Bible in 90 Days
Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos
25 Nang magkagayo'y ang Suhitang si Bildad ay sumagot, at sinabi,
2 “Sa Diyos[a] ang pamamahala at pagkatakot,
gumagawa siya ng kapayapaan sa kanyang langit na matayog.
3 Ang kanya bang mga hukbo ay may bilang?
Ang kanyang liwanag ay kanino hindi sumisilang?
4 Paano ngang magiging ganap ang tao sa harapan ng Diyos?
O paanong magiging malinis ang ipinanganak ng isang babae?
5 Tingnan mo, maging ang buwan ay hindi maningning,
at hindi dalisay ang mga bituin sa kanyang paningin;
6 gaano pa nga kaliit ang tao, na isang uod!
At ang anak ng tao, na isang bulati!”
Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos
26 At sumagot si Job, at sinabi,
2 “Napakalaki ng tulong mo sa kanya na walang kapangyarihan!
Iniligtas mo ang kamay na walang kalakasan!
3 Napakabuti ng payo mo sa kanya na walang karunungan,
at saganang ipinahayag mo ang mabuting kaalaman!
4 Sa kaninong tulong na ang mga salita'y iyong binigkas?
At kaninong espiritu ang sa iyo'y lumabas?
5 Ang mga lilim ay nangangatal,
at ang nasa ilalim ng tubig, pati ang mga doon ay naninirahan.
6 Hubad sa harapan ng Diyos ang Sheol,
walang saplot ang Abadon.
7 Iniuunat niya ang hilaga sa ibabaw ng walang laman,
at ibinibitin ang daigdig sa kawalan.
8 Ibinabalot niya ang tubig sa kanyang makapal na ulap,
at ang ulap ay hindi nito napupunit.
9 Kanyang tinatakpan ang mukha ng kabilugan ng buwan,
at inilaladlad ang kanyang mga ulap sa ibabaw niyon.
10 Siya'y gumuhit ng bilog sa ibabaw ng katubigan,
sa hangganan ng liwanag at kadiliman.
11 Ang mga haligi ng langit ay nayayanig,
at natitigilan sa kanyang saway.
12 Pinatahimik niya ang dagat sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
at sa kanyang kaunawaan ay kanyang ibinuwal ang Rahab.
13 Sa pamamagitan ng kanyang espiritu[b] gumanda ang kalangitan;
ang tumatakas na ahas ay sinaksak ng kanyang kamay.
14 Narito, ang mga ito ay mga gilid lamang ng kanyang mga daan;
at napakahinang bulong lamang ang sa kanya'y ating napapakinggan!
Ngunit sinong makakaunawa sa kulog ng kanyang kapangyarihan?”
Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama
27 At muling itinuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
2 “Habang buháy ang Diyos, na siyang nag-alis ng aking karapatan,
at ang Makapangyarihan sa lahat, na siyang sa kaluluwa ko'y nagpapanglaw;
3 habang nasa akin pa ang aking hininga,
at ang espiritu ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong;
4 ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kabulaanan,
at ang aking dila ay di magsasabi ng kadayaan.
5 Malayo nawa sa akin na sabihing kayo'y tama;
hanggang sa ako'y mamatay, hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan.
6 Ang pagiging matuwid ko ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan,
hindi ako sinisisi ng aking puso sa alinman sa aking mga araw.
7 “Maging gaya nawa ng masama ang aking kaaway,
at ang nag-aalsa laban sa akin ay maging gaya nawa ng makasalanan.
8 Sapagkat ano ang pag-asa ng masasama, kapag siya'y itiniwalag ng Diyos,
kapag kinuha ng Diyos ang kanyang buhay?
9 Diringgin ba ng Diyos ang kanyang pagdaing,
kapag ang kabagabagan sa kanya ay dumating?
10 Sa Makapangyarihan sa lahat siya kaya'y masisiyahan?
Tatawag kaya siya sa Diyos sa lahat ng kapanahunan?
11 Ang tungkol sa kamay ng Diyos sa inyo'y aking ituturo;
kung anong nasa Makapangyarihan sa lahat ay hindi ko itatago.
12 Ito'y mismong nasaksihan ninyong lahat,
bakit nga kayo ay lubos na nawalan ng kabuluhan?
13 “Ito ang bahagi ng masamang tao sa Diyos,
at ang manang tinatanggap ng mga nang-aapi mula sa Makapangyarihan sa lahat.
14 Kung dumami ang kanyang mga anak, iyon ay para sa tabak,
at ang kanyang supling ay hindi magkakaroon ng sapat na pagkain.
15 Ang kanyang mga naiwan ay ililibing ng salot,
at ang kanyang mga balo ay hindi nananaghoy.
16 Bagaman siya'y magbunton ng pilak na parang alabok,
at magparami ng damit na parang luwad;
17 mapaparami niya iyon, ngunit ang matuwid ang magsusuot niyon,
at paghahatian ng walang sala ang pilak na natipon.
18 Gaya ng sapot ng gagamba ang itinatayo niyang bahay,
gaya ng isang kubol na ginagawa ng isang bantay.
19 Siya'y nahihigang mayaman, ngunit hindi na niya iyon magagawa,
imumulat niya ang kanyang mga mata, ngunit ang kanyang kayamanan ay nawala.
20 Inaabutan siya ng pagkasindak na gaya ng baha,
sa gabi'y ipu-ipo ang tumatangay sa kanya.
21 Tinatangay siya ng hanging silangan, at siya'y nawawala,
pinapalis siya sa kinaroroonan niya.
22 Ito'y humahampas sa kanya nang walang kaawaan;
at pinagsikapan niyang tumakas mula sa kanyang kapangyarihan.
23 Ipinapalakpak nito ang kanyang mga kamay sa kanya,
at sinisigawan siya mula sa kinaroroonan nito.
Papuri sa Karunungan
28 “Tunay na para sa pilak ay may minahan,
at sa ginto ay may dakong dalisayan.
2 Ang bakal ay kinukuha sa lupa,
at sa tinunaw na mahalagang bato, ang tanso ay nagmumula.
3 Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman,
at hinahanap hanggang sa pinakamalayong hangganan
ang mga bato sa kalungkutan at pusikit na kadiliman.
4 Sila'y nagbubukas ng lagusan sa libis na malayo sa tinatahanan ng mga tao;
sila'y nalimutan ng mga manlalakbay,
sila'y nakabitin na malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
5 Tungkol sa lupa, ang tinapay ay dito nanggagaling,
ngunit waring tinutuklap ng apoy sa ilalim.
6 Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro,
at ito ay may alabok na ginto.
7 “Yaong landas na walang ibong mandaragit na nakakaalam,
at hindi pa nakita maging ng mata ng falkon man.
8 Ang mga palalong hayop dito'y di pa nakakatuntong
ni nadaanan man ng mabangis na leon.
9 “Inilalagay ng tao ang kanyang kamay sa batong kiskisan,
at binabaligtad sa mga ugat ang mga kabundukan.
10 Sa gitna ng mga bato'y gumagawa siya ng daluyan,
at nakikita ng kanyang mata ang bawat mahalagang bagay.
11 Kanyang tinatalian ang mga batis upang huwag lumagaslas,
at ang bagay na nakakubli, sa liwanag ay kanyang inilalabas.
12 “Ngunit saan matatagpuan ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
13 Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon,[c]
at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buháy.
14 Sinasabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin,’
at sinasabi ng dagat, ‘Hindi ko kapiling.’
15 Hindi ito mabibili ng ginto,
ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito.
16 Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir,
ng mahalagang onix, o ng zafiro.
17 Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay,
ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay.
18 Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal;
higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan.
19 Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay,
ni mahahalagahan man sa gintong lantay.
20 “Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
21 Nakakubli ito sa mga mata ng lahat ng nabubuhay,
at natatago sa mga ibon sa kalangitan.
22 Ang Abadon at Kamatayan ay nagsasabi,
‘Narinig ng aming mga tainga ang bulung-bulungan tungkol doon!’
23 “Nauunawaan ng Diyos ang daan patungo roon,
at nalalaman niya ang kinaroroonan niyon.
24 Sapagkat tumitingin siya hanggang sa mga dulo ng daigdig,
at nakikita niya ang lahat ng bagay sa silong ng langit.
25 Nang ibinigay niya sa hangin ang kanyang bigat,
at ipinamahagi ang tubig ayon sa sukat,
26 nang siya'y gumawa ng utos para sa ulan,
at para sa kidlat ng kulog ay ang kanyang daan;
27 nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag;
ito'y kanyang itinatag, at siniyasat.
28 At(A) sa tao ay sinabi niya,
‘Narito, ang takot sa Panginoon ay siyang karunungan;
at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan.’”
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
2 “O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
3 nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
4 gaya noong ako'y namumukadkad pa,
noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
5 nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
6 noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
7 Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
8 nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
at ang matatanda ay tumayo;
9 ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10 Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
11 Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad,
at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag.
12 Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha,
maging sa mga ulila na walang tumutulong.
13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating,
at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan.
14 Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan;
parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan.
15 Sa bulag ako'y naging mga mata,
at sa pilay ako'y naging mga paa.
16 Sa dukha ako'y naging isang ama,
at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala.
17 Aking binali ang mga pangil ng masama,
at ipinalaglag ko ang kanyang biktima sa mga ngipin niya.
18 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Sa aking pugad ako mamamatay,
at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw.
19 Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat,
at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag,
20 sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian,
at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!’
21 “Sa akin ay nakikinig at naghihintay ang mga tao,
at tumatahimik para sa aking payo.
22 Pagkatapos ng aking pagsasalita, ay hindi na sila muling nagsalita,
at ang aking salita ay bumagsak sa kanila.
23 At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan,
at kanilang ibinuka ang kanilang bibig na gaya sa huling ulan.
24 Kapag sila'y hindi nagtitiwala, ako sa kanila'y ngumingiti,
at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila pinababa.
25 Pinili ko ang kanilang daan, at umupo bilang puno,
at namuhay gaya ng hari sa gitna ng kanyang hukbo,
gaya ng isang umaaliw sa mga nagdadalamhati.
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
30 “Ngunit ngayo'y pinagtatawanan nila ako,
mga kalalakihang mas bata kaysa akin,
na ang mga magulang ay di ko ilalagay
na kasama ng mga aso ng kawan ko.
2 Ano ang mapapakinabang ko sa lakas ng kanilang mga kamay?
Lumipas na ang kanilang lakas.
3 Dahil sa matinding gutom at kasalatan,
nginunguya nila pati ang tuyo at lupang tigang.
4 Kanilang pinupulot ang halaman sa dawagan sa tabi ng mabababang puno,
at pinaiinit ang sarili sa pamamagitan ng ugat ng enebro.
5 Sila'y itinataboy papalabas sa lipunan,
sinisigawan sila ng taong-bayan na gaya ng isang magnanakaw.
6 Kailangan nilang manirahan sa mga nakakatakot na daluyan,
sa mga lungga ng lupa at ng mga batuhan.
7 Sa gitna ng mabababang puno ay nagsisiangal,
sa ilalim ng mga tinikan ay nagsisiksikan.
8 Isang lahing walang bait at kapurihan,
mula sa lupain sila'y ipinagtabuyan.
9 “At ngayon ako ay naging awit nila,
oo, ako'y kawikaan sa kanila.
10 Ako'y kanilang kinasusuklaman, ako'y kanilang nilalayuan,
hindi sila nag-aatubiling lumura kapag ako'y namamataan.
11 Sapagkat kinalag ng Diyos ang aking panali, at ginawa akong mababang-loob,
inalis na nila ang pagpipigil sa harapan ko.
12 Sa aking kanan ay tumatayo ang gulo,
itinutulak nila ako,
at sila'y gumagawa ng mga daan para sa ikapapahamak ko.
13 Kanilang sinisira ang aking daraanan,
ang aking kapahamakan ay kanilang isinusulong,
at wala namang sa kanila'y tumutulong.
14 Tila pumapasok sila sa isang maluwang na pasukan;
at gumugulong sila sa gitna ng kasiraan.
15 Ang mga pagkasindak sa akin ay dumadagan,
hinahabol na gaya ng hangin ang aking karangalan,
at lumipas na parang ulap ang aking kasaganaan.
16 “At ngayo'y nanlulupaypay ang kaluluwa ko sa aking kalooban,
pinapanghina ako ng mga araw ng kapighatian.
17 Pinahihirapan ng gabi ang aking mga buto,
at ang kirot na ngumangatngat sa akin ay hindi humihinto.
18 May dahas nitong inaagaw ang aking kasuotan,
sa kuwelyo ng aking damit ako'y kanyang sinunggaban.
19 Inihagis ako ng Diyos sa lusak,
at ako'y naging parang alabok at abo.
20 Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot;
ako'y tumatayo, at hindi mo ako pinapakinggan.
21 Sa akin ikaw ay naging malupit,
sa kapangyarihan ng kamay mo, ako'y iyong inuusig.
22 Itinataas mo ako sa hangin, doon ako'y pinasasakay mo,
sinisiklot mo ako sa dagundong ng bagyo.
23 Oo, alam ko na dadalhin mo ako sa kamatayan,
at sa bahay na itinalaga para sa lahat ng nabubuhay.
24 “Gayunma'y di dapat tumalikod laban sa nangangailangan,
kapag sila'y humihingi ng tulong dahil sa kapahamakan.
25 Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan?
Hindi ba ang aking kaluluwa ay tumangis para sa mga dukha?
26 Ngunit nang ako'y humanap ng mabuti, ang dumating ay kasamaan;
nang ako'y naghintay ng liwanag, ang dumating ay kadiliman.
27 Ang aking puso'y nababagabag at hindi natatahimik,
ang mga araw ng kapighatian ay dumating upang ako'y salubungin.
28 Ako'y humahayong nangingitim, ngunit hindi sa araw;
ako'y tumatayo sa kapulungan at humihingi ng pagdamay.
29 Ako'y kapatid ng mga asong-gubat,
at kasama ng mga avestruz.
30 Ang aking balat ay nangingitim at natutuklap,
at ang aking mga buto sa init ay nagliliyab.
31 Kaya't ang aking lira ay naging panangis,
at ang aking plauta ay naging tinig ng umiiyak.
Iginiit ni Job ang Kanyang Katapatan
31 “Ako'y nakipagtipan sa aking mga paningin;
paano nga akong titingin sa isang birhen?
2 Ano ang bahagi ko mula sa Diyos sa itaas,
at ang aking mana mula sa Makapangyarihan sa lahat sa kaitaasan?
3 Hindi ba dumarating ang kapahamakan sa taong masasama,
at ang kapahamakan sa mga masasama ang gawa?
4 Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad,
at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang?
5 “Kung ako'y lumakad ng may kabulaanan,
at ang aking paa ay nagmadali sa panlilinlang;
6 timbangin ako sa matuwid na timbangan,
at hayaang malaman ng Diyos ang aking katapatan!
7 Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan,
at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata,
at kung ang anumang dungis ay kumapit sa aking mga kamay:
8 kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang iba ang kumain,
at hayaang mabunot ang tumutubo para sa akin.
9 “Kung natukso sa babae ang puso ko,
at ako'y nag-abang sa pintuan ng aking kapwa tao;
10 kung magkagayo'y hayaang iba ang ipaggiling ng aking asawa,
at hayaang iba ang yumuko sa ibabaw niya.
11 Sapagkat isang napakabigat na pagkakasala iyon,
isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom;
12 sapagkat iyo'y isang apoy na tumutupok hanggang sa Abadon,
at susunugin nito hanggang sa ugat ang lahat ng aking bunga.
13 “Kung tinanggihan ko ang kapakanan ng aking aliping lalaki o babae,
nang sila'y dumaing laban sa akin,
14 ano nga ang aking gagawin kapag ang Diyos ay bumangon?
Kapag siya'y nagtatanong, anong sa kanya'y aking itutugon?
15 Hindi ba siya na lumalang sa akin sa bahay-bata ang sa kanya'y lumalang?
At hindi ba iisa ang humugis sa atin sa sinapupunan?
16 “Kung pinagkaitan ko ng anumang kanilang nasa ang dukha,
ang mga mata ng babaing balo ay aking pinapanghina,
17 o ang aking pagkain ay kinain kong mag-isa,
at hindi nakakain niyon ang ulila—
18 dahil, mula sa kanyang pagkabata ay pinalaki ko siya, na gaya ng isang ama,
at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng kanyang ina;
19 kung ako'y nakakita ng namatay dahil sa kakulangan ng suot,
o ng taong dukha na walang saplot;
20 kung hindi ako binasbasan ng kanyang mga balakang,
at kung sa balahibo ng aking mga tupa ay hindi siya nainitan;
21 kung laban sa ulila'y binuhat ko ang aking kamay,
sapagkat nakakita ako ng tulong sa akin sa pintuan,
22 kung gayo'y malaglag nawa ang buto ng aking balikat mula sa balikat ko,
at ang aking bisig ay mabali sa pinaglalagyan nito.
23 Sapagkat ang pagkasalanta mula sa Diyos ay aking kinatakutan,
at hindi ko sana naharap ang kanyang kamahalan.
24 “Kung ako'y sa ginto nagtiwala,
o tinawag ang dalisay na ginto na aking pag-asa,
25 kung ako'y nagalak sapagkat ang aking kayamanan ay malaki,
o sapagkat ang aking kamay ay nagtamo ng marami;
26 kung ako'y tumingin sa araw kapag sumisilang,
o sa buwan na gumagalaw na may karilagan,
27 at lihim na naakit ang aking puso,
at hinagkan ng aking bibig ang kamay ko,
28 ito man ay kasamaang dapat parusahan ng mga hukom,
sapagkat ako sana'y naging sinungaling sa Diyos na nasa itaas.
29 “Kung ako'y nagalak sa pagkawasak niyong sa akin ay nasuklam,
o natuwa nang datnan siya ng kasamaan—
30 hindi ko hinayaang ang bibig ko'y magkasala,
sa paghingi na may sumpa ng buhay niya—
31 kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi,
‘Sino bang hindi nabusog sa kanyang pagkain?’
32 ang dayuhan ay hindi tumigil sa lansangan;
binuksan ko ang aking mga pinto sa manlalakbay—
33 kung aking ikinubli sa mga tao ang aking mga paglabag,
sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan;
34 sapagkat aking kinatakutan ang napakaraming tao,
at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan,
na anupa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan—
35 o sana'y may duminig sa akin!
(Narito ang aking pirma! Sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat!)
At sana'y nasa akin ang sakdal na isinulat ng aking kaaway!
36 Tiyak na papasanin ko ito sa aking balikat;
itatali ko sa akin na gaya ng isang korona;
37 aking ipahahayag sa kanya ang lahat kong mga hakbang,
gaya ng isang pinuno ay lalapitan ko siya.
38 “Kung ang aking lupain ay sumigaw laban sa akin,
at ang mga bungkal niyon ay umiyak na magkakasama;
39 kung kumain ako ng bunga niyaon na hindi nagbabayad,
at naging dahilan ng pagkamatay ng mga may-ari niyon;
40 tubuan nawa ng dawag sa halip ng trigo,
at ng masasamang damo sa halip ng sebada.”
Ang mga salita ni Job ay natapos.
Ang Pagsasalita ni Elihu
32 Kaya't ang tatlong lalaking ito ay huminto na sa pagsagot kay Job, sapagkat siya'y matuwid sa kanyang sariling paningin.
2 Nang magkagayo'y nagalit si Elihu, na anak ni Barakel na Buzita, mula sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job sapagkat binigyang-katuwiran niya ang sarili sa halip na ang Diyos.
3 Galit din siya sa tatlong kaibigan ni Job, sapagkat sila'y hindi nakatagpo ng sagot, bagaman ipinahayag nilang mali si Job.
4 Si Elihu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagkat sila'y matanda kaysa kanya.
5 At nagalit si Elihu nang makita niya na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito.
6 Si Elihu na anak ni Barakel na Buzita ay sumagot at nagsabi:
“Ako'y bata pa,
at matatanda na kayo,
kaya't ako'y nahihiya at natakot
na ipahayag sa inyo ang aking kuru-kuro.
7 Aking sinabi, ‘Hayaang magsalita ang mga araw,
at ang maraming mga taon ay magturo ng karunungan.’
8 Ngunit ang espiritu na nasa tao,
ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ang nagbibigay sa kanya ng unawa.
9 Hindi ang dakila ang siyang matalino,
ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng wasto.
10 Kaya't aking sinasabi, ‘Pakinggan ninyo ako;
hayaan ninyong ipahayag ko rin ang aking kuru-kuro.’
11 “Narito, aking hinintay ang inyong mga salita,
pinakinggan ko ang inyong matatalinong pananalita,
samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi.
12 Ang aking pansin sa inyo'y aking ibinigay,
at narito, kay Job ay walang nakapagpabulaan,
o sa inyo'y may nakasagot sa kanyang mga tinuran.
13 Mag-ingat nga kayo, baka sabihin ninyo, ‘Kami ay nakatagpo ng karunungan;
madadaig siya ng Diyos, hindi ng tao.’
14 Hindi niya itinukoy sa akin ang kanyang mga salita,
at hindi ko siya sasagutin ng inyong mga pananalita.
15 “Sila'y nalito, sila'y hindi na sumagot pa;
sila'y walang masabi pang salita.
16 At ako ba'y maghihintay, sapagkat sila'y hindi nagsasalita,
sapagkat sila'y nakatigil doon, at hindi na sumasagot?
17 Ibibigay ko rin naman ang sagot ko,
ipahahayag ko rin ang aking kuru-kuro.
18 Sapagkat sa mga salita ako'y punung-puno,
ako'y pinipilit ng espiritung nasa loob ko.
19 Narito, ang aking puso ay parang alak na walang pasingawan,
parang mga bagong sisidlang-balat na malapit nang sumambulat.
20 Ako'y dapat magsalita, upang ako'y maginhawahan;
dapat kong buksan ang aking mga labi at magbigay kasagutan.
21 Sa kaninumang tao'y wala akong kakampihan,
o gagamit ng papuring pakunwari sa kaninuman.
22 Sapagkat hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring salita;
kung hindi ay madali akong wawakasan ng sa akin ay Lumikha.
Pinagsabihan ni Elihu si Job
33 “Gayunman, Job, pagsasalita ko'y iyong dinggin,
at makinig ka sa lahat ng aking mga sasabihin.
2 Narito, ang bibig ko'y aking ibinubuka,
ang dila sa aking bibig ay nagsasalita.
3 Ipinahahayag ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso;
at ang nalalaman ng aking mga labi, ang mga ito'y nagsasalitang may pagtatapat.
4 Ang espiritu ng Diyos ang sa aki'y maylalang,
at ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.
5 Sagutin mo ako, kung iyong makakaya;
ayusin mo ang iyong mga salita sa harapan ko; manindigan ka.
6 Tingnan mo, sa harapan ng Diyos ako'y kagaya mo,
ako ma'y nilalang mula sa luwad na kapiraso.
7 Hindi mo kailangang katakutan ako,
ang aking pamimilit ay hindi magiging mabigat sa iyo.
8 “Tunay na ikaw ay nagsalita sa aking pandinig,
at ang tunog ng iyong mga salita ay aking narinig.
9 Iyong sinasabi, ‘Ako'y malinis at walang pagsuway;
ako'y dalisay, at sa akin ay walang kasamaan.
10 Tingnan mo, naghahanap siya laban sa akin ng kadahilanan,
ibinibilang niya ako na kanyang kaaway;
11 ang(B) aking mga paa'y kanyang tinatanikalaan,
lahat ng aking mga landas ay kanyang binabantayan.’
12 “Ngunit sa bagay na ito'y hindi ka wasto. Sasagutin kita.
Ang Diyos ay dakila kaysa tao.
13 Bakit ka nakikipagtalo laban sa kanya,
na sinasabi, ‘Hindi niya sasagutin ang alinman sa aking mga salita’?
14 Sapagkat ang Diyos ay nagsasalita sa isang paraan,
at sa dalawa, bagaman sa tao'y hindi ito nauunawaan.
15 Sa(C) isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi,
kapag ang mahimbing na pagkakaidlip ay dumating sa mga tao,
habang sila'y natutulog sa kanilang mga higaan,
16 kung magkagayo'y ang mga tainga ng mga tao'y binubuksan niya,
at sa mga babala'y tinatakot sila,
17 upang sa kanyang gawa siya'y maibaling,
at ang kapalaluan sa tao ay putulin;
18 pinipigil niya ang kanyang kaluluwa mula sa hukay,
at ang kanyang buhay sa pagkamatay sa tabak.
19 “Pinarurusahan din ng sakit sa kanyang higaan ang tao,
at ng patuloy na paglalaban sa kanyang mga buto;
20 anupa't kinaiinisan ng kanyang buhay ang tinapay,
at ng kanyang kaluluwa ang pagkaing malinamnam.
21 Ang kanyang laman ay natutunaw na anupa't hindi makita;
at ang kanyang mga buto na hindi dating nakikita ay nakalitaw na.
22 Ang kanyang kaluluwa ay papalapit sa hukay,
at ang kanyang buhay sa mga nagdadala ng kamatayan.
23 Kung mayroong isang anghel para sa kanya,
isang tagapamagitan, sa isang libo ay isa,
upang ipahayag sa tao kung ano ang matuwid sa kanya;
24 at siya'y mapagpala sa taong iyon, at nagsasabi,
‘Sa pagbaba sa hukay ay iligtas mo siya,
pantubos ay natagpuan ko na;
25 hayaang maging sariwa sa kabataan ang kanyang laman;
siya'y pabalikin sa mga araw ng kanyang lakas ng kabataan.
26 At ang tao'y nananalangin sa Diyos, at siya'y kanyang tinatanggap,
siya'y lumalapit sa kanyang harapan na mayroong galak,
at gagantihin ng Diyos[d] dahil sa kanyang katuwiran,
27 siya'y umaawit sa harapan ng mga tao, at nagsasaysay,
‘Ako'y nagkasala, at binaluktot ang matuwid,
at iyo'y hindi iginanti sa akin.
28 Kanyang tinubos ang kaluluwa ko mula sa pagbaba sa hukay,
at makakakita ng liwanag ang aking buhay.’
29 “Narito, gawa ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito,
makalawa, makaikatlo sa isang tao,
30 upang ibalik ang kanyang kaluluwa mula sa hukay,
upang kanyang makita ang liwanag ng buhay.
31 Makinig kang mabuti, O Job, ako'y iyong dinggin;
tumahimik ka, at ako'y may sasabihin.
32 Kung ikaw ay mayroong sasabihin, bigyan mo ako ng kasagutan,
ikaw ay magsalita, sapagkat ibig kong ikaw ay bigyang-katuwiran.
33 Kung hindi, ako'y iyong pakinggan,
tumahimik ka, at tuturuan kita ng karunungan.”
Ipinagtanggol ni Elihu ang Diyos
34 At sumagot si Elihu, at sinabi,
2 “Pakinggan ninyo ang aking mga salita, kayong mga matatalino;
kayong mga nakakaalam, pakinggan ninyo ako;
3 sapagkat ang tainga ang sumusubok sa mga salita,
gaya ng ngalangala na sa pagkain ay lumalasa.
4 Piliin natin kung ano ang matuwid;
ating alamin sa ating mga sarili kung ano ang mabuti.
5 Sapagkat sinabi ni Job, ‘Ako'y walang kasalanan,
at inalis ng Diyos ang aking karapatan;
6 itinuring akong sinungaling sa kabila ng aking katuwiran,
at ang sugat ko'y walang lunas bagaman ako'y walang pagsuway.’
7 Sinong tao ang katulad ni Job,
na ang panunuya ay tila tubig na iniinom,
8 na nakikisama sa mga gumagawa ng masama,
at lumalakad na kasama ng taong masasama?
9 Sapagkat kanyang sinabi, ‘Ang tao'y walang mapapakinabang,
kung ang Diyos ay kanyang kalugdan.’
10 “Kaya't dinggin ninyo ako, kayong mga lalaking may unawa,
malayo nawa sa Diyos na siya'y gumawa ng masama,
at sa Makapangyarihan sa lahat, na ang kamalian ay kanyang magawa.
11 Sapagkat(D) sisingilin niya ang tao ayon sa kanyang gawa,
at kanyang igagawad sa bawat tao ang ayon sa mga lakad niya.
12 Sa katotohanan, ang Diyos ay hindi gagawa ng kasamaan,
at hindi babaluktutin ng Makapangyarihan sa lahat ang katarungan.
13 Sinong nagbigay sa kanya ng pamamahala sa lupa?
O sinong naglagay ng buong sanlibutan sa kanya?
14 Kung ibabalik niya ang kanyang diwa sa sarili niya,
at titipunin sa kanyang sarili ang kanyang hininga;
15 lahat ng laman ay magkakasamang mamamatay,
at babalik sa alabok ang sangkatauhan.
16 “Kung mayroon kang pang-unawa ay dinggin mo ito;
ang aking sinasabi ay pakinggan mo.
17 Mamamahala ba ang namumuhi sa katarungan?
Parurusahan mo ba ang ganap at makapangyarihan,
18 na nagsasabi sa isang hari: ‘Walang kuwentang tao,’
at sa mga maharlika: ‘Masamang tao;’
19 na hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga pinuno,
ni pinapahalagahan man nang higit kaysa mahirap ang mayaman,
sapagkat silang lahat ay gawa ng kanyang mga kamay?
20 Sa isang sandali sila'y namamatay;
sa hatinggabi ang taong-bayan ay inuuga at pumapanaw,
at ang makapangyarihan ay inaalis, ngunit hindi ng kamay ng tao.
21 “Sapagkat ang kanyang mga mata ay nasa lakad ng tao,
at nakikita niya ang lahat ng mga hakbang nito.
22 Walang dilim ni malalim na kadiliman,
na mapagtataguan ng mga gumagawa ng kasamaan.
23 Sapagkat hindi pa siya nagtalaga para sa tao ng panahon,
upang siya'y humarap sa Diyos sa paghuhukom.
24 Kanyang dinudurog ang malakas kahit walang pagsisiyasat,
at naglalagay ng iba na kanilang kahalili.
25 Kaya't palibhasa'y alam niya ang kanilang mga gawa,
kanyang dinadaig sila sa gabi, at sila'y napupuksa.
26 Kanyang hinahampas sila dahil sa kanilang kasamaan
sa paningin ng mga tao,
27 sapagkat sila'y lumihis sa pagsunod sa kanya,
at hindi pinahalagahan ang anuman sa mga lakad niya,
28 anupa't pinarating nila ang daing ng dukha sa kanya,
at ang daing ng napipighati ay narinig niya—
29 sino ngang makakahatol kapag tahimik siya?
Kapag ikinukubli niya ang kanyang mukha, sinong makakatingin sa kanya?
Maging ito'y isang tao o isang bansa?—
30 upang huwag maghari ang taong walang diyos,
upang ang bayan ay hindi niya malinlang.
31 “Sapagkat sa Diyos ay may nakapagsabi na ba,
‘Ako'y nagpasan na ng parusa; hindi na ako magkakasala pa;
32 ituro mo sa akin yaong hindi ko nakikita,
kung ako'y nakagawa ng kasamaan, hindi ko na ito gagawin pa?’
33 Gagantihin ka ba niya nang nababagay sa iyo,
sapagkat ito ay iyong tinanggihan?
Sapagkat ikaw ang marapat pumili at hindi ako;
kaya't ipahayag mo kung ano ang iyong nalalaman.
34 Sasabihin sa akin ng mga taong may kaunawaan,
at ang mga pantas na nakikinig sa akin ay magsasaysay:
35 ‘Si Job ay nagsasalita nang walang kaalaman,
ang kanyang mga salita ay walang karunungan.’
36 Si Job nawa'y litisin hanggang sa katapusan,
sapagkat siya'y sumasagot na gaya ng mga taong tampalasan.
37 Sapagkat dinaragdagan niya ng paghihimagsik ang kanyang kasalanan,
ipinapalakpak niya ang kanyang mga kamay sa ating kalagitnaan,
at ang mga salita niya laban sa Diyos ay kanyang lalong dinaragdagan.”
35 At si Elihu ay sumagot at sinabi,
2 “Iniisip mo bang ito'y makatuwiran?
Sinasabi mo bang, ‘Sa harapan ng Diyos ito'y aking karapatan,’
3 na iyong tinatanong, ‘Ano bang iyong kalamangan?
Paanong mas mabuti ako kung ako'y nakagawa ng kasalanan?’
4 Sasagutin kita
at ang iyong mga kaibigang kasama mo.
5 Tumingala ka sa langit at tingnan mo;
at masdan mo ang mga ulap, na mas mataas kaysa iyo.
6 Kung(E) ikaw ay nagkasala, anong iyong nagawa laban sa kanya?
At kung ang iyong mga pagsuway ay dumarami, anong iyong ginagawa sa kanya?
7 Kung ikaw ay matuwid, anong sa kanya'y iyong ibinibigay;
o ano bang tinatanggap niya mula sa iyong kamay?
8 Ang iyong kasamaan ay nakakapinsala sa ibang gaya mo;
at ang iyong katuwiran, ay sa ibang mga tao.
9 “Dahil sa dami ng mga kaapihan, ang mga tao'y sumisigaw;
sila'y humihingi ng saklolo dahil sa kamay ng makapangyarihan.
10 Ngunit walang nagsasabing, ‘Nasaan ang Diyos na sa akin ay lumalang,
na siyang nagbibigay ng awit sa kinagabihan,
11 na siyang nagtuturo sa atin ng higit kaysa mga hayop sa daigdig,
at ginagawa tayong mas matalino kaysa mga ibon sa himpapawid?’
12 Tumatawag sila roon, ngunit siya'y hindi sumasagot,
dahil sa kapalaluan ng mga taong buktot.
13 Tunay na hindi pinapakinggan ng Diyos ang walang kabuluhang karaingan,
ni pinapahalagahan man ito ng Makapangyarihan sa lahat.
14 Lalo pa nga kung iyong sinasabing hindi mo siya nakikita,
na ang usapin ay nasa harap niya, at iyong hinihintay siya!
15 At ngayon, sapagkat ang galit niya'y hindi nagpaparusa,
at ang kasamaan ay hindi niya sinusunod,
16 ibinubuka ni Job ang kanyang bibig sa walang kabuluhan,
siya'y nagpaparami ng mga salita na walang kaalaman.”
Ipinahayag ni Elihu ang Kadakilaan ng Diyos
36 Si Elihu ay nagpatuloy, at nagsabi,
2 “Pagtiisan mo ako nang kaunti at sa iyo'y aking ipapakita,
sapagkat alang-alang sa Diyos ako'y mayroong masasabi pa.
3 Dadalhin ko mula sa malayo ang aking kaalaman,
at bibigyan ko ng katuwiran ang sa akin ay Maylalang.
4 Sapagkat tunay na hindi kasinungalingan ang mga salita ko;
siyang sakdal sa kaalaman ay kasama mo.
5 “Tunay na ang Diyos ay makapangyarihan at hindi humahamak sa kanino man;
sa lakas ng unawa, siya'y makapangyarihan.
6 Ang masama ay hindi niya pinananatiling buháy,
ngunit sa napipighati ay ibinibigay niya ang kanilang karapatan.
7 Hindi niya inaalis ang kanyang mga mata sa matuwid;
kundi kasama ng mga hari sa trono,
kanyang itinatatag sila magpakailanman, at sila'y pinararangalan.
8 At kung sila'y matanikalaan,
at masilo ng mga tali ng kapighatian;
9 inilalahad nga niya sa kanila ang kanilang gawa
at ang kanilang mga pagsuway, na sila'y nag-uugaling may kayabangan.
10 Binubuksan niya ang kanilang pandinig sa aral,
at iniuutos na sila'y bumalik mula sa kasamaan.
11 Kung sila'y makinig at maglingkod sa kanya,
gugugulin nila ang kanilang mga araw sa kasaganaan,
at ang kanilang mga taon sa kasayahan.
12 Ngunit kung hindi sila makinig, sila'y mamamatay sa tabak,
at sila'y walang kaalamang mapapahamak.
13 “Ang masasama ang puso, galit ay kinukuyom,
kapag kanyang tinatalian sila, hindi sila humihingi ng tulong.
14 Sila'y namamatay sa kabataan,
at ang buhay nila'y natatapos sa piling ng mahalay na lalaki.
15 Inililigtas niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
at binubuksan ang kanilang mga pandinig sa kasawian.
16 Inakit ka rin niya mula sa kabalisahan,
patungo sa maluwag na dako na walang pilitan;
at ang nakahain sa iyong hapag ay punô ng katabaan.
17 “Ngunit ikaw ay puspos ng paghatol sa masamang tao;
kahatulan at katarungan ang humahawak sa iyo.
18 Mag-ingat ka baka ikaw ay akitin ng poot upang mangutya,
huwag hayaang sa kalakhan ng pantubos ikaw ay mawala.
19 Mananaig ba ang iyong sigaw upang malayo ka sa kaguluhan,
o ang lahat ng puwersa ng iyong kalakasan?
20 Ang gabi ay huwag mong pakaasahan,
kung kailan ang mga bayan ay inaalis sa kanilang kinalalagyan.
21 Mag-ingat ka, huwag kang bumaling sa kasamaan;
sapagkat ito ang iyong pinili sa halip na kahirapan.
22 Tingnan mo, ang Diyos ay itinataas sa kapangyarihan niya;
sinong tagapagturo ang gaya niya?
23 Sinong nag-utos sa kanya ng kanyang daan?
O sinong makapagsasabi, ‘Ikaw ay gumawa ng kamalian?’
24 “Alalahanin mong dakilain ang kanyang gawa,
na inawit ng mga tao.
25 Napagmasdan iyon ng lahat ng mga tao;
natatanaw ito ng tao mula sa malayo.
26 Narito, ang Diyos ay dakila, at hindi natin siya kilala,
hindi masukat ang bilang ng mga taon niya.
27 Sapagkat ang mga patak ng tubig ay kanyang pinapailanglang,
kanyang dinadalisay ang kanyang ambon sa ulan,
28 na ibinubuhos ng kalangitan,
at ipinapatak ng sagana sa sangkatauhan.
29 May makakaunawa ba ng pagkalat ng mga ulap,
ng mga pagkulog sa kanyang tolda?
30 Narito, ang kanyang kidlat sa palibot niya'y kanyang ikinakalat,
at tinatakpan niya ang mga ugat ng dagat.
31 Sapagkat sa pamamagitan ng mga ito'y hinahatulan niya ang mga bayan;
saganang pagkain ay kanyang ibinibigay.
32 Tinatakpan niya ng kidlat ang kanyang mga kamay;
at inuutusan ito na ang tanda'y patamaan.
33 Ang pagsiklab niyon tungkol sa kanya'y nagsasaysay,
na naninibughong may galit laban sa kasamaan.
37 “Dahil din dito'y nanginginig ang aking puso,
at lumulundag sa kinalalagyan nito.
2 Dinggin ninyo ang tunog ng kanyang tinig,
at ang sigaw na lumalabas sa kanyang bibig.
3 Kanyang ipinapadala mula sa silong ng buong langit,
at ang kanyang kidlat sa mga sulok ng daigdig.
4 Kasunod nito'y dumadagundong ang kanyang tinig,
siya'y kumukulog sa pamamagitan ng kanyang marilag na tinig,
hindi niya pinipigil ang pagkulog kapag naririnig ang kanyang tinig.
5 Ang Diyos ay kumukulog na kagila-gilalas sa pamamagitan ng kanyang tinig;
gumagawa siya ng mga dakilang bagay, na hindi natin mauunawaan.
6 Sapagkat sinasabi niya sa niyebe, ‘Sa lupa ikaw ay bumagsak,’
at sa ambon at sa ulan, ‘Kayo ay lumakas.’
7 Ang kamay ng bawat tao ay tinatatakan niya,
upang malaman ng lahat ng mga tao ang kanyang gawa.
8 Kung gayo'y papasok ang mga hayop sa kanilang tirahan,
at namamalagi sa kanilang mga kublihan.
9 Mula sa silid nito ang ipu-ipo'y nanggagaling,
at ang ginaw mula sa nangangalat na mga hangin.
10 Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ay ibinibigay ang yelo;
at ang malawak na tubig ay mabilis na mamumuo.
11 Kanyang nilalagyan ng halumigmig ang makapal na ulap,
pinangangalat ng mga ulap ang kanyang kidlat.
12 Sila'y umiikot sa pamamagitan ng kanyang patnubay,
upang ang lahat na iutos niya sa kanila ay kanilang magampanan,
sa ibabaw ng natatahanang sanlibutan.
13 Maging sa saway, o para sa kanyang lupa,
o dahil sa pag-ibig iyon ay pinangyayari niya.
14 “Dinggin mo ito, O Job;
tumigil ka, at bulayin mo ang kahanga-hangang mga gawa ng Diyos.
15 Alam mo ba kung paano sila inuutusan ng Diyos,
at pinasisikat ang kidlat ng kanyang ulap?
16 Alam mo ba ang mga pagtitimbang sa mga ulap,
ang mga kahanga-hangang gawa niya na sa kaalaman ay ganap?
17 Ikaw na mainit ang kasuotan
kapag tahimik ang lupa dahil sa hangin mula sa timog?
18 Mailalatag mo ba, na gaya niya, ang himpapawid,
na sintigas ng isang hinulmang salamin?
19 Ituro mo sa amin kung anong sa kanya'y aming sasabihin,
dahil sa dilim ay hindi namin maayos ang aming usapin.
20 Sasabihin ba sa kanya na nais kong magsalita?
Ninasa ba ng isang tao na malunok siya?
21 “At ngayo'y hindi makatingin ang mga tao sa liwanag,
kapag maliwanag ang kalangitan,
kapag ang hangin ay nakaraan, at ang mga iyon ay pinaram.
22 Mula sa hilaga ay nagmumula ang ginintuang karilagan,
ang Diyos ay nadaramtan ng kakilakilabot na kadakilaan.
23 Ang Makapangyarihan sa lahat—hindi natin siya matatagpuan;
siya'y dakila sa kapangyarihan at katarungan,
at hindi niya susuwayin ang saganang katuwiran.
24 Kaya't kinatatakutan siya ng mga tao;
hindi niya pinapahalagahan ang sinumang pantas sa sarili nilang kayabangan.”
Ang Tugon ng Diyos kay Job
38 At mula sa ipu-ipo'y sumagot ang Panginoon kay Job:
2 “Sino ba itong nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman?
3 Bigkisan mo tulad sa lalaki ang iyong baywang,
tatanungin kita at ikaw sa akin ay magsasaysay.
4 “Nasaan ka nang ilagay ko ang mga pundasyon ng lupa?
Sabihin mo, kung mayroon kang pang-unawa.
5 Sinong nagpasiya ng mga sukat niyon—tiyak na alam mo!
O sinong nag-unat ng panukat sa ibabaw nito?
6 Sa ano nakabaon ang kanyang mga pundasyon?
O sinong naglagay ng batong panulok niyon;
7 nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga,
at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa?
8 “O(F) sinong nagsara ng mga pinto sa karagatan,
nang ito'y magpumiglas mula sa sinapupunan;
9 nang gawin ko ang mga ulap na bihisan niyon,
at ang malalim na kadiliman na pinakabalot niyon,
10 at nagtakda para doon ng mga hangganan,
at naglagay ng mga halang at mga pintuan,
11 at aking sinabi, ‘Hanggang doon ka makakarating, at hindi ka na lalayo,
at dito'y titigil ang iyong mga along palalo?’
12 “Nautusan mo na ba ang umaga buhat nang magsimula ang iyong mga araw,
at naipaalam mo ba sa bukang-liwayway ang kanyang kalalagyan;
13 upang mahawakan nito ang mga laylayan ng daigdig,
at ang masasama mula roon ay maliglig?
14 Parang luwad sa ilalim ng tatak ito'y nababago,
at ito'y kinukulayan na gaya ng isang baro.
15 Mula sa masama ay pinipigil ang kanilang ilaw,
at nabalian ang kanilang nakataas na kamay.
16 “Nakapasok ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
O nakalakad ka ba sa mga landas ng kalaliman?
17 Ipinahayag na ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan?
O nakita mo na ba ang mga pinto ng malalim na kadiliman?
18 Nabatid mo na ba ang kaluwangan ng daigdig?
Ipahayag mo, kung lahat ng ito'y iyong batid.
19 “Nasaan ang daan patungo sa tahanan ng tanglaw,
at saan naroon ang dako ng kadiliman,
20 upang ito'y iyong madala sa nasasakupan niyon,
at upang malaman mo ang mga landas patungo sa bahay niyon?
21 Nalalaman mo, sapagkat noon ikaw ay isinilang,
at marami ang bilang ng iyong mga araw!
22 “Nakapasok ka na ba sa mga tipunan ng niyebe,
o nakita mo na ba ang mga imbakan ng yelo,
23 na aking inilalaan sa panahon ng kaguluhan,
para sa araw ng labanan at ng digmaan?
24 Ano ang daan patungo sa dakong ipinamamahagi ang ilaw?
O ang lugar na ikinakalat sa ibabaw ng lupa ang hanging silangan?
25 “Sinong humukay ng daluyan para sa mga agos ng ulan,
at para sa kislap ng kidlat ay gumawa ng daanan,
26 upang magpaulan sa lupang hindi tinatahanan ng tao,
sa disyerto na kung saan ay walang tao;
27 upang busugin ang giba at sirang lupa,
at upang sibulan ng damo ang lupa?
28 “Mayroon bang ama ang ulan?
O sa mga patak ng hamog ay sino ang nagsilang?
29 Sa kaninong bahay-bata ang yelo ay nagmula?
At sino ang sa namuong hamog sa langit ang nagsilang kaya?
30 Ang tubig ay nagiging sintigas ng bato,
at ang ibabaw ng kalaliman ay nabubuo.
31 “Ang(G) mga tanikala ng Pleyades ay iyo bang matatalian,
o ang mga tali ng Orion ay iyo bang makakalagan?
32 Maaakay mo ba ang pangkat ng mga bituin sa kanilang kapanahunan,
o ang Oso na kasama ng kanyang mga anak ay iyo bang mapapatnubayan?
33 Alam mo ba ang mga tuntunin ng langit?
Maitatatag mo ba ang kanilang kapangyarihan sa daigdig?
34 “Mailalakas mo ba hanggang sa mga ulap ang iyong tinig,
upang matakpan ka ng saganang tubig?
35 Makakapagsugo ka ba ng mga kidlat, upang sila'y humayo,
at magsabi sa iyo, ‘Kami'y naririto’?
36 Sinong naglagay sa mga ulap ng karunungan?
O sinong nagbigay sa mga ambon ng kaalaman?
37 Sinong makakabilang ng mga ulap sa pamamagitan ng karunungan?
O sinong makapagtatagilid ng mga sisidlang-tubig ng kalangitan,
38 kapag ang alabok ay nagkakabit-kabit,
at ang tigkal na lupa ay mabilis na naninikit?
39 “Maihuhuli mo ba ng biktima ang leon?
O mabubusog mo ba ang panlasa ng mga batang leon,
40 kapag sila'y yumuyuko sa kanilang mga lungga,
at nagtatago sa guwang upang mag-abang ng masisila?
41 Sinong nagbibigay sa uwak ng kanyang pagkain,
kapag ang kanyang mga inakay sa Diyos ay dumaraing,
at nagsisigala dahil sa walang pagkain?
39 “Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing sa kabundukan?
Ang pagsilang ng mga usa ay iyo bang napagmasdan?
2 Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan,
o alam mo ba kung kailan ang kanilang pagsisilang,
3 kapag sila'y yumuko, ang kanilang mga anak ay iniluluwal,
at ang kanilang sanggol ay isinisilang?
4 Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sa kaparangan sila'y lumalaki,
sila'y humahayo at sa kanila'y hindi na bumabalik muli.
5 “Sinong nagpakawala sa asnong mabangis?
Sinong nagkalag ng mga tali ng asnong mabilis?
6 Na ginawa kong bahay niya ang ilang,
at ang lupang maasin na kanyang tahanan?
7 Nililibak nito ang ingay ng bayan,
ang sigaw ng nagpapatakbo ay di nito napapakinggan.
8 Nililibot niya ang mga bundok bilang kanyang pastulan,
at naghahanap siya ng bawat luntiang bagay.
9 “Payag ba ang torong mailap na ikaw ay paglingkuran?
Magpapalipas ba siya ng gabi sa iyong sabsaban?
10 Matatalian mo ba siya ng lubid sa tudling,
ang mga libis sa likuran mo ay kanya bang bubungkalin?
11 Aasa ka ba sa kanya, dahil siya'y lubhang malakas?
At ang iyong gawain sa kanya ba'y iaatas?
12 May tiwala ka ba sa kanya na siya'y babalik,
at dadalhin ang mga butil sa iyong lugar ng paggiik?
13 “Ang pakpak ng avestruz ay may pagmamalaking kumakampay,
ngunit ang mga iyon ba'y mga pakpak at balahibo ng pagmamahal?
14 Sapagkat iniiwan niya sa lupa ang kanyang mga itlog,
at pinaiinit ang mga iyon sa alabok,
15 na kinalilimutang baka mapisa ang mga iyon ng paa,
o ang mailap na hayop ay yumurak sa kanila.
16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw, na parang sila ay hindi kanya;
bagaman ang kanyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi siya nangangamba;
17 sapagkat ipinalimot sa kanya ng Diyos ang karunungan,
at hindi siya binahaginan ng kaunawaan.
18 Kapag siya'y tumatayo upang tumakbo,
tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.
19 “Binibigyan mo ba ang kabayo ng kanyang kapangyarihan?
Binibihisan mo ba ang kanyang leeg ng kalakasan?
20 Pinalulukso mo ba siya na parang balang?
Ang maharlika niyang pagbahin ay kagimbal-gimbal.
21 Siya'y kumakahig sa libis, at nagagalak sa lakas niya,
siya'y lumalabas upang harapin ang mga sandata.
22 Tinatawanan niya ang pagkatakot at hindi siya nanlulupaypay;
ang tabak ay hindi niya tinatalikuran.
23 Tumutunog sa kanya ang suksukan ng pana,
ang makintab na sibat at ang sibat na mahaba.
24 May bangis at galit na sinasakmal niya ang lupa,
hindi siya makatayong tahimik sa tunog ng trumpeta.
25 Kapag tumutunog ang trumpeta, ay sinasabi niya, ‘Aha!’
At kanyang naaamoy ang labanan mula sa kalayuan,
ang ingay ng mga kapitan at ang sigawan.
26 “Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng iyong karunungan,
at ibinubuka ang kanyang mga pakpak sa dakong timugan?
27 Sa pamamagitan ba ng iyong utos pumapailanglang ang agila,
at siya'y gumagawa sa itaas ng pugad niya?
28 Siya'y naninirahan sa malaking bato, at ginagawa itong tahanan,
sa tuktok ng burol na batuhan.
29 Mula roo'y nag-aabang siya ng mabibiktima,
mula sa malayo'y nakikita ito ng kanyang mga mata.
30 Sumisipsip(H) ng dugo ang mumunting mga anak niya;
at kung saan naroon ang pinatay, ay naroroon siya.”
40 At sumagot ang Panginoon kay Job at sinabi:
2 “Ang mapaghanap ng kamalian ay makikipagtalo ba sa Makapangyarihan sa lahat?
Siyang nakikipagtalo sa Diyos, ay sagutin niya ito.”
3 Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,
4 “Narito, ako'y walang kabuluhan; anong isasagot ko sa iyo?
Aking inilalagay ang aking kamay sa bibig ko,
5 minsan ay nagsalita ako, at hindi ako tutugon;
makalawa, at hindi na ako magpapatuloy.”
6 Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipu-ipo:
7 “Tulad sa isang lalaki'y magbigkis ka ng iyong baywang;
tatanungin kita, at sa akin ay iyong ipaalam.
8 Pati ba ako'y ilalagay mo sa kamalian?
Upang ikaw ay ariing ganap, ako ba'y iyong hahatulan?
9 Mayroon ka bang kamay na tulad sa Diyos?
Makakapagpakulog ka ba ng tinig na gaya niya?
10 “Maggayak ka ngayon ng karilagan at karangalan,
magbihis ka ng kaluwalhatian at karingalan.
11 Ang pag-uumapaw ng iyong galit ay ibuhos mong lahat,
tunghayan mo ang bawat palalo, at siya'y gawin mong hamak.
12 Masdan mo ang bawat mayabang, at pababain mo siya;
at yapakan mo ang masama sa kinatatayuan nila.
13 Silang lahat sa alabok ay sama-samang itago mo;
talian mo ang kanilang mukha sa lihim na dako.
14 Kung magkagayo'y kikilalanin ko sa iyo,
na mabibigyan ka ng tagumpay ng kanang kamay mo.
15 “Masdan mo, ang Behemot[e]
na aking ginawa kung paanong ika'y aking ginawa;
siya'y kumakain ng damo na gaya ng baka.
16 Masdan mo, ang lakas niya'y nasa kanyang mga balakang,
at ang kapangyarihan niya'y nasa kalamnan ng kanyang tiyan.
17 Pinapatigas niya ang kanyang buntot na sedro ang katulad,
ang mga litid ng kanyang mga hita ay magkakalapat.
18 Mga tubong tanso ang mga buto niya,
parang mga baretang bakal ang kanyang mga paa.
19 “Sa mga gawa ng Diyos ang pangunahin ay siya;
tanging ang lumalang sa kanya, ang makapaglalapit ng kanyang espada!
20 Sapagkat ang nagbibigay sa kanya ng pagkain ay ang mga bundok
na doo'y naglalaro ang lahat ng maiilap na hayop.
21 Sa lilim ng punong lotus siya'y nahihimlay,
sa puwang ng mga tambo, at sa mga latian.
22 Ang mga puno ng lotus, siya'y lumililim;
ang mga sangang batis sa kanya'y nakapaligid.
23 Narito, hindi siya natatakot kung ang ilog man ay nagngangalit;
siya'y tiwasay bagaman rumagasa ang Jordan sa kanyang bibig.
24 Mayroon bang makakakuha sa kanya sa pamamagitan ng kanyang mga mata,
o matutuhog ang kanyang ilong ng isang silo?
41 “Mahuhuli(I) mo ba ang Leviatan[f] sa pamamagitan ng bingwit?
O mailalabas mo ba ang kanyang dila sa pamamagitan ng lubid?
2 Makapaglalagay ka ba sa kanyang ilong ng isang lubid?
O mabubutas ang kanyang panga ng isang kawit?
3 Makikiusap ba siya ng marami sa iyo?
O magsasalita ba siya sa iyo ng mga salitang malumanay?
4 Makikipagtipan ba siya sa iyo,
upang maging alipin mo magpakailanman?
5 Makikipaglaro ka ba sa kanya na gaya sa isang ibon?
O tatalian mo ba siya para sa iyong kadalagahan?
6 Makikipagtawaran ba para sa kanya ang mga mangangalakal?
Sa mga negosyante siya kaya'y paghahatian?
7 Mahihiwa mo ba ng patalim na bakal ang kanyang balat,
o ang kanyang ulo ng sa isda ay pangsibat?
8 Pagbuhatan mo siya ng kamay;
isipin mo ang paglalaban, at hindi mo na ito gagawin kailanman!
9 Narito, ang pag-asa ng tao ay nabibigo,
siya'y pinabababa kahit makita lamang niya ito.
10 Walang napakabagsik upang mangahas na siya'y mapagalaw,
sino ngayon siya na makakatayo sa aking harapan?
11 Sinong nagbigay sa akin, na dapat ko siyang bayaran?
Sa akin ang anumang nasa silong ng buong kalangitan.
12 “Hindi ako tatahimik tungkol sa kanyang mga bisig,
ni sa kanya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kanya mang mainam na hugis.
13 Sinong makapaghuhubad ng kanyang damit na panlabas?
Sinong makatatagos sa kanyang dobleng damit-kalasag?
14 Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kanyang mukha?
Pagkasindak ang nasa palibot ng ngipin niya.
15 Ang kanyang likod ay gawa sa hanay ng mga kalasag
na pinagdikit tulad sa isang pantatak.
16 Ang isa'y napakalapit sa iba pa,
anupa't walang hangin na makaraan sa pagitan nila.
17 Ang isa't isa'y magkakabit,
hindi maihihiwalay, pagka't nagkakalakip.
18 Ang kanyang mga pagbahin ay nagsisiklab ng tanglaw,
at ang kanyang mga mata ay gaya ng talukap mata ng bukang-liwayway.
19 Sa bibig niya'y lumalabas ang nagliliyab na sulo;
mga alipatong apoy ay nagsisilukso.
20 Sa mga butas ng kanyang ilong may usok na lumalabas,
gaya ng mula sa isang kumukulong kaldero at mga talahib na nagniningas.
21 Nagpapaningas ng mga uling ang kanyang hininga,
at may apoy na lumalabas sa bibig niya.
22 Sa kanyang leeg ay nananatili ang kalakasan,
at ang sindak ay sumasayaw sa kanyang harapan.
23 Ang mga kaliskis ng kanyang laman ay magkakadikit,
matibay ang pagkakabit sa kanya at hindi maaalis.
24 Kasintigas ng bato ang kanyang puso,
matigas na gaya ng panggiling na bato.
25 Kapag siya'y tumitindig ang mga makapangyarihan ay natatakot,
nawawala sila sa sarili dahil sa kanyang kalabog.
26 Kahit na tamaan siya ng tabak, ito ay hindi tumatalab;
ni ng sibat man, ng palaso, ni ng mahabang pangsibat.
27 Itinuturing niyang parang dayami ang bakal,
at ang tanso ay parang bulok na kahoy lamang.
28 Hindi siya mapapatakbo ng palaso,
sa kanya'y nagiging pinaggapasan ang mga pantirador na bato.
29 Ang mga pamalo ay itinuturing na pinaggapasan,
ang langitngit ng mga sibat ay kanyang tinatawanan.
30 Ang kanyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng matatalas na bibinga;
parang paragos ng giikan kung siya'y bumubuka.
31 Kanyang pinakukulo ang kalaliman na parang palayok;
ginagawa niya ang dagat na parang isang palayok ng pamahid na gamot.
32 Sa likuran ay nag-iiwan siya ng bakas na kumikinang,
aakalain ng sinuman na ubanin ang kalaliman.
33 Walang gaya niya sa ibabaw ng lupa,
isang walang takot na nilikha.
34 Kanyang minamasdan ang bawat mataas na bagay;
siya'y hari sa lahat ng mga anak ng kapalaluan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001