Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 36:1-47:12

Pagpapalain ang Israel

36 “At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa mga bundok ng Israel, at sabihin mo, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat sinabi ng kaaway sa inyo, ‘Aha!’ at, ‘Ang sinaunang matataas na dako ay naging aming pag-aari;’

kaya't magsalita ka ng propesiya, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat winasak nila kayo, at dinurog kayo sa lahat ng panig, anupa't kayo'y naging pag-aari ng nalabi sa mga bansa, at kayo'y naging tampulan ng tsismis at paninirang-puri ng taong-bayan;

kaya't kayong mga bundok ng Israel, inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Diyos: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga bundok at mga burol, sa mga bangin at mga libis, sa mga sirang dako at sa mga bayang iniwan, na naging biktima at panunuya sa nalabi sa mga bansang nasa palibot.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Nagsasalita ako sa aking paninibugho laban sa nalabi sa mga bansa, at laban sa buong Edom na nagbigay ng aking lupain sa kanilang sarili bilang pag-aari na may buong pusong kagalakan, upang kanilang angkinin at samsamin.

Kaya't magsalita ka ng propesiya tungkol sa lupain ng Israel, at sabihin mo sa mga bundok, sa mga burol, sa mga bangin at sa mga libis, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y nagsalita sa poot ng aking paninibugho, sapagkat inyong dinanas ang kahihiyan ng mga bansa.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking isinumpa na ang mga bansa na nasa palibot ninyo ay daranas ng kahihiyan.

“Ngunit kayo, O mga bundok ng Israel, inyong isusupling ang inyong mga sanga, at magbubunga sa aking bayang Israel; sapagkat sila'y malapit nang umuwi.

Sapagkat narito, ako'y para sa inyo, at ako'y babalik sa inyo, at kayo'y bubungkalin at hahasikan;

10 at ako'y magpaparami ng mga tao sa inyo, ang buong sambahayan ni Israel, lahat ng mga ito. Ang mga lunsod ay tatahanan, at ang mga sirang dako ay muling itatayo.

11 Ako'y magpaparami sa inyo ng tao at hayop, at sila'y darami at magkakaanak. Kayo'y hahayaan kong panirahan ayon sa inyong dating kalagayan, at gagawan ko kayo ng mabuti kaysa noong una. At inyong malalaman na ako ang Panginoon.

12 Oo, aking palalakarin sa inyo ang mga tao, maging ang aking bayang Israel; at kanilang aariin ka, at ikaw ay magiging kanilang mana, at hindi ka na mawawalan ng mga anak.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat kanilang sinasabi sa iyo, ‘Lumalamon ka ng mga tao, at inaalisan mo ng mga anak ang iyong bansa;’

14 kaya't hindi ka na lalamon pa ng mga tao o aalisan ng mga anak ang iyong bansa, sabi ng Panginoong Diyos.

15 Hindi ko na iparirinig sa iyo ang pag-alipusta ng mga bansa. Hindi mo na papasanin ang kahihiyan ng mga bansa, at hindi ka magiging dahilan ng pagkatisod ng iyong bansa, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Bagong Kalagayan ng Israel

16 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

17 “Anak ng tao, noong naninirahan ang sambahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang dinungisan ito ng kanilang lakad at mga gawa. Ang kanilang kilos sa harapan ko ay naging parang karumihan ng babae sa kanyang kapanahunan.

18 Kaya't aking ibinuhos ang aking poot sa kanila dahil sa dugo na kanilang pinadanak sa lupain, at dahil sa paglapastangan nila dito sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.

19 Aking ikinalat sila sa mga bansa, at sila'y nagkawatak-watak sa mga lupain; ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga kilos ay hinatulan ko sila.

20 Ngunit nang sila'y dumating sa mga bansa, saanman sila dumating, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, ‘Ang mga ito ang bayan ng Panginoon ngunit kailangan nilang lumabas sa kanyang lupain.’

21 Ngunit isinaalang-alang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sambahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinuntahan.

22 Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Hindi ito alang-alang sa inyo, O sambahayan ni Israel, na malapit na akong kumilos, kundi alang-alang sa aking banal na pangalan na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinuntahan.

23 Aking pawawalang-sala ang aking dakilang pangalan na nilapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila. Malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, sabi ng Panginoong Diyos, kapag sa pamamagitan ninyo ay pinawalang-sala ang aking kabanalan sa harap ng kanilang mga mata.

24 Sapagkat aking kukunin kayo sa mga bansa, at titipunin ko kayo mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain.

25 Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo; kayo'y magiging malinis sa lahat ninyong karumihan, at lilinisin ko kayo sa lahat ninyong mga diyus-diyosan.

26 Bibigyan(A) ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

27 Aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo nang ayon sa aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.

28 Kayo'y maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo'y magiging aking bayan at ako'y magiging inyong Diyos.

29 Lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan. Aking patutubuin ang trigo at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng taggutom sa inyo.

30 Aking pararamihin ang bunga ng punungkahoy at ang ani sa bukid, upang hindi na kayo muling magdanas ng kahihiyan ng taggutom sa mga bansa.

31 Kung magkagayo'y inyong maaalala ang inyong masasamang lakad, at ang inyong mga gawa na hindi mabuti. Kayo'y masusuklam sa inyong sarili dahil sa inyong mga kasamaan at mga karumaldumal na gawa.

32 Hindi alang-alang sa inyo na ako'y kikilos, sabi ng Panginoong Diyos; alamin ninyo iyon. Kayo'y mahiya at malito dahil sa inyong mga lakad, O sambahayan ni Israel.

33 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na aking linisin kayo sa lahat ninyong kasalanan, aking patitirahan ang mga bayan, at ang mga gibang dako ay muling matatayo.

34 Ang lupain na naging sira ay mabubungkal, sa halip na sira sa paningin ng lahat nang nagdaraan.

35 At kanilang sasabihin, ‘Ang lupaing ito na naging sira ay naging gaya ng halamanan ng Eden; at ang sira, giba at wasak na mga bayan ay tinatahanan na ngayon at may pader.’

36 Kung magkagayo'y malalaman ng mga bansa na nalabi sa palibot ninyo na akong Panginoon ay nagtayo ng mga guhong dako, at tinamnan ko ang dakong sira; akong Panginoon ang nagsalita, at aking gagawin.

37 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Bukod pa dito'y hahayaan ko ang sambahayan ni Israel na humiling sa akin upang gawin ito sa kanila: paramihin ang kanilang mga tao na parang kawan.

38 Tulad ng kawan para sa paghahandog, tulad ng kawan ng Jerusalem sa kanilang mga takdang kapistahan, gayon mapupuno ang mga gibang bayan ng mga kawan ng mga tao. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Ang Pangitain tungkol sa mga Tuyong Buto

37 Ang kamay ng Panginoon ay sumasaakin, at kanyang dinala ako sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon at inilagay ako sa gitna ng libis; iyon ay punô ng mga buto.

Inakay niya ako sa palibot ng mga iyon; napakarami niyon sa libis at ang mga iyon ay tuyung-tuyo.

Kanyang sinabi sa akin, “Anak ng tao, maaari bang mabuhay ang mga butong ito?” At ako'y sumagot, “O Panginoong Diyos; ikaw ang nakakaalam.”

Muling sinabi niya sa akin, “Magsalita ka ng propesiya sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, O kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga butong ito: Aking papapasukin ang hininga[a] sa inyo, at kayo'y mabubuhay.

Lalagyan ko kayo ng mga litid, babalutin ko kayo ng laman, tatakpan ko kayo ng balat, lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo'y mabubuhay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”

Sa gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos sa akin. Habang ako'y nagsasalita ng propesiya, biglang nagkaroon ng ingay, at narito, isang lagutukan. Ang mga buto ay nagkalapit, buto sa buto nito.

Habang ako'y nakatingin, narito, may mga litid sa mga iyon, at ang laman ay lumitaw sa mga iyon at ang balat ay tumakip sa mga iyon sa ibabaw; ngunit walang hininga sa mga iyon.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa hininga at sabihin mo sa hininga, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Manggaling ka sa apat na hangin, O hininga, at hingahan mo ang mga patay na ito, upang sila'y mabuhay.”

10 Sa(B) gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila'y nabuhay at tumayo sa kanilang mga paa, na isang napakalaking hukbo.

11 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sambahayan ni Israel. Narito, kanilang sinasabi, ‘Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pag-asa ay nawala; tayo'y lubos na nahiwalay.’

12 Kaya't magsalita ka ng propesiya, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko; at aking pauuwiin kayo sa lupain ng Israel.

13 Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking binuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko.

14 At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.”

Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa

15 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,

16 “At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang tungkod at sulatan mo sa ibabaw, ‘Sa Juda at sa mga anak ni Israel na kanyang mga kasama;’ saka kumuha ka ng ibang tungkod, at iyong sulatan: ‘Sa Jose, (na siyang tungkod ng Efraim), at sa buong sambahayan ni Israel na kanyang mga kasama.’

17 Iyong pagdugtungin para sa iyong sarili upang maging isang tungkod, upang sila'y maging isa sa iyong kamay.

18 At kapag sinabi sa iyo ng iyong mga kababayan, ‘Hindi mo ba ipapaalam sa amin kung ano ang kahulugan ng mga ito?’

19 Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking kukunin ang tungkod ni Jose, (na nasa kamay ni Efraim), at ang mga lipi ng Israel na kanyang mga kasama. Akin silang isasama sa tungkod ng Juda at gagawin ko silang isang tungkod, upang sila'y magiging isa sa aking kamay.

20 Ang mga tungkod na iyong sinusulatan ay nasa iyong mga kamay sa harapan ng kanilang mga mata,

21 at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa mga bansa na kanilang pinaroonan, at titipunin ko sila sa lahat ng dako, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain.

22 Gagawin ko silang isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel; at isang hari ang maghahari sa kanilang lahat. Hindi na sila magiging dalawang bansa, at hindi na mahahati pa sa dalawang kaharian.

23 Hindi na nila durungisan ang kanilang sarili ng mga diyus-diyosan at ng mga kasuklamsuklam na bagay, o ng anuman sa kanilang mga pagsuway, kundi aking ililigtas sila sa lahat ng pagtalikod na kanilang ipinagkasala at lilinisin ko sila. Sa gayo'y magiging bayan ko sila, at ako'y magiging kanilang Diyos.

Si David ang Magiging Kanilang Hari

24 “At(C) ang aking lingkod na si David ay magiging hari nila; at sila'y magkakaroon ng isang pastol. Susundin nila ang aking mga batas at magiging maingat sa pagtupad sa aking mga tuntunin.

25 Sila'y maninirahan sa lupain na tinirahan ng inyong mga ninuno na aking ibinigay kay Jacob na aking lingkod. Sila at ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak, ay tatahan doon magpakailanman. Si David na aking lingkod ay magiging kanilang pinuno magpakailanman.

26 Makikipagtipan ako ng kapayapaan sa kanila, ito'y magiging tipan na walang hanggan sa kanila. Sila'y aking pagpapalain at pararamihin at ilalagay ko ang aking santuwaryo sa gitna nila magpakailanman.

27 Ang(D) aking tirahang dako ay magiging kasama nila; at ako'y magiging kanilang Diyos, at sila'y magiging aking bayan.

28 At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa Israel, kapag ang aking santuwaryo ay nasa gitna nila magpakailanman.”

Ang Pahayag Laban sa Gog

38 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak(E) ng tao, humarap ka sa dako ni Gog, sa lupain ng Magog, na pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya,

at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, na pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal.

Paiikutin kita at kakawitan ko ng mga pangbingwit ang iyong mga panga. Ilalabas kita kasama ng iyong buong hukbo, mga kabayo at mga mangangabayo, silang lahat na may sandata na napakalaking pulutong, na may sinturon, kalasag, at mga tabak.

Ang Persia, Etiopia, at Put ay kasama nila; silang lahat ay may kalasag at helmet;

ang Gomer at ang lahat niyang mga pulutong; ang Bet-togarmah mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga, at lahat niyang mga pulutong—maraming bayan ang kasama mo.

“Humanda ka at manatiling handa, ikaw at ang buong hukbo na natipon sa palibot mo, at maging bantay ka nila.

Pagkatapos ng maraming araw ay tatawagin ka. Sa mga huling taon ay hahayo ka laban sa lupain na ibinalik mula sa digmaan, ang lupain na ang mga bayan ay natipon mula sa mga bundok ng Israel, na naging laging giba. Ang mga bayan nito ay kinuha mula sa mga bansa at silang lahat ay naninirahan ngayong tiwasay.

Ikaw ay sasampa, ikaw ay darating na parang bagyo; ikaw ay magiging parang ulap na tatakip sa lupain, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang maraming tao na kasama mo.

10 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na iyon, may mga bagay na darating sa iyong kaisipan, at ikaw ay magbabalak ng masamang panukala.

11 At iyong sasabihin, ‘Ako'y aahon laban sa lupaing may mga nayong walang pader. Ako'y darating sa isang tahimik na bayan na naninirahang tiwasay, silang lahat na naninirahang walang pader, at wala kahit mga halang o mga pintuan man;’

12 upang kumuha ng samsam at magdala ng nakaw, upang wasakin ang mga gibang dako na tinatahanan ngayon, at ang bayan na tinipon mula sa mga bansa, na nagkaroon ng mga hayop at mga ari-arian, na nagsisitahan sa gitna ng daigdig.

13 Ang Seba, Dedan, ang mga mangangalakal sa Tarsis at ang lahat nitong mga nayon, ay magsasabi sa iyo, ‘Naparito ka ba upang kumuha ng samsam? Tinipon mo ba ang iyong pulutong upang kumuha ng samsam, upang magdala ng pilak at ginto, upang magdala ng mga hayop at mga ari-arian, upang kumuha ng malaking samsam?’

14 “Kaya't anak ng tao, ikaw ay magsalita ng propesiya, at sabihin mo kay Gog, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na ang aking bayang Israel ay naninirahang tiwasay, di mo ba malalaman?

15 Ikaw ay darating mula sa iyong dako, mula sa mga kadulu-duluhang bahagi ng hilaga, ikaw at ang maraming tao na kasama mo, silang lahat na nakasakay sa mga kabayo, isang malaking pulutong at makapangyarihang hukbo.

16 Ikaw ay aahon laban sa aking bayang Israel, gaya ng ulap na tumatakip sa lupain. Sa mga huling araw, dadalhin kita laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa, kapag sa pamamagitan mo, O Gog, ay pinatunayan ko ang aking kabanalan sa harapan ng kanilang mga mata.

17 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ikaw ba ang aking kinausap noong una sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na nagsalita ng propesiya nang mga araw na iyon sa loob ng maraming taon na aking dadalhin ka laban sa kanila?

18 Ngunit sa araw na iyon, kapag si Gog ay pumaroon laban sa lupain ng Israel, ang aking poot ay mag-aalab, sabi ng Panginoong Diyos.

19 Sapagkat sa aking paninibugho at sa aking nag-aalab na poot ay nagpahayag ako, tunay na sa araw na iyon ay magkakaroon ng malaking panginginig sa lupain ng Israel.

20 Ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa himpapawid, ang mga hayop sa parang, at lahat ng gumagapang na bagay sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao na nasa ibabaw ng lupa, ay manginginig sa aking harapan. Ang mga bundok ay maguguho at ang matatarik na dako ay guguho, at bawat pader ay babagsak sa lupa.

21 Aking ipatatawag sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kanya, sabi ng Panginoong Diyos; ang tabak ng bawat lalaki ay magiging laban sa kanyang kapatid.

22 Hahatulan ko siya sa pamamagitan ng salot at pagdanak ng dugo. Pauulanan ko siya, ang kanyang mga pulutong, at ang maraming bayan na kasama niya ng napakalakas na ulan at ng malalaking yelo, ng apoy, at ng asupre.

23 Kaya't aking ipapakita ang aking kadakilaan at kabanalan at ipapakilala ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ang Pagbagsak ng Gog

39 “At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal:

Aking paiikutin at itataboy kita, at paaahunin kita mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel.

Pagkatapos ay sisirain ko ang busog sa iyong kaliwang kamay, at aking ihuhulog ang iyong pana mula sa iyong kanang kamay.

Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo. Ibibigay kita sa mga ibong mandaragit na iba't ibang uri, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka.

Ikaw ay mabubuwal sa kaparangan; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos.

Ako'y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa mga naninirahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

“Ang aking banal na pangalan ay ipapakilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko papahintulutang lapastanganin pa ang aking banal na pangalan, at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal sa Israel.

Narito, dumarating at mangyayari, sabi ng Panginoong Diyos. Ito ang araw na aking sinalita.

“Silang naninirahan sa mga bayan ng Israel ay hahayo, at susunugin ang mga sandata, ang mga kalasag, mga pananggalang, mga busog at mga palaso, mga tungkod, at ang mga sibat. Susunugin nila ito nang pitong taon.

10 Kaya't sila'y hindi na kukuha pa ng kahoy sa parang, o puputol man ng anuman sa mga gubat, sapagkat sila'y gagawa ng kanilang mga apoy mula sa mga sandata. Kanilang sasamsaman ang nanamsam sa kanila, at nanakawan ang nagnakaw sa kanila, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Libingan ng Gog

11 “Sa araw na iyon, ako'y magbibigay kay Gog ng dakong libingan sa Israel, ang libis ng mga manlalakbay na nasa silangan ng dagat. Hahadlangan nito ang manlalakbay, sapagkat doon ililibing si Gog at ang lahat niyang mga karamihan; at kanilang tatawagin itong Libis ng Hamon-gog.

12 Pitong buwan silang ililibing ng sambahayan ni Israel upang linisin ang lupain.

13 Sila'y ililibing ng buong bayan ng lupain at magiging sa kanila'y karangalan, sa araw na ipakita ko ang aking kaluwalhatian, sabi ng Panginoong Diyos.

14 Sila'y magbubukod ng mga lalaking palaging daraan sa lupain at maglilibing ng nalalabi sa ibabaw ng lupain, upang linisin ito. Pagkatapos ng pitong buwan ay gagawa sila ng pagsisiyasat.

15 Kapag ang mga ito ay dumaan sa lupain at ang sinuman ay nakakita ng buto ng tao, lalagyan niya ng tanda roon hanggang sa mailibing ng mga manlilibing sa Libis ng Hamon-gog.

16 At Hamonah ang magiging pangalan ng lunsod. Ganito nila lilinisin ang lupain.

17 “Tungkol(F) sa iyo, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Magsalita ka sa sari-saring ibon at sa lahat ng hayop sa parang, ‘Magtipun-tipon kayo at pumarito; magtipon kayo sa lahat ng dako sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo, sa malaking kapistahan ng paghahandog sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, at kayo'y kakain ng laman at iinom ng dugo.

18 Kayo'y kakain ng laman ng makapangyarihan, at iinom ng dugo ng mga pinuno ng lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, ng mga kambing, at ng mga toro, na pawang patabain sa Basan.

19 Kayo'y kakain ng taba hanggang sa kayo'y mabusog, at iinom ng dugo hanggang sa kayo'y malasing sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo.

20 At kayo'y mabubusog sa aking hapag ng mga kabayo at mga mangangabayo, ng magigiting na lalaki, at ng lahat ng uri ng mandirigma,’ sabi ng Panginoong Diyos.

Ibinalik sa Dati ang Israel

21 “Ipapakita ko ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na ipinatong ko sa kanila.

22 Malalaman ng sambahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Diyos, mula sa araw na iyon hanggang sa haharapin.

23 At malalaman ng mga bansa na ang sambahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila. Sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak.

24 Hinarap ko sila ayon sa kanilang karumihan at mga pagsuway; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.

Ang Israel ay Muling Itatayo

25 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ngayo'y aking ibabalik ang kapalaran ng Jacob at maaawa ako sa buong sambahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.

26 Malilimutan nila ang kanilang kahihiyan, at ang lahat ng kataksilan na kanilang ginawa laban sa akin, kapag sila'y naninirahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;

27 kapag sila'y aking ibinalik mula sa mga bayan, at tipunin sila mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan nila ay ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng maraming bansa.

28 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos sapagkat dinala ko sila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at saka tinipon sila sa kanilang sariling lupain. Hindi ako mag-iiwan ng sinuman sa kanila sa gitna ng mga bansa;

29 at hindi ko na ikukubli pa ang aking mukha sa kanila kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos.”

Pangitain tungkol sa Bahay

40 Nang ikadalawampu't limang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasampung araw ng buwan, nang ikalabing-apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masakop, nang araw na iyon, ang kamay ng Panginoon ay sumaakin.

Sa(G) mga pangitaing mula sa Diyos ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at pinaupo ako sa isang napakataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang lunsod sa timog.

Nang kanyang(H) madala ako roon, mayroong isang lalaki na ang anyo ay nagliliwanag na parang tanso, na may pising lino at isang panukat na tambo sa kanyang kamay at siya'y nakatayo sa pintuang-daan.

At sinabi ng lalaki sa akin, “Anak ng tao, tingnan mo ng iyong mga mata, pakinggan mo ng iyong mga pandinig, at ilagak mo ang iyong isipan sa lahat ng aking ipapakita sa iyo; sapagkat ikaw ay dinala rito upang aking maipakita ito sa iyo. Ipahayag mo ang lahat ng iyong nakita sa sambahayan ni Israel.”

Ang Tarangkahan sa Gawing Silangan

At(I) narito, may pader sa palibot sa dakong labas ng lugar ng bahay, at ang haba ng panukat na tambo sa kamay ng tao ay anim na siko, na tig-isang siko at isang dangkal ang luwang ng bawat isa. Kaya't kanyang sinukat ang kapal ng pader, isang tambo; at ang taas, isang tambo.

Pumasok siya sa pintuang-daan na nakaharap sa silangan, sa mga baytang niyon at kanyang sinukat ang pasukan ng pintuan, isang tambo ang luwang; ang kabilang pasukan ay isang tambo ang luwang.

Ang mga silid ng bantay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan ng pintuan sa tabi ng patyo ng pintuan sa pinakadulo ng daanan ay isang tambo.

Kanya rin namang sinukat ang bulwagan sa pintuang-daan, walong siko.

At ang mga haligi niyon, dalawang siko; at ang bulwagan sa pintuang-daan ay nasa pinakadulo ng daanan.

10 Mayroong tatlong silid ng bantay sa magkabilang dako ng pintuan sa silangan; ang tatlo ay iisang sukat; at ang mga haligi sa magkabilang panig ay iisang sukat.

11 Kanyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sampung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labintatlong siko.

12 May harang sa harapan ng mga silid ng bantay, isang siko sa magkabilang panig. Ang mga silid ng bantay ay anim na siko sa magkabilang panig.

13 At kanyang sinukat ang pintuang-daan mula sa likuran ng isang silid ng bantay hanggang sa likuran ng kabila, may luwang na dalawampu't limang siko, mula sa pintuan hanggang sa isa pang pintuan.

14 Sinukat din niya ang bulwagan, dalawampung siko; at sa paligid ng bulwagan ng pintuang-daan ay ang patyo.

15 Mula sa harapan ng pintuan sa pasukan hanggang sa dulo ng pinakaloob na bulwagan ng pintuan ay limampung siko.

16 May mga bintana sa palibot ang mga pintuang-daan na papaliit sa mga pintuan sa gilid. Ang bulwagan ay mayroon ding mga bintana sa palibot at sa mga haligi ay may puno ng palma.

Ang Bulwagan sa Labas

17 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa labas ng bulwagan, at narito, may mga silid at may batong daanan sa palibot ng bulwagan; tatlumpung silid ang nakaharap sa nalalatagan ng bato.

18 At ang nalalatagan ng bato ay hanggang sa gilid ng mga pintuan, ayon sa haba ng mga pintuan; ito ang mas mababang nalalatagan ng bato.

19 Nang magkagayo'y kanyang sinukat ang pagitan mula sa harapan ng mas mababang pintuan hanggang sa harapan ng pinakaloob na bulwagan sa labas, isandaang siko, kahit sa silangan o kahit sa kanluran.

Ang Tarangkahan sa Gawing Hilaga

20 At siya'y umuna sa akin patungo sa hilaga, at may pintuang nakaharap sa hilaga na kabilang sa panlabas na bulwagan. Sinukat niya ang haba at luwang niyon.

21 Ang mga silid niyon sa gilid ay tatlo sa bawat panig, at ang mga haligi at mga patyo ay ayon sa sukat ng unang pintuan. Ang haba niyon ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko.

22 Ang mga bintana at bulwagan niyon, at ang mga puno ng palma niyon ay ayon sa sukat ng pintuang-daan na nakaharap sa silangan. Pitong baytang ang paakyat doon at ang bulwagan niyon ay nasa loob.

23 At sa tapat ng pintuan sa gawing hilaga, gaya ng sa silangan, ay may pintuan sa pinakaloob na bulwagan. Kanya itong sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan, isandaang siko.

Ang Tarangkahan sa Gawing Timog

24 Dinala niya ako patungo sa timog, at may isang pintuan sa timog; at kanyang sinukat ang mga haligi niyon at ang bulwagan niyon. Ang sukat ng mga iyon ay gaya rin ng iba.

25 May mga bintana sa palibot nito at sa bulwagan, gaya ng mga bintana ng iba. Ang haba nito ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko.

26 At may pitong baytang paakyat doon, at ang bulwagan niyon ay nasa loob, at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig.

27 May pintuan sa looban sa dakong timog; at kanyang sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan sa dakong timog, isandaang siko.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Timog

28 Dinala niya ako sa pinakaloob na bulwagan sa tabi ng pintuan sa timog, at kanyang sinukat ang pintuan sa timog; ang sukat nito ay gaya ng iba.

29 Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi at ang bulwagan ay kasukat ng iba. May mga bintana sa palibot niyon at sa bulwagan. Ang haba nito ay may limampung siko at dalawampu't limang siko ang luwang.

30 May mga bulwagan sa palibot, na dalawampu't limang siko ang haba at limang siko ang luwang.

31 Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, at ang hagdan nito ay may walong baytang.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Silangan

32 Dinala niya ako sa panloob na patyo sa dakong silangan, at sinukat niya ang pintuan—iyon ay kagaya ng sukat ng iba.

33 Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi niyon, at ang mga bulwagan niyon ay kagaya ng sukat ng iba; at may mga bintana sa palibot at sa mga bulwagan niyon. Limampung siko ang haba at dalawampu't limang siko ang luwang niyon.

34 Ang mga bulwagan ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Hilaga

35 At dinala niya ako sa pintuang-daan sa hilaga, at sinukat niya iyon. Ang sukat nito ay gaya rin ng sa iba.

36 Ang mga silid ng bantay nito, ang mga haligi niyon at mga bulwagan niyon ay may sukat na gaya rin ng iba at may mga bintana sa palibot. Ang haba nito ay limampung siko at ang luwang ay dalawampu't limang siko.

37 Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang.

Ang mga Gusali sa Tabi ng Tarangkahan sa Hilaga

38 May isang silid na ang pintuan ay nasa bulwagan ng pintuan, na doon huhugasan ang handog na sinusunog.

39 Sa bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa sa magkabilang panig, na doon kakatayin ang handog na sinusunog at ang handog pangkasalanan at ang handog para sa budhing nagkasala.

40 Sa labas ng bulwagan sa pasukan ng pintuan sa dakong hilaga ay may dalawang mesa; at sa kabilang dako ng bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa.

41 Apat na mesa ang nasa magkabilang dako sa tabi ng pintuan; o walong mesa ang kanilang pinagkakatayan ng mga handog.

42 Mayroon ding apat na mesa na batong tinabas para sa handog na sinusunog, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglagyan ng mga kasangkapan na kanilang ginagamit sa pagkatay sa handog na sinusunog at sa mga alay.

43 Ang mga kawit na isang lapad ng kamay ang haba ang nakakabit sa loob sa palibot. At sa ibabaw ng mga mesa ay ilalagay ang laman ng handog.

44 Dinala niya ako mula sa labas patungo sa panloob na patyo. May dalawang silid sa panloob na patyo. Ang isa ay nasa tabi ng pintuang nakaharap sa timog at ang isa ay sa tabi ng pintuan sa silangan na nakaharap sa hilaga.

45 Kanyang sinabi sa akin, Ang silid na ito na nakaharap sa timog ay sa mga pari na namamahala sa templo,

46 ang silid na nakaharap sa hilaga ay para sa mga pari na namamahala sa dambana. Ang mga ito ay mga anak ni Zadok, na sa mga anak ni Levi ay sila lamang ang makakalapit sa Panginoon upang maglingkod sa kanya.

47 Sinukat niya ang bulwagan; ito'y isandaang siko ang haba, at isandaang siko ang luwang, parisukat; at ang dambana ay nasa harapan ng templo.

Ang Bulwagan sa Loob at ang Bahay

48 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa bulwagan ng bahay at sinukat niya ang haligi ng bulwagan. Ito'y limang siko sa magkabilang panig. Ang luwang ng pintuan ay labing-apat na siko. Ang tagilirang pader ng pintuan ay tatlong siko sa magkabilang panig.

49 Ang haba ng bulwagan ay dalawampung siko, at ang luwang ay labing-isang siko, at ang hagdanan ay paakyat dito. Mayroon ding mga tukod sa tabi ng mga haligi sa magkabilang panig.

Ang Sukat ng Templo

41 At dinala niya ako sa templo at sinukat ang mga haligi. Anim na siko ang luwang ng haligi sa magkabilang panig.

Ang luwang ng pasukan ay sampung siko; at ang mga pader sa tagiliran ng pasukan ay limang siko sa magkabilang panig. Sinukat niya ang haba ng templo at iyon ay apatnapung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko.

Nang magkagayo'y pumasok siya sa loob, at sinukat ang mga haligi sa pasukan, na ito'y dalawang siko. Ang pasukan ay anim na siko at ang luwang ng pasukan ay pitong siko.

At sinukat niya ang haba ng silid, dalawampung siko at ang luwang ay dalawampung siko sa harapan ng templo. At sinabi niya sa akin, “Ito ang dakong kabanal-banalan.”

Ang mga Silid na Nakadikit sa Pader

Nang magkagayo'y sinukat niya ang pader ng bahay, anim na siko ang kapal; at ang luwang ng bawat tagilirang silid, apat na siko, sa palibot ng templo.

At ang mga tagilirang silid ay tatlong palapag, patung-patong at tatlumpu sa bawat palapag. Mayroong mga suhay sa palibot ng pader ng bahay upang magsilbing haligi para sa mga tagilirang-silid, upang ang mga ito ay hindi pabigat sa pader ng bahay.

At ang mga tagilirang silid ay papaluwang habang paitaas nang paitaas kagaya ng paglaki ng mga suhay sa bawat palapag sa palibot ng templo. Sapagkat ang paligid ng bahay ay pataas nang pataas, kaya't ang daan mula sa pinakamababang palapag hanggang sa pinakamataas na palapag sa pamamagitan ng gitnang palapag.

Nakita ko rin na ang bahay ay may nakatayong plataporma sa palibot. Ang mga pundasyon ng mga tagilirang silid ay mayroong sukat na isang buong tambo na anim na siko ang haba.

Ang kapal ng panlabas na pader ng mga tagilirang silid ay limang siko, at ang bahaging bukas ng plataporma ay limang siko. Sa pagitan ng plataporma ng bahay

10 at ng mga silid ng patyo ay dalawampung siko sa palibot ng bahay sa bawat panig.

11 Ang mga pintuan ng mga tagilirang silid ay bukas sa bahagi ng plataporma na iniwang nakabukas—isang pintuan sa hilaga at isang pintuan sa timog. Ang luwang ng naiwang bukas ay limang siko sa palibot.

Ang Gusali sa Gawing Kanluran

12 Ang gusaling nakaharap sa bakuran ng bahay sa bahaging kanluran ay pitumpung siko ang luwang; at ang pader ng gusali ay limang siko ang kapal sa palibot, at ang haba niyon ay siyamnapung siko.

Ang Kabuuang Sukat ng Bahay

13 Pagkatapos ay sinukat niya ang bahay, isandaang siko ang haba; ang bakuran, ang bahay at ang pader niyon, isandaang siko ang haba;

14 gayundin ang luwang ng silangang harapan ng bahay at ang bakuran, isandaang siko.

Ang Bahay

15 At sinukat niya ang haba ng gusali sa harapan ng bakuran na nasa likuran niyon, at ang mga galeria niyon sa magkabilang dako, isandaang siko; at ang looban ng templo at ang mga bulwagan ng looban.

16 Ang mga pasukan at ang mga nasasarang bintana at ang mga galeria sa palibot sa tatlong palapag, ang katapat na pasukan ay napapaligiran ng tabla sa palibot, mula sa sahig hanggang sa mga bintana (natatakpan ang mga bintana),

17 sa pagitan ng itaas ng pintuan, hanggang sa pinakaloob ng bahay, at sa labas. At sa lahat ng pader sa palibot sa loob at sa labas ay sinukat.

18 Ito ay niyari ng may nakaukit na mga kerubin at mga puno ng palma, isang puno ng palma sa pagitan ng mga kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha:

19 ang mukha ng isang tao na nakaharap sa puno ng palma sa isang panig, at mukha ng batang leon na nakaharap sa puno ng palma sa kabilang panig. Ang mga ito ay nakaukit sa palibot ng buong bahay.

20 Mula sa sahig hanggang sa itaas ng pintuan ay may nakaukit na mga kerubin at mga puno ng palma, gayon din sa pader ng templo.

Ang Dambanang Kahoy

21 Ang mga haligi ng pintuan ng patyo ay parisukat; at sa harapan ng banal na dako ang anyo ng isang haligi ay kagaya ng iba.

22 Ang dambana ay kahoy, tatlong siko ang taas, at ang haba ay dalawang siko, at dalawang siko ang luwang. Ang mga sulok niyon, ang patungan at mga tagiliran ay kahoy. Sinabi niya sa akin, “Ito ang mesa na nasa harapan ng Panginoon.”

Ang mga Pinto

23 Ang bulwagan at ang banal na dako ay may tigdalawang pintuan.

24 Ang mga pintuan ay may tigdadalawang pinto, dalawang tiklop na pinto para sa bawat pintuan.

25 Sa mga pintuan ng patyo ay nakaukit ang mga kerubin at mga puno ng palma, gaya ng nakaukit sa mga pader; at may pasukan na kahoy sa harapan ng bulwagan sa labas.

26 May panloob na bintana at mga puno ng palma sa magkabilang panig, sa tagilirang pader ng bulwagan; ganito ang mga tagilirang silid ng bahay at mga pasukan.

Ang Dalawang Gusali na Malapit sa Templo

42 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa patyo sa labas ng bahay, sa daan patungo sa hilaga, at dinala niya ako sa silid na nasa tapat ng bukod na dako at katapat ng gusali patungo sa hilaga.

Sa kahabaan ng gusali na isandaang siko ay ang pintuang hilaga, at ang luwang ay limampung siko.

Sa tapat ng dalawampung siko na kabilang sa panloob na patyo, at nakaharap sa nalalatagan ng bato na kabilang sa panlabas na patyo, ay ang galeria sa tapat ng galeria na may tatlong palapag.

At sa harapan ng mga silid ay may isang pasukang paloob na sampung siko ang luwang at isandaang siko ang haba; at ang mga pintuan nila ay nasa hilaga.

Ang pang-itaas na silid ay mas makipot, sapagkat ang mga galeria ay kumukuha sa mga ito nang higit kaysa pang-ibaba at panggitnang silid sa gusali.

Sila'y iniayos sa tatlong palapag, at walang mga haligi na gaya ng ibang gusali sa patyo. Kaya't ang ikatlo ay ginawang mas makipot kaysa pang-ibaba at panggitnang palapag mula sa lupa.

Mayroong pader na nasa labas na malapit sa mga silid, sa dako ng patyo sa tapat ng mga silid, ang haba niyon ay limampung siko.

Ang haba ng mga silid na nasa patyo ay limampung siko, at narito, ang harapan ng templo ay isandaang siko.

Sa ilalim ng mga silid na ito ay ang pasukan sa dakong silangan, sa pagpasok mula sa patyo sa labas.

10 Sa kakapalan ng pader ng looban sa dakong silangan, sa harap ng bukod na dako, at sa harap ng gusali ay mayroong mga silid.

11 Ang daan sa harapan ng mga iyon ay gaya ng anyo ng mga silid na nasa dakong hilaga; ayon sa haba ay gayon din ang kanilang luwang, at ang labasan ay ayon sa kanilang ayos ng mga pintuan.

12 At ayon sa mga pintuan ng mga silid na nasa dakong timog ay may isang pasukan sa bukana ng daan, sa daang tuwid na patuloy sa harapan ng pader sa dakong silangan sa pagpasok sa mga iyon.

13 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Ang mga silid sa hilaga at ang mga silid sa timog na nasa harapan ng bukod na dako ay mga banal na silid, kung saan kakainin ng mga pari na lumalapit sa Panginoon ang mga kabanal-banalang bagay. Doon nila ilalapag ang mga kabanal-banalang bagay—ang handog na butil, at ang handog pangkasalanan, at ang handog ng budhi na may sala; sapagkat ang dako ay banal.

14 Kapag ang mga pari ay pumasok sa banal na dako, hindi sila lalabas sa banal na dako na papasok sa bulwagan sa labas hangga't hindi nila inilalapag doon ang mga kasuotan na kanilang ipinaglingkod, sapagkat ang mga iyon ay banal. Sila'y magsusuot ng ibang kasuotan bago sila magsisilapit sa mga bagay na para sa bayan.”

Ang Sukat ng Paligid ng Bahay

15 Nang matapos na niyang masukat ang loob ng bahay, inilabas niya ako sa pintuang nakaharap sa silangan, at sinukat ang bahay sa palibot.

16 Sinukat niya sa dakong silangan ng panukat na tambo, limang daang siko sa panukat na tambo.

17 Sinukat niya ang dakong hilaga, limang daang siko sa panukat na tambo.

18 Pagkatapos ay sinukat niya ang dakong timog, limang daang siko sa panukat na tambo.

19 At siya'y pumihit sa dakong kanluran at sinukat ito, limang daang siko sa panukat na tambo.

20 Sinukat niya ito sa apat na sulok. May pader ito sa palibot, ang haba'y limang daang siko at ang luwang ay limang daang siko, upang ihiwalay ang banal sa karaniwan.

Ang Bahay ay Napuno ng Kaluwalhatian ng Panginoon

43 Pagkatapos ay dinala niya ako sa pintuang-daan, ang pintuang-daang nakaharap sa dakong silangan.

At(J) narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nanggagaling sa dakong silangan. Ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at ang lupa ay nagningning sa kanyang kaluwalhatian.

Ang pangitain na aking nakita ay gaya ng pangitain na nakita ko nang ako'y dumating upang gibain ang lunsod, at gaya ng pangitain na aking nakita sa tabi ng Ilog Chebar; at ako'y nasubasob.

At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumasok sa bahay sa pintuang-daang nakaharap sa silangan,

itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pinakaloob na bulwagan; at narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.

Habang ang lalaki ay nakatayo sa tabi ko, aking narinig ang isang nagsasalita sa akin mula sa bahay.

At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang lugar ng aking trono, at lugar ng mga talampakan ng aking mga paa, na aking tinatahanan sa gitna ng mga anak ni Israel magpakailanman. Hindi na lalapastanganin pa ng sambahayan ni Israel ang aking banal na pangalan, nila man, o ng kanilang mga hari man, ng kanilang pagiging bayarang babae,[b] at ng mga bangkay man ng kanilang mga hari, kung sila'y mamatay,

sa kanilang paglalagay ng kanilang pasukan sa tabi ng aking pasukan, at ng kanilang mga haligi ng pintuan sa tabi ng aking mga haligi ng pintuan, na mayroon lamang pader sa pagitan ko at nila. Kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa; kaya't aking tinupok sila sa aking galit.

Ngayon nga'y iwan nila ang kanilang pagiging bayarang babae,[c] at ilayo sa akin ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at ako'y tatahan sa gitna nila magpakailanman.

10 “Ikaw, anak ng tao, ilarawan mo sa sambahayan ni Israel ang anyo at plano ng bahay, upang sila'y mapahiya sa kanilang mga kasamaan, at hayaang sukatin nila ang plano.

11 Kung sila'y mapahiya sa lahat nilang ginawa, ilarawan mo ang anyo ng bahay, ang gusali, ang mga labasan at mga pasukan niyon, at ang buong anyo niyon. Ipaalam mo sa kanila ang lahat ng mga tuntunin niyon; at lahat ng kautusan niyon, at iyong isulat iyon sa kanilang paningin, upang kanilang maingatan ang buong anyo at ang lahat ng mga tuntunin ay maisagawa nila.

12 Ito ang kautusan tungkol sa bahay: ang buong nasasakupan sa palibot ng taluktok ng bundok ay magiging kabanal-banalan. Narito, ito ang kautusan tungkol sa bahay.

Ang Dambana

13 “Ang(K) mga ito ang sukat ng dambana ayon sa mga siko (ang siko ay isang siko at isang lapad ng kamay): ang patungan ay isang siko ang taas, at ang luwang ay isang siko, at ang gilid niyon sa palibot ay isang dangkal. At ito ang magiging taas ng dambana:

14 mula sa patungan sa lupa hanggang sa mababang palapag ay dalawang siko at ang luwang ay isang siko; at mula sa mababang palapag hanggang sa higit na mataas na palapag ay apat na siko, at ang luwang ay isang siko.

15 Ang apuyan ng dambana ay apat na siko; at mula sa apuyan ng dambana hanggang sa dakong itaas ay may apat na sungay.

16 At ang apuyan ng dambana ay magiging parisukat, labindalawang siko ang haba at labindalawang siko ang luwang.

17 Ang patungan niyon ay parisukat din, labing-apat na siko ang haba at labing-apat na siko ang luwang. Ang gilid sa palibot ay magiging kalahating siko, at ang patungan niyon ay magiging isang siko sa palibot. Ang mga baytang niyon ay paharap sa silangan.”

Ang Pagtatalaga sa Dambana

18 (L) Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ito ang mga tuntunin para sa dambana: Sa araw na ito'y kanilang itayo, upang paghandugan sa ibabaw ng mga handog na sinusunog, at upang pagwisikan ng dugo,

19 iyong ibibigay sa mga paring Levita mula sa angkan ni Zadok na lumalapit sa akin upang maglingkod, ang isang guyang baka bilang handog pangkasalanan, sabi ng Panginoong Diyos.

20 At kukuha ka ng dugo niyon, at ilalagay mo sa apat na sungay niyon, at sa apat na sulok ng patungan, at sa laylayan sa palibot: ganito mo lilinisin iyon at tutubusin ito.

21 Iyo rin namang kukunin ang batang toro na handog pangkasalanan, at susunugin mo sa itinakdang lugar ng bahay, sa labas ng banal na lugar.

22 At sa ikalawang araw ay maghahandog ka ng kambing na lalaki na walang kapintasan na bilang handog pangkasalanan; at ang dambana ay malilinis gaya ng kanilang pagkalinis sa pamamagitan ng guyang toro.

23 Pagkatapos mong malinis ito, maghahandog ka ng isang batang toro na walang kapintasan, at isang lalaking tupa na mula sa kawan na walang kapintasan.

24 Ihahandog mo ang mga yaon sa harapan ng Panginoon, at wiwisikan ng asin ang mga iyon ng mga pari, at kanilang ihahandog bilang handog na sinusunog sa Panginoon.

25 Pitong araw na maghahanda ka sa bawat araw ng isang kambing bilang handog pangkasalanan. Maghahanda rin sila ng batang toro, at isang lalaking tupang mula sa kawan, na walang kapintasan.

26 Pitong araw na kanilang tutubusin ang dambana at lilinisin; gayon din nila itatalaga.

27 At kapag kanilang naganap ang mga araw na ito, mangyayari na sa ikawalong araw at sa haharapin, maghahandog sa dambana ang mga pari ng inyong mga handog na sinusunog at ang inyong mga handog pangkapayapaan; at aking tatanggapin kayo, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Tuntunin tungkol sa Pintuan sa Gawing Silangan

44 Nang magkagayo'y ibinalik niya ako sa panlabas na pintuan ng santuwaryo na nakaharap sa dakong silangan; at ito'y nakasara.

At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang pintuang ito ay mananatiling nakasara. Hindi ito bubuksan, at walang sinumang makakapasok dito; sapagkat ito'y pinasukan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel; kaya't ito'y mananatiling nakasara.

Tungkol sa pinuno, siya ay uupo roon bilang pinuno upang kumain ng tinapay sa harapan ng Panginoon. Siya'y papasok sa daan ng bulwagan ng pintuan, at lalabas sa daan ding iyon.”

Ang mga Tuntunin sa Pagpasok sa Dambana

Nang magkagayo'y kanyang dinala ako sa daan ng pintuan sa hilaga sa harapan ng bahay. Ako'y tumingin at nakita ko na napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon, at sumubsob ako sa lupa.

At sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, tandaan mong mabuti, masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig ang lahat ng aking sasabihin sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng Panginoon, at sa lahat ng kautusan doon. Tandaan mong mabuti ang pasukan sa bahay at lahat ng labasan sa santuwaryo.

Iyong sasabihin sa mapaghimagsik, sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: O kayong sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang lahat ninyong mga kasuklamsuklam,

sa inyong pagtanggap ng mga dayuhan na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang makapasok sa aking santuwaryo, na nilalapastangan ang aking bahay, kapag inyong inihahandog ang aking pagkain, ang taba at ang dugo. Sinira ninyo ang aking tipan, ito'y dagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam.

Hindi ninyo iningatan ang aking mga banal na bagay; kundi kayo'y naglagay ng mga dayuhan upang mangasiwa sa aking santuwaryo.

“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Walang dayuhan na hindi tuli sa puso at sa laman, sa lahat ng mga dayuhang kasama ng bayang Israel, ang papasok sa aking santuwaryo.

10 Ngunit ang mga Levita na lumayo sa akin, nang ang Israel ay tumalikod sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diyus-diyosan, ay magdaranas ng kanilang kaparusahan.

11 Gayunman, sila'y magiging tagapangasiwa sa aking santuwaryo, mamamahala sa mga pintuan ng bahay at maglilingkod sa bahay. Kanilang kakatayin ang handog na sinusunog at ang alay para sa bayan, at kanilang aasikasuhin ang bayan upang paglingkuran sila.

12 Sapagkat kanilang pinaglingkuran sila sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, at naging katitisuran nila sa ikasasama ng sambahayan ni Israel. Kaya't ako'y sumumpa tungkol sa kanila, sabi ng Panginoong Diyos, at daranasin nila ang kanilang kaparusahan.

13 Hindi sila lalapit sa akin upang maglingkod sa akin bilang pari, o lalapit man sa alinman sa aking mga banal na bagay at sa mga bagay na kabanal-banalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, dahil sa mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.

14 Gayunma'y hihirangin ko silang tagapangasiwa ng bahay, upang gawin ang lahat nitong paglilingkod at lahat ng dapat gawin doon.

Ang mga Pari

15 “Ngunit ang mga paring Levita na mga anak na lalaki ni Zadok, na nangangasiwa ng aking santuwaryo nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, ay lalapit sa akin upang maglingkod sa akin. Sila'y maglilingkod sa akin upang maghandog ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Diyos:

16 Sila'y papasok sa aking santuwaryo, at sila'y lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at gagawin nila ang aking tagubilin.

17 Kapag(M) sila'y papasok sa mga pintuan ng pinakaloob na bulwagan, magsusuot sila ng kasuotang telang lino. Hindi sila gagamit ng anumang lana habang sila'y nangangasiwa sa mga pintuan ng pinakaloob na bulwagan at sa loob.

18 Sila'y magsusuot ng turbanteng lino sa kanilang mga ulo, at magtatapis ng telang lino sa kanilang mga balakang; hindi sila magbibigkis ng anumang nakapagpapapawis.

19 Kapag(N) sila'y lumabas sa panlabas na bulwagan, sa panlabas na bulwagang patungo sa mga tao, huhubarin nila ang kanilang mga kasuotan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid. Magsusuot sila ng ibang mga kasuotan, baka mahawa nila ng kabanalan ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga kasuotan.

20 Hindi(O) nila aahitan ang kanilang mga ulo, ni pahahabain man ang kanilang buhok. Kanila lamang gugupitan ang buhok ng kanilang mga ulo.

21 Hindi(P) iinom ng alak ang sinumang pari kapag siya'y papasok sa pinakaloob na bulwagan.

22 Hindi(Q) sila mag-aasawa ng babaing balo, o ng babaing hiwalay sa asawa, kundi sa isang birhen lamang sa lahi ng sambahayan ni Israel, o sa babaing balo na nabalo sa pari.

23 Kanilang(R) ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ituturo sa kanila kung paano bibigyan ng pagkakaiba ang marumi at malinis.

24 Sa isang pagtatalo ay tatayo sila bilang mga hukom, at hahatulan nila iyon ayon sa aking mga hatol. Kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga tuntunin sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga Sabbath.

25 Hindi(S) nila dudungisan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglapit sa isang patay na tao. Gayunman, para sa ama, o sa ina, o sa anak na lalaki o babae, sa kapatid na lalaki o babae na walang asawa, ay maaari nilang dungisan ang kanilang mga sarili.

26 Pagkatapos na siya'y madungisan, sila'y bibilang ng pitong araw at siya'y magiging malinis.

27 Sa araw na siya'y pumasok sa banal na dako, sa pinakaloob na bulwagan upang maglingkod sa santuwaryo, siya'y maghahandog ng kanyang handog pangkasalanan, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Bahagi ng mga Pari

28 Sila'y(T) hindi magkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana at hindi ninyo sila bibigyan ng ari-arian sa Israel; ako'y kanilang ari-arian.

29 Sila'y(U) kakain ng handog na butil, ng handog pangkasalanan, at ng handog dahil sa budhing maysala. Bawat bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.

30 Ang una sa lahat na unang bunga ng bawat bagay, at bawat alay ng bawat bagay sa lahat ninyong mga handog ay magiging sa pari. Inyo ring ibibigay sa mga pari ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay.

31 Ang(V) mga pari ay hindi kakain ng anumang bagay na namamatay sa kanyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man.

Tuntunin tungkol sa Pagbabahagi ng Lupain

45 Kapag inyong hinati sa pamamagitan ng palabunutan ang lupain bilang ari-arian, inyong itatalaga para sa Panginoon ang isang bahagi ng lupain bilang banal na lugar, ang haba ay dalawampu't limang libong siko, at ang luwang ay sampung libo. Ito'y magiging banal sa lahat ng hangganan nito sa palibot.

Dito'y magkakaroon para sa santuwaryo ng lupang parisukat na limang daang siko ang haba at luwang na may limampung sikong bukas na lugar sa palibot niyon.

At sa lugar na ito ay susukat kayo ng isang bahaging ang haba ay dalawampu't limang libong siko at ang luwang ay sampung libong siko. Ito ang magiging lugar ng santuwaryo, ang kabanal-banalang dako.

Ito ang magiging banal na bahagi ng lupain; ito'y para sa mga pari na nangangasiwa sa santuwaryo at nagsisilapit sa Panginoon upang maglingkod sa kanya. Ito'y magiging dakong kalalagyan ng kanilang mga bahay at banal na dakong kalalagyan ng santuwaryo.

Ang ibang bahagi na dalawampu't limang libong siko ang haba at sampung libong siko ang luwang ay magiging para sa mga Levita na naglilingkod sa templo, upang maging kanilang pag-aari bilang mga bayan na tatahanan.

“Sa tabi ng bahaging itinalaga bilang banal na lugar ay maglalagay kayo upang maging pag-aari ng bayan, ng isang bahagi na limang libong siko ang luwang at dalawampu't limang libong siko ang haba. Ito'y para sa buong sambahayan ni Israel.

Ang Lupain ukol sa Pinuno ng Israel

“Para sa pinuno ay mapupunta ang lupain sa magkabilang dako ng banal na lugar at pag-aari ng lunsod, katabi ng banal na lugar at ng pag-aari ng bayan, sa kanluran at sa silangan. Ang haba ay ayon sa isa sa mga bahagi, mula sa hangganang kanluran hanggang sa hangganang silangan.

Ito'y magiging kanyang pag-aari sa Israel. Hindi na aapihin pa ng aking mga pinuno ang aking bayan, kundi ibibigay nila ang lupain sa sambahayan ni Israel ayon sa kanilang mga lipi.

Ang mga Tuntunin para sa Pinuno

“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Tama na, O mga pinuno ng Israel! Alisin ninyo ang karahasan at pang-aapi, at magsagawa kayo ng katarungan at katuwiran. Ihinto na ninyo ang pagpapaalis sa aking bayan, sabi ng Panginoong Diyos.

10 “Kayo'y(W) magkakaroon ng mga tamang timbangan, tamang efa, at tamang bat.

11 Ang efa at ang bat ay magiging iisang takalan, ang bat ay maglalaman ng ikasampung bahagi ng isang omer, at ang efa ay ikasampung bahagi ng isang omer: ang omer ang maging pamantayan ng panukat.

12 At ang siklo ay magiging dalawampung gera; dalawampung siklo, dalawampu't limang siklo, at labinlimang siklo ay siyang magiging maneh ninyo.

13 “Ito ang alay na inyong ihahandog: ang ikaanim na bahagi ng isang efa mula sa isang omer ng trigo; at ang ikaanim na bahagi ng isang efa mula sa isang omer ng sebada;

14 ang takdang bahagi ng langis, ng bat ng langis, ang ikasampung bahagi ng bat mula sa bawat koro (ang koro, gaya ng omer, ay may sampung bat);

15 at isang batang tupa mula sa bawat kawan na dalawandaan, mula sa mga masaganang pastulan ng sambahayan ng Israel. Ito ang handog na butil, handog na susunugin, at handog pangkapayapaan, upang ipantubos sa kanila, sabi ng Panginoong Diyos.

16 Ang buong bayan ng lupain ay magbibigay ng alay na ito sa pinuno sa Israel.

17 Magiging tungkulin ng pinuno na magbigay ng mga handog na sinusunog, mga handog na butil, mga inuming handog, sa mga kapistahan, sa mga bagong buwan, sa mga Sabbath, sa lahat ng takdang kapistahan ng sambahayan ni Israel. Siya'y maghahanda ng handog pangkasalanan, handog na butil, handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan upang ipantubos sa sambahayan ni Israel.

Mga Kapistahan

18 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa unang araw ng unang buwan, kukuha ka ng batang toro na walang kapintasan; at iyong lilinisin ang santuwaryo.

19 At ang pari ay kukuha ng dugo ng handog pangkasalanan, at ilalagay sa mga haligi ng pintuan ng templo, sa apat na sulok ng patungang dambana, at sa mga haligi ng pintuan ng pinakaloob ng bulwagan.

20 Gayundin ang iyong gagawin sa ikapitong araw ng buwan para sa bawat nagkakasala dahil sa pagkakamali o kawalang-malay; gayon ninyo tutubusin ang bahay.

21 “Sa(X) ikalabing-apat na araw ng unang buwan, magdiriwang kayo ng paskuwa, isang kapistahan sa loob ng pitong araw. Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw.

22 Sa araw na iyon ay maghahanda ang pinuno para sa kanya at sa buong bayan ng lupain ng isang guyang toro bilang handog pangkasalanan.

23 Sa pitong araw ng kapistahan ay ipaghahanda niya ng handog na sinusunog ang Panginoon, pitong guyang toro at pitong lalaking tupa na walang kapintasan sa araw-araw sa loob ng pitong araw; at isang lalaking kambing araw-araw bilang handog pangkasalanan.

24 Siya'y maghahanda ng handog na butil, ng isang efa sa isang toro, at ng isang efa sa isang lalaking tupa, at isang hin ng langis sa isang efa.

25 Sa(Y) ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan, at sa loob ng pitong araw ng kapistahan, gagawin niya ang gayunding paghahanda para sa handog pangkasalanan, handog na sinusunog, at handog na butil, at para sa langis.

Ang Pinuno at ang mga Pista

46 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang pintuan ng pinakaloob na bulwagan na nakaharap sa dakong silangan ay sasarhan sa panahon ng anim na araw na paggawa. Ngunit sa Sabbath, ito ay bubuksan, at sa araw ng bagong buwan ay bubuksan ito.

Ang pinuno ay papasok sa tabi ng patyo ng pintuan sa labas, at tatayo sa tabi ng haligi ng pintuan. Ihahandog ng mga pari ang kanyang handog na sinusunog at ang kanyang mga handog pangkapayapaan, at siya'y sasamba sa may pasukan ng pintuan. Pagkatapos lalabas siya, ngunit ang pintuan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon.

Ang mamamayan ng lupain ay sasamba sa may pasukan ng pintuang iyon sa harapan ng Panginoon sa mga Sabbath at sa mga bagong buwan.

Ang handog na sinusunog na ihahandog ng pinuno sa Panginoon sa araw ng Sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan.

Ang handog na butil na kasama ng lalaking tupa ay isang efa, at ang handog na butil na kasama ng mga batang tupa ay kasindami ng kaya niya, at isang hin ng langis sa bawat efa.

Mga Bagay tungkol sa mga Handog

Sa araw ng bagong buwan ay maghahandog siya ng isang guyang toro na walang kapintasan at anim na batang tupa at isang lalaking tupa na mga walang kapintasan.

Bilang handog na butil ay maghahandog siya ng isang efa kasama ng toro, at isang efa kasama ng lalaking tupa, at ng mga batang tupa ayon sa kanyang kaya, at isang hin na langis sa bawat efa.

Kapag ang pinuno ay papasok, siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuan, at sa daan ding iyon siya lalabas.

“Kapag ang bayan ng lupain ay haharap sa Panginoon sa mga takdang kapistahan, ang papasok sa pintuan sa hilaga upang sumamba ay lalabas sa pintuan sa timog. Ang papasok sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Walang babalik sa pintuan na kanyang pinasukan, kundi bawat isa ay tuluy-tuloy na lalabas.

10 Kapag sila'y pumasok, ang pinuno ay papasok na kasama nila; at kapag sila'y lumabas, siya ay lalabas.

11 “Sa mga kapistahan at sa mga takdang panahon, ang handog na butil kasama ng guyang toro ay magiging isang efa, at kasama ng isang lalaking tupa ay isang efa, at kasama ng mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa.

12 Kapag ang pinuno ay maghahanda ng kusang handog na sinusunog o ng mga handog pangkapayapaan bilang kusang handog sa Panginoon, bubuksan para sa kanya ang pintuang nakaharap sa silangan. Kanyang iaalay ang kanyang handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan gaya ng kanyang ginagawa sa araw ng Sabbath. Pagkatapos ay lalabas siya, at pagkalabas niya ay sasarhan ang pintuan.

Ang mga Handog Araw-araw

13 “Siya ay maglalaan ng isang batang tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog sa Panginoon araw-araw; tuwing umaga ay maghahanda siya.

14 At siya'y maglalaan ng handog na butil na kasama niyon tuwing umaga, ikaanim na bahagi ng isang efa, at ikatlong bahagi ng isang hin ng langis, upang basain ang harina, bilang handog na butil sa Panginoon. Ito ang batas para sa patuloy na handog na sinusunog.

15 Gayon nila ilalaan ang batang tupa, ang handog na butil, at ang langis, tuwing umaga, bilang patuloy na handog na sinusunog.

Ang Pinuno at ang Lupain

16 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kung ang pinuno ay magbigay ng regalo sa kanino man sa kanyang mga anak mula sa kanyang mana, iyon ay mapapabilang sa kanyang mga anak; ito'y kanilang pag-aari bilang mana.

17 Ngunit(Z) kung siya'y magbigay ng regalo mula sa kanyang mana sa isa sa kanyang mga alipin, iyon ay magiging kanya hanggang sa taon ng kalayaan. Kung magkagayo'y ibabalik ito sa pinuno. Tanging ang kanyang mga anak ang makapag-iingat ng regalo mula sa kanyang mana.

18 Hindi kukunin ng pinuno ang alinman sa mana ng taong-bayan, na aalisin sa kanila ang kanilang pag-aari. Siya'y magbibigay ng mana sa kanyang mga anak mula sa kanyang sariling pag-aari, upang walang sinuman sa aking bayan ang mawalan ng kanyang pag-aari.”

Ang Lutuan ng mga Handog

19 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan na nasa tabi ng pintuan, sa hilagang hanay ng mga banal na silid na para sa mga pari. Doon ay nakita ko ang isang lugar sa pinakadulong kanluran ng mga iyon.

20 Sinabi niya sa akin, “Ito ang dako na pagpapakuluan ng mga pari ng handog pangkasalanan at ng handog sa budhing maysala, na siyang kanilang paglulutuan ng handog na butil, upang huwag nilang mailabas sa bulwagan sa labas upang banalin ang bayan.”

21 Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa panlabas na bulwagan at dinala niya ako sa apat na sulok ng looban. Sa bawat sulok ng bulwagan ay may isang bulwagan.

22 Sa apat na sulok ng bulwagan ay may mga maliliit na bulwagan, apatnapung siko ang haba at tatlumpu ang luwang: ang apat ay magkakatulad ang laki.

23 Sa palibot ng mga iyon ay may isang pader, sa palibot nilang apat at may ginawang dako ng pagpapakuluan sa ilalim ng mga hanay sa palibot.

24 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Ito ang mga dakong pakuluan na pagpapakuluan ng mga tagapangasiwa sa bahay ng handog ng bayan.”

Ang Batis mula sa Templo

47 Ibinalik(AA) niya ako sa pintuan ng bahay, at narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan ng bahay sa dakong silangan (sapagkat ang bahay ay nakaharap sa silangan); at ang tubig ay umaagos mula sa ilalim ng dakong kanan ng bahay, mula sa timog ng dambana.

Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan ng pintuan sa hilaga at inilibot niya ako sa palibot ng pintuan sa labas sa daan ng pintuan na nakaharap sa silangan; at narito, lumalabas ang tubig sa dakong timog.

Nang ang lalaki ay lumabas sa dakong silangan na may pising panukat sa kanyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig. Ang lalim ay hanggang bukung-bukong.

Muling sumukat siya ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ang lalim nito ay hanggang tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ito ay hanggang sa mga balakang.

Muli siyang sumukat ng isang libo, at ito ay isang ilog na hindi ko madaanan sapagkat ang tubig ay tumaas na. Sapat ang lalim nito upang languyan, ilog na hindi madadaanan.

At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakita mo na ba ito?” Nang magkagayo'y dinala niya akong pabalik sa pampang ng ilog.

Sa aking pagbalik, narito sa pampang ng ilog ang napakaraming punungkahoy sa magkabilang panig.

At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay umaagos sa dakong silangang lupain, at bababa sa Araba. At sila'y aagos patungo sa dagat, na ginawang paagusin sa dagat, ang tubig ng dagat ay magiging sariwa.

At mangyayari na bawat nilalang na may buhay na dumarami ay mabubuhay saanmang dako umagos ang tubig. At magkakaroon ng napakaraming isda; sapagkat ang tubig na ito ay darating doon, ang tubig ng dagat ay magiging tabang; kaya't lahat ay mabubuhay saanman dumating ang ilog.

10 Ang mga mangingisda ay tatayo sa tabi nito. Mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dakong bilaran ng mga lambat. Ang mga isda ng mga iyon ay magiging napakaraming uri, gaya ng isda ng Malaking Dagat, na napakarami.

11 Ngunit ang kanyang mga dakong maburak at mga lumbak ay hindi magiging tabang; ang mga ito ay maiiwan upang maging asinan.

12 At(AB) sa mga pampang ng ilog sa isang dako at sa kabila, ay tutubo roon ang lahat ng uri ng punungkahoy bilang pagkain. Ang kanilang mga dahon ay hindi matutuyo, ni mawawalan man ng kanilang bunga, kundi magbubunga ng sariwa buwan-buwan, sapagkat ang tubig para sa kanila ay umaagos mula sa santuwaryo. Ang kanilang bunga ay magiging pagkain at ang kanilang dahon ay pampagaling.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001