Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 22:19 - 1 Mga Hari 7:37

19 Sila'y dumating sa akin sa araw ng aking kapahamakan,
    ngunit ang Panginoon ay siya kong sanggalang.
20 Dinala niya ako sa isang malawak na dako;
    sapagkat siya'y nalulugod sa akin, iniligtas niya ako.

21 “Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay kanya akong ginantihan.
22 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
    at mula sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
23 Sapagkat ang lahat niyang batas ay nasa aking harapan,
    at mula sa kanyang mga tuntunin ay hindi ako humiwalay.
24 Ako'y walang kapintasan sa harapan niya,
    at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
25 Kaya't ginantihan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
    ayon sa aking kalinisan sa kanyang harapan.

26 “Sa tapat ay nagpapakita ka ng katapatan;
    sa taong walang kapintasan ay nagpapakita ka ng pagiging walang kapintasan;
27 sa dalisay ay magpapakita ka ng kadalisayan;
    at sa mga liko ay magpapakita ka ng kalikuan.
28 Inililigtas mo ang isang bayang mapagpakumbaba,
    ngunit ang iyong mga mata ay nasa mga mapagmataas upang sila'y iyong maibaba.
29 Oo, ikaw ang aking ilawan, O Panginoon:
    at tinatanglawan ng aking Diyos ang aking kadiliman.
30 Oo, sa pamamagitan mo ang isang pangkat ay aking mapupuksa,
    at sa pamamagitan ng aking Diyos ay aking malulukso ang isang kuta.
31 Ang Diyos na ito—sakdal ang kanyang daan;
    ang pangako ng Panginoon ay subok na tunay;
    sa lahat ng kumakanlong sa kanya, siya'y pananggalang.

32 “Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
    At sino ang malaking bato, liban sa ating Diyos?
33 Ang Diyos ay aking matibay na tanggulan,
    at ginawa niyang ligtas ang aking daan.
34 Ginawa(A) niyang gaya ng sa mga usa ang mga paa ko;
    at pinatatag niya ako sa matataas na dako.
35 Kanyang sinasanay ang aking mga kamay sa pakikidigma.
    upang mabaluktot ng aking mga kamay ang tansong pana.
36 Binigyan mo ako ng kalasag ng iyong kaligtasan,
    at pinadakila ako ng iyong kaamuan.[a]
37 Binigyan mo ng malawak na dako, ang aking mga hakbang sa ilalim ko,
    at ang aking mga paa ay hindi nadulas;
38 Tinugis ko ang aking mga kaaway at pinuksa sila,
    at hindi ako bumalik hanggang sa sila'y nalipol.
39 Nilipol ko sila; inulos ko, anupa't sila'y hindi nakabangon;
    sila'y nabuwal sa paanan ko.
40 Sapagkat ako'y binigkisan mo ng lakas para sa pakikipaghamok,
    ang aking mga kaaway, sa ilalim ko ay iyong pinalubog.
41 Iyong pinatalikod sa akin ang mga kaaway ko,
    yaong mga napopoot sa akin, at sila'y pinuksa ko.
42 Sila'y tumingin, ngunit walang magliligtas;
    sila'y dumaing sa Panginoon, ngunit sila'y hindi niya tinugon.
43 Binayo ko silang gaya ng alabok sa lupa;
    dinurog ko sila at niyurakang gaya ng putik sa mga lansangan.

44 “Iniligtas mo ako sa mga alitan sa aking bayan;
    iningatan mo ako bilang puno ng mga bansa;
    naglingkod sa akin ang mga taong hindi ko kilala.
45 Ang mga dayuhan ay dumating na sumusuko sa akin,
    pagkarinig nila sa akin, sila'y sumunod sa akin.
46 Ang mga dayuhan ay nanlulupaypay,
    at lumabas na nanginginig mula sa kanilang mga kublihan.

47 “Ang Panginoon ay buháy; at ang aking malaking bato'y papurihan;
    at dakilain ang Diyos, ang malaking bato ng aking kaligtasan,
48 ang Diyos na ipinaghiganti ako
    ang mga bayan ay inilagay sa ilalim ko,
49 na siyang naglabas sa akin mula sa aking mga kaaway;
    sa ibabaw ng aking mga kaaway ako'y iyong tinanghal,
    iniligtas mo ako sa mga taong mahilig sa karahasan.

50 “Dahil(B) dito'y pupurihin kita, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
    at aawitan ko ang iyong pangalan ng mga pagdakila.
51 Dakilang pagtatagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay,[b]
    at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang hinirang,[c]
    kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.”

Mga Huling Salita ni David

23 Ngayon, ito ang mga huling salita ni David:

Ang mga sinabi ni David na anak ni Jesse,
    ang sinabi ng lalaking inilagay sa itaas,
ang hinirang[d] ng Diyos ni Jacob,
    ang matamis na mang-aawit ng Israel:

“Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsasalita sa pamamagitan ko,
    ang kanyang salita ay nasa aking dila.
Ang Diyos ng Israel ay nagsalita,
    sinabi sa akin ng Malaking Bato ng Israel:
Kapag ang isang tao ay may katarungang namumuno sa mga tao,
    na namumunong may takot sa Diyos,
siya'y sisikat sa kanila gaya ng liwanag sa umaga,
    gaya ng araw na sumisikat sa isang umagang walang ulap,
    gaya ng ulan na nagpapasibol ng damo sa lupa.

Hindi ba't ang aking sambahayan ay natatag nang gayon sa harapan ng Diyos?
    Sapagkat siya'y nakipagtipan sa akin ng isang walang hanggang tipan,
    maayos sa lahat ng mga bagay at matatag.
Sapagkat hindi ba niya pasasaganain
    lahat ng aking tulong at aking nais?
Ngunit ang mga taong masasama ay gaya ng mga tinik na itinatapon;
    sapagkat sila ay hindi makukuha ng kamay;
ngunit ang taong humihipo sa kanila,
    ay nagsasandata ng bakal at ng puluhan ng sibat;
    at sila'y lubos na tinutupok ng apoy.”

Ito ang mga pangalan ng mga mandirigma ni David: Si Josheb-bashebet na Takemonita, na pinuno ng mga kapitan;[e] ginamit niya ang kanyang sibat sa walong daan na pinatay niya nang minsanan.

At kasunod niya sa tatlong magigiting na mandirigma ay si Eleazar, na anak ni Dodo, na anak ng isang Ahohita. Siya ay kasama ni David nang hamunin nila ang mga Filisteo na nagkakatipon doon upang makipaglaban, at ang mga tauhan ng Israel ay umalis.

10 Siya'y bumangon at nilabanan ang mga Filisteo hanggang sa ang kanyang kamay ay nangalay, at ang kanyang kamay ay dumikit sa tabak; at ang Panginoon ay gumawa ng dakilang pagtatagumpay sa araw na iyon; at ang hukbo ay bumalik na kasunod niya, upang manamsam lamang sa mga napatay.

11 At kasunod niya'y si Shammah na anak ni Age, na Hararita. Ang mga Filisteo ay nagtipun-tipon sa Lehi, na kinaroroonan ng isang pirasong lupa na punô ng lentehas; at ang mga tauhan ay tumakas sa mga Filisteo.

12 Ngunit siya'y nanatili sa gitna ng taniman at ipinagtanggol ito, at pinatay ang mga Filisteo; at ang Panginoon ay gumawa ng isang dakilang tagumpay.

13 At tatlo sa tatlumpung pinuno ay lumusong at pumunta kay David sa panahon ng pag-aani sa yungib ng Adullam nang ang isang pulutong ng mga Filisteo ay nakahimpil sa libis ng Refaim.

14 Si David noon ay nasa kuta, at ang pulutong noon ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem.

15 May pananabik na sinabi ni David, “O may magbigay sana sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan!”

16 At ang tatlong mandirigma ay pumasok sa kampo ng mga Filisteo, at umigib ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan, kumuha ng tubig at dinala kay David. Ngunit ayaw niyang inumin iyon, kundi kanyang ibinuhos na alay sa Panginoon,

17 at kanyang sinabi, “Malayo nawa sa akin, O Panginoon, na aking gawin ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaki na pumaroon at itinaya ang kanilang buhay?” Kaya't ayaw niya itong inumin. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong mandirigma.

18 At si Abisai, na kapatid ni Joab, na anak ni Zeruia ay pinuno ng tatlumpu.[f] At kanyang ginamit ang kanyang sibat laban sa tatlong daan at kanyang pinatay sila, at nagkamit ng pangalan bukod sa tatlo.

19 Siya ang pinakabantog sa tatlumpu,[g] at naging kanilang pinuno; subalit hindi siya umabot sa tatlo.

20 Si Benaya, na anak ni Jehoiada ay isang matapang na lalaki na taga-Kabzeel, isang gumagawa ng mga dakilang gawa; na kanyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel[h] ng Moab. Siya'y lumusong din at pumatay ng isang leon sa isang hukay nang araw na bumagsak ang niyebe.

21 Siya'y pumatay ng isang Ehipcio na isang magandang lalaki. Ang Ehipcio ay may sibat sa kanyang kamay; ngunit si Benaya ay lumusong sa kanya na may tungkod, at inagaw niya ang sibat sa kamay ng Ehipcio, at kanyang pinatay siya ng kanyang sariling sibat.

22 Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaya, na anak ni Jehoiada, at nagkamit ng pangalan bukod sa tatlong magigiting na mandirigma.

23 Siya'y bantog sa tatlumpu, ngunit hindi siya umabot sa tatlo. At inilagay siya ni David na pinuno sa kanyang bantay.

24 At si Asahel na kapatid ni Joab ay isa sa tatlumpu; si Elhanan na anak ni Dodo, na taga-Bethlehem,

25 si Shammah na Harodita, si Elica na Harodita,

26 si Heles na Paltita, si Ira na anak ni Ikkes na Tekoita,

27 si Abiezer na Anatotita, si Mebunai na Husatita,

28 si Zalmon na Ahohita, si Maharai na Netofatita,

29 si Heleb na anak ni Baana, na Netofatita, si Itai na anak ni Ribai, na taga-Gibea, sa mga anak ni Benjamin,

30 si Benaya na Piratonita, si Hiddai sa mga batis ng Gaas,

31 si Abialbon na Arbatita, si Azmavet ng Bahurim,

32 si Eliaba ng Saalbon, ang mga anak ni Jassen, si Jonathan,

33 si Shammah na Hararita, si Ahiam na anak ni Sarar, na Hararita,

34 si Elifelet na anak ni Asbai, na anak ni Maaca, si Eliam na anak ni Ahitofel ng Gilo,

35 si Hesrai ng Carmel, si Farai na Arbita;

36 si Igal na anak ni Natan na taga-Soba, si Bani na Gadita,

37 si Selec na Ammonita, si Naharai ng Beerot, na mga tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruia;

38 si Ira na Itreo, si Gareb na Itreo,

39 si Urias na Heteo: silang lahat ay tatlumpu't pito.

Binilang ni David ang Bayan(C)

24 Ang galit ng Panginoon ay muling nagningas laban sa Israel, at kanyang kinilos si David laban sa kanila, na sinasabi, “Humayo ka at bilangin mo ang Israel at Juda.”

Kaya't sinabi ng hari kay Joab na pinuno ng hukbo, na kasama niya, “Pumaroon ka sa lahat ng mga lipi ng Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at bilangin ninyo ang bayan upang aking malaman ang bilang ng bayan.”

Ngunit sinabi ni Joab sa hari, “Nawa'y dagdagan ng Panginoon mong Diyos ang bayan ng ilang daang ulit pa kaysa bilang nila, habang nakikita ito ng mga mata ng aking panginoong hari; ngunit bakit nalulugod ang panginoon kong hari sa bagay na ito?”

Ngunit ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab, at laban sa mga puno ng hukbo. Kaya't si Joab at ang mga pinuno ng hukbo ay lumabas mula sa harapan ng hari upang bilangin ang bayan ng Israel.

Sila'y tumawid ng Jordan, nagsimula sa Aroer at mula sa lunsod na nasa gitna ng libis, patungo sa Gad hanggang sa Jazer.

At dumating sila sa Gilead, at sa Kadesh sa lupain ng mga Heteo; dumating sila sa Dan, at mula sa Dan ay lumibot sila sa Sidon.

Dumating sila sa kuta ng Tiro, at sa lahat ng mga lunsod ng mga Heveo at mga Cananeo; at sila'y lumabas sa Negeb ng Juda sa Beer-seba.

Kaya't nang mapuntahan na nila ang buong lupain, sila ay dumating sa Jerusalem sa katapusan ng siyam na buwan at dalawampung araw.

At ibinigay ni Joab sa hari ang kabuuang bilang ng bayan sa Israel na may walong daang libong matapang na lalaki na humahawak ng tabak; at ang mga kalalakihan sa Juda ay limang daang libo.

10 Ngunit naligalig ang puso ni David pagkatapos na mabilang niya ang taong-bayan. At sinabi ni David sa Panginoon, “Ako'y nagkasala ng malaki sa aking ginawa. Ngunit ngayo'y isinasamo ko sa iyo Panginoon, na iyong pawiin ang kasamaan ng iyong lingkod; sapagkat aking ginawa ng buong kahangalan.”

11 Nang bumangon si David sa kinaumagahan, ang salita ng Panginoon ay dumating kay propeta Gad na tagakita ni David, na sinasabi,

12 “Humayo ka at sabihin mo kay David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Tatlong bagay ang iniaalok ko sa iyo. Pumili ka ng isa sa mga iyon upang aking gawin sa iyo.’”

13 Kaya't pumaroon si Gad kay David, at sinabi sa kanya, “Darating ba sa iyo ang pitong taong taggutom sa iyong lupain? O tatakas ka ba ng tatlong buwan sa harapan ng iyong mga kaaway samantalang tinutugis ka nila? O magkakaroon ba ng tatlong araw na pagkasalot sa iyong lupain? Ngayo'y isaalang-alang mo, at ipasiya mo kung anong kasagutan ang aking ibabalik sa kanya na nagsugo sa akin.”

14 At sinabi ni David kay Gad, “Ako'y lubhang nababalisa; hayaang mahulog tayo ngayon sa kamay ng Panginoon, sapagkat malaki ang kanyang kaawaan; ngunit huwag mo akong hayaang mahulog sa kamay ng tao.”

Ipinadala ang Salot

15 Sa gayo'y nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel mula sa umaga hanggang sa takdang panahon. At ang namatay sa bayan mula sa Dan hanggang sa Beer-seba ay pitumpung libong lalaki.

16 Nang iunat ng anghel ang kanyang kamay paharap sa Jerusalem upang wasakin ito, ikinalungkot ng Panginoon ang kasamaan, at sinabi sa anghel na gumagawa ng pagpuksa sa bayan, “Tama na; ngayo'y itigil mo na ang iyong kamay.” At ang anghel ng Panginoon ay nasa may giikan ni Arauna na Jebuseo.

17 Pagkatapos ay nagsalita si David sa Panginoon nang kanyang makita ang anghel na pumuksa sa bayan, at sinabi, “Ako'y nagkasala, at ako'y gumawa ng kasamaan; ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Isinasamo ko sa iyo na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sambahayan ng aking ama.”

18 At si Gad ay dumating nang araw na iyon kay David at sinabi sa kanya, “Umahon ka, magtayo ka ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Arauna na Jebuseo.”

19 Umahon si David ayon sa sinabi ni Gad, tulad ng iniutos ng Panginoon.

20 Nang tumanaw si Arauna, nakita niya ang hari at ang kanyang mga lingkod na papalapit sa kanya. Si Arauna ay lumabas at patirapang nagbigay-galang sa hari.

21 Sinabi ni Arauna, “Bakit ang aking panginoong hari ay naparito sa kanyang lingkod?” At sinabi ni David, “Upang bilhin ang iyong giikan, para mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon, upang ang salot ay maiiwas sa bayan.”

22 At sinabi ni Arauna kay David, “Kunin nawa ng aking panginoong hari at ihandog kung ano ang inaakala niyang mabuti. Narito ang mga baka para sa handog na sinusunog, at ang mga kagamitan sa giikan at ang mga pamatok ng mga baka bilang panggatong.

23 Ang lahat ng ito, O hari, ay ibinibigay ni Arauna sa hari.” At sinabi ni Arauna sa hari, “Tanggapin ka nawa ng Panginoon mong Diyos.”

24 Ngunit sinabi ng hari kay Arauna, “Hindi, kundi bibilhin ko ito sa iyo sa halaga. Hindi ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon kong Diyos nang hindi ko ginugulan ng anuman.” Sa gayo'y binili ni David ang giikan at ang mga baka ng limampung siklong pilak.

25 At nagtayo roon si David ng isang dambana sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan. Sa gayo'y dininig ng Panginoon ang mga dalangin para sa lupain, at ang salot ay lumayo sa Israel.

Si David sa Kanyang Katandaan

Si Haring David ay matanda na at mahaba na rin ang buhay at kahit kanilang lagyan siya ng mga kumot, siya'y hindi naiinitan.

Kaya't sinabi ng mga lingkod niya sa kanya, “Ihanap ang aking panginoong hari ng isang dalaga at maglingkod siya sa harap ng hari, at kanyang alagaan siya; at mahiga siya sa iyong kandungan, upang ang aking panginoong hari ay mainitan.”

Kaya't kanilang inihanap siya ng isang magandang dalaga sa buong nasasakupan ng Israel, at natagpuan si Abisag na Sunamita, at dinala siya sa hari.

Ang dalaga ay napakaganda at siya ang naging tagapag-alaga ng hari at naglingkod sa kanya; ngunit hindi siya nakilala ng hari.

Si Adonias ay Nagtangkang Maging Hari

Samantala,(D) nagmataas si Adonias na anak ni Hagit, na nagsabi, “Ako'y magiging hari.” At siya'y naghanda ng mga karwahe at mga mangangabayo, at limampung lalaking tatakbo sa unahan niya.

Hindi siya kailanman pinagdamdam ng kanyang ama sa pagsasabing, “Bakit ka gumawa ng ganyan?” Siya rin ay napakagandang lalaki at ipinanganak kasunod ni Absalom.

Siya'y nakipag-usap kay Joab na anak ni Zeruia, at kay Abiatar na pari, at kanilang tinulungan si Adonias.

Ngunit si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, si Natan na propeta, si Shimei, si Rei, at ang magigiting na mandirigma ni David ay hindi pumanig kay Adonias.

Naghandog si Adonias ng mga tupa, mga baka at ng mga pinatabang hayop sa bato ng Zohelet,[i] na nasa tabi ng En-rogel, at kanyang inanyayahan ang lahat ng kanyang kapatid na mga anak na lalaki ng hari, at ang lahat ng lalaki sa Juda na mga lingkod ng hari.

10 Ngunit si Natan na propeta, si Benaya, at ang magigiting na mandirigma at si Solomon na kanyang kapatid ay hindi niya inanyayahan.

11 Nang(E) magkagayo'y sinabi ni Natan kay Batseba na ina ni Solomon, “Hindi mo ba nabalitaan na si Adonias na anak ni Hagit ay siya ngayong hari at ito ay hindi nalalaman ni David na ating panginoon?

12 Pumarito ka ngayon at papayuhan kita upang mailigtas mo ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Solomon.

13 Pumunta ka agad kay Haring David, at sabihin mo sa kanya, ‘Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono? Kung gayo'y bakit si Adonias ang hari?’

14 Samantalang nagsasalita ka pa sa hari ay papasok ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.”

Tumutol si Batseba

15 Kaya't pinasok ni Batseba ang hari sa silid; (noon ang hari ay lubhang matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nag-aalaga sa hari.)

16 Si Batseba ay yumukod at nagbigay-galang sa hari. At sinabi ng hari, “Anong ibig mo?”

17 Sinabi niya sa kanya, “Panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod sa pamamagitan ng Panginoon mong Diyos na sinasabi, ‘Tunay na si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono.’

18 At ngayo'y si Adonias ay naging hari bagaman hindi mo ito nalalaman, panginoon kong hari.

19 Siya'y nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at si Abiatar na pari, at si Joab na puno ng hukbo; ngunit si Solomon na iyong lingkod ay hindi niya inanyayahan.

20 Panginoon kong hari, ang paningin[j] ng buong Israel ay nakatuon sa iyo, upang iyong sabihin sa kanila kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkamatay niya.

21 Kung hindi, mangyayari na kapag ang aking panginoong hari ay natutulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ako at ang aking anak na si Solomon ay mabibilang sa mga may sala.”

Sinang-ayunan ni Natan si Batseba sa Pagtutol

22 Samantalang siya'y nakikipag-usap pa sa hari, pumasok si Natan na propeta.

23 Kanilang isinaysay sa hari, na sinasabi, “Narito si Natan na propeta.” Nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod na ang kanyang mukha ay nasa lupa.

24 At sinabi ni Natan, “Panginoon kong hari, iyo bang sinabi, ‘Si Adonias ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono’?

25 Sapagkat siya'y lumusong nang araw na ito, at nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, at ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at ang mga pinuno ng hukbo, at si Abiatar na pari; at narito, sila'y nagkakainan at nag-iinuman sa harap niya at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonias!’

26 Ngunit akong iyong lingkod, si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, at ang iyong lingkod na si Solomon ay hindi niya inanyayahan.

27 Ang bagay bang ito ay ginawa ng aking panginoong hari, at hindi mo ipinaalam sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkatapos niya?”

28 Nang magkagayo'y sumagot si Haring David, “Papuntahin ninyo sa akin si Batseba.” At siya'y pumasok at tumayo sa harap ng hari.

29 Sumumpa ang hari na nagsasabi, “Habang nabubuhay ang Panginoon na tumubos ng aking kaluluwa mula sa lahat ng kagipitan,

30 kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sinasabi, ‘Si Solomon na iyong anak ang maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono na kahalili ko;’ katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.”

31 Nang magkagayo'y iniyukod ni Batseba ang kanyang mukha sa lupa, at nagbigay-galang sa hari, at nagsabi, “Mabuhay magpakailanman ang aking panginoon na haring si David!”

Si Solomon ay Binuhusan ng Langis Upang Maging Hari

32 Sinabi ni Haring David, “Tawagin ninyo sa akin si Zadok na pari, at si Natan na propeta, at si Benaya na anak ni Jehoiada.” At sila'y pumasok sa harap ng hari.

33 At sinabi ng hari sa kanila, “Isama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Solomon sa aking sariling mola, at ilusong ninyo siya sa Gihon.

34 Doon ay buhusan siya ng langis ni Zadok na pari at ni Natan na propeta upang siya'y maging hari sa Israel; at kayo'y humihip ng trumpeta at inyong sabihin, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’

35 Pagkatapos ay aahon kayong kasunod niya; siya'y paparito at uupo sa aking trono, sapagkat siya'y magiging hari na kapalit ko. Itinalaga ko siyang maging pinuno sa Israel at sa Juda.”

36 At si Benaya na anak ni Jehoiada ay sumagot sa hari, “Amen! Nawa ang Panginoon, ang Diyos ng aking panginoong hari ay magsabi ng gayon.

37 Kung paanong ang Panginoon ay sumama sa aking panginoong hari ay gayundin nawa niya samahan si Solomon, at gawin nawa ang kanyang trono na lalong dakila kaysa trono ng aking panginoong haring si David.”

38 Sa gayo'y si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo, at ang mga Peleteo ay lumusong at pinasakay si Solomon sa mola ni Haring David, at dinala siya sa Gihon.

39 Kinuha ni Zadok na pari ang sungay na sisidlan ng langis mula sa Tolda, at binuhusan ng langis si Solomon. Pagkatapos sila'y humihip ng trumpeta, at ang buong bayan ay nagsabi, “Mabuhay si Haring Solomon!”

40 At ang buong bayan ay umahong kasunod niya na humihihip ng mga plauta at nagagalak ng malaking kagalakan kaya't ang lupa ay nayanig dahil sa kanilang ingay.

41 Narinig ito ni Adonias at ng lahat ng panauhing kasama niya pagkatapos nilang makakain. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta ay kanyang sinabi, “Anong kahulugan ng pagkakaingay na ito sa lunsod?”

42 Samantalang siya'y nagsasalita pa, si Jonathan na anak ni Abiatar na pari ay dumating. Sinabi ni Adonias, “Pumasok ka, sapagkat ikaw ay taong karapat-dapat, at nagdadala ka ng mabuting balita.”

43 Si Jonathan ay sumagot kay Adonias, “Hindi! Sa katunayan, ginawang hari si Solomon ng ating panginoong haring si David.

44 Sinugo ng hari na kasama niya si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo at ang mga Peleteo at kanilang pinasakay siya sa mola ng hari.

45 Siya'y binuhusan ng langis bilang hari ni Zadok na pari at ni Natan na propeta sa Gihon. Sila'y umahong galak na galak mula roon, kaya't ang lunsod ay nagkakagulo. Ito ang ingay na iyong narinig.

46 Si Solomon ngayon ay nakaupo sa trono ng hari.

47 Bukod dito, ang mga lingkod ng hari ay pumaroon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsasabi, ‘Gawin nawa ng iyong Diyos ang pangalan ni Solomon na higit na tanyag kaysa iyong pangalan, at gawin ang kanyang trono na lalong dakila kaysa iyong trono.’ At ang hari ay yumukod sa kanyang higaan.

48 Ganito pa ang sinabi ng hari, ‘Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na siyang nagpahintulot sa akin na ang isa sa aking mga supling ay makaupo sa aking trono na nakikita ng aking mga mata.’”

Si Adonias ay Natakot

49 At ang lahat ng panauhin ni Adonias ay natakot at tumindig, at humayo ang bawat isa sa kanyang sariling lakad.

50 Natakot si Adonias kay Solomon at siya'y tumindig at humayo, at humawak sa mga sungay ng dambana.

51 Ipinaalam kay Solomon, “Si Adonias ay natatakot sa Haring Solomon, sapagkat siya'y humawak sa mga sungay ng dambana, na nagsasabi, ‘Isumpa ng Haring Solomon sa akin sa araw na ito na hindi niya papatayin ng tabak ang kanyang lingkod.’”

52 Sinabi ni Solomon, “Kung siya'y magpapakilala bilang taong karapat-dapat ay walang malalaglag sa lupa na isa mang buhok niya, ngunit kung kasamaan ang matagpuan sa kanya, siya'y mamamatay.”

53 Sa gayo'y nagsugo si Haring Solomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay-galang kay Haring Solomon; at sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka sa iyong bahay.”

Ang Huling Habilin ni David kay Solomon

Nang malapit na ang oras ng pagkamatay ni David, nagbilin siya ng ganito kay Solomon na kanyang anak:

“Ako'y patungo na sa daan ng buong lupa. Magpakalakas ka at magpakalalaki;

at ingatan mo ang bilin ng Panginoon mong Diyos. Lumakad ka sa kanyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga tuntunin, mga utos, mga batas, at mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay magtagumpay sa lahat ng iyong ginagawa, at maging saan ka man bumaling.

Upang pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita na kanyang sinabi tungkol sa akin, na sinasabi, ‘Kung ang iyong mga anak ay mag-iingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko na may katapatan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka mawawalan ng lalaki sa trono ng Israel.’

“Bukod(F) dito'y alam mo rin ang ginawa ni Joab na anak ni Zeruia sa akin, ang ginawa niya sa dalawang pinuno ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jeter na kanyang pinaslang at nagpadanak ng dugo ng digmaan sa kapayapaan. At kanyang inilagay ang dugo ng digmaan sa kanyang sinturon na nasa kanyang baywang at sa loob ng kanyang mga sandalyas na nasa kanyang mga paa.

Kaya't kumilos ka ayon sa iyong karunungan, at huwag mong hayaang ang kanyang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol.

Ngunit(G) pagpakitaan mo ng kagandahang-loob ang mga anak ni Barzilai na Gileadita, at maging kabilang sila sa kumakain sa iyong hapag; sapagkat gayon sila naging tapat sa akin nang ako'y tumakas kay Absalom na iyong kapatid.

Nasa(H) iyo rin si Shimei na anak ni Gera na Benjaminita, na taga-Bahurim, na lumait sa akin ng matindi nang araw na ako'y pumaroon sa Mahanaim, ngunit nang lumusong siya upang salubungin ako sa Jordan, ay isinumpa ko sa kanya sa Panginoon, na sinasabi, ‘Hindi kita papatayin ng tabak.’

Ngayon nga'y huwag mo siyang ituring na walang sala, sapagkat ikaw ay lalaking matalino at malalaman mo kung ano ang dapat gawin sa kanya, at iyong ibababa na may dugo ang kanyang uban sa ulo sa Sheol.”

Namatay si David

10 Pagkatapos, si David ay natulog[k] na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David.

11 Ang(I) mga panahon na naghari si David sa Israel ay apatnapung taon; pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem.

12 At(J) si Solomon ay umupo sa trono ni David na kanyang ama, at ang kanyang kaharian ay matibay na itinatag.

Hiniling ni Adonias na Maging Asawa si Abisag

13 Pagkatapos, si Adonias na anak ni Hagit ay naparoon kay Batseba na ina ni Solomon. Kanyang sinabi, “Naparito ka bang payapa?” At sinabi niya, “Payapa.”

14 Sinabi pa niya, “Mayroon pa akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Sabihin mo.”

15 At kanyang sinabi, “Alam mo na ang kaharian ay naging akin, at umasa ang buong Israel na ako ang maghahari; ngunit ang kaharian ay nagbago, at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ay kanya mula sa Panginoon.

16 Ngayo'y mayroon akong isang kahilingan sa iyo, huwag mo akong tanggihan.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.”

17 At(K) kanyang sinabi, “Ipinapakiusap ko sa iyo na iyong hingin kay Haring Solomon, sapagkat hindi ka niya tatanggihan, na ibigay niya sa akin si Abisag na Sunamita bilang asawa.”

18 Sinabi ni Batseba, “Mabuti; ako'y makikipag-usap sa hari para sa iyo.”

Pinatay si Adonias

19 Kaya't si Batseba ay pumaroon kay Haring Solomon upang ipakiusap sa kanya si Adonias. Tumindig ang hari upang salubungin siya at yumukod siya sa kanya. Pagkatapos ay umupo siya sa kanyang trono, at nagpakuha ng upuan para sa ina ng hari. Si Batseba ay umupo sa kanyang kanan.

20 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako'y may isang munting kahilingan sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” At sinabi ng hari sa kanya, “Hilingin mo, ina ko, sapagkat hindi kita tatanggihan.”

21 Sinabi ni Batseba, “Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na si Adonias.”

22 At si Haring Solomon ay sumagot, at nagsabi sa kanyang ina, “At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonias? Hilingin mo na rin para sa kanya ang kaharian; sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid. At nasa kanyang panig si Abiatar na pari at si Joab na anak ni Zeruia.”

23 Nang magkagayo'y sumumpa si Haring Solomon sa Panginoon, na sinasabi, “Hatulan ako ng Diyos, at lalo na, kung hindi ang buhay ni Adonias ang maging kabayaran sa salitang ito!

24 Ngayon, habang nabubuhay ang Panginoon na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa trono ni David na aking ama, at siyang gumawa para sa akin ng isang bahay, gaya ng kanyang ipinangako, tunay na si Adonias ay papatayin sa araw na ito.”

25 Isinugo ni Haring Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada at kanyang sinunggaban si Adonias[l] at siya'y namatay.

26 Sinabi(L) ng hari kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa Anatot, sa iyong sariling bukid. Ikaw ay karapat-dapat na mamatay, ngunit sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagkat iyong pinasan ang kaban ng Panginoong Diyos sa harap ni David na aking ama, at sapagkat ikaw ay nakibahagi sa lahat ng kahirapan ng aking ama.”

27 Kaya't(M) tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari sa Panginoon, upang kanyang matupad ang salita ng Panginoon, na kanyang sinabi sa Shilo tungkol sa sambahayan ni Eli.

Pinatay si Joab

28 Nang ang balita ay dumating kay Joab, sapagkat si Joab ay kumampi kay Adonias, bagaman hindi siya kumampi kay Absalom, si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng Panginoon, at humawak sa mga sungay ng dambana.

29 Nang ibalita kay Haring Solomon na, “Si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng Panginoon, siya'y nasa tabi ng dambana.” Nang magkagayo'y sinugo ni Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada, na sinasabi, “Humayo ka, sunggaban mo siya.”

30 Si Benaya ay pumunta sa Tolda ng Panginoon, at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Lumabas ka.’” At kanyang sinabi, “Hindi. Dito ako mamamatay.” Muling ipinaabot ni Benaya sa hari ang salita, na sinasabi, “Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin.”

31 Sinabi ng hari sa kanya, “Gawin kung paano ang sinabi niya, at patayin mo siya at ilibing upang iyong maalis ang dugong pinadanak ni Joab nang walang kadahilanan sa akin at sa sambahayan ng aking ama.

32 Ibabalik ng Panginoon ang kanyang madudugong gawa sa kanyang sariling ulo, sapagkat kanyang sinunggaban ang dalawang lalaki na lalong matuwid at mas mabuti kaysa kanya, at pinatay ng tabak, nang hindi nalalaman ng aking amang si David. Siya ay si Abner na anak ni Ner, na pinuno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jeter, na pinuno ng hukbo ng Juda.

33 Kaya't ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kanyang binhi magpakailanman. Ngunit kay David, sa kanyang binhi, at sa kanyang sambahayan, sa kanyang trono ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailanman mula sa Panginoon.”

34 Nang magkagayo'y umahon si Benaya na anak ni Jehoiada, siya'y sinunggaban at pinatay; at siya'y inilibing sa kanyang sariling bahay sa ilang.

35 At inilagay ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada na kahalili niya sa hukbo, at si Zadok na pari ay inilagay ng hari bilang kahalili ni Abiatar.

Si Shimei ay Hindi na Pinaalis sa Jerusalem

36 Pagkatapos, ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at manirahan roon, at huwag kang umalis mula roon patungo saanmang lugar.

37 Sapagkat sa araw na ikaw ay lumabas at tumawid sa batis ng Cedron, dapat mong alamin na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ang iyong dugo ay sasaiyong sariling ulo.”

38 At sinabi ni Shimei sa hari, “Ang sinabi mo ay mabuti. Kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod.” At si Shimei ay tumira sa Jerusalem ng maraming araw.

39 Ngunit sa katapusan ng tatlong taon, dalawa sa mga alipin ni Shimei ay lumayas, at pumaroon kay Achis, na anak ni Maaca, hari sa Gat. At kanilang sinabi kay Shimei, “Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gat.”

40 Tumindig si Shimei, inihanda ang kanyang asno, at nagtungo sa Gat kay Achis, upang hanapin ang kanyang mga alipin. Si Shimei ay umalis at kinuha ang kanyang mga alipin mula sa Gat.

41 Nang ibalita kay Solomon na si Shimei ay naparoon sa Gat mula sa Jerusalem, at bumalik uli,

42 ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at nagsabi sa kanya, “Di ba pinasumpa kita sa Panginoon, at taimtim na ipinayo ko sa iyo, ‘Dapat mong malaman na sa araw na lumabas ka at pumunta saanman ay tiyak na mamamatay ka’? At iyong sinabi sa akin, ‘Ang iyong sinabi na aking narinig ay mabuti.’

43 Bakit hindi mo iningatan ang iyong sumpa sa Panginoon, at ang utos na aking ibinilin sa iyo?”

44 Sinabi pa ng hari kay Shimei, “Alam mo sa iyong puso ang lahat ng kasamaan na iyong ginawa kay David na aking ama. Kaya't ibabalik ng Panginoon ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo.

45 Ngunit si Haring Solomon ay pagpapalain, at ang trono ni David ay magiging matatag sa harap ng Panginoon magpakailanman.”

46 Sa gayo'y inutusan ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada; at siya'y lumabas, at dinaluhong siya, at siya'y namatay. Sa gayo'y tumatag ang kaharian sa kamay ni Solomon.

Nag-asawa si Solomon(N)

Si Solomon ay nagkaroon ng pakikipagkaibigan kay Faraon na hari sa Ehipto sa pamamagitan ng pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya ito sa lunsod ni David, hanggang sa kanyang natapos itayo ang kanyang sariling bahay, ang bahay ng Panginoon, at ang pader sa palibot ng Jerusalem.

Ang taong-bayan ay naghahandog sa matataas na dako, sapagkat wala pang bahay na naitayo sa pangalan ng Panginoon hanggang sa mga araw na iyon.

Minahal ni Solomon ang Panginoon, at lumakad sa mga tuntunin ni David na kanyang ama. Kaya lang, siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.

At ang hari ay naparoon sa Gibeon upang mag-alay doon, sapagkat iyon ang pinakamataas na dako. Si Solomon ay naghandog sa dambanang iyon ng libong handog na sinusunog.

Sa Gibeon ay nagpakita ang Panginoon kay Solomon sa panaginip sa gabi, at sinabi ng Diyos, “Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.”

At sinabi ni Solomon, “Ikaw ay nagpakita ng dakila at tapat na pag-ibig sa iyong lingkod na si David na aking ama, sapagkat siya'y lumakad sa harap mo sa katapatan, at sa katarungan, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan para sa kanya itong dakila at tapat na pag-ibig at iyong binigyan siya ng isang anak na luluklok sa kanyang trono, sa araw na ito.

Ngayon, O Panginoon kong Diyos, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; bagaman ako'y isang musmos lamang; hindi ko nalalaman ang paglabas at pagpasok.

At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.

Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang mapag-unawang isipan upang pamahalaan ang iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagkat sino ang makakapamahala dito sa iyong malaking bayan?”

10 Ikinalugod ng Panginoon na ito ang hiningi ni Solomon.

11 At sinabi ng Diyos sa kanya, “Sapagkat iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi para sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man para sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi ang hiningi mo para sa iyo'y karunungan upang kumilala ng matuwid,

12 narito, aking ginagawa ngayon ayon sa iyong salita. Narito, binibigyan kita ng isang pantas at matalinong pag-iisip, na anupa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinumang tulad mo pagkamatay mo.

13 Ibinibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiningi, ang kayamanan at ang karangalan, anupa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga araw.

14 Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos, gaya ng paglakad ng iyong amang si David, ay aking pahahabain ang iyong mga araw.”

15 At nagising si Solomon, iyon ay isang panaginip. Pagkatapos siya'y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon. Siya ay nag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kanyang mga lingkod.

Ang Matalinong Paghatol ni Solomon

16 Pagkatapos ay naparoon sa hari ang dalawang upahang babae[m] at tumayo sa harapan niya.

17 Sinabi ng isang babae, “O panginoon ko, ako at ang babaing ito ay nakatira sa iisang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalaki nang kasama ko pa siya sa bahay.

18 Nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, ang babaing ito'y nanganak din, at kami ay magkasama. Wala kaming ibang kasama sa bahay, liban sa aming dalawa.

19 Ang anak ng babaing ito ay namatay kinagabihan sapagkat kanyang nadaganan ito.

20 At siya'y bumangon nang hatinggabi, at kinuha niya ang anak kong lalaki sa tabi ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog. Inihiga niya ito sa kanyang dibdib, at inilagay ang kanyang patay na anak sa aking dibdib.

21 Kinaumagahan, nang ako'y bumangon upang aking pasusuhin ang aking anak, nakita ko na siya'y patay na. Ngunit kinaumagahan, nang aking kilalaning mabuti, hindi iyon ang batang aking ipinanganak.”

22 Ngunit sinabi ng isang babae, “Hindi. Ngunit ang buháy ay aking anak at ang patay ay iyong anak.” At sinabi ng isa, “Hindi. Ngunit ang patay ay ang iyong anak, at ang buháy ay siyang aking anak.” Ganito sila nagsalita sa harap ng hari.

23 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, “Ang isa'y nagsasabi, ‘Ang aking anak ay ang buháy, at ang iyong anak ay ang patay.’ At ang isa'y nagsasabi rin, ‘Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buháy.’”

24 Kaya't sinabi ng hari, “Dalhan ninyo ako ng isang tabak.” At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.

25 At sinabi ng hari, “Hatiin sa dalawa ang buháy na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa naman.”

26 Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buháy na bata sa hari, sapagkat ang kanyang puso ay nahahabag sa kanyang anak, at sinabi niya, “O panginoon ko, ibigay mo sa kanya ang buháy na bata, at sa anumang paraa'y huwag mong patayin.” Ngunit ang sabi ng isa, “Hindi iyan magiging akin ni sa iyo man; hatiin siya.”

27 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, “Ibigay ang buháy na bata sa unang babae, at sa anumang paraa'y huwag patayin. Siya ang kanyang ina.”

28 Nabalitaan ng buong Israel ang hatol na iginawad ng hari; sila'y natakot sa hari sapagkat kanilang nakita na ang karunungan upang maggawad ng katarungan ng Diyos ay nasa kanya.

Ang Kanyang mga Pinuno

Si Haring Solomon ay hari sa buong Israel,

at ito ang kanyang mga naging matataas na pinuno: si Azarias na anak ni Zadok, ang pari;

sina Elioref at Ahia na mga anak ni Sisa ay mga kalihim; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala;

si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng hukbo; at sina Zadok at Abiatar ay mga pari;

si Azarias na anak ni Natan ay namamahala sa mga pinuno; at si Zabud na anak ni Natan ay pari at kaibigan ng hari;

si Ahisar ay katiwala sa kanyang palasyo; at si Adoniram na anak ni Abda ay tagapamahala ng sapilitang paggawa.

Ang Kapangyarihan at Kayamanan ni Solomon

Si Solomon ay may labindalawang katiwala sa buong Israel at sila ang nagbibigay ng pagkain para sa hari at sa kanyang sambahayan. Bawat isa sa kanila'y nagbibigay ng pagkain sa loob ng isang buwan sa bawat taon.

Ito ang kanilang mga pangalan: si Ben-hur sa lupaing maburol ng Efraim;

si Ben-deker sa Macas, Shaalbim, Bet-shemes, at Elon-bet-hanan;

10 si Ben-hesed sa Arubot (sa kanya'y nauukol ang Socoh, at ang buong lupain ng Hefer),

11 si Ben-abinadab sa buong kataasan ng Dor (na ang asawa'y si Tafat na anak na babae ni Solomon);

12 si Baana na anak ni Ahilud sa Taanac, Megido, at sa buong Bet-shan na nasa tabi ng Zaretan, sa ibaba ng Jezreel, mula sa Bet-shan hanggang sa Abel-mehola na may layong hanggang sa dako roon ng Jocmeam;

13 si Ben-geber sa Ramot-gilead; (sa kanya ang mga nayon ni Jair na anak ni Manases, na nasa Gilead; samakatuwid ay sa kanya ang lupain ng Argob na nasa Basan, animnapung malalaking lunsod na may mga pader at mga bakod na tanso);

14 si Ahinadab, anak ni Iddo sa Mahanaim;

15 si Ahimaaz sa Neftali; (siya ang kumuha kay Basemat na anak na babae ni Solomon bilang asawa),

16 si Baana na anak ni Husai, sa Aser at sa Bealot;

17 si Jehoshafat na anak ni Parua, sa Isacar;

18 si Shimei na anak ni Ela, sa Benjamin;

19 si Geber na anak ni Uri sa lupain ng Gilead, na lupain ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ni Og na hari ng Basan; at siya lamang ang katiwala sa lupaing iyon.

20 Ang Juda at ang Israel ay marami na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa dami, na nagkakainan, at nag-iinuman, at nagkakatuwaan.

21 At(O) si Solomon ay naghari sa lahat ng mga kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at hanggang sa hangganan ng Ehipto. Sila'y nagdala ng mga buwis at naglingkod kay Solomon sa lahat ng araw ng kanyang buhay.

22 Ang pagkaing panustos ni Solomon sa isang araw ay tatlumpung takal ng magandang uri ng harina, at animnapung takal na harina,

23 sampung matatabang baka, dalawampung baka mula sa pastulan, isandaang tupa, bukod pa ang mga usang lalaki at babae, at mga usang masungay, at mga pinatabang hayop na may pakpak.

24 Sapagkat sakop niya ang buong lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates mula sa Tifsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari sa kanluran ng Ilog Eufrates at siya'y may kapayapaan sa lahat ng mga dako sa palibot niya.

25 Ang Juda at ang Israel ay nanirahang tiwasay, ang bawat tao'y nasa ilalim ng kanyang puno ng ubas at sa ilalim ng kanyang puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa lahat ng mga araw ni Solomon.

26 Si(P) Solomon ay mayroon ding apatnapung libong kabayo sa kanyang mga kuwadra para sa kanyang mga karwahe, at labindalawang libong mangangabayo.

27 At ipinaghanda ng mga katiwalang iyon si Haring Solomon at ang lahat ng dumudulog sa hapag ni Haring Solomon, bawat isa sa kanyang buwan; hindi nila hinahayaang magkulang ng anuman.

28 Nagdala rin sila ng sebada at dayami para sa mga kabayo at sa matutuling kabayo sa mga lugar na kinakailangan ang mga iyon, bawat isa'y ayon sa kanyang katungkulan.

Ang Karunungan ni Solomon

29 Binigyan ng Diyos si Solomon ng karunungan, at ng di masukat na pang-unawa at kalawakan ng pag-iisip, gaya ng buhanging nasa tabing-dagat,

30 kaya't ang karunungan ni Solomon ay higit pa kaysa karunungan ng lahat ng tao sa silangan at kaysa lahat ng karunungan ng Ehipto.

31 Sapagkat(Q) higit siyang pantas kaysa lahat ng mga tao; higit na pantas kaysa kay Etan na Ezrahita, kay Heman, kay Calcol, at kay Darda, na mga anak ni Mahol. At ang kanyang katanyagan ay kumalat sa lahat ng mga bansang nakapalibot.

32 Nagsalita(R) rin siya ng tatlong libong kawikaan; at ang kanyang mga awit ay isang libo at lima.

33 Siya'y nagsalita tungkol sa mga punungkahoy, mula sa sedro na nasa Lebanon hanggang sa isopo na sumisibol sa pader. Siya'y nagsalita rin tungkol sa mga hayop, at sa mga ibon, sa mga gumagapang at sa mga isda.

34 At naparoon ang mga taong mula sa lahat ng bayan upang makinig sa karunungan ni Solomon, mula sa lahat ng hari sa daigdig na nakabalita ng kanyang karunungan.

Tumulong si Haring Hiram sa Pagpapatayo ng Templo(S)

Si Hiram na hari ng Tiro ay nagsugo ng kanyang mga lingkod kay Solomon nang kanyang nabalitaan na si Solomon ay kanilang binuhusan ng langis upang maging hari na kapalit ng kanyang ama; sapagkat si Hiram ay naging kaibigan ni David.

Si Solomon ay nagsugo kay Hiram, na sinasabi,

“Alam mo na si David na aking ama ay hindi nakapagtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos dahil sa mga pakikidigma sa palibot niya sa bawat dako, hanggang sa inilagay sila ng Panginoon sa ilalim ng mga talampakan ng kanyang mga paa.

Ngunit ngayo'y binigyan ako ng Panginoon kong Diyos ng kapahingahan sa bawat dako; wala kahit kaaway, o kasawian man.

Kaya't(T) layunin kong magtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos, gaya ng sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Ang iyong anak na aking iluluklok sa iyong trono na kapalit mo ang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’

Ngayo'y ipag-utos mo na ipagputol ako ng mga puno ng sedro sa Lebanon; at ang aking mga lingkod ay makakasama ng iyong mga lingkod at babayaran kita ng upa para sa iyong mga tauhan ayon sa iyong itatakda, sapagkat iyong alam na walang sinuman sa amin na nakakaputol ng mga troso na gaya ng mga Sidonio.”

Nang marinig ni Hiram ang mga salita ni Solomon, siya'y nagalak na mabuti, at nagsabi, “Purihin ang Panginoon sa araw na ito na nagbigay kay David ng isang pantas na anak upang mamahala sa dakilang bayang ito.”

At si Hiram ay nagsugo kay Solomon, na nagsasabi, “Narinig ko ang mensahe na iyong ipinadala sa akin. Aking gagawin ang lahat ng iyong ninanais tungkol sa troso na sedro at sipres.

Ibababa ang mga ito ng aking mga lingkod sa dagat mula sa Lebanon, at aking gagawing mga balsa upang dumaan sa dagat hanggang sa dakong iyong ituturo, at aking ipakakalag doon, at iyong tatanggapin; at tutugunan mo ang aking mga nais sa pagbibigay ng pagkain sa aking sambahayan.”

10 Sa gayo'y binigyan ni Hiram si Solomon ng lahat ng troso ng sipres na kanyang ninais.

11 Binigyan naman ni Solomon si Hiram ng dalawampung libong takal na trigo na pagkain ng kanyang sambahayan, at dalawampung takal na purong langis. Ito ang ibinibigay ni Solomon kay Hiram taun-taon.

12 Kaya't binigyan ng Panginoon si Solomon ng karunungan, gaya ng kanyang ipinangako sa kanya; at may kapayapaan sa pagitan ni Hiram at ni Solomon, at silang dalawa'y gumawa ng kasunduan.

13 Si Haring Solomon ay nagpataw ng sapilitang paggawa sa buong Israel at ang mga pinatawan ay tatlumpung libong lalaki.

14 Kanyang(U) sinugo sila sa Lebanon na sampu-sampung libo bawat buwan na halinhinan: isang buwan sa Lebanon, at dalawang buwan sa sariling bayan; at si Adoniram ang tagapamahala sa mga pinatawan.

15 Si Solomon ay mayroon ding pitumpung libong tagabuhat at walumpung libong tagatibag ng bato sa kaburulan,

16 bukod pa ang tatlong libo at tatlong daan na mga kapatas ni Solomon sa gawain, na namumuno sa mga taong gumagawa.

17 Sa utos ng hari, tumibag sila ng malalaki at mamahaling bato upang ilagay ang saligan ng bahay na may mga batong tinabas.

18 Kaya't ang mga tagapagtayo ni Solomon, at ang mga tagapagtayo ni Hiram at ang mga Gebalita ang pumutol at naghanda ng mga kahoy at ng mga bato upang itayo ang bahay.

Ang Pagtatayo ng Templo

Nang ikaapatnaraan at walumpung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay lumabas sa lupain ng Ehipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon sa Israel, nang buwan ng Zif, na siyang ikalawang buwan, kanyang pinasimulang itayo ang bahay ng Panginoon.

Ang bahay na itinayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay may habang animnapung siko, may luwang na dalawampung siko, at may taas na tatlumpung siko.

Ang pasilyo sa harap ng kalagitnaang bahagi ng bahay ay may dalawampung siko ang haba, katumbas ng luwang ng bahay; at sampung siko ang lalim niyon sa harap ng bahay.

At iginawa niya ang bahay ng mga bintana na may mga magagarang balangkas.

Gumawa rin siya ng silid sa tabi ng pader ng bahay, na nasa palibot ng bahay, ang gitna at panloob na bahagi ng santuwaryo; at gumawa siya ng mga silid sa tagiliran sa buong palibot.

Ang pinakamababang palapag ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang palapag ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang, sapagkat siya'y gumawa ng mga tuntungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga biga ay hindi maipasok sa mga pader ng bahay.

Nang itinatayo pa ang bahay ay ginawa ito sa batong inihanda na sa tibagan, kaya't wala kahit martilyo o palakol man, o anumang kasangkapang bakal ang narinig sa bahay, samantalang itinatayo ito.

Ang pasukan sa pinakamababang palapag ay nasa gawing timog ng bahay; at isa sa pamamagitan ng hagdanan paakyat sa gitnang palapag, at mula sa pangalawang palapag hanggang sa ikatlo.

Gayon niya itinayo ang bahay at tinapos ito; at binubungan niya ang bahay ng mga biga at tablang sedro.

10 At kanyang ginawa ang mga palapag na karatig ng buong bahay, na bawat isa'y limang siko ang taas, at ikinabit sa bahay sa pamamagitan ng mga kahoy na sedro.

Ang Tipan ng Diyos

11 At dumating ang salita ng Panginoon kay Solomon, na sinasabi,

12 “Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad sa aking mga tuntunin, susundin ang aking mga batas, tutuparin ang lahat ng aking mga utos, at lumakad sa mga ito, aking pagtitibayin ang aking salita sa iyo na aking sinabi kay David na iyong ama.

13 Ako'y maninirahang kasama ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.”

14 Gayon itinayo ni Solomon ang bahay at tinapos ito.

15 Kanyang binalutan ang mga dingding sa loob ng bahay ng kahoy na sedro; mula sa sahig ng bahay hanggang sa mga dingding ng kisame, na kanyang binalot ng kahoy sa loob at kanyang binalutan ang sahig ng bahay ng mga tabla ng sipres.

16 Siya'y(V) gumawa ng isang silid na dalawampung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa sahig hanggang sa mga panig sa itaas at kanyang ginawa sa loob bilang panloob na santuwaryo na siyang dakong kabanal-banalan.

17 At ang bahay, samakatuwid ay ang silid sa harap ng panloob na santuwaryo ay apatnapung siko ang haba.

18 Ang sedro sa loob ng bahay ay inukit na hugis tapayan at mga nakabukang bulaklak; lahat ay sedro at walang batong makikita.

19 Inihanda niya ang panloob na santuwaryo sa kaloob-looban ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.

20 Ang panloob na santuwaryo ay may dalawampung siko ang haba, at dalawampung siko ang luwang, at dalawampung siko ang taas; at binalot niya ng lantay na ginto. Gumawa rin siya ng dambanang yari sa sedro.

21 Binalot ni Solomon ang loob ng bahay ng lantay na ginto; at kanyang ginuhitan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng santuwaryo; at binalot iyon ng ginto.

22 Kanyang(W) binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari. Gayundin, ang buong dambana na nauukol sa panloob na santuwaryo ay kanyang binalot ng ginto.

Dalawang Kerubin

23 Sa(X) panloob na santuwaryo ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy na olibo, bawat isa'y may sampung siko ang taas.

24 Limang siko ang haba ng isang pakpak ng kerubin, at limang siko ang haba ng kabilang pakpak ng kerubin, mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sampung siko.

25 Ang isang kerubin ay sampung siko; ang dalawang kerubin ay may parehong sukat at parehong anyo.

26 Ang taas ng isang kerubin ay sampung siko, gayundin ang isa pang kerubin.

27 Kanyang inilagay ang mga kerubin sa pinakaloob ng bahay, at ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka kaya't ang pakpak ng isa ay nakalapat sa isang dingding, at ang pakpak ng ikalawang kerubin ay lumalapat sa kabilang dingding. Ang kanilang tig-isa pang pakpak ay nagkakalapat sa gitna ng bahay.

28 At kanyang binalutan ng ginto ang mga kerubin.

Mga Ukit sa Palibot at sa mga Pintuan

29 Kanyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga kerubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga nakabukang bulaklak, sa mga silid sa loob at sa labas.

30 At ang sahig ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.

31 Sa pasukan ng panloob na santuwaryo, siya'y gumawa ng mga pintuang yari sa kahoy na olibo; ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyon na may limang gilid.

32 Binalutan niya ang dalawang pinto na yari sa kahoy na olibo, ng mga ukit na mga kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kanyang kinalatan ng ginto ang mga kerubin at ang mga puno ng palma.

33 Gayundin ang kanyang ginawa sa pasukan ng bulwagan na yari sa kahoy na olibo, na may apat na gilid,

34 at dalawang pinto na yari sa kahoy na sipres; ang dalawang paypay ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang paypay ng kabilang pinto ay naititiklop.

35 Kanyang inukitan ang mga ito ng mga kerubin, ng mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak. Ang mga ito ay binalot niya ng ginto at maayos na inilagay sa mga gawang inukit.

36 Ginawa niya ang panloob na bulwagan na may tatlong hanay na batong tinabas, at isang hanay ng mga biga ng kahoy na sedro.

37 Nang ikaapat na taon, sa buwan ng Ziv, inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Panginoon.

38 Nang ikalabing-isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan, natapos ang lahat ng bahagi ng bahay ayon sa buong plano niyon. Pitong taon niyang itinayo iyon.

Ang Palasyo ni Solomon

Itinayo ni Solomon ang kanyang sariling bahay sa loob ng labintatlong taon, at kanyang natapos ang kanyang buong bahay.

Kanyang itinayo ang Bahay sa Gubat ng Lebanon; ang haba ay isandaang siko, at ang luwang ay limampung siko, at ang taas ay tatlumpung siko, sa apat na hanay na haliging sedro na may mga bigang sedro sa ibabaw ng mga haligi.

Natatakpan ito ng sedro sa ibabaw ng mga silid na nasa ibabaw ng apatnapu't limang haligi, labinlima sa bawat hanay.

May mga balangkas ng bintana na tatlong hanay, at bintana sa katapat na bintana na tatlong hanay.

Ang lahat ng pintuan at mga bintana ay pawang parisukat ang mga balangkas, at ang mga bintana ay magkakatapat sa tatlong hanay.

Siya'y gumawa ng Bulwagan ng mga Haligi; ang haba niyon ay limampung siko, at ang luwang niyon ay tatlumpung siko, at may isang pasilyo na nasa harap ng mga iyon na may mga haligi at may lambong sa harap ng mga iyon.

Siya'y gumawa ng Bulwagan ng Trono kung saan niya ipinahahayag ang kanyang hatol, samakatuwid ay ang Bulwagan ng Paghuhukom. Nababalot iyon ng sedro mula sa sahig hanggang sa kisame.

At(Y) ang bahay na kanyang tirahan sa isa pang looban sa likod ng bulwagan ay pareho ang pagkakagawa. Iginawa rin ni Solomon ng bahay na tulad ng bulwagang ito ang anak na babae ni Faraon na naging asawa niya.

Ang lahat ng ito'y gawa sa mamahaling bato, mga batong tinabas ayon sa sukat, na nilagari ng mga lagari, sa likod at sa harap, mula sa mga saligan hanggang sa kataas-taasan, at mula sa bulwagan ng bahay ng Panginoon hanggang sa malaking bulwagan.

10 Ang saligan ay mga mamahaling bato, malalaking bato, mga batong may walo at sampung siko.

11 Sa ibabaw ay mga mamahaling bato na mga batong tinabas ayon sa sukat, at sedro.

12 At ang malaking bulwagan sa palibot ay may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay ng mga bigang sedro; gaya ng pinakaloob na bulwagan ng bahay ng Panginoon, at ng pasilyo ng bahay.

Si Hiram ay Gumawa sa Templo

13 Nagsugo si Haring Solomon at ipinasundo si Hiram mula sa Tiro.

14 Siya'y anak ng isang babaing balo sa lipi ni Neftali, at ang kanyang ama ay lalaking taga-Tiro, isang manggagawa sa tanso; at siya'y puspos ng karunungan, pang-unawa, at kahusayan sa paggawa ng lahat ng gawain sa tanso. Siya'y naparoon kay Haring Solomon, at ginawa ang lahat niyang gawain.

15 Siya'y naghulma ng dalawang haliging tanso. Labingwalong siko ang taas ng bawat isa, at isang panukat na tali na may labindalawang siko ang sukat ng kabilugan nito; ito ay may guwang sa loob at ang kapal nito ay apat na daliri, at ang ikalawang haligi ay gayundin.

16 Siya'y gumawa ng dalawang kapitel na hinulmang tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi; ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng isa pang kapitel ay limang siko.

17 May mga lambat na nilala, at mga tirintas na yaring tanikala para sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito[n] sa isang kapitel, at pito[o] sa isa pang kapitel.

18 Gayundin, gumawa siya ng mga granada sa dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat upang takpan ang mga kapitel na nasa itaas ng mga granada, gayundin ang ginawa niya sa kabilang kapitel.

19 Ang mga kapitel na nasa ibabaw ng mga haligi sa pasilyo ay mga yaring liryo, na apat na siko.

20 Ang mga kapitel ay nasa ibabaw ng dalawang haligi at sa itaas ng nakausling pabilog na nasa tabi ng yaring lambat. Ang mga granada ay dalawandaan na dalawang hanay sa palibot; at gayundin sa ibang kapitel.

21 Kanyang itinayo ang mga haligi sa pasilyo ng templo, at kanyang itinayo ang haligi sa timog, at pinangalanang Jakin[p] at kanyang itinayo ang isa pang haligi sa hilaga, at pinangalanang Boaz.[q]

22 At sa ibabaw ng mga haligi ay may mga nililok yaring liryo. Sa gayo'y ang gawain sa mga haligi ay nayari.

Ang Hinulmang Tangke ng Tubig, Patungang Tanso, at Hugasang Tanso(Z)

23 Pagkatapos ay gumawa siya ng hinulmang tangke ng tubig.[r] Ito ay bilog na sampung siko mula sa labi hanggang sa kabilang labi, ang taas ay limang siko; at isang panukat na tali na may tatlumpung siko ang pabilog nito.

24 Sa ilalim ng labi sa paligid ay may mga palamuting hugis upo, para sa tatlumpung siko, na nakaligid sa dagat-dagatan sa palibot. Ang mga palamuting hugis upo ay dalawang hanay, na kasama itong hinulma nang ito'y hulmahin.

25 Nakapatong ito sa labindalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa hilaga, ang tatlo'y nakaharap sa kanluran, ang tatlo'y nakaharap sa timog, at ang tatlo'y nakaharap sa silangan; at ang dagat ay nakapatong sa mga iyon, at ang lahat na puwitan ng mga iyon ay nasa loob.

26 Ang kapal nito ay isang dangkal; at ang labi niyon ay yaring gaya ng labi ng isang tasa, gaya ng bulaklak na liryo; naglalaman ito ng dalawang libong bat.[s]

27 Siya'y gumawa rin ng sampung patungang tanso; apat na siko ang haba ng bawat isa at apat na siko ang luwang, at tatlong siko ang taas.

28 At ang pagkayari ng mga patungan ay ganito: may mga gilid na takip sa pagitan ng mga dugtungan.

29 Sa mga gilid na takip na nasa pagitan ng mga dugtungan ay may mga leon, mga baka, at mga kerubin. Sa itaas ng mga dugtungan ay mga sugpong na may tuntungan sa ibabaw; at sa ibaba ng mga leon, at mga baka, ay may mga tirintas na mga gawang nakabitin.

30 Bawat patungan ay may apat na gulong na tanso, at mga eheng tanso: at ang apat na paa niyon ay may mga lapatan: sa ilalim ng hugasan ay may mga lapatan na binubo, na may mga tirintas sa siping ng bawat isa.

31 Ang bunganga nito ay nasa loob ng isang kapitel, at ang taas ay may isang siko; at ang bunganga niyon ay bilog ayon sa pagkayari ng tuntungan, na may isang siko't kalahati ang lalim. At sa bunganga niyon ay may mga ukit, at ang mga gilid ng mga iyon ay parisukat, hindi bilog.

32 Ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga gilid; at ang mga ehe ng mga gulong ay kaisang piraso ng patungan; at ang taas ng bawat gulong ay isang siko at kalahati.

33 Ang pagkagawa ng mga gulong ay gaya ng pagkagawa ng mga gulong ng karwahe, ang mga ehe ng mga iyon, at ang mga masa ng mga iyon, at ang mga rayos ng mga iyon at ang mga panggitna niyon ay pawang hinulma.

34 May apat na tukod sa apat na panulok ng bawat patungan: ang mga tukod ay karugtong ng mga patungan.

35 Sa ibabaw ng patungan ay may isang nakabalot na kalahating siko ang taas; at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay karugtong niyon.

36 Sa ibabaw ng mga panghawak niyon at sa mga gilid niyon, ay kanyang inukitan ng mga kerubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawat isa, na may mga tirintas sa palibot.

37 Ayon sa paraang ito ay kanyang ginawa ang sampung patungan; lahat ng iyon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001