Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 15:13 - 1 Samuel 2:29

13 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay. Ngunit hindi ka namin papatayin.” At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid at iniahon mula sa bato.

14 Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay nagsisigawan samantalang kanilang sinasalubong siya. Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at ang mga lubid na nasa kanyang mga bisig ay naging parang lino na natupok sa apoy, at ang kanyang mga tali ay nalaglag sa kanyang mga kamay.

15 Siya'y nakakita ng isang sariwang panga ng asno, at iniunat ang kanyang kamay, at dinampot iyon, at ginamit sa pagpatay sa isang libong lalaki.

16 At sinabi ni Samson,

“Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntun-bunton,
sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay pumatay ako ng isang libong lalaki.”

17 Pagkatapos niyang makapagsalita ay kanyang inihagis ang panga na nasa kanyang kamay, at ang dakong iyon ay tinawag na Ramat-lehi.[a]

18 Siya'y uhaw na uhaw at siya'y tumawag sa Panginoon, “Iyong ibinigay itong dakilang pagliligtas sa kamay ng iyong lingkod, at ngayo'y mamamatay ba ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli?”

19 Ngunit binuksan ng Diyos ang isang guwang na nasa Lehi at nilabasan iyon ng tubig. Nang siya'y makainom, ang kanyang diwa ay nanumbalik at siya'y muling nagkamalay. Kaya't ang pangalan niyon ay tinawag na En-hacore,[b] na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.

20 Siya'y naghukom sa Israel sa mga araw ng mga Filisteo ng dalawampung taon.

Dinaya ni Delila si Samson

16 Minsan ay pumunta si Samson sa Gaza at nakakita siya roon ng isang bayarang babae[c] at ito'y kanyang sinipingan.

Ibinalita sa mga taga-Gaza, “Si Samson ay dumating dito.” Kanilang pinalibutan, at inabangan siya nang buong gabi sa pintuang-lunsod. Nanatili silang tahimik buong gabi, na sinasabi, “Maghintay tayo hanggang magbukang-liwayway, saka natin siya patayin.”

Ngunit si Samson ay humiga hanggang hatinggabi, at nang hatinggabi na ay bumangon. Hinawakan niya ang pinto ng pintuang-lunsod, at kapwa binunot, pati ang bakal. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.

Pagkaraan ng ilang panahon, siya'y umibig sa isang babaing taga-libis ng Sorec, na ang pangala'y Delila.

Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kanya, “Akitin mo siya. Alamin mo kung bakit napakalakas niya, at sa anong paraan kami magtatagumpay laban sa kanya upang aming matalian at matalo siya. Bibigyan ka ng bawat isa sa amin ng isang libo't isang daang pirasong pilak.”

Sinabi ni Delila kay Samson, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin, kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas, at kung paanong matatalian ka upang ikaw ay matalo.”

Sinabi ni Samson sa kanya, “Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na hindi natuyo ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng sinumang tao.”

Nang magkagayo'y nagdala sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinangtali nila sa kanya.

Noon ay may mga nakaabang na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Kanyang pinutol ang mga yantok na tulad sa taling sinulid na napuputol kapag nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi nalaman ang lihim ng kanyang lakas.

10 Sinabi ni Delila kay Samson, “Tingnan mo, pinaglaruan mo ako, at nagsinungaling ka sa akin. Ipinapakiusap ko ngayon sa iyo na sabihin mo sa akin kung paano ka matatalian.”

11 Sumagot si Samson, “Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit ay hihina ako at magiging gaya ng sinumang tao.”

12 Sa gayo'y kumuha si Delila ng mga bagong lubid at itinali sa kanya, at sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Noon, ang mga nakaabang ay nasa silid sa loob na ng silid. Ngunit pawang pinutol niya ang mga lubid sa kanyang mga bisig na parang sinulid.

13 At sinabi ni Delila kay Samson, “Hanggang ngayon ay pinaglalaruan mo ako at nagsisinungaling ka sa akin. Sabihin mo sa akin kung paanong matatalian ka.” At sinabi niya sa kanya, “Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo at higpitan mo ng pang-ipit, manghihina ako at magiging tulad ng sinumang tao.”

14 Kaya't habang siya'y natutulog, hinawakan ni Delila ang pitong tirintas ng kanyang ulo at hinabi. At sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at binunot ang pang-ipit ng panghabi at ang hinabi.

15 Sinabi niya sa kanya, “Bakit nasasabi mo na, ‘Iniibig kita,’ gayong ang iyong pag-ibig ay wala sa akin? Pinaglaruan mo ako ng tatlong ulit, at hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas.”

16 Sa wakas, pagkatapos niyang pilitin siya araw-araw sa pamamagitan ng kanyang kasasalita upang mahimok siya, halos mamatay siya sa pagkainis.

17 Kaya't ibinunyag niya kay Delila[d] ang kanyang lihim, at sinabi sa kanya, “Walang pang-ahit na dumaan sa aking ulo sapagkat ako'y naging Nazirita[e] sa Diyos mula pa sa tiyan ng aking ina. Kung ako'y ahitan, hihiwalay sa akin ang aking lakas, ako'y hihina, at magiging gaya ng sinumang tao.”

18 Nang mabatid ni Delila na sinabi na sa kanya ni Samson ang buong lihim niya, nagsugo siya at tinawag ang mga pinuno ng mga Filisteo, na sinasabi, “Umahon pa kayong minsan, sapagkat sinabi na niya sa akin ang buong lihim niya.” Nang magkagayo'y umahon ang mga pinuno ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi.

19 Kanyang pinatulog ito sa kanyang kandungan; at nagpatawag siya ng isang lalaki at ipinaahit ang pitong tirintas sa ulo nito. Nagpasimula itong manghina, at ang lakas nito ay nawala.

20 Sinabi niya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” At siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at sinabi, “Ako'y lalabas na gaya nang dati, at ako'y magpupumiglas.” Ngunit hindi niya batid na ang Panginoon ay humiwalay na sa kanya.

21 Hinuli siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Kanilang dinala siya sa Gaza, at ginapos siya ng mga tanikalang tanso, at siya'y pinagtrabaho sa gilingan sa bilangguan.

22 Gayunman, pagkatapos na siya'y maahitan, muling tumubo ang buhok ng kanyang ulo.

Naghiganti si Samson

23 Nagtitipon noon ang mga pinuno ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang alay kay Dagon na kanilang diyos at upang magsaya, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay si Samson na ating kaaway.”

24 Nang makita siya ng taong-bayan, pinuri nila ang kanilang diyos, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa atin ang ating kaaway, ang tagawasak sa ating lupain, na pumatay ng marami sa atin.”

25 At nangyari, nang natutuwa na ang kanilang puso, ay kanilang sinabi, “Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan.” At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. Siya'y kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi.

26 Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya sa kamay, “Ipahawak mo sa akin ang mga haliging kinasasaligan ng bahay upang aking mahiligan.”

27 Noon ang bahay nga ay puno ng mga lalaki at babae, at ang lahat ng mga pinuno ng mga Filisteo ay naroon. Sa bubungan ay may tatlong libong lalaki at babae na nanonood samantalang pinagkakatuwaan si Samson.

28 Pagkatapos ay tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, “O Panginoong Diyos, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, O Diyos, upang maipaghiganti kong minsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.”

29 Si Samson ay humawak sa dalawang gitnang haligi na kinasasaligan ng bahay, at inihilig ang kanyang mga bigat sa mga iyon, ang kanyang kanang kamay sa isa, at ang kanyang kaliwa sa kabila.

30 Sinabi ni Samson, “Hayaan mo akong mamatay na kasama ng mga Filisteo.” Ibinuhos niya ang kanyang buong lakas, at ang bahay ay bumagsak sa mga pinuno at sa lahat ng mga taong nasa loob. Sa gayo'y ang mga namatay na kanyang pinatay sa kanyang kamatayan ay higit kaysa pinatay niya noong siya'y buháy pa.

31 Pagkatapos ay dumating ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama, at kinuha siya. Iniahon siya at inilibing sa pagitan ng Sora at Estaol sa libingan ni Manoa na kanyang ama. Naghukom siya sa Israel sa loob ng dalawampung taon.

Si Micaias at ang Kanyang Larawang Inanyuan

17 May isang lalaki sa lupaing maburol ng Efraim, na ang pangalan ay Micaias.

Sinabi niya sa kanyang ina, “Ang isang libo at isandaang pirasong pilak na kinuha sa iyo, na kaya ka nagsalita ng sumpa, at sinalita mo rin sa aking mga pandinig,—ang pilak ay nasa akin; kinuha ko at ngayon ay isasauli ko sa iyo.”[f] At sinabi ng kanyang ina, “Pagpalain nawa ng Panginoon ang aking anak.”

At isinauli niya ang isang libo at isandaang pirasong pilak sa kanyang ina, at sinabi ng kanyang ina, “Aking itinatalaga mula sa aking kamay ang pilak na ito sa Panginoon, na ukol sa aking anak, upang igawa ng isang larawang inanyuan na yari sa bakal.”

Nang kanyang isauli ang salapi sa kanyang ina kinuha ng kanyang ina ang dalawang daang pirasong pilak na ibinigay sa mga manghuhulma na siyang gumawa ng isang larawang inanyuan na yari sa bakal; at iyon ay nasa bahay ni Micaias.

Ang lalaking si Micaias ay mayroong isang bahay ng mga diyos, at siya'y gumawa ng isang efod at terafim at itinalaga ang isa sa kanyang mga anak upang maging kanyang pari.

Nang(A) mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. Ginawa ng lahat ng tao kung ano ang matuwid sa kanilang sariling paningin.

Noon ay may isang kabataang lalaki sa Bethlehem sa Juda mula sa angkan ni Juda. Siya ay isang Levita na naninirahan doon.

Ang lalaki ay umalis sa bayan ng Bethlehem sa Juda, upang manirahan kung saan siya makakakita ng matutuluyan. Habang siya'y naglalakbay, nakarating siya sa bahay ni Micaias sa lupaing maburol ng Efraim, upang ipagpatuloy ang kanyang gawain.

Sinabi ni Micaias sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At sinabi niya sa kanya, “Ako'y isang Levita mula sa Bethlehem sa Juda, at ako'y maninirahan kung saan ako makakakita ng matutuluyan.”

10 Sinabi ni Micaias sa kanya, “Manirahan ka sa akin, at ikaw ay maging aking ama at pari. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak bawat taon, ng bihisan, at ng ikabubuhay,” at ang Levita ay pumasok.

11 Ang Levita ay pumayag na manirahang kasama ng lalaki, at ang binata ay itinuring niyang isa sa kanyang mga anak na lalaki.

12 Itinalaga ni Micaias ang Levita at ang binata ay naging kanyang pari, at nanirahan sa bahay ni Micaias.

13 Nang magkagayo'y sinabi ni Micaias, “Ngayo'y alam ko na ako'y pasasaganain ng Panginoon, yamang ako'y may isang paring Levita.”

Nilibot ng mga Espiya ang Buong Lupain

18 Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. At nang panahong iyon ay humahanap ang lipi ng mga Danita ng isang lupaing matitirahan sapagkat hanggang sa araw na iyon ay wala pang lupain mula sa mga lipi ng Israel ang naibigay sa kanila.

Kaya't ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalaki mula sa kabuuang bilang ng kanilang angkan, mula sa Sora at sa Estaol, upang tiktikan ang lupain, at galugarin. At sinabi nila sa kanila, “Kayo'y humayo at inyong siyasatin ang lupain.” At sila'y pumunta sa lupaing maburol ng Efraim, sa bahay ni Micaias, at tumuloy roon.

Nang sila'y malapit na sa bahay ni Micaias nakilala nila ang tinig ng binatang Levita. Kaya't sila'y pumasok roon, at sinabi nila sa kanya, “Sinong nagdala sa iyo rito? At ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? Anong pakay mo rito?”

At sinabi niya sa kanila, “Ganito't ganoon ang ginawa sa akin ni Micaias. Kanyang inupahan ako, at ako'y naging kanyang pari.”

Sinabi nila sa kanya, “Ipinapakiusap namin sa iyo na sumangguni ka sa Diyos, upang aming malaman, kung ang aming misyon ay magtatagumpay.”

Sinabi ng pari sa kanila, “Humayo kayong payapa. Ang inyong lakad ay nasa ilalim ng pagmamatyag ng Panginoon.”

Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalaki at dumating sa Lais. Kanilang nakita ang mga taong naroon na naninirahang tiwasay na gaya ng mga Sidonio, tahimik at hindi nanghihina, hindi nagkukulang ng anuman sa daigdig, at nagtataglay ng kayamanan.

Nang sila'y dumating sa kanilang mga kapatid sa Sora at Estaol, kanilang sinabi sa kanila, “Ano ang inyong masasabi?”

At kanilang sinabi, “Tumindig kayo at tayo'y umahon laban sa kanila, sapagkat aming nakita ang lupain at, ito'y napakabuti. Wala ba kayong gagawin? Huwag kayong maging makupad na humayo kundi iyong pasukin at angkinin ang lupain.

10 Paglakad ninyo'y darating kayo sa isang bayang panatag. Ang lupain ay malawak—ibinigay na iyon ng Diyos sa inyong kamay, isang dakong hindi nagkukulang ng anumang bagay sa lupa.”

Kinuha ng Danita ang mga Inanyuang Larawan ni Micaias

11 Umalis mula roon ang animnaraang lalaki sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Estaol, na may sandata ng mga sandatang pandigma.

12 Sila'y humayo at nagkampo sa Kiryat-jearim sa Juda; kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Mahanedan hanggang sa araw na ito. Iyon ay nasa likod ng Kiryat-jearim.

13 Sila'y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at dumating sa bahay ni Micaias.

14 Nang magkagayo'y nagsalita ang limang lalaki na naniktik sa lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, “Nalalaman ba ninyo na sa mga gusaling ito ay mayroong efod, terafim, at isang larawang inanyuan na yari sa bakal? Isipin ninyo ngayon ang inyong gagawin.”

15 Sila'y lumiko roon, at dumating sa bahay ng binatang Levita, sa bahay ni Micaias, at tinanong siya sa kanyang kalagayan.

16 Samantala, ang animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma, na pawang mga anak ni Dan ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan.

17 Ang limang lalaking humayo upang tiktikan ang lupain ay umahon at pumasok doon at kinuha ang larawang inanyuan, ang efod, at ang terafim. Ang pari ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan na kasama ng animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma.

18 Nang pumasok ang mga ito sa bahay ni Micaias, at makuha ang larawang inanyuan, ang efod, ang terafim, ay sinabi ng pari sa kanila, “Anong ginagawa ninyo?”

19 At sinabi nila sa kanya, “Tumahimik ka, itakip mo ang iyong kamay sa iyong bibig, sumama ka sa amin, at maging ama at pari ka namin. Mabuti ba kaya sa iyo ang maging pari sa bahay ng isang lalaki o maging pari sa isang lipi at sa isang angkan sa Israel?”

20 Tinanggap ng pari ang alok. Kanyang kinuha ang efod, ang terafim, ang larawang inanyuan, at humayo sa gitna ng bayan.

21 Kaya't ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay at inilagay ang mga bata, ang kawan, at ang mga dala-dalahan sa unahan nila.

22 Nang sila'y malayu-layo na sa bahay ni Micaias, ang mga lalaking nasa mga bahay na malapit sa bahay ni Micaias ay tinawagan at inabutan nila ang mga anak ni Dan.

23 Kanilang sinigawan ang mga anak ni Dan. Sila'y lumingon at sinabi kay Micaias, “Ano ang nangyari at ikaw ay naparitong kasama ang ganyang karaming tao?”

24 Siya'y sumagot, “Inyong kinuha ang aking mga diyos na aking ginawa, at ang pari, at kayo'y umalis, at ano pang naiwan sa akin? Bakit ninyo ako tinatanong, ‘Ano ang nangyari?’”

25 Sinabi ng mga anak ni Dan sa kanya, “Huwag nang marinig ang iyong tinig, baka daluhungin ka ng mapupusok na kasama namin, at mawala ang iyong buhay, pati ang buhay ng iyong sambahayan.”

26 Ipinagpatuloy ng mga anak ni Dan ang kanilang lakad, at nang makita ni Micaias na sila'y higit na malakas kaysa kanya, bumalik siya at umuwi sa kanyang bahay.

27 Kanilang kinuha ang ginawa ni Micaias, at ang kanyang pari. Dumating sila sa Lais, na isang bayang tahimik at tiwasay, pinatay sila ng tabak at sinunog nila ang lunsod.

28 Walang tumulong sapagkat malayo ito sa Sidon at sila'y walang pakikipag-ugnayan sa kaninuman.[g] Iyon ay nasa libis na bahagi ng Betrehob. At kanilang itinayo ang lunsod, at tinahanan nila.

29 Kanilang tinawag na Dan ang lunsod, ayon sa pangalan ni Dan na kanilang ama na ipinanganak sa Israel; gayunma'y ang pangalan ng bayan nang una ay Lais.

30 At itinayo ng mga anak ni Dan para sa kanilang sarili ang larawang inanyuan. Si Jonathan na anak ni Gershon, na anak ni Moises, at ang kanyang mga anak ang siyang naging mga pari sa lipi ng mga Danita hanggang sa araw na mabihag ang lupain.

31 Kaya't kanilang itinuring na kanila ang larawang inanyuang ginawa ni Micaias sa buong panahon na ang bahay ng Diyos ay nasa Shilo.

Kinuha ng Isang Levita ang Kanyang Asawang-lingkod

19 Nang mga araw na iyon, nang walang hari sa Israel, may isang Levita na naninirahan sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim, ang kumuha ng asawang-lingkod mula sa Bethlehem sa Juda.

Ngunit ang kanyang asawang-lingkod ay nagalit sa kanya[h] at iniwan siya at nagtungo sa bahay ng kanyang ama sa Bethlehem sa Juda, at nanatili roon sa loob ng apat na buwan.

Ang kanyang asawa ay humayo at sumunod sa kanya, upang makiusap na mabuti sa kanya na bumalik siya. Kasama niya ang kanyang tauhan at ang dalawang magkatuwang na asno. Nang makarating siya sa bahay ng kanyang ama, nakita siya ng ama ng asawang-lingkod, at magalak nitong sinalubong siya.

Pinigil siya ng kanyang biyenan, ng ama ng asawang-lingkod; at siya'y nanatiling kasama niya ng tatlong araw. Sa gayon sila'y nagkainan at nag-inuman, at nanatili roon.

Kinaumagahan nang ikaapat na araw, sila'y bumangong maaga, at siya'y naghanda upang humayo. Sinabi ng ama ng babae sa kanyang manugang, “Palakasin mo muna ang iyong sarili ng kaunting pagkain, at pagkatapos ay saka kayo lumakad.”

Sa gayo'y naupo silang dalawa, at kumain at uminom na magkasama, at sinabi ng ama ng babae sa lalaki, “Bakit hindi ka muna magpalipas dito ng buong gabi at magsaya?”

Nang ang lalaki ay tumayo upang umalis; pinigil siya ng kanyang biyenan at siya'y tumigil uli roon.

Kinaumagahan nang ikalimang araw, siya'y maagang bumangon upang umalis, at sinabi ng ama ng babae, “Palakasin mo ang iyong sarili.” Kaya't sila'y nanatili hanggang sa dumilim ang araw, at ang dalawa ay kumain.

Nang ang lalaki at ang kanyang asawang-lingkod, at ang kanyang tauhan ay tumayo upang umalis ay sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, “Tingnan ninyo, gumagabi na. Dito na kayo magpalipas ng gabi. Tingnan ninyo ang araw ay lumulubog na. Dito na kayo magpalipas ng gabi at kayo ay magsaya. Bukas ay maaga kayong bumangon para sa inyong paglakad, at kayo'y umuwi na.”

10 Ngunit ayaw ng lalaki na magpalipas ng gabi, kundi siya'y tumindig at umalis at nakarating sa tapat ng Jebus (na siyang Jerusalem). May dala siyang dalawang magkatuwang na asno at ang kanyang asawang-lingkod ay kasama niya.

11 Nang sila'y nasa tabi na ng Jebus, ang araw ay lumulubog at sinabi ng tauhan sa kanyang panginoon, “Dito na tayo sa bayan ng mga Jebuseo, at magpalipas ng gabi rito.”

12 Sinabi ng kanyang panginoon sa kanya, “Hindi tayo pupunta sa bayan ng mga dayuhan, na hindi kabilang sa mga anak ni Israel; kundi magpapatuloy tayo hanggang sa Gibea.”

13 At sinabi niya sa kanyang alipin, “Halika at sikapin nating marating ang isa sa mga dakong ito; at tayo'y magpapalipas ng gabi sa Gibea o sa Rama.”

14 Sa gayo'y nagdaan sila at nagpatuloy ng kanilang paglakad, at nilubugan sila ng araw sa malapit sa Gibea, na sakop ng Benjamin.

15 Sila'y lumiko roon, upang pumasok at nagpalipas ng gabi sa Gibea. Sila'y pumasok at umupo sa liwasan ng lunsod, sapagkat walang taong magpatuloy sa kanila.

16 Kinagabihan, may dumating na isang matandang lalaki na galing sa kanyang paggawa sa bukid. Ang lalaki ay taga-lupaing maburol ng Efraim at naninirahan sa Gibea; ang mga tao sa dakong iyon ay mga Benjaminita.

17 Nang tumingin ang matandang lalaki at nakita niya ang manlalakbay sa liwasan ng lunsod ay itinanong niya, “Saan ka pupunta? At saan ka nanggaling?”

18 At sinabi niya sa kanya, “Kami ay nagdaraan mula sa Bethlehem sa Juda na patungo sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim na aking pinanggalingan. Ako'y galing sa Bethlehem sa Juda at ako'y patungo sa bahay ng Panginoon,[i] at walang taong magpatuloy sa akin.

19 Kami ay may dayami at damo para sa aming mga asno at may tinapay at alak naman para sa akin, sa lingkod na babae, at sa kabataang kasama namin. Wala na kaming kailangan pa.”

20 At sinabi ng matandang lalaki, “Kapayapaan nawa ang sumaiyo; ipaubaya mo sa akin ang lahat ng iyong mga pangangailangan; huwag ka lamang magpalipas ng gabi sa liwasan.”

21 Kanyang pinapasok sila sa kanyang bahay at binigyan ng pagkain ang mga asno. Sila'y naghugas ng kanilang mga paa, kumain at uminom.

Ang Kahalayang Ginawa sa Gibea

22 Samantalang(B) sila'y nagkakasayahan, pinalibutan ng masasamang tao sa lunsod ang bahay at pinaghahampas ang pintuan. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, “Ilabas mo ang lalaking pumasok sa iyong bahay upang makilala namin siya.”

23 At lumabas sa kanila ang lalaki, ang may-ari ng bahay at sinabi sa kanila, “Huwag, mga kapatid ko. Isinasamo ko sa inyong huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan; yamang ang lalaking ito'y aking panauhin, ay huwag ninyong gawin ang gayong kasamaan.

24 Narito ang aking anak na dalaga, at ang asawang-lingkod ng lalaki.[j] Ilalabas ko sila ngayon; halayin ninyo, at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo. Ngunit sa lalaking ito ay huwag kayong gumawa ng anumang masama.”

25 Ngunit hindi siya pinakinggan ng mga lalaki. Sa gayo'y hinawakan ng lalaki ang kanyang asawang-lingkod at inilabas sa kanila. Kanilang sinipingan[k] siya at hinalay buong gabi hanggang sa kinaumagahan; at nang magbukang-liwayway ay kanilang pinaalis siya.

26 Nang mag-uumaga na, dumating ang babae, at nabuwal sa pintuan ng bahay ng lalaki, na kinaroroonan ng kanyang panginoon, hanggang sa magliwanag.

27 Kinaumagahan, bumangon ang kanyang panginoon at binuksan ang mga pinto ng bahay. Nang siya'y lumabas upang magpatuloy sa kanyang lakad, naroon ang kanyang asawang-lingkod ay nakabuwal sa pintuan ng bahay, na ang mga kamay ay nasa bungad.

28 At sinabi niya sa kanya, “Bumangon ka at umalis na tayo.” Ngunit walang sagot. Nang magkagayo'y kanyang isinakay ang babae sa asno; at ang lalaki ay tumindig at nagpatuloy pauwi sa kanilang tahanan.

29 Nang(C) siya'y makapasok sa kanyang bahay, ay kumuha siya ng isang patalim, at paghawak niya sa kanyang asawang-lingkod ay kanyang pinagputul-putol ito sa labindalawang bahagi; at ipinadala siya sa lahat ng nasasakupan ng Israel.

30 At ang lahat ng nakakita nito ay nagsabi, “Walang ganitong bagay na nangyari o nakita man mula sa araw na umahon ang mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito. Pag-isipan ninyo ito, pag-usapan at magsalita kayo.”

Nagpasiya ang Bayan na Parusahan ang mga Nagkasala

20 Nang magkagayo'y lumabas ang lahat ng mga anak ni Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at ang kapulungan ay nagtipon sa Panginoon gaya ng isang tao sa Mizpa, kabilang ang lupain ng Gilead.

Ang mga pinuno ng buong bayan, ang lahat ng mga lipi ng Israel ay humarap sa kapulungan ng bayan ng Diyos, na apatnaraang libong lalaki na humahawak ng tabak.

(Nabalitaan ng mga anak ni Benjamin na umahon ang mga anak ni Israel sa Mizpa.) At sinabi ng mga anak ni Israel, “Sabihin ninyo sa amin kung paanong ang kasamaang ito ay nangyari?”

Ang Levita na asawa ng babaing pinatay ay sumagot at kanyang sinabi, “Ako at ang aking asawang-lingkod ay dumating sa Gibea na sakop ng Benjamin upang magpalipas ng gabi.

Bumangon ang mga lalaki sa Gibea laban sa akin, at kinubkob ang bahay sa palibot laban sa akin nang kinagabihan. Ako'y kanilang pinag-isipang patayin, at kanilang hinalay ang aking asawang-lingkod, at siya'y namatay.

Kaya't aking kinuha ang aking asawang-lingkod at aking pinagputul-putol, at ipinadala ko sa buong lupain ng mana ng Israel, sapagkat sila'y gumawa ng karumaldumal at ng kahalayan sa Israel.

Kaya't ngayon, kayong mga anak ni Israel, kayong lahat, ibigay ninyo rito ang inyong payo at pasiya rito.”

At ang buong bayan ay tumindig na parang isang tao na nagsasabi, “Hindi babalik ang sinuman sa amin sa kanyang tolda, ni uuwi man ang sinuman sa amin sa kanyang bahay.

Kundi ngayo'y ito ang aming gagawin sa Gibea; aahon kami laban sa kanya sa pamamagitan ng palabunutan.

10 Kukuha kami ng sampung lalaki sa isandaan, sa lahat ng mga lipi ng Israel, at isandaan sa bawat isang libo, at isang libo sa bawat sampung libo, upang ipagbaon ng pagkain ang taong-bayan, upang sa kanilang pagtungo ay pagbayarin nila ang Gibea ng Benjamin ayon sa lahat ng kahihiyan na kanilang ginawa sa Israel.”

11 Sa gayo'y nagtipon ang lahat ng mga lalaki ng Israel laban sa lunsod na iyon, na nagkakaisang parang isang tao.

12 At nagsugo ang mga lipi ng Israel ng mga lalaki sa buong lipi ng Benjamin, na sinasabi, “Anong kasamaan ito na nangyari sa gitna ninyo?

13 Ngayon nga'y ibigay ninyo ang mga lalaki, ang masasamang tao na nasa Gibea upang aming patayin sila, at alisin ang kasamaan sa Israel.” Ngunit hindi pinakinggan ng mga anak ni Benjamin ang tinig ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Israel.

14 Nagtipon ang mga anak ni Benjamin sa mga lunsod na patungo sa Gibea upang lumabas sa pakikidigma laban sa mga anak ni Israel.

15 Ang mga anak ni Benjamin ay bumilang nang araw na iyon sa kanilang mga bayan, ng dalawampu't anim na libong lalaki na humahawak ng tabak, bukod pa ang mga naninirahan sa Gibea na bumilang ng pitong daang piling lalaki.

16 Sa kabuuan ng hukbong ito ay may pitong daang piling lalaki na kaliwete; na bawat isa'y nakakapaghagis ng bato sa isang buhok, at hindi sumasala.

17 Ang mga lalaki sa Israel, bukod pa ang sa Benjamin, ay nakabilang ng apatnaraang libong lalaki na humahawak ng tabak; lahat ng mga ito ay mga lalaking mandirigma.

18 At ang mga anak ni Israel ay umahon sa Bethel upang sumangguni sa Diyos; at kanilang sinabi, “Sino ang unang aahon sa amin upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin?” At sinabi ng Panginoon, “Ang Juda ang unang aahon.”

19 Kinaumagahan, bumangon ang mga anak ni Israel, at nagkampo sa tapat ng Gibea.

20 Lumabas ang mga lalaki ng Israel upang makipaglaban sa Benjamin; at humanay ang mga lalaki ng Israel sa Gibea, sa pakikipaglaban sa kanila.

21 Lumabas ang mga anak ni Benjamin sa Gibea at ang napatay sa mga Israelita sa araw na iyon ay dalawampu't dalawang libong lalaki.

22 Ngunit ang bayan, ang mga lalaki ng Israel ay nagpakatapang, at muling humanay sa pakikipaglaban sa dakong pinagtipunan nila nang unang araw.

23 At umahon ang mga anak ni Israel, at umiyak sa harap ng Panginoon hanggang sa kinahapunan. Sila'y sumangguni sa Panginoon, na sinasabi “Lalapit ba uli ako upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid?” At sinabi ng Panginoon, “Umahon ka laban sa kanila.”

24 Kaya't muling sumalakay ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikalawang araw.

25 At lumabas ang Benjamin sa Gibea laban sa kanila nang ikalawang araw, at nakapatay muli sa mga anak ni Israel ng labingwalong libong lalaki; lahat ng mga ito ay may sandata.

26 Nang magkagayo'y umahon ang lahat ng mga anak ni Israel, ang buong bayan, bumalik sa Bethel, umiyak, at umupo roon sa harap ng Panginoon. Nag-ayuno nang araw na iyon hanggang sa gabi. Sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan sa harap ng Panginoon.

27 At itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon (sapagkat ang kaban ng tipan ng Diyos ay naroon nang mga araw na iyon,

28 at si Finehas na anak ni Eleazar na anak ni Aaron, ang naglilingkod nang mga araw na iyon,) na sinasabi, “Lalabas ba akong muli upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid, o titigil na ako?” At sinabi ng Panginoon, “Umahon ka, sapagkat bukas ay ibibigay ko siya sa iyong kamay.”

29 Kaya't ang Israel ay naglagay ng mananambang sa buong palibot ng Gibea.

30 At umahon ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikatlong araw, at humanay laban sa Gibea, gaya ng dati.

31 Nilabanan ng mga anak ni Benjamin ang taong-bayan, at sila'y inilayo sa lunsod. Gaya ng dati, kanilang pinasimulang saktan ang taong-bayan sa mga pangunahing lansangan, na ang isa'y paahon sa Bethel, at ang isa'y sa Gibea, gayundin sa parang at nakapatay ng halos tatlumpung lalaki ng Israel.

32 At inakala ng mga anak ni Benjamin, “Sila'y nagapi sa harapan natin, gaya ng una.” Ngunit sinabi ng mga anak ni Israel, “Tayo'y tumakas at ilayo natin sila mula sa bayan patungo sa mga lansangan.”

33 Ang malaking bahagi ng mga Israelita ay umatras patungo sa Baal-tamar samantalang ang mga Israelita na nakaabang ay lumabas mula sa kanilang lugar, sa kanluran ng Geba.

34 At dumating laban sa Gibea ang sampung libong piling lalaki ng Israel, at ang paglalaban ay tumindi, ngunit hindi nalalaman ng mga Benjaminita na ang kapahamakan ay malapit na sa kanila.

35 Ginapi ng Panginoon ang Benjamin sa harap ng Israel; at ang pinatay ng mga anak ni Israel sa Benjamin nang araw na iyon ay dalawampu't limang libo at isandaang lalaki. Lahat ng mga ito ay may sandata.

Ang Benjamin ay Tinalo

36 Sa gayo'y nakita ng mga anak ni Benjamin na sila'y nagapi. Binigyang kaluwagan ng mga lalaki ng Israel ang Benjamin, sapagkat sila'y umaasa sa mga nakaabang na kanilang inilagay laban sa Gibea.

37 Mabilis na sumalakay ang mga nag-aabang sa Gibea at pinagtataga ang lahat ng tao sa lunsod.

38 Nagkaroon ng kasunduan ang mga anak ng Israel at ang mga nakaabang, na kapag sila'y nagpailanglang ng makapal na usok mula sa bayan,

39 ang mga lalaki ng Israel ay dapat humarap para sa pakikipaglaban. Noon ay pinasisimulan nang saktan at patayin ng Benjamin ang may tatlumpung lalaki ng Israel. At kanilang sinabi, “Tiyak na sila'y natalo sa harap natin gaya nang unang pakikipaglaban.”

40 Ngunit nang ang hudyat na haliging usok ay magpasimulang pumailanglang mula sa bayan, ang mga Benjaminita ay lumingon sa likuran nila, at nakita nila na ang buong bayan ay nasusunog hanggang sa langit.

41 Humarap ang mga lalaki ng Israel, at ang mga lalaki ng Benjamin ay natakot, sapagkat kanilang nakita na ang kasamaan ay malapit na sa kanila.

42 Kaya't sila'y tumalikod papalayo sa mga lalaki ng Israel patungo sa ilang; ngunit inabutan sila ng labanan at ang mga lumabas sa mga bayan ang lumipol sa kanila sa gitna ng ilang.

43 Kanilang pinalibutan ang mga Benjaminita at kanilang hinabol at kanilang inabutan sa pahingang dako hanggang sa tapat ng Gibea, sa dakong sinisikatan ng araw.

44 At ang napatay sa Benjamin ay labingwalong libong lalaki; lahat ng mga ito ay mga matatapang na mga mandirigma.

45 Nang sila'y lumiko at tumakas sa dakong ilang sa bato ng Rimon limang libong lalaki sa kanila ang napatay sa mga pangunahing lansangan at sila'y hinabol hanggang sa Gidom, at napatay sa kanila ang dalawang libong lalaki.

46 Kaya't lahat ng napatay nang araw na iyon sa Benjamin ay dalawampu't limang libong lalaki na may sandata; lahat ng mga ito ay mga matatapang na mandirigma.

47 Ngunit animnaraang lalaki ang bumalik at tumakas sa dakong ilang sa bato ng Rimon, at nanatili sa bato ng Rimon sa loob ng apat na buwan.

48 Binalikan ng mga lalaki ng Israel ang mga anak ni Benjamin at sila'y pinagtataga, ang buong lunsod, ang mga tao, ang kawan, at ang lahat ng kanilang natagpuan. Bukod dito'y ang lahat ng mga bayan na kanilang natagpuan ay kanilang sinunog.

Mga Asawa para sa mga Benjaminita

21 Ang mga lalaki ng Israel ay sumumpa sa Mizpa na nagsasabi, “Walang sinuman sa atin na magbibigay ng kanyang anak na babae sa Benjamin upang maging asawa.”

Ang taong-bayan ay pumunta sa Bethel at umupo roon hanggang sa kinagabihan sa harap ng Diyos, at inilakas ang kanilang mga tinig, at tumangis nang matindi.

Kanilang sinabi, “O Panginoon, ang Diyos ng Israel, bakit nangyari ito sa Israel, na magkukulang ngayon ng isang lipi ang Israel?”

Kinabukasan, ang bayan ay maagang bumangon, at nagtayo roon ng dambana, at naghandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan.

At sinabi ng mga anak ni Israel, “Sino ang hindi umahon sa lahat ng mga lipi ng Israel sa kapulungan sa Panginoon?” Sapagkat sila'y gumawa ng taimtim na panata tungkol sa hindi aahon sa Panginoon sa Mizpa na sinasabi, “Siya'y tiyak na papatayin.”

Ngunit naawa ang mga anak ni Israel sa Benjamin na kanilang kapatid, at sinabi, “May isang angkan na natanggal sa Israel sa araw na ito.

Paano ang ating gagawing paghanap ng mga asawa sa kanila na naiwan, yamang tayo'y sumumpa sa Panginoon na hindi natin ibibigay sa kanila ang ating mga anak na babae upang maging asawa?”

At kanilang sinabi, “Sino sa mga lipi ng Israel ang hindi umahon sa Panginoon sa Mizpa? Natuklasan na walang pumunta sa kampo sa Jabes-gilead, sa kapulungan.”

Sapagkat nang bilangin ang bayan, wala ang mga naninirahan sa Jabes-gilead.

10 Kaya't nagsugo roon ang kapulungan ng labindalawang libong mandirigma, at iniutos sa kanila, na sinasabi, “Kayo'y humayo, tagain ninyo ng talim ng tabak ang mga mamamayan ng Jabes-gilead, pati ang mga babae at mga bata.

11 Ito ang inyong gagawin. Inyong lubos na lilipulin ang bawat lalaki, at bawat babae na sinipingan ng lalaki.”

12 Kanilang nalaman na ang mga naninirahan sa Jabes-gilead ay apatnaraang dalaga, na hindi nakakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa kanya. Kanilang dinala sila sa kampo sa Shilo na nasa lupain ng Canaan.

13 Pagkatapos ay nagsugo ang buong kapulungan at nagsalita sa mga anak ni Benjamin na nasa bato ng Rimon, at nagpahayag ng kapayapaan sa kanila.

14 Bumalik ang Benjamin nang panahong iyon, at kanilang ibinigay sa kanila ang mga babaing kanilang iniligtas na buháy sa mga babae ng Jabes-gilead. Gayunma'y hindi sila sapat para sa kanila.

15 At ang bayan ay naawa sa Benjamin, sapagkat ang Panginoon ay gumawa ng sira sa mga lipi ng Israel.

16 Nang magkagayo'y sinabi ng matatanda ng kapulungan, “Paano ang ating gagawing paghanap ng asawang babae para sa natitira, yamang wala ng nalalabing babae sa Benjamin?”

17 Kanilang sinabi, “Nararapat magkaroon ng tagapagmana para sa naligtas sa Benjamin, upang ang isang lipi ay huwag mapawi sa Israel.

18 Gayunman ay hindi natin maibibigay na asawa sa kanila ang ating mga anak na babae.” Sapagkat ang mga anak ni Israel ay sumumpa, na nagsasabi, “Sumpain ang magbigay ng asawa sa Benjamin.”

19 Kaya't kanilang sinabi, “Narito, may magaganap na taun-taong pagdiriwang sa Panginoon sa Shilo, na nasa hilaga ng Bethel, sa dakong silangan ng lansangan na paahon sa Shekem mula sa Bethel, at sa timog ng Lebona.”

20 At kanilang iniutos sa mga anak ni Benjamin na sinasabi, “Kayo'y humayo at mag-abang sa mga ubasan.

21 At bantayan ninyo, kapag ang mga anak na babae sa Shilo ay lumabas upang sumayaw, lumabas kayo sa ubasan at kumuha ang bawat lalaki sa inyo ng kanyang asawa sa mga anak sa Shilo, at pumunta kayo sa lupain ng Benjamin.

22 Kapag ang kanilang mga magulang o ang kanilang mga kapatid ay naparito upang magreklamo ay aming sasabihin sa kanila, ‘Ipagkaloob na ninyo sila sa amin, sapagkat hindi kami kumuha ng asawa para sa bawat isa sa kanila sa pakikipaglaban. Gayunman, hindi rin kayo magkakasala sa pagbibigay sa inyong mga anak na babae sa kanila.’”

23 At gayon ang ginawa ng mga anak ni Benjamin at kanilang kinuha silang asawa ayon sa kanilang bilang, mula sa mga sumasayaw na kanilang dinala. Sila'y umalis at nagbalik sa kanilang nasasakupan, at muling itinayo ang mga bayan, at nanirahan doon.

24 At umalis ang mga anak ni Israel mula roon nang panahong iyon, bawat lalaki ay sa kanyang lipi at sa kanyang angkan, at umalis mula roon ang bawat lalaki at umuwi sa kanilang nasasakupan.

25 Nang(D) mga araw na iyon ay walang hari sa Israel; ginawa ng bawat tao kung ano ang matuwid sa kanyang sariling paningin.

Si Elimelec at ang Kanyang Sambahayan sa Moab

At nangyari nang mga araw na ang mga hukom ang namumuno, nagkaroon ng taggutom sa lupain. Isang lalaking taga-Bethlehem sa Juda ang umalis upang manirahan sa lupain ng Moab, siya, ang kanyang asawa, at ang kanyang dalawang anak na lalaki.

Ang pangalan ng lalaki ay Elimelec, ang kanyang asawa ay si Naomi, at ang pangalan ng kanyang dalawang anak ay Malon at Chilion. Sila ay mga Efrateo mula sa Bethlehem sa Juda. Sila'y pumunta sa lupain ng Moab at nanatili roon.

Ngunit si Elimelec na asawa ni Naomi ay namatay. Si Naomi ay naiwang kasama ang kanyang dalawang anak.

Sila'y nag-asawa ng mga babae mula sa Moab. Ang pangalan ng isa'y Orfa, at ang ikalawa ay Ruth. Sila'y nanirahan doon nang may sampung taon.

Kapwa namatay sina Malon at Chilion, kaya't ang babae ay naiwan ng kanyang dalawang anak at ng kanyang asawa.

Nang magkagayon, siya at ang kanyang dalawang manugang ay nagsimulang bumalik mula sa lupain ng Moab sapagkat kanyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kanyang bayan at binigyan sila ng pagkain.

Kaya't siya'y umalis sa dakong kanyang kinaroroonan, kasama ang kanyang dalawang manugang at sila'y naglakbay pabalik sa lupain ng Juda.

Subalit sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Bawat isa sa inyo ay bumalik na sa bahay ng inyu-inyong ina. Gawan nawa kayo ng mabuti ng Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.

Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makatagpo ng kapahingahan, bawat isa sa inyo sa bahay ng kanyang asawa.” Pagkatapos ay kanyang hinagkan sila, at inilakas nila ang kanilang tinig at sila'y nag-iyakan.

10 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.”

11 Ngunit sinabi ni Naomi, “Kayo'y bumalik na, mga anak ko. Bakit kayo sasama sa akin? May mga anak pa ba ako sa aking sinapupunan na magiging inyong mga asawa?

12 Kayo'y bumalik na, mga anak ko, magpatuloy kayo sa inyong lakad sapagkat ako'y napakatanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, ako'y may pag-asa, kahit pa ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkaanak man,

13 maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? Nangangahulugan ba na hindi na muna kayo mag-aasawa? Huwag, mga anak ko! Magdaramdam akong mabuti dahil sa inyo, sapagkat ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa akin.”

14 Kaya't inilakas nila ang kanilang tinig at muling nag-iyakan. Hinagkan ni Orfa ang kanyang biyenan; ngunit si Ruth ay yumakap sa kanya.

Sina Naomi at Ruth ay Bumalik sa Juda

15 Sinabi niya, “Tingnan mo, ang iyong bilas ay bumalik na sa kanyang mga kababayan, at sa kanyang mga diyos; sumunod ka na sa iyong bilas.”

16 Ngunit sinabi ni Ruth, “Huwag mo akong pakiusapan na kita'y iwan, o talikuran ko na ang pagsunod sa iyo! Kung saan ka pupunta ay doon ako pupunta; kung saan ka nakatira ay doon ako maninirahan; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.

17 Kung saan ka mamatay ay doon ako mamamatay, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin ng Panginoon sa akin at higit pa, kahit na ihiwalay ako ng kamatayan sa iyo.”

18 Nang makita ni Naomi na nakapagpasiya na siyang sumama sa kanya, wala na siyang sinabi.

19 Sa gayo'y nagpatuloy silang dalawa hanggang sa sila'y makarating sa Bethlehem. Nang sila'y makarating sa Bethlehem, ang buong bayan ay nagkagulo dahil sa kanila; at sinabi ng mga babae, “Ito ba si Naomi?”

20 Sinabi niya sa kanila, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi. Tawagin ninyo akong Mara,[l] sapagkat pinakitunguhan ako nang may kapaitan ng Makapangyarihan sa lahat.[m]

21 Ako'y umalis na punó, ngunit ako'y pinauwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Naomi, gayong ang Panginoon ay nakitungo ng marahas sa akin, at pinagdalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?”

22 Sa gayo'y nagbalik si Naomi at Ruth na Moabita, na kanyang manugang na kasama niya, mula sa lupain ng Moab. Sila'y dumating sa Bethlehem sa pasimula ng pag-aani ng sebada.

Si Ruth ay Namulot sa Bukid ni Boaz

Si Naomi ay may kamag-anak sa panig ng kanyang asawa, isang lalaking mayaman mula sa angkan ni Elimelec na ang pangalan ay Boaz.

Sinabi(E) ni Ruth na Moabita kay Naomi, “Hayaan mo ako ngayong pumunta sa bukid, at mamulot ng mga uhay sa hulihan ng taong magpapahintulot sa akin”.[n] Sinabi niya sa kanya, “Humayo ka, anak ko.”

Kaya't siya'y umalis. Siya'y dumating, at namulot sa bukid sa likuran ng mga nag-aani. Nagkataong nakarating siya sa bahagi ng lupa na pag-aari ni Boaz, na kabilang sa angkan ni Elimelec.

At narito, si Boaz ay nakarating mula sa Bethlehem, at sinabi niya sa mga nag-aani, “Ang Panginoon ay sumainyo!” At sila'y sumagot, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon.”

Pagkatapos ay sinabi ni Boaz sa kanyang lingkod na kanyang tagapamahala sa mga nag-aani, “Kaninong dalaga ito?”

Ang lingkod na tagapamahala sa mga nag-aani ay sumagot, “Siya'y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Naomi mula sa lupain ng Moab.

Kanyang sinabi, ‘Ipinapakiusap ko na pamulutin at pagtipunin mo ako sa gitna ng mga bigkis sa likuran ng mga nag-aani.’ Sa gayo'y pumaroon siya at nagpatuloy, mula sa umaga hanggang ngayon, na hindi nagpapahinga kahit na sandali.”

Si Boaz ay Naging Mabuti kay Ruth

Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz kay Ruth, “Makinig kang mabuti, anak ko. Huwag kang mamulot sa ibang bukid, o umalis dito, kundi manatili kang malapit sa aking mga alilang babae.

Itanaw mo ang iyong paningin sa bukid na kanilang inaanihan, at sumunod ka sa kanila. Inutusan ko na ang mga kabataang lalaki na huwag ka nilang gagambalain. At kapag ikaw ay nauuhaw, pumunta ka sa mga banga, at uminom ka sa inigib ng mga kabataang lalaki.”

10 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Ruth[o] at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kanya, “Bakit ako nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin upang ako'y iyong pansinin, gayong ako'y isang dayuhan?”

11 Ngunit sinabi ni Boaz sa kanya, “Ipinaalam sa akin ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula sa pagkamatay ng iyong asawa, at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang sinilangan mo, at ikaw ay pumarito sa bayan na hindi mo nalalaman noon.

12 Gantihan nawa ng Panginoon ang iyong ginawa, at bigyan ka nawa ng lubos na gantimpala ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa ilalim ng kanyang mga pakpak ikaw ay nanganlong.”

13 Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Makatagpo nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagkat ako'y iyong inaliw at may kabaitang pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako'y hindi isa sa iyong mga alila.”

14 Sa oras ng pagkain ay sinabi ni Boaz sa kanya, “Halika, at kumain ka ng tinapay. Isawsaw mo sa suka ang iyong tinapay.” Siya nga'y umupo sa tabi ng mga nag-aani at iniabot niya sa kanya ang sinangag na trigo, siya'y kumain, nabusog, at mayroon pa siyang hindi naubos.

15 Nang siya'y tumindig upang mamulot ng inani, iniutos ni Boaz sa kanyang mga lingkod, “Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang pagbawalan.

16 Ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis, at iwan ninyo upang kanyang pulutin, at huwag ninyo siyang sawayin.”

17 Sa gayo'y namulot siya sa bukid hanggang sa paglubog ng araw. Nang kanyang giikin ang kanyang mga napulot, iyon ay halos isang efa ng sebada.

18 Kanyang dinala ito at siya'y pumunta sa lunsod; at nakita ng kanyang biyenan ang kanyang mga pinulot. Inilabas rin niya at ibinigay sa kanyang biyenan ang pagkaing lumabis sa kanya pagkatapos na siya'y nabusog.

19 Sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, “Saan ka namulot ngayon? At saan ka nagtrabaho? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo.” Kaya't sinabi niya sa kanyang biyenan kung kanino siya nagtrabaho, “Ang pangalan ng taong pinagtrabahuhan ko ngayon ay Boaz.”

20 Sinabi(F) ni Naomi sa kanyang manugang, “Pagpalain nawa siya ng Panginoon, na hindi ipinagkait ang kanyang kagandahang-loob sa mga buháy at sa mga patay.” At sinabi sa kanya ni Naomi, “Ang lalaking iyon ay isa nating kamag-anak, isa sa pinakamalapit nating kamag-anak.”

21 Sinabi ni Ruth na Moabita, “Bukod pa rito sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ay manatiling malapit sa aking mga lingkod hanggang sa kanilang matapos ang aking ani.’”

22 Sinabi ni Naomi kay Ruth na kanyang manugang, “Mabuti, anak ko, na ikaw ay lumabas na kasama ng kanyang mga alilang babae. Baka gawan ka ng hindi mabuti sa ibang bukid.”

23 Sa gayo'y nanatili siyang malapit sa mga alilang babae ni Boaz, upang mamulot hanggang sa katapusan ng pag-aani ng sebada at pag-aani ng trigo; at siya'y nanirahang kasama ng kanyang biyenan.

Pinuntahan ni Ruth si Boaz

Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Naomi na kanyang biyenan, “Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng tahanan para sa ikabubuti mo?

Ngayon, hindi ba si Boaz ay ating kamag-anak, na ang kanyang mga katulong ay siya mong nakasama? Narito, siya'y gigiik ng sebada ngayong gabi sa giikan.

Kaya't maligo ka at magpabango. Magbihis ka at bumaba sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam sa lalaki na naroon ka, hanggang siya'y makakain at makainom.

At mangyayari kapag humiga na siya, iyong tandaan ang dakong kanyang hihigaan. Pagkatapos, pumaroon ka at iyong alisan ng takip ang kanyang mga paa, at mahiga ka. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.”

Sinabi niya sa kanya, “Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.”

Siya'y bumaba sa giikan at ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng kanyang biyenan.

Nang si Boaz ay makakain at makainom, at ang kanyang puso'y masaya na, siya'y pumunta upang humiga sa dulo ng bunton ng trigo. Pagkatapos, si Ruth[p] ay dahan-dahang dumating, inalisan ng takip ang kanyang mga paa, at siya'y nahiga.

At nangyari sa hatinggabi, na ang lalaki ay nagulat at bumaling. Nakita niya na may isang babaing nakahiga sa kanyang paanan!

Sinabi niya, “Sino ka?” At siya'y sumagot, “Ako si Ruth, na iyong lingkod. Iladlad mo ang iyong balabal sa iyong lingkod sapagkat ikaw ay malapit na kamag-anak.”

10 Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko. Ginawa mong higit ang huling kagandahang-loob na ito kaysa sa una, na hindi ka naghanap ng kabataang lalaki maging dukha o mayaman.

11 Ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi sapagkat alam ng aking buong bayan na ikaw ay isang babaing karapat-dapat.

12 Tunay(G) nga na ako'y malapit na kamag-anak, gayunman ay may mas malapit na kamag-anak pa kaysa akin.

13 Maghintay ka ngayong gabi at sa kinaumagahan, kung kanyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak[q] ay mabuti; hayaan mong gawin niya. Ngunit kung ayaw niyang gawin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak ay gagawin ko para sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak, habang ang Panginoon ay nabubuhay. Mahiga ka hanggang umaga.”

14 Siya nga'y nahiga sa kanyang paanan hanggang umaga, ngunit siya'y bumangon bago pa magkakilala ang isa't isa. Kanyang sinabi, “Huwag nawang malaman na ang babae ay pumunta sa giikan.”

15 Kanyang sinabi, “Dalhin mo rito ang balabal na iyong suot at hawakan mo.” Hinawakan niya ito, at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada. Isinunong ito sa kanya at siya'y pumasok sa lunsod.

16 Nang siya'y dumating sa kanyang biyenan ay sinabi niya, “Anong nangyari, anak ko?” Isinalaysay niya sa kanya ang lahat ng ginawa ng lalaki para sa kanya.

17 Sinabi niya, “Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin sapagkat kanyang sinabi, ‘Huwag kang pupunta sa iyong biyenan nang walang dala.’”

18 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Maghintay ka, anak ko, hanggang sa iyong malaman kung ano ang mangyayari, sapagkat ang lalaking iyon ay hindi hihinto, hanggang sa matapos niya ang bagay sa araw na ito.”

Tinubos ni Boaz ang Mana ni Elimelec

Si Boaz ay nagtungo sa pintuang-bayan at naupo roon. Hindi nagtagal, ang malapit na kamag-anak na sinabi ni Boaz ay dumaan. Sinabi niya sa lalaking iyon “Halika, kaibigan. Maupo ka rito.” Siya'y lumapit at naupo.

Siya'y kumuha ng sampung lalaki sa matatanda ng bayan, at sinabi, “Maupo kayo rito.” Kaya't sila'y naupo.

Pagkatapos ay sinabi niya sa malapit na kamag-anak, “Si Naomi na bumalik na galing sa lupain ng Moab ay ipinagbibili ang bahagi ng lupa, na pag-aari ng ating kamag-anak na si Elimelec.

Kaya't aking inisip na sabihin sa iyo na, “Bilhin mo sa harap ng mga nakaupo rito, at sa harap ng matatanda ng aking bayan. Kung iyong tutubusin ay tubusin mo; ngunit kung hindi mo tutubusin ay sabihin mo, upang malaman ko. Sapagkat wala ng iba pang tutubos liban sa iyo, at ako ang sumusunod sa iyo.” At sinabi niya, “Aking tutubusin.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz, “Sa araw na iyong bilhin ang bukid sa kamay ni Naomi, iyo ring binibili si Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana.”

At sinabi ng malapit na kamag-anak, “Hindi ko ito matutubos para sa aking sarili, baka masira ang aking sariling mana. Iyo na ang aking karapatan ng pagtubos, sapagkat hindi ko ito matutubos.”

Ito(H) ang kaugalian nang unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalitan upang pagtibayin ang lahat ng mga bagay. Hinuhubad ng isa ang kanyang panyapak at ibinibigay sa kanyang kapwa; at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel.

Kaya't nang sabihin ng malapit na kamag-anak kay Boaz, “Bilhin mo para sa iyo,” ay hinubad niya ang kanyang panyapak.

Sinabi ni Boaz sa matatanda at sa buong bayan, “Kayo'y mga saksi sa araw na ito, na aking binili ang lahat ng kay Elimelec, lahat ng kay Chilion at kay Malon, mula sa kamay ni Naomi.

10 Bukod(I) dito'y si Ruth na Moabita na asawa ni Malon, ay aking binili upang aking maging asawa, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana, upang ang pangalan ng namatay ay huwag matanggal sa gitna ng kanyang mga kapatid, at sa pintuang-bayan ng kanyang sinilangan. Kayo'y mga saksi sa araw na ito.”

11 Pagkatapos,(J) ang buong bayan na nasa pintuang-bayan at ang matatanda ay nagsabi, “Kami ay mga saksi. Gawin nawa ng Panginoon na ang babaing papasok sa iyong bahay na maging gaya nina Raquel at Lea na sila ang nagtatag ng sambahayan ni Israel. Maging makapangyarihan ka nawa sa Efrata at maging bantog sa Bethlehem.

12 Ang(K) iyong sambahayan ay maging gaya ng sambahayan ni Perez na ipinanganak ni Tamar kay Juda, dahil sa mga anak na ibibigay ng Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.”

Si Ruth ay Naging Asawa ni Boaz

13 Kaya't kinuha ni Boaz si Ruth. Siya'y naging kanyang asawa; at siya'y sumiping sa kanya, pinagdalang-tao siya ng Panginoon, at siya'y nanganak ng isang lalaki.

14 Sinabi ng mga babae kay Naomi, “Purihin ang Panginoon na hindi ka pinabayaan sa araw na ito na mawalan ng isang malapit na kamag-anak. Maging bantog nawa ang kanyang pangalan sa Israel.

15 Siya sa iyo'y magiging tagapagpanumbalik ng buhay, at tagapag-alaga sa iyong katandaan; sapagkat ang iyong manugang na babae na nagmamahal sa iyo, na para sa iyo ay higit pa kaysa pitong anak na lalaki, ay nagsilang sa kanya.”

16 Kinuha ni Naomi ang bata, inihilig sa kanyang kandungan, at siya'y naging tagapag-alaga nito.

17 Binigyan ng pangalan ang bata ng mga babaing kanyang kapitbahay, na sinasabi, “May isang lalaki na ipinanganak kay Naomi.” At tinawag nila ang pangalan niya na Obed. Siya ang ama ni Jesse na ama ni David.”

18 Ito ang mga salinlahi ni Perez: naging anak ni Perez si Hesron;

19 naging anak ni Hesron si Ram, naging anak ni Ram si Aminadab;

20 naging anak ni Aminadab si Naashon, naging anak ni Naashon si Salmon:

21 naging anak ni Salmon si Boaz, naging anak ni Boaz si Obed;

22 naging anak ni Obed si Jesse, at naging anak ni Jesse si David.

Si Elkana at ang Kanyang Sambahayan sa Shilo

May isang lalaking taga-Ramataim-zofim sa lupaing maburol ng Efraim na ang pangalan ay Elkana na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Tohu, na anak ni Zuf na Efraimita.

Siya'y may dalawang asawa. Ang pangalan ng isa'y Ana at ang isa pa ay Penina. Si Penina ay may mga anak ngunit si Ana ay walang anak.

Ang lalaking ito ay pumupunta taun-taon mula sa kanyang lunsod upang sumamba at maghandog sa Panginoon ng mga hukbo sa Shilo, na doon ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ay mga pari ng Panginoon.

Kapag dumarating ang araw na si Elkana ay naghahandog, kanyang binibigyan ng mga bahagi si Penina na kanyang asawa at ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae;

ngunit si Ana ay binibigyan niya ng dobleng bahagi sapagkat minamahal niya si Ana, kahit na sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.

Siya ay labis na ginagalit ng kanyang kaagaw upang inisin siya, sapagkat sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.

Gayon ang nangyayari taun-taon. Tuwing pupunta siya sa bahay ng Panginoon ay ginagalit niya si Ana. Kaya't si Ana ay tumangis at ayaw kumain.

Sinabi ni Elkana na kanyang asawa, “Ana, bakit ka umiiyak? Bakit hindi ka kumakain? At bakit nalulungkot ang iyong puso? Hindi ba ako'y higit pa sa iyo kaysa sampung anak?”

Si Ana at Eli

Tumindig si Ana, pagkatapos na sila'y makakain at makainom sa Shilo. Noon, si Eli na pari ay nakaupo sa upuan niya sa tabi ng haligi ng pintuan ng templo ng Panginoon.

10 Si Ana[r] ay labis na nabagabag at nanalangin sa Panginoon.

11 Siya'y(L) gumawa ng ganitong panata: “O Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong titingnan ang pagdurusa ng iyong lingkod, at aalalahanin ako at hindi kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa Panginoon sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo.”

12 Habang siya'y patuloy sa pananalangin sa harapan ng Panginoon, pinagmamasdan ni Eli ang kanyang bibig.

13 Si Ana ay tahimik na nananalangin; tanging ang kanyang mga labi ang gumagalaw, ngunit ang kanyang tinig ay hindi naririnig. Kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing.

14 Kaya't sinabi ni Eli sa kanya, “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak.”

15 Ngunit sumagot si Ana, “Hindi, panginoon ko. Ako'y isang babaing lubhang naguguluhan. Hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng Panginoon.

16 Huwag mong ituring na babaing hamak ang iyong lingkod, sapagkat ako'y nagsasalita mula sa aking malaking pagkabalisa at pagkayamot.”

17 Nang magkagayo'y sumagot si Eli at sinabi, “Humayo kang payapa at ipagkaloob nawa sa iyo ng Diyos ng Israel ang kahilingan na idinulog mo sa kanya.”

18 At sinabi niya, “Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin.” Sa gayo'y nagpatuloy ng kanyang lakad ang babae at kumain, at ang kanyang mukha'y hindi na malungkot.

Ipinanganak at Itinalaga si Samuel

19 Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa Panginoon, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng Panginoon.

20 Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel.[s] Sapagkat sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”

21 At ang lalaking si Elkana at ang buong sambahayan niya ay naglakbay upang maghandog sa Panginoon ng taunang alay at upang tuparin ang kanyang panata.

22 Ngunit si Ana ay hindi naglakbay sapagkat sinabi niya sa kanyang asawa, “Sa sandaling ang bata'y maihiwalay sa pagsuso ay dadalhin ko siya upang siya'y humarap sa Panginoon, at manatili roon magpakailanman.”

23 Sinabi sa kanya ni Elkana na kanyang asawa, “Gawin mo ang inaakala mong pinakamabuti sa iyo. Maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa pagsuso; lamang, nawa'y pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita.” Kaya't nanatili ang babae at inalagaan ang kanyang anak hanggang sa kanyang naihiwalay siya sa pagsuso.

24 Nang kanyang maihiwalay na siya sa pagsuso, kanyang isinama siya na may dalang tatlong guyang lalaki, at isang efang harina, at alak sa isang sisidlang balat; at kanyang dinala siya sa bahay ng Panginoon sa Shilo; at ang anak ay bata pa.

25 Pagkatapos ay kanilang pinatay ang guyang lalaki at dinala ang bata kay Eli.

26 Sinabi niya, “O panginoon ko! Habang ikaw ay buháy, aking panginoon, ako ang babaing nakatayo noon sa iyong harapan na dumadalangin sa Panginoon.

27 Dahil sa batang ito ako ay nanalangin, at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking kahilingan na idinulog sa kanya.

28 Kaya't ipinapahiram ko siya sa Panginoon; habang siya'y nabubuhay, siya ay ipinahiram sa Panginoon.” At doon ay sumamba siya sa Panginoon.

Nanalangin si Ana

Si(M) Ana ay nanalangin din at sinabi,

“Nagagalak ang aking puso sa Panginoon;
    ang aking lakas ay itinataas sa Panginoon.
Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway;
    sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan.
“Walang banal na gaya ng Panginoon;
    sapagkat walang iba maliban sa iyo,
    walang batong gaya ng aming Diyos.
Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan;
    huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman,
    at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang.
Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan,
    ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan.
Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay;
    subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam.
Ang baog ay pito ang isinilang,
    ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw.
Ang Panginoon ay pumapatay at bumubuhay;
    siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon.
Ang Panginoon ay nagpapadukha at nagpapayaman;
    siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal.
Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
    itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno,
    at magmana ng trono ng karangalan.
Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon,
    at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan.
“Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal;
    ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman;
    sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay.
10 Ang mga kaaway ng Panginoon ay madudurog;
    laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog.
Hahatulan ng Panginoon ang mga dulo ng lupa;
    bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari,
    at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang.”

11 Pagkatapos si Elkana ay umuwi sa Rama. At ang batang lalaki ay naglingkod sa Panginoon sa harapan ni Eli na pari.

Ang mga Anak ni Eli

12 Ngayon, ang mga anak ni Eli ay mga lapastangan; wala silang pakundangan sa Panginoon,

13 o sa mga katungkulan ng mga pari sa mga taong-bayan. Kapag ang sinuma'y naghahandog ng alay, lumalapit ang lingkod ng pari habang ang laman ay pinakukuluan na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong pantusok.

14 Ilalagay niya ito sa kawali, o sa kawa, o sa kaldero, o sa palayok at lahat ng mahahango ng pantusok ay kukunin ng pari para sa kanyang sarili. Gayon ang ginagawa nila sa Shilo sa lahat ng mga Israelitang nagpupunta roon.

15 Bukod dito, bago nila sunugin ang taba, lalapit ang lingkod ng pari at sasabihin sa lalaking naghahandog, “Bigyan mo ng maiihaw na laman ang pari, sapagkat hindi siya tatanggap mula sa iyo ng lutong laman, kundi hilaw.”

16 Kung sabihin ng lalaki sa kanya, “Sunugin muna nila ang taba at saka ka kumuha ng gusto mo,” ay sasabihin niya, “Hindi, dapat mong ibigay na ngayon; at kung hindi, ay kukunin ko nang sapilitan.”

17 Kaya't ang kasalanan ng mga kabataang iyon ay napakalaki sa harap ng Panginoon; sapagkat winalang kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.

Si Samuel sa Shilo

18 Si Samuel ay naglilingkod sa harap ng Panginoon, isang batang may bigkis na linong efod.

19 At iginagawa siya noon ng kanyang ina ng isang munting balabal at dinadala sa kanya taun-taon, kapag siya'y umaahong kasama ng kanyang asawa upang maghandog ng taunang alay.

20 Binabasbasan naman ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa at sinasabi, “Bigyan ka nawa ng Panginoon ng binhi sa babaing ito para sa kahilingan na kanyang hiniling sa Panginoon.”[t] Pagkatapos sila'y umuuwi sa kanilang sariling bahay.

21 Dinalaw ng Panginoon si Ana at siya'y naglihi, at nagkaanak ng tatlong lalaki at dalawang babae. At ang batang si Samuel ay lumaki sa harapan ng Panginoon.

Si Eli at ang Kanyang mga Anak

22 Ngayon si Eli ay napakatanda na. Kanyang nabalitaan ang lahat ng ginagawa ng kanyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng toldang tipanan.

23 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginagawa ang mga gayong bagay? Sapagkat nababalitaan ko sa buong bayan ang inyong masasamang gawain.

24 Huwag, mga anak ko; sapagkat hindi mabuting balita ang naririnig ko na ikinakalat ng bayan ng Panginoon.

25 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa isang tao, ang Diyos ay mamamagitan para sa kanya; ngunit kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan para sa kanya?” Subalit ayaw nilang pakinggan ang tinig ng kanilang ama, sapagkat kalooban ng Panginoon na patayin sila.

26 Ang(N) batang si Samuel ay patuloy na lumaki sa pangangatawan at gayundin sa pagbibigay-lugod sa Panginoon at sa mga tao.

Ang Propesiya Laban sa Sambahayan ni Eli

27 Dumating kay Eli ang isang tao ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ipinahayag ko ang aking sarili sa sambahayan ng iyong ama nang sila'y nasa Ehipto, nang sila'y mga alipin sa sambahayan ni Faraon.

28 Pinili(O) ko siya mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging pari ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng insenso, at magsuot ng efod sa harap ko. Ibinigay ko sa sambahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy.

29 Bakit niyuyurakan ninyo ang aking mga alay at ang aking handog na aking iniutos, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak nang higit kaysa akin, upang kayo'y magpakataba sa mga pinakapiling bahagi sa bawat handog ng Israel na aking bayan?’

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001