Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 15:19-28:43

19 Sapagkat nang ang mga kabayo ng Faraon ay nagtungo pati ang kanyang mga karwahe at pati ng kanyang mga nangangabayo sa dagat, at pinanunumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; subalit lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

20 Si Miriam na babaing propeta, na kapatid ni Aaron ay humawak ng isang pandereta sa kanyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kanya, na may mga pandereta at nagsayawan.

21 Sila'y inawitan ni Miriam:

“Umawit kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay;
nang inihagis niya sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay.”

22 Patuloy na pinangunahan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Pula, at sila'y lumabas sa ilang ng Shur; sila'y lumakad ng tatlong araw sa ilang at hindi nakatagpo ng tubig.

Ang Israel sa Mara

23 Nang sila'y dumating sa Mara, hindi nila mainom ang tubig sa Mara, sapagkat ito ay mapait. Kaya't tinawag itong Mara.[a]

24 Nagreklamo ang bayan kay Moises, na sinasabi, “Anong aming iinumin?”

25 Siya'y dumaing sa Panginoon at itinuro sa kanya ng Panginoon ang isang punungkahoy; inihagis niya ito sa tubig, at ang tubig ay tumamis.

Doon, gumawa ang Panginoon[b] para sa kanila ng isang batas at tuntunin. Doon ay sinubok niya sila,

26 na sinasabi, “Kung iyong diringgin ng buong tiyaga ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at iyong gagawin ang matuwid sa kanyang mga mata, at iyong susundin ang kanyang mga utos, at iyong tutuparin ang lahat ng kanyang mga batas, wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Ehipcio; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.”

27 Sila'y dumating sa Elim, kung saan mayroong labindalawang bukal ng tubig, at pitumpung puno ng palma; at sila'y humimpil doon sa tabi ng tubig.

Ang Israel sa Elim at sa Ilang ng Sin

16 Sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapulungan ng bayan ng Israel ay dumating sa ilang ng Sin na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y umalis sa lupain ng Ehipto.

Nagreklamo ang buong kapulungan ng bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron sa ilang.

Sinabi ng mga anak ni Israel sa kanila, “Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Ehipto, nang kami ay maupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagkat kami ay inyong dinala sa ilang na ito upang patayin sa gutom ang buong kapulungang ito.”

Nang(A) magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kayo'y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi.

Sa ikaanim na araw, kapag sila'y maghahanda ng kanilang dala, iyon ay doble ang dami ng kanilang pinupulot sa araw-araw.”

At sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, “Pagsapit ng gabi, inyong malalaman na ang Panginoon ang siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto,

at sa kinaumagahan ay inyong makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, sapagkat kanyang naririnig ang inyong mga pagrereklamo laban sa Panginoon. Sapagkat ano kami, na nagrereklamo kayo sa amin?”

Sinabi ni Moises, “Kapag binigyan kayo ng Panginoon sa pagsapit ng gabi ng karneng makakain, at sa kinaumagahan ay ng pagkaing makakabusog, sapagkat naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagrereklamo na inyong sinasabi laban sa kanya, at ano kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.”

Sinabi ni Moises kay Aaron, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ng Panginoon, sapagkat kanyang narinig ang inyong mga reklamo.’”

10 Pagkatapos magsalita si Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila'y tumingin sa dakong ilang, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.

11 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

12 “Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel; sabihin mo sa kanila, ‘Pagsapit ng gabi ay kakain kayo ng karne, at kinaumagahan ay magpapakabusog sa tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Diyos.’”

Ang Pugo at Manna ay Ipinagkaloob

13 Nang sumapit na ang gabi, ang mga pugo ay umahon at tinakpan ang kampo at sa kinaumagahan ay nakalatag sa palibot ng kampo ang hamog.

14 Nang pumaitaas na ang hamog, may nakalatag sa ibabaw ng ilang na munting bagay na bilog at kasinliit ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.

15 Nang(B) makita ito ng mga anak ni Israel ay sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Sapagkat hindi nila alam kung ano iyon. At sinabi ni Moises sa kanila, “Ito ang tinapay na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kainin.

16 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Pumulot ang bawat tao ayon sa kanyang kailangan, isang omer para sa bawat tao ayon sa bilang ng mga tao, na mayroon ang bawat isa sa kanilang mga tolda.’”

17 Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, may namulot nang marami at may kaunti.

18 Subalit(C) nang sukatin nila ito sa omer, ang namulot ng marami ay walang lumabis, at ang namulot ng kaunti ay hindi kinulang; bawat tao ay pumulot ng ayon sa kanyang kailangan.

19 Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinuman ay huwag magtira niyon hanggang sa umaga.”

20 Gayunma'y hindi sila nakinig kay Moises; kundi ang iba sa kanila ay nagtira niyon hanggang sa umaga. Inuod at bumaho iyon, at nagalit sa kanila si Moises.

Ang Pamumulot ng Manna

21 Sila'y namumulot tuwing umaga, bawat tao ayon sa kanyang kailangan, ngunit kapag ang araw ay umiinit na, ito ay natutunaw.

22 Nang ikaanim na araw, pumulot sila ng pagkain na doble ang dami, dalawang omer sa bawat isa, at lahat ng pinuno ng kapulungan ay naparoon at sinabi kay Moises.

23 Kanyang(D) sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon, ‘Bukas ay taimtim na pagpapahinga, banal na Sabbath sa Panginoon. Lutuin ninyo ang inyong lulutuin, at pakuluan ninyo ang inyong pakukuluan; at lahat ng lalabis ay itago ninyo, inyong ititira hanggang sa kinabukasan.’”

24 At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos sa kanila ni Moises; at hindi ito bumaho, at hindi nagkaroon ng uod.

25 Sinabi ni Moises, “Kainin ninyo ito ngayon; sapagkat ngayo'y Sabbath para sa Panginoon, ngayo'y hindi kayo makakakita nito sa parang.

26 Anim na araw kayong mamumulot nito, ngunit sa ikapitong araw na siyang Sabbath, ay hindi magkakaroon nito.”

27 Sa ikapitong araw, lumabas ang iba sa bayan upang mamulot ngunit wala silang natagpuan.

28 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ninyo tatanggihang tuparin ang aking mga utos at ang aking mga batas?

29 Tingnan ninyo, ibinigay sa inyo ng Panginoon ang Sabbath, kaya't kanyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain na para sa dalawang araw; manatili ang bawat tao sa kanyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinuman sa kanyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.”

30 Kaya ang taong-bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.

31 Iyon(E) ay pinangalanan ng sambahayan ng Israel na manna, at iyon ay tulad ng buto ng kulantro, maputi at ang lasa niyon ay tulad ng manipis na tinapay na may pulot.

32 Sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Magtabi kayo ng isang omer ng manna na inyong itatago sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang kanilang makita ang tinapay na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto.’”

33 Sinabi(F) ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang palayok at lagyan mo ng isang omer na punô ng manna, at ilagay mo sa harap ng Panginoon upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.”

34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng tipan[c] upang ingatan.

35 Ang(G) mga anak ni Israel ay kumain ng manna sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing matitirahan. Sila'y kumain ng manna hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.

36 Ang isang omer[d] ay ikasampung bahagi ng isang efa.

Ang Tubig mula sa Bato sa Refidim(H)

17 Ang(I) buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, ayon sa mga lugar na kanilang nilakbay sa utos ng Panginoon, at nagkampo sa Refidim; at walang tubig na mainom ang taong-bayan.

Kaya't ang taong-bayan ay nakipagtalo kay Moises at nagsabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” At sinabi ni Moises sa kanila, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”

Subalit ang taong-bayan ay nauhaw roon at sila ay nagreklamo laban kay Moises at sinabi, “Bakit mo kami inilabas mula sa Ehipto, upang patayin mo sa uhaw, kami, ang aming mga anak, at ang aming kawan?”

Kaya't si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, “Anong aking gagawin sa bayang ito? Kulang na lamang ay batuhin nila ako.”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Dumaan ka sa harap ng taong-bayan, at isama mo ang matatanda ng Israel; at dalhin mo ang tungkod na iyong ipinalo sa ilog, at humayo ka.

Ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong hahampasin ang bato, at bubukalan ito ng tubig, upang ang bayan ay makainom.” At gayon ang ginawa ni Moises sa paningin ng matatanda sa Israel.

Tinawag niya ang pangalan ng dakong iyon na Massah at Meriba, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil kanilang sinubok ang Panginoon, na kanilang sinasabi, “Ang Panginoon ba'y nasa kalagitnaan natin o wala?”

Pakikipaglaban kay Amalek

Nang magkagayo'y dumating si Amalek at nakipaglaban sa Israel sa Refidim.

Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka para sa atin ng mga lalaki, lumabas ka at lumaban kay Amalek. Bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol na hawak ang tungkod ng Diyos sa aking kamay.”

10 Ginawa ni Josue ang sinabi ni Moises sa kanya, at nakipaglaban kay Amalek; at sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa tuktok ng burol.

11 Kapag itinataas ni Moises ang kanyang kamay ay nananalo ang Israel; at kapag kanyang ibinababa ang kanyang kamay ay nananalo ang Amalek.

12 Subalit ang mga kamay ni Moises ay nangalay, kaya't sila'y kumuha ng isang bato at inilagay sa ibaba, at kanyang inupuan. Inalalayan nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay, ang isa'y sa isang panig, at ang isa'y sa kabilang panig; at ang kanyang mga kamay ay nanatili sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.

13 Nilupig ni Josue si Amalek at ang bayan nito sa pamamagitan ng talim ng tabak.

14 Sinabi(J) ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito bilang alaala sa isang aklat, at basahin mo ito sa pandinig ni Josue na aking lubusang buburahin ang alaala ni Amalek sa ilalim ng langit.”

15 Nagtayo si Moises ng isang dambana at pinangalanan ito ng, Ang Panginoon ay aking watawat.[e]

16 Kanyang sinabi, “May kamay sa watawat ng Panginoon. Ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalek mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi.”

18 Si Jetro na pari sa Midian, biyenan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Diyos kay Moises at sa Israel na kanyang bayan, kung paanong inilabas ng Panginoon ang Israel sa Ehipto.

Noon(K) ay isinama ni Jetro, na biyenan ni Moises, si Zifora na asawa ni Moises, pagkatapos niyang paalisin siya,

at(L) ang dalawa niyang anak na lalaki. Ang pangalan ng isa'y Gershom (sapagkat sinabi niya, “Ako'y naging manlalakbay sa ibang lupain”),

at ang pangalan ng isa'y Eliezer[f] (sapagkat kanyang sinabi, “Ang Diyos ng aking ama ang aking naging saklolo, at ako'y iniligtas sa tabak ng Faraon”).

Si Jetro, na biyenan ni Moises ay dumating na kasama ang kanyang mga anak at ang kanyang asawa kay Moises sa ilang kung saan siya humimpil sa bundok ng Diyos.

Kanyang ipinasabi kay Moises, “Akong iyong biyenang si Jetro ay naparito sa iyo, kasama ang iyong asawa at ang kanyang dalawang anak na lalaki.”

Si Moises ay lumabas upang salubungin ang kanyang biyenan, at kanyang niyukuran at hinalikan. Sila'y nagtanungan sa isa't isa ng kanilang kalagayan at sila'y pumasok sa tolda.

Isinalaysay ni Moises sa kanyang biyenan ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Ehipcio alang-alang sa Israel, ang lahat ng hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas sila ng Panginoon.

Ikinagalak ni Jetro ang lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Ehipcio.

10 At sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng Faraon.

11 Ngayo'y aking nalalaman na ang Panginoon ay lalong dakila kaysa lahat ng mga diyos sapagkat iniligtas niya ang bayan mula sa kamay ng mga Ehipcio, nang sila'y magpalalo laban sa kanila.”

12 Si Jetro, na biyenan ni Moises ay kumuha ng handog na sinusunog at mga alay para sa Diyos. Si Aaron ay dumating kasama ang lahat ng matatanda sa Israel upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyenan ni Moises sa harap ng Diyos.

Pinayuhan ni Jetro si Moises(M)

13 Kinabukasan, si Moises ay naupo bilang hukom ng bayan, at ang taong-bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa gabi.

14 Nang makita ng biyenan ni Moises ang lahat ng kanyang ginagawa para sa taong-bayan, ay sinabi niya, “Ano itong ginagawa mo para sa bayan? Bakit nauupo kang mag-isa at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula umaga hanggang sa gabi?”

15 Sinabi ni Moises sa kanyang biyenan, “Sapagkat ang bayan ay lumalapit sa akin upang sumangguni sa Diyos.

16 Kapag sila'y may usapin, lumalapit sila sa akin at aking hinahatulan ang isang tao at ang kanyang kapwa. Aking ipinaaalam sa kanila ang mga batas ng Diyos at ang kanyang mga kautusan.”

17 Sinabi ng biyenan ni Moises sa kanya, “Ang iyong ginagawa ay hindi mabuti.

18 Ikaw at ang mga taong kasama mo ay manghihina sapagkat ang gawain ay totoong napakabigat para sa iyo; hindi mo ito makakayang mag-isa.

19 Ngayon, makinig ka sa akin. Bibigyan kita ng payo, at sumaiyo nawa ang Diyos! Ikaw ang magiging kinatawan ng bayan sa harap ng Diyos, at dalhin mo ang kanilang mga usapin sa Diyos.

20 Ituturo mo sa kanila ang mga batas at ang mga kautusan at ipapaalam mo sa kanila ang daang nararapat nilang lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin.

21 Bukod dito'y pipili ka sa buong bayan ng mga lalaking may kakayahan, gaya ng mga may takot sa Diyos, mga lalaking mapagkakatiwalaan at mga napopoot sa suhol. Ilagay mo ang mga lalaking iyon na mamuno sa kanila, mamuno sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.

22 Hayaan mong humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; bawat malaking usapin ay dadalhin nila sa iyo, ngunit bawat munting usapin ay sila-sila ang magpapasiya, upang maging mas madali para sa iyo, at magpapasan silang kasama mo.

23 Kapag ginawa mo ang bagay na ito at iyon ang iniuutos sa iyo ng Diyos, ikaw ay makakatagal, at ang buong bayang ito ay uuwing payapa.”

24 Kaya't pinakinggan ni Moises ang kanyang biyenan at ginawa ang lahat ng kanyang sinabi.

25 Pumili si Moises ng mga lalaking may kakayahan sa buong Israel at ginawa niyang pinuno sila sa bayan, mga pinuno ng libu-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu.

26 Humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; ang mabibigat na usapin ay kanilang dinadala kay Moises, subalit bawat munting usapin ay sila-sila ang nagpapasiya.

27 Pinayagan ni Moises na umalis na ang kanyang biyenan at siya'y umuwi sa sariling lupain.

Ang Israel sa Bundok ng Sinai

19 Sa ikatlong bagong buwan, pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay makaalis sa lupain ng Ehipto, dumating sila nang araw ding iyon sa ilang ng Sinai.

Nang sila'y umalis sa Refidim at dumating sa ilang ng Sinai, humimpil sila sa ilang; at doo'y nagkampo ang Israel sa harap ng bundok.

Si Moises ay umakyat tungo sa Diyos, at tinawag siya ng Panginoon mula sa bundok, na sinasabi, “Ganito ang sasabihin mo sa sambahayan ni Jacob, at sasabihin mo sa mga anak ni Israel:

Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Ehipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit ko sa akin.

Kaya't(N) (O) ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan, kayo ay magiging aking sariling pag-aari na higit sa lahat ng bayan; sapagkat ang buong daigdig ay akin.

Sa(P) akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa. Ito ang mga salitang sasabihin mo sa mga anak ni Israel.”

Kaya't dumating si Moises at ipinatawag ang matatanda sa bayan at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng Panginoon sa kanya.

Ang buong bayan ay nagkaisang sumagot at nagsabi, “Ang lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.” At iniulat ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ako'y darating sa iyo sa isang makapal na ulap, upang marinig ng bayan kapag ako'y nakikipag-usap sa iyo, at paniwalaan ka rin nila magpakailanman.” At sinabi ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.

10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumaroon ka sa bayan at italaga mo sila ngayon at bukas, at labhan nila ang kanilang mga kasuotan,

11 at humanda sa ikatlong araw, sapagkat sa ikatlong araw ay bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.

12 Lalagyan(Q) mo ng mga hangganan ang bayan sa palibot, at iyong sasabihin, ‘Mag-ingat kayo, kayo'y huwag umakyat sa bundok, o humipo sa hangganan; sinumang humipo sa bundok ay papatayin.

13 Walang kamay na hihipo sa kanya, kundi siya'y babatuhin o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay!’ Kapag ang tambuli ay tumunog nang mahaba, aakyat sila sa bundok.”

14 Bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinabanal ang bayan, at nilabhan nila ang kanilang mga kasuotan.

15 Kanyang sinabi sa bayan, “Humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong lalapit sa babae.”

16 Sa(R) (S) umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng trumpeta ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampo ay nanginig.

17 Inilabas ni Moises ang bayan sa kampo upang katagpuin ang Diyos; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok.

18 Ang buong bundok ng Sinai ay nabalot sa usok, sapagkat ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyon na nasa apoy; at ang usok niyon ay pumailanglang na parang usok ng isang hurno, at nayanig nang malakas ang buong bundok.

19 Nang papalakas nang papalakas ang tunog ng trumpeta ay nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog.

20 Ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng Panginoon si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay umakyat.

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka, balaan mo ang bayan, baka sila'y lumampas upang panoorin ang Panginoon, at mamatay ang marami sa kanila.

22 Gayundin ang mga pari na lumalapit sa Panginoon ay pabanalin mo, baka ang Panginoon ay hindi makapagpigil sa kanila.”

23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Ang bayan ay hindi makakaakyat sa bundok ng Sinai, sapagkat ikaw mismo ang nagbilin sa amin na iyong sinasabi, ‘Lagyan mo ng hangganan sa palibot ang bundok, at iyong ariing banal ito.’”

24 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumaba ka, at ikaw ay umakyat kasama si Aaron, ngunit ang mga pari at ang taong-bayan ay huwag mong palampasin sa mga hangganan upang umakyat sa Panginoon, baka siya ay hindi makapagpigil sa kanila.”

25 Sa gayo'y bumaba si Moises sa taong-bayan at sinabi sa kanila.

Ibinigay ang Sampung Utos(T)

20 Binigkas ng Diyos ang lahat ng salitang ito, na sinasabi,

“Ako ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

“Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap[g] ko.

“Huwag(U) kang gagawa para sa iyong sarili ng inukit na larawan o ng anumang kawangis ng anumang nasa langit sa itaas, o ng nasa lupa sa ibaba, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa.

Huwag(V) mo silang yuyukuran, o paglingkuran man sila; sapagkat akong Panginoon mong Diyos ay Diyos na mapanibughuin, na aking pinarurusahan ang mga anak dahil sa kasamaan ng mga magulang hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi ng mga napopoot sa akin;

ngunit pinagpapakitaan ko ng wagas na pag-ibig ang libu-libong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

“Huwag(W) mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan, sapagkat hindi pawawalang-sala ng Panginoon ang sinumang gumagamit ng kanyang pangalan sa walang kabuluhan.

“Alalahanin(X) mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal.

Anim(Y) na araw kang gagawa at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain;

10 ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos. Sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawain, ikaw o ang iyong anak na lalaki, ang iyong anak na babae, ang iyong aliping lalaki, ang iyong aliping babae, ang iyong mga baka, ang dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan;

11 sapagkat(Z) sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; kaya't binasbasan ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at ginawa itong banal.

12 “Igalang(AA) mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ang iyong mga araw ay humaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

13 “Huwag(AB) kang papatay.

14 “Huwag(AC) kang mangangalunya.

15 “Huwag(AD) kang magnanakaw.

16 “Huwag(AE) kang magiging sinungaling na saksi laban sa iyong kapwa.

17 “Huwag(AF) mong iimbutin ang bahay ng iyong kapwa; huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa, o ang kanyang aliping lalaki o ang kanyang aliping babae, o ang kanyang baka, o ang kanyang asno, o ang anumang bagay ng iyong kapwa.”

18 Nang(AG) masaksihan ng buong bayan ang mga kulog at kidlat, ang tunog ng trumpeta at ang bundok na umuusok, ay natakot sila at nanginig, at sila'y tumayo sa malayo.

19 Sinabi nila kay Moises, “Magsalita ka sa amin, at aming papakinggan, subalit huwag mong pagsalitain ang Diyos sa amin, baka kami ay mamatay.”

20 Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, sapagkat ang Diyos ay naparito upang subukin kayo, at upang ang takot sa kanya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala.”

21 Ang taong-bayan ay tumayo sa malayo at si Moises ay lumapit sa makapal na kadiliman na kinaroroonan ng Diyos.

Ang Utos tungkol sa mga Idolo at mga Altar

22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel: ‘Kayo ang nakakita na ako'y nakipag-usap sa inyo mula sa langit.

23 Huwag kayong gagawa ng mga diyos na pilak na iaagapay sa akin ni huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyos na ginto.

24 Isang dambanang lupa ang iyong gagawin para sa akin, at iyong iaalay doon ang iyong mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, mga tupa, at mga baka. Sa lahat ng dakong aking ipapaalala ang aking pangalan ay pupunta ako sa iyo at pagpapalain kita.

25 Kung(AH) igagawa mo ako ng isang dambanang bato ay huwag mong itatayo ito na may mga tapyas na bato, sapagkat kung iyong gamitin ang iyong patalim doon ay iyong nilapastangan iyon.

26 Huwag kang aakyat sa aking dambana sa pamamagitan ng mga baytang, upang ang iyong kahubaran ay huwag mahayag sa ibabaw niyon.’

Tuntunin tungkol sa mga Alipin(AI)

21 “Ito naman ang mga tuntunin na igagawad mo sa harap nila.

Kapag(AJ) ikaw ay bumili ng isang lalaking alipin na Hebreo, siya ay maglilingkod ng anim na taon, ngunit sa ikapito ay aalis siyang malaya, walang pananagutan.

Kung siya'y pumasok na mag-isa, siya ay aalis na mag-isa, kung siya ay pumasok na may asawa, ang kanyang asawa nga ay aalis na kasama niya.

Kung siya'y bibigyan ng kanyang amo ng asawa at nagkaanak sa kanya ng mga lalaki o mga babae; ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak ay magiging sa kanyang amo, at siya'y aalis na mag-isa.

Subalit kung maliwanag na sasabihin ng alipin, ‘Mahal ko ang aking amo, ang aking asawa, at ang aking mga anak, ako'y hindi aalis na malaya;’

ay dadalhin siya ng kanyang amo sa Diyos,[h] dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto, at bubutasan ng kanyang amo ang kanyang tainga ng isang pambutas; at siya'y maglilingkod sa kanya habambuhay.

“Kung ipagbili ng isang lalaki ang kanyang anak na babae bilang isang alipin, hindi siya aalis na gaya ng pag-alis ng mga aliping lalaki.

Kung hindi siya kinalugdan ng kanyang amo na umangkin sa kanya bilang asawa, ay kanyang ipapatubos siya; wala siyang karapatang ipagbili siya sa isang dayuhan, yamang siya'y hindi niya pinakitunguhan nang tapat.

Kung siya ay itinalaga niya para sa kanyang anak na lalaki, kanyang papakitunguhan siya tulad sa isang malayang anak na babae.

10 Kung siya'y[i] mag-asawa ng iba, ang kanyang[j] pagkain, damit, at karapatan bilang asawa ay hindi niya babawasan.

11 Kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito para sa kanya, siya ay aalis na walang bayad, na walang itinubos na salapi.

Mga Utos tungkol sa Pananakit

12 “Sinumang(AK) manakit ng isang tao at mamatay ito, ay walang pagsalang papatayin.

13 Ngunit(AL) kung hindi ito sinasadya ng isang tao, kundi Diyos ang naghulog sa kanyang kamay; ay ipaglalaan kita ng isang lugar na maaaring takbuhan ng nakamatay.

14 Kung magbalak ang sinuman sa kanyang kapwa na patayin siya nang pataksil, aalisin mo siya sa aking dambana upang siya'y mamatay.

15 “Ang manakit sa kanyang ama o sa kanyang ina ay papatayin.

16 “Ang(AM) magnakaw ng isang tao, ipagbili man siya o matagpuan sa kanyang kamay, siya ay papatayin.

17 “Ang(AN) magmura sa kanyang ama, o sa kanyang ina ay papatayin.

18 “Kapag may nag-away at sinaktan ng isang tao ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bato o ng kanyang kamay, at hindi namatay ang tao, kundi naratay sa higaan;

19 kung makabangon siya uli at makalakad sa tulong ng kanyang tungkod, ligtas sa parusa ang nanakit sa kanya; babayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kanyang ipapagamot siyang lubos.

20 “Kung saktan ng sinuman ang kanyang aliping lalaki o aliping babae ng tungkod at mamatay sa kanyang kamay, siya ay parurusahan.

21 Gayunma'y, kung tumagal ang alipin ng isa o dalawang araw, hindi siya parurusahan; sapagkat siya'y kanyang salapi.

22 “Kung mag-away ang dalawang lalaki at makasakit ng isang babaing nagdadalang-tao, na anupa't makunan, at gayunma'y walang pinsalang sumunod, pagbabayarin ang nakasakit, ayon sa iaatang sa kanya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom.

23 Subalit kung may anumang pinsalang sumunod, magbibigay ka nga ng buhay para sa buhay,

24 mata(AO) sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa,

25 pasò sa pasò, sugat sa sugat, hagupit sa hagupit.

26 “At kung saktan ng sinuman ang mata ng kanyang aliping lalaki, o ang mata ng kanyang aliping babae at mabulag, kanyang papalayain ang alipin upang matumbasan ang mata.

27 Kung kanyang bungian ng ngipin ang kanyang aliping lalaki o babae ay kanyang palalayain ang alipin dahil sa kanyang ngipin.

28 “Kung suwagin ng isang baka ang isang lalaki o ang isang babae, anupa't namatay, babatuhin ang baka at ang kanyang laman ay hindi kakainin; subalit ang may-ari ng baka ay pawawalang-sala.

29 Ngunit kung ang baka ay dati nang nanunuwag at naisumbong na sa may-ari ngunit hindi niya ikinulong, anupa't nakamatay ng isang lalaki, o isang babae, babatuhin ang baka at ang may-ari niyon ay papatayin din.

30 Kung siya'y atangan ng pantubos, magbibigay siya ng pantubos sa kanyang buhay anuman ang iniatang sa kanya.

31 Kung suwagin nito ang anak na lalaki o babae ng isang tao ay gagawin sa kanya ayon sa kahatulang ito.

32 Kung suwagin ng baka ang isang aliping lalaki o babae ay magbabayad ang may-ari ng tatlumpung siklong pilak sa kanilang amo, at ang baka ay babatuhin.

33 “Kung iwanang bukas ng sinuman ang isang balon, o kung huhukay ng isang balon at hindi ito tatakpan, at ang isang baka o ang isang asno ay mahulog dito,

34 magbabayad ang may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari niyon, at ang patay na hayop ay magiging kanya.

35 “Kung ang baka ng sinuman ay nanakit sa baka ng iba, na anupa't namatay, kanila ngang ipagbibili ang bakang buháy, at kanilang paghahatian ang halaga niyon; at ang patay ay paghahatian din nila.

36 O kung kilala na ang baka ay dati nang manunuwag, at hindi ikinulong ng may-ari, magbabayad siya ng baka sa baka, at ang patay na hayop ay magiging kanya.

Mga Pagsasauli tungkol sa Naging Kasiraan

22 “Kung ang isang tao ay magnakaw ng isang baka, o ng tupa at patayin, o ipagbili, siya'y magbabayad ng limang baka para sa isang baka, at ng apat na tupa para sa isang tupa. Ang magnanakaw ay gagawa ng pagsasauli; kung wala siyang maisauli, siya'y ipagbibili dahil sa kanyang pagnanakaw.

“Kung ang isang magnanakaw ay mahuling pumapasok at siya'y hinampas na kanyang ikinamatay, hindi magkakaroon ng pananagutan sa dugo ang nakapatay,

ngunit kung sikatan siya ng araw ay magkakaroon siya ng pananagutan sa dugo.

“Kung ang ninakaw ay matagpuang buháy sa kanyang kamay, maging baka o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng doble.

“Kung ang sinuman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pakawalan ang kanyang hayop at manginain sa bukid ng iba, siya'y magsasauli mula sa pinakamainam sa kanyang sariling bukid, at mula sa kanyang sariling ubasan.

“Kung may magningas na apoy at umabot sa mga tinik, na anupa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ang nagpaningas ng apoy ay magbabayad ng buo.

“Kung ang sinuman ay magpatago sa kanyang kapwa ng salapi o pag-aari, at ito'y ninakaw sa bahay ng taong iyon, at pagkatapos, kung matagpuan ang magnanakaw, magbabayad siya ng doble.

Kung hindi matagpuan ang magnanakaw, lalapit ang may-ari ng bahay sa Diyos, upang ipakita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa.

“Sapagkat sa lahat ng pagsuway, maging para sa baka, sa asno, sa tupa, sa kasuotan, o sa anumang bagay na nawala, na may magsabi na iyon nga ay sa kanya, dadalhin sa harapan ng Diyos ang usapin ng dalawa; ang parurusahan ng Diyos ay magbabayad ng doble sa kanyang kapwa.

10 “Kung ang sinuman ay maghabilin sa kanyang kapwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anumang hayop; at namatay ito, o nasaktan, o hinuli, na walang nakakakitang sinuman,

11 ang pagsumpa nilang dalawa sa Panginoon ang mamamagitan sa kanila upang makita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa; at tatanggapin ng may-ari ang sumpa, at siya'y hindi magsasauli.

12 Subalit kung ninakaw ito sa kanya ay isasauli niya iyon sa may-ari.

13 Kung nilapa ito ng mga hayop, dadalhin niya ito bilang katibayan; hindi siya magsasauli ng anumang nilapa.

14 “Kung ang sinuman ay humiram ng anuman sa kanyang kapwa, at nasaktan ito, o namatay, na hindi kaharap ang may-ari, ang humiram ay magsasauli ng buo.

15 Kung ang may-ari niyon ay kaharap, hindi siya magsasauli; kung ito'y inupahan, dumating ito para sa upa nito.

Sari-saring Kautusan

16 “At(AP) kung akitin ng isang lalaki ang isang dalaga na hindi pa naipagkakasundong mag-asawa at kanyang sipingan, kanyang ibibigay ang kanyang dote at gagawing kanyang asawa.

17 Kung mahigpit na tumutol ang kanyang ama na ibigay siya sa kanya, ay magbabayad siya ng salapi katumbas ng dote para sa mga dalaga.

18 “Huwag(AQ) mong pahintulutang mabuhay ang isang babaing mangkukulam.

19 “Sinumang(AR) sumiping sa isang hayop ay papatayin.

20 “Ang(AS) maghandog sa alinmang diyos, maliban sa Panginoon lamang, ay lubos na pupuksain.

21 “At(AT) huwag mong aapihin, o pahihirapan ang dayuhan, sapagkat kayo'y mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto.

22 Huwag ninyong pahihirapan ang sinumang babaing balo, o batang ulila.

23 Kung iyong pahihirapan sila sa anumang paraan, at dumaing sa akin, tiyak na aking diringgin ang kanilang daing;

24 ang aking poot ay mag-aalab, at papatayin ko kayo ng tabak, at ang inyong mga asawa ay magiging mga balo, at ang inyong mga anak ay magiging mga ulila.

25 “Kung(AU) magpautang ka ng salapi sa kaninuman sa aking bayan sa dukhang kasama mo, huwag mo silang papakitunguhan bilang tagapagpautang; huwag mo siyang papatungan ng tubo.

26 Kung(AV) iyong kunin ang damit ng iyong kapwa bilang sangla, isasauli mo iyon sa kanya bago lumubog ang araw;

27 sapagkat iyon lamang ang kanyang saplot, iyon ang kanyang pantakip sa kanyang katawan, ano pa ang kanyang ipapantulog? At kapag siya'y dumaing sa akin ay aking diringgin sapagkat ako'y mahabagin.

28 “Huwag(AW) mong lalapastanganin ang Diyos, ni lalaitin man ang pinuno ng iyong bayan.

29 “Huwag mong ipagpapaliban ang paghahandog ng mula sa iyong mga ani, at ng mula sa umagos sa iyong mga pisaan.

“Ang panganay sa iyong mga anak na lalaki ay ibibigay mo sa akin.

30 Gayundin ang gagawin mo sa iyong mga baka at sa iyong mga tupa: pitong araw itong makakasama ng kanyang ina; sa ikawalong araw ay ibibigay mo ito sa akin.

31 “Kayo'y(AX) magiging mga taong itinalaga para sa akin; kaya't huwag kayong kakain ng anumang laman na nilapa ng mababangis na hayop sa parang; inyong itatapon ito sa mga aso.

23 “Huwag(AY) kang magkakalat ng di-totoong balita. Huwag kang makikipagkapit-kamay sa taong masama upang maging isang saksing may masamang hangarin.

Huwag kang susunod sa marami upang gumawa ng masama, ni magbibigay patotoo sa isang usapin na kumakampi sa marami upang baluktutin ang katarungan;

ni(AZ) huwag mo ring papanigan ang dukha sa kanyang usapin.

“Kung(BA) iyong makita ang baka ng iyong kaaway o ang kanyang asno na nakawala, ito ay ibabalik mo sa kanya.

Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo na nakalugmok sa ilalim ng kanyang pasan, huwag mo siyang iiwan sa gayong kalagayan, tulungan mo siyang buhatin ito.

“Huwag(BB) mong babaluktutin ang katarungang nararapat sa iyong dukha sa kanyang usapin.

Layuan mo ang maling paratang at huwag mong papatayin ang walang sala at ang matuwid, sapagkat hindi ko pawawalang-sala ang masama.

Huwag kang tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag sa mga pinuno at sinisira ang mga salita ng mga banal.

“Ang(BC) dayuhan ay huwag mong aapihin, sapagkat alam ninyo ang puso ng dayuhan yamang kayo'y naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto.

Ang Ikapitong Taong Sabbath

10 “Anim(BD) na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyon;

11 subalit sa ikapitong taon ay iyong pagpahingahin ito at hayaang tiwangwang, upang ang dukha sa iyong bayan ay makakain. Ang kanilang maiiwan ay kakainin ng hayop sa bukid. Gayundin ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong taniman ng olibo.

12 “Anim(BE) na araw na gagawin mo ang iyong gawain, ngunit sa ikapitong araw ay magpapahinga ka upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga, at ang anak na lalaki ng iyong aliping babae, at ang taga-ibang bayan ay makapagpahinga.

13 Ingatan ninyo ang lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo; at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang diyos, o marinig man sa inyong bibig.

14 “Tatlong beses sa bawat taon na magdiriwang ka ng pista para sa akin.

15 Ang(BF) pista ng tinapay na walang pampaalsa ay iyong ipagdiriwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib, sapagkat noon ka umalis sa Ehipto. Walang lalapit sa harap ko na walang dala.

16 Iyong(BG) ipagdiriwang ang pista ng pag-aani ng mga unang bunga ng iyong pagpapagal, na iyong inihasik sa bukid. Ipagdiriwang mo rin ang pista ng pag-aani, sa katapusan ng taon, kapag inaani mo mula sa bukid ang bunga ng iyong pagpapagal.

17 Tatlong ulit sa bawat taon na ang lahat ng iyong mga kalalakihan ay haharap sa Panginoong Diyos.

18 “Huwag mong iaalay ang dugo ng aking handog na kasabay ng tinapay na may pampaalsa; o iiwan mo man ang taba ng aking pista hanggang sa kinaumagahan.

19 “Ang(BH) mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong dadalhin sa bahay ng Panginoon mong Diyos.

“Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.

Pangakong Pagpasok sa Canaan

20 “Aking isinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda.

21 Mag-ingat kayo sa harap niya at dinggin ninyo ang kanyang tinig; huwag kayong maghimagsik sa kanya, sapagkat hindi niya patatawarin ang inyong pagsuway, sapagkat ang aking pangalan ay nasa kanya.

22 “Subalit kung diringgin mong mabuti ang kanyang tinig at gagawin mo ang lahat ng aking sinasabi ay magiging kaaway ako ng iyong mga kaaway, at kalaban ng iyong mga kalaban.

23 “Sapagkat ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo at dadalhin ka sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Cananeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, at aking lilipulin sila.

24 Huwag kang yuyukod sa kanilang mga diyos, o maglilingkod man sa mga iyon, o gagawa man ng ayon sa kanilang mga gawa, kundi iyong wawasakin at iyong dudurugin ang kanilang mga haligi.

25 Inyong sasambahin ang Panginoon ninyong Diyos, at aking[k] pagpapalain ang inyong tinapay at ang inyong tubig, at aalisin ko ang sakit sa gitna ninyo.

26 Walang babaing makukunan, o magiging baog man sa iyong lupain; aking lulubusin ang bilang ng iyong mga araw.

27 Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at lilituhin ko ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway.

28 Aking susuguin sa unahan mo ang mga putakti na magpapalayas sa Heveo, sa Cananeo, at Heteo sa harapan mo.

29 Hindi ko sila papalayasin sa harapan mo sa loob ng isang taon; baka ang lupa'y maging ilang, at ang mababangis na hayop ay magsidami laban sa iyo.

30 Unti-unti ko silang papalayasin sa harapan mo, hanggang sa ikaw ay dumami at manahin mo ang lupain.

31 Aking ilalagay ang iyong hangganan mula sa Dagat na Pula hanggang sa dagat ng Filistia, at mula sa ilang hanggang sa Eufrates sapagkat aking ibibigay sa iyong kamay ang mga nananahan sa lupain at iyong papalayasin sila sa harapan mo.

32 Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni sa kanilang mga diyus-diyosan.

33 Sila'y hindi dapat manirahan sa iyong lupain, baka gawin pa nilang magkasala ka laban sa akin; sapagkat kung ikaw ay maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan, tiyak na magiging bitag iyon sa iyo.”

Ang Dugo ng Tipan

24 Kanyang sinabi kay Moises, “Umakyat ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at sina Aaron, Nadab at Abihu, at pitumpu sa matatanda sa Israel, at sumamba kayo mula sa malayo.

Si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; subalit ang iba ay huwag lalapit, at ang bayan ay huwag aakyat na kasama niya.”

Dumating si Moises at sinabi sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon at ang lahat ng mga tuntunin; at ang buong bayan ay sumagot na may isang tinig, at nagsabi, “Lahat ng mga salita na sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.”

Isinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon siya ng maaga kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labindalawang haligi, ayon sa labindalawang lipi ng Israel.

Kanyang sinugo ang mga kabataang lalaki mula sa mga anak ni Israel, na nag-alay ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga baka bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.

Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay sa mga palanggana, at ang kalahati ng dugo ay iwinisik sa ibabaw ng dambana.

Kanyang kinuha ang aklat ng tipan, binasa sa pandinig ng bayan, at kanilang sinabi, “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin.”

At(BI) kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik sa bayan, at sinabi, “Tingnan ninyo ang dugo ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo ayon sa lahat ng mga salitang ito.”

Nang magkagayo'y umakyat sina Moises, Aaron, Nadab, at Abihu, at ang pitumpung matatanda sa Israel,

10 at kanilang nakita ang Diyos ng Israel. Sa ilalim ng kanyang mga paa ay mayroong parang isang tuntungan na yari sa mga batong zafiro, at tulad ng langit sa kaliwanagan.

11 Hindi ipinatong ng Diyos[l] ang kanyang kamay sa mga pinuno ng mga anak ni Israel; nakita rin nila ang Diyos, at sila'y kumain at uminom.

Muling Umakyat si Moises sa Bundok

12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin sa bundok, at maghintay ka roon at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng bato at ang batas at ang kautusan na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila.”

13 Kaya't tumindig si Moises, at si Josue na kanyang lingkod; at si Moises ay umakyat sa bundok ng Diyos.

14 Kanyang sinabi sa matatanda, “Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo, at sina Aaron at Hur ay kasama ninyo; sinumang magkaroon ng usapin ay lumapit sa kanila.”

15 Umakyat nga si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok.

16 Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanatili sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ito ng ulap ng anim na araw; at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap.

17 Noon, ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay tulad ng apoy na nagliliyab sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa paningin ng mga anak ni Israel.

18 Pumasok(BJ) si Moises sa ulap, at umakyat sa bundok. Si Moises ay nasa bundok sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.

25 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa akin ng isang handog; tanggapin ninyo ang handog para sa akin mula sa bawat tao na ang puso ay nagkukusang-loob.

At ito ang handog na inyong kukunin sa kanila: ginto, pilak, tanso,

lanang asul, kulay-ube, pula, at lino at pinong hinabing balahibo ng kambing,

mga balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at mga balat ng kambing, at kahoy na akasya,

langis sa ilawan, mga pampabango sa langis na pampahid, at sa mabangong insenso;

mga batong onix, at mga bato sa efod, at sa pektoral.

Igawa nila ako ng isang santuwaryo upang ako'y makapanirahan sa gitna nila.

Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyong huwaran ng tabernakulo at sa anyong huwaran ng lahat ng kasangkapan niyon ay gayon ninyo gagawin.

Ang Kaban ng Tipan(BK)

10 “Sila'y gagawa ng isang kabang yari sa kahoy na akasya na may dalawang siko at kalahati ang haba, isang siko't kalahati ang luwang, isang siko't kalahati ang taas.

11 Iyong babalutin ng lantay na ginto; sa loob at sa labas ay iyong babalutin, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot.

12 Bubuo ka ng apat na argolyang ginto para ilagay mo sa apat na paa niyon, dalawang argolya sa isang tagiliran niyon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyon.

13 Gagawa ka ng mga pasanang yari sa kahoy na akasya at iyong babalutin ng ginto.

14 Iyong isusuot ang mga pasanan sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban sa pamamagitan ng mga ito.

15 Ang mga pasanan ay mananatili sa loob ng mga argolya ng kaban; hindi aalisin doon ang mga ito.

16 Iyong ilalagay sa loob ng kaban ang mga patotoo na aking ibibigay sa iyo.

17 Pagkatapos,(BL) gagawa ka ng isang luklukan ng awa na lantay na ginto na may dalawang siko at kalahati ang haba niyon, at isang siko at kalahati ang luwang niyon.

18 At gagawa ka ng dalawang kerubin na ginto; gagawin mo ang mga iyon sa pamamagitan ng pagpitpit, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa.

19 Gumawa ka ng isang kerubin sa isang dulo, at ng isang kerubin sa kabilang dulo; sa kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga kerubin sa dalawang dulo niyon.

20 Ibubuka ng mga kerubin nang paitaas ang kanilang pakpak, na nilililiman ang luklukan ng awa ng kanilang mga pakpak. Sila'y nakaharap sa isa't isa; ang mukha ng kerubin ay nakaharap sa luklukan ng awa.

21 Iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban ay iyong ilalagay ang tipan[m] na aking ibibigay sa iyo.

22 Doon ako makikipagtagpo sa iyo, at mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng tipan ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga utos ko para sa mga anak ni Israel.

Ang Hapag para sa Tinapay na Handog(BM)

23 ‘Gagawa ka ng isang hapag na yari sa kahoy na akasya; dalawang siko ang haba, isang siko ang luwang at isang siko at kalahati ang taas.

24 Iyong babalutin ito ng lantay na ginto, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot.

25 Igagawa mo ito ng isang gilid sa palibot na may isang dangkal ang luwang, at igagawa mo ng isang moldeng ginto ang palibot ng gilid niyon.

26 At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na nasa apat na paa niyon.

27 Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pasanan, upang madala ang hapag.

28 At gagawin mo ang mga pasanan mula sa kahoy na akasya, at iyong babalutin ng ginto, at ang hapag ay dadalhin sa pamamagitan ng mga iyon.

29 Gagawa ka ng mga pinggan niyon para sa insenso, at ng mga banga at mga mangkok na pagbubuhusan; na iyong gagawing lantay na ginto.

30 At(BN) ilalagay mo sa hapag ang tinapay na handog sa harap ko palagi.

Ang Ilawan(BO)

31 “Gagawa ka ng isang ilawan na lantay na ginto. Ang paa at tangkay ng ilawan ay yari sa pinitpit na ginto; ang mga sanga, ang mga kopa niyon, at ang mga bulaklak niyon ay isang piraso.

32 At magkakaroon ng anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyon na kasama nito, tatlong sanga ng ilawan sa isang tagiliran niyon, at tatlong sanga ng ilawan ay sa kabilang tagiliran niyon,

33 tatlong kopa na ginawang tulad ng almendro, bawat isa ay may usbong at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang usbong at isang bulaklak; at gayon sa anim na sangang lumalabas mula sa ilawan.

34 Sa ilawan mismo ay magkakaroon ng apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, kasama ng mga usbong at ng mga bulaklak niyon,

35 at magkakaroon ng isang usbong sa ilalim ng bawat pares ng anim na lumalabas sa ilawan.

36 Ang magiging mga usbong at mga sanga niyon ay iisa, ang kabuuan niyon ay isa lamang putol na yari sa pinitpit na lantay na ginto.

37 Igagawa mo ito ng pitong ilaw, at ang mga ilaw ay sisindihan upang magbigay liwanag sa dakong katapat nito.

38 Ang mga pangsipit at ang patungan ay magiging lantay na ginto.

39 Ito ay gagawin sa isang talentong lantay na ginto pati ng lahat ng kasangkapang ito.

40 At(BP) tiyakin mong gawin ang mga iyon ayon sa anyong huwaran ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok.

Ang Tabing ng Tabernakulo(BQ)

26 “Bukod dito'y gagawin mo ang tabernakulo na may sampung tabing ng hinabing pinong lino, at asul, kulay-ube at pula; gagawin mo ang mga iyon na may mga kerubin na mahusay ang pagkakaburda.

Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat.

Limang tabing ang pagkakabit-kabitin sa isa't isa, at ang iba pang limang tabing ay pagkakabit-kabitin sa isa't isa.

Gagawa ka ng mga silo na kulay-asul sa gilid ng tabing sa hangganan sa unang pangkat; gayundin, gagawa ka ng mga silo sa gilid ng tabing sa hangganan sa ikalawang pangkat.

Limampung silo ang gagawin mo sa isang tabing, limampung silo ang gagawin mo sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat, ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa.

Limampung kawit na ginto ang iyong gagawin, at pagkakabitin mo ang mga tabing sa pamamagitan ng mga kawit upang ang tabernakulo ay maging isang buo.

“Gagawa ka rin ng mga tabing na balahibo ng kambing bilang tolda sa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang iyong gagawin.

Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ang sukat.

Pagkakabitin mo ang limang tabing, at gayundin ang anim na tabing, at ititiklop mo ang ikaanim na tabing sa harapan ng tolda.

10 Limampung silo ang gagawin mo sa tagiliran ng isang tabing na nasa hangganan ng isang pangkat, at limampung silo ng tabing sa tagiliran ng ikalawang pangkat.

11 “Gagawa ka ng limampung kawit na tanso, at ikakabit mo ang mga kawit sa mga silo at pagkakabitin mo ang tolda upang maging isa.

12 Ang bahaging nalalabi sa mga tabing ng tolda, na siyang kalahati ng tabing na nalalabi ay ilalaylay sa likuran ng tabernakulo.

13 Ang siko sa isang dako at ang siko sa kabilang dako na nalalabi sa haba ng mga tabing ng tolda ay ilalaylay sa mga tagiliran ng tabernakulo, sa dakong ito at sa dakong iyon, upang takpan ito.

14 Gagawa ka ng isang pantakip sa tolda na balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at isang pantakip na balat ng kambing.

Ang Tabla at Biga ng Tabernakulo

15 “Igagawa mo ng mga patayong haligi ang tabernakulo mula sa kahoy na akasya.

16 Sampung siko ang magiging haba ng isang haligi, at isang siko at kalahati ang luwang ng bawat haligi.

17 Magkakaroon ng dalawang mitsa sa bawat haligi na pagkakabit-kabitin; ito ang gagawin mo sa lahat ng mga haligi ng tabernakulo.

18 Gagawin mo ang mga haligi para sa tabernakulo: dalawampung haligi sa gawing timog;

19 at apatnapung patungang pilak upang ilagay sa ilalim ng dalawampung haligi, dalawang patungan sa bawat haligi na ukol sa dalawang mitsa nito, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi para sa dalawa nitong mitsa;

20 at para sa ikalawang panig ng tabernakulo, sa gawing hilaga ay dalawampung haligi,

21 at ang apatnapung patungang pilak ng mga ito, dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.

22 Sa likod ng tabernakulo, sa gawing kanluran, ay gagawa ka ng anim na haligi.

23 Gagawa ka ng dalawang haligi para sa mga sulok ng tabernakulo sa likod,

24 magkahiwalay ang mga ito sa ibaba, ngunit magkarugtong sa itaas, sa unang argolya; gayon ang gagawin sa dalawa; ang mga ito ay bubuo sa dalawang sulok.

25 At magkakaroon ng walong haligi na ang kanilang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.

26 “Gagawa ka ng mga biga ng kahoy na akasya; lima para sa mga haligi ng isang panig ng tabernakulo;

27 at limang biga para sa mga haligi ng kabilang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga haligi ng panig ng tabernakulo sa likod, sa gawing kanluran.

28 Ang gitnang biga ay daraan sa kalagitnaan ng mga haligi mula sa isang dulo hanggang sa kabila.

29 Babalutin mo ng ginto ang mga haligi at gagamitan mo ng ginto ang mga argolya ng mga ito na kakabitan ng mga biga; at babalutin mo ng ginto ang mga biga.

30 At itatayo mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita sa iyo sa bundok.

31 “Gagawa ka ng isang tabing na asul at kulay-ube, at pula at hinabing pinong lino; na may mga kerubin na mahusay na ginawa.

32 Isasabit mo ito sa apat na haliging akasya na balot ng ginto, na may kawit na ginto na nakapatong sa ibabaw ng apat na patungang pilak.

33 Isasabit(BR) mo ang tabing sa ilalim ng mga kawit, at iyong ipapasok doon sa loob ng tabing ang kaban ng tipan; at paghihiwalayin ng mga tabing para sa inyo ang dakong banal at ang dakong kabanal-banalan.

34 Ilalagay mo ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban ng tipan,[n] sa dakong kabanal-banalan.

35 Ilalagay mo ang hapag sa labas ng tabing, at ang ilawan ay sa tapat ng hapag sa gawing timog ng tabernakulo at ang hapag ay ilalagay mo sa gawing hilaga.

36 “Igagawa mo ng isang tabing ang pintuan ng tolda, na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda.

37 Igagawa mo ang tabing ng limang haliging akasya at babalutin mo ng ginto. Ang kawit ng mga iyon ay ginto rin, at gagawa ka ng limang patungang tanso para sa mga ito.

Ang Dambana ng mga Handog na Susunugin(BS)

27 “Gagawin mo ang dambana na yari sa kahoy na akasya na limang siko ang haba at limang siko ang luwang; ang dambana ay gagawing parisukat at ang taas nito ay tatlong siko.

Gagawa ka ng mga sungay para dito sa ibabaw ng apat na sulok niyon; ang mga sungay ay kakabit nito at iyong babalutin ito ng tanso.

Igagawa mo ito ng mga lalagyan ng mga abo, ng mga pala, ng mga palanggana, ng mga pantusok at ng mga lalagyan ng apoy; lahat ng mga kasangkapa'y gagawin mong yari sa tanso.

Igagawa mo iyon ng isang parilyang tanso na tila lambat ang yari; at ang ibabaw ng nilambat ay igagawa mo ng apat na argolyang tanso sa apat na sulok niyon.

At ilalagay mo ito sa ibaba ng gilid ng dambana upang ang lambat ay umabot hanggang sa kalahatian ng dambana.

Igagawa mo ng mga pasanan ang dambana, mga pasanang kahoy na akasya at babalutin mo ng tanso.

Ang mga pasanan ay isusuot sa mga argolya, upang ang mga pasanan ay malagay sa dalawang tagiliran ng dambana kapag ito'y binubuhat.

Gagawin mo ang dambana na may guwang sa gitna sa pamamagitan ng mga tabla. Tulad ng ipinakita sa iyo sa bundok ay gayon ang gagawin nila.

Ang Looban at ang Ilawan(BT)

“Gagawin mo ang bulwagan ng tabernakulo. Sa gawing timog, ang bulwagan ay magkakaroon ng mga tabing ng hinabing pinong lino na may isang daang siko ang haba sa isang tagiliran;

10 ang dalawampung haligi at ang kanilang mga patungan ay dapat yari sa tanso, ngunit ang kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak.

11 Gayundin para sa haba nito sa gawing hilaga ay magkakaroon ng mga tabing na isandaang siko ang haba, at ang dalawampung haligi ng mga iyon pati ang mga patungang tanso, ngunit ang mga kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak.

12 Ang luwang ng bulwagan sa kanluran ay magkakaroon ng mga tabing na may limampung siko, ang haligi ng mga iyon ay sampu at ang mga patungan ng mga iyon ay sampu.

13 Ang luwang ng bulwagan sa gawing silangan ay limampung siko.

14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuan ay labinlimang siko na may tatlong haligi, at tatlong patungan.

15 Sa kabilang panig ang mga tabing ay may labinlimang siko, may tatlong haligi at tatlong patungan.

16 Sa pintuan ng bulwagan ay magkakaroon ng isang tabing na may dalawampung siko, na ang tela ay asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda; ang mga haligi ng mga iyon ay apat at ang mga patungan ng mga iyon ay apat.

17 Lahat ng haligi sa palibot ng bulwagan ay pagkakabitin ng mga baras na pilak; ang mga kawit ng mga iyon ay pilak, at ang mga patungan ay tanso.

18 Ang haba ng bulwagan ay isang daang siko, at ang luwang ay limampu, at ang taas ay limang siko, na may hinabing pinong lino, at ang mga patungan ay tanso.

19 Lahat ng mga kasangkapan ng tabernakulo, sa bawat paglilingkod doon, at lahat ng mga tulos niyon, at lahat ng mga tulos ng bulwagan ay tanso.

Ang Ilawan sa Tolda(BU)

20 “Iyong iuutos sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa iyo ng dalisay na langis ng binayong olibo para sa ilawan, upang ang ilawan ay palaging may sindi.

21 Sa toldang tipanan, sa labas ng tabing na nasa harap ng kaban ng patotoo ay aayusin iyon ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa hapon hanggang sa umaga sa harapan ng Panginoon. Ito ay magiging batas sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi sa mga anak ni Israel.

Ang Damit ni Aaron(BV)

28 “Ilapit mo sa iyo si Aaron na iyong kapatid at ang kanyang mga anak na kasama niya, mula sa mga anak ni Israel, upang makapaglingkod sa akin bilang mga pari—si Aaron at ang mga anak ni Aaron na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.

Igagawa mo ng mga banal na kasuotan si Aaron na iyong kapatid para sa kaluwalhatian at kagandahan.

At sabihin mo sa lahat ng may kakayahan na aking pinagkalooban ng kasanayan na kanilang gawin ang kasuotan ni Aaron, upang siya'y italaga sa pagkapari para sa akin.

Ito ang mga kasuotang kanilang gagawin: isang pektoral, isang efod, isang balabal, isang tunika na tinahing guhit-guhit na anyong parisukat, isang turbante at isang pamigkis; at kanilang igagawa ng mga banal na kasuotan si Aaron na iyong kapatid, at ang kanyang mga anak, upang maglingkod sa akin bilang mga pari.

“Gagamit sila ng ginto, at ng telang asul, kulay-ube, at pula, at ng hinabing pinong lino.

Ang Efod at ang Pektoral(BW)

Kanilang gagawin ang efod na ginto, at may telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino, na ginawa ng isang bihasang manggagawa.

Magkakaroon ito ng dalawang pambalikat na nakakabit sa dalawang dulo niyon; upang magkadugtong.

Ang mahusay na hinabing pamigkis na nasa ibabaw ng efod upang ibigkis ay gagawing gaya ng pagkagawa at kagamitan sa efod, na ginto, telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino.

Kukuha ka ng dalawang batong onix, at iyong iuukit sa ibabaw ng mga iyon ang mga pangalan ng mga anak ni Israel—

10 anim sa kanilang mga pangalan ay sa isang bato, at ang mga pangalan ng anim na natitira ay sa isa pang bato, ayon sa kanilang kapanganakan.

11 Tulad ng pag-ukit ng pantatak ng mang-uukit sa bato, iyong iuukit sa dalawang bato ang mga pangalan ng mga anak ni Israel; iyong kukulungin sa enggasteng ginto.

12 Iyong ilalagay ang dalawang bato sa ibabaw ng pambalikat ng efod, upang maging mga batong alaala para sa mga anak ni Israel; at papasanin ni Aaron ang kanilang mga pangalan sa harapan ng Panginoon, sa ibabaw ng kanyang dalawang balikat, upang maging alaala.

13 Gagawa ka ng mga enggasteng ginto,

14 at ng dalawang tanikalang lantay na ginto, pinilipit tulad ng lubid; at iyong ikakabit ang nilubid na tanikala sa enggaste.

15 “Gagawa ka ng pektoral ng kahatulan, na gawa ng bihasang manggagawa. Gagawin mo iyon na gaya ng pagkagawa sa efod; gagawin mo iyon na yari sa ginto, telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.

16 Iyon ay magiging parisukat at nakatiklop; isang dangkal ang haba at isang dangkal ang luwang niyon.

17 Maglalagay ka roon ng apat na hanay ng mga bato. Sa unang hanay ay sardio, topacio, at karbungko;

18 sa ikalawang hanay ay esmeralda, zafiro, at diamante;

19 sa ikatlong hanay ay jacinto, agata, at ametista;

20 sa ikaapat na hanay ay berilo, onix, at jaspe; ang mga ito ay pawang nakalagay sa gintong enggaste.

21 Magkakaroon ng labindalawang bato na may mga pangalan ayon sa mga pangalan ng anak ni Israel; magiging tulad ng mga pantatak, bawat isa'y may ukit na pangalan, na ukol sa labindalawang lipi.

22 Gagawa ka sa ibabaw ng pektoral ng mga tanikalang pinilipit na parang lubid na yari sa lantay na ginto;

23 at igagawa mo ang ibabaw ng pektoral ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo ang dalawang singsing sa dalawang sulok ng pektoral.

24 Iyong ilalagay ang dalawang nilubid na tanikalang ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.

25 Ang dalawang dulo ng dalawang tanikala ay iyong ilalapat sa dalawang enggaste, at iyong ilalagay sa mga pambalikat ng efod, sa harapan.

26 Gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo sa dalawang sulok ng pektoral sa laylayan niyon na nasa dakong kabaligtaran ng efod.

27 Gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at iyong ikakabit sa dalawang pambalikat ng efod, sa dakong ibaba, sa harapan, na malapit sa dugtungan sa ibabaw ng mahusay na hinabing pamigkis ng efod.

28 Kanilang itatali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing niyon sa mga singsing ng efod na may taling asul, upang mamalagi sa ibabaw ng mahusay na hinabing pamigkis ng efod, at upang ang pektoral ay hindi makalag sa efod.

29 Kaya't dadalhin ni Aaron ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na nasa pektoral ng kahatulan sa tapat ng kanyang puso, kapag siya'y pumapasok sa dakong banal, upang dalhin sila sa patuloy na pag-alaala sa harapan ng Panginoon.

30 At(BX) ilalagay mo sa pektoral ng kahatulan ang Urim at ang Tumim; at ang mga iyon ay ilalagay sa tapat ng puso ni Aaron, kapag siya'y pumapasok sa harapan ng Panginoon, at dadalhing palagi ni Aaron sa harapan ng Panginoon ang kahatulan ng mga anak ni Israel sa kanyang puso.

Balabal ng Efod(BY)

31 “Gagawin mo ang balabal ng efod na purong asul.

32 Magkakaroon ng isang suotan ng ulo na may tupi sa palibot ng suotan, gaya ng butas ng isang kasuotan upang hindi mapunit.

33 Ang laylayan niyon ay igagawa mo ng mga bunga ng granadang asul, kulay-ube, at pula, sa palibot ng laylayan niyon, at mga kampanilyang ginto sa pagitan ng mga iyon,

34 isang kampanilyang ginto at isang bunga ng granada, isang kampanilyang ginto at isang bunga ng granada, sa palibot ng laylayan ng kasuotan.

35 Isusuot ito ni Aaron kapag siya'y nangangasiwa at ang tunog niyon ay maririnig kapag siya'y pumapasok sa dakong banal sa harapan ng Panginoon, at kapag siya'y lumalabas, upang siya'y huwag mamatay.

Ang Kasuotan ni Aaron

36 “Gagawa ka ng isang pinggan na lantay na ginto, at doo'y iuukit mo na ayon sa ukit ng isang pantatak, ‘Banal sa Panginoon.’

37 Iyong ikakabit ito sa ibabaw ng turbante sa pamamagitan ng taling asul, ito'y dapat nasa harapan ng turbante.

38 Ilalagay ito sa noo ni Aaron, at dadalhin ni Aaron sa kanyang sarili ang anumang pagkakasalang napasalin sa banal na handog na itinalaga ng mga anak ni Israel bilang kanilang banal na kaloob; at ito'y ilalagay palagi sa kanyang noo, upang sila'y tanggapin sa harapan ng Panginoon.

39 “Iyong hahabihin ang kasuotan na anyong parisukat mula sa pinong lino, at iyong gagawin ang turbante mula sa pinong lino, at iyong palalagyan ng burda ang pamigkis.

Ang Damit ng mga Pari

40 “Iyong igagawa ang mga anak ni Aaron ng mga balabal, mga pamigkis, at mga turbante para sa kaluwalhatian at kagandahan.

41 Iyong ipapasuot ang mga ito kay Aaron na iyong kapatid at sa kanyang mga anak na kasama niya, bubuhusan mo sila ng langis, itatalaga, ibubukod upang maglingkod sa akin bilang mga pari.

42 Iyong igagawa sila ng mga salawal na lino, upang takpan ang kanilang hubad na katawan;[o] mula sa mga balakang hanggang sa mga hita aabot ang mga ito.

43 Isusuot ang mga ito ni Aaron at ng kanyang mga anak kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod sa dakong banal; upang sila'y hindi magdala ng kasalanan at mamatay. Ito ay magiging isang walang hanggang batas para sa kanya at sa kanyang mga anak na susunod sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001