sa kanilang mga kapatid sa toldang tipanan sa pagsasagawa ng kanilang mga katungkulan, ngunit sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan.”

Batas tungkol sa Paskuwa ng Panginoon

Sinabi(B) ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Ehipto,

“Ipangilin ng mga anak ni Israel ang paskuwa sa takdang panahon nito.

Sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipapangilin sa kanyang takdang panahon ayon sa lahat na tuntunin niyon at ayon sa lahat ng ayos niyon ay inyong ipapangilin.”

At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipangilin ang paskuwa.

Kanilang ipinangilin ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.

Mayroon ngang mga lalaki na marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao, na anupa't hindi nila naipangilin ang paskuwa nang araw na iyon; at humarap sila kina Moises at Aaron nang araw na iyon.

At ang mga lalaking iyon ay nagsabi sa kanila, “Kami ay marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao. Bakit kami ay pipigilin sa pag-aalay ng handog sa Panginoon sa kanyang takdang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?”

Sinabi ni Moises sa kanila, “Maghintay kayo upang aking marinig ang ipag-uutos ng Panginoon tungkol sa inyo.”

Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Kung ang sinumang tao sa inyo o sa inyong salinlahi ay maging marumi dahil sa paghawak sa isang bangkay, o nasa malayong paglalakbay ay kanyang ipapangilin din ang paskuwa sa Panginoon.

11 Sa ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan, sa paglubog ng araw ay kanilang ipapangilin; kanilang kakainin ito kasama ng mga tinapay na walang pampaalsa at mga gulay na mapait.

12 Wala(C) silang ititira sa mga iyon hanggang sa kinaumagahan, ni babali ng buto niyon, ayon sa lahat ng tuntunin ng paskuwa ay kanilang ipapangilin iyon.

13 Subalit ang lalaking malinis at wala sa paglalakbay na hindi mangingilin ng paskuwa ay ititiwalag sa kanyang bayan sapagkat siya'y hindi nag-alay ng handog sa Panginoon sa takdang panahon, ang taong iyon ay mananagot sa kanyang kasalanan.

14 Sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo na nagnanais ipangilin ang paskuwa sa Panginoon, ay gagawin niya iyon ayon sa tuntunin ng paskuwa at ayon sa batas. Kayo'y magkakaroon ng isang tuntunin para sa dayuhan at sa katutubo.”

Ang Ulap sa Ibabaw ng Tabernakulo(D)

15 Nang araw na ang tabernakulo ay itayo, tinakpan ng ulap ang tabernakulo, samakatuwid ay ang tabernakulo ng patotoo. Mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinaumagahan, iyon ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy.

16 Gayon ito nagpatuloy; iyon ay tinatakpan ng ulap kapag araw, at ng anyong apoy kapag gabi.

17 Tuwing ang ulap ay pumapaitaas mula sa ibabaw ng tolda, naglalakbay ang mga anak ni Israel at sa dakong tigilan ng ulap ay doon tumitigil ang mga anak ni Israel.

18 Sa utos ng Panginoon ay naglalakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay tumitigil sila. Kung gaano katagal ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo ay siya nilang itinitigil sa kampo.

19 Kahit ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo ng maraming araw, sinusunod ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi sila naglalakbay.

20 At kung minsan ay nananatili ng ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; at ayon sa utos ng Panginoon ay nananatili sila sa mga tolda, at ayon sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila.

21 Kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan. Kapag ang ulap ay pumaitaas sa kinaumagahan ay naglalakbay sila. Maging araw o gabi kapag ang ulap ay pumaitaas ay naglalakbay sila.

22 Maging dalawang araw o isang buwan, o mas mahabang panahon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo na nananatili doon, ay nananatili ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglalakbay, subalit kapag pumaitaas ay naglalakbay sila.

23 Sa utos ng Panginoon ay nagkakampo sila, at sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila. Kanilang sinunod ang bilin ng Panginoon, ang utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Ang mga Trumpetang Pilak

10 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Gumawa ka ng dalawang trumpetang pilak; gagawin mo mula sa pinitpit na pilak at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapulungan, at kapag kakalasin na ang mga tolda.

At kapag hinipan na nila ito, ay magtitipon sa iyo ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.

Ngunit kung isa lamang ang kanilang hihipan, kung gayon ang mga pinuno, ang mga puno ng mga lipi ng Israel ay magtitipon sa iyo.

Paghihip ninyo ng hudyat ay susulong ang mga kampo na nasa dakong silangan.

At kapag hinipan ninyo ang hudyat sa ikalawang pagkakataon, lulusong ang mga kampo na nasa dakong timog. Sila'y hihihip ng isang hudyat sa tuwing sila'y maglalakbay.

Subalit kapag ang sambayanan ay magtitipon ay hihihip kayo, ngunit huwag kayong magpapatunog ng hudyat.

Ang mga anak ni Aaron, ang mga pari, ang hihihip ng mga trumpeta; at ang trumpeta ay magiging walang hanggang tuntunin sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

Kapag makikipaglaban kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na lumulupig sa inyo, inyo ngang patutunugin ang hudyat ng trumpeta; at kayo'y aalalahanin sa harap ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.

10 Pati sa mga araw ng inyong kagalakan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang trumpeta sa ibabaw ng inyong mga handog na sinusunog, at sa ibabaw ng mga alay ng inyong mga handog pangkapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Diyos. Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”

Ang mga Anak ni Israel ay Lumakad mula sa Sinai

11 Nang ikalawang taon, nang ikadalawampung araw ng ikalawang buwan, ang ulap ay pumaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.

12 At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa mga yugto ng kanilang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay huminto sa ilang ng Paran.

13 Kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

14 At unang sumulong ang watawat ng kampo ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga pangkat; at nangunguna sa kanyang pangkat si Naashon na anak ni Aminadab.

15 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Isacar si Natanael na anak ni Suar.

16 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon si Eliab na anak ni Helon.

Ang Pagkakasunud-sunod ng mga Hukbo

17 Nang maibaba ang tabernakulo, lumakad na ang mga anak ni Gershon at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo.

18 Ang watawat ng kampo ni Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.

19 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurishadai.

20 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad si Eliasaf na anak ni Deuel.

21 Ang mga Kohatita ay sumulong na dala ang mga banal na bagay at itinayo ng iba ang tabernakulo bago sila dumating.

22 Ang watawat ng kampo ng mga anak ni Efraim ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisama na anak ni Amihud.

23 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases si Gamaliel na anak ni Pedasur.

24 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin si Abidan na anak ni Gideoni.

25 At ang watawat ng kampo ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampo ay lumakad ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Ahiezer na anak ni Amisadai.

26 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Pagiel na anak ni Ocran.

27 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Neftali si Ahira na anak ni Enan.

28 Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo, nang sila'y sumulong.

29 Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Midianita, biyenan ni Moises: “Kami ay naglalakbay patungo sa dakong sinabi ng Panginoon, ‘Aking ibibigay sa inyo.’ Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti sapagkat ang Panginoon ay nangako ng mabuti tungkol sa Israel.”

30 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Ako'y hindi aalis; ako'y babalik sa aking sariling lupain at sa aking kamag-anak.”

31 At sinabi ni Moises, “Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mo kaming iwan, sapagkat nalalaman mo kung paanong magkakampo kami sa ilang, at ikaw ay magiging mata para sa amin.

32 At kung ikaw ay sasama sa amin, anumang mabuting gagawin ng Panginoon sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.”

33 Kaya't sila'y lumusong mula sa bundok ng Panginoon ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa unahan nila sa loob ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.

34 Ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag araw, tuwing sila'y susulong mula sa kampo.

Ang Paglabas

35 At(E) kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, “Bumangon ka, O Panginoon, at mangalat nawa ang mga kaaway mo, at tumakas sa harap mo ang napopoot sa iyo.”

36 At kapag nakalapag ay kanyang sinasabi, “Bumalik ka, O Panginoon ng laksang libu-libong Israelita.”

Nagreklamo ang mga Tao

11 Ang bayan ay nagreklamo sa pandinig ng Panginoon, at nang marinig ito ng Panginoon ay nagningas ang kanyang galit, at ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila, at tinupok ang gilid ng kampo.

Ngunit ang bayan ay nagmakaawa kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.

Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Tabera, sapagkat ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila.

At ang nagkakagulong mga tao na nasa gitna nila ay nagkaroon ng matinding pananabik at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, “Sana'y mayroon tayong karneng makakain!

Ating naaalala ang isda na ating kinakain na walang bayad sa Ehipto; ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas, at bawang.

Ngunit ngayon ang ating lakas ay nanghihina; walang anuman sa ating harapan kundi ang mannang ito.”

Ang(F) manna ay gaya ng butil ng kulantro at ang kulay niyon ay gaya ng kulay ng bedelio.

Ang mga taong-bayan ay lumilibot at pinupulot iyon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay. Ang lasa nito ay gaya ng lasa ng tinapay na niluto sa langis.

Kapag(G) ang hamog ay nahulog sa ibabaw ng kampo sa gabi, kasama nitong nahuhulog ang manna.

10 Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang Panginoon ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises.

11 Kaya't sinabi ni Moises sa Panginoon, “Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito?

12 Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, ‘Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,’ tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno?

13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.’

14 Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin.

15 Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap.”

Ang Pitumpung Matatanda

16 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo.

17 Ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa.

18 At sabihin mo sa bayan: Italaga ninyo ang inyong sarili para bukas, at kayo'y kakain ng karne, sapagkat kayo'y nagsisiiyak sa pandinig ng Panginoon, na sinasabi, ‘Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? Sapagkat mabuti pa noong nasa Ehipto kami.’ Dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.

19 Hindi ninyo kakainin nang isang araw lamang, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sampung araw, ni dalawampung araw;

20 kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong pagsawaan; sapagkat inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, ‘Bakit pa kami umalis sa Ehipto?’”

21 Ngunit sinabi ni Moises, “Ang bayang kasama ko ay animnaraang libong katao, at iyong sinabi, ‘Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.’

22 Kakatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan upang magkasiya sa kanila? O ang lahat ng isda sa dagat ay huhulihin sa kanila upang magkasiya sa kanila?”

23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umikli na ba ang kamay ng Panginoon? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.”

24 Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng Panginoon. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda.

25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli.

Si Eldad at si Medad

26 Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo.

27 Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo.”

28 Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, “Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!”

29 Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, “Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!”

30 At bumalik sa kampo si Moises at ang matatanda sa Israel.

Ipinadala ang mga Pugo na Kasama ang Salot

31 At lumabas ang isang hangin galing sa Panginoon, at ito'y nagdala ng mga pugo mula sa dagat, at pinalapag sa kampo na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampo, mga dalawang siko[a] ang kapal sa ibabaw ng lupa.

32 Ang bayan ay nakatindig sa buong araw na iyon at sa buong gabi, at sa buong ikalawang araw, at nanghuli ng mga pugo. Yaong kaunti ang natipon ay nakatipon ng sampung omer[b] at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampo.

33 Ngunit samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa bago ito naubos ay nagningas ang galit ng Panginoon laban sa bayan at pinatay ng Panginoon ang mga tao ng matinding salot.

34 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Kibrot-hataava, sapagkat doon nila inilibing ang bayang nagkaroon ng masidhing pananabik.

35 Mula sa Kibrot-hataava ay naglakbay ang bayan patungo sa Haserot; at sila'y namalagi sa Haserot.

Si Miriam ay Nagkaketong

12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang napangasawa (sapagkat talagang nag-asawa siya ng isang babaing Cusita).

At kanilang sinabi, “Ang Panginoon ba'y nagsasalita sa pamamagitan lamang ni Moises? Hindi ba nagsalita rin naman siya sa pamamagitan natin?” At narinig ito ng Panginoon.

Ang lalaki ngang si Moises ay napakaamo, higit kaysa lahat ng lalaki sa ibabaw ng lupa.

At sinabi agad ng Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo patungo sa toldang tipanan.” At silang tatlo ay lumabas.

Ang Panginoon ay bumaba sa isang haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng tolda, at tinawag sina Aaron at Miriam at sila'y kapwa lumapit.

At kanyang sinabi, “Pakinggan ninyo ngayon ang aking mga salita. Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay magpapakilala sa kanya sa pangitain, at kakausapin ko siya sa panaginip.

Ang(H) aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayan.

Sa kanya'y nakikipag-usap ako nang harapan,[c] nang maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kanyang nakikita. Bakit hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod na si Moises?”

Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa kanila; at siya'y umalis.

10 Nang ang ulap ay lumayo sa tolda, si Miriam ay naging ketongin na kasimputi ng niyebe. Tiningnan ni Aaron si Miriam, at nakita na ito'y ketongin.

11 At sinabi ni Aaron kay Moises, “O panginoon ko, huwag mo kaming parusahan,[d] sapagkat gumawa kaming may kahangalan, at kami ay nagkasala.

12 Huwag mong itulot sa kanya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na naagnas ang kalahati ng kanyang laman paglabas sa tiyan ng kanyang ina.”

13 At tumawag si Moises sa Panginoon, “Pagalingin mo siya, O Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo.”

14 Sinabi(I) ng Panginoon kay Moises, “Kung siya'y niluraan ng kanyang ama sa kanyang mukha, hindi ba niya dadalhin ang kanyang kahihiyan nang pitong araw? Kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampo, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob.”

15 Si Miriam ay pitong araw na kinulong sa labas ng kampo at ang bayan ay hindi umalis upang maglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob.

16 Pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haserot, at nagkampo sa ilang ng Paran.

Nagpadala ng mga Espiya sa Canaan(J)

13 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsugo ka ng mga lalaki upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel. Isang lalaki sa bawat isa sa mga lipi ng kanilang mga ninuno ay susuguin ninyo, na bawat isa'y pinuno sa kanila.”

Kaya't sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon. Silang lahat ay mga lalaking pinuno sa mga anak ni Israel.

At ito ang kanilang mga pangalan: mula sa lipi ni Ruben ay si Samua na anak ni Zacur;

mula sa lipi ni Simeon ay si Shafat na anak ni Hori;

mula sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone;

mula sa lipi ni Isacar ay si Igal na anak ni Jose;

mula sa lipi ni Efraim ay si Hosheas na anak ni Nun;

mula sa lipi ni Benjamin ay si Palti na anak ni Rafu;

10 mula sa lipi ni Zebulon ay si Gadiel na anak ni Sodi;

11 mula sa lipi ni Jose, samakatuwid ay sa lipi ni Manases ay si Gaddi na anak ni Susi;

12 mula sa lipi ni Dan ay si Amiel na anak ni Gemalli;

13 mula sa lipi ni Aser ay si Sethur na anak ni Micael;

14 mula sa lipi ni Neftali ay si Nahabi na anak ni Vapsi;

15 mula sa lipi ni Gad ay si Geuel na anak ni Maci.

16 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na isinugo ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue si Hosheas na anak ni Nun.

17 Isinugo sila ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan at sinabi sa kanila, “Umakyat kayo sa Negeb at umakyat kayo sa mga kaburulan.

18 Tingnan ninyo kung ano ang lupain, at ang mga taong naninirahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;

19 at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampo o sa mga may pader,

20 at kung ang lupain ay mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. Magpakatapang kayo at magdala kayo rito ng mga bunga ng lupain.” Ang panahong iyon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.

21 Kaya't sila'y umakyat, at kanilang lihim na siniyasat ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Hamat.

22 Sila'y umakyat sa Negeb, at sila'y nakarating sa Hebron; at si Ahiman, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anak, ay naroon. (Ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto).

23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa sa kanila. Sila'y nagdala rin ng mga prutas na granada, at mga igos.

24 Ang dakong iyon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula doon.

Ang Masamang Balita ng mga Espiya

25 At sila'y nagbalik pagkatapos na lihim na siyasatin ang lupain, sa katapusan ng apatnapung araw.

26 Sila'y dumating kina Moises at Aaron at sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Kadesh; at kanilang dinalhan sila ng balita at ang buong sambayanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.

27 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay dumating sa lupaing iyon na kung saan ay sinugo mo kami, at tunay na iyon ay dinadaluyan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyon.

28 Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki; at saka aming nakita roon ang mga anak ni Anak.

29 Ang Amalekita ay naninirahan sa lupain ng Negeb, ang mga Heteo, ang mga Jebuseo, at ang mga Amoreo ay naninirahan sa mga bundok. Ang mga Cananeo ay naninirahan sa tabi ng dagat, at sa mga pampang ng Jordan.”

30 Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, “Ating akyatin agad at sakupin sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon.”

31 Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin.

32 Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao.

33 At(K) nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin.”

Tumutol ang Buong Kapulungan

14 Kaya't ang buong kapulungan ay sumigaw nang malakas; at ang taong-bayan ay umiyak nang gabing iyon.

At nagreklamo ang lahat ng mga anak ni Israel laban kina Moises at Aaron. Sinabi sa kanila ng buong sambayanan, “Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto! O kaya'y namatay na sana tayo sa ilang na ito!

Bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y bumagsak sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging biktima. Hindi ba mas mabuti para sa atin na tayo'y magbalik sa Ehipto?”

Kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Maglagay tayo ng isang pinuno at tayo'y magbalik sa Ehipto.”

Nang magkagayon, sina Moises at Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan ng bayan ng mga anak ni Israel.

Si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone, na mga kasama ng mga nagsiyasat nang lihim sa lupain, ay pinunit ang kanilang mga damit.

At sinabi nila sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, “Ang lupain na aming pinuntahan upang lihim na siyasatin ay isang napakagandang lupain.

Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing iyon, at ibibigay niya sa atin; isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot.

Huwag(L) lamang kayong maghimagsik laban sa Panginoon ni matakot sa mga tao ng lupaing iyon, sapagkat sila'y para lamang tinapay sa atin; ang kanyang kalinga ay inalis sa kanila, at ang Panginoon ay kasama natin; huwag kayong matakot sa kanila.”

10 Subalit pinagbantaan sila ng buong sambayanan na babatuhin sila ng mga bato. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa toldang tipanan sa lahat ng mga anak ni Israel.

Ang Babala ng Panginoon at ang Pagsamo ni Moises

11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng bayang ito? At hanggang kailan sila hindi maniniwala sa akin, sa kabila ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?

12 Hahampasin ko sila ng salot, at tatanggalan ko sila ng mana at gagawin kitang isang bansang mas malaki at mas matibay kaysa kanila.”

13 Ngunit(M) sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung gayo'y mababalitaan ito ng mga taga-Ehipto, sapagkat dinala mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan mula sa kanila;

14 at kanilang sasabihin sa mga naninirahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon ay nasa gitna ng bayang ito, sapagkat ikaw Panginoon ay nagpakita nang mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga iyon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.

15 Kung papatayin mo ang bayang ito na parang isang tao, magsasalita nga ang mga bansang nakarinig ng iyong katanyagan at kanilang sasabihin,

16 ‘Sapagkat hindi kayang dalhin ng Panginoon ang bayang ito sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa kanila, kaya't kanyang pinaslang sila sa ilang.’

17 At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, hayaan mong ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong ipinangako,

18 ‘Ang(N) Panginoon ay mabagal sa pagkagalit at sagana sa tapat na pag-ibig, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsuway, ngunit kailanman ay hindi pinapawalang-sala ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi.

19 Hinihiling ko sa iyo, patawarin mo ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig, at ayon sa iyong pagpapatawad sa bayang ito, mula sa Ehipto hanggang ngayon.”

20 At sinabi ng Panginoon, “Ako'y nagpatawad ayon sa iyong salita;

21 gayunman,(O) na kung paanong ako'y buháy at kung paanong mapupuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa,

22 wala sa mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda na aking ginawa sa Ehipto at sa ilang, ngunit tinukso pa rin ako nitong makasampung ulit, at hindi dininig ang aking tinig,

23 ang makakakita sa lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno, at walang sinuman sa kanila na humamak sa akin ang makakakita nito.

24 Ngunit(P) ang aking lingkod na si Caleb, sapagkat siya'y nagtaglay ng ibang espiritu at sumunod nang lubos sa akin, ay dadalhin ko sa lupain na kanyang pinaroonan; at aariin ng kanyang mga binhi.

25 Ngayon, sapagkat ang mga Amalekita at ang mga Cananeo ay naninirahan sa libis, bumalik kayo bukas at kayo'y maglakbay sa daang patungo sa Dagat na Pula.”

Ang Parusa sa Israel

26 At nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron, na sinasabi,

27 “Hanggang kailan magrereklamo laban sa akin ang masamang kapulungang ito? Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel na kanilang sinasabi laban sa akin.

28 Sabihin mo sa kanila, ‘Ako'y buháy, sabi ng Panginoon, kung ano ang sinabi ninyo sa aking pandinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo.

29 Ang(Q) inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito; at ang lahat na nabilang sa inyo ayon sa inyong kabuuang bilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas na nagreklamo laban sa akin,

30 ay hindi papasok sa lupaing aking ipinangako na patitirahan ko sa inyo, maliban kay Caleb na anak ni Jefone at kay Josue na anak ni Nun.

31 Ngunit ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga biktima ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.

32 Ngunit tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito.

33 At(R) ang inyong mga anak ay magiging palaboy sa ilang na apatnapung taon, at magdurusa dahil sa kawalan ninyo ng pananampalataya, hanggang sa ang huli sa inyong mga bangkay ay humandusay sa ilang.

34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong lihim na ipinagsiyasat sa lupain, samakatuwid ay apatnapung araw, sa bawat araw ay isang taon, inyong pananagutan ang inyong mga kasamaan, nang apatnapung taon, at inyong makikilala ang aking sama ng loob!

35 Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapulungang ito, na nagtitipon laban sa akin. Sa ilang na ito, sila'y magwawakas, at dito sila mamamatay.’”

36 Ang mga lalaki na sinugo ni Moises upang lihim na magsiyasat sa lupain, na bumalik at naging dahilan upang magreklamo ang buong kapulungan laban sa kanya dahil sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,

37 samakatuwid ay ang mga taong naghatid ng masamang balita tungkol sa lupain ay namatay sa salot sa harap ng Panginoon.

38 Ngunit si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone ay naiwang buháy sa mga taong iyon na pumaroon upang lihim na siyasatin ang lupain.

Hinabol Hanggang sa Horma(S)

39 At sinabi ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel at ang bayan ay lubhang nanangis.

40 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at umakyat sa taluktok ng bundok, na sinasabi, “Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon, sapagkat kami ay nagkasala.”

41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit sinusuway ninyo ngayon ang utos ng Panginoon? Iyan ay hindi magtatagumpay.

42 Huwag kayong umahon, baka kayo'y masaktan sa harap ng mga kaaway, sapagkat ang Panginoon ay hindi ninyo kasama.

43 Sapagkat naroon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y babagsak sa tabak, sapagkat kayo'y tumalikod sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay hindi ninyo makakasama.”

44 Ngunit sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok; gayunman ang kaban ng tipan ng Panginoon at si Moises ay hindi lumabas sa kampo.

45 Nang magkagayon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo na naninirahan sa bundok na iyon ay bumaba, nilupig sila at hinabol hanggang sa Horma.

Batas tungkol sa Handog na Pinaraan sa Apoy

15 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagpasok ninyo sa lupain na inyong titirahan na ibibigay ko sa inyo,

at maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy mula sa bakahan o sa mga kawan, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng kusang loob na handog, o sa inyong mga takdang kapistahan, upang gawing mabangong samyo sa Panginoon,

kung gayon ang sinumang mag-aalay ng kanyang handog ay mag-alay sa Panginoon ng isang handog na butil, na ikasampung bahagi ng isang efa[e] ng piling harina na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis;

at ng alak na handog na inumin, na ikaapat na bahagi ng isang hin,[f] ang iyong ihahanda na kasama ng handog na sinusunog, o ng alay sa bawat kordero.

O kung isang lalaking tupa, ang iyong ihahanda para sa handog na butil ay dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis.

At bilang handog na inumin ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na mabangong samyo sa Panginoon.

Kapag maghahanda ka ng isang toro bilang handog na sinusunog, o bilang alay upang tuparin ang isang panata, o bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon,

ay iyong ihahandog nga na kasama ng toro ang isang handog na butil na tatlong ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis.

10 At ang iyong iaalay na handog na inumin ay kalahating hin ng alak na handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.

11 Gayon ang gagawin sa bawat toro, bawat tupang lalaki, bawat korderong lalaki, o sa mga anak ng kambing.

12 Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyo gagawin sa bawat isa ayon sa kanilang bilang.

13 Lahat ng katutubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.

14 At kung ang isang dayuhan ay nakikipamayan kasama ninyo, o sinumang kasama ninyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon ay kanyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa.

15 Sa kapulungan ay magkakaroon ng isang tuntunin sa inyo, at sa dayuhang nakikipamayang kasama ninyo, isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi. Kung paano kayo ay magiging gayundin ang dayuhan sa harap ng Panginoon.

16 Magkakaroon(T) sa inyo at sa dayuhan na nakikipamayan sa inyo ng isang kautusan at isang batas.’”

17 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagpasok ninyo sa lupaing aking pagdadalhan sa inyo,

19 ay maghahandog kayo ng isang alay sa Panginoon tuwing kakain kayo ng tinapay ng lupain.

20 Sa pinakauna sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay bilang isang handog. Kung paano ninyo ginagawa ang handog na mula sa giikan, ay gayon ninyo ihahandog ito.

21 Sa pinakauna sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

22 “‘Ngunit kapag kayo'y nagkamali at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinabi ng Panginoon kay Moises,

23 samakatuwid ay lahat ng iniutos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na binigyan kayo ng Panginoon ng utos at mula noon, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi;

24 ay mangyayari na kung iyon ay ginawa nang hindi sinasadya, at hindi nalalaman ng kapulungan, ang buong kapulungan ay maghahandog ng isang batang toro na handog na sinusunog, na mabangong samyo sa Panginoon, kasama ng handog na butil niyon at handog na inumin niyon, ayon sa batas at isang lalaking kambing na handog pangkasalanan.

25 Tutubusin ng pari ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sila'y patatawarin. Iyon ay hindi sinasadya at sila'y nagdala ng kanilang alay na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog pangkasalanan sa harap ng Panginoon, dahil sa kanilang pagkakamali.

26 Ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang dayuhan na nakikipamayan sa kanila, sapagkat ang buong bayan ay kasama sa pagkakamali.

Handog sa Pagkakasalang Hindi Sinasadya

27 “‘Kung(U) ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae na isang taong gulang na handog pangkasalanan.

28 At tutubusin ng pari ang taong nagkamali sa harap ng Panginoon, kung tunay na siya'y nagkasala nang hindi sinasadya upang tubusin siya at siya'y patatawarin.

29 Kayo'y magkakaroon ng isang batas sa kanya na nagkasala nang hindi sinasadya, sa kanya na katutubo sa bayan ng Israel, at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila.

30 Ngunit ang tao na makagawa ng anuman nang buong kapusukan, maging katutubo sa lupain o dayuhan ay lumalapastangan sa Panginoon at ang taong iyon ay ititiwalag sa gitna ng kanyang bayan.

31 Sapagkat kanyang hinamak ang salita ng Panginoon, at sinira ang kanyang utos; ang taong iyon ay lubos na ititiwalag. Ang kanyang kasamaan ay tataglayin niya.’”

Ang Parusa sa Pagsuway sa Batas ng Sabbath

32 Samantalang ang mga anak ni Israel ay nasa ilang, nakakita sila ng isang lalaking namumulot ng kahoy sa araw ng Sabbath.

33 Ang mga nakakita sa taong namumulot ng kahoy, ay dinala siya kina Moises at Aaron, at sa buong kapulungan.

34 Kanilang inilagay siya sa kulungan, sapagkat hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kanya.

35 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang lalaki ay tiyak na papatayin; babatuhin siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo.”

36 Inilabas siya ng buong kapulungan sa kampo at siya'y kanilang pinagbabato hanggang sa mamatay, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ipinag-utos ang Paglalagay ng Tirintas

37 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

38 “Sabihin(V) mo sa mga anak ni Israel na sila'y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawat laylayan ng isang panaling asul.

39 At sa inyo'y magiging isang tirintas upang inyong pagmasdan, at inyong maaalala ang lahat ng mga utos ng Panginoon at gawin ang mga iyon, upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata, na sanhi ng inyong pakikiapid.

40 Sa gayon, inyong maaalala at gawin ang lahat ng aking mga utos, at maging banal kayo sa inyong Diyos.

41 Ako ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos. Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”

Ang Paghihimagsik nina Kora, Datan at Abiram

16 Si Kora na anak ni Izar, na anak ni Kohat, na anak ni Levi, kasama sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet, na mga anak ni Ruben,

ay kumuha ng mga tao. Sila'y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel. Sila'y dalawandaan at limampung pinuno na mga lalaking kilala at pinili mula sa kapulungan.

Sila'y nagtipon laban kina Moises at Aaron at sinabi nila sa kanila, “Sumusobra na kayo! Ang buong kapulungan ay banal, bawat isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila; bakit nga ninyo itinataas ang inyong sarili sa kapulungan ng Panginoon?”

Nang marinig ito ni Moises, siya ay nagpatirapa;

at sinabi niya kay Kora at sa kanyang buong pangkat, “Sa kinaumagahan ay ipapakita ng Panginoon kung sino ang kanya, at kung sino ang banal, at kung sino ang palalapitin niya sa kanya. Samakatuwid, ang piliin niya ay siyang kanyang palalapitin sa kanya.

Gawin ninyo ito: Kumuha kayo ng mga suuban, si Kora at ang kanyang buong pangkat.

Lagyan ninyo ng apoy at patungan ninyo ng insenso bukas sa harap ng Panginoon at ang taong piliin ng Panginoon ay siyang banal. Lumalabis na kayo, kayong mga anak ni Levi!”

At sinabi ni Moises kay Kora, “Pakinggan ninyo ngayon, kayong mga anak ni Levi!

Minamaliit pa ba ninyo na kayo'y ibinukod ng Diyos ng Israel sa sambayanan ng Israel, upang ilapit niya kayo sa kanya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng Panginoon, at upang kayo'y tumayo sa harap ng kapulungan na mangasiwa sa kanila?

10 At inilapit ka niya at ang lahat ng iyong mga kapatid na mga anak ni Levi, at inyong hinahangad pa ang pagkapari?

11 Kaya't ikaw at ang iyong buong pangkat ay nagtitipon laban sa Panginoon; sino si Aaron, na nagrereklamo kayo laban sa kanya?

12 At ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab; ngunit kanilang sinabi, “Hindi kami pupunta!”

13 Maliit na bagay pa ba na kami ay iyong pinaalis sa isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang at gawin mo pa ang iyong sarili na aming pinuno?

14 Bukod dito'y hindi mo kami dinala sa isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, ni binigyan mo kami ng manang bukid at mga ubasan. Dudukitin mo ba pati ang mga mata ng mga taong ito? Hindi kami pupunta!”

15 At si Moises ay galit na galit, at sinabi sa Panginoon, “Huwag mong igalang ang kanilang handog. Hindi ako kumuha ng isang asno sa kanila, ni gumawa ng masama sa kanino man sa kanila.”

16 At sinabi ni Moises kay Kora, “Humarap ka bukas at ang iyong buong pangkat sa Panginoon, ikaw, sila, at si Aaron.

17 Kumuha ang bawat isa ng kanyang suuban, at lagyan ninyo ng insenso, at dalhin ninyo sa harap ng Panginoon, na bawat isa'y magdala ng kanyang suuban, na dalawandaan at limampung suuban; ikaw naman at si Aaron, bawat isa sa inyo'y may kanyang suuban.”

18 Kaya't kinuha ng bawat isa ang kanyang suuban, at kanilang nilagyan ng apoy at kanilang pinatungan ng insenso at sila'y tumayo sa pintuan ng toldang tipanan na kasama nina Moises at Aaron.

19 At tinipon ni Kora ang buong kapulungan laban sa kanila sa pintuan ng toldang tipanan, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagpakita sa buong kapulungan.

Pinarusahan ang Naghimagsik

20 Nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

21 “Humiwalay kayo sa kapulungang ito, upang malipol ko sila sa isang iglap.”

22 Sila'y nagpatirapa, at nagsabi, “O Diyos, na Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapulungan?”

23 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 “Sabihin mo sa kapulungan, ‘Lumayo kayo sa palibot ng tirahan nina Kora, Datan at Abiram.’”

25 At si Moises ay tumayo at pumaroon kina Datan at Abiram; at ang matatanda sa Israel ay sumunod sa kanya.

26 Sinabi ni Moises sa kapulungan, “Lumayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag ninyong hawakan ang anumang bagay na kanila, baka kayo'y mamatay kasama ng lahat nilang kasalanan.”

27 Kaya't lumayo sila sa tolda nina Kora, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram ay lumabas at tumayo sa pintuan ng kanilang mga tolda kasama ng kanilang mga asawa, mga anak, at mga bata.

28 At sinabi ni Moises, “Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito, at ito'y hindi ko sariling kagustuhan.

29 Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o dumating sa kanila ang likas na kapalaran ng lahat ng tao, hindi nga ako sinugo ng Panginoon.

30 Ngunit kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, at ibuka ng lupa ang kanyang bibig at sila'y lamunin, kasama ng lahat ng nauukol sa kanila, at sila'y buháy na ibaba sa Sheol, inyo ngang malalaman na hinamak ng mga taong ito ang Panginoon.”

31 Nangyari nga, pagkatapos na masabi niya ang lahat ng salitang ito, ang lupa na nasa ilalim nila ay nahati.

32 At ibinuka ng lupa ang kanyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sambahayan, at ang lahat ng lalaki na kabilang kay Kora, at lahat ng kanilang ari-arian.

33 Anupa't sila at lahat ng kabilang sa kanila ay buháy na bumaba sa Sheol at sila'y pinagsarhan ng lupa, at sila'y nalipol mula sa sambayanan.

34 Ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa sigawan nila; sapagkat kanilang sinabi, “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa!”

35 May apoy na lumabas mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawandaan at limampung lalaki na naghandog ng insenso.

Pinitpit ang mga Suuban ng mga Naghimagsik

36 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

37 “Sabihin mo kay Eleazar na anak ng paring si Aaron, na kanyang kunin ang mga suuban mula sa sunog, at magkalat ng apoy doon; sapagkat mga banal iyon;

38 pati ang mga suuban ng mga makasalanang ito laban sa kanilang sariling buhay, at gawin mo ang mga ito na mga pinitpit na pantakip sa dambana, sapagkat kanilang inihandog sa harap ng Panginoon, kaya't banal ang mga ito. Sa gayon, magiging isang tanda ito sa mga anak ni Israel.”

39 Kaya't kinuha ng paring si Eleazar ang mga tansong suuban na inihandog ng mga nasunog; at kanilang pinitpit bilang pantakip sa dambana,

40 upang maging alaala sa mga anak ni Israel, upang sinumang ibang tao na hindi pari, na hindi mga anak ni Aaron ay huwag lumapit upang magsunog ng insenso sa harap ng Panginoon at nang huwag maging tulad ni Kora at ng kanyang mga kasama; gaya ng sinabi ng Panginoon kay Eleazar sa pamamagitan ni Moises.

Nagreklamo ang Kapulungan kina Moises at Aaron

41 Subalit kinabukasan ay nagreklamo ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel kina Moises at Aaron, na sinasabi, “Pinatay ninyo ang bayan ng Panginoon.”

42 At nang magtipon ang kapulungan laban kina Moises at Aaron, sila'y tumingin sa dako ng toldang tipanan; at nakita nilang tinakpan iyon ng ulap at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw.

43 At sina Moises at Aaron ay pumunta sa harapan ng toldang tipanan.

44 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

45 “Lumayo kayo sa gitna ng kapulungang ito, upang aking lipulin sila sa isang iglap.” At sila'y nagpatirapa.

46 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Kunin mo ang iyong suuban, at lagyan mo ng apoy mula sa dambana at patungan ng insenso, at dalhin mo agad sa kapulungan, at tubusin mo sila sapagkat ang poot ay lumabas mula sa Panginoon, ang salot ay nagpapasimula na.

47 Kinuha iyon ni Aaron gaya ng sinabi ni Moises, at siya'y tumakbo sa gitna ng kapulungan na doon ang salot ay nagpasimula na sa gitna ng bayan at siya'y naglagay ng insenso at itinubos para sa bayan.

48 Siya'y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buháy at ang salot ay tumigil.

49 Ang namatay sa salot ay labing-apat na libo at pitong daan, bukod pa sa mga namatay dahil sa nangyari kay Kora.

50 Nang ang salot ay tumigil, si Aaron ay bumalik kay Moises sa pintuan ng toldang tipanan.

Ang Tungkod ni Aaron ay Namulaklak

17 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawat sambahayan ng mga ninuno; sa lahat nilang mga pinuno ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawat isa sa kanyang tungkod.

Isusulat mo ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi, sapagkat magkakaroon ng isa lamang tungkod para sa bawat pinuno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.

Ilagay mo ang mga ito sa toldang tipanan sa harap ng patotoo, kung saan ako nakikipagtagpo sa inyo.

Mamumulaklak ang tungkod ng lalaking aking pipiliin, at patitigilin ko ang mga pagrereklamo ng mga anak ni Israel, na kanilang inerereklamo laban sa inyo.

Si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel, at ang lahat ng kanilang mga pinuno ay nagbigay sa kanya ng tungkod, isa sa bawat pinuno ayon sa mga sambayanan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod, at ang tungkod ni Aaron ay nasa kalagitnaan ng kanilang mga tungkod.

Inilagay ni Moises ang mga tungkod sa harap ng Panginoon sa tolda ng patotoo.

Kinabukasan,(W) nang si Moises ay pumasok sa tolda ng patotoo; ang tungkod ni Aaron sa sambahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.

Mula sa harap ng Panginoon ay inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod sa harap ng lahat ng mga anak ni Israel at kanilang pinagmasdan. Kinuha ng bawat lalaki ang kanyang tungkod.

10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo, upang ingatan bilang tanda laban sa mga mapaghimagsik; at nang iyong wakasan ang kanilang mga pagrereklamo laban sa akin, upang hindi sila mamatay.”

11 Gayon ang ginawa ni Moises; kung paanong iniutos ng Panginoon sa kanya ay gayon niya ginawa.

12 Sinabi ng mga anak ni Israel kay Moises, “Narito, kami ay patay, kami ay napahamak, kaming lahat ay napahamak.”

13 Lahat ng lumalapit sa tabernakulo ng Panginoon ay mamamatay. Kami bang lahat ay malilipol?”

Ang Bahagi ng mga Pari sa mga Bagay na Banal

18 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak at ang sambahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ukol sa santuwaryo, at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ng inyong pagiging pari.

Isama mo rin ang iyong mga kapatid mula sa lipi ni Levi, na lipi ng iyong ama upang sila'y makasama mo at maglingkod sa iyo samantalang ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay nasa harap ng tolda ng patotoo.

Sila'y maglilingkod para sa iyo at para sa buong tolda. Huwag lamang silang lalapit sa mga kasangkapan ng santuwaryo, ni sa dambana, upang hindi sila mamatay, maging kayo man.

Sila'y makikisama sa iyo, at maglilingkod sa toldang tipanan, sa buong paglilingkod sa tolda at walang sinumang ibang dapat lumapit sa iyo.

Gampanan ninyo ang mga gawain sa santuwaryo, at ang gawain sa dambana upang huwag nang magkaroon pa ng kapootan sa mga anak ni Israel.

Ako ang pumili sa inyong mga kapatid na mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila ay isang kaloob sa inyo, na ibinigay sa Panginoon, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan.

At gagampanan mo at ng iyong mga anak na kasama mo ang inyong gawain bilang pari sa bawat bagay ng dambana at doon sa nasa loob ng tabing at kayo'y maglilingkod. Ibinibigay ko sa inyo ang pagiging pari bilang kaloob at ang sinumang ibang lumapit ay papatayin.”

Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako'y narito, ibinigay ko sa iyo ang katungkulan sa mga handog na para sa akin, lahat ng mga banal na bagay ng mga anak ni Israel. Ibinigay ko sa iyo ang mga ito bilang bahagi; at sa iyong mga anak bilang marapat na bahagi ninyo magpakailanman.

Ito'y magiging iyo sa mga pinakabanal na bagay, na hindi pinaraan sa apoy: bawat alay nila, bawat handog na butil at bawat handog pangkasalanan, at bawat handog nila para sa may salang budhi na kanilang ihahandog sa akin ay magiging pinakabanal sa iyo at sa iyong mga anak.

10 Gaya ng mga kabanal-banalang bagay ay kakain ka ng mga iyan: bawat lalaki ay kakain niyon; iyon ay banal na bagay para sa iyo.

11 Ito ay iyo rin, ang handog na iwinagayway na kanilang kaloob, samakatuwid ay ang lahat ng mga handog na iwinagayway ng mga anak ni Israel; ibinigay ko ang mga ito sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na kasama mo bilang walang hanggang bahagi magpakailanman. Bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.

12 Lahat ng pinakamabuting langis, at lahat ng pinakamabuting alak at trigo, ang mga unang bunga ng mga iyon na kanilang ibibigay sa Panginoon ay ibibigay ko sa iyo.

13 Ang mga unang hinog na bunga ng lahat na nasa kanilang lupain, na kanilang dinadala sa Panginoon ay magiging iyo; bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.

14 Lahat(X) ng mga bagay na nakatalaga sa Israel ay magiging iyo.

15 Lahat ng mga bagay na nagbubukas ng bahay-bata, sa lahat ng laman na kanilang inihahandog sa Panginoon, sa mga tao at gayundin sa mga hayop, ay magiging iyo. Gayunman, ang panganay sa tao ay tunay na iyong tutubusin, at ang panganay sa maruruming hayop ay iyong tutubusin.

16 At ang halaga ng pantubos sa kanila, mula sa isang buwang gulang ay iyong tutubusin, ayon sa halaga ng limang siklong pilak, ayon sa siklo ng santuwaryo (na dalawampung gera[g]).

17 Ngunit ang panganay ng baka, o ang panganay ng tupa, o ang panganay ng kambing ay huwag mong tutubusin; banal ang mga iyon. Iyong iwiwisik ang kanilang dugo sa ibabaw ng dambana, at iyong susunugin ang kanilang taba bilang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo para sa Panginoon.

18 Ngunit ang laman nila ay magiging iyo, gaya ng dibdib na iwinagayway at gaya ng kanang hita ay magiging iyo.

19 Lahat ng banal na handog na ihahandog ng mga anak ni Israel sa Panginoon ay aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na walang hanggang bahagi. Iyon ay tipan ng asin magpakailanman sa harap ng Panginoon para sa iyo at sa iyong binhi na kasama mo.”

20 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Hindi ka magkakaroon ng mana sa kanilang lupain, ni magkakaroon ka ng anumang bahagi sa gitna nila. Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.

Ang Ikasampung Bahagi ay Ipinamana sa mga Levita

21 Sa(Y) mga anak ni Levi, narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasampung bahagi sa Israel bilang mana, na ganti sa kanilang paglilingkod na kanilang ipinaglilingkod, samakatuwid ay sa paglilingkod sa toldang tipanan.

22 Mula ngayon ay huwag lalapit ang mga anak ni Israel sa toldang tipanan, baka sila'y magtaglay ng kasalanan, at mamatay.

23 Ngunit gagawin ng mga Levita ang paglilingkod sa toldang tipanan at kanilang papasanin ang kanilang kasamaan; ito'y magiging tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.

24 Sapagkat ang ikapu ng mga anak ni Israel na kanilang ihahandog bilang handog sa Panginoon ay aking ibinigay sa mga Levita bilang mana. Kaya't aking sinabi sa kanila, ‘Sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.’”

25 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

26 “Bukod dito'y sasabihin mo sa mga Levita, ‘Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasampung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila bilang inyong mana, ay inyong ihahandog bilang handog na ibinigay sa Panginoon, ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi.

27 Ang inyong mga handog ay ibibilang sa inyo na parang trigo ng giikan at ng kasaganaan ng pisaan ng ubas.

28 Ganito rin kayo maghahandog ng handog sa Panginoon sa inyong buong ikasampung bahagi, na inyong tinatanggap sa mga anak ni Israel; at ganito ninyo ibibigay sa paring si Aaron ang handog sa Panginoon.

29 Sa lahat ng inyong natanggap na kaloob ay inyong ihahandog ang bawat handog na ukol sa Panginoon, ang lahat ng pinakamabuti sa mga iyon, samakatuwid ay ang banal na bahagi niyon.

30 Kaya't iyong sasabihin sa kanila, “Kapag inyong naialay na ang pinakamabuti sa handog, ang nalabi ay ibibilang sa mga Levita, na parang bunga ng giikan at parang pakinabang sa pisaan ng ubas.

31 Maaari ninyong kainin saanmang lugar, kayo at ang inyong mga kasambahay sapagkat ito'y inyong gantimpala dahil sa inyong paglilingkod sa toldang tipanan.

32 At hindi kayo magtataglay ng kasalanan dahil dito, kapag naialay na ninyo ang pinakamabuti sa mga iyon at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, upang huwag kayong mamatay.’”

Ang Paglilinis sa Pamamagitan ng Abo ng Babaing Baka

19 Ang Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi:

“Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon, ‘Sabihin mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang dumalagang baka, na walang kapintasan, walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok.

Ibibigay ninyo ito sa paring si Eleazar, at kanyang ilalabas sa kampo at papatayin sa kanyang harapan.

Ang paring si Eleazar ay kukuha ng dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri, at pitong ulit na magwiwisik ng dugo sa dakong harap ng toldang tipanan.

At susunugin sa paningin niya ang dumalagang baka; ang balat nito at ang laman, ang dugo, at ang dumi nito ay susunugin.

Ang pari ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng pulang tela, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa dumalagang baka.

Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang mga damit at kanyang paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo at ang pari ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang sumunog sa baka ay maglalaba ng kanyang damit sa tubig at kanyang huhugasan ang kanyang katawan sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

At(Z) titipunin ng isang taong malinis ang mga abo ng dumalagang baka at ilalagay sa labas ng kampo sa isang dakong malinis; at iingatan para sa kapulungan ng mga anak ni Israel bilang tubig para sa karumihan para sa pag-aalis ng kasalanan.

10 Ang pumulot ng mga abo ng dumalagang baka ay maglalaba ng kanyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa gabi; at sa mga anak ni Israel at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila ay magiging isang tuntunin magpakailanman.

11 Ang humawak sa bangkay ng sinumang tao ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.

12 Siya ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na iyon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis, ngunit kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.

13 Sinumang humipo ng patay, na bangkay ng namatay at hindi maglilinis, ay dinudungisan ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong iyon ay ititiwalag sa Israel, sapagkat ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya; siya'y magiging marumi; ang kanyang karumihan ay nasa kanya pa.

14 Ito ang batas kapag ang isang tao ay namatay sa isang tolda. Lahat ng pumapasok sa tolda at lahat ng nasa tolda ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.

15 Bawat sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon ay marumi sa loob.

16 Sinumang nasa parang na humawak sa pinatay ng tabak, o sa bangkay, o sa buto ng tao, o sa libingan, ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.

17 Para sa taong marumi ay kukuha sila ng mga abo sa sinunog na handog pangkasalanan at kukuha ng tubig na umaagos at ilalagay sa isang sisidlan.

18 Pagkatapos, ang malinis na tao ay kukuha ng isopo at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda, sa lahat ng kasangkapan, sa mga taong naroon, sa humawak ng buto o ng bangkay ng patay, o ng libingan.

19 Wiwisikan ng taong malinis ang taong marumi sa ikatlo at ikapitong araw; kaya't kanyang lilinisin siya sa ikapitong araw. Siya'y maglalaba ng kanyang mga kasuotan, maliligo sa tubig at magiging malinis sa paglubog ng araw.

20 “Ngunit ang taong marumi at hindi maglilinis ay ititiwalag mula sa gitna ng kapulungan, sapagkat kanyang dinungisan ang santuwaryo ng Panginoon, yamang ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya, siya'y marumi.

21 Ito'y magiging isang tuntunin magpakailanman sa kanila at ang nagwiwisik ng tubig para sa karumihan ay maglalaba ng kanyang mga suot; at yaong humawak ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

22 Anumang hawakan ng taong marumi ay magiging marumi, at ang taong humawak niyon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang Pagkamatay ni Miriam(AA)

20 Ang mga anak ni Israel, ang buong kapulungan, ay dumating sa ilang ng Zin nang unang buwan; at ang bayan ay nanatili sa Kadesh. Si Miriam ay namatay, at inilibing doon.

Ang Tubig ng Meriba

At(AB) walang tubig na mainom ang kapulungan at sila'y nagpulong laban kina Moises at Aaron.

Nakipag-away ang bayan kay Moises at nagsabi, “Sana ay namatay na kami nang mamatay ang aming mga kapatid sa harap ng Panginoon!

Bakit ninyo dinala ang kapulungan ng Panginoon sa ilang na ito upang kami at ang aming mga hayop ay mamatay dito?

At bakit ninyo kami pinaahon mula sa Ehipto upang dalhin kami sa masamang lugar na ito? Hindi ito lugar na bukirin, o ng igos, o ng ubasan, o ng mga granada; at dito'y walang tubig na mainom.”

Sina Moises at Aaron ay umalis sa harap ng kapulungan at nagtungo sa pintuan ng toldang tipanan at nagpatirapa. Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagpakita sa kanila.

Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Kunin mo ang tungkod at tipunin mo ang kapulungan, ikaw at ang kapatid mong si Aaron, at magsalita kayo sa bato sa harapan nila upang magbigay ito ng kanyang tubig. Sa gayon ka maglalabas ng tubig para sa kanila mula sa bato; gayon ka magbibigay ng inumin para sa kapulungan at sa kanilang mga hayop.”

At kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ng Panginoon, na gaya ng iniutos sa kanya.

10 Tinipon nina Moises at Aaron ang kapulungan sa harap ng malaking bato, at kanyang sinabi sa kanila, “Makinig kayo ngayon, mga mapaghimagsik! Ikukuha ba namin kayo ng tubig sa malaking batong ito?”

11 Itinaas ni Moises ang kanyang kamay at dalawang ulit na hinampas ng kanyang tungkod ang malaking bato at ang tubig ay lumabas na sagana, at uminom ang kapulungan at ang kanilang mga hayop.

12 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Sapagkat hindi kayo sumampalataya sa akin upang ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng mga anak ni Israel, kaya't hindi ninyo dadalhin ang kapulungang ito sa lupain na aking ibinigay sa kanila.”

13 Ito ang tubig ng Meriba[h] na kung saan nakipag-away ang mga anak ni Israel sa Panginoon at ipinakita niya sa kanila na siya ay banal.

Ayaw Paraanin ng Edom ang Israel

14 Si Moises ay nagsugo sa mga hari sa Edom mula sa Kadesh, “Ganito, ang sabi ng iyong kapatid na Israel, ‘Alam mo ang lahat ng kahirapan na dumating sa amin.

15 Kung paanong ang aming mga ninuno ay pumunta sa Ehipto, at kami ay nanirahan sa Ehipto ng matagal na panahon at pinahirapan kami at ang aming mga ninuno ng mga Ehipcio.

16 Nang kami ay dumaing sa Panginoon ay pinakinggan niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Ehipto. At ngayon, kami ay nasa Kadesh, na isang bayan na nasa dulo ng iyong nasasakupan.

17 Ipinapakiusap ko sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa kabukiran o sa ubasan, ni hindi kami iinom ng tubig sa mga balon. Kami ay daraan sa Daan ng Hari. Hindi kami liliko sa dakong kanan o sa kaliwa man hanggang sa makaraan kami sa iyong nasasakupan.’”

18 Sinabi ni Edom sa kanya, “Huwag kang daraan sa aking lupain, baka salubungin kita ng tabak.”

19 At sinabi ng mga anak ni Israel sa kanya, “Kami ay aahon sa lansangan at kung kami at ang aming mga hayop ay iinom ng iyong tubig, ito ay babayaran ko. Pahintulutan mo lamang ako na makaraan. Wala ng iba pa.”

20 Ngunit kanyang sinabi, “Hindi ka makakaraan.” Ang Edom ay lumabas laban sa kanya na may dalang maraming tao, at may malakas na hukbo.

21 Ganito tumanggi ang Edom na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan kaya't ang Israel ay lumayo sa kanya.

Ang Kamatayan ni Aaron

22 Sila at ang buong kapulungan ng mga Israelita ay naglakbay mula sa Kadesh at nakarating sa bundok ng Hor.

23 At sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron sa bundok ng Hor, sa hangganan ng lupain ng Edom,

24 “Si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan. Siya'y hindi papasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagkat kayo'y naghimagsik laban sa aking utos sa tubig ng Meriba.

25 Dalhin mo sina Aaron at Eleazar na kanyang anak sa bundok ng Hor.

26 Hubaran mo si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isuot mo kay Eleazar na kanyang anak at si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan, at doon siya mamamatay.”

27 Ginawa ni Moises ang iniutos ng Panginoon at sila'y umahon sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapulungan.

28 Hinubaran(AC) ni Moises si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isinuot kay Eleazar na kanyang anak. Namatay si Aaron doon sa tuktok ng bundok at sina Moises at Eleazar ay bumaba sa bundok.

29 Nang makita ng buong kapulungan na si Aaron ay patay na, ang buong sambahayan ni Israel ay tumangis para kay Aaron sa loob ng tatlumpung araw.

Ang Ahas na Tanso

21 Nang(AD) mabalitaan ng Cananeo, na hari ng Arad, na naninirahan sa Negeb, na ang Israel ay daraan sa Atarim, nilabanan niya ang Israel at binihag ang iba sa kanila.

Ang Israel ay gumawa ng sumpa sa Panginoon at nagsabi, “Kung tunay na ibibigay mo ang bayang ito sa aking kamay, aking lubos na gigibain ang kanilang mga bayan.”

Pinakinggan ng Panginoon ang tinig ng Israel at ibinigay sa kanila ang Cananeo. Kanilang lubos na nilipol sila at ang kanilang mga bayan. Kaya't ang ipinangalan sa dakong iyon ay Horma.[i]

Sila'y(AE) naglakbay mula sa bundok ng Hor patungo sa Dagat na Pula upang umikot sa lupain ng Edom; at ang damdamin ng mga tao ay nainip sa daan.

Ang(AF) bayan ay nagsalita laban sa Diyos at laban kay Moises, “Bakit ninyo kami iniahon mula sa Ehipto, upang mamatay sa ilang? Sapagkat walang pagkain at walang tubig at ang kaluluwa namin ay nasusuya na sa walang kuwentang pagkaing ito.”

Pagkatapos, ang Panginoon ay nagsugo ng mga makamandag[j] na ahas sa mga taong-bayan, at tinuklaw ng mga ito ang mga tao, kaya't marami sa Israel ang namatay.

Ang bayan ay pumunta kay Moises at nagsabi, “Kami ay nagkasala, sapagkat kami ay nagsalita laban sa Panginoon at laban sa iyo. Idalangin mo sa Panginoon, na kanyang alisin sa amin ang mga ahas. At idinalangin ni Moises ang bayan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001