Bible in 90 Days
Ang mga Palasak na Kasabihan
21 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
22 “Anak ng tao, ano ang kawikaang ito na mayroon ka tungkol sa lupain ng Israel, na sinasabi, ‘Ang mga araw ay tumatagal, at ang bawat pangitain ay nawawalang kabuluhan’?
23 Kaya't sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Wawakasan ko ang kawikaang ito, at hindi na gagamitin pang kawikaan sa Israel.’ Ngunit sabihin mo sa kanila, ‘Ang mga araw ay malapit na, at ang katuparan ng bawat pangitain.
24 Sapagkat hindi na magkakaroon pa ng anumang huwad na pangitain o ng di tunay na panghuhula sa loob ng sambahayan ni Israel.
25 Sapagkat ako na Panginoon ay magsasalita ng salita na aking sasalitain, at ito ay matutupad. Hindi na ito magtatagal pa, ngunit sa inyong mga araw, O mapaghimagsik na sambahayan, aking sasalitain ang salita, at aking tutuparin, sabi ng Panginoong Diyos.’”
26 Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,
27 “Anak ng tao, narito, silang nasa sambahayan ni Israel ay nagsasabi, ‘Ang pangitain na kanyang nakikita ay sa darating pang maraming mga araw, at siya'y nagsasalita ng propesiya sa mga panahong malayo.’
28 Kaya't sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Hindi na magtatagal pa ang aking mga salita, kundi ang salita na aking sinasalita ay matutupad, sabi ng Panginoon.’”
Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propetang Lalaki
13 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban sa mga propeta ng Israel na nagsasalita ng propesiya, at sabihin mo sa kanila na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon!’
3 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga hangal na propeta na sumusunod sa kanilang sariling espiritu, at walang nakitang anuman!
4 O Israel, ang iyong mga propeta ay naging parang mga asong-gubat sa mga gibang dako.
5 Kayo'y hindi sumampa sa mga sira, o iginawa man ninyo ng kuta ang sambahayan ni Israel, upang siya'y makatayo sa pakikipaglaban sa araw ng Panginoon.
6 Sila'y nagsalita ng kabulaanan at nanghula ng kasinungalingan. Kanilang sinasabi, ‘Sabi ng Panginoon;’ bagaman hindi sila sinugo ng Panginoon, gayunma'y naghihintay sila sa katuparan ng kanilang mga salita.
7 Hindi ba kayo nakakita ng huwad na pangitain, at hindi ba kayo nagsalita ng kasinungalingang panghuhula, tuwing inyong sasabihin, ‘Sabi ng Panginoon', bagaman hindi ko sinalita?”
8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Sapagkat kayo'y nagsalita ng kabulaanan at nakakita ng mga kasinungalingan, kaya't narito, ako'y laban sa inyo, sabi ng Panginoong Diyos.
9 At ang aking kamay ay magiging laban sa mga propeta na nakakakita ng mga huwad na pangitain at nagbigay ng sinungaling na panghuhula. Sila'y hindi mapapasama sa kapulungan ng aking bayan, o matatala man sa talaan ng sambahayan ni Israel, ni sila man ay papasok sa lupain ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.
10 Sapagkat(A) sa katotohanan, sapagkat kanilang iniligaw ang aking bayan, na sinasabi, ‘Kapayapaan;’ ngunit walang kapayapaan; at sapagkat, nang ang bayan ay magtatayo ng kuta, narito, tinapalan ito ng apog.
11 Sabihin mo sa kanila na nagtatapal ng apog na iyon ay babagsak. Magkakaroon ng malakas na ulan; malalaking granizo ang babagsak, at isang unos na hangin ang darating.
12 At kapag ang kuta ay bumagsak, hindi ba sasabihin sa inyo, ‘Nasaan ang tapal na inyong itinapal?’
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y magpaparating ng unos na hangin dahil sa aking galit; at magkakaroon ng bugso ng ulan dahil sa aking pagkagalit, at malalaking mga granizo upang wasakin iyon.
14 Ibabagsak ko at ilalagpak sa lupa ang kuta na inyong tinapalan ng apog, upang ang pundasyon niyon ay lilitaw. Kapag iyon ay bumagsak, kayo'y malilipol sa gitna niyon, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
15 Ganito ko gagamitin ang aking poot sa pader, at sa nagtapal ng apog; at sasabihin ko sa iyo: Ang pader ay wala na, ni ang nagtapal man;
16 ito ang mga propeta ng Israel na nagsalita ng propesiya tungkol sa Jerusalem at nakakakita ng pangitain ng kapayapaan para sa bayan, ngunit walang kapayapaan, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propetang Babae
17 “At ikaw, anak ng tao, humarap ka laban sa mga anak na babae ng iyong bayan, na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila,
18 at iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga babae na nananahi ng mga bendang para sa pulsuhan, at nagsisigawa ng mga lambong na para sa ulo ng mga taong may iba't ibang sukat upang manghuli ng mga kaluluwa! Huhulihin ba ninyo ang mga kaluluwa ng aking bayan, at hahayaang buháy ang ibang mga kaluluwa para sa inyong pakinabang?
19 Inyong nilapastangan ako sa gitna ng aking bayan dahil sa ilang dakot na sebada at ilang pirasong tinapay. Inyong ipinapatay ang mga taong hindi marapat mamatay at upang hayaang mabuhay ang mga taong hindi marapat mabuhay, sa pamamagitan ng inyong mga kasinungalingan sa aking bayan na nakikinig sa mga kasinungalingan.
20 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban sa inyong mga benda na inyong ipinanghuhuli ng mga buhay, at pupunitin ko sila mula sa inyong mga kamay. Aking palalayain ang mga kaluluwa na inyong hinuli na gaya ng mga ibon.
21 Sisirain ko rin ang inyong mga lambong, at ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at hindi na sila mapapasa inyong kamay bilang biktima, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
22 Sapagkat sa pamamagitan ng kasinungalingan ay inyong pinapanghina ang puso ng matuwid, bagaman hindi ko siya pinapanghina. Inyong pinalakas ang masama, upang huwag humiwalay sa kanyang masamang lakad upang iligtas ang kanyang buhay.
23 Kaya't hindi na kayo makakakita ng mapanligaw na pangitain o manghuhula man. Ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”
Ang Hatol Laban sa mga Sumasamba sa Diyus-diyosan
14 Nang magkagayo'y lumapit sa akin ang ilan sa matatanda ng Israel, at naupo sa harapan ko.
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
3 “Anak ng tao, inilagay ng mga lalaking ito ang kanilang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso, at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa kanilang harapan. Hahayaan ko bang sumangguni sila sa akin?
4 Kaya't magsalita ka sa kanila, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na may kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kanyang kasamaan sa kanyang harapan at gayunma'y lumalapit sa propeta, akong Panginoon ay sasagot sa kanya, dahil sa karamihan ng kanyang mga diyus-diyosan;
5 upang aking mahawakan ang mga puso ng sambahayan ni Israel, na nagsilayo sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
6 “Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Magsisi kayo, at kayo'y tumalikod sa inyong mga diyus-diyosan; at lumayo kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam.
7 Sapagkat sinuman sa sambahayan ni Israel, o sa mga dayuhan na nangingibang-bayan sa Israel, na humiwalay sa akin, at nagtataglay ng kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng kanyang kasamaan bilang katitisuran sa harapan nila, gayunma'y lumalapit sa isang propeta upang mag-usisa sa akin tungkol sa kanyang sarili, akong Panginoon ang sasagot sa kanya.
8 Ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at gagawin ko siyang isang tanda at kawikaan, at tatanggalin ko siya sa gitna ng aking bayan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
9 At kung ang propeta ay malinlang at magsalita ng isang kataga, akong Panginoon ang luminlang sa propetang iyon, at aking iuunat ang aking kamay sa kanya, at papatayin ko siya mula sa gitna ng aking bayang Israel.
10 Kanilang papasanin ang kanilang parusa—ang parusa ng propeta ay magiging gaya ng parusa ng sumasangguni—
11 upang ang sambahayan ni Israel ay huwag nang maligaw pa sa akin, o mahawa pa man sa lahat nilang paglabag, kundi upang sila'y maging aking bayan at ako'y maging kanilang Diyos, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem
12 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
13 “Anak ng tao, kapag ang isang lupain ay nagkasala laban sa akin ng di pagtatapat, at aking iniunat ang aking kamay roon, at aking binali ang tungkod ng tinapay niyon, at nagsugo ako ng taggutom doon, at aking inalis doon ang tao at hayop;
14 bagaman ang tatlong lalaking ito, sina Noe, Daniel at Job ay naroon, ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling mga buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran, sabi ng Panginoong Diyos.
15 Kung aking paraanin ang mga mabangis na hayop sa lupain at kanilang sirain iyon, at ito'y magiba, na anupa't walang taong makaraan dahil sa mga hayop;
16 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man. Sila lamang ang maliligtas, ngunit ang lupain ay masisira.
17 O kung ako'y magpadala ng tabak sa lupaing iyon, at aking sabihin, ‘Padaanan ng tabak ang lupain,’ at aking alisin roon ang tao at hayop;
18 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man, kundi sila lamang ang maliligtas.
19 O kung ako'y magsugo ng salot sa lupaing iyon, at aking ibuhos ang aking poot roon na may dugo, upang alisin ang tao at hayop;
20 bagaman sina Noe, Daniel, at Job ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran.
21 “Sapagkat(B) ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Gaano pa kaya kung aking paratingin ang aking apat na nakakamatay na hatol sa Jerusalem, ang tabak, ang taggutom, ang mabangis na mga hayop, at ang salot, upang alisin roon ang tao at hayop?
22 Gayunman, narito, doo'y maiiwan ang isang nalabi na ilalabas, mga anak na lalaki at babae. Narito, sila'y lalabas sa inyo. Kapag inyong nakita ang kanilang mga pamumuhay at ang kanilang mga gawa, kayo'y maaaliw tungkol sa kasamaan na aking pinarating sa Jerusalem, tungkol sa lahat na aking pinasapit doon.
23 Kanilang aaliwin kayo, kapag nakita ninyo ang kanilang pamumuhay at ang kanilang mga gawa. At inyong malalaman na hindi ko ginawang walang kadahilanan ang lahat na aking ginawa roon, sabi ng Panginoong Diyos.”
Itinulad sa Baging na Ligaw ang Jerusalem
15 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, sa ano nakakalamang ang puno ng baging sa alinmang puno ng kahoy,
ng sanga ng puno ng baging na nasa gitna ng mga punungkahoy sa gubat?
3 Makakakuha ba ng kahoy doon upang gawing anuman?
O makakakuha ba roon ang mga tao ng tulos upang mapagsabitan ng anumang kasangkapan?
4 Iyon ay inihahagis sa apoy bilang panggatong.
Kapag natupok na ng apoy ang dalawang dulo niyon,
at ang gitna niyon ay nasusunog,
iyon ba'y mapapakinabangan pa?
5 Narito, nang ito'y buo pa, hindi ito ginamit sa anuman,
gaano pa nga kaya, kapag ito'y natupok ng apoy at nasunog,
magagamit pa ba sa anumang gawain?
6 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Gaya ng puno ng baging sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat, na aking ibinigay sa apoy bilang panggatong, gayon ko ibibigay ang mga naninirahan sa Jerusalem.
7 Ihaharap ko ang aking mukha laban sa kanila; at bagaman sila'y makatakas sa apoy, tutupukin pa rin sila ng apoy. Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag iniharap ko ang aking mukha laban sa kanila.
8 At aking sisirain ang lupain, sapagkat sila'y gumawa ng kataksilan, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Kawalang Katapatan
16 Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang kanyang mga kasuklamsuklam.
3 At sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa Jerusalem: Ang iyong pinagmulan at ang iyong kapanganakan ay ang lupain ng Cananeo; ang iyong ama ay Amoreo at ang iyong ina ay Hetea.
4 Tungkol sa iyong kapanganakan, nang araw na ikaw ay ipanganak ay hindi pinutol ang iyong pusod, o pinaliguan ka man sa tubig upang linisin ka. Ikaw ay hindi pinahiran ng asin o nabalot man.
5 Walang matang nahabag sa iyo upang gawin ang alinman sa mga bagay na ito bilang pagkahabag sa iyo, kundi ikaw ay inihagis sa kaparangan sapagkat ang iyong pagkatao ay itinakuwil nang araw na ikaw ay ipanganak.
6 “Nang ako'y dumaan sa tabi mo, nakita kita na tigmak ng sariling dugo. Sa iyong pagkakahiga sa iyong dugo ay sinabi ko sa iyo, ‘Mabuhay ka!
7 At lumaki ka na parang halaman sa parang.’ Ikaw ay lumaki at tumangkad at naging ganap na babae. Ang iyong dibdib ay nahubog at ang iyong buhok ay lumago; gayunman, ikaw ay hubo at hubad.
8 “Nang ako'y muling dumaan sa tabi mo, at tumingin sa iyo, ikaw ay nasa panahon na upang umibig. Iniladlad ko ang aking balabal sa iyo, at tinakpan ko ang iyong kahubaran. Oo, ako'y sumumpa at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos, at ikaw ay naging akin.
9 Nang magkagayo'y pinaliguan kita ng tubig at aking nilinis ang dugo na nasa iyo, at pinahiran kita ng langis.
10 Binihisan din kita ng telang may burda, at sinuotan ng sandalyas na pinong balat, at binigkisan kita ng pinong lino, at binalot kita ng magandang damit.
11 Ginayakan kita ng mga hiyas, at nilagyan ko ng mga pulseras ang iyong mga kamay, at ng isang kuwintas ang iyong leeg.
12 At nilagyan ko ng singsing ang iyong ilong, ng mga hikaw ang iyong mga tainga, at ng isang magandang korona ang iyong ulo.
13 Ikaw ay ginayakan ng ginto at pilak, samantalang ang iyong damit ay yari sa pinong lino, at magandang tela na may burda. Ikaw ay kumain ng mainam na harina, ng pulot, at ng langis. Ikaw ay lumaking napakaganda, at bagay na maging reyna.
14 Ang iyong kabantugan ay kumalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagkat naging sakdal ka sa pamamagitan ng kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos.
15 “Ngunit ikaw ay nagtiwala sa iyong kagandahan, at naging bayarang babae[a] dahil sa iyong kabantugan, at ikinalat mo ang iyong pagpapaupa sa bawat nagdaraan.
16 Kinuha mo ang ilan sa iyong mga suot, at gumawa ka para sa iyong sarili ng matataas na dako na may sari-saring kulay, at nagpakasama ka sa kanila. Ang gayong mga bagay ay hindi pa nangyari o mangyayari pa man.
17 Kinuha mo rin ang iyong magagandang hiyas na ginto at pilak na aking ibinigay sa iyo, at gumawa ka para sa iyo ng mga larawan ng mga tao, at naging upahang babae ka sa kanila.
18 Kinuha mo ang iyong mga bihisang may burda upang takpan sila at inilagay mo ang aking langis at ang aking insenso sa harapan nila.
19 Ang aking tinapay na ibinigay ko sa iyo—pinakain kita ng piling harina, langis, at pulot—inilagay mo sa harapan nila bilang kaaya-ayang amoy, sabi ng Panginoong Diyos.
20 Bukod dito'y kinuha mo ang iyong mga anak na lalaki at babae na iyong ipinanganak sa akin, at ang mga ito ay iyong inihandog sa kanila upang lamunin. Ang iyo bang mga pagpapaupa ay isang maliit na bagay,
21 na iyong pinatay ang aking mga anak, at iyong ibinigay sila bilang handog na pinararaan sa apoy?
22 Sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam at mga pagiging bayarang babae ay hindi mo inalala ang mga araw ng iyong kabataan, nang ikaw ay hubo, hubad, at tigmak sa iyong dugo.
Ang Pamumuhay ng Jerusalem Bilang Bayarang Babae
23 “Pagkatapos ng iyong buong kasamaan (kahabag-habag, kahabag-habag ka! sabi ng Panginoong Diyos),
24 ikaw ay nagtayo para sa iyo ng entablado, at gumawa ka para sa iyo ng mataas na dako sa bawat liwasan.
25 Itinayo mo ang iyong mataas na dako sa bawat bukana ng daan, at ginawa mong kasuklamsuklam ang iyong kagandahan, at ibinuka mo ang iyong mga binti sa bawat nagdaraan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae.
26 Ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga Ehipcio na iyong mahalay na kalapit-bayan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae upang ibunsod mo ako sa galit.
27 Kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at binawasan ko ang iyong takdang bahagi, at ibinigay kita sa kasakiman ng iyong mga kaaway, na mga anak na babae ng mga Filisteo, na nahiya sa iyong kahalayan.
28 Bukod dito, ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga taga-Asiria, sapagkat ikaw ay hindi nasisiyahan. Oo, ikaw ay naging bayarang babae rin sa kanila, at gayunma'y hindi ka nasiyahan.
29 Pinarami mo rin ang iyong pagiging bayarang babae sa lupaing kalakalan ng Caldea; gayunma'y hindi ka nasiyahan.
30 “Gaano ba ang pananabik ng iyong puso, sabi ng Panginoong Diyos, upang iyong gawin ang lahat ng bagay na ito, na gawa ng isang upahang babae;
31 na itinatayo mo ang iyong entablado sa bukana ng bawat daan, at ginawa mo ang iyong mataas na dako sa bawat lansangan. Gayunma'y hindi ka naging gaya ng isang bayarang babae sapagkat tinanggihan mo ang upa.
32 Isang asawang babae na mapakiapid na tumatanggap ng mga dayuhan sa halip na ang kanyang asawa!
33 Ang mga tao'y nagbibigay ng mga kaloob sa lahat ng bayarang babae; ngunit ikaw ay nagbibigay ng iyong mga kaloob sa lahat ng iyong mangingibig, at iyong sinusuhulan sila upang sila'y magsilapit sa iyo sa bawat dako para sa iyong mga pagiging bayarang babae.
34 Kaya't ikaw ay kakaiba sa ibang mga babae sa iyong pagpapaupa. Walang nag-udyok sa iyo upang magpaupa, at nagbigay ka ng upa, samantalang walang upa na ibinigay sa iyo, kaya't ikaw ay kakaiba.
Ang Hatol ng Diyos sa Jerusalem
35 “Kaya't, O masamang babae, pakinggan mo ang salita ng Panginoon:
36 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Sapagkat ang iyong karumihan ay nalantad, at ang iyong kahubaran ay lumitaw sa mga pagpapaupa mo sa iyong mga mangingibig, at dahil sa lahat mong mga diyus-diyosan, at dahil sa dugo ng iyong mga anak na iyong ibinigay sa kanila,
37 aking titipunin ang lahat na mangingibig mo na iyong kinalugdan, lahat ng iyong inibig at lahat ng iyong kinapootan. Titipunin ko sila laban sa iyo sa bawat lugar, at aking ililitaw ang iyong kahubaran sa kanila, upang kanilang makita ang iyong buong kahubaran.
38 Aking hahatulan ka na gaya ng hatol sa mga babaing nangangalunya at nagpadanak ng dugo; at aking dadalhin sa iyo ang dugo ng kapusukan at paninibugho.
39 Ibibigay kita sa kamay ng iyong mga mangingibig at kanilang ibabagsak ang iyong entablado, at gigibain ang iyong matataas na dako. Kanilang huhubaran ka ng iyong mga suot, kukunin ang iyong magagandang hiyas, at iiwan ka nilang hubo at hubad.
40 Sila ay magdadala ng isang hukbo laban sa iyo, at babatuhin ka nila at pagpipira-pirasuhin ka ng kanilang mga tabak.
41 Susunugin nila ng apoy ang iyong mga bahay, at maglalapat ng mga hatol sa iyo sa paningin ng maraming babae. Aking patitigilin ka sa pagiging bayarang babae, at ikaw ay hindi na rin magbabayad pa sa iyong mga mangingibig.
42 Sa gayo'y aking bibigyang kasiyahan ang aking matinding galit sa iyo, at ako'y hindi na maninibugho sa iyo; ako'y matatahimik at hindi na magagalit pa.
43 Sapagkat hindi mo naalala ang mga araw ng iyong kabataan, kundi ako'y pinapag-iinit mo sa lahat ng mga bagay na ito. Narito, kaya't akin namang ibabalik ang iyong mga gawa sa iyong ulo, sabi ng Panginoong Diyos: “Hindi ba gumawa ka ng kahalayan bukod sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam?
Kung Ano ang Puno ay Siyang Bunga
44 Narito, bawat gumagamit ng mga kawikaan ay gagamit ng kawikaang ito tungkol sa iyo, ‘Kung ano ang ina, gayon ang anak na babae.’
45 Ikaw ang anak na babae ng iyong ina, na namuhi sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Ikaw ang kapatid ng iyong mga kapatid, na namuhi sa kanilang mga asawa at sa kanilang mga anak. Ang iyong ina ay isang Hetea, at ang iyong ama ay isang Amoreo.
46 Ang iyong nakatatandang kapatid na babae ay ang Samaria na naninirahang kasama ng kanyang mga anak na babae sa dakong hilaga mo; at ang iyong nakababatang kapatid na babae na naninirahan sa iyong timog ay ang Sodoma na kasama ang kanyang mga anak na babae.
47 Gayunma'y hindi ka nasiyahang lumakad sa kanilang mga lakad, o gumawa man ng ayon sa kanilang kasuklamsuklam. Sa loob lamang ng napakaigsing panahon ay higit kang naging masama kaysa kanila sa lahat ng iyong mga lakad.
48 Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, ang Sodoma na iyong kapatid na babae at ang kanyang mga anak ay hindi gumawa ng gaya ng ginawa mo at ng iyong mga anak na babae.
49 Narito, ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma; siya at ang kanyang mga anak na babae ay may kapalaluan, labis na pagkain, at masaganang kaluwagan, ngunit hindi tinulungan ang dukha at nangangailangan.
50 Sila'y palalo at gumawa ng kasuklamsuklam na bagay sa harapan ko; kaya't aking inalis sila nang makita ko iyon.
51 Ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati ng iyong mga kasalanan. Nakagawa ka ng higit na mga kasuklamsuklam kaysa kanila, at pinalabas mong higit na matuwid ang iyong mga kapatid na babae sa pamamagitan ng lahat ng mga kasuklamsuklam na iyong ginawa.
52 Pasanin mo rin ang iyong kahihiyan, sapagkat nagbigay ka ng mabuting paghatol sa iyong mga kapatid na babae; dahil sa iyong mga kasalanan na iyong nagawa na higit na kasuklamsuklam kaysa kanila, sila'y higit na matuwid kaysa iyo. Kaya't mahiya ka rin, at pasanin mo ang iyong kahihiyan, sapagkat pinalabas mong matuwid ang iyong mga kapatid na babae.
Ibabalik sa Dati ang Sodoma at ang Samaria
53 “Gayunman, ibabalik ko ang kanilang pagkabihag, ang pagkabihag ng Sodoma at ng kanyang mga anak na babae, at ang pagkabihag ng Samaria at ng kanyang mga anak na babae, at ibabalik ko ang sarili mong pagkabihag sa gitna nila,
54 upang pasanin mo ang iyong sariling kahihiyan, at ikaw ay mapahiya dahil sa lahat ng iyong ginawa sa pagiging kaaliwan sa kanila.
55 Tungkol sa iyong mga kapatid na babae, ang Sodoma at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan. Ang Samaria at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan, at ikaw at ang iyong mga anak na babae ay babalik sa inyong dating kalagayan.
56 Hindi ba ang iyong kapatid na babae na Sodoma ay isang kasabihan sa iyong bibig sa araw ng iyong kapalaluan,
57 bago lumitaw ang iyong kasamaan? Ngayo'y naging gaya ka niya na naging tampulan ng pagkutya para sa mga anak na babae ng Siria, at sa lahat ng nasa palibot niya, na mga anak na babae ng mga Filisteo na siyang kumukutya sa iyo sa palibot.
58 Pasan mo ang parusa ng iyong kahalayan at ang iyong mga kasuklamsuklam, sabi ng Panginoon.
Ang Walang Hanggang Tipan
59 “Oo, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Akin namang gagawin sa iyo ang gaya ng iyong ginawa, na iyong hinamak ang sumpa sa pagsira ng tipan.
60 Gayunma'y alalahanin ko ang aking tipan sa iyo nang mga araw ng iyong kabataan, at aking itatatag sa iyo ang isang walang hanggang tipan.
61 Kung magkagayo'y alalahanin mo ang iyong mga lakad, at mapapahiya ka kapag dinala ko ang iyong mga kapatid na babae, ang iyong nakatatanda at nakababatang kapatid, at aking ibibigay sila sa iyo bilang mga anak na babae, ngunit hindi dahil sa pakikipagtipan sa iyo.
62 Aking itatatag ang aking tipan sa iyo, at iyong malalaman na ako ang Panginoon;
63 upang iyong maalala, at mapahiya ka, at kailan pa man ay hindi mo na ibuka ang iyong bibig dahil sa iyong kahihiyan, kapag aking pinatawad ka sa lahat ng iyong ginawa, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Talinghaga ng Agila at ng Baging
17 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, magbugtong ka, at magsalita ka ng talinghaga sa sambahayan ni Israel;
3 at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Isang malaking agila na may malalaki at mahahabang pakpak na punô ng mga balahibo, na may sari-saring kulay ang dumating sa Lebanon, at kinuha ang dulo ng sedro.
4 Kanyang binali ang pinakamataas na sariwang mga sanga niyon, at dinala sa isang lupaing kalakalan; inilagay niya sa isang lunsod ng mga mangangalakal.
5 Pagkatapos ay kinuha niya ang binhi ng lupain, at itinanim sa isang matabang lupa; itinanim niya sa tabi ng maraming tubig; kanyang itinanim na parang puno ng kahoy na sauce.
6 Ito ay tumubo at naging mayabong na puno ng baging na mababa, na ang mga sanga ay patungo sa dako niya, at ang mga ugat niyo'y nanatili sa kinaroroonan niya; at ito'y naging isang puno ng baging, at nagsanga, at nagkadahon.
7 Ngunit may iba pang malaking agila na may malaking pakpak at maraming balahibo, at ipinihit ng puno ng baging na ito ang mga ugat nito sa kanya, at isinupling ang kanyang mga sanga sa dako niya upang kanyang diligin ito. Mula sa pitak na kanyang kinatataniman
8 inilipat niya ito sa isang mabuting lupa sa tabi ng maraming tubig, upang makapagsanga, at makapagbunga, upang maging mabuting puno ng baging.
9 Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Lalago ba iyon? Hindi ba niya bubunutin ang mga ugat niyon, at puputulin ang mga sanga niyon, upang ang lahat ng sariwang umuusbong na mga dahon niyon ay matuyo? Hindi kailangan ang malakas na bisig o maraming tao na ito'y mabubunot sa mga ugat.
10 Narito, nang ito'y ilipat ng taniman, lalago ba ito? Hindi ba ganap na matutuyo kapag nahipan siya ng hanging silangan—at matutuyo sa mga pitak na tinubuan niya?”
Ang Kahulugan ng Talinghaga
11 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
12 “Sabihin(C) mo ngayon sa mapaghimagsik na sambahayan: Hindi ba ninyo nalalaman ang kahulugan ng mga bagay na ito? Sabihin mo sa kanila: Narito, ang hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem, at kinuha ang kanyang hari at mga pinuno at kanyang dinala sila sa Babilonia.
13 Siya'y kumuha ng isang anak ng hari at nakipagtipan siya sa kanya, at kanyang isinailalim siya sa panunumpa. (Dinala niya ang mga pinuno ng lupain,
14 upang ang kaharian ay mapangumbaba at hindi makapagmataas, at sa pag-iingat ng kanyang tipan ay makatayo ito.)
15 Ngunit siya'y naghimagsik laban sa kanya sa pagpapadala ng kanyang mga sugo sa Ehipto, upang mabigyan nila siya ng mga kabayo at malaking hukbo. Magtatagumpay ba siya? Makakatakas ba ang taong gumagawa ng gayong mga bagay? Masisira ba niya ang tipan at makakatakas pa?
16 Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, tunay na sa dakong tinatahanan ng hari kung saan siya ginawang hari, na ang sumpa ay hinamak niya at sinira niya ang pakikipagtipan sa kanya, siya nga'y mamamatay sa Babilonia.
17 Hindi siya tutulungan sa pakikidigma ni Faraon at ng kanyang makapangyarihang hukbo, kapag itinindig ang mga bunton at itinayo ang mga pader na panlusob, upang pumatay ng maraming tao.
18 Sapagkat kanyang hinamak ang sumpa at sinira ang tipan, narito, sapagkat ibinigay niya ang kanyang kamay, at gayunma'y ginawa ang lahat ng bagay na ito, siya'y hindi makakatakas.
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Habang buháy ako, walang pagsalang ang aking panunumpa na kanyang hinamak, at ang aking tipan na kanyang sinira ay aking sisingilin sa kanyang ulo.
20 Aking ikakalat ang aking bitag sa kanya, at siya'y mahuhuli sa aking silo; dadalhin ko siya sa Babilonia at siya'y aking hahatulan doon dahil sa kataksilan na kanyang ginawa laban sa akin.
21 At ang lahat ng mga piling lalaki[b] mula sa kanyang pangkat ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, at ang nalabi ay mangangalat sa bawat dako; at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagsalita.”
22 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ako mismo ay kukuha ng suwi mula sa dulo ng mataas na sedro at aking itatanim. Sa pinakamataas ng kanyang sariwang sanga ay puputol ako ng supling, at aking itatanim sa isang mataas at matayog na bundok.
23 Sa kaitaasan ng bundok ng Israel ay aking itatanim iyon, upang ito'y magsanga at magbunga, at maging mainam na sedro, at sa lilim niyon ay tatahan ang lahat ng uri ng hayop, at sa lilim ng mga sanga niyon ay magpupugad ang lahat ng uri ng ibon.
24 At malalaman ng lahat ng punungkahoy sa parang na akong Panginoon ang nagbaba sa mataas na punungkahoy, nagtaas sa mababang punungkahoy, tumuyo sa sariwang punungkahoy, at nagpanariwa sa tuyong punungkahoy: Akong Panginoon ang nagsalita at gagawa niyon.”
Kamatayan sa Nagkasala
18 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,
2 “Anong(D) ibig ninyong sabihin sa pag-uulit ng kawikaang ito tungkol sa lupain ng Israel, ‘Kinain ng mga magulang ang maaasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo?’
3 Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi na ninyo gagamitin pa ang kawikaang ito sa Israel.
4 Lahat ng buhay ay akin; ang buhay ng ama at ng anak ay akin; ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.
5 “Kung ang isang tao ay matuwid, at gumagawa ng ayon sa batas at matuwid,
6 at siya'y hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, o dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa, o lumapit man sa isang babae sa panahon ng kanyang karumihan,
7 hindi nang-aapi sa kanino man, kundi isinasauli sa nangutang ang kanyang sangla, hindi nagnanakaw, ibinibigay ang kanyang tinapay sa gutom, at tinatakpan ng kasuotan ang hubad;
8 hindi nagpapahiram na may patubo, o kumukuha man ng anumang pakinabang, na iniurong ang kanyang kamay sa kasamaan, naglalapat ng tunay na katarungan sa pagitan ng dalawang magkalaban,
9 na(E) lumalakad ng ayon sa aking mga tuntunin, at maingat sa pagsunod sa aking mga batas; siya'y matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos.
10 “Kung siya'y magkaanak ng isang lalaking magnanakaw, nagpapadanak ng dugo, at gumagawa ng alinman sa mga ganitong bagay,
11 at hindi gumagawa ng alinman sa mga katungkulang iyon, kundi kumakain sa mga bundok, at dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa,
12 inaapi ang dukha at nangangailangan, nagnanakaw, hindi nagsasauli ng sangla, at itinataas ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan, gumagawa ng kasuklamsuklam,
13 nagpapahiram na may patubo, at tumatanggap ng pakinabang; mabubuhay ba siya? Siya'y hindi mabubuhay. Kanyang ginawa ang lahat ng kasuklamsuklam na ito. Siya'y tiyak na mamamatay; ang kanyang dugo ay sasakanya.
14 “Ngunit kung ang taong ito'y magkaanak ng isang lalaki na nakikita ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama, at natatakot, at hindi gumagawa ng gayon;
15 na hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, hindi dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa,
16 o ginagawan ng masama ang sinuman, hindi tumatanggap ng anumang sangla, at hindi nagnanakaw, kundi nagbibigay ng kanyang tinapay sa gutom, at binabalutan ng damit ang hubad;
17 na iniuurong ang kanyang kamay sa kasamaan, hindi tumatanggap ng patubo o ng pakinabang man, ginagawa ang aking mga batas, at lumalakad sa aking mga tuntunin; hindi siya mamamatay ng dahil sa kasamaan ng kanyang ama, siya'y tiyak na mabubuhay.
18 Tungkol sa kanyang ama, sapagkat siya'y gumawa ng pangingikil, ninakawan ang kanyang kapatid, at gumawa ng hindi mabuti sa gitna ng kanyang bayan, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan.
19 “Gayunma'y sinasabi ninyo, ‘Bakit hindi magdurusa ang anak dahil sa kasamaan ng ama?’ Kapag ginawa ng anak ang ayon sa batas at matuwid, at naging maingat sa pagtupad sa lahat ng aking tuntunin, siya'y tiyak na mabubuhay.
20 Ang(F) taong nagkasala ay mamamatay. Ang anak ay hindi magdurusa dahil sa kasamaan ng ama, ni ang ama ay magdurusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang katuwiran ng matuwid ay sasakanya, at ang kasamaan ng masama ay sasakanya.
Matuwid ang Tuntunin ng Diyos
21 “Ngunit kung ang masamang tao ay lumayo sa lahat niyang kasalanan na kanyang nagawa, at ingatan ang lahat ng aking mga tuntunin, at gumawa ng ayon sa batas at matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
22 Alinman sa kanyang mga paglabag na nagawa niya ay di na aalalahanin pa laban sa kanya; sapagkat sa matuwid na gawa na kanyang ginawa ay mabubuhay siya.
23 Mayroon ba akong anumang kasiyahan sa kamatayan ng masama? sabi ng Panginoong Diyos; at hindi ba mabuti na siya'y humiwalay sa kanyang lakad at mabuhay?
24 Ngunit kapag ang matuwid ay humiwalay sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, at gumagawa ng gayunding kasuklamsuklam na bagay na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay ba siya? Walang aalalahanin sa mga matuwid na gawa na kanyang ginawa; dahil sa kataksilan na kanyang ipinagkasala, at sa kasalanan na kanyang ginawa, siya ay mamamatay.
25 “Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid.’ Pakinggan mo ngayon, O sambahayan ni Israel: Ang akin bang daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid?
26 Kapag ang taong matuwid ay lumayo sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, siya ay mamamatay dahil doon. Dahil sa kasamaan na kanyang nagawa ay mamamatay siya.
27 Muli, kapag ang taong masama ay humihiwalay sa kanyang kasamaan na kanyang nagawa at ginawa kung ano ang tumpak at matuwid, kanyang ililigtas ang kanyang buhay.
28 Sapagkat kanyang isinaalang-alang at lumayo sa lahat niyang pagsuway na kanyang nagawa, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
29 Gayunma'y sinasabi ng sambahayan ni Israel, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid.’ O sambahayan ni Israel, ang akin bang mga daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid?
30 “Kaya't hahatulan ko kayo, O sambahayan ni Israel, bawat isa'y ayon sa kanyang mga lakad, sabi ng Panginoong Diyos. Kayo'y magsisi, at lumayo kayo sa lahat ninyong pagsuway; sa gayo'y ang kasamaan ay hindi magiging inyong kapahamakan.
31 Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsuway na inyong ginawa laban sa akin, at kayo'y magbagong puso at magbagong diwa! Bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel?
32 Sapagkat wala akong kaluguran sa kamatayan ng sinuman, sabi ng Panginoong Diyos. Kaya't magsipagbalik-loob kayo, at mabuhay.”
Pamimighati para sa mga Pinuno ng Israel
19 At ikaw, tumaghoy ka para sa mga pinuno ng Israel,
2 at iyong sabihin:
Parang isang babaing leon ang iyong ina!
Siya'y humiga sa gitna ng mga leon,
na inaalagaan ang kanyang mga anak.
3 Pinalaki niya ang isa sa kanyang mga anak;
siya'y naging isang batang leon,
at natuto siyang manghuli;
siya'y nanlapa ng mga tao.
4 Ang mga bansa ay nagpatunog ng babala laban sa kanya;
siya'y dinala sa kanilang hukay;
at dinala nila siyang nakakawit
sa lupain ng Ehipto.
5 Nang makita niya na siya'y naghintay,
at ang kanyang pag-asa ay nawala,
kumuha siya ng isa pa sa kanyang mga anak,
at ginawa siyang batang leon.
6 Siya'y nagpagala-galang kasama ng mga leon;
siya'y naging batang leon,
at siya'y natutong manghuli, at nanlapa ng mga tao.
7 At giniba niya ang kanilang mga tanggulan,
at sinira ang kanilang mga lunsod;
at ang lupain ay natakot, at ang lahat na naroon,
sa ugong ng kanyang ungal.
8 Nang magkagayo'y naglagay ang mga bansa
ng mga bitag laban sa kanya sa bawat dako;
inilatag nila ang kanilang lambat laban sa kanya;
dinala siya sa kanilang hukay.
9 Inilagay nila siya sa isang kulungan na may kawit,
at dinala nila siya sa hari ng Babilonia;
at dinala nila siya sa pamamagitan ng lambat,
upang ang kanyang tinig ay huwag nang marinig
sa mga bundok ng Israel.
10 Ang iyong ina ay parang ubas sa iyong ubasan
na itinanim sa tabi ng tubig,
siya'y mabunga at punô ng mga sanga,
dahil sa maraming tubig.
11 Ang kanyang pinakamatibay na sanga
ay naging setro ng namumuno;
ito ay tumaas na tunay
sa makapal na sanga;
ito'y namasdan sa kataasan
sa karamihan ng kanilang mga sanga.
12 Ngunit ang puno ng ubas ay binunot dahil sa poot,
inihagis sa lupa;
tinuyo ito ng hanging mula sa silangan;
at inalis ang bunga nito,
ang kanyang matitibay na sanga ay nabali,
at tinupok ng apoy.
13 Ngayo'y inilipat ito ng taniman sa ilang,
sa isang tuyo at uhaw na lupain.
14 At lumabas ang apoy sa mga sanga nito,
at tinupok ang kanyang mga sanga at bunga,
kaya't doo'y walang naiwang matibay na sanga,
walang setro para sa isang pinuno.
Ito ay panaghoy, at naging panaghoy.
Ang Kalooban ng Diyos ay Sinuway ng Tao
20 Nang ikasampung araw ng ikalimang buwan ng ikapitong taon, ang ilan sa matatanda ng Israel ay dumating upang sumangguni sa Panginoon. Sila'y umupo sa harapan ko.
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
3 “Anak ng tao, magsalita ka sa matatanda ng Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kayo ba'y pumarito upang sumangguni sa akin? Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, hindi kayo makakasangguni sa akin.
4 Hahatulan mo ba sila, anak ng tao, hahatulan mo ba sila? Ipaalam mo sa kanila ang mga kasuklamsuklam na gawa ng kanilang mga ninuno,
5 at(G) sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Nang araw na aking piliin ang Israel, sumumpa ako sa binhi ng sambahayan ni Jacob, at nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Ehipto, sumumpa ako sa kanila na sinasabi: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
6 Nang araw na iyon ay sumumpa ako sa kanila na ilalabas ko sila sa lupain ng Ehipto, sa lupain na aking hinanap para sa kanila, lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na siyang pinakamaluwalhati sa lahat ng lupain.
7 Sinabi ko sa kanila, Itakuwil ninyo ang mga bagay na kasuklamsuklam na ninanasa ng inyong mga mata, bawat isa sa inyo, at huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa mga diyus-diyosan ng Ehipto; ako ang Panginoon ninyong Diyos.
8 Ngunit sila'y naghimagsik laban sa akin at hindi nakinig sa akin; hindi itinakuwil ng bawat isa sa kanila ang mga kasuklamsuklam na bagay na ninanasa ng kanilang mga mata, o tinalikuran man nila ang mga diyus-diyosan sa Ehipto.
“At inisip kong ibuhos sa kanila ang aking poot, at ubusin ko ang aking galit laban sa kanila, sa gitna ng lupain ng Ehipto.
9 Ngunit ako'y kumilos alang-alang sa aking pangalan upang ito'y huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay nagpakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Ehipto.
10 Sa gayo'y inilabas ko sila mula sa lupain ng Ehipto, at dinala ko sila sa ilang.
11 At(H) ibinigay ko sa kanila ang aking mga tuntunin, at itinuro ko sa kanila ang aking mga batas, na kung sundin ng tao, ay mabubuhay.
12 Bukod(I) dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga Sabbath, bilang isang tanda sa pagitan ko at nila, upang kanilang malaman na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.
13 Ngunit ang sambahayan ng Israel ay naghimagsik laban sa akin sa ilang. Sila'y hindi lumakad ng ayon sa aking mga tuntunin, kundi kanilang itinakuwil ang aking mga batas, na kung sundin ay mabubuhay ang bawat isa; at ang aking mga Sabbath ay kanilang lubhang nilapastangan.
“At inisip kong ibuhos ang aking poot sa kanila sa ilang, upang ganap silang malipol.
14 Ngunit ako'y kumilos alang-alang sa aking pangalan, upang ito'y huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga iyon ay aking inilabas sila.
15 Bukod(J) dito'y sumumpa ako sa kanila sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibinigay ko sa kanila, lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamaluwalhati sa lahat ng lupain;
16 sapagkat kanilang itinakuwil ang aking mga batas, at hindi lumakad sa aking mga tuntunin, at nilapastangan ang aking mga Sabbath; sapagkat ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diyus-diyosan.
17 Gayunma'y iniligtas sila ng aking mga mata at hindi ko sila nilipol, o ginawan man sila ng lubos na katapusan sa ilang.
18 “At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong lumakad sa mga tuntunin ng inyong mga ninuno, o sundin man ang kanilang mga batas, o dungisan man ang inyong sarili sa kanilang mga diyus-diyosan.
19 Ako ang Panginoon na inyong Diyos: Lumakad kayo sa aking mga tuntunin, at maging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.
20 Inyong ingatang banal ang aking mga Sabbath upang ang mga iyon ay maging tanda sa pagitan ko at ninyo, upang inyong malaman na akong Panginoon ang inyong Diyos.
21 Ngunit ang mga anak ay naghimagsik laban sa akin; sila'y hindi lumakad sa aking mga tuntunin, at hindi naging maingat na isagawa ang aking mga batas, na kung gawin ng tao ay mabubuhay; kanilang nilapastangan ang aking mga Sabbath.
“Nang magkagayo'y inisip kong ibubuhos ang aking poot sa kanila at ubusin ang aking galit laban sa kanila sa ilang.
22 Gayunma'y iniurong ko ang aking kamay, kumilos ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag itong malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga iyon ay inilabas ko sila.
23 Bukod(K) dito'y isinumpa ko sa kanila sa ilang na pangangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain,
24 sapagkat hindi nila ginawa ang aking mga batas, kundi itinakuwil ang aking mga tuntunin, at nilapastangan ang aking mga Sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakatuon sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno.
25 Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga tuntunin na hindi mabuti, at ng mga batas na hindi nagbibigay ng buhay.
26 Dinungisan ko sila sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kaloob, sa pamamagitan ng kanilang paghahandog sa apoy ng lahat ng kanilang mga panganay, upang aking takutin sila. Ginawa ko iyon upang kanilang malaman na ako ang Panginoon.
27 “Kaya't, anak ng tao, magsalita ka sa sambahayan ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa ganito'y muling nilapastangan ako ng inyong mga ninuno, sa pamamagitan ng kanilang pagtataksil laban sa akin.
28 Sapagkat nang madala ko sila sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanila, saanman sila makakita ng alinmang mataas na burol o anumang mayayabong na punungkahoy, inialay nila roon ang kanilang mga handog, at doo'y kanilang iniharap ang nakakagalit nilang handog. Nagsuob rin sila roon ng kanilang pabango, at ibinuhos nila roon ang kanilang mga inuming handog.
29 (Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Ano ang mataas na dako na inyong pinuntahan? Sa gayo'y ang pangalan niyon ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito.)
30 Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Durungisan ba ninyo ang inyong sarili ng ayon sa paraan ng inyong mga ninuno at kayo'y maliligaw sa kanilang mga kasuklamsuklam na bagay?
31 Kapag inyong inihahandog ang inyong mga kaloob, at iniaalay sa apoy ang inyong mga anak, nagpapakarumi kayo sa lahat ng inyong diyus-diyosan hanggang sa araw na ito. At ako ba'y sasangguniin ninyo, O sambahayan ng Israel? Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, hindi ninyo ako masasangguni.
32 “Ang nasa inyong isipan ay hindi kailanman mangyayari, ang isipang, ‘Hayaan ninyo kaming maging gaya ng mga bansa, na gaya ng mga angkan ng mga lupain at sumamba sa kahoy at bato.’
Ang Parusa at ang Pagpapatawad ng Diyos
33 “Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, tiyak na sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at ng unat na bisig, at ng poot na ibinubuhos, ay maghahari ako sa inyo.
34 Ilalabas ko kayo na mula sa mga bayan, at titipunin ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan, sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng poot na ibinubuhos.
35 Dadalhin ko kayo sa ilang ng mga bayan, at doo'y hahatulan ko kayo nang harapan.
36 Kung paanong aking hinatulan ang inyong mga ninuno sa ilang ng lupain ng Ehipto, gayon ko kayo hahatulan, sabi ng Panginoong Diyos.
37 Pararaanin ko kayo sa ilalim ng tungkod, at dadalhin ko kayo sa pakikipagkasundo sa tipan.
38 Aking lilinisin sa gitna ninyo ang mga mapaghimagsik, at ang mga sumusuway sa akin. Ilalabas ko sila sa lupaing kanilang pinamamayanan, ngunit hindi sila papasok sa lupain ng Israel. Inyong malalaman na ako ang Panginoon.
39 “Tungkol sa inyo, O sambahayan ni Israel, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Umalis kayo, at paglingkuran ng bawat isa ang kanyang mga diyus-diyosan, ngayon at sa haharapin man, kung hindi ninyo ako diringgin. Ngunit ang aking banal na pangalan ay hindi na ninyo lalapastanganin sa pamamagitan ng inyong mga kaloob, at ng inyong mga diyus-diyosan.
40 “Sapagkat sa aking banal na bundok, sa bundok na kaitaasan ng Israel, sabi ng Panginoong Diyos, doon ako paglilingkuran nilang lahat sa lupain ng buong sambahayan ni Israel. Doo'y tatanggapin ko sila, at doon ko hihingin ang inyong mga handog, at ang mga pinakamabuti sa inyong mga kaloob, at ng lahat ninyong banal na handog.
41 Bilang mabangong amoy ay tatanggapin ko kayo, kapag kayo'y aking naihiwalay sa mga bayan, at natipon ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan. At aking ipapakita ang aking kabanalan sa inyo, sa paningin ng mga bansa.
42 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag kayo'y aking ipinasok sa lupain ng Israel, sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno.
43 Doo'y maaalala ninyo ang inyong mga lakad, at lahat ng inyong mga gawa na idinungis ninyo sa inyong sarili. At inyong kamumuhian ang inyong sarili nang dahil sa lahat ng kasamaang inyong ginawa.
44 Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag ako'y nakitungo sa inyo alang-alang sa aking pangalan, hindi ayon sa inyong masasamang lakad, o ayon sa inyong masasamang gawa man, O sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Pahayag Laban sa Timog
45 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
46 “Anak ng tao, humarap ka sa dakong timog, mangaral ka laban sa dakong timog, at magsalita ka ng propesiya laban sa gubat sa Negeb.
47 Narito, sabihin mo sa gubat ng Negeb, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Aking pagniningasin ang isang apoy sa iyo, at tutupukin nito ang bawat sariwang punungkahoy sa iyo, at ang bawat tuyong punungkahoy. Ang nag-aalab na apoy ay hindi mapapatay, at ang lahat ng mukha mula sa timog hanggang sa hilaga ay susunugin nito.
48 At malalaman ng lahat ng laman na akong Panginoon ang nagpaningas niyon; at hindi iyon mapapatay.”
49 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Panginoong Diyos! Sinasabi nila sa akin, ‘Hindi ba siya'y mangkakatha ng mga talinghaga?’”
Ang Tabak ng Panginoon
21 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, humarap ka sa dakong Jerusalem, mangaral ka laban sa mga santuwaryo, at magpropesiya ka laban sa lupain ng Israel.
3 Sabihin mo sa lupain ng Israel, Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ako'y laban sa iyo, aking bubunutin ang aking tabak sa kaluban, at tatanggalin ko sa iyo ang matuwid at ang masama.
4 Sapagkat aking tatanggalin sa iyo ang matuwid at ang masama, aking bubunutin ang aking tabak sa kaluban laban sa lahat ng laman mula sa timog hanggang sa hilaga;
5 at malalaman ng lahat ng laman na akong Panginoon ang bumunot ng aking tabak sa kaluban at iyon ay hindi na isusuksok pang muli.
6 Ngunit, ikaw na anak ng tao, magbuntong-hininga ka na may pagkawasak ng puso at mapait na kalungkutan sa harapan ng kanilang mga paningin.
7 Kapag kanilang sinabi sa iyo, ‘Bakit ka nagbubuntong-hininga?’ Iyong sasabihin, ‘Dahil sa mga balita. Kapag ito'y dumating, ang bawat puso ay manlulumo, at ang lahat na kamay ay manghihina. Ang bawat espiritu ay manghihina, at ang lahat na tuhod ay manlalambot na parang tubig. Tingnan mo, ito'y dumarating at mangyayari ito,’” sabi ng Panginoong Diyos.
8 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
9 “Anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya, at sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sabihin mo:
Isang tabak, isang tabak ay hinasa
at kumikinang din ito.
10 Ito'y hinasa para sa patayan,
pinakintab upang magliwanag na parang kidlat!
Paano tayo magsasaya?
Ang tungkod ng aking anak ay hinahamak natin
at ang lahat ng pagsupil.
11 Ibinigay ang tabak upang pakinangin at upang hawakan; ito'y hinasa at pinakinang upang ibigay sa kamay ng mamamatay.
12 Anak ng tao, sumigaw ka at manangis, sapagkat ito'y laban sa aking bayan. Ito'y laban sa lahat ng mga pinuno ng Israel at sila'y ibinigay sa tabak na kasama ng aking bayan. Hatawin mo ang hita!
13 Sapagkat iyon ay magiging pagsubok—ano ang magagawa nito kapag hinamak mo ang pamalo?” sabi ng Panginoong Diyos.
14 “Kaya't magpahayag ka ng propesiya, anak ng tao. Ipalakpak mo ang iyong mga kamay, at hayaan mong bumaba ang tabak ng dalawang ulit, oo, tatlong ulit, ang tabak para sa mga papatayin. Iyon ay tabak para sa malaking pagpatay na pumapalibot sa kanila,
15 upang ang kanilang mga puso ay manlumo, at maraming bumagsak sa kanilang pintuan. Ibinigay ko ang kumikinang na tabak! Ginawa itong parang kidlat, ito'y hinasa upang gamitin sa pagpatay.
16 Ipakita mong matalas ang iyong sarili, pumunta ka sa kanan; ihanda mo ang iyong sarili, pumunta ka sa kaliwa, na kung saan man mapaharap ang iyong mukha.
17 Akin din namang ipapalakpak ang aking mga kamay, at aking bibigyang kasiyahan ang aking poot; akong Panginoon ang nagsalita.”
Ang Tabak ng Hari ng Babilonia
18 Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,
19 “Anak ng tao, magtakda ka ng dalawang daan na panggagalingan ng tabak ng hari ng Babilonia. Silang dalawa ay kapwa lalabas sa isang lupain. Gumawa ka ng daang palatandaan at gawin mo ito sa bukana ng daang patungo sa lunsod.
20 Ikaw ay magtakda ng daan para sa tabak na tutungo sa Rabba ng mga anak ni Ammon, at sa Juda sa Jerusalem na may kuta.
21 Sapagkat ang hari ng Babilonia ay nakatayo sa pinaghihiwalayan ng daan, sa bukana ng dalawang daan, upang gumamit ng panghuhula. Kanyang iwinawasiwas ang mga pana, siya'y sumasangguni sa mga terafim, kanyang siniyasat ang atay.
22 Nasa kanang kamay niya ang kapalaran para sa Jerusalem upang mag-umang ng mga panaksak, upang ibuka ang bibig na may pag-iyak, upang itaas ang tinig sa pagsigaw, upang mag-umang ng mga panghampas sa mga pintuan, upang maglagay ng mga bunton, upang magtayo ng mga toreng pangkubkob.
23 Ngunit sa kanila ito ay magiging huwad na panghuhula. Sila'y sumumpa ng may katapatan, ngunit ipinaalala niya sa kanila ang kanilang kasamaan, upang sila'y mahuli.
24 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat inyong ipinaalala ang inyong kasamaan, ang inyong mga pagsuway ay nalantad, at sa lahat ninyong gawa ay nagsilitaw ang inyong mga kasalanan; sapagkat kayo'y naalala, kayo'y huhulihin ng kamay.
25 At ikaw, kasuklamsuklam at masamang pinuno ng Israel, na ang araw ay dumating, ang panahon ng iyong huling parusa,
26 ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Alisin mo ang putong, at hubarin mo ang korona; hindi mananatiling gayon ang mga bagay. Itaas mo ang mababa at ibaba mo ang mataas.
27 Aking wawasakin, wawasakin, wawasakin ko ito, walang maiiwang bakas nito hanggang sa dumating ang may karapatan, at aking ibibigay sa kanya.
Ang Hatol Laban sa mga Ammonita
28 “At(L) ikaw, anak ng tao, magpropesiya ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos tungkol sa mga Ammonita, at tungkol sa kanilang kasiraan. Sabihin mo, Isang tabak, isang tabak ay binunot para sa pagpatay. Ito ay pinakintab upang kuminang at magliwanag na parang kidlat—
29 samantalang sila'y nakakakita sa iyo ng huwad na pangitain, samantalang sila'y humuhula sa iyo ng mga kasinungalingan—upang ipasan sa mga leeg ng masama na ang araw ay dumating, ang panahon ng huling parusa.
30 Isuksok mo iyan sa kanyang kaluban. Sa dakong pinaglalangan sa iyo, sa lupain ng kapanganakan mo, hahatulan kita.
31 Aking ibubuhos ang aking galit sa iyo at hihipan ka sa pamamagitan ng apoy ng aking poot; at ibibigay kita sa kamay ng mga tampalasang tao na bihasang pumatay.
32 Ikaw ay magiging panggatong para sa apoy, at ang iyong dugo ay mabubuhos sa gitna ng lupain. Ikaw ay hindi na maaalala, sapagkat akong Panginoon ang nagsalita.”
Ang Kasamaan ng Jerusalem
22 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “At ikaw, anak ng tao, hahatulan mo ba, hahatulan mo ba ang madugong lunsod? Kung gayo'y ipahayag mo sa kanya ang lahat niyang kasuklamsuklam na mga gawa.
3 Iyong sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang lunsod na nagpapadanak ng dugo sa gitna niya, ang kanyang panahon ay dumating na, gumagawa ng mga diyus-diyosan upang dungisan ang kanyang sarili!
4 Ikaw ay naging salarin sa pamamagitan ng dugo na iyong pinadanak, at ikaw ay dinungisan ng mga diyus-diyosan na iyong ginawa. Pinalapit mo ang iyong araw, at dumating na ang takdang panahon ng iyong mga taon. Kaya't ginawa kitang isang kahihiyan sa mga bansa, at pinagtatawanan ng lahat ng mga bansa.
5 Tutuyain ka ng malalapit at ng malalayo sa iyo, ikaw na hindi tanyag at punô ng kaguluhan.
6 “Narito, ang mga pinuno ng Israel sa inyo, bawat isa ayon sa kanyang kapangyarihan, ay nakatuon sa pagpapadanak ng dugo.
7 Sa(M) iyo'y hinamak ang ama't ina, sa gitna mo ay nagdaranas ng pang-aapi ang mga nakikipamayan, sa iyo'y ginagawan ng masama ang ulila at ang babaing balo.
8 Iyong(N) hinamak ang aking mga banal na bagay at nilapastangan ang aking mga Sabbath.
9 May mga tao sa iyo na naninirang-puri upang magpadanak ng dugo, at mga tao sa iyo na kumakain sa mga bundok, mga lalaking gumagawa ng kahalayan sa iyong kalagitnaan.
10 Sa(O) iyo'y kanilang inililitaw ang kahubaran ng kanilang mga ama; sa iyo'y pinagpakumbaba ang mga babae na marumi na sa kanilang karumihan.
11 At ang isa'y gumagawa ng kasuklamsuklam sa asawa ng kanyang kapwa. Ang isa'y gumagawa ng kahalayan sa kanyang manugang na babae, at ang iba sa iyo'y sinipingan ng isa ang kanyang kapatid na babae na anak ng kanyang ama.
12 Sa(P) iyo ay tumanggap sila ng suhol upang magpadanak ng dugo. Ikaw ay kumukuha ng patubo't pakinabang, at ikaw ay nakinabang sa iyong kapwa sa pamamagitan ng pang-aapi; at nilimot mo ako, sabi ng Panginoong Diyos.
13 “Narito, kaya't aking inihampas ang aking kamay sa madayang pakinabang na iyong ginawa, at sa dugo na dumanak sa gitna mo.
14 Makakatagal ba ang iyong tapang, o mananatili bang malakas ang iyong mga kamay sa mga araw na haharapin kita? Akong Panginoon ang nagsalita, at gagawin ko iyon.
15 Aking pangangalatin ka sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin kita sa mga lupain; at aking lilinisin ang iyong karumihan sa gitna mo.
16 At lalapastanganin mo ang iyong sarili sa paningin ng mga bansa, at iyong malalaman na ako ang Panginoon.”
Ang Hurno ng Panginoon
17 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
18 “Anak ng tao, ang sambahayan ni Israel ay naging dumi ng bakal sa akin. Silang lahat, pilak, tanso, lata, bakal at tingga sa hurno, ay naging dumi.
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat kayong lahat ay naging dumi, kaya't narito, aking titipunin kayo sa gitna ng Jerusalem.
20 Kung paanong tinitipon ng mga tao ang pilak, tanso, bakal, tingga, at ang lata sa gitna ng hurno, upang hipan ang apoy, upang tunawin ang mga iyon; gayon ko kayo titipunin sa aking galit at poot, at aking ilalagay kayo roon at tutunawin kayo.
21 Aking titipunin kayo at hihipan ko kayo sa pamamagitan ng apoy ng aking poot, at kayo'y matutunaw sa gitna niyon.
22 Kung paanong ang pilak ay natutunaw sa hurno, gayon kayo matutunaw sa gitna niyon; at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagbuhos ng aking poot sa inyo.”
Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel
23 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
24 “Anak ng tao, sabihin mo sa kanya, Ikaw ay isang lupain na hindi nilinis, o naulanan man sa araw ng pagkagalit.
25 Ang kanyang mga pinuno sa gitna niya ay gaya ng leong umuungal na niluluray ang biktima. Kanilang sinakmal ang mga tao. Kanilang kinuha ang kayamanan at mahahalagang bagay. Pinarami nila ang mga babaing balo sa gitna niya.
26 Ang(Q) kanyang mga pari ay nagsigawa ng karahasan sa aking mga aral at nilapastangan ang aking mga banal na bagay. Hindi nila binigyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, o kanila mang itinuro ang kaibahan ng marumi sa malinis, at kanilang pinawalang-halaga ang aking mga Sabbath, kaya't ako'y nalapastangan sa gitna nila.
27 Ang kanyang mga pinuno sa gitna niya ay parang mga asong-gubat na niluluray ang biktima, nagpapadanak ng dugo, nangwawasak ng mga buhay upang magkaroon ng madayang pakinabang.
28 At pininturahan sila ng puti ng mga propeta na nakakakita ng huwad na mga pangitain, at nanghuhula ng mga kabulaanan para sa kanila, na nagsabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos,’ bagaman hindi nagsalita ang Panginoon.
29 Ang mga tao ng lupain ay gumawa ng pang-aapi at pagnanakaw. Kanilang inapi ang dukha at nangangailangan, at kanilang inapi ang mga dayuhan at ito'y hindi naituwid.
30 At ako'y humanap ng lalaki sa gitna nila na gagawa ng pader, at makakatayo sa sira sa harapan ko para sa lupain, upang huwag kong wasakin; ngunit wala akong natagpuan.
31 Kaya't aking ibinuhos ang aking galit sa kanila; aking tinupok sila ng apoy ng aking poot; ang kanilang sariling lakad ay aking siningil sa kanilang mga ulo, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Magkapatid na Makasalanan
23 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, may dalawang babae na mga anak na babae ng isang ina;
3 sila'y naging bayarang babae[c] sa Ehipto. Sila'y naging bayarang babae[d] sa panahon ng kanilang kabataan; doo'y pinisil ang kanilang mga suso at hinipo ang suso ng kanilang pagkadalaga.
4 Ang pangalan ng nakatatanda ay Ohola[e] at si Oholiba[f] ang kapatid niya. Sila'y naging akin at nanganak ng mga lalaki at babae. At tungkol sa kanilang mga pangalan, si Ohola ay ang Samaria, at si Oholiba ay ang Jerusalem.
5 “Si Ohola ay naging bayarang babae[g] nang siya'y akin; at siya'y umibig sa kanyang mga mangingibig na mga taga-Asiria,
6 mga mandirigma na may damit na kulay ube, mga tagapamahala at mga pinuno, silang lahat ay mga binatang makikisig, mga mangangabayo na nakasakay sa mga kabayo.
7 Ipinagkaloob niya sa kanila ang kanyang pagiging bayarang babae,[h] sa kanilang lahat na mga piling lalaki sa Asiria. Dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng lahat ng diyus-diyosan ng mga taong kanyang kinahumalingan.
8 Hindi niya iniwan ang kanyang pagiging bayarang babae[i] na kanyang ginawa mula pa sa mga araw niya sa Ehipto, sapagkat sa kanyang kabataan, sila'y sumiping sa kanya at hinawakan nila ang suso ng kanyang pagkadalaga; at kanilang ibinuhos ang kanilang kahalayan sa kanya.
9 Kaya't ibinigay ko siya sa kamay ng kanyang mga mangingibig, sa kamay ng mga taga-Asiria, na siya niyang kinahumalingan.
10 Ang mga ito ang naglantad ng kanyang kahubaran. Kinuha nila ang kanyang mga anak na lalaki at babae at siya'y pinatay nila ng tabak. Siya'y naging tampulan ng paghamak sa mga babae nang ilapat sa kanya ang hatol.
11 “Nakita ito ng kanyang kapatid na si Oholiba, gayunma'y siya'y higit na masama sa kanyang pagkahumaling, at sa kanyang pagiging bayarang babae,[j] na higit pa sa kanyang kapatid.
12 Siya'y nahumaling sa mga taga-Asiria, sa mga tagapamahala at mga pinuno sa kanyang mga kalapit, na nakadamit ng mga pinakamahusay sa mga nangangabayo na nakasakay sa mga kabayo, na silang lahat ay mga binatang makikisig.
13 Aking nakita na siya'y nadungisan; kapwa nila tinahak ang iisang daan.
14 At kanyang pinalago ang kanyang pagiging bayarang babae.[k] Siya'y nakakita ng mga lalaking nakalarawan sa mga pader, mga larawan ng mga Caldeo na nakalarawan sa bermillon,
15 na nabibigkisan sa kanilang mga balakang, na may nakabalot na mga putong sa kanilang mga ulo. Silang lahat ay parang mga pinuno ayon sa larawan ng mga taga-Babilonia na ang lupaing tinubuan ay Caldea.
16 Nang makita niya sila ay nahumaling siya sa kanila at nagpadala ng mga sugo sa kanila sa Caldea.
17 At sinipingan siya ng mga taga-Babilonia sa higaan ng pag-ibig, at kanilang dinungisan siya ng kanilang kahalayan. At pagkatapos na siya'y madungisan nila, lumayo siya sa kanila na may pagkainis.
18 Nang ipagpatuloy niya nang hayagan ang kanyang mga pagpapakasama, at inilitaw niya ang kanyang kahubaran, may pagkainis akong lumayo sa kanya, gaya ng pagtalikod ko sa kanyang kapatid.
19 Gayunma'y kanyang pinarami ang kanyang pagiging bayarang babae,[l] at inalaala ang mga araw ng kanyang kabataan, nang siya'y naging bayarang babae[m] sa lupain ng Ehipto.
20 Siya'y nahumaling sa kanyang mga kalaguyo roon, na ang laman ay parang laman ng mga asno, at ang lumalabas sa kanila ay parang ang lumalabas sa mga kabayo.
21 Ganito mo kinasabikan ang kahalayan ng iyong kabataan, nang hipuin ng mga Ehipcio ang iyong mga dibdib at pisilin ang iyong mga suso.”
Ang Hatol ng Diyos sa Nakababatang Kapatid
22 Kaya, O Oholiba, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Aking ibabangon laban sa iyo ang iyong mga mangingibig na iyong nilayuang may pagkainis, at aking dadalhin sila laban sa iyo sa lahat ng dako:
23 Ang mga taga-Babilonia at lahat ng Caldeo, ang Pekod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria na kasama nila, na mga binatang makikisig, mga tagapamahala at mga pinuno silang lahat, mga puno, at mga mandirigma, silang lahat ay nakasakay sa mga kabayo.
24 At sila'y paparitong laban sa iyo na may mga karwahe, mga kariton, at napakaraming mga tao. Sila'y maghahanda laban sa iyo sa bawat panig na may mga pananggalang, kalasag at helmet. Aking ipauubaya ang hatol sa kanila, at kanilang hahatulan ka ayon sa kanilang mga kaugalian.
25 Aking itutuon ang aking galit laban sa iyo, upang pakitunguhan ka nilang may poot. Kanilang puputulin ang iyong ilong at ang iyong mga tainga, at ang nakaligtas sa iyo ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak. Kanilang darakpin ang iyong mga anak na lalaki at babae; at ang mga nakaligtas sa iyo ay lalamunin ng apoy.
26 Kanila rin namang huhubaran ka ng iyong mga suot, at kukunin ang iyong mga magagandang hiyas.
27 Kaya't ganito ko wawakasan ang iyong kahalayan, at ang iyong pagiging bayarang babae[n] na dinala mo mula sa lupain ng Ehipto. Hindi ka na masasabik sa kanila[o] o alalahanin mo pa ang Ehipto kailanman.
28 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ibibigay kita sa kamay ng mga kinapopootan mo, sa kamay ng mga nilayuan mong may pagkainis;
29 at papakitunguhan ka nila na may poot, at aalisin ang lahat ng bunga ng iyong pagpapagal, at iiwan kang hubad at hubo, at ang kahubaran ng iyong pagiging bayarang babae[p] ay malalantad. Ang iyong kahalayan at ang iyong pagiging bayarang babae,[q]
30 ang nagdala nito sa iyo, sapagkat ikaw ay naging bayarang babae[r] sa mga bansa, at iyong dinumihan ang iyong sarili ng kanilang mga diyus-diyosan.
31 Ikaw ay lumakad sa landas ng iyong kapatid; kaya't ibibigay ko ang kanyang saro sa iyong kamay.
32 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Ikaw ay iinom sa kopa ng iyong kapatid,
na ito'y malalim at malaki;
ikaw ay pagtatawanan at kukutyain,
sapagkat marami itong laman.
33 Ikaw ay malalasing at mamamanglaw.
Isang kopa ng lagim at kapahamakan
ang kopa ng iyong kapatid na Samaria;
34 iyong iinumin at uubusin,
at iyong ngangatngatin ang mga piraso nito,
at lulurayin ang iyong dibdib;
sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos.
35 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ako'y iyong nilimot, at tinalikuran mo ako, kaya't pasanin mo ang mga bunga ng iyong kahalayan at pagiging bayarang babae.”[s]
Ang Parusa ng Panginoon sa Magkapatid
36 Bukod dito'y sinabi ng Panginoon sa akin: “Anak ng tao, hahatulan mo ba si Ohola at si Oholiba? Kung gayo'y ipahayag mo sa kanila ang kanilang mga kasuklamsuklam na gawain.
37 Sapagkat sila'y nagkasala ng pangangalunya, at ang dugo ay nasa kanilang mga kamay. Kasama ng kanilang mga diyus-diyosan ay nagkasala sila sa pagsamba sa mga iyon, at pinadaan sa apoy ang kanilang mga anak na kanilang ipinanganak sa akin bilang pagkain nila.
38 Bukod dito'y ginawa nila ito sa akin: kanilang nilapastangan ang aking santuwaryo nang araw ding iyon, at nilapastangan ang aking mga Sabbath.
39 Sapagkat nang kanilang patayin ang kanilang mga anak bilang handog sa kanilang mga diyus-diyosan, pumunta sila nang araw ding iyon sa aking santuwaryo upang lapastanganin ito. Ganito ang kanilang ginawa sa aking bahay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001