Bible in 90 Days
Si David ay Hinirang Bilang Hari
16 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki.”
2 Sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako.” At sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, ‘Ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon.’
3 At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin.”
4 Ginawa ni Samuel ang iniutos ng Panginoon at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, “Dumating ka bang may kapayapaan?”
5 At kanyang sinabi, “May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog.
6 Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, “Tunay na ang hinirang[a] ng Panginoon ay nasa harap niya.”
7 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”
8 Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”
9 At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”
10 Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.”
11 Sinabi ni Samuel kay Jesse, “Narito bang lahat ang iyong mga anak?” At kanyang sinabi, “Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa.” At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.”
12 Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng Panginoon, “Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya na nga.”
13 Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama.
Si David sa Palasyo ng Hari
14 Ngayon, ang Espiritu ng Panginoon ay humiwalay kay Saul at isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang nagpahirap sa kanya.
15 At sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Tingnan mo, may masamang espiritu mula sa Diyos na nagpapahirap sa iyo.
16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga lingkod, na nasa harapan mo, na humanap ng isang lalaki na bihasang tumugtog ng alpa. Kapag ang masamang espiritu mula sa Diyos ay nasa iyo, siya'y tutugtog at ikaw ay magiging mabuti.”
17 Kaya't sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalaking makakatugtog nang mabuti, at dalhin ninyo siya sa akin.”
18 Sumagot ang isa sa mga kabataang lingkod, “Aking nakita ang isang anak ni Jesse na taga-Bethlehem, na bihasa sa pagtugtog, at isang magiting na lalaki, mandirigma, mahinahong magsalita, makisig, at ang Panginoon ay kasama niya.”
19 Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at sinabi, “Papuntahin mo rito sa akin ang iyong anak na si David na kasama ng mga tupa.”
20 Kumuha si Jesse ng isang asno na may pasang tinapay, alak sa isang sisidlang balat, isang batang kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kanyang anak.
21 At dumating si David kay Saul at pinasimulan ang kanyang paglilingkod. Minahal siya nang lubos ni Saul, at siya'y naging tagadala ng sandata niya.
22 Nagpasabi si Saul kay Jesse, “Hayaan mong manatili si David sa paglilingkod sa akin sapagkat siya'y nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.”
23 Tuwing ang masamang espiritu mula sa Diyos ay darating kay Saul, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtog ng kanyang kamay, at nagiginhawahan si Saul at ang masamang espiritu ay umaalis sa kanya.
Hinamon ni Goliat ang mga Israelita
17 Tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo upang makipagdigma at sila'y nagtipon sa Socoh na sakop ng Juda, at nagkampo sa pagitan ng Socoh at Azeka sa Efesdamim.
2 Nagtipun-tipon sina Saul at ang mga Israelita at nagkampo sa libis ng Ela, at humanay sa pakikidigma laban sa mga Filisteo.
3 Tumayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo naman ang Israel sa kabilang dako sa bundok na may isang libis sa pagitan nila.
4 At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang pangunahing mandirigma na ang pangalan ay Goliat na taga-Gat, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.
5 Siya'y mayroong isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at siya'y may sandata ng baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.
6 Siya'y mayroong kasuotang tanso sa kanyang mga hita, at isang sibat na tanso na nakasakbat sa kanyang mga balikat.
7 Ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kanyang sibat ay may bigat na animnaraang siklong bakal. Ang kanyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kanya.
8 Siya'y tumayo at sumigaw sa mga hukbo ng Israel, “Bakit kayo'y lumabas upang humanay sa pakikipaglaban? Hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki mula sa inyo at pababain ninyo siya sa akin.
9 Kung siya'y makakalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin ninyo kami. Ngunit kung ako'y manalo laban sa kanya at mapatay ko siya, magiging alipin namin kayo at maglilingkod sa amin.”
10 At sinabi ng Filisteo, “Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; paharapin ninyo sa akin ang isang lalaki upang maglaban kami.”
11 Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang ito ng Filisteo, sila'y nanghina at lubhang natakot.
Si David sa Kampo ni Saul
12 Si David nga ay anak ng isang Efrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Jesse, at may walong anak na lalaki. Nang panahon ni Saul ang lalaking ito ay napakatanda na.
13 Ang tatlong pinakamatandang anak ni Jesse ay sumunod kay Saul sa digmaan. Ang pangalan ng kanyang tatlong anak na nagtungo sa pakikipaglaban ay si Eliab na panganay, ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Shammah.
14 Si David ang bunso, at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.
15 Ngunit si David ay nagpapabalik-balik kay Saul upang pakainin ang mga tupa ng kanyang ama sa Bethlehem.
16 Sa loob ng apatnapung araw, ang Filisteo ay lumalapit at naghahamon, umaga at hapon.
Narinig ni David ang Hamon ni Goliat
17 Sinabi ni Jesse kay David na kanyang anak, “Dalhin mo sa iyong mga kapatid itong isang efang sinangag na trigo at sampung tinapay at dalhin mo agad sa iyong mga kapatid sa kampo.
18 Dalhin mo rin ang sampung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo. Tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka sa kanila ng palatandaan.”
19 Si Saul at lahat ng mga Israelita ay nasa libis ng Ela na nakikipaglaban sa mga Filisteo.
20 Kinaumagahan, si David ay maagang bumangon, iniwan ang mga tupa sa isang tagapag-alaga, at dinala ang mga baon at umalis gaya nang iniutos sa kanya ni Jesse; siya'y dumating sa pinaghihimpilan habang ang hukbo ay sumusulong sa labanan na sumisigaw ng sigaw ng digmaan.
21 Ang Israelita at ang mga Filisteo ay humanay na sa pakikipaglaban, hukbo laban sa hukbo.
22 Iniwan ni David ang kanyang dala-dalahan sa kamay ng tagapag-ingat ng dala-dalahan, at tumakbo sa hukbo, at dumating, at binati ang kanyang mga kapatid.
23 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang pangunahing mandirigma, ang Filisteo na taga-Gat, na Goliat ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at sinabi ang gayunding mga salita gaya nang una. At siya'y narinig ni David.
24 Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang lalaking iyon, sila ay tumakas mula sa kanyang harapan, at takot na takot.
25 At sinabi ng mga Israelita, “Nakita na ba ninyo ang lalaking iyan na umahon? Talagang umahon siya upang hamunin ang Israel. Ang lalaking makakapatay sa kanya ay bibigyan ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kanya ang kanyang anak na babae, at magiging malaya sa Israel ang sambahayan ng kanyang ama.”
26 Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo sa tabi niya, “Ano ang gagawin sa lalaking makakapatay sa Filisteong ito, at makapag-aalis ng kahihiyang ito sa Israel? Sapagkat sino ba itong hindi tuling Filisteo na kanyang hahamunin ang mga hukbo ng Diyos na buháy?”
27 At ang taong-bayan ay sumagot sa kanya sa gayunding paraan, “Gayon ang gagawin sa lalaking makakapatay sa kanya.”
28 Narinig ni Eliab na kanyang pinakamatandang kapatid nang siya'y magsalita sa mga lalaki. Kaya't ang galit ni Eliab ay nagningas laban kay David, at kanyang sinabi, “Bakit ka lumusong dito? At kanino mo iniwan iyong kaunting tupa sa ilang? Nalalaman ko ang iyong kapangahasan, at ang kasamaan ng iyong puso; sapagkat ikaw ay lumusong upang panoorin ang labanan.”
29 Sinabi ni David, “Ano bang aking ginawa ngayon? Hindi ba't salita lamang?”
30 At tinalikuran niya si Eliab at tumungo sa iba, at nagsalita sa gayunding paraan; at sinagot siya ng mga tao gaya noong una.
31 Nang marinig ang mga salitang binigkas ni David, ito ay kanilang inulit sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya.
32 Sinabi ni David kay Saul, “Huwag manghina ang puso ng sinuman dahil sa kanya; ang iyong lingkod ay hahayo at lalabanan ang Filisteong ito.”
33 Sinabi ni Saul kay David, “Hindi mo kayang labanan ang Filisteong ito sapagkat ikaw ay kabataan pa, at siya'y isang lalaking mandirigma mula pa sa kanyang pagkabata.”
34 Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ang iyong lingkod ay nag-aalaga ng mga tupa para sa kanyang ama. Kapag may dumating na leon, o kaya'y oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,
35 ay hinahabol ko siya at aking pinapatay, at aking inililigtas ang kordero mula sa kanyang bibig. Kapag dinaluhong ako ay aking hinahawakan sa panga, aking sinasaktan at pinapatay.
36 Nakapatay ang iyong lingkod ng mga leon at mga oso; at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kanyang hinahamon ang mga hukbo ng Diyos na buháy.”
37 Sinabi ni David, “Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga kuko ng leon at ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito.” At sinabi ni Saul kay David, “Humayo ka at samahan ka ng Panginoon.”
38 Ipinasuot ni Saul kay David ang kanyang mga kasuotan, kanyang inilagay ang isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at kanyang sinuotan siya ng metal na saplot sa katawan.
39 Ibinigkis ni David ang tabak sa kanyang kasuotan, at hindi niya magawang makalakad sapagkat hindi siya sanay sa mga ito. Kaya't sinabi ni David kay Saul, “Hindi ako makakalakad na dala ang mga ito sapagkat hindi ako sanay sa mga ito.” At hinubad ni David ang mga iyon.
40 Pagkatapos ay hinawakan niya ang kanyang tungkod sa kanyang kamay, at pumili siya ng limang makikinis na bato mula sa sapa at isinilid sa supot na pampastol na kanyang dala. Hawak niya ang tirador sa kanyang kamay at siya'y lumapit sa Filisteo.
Nagapi ni David si Goliat
41 Dumating ang Filisteo at lumapit kay David na kasama ang lalaking tagadala ng kanyang kalasag na nasa unahan niya.
42 Nang tumingin ang Filisteo at makita si David ay kanyang hinamak siya, sapagkat siya'y kabataan pa, mapula ang pisngi at may magandang mukha.
43 Sinabi ng Filisteo kay David, “Ako ba ay aso na ikaw ay lalapit sa akin na may mga tungkod?” At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kanyang mga diyos.
44 Sinabi ng Filisteo kay David, “Halika at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.”
45 Pagkatapos ay sinabi ni David sa Filisteo, “Lumalapit ka sa akin na may tabak, may maliit at malaking sibat, ngunit ako'y lumalapit sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel na iyong hinahamon.
46 Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay, at ibubuwal kita, at pupugutin ko ang ulo mo. Ibibigay ko ang mga bangkay ng hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid at sa mababangis na hayop sa lupa sa araw na ito upang malaman ng buong lupa na may Diyos sa Israel;
47 at upang malaman ng buong kapulungang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat. Ang labanang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.”
48 Nang tumayo ang Filisteo at lumapit upang salubungin si David, si David ay mabilis na tumakbo sa hanay ng labanan upang sagupain ang Filisteo.
49 Ipinasok ni David ang kanyang kamay sa kanyang supot at kumuha roon ng isang bato, at itinirador. Tinamaan ang Filisteo sa kanyang noo at ang bato ay bumaon sa kanyang noo, at pasubsob siyang bumagsak sa lupa.
50 Kaya't(A) nagwagi si David laban sa Filisteo sa pamamagitan ng tirador at ng isang bato, ibinuwal ang Filisteo at kanyang pinatay siya. Walang tabak sa kamay ni David.
51 Kaya't(B) tumakbo si David at tumayo sa ibabaw ng Filisteo. Kinuha niya ang tabak nito at binunot sa kaluban, kanyang pinatay siya, at pinugot ang kanyang ulo. Nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang pangunahing mandirigma ay patay na, sila'y tumakas.
52 Ang hukbo ng Israel at ng Juda ay tumayo na may sigaw at tinugis ang mga Filisteo hanggang sa Gat, at sa mga pintuang-bayan ng Ekron. Ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa Saaraim hanggang sa Gat at sa Ekron.
53 Bumalik ang mga Israelita mula sa paghabol sa mga Filisteo at kanilang sinamsaman ang kanilang kampo.
54 Kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala sa Jerusalem; ngunit kanyang inilagay ang sandata niya sa kanyang tolda.
Si David ay Iniharap kay Saul
55 Nang makita ni Saul si David na sumusugod laban sa Filisteo, kanyang sinabi kay Abner na kapitan ng hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang ito?” At sinabi ni Abner, “Buháy ang iyong kaluluwa, O hari, hindi ko masabi.”
56 Sinabi ng hari, “Ipagtanong mo kung kaninong anak ang batang ito.”
57 At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul na dala ang ulo ng Filisteo sa kanyang kamay.
58 Sinabi ni Saul sa kanya, “Kanino kang anak, binata?” At sumagot si David, “Ako'y anak ng iyong lingkod na si Jesse na taga-Bethlehem.”
18 Pagkatapos niyang makapagsalita kay Saul, ang kaluluwa ni Jonathan ay napatali sa kaluluwa ni David, at minahal siya ni Jonathan na gaya ng kanyang sariling kaluluwa.
2 Kinuha siya ni Saul nang araw na iyon, at hindi na siya pinahintulutang umuwi sa bahay ng kanyang ama.
3 Nang magkagayo'y nakipagtipan si Jonathan kay David sapagkat kanyang minahal siya na gaya ng kanyang sariling kaluluwa.
4 Hinubad ni Jonathan ang balabal na nakasuot sa kanya at ibinigay kay David, pati ang kanyang baluti, tabak, busog, at pamigkis.
5 Lumabas si David at nagtagumpay saanman suguin ni Saul, kaya't inilagay siya ni Saul bilang pinuno ng mga lalaking mandirigma. Ito ay sinang-ayunan ng buong bayan, at gayundin ng mga lingkod ni Saul.
Si Saul ay Nanibugho kay David
6 Sa kanilang pag-uwi, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, ang mga babae ay lumabas mula sa lahat ng mga lunsod sa Israel na nag-aawitan at nagsasayawan, may mga pandereta, may mga awit ng kagalakan, at mga panugtog ng musika upang salubungin si Haring Saul.
7 At(C) nag-aawitan sa isa't isa ang mga babae habang sila ay nagsasaya, na sinasabi,
“Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
at ni David ang kanyang laksa-laksa.”
8 Galit na galit si Saul at ang kasabihang ito ay ikinayamot niya, at kanyang sinabi, “Kanilang iniukol kay David ang laksa-laksa, at ang kanilang iniukol sa akin ay libu-libo; ano pa ang mapapasa-kanya kundi ang kaharian?”
9 Mula sa araw na iyon ay minatyagan ni Saul si David.
10 Kinabukasan, isang masamang espiritu mula sa Diyos ang sumanib kay Saul, at siya'y nahibang sa loob ng bahay, samantalang si David ay tumutugtog ng alpa, gaya ng kanyang ginagawa araw-araw. Hawak ni Saul ang kanyang sibat sa kanyang kamay;
11 at inihagis ni Saul ang sibat, sapagkat kanyang iniisip, “Aking tutuhugin si David sa dingding.” Subalit dalawang ulit na nailagan siya ni David.
12 Si Saul ay takot kay David, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya noon, ngunit humiwalay na kay Saul.
13 Kaya't pinalayas siya ni Saul sa kanyang harapan at ginawa siyang punong-kawal sa isang libo; at si David ay naglabas-masok na pinapangunahan ang hukbo.
14 Nagtagumpay si David sa lahat ng kanyang mga gawain, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya.
15 Nang makita ni Saul na siya'y nagtatagumpay, siya'y nasindak sa kanya.
16 Ngunit minahal ng buong Israel at Juda si David sapagkat siya ang nangunguna sa kanila.
Pinakasalan ni David ang Anak na Babae ni Saul
17 At sinabi ni Saul kay David, “Narito ang aking nakakatandang anak na babae na si Merab. Siya'y ibibigay ko sa iyo upang maging asawa; magpakatapang ka lamang para sa akin, at ipaglaban mo ang mga laban ng Panginoon.” Sapagkat iniisip ni Saul, “Hindi ko na siya pagbubuhatan ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo ang bahala sa kanya.”
18 Sinabi ni David kay Saul, “Sino ako at sino ang aking kamag-anak, o ang sambahayan ng aking ama sa Israel, upang ako'y maging manugang ng hari?”
19 Subalit sa panahong dapat nang ibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, siya ay ibinigay kay Adriel na Meholatita bilang asawa.
20 Ngayon, minamahal ni Mical na anak na babae ni Saul si David. Ito ay sinabi kay Saul, at ang bagay na ito ay ikinalugod niya.
21 Iniisip ni Saul, “Ibibigay ko si Mical[b] sa kanya upang siya'y maging bitag sa kanya, at upang ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kanya.” Kaya't muling sinabi ni Saul kay David, “Ikaw ay magiging manugang ko sa araw na ito.”
22 At iniutos ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Makipag-usap kayo nang lihim kay David, at inyong sabihin, ‘Kinalulugdan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kanyang mga lingkod; ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.’”
23 Kaya't sinabi ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang iyon sa pandinig ni David. At sinabi ni David, “Akala ba ninyo ay maliit na bagay ang maging manugang ng hari, gayong ako'y isang taong dukha at walang karangalan?”
24 Sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Gayon ang sinabi ni David.”
25 At sinabi ni Saul, “Ganito ang inyong sasabihin kay David, ‘Ang hari ay hindi naghahangad ng anumang kaloob sa kasal maliban sa isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo, upang mapaghigantihan ang mga kaaway ng hari.’” Ang balak ni Saul ay maibagsak si David sa pamamagitan ng kamay ng mga Filisteo.
26 Nang sabihin ng kanyang mga lingkod kay David ang mga salitang ito, ay ikinalugod na mabuti ni David na maging manugang siya ng hari. Bago pa natapos ang panahon,
27 si David ay tumindig at umalis na kasama ng kanyang mga tauhan, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawandaang lalaki. Dinala ni David ang kanilang mga balat na pinagtulian at kanyang ibinigay ang buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay sa kanya ni Saul si Mical na kanyang anak na babae upang maging kanyang asawa.
28 Subalit nang nakita at nalaman ni Saul na ang Panginoon ay kasama ni David at minamahal si David ni Mical na anak ni Saul,
29 ay lalong natakot si Saul kay David. Kaya't patuloy na naging kaaway ni David si Saul.
30 Pagkatapos ay lumabas ang mga pinuno ng mga Filisteo upang makipaglaban, at tuwing sila'y lalabas, si David ay laging nagtatagumpay kaysa lahat ng mga lingkod ni Saul; kaya't ang kanyang pangalan ay lalong iginalang.
Si David ay Tinugis ni Saul
19 Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak at sa lahat ng kanyang mga lingkod na dapat nilang patayin si David. Ngunit si Jonathan na anak ni Saul ay lubos na nalulugod kay David.
2 Kaya't sinabi ni Jonathan kay David, “Pinagsisikapan kang patayin ni Saul na aking ama. Kaya't maging maingat ka sa kinaumagahan, manatili ka sa isang lihim na lugar at magtago ka.
3 Ako'y lalabas at tatabi sa aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako'y makikipag-usap sa aking ama tungkol sa iyo; at kung may malaman akong anuman ay aking sasabihin sa iyo.”
4 At si Jonathan ay nagsalita nang mabuti tungkol kay David kay Saul na kanyang ama, at sinabi sa kanya, “Huwag nawang magkasala ang hari laban sa kanyang lingkod na si David sapagkat hindi siya nagkasala laban sa iyo at ang kanyang mga gawa ay mabuting paglilingkod sa iyo.
5 Inilagay niya ang kanyang buhay sa kanyang kamay at pinatay niya ang Filisteo, at gumawa ang Panginoon ng dakilang pagtatagumpay para sa buong Israel. Nakita mo ito at nagalak ka; bakit magkakasala ka laban sa walang salang dugo sa pamamagitan ng pagpatay kay David na walang anumang kadahilanan?”
6 At pinakinggan ni Saul ang tinig ni Jonathan. Sumumpa si Saul, “Habang buháy ang Panginoon, siya'y hindi papatayin.”
7 Kaya't tinawag ni Jonathan si David at sinabi ni Jonathan sa kanya ang lahat ng mga bagay na iyon. Dinala ni Jonathan si David kay Saul at siya'y naging kasama niya[c] na gaya ng dati.
8 Muling nagkaroon ng digmaan. Lumabas si David at nakipaglaban sa mga Filisteo, at napakarami ang kanyang napatay sa kanila at sila'y tumakas sa kanya.
9 Pagkatapos, isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang dumating kay Saul, habang nakaupo sa kanyang bahay na hawak ang sibat at tumutugtog si David ng alpa.
10 Pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dingding; ngunit siya'y nakailag sa harap ni Saul at ang tinamaan ng sibat ay ang dingding. Tumakbo si David at tumakas nang gabing iyon.
11 Nagpadala(D) si Saul ng mga sugo sa bahay ni David upang siya'y matyagan, upang siya'y patayin sa kinaumagahan. Subalit sinabi kay David ng kanyang asawang si Mical, “Kapag hindi mo iniligtas ang iyong buhay ngayong gabi, bukas ay mapapatay ka.”
12 Kaya inihugos ni Mical si David sa isang bintana, at siya'y tumakbong palayo at tumakas.
13 Kumuha si Mical ng isang imahen at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan iyon ng mga damit.
14 Nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kanyang sinabi, “Siya'y may sakit.”
15 Nagpasugo si Saul upang tingnan si David, na sinasabi, “Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kanyang higaan upang aking patayin siya.”
16 Nang pumasok ang mga sugo, nakita nila ang imahen ay nasa higaan na may unan na buhok ng kambing sa ulunan nito.
17 Kaya't sinabi ni Saul kay Mical, “Bakit mo ako dinaya ng ganito, at iyong pinaalis ang aking kaaway, kaya't siya'y nakatakas?” At sumagot si Mical kay Saul, “Sinabi niya sa akin, ‘Hayaan mo akong umalis; bakit kita papatayin?’”
18 Si David ay umalis at nakatakas, at siya'y pumunta kay Samuel sa Rama, at sinabi sa kanya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kanya. Siya at si Samuel ay humayo at nanirahan sa Najot.
19 At ibinalita kay Saul, “Si David ay nasa Najot sa Rama.”
20 Kaya't nagpadala si Saul ng mga sugo upang dakpin si David. Nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nagsasalita ng propesiya, at si Samuel na tumatayong puno nila, ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila man ay nagsalita rin ng propesiya.
21 Nang ito ay ibalita kay Saul, siya'y nagpadala ng ibang mga sugo at sila man ay nagsalita rin ng propesiya. At si Saul ay muling nagsugo sa ikatlong pagkakataon at sila man ay nagsalita rin ng propesiya.
22 Nang magkagayo'y pumunta rin siya sa Rama at dumating sa malaking balon na nasa Secu. At siya'y nagtanong, “Saan naroon sina Samuel at David?” At sinabi ng isa, “Sila'y nasa Najot sa Rama.”
23 Mula roo'y pumunta siya sa Najot sa Rama; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating din sa kanya, at habang siya'y humahayo ay nagsasalita siya ng propesiya hanggang sa siya'y dumating sa Najot sa Rama.
24 Naghubad(E) din siya ng kanyang mga kasuotan at siya man ay nagsalita rin ng propesiya sa harap ni Samuel, at siya'y nahigang hubad sa buong maghapon at magdamag. Kaya't sinasabi, “Pati ba si Saul ay isa na rin sa mga propeta?”
Tinulungan ni Jonathan si David
20 Si David ay tumakas mula sa Najot na nasa Rama. Siya'y dumating doon at sinabi niya kay Jonathan, “Ano bang aking nagawa? Ano ang aking pagkakasala? At ano ang aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kanyang pagtangkaan ang aking buhay?”
2 At sinabi niya sa kanya, “Malayong mangyari iyon! Hindi ka mamamatay. Ang aking ama ay hindi gumagawa ng anumang bagay na malaki o maliit na hindi niya ipinaaalam sa akin; at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? Hindi gayon.”
3 Subalit sumagot muli si David, “Nalalaman ng iyong ama na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at kanyang iniisip, ‘Huwag itong ipaalam kay Jonathan, baka siya'y maghinagpis.’ Ngunit sa katotohanan, habang buháy ang Panginoon, at buháy ka, iisang hakbang ang nasa pagitan ko at sa kamatayan.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, “Anumang nais ng iyong kaluluwa ay gagawin ko para sa iyo.”
5 Kaya't(F) sinabi ni David kay Jonathan, “Bukas ay bagong buwan, at hindi maaaring hindi ko saluhan sa pagkain ang hari; ngunit bayaan mo akong umalis upang makapagtago sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.
6 Kapag ako'y hinanap ng iyong ama, iyo ngang sabihing, ‘Nakiusap sa akin si David na siya'y papuntahin sa Bethlehem na kanyang bayan, sapagkat doon ay mayroong taunang paghahandog para sa buong angkan.’
7 Kung kanyang sabihing, ‘Mabuti!’ ang iyong lingkod ay matitiwasay; ngunit kung siya'y magalit, tandaan mo na ang kasamaan ay ipinasiya na niya.
8 Kaya't gawan mo ng mabuti ang iyong lingkod sapagkat dinala mo ang iyong lingkod sa isang banal na pakikipagtipan sa iyo. Ngunit kung mayroon akong pagkakasala ay ikaw mismo ang pumatay sa akin, sapagkat bakit mo pa ako dadalhin sa iyong ama?”
9 At sinabi ni Jonathan, “Malayong mangyari iyon. Kung alam ko na ipinasiya ng aking ama na ang kasamaan ay sumapit sa iyo, hindi ko ba sasabihin sa iyo?”
10 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, “Sino ang magsasabi sa akin kung ang iyong ama ay sumagot sa iyo nang may galit?”
11 At sinabi ni Jonathan kay David, “Halika, tayo'y lumabas sa parang.” At sila'y kapwa lumabas sa parang.
12 Sinabi ni Jonathan kay David, “Sa pamamagitan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel! Kapag natunugan ko na ang aking ama, sa mga oras na ito, bukas, o sa ikatlong araw, kapag mabuti na ang kalooban niya kay David, hindi ko ba ipapaabot at ipapaalam sa iyo?
13 Ngunit kung gusto ng aking ama na gawan ka ng masama, ay gawin ng Panginoon kay Jonathan at higit pa, kapag hindi ko ipaalam sa iyo at paalisin ka, upang ligtas kang makaalis. Ang Panginoon nawa ay sumama sa iyo gaya ng pagiging kasama siya ng aking ama.
14 Kung ako'y buháy pa, ipakita mo sa akin ang tapat na pag-ibig ng Panginoon, ngunit kung ako'y mamatay;
15 huwag(G) mong puputulin ang iyong kagandahang-loob sa aking sambahayan, kahit ginantihan na ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.”
16 Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sambahayan ni David, na sinasabi, “Gantihan nawa ng Panginoon ang mga kaaway ni David.”
17 Muling pinasumpa ni Jonathan si David ng pagmamahal niya sa kanya; sapagkat kanyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sariling buhay.[d]
18 Pagkatapos ay sinabi ni Jonathan sa kanya, “Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay hahanapin sapagkat walang uupo sa iyong upuan.
19 Sa ikatlong araw ay bumaba ka agad at pumunta ka sa lugar na iyong pinagtaguan nang araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng batong Ezel.
20 Ako'y papana ng tatlong palaso sa tabi niyon na parang ako'y may pinatatamaan.
21 Pagkatapos, aking susuguin ang bata na sinasabi, ‘Hanapin mo ang mga palaso.’ Kung aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay narito sa dako mo rito, kunin ang mga iyon,’ kung gayon ay pumarito ka, sapagkat habang buháy ang Panginoon, ligtas para sa iyo at walang panganib.
22 Ngunit kapag aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay nasa kabila mo pa roon,’ ay umalis ka na, sapagkat pinaaalis ka ng Panginoon.
23 Tungkol sa bagay na ating pinag-usapan, ang Panginoon ay nasa pagitan natin magpakailanman.”
24 Kaya't nagkubli si David sa parang. Nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupo upang kumain.
25 Umupo ang hari sa kanyang upuan gaya nang kinaugalian niya, sa upuang nasa tabi ng dingding. Umupo sa tapat si Jonathan, samantalang nakaupo si Abner sa tabi ni Saul, ngunit sa upuan ni David ay walang nakaupo.
26 Gayunma'y hindi nagsalita si Saul ng anuman sa araw na iyon, sapagkat kanyang iniisip, “May nangyari sa kanya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.”
27 Subalit nang ikalawang araw, kinabukasan pagkaraan ng bagong buwan, sa upuan ni David ay walang nakaupo. Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak, “Bakit wala pa ang anak ni Jesse upang kumain, kahit kahapon, o ngayon?”
28 Sumagot si Jonathan kay Saul, “Nakiusap si David na hayaan ko siyang pumunta sa Bethlehem;
29 kanyang sinabi, ‘Nakikiusap ako sa iyo na hayaan mo akong umalis sapagkat ang aming angkan ay may paghahandog sa bayan at iniutos sa akin ng aking kapatid na pumunta roon. Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hayaan mo akong umalis at makita ko ang aking mga kapatid.’ Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakarating sa hapag ng hari.”
30 Nang magkagayo'y nag-init ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw na anak ng isang masama at mapaghimagsik na babae! Hindi ko ba alam na iyong pinili ang anak ni Jesse sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?
31 Sapagkat habang nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw ni ang iyong kaharian ay hindi mapapanatag. Kaya't ngayo'y ipasundo mo at dalhin siya sa akin, sapagkat siya'y tiyak na mamamatay.”
32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kanyang ama, “Bakit kailangang siya'y patayin? Anong kanyang ginawa?”
33 Ngunit siya ay sinibat ni Saul upang patayin siya; kaya't nalaman ni Jonathan na ipinasiya ng kanyang ama na patayin si David.
34 Kaya't galit na galit na tumindig si Jonathan sa hapag at hindi kumain nang ikalawang araw ng buwan sapagkat siya'y nagdalamhati para kay David, yamang hiniya siya ng kanyang ama.
35 Kinaumagahan, si Jonathan ay pumunta sa parang ayon sa napag-usapan nila ni David, at kasama niya ang isang munting bata.
36 Sinabi niya sa bata, “Takbo, hanapin mo ang mga palaso na aking ipinana.” Habang tumatakbo ang bata, kanyang ipinana ang palaso sa unahan niya.
37 Nang dumating ang bata sa lugar ng palaso na ipinana ni Jonathan, tinawagan ni Jonathan ang bata, at sinabi, “Hindi ba ang palaso ay nasa unahan mo?”
38 At tinawagan ni Jonathan ang bata, “Bilis, magmadali ka, huwag kang tumigil.” Kaya't pinulot ng batang kasama ni Jonathan ang mga palaso, at pumunta sa kanyang panginoon.
39 Ngunit walang nalalamang anuman ang bata. Sina Jonathan at David lamang ang nakakaalam ng tungkol sa kasunduan.
40 Ibinigay ni Jonathan ang kanyang sandata sa bata at sinabi sa kanya, “Umalis ka na at dalhin mo ang mga ito sa lunsod.”
41 Pagkaalis ng bata, si David ay tumindig mula sa tabi ng bato[e] at sumubsob sa lupa, at yumukod ng tatlong ulit. Hinalikan nila ang isa't isa, kapwa umiyak ngunit si David ay umiyak nang labis.
42 At sinabi ni Jonathan kay David, “Umalis kang payapa, yamang tayo'y kapwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, ‘Ang Panginoon ay lalagay sa pagitan natin, at sa pagitan ng aking mga anak at ng iyong mga anak, magpakailanman.’” At siya'y tumayo at umalis; at pumasok si Jonathan sa lunsod.[f]
Tumakas si David kay Saul
21 Nang(H) magkagayo'y pumunta si David sa Nob kay Ahimelec na pari. Nanginginig na sinalubong ni Ahimelec si David at itinanong sa kanya, “Bakit ka nag-iisa, at wala kang kasama?”
2 At sinabi ni David kay Ahimelec na pari, “Inatasan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, ‘Huwag ipaalam sa sinuman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking ibinilin sa iyo. Mayroon akong pakikipagtagpo sa mga kabataang lalaki sa gayo't gayong dako.’
3 Ngayon, anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay o anumang mayroon dito.”
4 At sumagot ang pari kay David, “Wala akong karaniwang tinapay dito, ngunit mayroong banal na tinapay—malibang inilayo ng mga kabataang lalaki ang kanilang sarili sa mga babae.”
5 Sumagot si David sa pari, “Sa katotohanan, ang mga babae ay laging inilalayo sa amin kapag mayroon kaming lakad. Ang mga sisidlan ng mga kabataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakbay; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga sisidlan?”
6 Kaya't(I) binigyan siya ng pari ng banal na tinapay. Walang tinapay roon maliban sa tinapay na handog na kinuha sa harap ng Panginoon, na papalitan ng mainit na tinapay sa araw na iyon ay kunin.
7 Noon ay may isang lalaki sa mga lingkod ni Saul na naroon nang araw na iyon na nakabilanggo sa Panginoon. Ang pangalan niya ay Doeg na Edomita, ang pinuno ng mga pastol ni Saul.
8 At sinabi ni David kay Ahimelec, “Wala ka ba ritong sibat o tabak? Hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bilin ng hari ay madalian.”
9 Sinabi(J) ng pari, “Ang tabak ni Goliat na Filisteo na iyong pinatay sa libis ng Ela, ay nakabalot sa isang tela na nasa likod ng efod. Kung iyong kukunin iyon ay kunin mo, sapagkat walang iba rito liban doon.” At sinabi ni David, “Walang ibang gaya niyon. Ibigay mo sa akin.”
10 Tumindig si David at tumakas kay Saul nang araw na iyon at pumunta kay Achis na hari ng Gat.
11 At(K) sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kanya, “Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba't nag-aawitan sila sa isa't isa tungkol sa kanya sa mga sayaw, na sinasabi,
‘Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
at ni David ang kanyang laksa-laksa’?”
12 Iningatan(L) ni David ang mga salitang ito sa kanyang puso at siya'y naging takot na takot kay Achis na hari ng Gat.
13 Kaya't(M) kanyang binago ang kanyang kilos sa harap nila, at nagkunwaring baliw sa harapan nila. Gumawa siya ng mga guhit sa mga pinto ng tarangkahan, at pinatulo ang laway sa kanyang balbas.
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kanyang mga lingkod, “Tingnan ninyo, ang lalaki ay baliw. Bakit ninyo siya dinala sa akin?
15 Kulang ba ako ng mga taong ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kabaliwan sa aking harapan? Papasok ba ang taong ito sa aking bahay?”
Pinatay ang mga Pari sa Nob
22 Umalis(N) si David doon at tumakas patungo sa yungib ng Adullam. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kapatid at ng sambahayan ng kanyang ama, kanilang pinuntahan siya roon.
2 Bawat nagdadalamhati, bawat may utang, at bawat hindi nasisiyahan ay nagtipun-tipon sa kanya, at siya'y naging punong-kawal nila. At nagkaroon siya ng may apatnaraang tauhan.
3 Mula roon ay pumunta si David sa Mizpa ng Moab, at kanyang sinabi sa hari ng Moab: “Hinihiling ko sa iyo na ang aking ama at ina ay makalabas, at makipanirahan sa inyo, hanggang sa malaman ko kung ano ang gagawin ng Diyos para sa akin.”
4 At kanyang iniwan sila sa hari ng Moab at sila'y nanirahang kasama niya sa buong panahon na si David ay nasa muog.
5 Sinabi ni propeta Gad kay David, “Huwag kang manirahan sa muog; umalis ka at pumasok sa lupain ng Juda.” Nang magkagayo'y umalis si David at pumunta sa gubat ng Heret.
6 Nabalitaan ni Saul na si David at ang mga lalaking kasama niya ay natagpuan na. Si Saul ay nakaupo sa Gibea sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama na hawak ang sibat sa kanyang kamay, at ang lahat ng kanyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.
7 At sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, “Pakinggan ninyo ngayon, mga Benjaminita. Mabibigyan ba ng anak ni Jesse ang bawat isa sa inyo ng mga bukirin at mga ubasan? Kayo bang lahat ay gagawin niyang mga punong-kawal ng libu-libo at mga punong-kawal ng daan-daan;
8 upang kayong lahat ay magsabwatan laban sa akin? Walang nagsabi sa akin nang makipagtipan ang aking anak sa anak ni Jesse. Walang sinuman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagsabi sa akin na hinikayat ng aking anak ang aking lingkod laban sa akin upang mag-abang, gaya sa araw na ito.”
9 Nang(O) magkagayo'y sumagot si Doeg na Edomita na nakatayo sa tabi ng mga lingkod ni Saul, “Nakita ko ang anak ni Jesse na dumating sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitub.
10 At kanyang isinangguni siya sa Panginoon, at binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kanya ang tabak ni Goliat na Filisteo.”
11 Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari si Ahimelec na pari na anak ni Ahitub, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, na mga paring Nob, at sila'y pumuntang lahat sa hari.
12 Sinabi ni Saul, “Makinig ka ngayon, ikaw na anak ni Ahitub.” At siya'y sumagot, “Narito ako, panginoon ko.”
13 At sinabi ni Saul sa kanya, “Bakit kayo ay nagsabwatan laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Jesse, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng tinapay at tabak, at isinangguni siya sa Diyos upang siya'y mag-alsa laban sa akin at ako'y tambangan gaya sa araw na ito?”
14 Nang magkagayo'y sumagot si Ahimelec sa hari at nagsabi, “Sino sa lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at pinuno ng iyong mga kawal at iginagalang sa iyong bahay?
15 Ngayon ba ang unang pagkakataon na ako'y sumangguni sa Diyos para sa kanya? Hindi! Huwag nawang ibintang ng hari ang anumang bagay sa kanyang lingkod, o sa buong sambahayan man ng aking ama; sapagkat walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat ng ito, munti man o malaki.”
16 Sinabi ng hari, “Ikaw ay tiyak na mamamatay, Ahimelec, ikaw at ang buong sambahayan ng iyong ama.”
17 Sinabi ng hari sa bantay na nakatayo sa palibot niya, “Harapin ninyo at patayin ang mga pari ng Panginoon, sapagkat sila man ay panig din kay David.[g] Alam nila na siya'y tumakas, at hindi nila ipinaalam sa akin.” Ngunit ayaw itaas ng mga lingkod ng hari ang kanilang kamay upang patayin ang mga pari ng Panginoon.
18 At sinabi ng hari kay Doeg, “Harapin mo at iyong patayin ang mga pari.” Hinarap ni Doeg na Edomita at kanyang pinatay ang mga pari, at ang kanyang pinatay nang araw na iyon ay walumpu't limang lalaki na nagsusuot ng efod na lino.
19 At kanyang pinatay ng tabak ang taga-Nob, ang lunsod ng mga pari, ang mga lalaki at ang mga babae, mga bata, mga pasusuhin, mga baka, asno, at mga tupa.
20 Subalit isa sa mga anak ni Ahimelec na anak ni Ahitub, na ang pangalan ay Abiatar ang nakatakas at tumakbong patungo kay David.
21 At sinabi ni Abiatar kay David na pinatay ni Saul ang mga pari ng Panginoon.
22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nalalaman ko na nang araw na iyon na si Doeg na Edomita ay naroon, at kanyang tiyak na sasabihin kay Saul. Ako ang naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sambahayan ng iyong ama.
23 Dito ka sa akin, huwag kang matakot; sapagkat siya na tumutugis sa aking buhay ay tumutugis sa iyong buhay; ligtas ka sa piling ko.”
Iniligtas ni David ang Bayan ng Keila
23 At kanilang sinabi kay David, “Sinalakay ng mga Filisteo ang Keila, at kanilang ninanakawan ang mga giikan.”
2 Kaya't sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, “Lalakad ba ako at aking sasalakayin ang mga Filisteong ito?” At sinabi ng Panginoon kay David, “Lumakad ka at iyong salakayin ang mga Filisteo at iligtas mo ang Keila.”
3 Ngunit sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Tingnan ninyo, tayo'y natatakot dito sa Juda; gaano pa nga kaya kung tayo ay pupunta sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?”
4 Kaya't sumangguning muli si David sa Panginoon. At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Oo, lumusong ka sa Keila; sapagkat aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”
5 Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Keila, nilabanan ang mga Filisteo, tinangay ang kanilang kawan, at ipinaranas sa kanila ang isang napakalaking pagkatalo. Gayon iniligtas ni David ang mga mamamayan sa Keila.
6 Nang tumakas si Abiatar na anak ni Ahimelec patungo kay David sa Keila, siya'y lumusong na may isang efod sa kanyang kamay.
7 At ibinalita kay Saul na si David ay pumaroon sa Keila. At sinabi ni Saul, “Ibinigay siya ng Diyos sa aking kamay; sapagkat sinarhan niya ang kanyang sarili sa kanyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga tarangkahan at mga halang.”
8 Tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma upang lumusong sa Keila at kubkubin si David at ang kanyang mga tauhan.
9 Nang malaman ni David na nagbabalak si Saul ng masama laban sa kanya, sinabi niya kay Abiatar na pari, “Dalhin mo rito ang efod.”
10 Nang magkagayo'y sinabi ni David, “O Panginoon, na Diyos ng Israel, nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumunta sa Keila upang wasakin ang lunsod dahil sa akin.
11 Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kanyang kamay? Lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? O Panginoon, na Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na sabihin mo sa iyong lingkod.” At sinabi ng Panginoon, “Siya'y lulusong.”
12 Nang magkagayo'y sinabi ni David, “Isusuko ba ako at ang aking mga tauhan ng mga taga-Keila sa kamay ni Saul?” At sinabi ng Panginoon, “Isusuko ka nila.”
13 Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan na may animnaraan ay tumindig at umalis sa Keila, at sila'y pumunta kung saanman sila makakarating. Nang ibalita kay Saul na si David ay nakatakas mula sa Keila, kanyang itinigil na ang pagsalakay.
14 Si David ay nanatili sa mga kuta sa ilang at tumira sa lupaing maburol sa ilang ng Zif. At hinanap siya ni Saul araw-araw, ngunit hindi siya ibinigay ng Diyos sa kanyang kamay.
Si David sa Maburol na Lupain
15 Si David ay nasa ilang ng Zif sa Hores nang kanyang malaman na si Saul ay lumabas upang tugisin ang kanyang buhay.
16 Si Jonathan na anak ni Saul ay naghanda at pumunta kay David sa Hores, at pinalakas ang kanyang kamay sa pamamagitan ng Diyos.
17 Sinabi niya sa kanya, “Huwag kang matakot, sapagkat hindi ka malalapatan ng kamay ni Saul na aking ama. Ikaw ay magiging hari sa Israel at ako'y magiging pangalawa mo. Nalalaman din ito ni Saul na aking ama.”
18 Silang(P) dalawa ay nagtipanan sa harap ng Panginoon; si David ay nanatili sa Hores at si Jonathan ay umuwi sa kanyang bahay.
19 Pagkatapos(Q) ay umahon ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na sinasabi, “Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga kuta sa gubat sa burol ng Hachila na nasa timog ng Jesimon?
20 Ngayon, O hari, kung gusto mong lumusong ay gawin mo; at ang aming bahagi ay isuko siya sa kamay ng hari.”
21 At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon sapagkat kayo'y nahabag sa akin.
22 Kayo'y humayo at tiyaking muli. Alaming mabuti ang kanyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kanya roon; sinabi sa akin na siya'y napakatuso.
23 Tingnan ninyo ang palibot at alamin ang mga lihim na lugar na kanyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may tiyak na balita at ako'y pupuntang kasama ninyo. Kapag siya'y nasa lupain, siya'y aking hahanapin sa gitna ng lahat ng mga libu-libo sa Juda.”
24 At sila'y tumindig at pumunta sa Zif na nauna kay Saul. Si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa ilang ng Maon sa Araba sa timog ng Jesimon.
25 Si Saul at ang kanyang mga tauhan ay umalis upang hanapin siya. Nang ibalita iyon kay David siya'y lumusong sa batuhan na nasa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kanyang hinabol si David sa ilang ng Maon.
26 Pumunta si Saul sa isang panig ng bundok. Si David at ang kanyang mga tauhan ay sa kabilang panig ng bundok; at si David ay nagmadali upang makalayo kay Saul, habang si Saul at ang kanyang mga tauhan ay papalapit kina David at sa kanyang mga tauhan upang sila'y hulihin.
27 Ngunit dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, “Dali, pumarito ka, sapagkat ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain.”
28 Kaya't bumalik si Saul mula sa pagtugis kay David, at humayo laban sa mga Filisteo; kaya't tinatawag ang dakong iyon na Bato ng Pagtakas.[h]
29 At si David ay umahon mula roon at nanirahan sa mga kuta ng En-gedi.
Iniligtas ni David ang Buhay ni Saul
24 Nang si Saul ay bumalik mula sa paghabol sa mga Filisteo, sinabi sa kanya, “Si David ay nasa ilang ng En-gedi.”
2 Nang magkagayo'y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalaki sa buong Israel, at naglakbay upang tugisin si David at ang kanyang mga tauhan sa harapan ng Batuhan ng Maiilap na Kambing.
3 Siya'y(R) dumating sa mga kulungan ng kawan sa daan na kinaroroonan ng isang yungib; at pumasok si Saul upang dumumi.[i] Samantala, si David at ang kanyang mga tauhan ay nakaupo sa kaloob-loobang bahagi ng yungib.
4 At sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Narito ang araw na sinabi ng Panginoon sa iyo, ‘Aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kanya kung ano ang gusto mo.’” Nang magkagayo'y tumindig si David at lihim na pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.
5 Pagkatapos, nagdamdam ang puso ni David sapagkat kanyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.
6 At(S) sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag ipahintulot ng Panginoon na ako'y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon na binuhusan ng langis ng Panginoon, na aking saktan siya ng aking kamay[j] gayong siya ang binuhusan ng langis ng Panginoon.”
7 Kaya't nahikayat ni David ang kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng mga salitang ito, at hindi niya pinahintulutan sila na salakayin si Saul. Pagkatapos ay tumindig si Saul, lumabas sa yungib at nagpatuloy sa kanyang lakad.
8 Pagkatapos, si David ay tumindig, at lumabas sa yungib, at pasigaw na sinabi kay Saul, “Panginoon kong hari.” Nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kanyang mukha sa lupa at nagbigay galang.
9 At sinabi ni David kay Saul, “Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao na nagsasabi, ‘Tingnan mo, pinagsisikapan kang gawan ng masama ni David?’
10 Nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng Panginoon sa aking kamay sa yungib, at sinabi sa akin ng iba na patayin kita. Ngunit hinayaan kita at aking sinabi, ‘Hindi ko sasaktan ng aking kamay ang aking panginoon, sapagkat siya ang binuhusan ng langis ng Panginoon.’
11 Bukod dito'y iyong tingnan, ama ko. Tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay. Sapagkat sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal at hindi ko pagpatay sa iyo, matitiyak mo na wala kahit kasamaan o pagtataksil man sa aking sarili. Hindi ako nagkasala laban sa iyo, kahit tinutugis mo ako upang kunin ang aking buhay.
12 Hatulan nawa tayo ng Panginoon, at ipaghiganti nawa ako ng Panginoon sa iyo; ngunit ako ay hindi magiging laban sa iyo.
13 Gaya ng sabi ng kawikaan ng matatanda, ‘Sa masama nagmumula ang kasamaan,’ ngunit ako ay hindi magiging laban sa iyo.
14 Laban(T) kanino lumabas ang hari ng Israel? Sinong hinahabol mo? Isang patay na aso! Isang pulgas!
15 Ang Panginoon nawa ang humatol, maghukom sa pagitan natin, magsiyasat, ipagsanggalang ang aking usapin, at iligtas ako sa iyong kamay.”
16 Matapos sabihin ni David ang mga salitang ito kay Saul, sinabi ni Saul, “Ito ba ay iyong tinig, anak kong David?” At inilakas ni Saul ang kanyang tinig, at umiyak.
17 Kanyang sinabi kay David, “Ikaw ay higit na matuwid kaysa akin sapagkat ikaw ay gumanti sa akin ng mabuti, samantalang ikaw ay aking ginantihan ng masama.
18 Ipinahayag mo sa araw na ito kung paanong gumawa ka sa akin ng mabuti, sapagkat nang ibigay ako ng Panginoon sa iyong kamay ay hindi mo ako pinatay.
19 Sapagkat kung matagpuan ng isang tao ang kanyang kaaway, hahayaan ba niyang makaalis na ligtas? Kaya't gantihan ka nawa ng mabuti ng Panginoon dahil sa iyong ginawa sa akin sa araw na ito.
20 At ngayon, nalalaman ko na ikaw ay tunay na magiging hari, at ang kaharian ng Israel ay matatatag sa iyong kamay.
21 Isumpa mo ngayon sa akin sa pamamagitan ng Panginoon na hindi mo puputulin ang aking lahi pagkamatay ko, at hindi mo papawiin ang aking pangalan sa sambahayan ng aking ama.”
22 At sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos, si Saul ay umuwi ngunit si David at ang kanyang mga tauhan ay umakyat sa kuta.
Ang Kamatayan ni Samuel
25 Namatay si Samuel, at nagtipun-tipon ang buong Israel at tinangisan siya. Kanilang inilibing siya sa kanyang bahay sa Rama. At tumindig si David at lumusong sa ilang ng Paran.
2 May isang lalaki sa Maon na ang mga ari-arian ay nasa Carmel. Ang lalaki ay napakayaman; siya'y mayroong tatlong libong tupa at isang libong kambing. Ginugupitan niya ng balahibo ang kanyang mga tupa sa Carmel.
3 Ang pangalan ng lalaki ay Nabal, at ang pangalan ng kanyang asawa ay Abigail. Ang babae ay matalino at maganda, ngunit ang lalaki ay masungit at masama ang ugali. Siya'y mula sa sambahayan ni Caleb.
4 Nabalitaan ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kanyang mga tupa.
5 Kaya't nagsugo si David ng sampung kabataang lalaki at sinabi ni David sa mga kabataan, “Umahon kayo sa Carmel at pumunta kayo kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan.
6 Ganito ang sasabihin ninyo sa kanya: ‘Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sambahayan, at kapayapaan nawa ang dumating sa lahat ng iyong pag-aari.
7 Nabalitaan kong ikaw ay may mga manggugupit ng balahibo ng tupa. Ang iyong mga pastol ay naging kasama namin, at hindi namin sila sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay sa buong panahong sila ay nasa Carmel.
8 Tanungin mo ang iyong mga kabataang lalaki at kanilang sasabihin sa iyo. Kaya't makatagpo nawa ng biyaya sa iyong paningin ang aking mga kabataan; sapagkat kami ay naparito sa araw ng kapistahan. Hinihiling ko sa iyo na magbigay ka ng anumang mayroon ka sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na si David.’”
Tumangging Magbigay si Nabal
9 Nang dumating ang mga kabataang tauhan ni David, kanilang sinabi kay Nabal ang lahat ng mga salitang iyon sa pangalan ni David, at sila ay naghintay.
10 At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, “Sino ba si David? Sino ba ang anak ni Jesse? Maraming mga alila sa mga araw na ito ang lumalayas sa kanilang mga panginoon.
11 Akin bang kukunin ang aking tinapay at tubig, at ang karne na aking kinatay para sa aking mga manggugupit, at ibibigay ko sa mga taong hindi ko nalalaman kung saan nanggaling?”
12 Kaya't ang mga kabataang tauhan ni David ay umalis, bumalik, at sinabi sa kanya ang lahat ng mga salitang ito.
13 At sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ng bawat isa sa inyo ang kanyang tabak.” At nagsukbit ang bawat isa ng kanyang tabak; at si David ay nagsukbit din ng kanyang tabak. Ang umahong kasunod ni David ay may apatnaraang lalaki, samantalang ang dalawandaan ay nanatili kasama ng mga dala-dalahan.
14 Ngunit sinabi ng isa sa mga kabataang lalaki kay Abigail, na asawa ni Nabal, “Si David ay nagpadala ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon ngunit sila'y nilait niya.
15 Gayong ang mga lalaki ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay nang kami ay nasa mga parang, habang kami ay nakikisama sa kanila.
16 Sila'y naging aming pader sa gabi at sa araw sa buong panahong kami ay kasama nila sa pag-aalaga ng mga tupa.
17 Ngayon ay iyong alamin at pag-aralan mo kung ano ang iyong gagawin, sapagkat ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon at sa kanyang buong sambahayan. Siya'y may masamang ugali kaya't walang makipag-usap sa kanya.”
Namagitan si Abigail
18 Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, kumuha ng dalawandaang tinapay, dalawang sisidlang balat ng alak, limang tupang nalinisan na, limang takal ng sinangag na trigo, isandaang kumpol na pasas, dalawandaang tinapay na igos, at ipinapasan ang mga ito sa mga asno.
19 At sinabi niya sa kanyang mga kabataang tauhan, “Mauna kayo sa akin; ako'y susunod sa inyo.” Ngunit hindi niya ito sinabi sa kanyang asawang si Nabal.
20 Samantalang siya'y nakasakay sa kanyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok, si David at ang kanyang mga tauhan ay lumusong patungo sa kanya, at nagkasalubong sila.
21 Sinabi ni David, “Tunay na walang kabuluhan na aking iningatan ang lahat ng pag-aari ng taong ito sa ilang, anupa't walang nawalang anuman sa lahat ng pag-aari niya; at ang mabuti ay ginantihan niya ng masama.
22 Gawin nawa ng Diyos sa mga kaaway ni David, at higit pa, kung sa umaga ay mag-iwan ako ng higit sa isang lalaki sa lahat ng pag-aari niya.”
23 Nang makita ni Abigail si David, siya ay nagmadali at bumaba sa asno, at nagpatirapa sa harapan ni David at yumukod sa lupa.
24 Siya'y nagpatirapa sa kanyang mga paa at nagsabi, “Sa akin mo na lamang ipataw ang pagkakasala, panginoon ko. Hinihiling ko sa iyo na iyong papagsalitain ang iyong lingkod sa iyong pandinig, at iyong pakinggan ang mga salita ng iyong lingkod.
25 Ipinapakiusap ko sa iyo, na huwag pansinin ng aking panginoon itong lalaking si Nabal na may masamang ugali, sapagkat kung ano ang kanyang pangalan ay gayon siya. Nabal ang kanyang pangalan, at ang kahangalan ay nasa kanya; ngunit akong iyong lingkod ay hindi nakakita sa mga kabataang tauhan ng aking panginoon, na iyong sinugo.
26 Ngayon, panginoon ko, habang buháy ang Panginoon, at buháy ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng Panginoon sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng iyong sariling kamay, ang iyo nawang mga kaaway at ang mga nagnanais gumawa ng masama sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal.
27 At ngayon, itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay ibigay mo sa mga kabataang sumusunod sa aking panginoon.
28 Ipinapakiusap ko sa iyo na patawarin mo ang pagkakasala ng iyong babaing lingkod, sapagkat tiyak na igagawa ng Panginoon ang aking panginoon ng isang sambahayang tiwasay. Ipinaglalaban ng aking panginoon ang mga laban ng Panginoon at ang kasamaan ay hindi matatagpuan sa iyo habang ikaw ay nabubuhay.
29 Kung sinuman ay mag-alsa upang habulin ka at tugisin ang iyong buhay, ang buhay ng aking panginoon ay mabibigkis sa bigkis ng mga nabubuhay sa pag-aaruga ng Panginoon mong Diyos; at ang mga buhay ng iyong mga kaaway ay ihahagis niya na parang mula sa guwang ng isang tirador.
30 At kapag nagawa na ng Panginoon sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kanyang sinabi tungkol sa iyo, at kanyang itinalaga ka bilang pinuno ng Israel;
31 ang aking panginoon ay hindi magkakaroon ng dahilan upang malungkot, o pag-uusig ng budhi, dahil sa pagpapadanak ng dugo nang walang dahilan o para sa aking panginoon na siya mismo ang maghiganti. At kapag gumawa ang Panginoon ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong babaing lingkod.”
32 Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin nawa ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako!
33 Purihin nawa ang iyong karunungan, at pagpalain ka nawa na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng aking sariling kamay!
34 Sapagkat kung gaano katiyak na buháy ang Panginoon, ang Diyos ng Israel na siyang pumigil sa akin na saktan ka, malibang ikaw ay nagmadali at pumarito upang sumalubong sa akin, tiyak na walang maiiwan kay Nabal sa pagbubukang-liwayway kahit isang batang lalaki.”
35 Pagkatapos ay tinanggap ni David mula sa kamay ni Abigail ang dinala niya para sa kanya; at sinabi ni David sa kanya, “Umahon kang payapa sa iyong bahay; tingnan mo, aking pinakinggan ang iyong tinig at aking ipinagkaloob ang iyong kahilingan.”
Namatay si Nabal
36 Pumunta si Abigail kay Nabal; siya'y nagdaraos ng isang kapistahan sa kanyang bahay na gaya ng pagpipista ng isang hari. Si Nabal ay masayang-masaya sapagkat siya'y lasing na lasing. Kaya't walang sinabing anuman si Abigail[k] sa kanya hanggang sa pagbubukang-liwayway.
37 Kinaumagahan, nang hindi na lasing si Nabal, sinabi ng asawa niya sa kanya ang mga bagay na ito at nagkasakit siya sa puso, at siya'y naging parang isang bato.
38 Pagkaraan ng may sampung araw, sinaktan ng Panginoon si Nabal, at siya'y namatay.
Naging Asawa ni David si Abigail
39 Nang mabalitaan ni David na si Nabal ay patay na, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na siyang naghiganti sa pag-alipustang tinanggap ko sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kanyang lingkod sa kasamaan. Ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng Panginoon sa kanyang sariling ulo.” Pagkatapos ay nagsugo si David at hinimok si Abigail na maging asawa niya.
40 Nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmel, kanilang sinabi sa kanya, “Sinugo kami ni David sa iyo upang kunin ka na maging asawa niya.”
41 At siya'y tumindig at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, “Ang iyong lingkod ay isang alila na maghuhugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.”
42 Nagmadali si Abigail, tumindig, at sumakay sa isang asno. Pinaglingkuran siya ng kanyang limang katulong na dalaga. Siya'y sumunod sa mga sugo ni David, at siya'y naging kanyang asawa.
43 Kinuha rin ni David si Ahinoam na taga-Jezreel; at sila'y kapwa naging asawa niya.
44 Ibinigay(U) ni Saul si Mical na kanyang anak, na asawa ni David, kay Palti na anak ni Lais na taga-Galim.
Iniligtas ni David ang Buhay ni Saul
26 At(V) dumating ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na nagsasabi, “Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng Jesimon?”[l]
2 Kaya't tumindig si Saul at lumusong sa ilang ng Zif na kasama ang tatlong libong piling lalaki sa Israel upang hanapin si David sa ilang ng Zif.
3 At humimpil si Saul sa burol ng Hachila na nasa tabi ng daan sa silangan ng Jesimon. Ngunit si David ay nanatili sa ilang. Nang makita niya na sinusundan siya ni Saul sa ilang,
4 nagsugo si David ng mga espiya at natiyak na dumating na nga si Saul.
5 Si David ay pumunta sa dakong pinaghihimpilan ni Saul. Nakita ni David ang lugar na kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kanyang hukbo. Si Saul ay nakahiga sa loob ng kampo, at ang mga tauhan ay nakahimpil sa palibot niya.
6 Nang magkagayo'y nagsalita si David at sinabi kay Ahimelec na Heteo, at kay Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, “Sinong sasama sa akin sa paglusong kay Saul sa kampo?” At sinabi ni Abisai, “Ako'y lulusong na kasama mo.”
7 Kinagabihan, dumating sina David at Abisai sa hukbo. Naroon si Saul na natutulog sa loob ng kampo na ang kanyang sibat ay nakasaksak sa lupa sa kanyang ulunan; si Abner at ang hukbo ay nakahiga sa palibot niya.
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, “Ibinigay ng Diyos ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito. Ngayo'y hayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko siya uulusin ng dalawang ulit.”
9 Ngunit sinabi ni David kay Abisai, “Huwag mo siyang patayin! Sapagkat sinong maglalapat ng kanyang kamay na hindi magkakasala laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon?”
10 At sinabi ni David, “Buháy ang Panginoon, ang Panginoon ang papatay sa kanya o darating ang kanyang araw upang mamatay o siya'y lulusong sa labanan at mapapahamak.
11 Huwag(W) ipahintulot ng Panginoon na lapatan ko ng aking kamay ang binuhusan ng langis ng Panginoon. Ngunit ngayo'y hinihiling ko sa iyo na kunin mo, ang sibat na nasa kanyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y umalis.”
12 Kaya't kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul at sila'y umalis. Walang nakakita o nakaalam man, o nagising man ang sinuman, sapagkat sila'y pawang mga tulog, dahil isang mahimbing na pagkakatulog mula sa Panginoon ang dumating sa kanila.
13 Pagkatapos ay dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa tuktok ng bundok sa may kalayuan na may malaking pagitan sa kanila.
14 At sumigaw si David sa hukbo at kay Abner na anak ni Ner, “Hindi ka ba sasagot, Abner?” Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, “Sino kang sumisigaw sa hari?”
15 Sinabi naman ni David kay Abner, “Hindi ka ba lalaki? Sinong gaya mo sa Israel? Bakit hindi mo binantayan ang iyong panginoong hari? Sapagkat pumasok ang isa sa taong-bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.
16 Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Habang buháy ang Panginoon, kayo'y dapat mamatay, sapagkat hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang binuhusan ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan naroroon ang sibat ng hari at ang banga ng tubig na nasa kanyang ulunan.”
17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, “Ito ba ay tinig mo, anak kong David?” At sinabi ni David, “Tinig ko nga, panginoon ko, O hari.”
18 At kanyang sinabi, “Bakit tinutugis ng aking panginoon ang kanyang lingkod? Sapagkat anong aking ginawa? O anong kasalanan ang nasa aking kamay?
19 Ngayon, pakinggan nawa ng aking panginoong hari ang mga salita ng kanyang lingkod. Kung ang Panginoon ang siyang nag-udyok sa iyo laban sa akin, tumanggap nawa siya ng isang handog. Ngunit kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon, sapagkat sila ang nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi sa pamana ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Humayo ka, maglingkod ka sa ibang mga diyos.’
20 Kaya't ngayon, huwag ibuhos ang aking dugo sa lupa mula sa harap ng Panginoon; sapagkat lumabas ang hari ng Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol sa isang pugo sa mga bundok.”
21 Pagkatapos ay sinabi ni Saul, “Ako'y nagkasala; bumalik ka, anak kong David sapagkat hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagkat ang aking buhay ay mahalaga sa iyong paningin sa araw na ito. Ako'y naging hangal at nakagawa ng napakalaking pagkakamali.”
22 At sumagot si David at nagsabi, “Narito ang sibat, O hari! Papuntahin mo rito ang isa sa mga kabataan at kunin ito.
23 Gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat tao sa kanyang katuwiran at sa kanyang katapatan; sapagkat ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko inilapat ang aking kamay laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon.
24 Kung paanong ang iyong buhay ay napakahalaga sa aking paningin sa araw na ito, nawa'y maging mahalaga ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kapighatian.”
25 Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak kong David. Gagawa ka ng maraming bagay at magtatagumpay ka sa mga iyon.” Kaya't nagpatuloy si David sa kanyang lakad at si Saul ay bumalik sa kanyang lugar.
Nanirahan si David sa mga Filisteo
27 Sinabi ni David sa kanyang puso, “Balang araw ako'y mamamatay sa kamay ni Saul. Walang higit na mabuti sa akin kundi ang tumakas tungo sa lupain ng mga Filisteo. Si Saul ay mawawalan ng pag-asa na ako'y hanapin pa sa nasasakupan ng Israel; at ako'y makakatakas mula sa kanyang kamay.”
2 Kaya't si David at ang animnaraang lalaking kasama niya ay umalis at pumunta kay Achis na anak ni Maoch na hari ng Gat.
3 Nanirahan si David na kasama ni Achis sa Gat, siya at ang kanyang mga tauhan, bawat lalaki at ang kanyang sambahayan, si David at ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na balo ni Nabal.
4 Nang ibalita kay Saul na si David ay tumakas na patungo sa Gat ay hindi na niya hinanap siyang muli.
5 At sinabi ni David kay Achis, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matitirahan sa isa sa mga bayan sa kabukiran upang ako'y manirahan doon; sapagkat bakit maninirahang kasama mo ang iyong lingkod sa lunsod ng hari?”
6 Kaya't ibinigay ni Achis sa kanya ang Siclag nang araw na iyon. Kaya't ang Siclag ay naging sakop ng mga hari ng Juda hanggang sa araw na ito.
7 At ang bilang ng mga araw na tumira si David sa lupain ng mga Filisteo ay isang taon at apat na buwan.
8 Noon ay umahon si David at ang kanyang mga tauhan at sinalakay ang mga Gesureo, mga Gerzeo, at ang mga Amalekita; sapagkat sila ang mga dating mamamayan sa lupain, sa daang patungo sa Shur, hanggang sa lupain ng Ehipto.
9 Sinalakay ni David ang lupain, at walang itinirang buháy kahit lalaki o babae man, at tinangay ang mga tupa, baka, asno, kamelyo, at ang mga kasuotan, at bumalik kay Achis.
10 Kapag nagtanong si Achis, “Laban kanino kayo sumalakay ngayon?” ay sasabihin ni David, “Laban sa Negeb ng Juda,” o “laban sa Negeb ng mga Jerameelita,” o “laban sa Negeb ng mga Kineo.”
11 Walang iniligtas na buháy si David kahit lalaki o babae man, upang walang makapagbalita sa Gat, na sinasabi, “Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, ‘Ganito't ganoon ang ginawa ni David.’” Palaging gayon ang kanyang ginagawa sa buong panahong siya'y nakatira sa lupain ng mga Filisteo.
12 Nagtiwala si Achis kay David, na inaakalang, “Ginawa niya ang kanyang sarili na kasuklamsuklam sa bayang Israel kaya't siya'y magiging lingkod ko magpakailanman.”
Si Saul at ang Babaing may Masamang Espiritu sa Endor
28 Nang mga araw na iyon, tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbong pandigma upang labanan ang Israel. At sinabi ni Achis kay David, “Tandaan mo na ikaw at ang iyong mga tauhan ay lalabas na kasama ko sa hukbo.”
2 Sinabi ni David kay Achis, “Napakabuti, malalaman mo kung anong magagawa ng iyong lingkod.” At sinabi ni Achis kay David, “Napakabuti, gagawin kitang bantay ko habang buhay.”
3 Si(X) Samuel noon ay patay na, at tumangis ang buong Israel at inilibing siya sa Rama, na kanyang sariling lunsod. At pinalayas ni Saul mula sa lupain ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam.
4 Nagtipun-tipon ang mga Filisteo, at dumating at humimpil sa Sunem. Tinipon ni Saul ang buong Israel at sila'y humimpil sa Gilboa.
5 Nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot at ang kanyang puso ay lubhang nanginig.
6 Nang(Y) sumangguni si Saul sa Panginoon, hindi siya sinagot ng Panginoon, maging sa pamamagitan ng panaginip ni sa Urim, ni sa pamamagitan man ng mga propeta.
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ihanap ninyo ako ng isang babae na sumasangguni sa mga espiritu, upang ako'y makapunta at makasangguni sa kanya.” At sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “May isang babae sa Endor na sumasangguni sa mga espiritu.”
8 Kaya't nagbalatkayo si Saul, nagsuot ng ibang kasuotan at pumaroon, siya at ang dalawang lalaking kasama niya. Sila'y dumating sa babae nang kinagabihan. At kanyang sinabi, “Humula ka para sa akin sa pamamagitan ng espiritu, at iahon mo sa akin ang sinumang babanggitin ko sa iyo.”
9 Sinabi ng babae sa kanya, “Tiyak na nalalaman mo ang ginawa ni Saul, kung paanong kanyang nilipol ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam sa lupain. Bakit ka naglalagay ng bitag sa aking buhay upang ipapatay ako?”
10 Ngunit sumumpa si Saul sa kanya sa pamamagitan ng Panginoon, na sinasabi, “Habang buháy ang Panginoon, walang parusang darating sa iyo dahil sa bagay na ito.”
11 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Sinong iaahon ko para sa iyo?” At kanyang sinabi, “Iahon mo si Samuel para sa akin.”
12 Nang makita ng babae si Samuel, siya ay sumigaw nang malakas at sinabi ng babae kay Saul, “Bakit mo ako dinaya? Ikaw si Saul.”
13 Sinabi ng hari sa kanya, “Huwag kang matakot. Ano ang iyong nakikita?” At sinabi ng babae kay Saul, “Nakikita ko ang isang diyos na umaahon mula sa lupa.”
14 Sinabi niya sa kanya, “Ano ang kanyang anyo?” At sinabi niya, “Isang matandang lalaki ang lumilitaw, at siya'y nababalot ng isang balabal.” At nakilala ni Saul na iyon ay si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa at nagbigay galang.
Sinabi ni Samuel ang Kasawian ni Saul
15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginambala sa pagpapaahon sa akin?” At sumagot si Saul, “Ako'y labis na naguguluhan, sapagkat ang mga Filisteo ay nandirigma laban sa akin. Ang Diyos ay humiwalay na sa akin, at hindi na ako sinasagot, maging sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man; kaya tinawag kita upang sabihin mo sa akin kung ano ang aking gagawin.”
16 At sinabi ni Samuel, “Bakit ka pa nagtatanong sa akin, gayong ang Panginoon ay humiwalay na sa iyo at naging kaaway mo na?
17 Ginawa(Z) ng Panginoon ang gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ko; sapagkat inalis ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay at ibinigay sa iyong kapwa Israelita na si David.
18 Sapagkat(AA) hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo iginawad ang kanyang mabagsik na galit laban sa Amalek, kaya't ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.
19 Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay makakasama ko; ibibigay ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001