Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Eclesiastes 3 - Awit ng mga Awit 8

May Kanya-kanyang Panahon ang Bawat Bagay

Sa bawat bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawat bagay sa silong ng langit:

panahon upang isilang, at panahon upang mamatay;
    panahon ng pagtatanim, at panahon upang bunutin ang itinanim;
panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling;
    panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo;
panahon ng pag-iyak, at panahon ng pagtawa;
    panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw;
panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagtitipon ng mga bato;
    panahon ng pagyakap, at panahon na magpigil sa pagyakap;
panahon ng paghahanap, at panahon ng pagkawala;
    panahon ng pagtatago, at panahon ng pagtatapon;
panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi;
    panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita;
panahon upang magmahal, at panahon upang masuklam;
    panahon ng digmaan, at panahon ng kapayapaan.

Anong pakinabang ang natatamo ng manggagawa sa kanyang pinagpapaguran?

10 Aking nakita ang gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng mga tao upang pagkaabalahan.

11 Ginawa niya ang bawat bagay na maganda sa kapanahunan niyon; inilagay rin niya ang walang hanggan sa isipan ng tao, gayunma'y hindi niya malalaman ang ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.

12 Nalalaman ko, na walang mas mabuti para sa kanila kundi ang magsaya, at masiyahan habang sila'y nabubuhay.

13 At kaloob ng Diyos sa tao na ang bawat isa ay kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng kanyang pinagpaguran.

14 Nalalaman ko na anumang ginagawa ng Diyos ay mananatili magpakailanman; walang bagay na maidadagdag doon, o anumang bagay na maaalis. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao ay matakot sa harapan niya.

15 Ang nangyayari ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na; at hinahanap ng Diyos ang nakaraan na.

Kawalan ng Katarungan

16 At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw na sa dako ng katarungan ay mayroon ding kasamaan; at sa dako ng katuwiran ay mayroon ding kasamaan.

17 Sinabi ko sa aking puso, Hahatulan ng Diyos ang matuwid at ang masama; sapagkat nagtakda siya ng panahon sa bawat bagay at sa bawat gawa.

18 Sinabi ko sa aking puso tungkol sa mga tao, na sinusubok sila ng Diyos upang ipakita sa kanila na sila'y mga hayop lamang.

19 Sapagkat ang kapalaran ng mga anak ng mga tao at ang kapalaran ng mga hayop ay magkatulad; kung paanong namamatay ang hayop, namamatay din ang tao. Silang lahat ay may isang hininga. Ang tao ay walang kalamangan sa mga hayop; sapagkat lahat ay walang kabuluhan.

20 Lahat ay tumutungo sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay muling babalik sa alabok.

21 Sinong nakakaalam kung ang espiritu ng tao ay umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa lupa?

22 Kaya't aking nakita, na walang bagay na mas mabuti, kundi ang tao ay magpakasaya sa kanyang mga gawa, sapagkat iyon ang kanyang kapalaran; sinong makapagpapakita sa kanya kung anong mangyayari pagkamatay niya?

Ang Kasamaan ng Tao at ang Pagkakatulad sa Hayop

Muli kong nakita ang lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw. Masdan ninyo, ang mga luha ng mga inaapi at walang umaaliw sa kanila! Sa panig ng kanilang maniniil ay may kapangyarihan, at walang umaaliw sa kanila.

Kaya't aking inisip na ang patay na namatay na, ay higit na mapalad kaysa mga buháy na nabubuhay pa;

ngunit higit na mabuti kaysa kanila ang hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakita ng masasamang gawa na nagawa sa ilalim ng araw.

Nang magkagayo'y nakita ko na lahat ng pagpapagod, at lahat ng kakayahan sa paggawa ay nagmumula sa pagkainggit ng tao sa kanyang kapwa. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

Inihahalukipkip ng hangal ang kanyang mga kamay, at kinakain ang kanyang sariling laman.

Mas mabuti pa ang isang dakot na katahimikan, kaysa dalawang dakot na punô ng pagpapagod at pakikipaghabulan lamang sa hangin.

Muli kong nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw:

isang taong nag-iisa, walang anak o kapatid man; gayunma'y walang wakas ang lahat niyang pagpapagod, at ang kanyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa mga kayamanan. Kaya't hindi niya itinatanong, “Para kanino ako nagpapagod at pinagkakaitan ko ang aking sarili ng kasiyahan?” Ito man ay walang kabuluhan at malungkot na bagay.

Ang Kahalagahan ng Kaibigan

Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa; sapagkat sila'y may mabuting gantimpala sa kanilang pagpapagod.

10 Sapagkat kung sila'y bumagsak, ibabangon ng isa ang kanyang kasama; ngunit kahabag-habag siya na nag-iisa kapag siya'y bumagsak; at walang iba na magbabangon sa kanya.

11 Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila; ngunit paanong maiinitan ang nag-iisa?

12 At bagaman ang isang tao ay maaaring magtagumpay laban sa iba, ang dalawa ay magtatagumpay laban sa isa. Ang panaling may tatlong pisi ay hindi agad napapatid.

13 Mas mabuti ang dukha at pantas na kabataan kaysa matanda at hangal na hari, na hindi na tatanggap pa ng payo,

14 bagaman mula sa bilangguan ay makapaghahari siya, o siya'y ipinanganak na dukha sa kanyang sariling kaharian.

15 Aking nakita ang lahat ng may buhay na nagsisilakad sa ilalim ng araw, maging ang kabataang tatayo na kapalit niya;

16 walang wakas sa lahat ng mga tao na kanyang pinapangunahan. Gayunman, silang darating pagkatapos ay hindi magagalak sa kanya. Tunay na ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

Huwag Pabigla-bigla sa Pangangako

Ingatan mo ang iyong mga hakbang kapag ikaw ay nagtungo sa bahay ng Diyos. Ang lumapit upang makinig ay mas mabuti kaysa magbigay ng handog ng mga hangal, sapagkat hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.

Huwag kang pabigla-bigla sa iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anumang bagay sa harapan ng Diyos; sapagkat ang Diyos ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa; kaya't kaunti lamang ang iyong maging salita.

Sapagkat ang panaginip ay dumarating na kasama ng maraming pasanin, at ang tinig ng hangal na kasama ng maraming mga salita.

Kapag(A) ikaw ay gumawa ng panata sa Diyos, huwag kang magpaliban ng pagtupad; sapagkat siya'y walang kasiyahan sa mga hangal. Tuparin mo ang iyong ipinanata.

Mas mabuti pa na hindi ka gumawa ng panata, kaysa ikaw ay gumawa ng panata at hindi tumupad.

Huwag mong hayaan na akayin ka ng iyong bibig sa pagkakasala, at huwag mong sabihin sa harapan ng anghel na iyon ay isang kamalian. Bakit magagalit ang Diyos sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?

Sa maraming mga panaginip, sa maraming mga salita ay kawalang-kabuluhan, ngunit matakot ka sa Diyos.

Ang Buhay ay Walang Kabuluhan

Kung iyong nakita sa isang lalawigan na ang dukha ay inapi, at ang katarungan at katuwiran ay inalis, huwag kang magtaka sa pangyayari, sapagkat ang mataas na pinuno ay minamasdan ng mas mataas, at may lalong mataas pa kaysa kanila.

Ngunit kapag isinasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang hari ay pakinabang sa lupaing may binubungkal na lupa.

10 Siyang umiibig sa salapi ay hindi masisiyahan sa salapi; o siya mang umiibig sa kayamanan na may pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.

11 Kapag ang mga ari-arian ay dumarami, dumarami silang kumakain ng mga iyon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyon, kundi ang mamasdan iyon ng kanyang mga mata?

12 Masarap ang tulog ng manggagawa; kumakain man siya nang kaunti o marami; ngunit ang pagpapakasawa ng mayaman ay hindi magpapatulog sa kanya.

13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: ang mga yaman ay iniingatan ng may-ari niyon sa ikapapahamak niya,

14 at ang mga yamang iyon ay nawawala sa isang masamang pakikipagsapalaran; at kahit na sila'y magulang ng mga anak, walang naiwan sa kanilang mga kamay.

15 Kung(B) paanong siya'y lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina, gayon siya muling aalis, hubad siyang dumating, wala siyang anumang madadala mula sa kanyang pagpapagod, na kanyang madadala sa kanyang kamay.

16 Ito man ay isang malubhang kasamaan: kung paano siya dumating ay gayon siya aalis; at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa siya para sa hangin,

17 na lahat naman ng mga araw niya ay ginugol niya sa kadiliman at kalungkutan, sa maraming pagkainis, pagkakasakit, at pagsisisi?

18 Ito ang aking nakita na mabuti: nararapat na kumain, uminom, at magalak sa lahat ng kanyang pinagpaguran na kanyang ginagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng kakaunting araw ng kanyang buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos, sapagkat ito ang kanyang kapalaran.

19 Gayundin sa bawat tao na binigyan ng Diyos ng kayamanan at mga ari-arian, at binigyan ng kapangyarihan na masiyahan sa mga ito, at tanggapin ang kanyang kapalaran, at magalak sa kanyang pagpapagod—ito'y kaloob ng Diyos.

20 Sapagkat hindi na niya gaanong maaalala ang mga araw ng kanyang buhay sapagkat ginagawa siyang abala ng Diyos sa kagalakan ng kanyang puso.

May kasamaan akong nakita sa ilalim ng araw, at ito'y mabigat sa mga tao:

isang tao na binibigyan ng Diyos ng kayamanan, mga ari-arian, at karangalan, na anupa't walang kulang sa lahat ng kanyang ninanasa. Gayunma'y hindi siya binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan na tamasahin ang mga iyon, kundi dayuhan ang nagtatamasa sa mga iyon; ito'y walang kabuluhan at mabigat na kapighatian.

Kung ang isang tao ay magkaanak ng isandaan, at mabuhay ng maraming taon, at ang mga araw ng kanyang mga taon ay dumami, ngunit hindi niya tinatamasa ang mabubuting bagay sa buhay, at hindi rin siya maililibing, aking masasabi na ang pagkapanganak na wala sa panahon ay mas mabuti pa kaysa kanya.

Sapagkat iyon ay dumarating sa walang kabuluhan at papunta sa kadiliman, at ang pangalan niyon ay natatakpan ng kadiliman.

Bukod dito, hindi nito nakita ang araw o nakilala man; gayunma'y nakatagpo ito ng kapahingahan na di gaya niya.

Kahit na siya'y mabuhay ng isang libong taon na dalawang ulit na sinabi, ngunit hindi nagtamasa ng mabuti—hindi ba tutungo ang lahat sa iisang dako?

Lahat ng pagpapagod ng tao ay para sa kanyang bibig, gayunma'y hindi nasisiyahan ang kanyang panlasa.

Sapagkat anong kalamangan mayroon ang pantas sa hangal? At anong mayroon ang dukha na marunong kumilos sa harapan ng mga buháy?

Mas mabuti pa ang nakikita ng mga mata kaysa pagala-galang pagnanasa, ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

10 Anumang nangyari ay matagal nang alam, at nalalaman na kung ano ang tao, na hindi niya kayang makipagtalo sa higit na malakas kaysa kanya.

11 Mas maraming salita, mas maraming walang kabuluhan, kaya't paanong nakakahigit ang isa?

12 Sapagkat sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao habang nabubuhay siya ng ilang araw sa kanyang walang kabuluhang buhay, na kanyang ginugol na gaya ng anino? Sapagkat sinong makapagsasabi sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?

Ang(C) mabuting pangalan ay mas mabuti kaysa mamahaling pamahid,
    at ang araw ng kamatayan kaysa araw ng kapanganakan.
Mas mabuti pang magtungo sa bahay ng pagluluksa
    kaysa bahay ng pagdiriwang;
sapagkat ito ang katapusan ng lahat ng mga tao;
    at ilalagak ito ng may buhay sa kanyang puso.
Mas mabuti ang kalungkutan kaysa tawanan,
    sapagkat sa kalungkutan ng mukha ang puso ay sumasaya.
Ang puso ng pantas ay nasa bahay ng pagluluksa;
    ngunit ang puso ng mga hangal ay nasa bahay ng kasayahan.
Mas mabuti ang makinig sa saway ng pantas,
    kaysa makinig sa awit ng mga hangal.
Sapagkat kung paano ang lagitik ng mga tinik sa ilalim ng palayok,
    gayon ang halakhak ng hangal;
    ito ma'y walang kabuluhan.
Tiyak na ginagawang hangal ng pang-aapi ang pantas,
    at ang suhol ay sumisira ng isipan.
Mas mabuti ang wakas ng isang bagay kaysa pasimula nito;
    ang matiising espiritu ay mas mabuti kaysa palalong espiritu.
Huwag(D) kang maging magagalitin,
    sapagkat ang galit ay naninirahan sa dibdib ng mga hangal.
10 Huwag mong sabihin, “Bakit ang mga unang araw ay mas mabuti kaysa mga ito?”
    Sapagkat hindi mula sa karunungan na itinatanong mo ito.
11 Mabuting gaya ng mana ang karunungan,
    isang kalamangan sa mga nakakakita ng araw.
12 Sapagkat ang pag-iingat ng karunungan ay gaya ng pag-iingat ng salapi;
    at ang kalamangan ng kaalaman ay iniingatan ng karunungan ang buhay ng sa kanya'y may taglay.
13 Isaalang-alang mo ang gawa ng Diyos;
    sinong makapagtutuwid sa ginawa niyang baluktot?

14 Sa araw ng kasaganaan ay magalak ka, at sa araw ng kahirapan ay magsaalang-alang ka. Ginawa ng Diyos ang isa pati ang isa pa, upang hindi malaman ng tao ang anumang bagay na darating pagkamatay niya.

15 Lahat ng ito ay nakita ko sa mga araw ng aking walang kabuluhang buhay; may matuwid na namamatay sa kanyang katuwiran, at may masama na pinahahaba ang kanyang buhay sa kanyang masamang gawa.

16 Huwag kang lubhang magpakamatuwid; ni huwag kang lubhang magpakapantas; bakit sisirain mo ang iyong sarili?

17 Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakahangal man; bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan?

18 Mabuti na panghawakan mo ito, at mula roon ay huwag mong iurong ang iyong kamay; sapagkat siyang natatakot sa Diyos ay magtatagumpay sa lahat ng iyon.

19 Ang karunungan ay nagbibigay ng lakas sa pantas, na higit kaysa sampung pinuno na nasa lunsod.

20 Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.

21 Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasabi ng mga tao, baka marinig mong sinusumpa ka ng iyong alipin;

22 sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso, na sinumpa mo rin ang iba.

23 Lahat ng ito ay sinubukan ko sa karunungan; aking sinabi, “Ako'y magiging matalino”; ngunit iyon ay malayo sa akin.

24 Yaong bagay na malayo at malalim, totoong malalim; sinong makakatagpo niyon?

25 Ibinaling ko ang aking isip upang alamin, siyasatin at hanapin ang karunungan, at ang kabuuan ng mga bagay, at alamin ang kasamaan ng kahangalan at ang kahangalan na ito ay kaululan.

26 At natuklasan kong mas mapait kaysa kamatayan ang babaing ang puso ay mga silo at mga bitag, na ang kanyang mga kamay ay mga panali. Ang nagbibigay-lugod sa Diyos ay tatakas sa kanya; ngunit ang makasalanan ay nakukuha niya.

27 Tingnan ninyo, ito'y aking natuklasan, sabi ng Mangangaral, na idinadagdag ang isang bagay sa iba, upang matagpuan ang kabuuan,

28 na paulit-ulit na hinahanap ng aking isipan, ngunit hindi ko natagpuan. Isang tao mula sa isang libo ang aking natagpuan, ngunit ang isang babae sa lahat ng mga ito ay hindi ko natagpuan.

29 Tingnan ninyo, ito lamang ang aking natagpuan, na ginawang matuwid ng Diyos ang tao; ngunit nagbalak sila ng maraming pamamaraan.

Sino ang gaya ng pantas na lalaki? At sinong nakakaalam ng kahulugan ng isang bagay? Ang karunungan ng tao ay nagbibigay-liwanag sa kanyang mukha, at ang katigasan ng kanyang mukha ay nababago.

Sundin ang Hari

Ingatan mo ang utos ng hari, dahil sa iyong banal na sumpa.

Magmadali kang umalis sa kanyang harapan; huwag kang magtagal kapag ang bagay ay hindi kasiya-siya, sapagkat kanyang ginagawa ang anumang kanyang maibigan.

Sapagkat ang salita ng hari ay makapangyarihan; at sinong makapagsasabi sa kanya, “Anong ginagawa mo?”

Ang sumusunod sa utos ay hindi mapapahamak, at malalaman ng isipan ng matalinong tao ang panahon at daan.

Sapagkat bawat bagay ay may kapanahunan at paraan, bagaman ang kabalisahan ng tao ay mabigat sa kanya.

Sapagkat hindi niya nalalaman ang mangyayari; sapagkat sinong makapagsasabi sa kanya, kung paanong mangyayari?

Walang taong may kapangyarihang pumigil ng espiritu, ni kapangyarihan sa araw ng kamatayan. Walang paghinto sa pakikidigma, ni maililigtas ng kasamaan ang mga ibinigay roon.

Lahat ng ito ay nakita ko, habang ginamit ko ang aking isipan sa lahat ng gawa na ginawa sa ilalim ng araw, samantalang ang tao ay may kapangyarihan sa tao sa kanyang ikapapahamak.

10 Pagkatapos nakita ko ang masama na inilibing; noon ay labas-masok sila sa dakong banal, at pinuri sila sa lunsod na doon ay ginawa nila ang gayong mga bagay. Ito man ay walang kabuluhan.

11 Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi agad isinasagawa, kaya't ang puso ng mga tao ay lubos na nakatuon sa paggawa ng kasamaan.

12 Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisandaang ulit at humahaba ang kanyang buhay, gayunma'y tunay na nalalaman ko, na magiging tiwasay para sa mga natatakot sa Diyos, na natatakot sila sa harapan niya;

13 ngunit hindi ikabubuti ng masama, ni pahahabain man ang kanyang buhay na parang isang anino; sapagkat siya'y hindi natatakot sa harapan ng Diyos.

14 Mayroong walang kabuluhan na nangyayari sa lupa, na may matutuwid na tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng masasama, at may masasamang tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng matuwid. Aking sinabi, na ito man ay walang kabuluhan.

15 Nang magkagayo'y pinuri ko ang kasiyahan, sapagkat ang tao ay walang mabuting bagay sa ilalim ng araw, kundi ang kumain, uminom, at magsaya, sapagkat ito'y kasama niya sa kanyang pagpapagod sa mga araw ng kanyang buhay na ibinigay ng Diyos sa kanya sa ilalim ng araw.

Ang Hiwaga ng mga Gawa ng Panginoon

16 Nang gamitin ko ang aking isipan upang makaalam ng karunungan, at upang makakita ng gawain na ginagawa sa lupa, kung saan hindi nakakakita ng tulog ang kanyang mga mata sa araw man o sa gabi;

17 ay nakita ko nga ang lahat ng gawa ng Diyos, na hindi matutuklasan ng tao ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw. Ngunit gaano man magsikap ang isang tao sa paghahanap, hindi rin niya ito matatagpuan, kahit na sabihin ng pantas na alam niya, hindi rin niya ito matatagpuan.

Ngunit ang lahat ng ito ay inilagak ko sa aking puso, na sinisiyasat ang lahat ng ito; kung paanong ang matuwid, ang pantas, at ang kanilang mga gawa ay nasa kamay ng Diyos; kung ito man ay pag-ibig o poot ay hindi nalalaman ng tao. Lahat ng nasa harapan nila ay walang kabuluhan,

yamang isang kapalaran ang dumarating sa lahat, sa matuwid at sa masama; sa mabuti at sa masama, sa malinis at sa marumi, sa kanya na naghahandog at sa kanya na hindi naghahandog. Kung paano ang mabuti, gayon ang makasalanan; at ang sumusumpa ay gaya ng umiiwas sa sumpa.

Ito'y isang kasamaan sa lahat na ginawa sa ilalim ng araw, na isang kapalaran ang dumarating sa lahat. Gayundin, ang puso ng mga tao ay punô ng kasamaan, at ang kaululan ay nasa kanilang puso habang sila'y nabubuhay, at pagkatapos niyon ay nagtutungo sila sa kamatayan.

Subalit siya, na kasama ng lahat na nabubuhay ay may pag-asa, sapagkat ang buháy na aso ay mas mabuti kaysa patay na leon.

Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila'y mamamatay, ngunit hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay, at wala na silang gantimpala; sapagkat ang alaala nila ay nakalimutan na.

Ang kanilang pag-ibig, pagkapoot, at ang pagkainggit ay nawala na, wala na silang anumang bahagi pa magpakailanman sa anumang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.

Humayo ka, kumain ka ng iyong tinapay na may kagalakan, at inumin mo ang iyong alak na may masayang puso; sapagkat sinang-ayunan na ng Diyos ang iyong ginagawa.

Maging laging maputi ang iyong mga suot; at huwag magkulang ng langis ang iyong ulo.

Magpakasaya ka sa buhay sa piling ng iyong asawang babaing minamahal sa lahat ng mga araw ng buhay mong walang kabuluhan, na kanyang ibinigay sa iyo sa ilalim ng araw, sapagkat iyan ang iyong bahagi sa buhay, at sa iyong gawa na iyong ginagawa sa ilalim ng araw.

10 Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kalakasan; sapagkat walang gawa, kaisipan, kaalaman, ni karunungan man sa Sheol, na iyong patutunguhan.

11 Muli kong nakita sa ilalim ng araw na ang takbuhan ay hindi para sa matutulin, ni ang paglalaban man ay sa malalakas, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang kayamanan man ay sa mga matatalino, ni ang kaloob man ay sa taong may kakayahan, kundi ang panahon at pagkakataon ay nangyayari sa kanilang lahat.

12 Sapagkat hindi nalalaman ng tao ang kanyang kapanahunan. Kagaya ng mga isda na nahuhuli sa malupit na lambat, at kagaya ng mga ibon na nahuhuli sa bitag, gayon ang mga tao ay nasisilo sa masamang kapanahunan, kapag biglang nahulog sa kanila.

Ang Kadakilaan ng Karunungan

13 Nakita ko rin ang ganitong halimbawa ng karunungan sa ilalim ng araw, at ito'y naging tila dakila sa akin.

14 Mayroong isang maliit na lunsod, at iilan ang tao sa loob niyon. May dumating na dakilang hari laban doon at kinubkob iyon at nagtayo ng mga malaking tanggulan laban doon.

15 Ngunit natagpuan roon ang isang dukhang lalaking pantas, at iniligtas niya ng kanyang karunungan ang lunsod. Gayunma'y walang nakakaalala sa dukhang lalaking iyon.

16 Ngunit sinasabi ko na ang karunungan ay mas mabuti kaysa kalakasan, bagaman ang karunungan ng taong dukha ay hinamak, at ang kanyang mga salita ay hindi pinakinggan.

17 Ang mga salita ng pantas na narinig sa katahimikan ay higit na mabuti kaysa sigaw ng pinuno sa gitna ng mga hangal.

18 Ang karunungan ay mas mabuti kaysa mga sandata ng digmaan, ngunit sumisira ng maraming kabutihan ang isang makasalanan.

Sari-saring Kasabihan

10 Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa pamahid ng manggagawa ng pabango;
    gayon ang munting kahangalan ay sumisira ng karunungan at karangalan.
Ang puso ng taong matalino ay humihila sa kanya tungo sa kanan,
    ngunit ang puso ng hangal ay tungo sa kaliwa.
Maging kapag ang hangal ay lumalakad sa daan, sa katinuan siya ay kulang,
    at kanyang sinasabi sa bawat isa, na siya'y isang hangal.
Kung ang galit ng pinuno ay bumangon laban sa iyo, huwag kang umalis sa iyong kinalalagyan,
    sapagkat ang pagiging mahinahon ay makapagtutuwid sa malalaking kamalian.

May isang kasamaan na nakita ko sa ilalim ng araw na tila kamalian na nanggagaling sa pinuno:

ang kahangalan ay nakaupo sa maraming matataas na lugar, at ang mayaman ay umuupo sa mababang dako.

Nakakita ako ng mga alipin na nakasakay sa mga kabayo, at ng mga pinuno na lumalakad sa lupa na gaya ng mga alipin.

Siyang(E) humuhukay ng balon ay mahuhulog doon;
    at ang lumulusot sa pader ay kakagatin ng ulupong.
Ang tumatabas ng mga bato ay masasaktan niyon;
    at ang nagsisibak ng kahoy ay nanganganib doon.
10 Kung ang bakal ay pumurol, at hindi ihasa ninuman ang talim,
    dapat nga siyang gumamit ng higit na lakas;
    ngunit ang karunungan ay tumutulong upang ang isang tao'y magtagumpay.
11 Kung ang ahas ay kumagat bago mapaamo,
    wala ngang kapakinabangan sa nagpapaamo.

12 Ang mga salita ng bibig ng matalino ay magbibigay sa kanya ng pakinabang;
    ngunit ang mga labi ng hangal ang uubos sa sarili niya.
13 Ang pasimula ng mga salita ng kanyang bibig ay kahangalan,
    at ang wakas ng kanyang salita ay makamandag na kaululan.
14 Sa mga salita, ang hangal ay nagpaparami,
    bagaman walang taong nakakaalam kung ano ang mangyayari;
    at pagkamatay niya ay sinong makapagsasabi sa kanya ng mangyayari?
15 Ang gawa ng hangal ay nagpapahirap sa kanya,
    kaya't hindi niya nalalaman ang daan patungo sa lunsod.

16 Kahabag-habag ka, O lupain, kapag ang iyong hari ay isang bata,
    at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa umaga!
17 Mapalad ka, O lupain, kung ang iyong hari ay anak ng mga malalayang tao,
    at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa kaukulang panahon
    para sa ikalalakas, at hindi sa paglalasing!
18 Sa katamaran ay bumabagsak ang bubungan;
    at sa di pagkilos ay tumutulo ang bahay.
19 Ang tinapay ay ginagawa sa paghalakhak,
    at ang alak ay nagpapasaya sa buhay:
    at ang salapi ay sumasagot sa lahat ng mga bagay.
20 Huwag mong sumpain ang hari kahit sa iyong isipan;
    at huwag mong sumpain ang mayaman kahit sa iyong silid tulugan;
sapagkat isang ibon sa himpapawid ang magdadala ng iyong tinig,
    at ilang nilalang na may pakpak ang magsasabi ng bagay.

Ang Kahalagahan ng Kasipagan

11 Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan,
    sapagkat ito'y iyong matatagpuan pagkaraan ng maraming araw.
Magbigay ka ng bahagi sa pito, o maging sa walo;
    sapagkat hindi mo nalalaman kung anong kasamaan ang mangyayari sa mundo.
Kung punô ng ulan ang mga ulap,
    ang mga ito sa lupa ay bumabagsak,
at kung ang punungkahoy ay mabuwal sa dakong timog, o sa hilaga,
    sa dakong binagsakan ng puno, ay doon ito mahihiga.
Hindi maghahasik ang nagmamasid sa hangin,
    at hindi mag-aani ang sa ulap ay pumapansin.

Kung paanong hindi mo nalalaman kung paanong dumarating ang espiritu[a] sa mga buto sa bahay-bata ng babaing nagdadalang-tao, gayon mo hindi nalalaman ang gawa ng Diyos na lumalang sa lahat.

Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi, at huwag mong hayaang walang ginagawa ang iyong kamay sa hapon; sapagkat hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o iyon, o kung kapwa magiging mabuti.

Ang liwanag ay mainam, at maganda sa mga mata na masdan ang araw.

Sapagkat kung ang tao ay mabuhay ng maraming taon, magalak siya sa lahat ng iyon; ngunit alalahanin niya na ang mga araw ng kadiliman ay magiging marami. Lahat ng dumarating ay walang kabuluhan.

Ikaw ay magalak, O binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga araw ng iyong kabataan; lumakad ka sa mga lakad ng iyong puso, at sa paningin ng iyong mga mata. Ngunit alamin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Diyos sa paghuhukom.

10 Ilayo mo ang kabalisahan sa iyong isipan, at alisin mo ang kirot sa iyong katawan: sapagkat ang kabataan at ang bukang-liwayway ng buhay ay walang kabuluhan.

Payo upang Alalahanin ang Panginoon sa Kabataan

12 Alalahanin mo rin naman ang Lumikha sa iyo sa mga araw ng iyong kabataan, bago dumating ang masasamang araw, at ang mga taon ay lumapit, na iyong sasabihin, “Wala akong kasiyahan sa mga iyon”;

bago ang araw, liwanag, buwan, at ang mga bituin ay magdilim, at ang mga ulap ay magsibalik pagkatapos ng ulan.

Sa araw na ang mga tagapag-ingat ng bahay ay manginig, at ang malalakas na lalaki ay mapayukod, at ang mga manggigiling ay tumigil sapagkat sila'y kakaunti, at ang mga dumudungaw sa mga bintana ay madidiliman,

at ang mga pintuan sa mga lansangan ay sasarhan, kapag ang tunog ng panggiling ay mahina, at ang isang tao'y babangon sa huni ng ibon, at lahat ng mga anak na babae ng awitin ay mapababa;

sila man ay matatakot sa mataas, at ang mga kakilakilabot ay nasa daan; at ang puno ng almendro ay mamulaklak; at ang balang ay maging pasan, at ang pagnanais ay mabigo, sapagkat ang tao ay nagtutungo sa kanyang walang hanggang tahanan, at ang mga nagluluksa ay gumagala sa mga lansangan;

bago ang panaling pilak ay mapatid, o ang mangkok na ginto ay mabasag, o ang banga ay mabasag sa bukal, o ang gulong ay masira sa balon;

at ang alabok ay bumalik sa lupa na gaya nang una, at ang espiritu ay bumalik sa Diyos na nagbigay nito.

Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; lahat ay walang kabuluhan.

Bukod sa pagiging marunong, tinuruan din ng Mangangaral ang mga tao ng kaalaman; na maingat na tinitimbang, pinag-aaralan at isinasaayos ang maraming kawikaan.

10 Humanap ang Mangangaral ng mga nakakalugod na salita, at matuwid niyang isinulat ang mga salita ng katotohanan.

11 Ang mga salita ng pantas ay gaya ng mga pantaboy; at gaya ng mga pako na nakakapit na mabuti ang mga tinipong kasabihan na ibinigay ng isang Pastol.

12 Anak ko, mag-ingat ka sa anumang bagay na higit dito. Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas; at ang sobrang pag-aaral ay kapaguran ng laman.

13 Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig. Matakot ka sa Diyos, at sundin mo ang kanyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.[b]

14 Sapagkat dadalhin ng Diyos ang bawat gawa sa paghuhukom, pati ang bawat lihim na bagay, maging ito'y mabuti o masama.

Ang(F) awit ng mga awit na kay Solomon.

Babae

Hagkan niya sana ako ng mga halik ng kanyang bibig!
Sapagkat mas mabuti kaysa alak ang iyong pag-ibig,
    ang iyong mga langis na pambuhos ay mabango;
langis na ibinuhos ang pangalan mo;
    kaya't ang mga dalaga'y umiibig sa iyo.
Palapitin mo ako sa iyo, magmadali tayo.
    Dinala ako ng hari sa mga silid niya.
Kami ay matutuwa at sa iyo'y magsasaya.
    Aming itataas ng higit kaysa alak ang pag-ibig mo,
    matuwid ang pag-ibig nila sa iyo.

Ako'y maitim, ngunit kahali-halina,
    O kayong mga anak na babae ng Jerusalem,
gaya ng mga tolda sa Kedar,
    gaya ng mga tabing ni Solomon.
Huwag ninyo akong masdan dahil sa ako'y maitim,
    sapagkat sinunog ako ng araw.
Ang mga anak ng aking ina ay galit sa akin,
    ginawa nila akong tagapangalaga ng mga ubasan;
    ngunit ang sarili kong ubasan ay hindi ko nabantayan.
Sabihin mo sa akin, ikaw na minamahal ng aking kaluluwa,
    saan ka nagpapastol ng iyong kawan,
    saan mo pinahihiga sa katanghalian;
sapagkat bakit ako'y magiging gaya ng nalalambungan,
    sa tabi ng mga kawan ng iyong mga kasamahan?

Mangingibig

Kung hindi mo nalalaman,
    O ikaw na pinakamaganda sa mga babae,
sumunod ka sa mga landas ng kawan,
    at ipastol mo ang mga anak ng kambing
    sa tabi ng mga tolda ng mga pastol.

Pag-uusap ng Magkasuyo

Aking itinutulad ka, O aking sinta,

    sa isang kabayo sa mga karwahe ni Faraon.
10 Pinagaganda ng mga pahiyas ang iyong mga pisngi,
    ang iyong leeg ng mga kuwintas na palamuti.
11 Igagawa ka namin ng mga gintong kuwintas,
    na may mga pilak na pahiyas.

Babae

12 Samantalang ang hari ay nasa kanyang hapag,
    ang aking nardo ay nagsasabog ng kanyang kabanguhan.
13 Ang aking mahal ay gaya ng supot ng mira para sa akin,
    na humihilig sa pagitan ng aking dibdib.
14 Ang aking sinta para sa akin ay kumpol na bulaklak ng hena
    sa mga ubasan ng En-gedi.

Lalaki

15 O napakaganda mo, aking sinta,
    totoong, ikaw ay maganda;
    mga kalapati ang iyong mga mata.

Babae

16 O napakaganda mo, aking sinta,
    kaakit-akit na tunay,
ang ating higaan ay luntian.
17 Ang mga biga ng ating bahay ay mga sedro,
    ang kanyang mga bubong ay mga sipres.

Ako'y rosas[c] ng Sharon,

    isang liryo ng mga libis.

Lalaki

Kung ano ang liryo sa gitna ng mga tinikan,
    gayon ang aking pag-ibig sa gitna ng mga kadalagahan.

Babae

Kung ano ang puno ng mansanas sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan,
    gayon ang aking sinta sa gitna ng mga kabinataan.
Ako'y naupo sa ilalim ng kanyang anino na may malaking pagsasaya,
    at ang kanyang bunga ay matamis sa aking panlasa.
Dinala niya ako sa bahay na may handaan,
    at ang watawat niya sa akin ay pagmamahal.
Bigyan ninyo ako ng mga pasas,
    aliwin ninyo ako ng mga mansanas;
    sapagkat ako'y may sakit na pagsinta.
Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo,
    at ang kanyang kanang kamay ay niyayakap ako!
O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
    alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin, o gisingin man ang pagmamahal,
    hanggang sa kanyang maibigan.

Babae

Ang tinig ng aking giliw!
    Narito, siya'y dumarating,
palukso-lukso sa mga bundok,
    palundag-lundag sa mga burol.
Ang aking sinta ay gaya ng usa
    o ng batang usa.
Tingnan mo, siya'y nakatayo
    sa likod ng aming bakod,
sa mga bintana'y sumisilip,
    sa mga durungawa'y nagmamasid.
10 Ang aking sinta ay nagsalita, at nagsabi sa akin,
“Bumangon ka, maganda kong sinta,
    at tayo'y umalis;
11 Sapagkat, ang taglamig ay lumipas na;
    ang ulan ay tapos na at wala na.
12 Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa lupa;
    ang panahon ng pag-aawitan ay dumating,
at ang tinig ng batu-bato
    ay naririnig sa ating lupain.
13 Lumalabas na ang mga bunga ng puno ng igos,
    at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak,
    ang kanilang bango'y humahalimuyak.
Bumangon ka, maganda kong sinta,
    at tayo'y umalis.
14 O kalapati ko, na nasa mga bitak ng bato,
    sa puwang ng bangin,
ipakita mo sa akin ang iyong mukha,
    iparinig mo sa akin ang iyong tinig;
sapagkat matamis ang iyong tinig,
    at ang iyong mukha ay kaibig-ibig.
15 Ihuli ninyo kami ng mga asong-gubat,
    ng mga munting asong-gubat,
na sumisira ng mga ubasan,
    sapagkat ang aming mga ubasan ay namumulaklak na.”

Babae

16 Ang sinta ko ay akin, at kanya ako;
    ipinapastol niya ang kanyang kawan sa gitna ng mga liryo.
17 Hanggang sa ang araw ay huminga,
    at ang mga anino'y tumakas,
pumihit ka, sinta ko, at ikaw ay maging gaya ng usa
    o ng batang usa sa mga bundok ng Bether.

Sa ibabaw ng aking higaan sa gabi,
    hinanap ko siyang iniibig ng aking kaluluwa;
hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
“Ako'y babangon at lilibot sa lunsod,
    sa mga lansangan at sa mga liwasan,
hahanapin ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.”
    Hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
Nakita ako ng mga tanod,
    habang sila'y naglilibot sa lunsod.
“Nakita ba ninyo siya na sinisinta ng aking kaluluwa?”
Halos di pa ako nakakalayo sa kanila,
    nang masumpungan ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.
Pinigilan ko siya, at hindi ko hinayaang umalis,
    hanggang sa siya'y aking nadala sa bahay ng aking ina,
    at sa silid niya na naglihi sa akin.
O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
    alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal,
    hanggang sa kanyang maibigan.

Ang Pangkasalang Pagdating

Babae

Ano itong umaahon mula sa ilang,
    na gaya ng haliging usok,
na napapabanguhan ng mira at ng kamanyang,
    ng lahat ng mabangong pulbos ng mangangalakal?
Tingnan ninyo, iyon ang higaan ni Solomon!
Animnapung magigiting na lalaki ang nasa palibot niyon,
    sa magigiting na lalaki ng Israel.
Silang lahat ay may sakbat na tabak,
    at sanay sa pakikidigma:
bawat isa'y may tabak sa kanyang hita,
    sa mga hudyat sa gabi ay laging handa.
Si Haring Solomon ay gumawa para sa sarili ng higaang binubuhat
    mula sa kahoy ng Lebanon.
10 Ginawa niyang pilak ang mga haligi niyon,
    ang likod niyon ay ginto, at ang upuan ay kulay ube;
ang loob niyon ay hinabi ng may pag-ibig
    ng mga anak na babae ng Jerusalem.
11 Humayo kayo,
O mga anak na babae ng Zion,
    at inyong masdan si Haring Solomon,
na may korona na ipinutong sa kanya ng kanyang ina,
    sa araw ng kanyang kasal,
    sa araw ng katuwaan ng kanyang puso.

Mangingibig

O napakaganda mo, mahal ko;
    talagang ikaw ay maganda;
Ang iyong mga mata ay mga kalapati
    sa likod ng iyong talukbong.
Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing,
    na bumababa sa gulod ng bundok ng Gilead.
Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga batang tupa na bagong gupit,
    na nagsiahon mula sa paglilinis,
    na bawat isa'y may anak na kambal,
    at walang nagluluksa isa man sa kanila.
Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula,
    at ang iyong bibig ay kahali-halina.
Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada,
    sa likod ng iyong talukbong.
Ang iyong leeg ay gaya ng tore ni David,
    na itinayo upang pagtaguan ng mga sandata,
na kinabibitinan ng libong kalasag,
    na ang lahat ay mga kalasag ng mga mandirigma.
Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa
    na mga kambal ng isang inahing usa,
    na nanginginain sa gitna ng mga liryo.
Hanggang sa ang araw ay huminga
    at ang mga anino ay tumakas,
ako'y paroroon sa bundok ng mira,
    at sa burol ng kamanyang.
Ikaw ay totoong maganda, sinta ko;
    walang kapintasan sa iyo.
Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, kasintahan ko.
    Sumama ka sa akin mula sa Lebanon.
Tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana,
    mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon,
mula sa mga yungib ng mga leon,
    mula sa mga bundok ng mga leopardo.

Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko,
    inagaw mo ang aking puso ng isang sulyap ng mga mata mo,
    ng isang hiyas ng kuwintas mo.
10 Napakatamis ng iyong pag-ibig, kapatid ko, kasintahan ko!
    Higit na mainam ang iyong pagsinta kaysa alak!
    At ang amoy ng iyong mga langis kaysa anumang pabango!
11 Ang iyong mga labi, O kasintahan ko, ay nagbibigay ng katas,
    pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila;
    at ang bango ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Lebanon.
12 Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko;
    halamanang nababakuran, isang bukal na natatakpan.
13 Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada,
    na may piling-piling mga bunga;
    hena na may nardo,
14 may nardo at safro, kalamo at kanela,
    sampu ng lahat na puno ng kamanyang;
mira at mga aloe,
    sampu ng lahat ng pabangong pinakamainam—
15 isang bukal ng mga halamanan, balon ng mga tubig na buháy,
    at dumadaloy na batis mula sa Lebanon.

Babae

16 Gumising ka, O hanging amihan,
    at pumarito ka, O hanging habagat!
Humihip ka sa aking halamanan,
    upang ang bango niya'y humalimuyak.
Pumasok ang aking sinta sa halamanan niya,
    at kumain siya ng mga piling-piling bunga.

Mangingibig

Ako'y dumating sa aking halamanan, kapatid ko, kasintahan ko,
    aking tinipon ang aking mira pati ang aking pabango,
    kinain ko ang aking pulot-pukyutan pati ang aking pulot;
    ininom ko ang aking alak pati ang aking gatas.

Mga Babae

Magsikain kayo, O mga kaibigan; at magsiinom:
    magsiinom kayo nang sagana, mga mangingibig!

Babae

Ako'y nakatulog, ngunit ang aking puso ay gising.
Makinig! ang aking sinta ay tumutuktok.

Mangingibig

“Pagbuksan mo ako, kapatid ko, sinta ko,
    kalapati ko, ang aking walang kapintasan,
sapagkat ang aking ulo ay basa ng hamog,
    ang bungkos ng aking buhok ng mga patak ng gabi.”

Babae

Hinubad ko na ang aking kasuotan,
    paano ko ito isusuot?
Hinugasan ko ang aking mga paa
    paano ko sila parurumihin?

Isinuot ng aking sinta ang kanyang kamay sa butas ng pintuan,
    at ang aking puso ay nanabik sa kanya.
Ako'y bumangon upang pagbuksan ang aking sinta;
    at sa aking mga kamay ay tumulo ang mira,
at sa aking mga daliri ang lusaw na mira,
    sa mga hawakan ng trangka.
Pinagbuksan ko ang aking sinta,
    ngunit ang aking sinta ay tumalikod at umalis na.
Pinanghina na ako ng aking kaluluwa nang siya'y magsalita.
Aking hinanap siya, ngunit hindi ko siya natagpuan;
    tinawag ko siya, ngunit hindi siya sumagot.
Natagpuan ako ng mga tanod,
    habang sila'y naglilibot sa lunsod,
binugbog nila ako, ako'y kanilang sinugatan,
    inagaw nila ang aking balabal,
    ng mga bantay na iyon sa pader.
Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem,
    kung inyong matagpuan ang aking sinta,
inyong saysayin sa kanya,
    na ako'y may sakit na pagsinta.

Mga Babae

Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal,
    O ikaw na pinakamaganda sa mga babae?
Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal,
    na gayon ang iyong bilin sa amin?

Babae

10 Ang aking minamahal ay maningning at mamula-mula,
    na namumukod-tangi sa sampung libo.
11 Ang kanyang ulo ay pinakamainam na ginto;
    ang bungkos ng kanyang buhok ay maalon-alon
    at kasing-itim ng uwak.
12 Ang kanyang mga mata ay tulad ng mga kalapati
    sa tabi ng mga bukal ng tubig;
na hinugasan ng gatas
    at tamang-tama ang pagkalagay.
13 Ang kanyang mga pisngi ay gaya ng pitak ng mga pabango,
    na nagsasabog ng halimuyak.
Ang kanyang mga labi ay mga liryo,
    na nagbibigay ng lusaw na mira.
14 Ang kanyang mga kamay ay mga singsing na ginto,
    na nilagyan ng mga hiyas.
Ang kanyang katawan ay gaya ng yaring garing
    na binalot ng mga zafiro.
15 Ang kanyang hita ay mga haliging alabastro,
    na inilagay sa mga patungang ginto.
Ang kanyang anyo ay gaya ng Lebanon
    na marilag na gaya ng mga sedro.
16 Ang kanyang pananalita ay pinakamatamis;
    at siya'y totoong kanais-nais.
Ito'y aking sinta at ito'y aking kaibigan,
    O mga anak na babae ng Jerusalem.

Mga Babae

Saan pumaroon ang iyong minamahal,
    O ikaw na pinakamaganda sa mga babae?
Saan nagtungo ang iyong minamahal,
    upang siya'y aming hanapin na kasama mo?

Babae

Ang sinisinta ko'y bumaba sa kanyang halamanan,
    sa mga pitak ng mga pabango,
upang ipastol ang kanyang kawan sa mga halamanan,
    at upang mamitas ng mga liryo.
Ako'y sa aking mahal, at ang mahal ko ay akin;
    ipinapastol niya ang kanyang kawan sa gitna ng mga liryo.

Lalaki

Ikaw ay kasingganda ng Tirza, aking mahal,
    kahali-halina na gaya ng Jerusalem,
    kakilakilabot na gaya ng hukbo na may mga watawat.
Alisin mo ang iyong mga mata sa akin,
    sapagkat ginugulo ako ng mga ito—
ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing,
    na bumababa sa mga gulod ng Gilead.
Ang iyong mga ngipin ay gaya ng kawan ng mga babaing tupa,
    na nagsiahon mula sa paglilinis,
lahat sila'y may anak na kambal,
    isa man sa kanila ay hindi naulila.
Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada
    sa likod ng iyong belo.
May animnapung reyna, at walumpung asawang-lingkod,
    at mga dalaga na di-mabilang.
Ang aking kalapati, ang aking walang kapintasan ay isa lamang;
    ang kinagigiliwan ng kanyang ina;
    walang kapintasan sa kanya na nagsilang sa kanya.
Nakita siya ng mga dalaga, at tinawag siyang maligaya;
    gayundin ng mga reyna at ng mga asawang-lingkod, at kanilang pinuri siya.
10 “Sino itong tumitingin na tulad ng bukang liwayway,
    kasingganda ng buwan, kasinliwanag ng araw,
    kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat?”

11 Ako'y bumaba sa taniman ng mga pili,
    upang tingnan ang mga sariwang pananim ng libis,
upang tingnan kung may mga buko na ang puno ng ubas,
    at kung ang mga puno ng granada ay namumulaklak.
12 Bago ko namalayan, inilagay ako ng aking kaluluwa
    sa karwahe sa tabi ng aking prinsipe.

Mga Babae

13 Bumalik ka, bumalik ka, O Shulamita.
    Bumalik ka, bumalik ka, upang ikaw ay aming pagmasdan.

Babae

Bakit ninyo pagmamasdan ang Shulamita,
    na gaya sa sayaw sa harap ng dalawang hukbo?

Mangingibig

Napakaganda ng iyong mga paa sa mga sandalyas
    O mala-reynang babae!
Ang mga bilugan mong hita ay gaya ng mga hiyas,
    na gawa ng bihasang kamay.
Ang iyong pusod ay gaya ng bilog na mangkok,
    na hindi nawawalan ng alak na may halo.
Ang iyong tiyan ay bunton ng trigo,
    na napapaligiran ng mga liryo.
Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa,
    na mga kambal ng inahing usa.
Ang iyong leeg ay gaya ng toreng garing.
Ang iyong mga mata ay gaya ng mga tipunan ng tubig sa Hesbon,
    sa tabi ng pintuang-bayan ng Batrabbim.
Ang iyong ilong ay gaya ng tore ng Lebanon
    na nakatanaw sa Damasco.
Pinuputungan ka ng iyong ulo gaya ng Carmel,
    at ang umaalon mong buhok ay gaya ng kulay ube;
    ang hari ay nabibihag sa mga tirintas niyon.

Napakaganda at kaaya-aya ka!
    O minamahal, kaakit-akit na dalaga!
Ikaw ay magilas na parang puno ng palma,
    at ang iyong mga suso ay tulad ng mga kumpol nito.
Sinasabi kong ako'y aakyat sa puno ng palma,
    at hahawak sa mga sanga niyon.
Ang iyong mga suso sana ay maging gaya ng mga buwig ng puno ng ubas,
    at ang bango ng iyong hininga ay gaya ng mga mansanas,
at ang iyong mga halik ay gaya ng pinakamainam na alak,
    na tumutulo nang marahan,
    na dumudulas sa mga labi at ngipin.

Babae

10 Ako'y sa aking minamahal,
    at ang kanyang pagnanasa ay para sa akin.
11 Halika, sinta ko,
    pumunta tayo sa mga bukid,
    manirahan tayo sa mga nayon;
12 magtungo tayo nang maaga sa mga ubasan,
    at tingnan natin kung may buko na ang puno ng ubas,
kung ang kanyang mga bulaklak ay bumuka na,
    at kung ang mga granada ay namumulaklak.
Doo'y ibibigay ko sa iyo ang aking pag-ibig.
13 Ang mga mandragora ay nagsasabog ng bango,
    at nasa ating mga pintuan ang lahat ng piling bunga,
mga luma at bago,
    na aking inilaan para sa iyo, O sinta ko.

O ikaw sana'y naging tulad sa aking kapatid,
    na pinasuso sa dibdib ng aking ina!
Kapag nakasalubong kita sa labas, hahagkan kita;
    at walang hahamak sa akin.
Aking aakayin ka at dadalhin kita
    sa bahay ng aking ina,
    at sa silid niya na naglihi sa akin.
Aking paiinumin ka ng hinaluang alak,
    ng katas ng aking granada.
Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo,
    at ang kanyang kanang kamay ay nakayakap sa akin!
Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem,
    na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal,
    hanggang sa kanyang maibigan.

Mga Babae

Sino itong umaahon mula sa ilang,
    na nakahilig sa kanyang minamahal?

Babae

Sa ilalim ng punong mansanas ay ginising kita.
Doon ay naghirap sa panganganak ang iyong ina,
    siya na nagsilang sa iyo ay naghirap doon sa panganganak.

Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso,
    pinakatatak sa iyong bisig;
sapagkat ang pag-ibig ay kasinlakas tulad ng kamatayan,
    ang panibugho ay kasimbagsik na tulad ng libingan.
Ang mga liyab niyon ay parang mga liyab ng apoy,
    isang apoy na lumalagablab.
Hindi kayang patayin ng maraming tubig ang pag-ibig,
    ni malulunod man ito ng mga baha.
Kung ihandog ng isang lalaki dahil sa pag-ibig
    ang lahat ng kayamanan sa kanyang bahay,
    iyon ay kukutyaing lubusan.

Mga Kapatid na Lalaki

Kami'y may isang munting kapatid na babae,
    at siya'y walang mga suso.
Ano ang aming gagawin sa aming kapatid na babae,
    sa araw na siya'y ligawan?
Kung siya'y isang pader,
    ipagtatayo namin siya ng muog na pilak,
ngunit kung siya'y isang pintuan,
tatakpan namin siya ng mga tablang sedro.

Babae

10 Ako'y isang pader,
    at ang aking mga suso ay parang mga tore,
ako nga'y naging sa kanyang mga mata
    ay tulad ng nagdadala ng kapayapaan.

Mangingibig

11 Si Solomon ay may ubasan sa Baal-hamon;
    kanyang pinaupahan ang ubasan sa mga tagapamahala;
    bawat isa'y dapat magdala ng isang libong pirasong pilak para sa bunga.
12 Ang aking ubasan, na sadyang akin, ay para sa aking sarili,
    ikaw, O Solomon, ay magkaroon nawa ng libo,
    at ang nag-iingat ng bunga niyon ay dalawandaan.

13 Ikaw na tumatahan sa mga halamanan,
    ang mga kasama ko ay nakikinig sa iyong tinig.
    Iparinig mo sa akin.

Babae

14 Ikaw ay magmadali, sinta ko,
    at ikaw ay maging parang usa
o batang usa
    sa mga bundok ng mga pabango.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001