Bible in 90 Days
Ang Pagkamatay ni Saul at ng Kanyang mga Anak(A)
10 Ang mga Filisteo ay nakipaglaban sa Israel, at ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas sa mga Filisteo, at patay na nabuwal sa Bundok ng Gilboa.
2 Inabutan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang mga anak. Pinatay ng mga Filisteo sina Jonathan, Abinadab, at Malkishua, na mga anak ni Saul.
3 Ang paglalaban ay tumindi laban kay Saul. Inabutan siya ng mga mamamana at siya'y sinugatan ng mga ito.
4 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng sandata, “Bunutin mo ang iyong tabak, at itusok mo sa akin, baka ang mga hindi tuling ito ay dumating at paglaruan ako.” Ngunit ayaw ng kanyang tagadala ng sandata, sapagkat siya'y lubhang natakot. Kaya't kinuha ni Saul ang kanyang tabak at ibinuwal ang sarili doon.
5 Nang makita ng kanyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay na, kinuha rin niya ang kanyang tabak at ibinuwal din ang sarili at namatay.
6 Gayon namatay si Saul at ang kanyang tatlong anak; at ang kanyang buong sambahayan ay namatay na magkakasama.
7 Nang makita ng lahat ng kalalakihan ng Israel na nasa libis na tumakas ang hukbo,[a] at si Saul at ang kanyang mga anak ay patay na, kanilang iniwan ang kanilang mga bayan at tumakas. Ang mga Filisteo ay dumating at nanirahan sa mga iyon.
8 Kinaumagahan, nang dumating ang mga Filisteo upang hubaran ang mga napatay, kanilang natagpuan si Saul at ang kanyang mga anak na patay na sa Bundok ng Gilboa.
9 Kanilang hinubaran siya at kinuha ang kanyang ulo at ang kanyang sandata, at nagpadala ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang dalhin ang mabuting balita sa kanilang mga diyus-diyosan at sa mga tao.
10 Inilagay nila ang kanyang sandata sa bahay ng kanilang mga diyos, at ikinabit ang kanyang ulo sa bahay ni Dagon.
11 Ngunit nang nabalitaan ng buong Jabes-gilead ang lahat ng ginawa ng mga Filisteo kay Saul,
12 ang lahat ng matatapang na lalaki ay tumindig, at kinuha ang bangkay ni Saul at ang mga bangkay ng kanyang mga anak, at dinala sa Jabes. Inilibing nila ang kanilang mga buto sa ilalim ng ensina sa Jabes, at nag-ayuno ng pitong araw.
13 Sa(B) gayo'y namatay si Saul dahil sa kanyang kataksilan. Naging taksil siya sa Panginoon, sapagkat hindi niya sinunod ang utos ng Panginoon. Bukod dito'y sumangguni siya sa tumatawag ng espiritu ng patay, at humihingi ng patnubay,
14 at hindi humingi ng patnubay sa Panginoon. Kaya't siya'y kanyang pinatay at inilipat ang kaharian kay David na anak ni Jesse.
Si David ay Ginawang Hari ng Buong Israel(C)
11 Nang magkagayon, ang buong Israel ay sama-samang nagtipon kay David sa Hebron, at sinabi, “Kami ay iyong buto at laman.
2 Nang mga panahong nakaraan, maging noong hari pa si Saul, ikaw ang pumapatnubay at namumuno[b] sa Israel, at sinabi sa iyo ng Panginoon mong Diyos, ‘Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel, at ikaw ay magiging pinuno ng aking bayang Israel.’”
3 Kaya't lahat ng matatanda sa Israel ay pumunta sa hari na nasa Hebron. Si David ay gumawa ng tipan sa kanila sa Hebron sa harapan ng Panginoon, at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel, ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.
Sinakop ni David ang Zion
4 Si(D) David at ang buong Israel ay pumunta sa Jerusalem na siyang Jebus, na kinaroroonan ng mga Jebuseo, ang mga naninirahan sa lupain.
5 At sinabi ng mga naninirahan sa Jebus kay David, “Ikaw ay hindi makakapasok dito.” Gayunma'y sinakop ni David ang muog ng Zion na ngayo'y lunsod ni David.
6 Sinabi ni David, “Sinumang unang sumalakay sa mga Jebuseo ay magiging pinuno at kapitan.” Si Joab na anak ni Zeruia ay unang umahon kaya't siya'y naging pinuno.
7 At si David ay nanirahan sa muog kaya't kanilang tinawag iyon na lunsod ni David.
8 Kanyang itinayo ang bayan sa palibot mula sa Milo hanggang sa palibot, at inayos ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod.
9 Si David ay patuloy na naging dakila sapagkat ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama niya.
Ang Magigiting na Mandirigma ni David(E)
10 Ang mga ito ang mga pinuno ng magigiting na mandirigma ni David na tumulong sa kanya sa kanyang kaharian, kasama ng buong Israel, upang gawin siyang hari, ayon sa salita ng Panginoon tungkol sa Israel.
11 Ito ang bilang ng magigiting na mandirigma ni David: si Jasobeam, anak ng isang Hacmonita, na pinuno ng tatlumpu.[c] Siya ang nagtaas ng kanyang sibat laban sa tatlong daan, at kanyang pinatay sila nang minsanan.
12 Kasunod niya ay si Eleazar na anak ni Dodo na Ahohita, isa sa tatlong magigiting na lalaki.
13 Siya'y kasama ni David sa Pasdamin nang ang mga Filisteo ay nagtipon upang lumaban. Mayroong kapirasong lupain na puno ng sebada, at ang mga lalaki ay tumakas sa mga Filisteo.
14 Ngunit sila'y tumayo sa gitna ng lupain at ipinagtanggol ito at pinatay ang mga Filisteo; at iniligtas sila ng Panginoon sa pamamagitan ng isang malaking tagumpay.
15 Tatlo sa tatlumpung pinuno ang bumaba kay David sa malaking bato sa loob ng yungib ng Adullam, nang ang hukbo ng mga Filisteo ay nakahimpil sa libis ng Refaim.
16 Noon, si David ay nasa muog, at ang pulutong ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem.
17 At sinabi ni David na may pananabik, “O may magbigay sana sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem na nasa tabi ng pintuang-bayan!”
18 At ang tatlo ay pumasok sa kampo ng mga Filisteo, at sumalok ng tubig sa balon ng Bethlehem na nasa tabi ng pintuang-bayan, at kinuha at dinala kay David. Ngunit ayaw ni David na inumin iyon, kundi ibinuhos ito sa Panginoon,
19 at sinabi, “Huwag itulot sa akin ng aking Diyos na aking gawin ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito? Sapagkat kanilang inilagay sa panganib ang kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya't hindi niya mainom iyon. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong mandirigma.
20 At si Abisai na kapatid ni Joab, ay pinuno ng tatlumpu. Kanyang itinaas ang kanyang sibat laban sa tatlong daan at sila'y kanyang pinatay, at nagkaroon ng pangalan kasama ng tatlo.
21 Sa tatlo, siya'y lalong marangal kaysa dalawa, at ginawang kanilang pinunong-kawal: gayon ma'y hindi siya napasama sa tatlo.
22 Si Benaya na anak ni Jehoiada ay isang matapang na lalaki ng Kabzeel na gumawa ng mga dakilang gawa. Kanyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga-Moab. Siya'y bumaba rin at pumatay ng isang leon sa isang hukay nang araw na bumagsak na ang yelo.
23 Siya'y pumatay ng isang Ehipcio na isang lalaking matipuno na may limang siko ang taas. Sa kamay ng Ehipcio ay may isang sibat na gaya ng panghabi ng manghahabi; ngunit si Benaya ay bumaba sa kanya na may tungkod at inagaw ang sibat sa kamay ng Ehipcio, at kanyang pinatay siya ng kanyang sariling sibat.
24 Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaya na anak ni Jehoiada, at siya ay naging tanyag tulad ng tatlong mandirigma.
25 Siya'y kilala sa tatlumpu, ngunit hindi siya napasama sa tatlo, at ginawa siya ni David na pinuno ng mga tanod.
26 Ang mga mandirigma sa mga hukbo ay sina Asahel na kapatid ni Joab, si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem;
27 si Samoth na Arorita, si Heles na Pelonita;
28 si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa, si Abiezer na taga-Anatot;
29 si Shibecai na Husatita, si Ilai na Ahohita;
30 si Maharai na taga-Netofa, si Heled na anak ni Baana na taga-Netofa;
31 si Ithai na anak ni Ribai na taga-Gibea, sa mga anak ni Benjamin, si Benaya na taga-Piraton;
32 si Hurai sa mga batis ng Gaas, si Abiel na Arbatita;
33 si Azmavet na Baharumita, si Eliaba na Saalbonita;
34 ang mga anak ni Asem na Gizonita, si Jonathan na anak ni Saje na Hararita;
35 si Ahiam na anak ni Sacar, na Hararita, si Elifal na anak ni Ur;
36 si Hefer na Meceratita, si Ahia na Felonita;
37 si Hesro na Carmelita, si Nahari na anak ni Ezbai;
38 si Joel na kapatid ni Natan, si Mibhar na anak ni Agrai,
39 si Selec na Ammonita, si Naarai na Berotita, na tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruia;
40 si Ira na Itreo, si Gareb na Itreo;
41 si Urias na Heteo, si Zabad na anak ni Ahli;
42 si Adina na anak ni Siza na Rubenita, na pinuno ng mga Rubenita, at tatlumpu ang kasama niya;
43 si Hanan na anak ni Maaca, at si Joshafat na Mitnita;
44 si Uzia na Astarotita, si Samma at si Jehiel na mga anak ni Hotam na Harorita;
45 si Jediael na anak ni Simri; at si Joha na kanyang kapatid, na Tisaita;
46 si Eliel na Mahavita, at si Jeribai, at si Josabias na mga anak ni Elnaam, at si Itma na Moabita;
47 si Eliel, si Obed, si Jaasiel, na Mesobiata.
Ang mga Kaibigan ni David sa Siclag
12 Ang mga ito ang pumunta kay David sa Siclag, habang siya'y hindi malayang makagalaw dahil kay Saul na anak ni Kish. Sila'y kabilang sa magigiting na mandirigma na tumulong sa kanya sa digmaan.
2 Sila'y mga mamamana at nakakatudla ng pana at nakapagpapakawala ng mga bato sa pamamagitan ng kanan o kaliwang kamay. Sila'y mga taga-Benjamin, mga kamag-anak ni Saul.
3 Ang pinuno ay sina Ahiezer at Joas, na mga anak ni Shemaa na taga-Gibea; at sina Jeziel at Pelet, na mga anak ni Azmavet; at sina Beraca at Jehu na taga-Anatot;
4 si Ismaias na Gibeonita, isang mandirigma na kabilang sa tatlumpu at pinuno ng tatlumpu; sina Jeremias, Jahaziel, Johanan, at Jozabad ng Gedera;
5 sina Eluzai, Jerimot, Bealias, Shemarias, at Shefatias na Harufita;
6 sina Elkana, Ishias, Azarel, Joezer, at Jasobeam, na mga Korahita;
7 sina Joela, at Zebadias, na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.
Ang mga Gadita na Nagsisunod kay David
8 At sa mga Gadita ay sumama kay David sa muog sa ilang ang magigiting at bihasang mandirigma, sanay sa kalasag at sibat; na ang mga mukha nila ay gaya ng mga mukha ng mga leon, at sila'y maliliksing gaya ng mga usa sa mga bundok:
9 si Eser ang pinuno, si Obadias ang ikalawa, si Eliab ang ikatlo;
10 si Mismana ang ikaapat, si Jeremias ang ikalima;
11 si Attai ang ikaanim, si Eliel ang ikapito;
12 si Johanan ang ikawalo, si Elzabad ang ikasiyam;
13 si Jeremias ang ikasampu, si Macbani ang ikalabing-isa.
14 Ang mga anak na ito ni Gad ay mga pinunong-kawal ng hukbo; ang pinakamaliit ay higit sa isang daan, at ang pinakamalaki ay higit sa isang libo.
15 Ito ang mga lalaking nagsitawid sa Jordan sa unang buwan, nang ito'y umaapaw sa lahat nitong mga pampang, at kanilang pinatakas ang lahat ng nasa mga libis, sa silangan, at sa kanluran.
16 Pumunta sa muog na kinaroroonan ni David ang ilan sa mga anak ni Benjamin at Juda.
17 Si David ay lumabas upang salubungin sila at sinabi sa kanila, “Kung kayo'y pumarito sa akin para sa kapayapaan at upang tulungan ako, ang aking puso ay mapapalakip sa inyo. Ngunit kung upang ipagkanulo ako sa aking mga kaaway, gayong walang kasamaan sa aking mga kamay, makita nawa ito ng Diyos ng ating mga ninuno at sawayin kayo.”
18 At ang Espiritu ay dumating kay Amasai na pinuno ng tatlumpu, at sinabi niya, “Kami ay sa iyo, David, at kasama mo, O anak ni Jesse! Kapayapaan, kapayapaan ang sumaiyo, at kapayapaan sa iyong mga katulong; sapagkat tinutulungan ka ng iyong Diyos.” Nang magkagayo'y tinanggap sila ni David at ginawa silang mga pinunong-kawal ng kanyang hukbo.
19 Ang ilan sa mga tauhan ni Manases ay kumampi kay David, nang siya'y pumaroong kasama ng mga Filisteo upang lumaban kay Saul. Gayunman sila'y hindi niya tinulungan sapagkat ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagpulong at pinaalis siya, na sinasabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay sapagkat kakampi pa rin siya sa kanyang panginoong si Saul.”
20 Sa pagpunta niya sa Siklag, ang mga tauhang ito ni Manases ay kumampi sa kanya: sina Adnas, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu, at Siletai, na mga pinunong-kawal ng mga libu-libo sa Manases.
21 Kanilang tinulungan si David laban sa pulutong ng mga magnanakaw, sapagkat silang lahat ay matatapang na mandirigma at mga pinunong-kawal sa hukbo.
22 Sa araw-araw ay may mga taong pumupunta kay David upang tumulong sa kanya, hanggang sa nagkaroon ng malaking hukbo, gaya ng isang hukbo ng Diyos.
Ang Ibang mga Kaibigan ni David
23 Ito ang mga bilang ng mga pangkat ng hukbong nasasandatahan na pumunta kay David sa Hebron, upang ibigay ang kaharian ni Saul sa kanya, ayon sa salita ng Panginoon.
24 Ang mga anak ni Juda na humahawak ng kalasag at sibat ay anim na libo at walong daang hukbong nasasandatahan.
25 Sa mga anak ni Simeon, pitong libo at isandaang magigiting na mandirigma.
26 Sa mga anak ni Levi ay apat na libo at animnaraan.
27 At kasama ni Jehoiada na pinuno ng sambahayan ni Aaron ang tatlong libo at pitong daan;
28 at si Zadok, na isang binatang magiting na mandirigma, at ang dalawampu't dalawang pinunong-kawal mula sambahayan ng kanyang ninuno.
29 Sa mga anak ni Benjamin, na mga kapatid ni Saul ay tatlong libo, sapagkat ang karamihan sa kanila ay nanatiling tapat sa sambahayan ni Saul.
30 Sa mga anak ni Efraim ay dalawampung libo at walong daang magigiting na mandirigma, mga tanyag na lalaki sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
31 Sa kalahating lipi ng Manases ay labingwalong libo na itinalaga sa pamamagitan ng mga pangalan, upang pumaroon at gawing hari si David.
32 Sa mga anak ni Isacar na nakakaunawa ng mga panahon, upang malaman kung ano ang marapat gawin ng Israel ay dalawandaang pinuno, at ang lahat nilang kapatid ay nasa kanilang pamumuno.
33 Sa Zebulon ay limampung libong sanay sa pakikipaglaban na handa sa lahat ng uri ng sandatang pandigma, at may iisang layuning tumulong.
34 Sa Neftali ay isanlibong pinunong-kawal at may kasamang tatlumpu't pitong libong katao na may kalasag at sibat.
35 Sa mga Danita ay dalawampu't walong libo at animnaraan na handa para sa pakikipaglaban.
36 Sa Aser ay apatnapung libong kawal na sanay sa pakikipaglaban at handa sa digmaan.
37 At sa mga Rubenita, mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, mula sa kabilang ibayo ng Jordan ay isandaan at dalawampung libong katao na mayroong lahat ng uri ng sandatang pandigma.
Ang mga Tumulong kay David upang Maging Hari
38 Lahat ng mga ito, mga mandirigmang handa sa pakikipaglaban, ay pumunta sa Hebron na may buong layunin na gawing hari si David sa buong Israel. Gayundin, ang iba pa sa Israel ay nagkaisa na gawing hari si David.
39 Sila'y naroong kasama ni David sa loob ng tatlong araw, kumakain at umiinom, sapagkat ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid.
40 Gayundin ang kanilang mga kalapit-bayan, hanggang sa Isacar, Zebulon at Neftali ay dumating na may dalang tinapay na nasa mga asno, mga kamelyo, mga mola, mga baka, mga sari-saring pagkain, mga tinapay na igos, mga buwig ng pasas, alak at langis, mga baka at tupa, sapagkat may kagalakan sa Israel.
Ang Kaban ay Dinala sa Bahay ni Obed-edom(F)
13 Sumangguni si David sa mga pinunong-kawal ng mga libu-libo, at mga daan-daan, at sa bawat pinuno.
2 Sinabi ni David sa buong kapulungan ng Israel, “Kung inaakala ninyong mabuti at kung kalooban ng Panginoon nating Diyos, ay ipatawag natin ang ating mga kapatid na nananatili sa buong lupain ng Israel, kabilang ang mga pari at mga Levita sa kanilang mga bayan na may mga pastulan, upang sila'y sama-samang pumarito sa atin.
3 Pagkatapos ay muli nating dalhin ang kaban ng ating Diyos sa atin, sapagkat ito'y kinaligtaan natin sa mga araw ni Saul.”
4 At ang buong kapulungan ay sumang-ayon na kanilang gawin ang gayon, sapagkat iyon ay matuwid sa paningin ng buong bayan.
5 Kaya't(G) tinipon ni David ang buong Israel mula sa Sihor ng Ehipto hanggang sa pasukan sa Hamat, upang dalhin ang kaban ng Diyos mula sa Kiryat-jearim.
6 At(H) si David at ang buong Israel ay umahon sa Baala, samakatuwid ay sa Kiryat-jearim na sakop ng Juda, upang dalhin mula roon ang kaban ng Diyos, tinatawag ayon sa pangalan ng Panginoon na nakaupo sa ibabaw ng kerubin.
7 Kanilang dinala ang kaban ng Diyos na nakasakay sa isang bagong kariton mula sa bahay ni Abinadab. Sina Uzah at Ahio ang nagpapatakbo ng kariton.
8 At si David at ang buong Israel ay nagkakasayahan sa harapan ng Diyos nang buong lakas nila, na may mga awit, mga alpa, mga lira, mga tamburin, mga pompiyang, at mga trumpeta.
9 Nang sila'y dumating sa giikan ng Kidon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay upang hawakan ang kaban, sapagkat natisod ang mga baka.
10 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah, at siya'y kanyang sinaktan sapagkat siya'y humawak sa kaban, at doo'y namatay siya sa harapan ng Diyos.
11 Kaya't sumama ang loob ni David sapagkat nagalit ang Panginoon kay Uzah, at kanyang tinawag ang dakong iyon na Perez-uza[d] hanggang sa araw na ito.
12 At si David ay natakot sa Diyos nang araw na iyon, na nagsasabi, “Paano ko maiuuwi ang kaban ng Diyos?”
13 Kaya't hindi inilipat ni David ang kaban sa lunsod ni David, kundi ito'y dinala sa bahay ni Obed-edom na Geteo.
14 Ang(I) kaban ng Diyos ay nanatili sa sambahayan ni Obed-edom sa kanyang bahay nang tatlong buwan. At pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat niyang ari-arian.
Ang Sambahayan ni David(J)
14 Si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David, at ng mga puno ng sedro, mga tagatapyas ng bato at mga karpintero upang ipagtayo siya ng bahay.
2 At nabatid ni David na itinatag siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at ang kanyang kaharian ay itinaas nang mataas alang-alang sa kanyang bayang Israel.
3 Si David ay kumuha pa ng mga asawa sa Jerusalem. Si David ay nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
4 Ito ang mga pangalan ng mga naging anak niya sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,
5 sina Ibhar, Elisua, Elfelet;
6 Noga, Nefeg, Jafia;
7 Elisama, Beeliada, at Elifelet.
8 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay binuhusan ng langis upang maging hari sa buong Israel, nagsiahon ang lahat ng Filisteo upang hanapin si David. Nabalitaan ito ni David at siya'y lumabas laban sa kanila.
9 Ang mga Filisteo ay dumating at gumawa ng pagsalakay sa libis ng Refaim.
10 At si David ay sumangguni sa Diyos, na nagsasabi, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Umahon ka, sapagkat ibibigay ko sila sa iyong kamay.”
11 Kaya't umahon sila sa Baal-perazim[e] at doo'y nagapi sila ni David. At sinabi ni David, “Sinambulat ng Diyos ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng aking kamay na gaya ng sumambulat na baha.” Kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Baal-perazim.[f]
12 Kanilang iniwan doon ang kanilang mga diyos at ipinag-utos ni David na sunugin ang mga iyon.
13 At muling sumalakay ang mga Filisteo sa libis.
14 Nang si David ay muling sumangguni sa Diyos, sinabi ng Diyos sa kanya, “Huwag kang aahong kasunod nila; lumigid ka at salakayin mo sila sa tapat ng mga puno ng balsamo.
15 Kapag iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, ikaw nga ay lalabas sa pakikipaglaban, sapagkat ang Diyos ay humayo sa unahan mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”
16 Ginawa ni David kung ano ang iniutos sa kanya ng Diyos; at kanilang pinatay ang hukbo ng mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.
17 At ang katanyagan ni David ay lumaganap sa lahat ng lupain; nilagyan ng Panginoon ng takot sa kanya ang lahat ng mga bansa.
Paghahanda Upang Ilipat ang Kaban
15 Gumawa si David[g] ng mga bahay para sa kanya sa lunsod ni David; at ipinaghanda niya ng isang dako ang kaban ng Diyos, at nagtayo para roon ng isang tolda.
2 Nang(K) magkagayo'y sinabi ni David, “Walang dapat magdala ng kaban ng Diyos kundi ang mga Levita, sapagkat sila ang pinili ng Panginoon upang magdala ng kaban ng Diyos at maglingkod sa kanya magpakailanman.”
3 Tinipon ni David ang buong Israel sa Jerusalem upang iahon ang kaban ng Panginoon sa lugar nito na kanyang inihanda para rito.
4 At tinipon ni David ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita;
5 sa mga anak ni Kohat: si Uriel na pinuno at ang kanyang mga kapatid, isandaan at dalawampu;
6 sa mga anak ni Merari: si Asaya na pinuno at ang dalawandaan at dalawampu sa kanyang mga kapatid,
7 sa mga anak ni Gershon: si Joel na pinuno, at ang isandaan at tatlumpu sa kanyang mga kapatid,
8 sa mga anak ni Elisafan: si Shemaya na pinuno, at ang dalawandaan sa kanyang kapatid,
9 sa mga anak ni Hebron: si Eliel na pinuno, at ang kanyang walumpung mga kapatid,
10 sa mga anak ni Uziel: si Aminadab na pinuno, at ang kanyang isandaan at labindalawang mga kapatid.
11 Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel, at Aminadab,
12 at kanyang sinabi sa kanila, “Kayo ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga Levita. Magpakabanal kayo, kayo at ang inyong mga kapatid, upang inyong maiahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, sa dakong aking inihanda para rito.
13 Sapagkat dahil sa hindi ninyo dinala ito nang una, ang Panginoon nating Diyos ay nagalit sa atin, sapagkat hindi natin siya hinanap ayon sa utos.”
14 Sa gayo'y ang mga pari at ang mga Levita ay nagpakabanal upang iahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
15 At(L) binuhat ng mga anak ng mga Levita ang kaban ng Diyos sa kanilang mga balikat sa pamamagitan ng mga pasanan, gaya ng iniutos ni Moises ayon sa salita ng Panginoon.
Ang Kaban ay Dinala ng mga Levita sa Jerusalem(M)
16 Inutusan rin ni David ang pinuno ng mga Levita na italaga ang kanilang mga kapatid bilang mga mang-aawit na tutugtog sa mga panugtog, mga alpa, mga lira at mga pompiyang, upang magpailanglang ng mga tunog na may kagalakan.
17 Kaya't hinirang ng mga Levita si Heman na anak ni Joel; at sa kanyang mga kapatid ay si Asaf na anak ni Berequias; at sa mga anak ni Merari na kanilang mga kapatid ay si Etan na anak ni Cusaias.
18 Kasama nila ang kanilang mga kapatid mula sa ikalawang pangkat: sina Zacarias, Ben, Jaaziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maasias, Matithias, Eliphelehu, Micnias, Obed-edom, at Jehiel, na mga bantay sa pinto.
19 Ang mga mang-aawit na sina Heman, Asaf, at Etan, ay tutugtog ng mga pompiyang na tanso,
20 sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias, at Benaya, ay tutugtog ng mga alpa ayon kay Alamot;
21 ngunit sina Matithias, Elifelehu, Micnias, Obed-edom, Jehiel, at si Azazias, ay mangunguna sa pagtugtog ng mga alpa ayon sa Sheminith.
22 Si Kenanias na pinuno ng mga Levita sa musika ay siyang mangangasiwa sa pag-awit sapagkat nauunawaan niya ito.
23 Sina Berequias, at Elkana ay mga bantay ng pintuan para sa kaban.
24 Sina Sebanias, Joshafat, Natanael, Amasai, Zacarias, Benaya at si Eliezer na mga pari, ang magsisihihip ng mga trumpeta sa harapan ng kaban ng Diyos. Sina Obed-edom at Jehias ay mga bantay rin sa pintuan para sa kaban.
25 Kaya't si David at ang matatanda sa Israel at ang mga punong-kawal sa mga libu-libo, ay umalis upang iahon na may kagalakan ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bahay ni Obed-edom:
26 Sapagkat tinulungan ng Diyos ang mga Levita na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, sila'y naghandog ng pitong baka at pitong tupa.
27 Si David ay may suot na isang balabal na pinong lino, gayundin ang lahat ng Levita na nagpapasan ng kaban, at ang mga mang-aawit, si Kenanias na tagapamahala sa awit ng mga mang-aawit; at si David ay may suot na efod na lino.
28 Sa gayon iniahon ng buong Israel ang kaban ng tipan ng Panginoon na may mga sigawan, may mga tunog ng tambuli, mga trumpeta at may mga pompiyang, at tumugtog nang malakas sa mga alpa at mga lira.
29 Nangyari nga, samantalang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumarating sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay tumanaw sa bintana, at nakita niya si Haring David na sumasayaw at nagsasaya; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.
Nag-alay ng mga Handog na Sinusunog
16 Kanilang ipinasok ang kaban ng Diyos, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para rito, at sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog, at mga handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos.
2 Pagkatapos makapaghandog si David ng handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.
3 Siya'y namahagi sa buong Israel, sa lalaki at gayundin sa babae, sa bawat isa ng isang tinapay at isang bahaging laman, at mga tinapay na pasas.
4 Bukod dito'y hinirang niya ang ilan sa mga Levita upang maglingkod sa harapan ng kaban ng Panginoon, at upang manalangin, magpasalamat, at magpuri sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
5 Si Asaf ang pinuno, at ang ikalawa'y sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matithias, Eliab, Benaya, Obed-edom, at si Jeiel, na sila ang tutugtog sa mga alpa at mga lira. Si Asaf ang magpapatunog ng pompiyang,
6 at sina Benaya at Jahaziel na mga pari ang patuloy na hihihip sa mga tambuli sa harapan ng kaban ng tipan ng Diyos.
7 Nang araw na iyon ay unang iniutos ni David na ang pagpapasalamat ay awitin sa Panginoon, sa pamamagitan ni Asaf at ng kanyang mga kapatid.
Ang Awit ng Pagpapasalamat(N)
8 O kayo'y magpasalamat sa Panginoon, tumawag kayo sa kanyang pangalan;
ipakilala ninyo sa mga bayan ang kanyang mga gawa.
9 Umawit kayo sa kanya, magsiawit kayo ng mga papuri sa kanya;
ipahayag ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.
10 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magalak ang puso ng mga nagsisihanap sa Panginoon.
11 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang lakas;
palagi ninyong hanapin ang kanyang pakikiharap.
12 Alalahanin ninyo ang kanyang kamanghamanghang mga gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan, ang mga hatol na kanyang binigkas,
13 O kayong binhi ni Israel na kanyang lingkod,
kayong mga anak ni Jacob na kanyang pinili.
14 Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga hatol ay nasa buong lupa.
15 Alalahanin ninyo ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libu-libong salinlahi;
16 ang(O) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
at ang kanyang pangakong isinumpa kay Isaac,
17 na(P) kanyang pinagtibay bilang isang tuntunin kay Jacob,
bilang isang walang hanggang tipan kay Israel,
18 na sinasabi, “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan,
ang bahagi ng inyong mana.”
19 Noong sila'y kakaunti sa bilang;
at wala pang gasinong halaga, at nakikipamayan doon;
20 na nagpagala-gala sa iba't ibang bansa,
mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan,
21 hindi(Q) niya hinayaan na pagmalupitan sila ng sinuman,
kanyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
22 na sinasabi, “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta!”
23 Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa,
ihayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
24 Ipahayag ninyo ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa,
ang kanyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
25 Sapagkat dakila ang Panginoon at karapat-dapat purihin.
Siya'y marapat na katakutan nang higit sa lahat ng diyos.
26 Sapagkat lahat ng diyos ng mga bayan ay mga diyus-diyosan;
ngunit ang Panginoon ang gumawa ng mga langit.
27 Karangalan at kamahalan ang nasa harapan niya,
kalakasan at kasayahan ang nasa kanyang tahanan.
28 Iukol ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at ang kalakasan.
29 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kanyang pangalan;
magdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya.
Inyong sambahin ang Panginoon sa banal na kaayusan.
30 Manginig sa harap niya ang buong lupa:
oo, ang sanlibuta'y nakatayong matatag, hindi kailanman makikilos.
31 Magsaya ang mga langit, at magalak ang lupa;
at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!”
32 Hayaang umugong ang dagat at ang lahat ng pumupuno dito,
matuwa ang parang at ang lahat ng naroon;
33 kung magkagayo'y aawit ang mga punungkahoy sa gubat dahil sa kagalakan
sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
34 O(R) magpasalamat kayo sa Panginoon sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
35 Sabihin din ninyo:
“Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
at tipunin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa,
upang kami'y magpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
36 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan.”
At sinabi ng buong bayan, “Amen!” at pinuri ang Panginoon.
Tagapangasiwa sa Harap ng Kaban
37 Kaya't iniwan ni David doon si Asaf at ang kanyang mga kapatid sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon, upang patuloy na mangasiwa sa harap ng kaban, gaya ng kailangang gawain sa araw-araw.
38 Gayundin si Obed-edom at ang kanyang animnapu't walong kapatid; samantalang si Obed-edom na anak ni Jedutun at si Asa ay magiging mga bantay sa pinto.
39 At kanyang iniwan ang paring si Zadok at ang kanyang mga kapatid na mga pari sa harapan ng tolda ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gibeon,
40 upang patuloy na maghandog ng mga handog na sinusunog sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog sa umaga at hapon, ayon sa lahat nang nasusulat sa kautusan ng Panginoon na kanyang iniutos sa Israel.
41 Kasama nila si Heman at si Jedutun, at ang nalabi sa mga pinili at itinalaga sa pamamagitan ng pangalan upang magpasalamat sa Panginoon, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
42 Sina Heman at Jedutun ay may mga trumpeta at mga pompiyang para sa tugtugin at mga panugtog para sa mga banal na awitin. Ang mga anak ni Jedutun ay inilagay sa pintuan.
43 At(S) ang buong bayan ay nagsiuwi sa kani-kanilang bahay, at si David ay umuwi upang basbasan ang kanyang sambahayan.
Ang Sinabi ng Panginoon kay David(T)
17 Nang si David ay nanirahan sa kanyang bahay, sinabi ni David kay propeta Natan, “Tingnan mo, ako'y nakatira sa isang bahay na sedro, ngunit ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa loob ng isang tolda.”
2 At sinabi ni Natan kay David, “Gawin mo ang lahat ng nasa iyong puso, sapagkat ang Diyos ay kasama mo.”
3 Ngunit nang gabi ring iyon ang salita ng Diyos ay dumating kay Natan,
4 “Humayo ka at sabihin mo kay David na aking lingkod, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Hindi mo ako ipagtatayo ng bahay na matitirahan.
5 Sapagkat hindi pa ako nanirahan sa isang bahay mula nang araw na aking iahon ang Israel hanggang sa araw na ito; kundi ako'y nagpalipat-lipat sa mga tolda at sa mga tirahan.
6 Sa lahat ng mga dako na aking nilakaran na kasama ang buong Israel, ako ba'y nagsalita sa sinuman sa mga hukom ng Israel, na siyang aking inutusang maging pastol sa aking bayan, “Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng bahay na sedro?”’
7 Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kinuha kita sa sabsaban, mula sa pagsunod sa mga tupa upang ikaw ay maging pinuno sa aking bayang Israel.
8 Ako'y naging kasama mo saan ka man pumunta, at aking pinuksa ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo. At igagawa kita ng pangalan na gaya ng pangalan ng mga dakilang tao sa lupa.
9 Magtatalaga ako ng isang lugar para sa aking bayang Israel, at itatatag sila, upang sila'y makapanirahan sa kanilang sariling lugar, at huwag nang magambala pa. At hindi na sila pahihirapan pa ng mga mararahas na tao, na gaya nang una,
10 mula sa panahon na nagtalaga ako ng mga hukom upang mamuno sa aking bayang Israel; at aking pasusukuin ang lahat ninyong mga kaaway. Bukod dito'y ipinahahayag ko sa iyo na ipagtatayo ka ng Panginoon ng isang bahay.
11 Kapag ang iyong mga araw ay naganap na upang ikaw ay humayo upang makasama ng iyong mga ninuno, ibabangon ko ang iyong binhi pagkamatay mo, isa sa iyong sariling mga anak, at aking itatatag ang kanyang kaharian.
12 Ipagtatayo niya ako ng isang bahay, at itatatag ko ang kanyang trono magpakailanman.
13 Ako'y(U) magiging kanyang ama, at siya'y magiging aking anak, at hindi ko aalisin ang aking tapat na pag-ibig sa kanya, gaya ng aking pagkakuha doon sa nauna sa iyo.
14 Kundi ilalagay ko siya sa aking bahay at sa aking kaharian magpakailanman; at ang kanyang trono ay matatatag magpakailanman.’”
15 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa lahat ng mga pangitaing ito, ay gayon ang sinabi ni Natan kay David.
Ang Panalangin ni David(V)
16 Pagkatapos ay pumasok si Haring David at naupo sa harap ng Panginoon, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong Diyos, at ano ang aking sambahayan at dinala mo ako sa ganitong kalagayan?
17 At ito'y munting bagay sa iyong paningin, O Diyos; sinabi mo rin ang tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa mga panahong darating, at ipinakita mo sa akin ang darating na mga salinlahi, O Diyos!
18 Ano pa ang masasabi ni David sa iyo sa pagpaparangal mo sa iyong lingkod? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod.
19 O Panginoon, alang-alang sa iyong lingkod, at ayon sa iyong sariling puso, ay iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito, upang ipaalam ang lahat ng dakilang bagay na ito.
20 O Panginoon, walang gaya mo, at walang Diyos liban sa iyo, ayon sa lahat ng narinig ng aming mga tainga.
21 Anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel, isang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang sariling bayan na gumawa ng pangalan para sa iyong sarili sa pamamagitan ng dakila at kakilakilabot na mga bagay, sa pagpapalayas ng mga bansa sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos mula sa Ehipto?
22 At ang iyong bayang Israel ay ginawa mong iyong sariling bayan magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.
23 Ngayon, O Panginoon, maitatag nawa ang salita na iyong ipinahayag tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan magpakailanman, at gawin mo nawa na gaya ng iyong sinalita,
24 at ang iyong pangalan ay maitatag at maging dakila magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang Panginoon ng mga hukbo ay Diyos ng Israel,’ samakatuwid ay ang Diyos ng Israel, at ang sambahayan ni David na iyong lingkod ay matatatag sa harapan mo.
25 Sapagkat ikaw, O aking Diyos, ay nagpahayag sa iyong lingkod na ipagtatayo mo siya ng bahay; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin sa harapan mo.
26 At ngayon, O Panginoon, ikaw ay Diyos, at ipinangako mo ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;
27 at ngayo'y ikinalulugod mo na pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailanman sa harap mo, sapagkat ang iyong pinagpala, O Panginoon, ay magiging mapalad magpakailanman.”
Naging Matatag at Lumawak ang Kaharian ni David(W)
18 Pagkatapos nito'y sinalakay ni David ang mga Filisteo at sinakop sila; kinuha niya ang Gat at ang mga nayon niyon sa kamay ng mga Filisteo.
2 Tinalo niya ang Moab, at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at sila'y nagdala ng mga kaloob.
3 Tinalo rin ni David sa Hamat si Hadadezer na hari ng Soba, habang siya'y papunta sa Hamat upang itatag ang kanyang kapangyarihan sa tabi ng Ilog Eufrates.
4 Kumuha si David sa kanya ng isang libong karwahe, pitong libong mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad; at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karwahe, ngunit nagtira nang sapat para sa isandaang karwahe.
5 Nang ang mga taga-Aram sa Damasco ay dumating upang sumaklolo kay Hadadezer na hari ng Soba, nakapatay si David ng dalawampu't dalawang libong lalaking mga taga-Aram.
6 Pagkatapos ay naglagay si David ng mga himpilan sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Aram ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng tagumpay si David saanman siya pumunta.
7 Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.
8 Mula(X) sa Thibath at Chun na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha si David ng napakaraming tanso na siyang ginawa ni Solomon na dagat-dagatang tanso, mga haligi, at mga sisidlang tanso.
9 Nang mabalitaan ni Tou na hari ng Hamat na natalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Soba,
10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram kay Haring David, upang bumati sa kanya, at purihin siya, sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at tinalo niya ito sapagkat si Hadadezer ay laging nakikipagdigma kay Tou. At siya'y nagpadala ng lahat ng uri ng kasangkapang ginto, pilak, at tanso.
11 Ang mga ito naman ay itinalaga ni Haring David sa Panginoon, pati ang pilak at ginto na kanyang kinuha sa lahat ng bansa; mula sa Edom, Moab, sa mga anak ni Ammon, sa mga Filisteo, at mula sa Amalek.
12 At(Y) pinatay ni Abisai na anak ni Zeruia ang labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.
13 Naglagay siya ng mga himpilan sa Edom; at lahat ng mga Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saanman siya pumunta.
14 Kaya't si David ay naghari sa buong Israel at siya'y naglapat ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa buong bayan niya.
15 Si Joab na anak ni Zeruia ang namuno sa hukbo; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala.
16 Si Zadok na anak ni Ahitub, at si Abimelec na anak ni Abiatar ay mga pari at si Sausa ay kalihim;
17 si Benaya na anak ni Jehoiada ay namamahala sa mga Kereteo at sa mga Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno na naglilingkod sa hari.
Ang Sugo ni David ay Nilapastangan ni Hanun(Z)
19 Pagkatapos nito, si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
2 At sinabi ni David, “Papakitunguhan kong may katapatan si Hanun na anak ni Nahas, sapagkat ang kanyang ama ay nagpakita ng katapatan sa akin.” Kaya't nagpadala si David ng mga sugo upang aliwin si Hanun[h] tungkol sa kanyang ama. Nang ang mga lingkod ni David ay dumating kay Hanun sa lupain ng mga anak ni Ammon upang aliwin siya,
3 sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun, “Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, sapagkat siya'y nagsugo ng mga mang-aaliw sa iyo? Hindi ba ang kanyang mga lingkod ay pumarito sa iyo upang siyasatin, ibagsak, at tiktikan ang lupain?”
4 Sa gayo'y sinunggaban ni Hanun ang mga lingkod ni David, inahitan sila at ginupit sa gitna ang kanilang mga suot hanggang sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis.
5 At sila'y humayo. Nang ibalita kay David ang nangyari sa mga lalaki, nagsugo siya upang salubungin sila, sapagkat lubhang napahiya ang mga lalaki. At sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at pagkatapos ay bumalik kayo.”
6 Nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, si Hanun at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak upang umupa ng mga karwahe at mga mangangabayo mula sa Mesopotamia, sa Aram-maaca, at mula sa Soba.
7 Umupa sila ng tatlumpu't dalawang libong karwahe at ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo, na dumating at nagkampo sa harap ng Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagkatipon mula sa kanilang mga bayan at dumating upang makipaglaban.
8 Nang ito'y mabalitaan ni David, sinugo niya si Joab at ang buong hukbo ng mga mandirigma.
9 Ang mga anak ni Ammon ay lumabas at humanay sa pakikipaglaban sa pasukan ng lunsod, at ang mga hari na pumaroon ay sama-sama sa kaparangan.
Natalo ang Ammon at ang Aram
10 Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatuon sa kanya sa harapan at sa likuran, pinili niya ang ilan sa mga piling lalaki ng Israel, at inihanay sila laban sa mga taga-Aram,
11 at ang nalabi sa mga tauhan ay kanyang ipinamahala sa kanyang kapatid na si Abisai, at sila'y humanay laban sa mga anak ni Ammon.
12 At sinabi niya, “Kung ang mga taga-Aram ay napakalakas para sa akin, tutulungan mo ako, ngunit kung ang mga anak ni Ammon ay napakalakas para sa iyo, tutulungan kita.
13 Magpakatatag ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos, at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti sa kanya.”
14 Kaya't si Joab at ang mga taong kasama niya ay lumapit sa harapan ng mga taga-Aram sa pakikipaglaban at sila'y tumakas sa harapan niya.
15 Nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga-Aram ay nagsitakas, sila ay tumakas din mula kay Abisai na kanyang kapatid at pumasok sa bayan. At si Joab ay pumunta sa Jerusalem.
16 Ngunit nang makita ng mga taga-Aram na sila'y natalo ng Israel, sila'y nagpadala ng mga sugo at isinama ang mga taga-Aram na nasa kabila ng Eufrates, na kasama ni Sofac na punong-kawal ng hukbo ni Hadadezer upang manguna sa kanila.
17 Nang ito'y ibalita kay David, kanyang tinipon ang buong Israel, tumawid sa Jordan, pumaroon sa kanila, at inihanay ang kanyang hukbo laban sa kanila. Nang maihanda ni David ang pakikipaglaban sa mga taga-Aram, sila'y nakipaglaban sa kanya.
18 At ang mga taga-Aram ay tumakas mula sa harapan ng Israel. Ang pinatay ni David sa mga taga-Aram ay pitong libong katao na nakasakay sa karwahe, at apatnapung libong kawal na lakad, at si Sofac na punong-kawal ng hukbo.
19 Nang makita ng mga lingkod ni Hadadezer na sila'y natalo ng Israel, sila'y nakipagpayapaan kay David, at napailalim sa kanya. Kaya't ang mga taga-Aram ay ayaw nang tumulong pa sa mga anak ni Ammon.
Kinubkob ang Rabba(AA)
20 Sa(AB) tagsibol ng taon, sa panahong ang mga hari ay humahayo upang makipaglaban, pinamunuan ni Joab ang hukbo, sinira niya ang lupain ng mga anak ni Ammon, at dumating at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem. At sinalakay ni Joab ang Rabba, at ibinagsak ito.
2 At kinuha ni David ang korona sa ulo ng kanilang hari, at kanyang napag-alamang may timbang na isang talentong ginto, at ito ay may mahalagang bato. Ito'y inilagay sa ulo ni David. At kanyang inilabas ang samsam ng lunsod na totoong napakarami.
3 At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagtrabaho sila na ang gamit ay mga lagari, mga suyod na bakal, at mga palakol. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng mga lunsod ng mga anak ni Ammon. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.
Sinalakay ang Filisteo(AC)
4 Pagkatapos nito ay sumiklab ang digmaan sa Gezer laban sa mga Filisteo. Pinatay ni Shibecai na Husatita si Sipai, na isa sa mga anak ng mga higante, at ang mga Filisteo ay nagapi.
5 Nagkaroon(AD) uli ng pakikipagdigma laban sa mga Filisteo; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na Geteo, na ang puluhan ng sibat niya ay gaya ng panghabi ng manghahabi.
6 Nagkaroon uli ng labanan sa Gat, na doo'y may isang napakalaking lalaki na ang mga daliri ng kamay at paa ay dalawampu't apat, anim sa bawat kamay at anim sa bawat paa; at siya rin nama'y ipinanganak mula sa mga higante.
7 Nang kanyang libakin ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Shimea na kapatid ni David.
8 Ang mga ito ay ipinanganak mula sa mga higante sa Gat, at sila'y bumagsak sa kamay ni David at ng mga lingkod niya.
Ang Bayan ay Binilang(AE)
21 Si Satanas ay tumayo laban sa Israel, at inudyukan si David na bilangin ang sambayanang Israel.
2 Kaya't sinabi ni David kay Joab at sa mga pinuno ng hukbo, “Humayo kayo, bilangin ninyo ang Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan; dalhan ninyo ako ng ulat upang aking malaman ang bilang nila.”
3 Ngunit sinabi ni Joab, “Paramihin nawa ng Panginoon ang kanyang bayan nang makasandaang higit sa dami nila! Ngunit, panginoon kong hari, di ba silang lahat ay mga lingkod ng aking panginoon? Bakit kailangan pa ng panginoon ko ang bagay na ito? Bakit siya'y magiging sanhi ng pagkakasala ng Israel?”
4 Gayunma'y ang salita ng hari ay nanaig kay Joab. Kaya't si Joab ay humayo, at nilibot ang buong Israel, at bumalik sa Jerusalem.
5 Ibinigay ni Joab kay David ang kabuuang bilang ng bayan. Sa buong Israel ay isang milyon at isandaang libo na humahawak ng tabak, at sa Juda ay apatnaraan at pitumpung libong lalaki na humahawak ng tabak.
6 Ngunit ang Levi at ang Benjamin ay hindi niya binilang, sapagkat ang utos ng hari ay kasuklamsuklam para kay Joab.
7 Subalit hindi kinalugdan ng Diyos ang bagay na ito, kaya't kanyang sinaktan ang Israel.
8 Sinabi ni David sa Diyos, “Ako'y nagkasala nang mabigat sa paggawa ko ng bagay na ito. Ngunit ngayon, hinihiling ko sa iyo, pawiin mo ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagkat nakagawa ako ng malaking kahangalan.”
Nagpadala ng Salot
9 Ang Panginoon ay nagsalita kay Gad na propeta[i] ni David,
10 “Humayo ka at sabihin mo kay David na ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Inaalok kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga ito upang iyon ang gagawin ko sa iyo.’”
11 Kaya't pumunta si Gad kay David, at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Mamili ka:
12 tatlong taóng taggutom o tatlong buwang pananalanta ng iyong mga kaaway, habang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umaabot sa iyo; o tatlong araw ng tabak ng Panginoon, salot sa lupain, at ang anghel ng Panginoon ay mamumuksa sa lahat ng nasasakupan ng Israel.’ Ngayon, isipin mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kanya na nagsugo sa akin.”
13 Sinabi ni David kay Gad, “Ako'y nasa malaking kagipitan, hayaan mo akong mahulog sa kamay ng Panginoon, sapagkat lubhang malaki ang kanyang awa, ngunit huwag mong hayaang mahulog ako sa kamay ng tao.”
14 Sa gayo'y nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at pitumpung libong katao ang namatay sa Israel.
15 Ang Diyos ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem upang puksain ito, subalit nang kanyang pupuksain na ito, ang Panginoon ay tumingin, at iniurong niya ang pagpuksa. Sinabi niya sa mamumuksang anghel, “Tama na. Itigil mo na ang kamay mo.” Ang anghel ng Panginoon ay nakatayo noon sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo.
16 Tumingin si David sa itaas at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa pagitan ng lupa at langit na may hawak na tabak sa kanyang kamay na nakatutok sa Jerusalem. Nang magkagayon, si David at ang matatanda na nakadamit-sako ay nagpatirapa.
17 Sinabi ni David sa Diyos, “Hindi ba't ako ang nag-utos na bilangin ang bayan? Ako ang tanging nagkasala at gumawa ng malaking kasamaan. Ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang nagawa? Idinadalangin ko sa iyo, O Panginoon kong Diyos, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin at sa sambahayan ng aking ama; ngunit huwag mong bigyan ng salot ang iyong bayan.”
Si David ay Nagtayo ng Dambana sa Giikan ni Ornan
18 Pagkatapos ay inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad upang sabihin kay David na siya'y umakyat, at magtayo ng isang dambana para sa Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
19 Kaya't si David ay pumunta ayon sa salita ni Gad na kanyang sinabi sa pangalan ng Panginoon.
20 Lumingon si Ornan at nakita ang anghel; samantalang ang kanyang apat na anak na kasama niya ay nagkukubli, si Ornan ay nagpatuloy sa paggiik ng trigo.
21 Samantalang si David ay papalapit kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David. Lumabas siya sa giikan, at yumukod kay David na ang kanyang mukha ay nasa lupa.
22 Sinabi ni David kay Ornan, “Ibigay mo sa akin ang lugar ng giikang ito upang aking mapagtayuan ng isang dambana para sa Panginoon. Ibigay mo ito sa akin sa kabuuang halaga nito upang ang salot ay tumigil sa bayan.”
23 Sinabi ni Ornan kay David, “Kunin mo na at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa kanyang paningin. Ipinagkakaloob ko ang mga baka para sa handog na sinusunog, at ang mga kasangkapan ng giikan bilang panggatong, at ang trigo para sa handog na butil. Ibinibigay ko ang lahat ng ito.”
24 Ngunit sinabi ni Haring David kay Ornan, “Hindi. Bibilhin ko ito sa buong halaga, sapagkat hindi ako kukuha ng sa iyo para sa Panginoon, o maghahandog man ako ng handog na sinusunog nang wala akong ginugol.”
25 Kaya't binayaran ni David si Ornan para sa lugar na iyon ng animnaraang siklong ginto ayon sa timbang.
26 Nagtayo roon si David ng isang dambana para sa Panginoon, at naghandog ng mga handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan. Tumawag siya sa Panginoon; at kanyang sinagot siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog.
27 Pagkatapos ay inutusan ng Panginoon ang anghel; at kanyang ibinalik sa kaluban ang kanyang tabak.
28 Nang panahong iyon, nang makita ni David na sinagot siya ng Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo, siya'y nag-alay ng handog doon.
29 Sapagkat ang tabernakulo ng Panginoon na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na sinusunog, nang panahong iyon ay nasa mataas na dako sa Gibeon.
30 Ngunit si David ay hindi makapunta sa harap niyon upang sumangguni sa Diyos, sapagkat siya'y natatakot sa tabak ng anghel ng Panginoon.
Ang Habilin ni David kay Solomon
22 Pagkatapos ay sinabi ni David, “Dito itatayo ang bahay ng Panginoong Diyos, at dito ang dambana ng handog na sinusunog para sa Israel.”
2 Iniutos ni David na tipunin ang mga dayuhang nasa lupain ng Israel at siya'y naglagay ng mga kantero upang magtapyas ng bato para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos.
3 Naglaan din si David ng napakaraming bakal bilang pako sa mga pinto ng mga tarangkahan at sa mga dugtungan, at ng tanso na hindi na matimbang sa dami,
4 at ng mga troso ng sedro na di mabilang, sapagkat ang mga Sidonio at ang mga taga-Tiro ay nagdala kay David ng napakaraming puno ng sedro.
5 Sapagkat sinabi ni David, “Si Solomon na aking anak ay bata pa at wala pang karanasan, at ang bahay na itatayo para sa Panginoon ay kailangang maging kahanga-hanga, bantog at maluwalhati sa buong lupain. Ako'y maghahanda para doon.” Kaya't naghanda si David ng maraming kagamitan bago sumapit ang kanyang kamatayan.
6 Pagkatapos ay ipinatawag niya si Solomon na kanyang anak, at inatasan niyang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
7 Sinabi(AF) ni David kay Solomon na kanyang anak, “Sa ganang akin, nasa aking puso ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos.
8 Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi, ‘Ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo at nagsagawa ng malalaking pakikidigma. Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan sapagkat ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin.
9 Narito, ipapanganak para sa iyo ang isang lalaki; siya ay magiging isang mapayapang tao. Bibigyan ko siya ng kapayapaan sa lahat ng kanyang mga kaaway sa palibot, sapagkat ang kanyang magiging pangalan ay Solomon,[j] at bibigyan ko ng kapayapaan[k] at katahimikan ang Israel sa kanyang mga araw.
10 Siya ay magtatayo ng bahay para sa aking pangalan. Siya'y magiging aking anak, at ako'y magiging kanyang ama; at itatatag ko ang trono ng kanyang kaharian sa Israel magpakailanman.’
11 Ngayon, anak ko, sumaiyo ang Panginoon, upang magtagumpay ka sa iyong pagtatayo ng bahay ng Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi tungkol sa iyo.
12 Pagkalooban ka lamang ng Panginoon ng dunong at pang-unawa, upang kapag ipinagkatiwala na niya sa iyo ang Israel ay matupad mo ang kautusan ng Panginoon mong Diyos.
13 Kung(AG) magkagayo'y magtatagumpay ka kung maingat mong susundin ang mga tuntunin at ang mga batas na ipinag-utos ng Panginoon kay Moises para sa Israel. Magpakalakas ka at magpakatapang; huwag kang matakot o manlupaypay man.
14 Pinagsikapan kong lubos na ipaghanda ang bahay ng Panginoon ng isandaang libong talentong ginto, isang milyong talentong pilak at ng tanso at bakal na hindi na matimbang sa dami. Naghanda rin ako ng kahoy at bato. Dagdagan mo pa ang mga ito.
15 Bukod dito'y may kasama kang maraming manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at napakaraming uri ng mga manggagawa na bihasa sa iba't ibang uri ng trabaho
16 sa ginto, sa pilak, sa tanso, at sa bakal, na hindi mabilang. Bumangon ka at gawin mo na. Sumaiyo nawa ang Panginoon.”
17 Iniutos din ni David sa lahat ng pinuno ng Israel na tulungan si Solomon na kanyang anak, na sinasabi,
18 “Hindi ba't ang Panginoon ninyong Diyos ay sumasainyo? Hindi ba't binigyan niya kayo ng kapahingahan sa lahat ng dako? Sapagkat kanyang ibinigay sa aking kamay ang mga naninirahan sa lupain; at ang lupain ay napasuko sa harap ng Panginoon at sa harap ng kanyang bayan.
19 Ngayo'y inyong ilagak ang inyong puso at pag-iisip upang hanapin ang Panginoon ninyong Diyos. Humayo kayo at itayo ninyo ang santuwaryo ng Panginoong Diyos, upang ang kaban ng tipan ng Panginoon at ang mga banal na kagamitan ng Diyos ay madala sa loob ng bahay na itatayo para sa pangalan ng Panginoon.”
Itinatag ni David ang Katungkulan ng mga Levita
23 Nang(AH) si David ay matanda na at puspos na ng mga araw, ginawa niyang hari sa Israel si Solomon na kanyang anak.
2 Tinipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at ang mga Levita.
3 Ang mga Levita na mula sa tatlumpung taong gulang pataas ay binilang at ang kanilang kabuuang bilang ay tatlumpu't walong libong lalaki.
4 “Dalawampu't apat na libo sa mga ito,” sabi ni David, “ang mamamahala sa gawain sa bahay ng Panginoon, at anim na libo ay mga pinuno at mga hukom,
5 at apat na libong bantay ng pinto, apat na libo ang mang-aawit sa Panginoon na may mga panugtog na aking ginawa para sa pagpupuri.”
6 Hinati sila ni David sa mga pangkat ayon sa mga anak ni Levi: si Gershon, si Kohat, at si Merari.
7 Sa mga Gershonita ay sina Ladan, at Shimei.
8 Ang mga anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam, at si Joel, tatlo.
9 Ang mga anak ni Shimei: sina Shelomot, Haziel, at Haran, tatlo. Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang ni Ladan.
10 Ang mga anak ni Shimei: sina Jahat, Zinat, Jeus, at Beriah. Ang apat na ito ang mga anak ni Shimei.
11 Si Jahat ang pinuno at si Ziza ang ikalawa. Ngunit si Jeus at si Beriah ay hindi nagkaroon ng maraming anak, kaya't sila'y itinuring na isang sambahayan ng mga magulang.
12 Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, apat.
13 Ang(AI) mga anak ni Amram: sina Aaron at Moises. Si Aaron ay ibinukod upang kanyang italaga ang mga kabanal-banalang bagay, upang siya at ang kanyang mga anak na lalaki ay magsunog ng insenso sa harap ng Panginoon at maglingkod sa kanya, at magbasbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan magpakailanman.
14 Ngunit ang mga anak ni Moises na tao ng Diyos ay ibinilang na kasama ng lipi ni Levi.
15 Ang mga anak ni Moises: sina Gershom at Eliezer.
16 Ang mga anak ni Gershom: si Sebuel na pinuno.
17 Ang mga anak ni Eliezer: si Rehabias na pinuno. Si Eliezer ay hindi nagkaroon ng ibang mga anak na lalaki, ngunit ang mga anak ni Rehabias ay napakarami.
18 Ang mga anak ni Izar: si Shelomit na pinuno.
19 Ang mga anak ni Hebron: si Jerias ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jecaman ang ikaapat.
20 Ang mga anak ni Uziel: si Micaias ang pinuno, at si Ishias ang ikalawa.
21 Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ang mga anak ni Mahli: sina Eleazar at Kish.
22 Si Eleazar ay namatay na hindi nagkaanak ng lalaki, kundi mga babae lamang; at naging asawa nila ang kanilang mga kamag-anak na mga anak ni Kish.
23 Ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder, at Jerimot, tatlo.
24 Ito ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, samakatuwid ay mga puno ng mga sambahayan na nakatala ayon sa bilang ng mga pangalan ng mga tao mula sa dalawampung taong gulang pataas na maglilingkod sa bahay ng Panginoon.
25 Sapagkat sinabi ni David, “Ang Panginoon, ang Diyos ng Israel ay nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan; at siya'y naninirahan sa Jerusalem magpakailanman.
26 Hindi(AJ) na kailangan pang pasanin ng mga Levita ang tabernakulo at ang alinman sa mga kasangkapan niyon sa paglilingkod doon.”
27 Sapagkat ayon sa mga huling salita ni David, ang mga ito ang nabilang sa mga anak ni Levi, mula sa dalawampung taong gulang pataas.
28 “Ang(AK) kanilang katungkulan ay tumulong sa mga anak ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, na silang may pangangasiwa sa mga bulwagan, sa mga silid, at sa paglilinis ng lahat ng banal na bagay, at sa lahat ng gawain ng paglilingkod sa bahay ng Diyos.
29 Gayundin sa tinapay na handog, at sa piling harina para sa handog na butil, maging sa mga manipis na tinapay na walang pampaalsa, at sa niluto sa kawali, at sa handog na pinirito; at sa lahat ng sari-saring takalan at sukatan.
30 Sila'y tatayo tuwing umaga upang magpasalamat at magpuri sa Panginoon, at gayundin naman sa hapon;
31 at sa tuwing maghahandog ng lahat ng handog na sinusunog sa Panginoon sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan na ang bilang ay alinsunod sa itinatakda sa kanila at patuloy sa harap ng Panginoon.
32 Sa gayo'y pangangasiwaan nila ang toldang tipanan, ang santuwaryo, at ang mga anak ni Aaron na kanilang mga kapatid para sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001