Bible in 90 Days
Ang Pagkakabahagi ng mga Anak ni Aaron
24 Ang pagkakabahagi ng mga anak ni Aaron ay ito. Ang mga anak ni Aaron: sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.
2 Ngunit(A) si Nadab at si Abihu ay naunang namatay sa kanilang ama, at hindi nagkaroon ng anak. Kaya't si Eleazar at si Itamar ang naglingkod bilang mga pari.
3 Sa tulong ni Zadok na isa sa mga anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na isa sa mga anak ni Itamar, pinangkat-pangkat sila ni David ayon sa kanilang mga gawain sa kanilang paglilingkod.
4 Palibhasa'y mas maraming pinuno na natagpuan sa mga anak ni Eleazar kaysa sa mga anak ni Itamar, sila'y hinati sa ilalim ng labing-anim na mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno sa mga anak ni Eleazar, at walo naman sa mga anak ni Itamar.
5 Pinagpangkat-pangkat sila sa pamamagitan ng palabunutan, bawat isa sa kanila; sapagkat mayroong mga pinuno sa santuwaryo, at mga pinuno para sa Diyos sa mga anak ni Eleazar at sa mga anak ni Itamar.
6 Itinala ang mga ito ni Shemaya na eskriba na anak ni Natanael na Levita, sa harapan ng hari, at ng mga pinuno, at ng paring si Zadok, at ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga pari, at ng mga Levita. Isang sambahayan ng mga ninuno ang pinili para kay Eleazar, at ang isa'y pinili para kay Itamar.
7 Ang unang palabunutan ay napapunta kay Jehoiarib, ang ikalawa'y kay Jedias;
8 ang ikatlo ay kay Harim, ang ikaapat ay kay Seorim;
9 ang ikalima ay kay Malkia, ang ikaanim ay kay Mijamin;
10 ang ikapito ay kay Hakoz, ang ikawalo ay kay Abias;
11 ang ikasiyam ay kay Jeshua, ang ikasampu ay kay Shecanias;
12 ang ikalabing-isa ay kay Eliasib, ang ikalabindalawa ay kay Jakim;
13 ang ikalabintatlo ay kay Hupa, ang ikalabing-apat ay kay Isebeab;
14 Ang ikalabinlima ay kay Bilga, ang ikalabing-anim ay kay Imer;
15 ang ikalabimpito ay kay Hezir, ang ikalabingwalo ay kay Hapizez,
16 ang ikalabinsiyam ay kay Petaya, ang ikadalawampu ay kay Jehezkel;
17 ang ikadalawampu't isa ay kay Jakin, ang ikadalawampu't dalawa ay kay Hamul;
18 ang ikadalawampu't tatlo ay kay Delaias, ang ikadalawampu't apat ay kay Maasias.
19 Ito ang pagkakasunud-sunod nila sa kanilang paglilingkod, sa kanilang pagpasok sa bahay ng Panginoon ayon sa tuntuning itinakda para sa kanila sa pamamagitan ni Aaron na kanilang ninuno, gaya ng iniutos sa kanya ng Panginoong Diyos ng Israel.
Ang Iba Pang mga Anak ni Levi
20 At sa iba pang mga anak ni Levi: sa mga anak ni Amram, si Subael; sa mga anak ni Subael, si Jehedias.
21 Kay Rehabias: sa mga anak ni Rehabias, si Ishias ang pinuno.
22 Sa mga Izarita, si Shelomot; sa mga anak ni Shelomot, si Jahat.
23 Sa mga anak ni Hebron: si Jerias ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, si Jecaman ang ikaapat.
24 Ang mga anak ni Uziel: si Micaias; sa mga anak ni Micaias, si Samir.
25 Ang kapatid ni Micaias, si Ishias; sa mga anak ni Ishias, si Zacarias.
26 Ang mga anak ni Merari: si Mahli at si Musi: ang mga anak ni Jaazia: si Beno.
27 Ang mga anak ni Merari: kay Jaazia, sina Beno, Soam, Zacur, at Ibri.
28 Kay Mahli: si Eleazar, na hindi nagkaroon ng anak na lalaki.
29 Kay Kish: ang mga anak ni Kish, si Jerameel.
30 Ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder, at Jerimot. Ang mga ito ang mga anak ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ama.
31 Ang mga ito nama'y nagpalabunutan din gaya ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Aaron, sa harap ni Haring David, at ni Zadok, Ahimelec at ng mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga pari at mga Levita, ang pinuno gayundin ang nakababatang kapatid.
Ang mga Mang-aawit sa Templo
25 Ibinukod din ni David at ng mga punong-kawal ng hukbo para sa paglilingkod ang ilan sa mga anak nina Asaf, Heman, at Jedutun na magpapahayag ng propesiya sa saliw ng mga alpa, mga lira, at ng mga pompiyang. Ang talaan ng gumawa ng gawain at ang kanilang mga tungkulin ay sina:
2 Sa mga anak ni Asaf: sina Zacur, Jose, Netanias, at Asarela, na mga anak ni Asaf; sa ilalim ng pamumuno ni Asaf na nagpahayag ng propesiya ayon sa utos ng hari.
3 Kay Jedutun, ang mga anak ni Jedutun: sina Gedalias, Zeri, Jeshaias, Hashabias, at Matithias, anim;[a] sa ilalim ng pamumuno ng kanilang amang si Jedutun na nagpahayag ng propesiya sa saliw ng lira, na may pagpapasalamat at pagpupuri sa Panginoon.
4 Kay Heman, ang mga anak ni Heman: sina Bukias, Matanias, Uziel, Sebuel, Jerimot, Hananias, Hanani, Eliata, Gidalti, Romamtiezer, Josbecasa, Maloti, Hotir, at Mahaziot.
5 Lahat ng mga ito'y mga anak ni Heman na propeta[b] ng hari, ayon sa pangako ng Diyos na itaas siya. Sapagkat binigyan ng Diyos si Heman ng labing-apat na anak na lalaki at tatlong anak na babae.
6 Silang lahat ay nasa ilalim ng pamumuno ng kanilang ama sa pag-awit sa bahay ng Panginoon, na may mga pompiyang, mga lira, at mga alpa sa paglilingkod sa bahay ng Diyos; sina Asaf, Jedutun, at Heman ay nasa ilalim ng pamumuno ng hari.
7 Ang bilang nila kasama ang kanilang mga kapatid na mga sinanay sa pag-awit sa Panginoon, lahat ng bihasa ay dalawandaan at walumpu't walo.
8 Sila'y nagpalabunutan sa kanilang mga katungkulan, hamak at dakila, maging ang guro at mag-aaral.
Ang Dalawampu at Apat na Bahagi ng Mang-aawit
9 Ang unang sapalaran ay napunta kay Asaf hanggang kay Jose; ang ikalawa'y kay Gedalias; siya at ang kanyang mga kapatid at mga anak ay labindalawa;
10 ang ikatlo ay kay Zacur, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
11 ang ikaapat ay kay Isri, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
12 ang ikalima ay kay Netanias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
13 ang ikaanim ay kay Bukias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
14 ang ikapito ay kay Jesarela, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
15 ang ikawalo ay kay Jeshaias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
16 ang ikasiyam ay kay Matanias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
17 ang ikasampu ay kay Shimei, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
18 ang ikalabing-isa ay kay Azarel, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
19 ang ikalabindalawa ay kay Hashabias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
20 ang ikalabintatlo ay kay Subael, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
21 ang ikalabing-apat ay kay Matithias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
22 ang ikalabinlima ay kay Jerimot, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
23 ang ikalabing-anim ay kay Hananias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
24 ang ikalabimpito ay kay Josbecasa, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
25 ang ikalabingwalo ay kay Hanani, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
26 ang ikalabinsiyam ay kay Maloti, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
27 ang ikadalawampu ay kay Eliata, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
28 ang ikadalawampu't isa ay kay Hotir, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
29 ang ikadalawampu't dalawa ay kay Gidalti, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
30 ang ikadalawampu't tatlo ay kay Mahaziot, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa;
31 ang ikadalawampu't apat ay kay Romamtiezer, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa.
Ang Pagkakabahagi ng mga Bantay ng Pinto
26 Sa pagkakabahagi ng mga bantay ng pinto: sa mga Korahita, si Meselemia na anak ni Kora, sa mga anak ni Asaf.
2 Si Meselemia ay nagkaroon ng mga anak na lalaki: si Zacarias ang panganay, si Jediael ang ikalawa, si Zebadias ang ikatlo, si Jatnael ang ikaapat;
3 si Elam ang ikalima, si Jehohanan ang ikaanim, si Eliehoenai ang ikapito.
4 Si(B) Obed-edom ay nagkaroon ng mga anak: si Shemaya ang panganay, si Jehozabad ang ikalawa, si Joah ang ikatlo, si Sacar ang ikaapat, at si Natanael ang ikalima,
5 si Amiel ang ikaanim, si Isacar ang ikapito, si Peulletai ang ikawalo; sapagkat pinagpala siya ng Diyos.
6 Gayundin kay Shemaya na kanyang anak ay ipinanganak ang mga lalaking namuno sa sambahayan ng kanilang mga ninuno, sapagkat sila'y mga lalaking may malaking kakayahan.
7 Ang mga anak ni Shemaya: sina Othni, Rephael, Obed, at Elzabad, na ang mga kapatid ay magigiting na lalaki, sina Elihu at Samacias.
8 Lahat ng mga ito'y sa mga anak ni Obed-edom: sila at ang kanilang mga anak at ang kanilang mga kapatid, mga bihasang lalaking naaangkop sa paglilingkod; animnapu't dalawa kay Obed-edom.
9 Si Meselemia ay nagkaroon ng mga anak at mga kapatid na magigiting na lalaki, labingwalo.
10 Si Hosa naman sa mga anak ni Merari ay nagkaroon ng mga anak na lalaki; si Simri ang pinuno (kahit na hindi siya panganay, ginawa siyang pinuno ng kanyang ama).
11 Si Hilkias ang ikalawa, si Tebelias ang ikatlo, si Zacarias ang ikaapat; lahat ng mga anak at mga kapatid ni Hosa ay labintatlo.
12 Sa mga ito ang mga bahagi ng mga bantay-pinto, samakatuwid ay mga pinuno na may mga katungkulang gaya ng kanilang mga kapatid na namamahala sa bahay ng Panginoon.
13 Sila'y nagpalabunutan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, hamak man o dakila, para sa kani-kanilang pinto.
14 Ang palabunutan para sa dakong silangan ay napunta kay Shelemias. Nagpalabunutan din sila para kay Zacarias na kanyang anak na isang matalinong tagapayo at ang nabunot para sa kanya ay ang dakong hilaga.
15 Ang kay Obed-edom ay ang dakong timog; at sa kanyang mga anak ay ang kamalig.
16 Kay Suppim at kay Hosa ay ang dakong kanluran, sa tabi ng pintuang-daan ng Sallechet, sa daang paahon. Bawat tanod ay may katuwang na tanod.
17 Sa dakong silangan ay anim na Levita, sa dakong hilaga ay apat araw-araw, sa dakong timog ay apat araw-araw, at sa kamalig ay dala-dalawa.
18 Sa parbar[c] sa dakong kanluran, apat sa daanan, at dalawa sa parbar.
19 Ito ang mga bahagi ng mga bantay ng pinto sa mga Korahita, at sa mga anak ni Merari.
Ang Tagapamahala ng Kayamanan sa Templo
20 Sa mga Levita, si Ahias ang namahala sa mga kayamanan ng bahay ng Diyos at sa mga kayamanan ng mga itinalagang bagay.
21 Ang mga anak ni Ladan, ang mga anak ng mga Gershonita na nauukol kay Ladan; ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno na ukol kay Ladan na Gershonita; si Jehieli.
22 Ang mga anak ni Jehieli: sina Zetam at Joel na kanyang kapatid ang nangasiwa sa mga kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.
23 Sa mga Amramita, sa mga Izarita, sa mga Hebronita, sa mga Uzielita—
24 at si Sebuel na anak ni Gershom, na anak ni Moises, ay punong-tagapamahala sa mga kabang-yaman.
25 Ang kanyang mga kapatid mula kay Eliezer ay si Rehabias na kanyang anak, at si Jeshaias na kanyang anak, si Joram na kanyang anak, si Zicri na kanyang anak, at si Shelomot na kanyang anak.
26 Ang Shelomot na ito at ang kanyang mga kapatid ang namahala sa lahat ng kabang-yaman na nakatalagang bagay na itinalaga ni Haring David, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng mga magulang, ng mga pinunong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan, at ng mga pinunong-kawal ng hukbo.
27 Mula sa mga samsam na pinanalunan sa pakikidigma ay kanilang itinalaga ang mga kaloob upang mapanatiling maayos ang bahay ng Panginoon.
28 Gayundin ang lahat ng itinalaga ni Samuel na tagakita at ni Saul na anak ni Kish, at ni Abner na anak ni Ner, at ni Joab na anak ni Zeruia; ang lahat ng mga itinalagang kaloob ay nasa ilalim ng pag-iingat ni Shelomot at ng kanyang mga kapatid.
29 Sa mga Izarita, si Kenanias at ang kanyang mga anak na lalaki ay itinalaga sa mga panlabas na tungkulin para sa Israel, bilang mga pinuno at mga hukom.
30 Sa mga Hebronita, si Hashabias at ang kanyang mga kapatid na mga magigiting na lalaki, na isang libo't pitong daan, ay namahala sa Israel sa dako roon ng Jordan sa dakong kanluran na ukol sa lahat ng gawain sa Panginoon, at sa paglilingkod sa hari.
31 Sa mga Hebronita, si Jerias ang pinuno sa mga Hebronita, mula sa anumang salinlahi o mga sambahayan. Nang ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, nagkaroon ng pagsisiyasat at may natagpuan sa kanilang magigiting na lalaki sa Jazer ng Gilead.
32 Ang kanyang mga kapatid na mga magigiting na lalaki ay dalawang libo at pitong daan, mga pinuno ng mga sambahayan na siyang ginawa ni David na mga tagapamahala sa mga Rubenita, sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ng mga Manases, sa lahat ng bagay na ukol sa Diyos, at sa mga bagay na ukol sa hari.
Mga Punong-Kawal
27 Ito ang talaan ng sambayanan ng Israel, samakatuwid ay ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinunong-kawal ng libu-libo at daan-daan, at ang kanilang mga pinuno na naglingkod sa hari, sa mga bagay tungkol sa mga pangkat na pumapasok at lumalabas, buwan-buwan sa buong taon, ang bawat pangkat ay dalawampu't apat na libo:
2 Sa unang pangkat na para sa unang buwan, ang tagapamahala ay si Jasobeam na anak ni Zabdiel; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
3 Siya'y mula sa mga anak ni Perez at pinuno ng lahat ng punong-kawal ng hukbo para sa unang buwan.
4 Sa pangkat na para sa ikalawang buwan ay si Dodai na Ahohita, at sa kanyang pangkat ay si Miclot ang tagapamahala, at ang kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
5 Ang ikatlong punong-kawal na para sa ikatlong buwan ay si Benaya, na anak ng paring si Jehoiada na siyang pinuno; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
6 Ito ang Benaya na magiting na lalaki sa tatlumpu, at pinuno sa tatlumpu; ang pinuno sa kanyang pangkat ay si Amisabad na kanyang anak.
7 Ang ikaapat na punong-kawal para sa ikaapat na buwan ay si Asahel na kapatid ni Joab, at si Zebadias na kanyang kapatid ang kasunod niya, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
8 Ang ikalimang punong-kawal para sa ikalimang buwan ay si Samhuth na Izrahita, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
9 Ang ikaanim, para sa ikaanim na buwan ay si Ira na anak ni Ikkes na Tekoita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
10 Ang ikapito, para sa ikapitong buwan ay si Heles na Pelonita, mula sa mga anak ni Efraim, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
11 Ang ikawalo, para sa ikawalong buwan ay si Shibecai na Husatita, mula sa mga Zeraita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
12 Ang ikasiyam, para sa ikasiyam na buwan ay si Abiezer na taga-Anatot, isang Benjaminita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
13 Ang ikasampu, para sa ikasampung buwan ay si Maharai na taga-Netofa mula sa mga Zeraita, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
14 Ang ikalabing-isa, para sa ikalabing-isang buwan ay si Benaya na taga-Piraton, mula sa mga anak ni Efraim, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
15 Ang ikalabindalawa, para sa ikalabindalawang buwan ay si Heldai na Netofatita, mula kay Otniel, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.
Mga Tagapamahala sa mga Lipi
16 Ang mga tagapamahala sa mga lipi ng Israel: sa mga Rubenita, si Eliezer na anak ni Zicri, ang punong-tagapamahala; sa mga Simeonita, si Shefatias na anak ni Maaca.
17 Sa Levi, si Hashabias, na anak ni Kemuel; kay Aaron, si Zadok;
18 sa Juda, si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa Isacar, si Omri na anak ni Micael;
19 sa Zebulon, si Ismaias na anak ni Obadias; sa Neftali, si Jerimot na anak ni Azriel.
20 Sa mga anak ni Efraim, si Hosheas na anak ni Azazias; sa kalahating lipi ni Manases, si Joel na anak ni Pedaya,
21 sa kalahating lipi ni Manases sa Gilead, si Iddo na anak ni Zacarias; sa Benjamin, si Jaasiel na anak ni Abner.
22 Sa Dan, si Azarel na anak ni Jeroham. Ito ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel.
23 Ngunit(C) hindi isinama ni David sa pagbilang ang mula sa dalawampung taong gulang pababa, sapagkat ipinangako ng Panginoon na kanyang pararamihin ang Israel na gaya ng mga bituin sa langit.
24 Si(D) Joab na anak ni Zeruia ay nagpasimulang bumilang, ngunit hindi natapos; gayunma'y dumating sa Israel ang poot dahil dito, at hindi ipinasok ang bilang sa mga talaan ni Haring David.
Ang mga Ingat-yaman ni Haring David
25 Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Adiel. Ang ingat-yaman sa mga bukid, sa mga bayan, sa mga nayon, at sa mga tore ay si Jonathan na anak ni Uzias.
26 Ang namahala sa gumagawa sa bukirin at pagbubungkal ng lupa ay si Ezri na anak ni Kelub.
27 Sa mga ubasan ay si Shimei na Ramatita, at sa mga ani sa mga ubasan para sa mga imbakan ng alak ay si Zabdi na Sifmita.
28 Sa mga puno ng olibo at sa mga puno ng sikomoro na nasa Shefela ay si Baal-hanan na Gederita, at sa mga imbakan ng langis ay si Joas.
29 Sa mga bakahan na ipinapastol sa Sharon ay si Sitrai na Sharonita, at sa mga bakahan na nasa mga libis ay si Shafat na anak ni Adlai.
30 Sa mga kamelyo ay si Obil na Ismaelita, at sa mga babaing asno ay si Jehedias na Meronotita, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita.
31 Lahat ng mga ito'y mga katiwala sa mga ari-arian ni Haring David.
Ang mga Tagapayo ni David
32 Si Jonathan na amain ni David ay isang tagapayo, lalaking matalino, at isang eskriba; at si Jehiel na anak ni Hacmoni ay lingkod sa mga anak ng hari.
33 Si Ahitofel ang tagapayo ng hari; at si Husai na Arkita ang kaibigan ng hari.
34 Kasunod ni Ahitofel ay si Jehoiada na anak ni Benaya, at gayundin ni Abiatar. Si Joab ang punong-kawal sa hukbo ng hari.
Ang Talumpati ni David
28 Pinulong ni David sa Jerusalem ang lahat ng pinuno sa Israel, ang mga puno ng mga lipi, mga punong-kawal ng mga pulutong na naglilingkod sa hari, mga punong-kawal ng libu-libo, mga punong-kawal ng daan-daan, at ang mga katiwala sa lahat ng ari-arian at kawan ng hari at ng kanyang mga anak, kasama ng mga pinuno sa palasyo, at mga makapangyarihang lalaki, at lahat ng magigiting na mandirigma.
2 At(E) tumayo si Haring David at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, mga kapatid ko, at bayan ko. Nasa aking puso na ipagtayo ng isang bahay na pahingahan ang kaban ng tipan ng Panginoon, upang maging tuntungan ng mga paa ng ating Diyos; at ako'y naghanda para sa pagtatayo.
3 Ngunit sinabi ng Diyos sa akin, ‘Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, sapagkat ikaw ay isang mandirigma at nagpadanak ng dugo.’
4 Gayunma'y pinili ako ng Panginoong Diyos ng Israel sa buong sambahayan ng aking ama upang maging hari sa Israel magpakailanman, sapagkat kanyang pinili ang Juda upang maging pinuno, at sa sambahayan ng Juda, ang sambahayan ng aking ama. Sa mga anak ng aking ama ay kinalugdan niya ako upang gawing hari sa buong Israel.
5 Sa lahat ng aking mga anak na lalaki (sapagkat binigyan ako ng Panginoon ng maraming anak,) pinili niya si Solomon na aking anak upang umupo sa trono ng kaharian ng Panginoon sa Israel.
6 Kanyang sinabi sa akin, ‘Si Solomon na iyong anak ang siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga bulwagan, sapagkat pinili ko siya upang maging anak ko, at ako'y magiging kanyang ama.
7 Itatatag ko ang kanyang kaharian magpakailanman, kung kanyang laging susundin ang aking mga utos at mga tuntunin, gaya sa araw na ito.’
8 Ngayon, sa paningin ng buong Israel, ang kapulungan ng Panginoon, at sa pandinig ng ating Diyos, tuparin at sundin ninyo ang lahat ng mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, upang inyong ariin ang mabuting lupaing ito, at maiwan bilang pamana sa inyong mga anak pagkatapos ninyo, magpakailanman.
9 “At ikaw, Solomon na aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama. Paglingkuran mo siya nang buong puso at nang kusang pag-iisip, sapagkat sinasaliksik ng Panginoon ang lahat ng puso, at nalalaman ang lahat ng balak at iniisip. Kung hahanapin mo siya, matatagpuan mo siya; ngunit kung pababayaan mo siya, itatakuwil ka niya magpakailanman.
10 Mag-ingat ka ngayon, sapagkat pinili ka ng Panginoon upang magtayo ng bahay bilang santuwaryo; magpakalakas ka, at kumilos ka.”
Ang Plano ng Templo
11 Pagkatapos ay ibinigay ni David kay Solomon na kanyang anak ang plano ng portiko ng templo, ng mga kabahayan, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga panloob na silid, at ng silid para sa luklukan ng awa;
12 at ang lahat ng plano na nasa kanyang isipan para sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon, sa lahat ng silid sa palibot, sa mga kabang-yaman ng bahay ng Diyos, at sa mga kabang-yaman ng mga nakatalagang bagay.
13 Sa mga pagpapangkat-pangkat ng mga pari at ng mga Levita, at sa lahat ng gawaing paglilingkod sa bahay ng Panginoon, at sa lahat ng kasangkapan para sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon,
14 ang timbang ng ginto para sa lahat ng kasangkapang ginto sa bawat paglilingkod; ang timbang ng mga kasangkapang pilak para sa bawat paglilingkod,
15 ang timbang ng mga ilawang ginto, at ang mga ilaw niyon, ang timbang ng ginto para sa bawat ilawan at sa mga ilaw niyon, ang timbang ng pilak para sa ilawan at sa mga ilaw niyon, ayon sa gamit ng bawat ilawan para sa paglilingkod,
16 ang timbang ng ginto para sa bawat hapag para sa mga tinapay na handog, ang pilak para sa mga pilak na hapag,
17 at lantay na ginto para sa mga tinidor, mga palanggana, mga kopa, para sa mga gintong mangkok at ang timbang ng bawat isa; at sa mga pilak na mangkok at ang timbang ng bawat isa;
18 para sa dambana ng insenso na gawa sa gintong dalisay, at ang timbang niyon; maging ang kanyang plano para sa gintong karwahe ng kerubin na nakabuka ang mga pakpak at nakatakip sa kaban ng tipan ng Panginoon.
19 Lahat ng ito'y kanyang nilinaw sa pamamagitan ng sulat mula sa kamay ng Panginoon; ang lahat ng gagawin ay ayon sa plano.
Huling Habilin
20 Sinabi pa ni David kay Solomon na kanyang anak, “Magpakalakas at magpakatapang ka, at kumilos ka. Huwag kang matakot, o manlupaypay man, sapagkat ang Panginoong Diyos, na aking Diyos, ay sumasaiyo. Hindi ka niya bibiguin, o pababayaan man, hanggang sa ang lahat ng gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay matapos.
21 Narito ang mga pagbabahagi ng mga pari at ng mga Levita, para sa lahat ng paglilingkod sa bahay ng Diyos, at makakasama mo sa lahat ng gawain ay mga taong may kusang-loob at bihasa sa anumang uri ng paglilingkod; gayundin ang mga punong-kawal at ang buong bayan ay lubos na susunod sa iyong utos.”
Mga Inihandang Gagamitin sa Pagtatayo ng Templo
29 Sinabi(F) ni Haring David sa buong kapulungan, “Si Solomon na aking anak na siya lamang pinili ng Diyos ay bata pa at walang sapat na karanasan, at ang gawain ay malaki; sapagkat ang templo ay hindi sa tao, kundi para sa Panginoong Diyos.
2 Kaya't ako'y naghanda sa abot ng aking makakaya para sa bahay ng aking Diyos, ng ginto para sa mga bagay na ginto, pilak para sa mga bagay na pilak, tanso para sa mga bagay na tanso, bakal para sa mga bagay na bakal, kahoy para sa mga bagay na kahoy; bukod sa napakaraming batong onix, mga batong pangkalupkop, mga batong panggayak, batong may sari-saring kulay, at ng lahat ng uri ng mahahalagang bato, at mga batong marmol.
3 Bukod dito, bilang karagdagan sa lahat ng aking ibinigay para sa bahay ng aking Diyos, may pag-aari akong ginto at pilak, at dahil sa aking pagmamalasakit sa bahay ng aking Diyos, ibinibigay ko ito sa banal na bahay:
4 tatlong libong talentong ginto mula sa Ofir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga dingding ng gusali;
5 ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at sa lahat ng sari-saring gawain na gagawin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino ngayon ang maghahandog nang kusa upang italaga ang sarili sa Panginoon sa araw na ito?”
Ang Handog ng mga Tao
6 Nang magkagayo'y nagbigay ng mga kusang-loob na handog ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, gayundin ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel, at ang mga punong-kawal ng mga libu-libo at daan-daan, pati ang mga tagapamahala sa gawain ng hari.
7 Nagbigay sila para sa paglilingkod sa bahay ng Diyos ng ginto, na limang libong talento, at sampung libong dariko ng ginto at sampung libong talentong pilak at labingwalong libong talentong tanso, at isandaang libong talentong bakal.
8 Sinumang may mamahaling bato ay ibinigay ang mga ito sa kabang-yaman ng bahay ng Panginoon, sa ilalim ng pag-iingat ni Jehiel na Gershonita.
9 Pagkatapos ay nagalak ang bayan, sapagkat ang mga ito'y kusang-loob na naghandog, sapagkat sila'y may dalisay na puso na kusang naghandog sa Panginoon at si Haring David ay labis na nagalak.
Ang Pagpapasalamat ni David
10 Kaya't pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng buong kapulungan at sinabi ni David, “Purihin ka, O Panginoon, ang Diyos ni Israel na aming ama, magpakailan kailanman.
11 Iyo,(G) O Panginoon, ang kadakilaan, kapangyarihan, kaluwalhatian, pagtatagumpay, at karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa; iyo ang kaharian, O Panginoon, at ikaw ay mataas na pinuno sa lahat.
12 Ang mga kayamanan at gayundin ang karangalan ay nagmumula sa iyo, at ikaw ang namumuno sa lahat. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan, kalakasan, pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.
13 At ngayon, aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.
14 “Ngunit sino ba ako, at ano ang aking bayan, na kusang makapaghahandog sa ganitong paraan? Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa iyo, at ang sa iyo ang aming ibinigay sa iyo.
15 Sapagkat kami ay mga dayuhan at manlalakbay sa harap mo, gaya ng lahat ng aming mga ninuno; ang aming mga araw sa lupa ay gaya ng anino, at hindi magtatagal.
16 O Panginoon naming Diyos, lahat ng kasaganaang ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nagmumula sa iyong kamay, at lahat ay sa iyo lamang.
17 Alam ko rin, aking Diyos, na iyong sinisiyasat ang puso, at nalulugod ka sa katuwiran. Sa katuwiran ng aking puso ay aking kusang-loob na inihandog ang lahat ng bagay na ito, at ngayo'y nakita ko ang iyong bayan na naririto, kusang-loob at may kagalakang naghahandog sa iyo.
18 O Panginoon, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga ninuno, ingatan mo nawa magpakailanman ang mga gayong layunin at mga pag-iisip ng puso ng iyong bayan, at ituon mo ang kanilang puso sa iyo.
19 Bigyan mo si Solomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan niya ang iyong mga utos, mga patotoo, mga batas, upang gawin ang lahat ng bagay na ito, at upang itayo niya ang templo, na siyang aking pinaghandaan.”
Nagsunog ng Handog
20 Sinabi ni David sa buong kapulungan, “Ngayo'y purihin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos.” Ang buong kapulungan ay nagpuri sa Panginoon, sa Diyos ng kanilang mga ninuno; iniyukod ang kanilang mga ulo, sumamba sa Panginoon, at nagbigay-galang sa hari.
21 Sila'y nag-alay ng mga handog sa Panginoon, at kinabukasan ay naghandog sa Panginoon ng mga handog na sinusunog na isang libong baka, isang libong tupang lalaki, at isang libong kordero, pati mga inuming handog na para sa mga iyon, at ng saganang alay ukol sa buong Israel.
Si Solomon ay Ginawang Hari
22 Sila'y kumain at uminom sa harap ng Panginoon nang araw na iyon na may malaking kasayahan. Sa ikalawang pagkakataon ay kanilang ginawang hari si Solomon na anak ni David, at binuhusan siya ng langis bilang pinuno para sa Panginoon at si Zadok bilang pari.
23 Pagkatapos(H) ay umupo si Solomon sa trono ng Panginoon bilang hari na kapalit ni David na kanyang ama; at siya'y nagtagumpay, at ang buong Israel ay sumunod sa kanya.
24 Ang lahat ng pinuno at ang mga mandirigma, at ang lahat ng mga anak ni Haring David ay nangako ng kanilang katapatan kay Haring Solomon.
25 Pinadakilang mabuti ng Panginoon si Solomon sa paningin ng buong Israel, at binigyan ng karangalan bilang hari na hindi tinanggap ng sinumang nauna sa kanya sa Israel.
Ang Pamamahala at Kamatayan ni David
26 Sa gayon naghari si David na anak ni Jesse sa buong Israel.
27 Ang(I) panahon ng kanyang paghahari sa Israel ay apatnapung taon; pitong taon siyang naghari sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.
28 Pagkatapos siya'y namatay sa sapat na katandaan, puspos ng mga araw, mga kayamanan, at karangalan; at si Solomon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
29 At ang mga gawa ni Haring David, mula sa una hanggang huli ay nakasulat sa Kasaysayan[d] ni Samuel na tagakita at sa Kasaysayan ni Natan na propeta, at sa Kasaysayan ni Gad na tagakita;
30 pati ang salaysay ng kanyang buong paghahari, ang kanyang kapangyarihan at ang mga pangyayaring dumating sa kanya at sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.
Nanalangin si Haring Solomon para sa Karunungan(J)
1 Pinatatag ni Solomon na anak ni David ang sarili sa kanyang kaharian, at ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya at ginawa siyang lubhang dakila.
2 Nagsalita si Solomon sa buong Israel, sa mga punong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan, sa mga hukom, at sa lahat ng mga pinuno sa buong Israel, na mga puno ng mga sambahayan.
3 Si Solomon at ang buong kapulungan na kasama niya ay pumunta sa mataas na dako na nasa Gibeon, sapagkat ang toldang tipanan ng Diyos na ginawa ni Moises na lingkod ng Panginoon sa ilang ay naroon.
4 Ngunit(K) ang kaban ng Diyos ay dinala ni David mula sa Kiryat-jearim hanggang sa dakong pinaghandaan ni David para dito sapagkat ito ay kanyang ipinagtayo ng tolda sa Jerusalem.
5 Bukod(L) dito, ang dambanang tanso na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri, na anak ni Hur ay naroon sa harapan ng tabernakulo ng Panginoon. Doon ay sumangguni sa Panginoon si Solomon at ang kapulungan.
6 Si Solomon ay umakyat sa dambanang tanso sa harapan ng Panginoon na nasa toldang tipanan at nag-alay doon ng isang libong handog na sinusunog.
7 Nang gabing iyon, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya, “Hingin mo ang dapat kong ibigay sa iyo.”
8 Sinabi ni Solomon sa Diyos, “Ikaw ay nagpakita ng malaki at tapat na pag-ibig kay David na aking ama, at ginawa mo akong hari na kapalit niya.
9 O(M) Panginoong Diyos, matupad nawa ngayon ang iyong pangako kay David na aking ama, sapagkat ginawa mo akong hari sa isang bayan na kasindami ng alabok sa lupa.
10 Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman upang ako'y makalabas-masok sa harapan ng bayang ito; sapagkat sinong makakapamahala dito sa iyong bayang napakalaki?”
11 Sinabi ng Diyos kay Solomon, “Sapagkat ito ay nasa iyong puso, at hindi ka humingi ng ari-arian, kayamanan, karangalan o ng buhay man ng mga napopoot sa iyo, at hindi ka man lamang humingi ng mahabang buhay, kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman para sa iyong sarili, upang iyong mapamahalaan ang aking bayan na dito ay ginawa kitang hari,
12 ang karunungan at kaalaman ay ipinagkakaloob sa iyo. Bibigyan din kita ng kayamanan, ari-arian, at karangalan, na walang haring nauna o kasunod mo ang magkakaroon nang gayon.”
Ang Kapangyarihan at Kayamanan ni Haring Solomon(N)
13 Sa gayo'y umalis si Solomon mula sa mataas na dako na nasa Gibeon, mula sa harapan ng toldang tipanan patungo sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.
14 Nagtipon(O) si Solomon ng mga karwahe at mga mangangabayo; siya'y may isang libo at apatnaraang karwahe, labindalawang libong mangangabayo, na kanyang inilagay sa bayan ng mga karwahe, at kasama ng hari sa Jerusalem.
15 Ginawa ng hari ang pilak at ginto na karaniwan sa Jerusalem na gaya ng bato, at ginawa niya ang mga sedro na kasindami ng mga sikomoro ng Shefela.
16 Ang(P) mga kabayo ni Solomon ay inangkat mula sa Ehipto at Kue, at tinanggap ito ng mga mangangalakal ng hari mula sa Kue sa halagang umiiral.
17 Sila ay umangkat mula sa Ehipto ng isang karwahe sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo sa halagang isandaan at limampu. Gayundin, sa pamamagitan nila, ang mga ito ay ipinagbili sa lahat ng mga hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria.
Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo(Q)
2 Si Solomon ay nagpasiyang magtayo ng templo para sa pangalan ng Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.
2 Si(R) Solomon ay nangalap ng pitumpung libong lalaki upang magbuhat ng mga pasan at walumpung libong lalaki upang tumibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan upang mamahala sa kanila.
3 At si Solomon ay nagpasabi kay Huram na hari ng Tiro, “Kung ano ang iyong ginawa kay David na aking ama na pinadalhan mo ng mga sedro upang magtayo siya ng bahay na matitirahan, gayundin ang gawin mo sa akin.
4 Malapit na akong magtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos, at italaga ito sa kanya upang pagsunugan ng mabangong insenso sa harapan niya, at para sa palagiang handog na tinapay, at para sa mga handog na sinusunog sa umaga at hapon, sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan ng Panginoon naming Diyos, gaya ng itinalaga magpakailanman para sa Israel.
5 Ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila sapagkat ang aming Diyos ay higit na dakila kaysa lahat ng mga diyos.
6 Ngunit sinong makapagtatayo para sa kanya ng isang bahay, yamang sa langit, maging sa pinakamataas na langit ay hindi siya magkakasiya? Sino ako upang ipagtayo ko siya ng isang bahay, maliban sa isang dakong pagsusunugan ng insenso sa harapan niya?
7 Ngayo'y padalhan mo ako ng isang lalaki na bihasang gumawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, at sa kulay-ube, matingkad na pula, at asul na tela, na sanay rin sa pag-ukit, upang makasama ng mga bihasang manggagawang kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na inilaan ni David na aking ama.
8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres, at algum na mula sa Lebanon, sapagkat alam ko na ang iyong mga lingkod ay marunong pumutol ng troso sa Lebanon. Ang aking mga lingkod ay makakasama ng iyong mga lingkod,
9 upang ipaghanda ako ng napakaraming kahoy, sapagkat ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kahanga-hanga.
10 Ako'y magbibigay sa iyong mga lingkod na mga mamumutol ng kahoy ng dalawampung libong koro[e] ng binayong trigo, dalawampung libong koro,[f] ng sebada, dalawampung libong bat[g] ng alak, at dalawampung libong bat[h] ng langis.”
11 Si Huram na hari ng Tiro ay sumagot sa sulat na kanyang ipinadala kay Solomon, “Sapagkat minamahal ng Panginoon ang kanyang bayan ay ginawa ka niyang hari sa kanila.”
12 Sinabi rin ni Huram, “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel na gumawa ng langit at lupa na nagbigay kay Haring David ng isang pantas na anak, na pinagkalooban ng mahusay na pagpapasiya at pang-unawa, upang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.
13 At ngayo'y nagsugo ako ng isang bihasa at matalinong lalaki, si Huramabi,
14 na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kanyang ama ay taga-Tiro. Siya ay sinanay sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa kulay-ube, asul, at sa matingkad na pula at pinong tela, at sa lahat ng uri ng pag-ukit at sa paggawa ng anumang palamuti na maaaring ipagawa sa kanya, kasama ng iyong mga bihasang manggagawa na mga manggagawa rin ng aking panginoong si David na iyong ama.
15 Kaya't ngayon, ang trigo at sebada, ang langis at ang alak na binanggit ng aking panginoon ay ipadala niya sa kanyang mga lingkod.
16 Aming puputulin ang gaano mang karaming troso na kailangan mo mula sa Lebanon, at aming dadalhin sa iyo na parang mga balsa na idaraan sa dagat hanggang sa Joppa, upang iyong madala sa Jerusalem.”
Pinasimulan ang Pagtatayo ng Templo(S)
17 Pagkatapos ay binilang ni Solomon ang lahat ng mga dayuhan na nasa lupain ng Israel, ayon sa pagbilang na ginawa sa kanila ni David na kanyang ama; at iyon ay umabot ng isandaan limampu't tatlong libo at animnaraan.
18 Pitumpung libo sa kanila ay kanyang itinalaga na tagabuhat ng pasan, walumpung libo na mga tagatibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan bilang kapatas upang mapagtrabaho ang taong-bayan.
3 Pinasimulang(T) itayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem sa ibabaw ng Bundok Moria, na doon ay nagpakita ang Panginoon kay David na kanyang ama, sa lugar na itinakda ni David, sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
2 Siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.
3 Ang mga ito ang sukat na ginamit ni Solomon para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos. Ang haba sa mga siko ayon sa matandang panukat ay animnapung siko, at ang luwang ay dalawampung siko.
4 Ang portiko na nasa harapan ng bahay ay dalawampung siko, kasinluwang ng bahay; at ang taas ay isandaan at dalawampung siko. Ito ay kanyang binalutan ng lantay na ginto sa loob.
5 Mismong ang bahay ay kanyang nilagyan ng kisame ng kahoy na sipres, at binalot ito ng lantay na ginto, at ginawan ito ng mga palma at mga tanikala.
6 Kanyang pinalamutian ang bahay ng mga mamahaling bato. Ang ginto ay mula sa Parvaim.
7 Kanyang binalutan ng ginto ang bahay, ang mga biga, mga pasukan, mga dingding, at ang mga pinto; at inukitan niya ng mga kerubin ang mga dingding.
8 Kanyang(U) ginawa ang dakong kabanal-banalan; ang haba nito ay katumbas ng luwang ng bahay, dalawampung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko. Kanyang binalutan ito ng dalisay na ginto na may timbang na animnaraang talento.
9 Ang bigat ng mga pako ay limampung siklong ginto. At kanyang binalutan ng ginto ang mga silid sa itaas.
10 Sa(V) dakong kabanal-banalan ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy at binalot ang mga ito ng ginto.
11 Ang mga pakpak ng mga kerubin na sama-samang nakabuka ay dalawampung siko ang haba; ang pakpak ng isa ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak na limang siko ay abot sa pakpak ng unang kerubin.
12 Ang pakpak ng isang kerubin ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak ay limang siko rin na nakalapat sa pakpak ng unang kerubin.
13 Ang mga pakpak ng mga kerubing ito ay umaabot ng dalawampung siko; ang mga kerubin ay nakatayo sa kanilang mga paa, nakaharap sa bahay.
14 Ginawa(W) niya ang tabing na asul, ube, matingkad na pulang tela at pinong lino, at ginawan ang mga ito ng mga kerubin.
15 Sa harapan ng bahay ay gumawa siya ng dalawang haligi na tatlumpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawat isa sa mga iyon ay limang siko.
16 Siya'y gumawa ng mga tanikalang gaya ng kuwintas at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isandaang granada, at inilagay sa mga tanikala.
17 Kanyang itinayo ang mga haligi sa harapan ng templo, ang isa'y sa timog, at ang isa'y sa hilaga; ang nasa timog ay tinawag na Jakin,[i] at ang nasa hilaga ay Boaz.[j]
Mga Kagamitan para sa Templo(X)
4 Gumawa(Y) siya ng dambanang tanso na dalawampung siko ang haba, dalawampung siko ang luwang, at sampung siko ang taas.
2 Pagkatapos ay gumawa siya ng hinulmang lalagyan ng tubig; ito ay pabilog, sampung siko mula sa labi't labi, at ang taas nito ay limang siko; at ang sukat sa palibot ay tatlumpung siko.
3 Sa ilalim nito ay mga anyo ng mga baka na sampung siko na nakapaligid sa sisidlan ng tubig. Ang mga baka ay dalawang hanay na hinulmang kasama niyon.
4 Ito ay nakatayo sa ibabaw ng labindalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa hilaga, at ang tatlo'y nakaharap sa kanluran, ang tatlo'y nakaharap sa timog, at ang tatlo'y nakaharap sa silangan. Ang sisidlan ng tubig ay nakapatong sa ibabaw ng mga iyon, at lahat ng kanilang bahaging likuran ay nasa paloob.
5 Ang kapal nito ay isang dangkal at ang labi nito ay yaring gaya ng labi ng isang saro, gaya ng bulaklak ng liryo, ito'y naglalaman ng tatlong libong bat.[k]
6 Gumawa(Z) rin siya ng sampung hugasan, at inilagay ang lima sa timog, at lima sa hilaga. Sa mga ito nila huhugasan ang mga ginamit sa handog na sinusunog, at ang lalagyan ng tubig ay paliguan ng mga pari.
7 Siya'y(AA) gumawa ng sampung ilawang ginto ayon sa utos at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa timog at lima sa hilaga.
8 Gumawa(AB) rin siya ng sampung hapag at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa dakong timog at lima sa hilaga. Siya'y gumawa ng isandaang palangganang ginto.
9 Ginawa niya ang bulwagan ng mga pari, ang malaking bulwagan, at ang mga pinto para sa bulwagan at binalot ng tanso ang kanilang mga pinto;
10 at kanyang inilagay ang sisidlan ng tubig sa dakong timog-silangang sulok ng bahay.
11 Gumawa rin si Huramabi ng mga palayok, mga pala, at mga palanggana. Gayon tinapos ni Huramabi ang gawain na ginawa niya para kay Haring Solomon sa bahay ng Diyos:
12 ang dalawang haligi, mga mangkok, ang dalawang kapitel na nasa dulo ng mga haligi, at ang dalawang korona na tumatakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
13 at ang apatnaraang granada para sa dalawang korona; dalawang hanay ng granada para sa bawat korona, upang tumakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi.
14 Gumawa rin siya ng mga patungan, at ng mga hugasan sa ibabaw ng mga patungan;
15 ng isang malaking sisidlan ng tubig,[l] at ng labindalawang baka na nasa ilalim nito.
16 Ang mga palayok, mga pala, mga pantusok, at lahat ng kasangkapan nito ay ginawa ni Huramabi mula sa tansong binuli para kay Haring Solomon para sa bahay ng Panginoon.
17 Sa kapatagan ng Jordan ipinahulma ng hari ang mga iyon, sa lupang luwad sa pagitan ng Sucot at Zereda.
18 Ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na ito nang maramihan, anupa't hindi matiyak ang timbang ng tanso.
19 Sa gayon ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na nasa bahay ng Diyos: ang gintong dambana, ang mga hapag para sa tinapay na handog,
20 ang mga ilawan at mga ilaw nito na dalisay na ginto na magniningas sa loob ng santuwaryo ayon sa iniutos;
21 ang mga bulaklak, mga ilawan, mga panipit na ginto, na pawang yari sa pinakadalisay na ginto;
22 ang mga gunting, mga palanggana, mga sandok, mga pinggan para sa insenso na dalisay na ginto; at ang pintuan ng templo, para sa panloob na pintuan patungo sa dakong kabanal-banalan, at para sa pintuan ng templo ay yari sa ginto.
5 Kaya't(AC) natapos ang lahat ng gawaing ginawa ni Solomon para sa bahay ng Panginoon. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama; at itinago ang pilak, ginto, at ang lahat ng mga kagamitan sa kabang-yaman ng bahay ng Diyos.
Ang Kaban ng Tipan ay Dinala sa Templo(AD)
2 Pinulong(AE) ni Solomon sa Jerusalem ang matatanda ng Israel, at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel, upang dalhin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.
3 Ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipun-tipon sa harapan ng hari sa kapistahan na nasa ikapitong buwan.
4 Dumating ang lahat ng matatanda sa Israel at pinasan ng mga Levita ang kaban.
5 Kanilang dinala ang kaban, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapang nasa tolda; ang mga ito'y dinala ng mga pari at ng mga Levita.
6 Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipun-tipon sa harapan niya ay nasa harapan ng kaban, na naghahandog ng napakaraming mga tupa at mga baka, na ang mga ito ay hindi mabilang.
7 Ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa kabanal-banalang dako, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.
8 Sapagkat iniladlad ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak sa ibabaw ng kaban, kaya't ang mga kerubin ay lumulukob sa kaban at sa mga pasanan nito.
9 Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa banal na dako sa harapan ng panloob na santuwaryo, ngunit ang mga ito ay hindi nakikita sa labas; at ang mga iyon ay naroroon hanggang sa araw na ito.
10 Walang(AF) anumang bagay sa loob ng kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay doon ni Moises sa Horeb, na doon ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Ehipto.
Ang Kaluwalhatian ng Panginoon
11 Nang ang mga pari ay lumabas sa banal na dako (sapagkat ang lahat ng pari na naroroon ay nagtalaga ng kanilang mga sarili, at hindi sinunod ang kanilang pagkakapangkat-pangkat.
12 Lahat ng mga mang-aawit na mga Levita, sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang mga anak at mga kapatid, na nakadamit ng pinong lino, na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ay nakatayo sa gawing silangan ng dambana na may kasamang isandaan at dalawampung pari na umiihip ng mga trumpeta.
13 Katungkulan(AG)(AH) ng mga umiihip ng trumpeta at ng mga mang-aawit na sila'y marinig na sama-sama sa pagpupuri at pasasalamat sa Panginoon), at nang ang awit ay inilakas, na may mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang kagamitang panugtog, sa pagpupuri sa Panginoon,
“Sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,”
ang bahay ng Panginoon ay napuno ng ulap,
14 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang makapaglingkod dahil sa ulap; sapagkat ang kaluwalhatian ng Panginoon ang pumuno sa bahay ng Diyos.
Ang Talumpati ni Solomon sa mga Tao(AI)
6 Pagkatapos ay sinabi ni Solomon,
“Sinabi ng Panginoon na siya'y titira sa makapal na kadiliman.
2 Ipinagtayo kita ng isang marangyang bahay,
isang lugar na titirhan mo magpakailanman.”
3 Pumihit ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, samantalang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo.
4 Kanyang(AJ) sinabi, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang kanyang ipinangako sa pamamagitan ng kanyang bibig kay David na aking ama na sinasabi,
5 ‘Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayan buhat sa lupain ng Ehipto, hindi pa ako pumili ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay manatili roon; at hindi ako pumili ng sinumang lalaki bilang pinuno ng aking bayang Israel.
6 Ngunit aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay manatili roon at aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.’
7 Nasa puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
8 Ngunit sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Yamang nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na ito ay nasa iyong puso.
9 Gayunma'y hindi ikaw ang magtatayo ng bahay, kundi ang iyong anak na ipapanganak sa iyo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’
10 Ngayo'y tinupad ng Panginoon ang kanyang ginawang pangako, sapagkat ako'y naging kapalit ni David na aking ama, at umupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at itinayo ko ang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
11 Doo'y aking inilagay ang kaban na kinalalagyan ng tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mga anak ni Israel.”
Ang Panalangin ni Solomon(AK)
12 Pagkatapos si Solomon ay tumayo sa harapan ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at iniunat ang kanyang mga kamay.
13 Si Solomon ay may ginawang isang tuntungang tanso na limang siko ang haba, limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas. Inilagay niya ito sa gitna ng bulwagan at tumayo siya sa ibabaw nito. Pagkatapos ay lumuhod siya sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at itinaas ang kanyang mga kamay sa langit.
14 Kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit o sa lupa, na nag-iingat ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad nang buong puso sa harapan mo;
15 ikaw na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kanya. Tunay na ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at sa pamamagitan ng iyong kamay ay tinupad mo sa araw na ito.
16 Ngayon,(AL) O Panginoon, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang iyong ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi ka mawawalan ng kahalili sa aking paningin na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa aking kautusan, gaya ng paglakad mo sa harapan ko.’
17 Kaya't ngayon, O Panginoon, Diyos ng Israel, pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David.
18 “Ngunit(AM) totoo bang ang Diyos ay maninirahang kasama ng mga tao sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!
19 Isaalang-alang mo ang panalangin ng iyong lingkod at ang kanyang pagsamo, O Panginoon kong Diyos, iyong pakinggan ang daing at dalangin na idinudulog ng iyong lingkod sa iyo.
20 Ang(AN) iyong mga mata ay maging bukas nawa sa araw at gabi sa bahay na ito, ang dakong iyong ipinangako na paglalagyan mo ng iyong pangalan, at nawa'y pakinggan mo ang panalangin na iniaalay ng iyong lingkod sa dakong ito.
21 Pakinggan mo ang mga samo ng iyong lingkod at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalangin paharap sa dakong ito; pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tirahan; at kapag iyong narinig, magpatawad ka.
22 “Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa at pinasumpa siya, at siya'y dumating at nanumpa sa harapan ng iyong dambana sa bahay na ito,
23 ay pakinggan mo nawa mula sa langit, at kumilos ka, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang nagkasala sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo at pawalang-sala ang matuwid sa pamamagitan ng pagganti sa kanya ayon sa kanyang matuwid na gawa.
24 “Kung ang iyong bayang Israel ay matalo ng kaaway, sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, kapag sila'y nanumbalik at kilalanin ang iyong pangalan, at manalangin at dumaing sa iyo sa bahay na ito,
25 dinggin mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at muli mo silang dalhin sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga ninuno.
26 “Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, kung sila'y manalangin paharap sa dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikuran ang kanilang kasalanan, kapag pinarurusahan mo sila,
27 pakinggan mo nawa mula sa langit, at patawarin ang kasalanan ng iyong mga lingkod, ng iyong bayang Israel, kapag iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na dapat nilang lakaran; at bigyan ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana.
28 “Kung may taggutom sa lupain, kung may salot o pagkalanta, o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa alinman sa kanilang mga lunsod, anumang salot o anumang sakit mayroon;
29 anumang panalangin, anumang pagsamong gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, na bawat isa'y nakakaalam ng sarili niyang kahirapan, at sarili niyang kalungkutan at iniunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito,
30 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan, at magpatawad ka, at humatol sa bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman, ayon sa lahat niyang mga lakad (sapagkat ikaw, ikaw lamang, ang nakakaalam ng puso ng mga anak ng mga tao);
31 upang sila'y matakot sa iyo at lumakad sa iyong mga daan sa lahat ng mga araw na sila'y nabubuhay sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno.
32 “Gayundin naman, kapag ang isang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel ay dumating mula sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig, kapag siya'y dumating at nanalangin paharap sa bahay na ito,
33 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng itinatawag sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan at matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
34 “Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makipagdigma sa kanilang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa iyo paharap sa lunsod na ito na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,
35 pakinggan mo nawa mula sa langit ang kanilang panalangin at ang kanilang samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan.
36 “Kung sila'y magkasala laban sa iyo,—sapagkat walang taong hindi nagkakasala,—at ikaw ay galit sa kanila, at ibinigay mo sila sa isang kaaway, kaya't sila'y dinalang-bihag sa isang lupaing malayo o malapit;
37 ngunit kung sila'y magising sa lupaing pinagdalhan sa kanila bilang bihag, at sila'y magsisi at magsumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sinasabi, ‘Kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng may kalikuan at kasamaan,’
38 kung sila'y magsisi ng kanilang buong pag-iisip at buong puso sa lupain ng kanilang pagkabihag, kung saan sila'y dinalang-bihag at manalangin paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,
39 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan ang kanilang panalangin at ang kanilang mga samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.
40 Ngayon, O Diyos ko, mabuksan nawa ang iyong mga mata at makinig ang iyong mga tainga sa panalangin sa dakong ito.
41 “Ngayon(AO) nga'y bumangon ka, O Panginoong Diyos, at pumunta ka sa iyong pahingahang dako, ikaw at ang kaban ng iyong kapangyarihan. Mabihisan nawa ng kaligtasan, O Panginoong Diyos, ang iyong mga pari, at ang iyong mga banal ay magalak sa iyong kabutihan.
42 O Panginoong Diyos, huwag mong tatalikuran ang iyong hinirang.[m] Alalahanin mo ang iyong tapat na pag-ibig kay David na iyong lingkod.”
Ang Pagtatalaga ng Templo(AP)
7 Nang(AQ) matapos na ni Solomon ang kanyang panalangin, bumaba ang isang apoy mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang mga alay at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang templo.
2 Ang mga pari ay hindi makapasok sa bahay ng Panginoon, sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
3 Nang(AR) makita ng lahat ng mga anak ni Israel ang apoy na bumaba at ang kaluwalhatian ng Panginoon na nasa templo, iniyuko nila ang kanilang mga mukha sa lupa at sumamba, at nagpasalamat sa Panginoon, na nagsasabi, “Sapagkat siya'y mabuti; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”
4 Pagkatapos ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng alay sa harapan ng Panginoon.
5 Si Haring Solomon ay naghandog bilang alay ng dalawampu't dalawang libong baka at isandaan at dalawampung libong tupa. Sa gayon itinalaga ng hari at ng buong bayan ang bahay ng Diyos.
6 Ang mga pari ay nakatayo sa kanilang mga lugar; gayundin ang mga Levita na may mga kagamitang panugtog sa Panginoon na ginawa ni Haring David para sa pasasalamat sa Panginoon—sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman—tuwing si David ay mag-aalay ng papuri sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa. Katapat nila, ang mga pari ay nagpatunog ng mga trumpeta at ang buong Israel ay tumayo.
7 Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan na nasa harapan ng bahay ng Panginoon; sapagkat doon niya inialay ang mga handog na sinusunog at ang taba ng mga handog pangkapayapaan, sapagkat hindi makaya ng tansong dambana na ginawa ni Solomon ang handog na sinusunog, ang handog na butil at ang taba.
Ang Pista ng Pagtatalaga
8 Nang panahong iyon ipinagdiwang ni Solomon at ng buong Israel na kasama niya ang kapistahan sa loob ng pitong araw. Iyon ay isang napakalaking kapulungan, mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Ehipto.
9 Nang ikawalong araw, sila ay nagdaos ng isang taimtim na pagtitipon; sapagkat kanilang isinagawa ang pagtatalaga sa dambana sa loob ng pitong araw at ang kapistahan ay pitong araw.
10 Sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, kanyang pinauwi ang bayan sa kani-kanilang mga tolda, na nagagalak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, kay Solomon, at sa Israel na kanyang bayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001