Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 28:20 - 2 Samuel 12:10

20 Pagkatapos ay biglang bumulagta si Saul sa lupa, at siya'y napuno ng takot, dahil sa mga salita ni Samuel. Nawalan siya ng lakas, sapagkat hindi siya kumain nang anuman buong araw at buong gabi.

21 At lumapit ang babae kay Saul at nang makitang siya'y natatakot, ay sinabi sa kanya, “Narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking pinakinggan ang iyong mga salita na sinabi mo sa akin.

22 Kaya't ngayon ay makinig ka rin sa tinig ng iyong lingkod. Hayaan mong ipaghanda kita ng kaunting tinapay. Kumain ka, upang ikaw ay lumakas, kapag nagpatuloy ka sa iyong lakad.”

23 Ngunit siya'y tumanggi at nagsabi, “Hindi ako kakain.” Ngunit hinimok siya ng kanyang mga lingkod pati ng babae, at pinakinggan niya ang kanilang tinig. Kaya't siya'y bumangon sa lupa at umupo sa higaan.

24 Ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay. Dali-dali niyang pinatay ito, siya'y kumuha ng harina at kanyang minasa, at siya'y nagluto ng tinapay na walang pampaalsa.

25 Ito ay kanyang dinala sa harap ni Saul at ng kanyang mga lingkod at sila'y kumain. Pagkatapos, sila'y tumindig at umalis nang gabing iyon.

Tinipon ng mga Filisteo ang Kanilang Hukbo sa Afec

29 Samantala, tinipon ng mga Filisteo ang lahat nilang hukbo sa Afec at ang mga Israelita naman ay humimpil sa may bukal na nasa Jezreel.

Habang ang mga daan-daan at libu-libong panginoon ng mga Filisteo ay nagdaraan, at si David at ang kanyang mga tauhan ay nagdaraan sa hulihan kasama ni Achis,

ay sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo, “Ano ang ginagawa ng mga Hebreong ito?” At sumagot si Achis sa mga pinuno ng mga Filisteo, “Hindi ba ito ay si David, ang lingkod ni Saul na hari ng Israel na nakasama ko nang maraming araw at mga taon? Simula nang siya'y sumama sa akin ay wala akong natagpuang anumang pagkakamali sa kanya hanggang sa araw na ito.”

Ngunit ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagalit sa kanya; at sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo sa kanya, “Pabalikin mo ang taong iyan upang siya'y makabalik sa lugar na iyong pinaglagyan sa kanya. Hindi siya bababang kasama natin sa labanan, baka sa labanan ay maging kaaway natin siya. Sapagkat paanong makikipagkasundo ito sa kanyang panginoon? Hindi ba sa pamamagitan ng mga ulo ng mga taong ito?

Hindi(A) ba ito si David na sa kanya'y umaawit sila sa isa't isa na may pagsasayaw,

‘Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
    at ni David ang kanyang laksa-laksa’?”

Hindi Nagtiwala kay David ang Filisteo

Nang magkagayo'y tinawag ni Achis si David, at sinabi sa kanya, “Kung paanong buháy ang Panginoon, ikaw ay naging tapat, at para sa akin ay matuwid lamang na ikaw ay makasama ko sa pagsalakay. Wala akong natagpuang kasamaan sa iyo mula sa araw ng iyong pagdating sa akin hanggang sa araw na ito. Gayunma'y hindi nalugod sa iyo ang mga panginoon.

Kaya't bumalik ka na ngayon at umalis na payapa, upang huwag mong galitin ang mga panginoon ng mga Filisteo.”

Sinabi ni David kay Achis, “Ngunit anong aking ginawa? Anong natagpuan mo sa iyong lingkod mula ng araw na ako'y naglingkod sa iyo hanggang sa araw na ito, upang ako'y huwag sumama at lumaban sa mga kaaway ng aking panginoong hari?”

At sumagot si Achis kay David, “Nalalaman ko na ikaw ay walang kapintasan sa aking paningin, na gaya ng isang anghel ng Diyos. Gayunma'y sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo, ‘Hindi siya aahong kasama natin sa labanan.’

10 Kaya't maaga kang bumangon kinaumagahan na kasama ng mga lingkod ng iyong panginoon na pumaritong kasama mo; at maaga kayong kumilos sa kinaumagahan, at umalis agad sa pagliliwanag.”

11 Kaya't bumangong maaga si David at ang kanyang mga tauhan, upang umalis sa kinaumagahan pabalik sa lupain ng mga Filisteo. Subalit ang mga Filisteo ay umahon sa Jezreel.

Hinabol ni David ang Amalekita

30 Nang si David at ang kanyang mga tauhan ay dumating sa Siclag nang ikatlong araw, ang mga Amalekita ay sumalakay sa Negeb at sa Siclag. Nagapi nila ang Siclag at sinunog ito ng apoy.

Dinala nilang bihag ang mga babae at ang lahat ng naroroon, ang hamak at ang dakila. Hindi nila pinatay ang sinuman kundi kanilang dinala at nagpatuloy ng kanilang lakad.

Nang si David at ang kanyang mga tauhan ay dumating sa bayan, natagpuan nila itong sunog ng apoy; at ang kanilang mga asawa, at mga anak na lalaki at babae ay dinalang-bihag.

Kaya't si David at ang mga taong kasama niya ay sumigaw at umiyak hanggang sa sila'y maubusan ng lakas sa pag-iyak.

Ang(B) dalawang asawa ni David ay nabihag din, si Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail, na balo ni Nabal, na taga-Carmel.

Lubhang naguluhan si David sapagkat pinag-usapan ng mga tao na batuhin siya. Ang buong bayan ay masama ang kalooban, dahil sa kanya-kanyang mga anak na lalaki at babae. Ngunit pinalakas ni David ang kanyang sarili sa Panginoon niyang Diyos.

Sinabi(C) ni David kay Abiatar na pari, na anak ni Ahimelec, “Dalhin mo rito sa akin ang efod.” Kaya't dinala roon ni Abiatar ang efod kay David.

At sumangguni si David sa Panginoon, “Hahabulin ko ba ang pangkat na ito? Aabutan ko kaya sila?” At sinagot siya ng Panginoon,[a] “Habulin mo, sapagkat tiyak na aabutan mo at tiyak na maililigtas mo.”

Kaya't umalis si David at ang animnaraang lalaking kasama niya at sila'y dumating sa batis ng Besor na kinaroroonan ng mga naiwan sa likuran.

10 Ngunit ipinagpatuloy ni David at ng apatnaraang lalaki ang paghabol. Naiwan ang dalawandaan sa hulihan na pagod na pagod upang tumawid sa batis ng Besor.

11 Nakakita sila ng isang Ehipcio sa parang at kanilang dinala siya kay David. Kanilang binigyan siya ng tinapay na makakain at tubig na maiinom.

12 Kanilang binigyan din siya ng isang pirasong tinapay na igos at dalawang buwig na ubas. Pagkatapos niyang kumain, ang kanyang diwa ay nagbalik sapagkat hindi siya kumain ng tinapay o uminom man ng tubig sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.

13 At sinabi ni David sa kanya, “Kanino ka kabilang? Taga-saan ka?” At sinabi niya, “Ako'y isang binatang Ehipcio, lingkod ng isang Amalekita. Iniwan ako ng aking panginoon sapagkat ako'y nagkasakit tatlong araw na ang nakalilipas.

14 Kami ay sumalakay sa Negeb ng mga Kereteo, at sa mga pag-aari ng Juda, at sa Negeb ng Caleb; at aming sinunog ng apoy ang Siclag.”

15 Sinabi ni David sa kanya, “Sasamahan mo ba ako sa pangkat na ito?” At kanyang sinabi, “Sumumpa ka sa akin sa pamamagitan ng Diyos na hindi mo ako papatayin, o ibibigay man sa mga kamay ng aking panginoon, at ilulusong kita sa pangkat na ito.”

16 Nang kanyang mailusong siya, sila'y nakakalat na nagkakainan, nag-iinuman at nagsasayawan sa buong lupain dahil sa napakaraming samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo at Juda.

17 At sinalakay sila ni David mula sa takipsilim hanggang sa paglubog ng araw nang sumunod na araw. Walang taong nakatakas sa kanila liban sa apatnaraang katao na nakasakay sa mga kamelyo.

18 Binawi ni David ang lahat ng nakuha ng mga Amalekita, at iniligtas ni David ang kanyang dalawang asawa.

19 Walang nawawala, kahit hamak o dakila man, kahit mga anak na lalaki o babae man, kahit samsam man, kahit anumang bagay na nakuha nila sa kanila; ibinalik na lahat ni David.

20 Kinuha rin ni David ang lahat ng kawan at bakahan at dinala nang una sa ibang mga hayop. Sinasabi ng mga tao, “Ito'y samsam ni David.”

21 At dumating si David sa dalawandaang lalaki na pagod na pagod upang makasunod kay David, na naiwan sa batis ng Besor. Sila'y lumabas upang salubungin si David at ang mga taong kasama niya. Nang mapalapit si David sa taong-bayan, siya'y nagpugay sa kanila.

22 Nang magkagayo'y sumagot ang lahat ng masasamang tao, at mga taong mababang uri na lumabang[b] kasama ni David, “Sapagkat hindi sila lumabang kasama namin, hindi namin sila bibigyan ng samsam na aming nabawi, maliban sa bawat lalaki na makukuha niya ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak at umalis.”

23 Ngunit sinabi ni David, “Mga kapatid ko, huwag ninyong gagawin ang gayon sa ibinigay sa atin ng Panginoon. Kanyang iningatan tayo at ibinigay sa ating kamay ang pulutong na dumating laban sa atin.

24 Sino ang makikinig sa inyo sa bagay na ito? Sapagkat kung gaano ang bahagi ng lumusong sa labanan ay gayundin ang bahagi ng naiwan sa dala-dalahan. Sila'y magkakaroon ng pare-parehong bahagi.”

25 Mula noon, ginawa niya iyon na isang tuntunin at batas para sa Israel hanggang sa araw na ito.

26 Nang dumating si David sa Siclag, siya'y nagpadala ng bahagi ng mga samsam sa kanyang mga kaibigan, ang matatanda ng Juda, na sinasabi, “Narito ang isang kaloob sa inyo mula sa samsam ng mga kaaway ng Panginoon;”

27 iyon ay para sa Bethel, sa Ramot ng Negeb, sa nasa Jatir;

28 sa Aroer, sa Sifmot, sa Estemoa;

29 sa Rachal, sa mga lunsod ng mga Jerameelita, sa mga lunsod ng mga Kineo;

30 sa Horma, sa Chorasan, sa Atach;

31 sa Hebron, at sa lahat ng dako na karaniwang pinupuntahan ni David at ng kanyang mga tauhan.

Pinatay si Saul at ang Kanyang Anak(D)

31 Ang mga Filisteo ay lumaban sa Israel at ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at patay na nabuwal sa bundok ng Gilboa.

Inabutan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang mga anak at pinatay nila sina Jonathan, Abinadab, at Malkishua, na mga anak ni Saul.

At ang labanan ay naging mabigat para kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya'y malubhang sinugatan ng mga mamamana.

Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng sandata, “Bunutin mo ang iyong tabak at saksakin mo ako niyon; baka dumating ang mga hindi tuling ito at ako'y saksakin, at ako'y kanilang paglaruan.” Ngunit tumanggi ang kanyang tagadala ng sandata sapagkat siya'y takot na takot. Kaya't kinuha ni Saul ang kanyang tabak, at ibinuwal ang sarili doon.

Nang makita ng kanyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay na, ibinuwal rin niya ang kanyang sarili sa kanyang tabak at nagpakamatay na kasama niya.

Gayon namatay si Saul kasama ng kanyang tatlong anak, ang kanyang tagadala ng sandata, at ang lahat niyang mga tauhan nang araw na iyon na magkakasama.

Si Saul at ang Kanyang mga Anak ay Inilibing sa Jabes-gilead

Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na nasa kabilang dako ng libis at ng mga nasa kabila ng Jordan, na ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas, at si Saul at ang kanyang mga anak ay patay na, kanilang iniwan ang kanilang mga lunsod at tumakas; at dumating ang mga Filisteo at nanirahan sa mga iyon.

Kinabukasan, nang ang mga Filisteo ay dumating upang hubaran ang mga patay, natagpuan nila si Saul at ang kanyang tatlong anak na nabuwal sa bundok ng Gilboa.

Kanilang pinugot ang kanyang ulo at hinubad ang kanyang mga baluti, at nagpadala ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang dalhin ang mabuting balita sa kanilang mga diyus-diyosan at sa mga tao.

10 Kanilang inilagay ang kanyang baluti sa templo ni Astarte; at kanilang ipinako ang bangkay niya sa pader ng Bet-shan.

11 Ngunit nang mabalitaan ng mga naninirahan sa Jabes-gilead ang tungkol sa ginawa ng mga Filisteo kay Saul,

12 lahat ng matatapang na lalaki ay tumayo at nagsilakad sa buong gabi at kinuha ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak sa pader ng Bet-shan; at sila'y pumunta sa Jabes at kanilang sinunog doon.

13 Kanilang kinuha ang kanilang mga buto at ibinaon sa ilalim ng isang puno ng tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw.

Nalaman ni David ang tungkol sa Kamatayan ni Saul

Pagkamatay ni Saul, nang bumalik na si David mula sa pagpatay sa mga Amalekita, nanatili si David ng dalawang araw sa Siclag.

At nangyari, nang ikatlong araw na, may isang lalaking lumabas sa kampo mula kay Saul na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo. Kaya nga nang dumating siya kay David, siya ay nagpatirapa sa lupa at nagbigay-galang.

Sinabi ni David sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At kanyang sinabi sa kanya, “Nakatakas ako mula sa kampo ng Israel.”

Sinabi ni David sa kanya, “Ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” At siya'y sumagot, “Ang taong-bayan ay tumakas sa labanan, at marami sa mga tao ay nabuwal at namatay, si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na rin.”

At sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Paano mo nalaman na si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na?”

Sinabi(E) ng binatang nagbalita sa kanya, “Nagkataong ako ay nasa bundok ng Gilboa at naroroon si Saul na nakasubsob sa kanyang sibat samantalang papalapit sa kanya ang mga karwahe at mga mangangabayo.

Nang siya'y lumingon, nakita niya ako. Tinawag niya ako, at ako'y sumagot, ‘Narito ako.’

Sinabi niya sa akin, ‘Sino ka?’ Ako'y sumagot sa kanya, ‘Ako'y isang Amalekita.’

At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka sa tabi ko, ipinapakiusap ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil hirap na hirap na ako, ngunit ako'y buháy pa.’[c]

10 Kaya't tumayo ako sa tabi niya at pinatay ko siya, sapagkat nakakatiyak ako na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal. At kinuha ko ang korona na nasa kanyang ulo at ang pulseras na nasa kanyang kamay, at dinala ko rito sa aking panginoon.”

11 Nang magkagayo'y hinawakan ni David ang kanyang kasuotan at pinunit iyon; gayundin ang ginawa ng lahat ng mga lalaking kasama niya.

12 Sila'y nagluksa, umiyak, at nag-ayuno hanggang sa paglubog ng araw dahil kay Saul at kay Jonathan na kanyang anak, dahil sa bayan ng Panginoon, at sa sambahayan ng Israel, sapagkat sila'y namatay sa pamamagitan ng tabak.

13 Sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” At siya'y sumagot, “Ako'y anak ng isang dayuhan, isang Amalekita.”

14 Sinabi ni David sa kanya, “Bakit hindi ka natakot na magbuhat ng iyong kamay upang patayin ang hinirang[d] ng Panginoon?”

15 At tinawag ni David ang isa sa mga kabataan at sinabi, “Pumarito ka at patayin mo siya.” At kanyang tinaga siya na kanyang ikinamatay.

16 Sinabi ni David sa kanya, “Ang iyong dugo ay mapasaiyong ulo sapagkat ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, ‘Aking pinatay ang hinirang ng Panginoon.’”

Ang Panaghoy ni David para kina Saul at Jonathan

17 Tinangisan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kanyang anak,

18 at(F) sinabi niyang ito ay dapat ituro sa mga mamamayan ng Juda; nasusulat sa Aklat ni Jaser.[e] Sinabi niya:

19 “Ang iyong kaluwalhatian, O Israel ay pinatay sa iyong matataas na dako!
    Paano nabuwal ang magigiting!
20 Huwag ninyong sabihin sa Gat,
    huwag ninyong ibalita sa mga lansangan ng Ascalon;
baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay magalak,
    baka ang mga anak na babae ng mga di-tuli ay magsaya.

21 “Kayong mga bundok ng Gilboa,
    huwag magkaroon ng hamog, o ulan sa inyo,
    kahit masasaganang bukid,
sapagkat doon ang kalasag ng magiting ay narumihan,
    ang kalasag ni Saul na hindi binuhusan ng langis.

22 “Mula sa dugo ng pinatay,
    mula sa taba ng magiting,
ang busog ni Jonathan ay hindi umurong,
    ang tabak ni Saul ay hindi bumalik nang walang laman.

23 “Sina Saul at Jonathan, minamahal at kaibig-ibig!
    Sa buhay at sa kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay;
sila'y higit na maliliksi kaysa mga agila,
    sila'y higit na malalakas kaysa mga leon.

24 “Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul,
    na sa inyo'y nagbihis ng matingkad na pula,
    na siyang naglagay ng palamuting ginto sa inyong mga kasuotan.

25 “Paano nabuwal ang magigiting
    sa gitna ng labanan!

“Si Jonathan ay patay na nakabulagta sa iyong matataas na dako.
26     Ako'y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan;
ikaw ay naging kalugud-lugod sa akin;
    ang iyong pagmamahal sa akin ay kahanga-hanga,
    higit pa sa pagmamahal ng mga babae.

27 “Paano nabuwal ang magigiting,
    at nasira ang mga sandatang pandigma!”

Si David ay Ginawang Hari sa Juda

Pagkatapos nito, sumangguni si David sa Panginoon, “Pupunta ba ako sa alinman sa mga lunsod ng Juda?” At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka.” At sinabi ni David, “Saan ako pupunta?” At kanyang sinabi, “Sa Hebron.”

Kaya't(G) pumunta roon si David, at pati ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail na balo ni Nabal, na taga-Carmel.

Iniahon ni David ang kanyang mga tauhang kasama niya, bawat isa'y kasama ang kanyang sambahayan; at sila'y nanirahan sa mga bayan ng Hebron.

Dumating(H) ang mga lalaki ng Juda, at kanilang binuhusan ng langis si David upang maging hari sa sambahayan ng Juda. Nang kanilang sabihin kay David, “Ang mga lalaki sa Jabes-gilead ang siyang naglibing kay Saul,”

nagpadala ng mga sugo si David sa mga lalaki sa Jabes-gilead, at sinabi sa kanila, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon, sapagkat kayo'y nagpakita ng ganitong katapatan kay Saul na inyong panginoon, at inyong inilibing siya!

Ngayon nawa'y pagpakitaan kayo ng Panginoon ng wagas na pag-ibig at katapatan! Gagawan ko naman kayo ng mabuti sapagkat ginawa ninyo ang bagay na ito.

Ngayon nga, lumakas nawa ang inyong mga kamay, at kayo nawa'y maging matatapang, sapagkat patay na si Saul na inyong panginoon, at ako'y binuhusan ng langis ng sambahayan ni Juda upang maging hari sa kanila.”

Si Isboset ay Ginawang Hari ng Israel

Samantala, kinuha ni Abner na anak ni Ner, na pinuno sa hukbo ni Saul, si Isboset na anak ni Saul, at dinala sa Mahanaim;

at kanyang ginawa siyang hari sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin, at sa buong Israel.

10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari sa Israel, at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon. Ngunit ang sambahayan ni Juda ay sumunod kay David.

11 Si David ay naghari sa Hebron sa sambahayan ni Juda ng pitong taon at anim na buwan.

Digmaan ng Israel at Juda

12 Si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Isboset na anak ni Saul ay pumunta sa Gibeon mula sa Mahanaim.

13 At si Joab na anak ni Zeruia, at ang mga lingkod ni David ay lumabas at sinalubong sila sa tabi ng tipunan ng tubig sa Gibeon; at sila'y umupo, na ang isa'y sa isang dako ng tipunan ng tubig, at ang isa'y sa kabilang dako ng tipunan ng tubig.

14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Patayuin mo ang mga kabataan at magpaligsahan sa harap natin.” At sinabi ni Joab, “Hayaan silang tumayo.”

15 Kaya't sila'y tumindig at tumawid ayon sa bilang; labindalawa para kina Benjamin at Isboset na anak ni Saul, at labindalawa sa mga lingkod ni David.

16 At hinawakan ng bawat isa sa kanila ang ulo ng kanyang kaaway, at ibinaon ang kanyang tabak sa tagiliran ng kanyang kaaway; kaya't sama-sama silang nabuwal. Kaya't ang lugar na iyon ay tinatawag na Helcatasurim[f] na nasa Gibeon.

17 At ang labanan ay naging matindi nang araw na iyon. Si Abner at ang mga lalaki ng Israel ay natalo sa harap ng mga lingkod ni David.

18 At naroon ang tatlong anak ni Zeruia, sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay matulin ang paa na gaya ng mailap na usa;

19 at hinabol ni Asahel si Abner at sa kanyang pagtakbo, siya'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner.

20 Nang magkagayo'y lumingon si Abner, at sinabi, “Ikaw ba'y si Asahel?” At siya'y sumagot: “Ako nga.”

21 Sinabi ni Abner sa kanya, “Lumiko ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at hulihin mo ang isa sa mga kabataan, at kunin mo ang kanyang samsam.” Ngunit ayaw ni Asahel na humiwalay sa pagsunod sa kanya.

22 At muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Huminto ka sa pagsunod sa akin. Bakit ba kita ibubulagta sa lupa? Paano ko nga maitataas ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?”

23 Ngunit tumanggi siyang lumihis kaya't inulos siya ni Abner sa tiyan sa pamamagitan ng dulo ng sibat, at ang sibat ay naglagos sa likod niya. Siya'y nabuwal at namatay sa kanyang kinaroroonan. Lahat nang dumating sa lugar na kinabuwalan at kinamatayan ni Asahel ay napahinto.

24 Ngunit tinugis nina Joab at Abisai si Abner; at nang ang araw ay papalubog na sila'y dumating sa burol ng Ama, na nasa harap ng Gia sa tabi ng daan patungo sa ilang ng Gibeon.

25 Ang mga anak ng Benjamin ay nagkatipon sa likuran ni Abner, at naging isang pulutong, at tumayo sa tuktok ng isang burol.

26 Nang magkagayo'y tinawag ni Abner si Joab, at sinabi, “Mananakmal ba ang tabak magpakailanman? Nalalaman mo ba na ang katapusan ay magiging mapait? Hanggang kailan nga bago mo sasawayin ang bayan mula sa pagtugis sa kanilang mga kapatid?”

27 At sinabi ni Joab, “Buháy ang Diyos, kung hindi mo sana sinabi, tiyak na hindi inihinto ng mga lalaki ang paghabol sa kanilang mga kapatid hanggang sa kinaumagahan.”

28 Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta, at ang buong bayan ay tumigil at hindi na tinugis ang Israel, o sila man ay naglaban pa.

29 Si Abner at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na dumaan sa Araba; at sila'y tumawid ng Jordan, at naglakad sa buong maghapon, at dumating sa Mahanaim.

30 Bumalik si Joab mula sa pagtugis kay Abner; at nang kanyang matipon ang buong bayan, may nawawala sa mga lingkod ni David na labinsiyam na lalaki bukod pa kay Asahel.

31 Ngunit ang napatay ng mga lingkod ni David sa Benjamin ay tatlong daan at animnapung lalaking mga tauhan ni Abner.

32 At kanilang kinuha si Asahel at inilibing siya sa libingan ng kanyang ama na nasa Bethlehem. Si Joab at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na lumakad; dumating sila sa Hebron kinaumagahan.

Nagkaroon ng matagal na paglalaban ang sambahayan ni Saul at ang sambahayan ni David; si David ay lumakas nang lumakas, samantalang ang sambahayan ni Saul ay humina nang humina.

Mga Anak ni David

Nagkaroon ng mga anak na lalaki si David sa Hebron: ang kanyang panganay ay si Amnon kay Ahinoam na taga-Jezreel.

Ang kanyang pangalawa ay si Chileab, kay Abigail na balo ni Nabal na taga-Carmel; at ang ikatlo ay si Absalom na anak ni Maaca na anak ni Talmai na hari sa Geshur.

Ang ikaapat ay si Adonias na anak ni Hagit; at ang ikalima ay si Shefatias na anak ni Abital.

Ang ikaanim ay si Itream kay Egla, na asawa ni David. Ang mga ito'y ipinanganak kay David sa Hebron.

Umanib si Abner kay David

Samantalang may digmaan sa pagitan ng sambahayan ni Saul at ng sambahayan ni David, pinalakas ni Abner ang kanyang sarili sa sambahayan ni Saul.

Si Saul ay may asawang-lingkod na ang pangalan ay Rispa, na anak ni Aya. Sinabi ni Isboset kay Abner, “Bakit ka sumiping sa asawang-lingkod ng aking ama?”

Kaya't galit na galit si Abner dahil sa mga salita ni Isboset, at sinabi, “Ako ba'y isang ulo ng aso ng Juda? Sa araw na ito ay patuloy akong nagpapakita ng katapatan sa sambahayan ni Saul na iyong ama, sa kanyang mga kapatid, at sa kanyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David. Gayunma'y pinagbibintangan mo ako sa araw na ito ng isang kasalanan tungkol sa isang babae.

Gawin ng Diyos kay Abner, at lalo na, kung hindi ko gawin para kay David ang isinumpa ng Panginoon sa kanya,

10 na(I) ilipat ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at itayo ang trono ni David sa Israel at Juda, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba.”

11 At hindi nakasagot si Isboset[g] kay Abner ng isang salita, sapagkat siya'y natakot sa kanya.

12 Si Abner ay nagpadala ng mga sugo kay David sa kanyang kinaroroonan, na sinasabi, “Kanino nauukol ang lupain? Makipagtipan ka sa akin, at ang aking kamay ay sasaiyo upang dalhin sa iyo ang buong Israel.”

13 Kanyang sinabi, “Mabuti; ako'y makikipagtipan sa iyo. Ngunit isang bagay ang hinihiling ko sa iyo: hindi mo ako makikita[h] malibang dalhin mo muna si Mical na anak na babae ni Saul pagparito mo upang ako'y iyong makita.”

14 Nagpadala(J) ng mga sugo si David kay Isboset na anak ni Saul, na sinasabi, “Ibigay mo sa akin ang aking asawang si Mical, na siyang aking pinakasalan sa halagang isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo.”

15 Nagsugo si Isboset, at kinuha si Mical sa kanyang asawang si Paltiel na anak ni Lais.

16 Subalit ang kanyang asawa'y sumama sa kanya na umiiyak na kasunod niya sa daan hanggang sa Bahurim. Pagkatapos ay sinabi ni Abner sa kanya, “Umuwi ka!” Kaya't siya'y umuwi.

17 Nakipag-usap si Abner sa matatanda sa Israel, na sinasabi, “Sa panahong nakaraan ay inyong hinangad na si David ay maging hari sa inyo.

18 Ngayon ay inyong isakatuparan ito, sapagkat ipinangako ng Panginoon kay David, na sinasabi, ‘Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at ng lahat nilang mga kaaway.’”

19 Nakipag-usap din si Abner sa Benjamin. At si Abner ay pumunta upang sabihin kay David sa Hebron ang lahat ng inaakalang mabuti ng Israel at ng buong sambahayan ni Benjamin.

20 Nang dumating si Abner kay David sa Hebron kasama ang dalawampung lalaki, nagdaos ng kasayahan si David para kay Abner at sa mga lalaking kasama niya.

21 Sinabi ni Abner kay David, “Ako'y aalis at aking titipunin ang buong Israel sa aking panginoong hari, upang sila'y makipagtipan sa iyo, at upang ikaw ay maghari sa lahat ng ninanasa ng iyong puso.” At pinaalis ni David si Abner, at siya'y umalis na payapa.

Pinatay si Abner

22 Pagkatapos noon ay dumating ang mga lingkod ni David kasama si Joab mula sa isang pagsalakay, na may dalang maraming samsam. Ngunit si Abner ay hindi kasama ni David sa Hebron, sapagkat siya'y pinaalis niya, at siya'y umalis na payapa.

23 Nang si Joab at ang buong hukbo na kasama niya ay dumating, sinabi kay Joab, “Si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa hari, at siya'y pinahayo at siya'y humayong payapa.”

24 Nang magkagayo'y pumunta si Joab sa hari, at sinabi, “Ano ang iyong ginawa? Si Abner ay pumarito sa iyo; bakit mo siya pinaalis, kaya't siya'y umalis?

25 Nalalaman mong si Abner na anak ni Ner ay pumarito upang dayain ka at upang malaman ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at upang malaman ang lahat ng iyong ginagawa.”

26 Nang lumabas si Joab mula sa harapan ni David, siya'y nagpadala ng mga sugo upang sundan si Abner, at kanilang ibinalik siya mula sa balon ng Sira, ngunit ito'y hindi nalalaman ni David.

27 Nang bumalik si Abner sa Hebron, siya ay dinala ni Joab sa isang tabi ng pintuang-bayan upang makipag-usap sa kanya ng sarilinan, at doon ay kanyang sinaksak siya sa tiyan. Kaya't siya'y namatay para sa dugo ni Asahel na kanyang kapatid.

28 Pagkatapos, nang mabalitaan ito ni David ay kanyang sinabi, “Ako at ang aking kaharian ay walang sala magpakailanman sa harap ng Panginoon para sa dugo ni Abner na anak ni Ner.

29 Nawa'y bumagsak ito sa ulo ni Joab, at sa buong sambahayan ng kanyang ama. Nawa'y huwag mawalan sa sambahayan ni Joab ng isang dinudugo, o ng ketongin, o may pantahi,[i] o napapatay sa pamamagitan ng tabak, o ng kinukulang ng tinapay!”

30 Gayon pinatay si Abner ni Joab at ni Abisai na kanyang kapatid, sapagkat pinatay niya ang kanilang kapatid na si Asahel sa labanan sa Gibeon.

Si Abner ay Inilibing

31 Sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng taong kasama niya, “Punitin ninyo ang inyong mga suot, at magbigkis kayo ng damit-sako, at magluksa kayo sa harap ni Abner.” At si Haring David ay sumunod sa kabaong.

32 Kanilang inilibing si Abner sa Hebron, at inilakas ng hari ang kanyang tinig, at umiyak sa libingan ni Abner; at ang buong bayan ay umiyak.

33 Tinangisan ng hari si Abner na sinasabi,

“Dapat bang mamatay si Abner, na gaya ng pagkamatay ng isang hangal?
34 Ang iyong mga kamay ay hindi natalian,
    ang iyong mga paa ay hindi nakagapos;
kung paanong nabubuwal ang isang lalaki sa harap ng masama
    ay gayon ka nabuwal.”

At iniyakan siyang muli ng buong bayan.

35 Ang buong bayan ay dumating upang himukin si David na kumain ng tinapay samantalang araw pa; ngunit sumumpa si David, na sinasabi, “Gawin sa akin ng Diyos, at higit pa, kung ako'y tumikim ng tinapay o ng anumang bagay hanggang sa lumubog ang araw!”

36 Iyon ay napansin ng buong bayan, at ikinalugod nila; gaya ng anumang ginagawa ng hari ay nakakalugod sa buong bayan.

37 Kaya't naunawaan ng buong bayan at ng buong Israel nang araw na iyon na hindi kalooban ng hari na patayin si Abner na anak ni Ner.

38 At sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Hindi ba ninyo nalalaman na may isang pinuno at isang dakilang tao ang nabuwal sa araw na ito sa Israel?

39 Ako ngayon ay walang kapangyarihan, kahit na hinirang[j] na hari; at ang mga lalaking ito na mga anak ni Zeruia ay napakarahas para sa akin. Gantihan nawa ng Panginoon ang gumagawa ng kasamaan ayon sa kanyang kasamaan!”

Pinatay si Isboset

Nang mabalitaan ni Isboset,[k] na anak ni Saul, na si Abner ay namatay sa Hebron, ang kanyang mga kamay ay nanghina, at ang lahat ng Israel ay nangamba.

Ang anak ni Saul ay may dalawang lalaki na mga punong-kawal ng mga pulutong na sumasalakay; ang pangalan ng isa ay Baana, at ang pangalan ng ikalawa ay Recab. Sila ay mga anak ni Rimon na Beerotita sa mga anak ni Benjamin (sapagkat ang Beerot ay ibinilang din sa Benjamin:

Ang mga Beerotita ay tumakas sa Gitaim, at nanirahan doon bilang mga banyaga hanggang sa araw na ito).

Si(K) Jonathan na anak ni Saul ay may isang anak na pilay ang mga paa. Siya'y limang taong gulang nang dumating ang balita tungkol kina Saul at Jonathan mula sa Jezreel. Kinuha siya ng kanyang yaya at tumakas at habang siya'y nagmamadali sa pagtakas, siya'y nahulog, at napilay. At ang kanyang pangalan ay Mefiboset.

At ang mga anak ni Rimon na Beerotita, na sina Recab at Baana, ay humayo at nang kainitan ang araw ay dumating sa bahay ni Isboset, habang siya ay nagpapahinga sa katanghaliang-tapat.

Sila ay pumasok sa bahay na parang kukuha ng trigo, at kanilang sinaksak siya sa tiyan. At sina Recab at Baana na kanyang kapatid ay tumakas.

Sila ay nakapasok sa bahay, habang siya'y nakahiga sa kanyang higaan sa kanyang silid. Kanilang sinalakay siya, pinatay, at pinugutan ng ulo. Kinuha nila ang kanyang ulo at umalis na tinahak ang Araba buong gabi.

Kanilang dinala ang ulo ni Isboset kay David sa Hebron. Sinabi nila sa hari, “Narito ang ulo ni Isboset na anak ni Saul na iyong kaaway na nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ng Panginoon ang aking panginoong hari sa araw na ito kay Saul, at sa kanyang binhi.”

Sinagot ni David si Recab at si Baana na kanyang kapatid, na mga anak ni Rimon na Beerotita, “Habang buháy ang Panginoon na siyang tumubos ng aking buhay mula sa bawat kaguluhan,

10 nang(L) sabihin sa akin ng isang tao, ‘Tingnan mo, si Saul ay patay na,’ na nag-aakalang nagdadala siya ng magandang balita, ay aking hinuli siya, at pinatay ko siya sa Siclag na siyang gantimpalang ibinigay ko sa kanya dahil sa kanyang balita.

11 Gaano pa kaya kung pinatay ng masasamang lalaki ang isang taong matuwid sa kanyang sariling bahay sa kanyang higaan, hindi ko ba hihingin ngayon ang kanyang dugo sa inyong kamay, at puksain kayo sa lupa?”

12 Inutusan ni David ang kanyang mga kabataang tauhan, at kanilang pinatay sila, pinutol ang kanilang mga kamay at mga paa, at ibinitin ang mga iyon sa tabi ng tipunan ng tubig sa Hebron. Ngunit kanilang kinuha ang ulo ni Isboset, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.

Si David ay Ginawang Hari ng Israel at Juda(M)

Pagkatapos ay pumaroon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, na nagsasabi, “Kami ay iyong buto at laman.

Sa nakaraang panahon, nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang nangunguna at nagdadala sa Israel. Sinabi ng Panginoon sa iyo, ‘Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel at ikaw ay magiging pinuno sa Israel.’”

Kaya't pumunta ang lahat ng matatanda sa Israel sa hari na nasa Hebron; at si Haring David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel.

Si(N) David ay tatlumpung taong gulang nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y nagharing apatnapung taon.

Sa Hebron ay naghari siya sa Juda ng pitong taon at anim na buwan; at sa Jerusalem ay naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon sa buong Israel at Juda.

Ang Zion ay Sinakop

Ang(O) hari at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na naninirahan sa lupain, na nagsabi kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kundi ang mga bulag at pilay ang hahadlang sa iyo,” na iniisip, “Si David ay hindi makakapasok dito.”

Gayunma'y sinakop ni David ang kuta ng Zion na siyang lunsod ni David.

Sinabi ni David nang araw na iyon, “Sinumang sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat siya sa inaagusan ng tubig upang salakayin ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David.” Kaya't kanilang sinasabi, “Ang mga bulag at pilay ay hindi makakapasok sa bahay.”

Nanirahan si David sa kuta at tinawag itong lunsod ni David. At itinayo ni David ang lunsod sa palibot mula sa Milo hanggang sa loob.

10 Si David ay dumakila ng dumakila, sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama niya.

11 Si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, ng mga puno ng sedro, mga karpintero, at mga kantero at ipinagtayo ng bahay si David.

12 Nabatid ni David na itinalaga siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at kanyang itinaas ang kanyang kaharian alang-alang sa kanyang bayang Israel.

13 Kumuha pa si David ng mga asawang-lingkod at mga asawa sa Jerusalem, pagkagaling niya sa Hebron; at may mga ipinanganak pang mga lalaki at babae kay David.

14 Ito ang mga pangalan ng mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem; sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,

15 Ibhar, Elisua; Nefeg, Jafia;

16 Elisama, Eliada, at si Elifelet.

Tagumpay Laban sa Filisteo(P)

17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinalagang hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay umahon upang hanapin si David; ngunit ito ay nabalitaan ni David at siya'y pumunta sa kuta.

18 Ang mga Filisteo ay dumating at kumalat sa libis ng Refaim.

19 Sumangguni si David sa Panginoon, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” Sinabi ng Panginoon kay David, “Umahon ka sapagkat tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”

20 Dumating si David sa Baal-perazim at sila'y ginapi doon ni David. Kanyang sinabi, “Winasak ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, gaya ng umaapaw na baha.” Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Baal-perazim.

21 Doon ay iniwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan, at tinangay ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga iyon.

22 Muling umahon ang mga Filisteo, at kumalat sa libis ng Refaim.

23 Nang sumangguni si David sa Panginoon ay kanyang sinabi, “Huwag kang aahon; liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasalakay sa kanila sa tapat ng mga puno ng balsamo.

24 Kapag iyong narinig ang yabag ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, lumusob ka agad sapagkat lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”

25 Gayon ang ginawa ni David gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya; at tinalo niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer.

Ang Kaban ay Dinala sa Jerusalem(Q)

Muling tinipon ni David ang lahat ng piling lalaki sa Israel na tatlumpung libo.

Si(R) David at ang buong bayang kasama niya ay umalis mula sa Baale-juda upang iahon mula roon ang kaban ng Diyos, na tinatawag sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo na nakaupo sa mga kerubin.

Kanilang(S) inilagay ang kaban ng Diyos sa isang bagong karwahe, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang siyang nagpatakbo ng bagong karwahe,

na kinaroroonan ng kaban ng Diyos, at si Ahio ay nauna sa kaban.

Si David at ang buong sambahayan ni Israel ay nagsasaya sa harap ng Panginoon ng kanilang buong lakas, na may mga awitan, mga alpa, mga salterio, mga pandereta, mga kastaneta, at ng mga pompiyang.

Nang sila'y dumating sa giikan ni Nacon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay sa kaban ng Diyos, at hinawakan ito sapagkat ang mga baka ay natalisod.

Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah; at pinatay siya roon ng Diyos sapagkat humawak siya sa kaban. Namatay siya doon sa tabi ng kaban ng Diyos.

Nagalit si David sapagkat pinarusahan ng Panginoon si Uzah; at ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza hanggang sa araw na ito.

Kaya't natakot si David sa Panginoon sa araw na iyon, at kanyang sinabi, “Paanong madadala rito sa akin ang kaban ng Panginoon?”

10 Kaya't hindi nais ni David na dalhin ang kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, kundi dinala ito ni David sa bahay ni Obed-edom na Geteo.

11 Ang(T) kaban ng Panginoon ay nanatili sa bahay ni Obed-edom na Geteo ng tatlong buwan; at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kanyang buong sambahayan.

12 Sinabi sa Haring David, “Pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol para sa kanya, dahil sa kaban ng Diyos.” Humayo si David at iniahon ang kaban ng Diyos mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa lunsod ni David na may kagalakan.

13 Nang ang mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghandog ng isang dumalagang baka at isang pinatabang baka.

14 Nagsayaw si David ng kanyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay may bigkis ng isang efod na lino.

15 Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon na may sigawan at may tunog ng tambuli.

16 Sa pagdating ng kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay dumungaw sa bintana, at nakita si Haring David na naglululukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.

17 Kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kanyang lugar, sa loob ng tolda na itinayo ni David. Naghandog si David ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan sa harap ng Panginoon.

18 Nang makatapos si David sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.

19 Ang(U) kanyang ipinamahagi sa buong bayan, sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalaki at sa mga babae, at sa bawat isa ay isang tinapay, isang karne, at isang tinapay na pasas. Pagkatapos nito, ang buong bayan ay umuwi sa kanya-kanyang bahay.

20 Bumalik si David upang basbasan ang kanyang sambahayan. Subalit si Mical na anak ni Saul ay lumabas upang salubungin si David, at sinabi, “Niluwalhati ngayon ng hari ng Israel ang kanyang sarili, na siya'y naghubad ngayon sa paningin ng mga babaing alipin ng kanyang mga lingkod, gaya ng kahiyahiyang paghuhubad ng isang taong malaswa.”

21 Sinabi ni David kay Mical, “Iyon ay sa harap ng Panginoon na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at higit sa buong sambahayan niya, upang hirangin ako bilang pinuno ng Israel, ang bayan ng Panginoon, kaya't ako'y magsasaya sa harap ng Panginoon.

22 Gagawin ko ang aking sarili na higit pang hamak kaysa rito, at ako'y magpapakababa sa iyong paningin; ngunit sa mga babaing lingkod na iyong binanggit, sa pamamagitan nila ako ay pararangalan.”

23 At si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

Pabalita ni Natan kay David(V)

At nangyari nang ang hari ay nakatira na sa kanyang bahay, at binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan sa lahat niyang mga kaaway sa palibot.

Sinabi ng hari kay Natan na propeta, “Tingnan mo ngayon, ako'y tumitira sa isang bahay na sedro, ngunit ang kaban ng Diyos ay nakatira sa loob ng mga tabing.”

At sinabi ni Natan sa hari, “Humayo ka, gawin mo ang lahat ng nasa iyong isipan; sapagkat ang Panginoon ay kasama mo.”

Subalit nang gabi ring iyon, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Natan, na sinasabi,

“Humayo ka at sabihin mo sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ikaw ba ang magtatayo ng aking bahay na matitirahan?

Sapagkat hindi pa ako nakakatira sa isang bahay mula ng araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, kundi ako'y nagpapalipat-lipat sa tolda para sa aking tirahan.

Sa lahat ng dako na aking nilakarang kasama ng lahat ng mga anak ni Israel, nagsalita ba ako ng isang salita sa isa sa mga lipi ng Israel na aking inutusan upang maging pastol ng aking bayang Israel, na nagsasabi, “Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng isang bahay na sedro?”’

Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pinuno sa aking bayang Israel.

Ako'y naging kasama mo saan ka man pumunta, at aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa.

10 Pipili ako ng isang lugar para sa aking bayang Israel, at aking itatatag sila, upang sila'y manirahan sa kanilang sariling lugar, at huwag ng gambalain pa. Hindi na sila pahihirapan pa ng mga taong malulupit, na gaya nang una,

11 mula sa araw na ako'y humirang ng mga hukom sa aking bayang Israel; at bibigyan kita ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway. Bukod sa rito ay sinasabi sa iyo ng Panginoon na igagawa ka ng Panginoon ng isang bahay.

12 Kapag(W) ang iyong mga araw ay naganap na at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga ninuno, aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong katawan, at aking itatatag ang kanyang kaharian.

13 Siya'y magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, at aking itatatag ang trono ng kanyang kaharian magpakailanman.

14 Ako'y(X) magiging kanyang ama at siya'y magiging aking anak. Kapag siya'y gumawa ng kasamaan, parurusahan ko siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao;

15 ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pag-ibig gaya ng aking pagkaalis nito kay Saul, na aking inalis sa harap mo.

16 Ang(Y) iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailanman sa harap ko; ang iyong trono ay matatatag magpakailanman.’”

17 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa lahat ng pangitaing ito ay nagsalita si Natan kay David.

Panalangin ng Pagpapasalamat ni David(Z)

18 Nang magkagayo'y pumasok si Haring David at umupo sa harap ng Panginoon, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong Diyos, at ano ang aking sambahayan na ako'y iyong dinala sa ganito kalayo?

19 Ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, O Panginoong Diyos; at ikaw ay nagsalita rin tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa matagal na panahong darating; at ipinakita mo sa akin ang hinaharap na salinlahi, O Panginoong Diyos!

20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod, O Panginoong Diyos.

21 Dahil sa iyong pangako at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito upang malaman ng iyong lingkod.

22 Kaya't ikaw ay dakila, O Panginoong Diyos; sapagkat walang gaya mo, o may ibang Diyos pa bukod sa iyo, ayon sa lahat nang naririnig ng aming mga tainga.

23 Anong(AA) bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel? Mayroon bang ibang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang bayan, at gumawa para sa kanya ng isang pangalan, na gumagawa para sa kanila ng mga dakila at mga kakilakilabot na mga bagay, sa pamamagitan ng pagpapalayas sa harap ng iyong bayan ng mga bansa at ng kanilang mga diyos?

24 At itinatag mo sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging iyong bayan magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.

25 At ngayon, O Panginoong Diyos, pagtibayin mo magpakailanman ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita,

26 at ang iyong pangalan ay dadakilain magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang Panginoon ng mga hukbo ay Diyos sa Israel’ at ang sambahayan ng iyong lingkod na si David ay matatatag sa harap mo.

27 Sapagkat ikaw, O Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel ang gumawa ng ganitong pahayag sa iyong lingkod, na sinasabi, ‘Ipagtatayo kita ng isang bahay’; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin ng ganito sa iyo.

28 At ngayon, O Panginoong Diyos, ikaw ay Diyos at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;

29 kaya't ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang ito'y magpatuloy magpakailanman sa harap mo. Sapagkat ikaw, O Panginoong Diyos ay nagsalita, at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sambahayan ng iyong lingkod magpakailanman.”

Ang mga Tagumpay ni David sa Digmaan(AB)

Pagkatapos nito, nilupig ni David ang mga Filisteo at pinasuko sila, at kinuha ni David ang Meteg-ama mula sa kamay ng mga Filisteo.

Nilupig din niya ang Moab at kanyang pinahiga sila sa lupa at sinukat sila sa pamamagitan ng isang tali. Bawat dalawang sukat ng tali ay ipinapatay, at isang sukat para sa ililigtas. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David at nagdala ng mga buwis.

Nilupig din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari ng Soba, habang siya'y humahayo upang ibalik ang kanyang kapangyarihan sa Ilog Eufrates.

Kinuha ni David mula sa kanya ang isanlibo at pitong daang mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad. At pinilayan ni David ang lahat ng kabayo na pangkarwahe, ngunit nag-iwan siya ng sapat para sa isandaang karwahe.

Nang dumating ang mga taga-Siria mula sa Damasco upang tumulong kay Hadadezer na hari sa Soba, pinatay ni David sa mga taga-Siria ang dalawampu't dalawang libong tao.

Pagkatapos ay naglagay si David ng mga kuta sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Siria ay naging mga alipin ni David at nagsipagdala ng buwis. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dinala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.

Mula sa Beta at Berotai na mga bayan ni Hadadezer ay kumuha si Haring David ng napakaraming tanso.

Nang mabalitaan ni Toi na hari ng Hamat na nilupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,

10 sinugo ni Toi si Joram na kanyang anak kay Haring David upang bumati sa kanya at purihin siya sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at kanyang nilupig siya. Si Hadadezer ay madalas na lumalaban noon kay Toi. Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, kagamitang ginto, at mga kagamitang tanso;

11 ang mga ito naman ay itinalaga ni David sa Panginoon na kasama ng pilak at ng ginto na kanyang itinalaga mula sa lahat ng mga bansa na kanyang pinasuko;

12 mula sa Edom, Moab, sa mga Ammonita, sa mga Filisteo, sa Amalek, at sa nasamsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.

13 At(AC) napabantog si David. Nang siya'y bumalik, nakapatay siya ng labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.

14 Naglagay siya ng mga kuta sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga kuta, at ang lahat ng Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

15 Kaya't naghari si David sa buong Israel; at naggawad si David ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa kanyang buong bayan.

16 At si Joab na anak ni Zeruia ay pinuno ng hukbo; at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala;

17 si Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ay mga pari; at si Seraya ay kalihim;

18 si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng mga Kereteo at Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pari.

Sina David at Mefiboset

Nagtanong(AD) si David, “May nalalabi pa ba sa sambahayan ni Saul upang aking mapagpakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonathan?”

Noon ay may isang lingkod sa sambahayan ni Saul na ang pangalan ay Ziba. Kanilang tinawag siya upang humarap kay David, at sinabi ng hari sa kanya, “Ikaw ba si Ziba?” At kanyang sinabi, “Ako nga ang iyong lingkod.”

Sinabi(AE) ng hari, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul upang siya'y mapagpakitaan ko ng kabutihan ng Diyos?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Mayroon pang isang anak si Jonathan; pilay ang kanyang mga paa.”

At sinabi ng hari sa kanya, “Saan siya naroroon?” Sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nasa bahay ni Makir na anak ni Amiel, sa Lodebar.”

Kaya't nagsugo si Haring David at ipinakuha siya sa bahay ni Makir na anak ni Amiel mula sa Lodebar.

Si Mefiboset, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay pumaroon kay David, nagpatirapa sa kanyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, “Mefiboset.” Siya'y sumagot, “Ako ang iyong lingkod!”

Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot, sapagkat pagpapakitaan kita ng kabutihan alang-alang kay Jonathan na iyong ama. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ni Saul na iyong ama at ikaw ay palaging kakain sa aking hapag.”

At siya'y nagbigay galang at nagsabi, “Ano ang iyong lingkod upang iyong tingnan ang isang asong patay na gaya ko?”

Nang magkagayo'y tinawag ng hari si Ziba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kanya, “Lahat ng nauukol kay Saul at sa kanyang buong sambahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong panginoon.

10 Ikaw, ang iyong mga anak at mga alipin ay magbubungkal ng lupa para sa kanya, at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain. Ngunit si Mefiboset na anak ng iyong panginoon ay palaging kakain sa aking hapag.” Si Ziba ay may labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin.

11 Pagkatapos ay sinabi ni Ziba sa hari, “Ayon sa lahat ng iniutos ng aking panginoong hari sa kanyang lingkod ay gayon ang gagawin ng iyong lingkod.” Kaya't si Mefiboset ay kumain sa hapag ni David na gaya ng isa sa mga anak ng hari.

12 Si Mefiboset ay may isang anak na binata na ang pangalan ay Mica. At lahat ng naninirahan sa bahay ni Ziba ay naging mga lingkod ni Mefiboset.

13 Kaya't nanirahan si Mefiboset sa Jerusalem, sapagkat siya'y laging kumakain sa hapag ng hari. At pilay ang kanyang dalawang paa.

Ginapi ni David ang Ammon at ang Siria(AF)

10 At nangyari pagkatapos nito, ang hari ng mga Ammonita ay namatay, at si Hanun na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Sinabi ni David, “Pagpapakitaan ko ng kagandahang-loob si Hanun na anak ni Nahas, gaya ng pagpapakita sa akin ng kagandahang-loob ng kanyang ama.” Kaya't nagsugo si David sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod upang aliwin siya tungkol sa kanyang ama. At dumating ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga anak ni Ammon.

Ngunit sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon, “Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya't siya'y nagsugo ng mga tagaaliw? Hindi kaya nagsugo si David sa iyo ng kanyang mga lingkod upang siyasatin ang bayan, at upang tiktikan, at upang ito ay magapi?”

Kaya't dinakip ni Hanun ang mga lingkod ni David, at inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna, sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis.

Nang ito ay ibalita kay David, siya'y nagsugo upang salubungin sila, sapagkat ang mga lalaki ay lubhang napahiya. Sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, pagkatapos ay bumalik na kayo.”

Nang makita ng mga Ammonita na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, ang mga Ammonita ay nagsugo at inupahan ang mga taga-Siria sa Bet-rehob, at ang mga taga-Siria sa Soba, dalawampung libong kawal na lakad, at ang hari sa Maaca na may isanlibong tauhan at ang mga lalaking taga-Tob na labindalawang libong lalaki.

Nang ito ay mabalitaan ni David, kanyang sinugo si Joab at ang lahat ng hukbo ng mga makapangyarihang lalaki.

Ang mga Ammonita ay nagsilabas at humanay sa labanan sa pasukan sa pintuang-bayan; at ang mga taga-Siria ng Soba, ng Rehob, at ang mga lalaking taga-Tob at mga taga-Maaca ay nasa parang.

Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatutok sa kanya sa harapan at likuran, pumili siya ng ilan sa mga hirang na lalaki sa Israel at inihanay sila laban sa mga taga-Siria.

10 Ang nalabi sa kanyang mga tauhan ay inilagay niya sa pamamahala ni Abisai na kanyang kapatid, at kanyang inihanay sila laban sa mga Ammonita.

11 Kanyang sinabi, “Kung ang mga taga-Siria ay napakalakas para sa akin, ay tulungan mo nga ako; ngunit kung ang mga Ammonita ay maging napakalakas para sa iyo, darating naman ako at tutulungan kita.

12 Magpakatapang ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos; at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.”

13 Kaya't lumapit si Joab at ang mga taong kasama niya sa pakikipaglaban sa mga taga-Siria; at sila'y nagsitakas sa harap niya.

14 Nang makita ng mga Ammonita na ang mga taga-Siria ay nagsitakas, sila man ay nagsitakas din sa harap ni Abisai, at nagsipasok sa lunsod. Kaya't bumalik si Joab mula sa paglaban sa mga Ammonita at dumating sa Jerusalem.

15 Subalit nang makita ng mga taga-Siria na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nagtipun-tipon.

16 Nagsugo si Hadadezer at dinala ang mga taga-Siria na nasa kabila ng Ilog Eufrates; at sila'y dumating sa Helam na kasama ni Shobac na puno ng hukbo ni Hadadezer sa kanilang unahan.

17 Nang ito'y ibalita kay David kanyang tinipon ang buong Israel at tumawid sa Jordan, at dumating sa Helam. At ang mga taga-Siria ay humanay laban kay David, at lumaban sa kanya.

18 Ang mga taga-Siria ay tumakas sa harap ng Israel; at pumatay si David sa mga taga-Siria ng mga kalalakihan ng pitong daang karwahe, at apatnapung libong mangangabayo, at sinugatan si Shobac na pinuno ng kanilang hukbo, kaya't siya'y namatay doon.

19 Nang makita ng lahat ng hari na mga lingkod ni Hadadezer na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nakipagpayapaan sa Israel at napasakop sa kanila. Kaya't natakot ang mga taga-Siria na tumulong pa sa mga Ammonita.

Sina David at Batseba

11 Sa(AG) tagsibol ng taon, ang panahon na ang mga hari ay lumalabas upang makipaglaban, sinugo ni David si Joab at ang kanyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel. Kanilang sinalanta ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem.

Isang dapit-hapon, nang si David ay bumangon sa kanyang higaan at naglalakad sa bubungan ng bahay ng hari, nakakita siya mula sa bubungan ng isang babaing naliligo; at ang babae ay napakaganda.

Nagsugo si David at nagtanong tungkol sa babae. At sinabi ng isa, “Hindi ba ito ay si Batseba na anak ni Eliam, na asawa ni Urias na Heteo?”

Kaya't si David ay nagpadala ng mga sugo at kinuha siya. Ang babae ay pumaroon sa kanya at siya'y kanyang sinipingan. (Siya ay katatapos pa lamang maglinis mula sa kanyang karumihan.) Pagkatapos, siya'y bumalik sa kanyang bahay.

Ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at sinabi kay David, “Ako'y buntis.”

Kaya't nagpasabi si David kay Joab, “Papuntahin mo sa akin si Urias na Heteo.” Pinapunta ni Joab si Urias kay David.

Nang si Urias ay dumating sa kanya, tinanong siya ni David kung ano ang kalagayan ni Joab at ng mga tauhan, at kung ano ang nangyayari sa labanan.

Sinabi ni David kay Urias, “Bumaba ka sa iyong bahay at hugasan mo ang iyong mga paa.” At lumabas si Urias sa bahay ng hari at isinunod sa kanya ang isang regalo mula sa hari.

Ngunit natulog si Urias sa pintuan ng bahay ng hari, kasama ng lahat ng mga lingkod ng kanyang panginoon, at hindi bumaba sa kanyang bahay.

10 Nang kanilang sabihin kay David na, “Hindi bumaba si Urias sa kanyang bahay,” sinabi ni David kay Urias, “Hindi ba galing ka sa isang paglalakbay? Bakit hindi ka bumaba sa iyong bahay?”

11 Sinabi ni Urias kay David, “Ang kaban, ang Israel, at ang Juda ay naninirahan sa mga tolda at ang aking panginoong si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon ay nagkakampo sa parang. Pupunta ba ako sa aking bahay upang kumain, uminom, at sumiping sa aking asawa? Habang buháy ka, at buháy ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.”

12 Pagkatapos ay sinabi ni David kay Urias, “Manatili ka rin dito ngayon at bukas ay paaalisin na kita.” Kaya't tumigil si Urias sa Jerusalem ng araw na iyon at sa kinabukasan.

13 Inanyayahan siya ni David na siya'y kumain at uminom sa harap niya; at siya'y kanyang nilasing. Kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kanyang higaan kasama ang mga lingkod ng kanyang panginoon, ngunit hindi siya bumaba sa kanyang bahay.

14 Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias.

15 Sa liham ay kanyang isinulat, “Ilagay mo si Urias sa unahan ng pinakamainit na labanan, pagkatapos kayo'y umurong mula sa kanya, upang siya'y masaktan, at mamatay.”

16 Habang kinukubkob ni Joab ang lunsod, kanyang inilagay si Urias sa lugar na alam niyang kinaroroonan ng matatapang na lalaki.

17 At ang mga lalaki sa lunsod ay lumabas at lumaban kay Joab, at ilan sa mga lingkod ni David ay nabuwal na kasama ng bayan. Si Urias na Heteo ay napatay rin.

18 Pagkatapos ay nagsugo si Joab at sinabi kay David ang lahat ng mga balita tungkol sa labanan;

19 at kanyang ibinilin sa sugo, “Kapag tapos ka ng magsalaysay sa hari ng lahat ng mga balita tungkol sa labanan,

20 at, kung magalit ang hari at kanyang sabihin sa iyo, ‘Bakit lumapit kayong mabuti sa lunsod upang lumaban? Hindi ba ninyo nalalaman na sila'y papana mula sa pader?

21 Sino(AH) ang pumatay kay Abimelec na anak ni Jerubeshet? Hindi ba isang babae ang naghagis sa kanya ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan mula sa pader, kaya't siya'y namatay sa Tebez? Bakit kayo'y lumapit sa pader?’ Saka mo sasabihin, ‘Ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay patay rin.’”

22 Kaya't humayo ang sugo, pumaroon at isinalaysay kay David ang lahat ng ipinasasabi sa kanya ni Joab.

23 At sinabi ng sugo kay David, “Ang mga lalaki ay nanaig laban sa amin, at lumabas sa amin sa parang; ngunit pinaurong namin sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.

24 At pinana ng mga tagapana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang ilan sa mga lingkod ng hari ay namatay, at ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay napatay rin.”

25 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa sugo, “Ganito ang sabihin mo kay Joab, ‘Huwag mong ikabahala ang bagay na ito, sapagkat nilalamon ng tabak ngayon ang isa at pagkatapos ay ang iba naman. Palakasin mo ang iyong pagsalakay sa lunsod at wasakin mo iyon!’ Palakasin mo ang loob niya.”

26 Nang marinig ng asawa ni Urias na si Urias na kanyang asawa ay namatay, kanyang tinangisan ang kanyang asawa.

27 Nang tapos na ang pagluluksa, si David ay nagsugo at kinuha ang babae sa kanyang bahay, at siya'y naging kanyang asawa, at nagkaanak sa kanya ng isang lalaki. Ngunit ang bagay na ginawa ni David ay hindi kinalugdan ng Panginoon.

Sinaway ni Natan si David

12 At(AI) isinugo ng Panginoon si Natan kay David. Siya'y pumaroon sa kanya at sinabi sa kanya, “May dalawang lalaki sa isang lunsod, ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.

Ang mayaman ay mayroong napakaraming kawan at bakahan;

ngunit ang mahirap ay walang anumang bagay liban sa isang munting babaing kordero na kanyang binili. Kanyang inalagaan ito at lumaki sa piling niya at ng kanyang mga anak. Kumakain ito ng kanyang sariling pagkain at umiinom sa kanyang sariling inuman, at humihiga sa kanyang kandungan, at sa kanya'y parang isang anak na babae.

Noon ay may dumating na manlalakbay sa mayaman. Ayaw niyang kumuha mula sa kanyang sariling kawan at sa kanyang sariling bakahan para sa manlalakbay na dumating sa kanya. Sa halip ay kinuha niya ang kordero ng taong mahirap at inihanda sa lalaking dumating sa kanya.”

At ang galit ni David ay labis na nagningas laban sa lalaki; at kanyang sinabi kay Natan, “Habang buháy ang Panginoon, ang lalaking gumawa nito ay karapat-dapat na mamatay;

kanyang ibabalik ang kordero na may dagdag na apat, sapagkat kanyang ginawa ang bagay na ito, at sapagkat siya'y walang habag.”

Sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Binuhusan kita ng langis upang maging hari ng Israel, at iniligtas kita sa kamay ni Saul.

Ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong kandungan, at ang sambahayan ng Israel at ng Juda; at kung ito ay maliit pa ay daragdagan pa kita ng higit.

Bakit mo hinamak ang salita ng Panginoon upang gumawa ng masama sa kanyang paningin? Tinaga mo ng tabak si Urias na Heteo, at kinuha mo ang kanyang asawa upang maging iyong asawa, at pinaslang mo siya sa pamamagitan ng tabak ng mga Ammonita.

10 Kaya ngayon ay hindi hihiwalay kailanman ang tabak sa iyong sambahayan; sapagkat hinamak mo ako, at kinuha mo ang asawa ni Urias na Heteo upang maging iyong asawa.’

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001