Bible in 90 Days
Ang Pagpaparusa ng Panginoon sa Jerusalem
2 Tingnan mo kung paanong sa kanyang galit
ay tinakpan ng Panginoon ng ulap ang anak na babae ng Zion!
Kanyang inihagis sa lupa mula sa langit
ang karilagan ng Israel,
hindi niya inalala ang kanyang tuntungan ng paa
sa araw ng galit niya.
2 Nilamon ng Panginoon, hindi siya nagpatawad
sa lahat ng tahanan ng Jacob.
Sa kanyang poot ay ibinagsak niya
ang mga muog ng anak na babae ng Juda;
kanyang inilugmok sa lupa na walang karangalan
ang kanyang kaharian at ang mga prinsipe nito.
3 Kanyang pinutol sa matinding galit
ang lahat ng kapangyarihan ng Israel;
iniurong niya sa kanila ang kanyang kanang kamay
sa harapan ng kaaway;
siya'y nag-alab na gaya ng nag-aalab na apoy sa Jacob,
na tumutupok sa buong paligid.
4 Iniakma niya ang kanyang pana na parang kaaway,
na ang kanyang kanang kamay ay nakaakma na parang kalaban,
at pinatay ang lahat ng kaaya-aya sa mata;
sa tolda ng anak na babae ng Zion;
ibinuhos niya ang kanyang matinding galit na parang apoy.
5 Ang Panginoon ay naging parang kaaway,
kanyang nilamon ang Israel;
nilamon niya ang lahat nitong mga palasyo,
kanyang giniba ang mga muog nito.
At kanyang pinarami sa anak na babae ng Juda
ang panangis at panaghoy.
6 Ginawan niya ng karahasan ang kanyang tabernakulo na gaya ng isang halamanan;
kanyang sinira ang kanyang takdang pulungang lugar;
ipinalimot ng Panginoon sa Zion
ang takdang kapistahan at Sabbath,
at sa kanyang matinding galit ay itinakuwil
ang hari at ang pari.
7 Itinakuwil ng Panginoon ang kanyang dambana,
kanyang iniwan ang kanyang santuwaryo.
Kanyang ibinigay sa kamay ng kaaway
ang mga pader ng kanyang mga palasyo;
isang sigawan ang naganap sa bahay ng Panginoon,
na gaya nang sa araw ng takdang kapistahan.
8 Ipinasiya ng Panginoon na gibain
ang pader ng anak na babae ng Zion;
tinandaan niya ito ng guhit,
hindi niya iniurong ang kanyang kamay sa paggiba:
kanyang pinapanaghoy ang muog at ang kuta;
sila'y sama-samang manghihina.
9 Ang kanyang mga pintuan ay bumaon sa lupa;
kanyang giniba at sinira ang kanyang mga halang;
ang kanyang hari at mga prinsipe ay kasama ng mga bansa;
wala nang kautusan,
at ang kanyang mga propeta ay hindi na tumatanggap
ng pangitain mula sa Panginoon.
10 Ang matatanda ng anak na babae ng Zion
ay tahimik na nakaupo sa lupa.
Sila'y nagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo;
at nagsuot ng damit-sako;
itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem
ang kanilang mga ulo sa lupa.
11 Ang aking mga mata ay namumugto sa kaiiyak;
ang aking kaluluwa ay naguguluhan;
ang aking puso ay ibinuhos sa lupa
dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan,
sapagkat ang mga bata at mga pasusuhin ay nanghihina sa mga lansangan ng lunsod.
12 Sila'y nag-iiyakan sa kanilang mga ina,
“Nasaan ang tinapay at alak?”
habang sila'y nanghihina na gaya ng taong sugatan
sa mga lansangan ng bayan,
habang ang kanilang buhay ay ibinubuhos
sa kandungan ng kanilang mga ina.
13 Ano ang aking maipapangaral sa iyo? sa ano kita ihahambing,
O anak na babae ng Jerusalem?
Sa ano kita itutulad, upang kita'y maaliw?
O anak na dalaga ng Zion?
Sapagkat kasinlawak ng dagat ang iyong pagkagiba;
sinong makapagpapagaling sa iyo?
14 Ang iyong mga propeta ay nakakita para sa iyo
ng mga huwad at mapandayang pangitain;
hindi nila inilitaw ang iyong kasamaan
upang ibalik ka mula sa pagkabihag,
kundi nakakita para sa iyo ng mga hulang
huwad at nakaliligaw.
15 Lahat ng nagdaraan
ay ipinapalakpak ang kanilang kamay sa iyo;
sila'y nanunuya at iniiling ang kanilang ulo
sa anak na babae ng Jerusalem;
“Ito ba ang lunsod na tinatawag
na kasakdalan ng kagandahan,
ang kagalakan ng buong lupa?”
16 Maluwang na ibinuka ng lahat mong mga kaaway ang kanilang bibig:
sila'y nanunuya at nagngangalit ang ngipin;
kanilang sinasabi, “Nilamon na namin siya!
Tunay na ito ang araw na aming hinihintay;
ngayo'y natamo na namin ito; nakita na namin.”
17 Ginawa ng Panginoon ang kanyang ipinasiya;
na isinagawa ang kanyang banta
na kanyang iniutos nang una;
kanyang ibinagsak, at hindi naawa:
hinayaan niyang pagkatuwaan ka ng iyong mga kaaway,
at itinaas ang kapangyarihan ng iyong mga kalaban.
18 Ang kanilang puso ay dumaraing sa Panginoon!
O pader ng anak na babae ng Zion!
Padaluyin mo ang mga luha na parang ilog
araw at gabi!
Huwag kang magpahinga;
huwag papagpahingahin ang iyong mga mata.
19 Bumangon ka, sumigaw ka sa gabi,
sa pasimula ng mga pagbabantay!
Ibuhos mo ang iyong puso na parang tubig
sa harapan ng mukha ng Panginoon!
Itaas mo ang iyong mga kamay sa kanya
dahil sa buhay ng iyong mga anak
na nanghihina sa gutom
sa dulo ng bawat lansangan.
20 Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo!
Kanino mo ginawa ang ganito!
Kakainin ba ng mga babae ang kanilang anak,
ang mga batang ipinanganak na malusog?
Papatayin ba ang pari at propeta
sa santuwaryo ng Panginoon?
21 Ang bata at ang matanda ay nakahiga
sa alabok ng mga lansangan.
Ang aking mga dalaga at mga binata
ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak;
pinatay mo sila sa araw ng iyong galit;
pinatay mo nang walang awa.
22 Nag-anyaya ka
na gaya ng sa araw ng takdang kapistahan,
ang aking mga kakilabutan ay nasa bawat panig;
at sa araw ng galit ng Panginoon
ay walang nakatakas o nakaligtas;
yaong aking mga kinalong at pinalaki ay nilipol ng aking kaaway.
Parusa, Pagsisisi at Pag-asa
3 Ako ang taong nakakita ng pagdadalamhati
dahil sa pamalo ng kanyang poot.
2 Itinaboy niya ako at dinala sa kadiliman, at hindi sa liwanag;
3 tunay na laban sa akin
ay kanyang paulit-ulit na ipinihit ang kanyang kamay sa buong maghapon.
4 Pinapanghina niya ang aking laman at aking balat,
at binali niya ang aking mga buto.
5 Sinakop at kinulong niya ako
sa kalungkutan at paghihirap.
6 Pinatira niya ako sa kadiliman,
gaya ng mga matagal nang patay.
7 Binakuran niya ako upang ako'y hindi makatakas;
pinabigat niya ang aking tanikala.
8 Bagaman ako'y dumaraing at humihingi ng tulong,
kanyang pinagsasarhan ang aking panalangin;
9 kanyang hinarangan ang aking mga daan ng tinabas na bato,
kanyang iniliko ang mga landas ko.
10 Para sa akin ay gaya siya ng oso na nag-aabang,
parang leon na nasa kubling dako.
11 Iniligaw niya ang aking mga lakad,
at ako'y pinagputul-putol;
ginawa niya akong wasak.
12 Binanat niya ang kanyang busog
at ginawa akong tudlaan para sa kanyang pana.
13 Pinatusok niya sa aking puso ang mga palaso
mula sa kanyang lalagyan.
14 Ako'y naging katatawanan sa lahat ng aking kababayan,
ang pasanin ng kanilang awit sa buong maghapon.
15 Pinuno niya ako ng kapanglawan,
kanyang pinapagsawa ako ng katas ng mapait na halaman.
16 Dinurog niya ng mga bato ang ngipin ko,
at pinamaluktot ako sa mga abo.
17 Ang aking kaluluwa ay inilayo sa kapayapaan;
nalimutan ko na kung ano ang kaligayahan.
18 Kaya't aking sinabi, “Wala na ang aking kaluwalhatian,
at ang aking pag-asa sa Panginoon.”
19 Alalahanin mo ang aking paghihirap at ang aking kapaitan,
ang katas ng mapait na halaman at ng apdo.
20 Patuloy itong naaalala ng aking kaluluwa
at yumuyuko sa loob ko.
21 Ngunit ito'y naaalala ko,
kaya't mayroon akong pag-asa:
22 Ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay hindi nagmamaliw,
ang kanyang mga habag ay hindi natatapos;
23 sariwa ang mga iyon tuwing umaga,
dakila ang iyong katapatan.
24 “Ang Panginoon ay aking bahagi,” sabi ng aking kaluluwa;
“kaya't ako'y aasa sa kanya.”
25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na naghihintay sa kanya,
sa kaluluwa na humahanap sa kanya.
26 Mabuti nga na ang tao ay tahimik na maghintay
para sa pagliligtas ng Panginoon.
27 Mabuti nga sa tao na pasanin ang pamatok sa kanyang kabataan.
28 Maupo siyang mag-isa sa katahimikan
kapag kanyang iniatang sa kanya;
29 ilagay niya ang kanyang bibig sa alabok—
baka mayroon pang pag-asa;
30 ibigay niya ang kanyang pisngi sa mananampal,
at mapuno siya ng pagkutya.
31 Sapagkat ang Panginoon ay hindi magtatakuwil nang walang hanggan.
32 Ngunit bagaman siya'y sanhi ng kalungkutan,
siya'y mahahabag ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal;
33 sapagkat hindi niya kusang pinahihirapan
o ang mga anak ng mga tao ay sinasaktan man.
34 Upang durugin sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa,
35 upang sikilin ang karapatan ng tao
sa harapan ng Kataas-taasan,
36 upang ibagsak ang tao sa kanyang usapin,
na hindi ito sinasang-ayunan ng Panginoon.
37 Sino ang nagsasalita at ito ay nangyayari,
malibang ito ay iniutos ng Panginoon?
38 Hindi ba sa bibig ng Kataas-taasan
nagmumula ang masama at mabuti?
39 Bakit magrereklamo ang taong may buhay,
ang tao, tungkol sa parusa sa kanyang mga kasalanan?
40 Ating subukin at suriin ang ating mga lakad,
at manumbalik tayo sa Panginoon!
41 Itaas natin ang ating mga puso at mga kamay
sa Diyos sa langit:
42 “Kami ay sumuway at naghimagsik,
at hindi ka nagpatawad.
43 “Binalot mo ng galit ang iyong sarili at hinabol mo kami;
na pumapatay ka nang walang awa.
44 Binalot mo ng ulap ang iyong sarili
upang walang panalanging makatagos.
45 Ginawa mo kaming patapon at basura
sa gitna ng mga bayan.
46 “Ibinuka ng lahat naming mga kaaway
ang kanilang bibig laban sa amin.
47 Dumating sa amin ang takot at pagkahulog, pagkasira at pagkawasak.
48 Ang mata ko'y dinadaluyan ng maraming luha
dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.
49 “Ang mata ko'y dadaluyan nang walang hinto, walang pahinga,
50 hanggang sa ang Panginoon ay tumungo at tumingin mula sa langit.
51 Pinahihirapan ng aking mga mata ang aking kaluluwa,
dahil sa lahat na anak na babae ng aking lunsod.
52 “Ako'y tinugis na parang ibon,
ng aking mga naging kaaway nang walang kadahilanan.
53 Pinatahimik nila ako sa hukay
at nilagyan ng bato sa ibabaw ko.
54 Ang tubig ay lumampas sa aking ulo;
aking sinabi, ‘Ako'y wala na.’
55 “Ako'y tumawag sa iyong pangalan, O Panginoon,
mula sa kalaliman ng hukay;
56 pinakinggan mo ang aking pakiusap! ‘Huwag mong itago ang iyong pandinig sa saklolo,
mula sa paghingi ko ng tulong!’
57 Ikaw ay lumapit nang ako'y tumawag sa iyo;
iyong sinabi, ‘Huwag kang matakot.’
58 “Ipinagtanggol mo ang aking usapin, O Panginoon,
tinubos mo ang aking buhay.
59 Nakita mo ang pagkakamaling ginawa sa akin, O Panginoon
hatulan mo ang aking usapin.
60 Nakita mo ang lahat nilang paghihiganti,
at ang lahat nilang pakana laban sa akin.
61 “Narinig mo ang kanilang pagtuya, O Panginoon,
at lahat nilang pakana laban sa akin.
62 Ang mga labi at pag-iisip ng mga tumutugis sa akin
ay laban sa akin sa buong maghapon.
63 Masdan mo ang kanilang pag-upo at ang kanilang pagtayo,
ako ang pinatutungkulan ng kanilang mga awit.
64 “Pagbabayarin mo sila, O Panginoon,
ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.
65 Papagmamatigasin mo ang kanilang puso,
ang iyong sumpa ay darating sa kanila.
66 Hahabulin mo sila sa galit at iyong lilipulin sila,
mula sa silong ng mga langit, O Panginoon.”
Ang Parusa sa Zion
4 Malabo na ang ginto, nabago na ang dalisay na ginto!
Ang mga banal na bato ay nakakalat sa dulo ng bawat lansangan.
2 Ang mahahalagang anak ng Zion,
na kasimbigat ng dalisay na ginto,
ano't pinapahalagahan na waring mga sisidlang lupa,
na gawa ng mga kamay ng magpapalayok!
3 Maging ang mga asong-gubat ay naglalabas ng dibdib
at nagpapasuso sa kanilang mga anak,
ngunit ang anak na babae ng aking bayan ay naging malupit,
parang mga avestruz sa ilang.
4 Ang dila ng sumususong bata ay dumidikit
sa ngalangala ng kanyang bibig dahil sa uhaw.
Ang mga bata ay humihingi ng tinapay,
ngunit walang taong nagpuputol nito sa kanila.
5 Silang nagpapakasawa sa pagkain
ay namamatay sa mga lansangan.
Silang pinalaki sa kulay-ube ay nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi.
6 Sapagkat(A) ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay higit na mabigat
kaysa parusa sa Sodoma,
na nagapi sa isang sandali,
at walang mga kamay na humawak sa kanya.
7 Ang kanyang mga pangunahing tao ay higit na dalisay kaysa niyebe,
higit na maputi kaysa gatas;
ang kanilang katawan ay higit na matipuno kaysa coral,
ang ganda ng kanilang anyo ay parang zafiro.
8 Ang kanilang anyo ngayon ay higit na maitim kaysa uling;
sila'y hindi makilala sa mga lansangan.
Ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto;
ito'y naging gaya ng tuyong kahoy.
9 Mabuti pa ang mga pinatay sa tabak
kaysa sa mga pinatay sa gutom,
sapagkat ang mga ito ay nanghihina at nagkakasakit
dahil sa kawalan ng mga bunga ng lupain.
10 Niluto(B) ng mga kamay ng mga mahabaging babae
ang kanilang sariling mga anak;
sila'y naging mga pagkain nila, dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.
11 Nilubos ng Panginoon ang kanyang poot,
ibinuhos niya ang kanyang matinding galit.
At siya'y nagpaningas ng apoy sa Zion,
na tumupok sa mga pundasyon nito.
12 Ang mga hari sa lupa ay hindi naniwala,
o sinuman sa mga naninirahan sa sanlibutan,
na ang kaaway at ang kalaban ay makakapasok
sa mga pintuan ng Jerusalem.
13 Ito'y dahil sa mga kasalanan ng kanyang mga propeta,
at sa mga kasamaan ng kanyang mga pari,
na nagpadanak sa gitna niya ng dugo ng mga matuwid.
14 Sila'y nagpagala-gala na mga bulag sa mga lansangan,
na lubhang nadungisan ng dugo
kaya't walang makahawak sa kanilang kasuotan.
15 “Lumayo kayo, Marurumi!” ang sigaw ng mga tao sa kanila;
“Lumayo kayo! Lumayo kayo! Huwag ninyo kaming hahawakan!”
Kaya't sila'y naging mga takas at pagala-gala;
sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa,
“Hindi na sila mamamalaging kasama natin.”
16 Pinangalat sila ng Panginoon, sila ay hindi na niya pahahalagahan
Hindi nila iginalang ang mga pari
hindi nila nilingap ang matatanda.
17 Nanlabo na ang aming mga mata
sa paghihintay ng tulong na hindi naman dumating,
sa aming pagbabantay ay naghihintay kami
sa isang bansang hindi makapagliligtas.
18 Inaabangan nila ang aming mga hakbang,
upang huwag kaming makalakad sa aming mga lansangan,
malapit na ang aming wakas, tapos na ang aming mga araw;
sapagkat dumating na ang aming wakas.
19 Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabibilis
kaysa mga buwitre sa himpapawid:
hinabol nila kami sa mga bundok,
inabangan nila kami sa ilang.
20 Ang hininga ng mga butas ng aming ilong, ang pinahiran ng Panginoon
ay kinuha sa kanilang mga hukay;
na tungkol sa kanya ay aming sinasabi, “Sa kanyang mga lilim
ay mabubuhay kami na kasama ng mga bansa.”
21 Magalak at matuwa ka, O anak na babae ng Edom,
na naninirahan sa lupain ng Uz.
Ngunit ang kopa ay darating din sa iyo;
ikaw ay malalasing at maghuhubad.
22 Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap na, O anak na babae ng Zion,
hindi ka na niya pananatilihin pa sa pagkabihag.
Ngunit ang iyong kasamaan, O anak na babae ng Edom; ay kanyang parurusahan,
ilalantad niya ang iyong mga kasalanan.
Paghingi ng Awa
5 Alalahanin mo, O Panginoon, kung ano ang nangyari sa amin.
Iyong masdan, at tingnan ang aming kahihiyan!
2 Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
ang aming mga bahay ay sa mga taga-ibang bayan.
3 Kami ay naging mga ulila at walang ama;
gaya ng mga balo ang aming mga ina.
4 Dapat kaming magbayad sa tubig na aming iniinom,
dapat naming bilhin ang kinukuha naming kahoy.
5 Ang mga humahabol sa amin ay nasa aming leeg;
kami ay pagod na, wala kaming kapahingahan.
6 Sa mga taga-Ehipto, kami ay nakipagkamay,
at sa mga taga-Asiria upang makakuha ng sapat na tinapay.
7 Ang aming mga ninuno ay nagkasala at wala na;
at kami ay nagpapasan ng mga kasamaan nila.
8 Mga alipin ang namumuno sa amin,
walang magliligtas sa amin sa kanilang kamay.
9 Nalalagay sa panganib ang aming buhay
upang makakuha ng tinapay, dahil sa tabak sa ilang.
10 Ang aming balat ay kasing-init ng pugon,
dahil sa nagniningas na init ng taggutom.
11 Ang mga babae sa Zion ay ginahasa nila,
ang mga dalaga sa mga bayan ng Juda.
12 Ang mga pinuno ay ibinitin sa kamay nila,
hindi iginagalang ang matatanda.
13 Ang mga binata ay pinagtrabaho sa gilingan,
at sa bigat ng kahoy ang mga bata ay nagpasuray-suray.
14 Iniwan na ng matatanda ang pintuang-bayan,
at ng mga binata ang kanilang mga tugtugan.
15 Ang kagalakan ng aming puso ay huminto na,
ang aming pagsasayaw ay napalitan ng pagluluksa.
16 Nahulog mula sa aming ulo ang korona;
kahabag-habag kami, sapagkat kami'y nagkasala!
17 Dahil dito ay nagkasakit ang aming puso,
dahil sa mga bagay na ito ang mga mata nami'y lumabo;
18 dahil sa bundok ng Zion na nawasak,
ang mga asong-gubat ay pagala-gala roon.
19 Ikaw, O Panginoon, magpakailanman ay naghahari,
ang iyong trono ay nananatili sa lahat ng salinlahi.
20 Bakit mo kami nililimot magpakailanman,
bakit mo kami pinababayaan nang kaytagal?
21 Ibalik mo kami sa iyo, O Panginoon, upang kami ay makapanumbalik!
Ibalik mo ang aming mga araw na gaya nang una.
22 Talaga bang kami'y iyo nang itinakuwil?
Ikaw ba ay lubhang galit na galit sa amin?
Ang Pangitain tungkol sa Kaluwalhatian ng Diyos
1 Nang(C) ikalimang araw ng ikaapat na buwan ng ikatatlumpung taon, samantalang ako'y kasama ng mga bihag sa pampang ng Ilog Chebar, ang langit ay nabuksan at ako'y nakakita ng mga pangitain ng Diyos.
2 Nang(D) ikalimang araw ng buwan, na siyang ikalimang taon ng pagkabihag ng Haring Jehoiakin,
3 ang salita ng Panginoon ay dumating kay Ezekiel na pari, na anak ni Buzi, sa lupain ng mga Caldeo sa pampang ng Ilog Chebar; at doon ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya.
4 Habang ako'y nakatingin, at narito, isang maunos na hangin ang lumabas mula sa hilaga. May isang malaking ulap na may apoy na patuloy na sumisiklab, may maningning na liwanag na nakapalibot dito at sa gitna ay may parang nagbabagang tanso sa gitna ng apoy.
5 Mula(E) sa gitna nito ay may isang kahawig ng apat na nilalang na may buhay. Ganito ang kanilang anyo: sila'y may anyong tao.
6 Bawat isa ay may apat na mukha at bawat isa sa kanila ay may apat na pakpak.
7 Ang kanilang mga paa ay tuwid at ang talampakan ng kanilang mga paa ay parang talampakan ng paa ng isang guya; at sila'y kumikinang na parang tansong pinakintab.
8 Sila'y may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa kanilang apat na tagiliran. Silang apat ay may kanilang mga mukha, at may kanilang mga pakpak na ganito:
9 ang kanilang mga pakpak ay magkakadikit. Bawat isa sa kanila ay lumalakad nang tuluy-tuloy at hindi lumilingon habang lumalakad.
10 Tungkol(F) sa anyo ng kanilang mga mukha, ang apat ay may mukha ng tao, may mukha ng leon sa kanang tagiliran, may mukha ng baka sa kaliwang tagiliran, at silang apat ay may mukha ng agila;
11 gayon ang kanilang mga mukha. At ang kanilang mga pakpak ay nakabuka sa itaas; bawat nilalang ay may dalawang pakpak na bawat isa ay magkakadikit, samantalang ang dalawa ay nakatakip sa kanilang mga katawan.
12 Bawat isa ay lumakad nang tuwid; saanman pumaroon ang espiritu, doon sila pumaparoon at hindi lumilingon sa kanilang paglakad.
13 Sa(G) gitna ng mga nilalang na may buhay gaya ng mga bagang nagniningas, parang mga sulo na nagpaparoo't parito sa gitna ng mga nilalang na may buhay. Ang apoy ay maningas, at mula sa apoy ay may lumabas na kidlat.
14 At ang mga nilalang na may buhay ay tumakbong paroo't parito na parang kislap ng kidlat.
Ang Apat na Gulong sa Pangitain ni Ezekiel
15 Samantalang(H) minamasdan ko ang mga nilalang na may buhay, narito ang isang gulong sa lupa sa tabi ng mga nilalang na may buhay, isa para sa bawat isa sa kanilang apat.
16 Ganito ang anyo ng mga gulong at ng kanilang pagkayari: ang kanilang anyo ay parang kislap ng berilo; at ang apat ay magkakatulad, ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong.
17 Kapag sila'y lumakad, sila'y lumalakad sa alinman sa apat na dako na hindi lumilingon habang lumalakad.
18 Tungkol(I) sa kanilang mga rayos ay matataas at kakilakilabot; at itong apat ay may kanilang mga rayos na punô ng mga mata sa palibot.
19 At kapag ang mga nilalang na may buhay ay lumalakad, ang mga gulong ay kasunod sa tabi nila; at kapag ang mga nilalang na may buhay ay tumataas mula sa lupa, ang mga gulong ay tumataas.
20 Kung saanman ang espiritu pumupunta, doon pupunta ang espiritu at ang mga gulong ay tumataas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
21 Kapag ang mga iyon ay lumakad, ang mga ito'y lumalakad din; at kapag ang mga iyon ay huminto, sila ay hihinto. Kapag sila ay tumayo mula sa lupa, ang mga gulong ay tatayong kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
Ang Kaluwalhatian na Pangitain ni Ezekiel
22 Sa(J) ibabaw ng ulo ng mga nilalang na may buhay, may isang bagay na kawangis ng kalawakang kumikinang na parang kristal na nakaladlad sa itaas ng kanilang mga ulo.
23 At sa ilalim ng kalawakan ay nakaunat nang tuwid ang kanilang mga pakpak, na ang isa ay paharap sa isa; at bawat nilalang ay may dalawang pakpak na tumatakip sa kanyang katawan sa dakong ito, at bawat isa'y may dalawa na tumatakip sa dakong iyon.
24 Nang(K) sila'y gumalaw, aking narinig ang pagaspas ng kanilang mga pakpak na parang ugong ng maraming tubig, parang tinig ng Makapangyarihan sa lahat, at ugong ng kaguluhan na gaya ng ingay ng isang hukbo. Kapag sila'y nakahinto, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.
25 At may tinig na nagmula sa itaas ng kalawakan na nasa ibabaw ng kanilang mga ulo. Kapag sila'y nakahinto, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.
26 Sa(L) itaas ng kalawakan na nasa itaas ng kanilang mga ulo ay may kawangis ng isang trono na parang anyo ng batong zafiro. Sa ibabaw ng kawangis ng trono ay may kawangis ng isang tao na nakaupo sa itaas niyon.
27 At(M) nakita ko sa anyo ng kanyang balakang at paitaas ang isang bagay na tulad ng kumikinang na metal na kung pagmasdan ay gaya ng apoy sa palibot nito, at mula sa anyo ng kanyang balakang at paibaba ay nakita ko ang gaya ng apoy na may ningning sa palibot niya.
28 Gaya ng anyo ng bahaghari na nasa ulap sa araw na maulan, gayon ang anyo ng kinang sa palibot. Gayon ang anyo ng katulad ng kaluwalhatian ng Panginoon. Nang iyon ay aking makita, ako'y nasubasob at aking narinig ang tinig ng isang nagsasalita.
Ang Pagtawag kay Ezekiel
2 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, tumayo ka sa iyong mga paa, at ako'y makikipag-usap sa iyo.”
2 Nang siya'y magsalita sa akin, ang Espiritu ay pumasok sa akin at itinayo niya ako sa aking mga paa. At narinig ko siya na nagsasalita sa akin.
3 Kanyang sinabi sa akin, “Anak ng tao, isinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa isang bansa ng mga mapaghimagsik na naghimagsik laban sa akin. Sila at ang kanilang mga ninuno ay nagkasala laban sa akin hanggang sa araw na ito.
4 Ang mga tao ay wala ring galang at matitigas ang ulo. Isinusugo kita sa kanila at sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos.’
5 Kung pakinggan man nila o hindi (sapagkat sila'y mapaghimagsik na sambahayan) ay malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.
6 At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman ang mga dawag at mga tinik ay kasama mo, at nauupo ka sa mga alakdan. Huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manlupaypay man sa kanilang harapan, sapagkat sila'y mapaghimagsik na sambahayan.
7 Iyong sasabihin ang aking mga salita sa kanila, pakinggan man nila o hindi; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
8 “Ngunit ikaw, anak ng tao, pakinggan mo kung ano ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang maging mapaghimagsik na gaya niyong mapaghimagsik na sambahayan. Ibuka mo ang iyong bibig at kainin mo ang ibinibigay ko sa iyo.”
9 Nang(N) ako'y tumingin, at narito ang isang kamay ay nakaunat sa akin at narito, isang balumbon ang nakalagay roon.
10 Iniladlad niya iyon sa harap ko, at doon ay may nakasulat sa harapan at sa likuran, at may nakasulat doon na mga salita ng panaghoy, panangis, at mga daing.
3 Sinabi(O) niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang iyong natagpuan. Kainin mo ang balumbong ito, at ikaw ay humayo, magsalita ka sa sambahayan ni Israel.”
2 Kaya't ibinuka ko ang aking bibig at ipinakain niya sa akin ang balumbon.
3 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ito at busugin mo ang iyong tiyan.” Kaya't kinain ko iyon at sa aking bibig ay naging parang pulot sa tamis.
4 At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humayo ka, pumunta ka sa sambahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila.
5 Sapagkat ikaw ay hindi isinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sambahayan ni Israel—
6 hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo mauunawaan. Tunay na kung suguin kita sa mga iyon, papakinggan ka nila.
7 Ngunit hindi ka papakinggan ng sambahayan ni Israel; sapagkat ayaw nila akong pakinggan: sapagkat ang buong sambahayan ni Israel ay may matigas na noo at may mapagmatigas na puso.
8 Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at ang iyong noo laban sa kanilang mga noo.
9 Ginawa kong batong matigas kaysa batong kiskisan ang iyong ulo. Huwag mo silang katakutan o manghina man sa kanilang paningin, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.”
10 Bukod dito'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasabihin sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig.
11 Humayo ka, pumaroon ka sa mga bihag, sa iyong mga mamamayan at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos’; pakinggan man nila o hindi.”
12 Nang magkagayo'y itinaas ako ng Espiritu, aking narinig sa likuran ko ang tunog ng malakas na ugong na sinasabi, Purihin ang kaluwalhatian ng Panginoon mula sa kanyang dako.
13 At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng mga nilalang na may buhay habang sila'y magkakadikit, at ang tunog ng mga gulong sa tabi nila, na ang tunog ay parang malakas na ugong.
14 Itinaas ako ng Espiritu at ako'y dinala palayo; ako'y humayong nagdaramdam na nag-iinit ang aking diwa, at ang kamay ng Panginoon ay naging malakas sa akin.
15 At ako'y dumating sa mga bihag sa Tel-abib, na naninirahan sa pampang ng Ilog Chebar. Ako'y umupo roon na natitigilan sa gitna nila ng pitong araw.
Ang Bantay ng Israel(P)
16 Sa katapusan ng pitong araw, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin,
17 “Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sambahayan ni Israel. Tuwing makakarinig ka ng salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin.
18 Kapag aking sinabi sa masama, ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay,’ at hindi mo siya binigyan ng babala o nagsalita ka man upang bigyan ng babala ang masama mula sa kanyang masamang landas, upang iligtas ang kanyang buhay, ang gayong masamang tao ay mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay.
19 Gayunman, kung iyong balaan ang masama at siya'y hindi tumalikod sa kanyang kasamaan, o sa kanyang masamang lakad man, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit iniligtas mo ang iyong buhay.
20 Muli, kapag ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kanyang katuwiran at gumawa ng kasamaan, at ako'y naglagay ng katitisuran sa harap niya, siya'y mamamatay. Sapagkat hindi mo siya binalaan, siya'y mamamatay sa kanyang kasalanan, at ang matutuwid na gawa na kanyang ginawa ay hindi aalalahanin; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay.
21 Subalit kung iyong binalaan ang taong matuwid na huwag magkasala, at siya'y hindi nagkakasala, siya'y tiyak na mabubuhay, sapagkat tinanggap niya ang babala at iyong iniligtas ang iyong buhay.”
Ginawang Pipi ang Propeta
22 At ang kamay ng Panginoon ay sumaakin doon at sinabi niya sa akin, “Bumangon ka, lumabas ka sa kapatagan at doo'y makikipag-usap ako sa iyo.”
23 Nang magkagayo'y bumangon ako at lumabas sa kapatagan. At narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay naroon gaya ng kaluwalhatian na aking nakita sa pampang ng Ilog Chebar, at ako'y napasubasob.
24 At pumasok sa akin ang Espiritu, at itinayo ako sa aking mga paa. Siya'y nakipag-usap sa akin, at nagsabi sa akin, “Umalis ka, magkulong ka sa loob ng iyong bahay.
25 Ngunit ikaw, anak ng tao, lalagyan ka ng mga lubid at igagapos kang kasama nila upang ikaw ay hindi makalabas sa gitna nila.
26 Aking padidikitin ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay mapipi, at hindi maging taong sumasaway sa kanila, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
27 Ngunit kapag ako'y nagsalita sa iyo, aking ibubuka ang iyong bibig, at iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos’; siyang makikinig ay makinig; at ang tatanggi ay tumanggi; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
Ang Halimbawa ng Pagkubkob sa Jerusalem
4 “Ikaw naman, O anak ng tao, kumuha ka ng isang tisa at ilagay mo sa harapan mo, at gumuhit ka sa ibabaw niyon ng isang lunsod, ang Jerusalem;
2 kubkubin mo ito, at magtayo ka ng mga pader sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon. Maglagay ka rin ng mga kampo sa tapat noon, at maglagay ka ng mga trosong pambayo sa tapat noon sa palibot.
3 Magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo iyon bilang pader na bakal sa pagitan mo at ng lunsod. Humarap ka sa dakong iyon at hayaang makubkob, at iyong pag-ibayuhin ang pagkubkob dito. Ito ay isang tanda sa sambahayan ni Israel.
4 “Pagkatapos, humiga ka nang patagilid sa iyong kaliwa at aking ilalagay ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel sa iyo ayon sa bilang ng mga araw na iyong inihiga roon, papasanin mo ang kanilang kaparusahan.
5 Sapagkat aking itinakda sa iyo ang bilang ng mga araw, tatlong daan at siyamnapung araw, katumbas ng bilang ng mga taon ng kanilang kaparusahan; gayon mo katagal papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel.
6 Kapag natapos mo na ang mga ito, ikaw ay hihiga sa ikalawang pagkakataon, sa iyong kanang tagiliran, at iyong papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Juda. Apatnapung araw ang aking itinakda sa iyo, isang araw sa bawat taon.
7 At ikaw ay haharap sa dako ng pagkubkob ng Jerusalem, na nakalitaw ang iyong kamay; at ikaw ay magpapahayag ng propesiya laban sa lunsod.
8 Narito, lalagyan kita ng lubid, upang ikaw ay hindi makabaling mula sa isang panig patungo sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga araw ng iyong pagkubkob.
9 “Magdala ka rin ng trigo, sebada, habas, lentehas, mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay. Sa panahon ng mga araw na ikaw ay nakahiga sa iyong tagiliran, tatlong daan at siyamnapung araw, kakainin mo iyon.
10 Ang pagkain na iyong kakainin ay magiging ayon sa timbang, dalawampung siklo isang araw; tuwi-tuwina ito'y iyong kakainin.
11 Ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin; ikaw ay iinom tuwi-tuwina.
12 Iyong kakainin ito na parang mga munting tinapay na sebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin.”
13 At sinabi ng Panginoon, “Ganito kakainin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila.”
14 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Panginoong Diyos! Narito, ang aking sarili ay hindi ko dinungisan. Mula sa aking pagkabata hanggang ngayon ay hindi ako kailanman kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig.”
15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Tingnan mo, hahayaan kitang gumamit ng dumi ng baka sa halip na dumi ng tao, na paglulutuan mo ng iyong tinapay.”
16 Bukod dito'y sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem. Sila'y kakain ng tinapay ayon sa timbang at may pagkatakot; sila'y iinom ng tubig ayon sa takal at may pagbabalisa.
17 Sapagkat magkukulang ng tinapay at tubig, at magtinginan sa isa't isa na may pagkabalisa, at manghina sa kanilang kaparusahan.
Inahit ni Ezekiel ang Kanyang Buhok at Balbas
5 “At ikaw, O anak ng tao, kumuha ka ng matalas na tabak; gamitin mo ito bilang pang-ahit ng manggugupit at iyong paraanin sa iyong ulo at sa iyong balbas. Pagkatapos, kumuha ka ng timbangang panimbang, at hatiin mo ang buhok.
2 Ang ikatlong bahagi ay iyong susunugin sa apoy sa gitna ng lunsod, kapag ang mga araw ng pagkubkob ay naganap; at iyong kukunin ang ikatlong bahagi, at hahampasin mo ng tabak sa palibot; at ang ikatlong bahagi ay iyong ikakalat sa hangin, at aking bubunutin ang tabak sa likuran nila.
3 At kukuha ka sa mga iyon ng kaunti, at itatali mo sa mga laylayan ng iyong balabal.
4 Sa mga ito'y kukuha ka uli, at ihahagis mo sa gitna ng apoy, at susunugin mo sa apoy. Mula roo'y manggaling ang apoy patungo sa buong sambahayan ni Israel.
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ito ay Jerusalem. Inilagay ko siya sa gitna ng mga bansa, at ang mga lupain ay nasa palibot niya.
6 Ngunit siya'y naghimagsik na may kasamaan laban sa aking mga tuntunin na higit kaysa mga bansa, at laban sa aking mga batas na higit kaysa mga lupain na nasa palibot niya, sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa mga tuntunin at hindi paglakad ayon sa aking mga batas.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat kayo'y mas magulo kaysa mga bansa na nasa palibot ninyo, at hindi kayo lumakad sa aking mga tuntunin o iningatan man ang aking mga batas, kundi gumawa ayon sa mga batas ng mga bansa na nasa palibot ninyo;
8 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako, ako mismo, ay darating laban sa iyo. Ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa gitna mo sa paningin ng mga bansa.
9 At dahil sa lahat ninyong kasuklamsuklam, ay aking gagawin sa iyo ang hindi ko pa ginawa, at ang katulad nito ay di ko na muling gagawin.
10 Kaya't(Q) kakainin ng mga magulang ang mga anak sa gitna mo, at kakainin ng mga anak ang kanilang mga magulang. Ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo; at ang lahat ng nalabi sa iyo ay aking ikakalat sa lahat ng hangin.
11 Kaya't habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, ito'y tiyak, sapagkat iyong nilapastangan ang aking santuwaryo sa pamamagitan ng lahat mong kasuklamsuklam at mga karumaldumal na bagay. Kaya't ako'y lalayo sa iyo, hindi ka patatawarin ng aking paningin, at ako'y hindi mahahabag.
12 Ang ikatlong bahagi mo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng taggutom ay mauubos sila sa gitna mo. Ang isang ikatlong bahagi ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak sa palibot mo, at ang ikatlong bahagi ay aking ikakalat sa lahat ng hangin, at magbubunot ako ng tabak sa likuran nila.
13 “Ganito uubusin ang aking galit, at aking lulubusin ang aking poot sa kanila, at ako'y masisiyahan. Kanilang malalaman na ako, ang Panginoon, ay nagsalita sa aking paninibugho, kapag aking inubos ang aking poot sa kanila.
14 Bukod dito'y gagawin kitang kasiraan at tampulan ng pagkutya sa gitna ng mga bansa na nasa palibot mo, sa paningin ng lahat ng dumaraan.
15 Ikaw ay magiging kasiraan at pagtatawanan, isang babala at katatakutan sa mga bansang nasa palibot mo, kapag ako'y naglapat ng mga kahatulan sa iyo sa galit at sa poot kasama ang mababagsik na pagsaway—ako, ang Panginoon, ang nagsalita—
16 kapag ako'y nagpakawala sa kanila ng mga nakakamatay na pana ng taggutom, mga pana sa ikawawasak, na aking pakakawalan upang wasakin kayo, at kapag ako'y nagpadala ng higit at higit pang taggutom sa inyo, at aking babaliin ang inyong tungkod ng tinapay.
17 Ako'y(R) magpapadala sa inyo ng taggutom at mababangis na hayop, at kanilang aalisan ka ng anak. Salot at dugo ang daraan sa iyo; at aking pararatingin ang tabak sa iyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsalita.”
Ang Pahayag Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
2 “O anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel, at ikaw ay magpahayag ng propesiya laban sa mga iyon,
3 at magsabi, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoong Diyos. Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga bundok, sa mga burol, sa mga batis at sa mga libis: Narito, ako, ako mismo ay magdadala ng tabak sa inyo, at aking wawasakin ang inyong matataas na dako.
4 Ang inyong mga dambana ay masisira, at ang inyong mga dambana ng insenso ay mawawasak. Aking ibabagsak ang inyong mga patay sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan.
5 Aking ilalapag ang mga bangkay ng mga anak ni Israel sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, at aking ikakalat ang inyong mga buto sa palibot ng inyong mga dambana.
6 Saanman kayo manirahan ay magiging sira ang inyong mga lunsod at ang inyong matataas na dako ay masisira, anupa't ang inyong mga dambana ay mawawasak at magigiba. Ang inyong mga diyus-diyosan ay mababasag at madudurog, ang inyong mga dambana ng insenso ay babagsak, at ang inyong mga gawa ay mawawala.
7 Ang mga napatay ay mabubuwal sa gitna ninyo, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
8 “Gayunman, iiwan kong buháy ang ilan sa inyo. Ang ilan sa inyo ay makakatakas sa tabak sa gitna ng mga bansa at mangangalat sa mga lupain.
9 Silang nakatakas sa inyo ay maaalala ako sa gitna ng mga bansa na pinagdalhan sa kanila bilang bihag, gayon ako nasaktan ng kanilang mapangalunyang puso na lumayo sa akin, at ng kanilang mga mata, na may kasamaang bumaling sa kanilang mga diyus-diyosan. Sila'y magiging kasuklamsuklam sa kanilang sariling paningin dahil sa mga kasamaan na kanilang nagawa sa lahat nilang kasuklamsuklam.
10 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon; hindi ako nagsalita ng walang kabuluhan upang aking dalhin ang kapahamakang ito sa kanila.”
Ang mga Kasalanan ng Israel
11 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ipalakpak mo ang iyong mga kamay, ipadyak mo ang iyong mga paa, at iyong sabihin, Kahabag-habag sila! Dahil sa lahat ng masamang kasuklamsuklam ng sambahayan ni Israel! Sapagkat sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.
12 Ang malayo ay mamamatay sa salot, at ang malapit ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak. Ang nalabi at nakubkob ay mamamatay sa pamamagitan ng taggutom. Ganito ko ibubuhos ang aking poot sa kanila.
13 Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag ang kanilang mga patay na tao ay nakahandusay na kasama ng kanilang mga diyus-diyosan sa palibot ng kanilang mga dambana, sa ibabaw ng bawat mataas na burol, sa lahat ng tuktok ng mga bundok, sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy, at sa ilalim ng bawat mayabong na ensina na kanilang pinaghandugan ng mabangong samyo sa lahat nilang mga diyus-diyosan.
14 Sa lahat ng kanilang tirahan, aking iuunat ang kamay ko laban sa kanila, at gagawin kong sira at giba ang kanilang lupain, mula sa ilang hanggang sa Ribla. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Dumating na ang Wakas
7 Bukod dito'y, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
2 “O anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa lupain ng Israel: Wakas na! Ang wakas ay dumating na sa apat na sulok ng lupain.
3 Ngayon ang wakas ay sumasaiyo, at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
4 Hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita, kundi aking parurusahan ka dahil sa iyong mga ginagawa, habang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa iyong kalagitnaan. At iyong malalaman na ako ang Panginoon.
5 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapahamakan, tanging kapahamakan: Narito, ito'y dumarating.
6 Ang wakas ay dumating na, ang wakas ay dumating na; ito'y gumigising laban sa iyo. Narito, ito'y dumarating.
7 Ang iyong kapahamakan ay dumating na sa iyo, O naninirahan sa lupain. Ang panahon ay dumating na, ang araw ay malapit na, araw ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may sigawan sa ibabaw ng mga bundok.
8 Malapit ko na ngayong ibuhos sa iyo ang aking poot, at aking uubusin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad, at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
9 Ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Parurusahan kita ayon sa iyong mga lakad; samantalang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa kalagitnaan mo. At inyong malalaman na ako ang Panginoon na nananakit.
10 “Narito ang araw! Narito, dumarating ito. Ang iyong kapahamakan ay dumating na, ang tungkod[a] ay namulaklak, ang kapalaluan ay sumibol.
11 Ang karahasan ay tumubo na naging pamalo ng kasamaan. Walang malalabi sa kanila, wala kahit sa mga tao, ni kayamanan man, at hindi magkakaroon ng karangalan sa kanila.
12 Ang panahon ay dumating na, ang araw ay nalalapit. Huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang nagtitinda, sapagkat ang poot ay nasa lahat nilang karamihan.
13 Gayon nga hindi na babalikan ng nagtitinda ang kanyang ipinagbili, habang sila'y buháy pa. Sapagkat ang pangitain ay nasa lahat nilang karamihan. Hindi iyon babalik; at dahil sa kanyang kasamaan, walang makapagpapanatili ng kanyang buhay.
14 “Hinipan na nila ang trumpeta at naihanda na ang lahat. Ngunit walang pumaroon sa labanan sapagkat ang aking poot ay laban sa lahat nilang karamihan.
15 Ang tabak ay nasa labas, ang salot at ang taggutom ay nasa loob. Siyang nasa parang ay namatay sa tabak; at siyang nasa lunsod ay nilamon ng taggutom at salot.
16 At kung makatakas ang sinumang nakaligtas, sila'y mapupunta sa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis. Silang lahat ay tumatangis, bawat isa dahil sa kanyang kasamaan.
17 Lahat ng mga kamay ay manghihina, at lahat ng mga tuhod ay manlalata gaya ng tubig.
18 Sila'y nagbigkis ng damit-sako at sinakluban sila ng pagkatakot. Ang pagkahiya ay nasa lahat ng mukha, at ang pagkakalbo sa lahat nilang ulo.
19 Kanilang inihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay. Ang kanilang pilak at ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ng Panginoon. Hindi nila mapapawi ang kanilang pagkagutom o mabubusog man ang kanilang mga tiyan, sapagkat iyon ay katitisuran ng kanilang kasamaan.
20 Ang kanilang magandang panggayak ay ginamit nila sa kahambugan, at ang mga ito'y ginawa nilang mga larawang kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay. Kaya't gagawin ko ito na maruming bagay para sa kanila.
21 At aking ibibigay ito sa mga kamay ng mga dayuhan bilang biktima, at sa masasama sa lupa bilang samsam; at kanilang lalapastanganin ito.
22 Tatalikuran ko sila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako. Ang mga magnanakaw ay magsisipasok doon at lalapastanganin.
23 Gumawa ka ng tanikala! “Sapagkat ang lupain ay punô ng madudugong krimen, at ang lunsod ay punô ng karahasan.
24 Kaya't aking dadalhin ang pinakamasasama sa mga bansa upang angkinin ang kanilang mga bahay. Aking wawakasan ang kanilang palalong kalakasan, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin.
25 Kapag dumating ang kapighatian, sila'y maghahanap ng kapayapaan, ngunit hindi magkakaroon.
26 Sunud-sunod na darating ang kapahamakan at bulung-bulungan. Maghahanap sila ng pangitain mula sa propeta; ngunit ang kautusa'y nawawala mula sa pari, at ang payo mula sa matatanda.
27 Ang hari ay tatangis, at ang pinuno ay madadamitan ng pagkatakot, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay manginginig.[b] Aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, at ayon sa kanilang kahatulan ay hahatulan ko sila. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Ang Pangitain tungkol sa Kasuklamsuklam na Gawain ng Jerusalem
8 Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon, samantalang ako'y nakaupo sa aking bahay, kasama ang matatanda ng Juda na nakaupo sa harapan ko, ang kamay ng Panginoong Diyos ay dumating sa akin doon.
2 Tumingin(S) ako, at narito, may isang anyo na parang tao.[c] Mula sa anyong parang kanyang mga balakang at pababa ay apoy; at mula sa kanyang mga balakang at paitaas ay parang anyo ng kakinangan, na parang tansong kumikinang.
3 Kanyang inilabas ang anyo ng isang kamay, at hinawakan ako sa buhok ng aking ulo. Itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit, at dinala ako sa mga pangitain na mula sa Diyos sa Jerusalem, sa pasukan ng pintuan ng bulwagan sa loob na nakaharap sa dakong hilaga, na kinaroroonan ng upuan ng larawan ng panibugho, na nagbubunsod sa paninibugho.
4 At(T) narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay naroon, gaya ng anyo na aking nakita sa kapatagan.
5 Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, itingin mo ang iyong mga mata sa dakong hilaga.” Sa gayo'y tumingin ako sa dakong hilaga, at naroon sa dakong hilaga ng pintuan ng dambana, sa pasukan, itong larawan ng panibugho.
6 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ang kanilang ginagawa? Ang malaking kasuklamsuklam na ginagawa dito ng sambahayan ni Israel, upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Ngunit makakakita ka pa nang higit na malalaking kasuklamsuklam.”
7 Dinala niya ako sa pintuan ng bulwagan; at nang ako'y tumingin, narito, may isang butas sa pader.
8 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humukay ka sa pader;” at nang ako'y humukay sa pader, at narito, isang pintuan.
9 Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay pumasok, at tingnan mo ang masasamang kasuklamsuklam na kanilang ginagawa rito.”
10 Sa gayo'y pumasok ako at tumingin. Doon ay nakaukit sa pader sa palibot, ang bawat anyo ng umuusad na mga bagay, kasuklamsuklam na mga hayop, at lahat ng mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel.
11 Nakatayo sa harapan nila ang pitumpung lalaki na matatanda ng sambahayan ni Israel; at sa gitna nila ay nakatayo si Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa ay may kanyang sunugan ng insenso sa kanyang kamay, at ang amoy ng usok ng insenso ay pumailanglang.
12 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba kung anong ginagawa sa dilim ng matatanda ng sambahayan ni Israel, bawat isa'y sa kanyang silid ng mga larawan? Sapagkat kanilang sinasabi, ‘Hindi tayo nakikita ng Panginoon; pinabayaan na ng Panginoon ang lupa.’”
13 Sinabi rin niya sa akin, “Makakakita ka pa ng ibang mas malalaking kasuklamsuklam na kanilang ginagawa.”
14 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan ng pintuan ng bahay ng Panginoon na nasa dakong hilaga, at narito, doo'y nakaupo ang mga babae na iniiyakan si Tammuz.
15 Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Makakakita ka pa ng lalong malalaking kasuklamsuklam kaysa mga ito.”
16 At dinala niya ako sa loob ng bulwagan sa bahay ng Panginoon; at narito, sa pintuan ng templo ng Panginoon, sa pagitan ng malaking pintuan at dambana ay may dalawampu't limang lalaki na nakatalikod sa dako ng templo ng Panginoon, at nakaharap ang kanilang mukha sa dakong silangan; at kanilang sinasamba ang araw sa dakong silangan.
17 Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Napakaliit bang bagay para sa sambahayan ni Juda na sila'y gumawa ng mga kasuklamsuklam na kanilang ginagawa dito, na kanilang pinupuno ng karahasan ang lupa, at ibinubunsod pa nila ako sa higit na pagkagalit? Tingnan mo, kanilang inilalagay ang sanga sa kanilang ilong.
18 Kaya't ako'y tunay na makikitungo na may poot; ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Bagaman sila'y manangis sa aking pandinig ng malakas na tinig, hindi ko sila papakinggan.”
Ang Pagpatay sa Masasama
9 Nang magkagayo'y sumigaw siya sa aking pandinig nang malakas na tinig, na nagsasabi, “Lumapit kayo, kayo na mga tagapagparusa sa lunsod, na bawat isa'y may kanyang pamatay na sandata sa kanyang kamay.”
2 Narito, anim na lalaki ang dumating mula sa dako ng pintuan sa itaas, na nakaharap sa hilaga. Bawat isa'y may kanyang sandatang pamatay sa kanyang kamay, at kasama nila ang isang lalaki na nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang. At sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng tansong dambana.
3 Ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay pumailanglang mula sa kerubin, na kinapapatungan hanggang sa pintuan ng bahay. At kanyang tinawag ang lalaking nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang.
4 At(U) sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumasok ka sa lunsod, sa loob ng Jerusalem, at lagyan mo ng mga tanda ang mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at dumadaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa roon.”
5 Sa iba ay sinabi niya sa aking pandinig, “Dumaan kayo sa lunsod na kasunod niya, at manakit kayo; huwag magpatawad ang inyong mata, at huwag kayong magpakita ng habag.
6 Patayin ninyo agad ang matatanda, ang mga binata, mga dalaga, mga bata at ang mga babae; ngunit huwag ninyong gagalawin ang sinumang may tanda. At magsimula kayo sa aking santuwaryo.” Nang magkagayo'y kanilang pinasimulan sa matatandang lalaki na nasa harap ng bahay.
7 Sinabi niya sa kanila, “Lapastanganin ninyo ang bahay, at punuin ninyo ng patay ang mga bulwagan. Magsilabas kayo.” At sila'y nagsilabas at pumatay sa lunsod.
8 Habang sila'y pumapatay, at ako'y naiwan, ako'y nasubasob at sumigaw, at aking sinabi, “O Panginoong Diyos! Iyo bang lilipulin ang lahat ng nalabi sa Israel, sa pagbubuhos mo ng iyong poot sa Jerusalem?”
9 Sinabi niya sa akin, “Ang kasalanan ng sambahayan ng Israel at ng Juda ay totoong malaki, at ang lupain ay punô ng dugo, at ang lunsod ay punô ng kasuwailan; sapagkat kanilang sinasabi, ‘Pinabayaan ng Panginoon ang lupa, at hindi nakikita ng Panginoon!’
10 Tungkol naman sa akin, ang aking mata ay hindi magpapatawad o mahahabag man, kundi aking gagantihin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang mga ulo.”
11 At ang lalaking nakadamit ng telang lino, at may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang ay nagpasabi, “Nagawa ko na ang ayon sa iniutos mo sa akin.”
Iniwan ng Kaluwalhatian ng Diyos ang Templo
10 Nang(V) magkagayo'y tumingin ako, at narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin ay may nagpakita na parang isang batong zafiro, na ang anyo ay parang isang trono.
2 Sinabi(W) niya sa lalaki na nakadamit ng telang lino, “Pumasok ka sa pagitan ng umiikot na mga gulong sa ilalim ng kerubin. Punuin mo ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa buong lunsod.” At umalis siya sa harapan ko.
3 Ang mga kerubin ay nakatayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalaki ay pumasok; at pinuno ng ulap ang loob ng bulwagan.
4 Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa kerubin hanggang sa pintuan ng bahay. Ang bahay ay napuno ng ulap, at ang bulwagan ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng Panginoon.
5 At ang tunog ng pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa labas ng bulwagan, na gaya ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat kapag siya'y nagsasalita.
6 Nang kanyang utusan ang lalaking nakadamit ng telang lino, “Kumuha ka ng apoy sa pagitan ng umiikot na mga gulong, sa pagitan ng mga kerubin,” siya'y pumasok at tumayo sa tabi ng isang gulong.
7 Iniunat ng isang kerubin ang kanyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, kumuha niyon, at inilagay sa mga kamay ng nakadamit ng telang lino na kumuha niyon at lumabas.
8 Ang kerubin ay may anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.
9 Ako'y(X) tumingin, at narito, may apat na gulong sa tabi ng mga kerubin, isa sa bawat tabi ng isang kerubin, at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berilo.
10 Tungkol sa kanilang anyo, ang apat ay magkakawangis na para bang isang gulong na nasa loob ng isang gulong.
11 Kapag ang mga ito'y umiikot, umiikot sila sa alinman sa apat na dako na hindi nagsisipihit habang umiikot, kundi saanmang panig humarap ang gulong sa harap, sumusunod ang iba na hindi pumipihit habang umiikot.
12 Ang(Y) kanilang buong katawan, at ang kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak at ang kanilang mga gulong ay punô ng mga mata sa palibot.
13 Tungkol sa mga gulong, tinawag sila sa aking pandinig, “ang umiikot na mga gulong.”
14 Bawat(Z) isa'y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang agila.
15 At ang mga kerubin ay pumaitaas. Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar.
16 Kapag kumilos ang mga kerubin, ang mga gulong ay gumagalaw na katabi nila; at kapag itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang pumaitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi pumihit sa tabi nila.
17 Kapag ang mga kerubin ay nakahinto, ang mga gulong ay humihinto, at kapag sila'y pumapaitaas, ang mga gulong ay pumapaitaas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga iyon.
18 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at tumayo sa ibabaw ng mga kerubin.
19 Itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at lumipad mula sa lupa sa aking paningin habang sila'y humahayong kasama ng mga gulong sa tabi nila. At sila'y tumayo sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila.
20 Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa ilalim ng Diyos ng Israel sa baybayin ng Ilog Chebar; at nalaman ko na sila'y mga kerubin.
21 Bawat isa'y may apat na mukha at apat na pakpak; at ang anyo ng mga kamay ng tao ay nasa ilalim ng kanilang mga pakpak.
22 Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ito rin ang mga mukha na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar. Bawat isa'y nagpatuloy sa paglakad.
Pinatay ang Masasamang Pinuno
11 Bukod dito'y, itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon, na nakaharap sa dakong silangan. Sa pasukan ng pintuan ay mayroong dalawampu't limang lalaki. At nakita ko na kasama nila si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatias na anak ni Benaya, na mga pinuno ng bayan.
2 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang mga lalaki na nagbabalak ng kasamaan, at nagbibigay ng masamang payo sa lunsod na ito;
3 na nagsasabi, ‘Hindi pa malapit ang panahon sa pagtatayo ng mga bahay; ang lunsod na ito ang kaldero, at tayo ang karne.’
4 Kaya't magsalita ka ng propesiya laban sa kanila, magsalita ka ng propesiya, O anak ng tao.”
5 Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating sa akin, at sinabi niya sa akin, “Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ito ang inyong iniisip, O sambahayan ni Israel; nalalaman ko ang mga bagay na pumasok sa inyong isip.
6 Pinarami ninyo ang inyong pinatay sa lunsod na ito, at inyong pinuno ang mga lansangan nito ng mga patay.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang inyong mga patay na ibinulagta ninyo sa gitna nito ay mga karne, at ang lunsod na ito ay siyang kaldero; ngunit kayo'y ilalabas ko sa gitna nito.
8 Kayo'y natakot sa tabak at aking pararatingin ang tabak sa inyo, sabi ng Panginoong Diyos.
9 At aking ilalabas kayo sa gitna ng lunsod, at ibibigay ko kayo sa mga kamay ng mga dayuhan, at maglalapat ako ng mga hatol sa inyo.
10 Kayo'y mamamatay sa pamamagitan ng tabak. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
11 Ang lunsod na ito ay hindi magiging inyong kaldero, o kayo man ay magiging karne sa gitna nito. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel.
12 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, na ang mga tuntunin ay hindi ninyo sinunod, o inyo mang isinagawa ang aking mga batas, kundi kayo'y namuhay ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nasa palibot ninyo.”
13 Nang ako'y nagsasalita ng propesiya, si Pelatias na anak ni Benaya ay namatay. Nang magkagayo'y nasubasob ako, at ako'y sumigaw nang malakas, at aking sinabi, “Ah, Panginoong Diyos! Ganap mo na bang tatapusin ang nalabi ng Israel?”
Muling Titipunin ang mga Labi ng Israel
14 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
15 “Anak ng tao, ang iyong mga kapatid, ang iyong sariling mga kamag-anak, ang kapwa mo mga bihag, ang buong sambahayan ni Israel, silang lahat ay ang mga pinagsabihan ng mga naninirahan sa Jerusalem, ‘Lumayo na sila nang malayo sa Panginoon; sa amin ay ibinigay ang lupaing ito bilang ari-arian.’
16 Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Bagaman sila'y aking inilayo sa gitna ng mga bansa, at bagaman ikinalat ko sila sa gitna ng mga lupain, gayunman ako'y naging santuwaryo nila sa sandaling panahon sa mga lupain na kanilang pinuntahan.’
17 Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking titipunin kayo mula sa mga bayan, at sa mga lupain na inyong pinangalatan, at aking ibibigay sa inyo ang lupain ng Israel.’
18 At kapag sila'y pumaroon, kanilang aalisin ang lahat na karumaldumal na mga bagay roon, at ang lahat ng kasuklamsuklam niyon.
19 Bibigyan(AA) ko sila ng isang puso, at lalagyan ko sila ng bagong espiritu. Aalisin ang batong puso sa kanilang laman, at aking bibigyan sila ng pusong laman,
20 upang sila'y makasunod sa aking mga tuntunin, at maganap ang aking mga batas at magawa ang mga iyon. Sila'y magiging aking bayan at ako'y magiging kanilang Diyos.
21 Ngunit tungkol sa kanila na ang puso ay sumunod ayon sa kanilang mga karumaldumal na mga bagay, at sa kanilang mga kasuklamsuklam, aking dadalhin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang sariling mga ulo, sabi ng Panginoong Diyos.”
Inalis ng Panginoon ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem
22 Pagkatapos(AB) nito, itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak at ang mga gulong na nasa tabi nila; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas ng mga iyon.
23 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa gitna ng lunsod, at huminto sa ibabaw ng bundok na nasa dakong silangan ng lunsod.
24 Itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pangitain sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos sa mga bihag na nasa Caldea. At iniwan ako ng pangitain na aking nakita.
25 At sinabi ko sa mga bihag ang lahat ng mga bagay na ipinakita sa akin ng Panginoon.
Inilarawan ni Ezekiel ang Paglaya ng Israel
12 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak(AC) ng tao, ikaw ay naninirahan sa gitna ng isang mapaghimagsik na sambahayan na may mga mata upang makakita, ngunit hindi nakakakita; na may mga tainga upang makarinig, ngunit hindi makarinig; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
3 Dahil dito, anak ng tao, maghanda ka ng dala-dalahan ng bihag. Habang maliwanag pa ang araw ay pumunta ka sa pagkabihag na nakikita nila. Ikaw ay lalakad na gaya ng bihag mula sa iyong lugar hanggang sa ibang lugar na nakikita nila. Baka sakaling kanilang maunawaan ito, bagaman sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
4 Ilalabas mo ang iyong dala-dalahan kapag araw na nakikita nila, bilang dala-dalahan sa pagkabihag. Ikaw ay lalabas sa hapon na kanilang nakikita na gaya ng mga tao na dapat tumungo sa pagkabihag.
5 Bumutas ka sa pader na nakatingin sila at lumabas ka sa pamamagitan niyon.
6 Habang nakatingin sila ay iyong papasanin ang dala-dalahan sa iyong balikat, at dadalhing papalabas sa dilim. Tatakpan mo ang iyong mukha upang hindi mo makita ang lupa: sapagkat ginawa kitang isang tanda sa sambahayan ni Israel.”
7 At aking ginawa ang ayon sa iniutos sa akin. Inilabas ko ang aking dala-dalahan nang araw, na gaya ng dala-dalahan sa pagkabihag, at nang hapon ay bumutas ako sa pader sa pamamagitan ng aking kamay. Lumabas ako sa dilim, at pinasan ko sa aking balikat ang aking kagamitan habang sila'y nakatingin.
8 Kinaumagahan, dumating ang salita ng Panginoon sa akin, na sinasabi,
9 “Anak ng tao, hindi ba ang sambahayan ni Israel, ang mapaghimagsik na sambahayan, ay nagsabi sa iyo, ‘Anong ginagawa mo?’
10 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang pahayag na ito ay tungkol sa pinuno ng Jerusalem at sa buong sambahayan ni Israel na nasa gitna nila.’
11 Sabihin mo, ‘Ako'y inyong tanda: kung ano ang aking ginawa, gayon ang gagawin sa kanila; sila'y patungo sa pagkabihag, sa pagkatapon.’
12 Ang pinuno na nasa gitna nila ay magpapasan ng kanyang dala-dalahan sa kanyang balikat sa dilim, at lalabas. Bubutasin nila ang pader at lalabas doon. Siya'y magtatakip ng kanyang mukha, upang hindi niya makita ang lupa.
13 At(AD) ilaladlad ko ang aking lambat sa ibabaw niya, at siya'y mahuhuli sa aking bitag. Aking dadalhin siya sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo; gayunma'y hindi niya ito makikita, at siya'y mamamatay doon.
14 Aking pangangalatin sa bawat dako ang lahat ng nasa palibot niya, ang kanyang mga katulong, at ang lahat niyang mga pulutong. At aking huhugutin ang tabak sa likuran nila.
15 Kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag sila'y aking pinangalat sa gitna ng mga bayan at mga bansa.
16 Ngunit hahayaan kong makatakas sa tabak ang ilan sa kanila, sa taggutom at sa salot, upang kanilang maipahayag ang lahat nilang kasuklamsuklam sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroroonan. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Ang Tanda ng Panginginig ng Propeta
17 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
18 “Anak ng tao, kainin mo ang iyong tinapay na may panginginig, at inumin mo ang iyong tubig na may pangangatal at may pagkatakot.
19 At sabihin mo sa mga mamamayan ng lupain, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos tungkol sa mga naninirahan sa Jerusalem sa lupain ng Israel: Kanilang kakainin na may pagkatakot ang kanilang tinapay, at nanlulupaypay na iinom ng kanilang tubig, sapagkat ang kanyang lupain ay mawawalan ng lahat nitong laman dahil sa karahasan ng lahat ng naninirahan doon.
20 Ang mga lunsod na tinitirhan ay mawawasak at ang lupain ay masisira; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001