Bible in 90 Days
Pinatay ni Saul ang Sarili(A)
10 Nakipaglaban ang mga Filisteo sa mga Israelita sa Bundok ng Gilboa. Maraming namatay sa mga Israelita, at ang iba sa kanilaʼy nagsitakas. 2 Hinabol ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niyang lalaki, at pinatay nila ang mga anak niyang sina Jonatan, Abinadab at Malki Shua. 3 Matindi ang labanan nina Saul at ng mga Filisteo. Tinamaan siya ng pana at malubhang nasugatan. 4 Sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang armas, “Bunutin mo ang iyong espada at patayin ako, dahil kung hindi, silang mga hindi nakakakilala sa Dios[a] ang papatay sa akin, at pagtatawanan pa nila ako.” Pero natakot ang tagapagdala niya ng armas na patayin siya, kaya kinuha ni Saul ang sarili niyang espada, at sinaksak ang sarili.
5 Nang makita ng tagapagdala ng armas na patay na si Saul, sinaksak din niya ang kanyang sarili at namatay siya. 6 Kaya namatay si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, at ang lahat ng pamilya niya.
7 Nang panahong iyon, may mga Israelitang nakatira sa lambak ng Jezreel. Nang makita nilang nagsitakas ang mga sundalo ng Israel at patay na si Saul pati ang mga anak niya, iniwan nila ang mga bayan nila at nagsitakas din. Kaya pinasok ng mga Filisteo ang mga bayan at tinirhan nila ang mga ito.
8 Kinabukasan, nang pumunta ang mga Filisteo sa Bundok ng Gilboa para kunin ang mahahalagang bagay sa mga namatay na sundalo, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak. 9 Kinuha nila ang mga armas ni Saul at pinutol ang ulo nito. Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa buong lupain ng Filisteo para ibalita sa kanilang mga dios-diosan at mga kababayan na patay na si Saul. 10 Inilagay nila ang armas ni Saul sa templo ng kanilang mga dios, at isinabit ang ulo niya sa templo ng dios nilang si Dagon.
11 Nabalitaan ng mga taga-Jabes Gilead ang lahat ng ginawa ng mga Filisteo kay Saul. 12 Kaya lumakad ang lahat ng kanilang matatapang na tao at kinuha ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak, at dinala nila ito sa Jabes. Pagkatapos, inilibing nila ang mga bangkay sa ilalim ng malaking punongkahoy sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw.
13 Namatay si Saul dahil hindi siya naging tapat sa Panginoon. Hindi niya tinupad ang utos ng Panginoon, at dumulog pa siya sa mga espiritista 14 sa halip na humingi siya ng payo sa Panginoon. Kaya pinatay siya ng Panginoon at ibinigay ang kaharian kay David na anak ni Jesse.
Naging Hari si David sa Israel(B)
11 Pumunta ang lahat ng Israelita kay David sa Hebron at sinabi, “Mga kamag-anak mo kami. 2 Mula pa noon, kahit nang si Saul pa ang aming hari, ikaw na ang namumuno sa mga Israelita sa pakikipaglaban. At sinabi sa iyo ng Panginoon na iyong Dios, ‘Aalagaan mo ang mga mamamayan kong Israelita, tulad ng isang pastol ng mga tupa. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’ ” 3 Kaya roon sa Hebron, gumawa si David ng kasunduan sa mga tagapamahala ng Israel sa harap ng Panginoon, at pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.
4 Isang araw, pumunta si David at lahat ng mga Israelita sa Jerusalem (na dating Jebus) para lusubin ito. Ang mga Jebuseo na nakatira roon 5 ay nagsabi kay David, “Hindi kayo makakapasok dito.” Pero naagaw nina David ang matatag na kuta ng Zion,[b] na sa bandang huliʼy tinawag na Lungsod ni David.
6 Sinabi ni David, “Ang sinumang manguna sa paglusob sa mga Jebuseo ang magiging kumander ng mga sundalo.” Si Joab na anak ni Zeruya ang nanguna sa paglusob kaya siya ang naging kumander.
7 Pagkatapos maagaw ni David ang matatag na kutang iyon, doon na siya tumira. At tinawag niya itong Lungsod ni David. 8 Pinadagdagan niya ang mga pader sa paligid mula sa mababang parte ng lungsod. Si Joab ang namamahala sa pag-aayos ng ibang bahagi ng lungsod. 9 Naging makapangyarihan si David, dahil tinutulungan siya ng Panginoong Makapangyarihan.
Ang Matatapang na Tauhan ni David(C)
10 Ito ang mga pinuno ng matatapang na tauhan ni David. Sila at ang lahat ng Israelita ay sumuporta sa paghahari ni David ayon sa ipinangako ng Panginoon tungkol sa Israel. 11 Si Jashobeam na Hacmoneo, ang nangunguna sa tatlo[c] na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 300 tao sa pamamagitan ng sibat niya.
12 Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai[d] na mula sa angkan ni Ahoa. Isa rin siya sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. 13-14 Isa siya sa mga sumama kay David nang nakipaglaban sila sa mga Filisteo sa Pas Damim. Doon sila naglaban sa taniman ng sebada. Tumakas ang mga Israelita pero sina Eleazar at David ay nanatili sa gitna ng taniman, at pinatay nila ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon.
15 Isang araw, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong ito ay kabilang sa 30 matatapang na mga tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim, 16 at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 17 nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 18 Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 19 Sinabi niya, “O Dios ko, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.
Iyon nga ang mga ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.
20 Si Abishai na kapatid ni Joab ang pinuno ng 30[e] matatapang na tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong matatapang na tauhan, 21 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa 30[f] niyang kasama, siya ang naging kumander nila.
22 May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 23 Bukod dito, pinatay niya ang isang Egipciong may taas na pitoʼt kalahating talampakan. Ang armas ng Egipcio ay sibat na mabigat at makapal,[g] pero ang armas niyaʼy isang pamalo lang. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 24 Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 25 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.
26 Ito ang matatapang na kawal:
si Asahel na kapatid ni Joab,
si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem,
27 si Shamot na taga-Haror,[h]
si Helez na taga-Pelon,
28 si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa,
si Abiezer na taga-Anatot,
29 si Sibecai na taga-Husha,
si Ilai[i] na taga-Ahoa,
30 si Maharai na taga-Netofa,
si Heled[j] na anak ni Baana na taga-Netofa,
31 si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin,
si Benaya na taga-Piraton,
32 si Hurai[k] na nakatira malapit sa mga ilog ng Gaas,
si Abiel[l] na taga-Arba,
33 si Azmavet na taga-Baharum,[m]
si Eliaba na taga-Shaalbon,
34 ang mga anak ni Hashem[n] na taga-Gizon,
si Jonatan na anak ni Shagee[o] na taga-Harar,
35 si Ahiam na anak ni Sacar[p] na taga-Harar,
si Elifal na anak ni Ur,
36 si Hefer na taga-Mekerat,
si Ahia na taga-Pelon,
37 si Hezro na taga-Carmel,
si Naarai[q] na anak ni Ezbai,
38 si Joel na kapatid ni Natan,
si Mibhar na anak ni Hagri,
39 si Zelek na taga-Ammon,
si Naharai na taga-Berot, na tagapagdala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya,
40 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir,[r]
41 si Uria na Heteo,
si Zabad na anak ni Alai,
42 si Adina na anak ni Shiza na isang pinuno sa lahi ni Reuben kasama ng kanyang 30 tauhan,
43 si Hanan na anak ni Maaca,
si Joshafat na taga-Mitna,
44 si Uzia na taga-Ashterot,
sina Shama at Jeyel na mga anak ni Hotam na taga-Aroer,
45 si Jediael na anak ni Shimri, at ang kapatid niyang si Joha na taga-Tiz,
46 si Eliel, na taga-Mahav,
sina Jeribai at Josavia na mga anak ni Elnaam,
si Itma na taga-Moab,
47 sina Eliel, Obed, at Jaasiel na taga-Mezoba.
Ang mga Tao na Sumama kay David at ang Kanyang mga Sundalo
12 Ito ang mga tao na pumunta kay David doon sa Ziklag nang siyaʼy nagtatago kay Saul na anak ni Kish. Kasama sila sa mga tumulong kay David sa labanan. 2 Armado sila ng mga pana at mahuhusay silang pumana at manirador, kanan o kaliwang kamay man. Mga kamag-anak sila ni Saul mula sa lahi ni Benjamin. 3 Pinamumunuan sila nina Ahiezer at Joash na mga anak ni Shemaa na taga-Gibea. Ito ang mga pangalan nila:
sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet,
sina Beraca at Jehu na mga taga-Anatot,
4 si Ishmaya na taga-Gibeon, na isa sa mga tanyag na sundalo at isa rin sa matatapang na pinuno ng 30 matatapang na tao,
sina Jeremias, Jahaziel, Johanan, at Jozabad na taga-Gedera,
5 sina Eluzai, Jerimot, Bealia, Shemaria, at Shefatia na taga-Haruf,
6 sina Elkana, Ishia, Azarel, Joezer, at Jashobeam na mga angkan ni Kora,
7 sina Joela at Zebadia na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.
8 May mga tao ring mula sa lahi ni Gad ang sumama kay David doon sa matatag na kuta na pinagtataguan niya sa ilang. Matatapang silang sundalo at mahuhusay gumamit ng mga pananggalang at sibat. Kasintapang sila ng mga leon, at kasimbilis ng usa sa kabundukan:
9 si Ezer ang pinuno nila,
si Obadias ang pangalawa,
si Eliab ang pangatlo,
10 si Mishmana ang pang-apat,
si Jeremias ang panglima,
11 si Atai ang pang-anim,
si Eliel ang pampito,
12 si Johanan ang pangwalo,
si Elzabad ang pangsiyam,
13 si Jeremias ang pangsampu,
at si Macbanai ang pang-11.
14 Sila ang lahi ni Gad na mga kumander ng mga sundalo. Ang pinakamahina sa kanila ay makakapamahala ng 100 sundalo, at ang pinakamalakas ay makakapamahala ng 1,000 sundalo. 15 Tinawid nila ang Ilog ng Jordan nang unang buwan ng taon, ang panahong umaapaw ang tubig nito, at itinaboy nila ang lahat ng nakatira sa mga lambak ng silangan at kanluran ng ilog.
16 May mga tao ring nagmula sa mga lahi nina Benjamin at Juda na pumunta kay David doon sa pinagkukutaan niya. 17 Lumabas si David para salubungin sila at sinabi, “Kung pumunta kayo rito para tumulong sa akin bilang kaibigan, tinatanggap ko kayo na sumama sa amin. Pero kung pumunta kayo rito para ibigay ako sa aking mga kalaban kahit wala akong kasalanan, sanaʼy makita ito ng Dios ng ating mga ninuno at parusahan niya kayo.”
18 Pagkatapos, pinuspos ng Espiritu si Amasai na kalaunan ay naging pinuno ng 30 matatapang na sundalo, at sinabi niya,
“Kami po ay sa inyo, O David na anak ni Jesse! Magtagumpay sana kayo at ang mga tumutulong sa inyo, dahil ang Dios ninyo ang tumutulong sa inyo.”
Kaya tinanggap sila ni David at ginawang opisyal ng mga sundalo niya.
19 May mga tao rin na mula sa lahi ni Manase ang sumama kay David nang pumunta siya sa mga Filisteo para makipaglaban kay Saul. Pero hindi pumayag ang mga Filisteo na sumama si David at ang mga tauhan niya, dahil iniisip nila na baka muling pumanig si David sa amo niyang si Saul. Kaya pagkatapos nilang mag-usap, pinabalik nila si David sa Ziklag.
20 Ito ang mga tao na mula sa lahi ni Manase na sumama kay David sa Ziklag: sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Elihu at Ziletai. Bawat isa sa kanilaʼy pinuno ng 1,000 sundalo sa lahi ni Manase. 21 Tumulong sila kay David sa pakikipaglaban sa mga lumulusob sa kanila, dahil matatapang silang mga mandirigma. Kaya nga naging pinuno sila ng mga sundalo ni David. 22 Sa bawat araw, may mga tao na pumupunta kay David para tumulong, hanggang sa dumami at naging matibay ang kanyang mga sundalo.[s]
23-24 Ito ang bilang ng mga armadong sundalo na pumunta kay David sa Hebron upang tumulong sa kanya na maagaw ang kaharian ni Saul, ayon sa ipinangako ng Panginoon:
Mula sa lahi ni Juda: 6,800 sundalo na may mga dalang sibat at pana.
25 Mula sa lahi ni Simeon: 7,100 mahuhusay na sundalo.
26 Mula sa lahi ni Levi: 4,600 sundalo, 27 kabilang na si Jehoyada na pinuno ng pamilya ni Aaron at ang kanyang 3,700 tauhan, 28 at si Zadok na isang matapang at kabataang mandirigma at ang 22 opisyal mula sa kanyang pamilya.
29 Mula sa lahi ni Benjamin na mga kamag-anak ni Saul: 3,000 sundalo. Karamihan sa lahi ni Benjamin ay nanatiling tapat kay Saul.
30 Mula sa lahi ni Efraim: 20,800 matatapang na sundalo at tanyag sa pamilya nila.
31 Mula sa kalahating lahi ni Manase: 18,000 sundalo. Ipinadala sila para tumulong sa pagluklok kay David na maging hari.
32 Mula sa lahi ni Isacar: 200 pinuno kasama ang mga kamag-anak na pinamamahalaan nila. Sila ang nakakaalam kung ano ang dapat gawin ng Israel at kung kailan ito gagawin.
33 Mula sa lahi ni Zebulun: 50,000 mahuhusay na sundalo na armado ng ibaʼt ibang armas. Handang-handa silang tumulong at mamatay para kay David.
34 Mula sa lahi ni Naftali: 1,000 opisyal at 37,000 sundalo na may dalang mga pananggalang at sibat.
35 Mula sa lahi ni Dan: 28,600 sundalo na handa sa labanan.
36 Mula sa lahi ni Asher: 40,000 mahuhusay na sundalo na handa sa labanan.
37 At mula sa lahi sa silangan ng Ilog ng Jordan, ang lahi ni Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase: 120,000 sundalo na armado ng ibaʼt ibang uri ng armas.
38 Silang lahat ang sundalo na nagprisinta sa pakikipaglaban. Pumunta sila sa Hebron at nagkaisa silang gawing hari si David sa buong Israel. Sa katunayan, halos lahat ng Israelita ay gustong maging hari si David. 39 Nanatili sila roon ng tatlong araw kasama si David na nagsisikain at nag-iinuman dahil pinadalhan sila ng mga kababayan nila ng pagkain. 40 Nagdala rin ng pagkain ang mga kamag-anak nilang mula pa sa malayong lugar ng Isacar, Zebulun at Naftali. Ikinarga nila ito sa mga asno, kamelyo, mola[t] at baka. Marami ang kanilang harina, igos, mga pinatuyong pasas, katas ng ubas at langis, baka at tupa. Masayang-masaya ang lahat sa Israel.
Ang Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan(D)
13 Nakipag-usap si David sa kanyang mga opisyal at sa mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo. 2 Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng Israelitang naroon, “Kung gusto ninyo at kung kalooban ng Panginoon na ating Dios, magpapadala tayo ng mensahe sa lahat ng kababayan natin sa buong Israel, pati na sa mga pari at mga Levita na kasama nila sa mga bayan at pastulan. Papuntahin natin sila rito para makiisa sa atin. 3 Ito na ang panahon para kunin natin ang Kahon ng ating Dios, dahil hindi natin ito pinahalagahan nang si Saul pa ang hari.” 4 Pumayag ang buong kapulungan dahil nakita nilang iyon ang tamang gawin.
5 Kaya tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita, mula sa Ilog ng Shihor sa Egipto hanggang sa Lebo Hamat,[u] para kunin ang Kahon ng Dios[v] sa Kiriat Jearim. 6 Pumunta si David at lahat ng kasama niyang mga Israelita sa Baala na nasa Juda (na siya ring Kiriat Jearim) para kunin ang Kahon ng Panginoong Dios, kung saan siya nananahan.[w] Nananahan ang Panginoon sa gitna ng mga kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. 7 Kinuha nila ang Kahon ng Dios sa bahay ni Abinadab at ikinarga sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio ang umaalalay sa kariton. 8 Buong lakas na nagdiwang si David at lahat ng mga Israelita sa presensya ng Dios. Umawit sila at tumugtog ng mga alpa, lira, tamburin, pompyang at trumpeta.
9 Nang dumating sila sa giikan ni Kidon,[x] hinawakan ni Uza ang Kahon, dahil nadulas ang mga baka. 10 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil hinawakan niya ang Kahon. Kaya namatay siya roon sa presensya ng Dios. 11 Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[y] 12 Nang araw na iyon, natakot si David sa Dios at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Dios?” 13 Kaya nagpasya siyang huwag na lang dalhin ang Kahon sa kanyang lungsod.[z] Sa halip, iniwan niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 14 Nanatili ito sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala ng Panginoon ang pamilya ni Obed Edom at ang lahat ng ari-arian niya.
Ang Pamilya ni David(E)
14 Samantala, nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero. Nagpadala rin siya ng mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David. 2 At dito nalaman ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari at nagpalago ng kaharian niya para sa mga mamamayan niyang Israelita.
3 Doon sa Jerusalem, marami pang naging asawa si David, at nadagdagan pa ang mga anak niya. 4 Ito ang mga anak niya na isinilang doon: Shamua,[aa] Shobab, Natan, Solomon, 5 Ibhar, Elishua, Elpelet, 6 Noga, Nefeg, Jafia, 7 Elishama, Beeliada,[ab] at Elifelet.
Tinalo ni David ang mga Filisteo(F)
8 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari sa buong Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan iyon ni David, at sinalubong niya sila. 9 Nang lusubin ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim, 10 nagtanong si David sa Dios, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Matatalo po ba namin sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil matatalo ninyo sila.” 11 Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Baal Perazim, at tinalo nila roon ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Dios ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha, at ginamit niya ako para lipulin sila.” Kaya tinawag na Baal Perazim[ac] ang lugar na iyon.
12 Naiwan ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila roon, at nag-utos si David na sunugin ang mga ito.
13 Muling nilusob ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim. 14 Kaya muling nagtanong si David sa Dios, at sumagot ang Dios sa kanya, “Huwag nʼyo agad silang salakayin, palibutan nʼyo muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo. 15 Kapag narinig ninyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa itaas ng puno ng balsamo, sumalakay kayo agad dahil iyon ang palatandaan na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.” 16 Kaya sinunod ni David ang iniutos sa kanya ng Dios, at pinatay nila ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.
17 Kaya naging tanyag si David kahit saan, at ginawa ng Panginoon na katakutan siya ng lahat ng bansa.
Ang Paghahanda sa Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan
15 Nagpatayo si David ng mga gusali sa kanyang lungsod[ad] para sa sarili niya. Nagpagawa rin siya ng tolda para sa Kahon ng Dios, at inilagay niya ito nang maayos sa lugar na kanyang inihanda para rito. 2 Pagkatapos, sinabi ni David, “Walang ibang tagabuhat ng Kahon ng Dios maliban sa mga Levita, dahil sila ang pinili ng Panginoon na magbuhat ng Kahon ng Panginoon at maglingkod sa presensya niya magpakailanman.” 3 Tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita sa Jerusalem na magdadala ng Kahon ng Panginoon sa lugar na inihanda niya para rito. 4 Ipinatawag din niya ang mga pari[ae] at mga Levita, na ang mga bilang ay ito:
5 Mula sa mga angkan ni Kohat, 120, at pinamumunuan sila ni Uriel.
6 Mula sa mga angkan ni Merari, 220, at pinamumunuan sila ni Asaya.
7 Mula sa mga angkan ni Gershon,[af] 130, at pinamumunuan sila ni Joel.
8 Mula sa angkan ni Elizafan, 200, at pinamumunuan sila ni Shemaya.
9 Mula sa mga angkan ni Hebron, 80, at pinamumunuan sila ni Eliel.
10 Mula sa mga angkan ni Uziel, 112, at pinamumunuan sila ni Aminadab.
11 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar at ang mga Levitang sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng mga pamilyang Levita. Linisin nʼyo ang inyong mga sarili[ag] at ganoon din ang mga kapwa nʼyo Levita, para madala ninyo ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa lugar na inihanda ko para rito. 13 Dahil noong una hindi kayo ang nagdala ng Kahon ng Kasunduan. Pinarusahan tayo ng Panginoon na ating Dios dahil hindi tayo nagtanong sa kanya kung paano ito dadalhin sa tamang paraan.”
14 Kaya nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para madala nila ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 15 Pinagtulungang pasanin ng mga Levita ang Kahon ng Dios sa pamamagitan ng tukod, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
16 Inutusan ni David ang mga pinuno ng mga Levita na pumili ng mang-aawit mula sa kapwa nila Levita, sa pag-awit ng masasayang awitin na tinugtugan ng mga lira, alpa at pompyang. 17 Kaya pinili ng mga Levita si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berekia, at si Etan na anak ni Kusaya na mula sa angkan ni Merari. 18 Ang piniling tutulong sa kanila ay ang mga kamag-anak nilang sina Zacarias, Jaaziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maaseya, Matitia, Elifelehu, Mikneya, at ang mga guwardya ng pintuan ng Tolda na sina Obed Edom at Jeyel. 19 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga tansong pompyang ay sina Heman, Asaf at Etan. 20 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga lira sa mataas na tono ay sina Zacarias, Aziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maaseya at Benaya. 21 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga alpa sa mababang tono ay sina Matitia, Elifelehu, Mikneya, Obed Edom, Jeyel at Azazia. 22 Ang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit ay ang pinuno ng mga Levita na si Kenania, dahil mahusay siyang umawit. 23 Ang pinagkatiwalaang magbantay ng Kahon ng Kasunduan ay sina Berekia at Elkana. 24 Ang pinagkatiwalaang magpatunog ng trumpeta sa harapan ng Kahon ng Dios ay ang mga pari na sina Shebania, Joshafat, Netanel, Amasai, Zacarias, Benaya at Eliezer. Sina Obed Edom at Jehia ay mga tagapagbantay din sa Kahon ng Kasunduan.
Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(G)
25 Kaya masayang pumunta si David, ang mga tagapamahala ng Israel, at ang mga pinuno ng libu-libong sundalo sa bahay ni Obed Edom para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 26 At dahil tinulungan ng Dios ang mga Levita nang dalhin nila ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, naghandog sila ng pitong batang toro at pitong tupa. 27 Nagsuot si David ng damit na gawa sa telang linen pati ang lahat ng Levitang bumubuhat ng Kahon ng Kasunduan, ang mga mang-aawit, at si Kenania na siyang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit. Nagsuot din si David ng espesyal na damit[ah] na gawa sa telang linen. 28 At dinala ng lahat ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon nang may kagalakan. Pinatunog nila ang mga tambuli, trumpeta at pompyang; at pinatugtog ang mga lira at mga alpa.
29 Nang papasok na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa Lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. At nang makita niya si Haring David na sumasayaw sa tuwa, kinamuhian niya siya.
16 Inilagay nila ang Kahon ng Dios sa loob ng toldang itinayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[ai] 2 Pagkatapos nilang maghandog nina David, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoon. 3 Binigyan niya ng tinapay, karne,[aj] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae.
4 Pumili si David ng mga Levita na maglilingkod sa harap ng Kahon ng Panginoon para manalangin, magpasalamat at magpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 5 Si Asaf ang nanguna sa kanila at siya ang nagpapatunog ng mga pompyang. Sumunod sa kanya ay sina Zacarias, Jeyel, Shemiramot, Jehiel, Matitia, Eliab, Benaya, Obed Edom at Jeyel. Sila ang mga tagatugtog ng lira at alpa. 6 Ang mga pari na sina Benaya at Jahaziel ang palaging nagpapatunog ng mga trumpeta sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Dios.
Ang Awit ng Pasasalamat ni David(H)
7 Nang araw na iyon, sa unang pagkakataon ay ibinigay ni David kay Asaf at sa mga kapwa niya Levita ang awit na ito ng pasasalamat sa Panginoon:
8 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon. Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
9 Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
10 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
11 Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
12-13 Kayong mga pinili ng Dios na mga lahi ni Jacob na lingkod ng Dios, alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang mga paghatol.
14 Siya ang Panginoon na ating Dios,
at siya ang namamahala sa buong mundo.
15 Hindi niya kinakalimutan ang kanyang kasunduan at pangako sa libu-libong henerasyon.
16 Ang kasunduang ito ay ginawa niya kay Abraham,
at ipinangako niya kay Isaac.
17 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,[ak]
at magpapatuloy ito magpakailanman.
18 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
“Ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan,
ipamamana ko ito sa inyo at sa inyong mga angkan.”[al]
19 Noon iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
20 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
21 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
22 Sinabi niya,
“Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”
23 Kayong mga tao sa buong mundo, umawit kayo sa Panginoon.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagliligtas niya sa atin.
24 Ipahayag ninyo sa lahat ng tao sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa.
25 Dahil dakila ang Panginoon at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang katakutan ng higit kaysa sa lahat ng mga dios,
26 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay ginawa lang nila para sambahin,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng langit.
27 Nasa kanya ang kaluwalhatian at karangalan;
ang kalakasan at kagalakan ay nasa kanyang tahanan.
28 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
29 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa kanyang presensya.
Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kanyang kabanalan.
30 Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
Matatag niyang itinayo ang mundo at hindi ito mauuga.
31 Magalak ang buong kalangitan at mundo;
ipahayag sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon.”
32 Magalak din ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
33 At ang mga puno sa gubat ay aawit sa tuwa sa presensya ng Panginoon.
Dahil darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo.
34 Magpasalamat kayo sa Panginoon dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
35 Manalangin kayo, “Iligtas nʼyo kami, O Dios na aming Tagapagligtas;
palayain nʼyo po kami sa mga bansa at muli kaming tipunin sa aming lupain,
upang makapagpasalamat at makapagbigay kami ng papuri sa inyong kabanalan.”[am]
36 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
At ang lahat ay magsabing, “Amen!” Purihin ninyo ang Panginoon!
37 Ipinagkatiwala ni David kay Asaf at sa kapwa nito Levita ang palaging paglilingkod sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ayon sa kailangang gawin sa bawat araw. 38 Kabilang sa grupong ito ay si Obed Edom na anak ni Jedutun, si Hosa, at ang 68 pang Levita, na mga guwardya ng Tolda.
39 Ipinagkatiwala ni David sa pari na si Zadok at sa kanyang mga kapwa pari ang Tolda ng Panginoon doon sa mataas na lugar sa Gibeon. 40 Sila ang palaging nag-aalay ng mga handog na sinusunog sa altar, araw at gabi, ayon sa lahat ng nakasulat sa Kautusan ng Panginoon na ibinigay niya sa Israel. 41 Kasama rin nila sina Heman, Jedutun, at ang iba pang mga pinili sa pag-awit ng pagpapasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niyang walang hanggan. 42 Tungkulin nina Heman at Jedutun ang pagpapatunog ng mga trumpeta, pompyang at ng iba pang mga instrumento na ginagamit sa pag-awit ng mga awitin para sa Panginoon. Ang mga anak ni Jedutun ang pinagkatiwalaan na magbantay sa pintuan.
43 Pagkatapos, umuwi ang lahat sa mga bahay nila, at si David ay umuwi rin para basbasan ang kanyang pamilya.
Ang Pangako ng Dios kay David(I)
17 Nang nakatira na si David sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Natan na propeta. “Narito ako, nakatira sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Panginoon ay nasa tolda lang.” 2 Sumagot si Natan kay David, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.”
3 Pero nang gabing iyon sinabi ng Dios kay Natan, 4 “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko: ‘Hindi ikaw ang magpapatayo ng templo na aking titirhan. 5 Hindi pa ako nakakatira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto hanggang ngayon. Palipat-lipat ang tinitirhan kong tolda. 6 Sa aking paglipat-lipat kasama ng mga mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinunong inutusan kong mag-alaga sa kanila, kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templong gawa sa kahoy na sedro.’
7 “Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. 8 Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. 9 Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 10 mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Tatalunin ko rin ang lahat ng kalaban mo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na patuloy na manggagaling sa iyong angkan ang magiging hari ng Israel. 11 Kapag namatay ka na at ilibing kasama ng mga ninuno mo, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatagin ko ang kaharian niya. 12 Siya ang magpapatayo ng templo para sa akin, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman. 13 Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Mananatili ang pag-ibig ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mong hari. 14 Pamamahalain ko siya sa aking mga mamamayan at kaharian, at ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman.’ ”
15 Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.
Ang Panalangin ni David(J)
16 Pagkatapos, pumasok si Haring David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon at nanalangin, “Panginoong Dios, sino po ba ako at ang sambahayan ko para pagpalain nʼyo nang ganito? 17 Ngayon, O Dios, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng sambahayan ko. Itinuring nʼyo ako na parang pinakadakilang tao. O Panginoong Dios, 18 ano pa po ba ang masasabi ko sa pagpaparangal ninyo sa akin? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod. 19 O Panginoon, dahil po sa akin na inyong lingkod at ayon na rin sa inyong kalooban, ginawa nʼyo ang mga dakilang bagay na ito at inihayag ito sa akin. 20 Panginoon, wala po kayong katulad. Walang ibang Dios maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na dios na gaya ninyo. 21 At wala ring ibang tao na tulad ng inyong mga mamamayang Israelita. Ang bansang ito lamang sa mundo ang inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa kadakilaan at kamangha-manghang ginawa nʼyo nang itinaboy nʼyo ang mga bansa sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan na inilabas nʼyo sa Egipto. 22 Ginawa nʼyong sariling mamamayan ang mga Israelita magpakailanman, at kayo, Panginoon, ang kanilang naging Dios.
23-24 “At ngayon, Panginoon, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa aking pamilya, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoong Makapangyarihan ang Dios ng Israel!’ At ang pamilya koʼy magpapatuloy sa paglilingkod sa inyong presensya magpakailanman. 25 Malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito aking Dios, dahil ipinahayag ninyo sa akin na inyong lingkod na magpapatuloy ang aking paghahari sa pamamagitan ng aking angkan.
26 “Panginoon, tunay ngang kayo ang Dios! Ipinangako nʼyo po sa inyong lingkod ang mga magagandang bagay na ito. 27 At ngayon, nalulugod po kayong pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy ito sa presensya nʼyo magpakailanman. Sapagkat kapag nagpapala kayo Panginoon, ang pagpapala ninyoʼy magpakailanman.”
Ang Mga Pagtatagumpay ni David(K)
18 Kinalaunan, natalo at sinakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya sa kanila ang Gat at ang mga baryo sa paligid nito. 2 Natalo rin ni David ang mga Moabita, at sinakop niya sila at nagbayad sila ng buwis sa kanya. 3 Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, hanggang doon sa Hamat, noong naglakbay si Hadadezer sa pagsakop sa mga lupaing malapit sa Ilog ng Eufrates. 4 Naagaw nina David ang 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe, at 20,000 sundalo. Pinilayan nina David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe maliban lang sa 100 na itinira nila para gamitin. 5 Nang dumating ang mga Arameo[an] mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito. 6 Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David kahit saang labanan siya magpunta. 7 Kinuha ni David ang mga gintong kalasag ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem. 8 Kinuha rin niya ang maraming tanso sa Teba[ao] at Cun, mga bayang sakop ni Hadadezer. Kinalaunan, ang mga tansong ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng malaking sisidlan ng tubig na parang kawa na tinatawag na Dagat, mga haligi, at ng mga kagamitang tanso para gamitin sa templo.
9 Nang mabalitaan ni Haring Tou,[ap] ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Haring Hadadezer ng Zoba, 10 pinapunta niya ang anak niyang si Hadoram[aq] kay Haring David para kamustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Hadoram ng mga regalong gawa sa ginto, pilak, at tanso. 11 Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na naagaw niya mula sa mga sumusunod na bansa – ang Edom, Moab, Ammon, Filistia at Amalek.
12 Si Abishai na anak ni Zeruya ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Lambak ng Asin. 13 Naglagay si David ng mga kampo sa Edom at naging sakop niya ang lahat ng Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumunta para makipaglaban.
Ang mga Opisyal ni David
14 Naghari si David sa buong Israel, na gumagawa ng matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya. 15 Si Joab na anak ni Zeruya ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang namamahala ng mga kasulatan ng kaharian. 16 Sina Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec[ar] na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang kalihim ay si Shavsa.[as] 17 Si Benaya na anak ni Jehoyada ang pinuno ng mga Kereteo at Peleteo. At ang mga punong opisyal ni David ay ang kanyang mga anak na lalaki.
Ang Digmaan laban sa mga Ammonita at Arameo(L)
19 Makalipas ang ilang panahon, namatay si Nahash, na hari ng mga Ammonita. At ang anak niya na si Hanun ang pumalit sa kanya bilang hari. 2 Sinabi ni David, “Pakikitaan ko ng kabutihan si Hanun dahil naging mabuti ang ama niya sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.
Pero pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Ammonita, 3 sinabi ng mga opisyal ng mga Ammonita sa kanilang hari, “Iniisip nʼyo ba na pinaparangalan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan para makiramay sa kalungkutan ninyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para magmanman sa lupain natin at wasakin ito.” 4 Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga tauhan ni David, inahit ang balbas nila at ginupit ang kanilang mga damit mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.
5 Sa ganoong kalagayan, nahihiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang umuwi.
6 Napag-isip-isip ng mga Ammonita na ginalit nila si David. Kaya nagbayad sila ng 35 toneladang pilak para umupa ng mga karwahe at mga mangangarwahe mula sa Aram Naharaim,[at] Aram Maaca at Zoba.
7 Ang bilang ng mga karwahe at mga mangangarwahe ay 32,000. Sumama rin sa kanila ang hari ng Maaca at ang mga sundalo nito. Nagkampo sila malapit sa Medeba. At naghanda rin ang mga Ammonita at lumabas sa bayan nila para makipaglaban. 8 Nang mabalitaan ito ni David, isinugo niya si Joab at ang lahat ng matatapang na sundalo sa pakikipaglaban. 9 Pumwesto ang mga Ammonita sa pakikipaglaban sa may pintuan ng kanilang lungsod, habang ang mga hari na sumama sa kanila ay pumwesto sa kapatagan.
10 Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo. 11 Si Abishai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. 12 Sinabi ni Joab kay Abishai, “Kung makikita mo na parang matatalo kami ng mga Arameo, tulungan ninyo kami, pero kung kayo naman ang parang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 13 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.”
14 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila. 15 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai na kapatid ni Joab, at pumasok sa lungsod nila. Kaya umuwi sina Joab sa Jerusalem.
16 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga kasama nilang mga Arameo na nasa kabilang Ilog ng Eufrates para tulungan sila. Ang grupong ito ay pinamumunuan ni Shofac[au] na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.
17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel sa pakikipaglaban. Pagkatapos, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumwesto na nakaharap sa mga Arameo, at naglaban sila. 18 Pero nagsitakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Nakapatay sina David ng 7,000 mangangarwahe at 40,000 sundalo na lumalakad lang. Napatay din nila si Shofac, ang kumander ng mga sundalo. 19 Nang makita ng mga sakop ni Hadadezer na natalo na sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila at nagpasakop kay David. Kaya mula noon, hindi na tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.
Inagaw ni David ang Rabba(M)
20 Nang panahong pumupunta ang mga hari sa digmaan para makipaglaban, hindi sumama si David at nagpaiwan siya sa Jerusalem. Si Joab ang nanguna sa mga sundalo sa pakikipaglaban. Winasak nila ang lupain ng mga Ammonita at pinalibutan ang Rabba hanggang sa malipol ito. 2 Pumunta si David sa Rabba at kinuha ang gintong korona sa ulo ng hari ng mga Ammonita,[av] at inilagay niya ito sa kanyang ulo. Ang bigat ng korona na may mamahaling bato ay 35 kilo. Marami pang bagay ang nasamsam ni David sa lungsod na iyon. 3 Ginawa niyang alipin ang mga mamamayan doon at pinagtrabaho, gamit ang lagare, piko, at palakol. Ito ang ginawa ni David sa mga naninirahan sa lahat ng bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, umuwi si David at ang lahat ng sundalo niya sa Jerusalem.
Ang Digmaan Laban sa mga Filisteo(N)
4 Makalipas ang ilang panahon, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gezer. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husha si Sipai,[aw] na isa sa mga angkan ng Rafa.[ax] At natalo ang mga Filisteo. 5 Sa isa pa nilang labanan, pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Lami ay makapal at mabigat.[ay]
6 Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Isa rin siya sa mga angkan ng mga Rafa. 7 Nang kutyain niya ang mga Israelita, pinatay siya ni Jonatan na anak ng kapatid ni David na si Shimea. 8 Ang mga Filisteong iyon ay mula sa mga angkan ng Rafa na taga-Gat. Pinatay sila ni David at ng mga tauhan niya.
Ipinasensus ni David ang Kanyang mga Sundalo(O)
21 Inatake ni Satanas[az] ang Israel, kaya inudyukan niya si David na ipasensus ang mga Israelita. 2 Kaya sinabi ni David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Lumakad kayo at isensus ang mga Israelita mula sa Beersheba hanggang sa Dan.[ba] Pagkatapos, bumalik kayo rito para malaman ko kung ilan silang lahat.”
3 Pero sumagot si Joab, “Paramihin sana ng Panginoon ng 100 ulit ang inyong mga mamamayan. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito? Hindi po ba mga sakop nʼyo naman sila? Bakit idadamay nʼyo sila sa gagawin ninyong kasalanan?”
4 Pero nagpumilit si David, kaya nilibot ni Joab ang buong Israel at bumalik agad sa Jerusalem. 5 Sinabi niya kay David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 1,100,000 sa Israel at 470,000 sa Juda. 6 Pero hindi isinama ni Joab sa pagbilang ang mga lahi nina Levi at Benjamin dahil nainis siya sa utos ng hari. 7 Hindi rin natuwa ang Dios sa utos na ito ni David, kaya pinarusahan niya ang Israel. 8 Pagkatapos, sinabi ni David sa Dios, “Napakalaking kasalanan po itong nagawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa aking kasalanan, dahil isa pong kamangmangan ang ginawa ko.”
9 Sinabi ng Panginoon kay Gad na propeta ni David, 10 “Pumunta ka kay David at papiliin mo siya kung alin sa tatlong parusa ang gusto niyang gawin ko sa kanya.” 11 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Alin sa tatlong ito ang gusto mo: 12 tatlong taong taggutom, tatlong buwang paglipol sa inyo ng mga kalaban ninyo o tatlong araw na salot mula sa Panginoon sa pamamagitan ng pagwasak ng anghel ng Panginoon sa buong lupain ng Israel. Magpasya ka at sabihin mo sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagpadala sa akin.”
13 Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mabuti pang ang Panginoon na lang ang magparusa sa akin kaysa sa mga kamay ng tao, dahil napakamaawain ng Panginoon.” 14 Kaya nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at 70,000 Israelita ang namatay. 15 At habang winawasak ng anghel ang Jerusalem, naawa[bb] ang Panginoon sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na lumilipol sa mga tao, “Tama na! Huwag mo na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna[bc] na Jebuseo.
16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa himpapawid, sa kalagitnaan ng langit at lupa. May hawak itong espada na nakaturo sa Jerusalem. Pagkatapos, nagpatirapa si David at ang mga tagapamahala ng Israel, na nakasuot ng sako bilang pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati. 17 Sinabi ni David sa Dios, “Ako po ang nag-utos na bilangin ang mga lalaki na may kakayahang makipaglaban. Ako lang po ang nagkasala. Ang mga taong ito ay inosente gaya ng mga tupa. Wala silang nagawang kasalanan. O Panginoon na aking Dios, ako na lang po at ang aking pamilya ang parusahan ninyo. Huwag nʼyo pong pahirapan ang inyong mga mamamayan sa salot na ito.”
18 Pagkatapos, inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad na sabihin kay David na pumunta siya sa giikan ni Arauna na Jebuseo, at gumawa roon ng altar para sa Panginoon. 19 Kaya pumunta si David ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Gad.
20 Nang panahong iyon, gumigiik ng trigo si Arauna at ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel ng Panginoon, tumakbo ang apat na anak ni Arauna at nagtago. 21 Pagkatapos, nakita ni Arauna na paparating si David. Kaya umalis siya sa giikan at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya. 22 Sinabi ni David sa kanya, “Ipagbili mo sa akin ang giikan mo para makapagpatayo ako ng altar para sa Panginoon, para huminto na ang salot sa mga tao. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito.”
23 Sinabi ni Arauna kay David, “Sige po Mahal na Hari, kunin ninyo. Gawin nʼyo kung ano ang gusto ninyo. Bibigyan ko pa po kayo ng baka para ialay bilang handog na sinusunog, mga tabla na ginagamit sa paggiik para ipanggatong at trigo para ihandog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ibibigay ko po itong lahat sa inyo.”
24 Pero sumagot si Haring David kay Arauna, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito. Hindi ko magagawang kunin ito sa iyo at ihandog sa Panginoon. Hindi ako mag-aalay ng handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” 25 Kaya binayaran ni David si Arauna ng 600 pirasong[bd] ginto para sa lupain na iyon. 26 Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog para sa mabuting relasyon.[be] At sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng apoy mula sa langit para sunugin ang mga handog sa altar. 27 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa anghel na ibalik na ang espada niya sa lalagyan nito.
28 Nang makita ni David na sinagot ng Panginoon ang kanyang dalangin, nag-alay pa siya ng handog doon sa giikan ni Arauna na Jebuseo. 29 Nang panahong iyon, ang Tolda ng Panginoon at ang altar para sa mga handog na sinusunog na ipinagawa ni Moises sa ilang ay nasa mataas na lugar sa Gibeon. 30 Pero hindi pumunta roon si David para magtanong sa Dios, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ng Panginoon.
22 Pagkatapos, sinabi ni David, “Dito sa lugar na ito itatayo ang templo ng Panginoong Dios at ang altar para sa mga handog na sinusunog ng Israel.”
Ang Paghahanda para sa Pagpapatayo ng Templo
2 Nag-utos si David na tipunin ang mga dayuhang naninirahan sa Israel. Pumili siya sa kanila ng mga tagatabas ng bato para sa templo ng Dios. 3 Nagbigay si David ng napakaraming bakal para gawing mga pako at bisagra para sa mga pintuan, at maraming tanso na hindi na matimbang sa sobrang bigat. 4 Naghanda rin siya ng napakaraming kahoy na sedro na dinala sa kanya ng mga Sidoneo at Tyreo. 5 Sinabi ni David, “Bata pa ang anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Kailangang ang templo ng Panginoon na itatayo ay napakaganda at magiging tanyag sa buong mundo. Kaya paghahandaan ko ito ngayon pa lang.” Kaya lubusan ang paghahandang ginawa ni David bago siya mamatay.
6 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang anak niyang si Solomon at inutusang ipatayo ang templo para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 7 Sinabi ni David kay Solomon, “Anak, gusto ko sanang magpatayo ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Dios. 8 Pero ito ang sinabi niya sa akin: ‘Sa dami ng labanang napagdaanan mo, maraming tao ang napatay mo, kaya hindi kita papayagang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. 9 Ngunit bibigyan kita ng anak na lalaki na maghahari nang may kapayapaan dahil hindi siya gagambalain ng lahat ng kanyang kalaban sa paligid. Ang magiging pangalan niya ay Solomon,[bf] at bibigyan ko ng kapayapaan ang Israel sa kanyang paghahari. 10 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ituturing ko siyang anak at akoʼy magiging kanyang ama. Maghahari ang mga angkan niya sa Israel magpakailanman.’
11 “Kaya anak, gabayan ka sana ng Panginoon at magtagumpay ka sa pagpapatayo mo ng templo ng Panginoon na iyong Dios, ayon sa sinabi niya na gawin mo. 12 Bigyan ka sana ng Panginoon na iyong Dios ng karunungan at pang-unawa para matupad mo ang kautusan niya sa panahon na pamamahalain ka niya sa buong Israel. 13 At kung matupad mo nang mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa Israel sa pamamagitan ni Moises, magiging matagumpay ka. Kaya magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manlupaypay. 14 Pinaghirapan kong mabuti ang paghahanda ng mga materyales para sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon – 3,500 toneladang ginto, 35,500 toneladang pilak, at maraming tanso at mga bakal na hindi na matimbang sa sobrang bigat. Naghanda rin ako ng mga kahoy at mga bato, pero kailangan mo pa rin itong dagdagan. 15 Marami kang manggagawa: mga tagatabas ng bato, mga mason, mga karpintero at mga taong may kakayahan sa anumang gawaing 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Ngayon, simulan mo na ang pagpapagawa, at gabayan ka sana ng Panginoon.”
17 Pagkatapos, inutusan ni David ang lahat ng pinuno ng Israel para tulungan ang anak niyang si Solomon. 18 Sinabi niya sa kanila, “Kasama nʼyo ang Panginoon na inyong Dios at binigyan niya kayo ng kapayapaan sa mga kalaban ninyo sa paligid. Sapagkat ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito, at ngayon ay sa Panginoon na at tayong mga mamamayan niya ang may sakop sa mga ito. 19 Kaya ngayon, italaga ninyo ang inyong sarili sa Panginoon na inyong Dios, nang buong pusoʼt kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng templo ng Panginoon na inyong Dios para mailagay na ang Kahon ng Kasunduan at ang mga banal na kagamitan ng Dios sa templong ito na itatayo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon.”
Ang Gawain ng mga Levita
23 Nang matandang-matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon. 2 Ipinatipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at mga Levita. 3 Binilang ang mga Levita na nasa edad 30 pataas, at ang bilang nilaʼy 38,000. 4 Sinabi ni David, “Ang 24,000 sa kanila ay mamamahala ng mga gawain sa templo ng Panginoon, ang 6,000 ay maglilingkod bilang mga opisyal at mga hukom, 5 ang 4,000 ay maglilingkod bilang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang 4,000 ay magpupuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga instrumentong ipinagawa ko para sa gawaing ito.” 6 Hinati ni David sa tatlong grupo ang mga Levita, ayon sa mga pamilya ng mga anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.
Ang mga Angkan ni Gershon
7 Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan[bg] at Shimei. 8 Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel, ang pinakapinuno ng kanilang pamilya,[bh] si Zetam at si Joel. 9 Sila ang mga pinuno ng mga pamilya ni Ladan.
Si Shimei ay may tatlo ring anak na lalaki na sina Shelomot, Haziel at Haran. 10-11 Nagkaroon pa ng apat na anak na lalaki si Shimei: ang pinakapinuno ng kanilang pamilya ay si Jahat, ang pangalawa ay si Zina,[bi] at sumunod sina Jeush at Beria. Kakaunti lang ang mga anak ni Jeush at Beria, kaya binilang sila na isang pamilya lang.
Ang mga Angkan ni Kohat
12 Si Kohat ay may apat na anak na lalaki na sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 13 Ang mga anak na lalaki ni Amram ay sina Aaron at Moises. Ibinukod si Aaron at ang kanyang mga angkan para sa pagtatalaga ng mga pinakabanal na bagay, sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon, sa paglilingkod sa kanya at sa pagbabasbas sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon. Ito ang magiging tungkulin nila magpakailanman. 14 Ang mga anak na lalaki ni Moises na lingkod ng Dios ay kabilang sa mga Levita. 15 Ang mga anak niyang lalaki ay sina Gershom at Eliezer. 16 Ang isa sa mga anak na lalaki ni Gershom ay si Shebuel na pinakapinuno ng kanilang pamilya. 17 Si Eliezer ay may kaisa-isang anak na lalaki, si Rehabia na pinakapinuno rin ng kanilang pamilya. Marami ang mga angkan ni Rehabia.
18 Ang isa sa mga anak na lalaki ni Izar ay si Shelomit na pinakapinuno ng kanilang pamilya.
19 Ang mga anak na lalaki ni Hebron ay sina Jeria na pinakapinuno ng kanilang pamilya, si Amaria ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jekameam ang ikaapat.
20 Ang mga anak na lalaki ni Uziel ay sina Micas na pinakapinuno ng kanilang pamilya, at Ishia ang pangalawa.
Ang mga Angkan ni Merari
21 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Mushi. Ang mga anak na lalaki ni Mahli ay sina Eleazar at Kish. 22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki kundi puro babae. Silaʼy napangasawa ng kanilang mga pinsan na mga anak ni Kish.
23 Si Mushi ay may tatlong anak na lalaki na sina Mahli, Eder at Jeremot.
24 Sila ang lahi ni Levi ayon sa mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Nakatala ang kani-kanilang mga pangalan. Ang bawat isa sa kanila ay dapat nasa edad na 20 pataas para makapaglingkod sa templo ng Panginoon. 25-26 Sinabi ni David, “Binigyan tayo ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ng kapayapaan at maninirahan siya sa Jerusalem magpakailanman. Hindi na kailangang dalhin ng mga Levita ang Tolda at ang mga kagamitan nito.”
27 Ayon sa huling utos ni David, ang lahat ng Levita na nasa edad 20 pataas ay itinala para maglingkod. 28 Ang tungkulin ng mga Levita ay ang pagtulong sa mga pari, na mga angkan ni Aaron sa paglilingkod sa templo ng Panginoon. Sila ang mangangalaga ng bakuran ng templo at ng mga kwarto sa gilid nito. Sila rin ang tutulong sa mga seremonya ng paglilinis at ng iba pang gawain sa templo ng Dios. 29 Sila rin ang pinagkatiwalaan sa banal na tinapay na inilalagay sa mesa, sa harina para sa mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, sa tinapay na walang pampaalsa, at sa iba pang niluluto at minamasa. Sila rin ang pinagkatiwalaan sa pagtitimbang at sa pagtatakal ng lahat ng handog. 30 Tungkulin din nila ang tumayo tuwing umaga at gabi sa templo para magpasalamat at magpuri sa Panginoon. 31 Tutulong din sila sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga, tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[bj] at sa iba pang mga pista. May mga sinusunod silang tuntunin kung ilang mga Levita ang gagawa ng gawaing ito at kung paano nila ito gagawin.
32 Kaya ginawa ng mga Levita ang tungkulin nilang alagaan ang Toldang Tipanan at ang Banal na Lugar, at sa pagtulong sa mga kamag-anak nilang pari na mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa templo ng Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®