Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 48 - Mga Panaghoy 1

Ang Pagkawasak ng Moab

48 Tungkol(A) sa Moab.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:

“Kahabag-habag ang Nebo sapagkat ito'y winasak!
    Ang Kiryataim ay nalagay sa kahihiyan, ito'y nasakop;
ang mataas na tanggulan ay nalagay sa kahihiyan at nawasak.
    Wala nang papuri para sa Moab.
Sa Hesbon ay nagbalak sila ng kasamaan laban sa kanya:
    ‘Halikayo, at ihiwalay natin siya sa pagiging bansa!’
Ikaw rin, O Madmen, ay dadalhin sa katahimikan;
    hahabulin ka ng tabak.

“Makinig! Isang sigaw mula sa Horonaim,
    ‘Pagkasira at malaking pagkawasak!’
Ang Moab ay wasak;
    ang kanyang maliliit ay sumisigaw.
Sapagkat sa gulod ng Luhith
    ay umaahon sila na umiiyak;
sapagkat sa paglusong sa Horonaim
    ay narinig nila ang sigaw ng pagkawasak.
Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong mga buhay!
    Kayo'y maging gaya ng mailap na asno sa ilang.

Sapagkat, yamang ikaw ay nagtiwala sa iyong mga tanggulan at sa iyong mga kayamanan,
    ikaw man ay kukunin rin;
at si Cemos ay tutungo sa pagkabihag,
    kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
Ang manglilipol ay darating sa bawat lunsod,
    at walang lunsod na makakatakas;
ang libis ay wawasakin,
    at ang kapatagan ay masisira,
    gaya ng sinabi ng Panginoon.

“Bigyan ng mga pakpak ang Moab,
    upang siya'y makalipad papalayo;
ang kanyang mga lunsod ay masisira,
    na walang maninirahan sa mga iyon.

10 “Sumpain nawa siya na may kapabayaang gumagawa ng gawain ng Panginoon; at sumpain siya na iniuurong ang kanyang tabak sa pagdanak ng dugo.

11 “Ang Moab ay tiwasay mula sa kanyang kabataan,
    at nagpahinga sa kanyang mga latak,
hindi pa siya isinasalin mula sa isang sisidlan patungo sa isa pa,
    ni dinala man siya sa pagkabihag:
kaya't narito, ang kanyang lasa ay nananatili sa kanya,
    at ang kanyang bango ay hindi pa nababago.

12 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magsusugo sa kanya ng mga magtutumba, at siya'y kanilang itutumba, at aalisin nila ang laman ng kanyang mga sisidlan, at magdudurog ng kanilang mga banga.

13 Kung gayo'y ikahihiya ng Moab si Cemos, kung paanong ang sambahayan ni Israel ay ikinahiya ang Bethel, na kanilang pinagtiwalaan.

14 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay malalakas na mandirigma,
    at magigiting na lalaki sa labanan’?
15 Ang Moab ay winasak at ang mga tao ay umahon sa kanyang mga lunsod;
    at ang kanyang mga piling kabataan ay nagsibaba sa katayan,
sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.
16 Ang pagkasalanta ng Moab ay malapit nang dumating,
    at ang kanyang pagkapinsala ay nagmamadali.
17 Tangisan ninyo siya, kayong lahat na nasa palibot niya,
    at ninyong lahat na nakakakilala sa kanyang pangalan;
inyong sabihin, ‘Paanong nabali ang makapangyarihang setro,
    ang maluwalhating tungkod!’

18 “Bumaba ka mula sa inyong kaluwalhatian,
    at umupo ka sa tigang na lupa,
    O anak na babae na nakatira sa Dibon!
Sapagkat ang manglilipol ng Moab ay umahon laban sa iyo,
    giniba niya ang iyong mga muog.
19 Tumayo ka sa tabing daan at magmasid,
    O mamamayan ng Aroer!
Tanungin mo siya na tumatakbo at siya na tumatakas;
    iyong sabihin, ‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagkat ito'y nagiba;
    kayo ay tumangis at sumigaw!
Sabihin ninyo sa may Arnon,
    na ang Moab ay winasak na.

21 “Ang hatol ay dumating din sa kapatagan, sa Holon, Jaza, at laban sa Mefaat,

22 sa Dibon, Nebo, at Bet-diblataim,

23 laban sa Kiryataim, Bet-gamul, at Bet-meon;

24 laban sa Kiryot, Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo at malapit.

25 Ang sungay ng Moab ay naputol, at ang kanyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.

26 “Lasingin ninyo siya, sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon; upang ang Moab ay maglubalob sa kanyang suka, at siya man ay magiging katatawanan.

27 Hindi ba naging katatawanan ang Israel sa iyo? Siya ba'y natagpuang kasama ng mga magnanakaw, na tuwing pag-uusapan ninyo siya ay napapailing ka?

28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at kayo'y manirahan sa malaking bato;
    O mga mamamayan ng Moab.
Maging gaya kayo ng kalapati na nagpupugad
    sa mga tabi ng bunganga ng bangin.
29 Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab,
    labis niyang ipinagmamalaki
ang kanyang kataasan, ang kanyang kapalaluan, ang kanyang kahambugan,
    at ang kayabangan ng kanyang puso.
30 Alam ko ang kanyang bagsik, sabi ng Panginoon,
    ngunit iyon ay walang kabuluhan,
    ang kanyang kahambugan ay walang nagawa.
31 Kaya't tatangisan ko ang Moab;
    ako'y sisigaw para sa buong Moab,
    nagluluksa ako para sa mga tao ng Kir-heres.
32 Tatangis ako para sa iyo nang higit kaysa pagtangis ko sa Jazer,
    O punong ubas ng Sibma!
Ang iyong mga sanga ay lumampas sa dagat,
    at umabot hanggang sa Jazer,[a]
sa iyong mga bungang tag-init at sa iyong ani
    ay dumaluhong ang manglilipol.
33 Kaya't ang tuwa at kagalakan ay inalis
    sa mabungang lupain, sa lupain ng Moab;
aking pinatigil ang alak sa mga pisaan ng alak;
    walang pumipisa nito na may mga sigaw ng kagalakan;
    ang sigawan ay hindi sigawan ng kagalakan.

34 “Ang Hesbon at Eleale ay sumisigaw; hanggang sa Jahaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim at sa Eglat-shelishiya. Sapagkat ang tubig ng Nimrim ay mawawasak din.

35 At wawakasan ko sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng insenso sa kanyang mga diyos.

36 Kaya't ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa mga lalaki sa Kir-heres; kaya't ang kayamanan na kanilang tinamo ay naglaho.

37 “Sapagkat bawat ulo ay inahit, at bawat balbas ay ginupit; sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may damit-sako.

38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga liwasan ay pawang mga panaghoy; sapagkat aking binasag ang Moab na parang sisidlan na walang nagmamalasakit, sabi ng Panginoon.

39 Ito'y wasak na wasak! Napakalakas ng kanilang pagtangis! Ang Moab ay tumalikod sa kahihiyan! Kaya't ang Moab ay naging tampulan ng pagkutya at panghihilakbot sa lahat ng nasa palibot niya.”

40 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:

“Narito, may lilipad na kasimbilis ng agila
    at magbubuka ng kanyang mga pakpak laban sa Moab.
41 Ang Kiryot ay nasakop
    at ang mga muog ay naagaw.
Sa araw na iyon, ang puso ng mga mandirigma ng Moab
    ay magiging parang puso ng babaing manganganak.
42 Ang Moab ay mawawasak at hindi na magiging isang bayan,
    sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.
43 Sindak, hukay, at bitag
    ay nasa harapan mo, O naninirahan sa Moab, sabi ng Panginoon.
44 Siyang tumatakas sa pagkasindak
    ay mahuhulog sa hukay,
at siyang umaahon sa hukay
    ay mahuhuli ng bitag.
Sapagkat dadalhin ko ang mga bagay na ito sa Moab,
    sa taon ng kanilang kaparusahan, sabi ng Panginoon.

45 “Ang mga nagsisitakas ay humintong walang lakas
    sa lilim ng Hesbon,
sapagkat may apoy na lumabas sa Hesbon,
    isang alab mula sa bahay ng Sihon.
Nilamon nito ang noo ng Moab,
    ang tuktok ng mga anak ng kaguluhan.
46 Kahabag-habag ka, O Moab!
    Ang bayan ni Cemos ay wala na;
sapagkat ang iyong mga anak na lalaki ay dinalang-bihag,
    at ang iyong mga anak na babae ay dinala sa pagkabihag.
47 Gayunma'y panunumbalikin ko ang kapalaran ng Moab
    sa mga huling araw, sabi ng Panginoon.”
Hanggang dito ang hatol sa Moab.

Ang Hatol ng Panginoon sa Ammon

49 Tungkol(B) sa mga anak ni Ammon.

Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Wala bang mga anak na lalaki ang Israel?
    Wala ba siyang tagapagmana?
Kung gayo'y bakit inagawan ni Malcam ang Gad,
    at ang kanyang taong-bayan ay nakatira sa mga bayan niyon?
Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating,
    sabi ng Panginoon,
na aking iparirinig ang sigaw ng digmaan
    laban sa Rabba ng mga anak ni Ammon.
Ito'y magiging isang bunton ng guho,
    at ang kanyang kabayanan[b] ay susunugin ng apoy.
Kung magkagayo'y aagawan ng Israel ang mga nang-agaw sa kanya,
    sabi ng Panginoon.
“Tumangis ka, O Hesbon, sapagkat nawasak ang Ai!
    Umiyak kayo, mga anak na babae ng Rabba!
Kayo'y magbigkis ng damit-sako,
    kayo'y tumaghoy at tumakbong paroo't parito sa gitna ng mga tinikan!
Sapagkat si Malcam ay patungo sa pagkabihag,
    kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
Bakit mo ipinagmamalaki ang iyong mga libis, ang iyong libis ay inaanod,
ikaw na taksil na anak na babae
    na nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan, na sinasabi,
    ‘Sinong darating laban sa akin?’
Narito, dadalhan kita ng takot,
    sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    mula sa lahat ng nasa palibot mo;
at kayo'y itataboy bawat isa sa harapan niya,
    at walang magtitipon sa mga takas.

Ngunit pagkatapos ay panunumbalikin ko ang mga kayamanan ng mga anak ni Ammon, sabi ng Panginoon.”

Ang Hatol ng Panginoon sa Edom

Tungkol(C) sa Edom.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:

“Wala na bang karunungan sa Teman?
    Naglaho na ba ang payo mula sa matalino?
    Naparam na ba ang kanilang karunungan?
Tumakas kayo, bumalik kayo, manirahan kayo sa kalaliman,
    O mga naninirahan sa Dedan!
Sapagkat dadalhin ko ang pagkasalanta ng Esau sa kanya,
    sa panahon na parurusahan ko siya.
Kung ang mga nag-ani ng ubas ay dumating sa iyo,
    hindi ba sila mag-iiwan ng mga napulot?
Kung mga magnanakaw ay dumating sa gabi,
    hindi ba sisirain lamang nila ang sapat para sa kanilang sarili?
10 Ngunit aking hinubaran ang Esau,
    aking inilitaw ang kanyang mga kublihan,
    anupa't hindi niya maikukubli ang kanyang sarili.
Ang kanyang mga supling ay napuksa kasama ng kanyang mga kapatid,
    at ng kanyang mga kapitbahay; at siya'y wala na rin.
11 Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, pananatilihin ko silang buháy,
    at hayaang magtiwala sa akin ang iyong mga babaing balo.”

12 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Narito, silang hindi nahatulang uminom sa kopa ay tiyak na iinom, ikaw ba'y hahayong napawalang-sala? Ikaw ay hindi hahayong napawalang-sala, kundi tiyak na iinom ka.

13 Sapagkat ako'y sumumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katatakutan, kakutyaan, guho, at sumpa; at ang lahat ng mga lunsod nito ay magiging wasak magpakailanman.”

14 Ako'y nakarinig ng balita mula sa Panginoon,
    at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa:
“Kayo'y magtipun-tipon at pumaroon laban sa kanya,
    at bumangon upang lumaban!”
15 Sapagkat, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa,
    at hamak sa gitna ng mga tao.
16 Tungkol sa iyong kakilabutan,
    dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso,
ikaw na nakatira sa mga bitak ng bato,[c]
    na humahawak sa kataasan ng burol.
Bagaman pataasin mo ang iyong pugad na kasintaas ng sa agila,
    ibababa kita mula roon, sabi ng Panginoon.

17 “Ang Edom ay magiging katatakutan; bawat magdaraan doon ay mangingilabot at susutsot dahil sa lahat ng kapinsalaan nito.

18 Gaya(D) ng pagbagsak ng Sodoma at Gomorra, at ng mga karatig-bayan ng mga ito, sabi ng Panginoon, walang sinumang mananatili roon, walang anak ng tao na maninirahan doon.

19 Narito, gaya ng leon na umaahon sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirang ako ng mamamahala sa kanya ng sinumang aking piliin. Sapagkat sino ang gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang tatayo sa harapan ko?

20 Kaya't inyong pakinggan ang panukalang ginawa ng Panginoon laban sa Edom at ang mga layunin na kanyang binuo laban sa mga naninirahan sa Teman: Maging ang maliliit ng kawan ay kakaladkarin, tiyak na gagawin niyang wasak ang kanilang pastulan dahil sa kanila.

21 Ang lupa ay nayanig sa ingay ng kanilang pagbagsak. Mayroong sigaw! Ang ingay nito ay narinig sa Dagat na Pula.

22 Narito, siya'y aahon at mabilis na lilipad na gaya ng agila, at ibubuka ang kanyang mga pakpak laban sa Bosra, at ang puso ng mga mandirigma ng Edom sa araw na iyon ay magiging gaya ng puso ng babae sa kanyang panganganak.”

Ang Hatol ng Panginoon sa Damasco

23 Tungkol(E) sa Damasco.

“Ang Hamat at ang Arpad ay napahiya,
    sapagkat sila'y nakarinig ng masamang balita;
sila'y nanlulumo, may kabalisahan sa dagat
    na hindi mapayapa.
24 Ang Damasco ay humina, siya'y tumalikod upang tumakas,
    at sinaklot siya ng sindak;
hinawakan siya ng dalamhati at mga kalungkutan,
    na gaya ng babaing manganganak.
25 Tunay na hindi pinabayaan ang lunsod ng kapurihan,
    ang bayan ng aking kagalakan!
26 Kaya't ang kanyang mga binata ay mabubuwal sa kanyang mga lansangan,
    at lahat ng kanyang kawal ay matatahimik sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
27 At ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Damasco,
    at lalamunin niyon ang mga toreng tanggulan ni Ben-hadad.”

Ang Hatol ng Panginoon sa Kedar at Hazor

28 Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.

Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Bangon, sumampa kayo sa Kedar!
    Lipulin ninyo ang mga anak ng silangan!
29 Ang kanilang mga tolda at mga kawan ay kanilang kukunin,
    ang kanilang mga tabing at lahat nilang ari-arian;
ang kanilang mga kamelyo ay aagawin sa kanila,
    at ang mga tao ay sisigaw sa kanila: ‘Kakilabutan sa bawat panig!’
30 Takbo, tumakas kayo! Manirahan kayo sa kalaliman,
    O mamamayan ng Hazor, sabi ng Panginoon:
Sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia
    ay nagpanukala laban sa inyo,
    at nagpasiya laban sa inyo.

31 “Bangon, lusubin ninyo ang bansang tiwasay,
    na naninirahang panatag, sabi ng Panginoon;
na walang pintuan o mga halang man,
    na naninirahang mag-isa.
32 At ang kanilang mga kamelyo ay sasamsamin,
    ang kanilang maraming kawan ay tatangayin.
Aking pangangalatin sa bawat hangin
    ang mga gumugupit sa mga sulok ng kanilang buhok
at dadalhin ko ang kanilang kapinsalaan
    na mula sa bawat panig nila, sabi ng Panginoon.
33 Ang Hazor ay magiging tirahan ng mga asong mailap,
    walang-hanggang sira,
walang sinumang mananatili roon,
    walang anak ng tao na maninirahan doon.”

Ang Hatol ng Panginoon sa Elam

34 Ang salita ng Panginoon na dumating kay propeta Jeremias tungkol sa Elam sa simula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi,

35 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Narito, aking babaliin ang pana ng Elam, ang pangunahin sa kanilang kapangyarihan;

36 at dadalhin ko sa Elam ang apat na hangin mula sa apat na sulok ng langit at ikakalat ko sila sa lahat ng mga hanging iyon. Walang bansang hindi mararating ng mga itinaboy mula sa Elam.

37 Aking tatakutin ang Elam sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa harapan ng mga nagtatangka sa kanilang buhay. Ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, ang aking mabangis na galit, sabi ng Panginoon. Ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.

38 Pagkatapos ay ilalagay ko ang aking trono sa Elam, at lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno, sabi ng Panginoon.

39 “Ngunit mangyayari sa mga huling araw ay ibabalik ko ang mga kayamanan ng Elam, sabi ng Panginoon.”

Ang Babilonia ay Nagapi

50 Ang(F) salitang sinabi ng Panginoon tungkol sa Babilonia, at tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ng propetang si Jeremias:

“Ipahayag ninyo sa gitna ng mga bansa at inyong ipatalastas,
    magtaas kayo ng watawat at ipahayag,
    huwag ninyong itago, kundi inyong sabihin,
‘Ang Babilonia ay nasakop,
    si Bel ay nalagay sa kahihiyan,
    si Merodac ay nabasag.
Ang kanyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan,
    ang kanyang mga diyus-diyosan ay nabasag.’

“Sapagkat mula sa hilaga ay umahon ang isang bansa laban sa kanya na sisira sa kanyang lupain, at walang maninirahan doon; ang tao at ang hayop ay tatakas.

Ang Pagbabalik ng Israel

“Sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga anak ni Israel at ni Juda ay darating na magkakasama, umiiyak habang sila'y dumarating, at hahanapin nila ang Panginoon nilang Diyos.

Kanilang ipagtatanong ang daan patungo sa Zion, na ang kanilang mga mukha ay nakatutok doon, na sinasabi, ‘Halikayo, magsama-sama tayo sa Panginoon sa isang walang hanggang tipan na hindi kailanman malilimutan.’

“Ang aking bayan ay naging gaya ng nawawalang tupa, iniligaw sila ng kanilang mga pastol. Sila'y inilihis sa mga bundok, sila'y nagpabalik-balik sa burol at bundok; nakalimutan nila ang kanilang dakong pahingahan.

Sinakmal sila ng lahat ng nakatagpo sa kanila, at sinabi ng kanilang mga kaaway, ‘Kami ay walang kasalanan, sapagkat sila'y nagkasala laban sa Panginoon, ang kanilang tunay na pastulan, ang Panginoon, ang pag-asa ng kanilang mga ninuno.’

“Tumakas(G) kayo mula sa gitna ng Babilonia, at lumabas kayo sa lupain ng mga Caldeo, at kayo'y maging gaya ng mga lalaking kambing sa harapan ng mga kawan.

Sapagkat narito, aking inuudyukan at dinadala laban sa Babilonia ang isang pangkat ng malalaking bansa mula sa hilagang lupain. Sila'y hahanay laban sa kanya; mula doo'y sasakupin siya. Ang kanilang mga palaso ay gaya ng sa sanay na mandirigma na hindi bumabalik na walang dala.

10 Ang Caldea ay sasamsaman; lahat ng nagsisisamsam sa kanya ay mabubusog, sabi ng Panginoon.

11 “Bagaman kayo ay nagagalak, bagaman kayo'y nagsasaya,
    O kayong mandarambong ng aking mana,
bagaman kayo'y nagpapasasa na gaya ng babaing guya sa damuhan,
    at humahalinghing na gaya ng mga lalaking kabayo;
12 ang inyong ina ay lubhang mapapahiya,
    at siya na nagsilang sa inyo ay hihiyain.
Siya'y magiging huli sa mga bansa,
    isang ilang, lupaing tuyo at disyerto.
13 Dahil sa poot ng Panginoon ay hindi siya titirahan,
    kundi magiging lubos na wasak;
bawat magdaraan sa Babilonia ay magtataka,
    at susutsot dahil sa lahat niyang mga sugat.
14 Humanay kayo laban sa Babilonia sa palibot,
    kayong lahat na nag-uumang ng busog;
tudlain ninyo siya, huwag kayong magtipid ng mga palaso,
    sapagkat siya'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Sumigaw ka laban sa kanya sa palibot:
    Siya'y sumuko na;
ang kanyang mga muog ay gumuho na,
    ang kanyang mga pader ay bagsak na.
Sapagkat ito ang paghihiganti ng Panginoon:
    Maghiganti kayo sa kanya,
    gawin ninyo sa kanya kung ano ang ginawa niya.
16 Ihiwalay ninyo sa Babilonia ang manghahasik,
    at ang naghahawak ng karit sa panahon ng pag-aani,
dahil sa tabak ng mang-aapi.
    Bawat isa ay babalik sa kanyang bayan,
    bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.

Ang Pagbabalik ng Israel

17 “Ang Israel ay isang nagsipangalat na kawan na itinaboy ng mga leon. Una'y sinakmal siya ng hari ng Asiria; at ang huli ay si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ang bumali ng kanyang mga buto.

18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking parurusahan ang hari ng Babilonia at ang kanyang lupain, kung paanong pinarusahan ko ang hari ng Asiria.

19 Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at siya'y manginginain sa Carmel at sa Basan, at ang kanyang nasa ay masisiyahan sa mga burol ng Efraim at ng Gilead.

20 Sa mga araw at sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ay hahanapin sa Israel at hindi magkakaroon ng anuman; at ang kasalanan sa Juda, at walang matatagpuan, sapagkat aking patatawarin sila na aking iniwan bilang nalabi.

Ang Hatol ng Diyos sa Babilonia

21 “Umahon ka laban sa lupain ng Merathaim,[d]
at laban sa mga naninirahan sa Pekod.[e]
    Pumatay ka at ganap mong lipulin sila,
sabi ng Panginoon,
    at gawin mo ang lahat ng iniutos ko sa iyo.
22 Ang ingay ng digmaan ay nasa lupain,
    at malaking pagkawasak!
23 Pinutol at binali ang pamukpok ng buong daigdig!
Ang Babilonia ay naging
    isang katatakutan sa gitna ng mga bansa!
24 Ako'y naglagay ng bitag para sa iyo, at ikaw naman ay nakuha, O Babilonia,
    at hindi mo ito nalaman;
ikaw ay natagpuan at nahuli,
    sapagkat ikaw ay naghimagsik laban sa Panginoon.
25 Binuksan ng Panginoon ang kanyang taguan ng sandata,
    at inilabas ang mga sandata ng kanyang poot;
sapagkat iyon ay gawa ng Panginoong Diyos ng mga hukbo
    sa lupain ng mga Caldeo.
26 Pumunta kayo laban sa kanya mula sa pinakamalayong hangganan;
    buksan ninyo ang kanyang mga kamalig;
itambak ninyo siya na gaya ng bunton, at lubos ninyo siyang wasakin;
    huwag mag-iiwan ng anuman sa kanya.
27 Patayin ninyo ng tabak ang lahat niyang mga toro;
    pababain sila sa katayan.
Kahabag-habag sila! Sapagkat dumating na ang kanilang araw,
    ang araw ng pagpaparusa sa kanila.

28 “May tinig ng mga takas at mga tumatakbo mula sa lupain ng Babilonia, upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ng Panginoon nating Diyos, ang paghihiganti para sa kanyang templo.

29 “Magpatawag(H) kayo ng mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na gumagamit ng pana. Magkampo kayo sa palibot niya; huwag hayaang makatakas ang sinuman. Gantihan siya ayon sa kanyang mga gawa, gawin ninyo sa kanya ang ayon sa lahat niyang ginawa; sapagkat may kapalaluan niyang sinuway ang Panginoon, ang Banal ng Israel.

30 Kaya't mabubuwal ang kanyang mga kabataang lalaki sa kanyang mga liwasan, at ang lahat niyang mga kawal ay malilipol sa araw na iyon, sabi ng Panginoon.

31 “Narito, ako'y laban sa iyo, O ikaw na palalo,
    sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo;
sapagkat ang iyong araw ay dumating na,
    ang panahon na parurusahan kita.
32 At ang palalo ay matitisod at mabubuwal,
    at walang magbabangon sa kanya;
at ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang mga lunsod,
    at lalamunin niyon ang lahat ng nasa palibot niya.

33 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ang mga anak ni Israel ay inaapi at gayundin ang mga anak ni Juda na kasama nila; lahat ng bumihag sa kanila ay mahigpit silang hinahawakan, sila'y ayaw nilang palayain.

34 Ang kanilang Manunubos ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan. Tiyak na kanyang ipaglalaban sila, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, ngunit kaguluhan sa mga mamamayan ng Babilonia.

35 “Tabak laban sa mga Caldeo, sabi ng Panginoon,
    at laban sa mga mamamayan ng Babilonia,
    at laban sa kanyang mga pinuno, at sa kanyang mga pantas!
36 Tabak laban sa mga manghuhula,
    at sila'y magiging mga hangal!
Tabak laban sa kanyang mga mandirigma
    at sila'y malilipol!
37 Tabak laban sa kanilang mga kabayo at sa kanilang mga karwahe,
    at laban sa lahat ng mga dayuhang nasa gitna niya,
    at sila'y magiging mga babae!
Tabak laban sa kanyang mga kayamanan,
    at ang mga iyon ay sasamsamin.
38 Tagtuyot sa kanyang mga tubig,
    at sila'y matutuyo!
Sapagkat iyon ay lupain ng mga larawang inanyuan,
    at sila'y nahihibang sa mga diyus-diyosan.

39 “Kaya't(I) ang mababangis na hayop ay maninirahan doon na kasama ng mga asong-gubat, at ang avestruz ay maninirahan sa kanya; hindi na ito titirahan ng mga tao kailanpaman; ni matatahanan sa lahat ng mga salinlahi.

40 Kung(J) paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra at ang mga karatig-bayan ng mga iyon, sabi ng Panginoon, gayon walang sinumang maninirahan doon, at walang anak ng tao na titira doon.

41 “Narito, isang bayan ay dumarating mula sa hilaga;
    isang makapangyarihang bansa at maraming hari
    ang gigisingin mula sa pinakamalayong bahagi ng lupa.
42 May hawak silang busog at sibat;
    sila'y malulupit, at walang awa.
Ang kanilang tinig ay gaya ng hugong ng dagat,
    at sila'y nakasakay sa mga kabayo,
nakahanay na gaya ng isang taong makikipagdigma
    laban sa iyo, O anak na babae ng Babilonia!
43 “Narinig ng hari ng Babilonia ang balita tungkol sa kanila,
    at ang kanyang mga kamay ay nanghina;
sinaklot siya ng dalamhati,
    ng paghihirap na gaya ng sa babaing manganganak.

44 “Narito, darating ang isang gaya ng leon na umaahon mula sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirangin kong mamahala sa kanya ang sinumang piliin ko. Sapagkat sinong gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang makakatayo sa harapan ko?

45 Kaya't inyong pakinggan ang pinanukala ng Panginoon laban sa Babilonia; at ang mga layuning binuo niya laban sa lupain ng mga Caldeo: Tiyak na kakaladkarin ang maliliit sa kanilang kawan. Tiyak na wawasakin niya ang kawan nila dahil sa kanila.

46 Sa ingay ng pagkasakop sa Babilonia ay nayayanig ang lupa, at ang kanyang sigaw ay maririnig sa mga bansa.”

Karagdagang Hatol sa Babilonia

51 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ako'y magbabangon ng isang laban sa Babilonia,
    at laban sa mga naninirahan sa Lebkamai;[f]
Ako'y magpapadala sa Babilonia ng mga dayuhan,
    at kanilang tatahipan siya,
at kanilang aalisan ng laman ang kanyang lupain,
    kapag sila'y dumating laban sa kanya mula sa bawat panig
    sa araw ng kaguluhan.
Huwag iumang ng mamamana ang kanyang pana,
    at huwag siyang hayaang makatayo sa kanyang baluti.
Huwag ninyong hahayaang makaligtas ang kanyang mga kabataang lalaki;
    lubos ninyong lipulin ang kanyang buong hukbo.
Sila'y patay na mabubuwal sa lupain ng mga Caldeo,
    at sinugatan sa kanyang mga lansangan.
Sapagkat ang Israel at Juda ay hindi pa pinababayaan
    ng kanilang Diyos, ng Panginoon ng mga hukbo,
bagaman ang lupain ng mga Caldeo ay punô ng pagkakasala
    laban sa Banal ng Israel.

“Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonia,
    at iligtas ng bawat tao ang kanyang buhay!
Huwag kayong mapuksa nang dahil sa pagpaparusa sa kanya
    sapagkat ito ang panahon ng paghihiganti ng Panginoon;
    siya'y kanyang pagbabayarin.
Ang(K) Babilonia noon ay gintong kopa sa kamay ng Panginoon
    na lumasing sa buong daigdig;
ang mga bansa ay uminom ng kanyang alak,
    kaya't ang mga bansa ay nauulol.
Ang Babilonia ay biglang nabuwal at nadurog;
    tangisan ninyo siya!
Dalhan ninyo siya ng balsamo para sa kanyang sakit,
    baka sakaling siya'y gumaling.
Ibig(L) sana nating gumaling ang Babilonia,
    ngunit siya'y hindi napagaling.
Pabayaan ninyo siya, at bawat isa sa atin ay humayo
    sa kanya-kanyang sariling lupain;
sapagkat ang kanyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit,
    at naitaas hanggang sa himpapawid.
10 Inilabas ng Panginoon ang pagpapawalang-sala sa atin;
    halikayo, at ating ipahayag sa Zion
    ang gawa ng Panginoon nating Diyos.

11 “Patalasin ninyo ang mga palaso!
    Kunin ninyo ang mga kalasag!

Pinukaw ng Panginoon ang espiritu ng mga hari ng mga Medo, sapagkat ang kanyang layunin tungkol sa Babilonia ay wasakin ito, sapagkat iyon ang paghihiganti ng Panginoon, ang paghihiganti para sa kanyang templo.

12 Magtaas kayo ng watawat laban sa mga pader ng Babilonia,
    patibayin ninyo ang bantayan,
maglagay kayo ng mga bantay,
    kayo'y maghanda ng mga panambang;
sapagkat binalak at ginawa ng Panginoon
    ang kanyang sinabi tungkol sa mga naninirahan sa Babilonia.
13 O(M) ikaw na naninirahan sa tabi ng maraming tubig,
    sagana sa mga kayamanan,
dumating na ang iyong wakas,
    at ang sukat ng iyong kasakiman.
14 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang sarili:
Tiyak na pupunuin kita ng mga tao, na kasindami ng balang,
    at sila'y sisigaw ng sigaw ng tagumpay laban sa iyo.

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

15 “Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
    nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
at sa pamamagitan ng kanyang unawa ay iniladlad niya ang mga langit.
16 Kapag siya'y nagsasalita, nagkakaroon ng pagkakaingay ng mga tubig sa kalangitan,
    at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa.
Siya'y gumagawa ng mga kidlat para sa ulan,
    at inilalabas niya ang hangin mula sa kanyang mga imbakan.
17 Bawat tao ay hangal at walang kaalaman;
    bawat panday-ginto ay inilagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan,
sapagkat ang kanyang mga rebulto ay kasinungalingan,
    at walang hininga sa mga iyon.
18 Ang mga iyon ay walang kabuluhan, isang gawa ng pandaraya;
    sa panahon ng kanilang kaparusahan ay malilipol sila.
19 Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob,
    sapagkat siya ang humubog sa lahat ng bagay,
at ang lipi ng kanyang pamana;
    ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.

Ang Sandata ng Panginoon

20 “Ikaw ang aking pandigmang palakol at sandatang pandigma;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga bansa,
    at sa pamamagitan mo ay winawasak ko ang mga kaharian.
21 Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang kabayo at ang kanyang sakay;
    sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang karwahe at ang nagpapatakbo niyon.
22 Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang lalaki at babae;
    sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang matanda at ang bata;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang binata at ang dalaga.
23     Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang pastol at ang kanyang kawan;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang magbubukid at ang kanyang mga hayop na katuwang;
    at sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga tagapamahala at ang mga pinuno.

24 “Ngunit pagbabayarin ko ang Babilonia at ang lahat ng naninirahan sa Caldea sa harap mismo ng inyong paningin sa lahat ng kasamaan na kanilang ginawa sa Zion, sabi ng Panginoon.

25 “Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng Panginoon, O mapangwasak na bundok,
    na sumisira ng buong lupa;
at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo,
    at pagugulungin kita mula sa batuhan,
    at gagawin kitang sunog na bundok.
26 Wala silang batong kukunin sa iyo na gagawing panulok,
    o ng isang bato bilang pundasyon,
kundi ikaw ay magiging wasak magpakailanman,
    sabi ng Panginoon.

27 “Magtaas kayo ng watawat sa lupa,
    inyong hipan ang trumpeta sa gitna ng mga bansa,
ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya,
    ipatawag ninyo laban sa kanya ang mga kaharian
    ng Ararat, Minni, at Askenaz;
pumili kayo ng pinuno laban sa kanya;
    magdala kayo ng mga kabayo na gaya ng pulutong na mga balang.
28 Ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya,
    ang mga hari ng mga Medo, ang kanilang mga tagapamahala at mga kinatawan,
    at ang bawat lupain na kanilang nasasakupan.
29 At ang lupain ay nanginginig at namimilipit sa sakit,
    sapagkat ang mga layunin ng Panginoon laban sa Babilonia ay nananatili,
upang wasakin ang lupain ng Babilonia,
    na walang naninirahan.
30 Ang mga mandirigma ng Babilonia ay huminto sa pakikipaglaban,
    sila'y nanatili sa kanilang mga muog;
ang kanilang lakas ay naubos,
    sila'y naging parang mga babae,
ang kanyang mga tirahan ay nasusunog,
    ang kanyang mga halang ay nabali.
31 Ang isang mananakbo ay tumatakbo upang sumalubong sa isa pa,
    at ang isang sugo upang sumalubong sa isa pang sugo,
upang ibalita sa hari ng Babilonia
    na ang kanyang lunsod ay nasakop sa magkabilang dulo;
32 ang mga tawiran ay naagaw,
    ang mga tambo ay nasunog ng apoy,
    at ang mga mandirigma ay natatakot.
33 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:
Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan
    sa panahon na iyon ay niyayapakan;
gayunma'y sandali na lamang
    at ang panahon ng pag-aani sa kanya ay darating.”
34 “Nilamon ako ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia,
    dinurog niya ako,
ginawa niya akong sisidlang walang laman,
    nilulon niya akong gaya ng halimaw;
pinuno niya ang kanyang tiyan ng aking masasarap na pagkain;
    ako'y kanyang iniluwa.
35 Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking kamag-anak ay mahulog nawa sa Babilonia,”
    sasabihin ng taga-Zion.
“Ang dugo ko nawa ay mahulog sa mga mamamayan ng Caldea,”
    sasabihin ng Jerusalem.

Sasaklolohan ng Panginoon ang Israel

36 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ipaglalaban kita at igaganti kita nang lubusan.
Tutuyuin ko ang kanyang dagat
    at tutuyuin ko ang kanyang bukal.
37 Ang Babilonia ay magiging mga bunton ng mga guho,
    tahanan ng mga asong mailap,
isang katatakutan at tampulan ng pagkutya,
    walang maninirahan.

38 “Sila'y magkakasamang uungal na parang mga leon;
    sila'y uungal na parang mga batang leon.
39 Kapag sila'y nag-init ay ipaghahanda ko sila ng isang salu-salo,
    at akin silang lalasingin, hanggang sa sila'y magkatuwaan
at matulog nang walang hanggang pagtulog,
    at hindi na magising, sabi ng Panginoon.
40 Ibababa ko sila sa katayan na parang mga kordero,
    gaya ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalaki.

Ang Sinapit ng Babilonia

41 “Ano't nasakop ang Sheshach,[g]
    at ang kapurihan ng buong lupa ay naagaw!
Ano't ang Babilonia ay naging
    katatakutan sa gitna ng mga bansa!
42 Ang dagat ay umapaw sa Babilonia;
    siya'y natakpan ng nagngangalit nitong mga alon.
43 Ang kanyang mga lunsod ay naging katatakutan,
    isang tuyong lupain at ilang,
isang lupain na walang taong naninirahan,
    o dinaraanan man ng sinumang anak ng tao.
44 At aking parurusahan si Bel sa Babilonia,
    at aking ilalabas mula sa kanyang bibig ang kanyang nilulon.
Ang mga bansa ay hindi na dadagsa pa sa kanya,
    ang pader ng Babilonia ay bumagsak!

45 “Lumabas kayo sa kalagitnaan niya, bayan ko!
    Iligtas ng bawat isa ang kanyang buhay
    mula sa mabangis na galit ng Panginoon!
46 Huwag manlupaypay ang inyong puso, o matakot man kayo
    sa balitang naririnig sa lupain,
kapag may ulat na dumating sa isang taon,
    at pagkatapos niyon ay isa pang ulat sa isa pang taon,
at ang karahasan ay nasa lupain,
    at ang pinuno ay laban sa pinuno.

47 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating
    na aking parurusahan ang mga larawang inanyuan ng Babilonia;
ang kanyang buong lupain ay mapapahiya,
    at ang lahat ng mapapatay sa kanya ay bubulagta sa gitna niya.
48 Kung(N) magkagayo'y ang langit at ang lupa,
    at lahat ng naroroon
ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia;
    sapagkat ang mga mangwawasak ay darating laban sa kanila mula sa hilaga, sabi ng Panginoon.
49 Ang(O) Babilonia ay dapat bumagsak dahil sa pinaslang sa Israel,
    kung paanong ang mga pinaslang sa buong lupa ay nabuwal dahil sa Babilonia.

Ang Mensahe ng Diyos sa mga Israelita sa Babilonia

50 “Kayong nakatakas sa tabak,
    humayo kayo, huwag kayong magsitigil!
Alalahanin ninyo ang Panginoon mula sa malayo,
    at papasukin ninyo ang Jerusalem sa inyong pag-iisip:
51 ‘Kami ay napahiya, sapagkat kami ay nakarinig ng pagkutya;
    ang kasiraang-puri ay tumakip sa aming mga mukha,
sapagkat ang mga dayuhan ay pumasok
    sa mga banal na dako ng bahay ng Panginoon.’
52 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon,
    na ako'y maglalapat ng hatol sa kanyang mga larawang inanyuan;
at sa buong lupain niya
    ay daraing ang malubhang nasugatan.
53 Kahit abutin pa ng Babilonia ang langit,
    at kahit patibayin pa niya ang kanyang malakas na kataasan,
gayunma'y darating sa kanya ang mga manglilipol mula sa akin,
    sabi ng Panginoon.

54 “Pakinggan ninyo! Isang sigaw mula sa Babilonia!
    Ang ingay ng malaking pagkawasak mula sa lupain ng mga Caldeo!
55 Sapagkat gigibain ng Panginoon ang Babilonia
    at patatahimikin ang kanyang mga makapangyarihang tinig.
Ang kanilang mga alon ay uugong na gaya ng maraming tubig,
    ang ingay ng kanilang tinig ay itinataas;
56 sapagkat ang isang mangwawasak ay dumating sa kanya,
    laban sa Babilonia,
ang kanyang mga mandirigma ay hinuhuli,
    ang kanilang mga busog ay pinagpuputul-putol;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng paghihiganti,
    siya'y tiyak na maniningil.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at ang kanyang mga taong pantas,
    ang kanyang mga tagapamahala, mga punong-kawal, at ang kanyang mga mandirigma;
sila'y matutulog nang walang hanggang pagtulog at hindi magigising,
    sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang Panginoon ng mga hukbo.

58 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Ang malawak na pader ng Babilonia
    ay lubos na magigiba,
at ang kanyang matataas na pintuan
    ay matutupok ng apoy.
Ang mga tao ay nagpapagal sa walang kabuluhan,
    at ang mga bansa ay nagpapakapagod para lamang sa apoy.”

Ang Mensahe ni Jeremias ay Ipinadala sa Babilonia

59 Ang salita na iniutos ni propeta Jeremias kay Seraya na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, nang siya'y pumunta sa Babilonia na kasama ni Zedekias na hari ng Juda, nang ikaapat na taon ng kanyang paghahari. Si Seraya ay tagapamahala.

60 Kaya't isinulat ni Jeremias sa isang aklat ang lahat ng kasamaan na darating sa Babilonia, ang lahat ng salitang ito na isinulat tungkol sa Babilonia.

61 Sinabi ni Jeremias kay Seraya: “Pagdating mo sa Babilonia, basahin mong lahat ang mga salitang ito,

62 at iyong sabihin, ‘O Panginoon, sinabi mo tungkol sa lugar na ito na iyong pupuksain, anupa't walang maninirahan doon, maging tao o hayop man, at ito'y magiging wasak magpakailanman.’

63 Pagkatapos(P) mong basahin ang aklat na ito, talian mo na may kasamang bato, at ihagis mo sa gitna ng Eufrates,

64 at sabihin mo, ‘Ganito lulubog ang Babilonia, at hindi na muling lumitaw dahil sa kapinsalaan na aking dadalhin sa kanya.’” Hanggang dito ang mga salita ni Jeremias.

Ang Pagbagsak ng Jerusalem(Q)

52 Si Zedekias ay dalawampu't isang taon nang siya'y maging hari; at siya'y nagharing labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal, na anak ni Jeremias na taga-Libna.

Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni Jehoiakim.

Sapagkat talagang ginalit ng Jerusalem at Juda ang Panginoon kaya't sila'y pinalayas niya sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.

At(R) nangyari, nang ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, nang ikasampung buwan, nang ikasampung araw ng buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo ay dumating laban sa Jerusalem. Kinubkob nila ito at sila'y nagtayo ng mga pangkubkob sa palibot niyon.

Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias.

Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, tumindi ang taggutom sa lunsod, kaya't walang makain ang taong-bayan ng lupain.

Nang(S) magkagayo'y gumawa ng butas sa lunsod at lahat ng lalaking mandirigma ay nagsitakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa daan ng pintuan sa pagitan ng dalawang pader, na nasa tabi ng halamanan ng hari, samantalang ang mga Caldeo ay nakapalibot sa lunsod. At sila'y tumakas patungong Araba.

Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico; at ang buo niyang hukbo ay nagkawatak-watak.

Kanilang hinuli ang hari at kanilang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at siya'y hinatulan ng hari.

10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan, kasama ang lahat ng pinuno ng Juda sa Ribla.

11 Pagkatapos(T) ay kanyang dinukot ang mga mata ni Zedekias at ginapos siya sa mga tanikala. Dinala siya sa Babilonia ng hari ng Babilonia, at ibinilanggo siya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

Ang Pagkawasak ng Templo(U)

12 Nang ikalimang buwan, nang ikasampung araw ng buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, hari ng Babilonia, pumasok sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng bantay na naglingkod sa hari ng Babilonia.

13 Kanyang(V) sinunog ang bahay ng Panginoon, ang bahay ng hari, at lahat ng bahay sa Jerusalem. Bawat malaking bahay ay sinunog niya.

14 At pinabagsak ng buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng pinuno ng bantay ang lahat ng pader sa palibot ng Jerusalem.

15 Pagkatapos ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na pinuno ng bantay ang ilan sa pinakadukha sa bayan at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod at ang mga takas na tumakas patungo sa hari ng Babilonia, kasama ng nalabi sa mga manggagawa.

16 Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga pinakadukha sa lupain upang maging tagapag-alaga ng ubasan at mga magbubukid.

17 At(W) ang mga haliging tanso na nasa bahay ng Panginoon, ang mga tuntungan, at ang dagat-dagatang tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat ng tanso sa Babilonia.

18 Tinangay nila ang mga palayok, mga pala, mga gunting, mga palanggana, at ang mga pinggan para sa mga insenso, at lahat ng sisidlang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo;

19 gayundin ang maliliit na mangkok, mga apuyan, mga palanggana, mga palayok, mga ilawan, mga pinggan para sa insenso at mga inumang mangkok. Lahat ng yari sa ginto at pilak ay dinalang lahat ng kapitan ng bantay.

20 Tungkol sa dalawang haligi, ang dagat-dagatan, at ang labindalawang torong tanso na nasa ilalim, at ang mga patungan na ginawa ni Haring Solomon para sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng mga bagay na ito ay hindi matimbang.

21 At tungkol sa mga haligi, ang taas ng isang haligi ay labingwalong siko; ang pabilog na sukat nito ay labindalawang siko, at ang kapal nito'y apat na daliri, at ito'y may guwang sa loob.

22 Sa ibabaw nito ay isang kapitel na tanso; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot na yari sa tanso. Ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada.

23 Mayroong siyamnapu't anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay isandaan na yaring nilambat sa palibot.

Ang mga Mamamayan ng Juda ay Dinala sa Babilonia(X)

24 At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na pangalawang pari, at ang tatlong tanod sa pinto.

25 Mula sa lunsod ay kinuha niya ang isang namahala sa mga lalaking mandirigma, at pitong lalaki mula sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng pinuno ng hukbo na nagtipon sa mga tao ng lupain, at animnapung katao sa taong-bayan ng lupain na nasa gitna ng lunsod.

26 At dinala sila ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay sa hari ng Babilonia sa Ribla.

27 Pagkatapos ay sinaktan sila ng hari ng Babilonia at sila'y pinatay sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa gayon, nadalang-bihag ang Juda mula sa lupain nito.

28 Ito ang bilang ng mga taong dinalang-bihag ni Nebukadnezar nang ikapitong taon: tatlong libo at dalawampu't tatlong Judio;

29 nang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar ay nagdala siya ng bihag mula sa Jerusalem ng walong daan at tatlumpu't dalawang katao.

30 Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Nebukadnezar, si Nebuzaradan na pinuno ng bantay ay nagdala ng bihag na mga Judio na pitong daan at apatnapu't limang katao; lahat-lahat ay apat na libo at animnaraang katao.

31 Nang ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Jehoiakin na hari ng Juda, nang ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, si Evilmerodac na hari ng Babilonia, nang unang taon na siya ay maging hari, ay nagpakita ng kabutihan kay Jehoiakim na hari ng Juda at kanyang inilabas siya sa bilangguan.

32 Siya'y nagsalitang may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng trono na higit na mataas kaysa trono ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.

33 At kanyang pinalitan ang kanyang mga damit-bilanggo. At araw-araw sa buong buhay niya ay kumain siya sa hapag ng hari.

34 At tungkol sa kanyang gastusin, binigyan siya ng hari ng gastusin ayon sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan, habang siya ay nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

Mga Kapanglawan ng Jerusalem

Kaylungkot na nakaupong nag-iisa ang lunsod
    na dating punô ng mga tao!
Siya'y naging parang isang balo,
    siya na dating dakila sa gitna ng mga bansa!
Siya na dating prinsesa ng mga lalawigan
    ay naging alipin!

Siya'y umiiyak nang mapait sa gabi,
    may mga luha sa kanyang mga pisngi;
sa lahat ng kanyang mangingibig
    ay wala ni isa mang sa kanya'y umaliw,
lahat ng kanyang mga kaibigan sa kanya ay nagtaksil,
    sila'y naging mga kaaway niya.

Ang Juda ay dinalang-bihag sa ilalim ng pagdadalamhati
    at mabigat na paglilingkod.
Siya'y naninirahan sa gitna ng mga bansa,
    ngunit walang natagpuan na mapagpapahingahan,
inabutan siya ng lahat ng humahabol sa kanya
    sa gitna ng pagkabalisa.

Ang mga daan patungo sa Zion ay nagluluksa,
    sapagkat walang dumarating sa kapistahang itinakda.
Lahat ng kanyang pintuan ay giba,
    ang mga pari niya'y dumaraing;
    ang kanyang mga dalaga ay pinahihirapan,
    at siya'y mapait na nagdurusa.

Ang kanyang mga kalaban ay naging kanyang mga pinuno,
    ang kanyang mga kaaway ay nagtatagumpay,
sapagkat pinagdusa siya ng Panginoon
    dahil sa dami ng kanyang mga pagsuway;
ang kanyang mga munting anak ay umalis
    bilang bihag sa harapan ng kaaway.

Mula sa anak na babae ng Zion ay naglaho
    ang lahat niyang karilagan.
Ang kanyang mga pinuno ay naging parang mga usa
    na hindi makatagpo ng pastulan;
sila'y tumakbong walang lakas sa harapan ng humahabol.

Naaalala ng Jerusalem
    sa mga araw ng kanyang paghihirap at kapaitan
ang lahat ng kanyang mahahalagang bagay noong una.
Nang ang kanyang bayan ay mahulog sa kamay ng kalaban,
    ay walang sumaklolo sa kanya,
    tiningnan siya na may kasiyahan ng kanyang mga kalaban,
    na tinutuya ang kanyang pagbagsak.

Ang Jerusalem ay nagkasala nang mabigat,
    kaya't siya'y naging isang maruming bagay;
lahat ng nagparangal sa kanya ay humahamak sa kanya,
    sapagkat kanilang nakita ang kanyang kahubaran.
Oo, siya'y dumaraing
    at tumatalikod.

Ang kanyang karumihan ay nasa kanyang mga damit;
    hindi niya inalintana ang kanyang wakas;
kaya't ang kanyang pagbagsak ay malagim,
    siya'y walang mang-aaliw.
“O Panginoon, masdan mo ang aking pagdadalamhati;
    sapagkat ang kaaway ay nagmamalaki!”

10 Iniunat ng kaaway ang kanyang kamay
    sa lahat ng kanyang mahahalagang bagay.
Oo, nakita niyang sinakop ng mga bansa
    ang kanyang santuwaryo,
yaong mga pinagbawalan mong pumasok
    sa iyong kapulungan.

11 Ang buong bayan niya ay dumaraing
    habang sila'y naghahanap ng tinapay;
ipinagpalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan
    upang ibalik ang kanilang lakas.
“Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo;
    sapagkat ako'y naging hamak.”

12 “Wala bang anuman sa inyo, kayong lahat na nagdaraan?
    Inyong masdan at tingnan
kung may anumang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan,
    na ibinigay sa akin,
na ipinabata sa akin ng Panginoon
    sa araw ng kanyang mabangis na galit.

13 “Mula sa itaas ay nagsugo siya ng apoy;
    sa aking mga buto ay pinababa niya ito;
nagladlad siya ng lambat para sa aking mga paa,
    pinabalik niya ako;
iniwan niya akong natitigilan
    at nanghihina sa buong araw.

14 “Iginapos sa isang pamatok ang aking mga pagsuway,
    binigkis niya itong sama-sama ng kanyang kamay;
ang mga ito ay inilagay sa leeg ko,
    pinapanghina niya ang lakas ko;
ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay
    ng mga taong hindi ko matagalan.

15 “Tinawanan ng Panginoon
    ang lahat ng aking mga magigiting na lalaki sa gitna ko;
siya'y nagpatawag ng pagtitipon laban sa akin
    upang durugin ang aking mga binata;
niyapakan ng Panginoon na parang pisaan ng ubas
    ang anak na dalaga ng Juda.

16 “Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako;
    ang mga mata ko ay dinadaluyan ng luha;
sapagkat ang mang-aaliw na dapat magpanumbalik ng aking katapangan
    ay malayo sa akin.
Ang mga anak ko ay mapanglaw,
    sapagkat nagwagi ang kaaway.”

17 Iniunat ng Zion ang kanyang mga kamay;
    ngunit walang umaliw sa kanya.
Nag-utos ang Panginoon laban sa Jacob,
    na ang kanyang mga kalapit ang dapat maging mga kalaban niya;
ang Jerusalem ay naging maruming bagay sa gitna nila.

18 “Ang Panginoon ay matuwid;
    sapagkat ako'y naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit inyong pakinggan, ninyong lahat ng bayan,
    ang aking paghihirap ay inyong masdan,
ang aking mga dalaga at mga binata
    ay nasa pagkabihag.

19 “Tinawagan ko ang aking mga mangingibig,
    ngunit dinaya nila ako;
ang aking mga pari at matatanda ay napahamak sa lunsod,
habang nagsisihanap sila ng pagkain
    upang ang lakas nila'y panumbalikin.

20 “Masdan mo, O Panginoon; sapagkat ako'y nahahapis,
    ang aking kaluluwa ay naguguluhan,
ang aking puso ay nagugulumihanan;
    sapagkat ako'y lubhang naghimagsik.
Sa lansangan ang tabak ay pumapatay;
    ito'y gaya ng kamatayan sa bahay.

21 “Nabalitaan nila na ako'y dumaraing;
    walang sinumang umaliw sa akin;
narinig ng lahat ng aking mga kaaway ang aking kabagabagan;
    sila'y natutuwa na iyong ginawa iyon.
Paratingin mo ang araw na iyong ipinahayag,
    at sila'y magiging gaya ko.

22 “Dumating nawa ang lahat nilang kasamaan sa harapan mo;
    at gawin mo sa kanila
ang gaya ng sa akin ay ginawa mo,
    dahil sa lahat kong mga pagsuway;
sapagkat marami ang mga daing ko,
    at nanghihina ang puso ko.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001