Bible in 90 Days
27 “Kung sa kabila nito ay hindi ninyo ako susundin, kundi kayo'y sasalungat sa akin;
28 ako man ay sasalungat sa inyo na may kabagsikan; at parurusahan ko rin kayo nang pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan.
29 At kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na lalaki, at kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na babae.
30 Sisirain ko ang inyong matataas na dako, at aking wawasakin ang inyong mga dambana. Itatapon ko ang inyong mga bangkay sa mga bangkay ng inyong mga diyus-diyosan; at kapopootan kayo ng aking kaluluwa.
31 At gigibain ko ang inyong mga lunsod at ang inyong mga santuwaryo, at hindi ko aamuyin ang inyong mababangong samyo.
32 Gagawin kong ilang ang lupain, at ang inyong mga kaaway na nakatira roon ay magtataka.
33 Kayo'y aking ikakalat sa mga bansa, at pagbubunutan ko kayo ng tabak sa hulihan ninyo, at ang inyong lupain ay magiging isang ilang, at ang inyong mga lunsod ay basurahan.
34 “Kaya't tatamasahin ng lupain ang kanyang mga Sabbath hangga't ito'y nananatiling wasak, habang kayo ay nasa lupain ng inyong mga kaaway. Ang lupain ay magtatamasa ng kapahingahan at magagalak sa kanyang mga Sabbath.
35 Ito ay magpapahinga sa lahat ng mga araw ng pagkasira na hindi nito ipinagpahinga sa inyong mga Sabbath nang kayo'y naninirahan doon.
36 At tungkol sa mga malalabi sa inyo, dadalhan ko sila ng takot sa kanilang mga puso sa mga lupain ng kanilang mga kaaway. Hahabulin sila ng tunog ng isang dahong nalalaglag, at sila'y tatakas na parang tumatakas sa tabak. Sila'y mabubuwal bagaman walang humahabol sa kanila.
37 Magkakatisuran sila sa isa't isa na parang nasa harapan ng tabak, kahit walang humahabol; at hindi kayo magkakaroon ng kapangyarihan sa harapan ng inyong mga kaaway.
38 At mamamatay kayo sa gitna ng mga bansa, at lalamunin kayo ng lupain ng inyong mga kaaway.
39 Ang mga nalalabi sa inyo ay mabubulok sa lupain ng inyong mga kaaway dahil sa kanilang kasamaan; at dahil sa mga kasamaan ng kanilang mga ninuno ay mabubulok din sila.
Ang Habag ay Ipinangako sa Mapagtiis
40 “Subalit kung ipahahayag nila ang kanilang kasamaan at ang kasamaan ng kanilang mga ninuno, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin, at sapagkat sila'y lumakad ng laban sa akin,
41 kaya't ako'y naging laban sa kanila, at sila'y aking dinala sa lupain ng kanilang mga kaaway; subalit kung magpapakumbaba ang kanilang mga pusong hindi tuli, at magbayad sa kanilang kasamaan;
42 ay(A) aalalahanin ko ang aking tipan kay Jacob, at akin ding aalalahanin ang aking tipan kay Isaac, at aalalahanin ko rin ang aking tipan kay Abraham, at aking aalalahanin ang lupain.
43 Ngunit ang lupain ay pababayaan nila, at tatamasahin ang kanyang mga Sabbath sa pagiging sira nang sila ay wala; samantalang sila'y magbabayad dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat itinakuwil nila ang aking mga tuntunin, at kinapootan nila ang aking mga batas.
44 Subalit sa kabila ng lahat ng iyon, kapag sila'y nasa lupain ng kanilang mga kaaway ay hindi ko sila itatakuwil, ni kapopootan ko sila upang sila'y lipulin, upang sirain ang aking tipan sa kanila; sapagkat ako ang Panginoon nilang Diyos;
45 kundi aalalahanin ko alang-alang sa kanila ang tipan sa mga ninuno, na aking inilabas sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga bansa, upang ako'y maging kanilang Diyos: Ako ang Panginoon.”
46 Ito ang mga batas at ang mga hatol at ang mga tuntuning ibinigay ng Panginoon sa kanyang sarili at sa mga anak ni Israel sa bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.
Mga Batas tungkol sa mga Handog sa Panginoon
27 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kapag ang isang tao ay gumawa ng isang maliwanag na panata sa Panginoon tungkol sa katumbas ng isang tao,
3 ang katumbas para sa isang lalaki ay: mula sa dalawampung taong gulang hanggang sa may animnapu ay limampung siklong[a] pilak, na ihahalaga ayon sa siklo ng santuwaryo.
4 Kapag babae, ang katumbas ay tatlumpung siklo.
5 Kung may gulang na mula sa limang taon hanggang sa may dalawampung taon, ang itutumbas mo ay dalawampung siklo ang sa lalaki at ang sa babae ay sampung siklo.
6 Kung may gulang na mula sa isang buwan hanggang sa limang taon, tutumbasan mo ng limang siklong pilak para sa lalaki at sa babae ay tatlong siklong pilak.
7 Kung may gulang na animnapung taon pataas ay labinlimang siklo ang iyong itutumbas para sa lalaki at sa babae ay sampung siklo.
8 Ngunit kung siya ay mas dukha kaysa inyong itinakdang katumbas, siya ay patatayuin sa harapan ng pari, at tutumbasan siya ng pari; siya ay tutumbasan ng pari ayon sa kakayahan niya na may panata.
9 “At kung tungkol sa hayop na ihahandog na alay sa Panginoon, lahat ng ibibigay sa Panginoon ay banal.
10 Huwag niyang babaguhin o papalitan ang mabuti ng masama o ang masama ng mabuti; at kung sa anumang paraan ay palitan ng iba ang isang hayop, kapwa magiging banal ang kapalit at ang pinalitan.
11 At kung iyon ay alinmang hayop na marumi na hindi maihahandog na alay sa Panginoon, dadalhin niya ang hayop sa harapan ng pari;
12 at ito ay hahalagahan ng pari kung ito ay mabuti o masama; ayon sa paghahalaga ng pari ay magiging gayon.
13 Ngunit kung tunay na kanyang tutubusin, magdaragdag siya ng ikalimang bahagi sa ibinigay mong halaga.
14 “Kapag ang isang tao ay magtatalaga ng kanyang bahay upang maging banal sa Panginoon, ay hahalagahan ito ng pari, kung mabuti o masama; ayon sa ihahalaga ng pari ay magiging gayon.
15 At kung tutubusin ng nagtalaga ang kanyang bahay, siya ay magdaragdag ng ikalimang bahagi ng salapi na inihalaga roon, at ito ay magiging kanya.
16 “Kapag ang isang tao ay magtatalaga sa Panginoon ng bahagi ng bukid na kanyang minana, ang iyong paghahalaga ay ayon sa binhi nito; isang omer[b] na binhi ng sebada sa halagang limampung siklong pilak.[c]
17 Kung itatalaga niya ang kanyang bukid mula sa taon ng pagdiriwang, ito ay magiging ayon sa iyong inihalaga.
18 Subalit kung italaga niya ang kanyang bukid pagkatapos ng pagdiriwang, bibilangin sa kanya ng pari ang salapi ayon sa mga taong natitira hanggang sa taon ng pagdiriwang at ito ay ibabawas sa iyong inihalaga.
19 Kung ang bukid ay tutubusin ng nagtalaga nito, siya ay magdaragdag ng ikalimang bahagi ng salaping inihalaga roon, at ito ay mapapasa-kanya.
20 At kung hindi niya tubusin ang bukid, o kung ipinagbili niya ang bukid sa ibang tao, ito ay hindi na matutubos.
21 Subalit ang bukid, kapag naalis sa pagdiriwang, ay magiging banal sa Panginoon, bilang bukid na itinalaga. Ito ay magiging pag-aari ng pari.
22 At kung ang sinuman ay magtalaga sa Panginoon ng bukid na kanyang binili, na hindi sa bukid na kanyang minana;
23 ay bibilangin sa kanya ng pari ang halaga ng iyong inihalaga hanggang sa taon ng pagdiriwang, at babayaran niya ang iyong inihalaga ng araw ding iyon, isang banal na bagay sa Panginoon.
24 Sa taon ng pagdiriwang, ibabalik ang bukid sa kanyang binilhan, sa kanya na nagmamay-ari ng lupa.
25 Lahat ng iyong paghahalaga ay magiging ayon sa siklo ng santuwaryo: bawat isang siklo ay katumbas ng labinlimang gramo.[d]
26 “Gayunman, walang sinumang magtatalaga ng panganay sa mga hayop. Ito ay panganay para sa Panginoon, maging baka o tupa ay para sa Panginoon.
27 At kung ito ay hayop na marumi, ito ay kanyang tutubusin ayon sa iyong inihalaga at idaragdag ang ikalimang bahagi niyon; o kung hindi tutubusin ay ipagbibili ayon sa iyong inihalaga.
28 “Ngunit(B) anumang bagay na itinalaga sa Panginoon mula sa lahat ng kanyang pag-aari, maging sa tao o sa hayop, o sa bukid na kanyang pag-aari, ay hindi maipagbibili o matutubos; bawat bagay na itinalaga ay kabanal-banalan sa Panginoon.
29 Walang taong itinalaga sa pagkawasak ang matutubos; siya ay tiyak na papatayin.
Batas tungkol sa mga Buwis
30 “Lahat(C) ng ikasampung bahagi ng lupain, maging sa binhi ng lupain, o sa bunga ng punungkahoy ay sa Panginoon; ito ay banal sa Panginoon.
31 Kung ang isang tao ay tutubos ng alinman sa kanyang ikasampung bahagi, idagdag niya roon ang ikalimang bahagi niyon.
32 At lahat ng ikasampung bahagi sa bakahan o sa kawan, lahat ng ikasampung bahagi na dumaan sa ilalim ng tungkod ng pastol ay banal sa Panginoon.
33 Huwag niyang sisiyasatin kung mabuti o masama, ni huwag niya itong papalitan; at kung palitan niya ito, kapwa magiging banal ito at ang ipinalit at hindi ito maaaring tubusin.”
34 Ito ang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai para sa mga anak ni Israel.
Binilang ang mga Lalaking Maaaring Makipaglaban
1 Ang(D) Panginoon ay nagsalita kay Moises sa ilang ng Sinai sa toldang tipanan, nang unang araw ng ikalawang buwan, sa ikalawang taon pagkalabas nila sa lupain ng Ehipto, na sinasabi:
2 “Bilangin mo ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel, ayon sa mga angkan nila, sa mga sambahayan ng kani-kanilang mga ninuno, ayon sa bilang ng mga pangalan, bawat lalaki, bawat isa.
3 Mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat sa Israel na maaaring lumaban sa digmaan, sila ay bibilangin mo at ni Aaron, ayon sa kanilang mga hukbo.
4 Magsasama kayo ng isang lalaki mula sa bawat lipi; na bawat isa'y pinuno sa sambahayan ng kanyang mga ninuno.
5 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na tutulong sa inyo. Mula kay Ruben: si Elisur na anak ni Sedeur;
6 kay Simeon: si Selumiel na anak ni Zurishadai;
7 kay Juda: si Naashon na anak ni Aminadab;
8 kay Isacar: si Natanael na anak ni Suar;
9 sa lipi ni Zebulon: si Eliab na anak ni Helon;
10 sa mga anak ni Jose: kay Efraim: si Elisama na anak ni Amihud; kay Manases: si Gamaliel na anak ni Pedasur;
11 kay Benjamin: si Abidan na anak ni Gideoni;
12 kay Dan: si Ahiezer na anak ni Amisadai;
13 kay Aser: si Fegiel na anak ni Ocran;
14 kay Gad: si Eliasaf na anak ni Deuel;[e]
15 kay Neftali: si Ahira na anak ni Enan.”
16 Ito ang mga pinili mula sa kapulungan, na mga pinuno sa mga lipi ng kani-kanilang mga ninuno. Sila ang mga puno ng mga angkan ng Israel.
17 Dinala nina Moises at Aaron ang mga lalaking ito na inilagay sa tungkulin sa pamamagitan ng kanya-kanyang pangalan.
18 At kanilang tinipon ang buong kapulungan nang unang araw ng ikalawang buwan, na nagpatala ayon sa kani-kanilang angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at sa bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, bawat isa,
19 ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Gayon niya binilang sila sa ilang ng Sinai.
20 At ang mga anak ni Ruben, na panganay ni Israel, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at sa bilang ng mga pangalan, bawat isa, bawat lalaki mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
21 ang bilang ng lipi ni Ruben ay apatnapu't anim na libo at limang daan.
22 Sa mga anak ni Simeon, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno ay nabilang sa kanila, ayon sa bilang ng mga pangalan, ayon sa dami nila, bawat lalaki mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
23 ang bilang ng lipi ni Simeon ay limampu't siyam na libo at tatlong daan.
24 Sa mga anak ni Gad, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, na mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
25 ang bilang ng lipi ni Gad ay apatnapu't limang libo at animnaraan at limampu.
26 Sa mga anak ni Juda, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
27 ang bilang ng lipi ni Juda, ay pitumpu't apat na libo at animnaraan.
28 Sa mga anak ni Isacar, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
29 ang bilang ng lipi ni Isacar ay limampu't apat na libo at apatnaraan.
30 Sa mga anak ni Zebulon, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
31 ang bilang ng lipi ni Zebulon ay limampu't pitong libo at apatnaraan.
32 Sa mga anak ni Jose, na sa mga anak ni Efraim, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ayon sa bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
33 ang bilang ng lipi ni Efraim ay apatnapung libo at limang daan.
34 Sa mga anak ni Manases, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ayon sa bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
35 ang bilang ng lipi ni Manases ay tatlumpu't dalawang libo at dalawandaan.
36 Sa mga anak ni Benjamin, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
37 ang bilang ng lipi ni Benjamin ay tatlumpu't limang libo at apatnaraan.
38 Sa mga anak ni Dan, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
39 ang bilang ng lipi ni Dan ay animnapu't dalawang libo at pitong daan.
40 Sa mga anak ni Aser, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
41 ang bilang ng lipi ni Aser ay apatnapu't isang libo at limang daan.
42 Sa mga anak ni Neftali, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan:
43 ang bilang ng lipi ni Neftali ay limampu't tatlong libo at apatnaraan.
44 Ito ang mga nabilang na binilang nina Moises at Aaron at ng labindalawang lalaki na mga pinuno ng Israel; bawat isa sa kanila'y kumakatawan sa sambahayan ng kanya-kanyang mga ninuno.
45 Kaya't lahat ng nabilang sa mga anak ni Israel, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan mula sa Israel,
46 lahat ng nabilang ay animnaraan at tatlong libo limang daan at limampu.
Ang mga Levita ay Hindi Binilang
47 Subalit ang mga Levita ay hindi binilang na kasama ayon sa lipi ng kanilang mga ninuno.
48 Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises,
49 “Ang lipi lamang ni Levi ang hindi mo bibilangin, ni hindi mo kukunin ang bilang nila sa mga anak ni Israel;
50 kundi itatalaga mo ang mga Levita sa tolda ng patotoo, at sa lahat ng kasangkapan niyon, at sa lahat ng nauukol doon; kanilang dadalhin ang tolda, at ang lahat ng kasangkapan niyon; at kanilang pangangasiwaan at sila'y magkakampo sa palibot ng tolda.
51 Kapag ililipat ang tolda, tatanggalin ito ng mga Levita at kapag itatayo ang tolda ay itatayo ng mga Levita at ang sinumang ibang lumapit ay papatayin.
52 Ang ibang mga Israelita ay magtatayo ng kanilang mga tolda, ayon sa kani-kanilang pangkat.
53 Subalit ang mga Levita ay magkakampo sa palibot ng tolda ng patotoo, upang huwag magkaroon ng poot sa sambayanan ng mga anak ni Israel. Ang mga Levita ang mangangasiwa ng tolda ng patotoo.”
54 Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Bilang, mga Kampo, at mga Pinuno ng Bawat Anak ni Israel
2 Nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2 “Ang mga anak ni Israel ay magkakampo, bawat lalaki sa tabi ng kanyang sariling watawat, na may sagisag ng mga sambahayan ng kanyang mga ninuno; magkakampo sila na nakaharap sa toldang tipanan sa palibot nito.
3 Ang magkakampo sa silangan, sa dakong sinisikatan ng araw, ay ang kabilang sa watawat ng kampo ng Juda, ayon sa kanilang mga pangkat. Ang magiging pinuno sa mga anak ni Juda ay si Naashon na anak ni Aminadab.
4 Ang kanyang pangkat ayon sa nabilang sa kanila ay pitumpu't apat na libo at animnaraan.
5 Ang magkakampo sa tabi niya ay ang lipi ni Isacar; at ang magiging pinuno sa mga anak ni Isacar ay si Natanael na anak ni Suar.
6 Ang kanyang pangkat ayon sa nabilang doon ay limampu't apat na libo at apatnaraan.
7 Sa lipi ni Zebulon ang magiging pinuno sa mga anak ni Zebulon ay si Eliab na anak ni Helon,
8 at ang kanyang pangkat ayon sa nabilang doon ay limampu't pitong libo at apatnaraan.
9 Lahat ng nabilang sa kampo ng Juda ay isandaan at walumpu't anim na libo at apatnaraan, ayon sa kanilang mga pangkat. Sila ang unang susulong.
10 “Sa dakong timog ay ang watawat ng kampo ng Ruben, ayon sa kanilang mga pangkat, at ang magiging pinuno ng mga anak ni Ruben ay si Elisur na anak ni Sedeur.
11 Ang kanyang pangkat ayon sa bilang ay apatnapu't anim na libo at limang daan.
12 Ang magkakampo sa tabi niya ay ang lipi ni Simeon at ang magiging pinuno sa mga anak ni Simeon ay si Selumiel na anak ni Zurishadai.
13 Ang kanyang pangkat at ang nabilang sa kanila ay limampu't siyam na libo at tatlong daan.
14 Kasunod ang lipi ni Gad at ang magiging pinuno sa mga anak ni Gad ay si Eliasaf na anak ni Reuel:[f]
15 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't limang libo animnaraan at limampu.
16 Lahat ng nabilang sa kampo ni Ruben ay isandaan at limampu't isang libo apatnaraan at limampu, ayon sa kanilang mga pangkat. Sila ang pangalawang susulong.
17 “Kung magkagayon, ang toldang tipanan ay susulong na kasama ng pangkat ng mga Levita sa gitna ng mga kampo, ayon sa kanilang pagkakampo ay gayon sila susulong, na bawat lalaki ay sa kanya-kanyang lugar ayon sa kanilang mga watawat.
18 “Sa dakong kanluran ay ang watawat ng kampo ng Efraim, ayon sa kanilang mga pangkat, at ang magiging pinuno sa mga anak ni Efraim ay si Elisama na anak ni Amihud.
19 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapung libo at limang daan.
20 Katabi niya ang lipi ni Manases at ang magiging pinuno sa mga anak ni Manases ay si Gamaliel na anak ni Pedasur.
21 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay tatlumpu't dalawang libo at dalawandaan.
22 Ang lipi ni Benjamin at ang magiging pinuno sa mga anak ni Benjamin ay si Abidan na anak ni Gideoni.
23 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay tatlumpu't limang libo at apatnaraan.
24 Ang lahat na nabilang sa kampo ng Efraim ay isandaan walong libo at isandaan, ayon sa kanilang mga pangkat. At sila ang pangatlong susulong.
25 “Sa dakong hilaga ay ilalagay ang watawat ng kampo ng Dan, ayon sa kanilang mga pangkat at ang magiging pinuno sa mga anak ni Dan ay si Ahiezer na anak ni Amisadai.
26 Ang kanilang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay animnapu't dalawang libo at pitong daan.
27 Ang magkakampo na katabi niya ay ang lipi ni Aser; ang magiging pinuno sa mga anak ni Aser ay si Fegiel na anak ni Ocran.
28 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't isang libo at limang daan.
29 Kasunod ang lipi ni Neftali at ang magiging pinuno sa mga anak ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan.
30 Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay limampu't tatlong libo at apatnaraan.
31 Ang lahat na nabilang sa kampo ng Dan, ay isandaan at limampu't pitong libo at animnaraan. Sila ang huling susulong, ayon sa kanilang mga watawat.”
32 Ito ang nabilang sa mga anak ni Israel, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: ang lahat na nabilang sa mga kampo, ayon sa kanilang mga pangkat ay animnaraan at tatlong libo limang daan at limampu.
33 Subalit ang mga Levita ay hindi binilang na kasama ng mga anak ni Israel gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
34 Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel; ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon sila nagkampo sa tabi ng kanilang mga watawat, at gayon sila sumulong, na bawat isa'y ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
Ang mga Pari at Levita ay Ibinukod
3 Ito ang mga salinlahi nina Aaron at Moises, nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai.
2 Ito(E) ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: si Nadab ang panganay, kasunod sina Abihu, Eleazar, at Itamar.
3 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga paring binuhusan ng langis, na kanyang itinalaga upang maglingkod bilang mga pari.
4 Subalit(F) sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng Panginoon nang sila'y maghandog ng kakaibang apoy sa harap ng Panginoon sa ilang ng Sinai, at sila'y walang anak. Kaya't sina Eleazar at Itamar ay nanungkulan bilang mga pari sa harap ni Aaron na kanilang ama.
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Ilapit mo ang lipi ni Levi, at ilagay mo sila sa harap ng paring si Aaron upang sila'y maglingkod sa kanya.
7 Kanilang gaganapin ang katungkulan para sa kanya, at sa buong sambayanan sa harap ng toldang tipanan habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.
8 At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng toldang tipanan at ang katungkulan ng mga anak ni Israel habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.
9 Iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kanyang mga anak. Sila'y lubos na ibinigay sa kanya mula sa mga anak ni Israel.
10 Iyong itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak, at kanilang gaganapin ang kanilang pagkapari; at ang ibang lalapit ay papatayin.”
11 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
12 “Kinuha ko ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel sa halip na ang mga panganay na nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel. Ang mga Levita ay magiging akin.
13 Lahat(G) ng mga panganay ay akin, nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga para sa akin ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at hayop man. Sila'y magiging akin; ako ang Panginoon.”
Ang Bilang at Katungkulan ng mga Levita
14 Nagsalita ang Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, na sinasabi,
15 “Bilangin mo ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at mga angkan; bawat lalaki mula isang buwang gulang pataas ay bibilangin mo.”
16 Kaya't sila'y binilang ni Moises ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos sa kanya.
17 Ito ang mga naging anak ni Levi ayon sa kanilang mga pangalan: sina Gershon, Kohat, at Merari.
18 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gershon ayon sa kanilang mga angkan: si Libni at si Shimei.
19 Ang mga anak ni Kohat ayon sa kanilang mga angkan ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel.
20 Ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan ay sina Mahli at Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
21 Kay Gershon galing ang angkan ng mga Libnita, at ang angkan ng mga Shimeita; ito ang mga angkan ng mga Gershonita.
22 Ang nabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat ng mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas, ay pitong libo at limang daan.
23 Ang mga angkan ng mga Gershonita ay magkakampo sa likuran ng tabernakulo sa dakong kanluran.
24 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga Gershonita ay si Eliasaf na anak ni Lael.
25 Ang magiging katungkulan ng mga anak ni Gershon sa toldang tipanan ay ang tabernakulo, ang tolda at ang takip nito at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan,
26 ang mga tabing ng bulwagan at ng pintuan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali niyon na nauukol sa buong paglilingkod doon.
27 Mula kay Kohat ang angkan ng mga Amramita at mga Izarita, at mga Hebronita, at mga Uzielita. Ito ang mga angkan ng mga Kohatita.
28 Ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay walong libo at animnaraang gumaganap ng katungkulan sa santuwaryo.
29 Ang mga angkan ng mga anak ni Kohat ay magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo, sa gawing timog.
30 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ng mga Kohatita ay si Elisafan na anak ni Uziel.
31 Ang pangangasiwaan nila ay ang kaban, hapag, ilawan, mga dambana, mga kasangkapan ng santuwaryo na kanilang ginagamit sa paglilingkod, at tabing—lahat ng paglilingkod na may kinalaman sa mga ito.
32 Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ay siyang magiging pinuno ng mga pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga may tungkulin sa santuwaryo.
33 Mula kay Merari ang angkan ng mga Mahlita at angkan ng mga Musita: ito ang mga angkan ni Merari.
34 Ang nabilang sa kanila ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay anim na libo at dalawandaan.
35 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ni Merari ay si Suriel na anak ni Abihail. Sila'y magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo sa gawing hilaga.
36 Ang pangangasiwaan ng mga anak ni Merari ay ang mga balangkas ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, ang mga patungan, at ang lahat ng kasangkapan—lahat ng paglilingkod doon na may kinalaman sa mga ito;
37 gayundin ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, mga patungan, mga tulos, at mga tali ng mga iyon.
38 Ang lahat ng magkakampo sa harap ng tabernakulo sa gawing silangan, sa harap ng toldang tipanan, sa dakong sinisikatan ng araw ay sina Moises at Aaron, at ang kanyang mga anak na mamamahala ng katungkulan sa santuwaryo, upang gampanan ang anumang dapat gawin para sa mga anak ni Israel, at ang sinumang ibang lalapit ay papatayin.
39 Ang lahat ng nabilang sa mga Levita na binilang nina Moises at Aaron sa utos ng Panginoon ayon sa kanilang mga angkan, lahat ng lalaki mula sa isang buwang gulang pataas ay dalawampu't dalawang libo.
40 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo ang lahat ng mga lalaking panganay sa mga anak ni Israel mula sa isang buwang gulang pataas, at kunin mo ang kanilang bilang ng ayon sa kanilang mga pangalan.
41 Iuukol mo sa akin ang mga Levita (ako ang Panginoon) sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel; at ang mga hayop ng mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga hayop ng mga anak ni Israel.”
42 Kaya't binilang ni Moises ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel, gaya ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
43 Lahat ng mga panganay na lalaki ayon sa bilang ng mga pangalan, mula sa isang buwang gulang pataas, doon sa nabilang sa kanila ay dalawampu't dalawang libo dalawandaan at pitumpu't tatlo.
Pantubos sa mga Panganay
44 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
45 “Kunin mo ang mga Levita sa halip ng lahat na mga panganay sa mga anak ni Israel, at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng kanilang mga hayop, at ang mga Levita ay magiging akin; ako ang Panginoon.
46 Bilang pantubos sa dalawandaan at pitumpu't tatlong panganay ng mga anak ni Israel na higit sa bilang ng mga lalaking Levita,
47 ay kukuha ka ng limang siklo[g] para sa bawat isa ayon sa ulo; ayon sa siklo ng santuwaryo ay kukunin mo (ang isang siklo ay dalawampung gera[h]).
48 Ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salapi bilang pantubos sa humigit sa bilang.”
49 At kinuha ni Moises ang salaping pantubos sa mga hindi natubos ng mga Levita,
50 mula sa mga panganay ng mga anak ni Israel kinuha niya ang salapi; isang libo tatlong daan at animnapu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo.
51 At ibinigay ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salaping pantubos ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Paglilingkod ng mga Anak ni Kohat
4 Nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2 “Kunin ninyo ang bilang ng mga anak ni Kohat, mula sa mga anak ni Levi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
3 Mula sa tatlumpung taong gulang hanggang sa limampung taong gulang, lahat ng maaaring pumasok sa paglilingkod, upang gumawa ng gawain sa toldang tipanan.
4 Ito ang paglilingkod ng mga anak ni Kohat sa toldang tipanan, sa mga bagay na kabanal-banalan.
5 Kapag ang kampo ay susulong na, papasok si Aaron sa loob at ang kanyang mga anak, at kanilang ibababa ang lambong ng tabing, at kanilang tatakpan niyon ang kaban ng patotoo.
6 Kanilang ilalagay sa ibabaw ang isang takip na balat ng kambing at kanilang lalatagan ang ibabaw ng isang telang asul, at kanilang ilalagay ang mga pasanan niyon.
7 Sa ibabaw ng hapag ng tinapay na handog ay maglalatag sila ng isang telang asul, at kanilang ilalagay sa ibabaw nito ang mga pinggan, at ang sandok, mga mangkok, mga pitsel para sa handog na inumin; at ang palagiang tinapay ay malalagay sa ibabaw niyon.
8 Kanilang lalatagan ang ibabaw ng mga iyon ng telang pula, at kanilang tatakpan ito ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay ang mga pasanan.
9 Kukuha sila ng isang telang asul at kanilang tatakpan ang ilawan para sa ilaw, kasama ang mga ilawan, mga pamputol ng mitsa, mga lalagyan, at lahat ng sisidlan ng langis na ginagamit dito.
10 At kanilang ilalagay, pati ang lahat ng kasangkapan niyon sa loob ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay sa ibabaw ng isang patungan.
11 Ang ibabaw ng dambanang ginto ay kanilang lalatagan ng isang telang asul, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay ang mga pasanan niyon.
12 Kanilang kukunin ang lahat ng mga kasangkapan na ukol sa paglilingkod na ginagamit sa santuwaryo. Ang mga ito'y kanilang ilalagay sa isang telang asul, tatakpan ng isang panakip na balat ng kambing, at ipapatong sa patungan.
13 Kanilang aalisin ang mga abo sa dambana at lalatagan ito ng isang telang kulay-ube.
14 Kanilang ipapatong doon ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana na ginagamit sa paglilingkod doon, ang apuyan at ang mga pantusok, ang mga pala at ang mga mangkok, lahat ng mga kasangkapan ng dambana. Kanilang lalatagan iyon ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay sa mga pasanan niyon.
15 Kapag tapos nang takpan ni Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng kasangkapan ng santuwaryo, habang sumusulong ang kampo, lalapit ang mga anak ni Kohat upang kanilang buhatin iyon. Subalit huwag nilang hihipuin ang mga banal na bagay, upang hindi sila mamatay. Ang mga bagay na ito sa toldang tipanan ang papasanin ng mga anak ni Kohat.
16 “Ang pangangasiwaan ni Eleazar na anak ng paring si Aaron ay ang langis sa ilaw, ang mabangong insenso, ang patuloy na handog na butil, ang langis na pambuhos, ang pamamahala sa buong tabernakulo at ng lahat na nandoon, ang santuwaryo at ang mga sisidlan niyon.”
17 At nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron, na sinasabi,
18 “Huwag ninyong hayaang mamatay ang lipi ng mga angkan ng mga Kohatita sa gitna ng mga Levita,
19 ganito mo sila dapat pakitunguhan upang sila'y mabuhay at huwag mamatay, paglapit nila sa mga kabanal-banalang bagay. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay paroroon at ituturo sa bawat isa ang kanya-kanyang paglilingkod at ang kanya-kanyang pasanin.
20 Ngunit sila'y huwag papasok upang tingnan ang santuwaryo kahit sandali lang, upang hindi sila mamatay.”
Ang Paglilingkod ng mga Gershonita
21 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
22 “Bibilangin mo rin ang bilang ng mga anak ni Gershon, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno ayon sa kanilang mga angkan;
23 mula sa tatlumpung taong gulang hanggang sa limampung taong gulang ay bibilangin mo sila; ang lahat ng karapat-dapat maglingkod sa gawain ng toldang tipanan.
24 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gershonita, sa paglilingkod at sa pagdadala ng mga dala-dalahan.
25 Dadalhin nila ang mga tabing ng tabernakulo, ang toldang tipanan, ang takip niyon, ang panakip na balat ng kambing na nasa ibabaw nito, at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan,
26 ang mga kurtina sa bulwagan, ang tabing sa pasukan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali ng mga iyon, at ang lahat ng kasangkapan sa kanilang paglilingkod; at gagawin nila ang lahat na marapat na gawin sa mga iyon.
27 Nasa pamamahala ni Aaron at ng kanyang mga anak ang buong paglilingkod ng mga anak ng mga Gershonita, ang lahat ng kanilang dadalhin at ang lahat ng kanilang gagawin; at inyong ituturo sa kanila ang mga nauukol sa kanilang dadalhin.
28 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gershonita sa toldang tipanan at ang gawain nila ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron.
Katungkulan ng mga Anak ni Merari
29 “Tungkol sa mga anak ni Merari, bibilangin mo sila ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
30 Mula sa tatlumpung taong gulang pataas hanggang sa limampung taong gulang ay iyong bibilangin sila, lahat na maaaring pumasok sa paglilingkod, upang gawin ang gawain sa toldang tipanan.
31 At ito ang tungkulin nilang dalhin ayon sa lahat ng paglilingkod nila sa toldang tipanan: ang mga tabla ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, at ang mga patungan.
32 Ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, at ang mga patungan, at ang mga tulos, at ang mga tali pati ang lahat ng kasangkapan at iba pang kasamang kagamitan; at ayon sa pangalan, ay ituturo mo sa kanila ang mga kasangkapan na katungkulan nilang dalhin.
33 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa lahat ng paglilingkod nila sa toldang tipanan, sa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”
Ang Bilang ng mga Levita mula Tatlumpu Hanggang Limampu
34 At binilang nina Moises at Aaron at ng mga pinuno ng sambayanan ang mga anak ng mga Kohatita ayon sa kanilang mga angkan, at ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,
35 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, ang bawat isa na karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan.
36 Ang nabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan ay dalawang libo pitong daan at limampu.
37 Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga Kohatita, lahat ng naglilingkod sa toldang tipanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
38 At ang nabilang sa mga anak ni Gershon, ang kanilang mga angkan, at ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,
39 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isa na karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan.
40 Ang nabilang sa kanila, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ay dalawang libo animnaraan at tatlumpu.
41 Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Gershon, sa lahat ng naglingkod sa toldang tipanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon.
42 Ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,
43 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isang karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan,
44 ang lahat na nabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan ay tatlong libo at dalawandaan.
45 Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari na binilang nina Moises at Aaron, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
46 Ang lahat na nabilang sa mga Levita, na binilang ni Moises at ni Aaron at ng mga pinuno sa Israel, ayon sa kanilang mga angkan at sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno,
47 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isang karapat-dapat maglingkod at magdala ng mga pasan na may kinalaman sa toldang tipanan.
48 Ang nabilang sa kanila ay walong libo limang daan at walumpu.
49 Ayon sa utos ng Panginoon ay nabilang sa pamamagitan ni Moises, bawat isa ayon sa kanyang paglilingkod, at ayon sa kanyang dadalhin; ganito niya binilang sila gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Paglilinis ng Kampo
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Iutos mo sa mga anak ni Israel na ilabas sa kampo ang bawat ketongin, at bawat may tulo at dinudugo, at ang bawat marumi dahil sa napahawak sa patay.
3 Kapwa ninyo ilalabas ang lalaki at babae. Sa labas ng kampo ninyo sila ilalagay upang hindi madungisan ang kanilang kampo na aking tinitirhan.”
4 Gayon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at inilabas sila sa kampo; kung paanong sinabi ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
5 At(H) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang lalaki o babae ay nakagawa ng anumang kasalanan na nagagawa ng mga tao sa pamamagitan ng pagtataksil sa Panginoon, ang taong iyon ay nagkasala,
7 at kanyang ipahahayag ang kanyang kasalanang nagawa at kanyang pagbabayarang lubos ang kanyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa ginawan ng pagkakasala.
8 Subalit kung ang lalaki ay walang kamag-anak na mapagbabayaran ng sala, ang kabayaran sa sala ay mapupunta sa Panginoon para sa pari, bukod sa lalaking tupa na pantubos sa kanya.
9 At ang bawat handog sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel na kanilang dadalhin sa pari ay magiging kanya.
10 Ang mga bagay na banal ng bawat lalaki ay magiging kanya; ang ibigay ng sinumang tao sa pari ay magiging kanya.”
Ang Batas tungkol sa Nagtaksil na Asawa
11 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
12 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kung ang asawa ng sinumang lalaki ay lumihis ng landas at hindi naging tapat sa kanya,
13 at may ibang lalaking sumiping sa kanya, at ito'y nakubli sa mga mata ng kanyang asawa at siya ay hindi nahalata kahit na dinungisan niya ang kanyang sarili at walang saksi laban sa kanya, at hindi siya nahuli sa akto,
14 at kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya, at siya'y maninibugho sa kanyang asawa na dumungis sa kanyang sarili o kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya at siya'y naninibugho sa kanyang asawa, bagaman hindi niya dinungisan ang kanyang sarili,
15 dadalhin ng lalaki sa pari ang kanyang asawa, at dadalhin ang handog na hinihingi sa babae, ikasampung bahagi ng isang efa ng harina ng sebada. Hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito ay handog na butil tungkol sa paninibugho, handog na harinang alaala na nagpapaalala sa kasalanan.
16 “At ilalapit ng pari ang babae, at pahaharapin sa Panginoon.
17 Ang pari ay kukuha ng banal na tubig sa isang lalagyang luwad at dadampot ang pari ng alabok na nasa lapag ng tabernakulo at ilalagay sa tubig.
18 Pahaharapin ng pari ang babae sa Panginoon, at ipalulugay ang buhok ng babae, at ilalagay sa kanyang mga kamay ang handog na butil na alaala, na handog na butil tungkol sa paninibugho, at hahawakan ng pari sa kamay ang mapapait na tubig na nagdadala ng sumpa.
19 Siya'y panunumpain ng pari, at sasabihin sa babae, ‘Kung walang sumiping sa iyo na ibang lalaki, at kung hindi ka bumaling sa karumihan, habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa ay maligtas ka nawa sa mapait na tubig na ito na nagdadala ng sumpa.
20 Subalit kung ikaw ay lumihis habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa, at kung ikaw ay nadungisan at may ibang lalaking sumiping sa iyo, bukod sa iyong asawa,’
21 panunumpain ng pari ang babae ng panunumpang sumpa, at sasabihin ng pari sa babae, ‘Gagawin ka ng Panginoon na sumpa at kahihiyan sa gitna ng iyong bayan, kapag pinalaylay ng Panginoon ang iyong hita at pinamaga ang iyong katawan.
22 Ang tubig na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok nawa sa iyong katawan, at ang iyong katawan ay pamagain at ang iyong hita ay palaylayin.’ At ang babae ay magsasabi, ‘Amen.’
23 “Pagkatapos ay isusulat ng pari ang mga sumpang ito sa isang aklat, at kanyang tatanggalin sa tubig ng kapaitan.
24 Kanyang ipapainom sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa at papasok sa kanya ang tubig na nagdadala ng sumpa, at magbubunga ng matinding hapdi.
25 At kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog na butil tungkol sa paninibugho at kanyang iwawagayway ang handog na butil sa harap ng Panginoon, at dadalhin ito sa dambana.
26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot ng handog na butil na alaala niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana, at pagkatapos ay ipapainom sa babae ang tubig.
27 Kapag napainom na siya ng tubig, at mangyari kung kanyang dinungisan ang kanyang sarili, at siya'y nagtaksil sa kanyang asawa, ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok sa kanya at magbubunga ng matinding hapdi. Ang kanyang katawan ay mamamaga at ang kanyang hita ay lalaylay; at ang babae ay magiging sumpa sa gitna ng kanyang bayan.
28 Ngunit kung ang babae ay hindi nadungisan, kundi malinis, lalaya siya at magdadalang-tao.
29 “Ito ang batas tungkol sa paninibugho, kapag ang isang babae bagaman nasa ilalim ng kapangyarihan ng kanyang asawa, ay naligaw at dinungisan ang kanyang sarili,
30 o kapag ang diwa ng paninibugho ay dumating sa isang lalaki, at naninibugho sa kanyang asawa; ang babae ay pahaharapin niya sa Panginoon at ilalapat ng pari sa babae ang buong kautusang ito.
31 Ang lalaki ay maliligtas sa kasamaan ngunit ang babae ay mananagot sa kanyang kasamaan.”
Ang Batas tungkol sa mga Nazirita
6 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kapag ang sinumang lalaki o babae ay gagawa ng panata ng isang Nazirita[i] upang italaga ang sarili para sa Panginoon,
3 ay lalayo(I) siya sa alak at sa matapang na inumin. Siya'y hindi iinom ng tubang mula sa alak, o anumang inuming nakalalasing, ni iinom man ng anumang katas ng ubas o kakain man ng ubas na sariwa o pinatuyo.
4 Sa lahat ng araw ng kanyang pagiging Nazirita, hindi siya kakain ng anumang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.
5 “Sa lahat ng araw ng kanyang panata bilang Nazirita ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kanyang ulo; hanggang sa matapos ang mga araw nang pagkabukod ng kanyang sarili sa Panginoon, siya'y magiging banal; kanyang pababayaang humaba ang buhok ng kanyang ulo.
6 “Sa lahat ng araw ng kanyang pagbubukod ng kanyang sarili para sa Panginoon, ay hindi siya lalapit sa bangkay.
7 Maging sa kanyang ama o sa kanyang ina, o sa kanyang kapatid na lalaki, o babae, kapag sila'y namatay ay hindi siya magpapakarumi, sapagkat ang kanyang pagkakabukod para sa Diyos ay nasa kanyang ulo.
8 Sa lahat ng araw ng kanyang pagkabukod ay banal siya sa Panginoon.
9 “At kung ang sinuman ay biglang mamatay sa tabi niya at nadungisan niya ang kanyang ulong itinalaga, aahitan niya ang kanyang ulo sa araw ng kanyang paglilinis; sa ikapitong araw ay aahitan niya ito.
10 Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati sa pari sa pintuan ng toldang tipanan.
11 Ihahandog ng pari ang isa na handog pangkasalanan at ang isa'y handog na sinusunog at itutubos sa kanya, sapagkat siya'y nagkasala dahil sa bangkay, at itatalaga niya ang kanyang ulo sa araw ding iyon.
12 At itatalaga niya sa Panginoon ang mga araw ng kanyang pagkabukod, at siya'y magdadala ng isang korderong lalaki na isang taong gulang na handog pangkasalanan subalit ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat ang kanyang pagkabukod ay nadungisan.
13 “At(J) ito ang batas tungkol sa Nazirita, kapag natapos na ang mga araw ng kanyang pagkabukod, siya'y dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan.
14 At kanyang ihahandog ang kanyang alay sa Panginoon, na isang korderong lalaki na isang taon na walang kapintasan, bilang handog na sinusunog, at isang korderong babae na isang taon na walang kapintasan bilang handog pangkasalanan at isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog pangkapayapaan,
15 at isang bakol na tinapay na walang pampaalsa, mga munting tinapay ng piling harina na hinaluan ng langis at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, at ang handog na butil niyon at ang mga handog na inumin niyon.
16 Ihaharap iyon ng pari sa harapan ng Panginoon, at ihahandog ang kanyang handog pangkasalanan at ang kanyang handog na sinusunog.
17 Kanyang ihahandog sa Panginoon ang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa. Ihahandog din ng pari ang handog na butil niyon at ang handog na inumin niyon.
18 Ang Nazirita ay mag-aahit ng kanyang ulo ng pagkatalaga doon sa pintuan ng toldang tipanan at kanyang dadamputin ang buhok ng kanyang ulo ng pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng alay na handog pangkapayapaan.
19 At kukunin ng pari ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang pampaalsa sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang pampaalsa, at ilalagay sa mga kamay ng Nazirita, pagkatapos makapag-ahit ng buhok ng kanyang pagkatalaga.
20 Ang mga ito ay iwawagayway ng pari bilang handog na iwinagayway sa harapan ng Panginoon; ito'y banal sa pari, pati ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay; at pagkatapos nito, ang Nazirita ay maaari nang uminom ng alak.
21 “Ito ang batas para sa Nazirita na nagpanata. Ang kanyang alay sa Panginoon ay magiging ayon sa kanyang panata bilang Nazirita, bukod pa sa kanyang nakayanan; ayon sa kanyang panata na kanyang ipinangako ay gayon niya dapat gawin, ayon sa batas para sa kanyang pagkabukod bilang isang Nazirita.”
Ang Basbas ng Pari sa mga Anak ni Israel
22 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
23 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ‘Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; sasabihin ninyo sa kanila:
24 Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka.
25 Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kanyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo.
26 Ilingap nawa ng Panginoon ang kanyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.
27 Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel, at pagpapalain ko sila.”
Alay ng mga Pinuno
7 Nang araw na matapos itayo ni Moises ang tabernakulo, at mabuhusan ng langis at maitalaga, pati ang lahat ng kasangkapan niyon, ang dambana at ang lahat na kasangkapan niyon, at mabuhusan ng langis at maitalaga ang mga iyon,
2 ang mga pinuno ng Israel, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ang mga pinuno sa mga lipi, na mga namamahala roon sa nabilang ay naghandog.
3 Kanilang dinala ang kanilang handog sa harap ng Panginoon, anim na karitong may takip, at labindalawang baka; isang kariton sa bawat dalawa sa mga pinuno, at sa bawat isa'y isang baka; at kanilang inihandog ang mga iyon sa harapan ng tabernakulo.
4 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
5 “Tanggapin mo ang mga ito mula sa kanila, upang ang mga ito'y magamit sa paglilingkod sa toldang tipanan, at ibigay mo sa mga Levita, sa bawat lalaki ang ayon sa kanya-kanyang paglilingkod.”
6 At tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka at ibinigay sa mga Levita.
7 Dalawang kariton at apat na baka ang ibinigay niya sa mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang paglilingkod.
8 Apat na kariton at walong baka ang kanyang ibinigay sa mga anak ni Merari, ayon sa kanilang paglilingkod, sa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron.
9 Ngunit sa mga anak ni Kohat ay wala siyang ibinigay, sapagkat iniatas sa kanila ang pangangalaga sa mga banal na bagay na kailangang pasanin sa kanilang mga balikat.
10 Ang mga pinuno ay naghandog rin ng mga alay para sa pagtatalaga ng dambana nang araw na ito ay buhusan ng langis; ang mga pinuno ay naghandog ng kanilang alay sa harap ng dambana.
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sila'y maghahandog ng kanilang alay, isang pinuno bawat araw para sa pagtatalaga ng dambana.”
12 At ang naghandog ng kanyang alay nang unang araw ay si Naashon na anak ni Aminadab sa lipi ni Juda.
13 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na gawa sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo ayon sa siklo ng santuwaryo; parehong punô ng piling butil na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
14 isang gintong sandok na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso,
15 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
16 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
17 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang tupang lalaki, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Naashon na anak ni Aminadab.
18 Nang ikalawang araw, si Natanael na anak ni Suar, na pinuno ng Isacar ay naghandog.
19 Ang kanyang inihandog na alay ay isang pinggang yari sa pilak na ang bigat ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
20 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
21 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
22 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
23 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Natanael na anak ni Suar.
24 Nang ikatlong araw ay si Eliab na anak ni Helon, na pinuno sa mga anak ni Zebulon.
25 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo na parehong punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
26 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
27 isang batang toro, isang tupang lalaki, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
28 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
29 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang tupang lalaki, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Eliab na anak ni Helon.
30 Nang ikaapat na araw ay si Elisur na anak ni Sedeur, na pinuno sa mga anak ni Ruben.
31 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
32 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
33 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
34 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
35 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang tupang lalaki, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Elisur na anak ni Sedeur.
36 Nang ikalimang araw ay si Selumiel na anak ni Zurishadai, na pinuno sa mga anak ni Simeon.
37 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na butil;
38 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
39 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
40 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
41 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Selumiel na anak ni Zurishadai.
42 Nang ikaanim na araw ay si Eliasaf na anak ni Deuel, na pinuno sa mga anak ni Gad.
43 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil;
44 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
45 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
46 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
47 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Eliasaf na anak ni Deuel.
48 Nang ikapitong araw ay si Elisama na anak ni Amihud, na pinuno sa mga anak ni Efraim.
49 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil;
50 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
51 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang na handog na sinusunog;
52 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
53 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Elisama na anak ni Amihud.
54 Nang ikawalong araw ay si Gamaliel na anak ni Pedasur, na pinuno sa mga anak ni Manases.
55 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
56 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
57 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
58 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
59 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Gamaliel na anak ni Pedasur.
60 Nang ikasiyam na araw ay si Abidan, na anak ni Gideoni, na pinuno sa mga anak ni Benjamin.
61 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
62 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
63 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
64 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
65 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Abidan na anak ni Gideoni.
66 Nang ikasampung araw ay si Ahiezer na anak ni Amisadai, na pinuno sa mga anak ni Dan.
67 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
68 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
69 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
70 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
71 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Ahiezer na anak ni Amisadai.
72 Nang ikalabing-isang araw ay si Pagiel na anak ni Ocran, na pinuno sa mga anak ni Aser.
73 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
74 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
75 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
76 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
77 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Pagiel na anak ni Ocran.
78 Nang ikalabindalawang araw ay si Ahira na anak ni Enan, na pinuno sa mga anak ni Neftali.
79 Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa punô ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil;
80 isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na punô ng insenso;
81 isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog;
82 isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan.
83 At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Ahira na anak ni Enan.
84 Ito ang handog para sa pagtatalaga ng dambana nang araw na ito'y buhusan ng langis ng mga pinuno sa Israel: labindalawang pinggang pilak, labindalawang mangkok na yari sa pilak, labindalawang sandok na ginto,
85 na bawat pinggang yari sa pilak ay isandaan at tatlumpung siklo ang bigat, at bawat mangkok ay pitumpu. Lahat ng pilak ng mga sisidlan ay dalawang libo at apatnaraang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo,
86 ang labindalawang sandok na yari sa ginto, punô ng insenso na ang bigat ay sampung siklo bawat isa, ayon sa siklo ng santuwaryo; lahat ng ginto ng mga sandok ay isandaan at dalawampung siklo.
87 Lahat ng mga baka na handog na sinusunog ay labindalawang toro, ang mga lalaking tupa ay labindalawa, ang mga korderong lalaki na isang taon ay labindalawa, at ang mga handog na harina niyon; at ang mga kambing na lalaki na handog pangkasalanan ay labindalawa.
88 Lahat ng mga baka na mga handog pangkapayapaan ay dalawampu't apat na toro, ang mga lalaking tupa ay animnapu, ang mga kambing na lalaki ay animnapu, ang mga korderong lalaki na isang taon ay animnapu. Ito ang alay para sa pagtatalaga sa dambana pagkatapos na mabuhusan ito ng langis.
89 Nang si Moises ay pumasok sa toldang tipanan upang makipag-usap sa Panginoon, narinig niya ang tinig na nagsasalita sa kanya mula sa itaas ng trono ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na nasa gitna ng dalawang kerubin; gayon ito nagsalita sa kanya.
Ang Pitong Ilaw sa Santuwaryo
8 Nagsalita(K) ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo kay Aaron, ‘Kapag sinindihan mo ang mga ilaw ay magbibigay liwanag ang pitong ilaw sa harap ng ilawan.’”
3 At gayon ang ginawa ni Aaron. Kanyang sinindihan ang mga ilaw upang magliwanag sa harap ng ilawan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
4 Ito ang pagkagawa ng ilawan, na yari sa gintong pinitpit; mula sa patungan niyon hanggang sa mga bulaklak niyon ay pinitpit ayon sa anyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises ay gayon niya ginawa ang ilawan.
Paglilinis sa mga Levita
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Kunin mo ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel at linisin mo sila.
7 At ganito ang gagawin mo sa kanila, upang maging malinis sila. Iwisik mo sa kanila ang tubig na panlinis ng kasalanan, ahitan nila ang buong katawan nila, labhan nila ang kanilang mga suot, at sa gayo'y lilinisan nila ang kanilang sarili.
8 Kumuha sila ng isang batang toro at ng handog na butil niyon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, at kukuha ka ng ibang batang toro na handog pangkasalanan.
9 Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng toldang tipanan at titipunin mo ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel.
10 Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng Panginoon. At ipapatong ng mga anak ni Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita.
11 Ihahandog ni Aaron ang mga Levita sa harap ng Panginoon bilang handog na iwinagayway sa mga anak ni Israel upang kanilang gawin ang paglilingkod sa Panginoon.
12 At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga batang toro at ihandog mo ang isa na handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog sa Panginoon, upang itubos sa mga Levita.
13 Patayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak, at ihahandog mo ang mga iyon bilang handog na iwinagayway sa Panginoon.
14 “Ganito mo ibubukod ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel at ang mga Levita ay magiging akin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001