Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 2:30-15:35

30 Kaya't ipinahahayag ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Aking ipinangako na ang iyong sambahayan, at ang sambahayan ng iyong ama ay lalakad sa harapan ko magpakailanman.’ Ngunit ipinahahayag ngayon ng Panginoon, ‘Malayo sa akin; sapagkat ang mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalan, at ang mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.

31 Tingnan mo, ang mga araw ay dumating na aking puputulin ang iyong bisig at ang bisig ng sambahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sambahayan.

32 At sa kapighatian ay iyong mamasdan na may pagkainggit ang buong kasaganaan na ibibigay ng Diyos sa Israel; at hindi na magkakaroon ng matanda sa iyong sambahayan magpakailanman.

33 Ang lalaki mula sa iyo na hindi ko ihihiwalay sa aking dambana ay maliligtas sa pagluha ng kanyang mga mata at pamamanglaw ng kanyang puso; at ang lahat ng naparagdag sa iyong sambahayan ay mamamatay sa kanilang kabataan.

34 Ang(A) mangyayari sa iyong dalawang anak na sina Hofni at Finehas ay magiging tanda sa iyo. Sila'y kapwa mamamatay sa iisang araw.

35 Ako'y magbabangon para sa akin ng isang tapat na pari, na gagawa nang ayon sa nilalaman ng aking puso at pag-iisip. Ipagtatayo ko siya ng panatag na sambahayan; at siya'y maglalabas-masok sa harap ng aking binuhusan ng langis magpakailanman.

36 Bawat isang naiwan sa iyong sambahayan ay lalapit at magmamakaawa sa kanya para sa isang pirasong pilak at sa isang pirasong tinapay, at magsasabi, Hinihiling ko sa iyo na ilagay mo ako sa isa sa mga katungkulang pagkapari, upang makakain ako ng isang subong tinapay.’”

Nagpakita ang Panginoon kay Samuel

Ang batang si Samuel ay naglilingkod sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay bihira noong mga araw na iyon; hindi madalas ang pangitain.

Nang panahong iyon, si Eli na ang paningin ay nagsimula nang lumabo, kaya't siya'y hindi makakita, ay nakahiga sa kanyang silid.

Ang ilawan ng Diyos ay hindi pa namamatay at si Samuel ay nakahiga sa loob ng templo ng Panginoon na kinaroroonan ng kaban ng Diyos;

at tumawag ang Panginoon, “Samuel! Samuel!” at kanyang sinabi, “Narito ako!”

Siya'y tumakbo kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” At kanyang sinabi, “Hindi ako tumawag; mahiga ka uli.” Siya'y umalis at nahiga.

Muling tumawag ang Panginoon, “Samuel.” Bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat ako'y tinawag mo.” Siya'y sumagot, “Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.”

Hindi pa nakikilala ni Samuel ang Panginoon at ang salita ng Panginoon ay hindi pa nahahayag sa kanya.

Sa ikatlong pagkakataon ay muling tinawag ng Panginoon si Samuel. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako; sapagkat ako'y iyong tinawag.” At nalaman ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata.

Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, “Humayo ka, mahiga ka; at kung tatawagin ka niya ay iyong sasabihin, ‘Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.’” Kaya't humayo si Samuel at nahiga sa kanyang lugar.

10 At ang Panginoon ay dumating at tumayo, at tumawag na gaya nang una, “Samuel! Samuel!” Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, “Magsalita ka; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.”

11 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Tingnan mo, malapit na akong gumawa ng isang bagay sa Israel na magpapapanting sa dalawang tainga ng bawat nakikinig.

12 Sa araw na iyon ay aking tutuparin laban kay Eli ang lahat ng aking sinabi tungkol sa kanyang sambahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas.

13 Sapagkat sinabi ko sa kanya na malapit ko nang parusahan ang kanyang sambahayan magpakailanman, dahil sa kasamaan na kanyang nalalaman, sapagkat ang kanyang mga anak ay lumalapastangan sa Diyos, at sila'y hindi niya sinaway.

14 Kaya't ako'y sumumpa sa sambahayan ni Eli na ang kasamaan ng sambahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng alay o handog magpakailanman.”

15 Nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at pagkatapos ay binuksan niya ang mga pintuan ng bahay ng Panginoon. Takot si Samuel na sabihin kay Eli ang pangitain.

16 Subalit tinawag ni Eli si Samuel at sinabi, “Samuel, anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”

17 Kanyang itinanong, “Ano ang sinabi niya sa iyo? Nakikiusap ako sa iyo na huwag mong ilihim sa akin. Gawin ng Diyos sa iyo, at higit pa, kung ililihim mo sa akin ang anumang bagay sa lahat ng kanyang sinabi sa iyo.”

18 Kaya't isinalaysay sa kanya ni Samuel ang lahat ng bagay at hindi naglihim ng anuman sa kanya. At kanyang sinabi, “Ang Panginoon nga iyon; gawin niya ang inaakala niyang mabuti para sa kanya.”

19 Lumaki si Samuel at ang Panginoon ay kasama niya, at hindi pinahintulutang ang alinman sa kanyang mga salita ay malaglag sa lupa.

20 Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag bilang isang propeta ng Panginoon.

21 Nagpakitang muli ang Panginoon sa Shilo, sapagkat ipinakilala ng Panginoon ang kanyang sarili kay Samuel sa Shilo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

Ang Pagkabihag sa Kaban ng Tipan

Ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel. Ngayo'y lumabas ang Israel upang makipaglaban sa mga Filisteo. Sila'y humimpil sa Ebenezer, at ang mga Filisteo ay humimpil sa Afec.

Ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel, at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nagapi ng mga Filisteo na pumatay ng halos apat na libong katao sa larangan ng digmaan.

Nang ang mga kawal ay dumating sa kampo, sinabi ng matatanda ng Israel, “Bakit ipinatalo tayo ngayon ng Panginoon sa harapan ng mga Filisteo? Dalhin natin dito ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Shilo upang siya ay makasama natin at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.”

Kaya't(B) nagpasugo ang bayan sa Shilo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nakaupo sa mga kerubin. Ang dalawang anak ni Eli, na sina Hofni at Finehas, ay naroroon at binabantayan ang kaban ng tipan ng Diyos.

Nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumating sa kampo, ang buong Israel ay sumigaw nang malakas, kaya't umalingawngaw ang lupa.

Nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng sigawan ay sinabi nila, “Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na sigawan sa kampo ng mga Hebreo?” At nang kanilang nalaman na ang kaban ng Panginoon ay dumating sa kampo,

ang mga Filisteo ay natakot, sapagkat kanilang sinabi, “May diyos na dumating sa kampo.” Kanilang sinabi, “Kahabag-habag tayo! Sapagkat hindi pa nagkaroon ng ganyang bagay kailanman.

Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng mga makapangyarihang diyos na ito? Ito ang mga diyos na pumuksa sa mga taga-Ehipto sa pamamagitan ng sari-saring salot sa ilang.

Kayo'y magpakatapang at magpakalalaki, O kayong mga Filisteo. Baka kayo'y maging mga alipin ng mga Hebreo na gaya ng naging kalagayan nila sa inyo. Kayo'y magpakalalaki at lumaban.”

10 Ang mga Filisteo ay lumaban at ang Israel ay natalo at tumakas ang bawat isa sa kanila patungo sa kanya-kanyang tahanan. Nagkaroon ng malaking patayan sapagkat ang nabuwal sa Israel ay tatlumpung libong kawal na lakad.

11 Ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang dalawang anak ni Eli, sina Hofni at Finehas ay napatay.

Namatay si Eli

12 May isang lalaking taga-Benjamin ang nakatakbo mula sa labanan, at nagtungo sa Shilo nang araw ding iyon na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo.

13 Nang siya'y dumating, si Eli ay nakaupo sa kanyang upuan sa tabi ng daan at nagbabantay sapagkat ang kanyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Diyos. Nang ang lalaki ay pumasok sa lunsod at sinabi ang balita, ang taong-bayan ay nanangis.

14 Nang marinig ni Eli ang ingay ng sigawan ay kanyang sinabi, “Ano ang kahulugan ng ingay na ito?” At ang lalaki ay nagmadali, lumapit at nagbalita kay Eli.

15 Si Eli noon ay siyamnapu't walong taon at ang kanyang mga mata'y malalabo na kaya't siya'y hindi na makakita.

16 Sinabi ng lalaki kay Eli, “Kagagaling ko lamang sa labanan, at ako'y tumakas ngayon mula sa labanan.” At kanyang sinabi, “Paano ang nangyari, anak ko?”

17 Ang nagdala ng balita ay sumagot, “Ang Israel ay tumakas mula sa harap ng mga Filisteo. Nagkaroon din doon ng isang malaking patayan sa gitna ng mga hukbo. Ang iyong dalawang anak, sina Hofni at Finehas ay patay na, at ang kaban ng Diyos ay nakuha.”

18 Nang kanyang banggitin ang kaban ng Diyos, si Eli ay nabuwal na patalikod sa kanyang upuan sa tabi ng pintuang-bayan. Nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay sapagkat siya'y isang lalaking matanda at mabigat. Naging hukom siya ng Israel sa loob ng apatnapung taon.

19 Samantala, ang kanyang manugang, na asawa ni Finehas ay buntis at malapit nang manganak. Nang marinig niya ang balita na ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang kanyang biyenan at asawa ay patay na, yumukod siya at napaanak, sapagkat ang kanyang pagdaramdam ay dumating sa kanya.

20 Nang malapit na siyang mamatay, sinabi sa kanya ng mga babaing nakatayo sa tabi niya, “Huwag kang matakot sapagkat ikaw ay nanganak ng isang lalaki.” Ngunit hindi siya sumagot, o nakinig man.

21 Pinangalanan niya ang bata na Icabod[a] na sinasabi, “Ang kaluwalhatian ay umalis sa Israel,” sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha at dahil sa kanyang biyenan at sa kanyang asawa.

22 Kanyang sinabi, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay umalis sa Israel, sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha.”

Ang Kaban ng Tipan sa mga Filisteo

Nang makuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos, ito ay kanilang dinala sa Asdod mula sa Ebenezer.

Pagkatapos ay kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon.

Kinaumagahan, nang bumangong maaga ang mga taga-Asdod, si Dagon ay buwal na nakasubsob doon sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Kanilang kinuha si Dagon at muli siyang inilagay sa kanyang puwesto.

Subalit nang sila'y maagang bumangon kinaumagahan, si Dagon ay buwal na nakasubsob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Ang ulo ni Dagon, gayundin ang kanyang mga kamay ay putol at nasa bungad ng pintuan; tanging ang katawan ni Dagon lamang ang naiwan sa kanya.

Dahil dito ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng pumapasok sa bahay ni Dagon ay hindi tumutuntong sa bungad ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito.

Ang mga Bayan ng Filisteo ay Pinarusahan

Ang kamay ng Panginoon ay mabigat sa mga taga-Asdod. Kanyang tinakot sila at sinaktan ng mga bukol, ang Asdod at ang mga nasasakupan nito.

Nang makita ng mga lalaki sa Asdod ang nangyayari ay kanilang sinabi, “Ang kaban ng Diyos ng Israel ay hindi dapat manatiling kasama natin sapagkat ang kanyang kamay ay mabigat sa atin at kay Dagon na ating diyos.”

Kaya't kanilang ipinatawag at tinipon ang lahat ng mga panginoon ng mga Filisteo at sinabi, “Ano ang ating gagawin sa kaban ng Diyos ng Israel?” At sila'y sumagot, “Dalhin sa Gat ang kaban ng Diyos ng Israel.” At kanilang dinala roon ang kaban ng Diyos ng Israel.

Subalit pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa lunsod na nagdulot ng malaking ligalig. Sinaktan niya ang mga tao sa lunsod, maging bata o matanda, kaya't may mga bukol na tumubo sa kanila.

10 Kanilang ipinadala ang kaban ng Diyos sa Ekron. Subalit pagdating ng kaban ng Diyos sa Ekron, ang mga taga-Ekron ay sumigaw, “Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Diyos ng Israel upang patayin tayo at ang ating taong-bayan.”

11 Kaya't ipinatawag nila at tinipon ang lahat ng panginoon ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, “Ilayo ninyo ang kaban ng Diyos ng Israel at ibalik ninyo sa kanyang sariling lugar, upang huwag nito kaming patayin at ang aming taong-bayan.” Sapagkat nagkaroon ng nakakamatay na pagkakagulo[b] sa buong lunsod. Ang kamay ng Diyos ay lubhang mabigat doon.

12 Ang mga lalaking hindi namatay ay nagkaroon ng mga bukol, at ang daing ng lunsod ay umabot hanggang sa langit.

Ibinalik ang Kaban ng Tipan

Ang kaban ng Panginoon ay nasa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong buwan.

Ipinatawag ng mga Filisteo ang mga pari at ang mga manghuhula, na sinasabi, “Anong aming gagawin sa kaban ng Panginoon? Sabihin ninyo sa amin kung anong aming ipapadala kasama nito sa kanyang dako.”

At kanilang sinabi, “Kung inyong ipapadala ang kaban ng Diyos ng Israel, huwag ninyong ipadalang walang laman, kundi gawin ninyo ang lahat ng paraan na maibalik siya na may handog para sa budhing nagkasala. Kung magkagayo'y gagaling kayo at malalaman ninyo kung bakit ang kanyang kamay ay hindi humihiwalay sa inyo.”

Kanilang sinabi, “Ano ang handog para sa budhing nagkasala na aming ibabalik sa kanya?” At kanilang sinabi, “Limang gintong bukol, at limang gintong daga ayon sa bilang ng mga panginoon ng mga Filisteo; sapagkat iisang salot ang dumating sa inyong lahat at sa inyong mga panginoon.

Kaya't kailangang gumawa kayo ng mga anyo ng inyong mga bukol at daga na sumira ng lupain, at inyong bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos ng Israel, baka sakaling kanyang pagaanin ang kanyang kamay sa inyo, sa inyong mga diyos, at sa inyong lupain.

Bakit ninyo pinagmamatigas ang inyong puso gaya ng mga taga-Ehipto at ni Faraon na pinagmatigas ang kanilang puso? Pagkatapos na siya'y makagawa ng kahanga-hanga sa kanila, di ba pinahintulutan nilang umalis ang bayan, at sila'y umalis?

Ngayo'y kumuha kayo at maghanda ng isang bagong kariton, at dalawang bagong bakang gatasan na hindi pa napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa kariton ngunit iuwi ninyo ang kanilang mga guya.

Kunin ninyo ang kaban ng Panginoon, ilagay ninyo sa kariton, at isilid ninyo sa isang kahon na nasa tabi niyon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kanya bilang handog para sa budhing nagkasala. Pagkatapos ay paalisin na ninyo, at hayaang lumakad.

Masdan ninyo. Kung umahon sa daang patungo sa kanyang sariling lupain sa Bet-shemes, kung gayon ay siya nga ang gumawa sa atin ng malaking pinsalang ito. Ngunit kung hindi, malalaman natin na hindi ang kanyang kamay ang nanakit sa atin, ito ay pangyayaring nagkataon lamang.”

10 Gayon ang ginawa ng mga lalaki, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan at ikinabit sa kariton, at ikinulong ang kanilang mga guya sa bahay.

11 Kanilang inilagay ang kaban ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may mga dagang ginto at mga anyo ng kanilang mga bukol.

12 Ang mga baka ay tuluy-tuloy sa daang patungo sa Bet-shemes; sila'y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang humahayo. Sila'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga panginoon ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Bet-shemes.

13 Noon ang mga taga-Bet-shemes ay nag-aani ng kanilang trigo sa libis. Nang sila'y tumingin at nakita ang kaban, sila ay nagalak na makita iyon.

14 Ang kariton ay dumating sa bukid ni Josue na taga-Bet-shemes at huminto roon. Isang malaking bato ang naroroon; at kanilang biniyak ang kahoy ng kariton at inihandog sa Panginoon ang mga baka bilang handog na sinusunog.

15 Ibinaba ng mga Levita ang kaban ng Panginoon at ang kahon na nasa tagiliran niyon na may lamang mga hiyas na ginto, at ipinatong sa malaking bato. Ang mga lalaki sa Bet-shemes ay naghandog ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga alay sa Panginoon nang araw ding iyon.

16 Nang makita ito ng limang panginoon ng mga Filisteo, sila ay bumalik sa Ekron nang araw ding iyon.

17 Ito ang mga gintong bukol na ibinalik ng mga Filisteo sa Panginoon bilang handog para sa budhing nagkasala: isa sa Asdod, isa sa Gaza, isa sa Ascalon, isa sa Gat, at isa sa Ekron.

18 Ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga lunsod ng mga Filisteo na sakop ng limang panginoon, ang mga lunsod na nakukutaan at mga nayon sa kaparangan. Ang malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng Panginoon ay isang saksi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na taga-Bet-shemes.

19 Kanyang pinatay ang ilan sa mga tao sa Bet-shemes, sapagkat kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng Panginoon. Pumatay siya sa bayan ng pitumpung lalaki at limampung libong katao. Ang bayan ay nagluksa sapagkat ang Panginoon ay gumawa ng malaking pagpatay sa taong-bayan.

20 Sinabi ng mga lalaking taga-Bet-shemes, “Sino ang makakatayo sa harap ng Panginoon, dito sa banal na Diyos? Kanino niya ito ipadadala upang mapalayo sa atin?”

21 Kaya't sila'y nagpadala ng mga sugo sa mga naninirahan sa Kiryat-jearim, na nagsasabi, “Ibinalik na ng mga Filisteo ang kaban ng Panginoon; kayo'y lumusong at iahon ninyo sa inyo.”

Ang Kaban ay Dinala sa Kiryat-jearim

Ang(C) mga tao sa Kiryat-jearim ay dumating at iniahon ang kaban ng Panginoon, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol; at kanilang itinalaga si Eleazar na kanyang anak upang ingatan ang kaban ng Panginoon.

Mula nang araw na ilagay ang kaban sa Kiryat-jearim ay lumipas ang mahabang panahon, mga dalawampung taon at ang buong sambahayan ng Israel ay tumaghoy sa Panginoon.

Namuno si Samuel sa Israel

Nagsalita si Samuel sa buong sambahayan ng Israel, “Kung kayo'y nanunumbalik sa Panginoon nang inyong buong puso ay inyo ngang alisin ang ibang mga diyos at ang mga Astarot na nasa inyo. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kanya lamang kayo maglingkod at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.”

Kaya't inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astarot, at ang Panginoon lamang ang kanilang pinaglingkuran.

Nagtagumpay si Samuel Laban sa Filisteo

Sinabi ni Samuel, “Tipunin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa Panginoon.”

Kaya't sila'y nagtipun-tipon sa Mizpa, umigib ng tubig, ibinuhos sa harap ng Panginoon, at nag-ayuno nang araw na iyon. Sinabi nila roon, “Kami ay nagkasala laban sa Panginoon.” At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtipon sa Mizpa, umahon laban sa Israel ang mga panginoon ng mga Filisteo. Nang mabalitaan iyon ng mga anak ni Israel, sila ay natakot sa mga Filisteo.

Sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, “Huwag kang tumigil ng pagsamo para sa atin sa Panginoon nating Diyos, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo.”

Kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin at inihandog bilang buong handog na sinusunog sa Panginoon. Dumaing si Samuel sa Panginoon para sa Israel; at ang Panginoon ay sumagot sa kanya.

10 Samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na sinusunog, lumapit ang mga Filisteo upang lumusob sa Israel; ngunit ang Panginoon ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na iyon sa mga Filisteo at nilito sila. Sila'y nabuwal sa harap ng Israel.

11 Ang mga lalaki ng Israel ay lumabas sa Mizpa at hinabol ang mga Filisteo at pinatay sila hanggang sa ibaba ng Betcar.

12 Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen. Tinawag ang pangalan nito na Ebenezer[c] sapagkat sinasabi niya, “Hanggang dito'y tinulungan tayo ng Panginoon.”

13 Kaya't nagapi ang mga Filisteo at hindi na muling pumasok sa nasasakupan ng Israel. Ang kamay ng Panginoon ay laban sa Filisteo sa lahat ng mga araw ni Samuel.

14 Ang mga bayang sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay ibinalik sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat; at binawi ng Israel ang kanilang nasasakupan mula sa kamay ng mga Filisteo. Nagkaroon din ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amoreo.

15 Naghukom si Samuel sa Israel sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.

16 Siya'y nagpalibut-libot taun-taon sa Bethel, Gilgal, at Mizpa; at naghukom siya sa Israel sa mga lugar na ito.

17 Pagkatapos ay bumabalik siya sa Rama, sapagkat naroroon ang kanyang tahanan, at doon ay pinapangasiwaan din niya ang katarungan sa Israel. Nagtayo siya roon ng isang dambana sa Panginoon.

Ang Israel ay Humingi ng Hari

Nang si Samuel ay matanda na, ginawa niyang mga hukom sa Israel ang kanyang mga anak.

Ang pangalan ng kanyang panganay na anak ay Joel at ang pangalawa ay Abias. Sila'y mga hukom sa Beer-seba.

Ngunit ang kanyang mga anak ay hindi sumunod sa kanyang mga daan, kundi tumalikod dahil sa pakinabang. Sila'y tumanggap ng mga suhol at binaluktot ang katarungan.

Nang magkagayo'y nagtipun-tipon ang mga matanda ng Israel at pumaroon kay Samuel sa Rama.

At(D) kanilang sinabi sa kanya, “Ikaw ay matanda na at ang iyong mga anak ay hindi sumusunod sa iyong mga daan. Humirang ka ngayon para sa amin ng isang hari upang mamahala sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.”

Ngunit hindi minabuti ni Samuel nang kanilang sabihin, “Bigyan mo kami ng isang hari upang mamahala sa amin.” At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.

Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Pakinggan mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagkat hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako bilang hari nila.

Ayon sa lahat ng mga bagay na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, na kanilang tinatalikuran ako at naglilingkod sa ibang mga diyos ay gayundin ang ginagawa nila sa iyo.

Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig; lamang ay balaan mo silang mabuti, at ipakita mo sa kanila ang mga pamamaraan ng hari na maghahari sa kanila.”

Nagbabala si Samuel

10 Kaya't iniulat ni Samuel ang lahat ng mga salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kanya ng isang hari.

11 Sinabi niya, “Ito ang magiging mga palakad ng hari na maghahari sa inyo: kanyang kukunin ang inyong mga anak at kanyang ilalagay sa kanyang mga karwahe upang maging mga mangangabayo na tatakbo sa unahan ng kanyang mga karwahe.

12 Siya'y hihirang para sa kanya ng mga pinuno ng libu-libo at mga pinuno ng tiglilimampu; at ang iba ay upang mag-araro ng kanyang lupa, at gumapas ng kanyang ani, at upang gumawa ng kanyang mga kagamitang pandigma at mga kagamitan ng kanyang mga karwahe.

13 Kanyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, mga tagapagluto, at mga magtitinapay.

14 Kukunin niya ang pinakamainam ninyong mga bukid, mga ubasan, at mga taniman ng olibo upang ibigay ang mga iyon sa kanyang mga lingkod.

15 Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong butil at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kanyang mga punong-kawal at mga lingkod.

16 Kanyang kukunin ang inyong mga aliping lalaki at aliping babae, ang inyong pinakamabuting kabataan, at ang inyong mga asno, at ilalagay niya sa kanyang mga gawain.

17 Kanyang kukunin ang ikasampung bahagi ng inyong mga kawan at kayo'y magiging kanyang mga alipin.

18 Sa araw na iyon kayo'y daraing dahil sa inyong hari na inyong pinili para sa inyong sarili; ngunit hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na iyon.”

19 Ngunit tumangging makinig ang bayan sa tinig ni Samuel at kanilang sinabi, “Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari,

20 upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang mamahala sa amin ang aming hari at lumabas sa unahan namin at lumaban sa aming mga digmaan.”

21 Nang marinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, kanyang inulit ang mga iyon sa pandinig ng Panginoon.

22 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Pakinggan mo ang kanilang tinig at bigyan mo sila ng hari.” Sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, “Umuwi ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang lunsod.”

Nagkita sina Saul at Samuel

May isang lalaki sa Benjamin na ang pangala'y Kish, na anak ni Abiel, na anak ni Zeor, na anak ni Becora, na anak ni Afia, isang Benjaminita, isang taong mayaman.

Siya'y may isang anak na lalaki na ang pangala'y Saul, isang makisig na kabataan. Sa mga anak ni Israel ay walang higit na makisig na lalaki kaysa kanya. Mula sa kanyang mga balikat paitaas ay higit siyang matangkad kaysa sinuman sa taong-bayan.

Noon ang mga asno ni Kish na ama ni Saul ay nawawala. At sinabi ni Kish kay Saul na kanyang anak, “Isama mo ngayon ang isa sa mga tauhan. Tumindig ka at hanapin mo ang mga asno.”

Siya'y dumaan sa lupaing maburol ng Efraim at sa lupain ng Salisa, ngunit hindi nila natagpuan. Dumaan sila sa lupain ng Saalim, ngunit wala roon; at sila'y dumaan sa lupain ng mga Benjaminita, ngunit hindi nila nakita roon.

Nang sila'y dumating sa lupain ng Zuf, sinabi ni Saul sa kanyang kasamang tauhan, “Tayo na, bumalik na tayo, baka ipagwalang-bahala ng aking ama ang mga asno at tayo ang alalahanin.”

Ngunit sinabi niya sa kanya, “May isang tao ng Diyos sa lunsod na ito, siya'y isang lalaking iginagalang. Lahat ng kanyang sinasabi ay nagkakatotoo. Pumunta tayo roon, marahil ay masasabi niya sa atin ang tungkol sa paglalakbay na ating isinagawa.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, “Ngunit kung tayo'y pupunta roon, ano ang ating dadalhin sa lalaki? Naubos na ang tinapay sa ating mga buslo at wala na tayong madadalang kaloob sa tao ng Diyos. Anong mayroon tayo?”

Muling sumagot ang lingkod kay Saul, at nagsabi, “Mayroon akong ikaapat na bahagi ng isang siklong pilak; ibibigay ko ito sa tao ng Diyos upang sabihin sa atin ang ating paglalakbay.”

(Noong una sa Israel, kapag ang isang tao ay sumasangguni sa Diyos, ay ganito ang sinasabi, “Halika, tayo'y pumaroon sa tagakita;” sapagkat ang tinatawag ngayon na propeta ay tinatawag noong una na tagakita.)

10 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, “Mabuti ang sinasabi mo. Halika, tayo'y pumaroon.” Kaya't pumaroon sila sa bayang kinaroroonan ng tao ng Diyos.

11 Samantalang patungo sila sa bayan ay nakasalubong sila ng mga dalagang lumalabas upang umigib ng tubig, at sinabi nila sa kanila, “Narito ba ang tagakita?”

12 At sila'y sumagot sa kanila, “Siya'y nariyan, nasa unahan mo lamang. Magmadali kayo ngayon, sapagkat kararating pa lamang niya sa bayan sapagkat ang bayan ay may handog ngayon sa mataas na dako.

13 Pagpasok ninyo sa bayan, agad ninyo siyang matatagpuan bago siya umahon sa mataas na dako upang kumain. Sapagkat ang taong-bayan ay hindi kakain hanggang sa siya'y dumating, sapagkat kailangang basbasan niya ang handog. Pagkatapos ay kumakain ang mga inanyayahan. Kaya nga lumakad na kayo sapagkat sa oras na ito'y inyong madadatnan siya.”

14 Kaya't sila'y pumunta sa bayan. Pagpasok nila sa bayan, nasalubong nila si Samuel na papaakyat sa mataas na dako.

15 Nang araw bago dumating si Saul, ipinahayag ng Panginoon kay Samuel:

16 “Bukas sa ganitong oras ay susuguin ko sa iyo ang isang lalaki mula sa lupain ng Benjamin, at iyong bubuhusan siya ng langis upang maging pinuno sa aking bayang Israel. Ililigtas niya ang aking bayan sa kamay ng mga Filisteo; sapagkat aking nakita ang paghihirap ng aking bayan, dahil ang kanilang daing ay umabot sa akin.”

17 Nang makita ni Samuel si Saul ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Narito ang lalaki na aking sinabi sa iyo! Siya ang magkakaroon ng kapangyarihan sa aking bayan.”

18 Pagkatapos ay lumapit si Saul kay Samuel sa pintuang-bayan, at sinabi, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan naroon ang bahay ng nakakakita ng pangitain.”

19 Sumagot si Samuel kay Saul, “Ako ang tagakita; mauna kang umahon sa akin sa mataas na dako, sapagkat kakain kang kasalo ko ngayon, at sa kinaumagahan ay pauuwiin na kita at sasabihin ko sa iyo ang lahat ng nasa isip mo.

20 Tungkol sa iyong mga asno na tatlong araw nang nawawala ay huwag mong alalahanin sapagkat natagpuan na. At para kanino ba ang lahat ng kanais-nais sa Israel? Hindi ba para sa iyo at sa buong sambahayan ng iyong ama?”

21 Si Saul ay sumagot, “Hindi ba ako'y isang Benjaminita, mula sa pinakamaliit na lipi ng Israel? At hindi ba ang aking angkan ang pinakahamak sa mga angkan ng lipi ng Benjamin? Bakit ka nagsasalita sa akin sa ganitong paraan?”

22 Kaya't ipinagsama ni Samuel si Saul at ang kanyang lingkod at ipinasok niya sila sa kabahayan, at binigyan sila ng lugar sa pangunahing upuan kasama ng mga naanyayahan, na may tatlumpung katao.

23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Dalhin mo rito ang bahagi na ibinigay ko sa iyo, na siyang aking sinabi sa iyo, ‘Ibukod mo ito.’”

24 Kaya't kinuha ng tagapagluto ang hita at ang bahaging itaas at inilagay sa harapan ni Saul. At sinabi ni Samuel, “Tingnan mo, ang itinabi ay inilagay sa harap mo. Kainin mo sapagkat ito ay iningatan para sa iyo hanggang sa takdang panahon sapagkat aking sinabi, na inanyayahan ko ang bayan.” Kaya't kumain si Saul na kasalo ni Samuel nang araw na iyon.

25 Nang sila'y makalusong sa lunsod mula sa mataas na dako, isang higaan ang inilatag para kay Saul sa bubungan ng bahay at siya'y humiga upang matulog.

Binuhusan ng Langis ni Samuel si Saul Bilang Hari

26 At sa pagbubukang-liwayway, tinawag ni Samuel si Saul sa bubungan, “Bangon, upang mapahayo na kita.” Si Saul ay bumangon at kapwa sila lumabas ni Samuel.

27 Habang sila'y lumalabas sa hangganan ng bayan ay sinabi ni Samuel kay Saul, “Sabihin mo sa lingkod na mauna na sa atin, at kapag siya'y nakaraan ay tumigil ka rito, upang maipaalam ko sa iyo ang salita ng Diyos.”

10 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul[d] at hinagkan siya; at sinabi, “Hindi ba hinirang ka ng Panginoon upang maging pinuno sa kanyang mana?

Pag-alis mo sa akin ngayon, masasalubong mo ang dalawang lalaki sa tabi ng libingan ni Raquel, sa nasasakupan ng Benjamin sa Selsa; sasabihin nila sa iyo, ‘Ang mga asno na iyong hinahanap ay natagpuan na at ngayon ay hindi na inaalala ng iyong ama ang mga asno at ang inaalala ay kayo na sinasabi, “Ano ang aking gagawin sa aking anak?”’

Kung magkagayo'y magpapatuloy ka mula roon, at darating ka sa ensina ng Tabor. Masasalubong ka roon ng tatlong lalaki na paahon sa Diyos sa Bethel; ang isa'y may dalang tatlong batang kambing, ang isa'y may dalang tatlong tinapay, at ang isa'y may dalang isang balat na sisidlan ng alak.

Babatiin ka nila at bibigyan ka ng dalawang tinapay na iyong tatanggapin mula sa kanila.

Pagkatapos ay darating ka sa burol ng Diyos na kinaroroonan ng isang himpilan ng mga Filisteo. Pagdating mo sa lunsod, makakasalubong ka ng isang pangkat ng mga propeta na lumulusong mula sa mataas na dako, na may alpa, pandereta, plauta, at lira sa harap nila; na nagpapahayag ng propesiya.

Pagkatapos, ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lulukob sa iyo, at magsasalita ka ng propesiya na kasama nila at magiging ibang lalaki.

Kapag ang mga tandang ito ay nangyari sa iyo, gawin mo ang anumang nakikita mong nararapat sapagkat ang Diyos ay kasama mo.

Ikaw ay lulusong na una sa akin sa Gilgal; at, ako'y darating sa iyo upang maghandog ng mga handog na sinusunog, at mag-alay ng mga alay na handog pangkapayapaan. Maghihintay ka ng pitong araw hanggang sa ako'y dumating sa iyo at ipapakita ko sa iyo kung ano ang iyong gagawin.”

Si Saul, Kasama ng Ibang mga Propeta

Nang siya ay tumalikod upang iwan si Samuel ay binigyan siya ng Diyos ng ibang puso; at ang lahat na mga tandang ito ay nangyari sa araw na iyon.

10 Pagdating nila sa Gibea, isang pangkat ng mga propeta ang sumalubong sa kanya; at ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang sumakanya, at siya'y nagsalita ng propesiya kasama nila.

11 Nang makita ng lahat ng nakakakilala sa kanya nang una kung paano siya magsalita ng propesiya kasama ng mga propeta, ang bayan ay nagsabi sa isa't isa, “Ano itong nangyari sa anak ni Kish? Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?”

12 Isang(E) lalaking taga-roon ang sumagot at nagsabi, “At sino ang kanilang ama?” Kaya't naging kasabihan, “Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?”

13 Nang siya'y makatapos makapagsalita ng propesiya, siya'y pumunta sa isang mataas na dako.

14 Sinabi ng tiyo ni Saul sa kanya at sa kanyang lingkod, “Saan kayo pumunta?” At kanyang sinabi, “Upang hanapin ang mga asno at nang ito ay hindi namin matagpuan ay pumunta kami kay Samuel.”

15 Sinabi ng tiyo ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa inyo.”

16 Sinabi ni Saul sa kanyang tiyo, “Sinabi niyang maliwanag sa amin na ang mga asno ay natagpuan na.” Ngunit tungkol sa bagay ng kaharian na sinabi ni Samuel, hindi niya iyon sinabi sa kanya.

Si Saul ay Ipinagbunyi Bilang Hari

17 At tinipon ni Samuel ang bayan sa Panginoon sa Mizpa

18 at sinabi niya sa mga anak ni Israel, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Iniahon ko ang Israel mula sa Ehipto, at pinalaya ko kayo sa kamay ng mga taga-Ehipto, at sa kamay ng lahat ng mga kaharian na nagpahirap sa inyo.’

19 Ngunit itinakuwil ninyo sa araw na ito ang inyong Diyos na nagligtas sa inyo mula sa lahat ng inyong kapahamakan at mga kapighatian. Sinabi ninyo sa kanya, ‘Hindi, kundi maglagay ka sa amin ng isang hari.’ Ngayon nga'y humarap kayo sa Panginoon ayon sa inyu-inyong mga lipi, at ayon sa inyong mga libu-libo.”

20 Sa gayo'y pinalapit ni Samuel ang lahat ng mga lipi, at ang lipi ni Benjamin ang nakuha sa palabunutan.

21 Kanyang inilapit ang lipi ni Benjamin ayon sa kanyang mga angkan; at ang angkan ni Matri ay siyang napili. Si Saul na anak ni Kish ay siyang napili ngunit nang kanilang hanapin siya ay hindi natagpuan.

22 Kaya't muli nilang itinanong sa Panginoon, “May lalaki pa bang pupunta rito?” At ang Panginoon ay sumagot, “Tingnan mo, siya'y nagtago sa mga dala-dalahan.”

23 Sila'y tumakbo at kanilang kinuha siya mula roon. Nang siya'y tumayo sa gitna ng taong-bayan, siya ay mas mataas kaysa sinuman sa taong-bayan, mula sa kanyang mga balikat pataas.

24 Sinabi ni Samuel sa buong bayan, “Nakikita ba ninyo siya na pinili ng Panginoon? Walang gaya niya sa buong bayan.” Ang buong bayan ay sumigaw at nagsabi, “Mabuhay ang hari!”

25 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel sa taong-bayan ang mga karapatan at katungkulan ng hari; at isinulat niya sa isang aklat at inilagay sa harap ng Panginoon. Pinauwi ni Samuel ang buong bayan, bawat tao sa kanyang bahay.

26 Si Saul man ay umuwi sa kanyang bahay sa Gibea; at humayong kasama niya ang mga mandirigma na ang mga puso ay kinilos ng Diyos.

27 Ngunit sinabi ng ilang hamak na tao, “Paano tayo ililigtas ng taong ito?” At kanilang hinamak siya at hindi nila dinalhan ng kaloob. Ngunit siya'y hindi umimik.

Nagapi ni Saul ang mga Ammonita

11 Pagkalipas ng halos isang buwan[e] sumalakay si Nahas na Ammonita at kinubkob ang Jabes-gilead; at sinabi kay Nahas ng lahat ng lalaki sa Jabes, “Makipagkasundo ka sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”

Ngunit sinabi ni Nahas na Ammonita sa kanila, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang inyong mga kanang mata upang mailagay sa kahihiyan ang buong Israel.”

At sinabi sa kanya ng matatanda ng Jabes, “Bigyan mo kami ng palugit na pitong araw upang kami ay makapagpadala ng mga sugo sa buong nasasakupan ng Israel. At kung wala ngang magliligtas sa amin, ibibigay namin ang aming sarili sa iyo.”

Nang dumating sa Gibea ang mga sugo kay Saul, ibinalita nila ang bagay na ito sa pandinig ng taong-bayan at ang buong bayan ay umiyak nang malakas.

Noon, si Saul ay dumarating mula sa bukid sa hulihan ng mga baka; at sinabi ni Saul, “Anong nangyayari sa taong-bayan at sila'y umiiyak?” Kaya't kanilang sinabi sa kanya ang balita ng mga lalaki mula sa Jabes.

At ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang lumukob kay Saul nang kanyang marinig ang mga salitang iyon, at ang kanyang galit ay lubhang nag-alab.

Siya'y kumuha ng dalawang magkatuwang na baka at kanyang kinatay, at ipinadala niya ang mga piraso sa lahat ng nasasakupan ng Israel sa pamamagitan ng mga sugo, na sinasabi, “Sinumang hindi lumabas upang sumunod kina Saul at Samuel ay ganito rin ang gagawin sa kanyang mga baka.” At ang takot sa Panginoon ay dumating sa mga tao, at sila'y lumabas na parang iisang tao.

Nang kanyang tipunin sila sa Bezec, ang mga anak ni Israel ay tatlongdaang libo, at ang mga lalaki ng Juda ay tatlumpung libo.

At sinabi nila sa mga sugong dumating, “Ganito ang inyong sasabihin sa mga lalaki sa Jabes-gilead, ‘Bukas, sa kainitan ng araw ay magkakaroon ng kaligtasan.’” Nang dumating ang mga sugo at sabihin sa mga lalaki sa Jabes, sila ay natuwa.

10 Kaya't sinabi ng mga lalaki sa Jabes, “Bukas ay ibibigay namin ang aming sarili sa inyo at maaari ninyong gawin sa amin ang lahat ng inaakala ninyong mabuti sa inyo.”

11 Kinabukasan, inilagay ni Saul ang taong-bayan sa tatlong pangkat. Sila'y pumasok sa gitna ng kampo nang mag-umaga na, at pinatay ang mga Ammonita hanggang sa kainitan ng araw. Ang mga nalabi ay nangalat, anupa't walang dalawang naiwang magkasama.

12 At sinabi ng taong-bayan kay Samuel, “Sino ba ang nagsabi, ‘Maghahari ba si Saul sa amin?’ Dalhin dito ang mga taong iyon upang aming patayin sila.”

13 Ngunit sinabi ni Saul, “Walang taong papatayin sa araw na ito, sapagkat ngayo'y gumawa ang Panginoon ng pagliligtas sa Israel.”

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa taong-bayan, “Halikayo at tayo'y pumunta sa Gilgal, at doon ay ating ibabalik ang kaharian.”

15 At ang buong bayan ay pumunta sa Gilgal at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul sa harapan ng Panginoon. Doon ay nag-alay sila ng handog pangkapayapaan sa harapan ng Panginoon. Si Saul at ang lahat ng mga lalaki ng Israel ay labis na nagalak doon.

Nagsalita si Samuel sa Bayan

12 Sinabi ni Samuel sa buong Israel, “Narito, aking pinakinggan ang inyong tinig sa lahat ng inyong sinabi sa akin, at naglagay ako ng isang hari para sa inyo.

Tingnan ninyo, ang hari ang nangunguna sa inyo ngayon. Ako'y matanda na at ubanin, ngunit ang aking mga anak ay kasama ninyo. Nanguna ako sa inyo mula sa aking kabataan hanggang sa araw na ito.

Narito ako; sumaksi kayo laban sa akin sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kanyang binuhusan ng langis. Kaninong baka ang kinuha ko? O kaninong asno ang kinuha ko? O sino ang aking dinaya? Sino ang aking inapi? O kaninong kamay ako kumuha ng suhol upang bulagin niyon ang aking mga mata? Sumaksi kayo laban sa akin at aking isasauli sa inyo.”

Kanilang sinabi, “Hindi ka nandaya sa amin, ni inapi kami, ni tumanggap man ng anuman sa kamay ng sinuman.”

At sinabi niya sa kanila, “Ang Panginoon ay saksi laban sa inyo at ang kanyang binuhusan ng langis ay saksi sa araw na ito na hindi kayo nakatagpo ng anuman sa aking kamay.” At kanilang sinabi, “Siya'y saksi.”

At(F) sinabi ni Samuel sa bayan, “Ang Panginoon ang siyang humirang kina Moises at Aaron at siyang naglabas sa inyong mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto.

Ngayon nga'y tumayo kayo, upang ako'y makiusap na kasama ninyo sa harap ng Panginoon tungkol sa lahat ng matuwid na gawa ng Panginoon na kanyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno.

Nang(G) si Jacob ay makapasok sa Ehipto, at ang inyong mga ninuno ay dumaing sa Panginoon, sinugo ng Panginoon sina Moises at Aaron, na siyang naglabas sa inyong mga ninuno mula sa Ehipto, at pinatira sila sa lugar na ito.

Ngunit(H) nilimot nila ang Panginoon nilang Diyos. Kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Sisera, na pinuno ng hukbo ni Hazor, at sa kamay ng mga Filisteo, at sa kamay ng hari sa Moab; at sila'y nakipaglaban sa kanila.

10 Sila'y(I) dumaing sa Panginoon at nagsabi, ‘Kami ay nagkasala, sapagkat tinalikuran namin ang Panginoon at naglingkod kami sa mga Baal at sa mga Astarot; ngunit ngayo'y iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway at kami ay maglilingkod sa iyo.’

11 Kaya't(J) isinugo ng Panginoon sina Jerubaal, Bedan,[f] Jefta, at si Samuel, at iniligtas kayo sa kamay ng inyong mga kaaway sa bawat dako, at kayo'y nanirahang tiwasay.

12 Nang(K) makita ninyo na si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay dumating laban sa inyo, ay inyong sinabi sa akin, ‘Hindi, kundi isang hari ang maghahari sa amin;’ bagaman ang Panginoon ninyong Diyos ay siya ninyong hari.

13 Ngayon nga'y masdan ninyo ang hari na inyong pinili, na siya ninyong hiningi: at, tingnan ninyo, nilagyan kayo ng Panginoon sa inyo ng isang hari.

14 Kung kayo'y matatakot sa Panginoon, maglilingkod sa kanya, makikinig sa kanyang tinig, at hindi maghihimagsik laban sa utos ng Panginoon, at kung kayo at ang hari na naghahari sa inyo ay magiging masunurin sa Panginoon ninyong Diyos, ito ay magiging mabuti.

15 Ngunit kung hindi ninyo papakinggan ang tinig ng Panginoon, kundi maghihimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon, ay magiging laban sa inyo ang kamay ng Panginoon gaya ng sa inyong mga ninuno.

16 Ngayon ay tumahimik kayo at tingnan ninyo ang dakilang bagay na ito na gagawin ng Panginoon sa harap ng inyong mga paningin.

17 Hindi ba pag-aani ng trigo ngayon? Ako'y tatawag sa Panginoon upang siya'y magpadala ng kulog at ulan; at inyong malalaman at makikita na napakalaki ang kasamaan na inyong ginawa sa paningin ng Panginoon sa paghingi ninyo para sa inyong sarili ng isang hari.”

18 Kaya't tumawag si Samuel sa Panginoon at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at ulan nang araw na iyon. Ang buong bayan ay lubhang natakot sa Panginoon at kay Samuel.

19 Sinabi ng buong bayan kay Samuel, “Ipanalangin mo ang iyong mga lingkod sa Panginoon mong Diyos upang huwag kaming mamatay; sapagkat aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaan ng paghingi para sa amin ng isang hari.”

20 At sinabi ni Samuel sa bayan, “Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito; gayunma'y huwag kayong lumihis mula sa pagsunod sa Panginoon, kundi kayo'y maglingkod nang buong puso sa Panginoon.

21 Huwag kayong bumaling sa pagsunod sa mga bagay na walang kabuluhan na hindi magbibigay ng pakinabang o makapagliligtas, sapagkat ang mga iyon ay walang kabuluhan.

22 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan para sa kanya.

23 Bukod dito, sa ganang akin, huwag nawang mangyari sa akin na ako'y magkasala laban sa Panginoon sa paghinto ng pananalangin para sa inyo, kundi ituturo ko sa inyo ang mabuti at matuwid na daan.

24 Matakot lamang kayo sa Panginoon, at maglingkod kayo nang tapat sa kanya ng inyong buong puso. Alalahanin ninyo ang mga dakilang bagay na kanyang ginawa sa inyo.

25 Ngunit kung kayo'y gagawa pa rin ng kasamaan, kayo at ang inyong hari ay mapupuksa.”

Ang Pakikipaglaban sa mga Filisteo

13 Si Saul ay …[g] taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng … at dalawang[h] taon sa Israel.

Pumili si Saul ng tatlong libong lalaki sa Israel. Ang dalawang libo ay kasama ni Saul sa Mikmas at sa maburol na lupain ng Bethel, at ang isang libo ay kasama ni Jonathan sa Gibea ng Benjamin. Ang nalabi sa mga tao ay pinauwi niya, bawat isa sa kanyang tolda.

Ginapi ni Jonathan ang tanggulan ng mga Filisteo na nasa Geba at ito ay nabalitaan ng mga Filisteo. At hinipan ni Saul ang trumpeta sa buong lupain, na sinasabi, “Makinig ang mga Hebreo.”

At narinig ng buong Israel na nagapi ni Saul ang tanggulan ng mga Filisteo, at ang Israel naman ay naging kasuklamsuklam sa mga Filisteo. At ang taong-bayan ay tinawagan upang sumanib kay Saul sa Gilgal.

Si Saul sa Gilgal

Ang mga Filisteo ay nagtipun-tipon upang lumaban sa Israel, tatlumpung libong karwahe at anim na libong mangangabayo, at ang hukbo ay gaya ng buhangin sa baybayin ng dagat sa dami; at sila'y umahon at humimpil sa Mikmas sa silangan ng Bet-haven.

Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na sila'y nasa kagipitan, (sapagkat ang taong-bayan ay naiipit) ang taong-bayan ay nagkubli sa mga yungib, mga lungga, batuhan, mga libingan, at sa mga balon.

Ang iba sa mga Hebreo ay tumawid sa Jordan patungo sa lupain ng Gad at ng Gilead; ngunit si Saul ay nasa Gilgal at ang buong bayan ay sumunod sa kanya na nanginginig.

Siya'y(L) naghintay ng pitong araw ayon sa panahong itinakda ni Samuel; ngunit si Samuel ay hindi dumating sa Gilgal; at ang taong-bayan ay nagsimulang humiwalay kay Saul.[i]

Kaya't sinabi ni Saul, “Dalhin dito sa akin ang handog na susunugin, at ang handog pangkapayapaan.” At kanyang inialay ang handog na sinusunog.

10 Pagkatapos niyang maialay ang handog na sinusunog, si Samuel ay dumating. Lumabas si Saul upang salubungin siya at batiin.

Maling Paghahandog ni Saul

11 Sinabi ni Samuel, “Anong ginawa mo?” At sinabi ni Saul, “Nang aking makita na ang taong-bayan ay humihiwalay sa akin, at hindi ka dumating sa loob ng mga takdang araw, at ang mga Filisteo ay nagkatipon sa Mikmas;

12 ay aking sinabi, ‘Ngayo'y lulusungin ako ng mga Filisteo sa Gilgal, at hindi ko pa nahihingi ang biyaya ng Panginoon;’ kaya't pinilit ko ang aking sarili at inialay ko ang handog na sinusunog.”

13 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Kahangalan ang ginagawa mo. Hindi mo tinupad ang utos ng Panginoon mong Diyos na iniutos niya sa iyo. Ngayo'y itinatag sana ng Panginoon ang iyong kaharian sa Israel magpakailanman.

14 Ngunit(M) ngayon ay hindi na magpapatuloy ang iyong kaharian. Ang Panginoon ay humanap na ng isang lalaking ayon sa kanyang sariling puso, at itinalaga siya ng Panginoon upang maging pinuno sa kanyang bayan, sapagkat hindi mo tinupad ang iniutos ng Panginoon sa iyo.”

15 Tumindig si Samuel at umahon mula sa Gilgal patungo sa Gibea ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga taong kasama niya, may animnaraang lalaki.

16 Si Saul, si Jonathan na kanyang anak, at ang mga taong kasama nila ay tumigil sa Geba ng Benjamin; ngunit ang mga Filisteo ay humimpil sa Mikmas.

17 At ang mga mananalakay ay lumabas na tatlong pangkat sa kampo ng mga Filisteo. Ang isang pangkat ay lumiko sa daang patungo sa Ofra, na patungo sa lupain ng Sual.

18 Ang isa pang pangkat ay lumiko sa daang patungo sa Bet-horon, at ang isang pangkat ay lumiko sa hangganan na palusong sa libis ng Zeboim patungo sa ilang.

Walang Sandata ang Israel

19 Noon ay walang panday na matagpuan sa buong lupain ng Israel, sapagkat sinasabi ng mga Filisteo, “Baka ang mga Hebreo ay gumawa ng kanilang mga tabak o mga sibat;”

20 ngunit nilusong ng lahat ng mga Israelita ang mga Filisteo upang ihasa ng bawat lalaki ang kanyang pang-araro, asarol, palakol, at piko;

21 gayunma'y mayroon silang pangkikil para sa mga piko, asarol, kalaykay, at sa mga palakol, at panghasa ng mga panundot.[j]

22 Kaya't sa araw ng paglalaban ay wala kahit tabak o sibat mang matatagpuan sa kamay ng sinuman sa mga taong kasama nina Saul at Jonathan. Sina Saul at Jonathan na kanyang anak lamang ang mayroon ng mga ito.

23 At ang pulutong ng mga Filisteo ay lumabas patungo sa lagusan ng Mikmas.

Ang Mapangahas na Ginawa ni Jonathan

14 Isang araw, sinabi ni Jonathan na anak ni Saul sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo'y dumaan sa himpilan ng mga Filisteo na nasa kabilang ibayo.” Ngunit hindi niya ipinagbigay-alam sa kanyang ama.

Si Saul ay namamalagi sa mga karatig-pook ng Gibea sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron. Ang mga taong kasama niya ay may animnaraang lalaki,

at si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Icabod, na anak ni Finehas, na anak ni Eli, na pari ng Panginoon sa Shilo, na may suot na efod. Hindi nalalaman ng taong-bayan na si Jonathan ay nakaalis na.

Sa pagitan ng mga lagusan na pinagsikapan ni Jonathan na daanan tungo sa himpilan ng mga Filisteo ay mayroong isang batong maraming tulis sa isang dako at isang batong maraming tulis sa kabilang dako. Ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan ng isa pa ay Sene.

Ang isang tulis ay pataas sa hilaga sa tapat ng Mikmas, at ang isa ay sa timog sa tapat ng Geba.

Sinabi ni Jonathan sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo ay dumaan sa himpilan ng mga hindi tuling ito. Marahil ang Panginoon ay tutulong sa atin sapagkat walang makakahadlang sa Panginoon na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.”

At sinabi sa kanya ng kanyang tagadala ng sandata, “Gawin mo ang lahat ng nasa isip mo; ako'y kasama mo, kung ano ang nasa isip mo ay gayundin ang sa akin.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ngayon ay lampasan natin ang mga lalaking iyon, at ipakita natin ang ating sarili sa kanila.

Kapag sinabi nila sa atin, ‘Maghintay kayo hanggang sa kami ay dumating sa inyo;’ ay maghihintay nga tayo sa ating lugar at hindi aahon sa kanila!

10 Ngunit kapag sinabi nila, ‘Umahon kayo sa amin,’ ay aahon nga tayo sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa ating kamay. Ito ang magiging tanda sa atin.”

11 Kaya't kapwa sila nagpakita sa himpilan ng mga Filisteo. Sinabi ng mga Filisteo, “Tingnan ninyo, ang mga Hebreo ay lumabas sa mga lungga na kanilang pinagtaguan.”

12 Tinawag ng mga lalaki sa himpilan si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata, at sinabi, “Umahon kayo rito at mayroon kaming ipapakita sa inyo.” At sinabi ni Jonathan sa kanyang tagadala ng sandata, “Umahon ka na kasunod ko, sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel.”

13 At umakyat si Jonathan sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at paa at ang kanyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. Ang mga Filisteo[k] ay nabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga iyo'y pinagpapatay ng kanyang tagadala ng sandata na kasunod niya.

14 Sa unang pagpatay na iyon na ginawa ni Jonathan at ng kanyang tagadala ng sandata, may dalawampung lalaki ang napatay sa nasasakupan ng kalahating tudling sa isang acre[l] ng lupa.

15 Nagkaroon ng kaguluhan sa kampo, sa parang, at sa buong bayan. Ang himpilan at ang mga mandarambong ay nanginig din; nayanig ang lupa, at ito'y naging isang napakalaking pagkasindak.

Nagapi ang mga Filisteo

16 Ang mga bantay ni Saul sa Gibea ng Benjamin ay nakamasid habang ang napakaraming tao ay nagpaparoo't parito.

17 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa mga taong kasama niya, “Magbilang kayo ngayon at tingnan ninyo kung sino ang umalis sa atin.” Nang sila'y magbilang, si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata ay wala roon.

18 Sinabi ni Saul kay Achias, “Dalhin dito ang kaban ng Diyos.” Ang kaban ng Diyos nang panahong iyon ay kasama ng mga anak ni Israel.

19 Samantalang nakikipag-usap si Saul sa pari, ang kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo ay lumaki nang lumaki. Sinabi ni Saul sa pari, “Iurong mo ang iyong kamay.”

20 At si Saul at ang buong bayang kasama niya ay nagsama-sama at pumunta sa labanan. Ang tabak ng bawat isa ay laban sa kanyang kapwa at nagkaroon ng malaking pagkalito.

21 Ang mga Hebreo na nakasama ng mga Filisteo nang una pa at umahong kasama nila sa kampo ay pumanig na rin sa mga Israelita na kasama nina Saul at Jonathan.

22 Gayundin, nang mabalitaan ng mga lalaki ng Israel na nagkubli sa lupaing maburol ng Efraim na ang mga Filisteo ay tumakas, sila man ay humabol rin sa kanila sa pakikipaglaban.

23 Kaya't iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon; at ang pakikipaglaban ay lumampas pa sa kabila ng Bet-haven.

Ang Pangyayari Pagkalipas ng Digmaan

24 Ang mga lalaki ng Israel ay namanglaw nang araw na iyon. Sumumpa si Saul sa taong-bayan, na sinasabi, “Sumpain ang taong kumain ng anumang pagkain hanggang sa kinahapunan at ako'y makaganti sa aking mga kaaway.” Kaya't walang sinuman sa bayan ang tumikim ng pagkain.

25 Ang buong bayan ay dumating sa gubat at may pulot sa ibabaw ng lupa.

26 Nang makapasok ang bayan sa gubat, ang pulot ay tumutulo ngunit walang tao na naglagay ng kanyang kamay sa kanyang bibig sapagkat ang taong-bayan ay natakot sa sumpa.

27 Ngunit hindi narinig ni Jonathan nang magbilin ang kanyang ama sa taong-bayan na may sumpa. Kaya't kanyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay at inilubog ito sa pulot, at inilagay ang kanyang kamay sa kanyang bibig, at ang kanyang mga mata ay nagliwanag.

28 Nang magkagayo'y sinabi ng isa sa mga tauhan, “Ang iyong ama ay mahigpit na nagbilin na may sumpa sa taong-bayan, na sinasabi, ‘Sumpain ang taong kumain ng pagkain sa araw na ito.’” At ang taong-bayan ay patang-pata.

29 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ginugulo ng aking ama ang lupain. Tingnan ninyo, kung paanong ang aking mga mata ay nagliwanag nang ako'y tumikim ng kaunti sa pulot na ito.

30 Gaano pa kaya kung ang taong-bayan ay malayang kumain ngayon mula sa sinamsam sa kanilang mga kaaway na kanilang natagpuan. Sa ngayon, ang pagpatay sa mga Filisteo ay hindi gaanong malaki.”

31 Kanilang pinatay ang mga Filisteo nang araw na iyon mula sa Mikmas hanggang sa Aijalon; at ang taong-bayan ay talagang patang-pata.

32 Kaya't ang taong-bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, mga baka, mga guyang baka, at pinagpapatay ang mga iyon sa lupa. Kinain ng taong-bayan ang mga iyon, pati ang dugo.

33 At(N) kanilang sinabi kay Saul, “Tingnan mo, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon dahil sa kanilang pagkain ng may dugo.” At kanyang sinabi, “Kayo'y gumawa ng kasamaan. Igulong ninyo rito ang isang malaking bato sa harapan ko.”

34 At sinabi ni Saul, “Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, ‘Dalhin sa akin dito ng bawat tao ang kanyang baka, at tupa, at patayin dito, at kainin at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkain ng dugo.’” Kaya't dinala ng bawat isa sa buong bayan ang kanyang baka nang gabing iyon at pinatay roon.

35 At nagtayo si Saul ng isang dambana sa Panginoon; iyon ang unang dambana na itinayo niya sa Panginoon.

36 Sinabi ni Saul, “Ating lusungin ang mga Filisteo sa gabi at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong magtira ng isang tao sa kanila.” At kanilang sinabi, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo.” Subalit sinabi ng pari, “Tayo'y lumapit dito sa Diyos.”

37 At si Saul ay sumangguni sa Diyos, “Lulusungin ko ba ang mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel?” Ngunit hindi siya sinagot nang araw na iyon.

38 Sinabi ni Saul, “Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng taong-bayan. Alamin natin kung paano bumangon ang kasalanang ito sa araw na ito.

39 Sapagkat kung paanong buháy ang Panginoon na nagliligtas sa Israel, kahit na ito ay si Jonathan na aking anak, siya ay tiyak na mamamatay.” Ngunit walang sinumang tao sa buong bayan na sumagot sa kanya.

40 Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, “Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako.” At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti para sa iyo.”

41 Kaya(O) sinabi ni Saul, “O Panginoong Diyos ng Israel, bakit hindi mo sinasagot ang iyong lingkod sa araw na ito? Kung ang pagkakasalang ito ay nasa akin o kay Jonathan na aking anak, O Panginoon, Diyos ng Israel, ibigay mo ang Urim. Ngunit kung ang pagkakasala ay nasa iyong bayang Israel, ibigay mo ang Tumim.” At sina Jonathan at Saul ang napili, ngunit ang bayan ay nakaligtas.

42 At sinabi ni Saul, “Magpalabunutan sa pagitan ko at ni Jonathan na aking anak.” At si Jonathan ang napili.

43 Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay Jonathan, “Sabihin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa.” At sinabi ni Jonathan sa kanya, “Talagang ako'y tumikim ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay. Narito ako, ako'y nararapat mamatay.”

44 Sinabi ni Saul, “Gayon ang gawin ng Diyos sa akin at higit pa, sapagkat ikaw ay tiyak na mamamatay, Jonathan!”

45 At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Mamamatay ba si Jonathan, siya na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Huwag nawang mangyari! Habang buháy ang Panginoon, hindi malalaglag kahit ang isang buhok ng kanyang ulo sa lupa, sapagkat siya'y gumawang kasama ng Diyos sa araw na ito.” Kaya't tinubos ng taong-bayan si Jonathan, at siya'y hindi namatay.

46 Pagkatapos ay huminto na si Saul sa pagtugis sa mga Filisteo; at ang mga Filisteo ay umuwi sa kanilang sariling lugar.

Ang Paghahari ni Saul at ang Kanyang Sambahayan

47 Nang makuha na ni Saul ang paghahari sa Israel, nakipaglaban siya sa lahat niyang mga kaaway sa bawat lugar, laban sa Moab, sa mga anak ni Ammon, sa Edom, sa mga hari ng Soba, at laban sa mga Filisteo. Saanman siya bumaling ay kanyang tinatalo sila.

48 Siya'y lumabang may katapangan, pinatay ang mga Amalekita, at iniligtas ang Israel sa kamay ng mga sumamsam sa kanila.

49 Ang mga anak ni Saul ay sina Jonathan, Isui, at Malkishua, at ito ang pangalan ng kanyang dalawang anak na babae: ang pangalan ng panganay ay Merab, at ang pangalan ng nakababata ay Mical;

50 ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam, na anak ni Ahimaaz; at ang pangalan ng kanyang kapitan sa hukbo ay Abner na anak ni Ner, amain ni Saul.

51 Si Kish ang ama ni Saul; at si Ner na ama ni Abner ay anak ni Abiel.

52 Nagkaroon ng mahigpit na pakikipaglaban sa mga Filisteo sa lahat ng mga araw ni Saul; at sa tuwing makakakita si Saul ng sinumang malakas o matapang na lalaki ay kanyang kinukuha upang maglingkod sa kanya.

Digmaan Laban sa mga Amalekita

15 At(P) sinabi ni Samuel kay Saul, “Sinugo ako ng Panginoon upang hirangin ka[m] upang maging hari sa kanyang bayang Israel; kaya't ngayon ay pakinggan mo ang tinig ng mga salita ng Panginoon.

Ganito(Q) ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ‘Aking parurusahan ang ginawa ng Amalek sa Israel sa paghadlang sa kanila sa daan nang sila'y umahon mula sa Ehipto.

Ngayo'y umalis ka at lipulin mo ang Amalek, at iyong lubos na wasakin ang lahat nilang pag-aari. Huwag kang magtitira sa kanila kundi patayin mo ang lalaki at babae, sanggol at sumususo, baka at tupa, kamelyo at asno.’”

Kaya't tinipon ni Saul ang taong-bayan at binilang sila sa Telaim, dalawandaang libong kawal na lakad, at sampung libong kawal mula sa Juda.

Dumating si Saul sa lunsod ng mga Amalekita at nag-abang sa libis.

At sinabi ni Saul sa mga Kineo, “Umalis na kayo! Humiwalay kayo sa mga Amalekita, baka kayo'y puksain kong kasama nila; sapagkat kayo'y nagpakita ng kagandahang-loob sa mga anak ni Israel nang sila'y umahon mula sa Ehipto.” Kaya't umalis ang mga Kineo sa gitna ng mga Amalekita.

Nagapi ni Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur na nasa silangan ng Ehipto.

Kinuha niyang buháy si Agag na hari ng mga Amalekita, at ganap na nilipol ang buong bayan sa pamamagitan ng talim ng tabak.

Ngunit itinira ni Saul at ng taong-bayan si Agag at ang pinakamabuti sa mga tupa, mga baka, mga pinataba, mga kordero, at lahat ng mahalaga, at hindi nila ganap na pinuksa ang mga ito. Lahat ng bagay na hamak at walang halaga ay ganap nilang winasak.

Si Saul ay Itinakuwil Bilang Hari

10 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Samuel, na sinasabi,

11 “Ikinalulungkot ko na ginawa kong hari si Saul sapagkat siya'y tumalikod sa pagsunod sa akin, at hindi tinupad ang aking mga utos.” At si Samuel ay nagalit, at siya'y dumaing sa Panginoon nang buong magdamag.

12 Kinaumagahan, si Samuel ay bumangong maaga upang makipagkita kay Saul. At sinabi niya kay Samuel, “Si Saul ay pumunta sa Carmel at doon ay nagtayo siya para sa kanyang sarili ng isang bantayog, at pagbalik niya ay lumusong siya sa Gilgal.”

13 Nang dumating si Samuel kay Saul, sinabi ni Saul sa kanya, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon, tinupad ko na ang utos ng Panginoon.”

14 Ngunit sinabi ni Samuel, “Ano kung gayon ang kahulugan nitong iyakan ng tupa at ang ungal ng mga baka na aking naririnig?”

15 Sinabi ni Saul, “Sila'y dinala nila mula sa mga Amalekita, sapagkat itinira ng taong-bayan ang pinakamabuti sa mga tupa at baka upang ihandog sa Panginoon mong Diyos. Ang nalabi ay aming pinuksang lahat.”

16 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel kay Saul, “Tumigil ka! Aking sasabihin sa iyo kung ano ang sinabi ng Panginoon sa akin sa gabing ito.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.”

17 At sinabi ni Samuel, “Bagaman ikaw ay maliit sa iyong sariling paningin, hindi ba ikaw ay ginawang pinuno ng mga lipi ng Israel? At hinirang ka[n] ng Panginoon upang maging hari sa Israel.

18 Sinugo ka ng Panginoon sa isang takdang gawain, at sinabi, ‘Humayo ka at ganap mong puksain ang mga makasalanang Amalekita, at labanan mo sila hanggang sa sila'y maubos.’

19 Bakit hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, kundi ikaw ay dumaluhong sa samsam, at ginawa mo ang masama sa paningin ng Panginoon?”

20 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Oo, aking sinunod ang tinig ng Panginoon, at ako'y pumunta sa daang pinagsuguan sa akin ng Panginoon. Aking dinala si Agag na hari ng Amalek, at aking pinatay na lahat ang mga Amalekita.

21 Ngunit ang taong-bayan ay kumuha mula sa mga samsam, sa mga tupa at baka, ng pinakamabuti sa mga itinalagang bagay upang ihandog sa Panginoon mong Diyos sa Gilgal.”

22 At sinabi ni Samuel,

“Ang Panginoon kaya ay may malaking kasiyahan sa mga handog na sinusunog at sa mga alay,
    gaya ng pagsunod sa tinig ng Panginoon?
Tiyak, ang pagsunod ay mas mabuti kaysa alay,
    at ang pakikinig kaysa taba ng mga tupang lalaki.
23 Sapagkat ang paghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng pangkukulam,
    at ang katigasan ng ulo ay gaya ng katampalasanan at pagsamba sa mga diyus-diyosan.
Sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon,
    itinakuwil ka rin niya sa pagiging hari.”

24 At sinabi ni Saul kay Samuel, “Ako'y nagkasala, sapagkat ako'y sumuway sa utos ng Panginoon at sa iyong mga salita, sapagkat ako'y natakot sa taong-bayan at sumunod sa kanilang tinig.

25 Ngayon nga'y hinihiling ko sa iyo, ipatawad mo ang aking kasalanan, at bumalik kang kasama ko upang ako'y makasamba sa Panginoon.”

26 At sinabi ni Samuel kay Saul, “Hindi ako babalik na kasama mo sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon, at itinakuwil ka ng Panginoon sa pagiging hari ng Israel.”

27 Nang(R) tumalikod si Samuel upang umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng kanyang balabal at ito ay napunit.

28 At sinabi ni Samuel sa kanya, “Pinunit ng Panginoon sa iyo ang kaharian ng Israel sa araw na ito, at ibinigay sa iyong kapwa, na higit na mabuti kaysa iyo.

29 Gayundin ang Kaluwalhatian ng Israel ay hindi magsisinungaling o magbabago ng isipan, sapagkat siya'y hindi isang tao na dapat niyang baguhin ang kanyang isipan.”

30 Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Ako'y nagkasala. Gayunma'y parangalan mo ako ngayon sa harap ng matatanda ng aking bayan at sa harap ng Israel, at bumalik kang kasama ko upang ako'y sumamba sa Panginoon mong Diyos.”

31 Kaya't bumalik si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.

32 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel, “Dalhin ninyo rito sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” At masayang lumapit si Agag sa kanya. At sinabi ni Agag, “Tunay na ang pait ng kamatayan ay nakaraan na.”

33 Ngunit sinabi ni Samuel, “Kung paanong sa pamamagitan ng iyong tabak ay nawalan ng anak ang mga babae, magiging gayon ang iyong ina na mawawalan ng anak sa gitna ng mga babae.” At pinagputul-putol ni Samuel si Agag sa harap ng Panginoon sa Gilgal.

34 Pagkatapos ay pumunta si Samuel sa Rama, at si Saul ay umahon sa kanyang bahay sa Gibea.

35 Hindi na muling nakita ni Samuel si Saul hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, ngunit tinangisan ni Samuel si Saul. At ikinalungkot ng Panginoon na kanyang ginawang hari ng Israel si Saul.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001