Bible in 90 Days
22 Huwag mong sabihin, “Ang masama'y aking gagantihan,”
maghintay ka sa Panginoon, at ikaw ay kanyang tutulungan.
23 Ang paiba-ibang panimbang, sa Panginoon ay karumaldumal,
at hindi mabuti ang madadayang timbangan.
24 Ang mga lakad ng tao ay sa Panginoon;
paano ngang mauunawaan ng tao ang kanyang lakad?
25 Isang bitag sa tao ang padalus-dalos na magsabi, “Ito ay banal,”
at pagkatapos gumawa ng mga panata, saka pa magbubulay-bulay.
26 Ibinubukod ng matalinong hari ang masama,
at sa gulong sila'y ipinasasagasa.
27 Ilawan ng Panginoon ang espiritu ng tao,
na sumisiyasat ng kaloob-looban nito.
28 Ang nagpapanatili sa hari ay katapatan at katotohanan,
at ang kanyang trono ay inaalalayan ng katuwiran.
29 Ang kaluwalhatian ng mga kabataan ay ang kanilang kalakasan,
at ang kagandahan ng matatanda ay ang ulo nilang may uban.
30 Ang mga latay na sumusugat ay lumilinis ng kasamaan;
at ang mga hampas ay nagpapadalisay sa kaloob-looban.
21 Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang batis ng tubig;
ibinabaling niya ito saanman niya ibig.
2 Matuwid sa kanyang sariling mga mata ang bawat lakad ng tao,
ngunit tinitimbang ng Panginoon ang mga puso.
3 Ang paggawa ng katuwiran at katarungan,
ay higit na kalugud-lugod sa Panginoon kaysa pag-aalay.
4 Ang mapagmataas na tingin, at ang pusong palalo,
siyang ilaw ng masama, ang mga ito'y kasalanan.
5 Ang mga plano ng masipag ay patungo sa kasaganaan,
ngunit ang bawat nagmamadali ay humahantong lamang sa kasalatan.
6 Ang pagkakaroon ng kayamanan sa pamamagitan ng dilang bulaan,
ay singaw na tinatangay at bitag ng kamatayan.
7 Ang karahasan ng masama ang sa kanila'y tatangay,
sapagkat ayaw nilang gawin ang makatarungan.
8 Liko ang lakad ng may kasalanan,
ngunit matuwid ang asal ng dalisay.
9 Mas mabuting tumira sa isang sulok ng bubungan,
kaysa sa isang bahay na kasama ang isang babaing palaaway.
10 Ang kaluluwa ng masama ay kasamaan ang ninanasa,
ang kanyang kapwa ay hindi nakakasumpong ng awa sa kanyang mga mata.
11 Kapag ang manlilibak ay pinarurusahan, tumatalino ang walang muwang,
kapag ang matalino ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman.
12 Pinagmamasdan ng matuwid ang bahay ng masama,
ibinubulid ang masama sa pagkasira.
13 Ang nagtatakip ng kanyang mga pandinig sa daing ng dukha,
siya man ay dadaing, ngunit hindi diringgin.
14 Ang lihim na regalo ay nagpapatahimik ng galit,
ngunit ang suhol sa dibdib ay malaking poot.
15 Kagalakan sa matuwid kapag nagawa ang katarungan,
ngunit kabalisahan sa gumagawa ng kasamaan.
16 Ang taong lumilihis sa landas ng kaunawaan,
ay magpapahinga sa kapisanan ng mga patay.
17 Ang umiibig sa kalayawan ay magiging dukha,
ang umiibig sa alak at langis ay hindi sasagana.
18 Ang masama ay pantubos para sa matuwid,
at ang taksil, sa matuwid ay kapalit.
19 Mas mabuti pang tumira sa ilang na lupain,
kaysa makasama ang babaing palaaway at bugnutin.
20 Nananatili sa tahanan ng pantas ang mahalagang kayamanan,
ngunit ito'y nilalamon ng isang hangal.
21 Ang sumusunod sa katuwiran at kabaitan,
ay makakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan.
22 Sinusukat ng taong pantas ang lunsod ng makapangyarihan,
at ibinabagsak ang muog na kanilang pinagtitiwalaan.
23 Ang nag-iingat ng kanyang dila at bibig,
ay nag-iingat ng kanyang sarili mula sa ligalig.
24 Ang palalo at mapagmataas na tao, “manlilibak” ang kanyang pangalan,
siya'y gumagawa na may palalong kahambugan.
25 Ang pagnanasa ng tamad ang sa kanya'y pumapatay,
sapagkat ayaw magpagal ng kanyang mga kamay.
26 Sa buong maghapon ang masama'y nag-iimbot,
ngunit ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagdadamot.
27 Karumaldumal ang alay ng masama;
gaano pa kaya, kapag dinadala niya ito na may masamang panukala.
28 Mapapahamak ang sinungaling na saksi,
ngunit ang salita ng taong nakikinig ay mananatili.
29 Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kanyang mukha;
ngunit isinasaalang-alang ng taong matuwid ang mga lakad niya.
30 Walang karunungan, pang-unawa, o payo
ang mananaig laban sa Panginoon.
31 Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng paglalaban,
ngunit nauukol sa Panginoon ang pagtatagumpay.
22 Ang mabuting pangalan ay dapat piliin, kaysa malaking kayamanan,
at mabuti kaysa pilak at ginto ang magandang kalooban.
2 Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapwa;
ang Panginoon ang sa kanilang lahat ay gumawa.
3 Ang matalinong tao ay nakakakita ng panganib at nagkukubli siya,
ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
4 Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot sa Panginoon
ay kayamanan, karangalan, at buhay.
5 Nasa daan ng mandaraya ang mga tinik at silo,
ang nag-iingat ng kanyang sarili, sa mga iyon ay lalayo.
6 Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran,
at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran.
7 Ang namumuno sa dukha ay ang mayaman,
at ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram.
8 Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan;
at ang pamalo ng kanyang poot ay di magtatagumpay.
9 Ang may mga matang mapagbigay ay pinagpapala,
sapagkat nagbibigay siya ng kanyang tinapay sa mga dukha.
10 Itaboy mo ang manlilibak, at ang pagtatalo ay aalis;
ang pag-aaway at pang-aapi ay matitigil.
11 Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, at mabiyaya ang pananalita,
ang hari ay magiging kaibigan niya.
12 Ang mga mata ng Panginoon ay nagbabantay sa kaalaman,
ngunit ang mga salita ng taksil ay kanyang ibinubuwal.
13 Sinasabi ng tamad, “May leon sa labas!
Mapapatay ako sa mga lansangan!”
14 Ang bibig ng masamang babae ay isang malalim na hukay;
siyang kinapopootan ng Panginoon doon ay mabubuwal.
15 Nakabalot sa puso ng bata ang kahangalan,
ngunit inilalayo ito sa kanya ng pamalo ng pagsaway.
16 Ang umaapi sa dukha upang magpalago ng kanyang kayamanan,
at nagbibigay sa mayaman, ay hahantong lamang sa kasalatan.
17 Ito ang mga salita ng pantas:
Ikiling mo ang iyong pandinig, at dinggin mo ang aking mga salita,
at gamitin mo ang iyong isip sa aking kaalaman.
18 Sapagkat magiging kaaya-aya kung ito'y iyong iingatan sa loob mo,
kung mahahandang magkakasama sa mga labi mo.
19 Upang malagak sa Panginoon ang tiwala mo,
aking ipinakilala sa iyo sa araw na ito, oo, sa iyo.
20 Hindi ba ako sumulat sa iyo ng tatlumpung kasabihan,
ng mga pangaral at kaalaman;
21 upang ipakita sa iyo ang matuwid at totoo,
upang maibigay mo ang totoong sagot sa mga nagsugo sa iyo?
22 Huwag mong nakawan ang dukha, sapagkat siya'y dukha,
ni gipitin man ang nagdadalamhati sa pintuang-bayan;
23 sapagkat ipinaglalaban ng Panginoon ang panig nila,
at sinasamsaman ng buhay ang sumasamsam sa kanila.
24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin,
at huwag kang sasama sa taong bugnutin;
25 baka matutunan mo ang kanyang mga lakad,
at ang kaluluwa mo ay mahulog sa bitag.
26 Huwag kang maging isa sa kanila na nagbibigay-sangla,
o sa kanila na nananagot sa mga utang.
27 Kung wala kang maibibigay na kabayaran,
bakit kailangang kunin sa ilalim mo ang iyong higaan?
28 Huwag mong alisin ang lumang batong hangganan,
na inilagay ng iyong mga magulang.
29 Nakikita mo ba ang taong mahusay[a] sa kanyang gawain?
Siya'y tatayo sa harap ng mga hari,
hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.
Iba't ibang Aral at Paalala
23 Kapag ikaw ay umupo upang kumain na kasalo ng isang pinuno,
pansinin mong mabuti kung ano ang nasa harap mo;
2 at ang lalamunan mo'y lagyan mo ng patalim,
kung ikaw ay isang taong magana sa pagkain.
3 Huwag mong nasain ang kanyang masasarap na pagkain,
sapagkat mapandaya ang mga pagkaing iyon.
4 Huwag magpakapagod sa pagpapayaman,
maging matalino ka na ang sarili'y mapigilan.
5 Kapag mapadako doon ang iyong paningin, iyon ay napaparam;
sapagkat biglang nagkakapakpak ang kayamanan,
lumilipad na gaya ng agila patungong kalangitan.
6 Tinapay ng kuripot ay huwag mong kainin,
ni nasain mo man ang kanyang masarap na pagkain.
7 Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya:
“Kumain at uminom ka!” sabi niya sa iyo;
ngunit ang puso niya ay hindi sumasaiyo.
8 Ang subo na iyong kinain ay iyong iluluwa,
at iyong sasayangin ang matatamis mong salita.
9 Huwag kang magsalita sa pandinig ng hangal,
sapagkat ang karunungan ng mga salita mo ay hahamakin niya lamang.
10 Huwag mong alisin ang lumang batong pananda,
at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila,
11 sapagkat ang kanilang Manunubos ay makapangyarihan;
ang kanilang panig laban sa iyo'y kanyang ipagsasanggalang.
12 Ihilig mo ang iyong puso sa pangaral,
at ang iyong mga tainga sa mga salita ng kaalaman.
13 Huwag mong ipagkait sa bata ang saway,
kung hampasin mo siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay.
14 Kung siya'y hahampasin mo ng pamalo,
mula sa Sheol ang kanyang kaluluwa'y ililigtas mo.
15 Kung ang iyong puso ay marunong, aking anak,
ang puso ko rin naman ay magagalak.
16 Ang kaluluwa ko'y matutuwa,
kapag ang iyong mga labi'y nagsasalita ng tama.
17 Huwag mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan,
kundi magpatuloy ka sa takot sa Panginoon sa buong araw.
18 Sapagkat tunay na may kinabukasan,
at ang iyong pag-asa ay hindi mapaparam.
19 Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakatalino,
at iyong patnubayan sa daan ang puso mo.
20 Huwag kang makisama sa mga maglalasing,
at silang sa karne ay matatakaw kumain.
21 Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa kahirapan,
at ang pagkaantukin ay magbibihis sa tao ng basahan.
22 Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka,
at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y matanda na.
23 Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili naman,
bumili ka ng karunungan, ng pangaral at kaunawaan.
24 Ang ama ng matuwid ay lubos na sasaya,
at ang nagkaroon ng matalinong anak ay magagalak sa kanya.
25 Hayaang ang iyong ama at ina ay sumaya,
at siyang nagsilang sa iyo ay lumigaya.
26 Anak ko, ang puso mo sa akin ay ibigay,
at magmasid[b] ang iyong mga mata sa aking mga daan.
27 Sapagkat ang masamang babae ay isang malalim na hukay,
at ang babaing di kilala ay isang makipot na balon.
28 Oo, siya'y nag-aabang na parang tulisan,
at nagpaparami ng mga taksil sa mga kalalakihan.
29 Sinong may pagkaaba? Sinong may kalungkutan?
Sinong may gulo? Sinong may karaingan?
Sino ang may sugat na walang kadahilanan?
Sino ang may matang may kapulahan?
30 Silang naghihintay sa alak;
silang sumusubok ng pinaghalong alak.
31 Huwag kang tumingin sa alak kapag ito'y mapula,
kapag nagbibigay ng kanyang kulay sa kopa,
at maayos na bumababa.
32 Sa huli ay parang ahas itong kumakagat,
at ulupong na tumutuklaw ang katulad.
33 Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga kakatuwang bagay,
at ang iyong puso ay magsasabi ng mga mandarayang bagay.
34 Ikaw ay magiging parang taong nahihiga sa gitna ng karagatan,
o parang nahihiga sa dulo ng isang tagdan ng sasakyan.
35 “Kanilang pinalo ako, ngunit hindi ako nasaktan;
hinampas nila ako, ngunit hindi ko naramdaman.
Kailan ako gigising?
Hahanap ako ng isa pang tagay.”
24 Huwag kang maiinggit sa taong masasama,
ni maghangad man na sila'y makasama.
2 Sapagkat ang kanilang puso ay nagbabalak ng karahasan,
at ang kanilang mga labi ay nagsasalita ng kalikuan.
3 Sa pamamagitan ng karunungan ay naitatayo ang bahay;
at naitatatag sa pamamagitan ng kaunawaan.
4 Napupuno ang mga silid sa pamamagitan ng kaalaman,
ng lahat ng mahahalaga at kaaya-ayang kayamanan.
5 Ang taong pantas ay mas makapangyarihan kaysa sa malakas,
at ang taong may kaalaman kaysa sa may kalakasan.
6 Sapagkat maaari kang makidigma kapag may matalinong pamamatnubay,
at sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong tagumpay.
7 Ang karunungan ay napakataas para sa isang hangal;
hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig sa may pintuang-bayan.
8 Siyang nagbabalak ng paggawa ng kasamaan,
ay tatawaging manggagawa ng kalokohan.
9 Ang pagbabalak ng kahangalan ay kasalanan,
at ang manlilibak, sa mga tao ay karumaldumal.
10 Kung manlupaypay ka sa araw ng kahirapan,
maliit ang iyong kalakasan.
11 Iligtas mo silang dinadala sa kamatayan,
pigilan mo silang natitisod patungo sa katayan.
12 Kung iyong sinasabi, “Narito, hindi namin ito nalalaman.”
Hindi ba niya alam ang sa mga puso'y tumitimbang?
At siyang nagbabantay sa iyong kaluluwa, hindi ba niya nalalaman?
At ang bawat tao ayon sa gawa niya ay di ba niya gagantihan?
13 Anak ko, kumain ka ng pulot, sapagkat ito'y mainam,
at matamis sa iyong panlasa ang tulo ng pulot-pukyutan.
14 Alamin mo na gayon sa iyo ang karunungan;
kung ito'y iyong matagpuan, mayroong kinabukasan,
at ang iyong pag-asa ay hindi mahihiwalay.
15 Tulad ng masamang tao, ang tahanan ng matuwid ay huwag mong tambangan,
huwag mong gawan ng dahas ang kanyang tahanan.
16 Sapagkat ang matuwid ay makapitong nabubuwal at bumabangon na naman,
ngunit ang masama ay nabubuwal sa pamamagitan ng kasakunaan.
17 Kapag nabubuwal ang iyong kaaway ay huwag kang magalak,
at huwag matuwa ang iyong puso kapag siya'y bumabagsak;
18 baka ito'y makita ng Panginoon, at ikagalit niya,
at kanyang alisin ang poot niya sa kanya.
19 Huwag kang mayamot dahil sa mga gumagawa ng kasamaan,
at ang masamang tao ay huwag mong kainggitan.
20 Sapagkat ang masamang tao'y walang bukas na haharapin,
at ang ilawan ng masama ay papatayin.
21 Anak ko, sa Panginoon at sa hari ay matakot ka,
sa mga pabagu-bago ay huwag kang makisama.
22 Sapagkat biglang dumarating mula sa kanila ang kapahamakan,
at ang pagkawasak na nagmumula sa kanila, ay sinong nakakaalam?
Mga Karagdagang Kawikaan
23 Ang mga ito ay mga kasabihan din ng pantas:
Ang pagtatangi sa paghatol ay hindi mabuti.
24 Siyang nagsasabi sa masama, “Matuwid ka,”
ay susumpain ng mga bayan, kapopootan ng mga bansa;
25 ngunit silang sumasaway sa masama ay magkakaroon ng tuwa,
at sa kanila'y darating ang mabuting pagpapala.
26 Ang nagbibigay ng tamang sagot
ay humahalik sa mga labi.
27 Ihanda mo sa labas ang iyong gawa,
at ihanda mo para sa sarili mo sa parang;
at pagkatapos ay gawin mo ang iyong bahay.
28 Huwag kang sumaksi laban sa iyong kapwa nang walang kadahilanan;
at sa pamamagitan ng iyong mga labi ay huwag kang manlinlang.
29 Huwag mong sabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin;
kung anong ginawa niya, iyon ang igaganti ko sa kanya.”
30 Sa bukid ng tamad ako'y napadaan,
at sa ubasan ng taong salat sa katinuan;
31 at, narito, tinubuang lahat ng mga tinik,
ang ibabaw niyon ay natatakpan ng mga dawag,
at ang batong bakod nito ay bumagsak.
32 Pagkatapos ay nakita ko at aking pinag-isipan,
ako'y tumingin at tumanggap ng pangaral.
33 Kaunting(A) tulog, kaunti pang pag-idlip,
kaunting paghahalukipkip ng mga kamay upang magpahinga,
34 at darating ang iyong karalitaan na parang magnanakaw;
at ang kahirapan na parang taong may sandata.
Mga Paghahambing at Aral sa Buhay
25 Ang mga ito ay mga kawikaan din ni Solomon, na sinipi ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.
2 Kaluwalhatian ng Diyos na ang mga bagay ay ilihim,
ngunit kaluwalhatian ng mga hari na ang mga bagay ay saliksikin.
3 Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman,
gayon ang isipan ng mga hari ay di masiyasat.
4 Ang dumi sa pilak ay iyong alisin,
at ang panday para sa isang kasangkapan ay may gagamitin;
5 alisin ang taong masama sa harapan ng hari,
at ang kanyang luklukan ay matatatag sa katuwiran.
6 Sa(B) harapan ng hari ay huwag kang mangunguna,
at huwag kang tatayo sa lugar ng mga taong dakila,
7 sapagkat mas mabuting sabihan ka, “Umakyat ka rito,”
kaysa ibaba ka sa harapan ng pangulo.
Ang nakita ng iyong mga mata,
8 huwag mo kaagad dalhin sa hukuman;
sapagkat anong gagawin mo sa wakas niyon,
kapag ikaw ay hiniya ng iyong kapwa?
9 Ipaglaban mo ang iyong usapin sa harap ng iyong kapwa,
at huwag mong ihayag ang lihim ng iba;
10 baka ang nakakarinig sa iyo ay dalhan ka ng kahihiyan,
at hindi magwakas ang iyong kasiraan.
11 Ang naaangkop na salitang binitawan,
ay gaya ng mga mansanas na ginto sa pilak na lalagyan.
12 Tulad ng singsing na ginto, at palamuting gintong dalisay,
sa nakikinig na tainga ang pantas na tagasaway.
13 Tulad ng lamig ng niyebe sa panahon ng anihan,
ang tapat na sugo sa kanila na nagsugo sa kanya,
sapagkat kanyang pinagiginhawa ang espiritu ng mga panginoon niya.
14 Tulad ng mga ulap at hangin na walang ulan,
ang taong naghahambog ng kanyang kaloob na hindi niya ibinibigay.
15 Sa pamamagitan ng pagtitiyaga maaaring mahikayat ang pinuno,
at ang malumanay na dila ay bumabali ng buto.
16 Kung nakasumpong ka ng pulot, kumain ka ng sapat sa iyo,
baka ikaw ay masuya, at ito'y isuka mo.
17 Dapat paminsan-minsan lamang ang paa mo sa bahay ng iyong kapwa,
baka siya'y magsawa sa iyo, at kamuhian ka.
18 Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa-tao
ay tulad ng batuta, o isang tabak, o ng isang matulis na palaso.
19 Ang pagtitiwala sa taong di-tapat sa panahon ng kagipitan,
ay gaya ng sirang ngipin, at ng paang nabalian.
20 Ang umaawit ng mga awit sa pusong mabigat,
ay tulad ng nag-aalis ng damit sa panahon ng tagginaw, at tulad ng suka sa sugat.
21 Kung(C) ang iyong kaaway ay gutom, bigyan mo siya ng makakain;
at kung siya'y uhaw, bigyan mo siya ng tubig na iinumin;
22 sapagkat magbubunton ka sa ulo niya ng mga baga ng apoy,
at gagantimpalaan ka ng Panginoon.
23 Ang hanging amihan ay ulan ang hatid;
at ang mapanirang-dila, mga tingin na may galit.
24 Mas mabuti ang tumira sa isang sulok ng bubungan,
kaysa sa isang bahay na kasama ng isang babaing palaaway.
25 Tulad ng malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa,
gayon ang mabuting balita na sa malayong lupain nagmula.
26 Tulad ng malabong balon at maruming bukal,
ang taong matuwid na sa masama'y nagbibigay-daan.
27 Ang kumain ng napakaraming pulot ay hindi mabuti,
at hindi kapuri-puri na hanapin ang papuri sa sarili.
28 Siyang hindi nagpipigil ng kanyang sarili,
ay parang lunsod na winasak at walang pader na nalabi.
26 Tulad ng yelo sa tag-init, o ng ulan sa anihan,
ang karangalan ay hindi nababagay sa hangal.
2 Tulad ng maya sa kanyang paggagala, tulad ng langay-langayan sa kanyang paglipad,
ang sumpa na walang kadahilanan ay hindi lumalapag.
3 Ang hagupit ay sa kabayo, ang bokado ay sa asno,
at sa likod ng mga hangal ay ang pamalo.
4 Huwag mong sagutin ang hangal ayon sa kahangalan niya,
baka ikaw sa kanya ay mapagaya.
5 Sagutin mo ang hangal ayon sa kahangalan niya,
baka siya'y maging pantas sa kanyang sariling mga mata.
6 Siyang nagpapadala ng mensahe sa kamay ng hangal,
ay pumuputol sa sarili niyang mga paa at umiinom ng karahasan.
7 Tulad ng mga binti ng pilay na nakabiting walang kabuluhan,
gayon ang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
8 Tulad ng isang nagbabalot ng bato sa tirador,
gayon ang nagbibigay ng karangalan sa isang hangal.
9 Tulad ng tinik na tumutusok sa kamay ng lasing,
gayon ang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
10 Tulad ng mamamanang sumusugat sa lahat,
gayon ang umuupa sa nagdaraang hangal o lasing.
11 Tulad(D) ng aso na sa kanyang suka ay bumabalik,
gayon ang hangal na sa kanyang kahangalan ay umuulit.
12 Nakikita mo ba ang taong marunong sa ganang sarili niya?
May higit na pag-asa pa ang hangal kaysa kanya.
13 Sinasabi ng tamad, “May leon sa daan;
may leon sa mga lansangan!”
14 Kung paano ang pintuan ay pumipihit sa kanyang bisagra,
gayon ang tamad sa higaan niya.
15 Ibinabaon ng tamad ang kamay niya sa pinggan;
ang dalhin uli iyon sa kanyang bibig ay kanyang kinapapaguran.
16 Ang tamad ay mas marunong sa kanyang sariling pananaw,
kaysa pitong tao na makakasagot na may katuwiran.
17 Ang nakikialam sa hindi naman niya away,
ay gaya ng humahawak sa tainga ng asong nagdaraan.
18 Tulad ng taong ulol na naghahagis ng mga nakakasakit na sandata, mga pana, at kamatayan;
19 gayon ang taong nandaraya sa kanyang kapwa,
at nagsasabi, “Ako'y nagbibiro lamang!”
20 Sapagkat sa kakulangan ng gatong ang apoy ay namamatay,
at kung saan walang salita ng sitsit ay tumitigil ang alitan.
21 Kung paano ang mga uling sa maiinit na baga, at ang kahoy sa apoy;
gayon ang taong palaaway na nagpapaningas ng sigalot.
22 Ang mga salita ng sitsit ay parang mga subong malinamnam,
nagsisibaba ang mga ito sa kaloob-looban ng katawan.
23 Ang mapupusok na labi at masamang puso
ay parang sisidlang-lupa na nababalot ng dumi ng pilak.
24 Ang namumuhi ay nagkukunwari sa pamamagitan ng mga labi niya,
at siya'y naglalagay sa puso niya ng daya.
25 Kapag magiliw siyang magsalita, huwag mo siyang paniwalaan;
sapagkat sa kanyang puso ay may pitong karumaldumal.
26 Bagaman ang kanyang pagkamuhi ay matakpan ng kadayaan,
ang kanyang kasamaan ay malalantad sa harap ng kapulungan.
27 Ang humuhukay ng balon ay mahuhulog doon,
at ang nagpapagulong ng bato ay babalikan niyon.
28 Ang sinungaling na dila ay namumuhi sa kanyang mga sinaktan,
at ang bibig ng di-tapat magpuri ay gumagawa ng kasiraan.
Ang Matuwid at ang Masama
27 Huwag(E) mong ipagyabang ang kinabukasan;
sapagkat hindi mo alam kung ano ang dadalhin ng isang araw.
2 Purihin ka ng ibang tao at huwag ng iyong sariling bibig;
ng dayuhan, at huwag ng iyong sariling mga labi.
3 Ang bato ay mabigat, at ang buhangin ay matimbang;
ngunit mas mabigat sa mga ito ang galit ng hangal.
4 Ang poot ay malupit, at ang galit ay nakakapunô,
ngunit sinong makakatayo sa harap ng paninibugho?
5 Mas mabuti ang hayag na pagsaway,
kaysa nakatagong pagmamahal.
6 Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan,
labis-labis ang mga halik ng kaaway.
7 Ang taong busog ay nasusuya sa pulot-pukyutan;
ngunit sa taong gutom ang bawat mapait ay katamisan.
8 Tulad ng ibong naliligaw mula sa kanyang pugad,
gayon ang taong naliligaw mula sa kanyang bahay.
9 Ang langis at pabango sa puso'y nagpapasaya,
gayon katamis ang payo ng isang tao sa kaibigan niya.
10 Ang iyong kaibigan at ang kaibigan ng iyong ama, ay huwag mong pabayaan;
at huwag kang pumaroon sa bahay ng iyong kapatid sa araw ng iyong kasawian.
Mas mabuti pa ang malapit na kapitbahay,
kaysa isang kapatid na malayo naman.
11 Anak ko, ikaw ay magpakadunong, at puso ko'y iyong pasayahin,
upang aking masagot ang tumutuya sa akin.
12 Ang taong matalino ay nakakakita ng panganib, at nagkukubli siya,
ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
13 Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di-kilala;
at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa babaing banyaga.
14 Sinumang maagang bumangon,
upang pagpalain ang kanyang kapwa sa malakas na tinig
ay ituturing na nanunumpa.
15 Ang patuloy na pagtulo sa araw na maulan
at ang babaing palaaway ay magkahalintulad;
16 ang pagpigil sa babaing iyon[c] ay pagpigil sa hangin,
o paghawak ng langis sa kanyang kanang kamay.
17 Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal;
at ang tao ang nagpapatalas sa isa pang tao.
18 Ang nag-aalaga ng puno ng igos ay kakain ng bunga niyon;
at pararangalan ang nagbabantay sa kanyang panginoon.
19 Kung paanong sa tubig ang mukha ay naaaninaw,
gayon naaaninaw ang tao sa kanyang isipan.
20 Ang Sheol at ang Abadon ay hindi nasisiyahan kailanman;
at ang mga mata ng tao kailanma'y hindi nasisiyahan.
21 Ang lutuan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto,
at ang tao ay hinahatulan sa pagpupuri nito.
22 Durugin mo man ang hangal kasama ng binayong trigo sa isang bayuhan,
gayunma'y hindi hihiwalay sa kanya ang kanyang kahangalan.
23 Alamin mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan,
at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan;
24 sapagkat ang mga yaman ay hindi nagtatagal magpakailanman;
at ang korona ba'y nananatili sa lahat ng salinlahi?
25 Kapag ang damo ay nawala na, at ang sariwang damo ay lumitaw,
at ang mga halaman sa mga bundok ay pinipisan,
26 ang mga kordero ang magbibigay ng iyong damit,
at ang mga kambing ay siyang halaga ng bukid;
27 magkakaroon ng sapat na gatas ng kambing bilang iyong pagkain,
sa pagkain ng iyong sambahayan,
at pagkain sa iyong mga alilang kababaihan.
28 Ang masama ay tumatakas gayong wala namang humahabol;
ngunit ang mga matuwid ay matatapang na parang leon.
2 Kapag ang lupain ay naghihimagsik,
marami ang kanyang mga pinuno;
ngunit kapag ang pinuno ay may unawa at kaalaman,
magpapatuloy ang katatagan nito.
3 Ang dukha na umaapi sa dukha,
ay bugso ng ulan na walang pagkaing iniiwan.
4 Silang nagpapabaya sa kautusan ay nagpupuri sa masama;
ngunit ang nag-iingat ng kautusan ay nakipaglaban sa kanila.
5 Ang masasamang tao ay hindi nakakaunawa ng katarungan,
ngunit silang nagsisihanap sa Panginoon ay nakakaunawa nito nang lubusan.
6 Mas mabuti ang dukha na lumalakad sa kanyang katapatan,
kaysa taong mayaman na liko sa kanyang mga daan.
7 Matalinong anak ang tumutupad sa kautusan,
ngunit ang kasama ng matatakaw, sa kanyang ama ay kahihiyan.
8 Ang nagpapalago ng kanyang yaman sa pamamagitan ng labis na patubo,
ay nagtitipon para sa iba na mabait sa dukha.
9 Ang naglalayo ng kanyang pandinig sa pakikinig ng kautusan,
maging ang kanyang panalangin ay karumaldumal.
10 Sinumang nagliligaw sa matuwid tungo sa masamang daan,
ay siya ring mahuhulog sa kanyang sariling hukay;
ngunit ang sakdal ay magmamana ng kabutihan.
11 Ang mayamang tao ay marunong sa ganang kanyang sarili,
ngunit ang dukha na may unawa ay nagsusuri.
12 Kapag ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian;
ngunit kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukublihan.
13 Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana,
ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa.
14 Mapalad ang tao na sa Panginoon ay natatakot tuwina,
ngunit siyang nagmamatigas ng kanyang puso ay mahuhulog sa sakuna.
15 Tulad ng umuungal na leon at ng osong sumasalakay,
gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan.
16 Ang pinunong kulang sa pang-unawa ay isang malupit na manlulupig,
ngunit siyang namumuhi sa kasakiman, kanyang mga araw ay lalawig.
17 Kung ang isang tao'y nagpapasan ng dugo ng sinuman,
hayaan siyang maging takas hanggang kamatayan;
huwag siyang tulungan ng sinuman.
18 Maliligtas ang lumalakad sa katapatan,
ngunit ang baluktot sa kanyang mga lakad ay mahuhulog sa hukay.
19 Siyang nagbubungkal ng kanyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay;
ngunit siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang gawa ay maghihirap nang lubusan.
20 Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala;
ngunit siyang nagmamadali sa pagyaman ay tiyak na parurusahan.
21 Hindi mabuti ang may kinikilingan;
ngunit gagawa ng masama ang isang tao dahil sa isang pirasong tinapay.
22 Ang kuripot ay nagmamadali sa pagyaman,
at hindi nalalaman na darating sa kanya ang kasalatan.
23 Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na pagpapala,
kaysa sa taong kunwari'y pumupuri sa pamamagitan ng dila.
24 Ang nagnanakaw sa kanyang ama o sa kanyang ina,
at nagsasabi, “Hindi ito masama,”
ay kasamahan ng maninira.
25 Nag-uudyok ng away ang taong sakim,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay payayamanin.
26 Siyang nagtitiwala sa kanyang sariling puso ay hangal;
ngunit maliligtas ang lumalakad na may katalinuhan.
27 Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi kakapusin,
ngunit siyang nagkukubli ng kanyang mga mata, sa sumpa'y pararamihin.
28 Kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukubli,
ngunit kapag sila'y namatay, ang matuwid ay dumarami.
29 Ang madalas na sawayin ngunit ang ulo ay matigas,
ay biglang mababali, at wala nang lunas.
2 Kapag ang matutuwid ay namamahala, ang bayan ay nagsasaya,
ngunit kapag ang masama ay namumuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.
3 Ang umiibig sa karunungan ay nagpapasaya sa kanyang ama;
ngunit ang nakikisama sa upahang babae[d] ay sumisira ng kayamanan niya.
4 Pinatatatag ng hari ang lupain sa pamamagitan ng katarungan;
ngunit ginigiba ito ng humihingi ng suhol na sapilitan.
5 Ang taong kunwari'y pumupuri sa kanyang kapwa,
ay naglalatag ng lambat sa kanyang mga paa.
6 Ang masamang tao'y nasisilo sa kanyang pagsalangsang,
ngunit ang taong matuwid ay umaawit at nagdiriwang.
7 Alam ng matuwid ang karapatan ng dukha;
ngunit ang gayong kaalaman ay di nauunawaan ng masama.
8 Ang mga manlilibak ang sa isang lunsod ay tumutupok,
ngunit ang matatalinong tao ay nag-aalis ng poot.
9 Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang hangal,
magagalit lamang o tatawa ang hangal, at hindi magkakaroon ng katahimikan.
10 Ang mga taong uhaw sa dugo ay namumuhi sa walang sala,
at ang buhay ng matuwid ay hinahabol nila.
11 Inihihinga ng hangal ang kanyang buong galit,
ngunit ang matalino ay nagpipigil nang tahimik.
12 Kung ang pinuno ay nakikinig sa kasinungalingan,
magiging masasama ang lahat niyang tauhan.
13 Ang dukha at ang nang-aapi ay nagkakasalubong,
ang mga mata nilang pareho ay pinagliliwanag ng Panginoon.
14 Kung ang hari ay humahatol sa dukha nang may katarungan,
ang kanyang trono ay matatatag magpakailanman.
15 Ang pamalo at saway ay nagbibigay ng karunungan,
ngunit ang batang pinababayaan, sa kanyang ina ay nagbibigay-kahihiyan.
16 Kapag ang masama ay nanunungkulan, dumarami ang pagsalangsang,
ngunit pagmamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.
17 Supilin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan;
ang iyong puso ay bibigyan niya ng kasiyahan.
18 Kung saan walang pangitain, nagpapabaya ang taong-bayan,
ngunit mapalad ang sumusunod sa kautusan.
19 Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita lamang,
sapagkat kahit nauunawaan niya ay hindi niya papakinggan.
20 Nakikita mo ba ang tao na padalus-dalos sa kanyang mga salita?
May pag-asa pa ang hangal kaysa kanya.
21 Siyang nag-aaruga sa kanyang lingkod mula sa pagkabata,
sa bandang huli ay magiging kanyang tagapagmana.
22 Ang taong magagalitin ay lumilikha ng away,
at ang mainitin ang ulo ay sanhi ng maraming pagsuway.
23 Ang kapalaluan ng tao ang sa kanya'y magpapababa,
ngunit magtatamo ng karangalan ang may mapagpakumbabang diwa.
24 Ang kasamahan ng magnanakaw ay namumuhi sa kanyang buhay;
naririnig niya ang sumpa, ngunit walang ipinaaalam.
25 Ang takot sa tao ay naglalatag ng bitag,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay maliligtas.
26 Marami ang humahanap ng lingap ng isang tagapamahala,
ngunit ang katarungan ay sa Panginoon makukuha.
27 Ang masamang tao ay karumaldumal sa matuwid;
at ang matuwid sa kanyang lakad ay karumaldumal sa masama.
Ang mga Salita ni Agur
30 Ang mga salita ni Agur na anak ni Jakeh; ng Massa.
Sinabi ng lalaki kay Ithiel, kay Ithiel at kay Ucal:
2 Tunay na ako'y hangal kaysa kaninuman,
pag-unawa ng isang tao ay hindi ko taglay.
3 Hindi ako natuto ng karunungan,
ni nagkaroon man ako ng kaalaman ng Banal.
4 Sino ang umakyat sa langit at bumaba?
Sino ang nagtipon ng hangin sa kanyang mga kamao?
Sinong nagbalot ng tubig sa kanyang damit?
Sinong nagtatag ng lahat ng mga dulo ng daigdig?
Ano ang kanyang pangalan?
At ano ang pangalan ng kanyang anak?
Tiyak na iyong nalalaman!
5 Bawat salita ng Diyos ay subok na totoo,
siya'y kalasag sa kanila na kumakanlong sa kanya.
6 Huwag kang magdagdag sa kanyang mga salita,
baka sawayin ka niya at masumpungang sinungaling ka.
Karagdagang Kawikaan
7 Dalawang bagay ang sa iyo'y aking hinihiling;
bago ako mamatay ay huwag mong ipagkait sa akin.
8 Ilayo mo sa akin ang daya at ang kasinungalingan;
huwag mo akong bigyan ng kasalatan o kayamanan man;
pakainin mo ako ng pagkain na aking kinakailangan,
9 baka ako'y mabusog, at itakuwil kita
at sabihin ko, “Sino ang Panginoon?”
O baka ako'y maging dukha, at ako'y magnakaw,
at ang pangalan ng aking Diyos ay malapastangan.
10 Huwag mong siraan ang alipin sa panginoon niya,
baka ka sumpain niya, at mapatunayan kang may sala.
11 May mga nagmumura sa kanilang ama,
at hindi pinagpapala ang kanilang ina.
12 May mga malinis sa kanilang sariling mga mata,
gayunman ay hindi malinis sa karumihan nila.
13 May lahi, O mapagmataas ang kanilang mga mata,
at napakataas ang mga talukap-mata nila!
14 May mga tao na ang mga ngipin ay parang mga tabak,
at ang kanilang mga ngipin ay parang mga kutsilyo,
upang lamunin ang dukha mula sa lupa,
at ang nangangailangan sa gitna ng mga tao.
15 Ang linta ay may dalawang anak,
na sumisigaw, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako.”
May tatlong bagay na kailanman ay hindi nasisiyahan,
oo, apat na hindi nagsasabing, “Tama na”:
16 Ang Sheol, at ang baog na bahay-bata;
ang lupa na laging uhaw sa tubig;
at ang apoy na hindi nagsasabing, “Sapat na.”
17 Ang mata na tumutuya sa kanyang ama,
at humahamak ng pagsunod sa kanyang ina,
ay tutukain ng mga uwak sa libis,
at kakainin ng mga buwitre.
18 May tatlong bagay na totoong kagila-gilalas sa akin;
oo, apat na hindi ko nauunawaan:
19 ang daan ng agila sa himpapawid,
ang daan ng ahas sa ibabaw ng mga bato,
ang daan ng sasakyan sa gitna ng dagat,
at ang daan ng lalaki na kasama ng isang dalaga.
20 Ganito ang lakad ng babaing mapangalunya:
Siya'y kumakain, at bibig niya'y pinupunasan,
at nagsasabi, “Wala akong nagawang kasamaan.”
21 Nanginginig ang lupa sa ilalim ng tatlong bagay;
mayroong apat na hindi niya mapasan:
22 kapag naging hari ang isang alipin,
at ang isang hangal, kapag nabubusog ng pagkain;
23 ang isang babaing di-kanaisnais kapag nakapag-asawa;
at ang isang aliping babae, kapag ang kanyang panginoong babae ay hinalinhan niya.
24 May apat na bagay na maliliit sa lupa,
ngunit sila'y matatalinong lubha:
25 Ang mga langgam ay hindi malakas na sambayanan,
gayunma'y nag-iimbak ng kanilang pagkain sa tag-araw;
26 hindi makapangyarihang bayan ang mga kuneho,
gayunma'y gumagawa sila ng bahay sa malalaking bato;
27 walang hari ang mga balang,
gayunma'y lumalabas silang lahat na nakahanay;
28 mahahawakan ng iyong mga kamay ang butiki,
gayunman ito'y nasa mga palasyo ng mga hari.
29 May tatlong bagay na sa kanilang lakad ay marangal;
may apat na marangal sa kanilang paghakbang:
30 ang leon na pinakamalakas sa mga hayop,
at sa kanino man ay hindi tumatalikod;
31 ang tandang na magilas; ang kambing na lalaki,
at ang haring palakad-lakad sa harap ng kanyang bayan.
32 Kung ikaw ay naging hangal, na ang sarili'y itinaas,
o kung ikaw ay nagbabalak ng kasamaan,
ilagay sa iyong bibig ang iyong kamay.
33 Sapagkat sa pagpisil sa gatas, mantekilya'y lumalabas;
at sa pagpisil sa ilong, dugo'y dumadaloy,
gayon ang pagpisil sa poot, lumilikha ng sigalot.
Payo sa Hari
31 Ang mga salita ni Haring Lemuel; na itinuro sa kanya ng kanyang ina:
2 Ano, anak ko? Ano, O anak ng aking bahay-bata?
Ano, O anak ng aking mga panata?
3 Huwag mong ibigay ang iyong lakas sa mga babae,
o ang iyong mga lakad sa mga lumilipol ng mga hari.
4 Hindi para sa mga hari, O Lemuel,
hindi para sa mga hari ang uminom ng alak,
ni para sa mga pinuno ang magnais ng matapang na alak;
5 baka sila'y uminom, at makalimutan ang itinakdang kautusan,
at baluktutin ang karapatan ng lahat ng nahihirapan.
6 Bigyan mo ng matapang na inumin ang malapit nang mamatay,
at ng alak ang nasa mapait na kaguluhan;
7 hayaan silang uminom at lumimot sa kanilang kahirapan,
at huwag nang alalahanin pa ang kanilang kasawian.
8 Buksan mo ang iyong bibig alang-alang sa pipi,
para sa karapatan ng lahat ng naiwang walang kandili.
9 Buksan mo ang iyong bibig, humatol ka nang may katuwiran,
at ipagtanggol mo ang karapatan ng dukha at nangangailangan.
Ang Huwarang Maybahay
10 Sinong makakatagpo ng isang butihing babae?
Sapagkat siya'y higit na mahalaga kaysa mga batong rubi.
11 Ang puso ng kanyang asawa, sa kanya'y nagtitiwala,
at siya'y[e] hindi kukulangin ng mapapala.
12 Gumagawa siya ng mabuti sa kanya[f] at hindi kasamaan
sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
13 Siya'y[g] humahanap ng balahibo ng tupa at lino,
at kusang-loob ang kanyang mga kamay ay nagtatrabaho.
14 Siya'y gaya ng mga sasakyang dagat ng mangangalakal,
nagdadala siya ng kanyang pagkain mula sa kalayuan.
15 Siya'y bumabangon samantalang gabi pa,
at naghahanda ng pagkain para sa kanyang pamilya,
at nagtatakda ng mga gawain sa mga babaing alila niya.
16 Tinitingnan niya ang isang bukid at ito'y binibili niya,
sa bunga ng kanyang mga kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.
17 Binibigkisan niya ng lakas ang kanyang mga balakang,
at pinalalakas ang kanyang mga bisig.
18 Kanyang nababatid na kikita ang kanyang kalakal,
ang kanyang ilaw sa gabi ay hindi namamatay.
19 Kanyang inilalagay ang kanyang mga kamay sa panulid,
at ang kanyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.
20 Binubuksan niya sa mga dukha ang kanyang kamay,
iniaabot niya ang kanyang mga kamay sa nangangailangan.
21 Hindi siya natatakot sa niyebe para sa sambahayan niya,
sapagkat ang buo niyang sambahayan ay nakadamit na pula.
22 Gumagawa siya ng mga saplot para sa sarili,
ang kanyang pananamit ay pinong lino at kulay-ube.
23 Kilala ang kanyang asawa sa mga pintuang-bayan,
kapag siya'y nauupong kasama ng matatanda sa lupain.
24 Gumagawa siya ng mga kasuotang lino at ito'y ipinagbibili,
at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga negosyante.
25 Kalakasan at dangal ang kanyang kasuotan,
at ang panahong darating ay kanyang tinatawanan.
26 Binubuka niya ang kanyang bibig na may karunungan;
at nasa kanyang dila ang aral ng kabaitan.
27 Kanyang tinitingnang mabuti ang mga lakad ng kanyang sambahayan,
at hindi siya kumakain ng tinapay ng katamaran.
28 Tumatayo ang kanyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad;
gayundin ang kanyang asawa, at kanyang pinupuri siya:
29 “Maraming anak na babae ang nakagawa ng kabutihan,
ngunit silang lahat ay iyong nahigitan.”
30 Ang alindog ay madaya, at ang ganda ay walang kabuluhan,
ngunit ang babaing natatakot sa Panginoon ay papupurihan.
31 Bigyan siya ng bunga ng kanyang mga kamay,
at purihin siya ng kanyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.
Walang Kabuluhan ang Lahat
1 Ang mga salita ng Mangangaral,[h] na anak ni David, hari sa Jerusalem.
2 Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral;
walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan! Lahat ay walang kabuluhan.
3 Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat ng kanyang pagpapagal,
na kanyang pinagpapaguran sa ilalim ng araw?
4 Isang salinlahi ay umaalis, at dumarating ang isang salinlahi naman,
ngunit ang daigdig ay nananatili magpakailanman.
5 Sumisikat ang araw, at lumulubog din ang araw,
at nagmamadali sa dakong kanyang sinisikatan.
6 Ang hangin ay humihihip sa timog,
at patungo sa hilaga na nagpapaikut-ikot;
at paikut-ikot na ang hangin ay humahayo,
at ang hangin ay bumabalik sa iniikutan nito.
7 Lahat ng mga ilog ay sa dagat nagtutungo,
ngunit ang dagat ay hindi napupuno;
sa dakong inaagusan ng mga ilog,
doon ay muli silang umaagos.
8 Lahat ng mga bagay ay nakakapagod,
higit sa masasabi ng tao;
ang mata sa pagtingin ay hindi nasisiyahan,
ni ang tainga sa pakikinig ay walang kabusugan.
9 Ang nangyari ay siyang mangyayari,
at ang nagawa na ay siyang gagawin,
at walang bagong bagay sa ilalim ng araw.
10 May bagay ba na masasabi tungkol dito,
“Tingnan mo, ito ay bago”?
Ganyan na iyan,
sa nauna pa sa ating mga kapanahunan.
11 Ang mga tao noong una ay hindi naaalala,
ni magkakaroon ng alaala pa man tungkol sa mga tao
ng mga taong susunod pagkatapos nila.
Ang Karanasan ng Mangangaral
12 Akong Mangangaral ay naging hari sa Israel sa Jerusalem.
13 Ginamit ko ang aking isipan upang hanapin at siyasatin sa pamamagitan ng karunungan ang lahat ng ginawa sa silong ng langit. Iyon ay isang malungkot na gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng mga tao upang pagkaabalahan.
14 Aking nakita ang lahat ng ginawa sa ilalim ng araw; at tingnan mo, lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
15 Ang baluktot ay hindi matutuwid;
at ang wala ay hindi mabibilang.
16 Sinabi(F) ko sa aking sarili, “Nagtamo ako ng malaking karunungang higit kaysa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem; at ang isipan ko'y nagtaglay ng malaking karanasan sa karunungan at kaalaman.”
17 At ginamit ko ang aking isipan upang alamin ang karunungan, at alamin ang kaululan at kahangalan. Aking nakita na ito man ay pakikipaghabulan sa hangin.
18 Sapagkat sa maraming karunungan ay maraming kalungkutan,
at siyang nagpaparami ng kaalaman ay nagpaparami ng kalungkutan.
Tungkol sa Sariling Kasiyahan
2 Sinabi ko sa aking sarili, “Pumarito ka ngayon, susubukin ko ang kasayahan; magpakasarap ka.” Ngunit ito rin ay walang kabuluhan.
2 Aking sinabi tungkol sa halakhak, “Ito'y kalokohan” at sa kasayahan, “Anong halaga nito?”
3 Siniyasat ng aking isipan kung paano pasasayahin ang aking katawan sa pamamagitan ng alak—pinapatnubayan pa ng karunungan ang aking isipan—at kung paano maging hangal, hanggang sa aking makita kung ano ang mabuting gawin ng mga tao sa silong ng langit sa iilang araw ng kanilang buhay.
4 Gumawa(G) ako ng mga dakilang gawa; nagtayo ako ng mga bahay at nagtanim ako para sa sarili ko ng mga ubasan.
5 Gumawa ako para sa sarili ko ng mga halamanan at mga liwasan, at aking tinamnan ng mga sari-saring punungkahoy na nagbubunga.
6 Gumawa ako para sa sarili ko ng mga tipunan ng tubig, upang diligin ang gubat na pagtatamnan ng mga lumalaking punungkahoy.
7 Ako'y(H) bumili ng mga aliping lalaki at babae, at nagkaroon ako ng mga aliping ipinanganak sa aking bahay. Nagkaroon din ako ng mga malaking ari-arian ng mga bakahan at mga kawan, higit kaysa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem.
8 Nagtipon(I) din ako para sa akin ng pilak at ginto, at ng kayamanan ng mga hari at ng mga lalawigan. Kumuha ako ng mga mang-aawit na lalaki at babae, at maraming asawa na kasiyahan ng laman.
9 Kaya't(J) naging dakila ako, at nahigitan ko ang lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem; ang aking karunungan ay nanatili naman sa akin.
10 At anumang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait. Hindi ko pinigil ang aking puso sa anumang kasiyahan, sapagkat nagagalak ang aking puso dahil sa lahat kong gawain; at ito ang aking gantimpala para sa lahat ng aking pagpapagod.
11 Nang magkagayo'y minasdan ko ang lahat na ginawa ng aking mga kamay, at ang pagpapagal na aking ginugol sa paggawa nito. At muli, lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin, at walang mapapakinabang sa ilalim ng araw.
12 Kaya't ako'y bumaling upang isaalang-alang ang karunungan, ang kaululan at ang kahangalan; sapagkat ano ang magagawa ng tao na sumusunod sa hari? Ang kanya lamang nagawa na.
13 Nang magkagayo'y aking nakita, na ang karunungan ay nakakahigit sa kahangalan, na gaya ng liwanag na nakakahigit sa kadiliman.
14 Ang mga mata ng pantas ay nasa kanyang ulo, ngunit ang hangal ay lumalakad sa kadiliman; gayunma'y aking nakita na isang kapalaran ang dumarating sa kanilang lahat.
15 Nang magkagayo'y sinabi ko sa aking sarili, “Kung ano ang nangyari sa hangal ay mangyayari rin sa akin; kaya't bakit pa nga ako naging napakarunong?” At sinabi ko sa puso ko na ito man ay walang kabuluhan.
16 Sapagkat kung paano sa pantas ay gayundin sa hangal, walang alaala magpakailanman; na sa mga araw na darating ay malilimutan nang lahat. At kung paanong ang pantas ay namamatay ay gayon ang mangmang!
17 Sa gayo'y kinamuhian ko ang buhay, sapagkat ang ginawa sa ilalim ng araw ay mapanglaw sa akin, sapagkat lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
18 Kinamuhian ko ang lahat kong pagpapagal na aking ginawa sa ilalim ng araw; yamang marapat kong iwan sa tao na susunod sa akin.
19 At sinong nakakaalam kung siya'y magiging isang pantas o isang hangal? Gayunman ay mamumuno siya sa lahat ng aking pinagpaguran, at sa aking ginamitan ng aking karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan.
20 Kaya't ako'y bumalik at aking ibinigay ang aking puso sa kawalang pag-asa sa lahat ng gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw.
21 Sapagkat kung minsan ang taong gumawa na may karunungan, kaalaman, at kakayahan ay iiwanan ang lahat upang pakinabangan ng taong hindi nagpagod para dito. Ito man ay walang kabuluhan at malaking kasamaan.
22 Sapagkat ano ang natatamo ng tao sa lahat ng kanyang ginagawa at pinagpaguran sa ilalim ng araw?
23 Sapagkat(K) lahat ng kanyang araw ay punô ng sakit at ang kanyang gawa ay pagdaramdam; at pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kanyang isip. Ito man ay walang kabuluhan.
24 Walang(L) mabuti sa tao kundi ang kumain at uminom, at magpakaligaya sa kanyang pinagpaguran. Nakita ko na ito man ay mula sa kamay ng Diyos.
25 Sapagkat sinong makakakain, o sinong makapagtataglay ng kagalakan na hiwalay sa kanya?
26 Sapagkat(M) ang tao na kinalulugdan ng Diyos ay binibigyan niya ng karunungan, kaalaman at kagalakan; ngunit sa makasalanan ay ibinibigay niya ang gawain ng pagtitipon at pagbubunton, upang maibigay sa kanya na kinalulugdan ng Diyos. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001