Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
1 Tesalonica 1 - Filemon

Akong si Pablo na kasama si Silvano at Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesucristo.

Sumainyo ang biyaya at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapasalamat Dahil sa Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica

Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos patungkol sa inyong lahat. Kapag nananalangin kami, binabanggit namin kayong lagi.

Inaala-ala naming walang patid sa harapan ng ating Diyos Ama ang inyong gawa na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagpapagal na may pag-ibig at pagtitiis na may pag-asa sa ating Panginoong Jesucristo.

Alam namin, mga minamahal na kapatid, na kayo ay hinirang ng Diyos. Ito ay sapagkat ang aming ebanghelyoay hindi dumating sa inyo sa salita lamang. Subalit ito ay dumating sa kapangyarihan din naman at sa Banal na Espiritu at sa lubos na katiyakan. Alam din ninyo kung anong uri ng mga tao kami sa inyong kalagitnaan para sa inyong kapakanan. Yamang tinanggap ninyo ang salita sa matinding paghihirap na may kagalakang mula sa Banal na Espiritu, tinularan ninyo kami at ang Panginoon. Dahil dito naging huwaran kayo sa lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya. Ito ay sapagkat mula sa inyo ang salita ng Panginoon ay narinig sa lahat ng dako hindi lamang sa Macedonia at Acaya subalit maging sa lahat ng dako, at ang inyong pananampalataya sa Diyos ay lumaganap sa bawat dako, anupa’t hindi na namin kailangang magsalita pa ng anuman. Ito ay sapagkat sila na rin ang nagpahayag patungkol sa paraan nang pagpasok namin sa inyo, at kung papaano ninyo tinalikdan ang mga diyos-diyosan upang paglingkuran ang buhay at totoong Diyos. 10 Ito rin ay upang inyong hintayin ang kaniyang Anak mula sa kalangitan na kaniyang ibinangon mula sa mga patay. Siya ay si Jesus na nagligtas sa atin mula sa poot na darating.

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

Mga kapatid, kayo ang siyang nakakaalam na ang aming pagpasok sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.

Subalit kami ay naghirap nang una pa man at inalipusta sa Filipos tulad ng inyong nalalaman. Magkagayunman, naging malakas ang loob namin, sa tulong ng Diyos na sabihin sa inyo ang ebanghelyo sa gitna ng matinding pakikipagbaka. Ito ay sapagkat ang aming tapat na panghihikayat sa inyo ay hindi mula sa kamalian, at karumihan ni sa pandaraya. Subalit kung papaano kaming ginawang katanggap-tanggap ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay sinasabi namin ang gayon. Sinasabi namin ang gayon hindi upang bigyang-lugod ang mga tao kundi ang Diyos na siyang sumusubok ng ating mga puso. Ito ay sapagkat alam ninyo na nang kami ay kasama ninyo, kailanman ay hindi kami gumamit ng salita na pakunwaring papuri, ni pagbabalatkayo upang itago ang kasakiman. Ang Diyos ang saksi.

Alam rin ninyo na hindi kami naghahanap ng papuri mula sa mga tao, ni sa inyo, ni sa iba man, bagaman bilang mga apostol ni Cristo mayroon kaming karapatang humiling sa inyo. Kami ay naging malumanay sa inyong kalagitnaan katulad ng isang ina na nangangalaga sa kaniyang mga sariling anak. Sa ganitong pananabik ay nalugod kaming ibahagi sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming sariling buhay sapagkat napamahal na kayo sa amin. Ito ay sapagkat naala-ala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagpapakapagod sa mga gawain dahil araw at gabi ay gumagawa kami upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo, sa aming pagpapahayag ng ebanghelyo ng Diyos.

10 Kayo ay mga saksi at ganoon din ang Diyos kung papaano kami namuhay kasama ninyo na mga sumasampala­taya. Namuhay kaming banal at matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyo kung paano namin pinalakas ang loob, inaliw at binigyang patotoo ang bawat isa sa inyo tulad ng isang ama sa sarili niyang mga anak. 12 Ito ay upang mamuhay kayo ng karapat-dapat sa Diyos na tumawag sa inyo sa kaniyang sariling paghahari at kaluwalhatian.

13 Dahil dito, kami rin ay walang patid na nagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang tinanggap ninyo mula sa amin ang salitang inyong narinig na nanggaling sa Diyos, tinanggap ninyo ito hindi bilang salita ng mga tao. Subalit tinanggap ninyo ito, na ito nga ang salita ng Diyos na siya ring gumagawa sa inyo na sumasampalataya. 14 Ito ay sapagkat, kayo mga kapatid ay tumulad sa mga iglesiya ng Diyos sa Judea na na kay Cristo Jesus dahil kayo rin ay naghirap ng gayunding mga bagay mula sa inyong mga sariling kababayan tulad din nila na naghirap mula sa mga Judio. 15 Ang mga ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at gayundin sa kanilang mga sariling propeta. Sila rin ang nagpalayas sa inyo, at hindi nila binigyang-lugod ang Diyos at sila ay laban sa lahat ng tao. 16 Pinagbawalan nila kaming magsalita sa mga Gentil upang hindi maligtas ang mga ito. Sa gayon ay umabot na sa hang­ganan ang kanilang kasalanan, kaya ang poot ng Diyos ay dumating na sa kanila sa kasukdulan.

Ninanais na Makita ni Pablo ang mga Taga-Tesalonica

17 Mga kapatid, kami ay nangulila sa inyo nang sandaling panahon, na bagaman hindi namin kayo nakikita, kayo ay nasa aming puso. Dahil dito lalo naming pinagsikapang makita kayo ng mukhaan na may masidhing pagnanais.

18 Kaya naman ibig namin na mapuntahan kayo, maging ako, na si Pablo ay gayundin ang pagnanais minsan at muli. Subalit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sapagkat ano nga ba ang aming pag-asa, o kagalakan o putong ng kagalakan? Hindi ba kayo sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagbabalik? 20 Ito ay sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.

Kaya nga, nang hindi na nga namin ito matiis, inisip namin na mabuti pang maiwan na lamang kami sa Atenas. Sinugo namin si Timoteo na ating kapatid at tagapaglingkod ng Diyos at aming kamanggagawa sa ebanghelyo ni Cristo upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob patungkol sa inyong pananampalataya. Ito ay upang walang sinuman sa inyo ang matinag ng mga paghihirap na ito dahil kayo ang siyang nakakaalam na kami ay itinalaga sa mga bagay na ito. Ito ay sapagkat nang kasama ninyo kami, sinabi na namin sa inyo nang una pa, na kami ay magbabata na ng kahirapan. At nalaman ninyo na gayon nga ang nangyari. Nang hindi na ako makatiis ay nagsugo ako upang malaman ang patungkol sa inyong pananampalataya, dahil sa aking pangambang baka kayo ay natukso na ng manunukso at mawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.

Nagpalakas ng Loob ang Pagbabalita ni Timoteo

Ngunit ngayon, si Timoteo ay bumalik na sa amin mula sa inyo. Ibinalita niya sa amin ang patungkol sa inyong pananam­palataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at lubha ninyo kaming pinananabikang makita tulad din naman namin sa inyo.

Dahil dito, mga kapatid, lumakas ang aming loob patungkol sa inyo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa kabila ng lahat naming paghihirap at pangangailangan. Sa ngayon kami ay nabubuhay kung matibay kayong tumatayo sa Panginoon. Sapagkat anong pasasalamat ang ibibigay namin sa Diyos patungkol sa inyo? Paano namin pasasalamatan ang lahat ng kagalakang ikina­gagalak namin alang-alang sa inyo sa harap ng ating Diyos? 10 Gabi at araw ay maningas naming ipinananalangin na makita ang inyong mga mukha at lubos na mapunan ang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11 Ngunit ang Diyos nawa at ating Ama at ang Panginoong Jesucristo ang siyang pumatnubay sa aming daan papunta sa inyo. 12 Palaguin at pag-apawin nawa kayo ng Diyos sa pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat tulad din naman namin sa inyo. 13 Ito ay upang palakasin ang inyong mga puso na walang kapintasan sa kabanalan sa harapan ng ating Diyos at Ama sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesucristo kasama ang lahat niyang mga banal.

Mamuhay nang Kalugud-lugod sa Diyos

Sa katapus-tapusan, mga kapatid, aming hinihiling at matapat na hinihikayat kayo sa Panginoong Jesus na sumagana kayo nang higit pa sa natutunan ninyo mula sa amin, kung paano kayo dapat mamuhay at magbigay-lugod sa Diyos.

Ito ay sapagkat alam ninyo ang mga tagubiling ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo.

Ito ay sapagkat ang kalooban ng Diyos ay ang inyong kabanalan, na inyong iwasan ang pakikiapid. Ang bawat isa sa inyo ay dapat nakakaalam kung papaano niya mapigil ang kaniyang katawan para sa kabanalan at karangalan. Ito ay hindi dapat sa masasamang nasa ng laman kagaya ng mga Gentil na hindi nakakakilala sa Diyos. Gayundin, ang sinuman ay hindi dapat magmalabis at magsamantala sa kaniyang kapatid sa anumang bagay sapagkat ang Panginoon ang tagapaghiganti patungkol sa lahat ng mga bagay na ito. Ito ay tulad ng sinabi namin sa inyo nang una pa man at aming pinatotohanang lubos. Ito ay sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan kundi sa kabanalan. Kaya nga, ang nagtatakwil sa mga katuruang ito ay hindi nagtatakwil sa tao kundi sa Diyos na siya ring nagbigay sa atin ng kaniyang Banal na Espiritu.

Ngayon, hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo patungkol sa pag-ibig sa mga kapatid sapagkat kayo ang siyang tinuruan na ng Diyos na mag-ibigan sa isa’t isa. 10 At ito nga ay inyong ginagawa sa lahat ng mga kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit matapat namin kayong hinihikayat na kayo ay lalong sumagana sa bagay na ito.

11 Matuto din naman kayong mamuhay nang tahimik, inyong gawin ang mga sarili ninyong gawain, at gumawa kayo sa pamamagitan ng inyong mga kamay katulad ng ipinag­tagubilin namin sa inyo. 12 Ito ay upang mamuhay kayong may kaayusan sa mga taga-labas at nang huwag kayong umasa sa kaninuman.

Ang Pagdating ng Panginoon

13 Ngunit, hindi ko ibig na kayo mga kapatid, ay hindi makaalam patungkol sa mga natutulog upang huwag kayong magdalamhati na tulad ng mga iba na walang pag-asa.

14 Ito ay sapagkat kung naniniwala tayo na si Jesus ay namatay at nagbangong muli, gayundin naman ang mga natutulog kay Jesus ay dadalhin ng Diyos kasama niya. 15 Ito ay sinasabi namin sa inyo ayon sa salita ng Panginoon na tayong nabubuhay at nanatili hanggang sa pagdating ng Panginoon ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog. 16 Ito ay sapagkat ang Panginoon din ang siyang bababa mula sa langit na may isinisigaw na utos, na may tinig ng pinunong-anghel at may trumpeta ng Diyos. Ang mga patay kay Cristo ay unang magbabangon. 17 Pagkatapos nito, tayong mga buhay at naririto pa ay kasama nilang aagawin sa mga alapaap upang salubungin natin ang Panginoon sa hangin. Sa gayon, makakasama natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.

Ngunit mga kapatid, hindi na kinakailangang sumulat pa kami sa inyo patungkol sa mga panahon at mga kapanahunan. Ito ay sapagkat nalalaman ninyong lubos na ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng pagdating ng isang magnanakaw sa gabi. Ito ay sapagkat kapag sinasabi nila: Kapayapaan at katiwasayan, ang biglang pagkawasak ay darating sa kanila tulad ng nararamdamang sakit ng babaeng manganganak na. At sila ay hindi makakatakas sa anumang paraan.

Ngunit kayo mga kapatid, ay wala sa kadiliman upang ang araw na iyon ay biglang dumating sa inyo tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. Kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng araw. Tayo ay hindi mga tao ng gabi o ng kadiliman. Kaya nga, hindi tayo dapat matulog katulad ng iba, subalit laging nagbabantay at may maayos na pag-iisip. Ito ay sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi at ang mga manginginom ng alak ay naglalasing sa gabi. Ngunit dahil tayo ay sa araw, dapat ay may maayos tayong pag-iisip. Ating isuot ang baluting pangdibdib ng pananampalataya at pag-ibig at bilang helmet, ang pag-asa ng kaligtasan. Ito ay sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa poot kundi para magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo. 10 At siya ang namatay para sa atin upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay na kasama niya. 11 Kaya palakasin ninyo ang loob at patatagin ang isa’t isa tulad ng inyong ginawa.

Mga Panghuling Paala-ala

12 Ngunit ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na kilalanin ninyo ang mga nagpapagal sa inyo at nangunguna sa inyo sa Panginoon at nagbibigay babala sa inyo.

13 Inyong lubos na pahalagahan sila sa pag-ibig dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa’t isa. 14 Ngunit mga kapatid, aming ipinagtatagubilin din na bigyan ninyo ng babala ang mga tamad. Aliwin ninyo ang mga mahihina ang loob. Inyong tulungan ang mga nanghihina. Maging mapagbata kayo sa lahat. 15 Tiyakin ninyo na walang sinumang gumanti ng masama sa masama. Subalit pagsumikapan ninyong lagi na gumawa ng mabuti sa isa’t isa at gayundin sa lahat.

16 Lagi kayong magalak. 17 Manalangin kayong walang patid. 18 Magpasalamat kayo patungkol sa lahat ng bagay sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.

19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Banal na Espiritu. 20 Huwag ninyong hamakin ang mga paghahayag. 21 Suriin ninyo ang lahat ng mga bagay. Hawakan ninyo ang mabuti. 22 Iwasan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.

23 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan mismo nawa ang siyang magpaging-banal sa inyo nang ganap. Ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay maingatang buo na walang kapintasan hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesucristo. 24 Siya na tumatawag sa inyo ay matapat. Siya rin ang gagawa nito.

Panghuling Pagbati

25 Mga kapatid, ipanalangin ninyo kami.

26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid sa pamamagitan ng banal na halik. 27 Iniuutos ko sa inyo sa pamamagitan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga banal na kapatid.

28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo. Siya nawa!

Akong si Pablo na kasama si Silvano at si Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.

Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapasalamat at Panalangin

Mga kapatid, nararapat lamang na kami ay laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo sapagkat ang inyong pananampalataya ay lalong lumalago at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo ay sumasagana at ito rin ay sumasagana sa lahat para sa isa’t isa.

Kaya nga, para sa amin, kayo ay ipinag­mamalaki namin sa mga iglesiya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig at mga paghihirap na inyong tinitiis.

Ang mga ito ang katibayan ng makatarungang paghatol ng Diyos na kayo ay ariing karapat-dapat na mapabilang sa kaharian ng Diyos. Alang-alang sa kaharian ng Diyos, kayo ay natitiis. Makatarungan para sa Diyos na gantihan ng paghihirap ang mga nagpapahirap sa inyo. Gantihan din kayo ng Diyos ng kapahingahan kasama namin, sa inyo na mga nagbata ng kahirapan, sa araw na ang Panginoong Jesucristo ay mahahayag mula sa langit kasama ng kaniyang makapang­yarihang mga anghel. Sa pamamagitan ng naglalagablab na apoy ay maghihiganti siya sa kanila na hindi nakakakilala sa Diyos at sila na hindi sumunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo. Daranasin nila ang kaparusahang walang hanggang kapahamakan. Ito ay ang pagkahiwalay mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kalakasan. 10 Sa araw na iyon ng kaniyang pagdating, siya ay luwalhatiin ng kaniyang mga banal at kamanghaan ng lahat ng sumasampalataya. Ito ay sapagkat ang patotoo namin sa inyo ay inyong sinampalatayanan.

11 Dahil din dito, lagi namin kayong idinadalangin na ibilang kayo ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag na ito. Idinadalangin din namin na ganapin ng Diyos ang bawat mabuting kaluguran sa kabutihan at gawa ng pananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. 12 Ito ay upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo ay maluwalhati sa inyo at kayo sa kaniya ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesucristo.

Ang Tao ng Kasalanan

Ngayon, mga kapatid, sa pamamagitan ng pagparito ng ating Panginoong Jesucristo at sa ating pagkakatipon sa kaniya, nakikiusap kami sa inyo.

Huwag madalaling magu­luhan ang inyong pag-iisip, ni magulumihanan sa pamamagitan man ng espiritu, o salita, o sulat na sinasabi ng mga tao na galing sa amin, na para bang ang araw ng Panginoon ay dumating na. Huwag ninyong hayaan na kayo ay madaya ng sinuman sa anumang paraan sapagkat ang araw na iyon ay hindi darating malibang mangyari muna ang pagtalikod sa pananampalataya at mahayag ang tao ng kasalanan, ang anak ng paglipol. Siya ay sasalungat sa Diyos at itinataas ang kaniyang sarili nang higit sa kanilang lahat na tinatawag na Diyos o sa anumang sinasamba. Sa gayon, siya ay papasok sa banal na dako ng Diyos at uupo bilang Diyos. Ipinahahayag niya ang kaniyang sarili na siya ang Diyos.

Hindi ba ninyo naaala-ala na ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo nang ako ay kasama pa ninyo? Ngayon, alam ninyo kung sino ang pumipigil sa kaniya upang siya ay mahayag sa kaniyang takdang panahon. Ito ay sapagkat gumagawa na ang hiwaga ng kawalang pagkikilala sa kautusan ng Diyos. May pumipigil pa rito sa ngayon hanggang sa ang pumipigil ay maalis. Kung magkagayon, mahahayag siya na walang kinikilalang kautusan ng Diyos. Ang Panginoon ang pupuksa sa kaniya sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. Sa pamamagitan ng kasinagan ng kaniyang pagdating at ang Panginoon ay siya ring magpapawalang-bisa sa taong iyon. Ang pagparito ng taong walang kinikilalang kautusan ng Diyos ay ayon sa paggawa ni Satanas ayon sa lahat ng uri ng kapangyarihan at mga tanda at mga kamangha-manghanggawa ng kasinungalingan. 10 Gagawa siya ng lahat ng daya ng kali­kuan sa kanila na napapahamak sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig ng katotohanan upang sila ay maligtas. 11 Dahil dito, ang Diyos ay magpapadala sa kanila ng maka­pangyarihang gawain ng panlilinlang upang sila ay mani­wala sa kasi­nungalingan. 12 Ito ay upang hatulan niya ang lahat ng hindi naniwala sa katotohanan kundi nasiyahan sa kalikuan.

Tumayo nang Matatag

13 Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, nararapat na kami ay laging magpasalamat sa Diyos patungkol sa inyo. Ito ay sapagkat pinili kayo ng Diyos mula pa sa pasimula para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapaging-banal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan.

14 Tinawag niya kayo dito sa pamamagitan ng aming ebanghelyo upang matamo ninyo ang kalwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, tumayo kayong matatag at panghawakan ninyong matibay ang mga dating aral na itinuro sa inyo, maging ito man ay sa pamamagitan ng salita o sa pamamagitan ng aming sulat.

16 Ang ating Panginoong Jesucristo at ating Diyos Ama ay nagmahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya. 17 Palakasin nawa niya ang inyong kalooban at patatagin nawa kayo sa lahat ng mabuting salita at gawa.

Humiling si Pablo Upang Ipanalangin

Sa katapus-tapusan, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay lumaganap at luwalhatiin na tulad nang pagluwalhati ninyo.

At upang kami ay mailigtas mula sa mga taong liko at masama sapagkat hindi lahat ng tao ay mayroong pananampalataya. Ngunit matapat ang Panginoon na siyang magpapatatag sa inyo at mag-iingat sa inyo mula sa masama. Nagtitiwala kami sa Panginoon patungkol sa inyo na ang mga bagay na iniutos ko sa inyo ay inyong ginagawa at gagawin. Patnubayan ng Panginoon ang inyong mga puso patungo sa pag-ibig sa Diyos at patungo sa pagbabata ni Cristo.

Babala Laban sa Katamaran

Ngayon, mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo na kayo ay humiwalay sa bawat kapatid na tamad at hindi namumuhay ayon sa aral na tinanggap niya sa amin.

Kayo rin ang siyang nakakaalam kung papaanong kinakailangang tularan ninyo kami sapagkat hindi kami namuhay sa katamaran sa inyong kalagitnaan. Hindi rin kami kumain ng tinapay ng sinuman na walang bayad. Sa halip, sa pagpapagal at pagpapakapagod sa gawain, gumawa kami sa gabi at sa araw upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa kami ay walang kapamahalaan sa mga bagay na ito kundi upang maibigay namin sa inyo ang aming sarili na maging isang huwaran upang kami ay tularan ninyo. 10 Nang kasama ninyo kami, iniutos namin sa inyo na kung ang sinuman ay ayaw gumawa ay huwag ding siyang kumain.

11 Ito ay sapagkat nabalitaan namin na ang iba sa inyo ay namumuhay sa katamaran. Hindi man lang sila gumagawa, sa halip ay nakikialam pa sa mga bagay ng iba. 12 Sa gayong mga tao ay aming iniuutos at ipinagtatagubilin sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo na sila ay gumawa nang tahimik upang sila ay kumain ng sarili nilang mga pagkain. 13 Ngunit mga kapatid, huwag kayong panghinaan ng loob sa paggawa ng mabuti.

14 Kung ang sinuman ay hindi sumunod sa aming salita sa pamamagitan ng sulat na ito, tandaan ninyo ang taong iyon. Huwag kayong makisama sa kaniya upang siya ay mapahiya. 15 Gayunman, huwag ninyo siyang ituring na kaaway kundi bigyan ninyo siya ng babala tulad ng isang kapatid.

Panghuling Pagbati

16 Ngayon, ang Panginoon ng kapayapaan ang siyang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa buong panahon at sa bawat paraan. Sumainyong lahat ang Panginoon.

17 Ako, si Pablo, ang lumagda ng pagbating ito sa pamama­gitan ng aking kamay. Ito ang siyang tanda ng bawat sulat ko. Ganito ang aking ginagawa sa bawat sulat ko.

18 Sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo. Siya nawa!

Akong si Pablo ay isang apostol ni Jesucristo ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ng Panginoong Jesucristo. Siya ang ating pag-asa. Ako ay sumusulat sa iyo, Timoteo. Ikaw ay tunay kong anak sa pananampalataya.

Sumaiyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala Laban sa mga Huwad na Tagapagturo ng Kautusan

Nang ako ay pumunta sa Macedonia, ipinapayo ko sa iyo na manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang kalalakihan na huwag silang magturo ng kakaibang katuruan.

Utusan mo sila na huwag nilang bigyang pansin ang mga alamat at walang katapusang talaan ng mga angkan. Ang mga bagay na ito ay nagbubunga lamang ng mga pagtatalo. Hindi sila nagbubunga ng pamamahalang mula sa Diyos na sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngunit ang layunin ng utos na ito ay pag-ibig na mula sa isang pusong dalisay, isang mabuting budhi at walang pakunwaring pananampalataya. Ang ilan ay sumala na sa mga ito at napabaling sila sa mga usapang walang kabuluhan. Ibig nilang maging mga guro ng kautusan ngunit hindi nila nauunawaan ang kanilang mga sinasabi ni ang mga bagay na buong tiwala nilang sinasabi.

Alam natin na mabuti ang kautusan kapag ito ay ginamit sa wastong paraan. Alam natin na hindi itinalaga ng Diyos ang kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga hindi kumikilala sa kautusan ng Diyos, sa mga mapanghimagsik, sa mga hindi kumikilala sa Diyos, sa mga makasalanan, sa mga hindi banal at mga mapaglapastangan sa Diyos, para sa mga pumapatay ng kanilang ama o ina, at para sa mga mamamatay-tao. 10 Ito rin ay para sa mga mapakiapid, sa mga lalaki na nagpapagamit sa kapwa lalaki, sa mga magnanakaw ng tao, sa mga sinungaling at para sa mga bulaang saksi, para sa ano pa mang sumasalungat sa mapagkakatiwalaang katuruan. 11 Ito ay ayon sa maluwalhating ebanghelyo ng Diyos na ating pinupuri, na ipinagkatiwala sa akin.

Ang Biyaya ng Diyos kay Pablo

12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na Panginoon natin na siyang nagpalakas sa akin. Inari niya akong tapat at siya ang nagtalaga sa akin upang maglingkod sa kaniya.

13 Noong una, ako ay mamumusong, isang mang-uusig at isang manlalait. Subalit ginawa ko ang mga ito dahil sa kawalan ng kaalaman at pananampalataya, kaya nga, kinahabagan niya ako. 14 Ngunit ang biyaya ng ating Panginoon ay labis na sumagana sa akin na kalakip ng pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.

15 Narito ang isang mapagkakatiwalaang pananalita at karapat-dapat na lubos na tanggapin: Si Cristo Jesus ay napa­rito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakapusakal sa mga makasalanan. 16 Subalit ang dahilan kung bakit niya ako kinahabagan ay upang maipakita ni Jesucristo ang kaniyang buong pagtitiyaga una sa akin, upang maging isang huwaran sa mga sasampalataya sa kaniya at nang magkamit ng buhay na walang hanggan. 17 Ngayon, sa Haring walang hanggan at walang pagkabulok, at hindi nakikita, at tanging matalinong Diyos, sumakaniya ang karangalan at kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.

18 Timoteo, anak ko, ito ang iniuutos ko sa iyo ayon sa mga unang paghahayag patungkol sa iyo. Makipaglaban ka ng mabuting pakikibaka. 19 Panghawakan mo ang pananampala­taya at isang mabuting budhi dahil may mga taong tinanggihan ang mga ito. Ang naging bunga, ang kanilang pananampalataya ay naging tulad ng isang barko na nawasak. 20 Kabilang sa mga taong ito ay sina Himeneo at Alexander. Upang sila ay matutong huwag manlait, ibinigay ko sila kay Satanas.

Mga Tagubilin Patungkol sa Pagsamba

Kaya nga, una sa lahat, ipinamamanhik ko na ang lahat ng mga dalanging may paghiling, ang mga panalangin, ang mga dalangin na namamagitan at pasasalamat ay gawin para sa lahat ng mga tao.

Gawin din ang mga ito para sa mga hari at para sa lahat ng mga nasa pamamahala. Ito ay upang mamuhay tayo ng payapa at tahimik sa lahat ng gawaing maka-Diyos at karapat-dapat na pag-ugali. Sapagkat ito ay mabuti at katanggap-tanggap sa harapan ng Diyos na ating Tagapagligtas. Inibig niyang iligtas ang mga tao at upang sila ay makaalam ng katotohanan. Ito ay sapagkat may iisang Diyos at iisang Tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng mga tao. Siya ay ang taong si Cristo Jesus. Ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang pantubos para sa lahat ng tao, isang patotoo sa takdang panahon. Dahil dito itinalaga ako ng Diyos na maging mangangaral at apostol. Nagsasalita ako ng katotohanan na na kay Cristo at hindi ako nagsisinungaling. Itinalaga niya ako upang magturo ng pananampalataya at katotohanan sa mga Gentil.

Kaya nga, ninais ko na ang mga lalaki ay manalangin sa lahat ng dako na itinataas ang kanilang mga kamay na banal na walang poot o pagtatalo.

Gayundin naman, ninais ko na gayakan ang mga babae ang kanilang sarili, manamit ng maayos, maging mahinhin at gina­gamit nang maayos ang pag-iisip. Hindi dapat na nakatirintas ang buhok, o nagsusuot ng ginto, o perlas o mga mamahaling damit. 10 Sa halip, dapat na magsuot sila ng mga mabubuting gawa. Ito ay nararapat sa mga babaeng nagsasabing suma­samba sila sa Diyos.

11 Ang isang babae ay dapat na matutong tumahimik na may pagpapasakop. 12 Hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo o mamuno sa lalaki. Sa halip siya ay maging tahimik. 13 Ang dahilan nito ay nilikha muna ng Diyos si Adan, saka niya nilikha si Eva. 14 Hindi nadaya si Adan. Ngunit nang ang babae ay nadaya, siya ang nasa pagsalang­sang. 15 Ngunit maililigtas siya sa pamamagitan ng pagsilang ng sanggol kung sila ay magpapatuloy sa pananampalataya, pag-ibig at kabanalan na ginagamit nang maayos ang pag-iisip.

Mga Tagapangasiwa at Mga Diyakono

Ang pananalitang ito ay mapagkakatiwalaan. Kung nina­nais ng sinuman ang gawain ng isang tagapangasiwa, nagnanais siya ng isang magandang gawain.

Ang tagapanga­siwa ay dapat na walang maipupula, iisa lang ang asawa, mapagpigil, ginagamit nang maayos ang pag-iisip, may magandang asal, bukas ang tahanan sa mga panauhin at makaka­pagturo. Siya ay hindi dapat na manginginom ng alak, hindi palaaway, hindi gahaman sa maruming kapakinabangan, subalit mahinahon at mapayapa at hindi maibigin sa salapi. Dapat na pinamamahalaan niya nang mabuti ang kaniyang sariling tahanan, na ang kaniyang mga anak ay nagpapasakop na may karapat-dapat na ugali. Kapag ang isang lalaki ay hindi marunong mamahala ng kaniyang sariling sambahayan, papaano niya mapangangalagaan ang iglesiya ng Diyos? Hindi siya dapat baguhang mananampalataya, at baka kung siya ay magmayabang ay mahulog sa hatol ng Diyos na inihatol niyasa diyablo. Dapat na may mabuti siyang patotoo sa mgataga-labas. Kung wala siya nito, baka siya ay mahulog sa pangungutya at sa bitag ng diyablo.

Gayundin naman, ang mga diyakono ay dapat na may karapat-dapat na pag-uugali. Hindi madaya, hindi nagpapairal sa alak, hindi gahaman sa maruming kapakinabangan. Dapat na manangan sila sa hiwaga ng pananampalataya na taglay ang isang malinis na budhi. 10 Subukin muna sila. Kung walang anumang maipaparatang sa kanila, hayaan silang maglingkod.

11 Ang mga babae naman ay dapat na may karapat-dapat na pag-uugali. Hindi mapanirang puri, ginagamit nang maayos ang pag-iisip, at mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay.

12 Ang bawat diyakono ay dapat na asawa ng isang babae at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at kanilang sambahayan. 13 Ito ay sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mahusay bilang diyakono ay nagtatamo ng isang mabuting tungkulin at ng dakilang kalakasan ng loob sa pananampalataya na na kay Cristo Jesus.

14 Sa dahilang inaasahan kong makarating diyan sa inyo sa lalong madaling panahon, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa iyo. 15 Ngunit kung ako ay maaantala sa pagpariyan sa iyo, alam mo ang paraan kung paano ang dapat na maging asal mo sa bahay ng Diyos na siyang iglesiya ng Diyos na buhay. Ito ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 Nahayag ito na may katiyakan. Ang hiwaga ng pagkamaka-Diyos ay dakila: Nahayag sa laman ang Diyos. Inihayag ng Espiritu na siya ay matuwid. Nakita siya ng mga anghel. Ipinangaral siya sa mga Gentil. Sinampalatayanan siya ng sanlibutan. Tinanggap siya sa kaluwalhatian.

Mga Tagubilin kay Timoteo

Ngunit maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa huling panahon ay iiwan ng ilang tao ang pananampalataya. Bibigyang pansin nila ang mga espiritung mapanlinlang at ang mga katuruan ng mga demonyo.

Ang mga taong ito ay nagsasalita ng kasinungalingan na may pagpapaimbabaw. Ang kanilang budhi ay pinaso. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at may ipinagbabawal sila na pagkain, na nilikha ng Diyos upang tanggapin na may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakakaalam ng katotohanan. Ito ay sapagkat ang lahat na nilikha ng Diyos ay mabuti, na dapat tanggaping may pasasa­lamat at hindi ito dapat itakwil. Ito ay sapagkat pinaging-banal ang mga ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.

Kung ituturo mo ang mga bagay na ito sa harapan ngmga kapatid, ikaw ay magiging mabuting tagapaglingkod ni Jesucristo. Ikaw ay pinakakain ng Diyos ng mga salita ng pananam­palataya at ng katuruan na buong ingat mong sinunod. Ngunit tanggihan mo ang mga alamat na mapaglapastangan sa Diyos na isinasalaysay ng matatandang babae. Sanayin mo ang iyong sarili sa pagiging maka-Diyos. Ito ay sapagkat kung sinasanay mo ang iyong katawan, mayroon naman itong kaunting pakinabang. Ngunit ang pagiging maka-Diyos ay may kapakinabangan sa lahat ng mga bagay. Ito ay may pangako sa buhay sa ngayon at sa buhay na darating.

Ito ay isang mapagkakatiwalaang pananalita at karapat-dapat na tanggapin ng lahat. 10 Ito ang dahilan na kami ay nagpapagal at kinukutya ng mga tao. Ito ay dahil umaasa kami sa Diyos na buhay na siyang tagapagligtas ng lahat ng tao, lalong higit doon sa mga sumasampalataya.

11 Iutos mo ang mga bagay na ito at ituro mo sa kanila. 12 Walang sinumang dapat na humamak sa iyo dahil sa iyong kabataan subalit maging huwaran ka ng mga mananampalataya sa salita, sa pag-uugali, sa pag-ibig, sa espiritu, sa pananam­palataya, sa kadalisayan. 13 Hanggang sa ako ay makapariyan sa iyo, iukol mo ang iyong sarili sa pagbabasa, sa pagpapayo at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng paghahayag at ng pagpatong sa iyo ng mga kamay ng mga matanda sa iglesiya.

15 Pagbulay-bulayan mong mabuti ang mga bagay na ito. Italaga mo nang lubusan ang iyong sarili sa pagsasagawa nito. Sa gayon, maliwanag na makikita ng lahat na ikaw ay luma­lago. 16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito. Kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga makikinig sa iyo.

Payo Patungkol sa mga Balo, Matatanda at mga Alipin

Huwag mong sawayin ang isang matanda. Sa halip, hika­yatin mo siya nang may katapatan tulad sa isang ama, gayundin naman sa mga nakakabatang lalaki, na tulad sa mga kapatid.

Hikayatin mo nang may katapatan ang matatandang babae na tulad sa mga ina, at ang mga nakakabatang babae na tulad sa mga kapatid na babae nang buong kalinisan.

Igalang mo ang mga balong babae na tunay na mga balo. Ngunit kung ang balo ay may mga anak o mga apo, dapat na matutunan muna nilang ipakita na sila ay sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga nila sa kanilang sambahayan. Gantihan din nila ng kabutihan ang kanilang mga magulang at ninuno sapagkat mabuti at katanggap-tanggap ito sa harapan ng Diyos. Ngayon, ang babae na isang tunay na balo at nag-iisa ay sa Diyos umaasa. Gabi at araw, siya ay nagpapatuloy sa paghiling sa Diyos at pananalangin. Ngunit ang balo na nagpapakabuyo sa pansariling kasiyahan, bagaman siya ay nabubuhay, siya ay patay. Upang sila ay hindi mapintasan, iutos mo ang mga bagay na ito sa kanila. Kapag hindi paglaanan na sinuman ang pangangailangan ng kaniyang sarili, lalo na ang kaniyang sariling sambahayan, ay tumalikod na sa pananampalataya. Siya ay masahol pa sa isang hindi mananam­palataya.

Kung ang isang balo ay mahigit nang animnapung taong gulang, isama mo ang kaniyang pangalan sa talaan ng mga balo. Dapat na siya ay naging asawa lamang ng isang lalaki. 10 Dapat nasaksihan ng mga tao ang kaniyang mabubuting gawa, tulad ng pagpapalaki niya sa kaniyang mga anak, pagpapatuloy niya sa mga taga-ibang bayan, paghugas niya sa mga paa ng mga banal, pagtulong niya sa mga nagulumihanan at kung iniukol niya ang kaniyang sarili sa lahat ng uri ng mabubuting gawa.

11 Tanggihan mong isama sa talaan ang mga batang babaeng balo sapagkat kung ang kanilang makalamang pagna­nasa ay maging salungat kay Cristo, sila ay nagnanais na mag-asawa. 12 Sa dahilang itinakwil nila ang kanilang unang pananampalataya, hinahatulan sila ng Diyos. 13 Dagdag pa rito, natututo silang maging tamad na nagpapalipat-lipat sa mga bahay-bahay. Hindi lang sila mga tamad kundi sila ay mga masitsit[a] at nakikialam sa buhay ng ibang tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14 Kaya nga, ninanais ko na ang mga batang balo ay mag-asawa, na sila ay magkaanak at pangalagaan ang kanilang tahanan upang hindi sila magbigay ng pagkakataon sa kaaway na alipustain sila. 15 Ito ay sapagkat ang ilan ay tumalikod na at sumunod na kay Satanas.

16 Kung ang isang mananampalatayang lalaki o isang mananam­­palatayang babae ay may mga balo sa kanilang kamag-anakan, dapat niya silang tulungan upang hindi sila maging pabigat sa iglesiya. Sa ganoon, ang iglesiya ay makaka­tulong sa mga tunay na mga balo.

17 Ang mga matanda sa iglesiya na nangangasiwang mabuti ay ibilang na karapat-dapat na tumanggap ng ibayong pagpapa­halaga, lalo na ang mga nagpapagal sa salita at sa pagtuturo. 18 Ito ay sapagkat sinabi ng kasulatan:

Huwag mong busalan ang baka habang gumigiik.

At ito rin ay nagsasabi:

Ang mga manggagawa ay karapat-dapat sa kani­­yang sahod.

19 Maliban sa dalawa o tatlong saksi ang magharap ng paratang laban sa matanda sa iglesiya, huwag mong itong tanggapin. 20 Ang mga nagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang ang iba ay matakot.

21 Mahigpit kong ipinagtatagubilin sa iyo sa harapan ng Diyos at Panginoong Jesucristo at ng mga anghel na pinili ng Diyos: Ingatan mo ang mga tagubiling ito. Huwag kang humatol kaagad-agad. Huwag kang magtangi ng isang tao nang higit kaysa iba.

22 Huwag kang magmadali sa pagtatalaga ng sinuman sa pamamagitan ng pagpapatong ng iyong kamay. Huwag kang makibahagi sa mga kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.

23 Huwag kang uminom ng tubig lamang. Dahil sa iyong sikmura at madalas mong pagkakasakit, gumamit ka ng kaunting alak.

24 Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag na nakikita, na nauuna pa sa kanila sa paghuhukom. Ang mga kasalanan naman ng ibang tao ay sumusunod sa kanila. 25 Sa gayunding paraan, ang mabubuting gawa ay hayagang nakikita. Ang mga hindi mabubuting gawa ay hindi maililingid.

Hayaang isipin ng lahat ng nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin na ang kanilang mga amo ay karapat-dapat sa buong paggalang. Ito ay upang hindi mamusong ang mga tao sa pangalan ng Diyos at sa ating katuruan. Ang may mga amo na mananampalataya ay huwag manlait sa kanila dahil sila ay mga kapatid. Sa halip, dahil ang makikinabang ay mananam­palataya at ang kanilang mga minamahal, dapat silang maglingkod sa kanila nang lalong mainam. Ituro mo ang mga bagay na ito at hikayatin mo silang may katapatan.

Pag-ibig sa Salapi

Maaring may magturo ng kakaibang turo na hindi sumasang-ayon sa mabuting salita ng ating Panginoong Jesucristo na ayon sa mapagkakatiwalaang katuruan.

Kung ang sinumang tao ay gumagawa nito, siya ay mayabang, walang nalalaman, nahumaling sa pakikipagtalo at pakiki­paglaban patungkol sa mga salita. Sa mga ito nagmumula ang inggit, paglalaban-laban, panglalait at masamang paghihinala. Mula rito ay dumarating ang walang hanggang mga pagtatalo mula sa mga taong may bulok na pag-iisip, at salat sa katotohanan. Iniisip nila na ang pagiging maka-Diyos ay paraan ng pagpapa­yaman. Layuan mo ang mga ganitong tao.

Ngunit ang pagsamba sa Diyos na may kasiyahan ay malaking pakinabang. Ito ay sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan. Maliwanag na wala tayong madadalang anuman mula rito. Kung tayo ay may pagkain at pananamit, masiyahan na tayo sa mga ito. Ngunit ang mga naghahangad na maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa isang silo. Sila ay nahuhulog sa mga mangmang na hangarin na makaka­pinsala sa kanila, at nagtutulak sa mga tao na malunod sa pagkawasak at pagkapahamak. 10 Ito ay sapagkat ang pag-ibig sa salapi ang ugat sa lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang tao na nagpupumilit na makamtan ito ay naligaw palayo sa pananam­palataya. Maraming pagdadalamhati ang lumalagos sa kanilang mga sarili.

Ang Tagubilin ni Pablo kay Timoteo

11 Ngunit ikaw, o tao ng Diyos, lumayo ka sa mga bagay na ito at sikapin mong maabot ang mga bagay na may katuwiran, pagiging maka-Diyos, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan.

12 Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya. Manangan ka sa buhay na walang hanggan na kung saan ay tinawag ka ng Diyos para rito at isinalaysay mo sa mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming saksi. 13 Inuutusan kita sa harapan ng Diyos na nagbibigay buhay sa lahat ng bagay at sa harapan ni Cristo Jesus na sumaksing isang magandang paliwanag sa harap ni Poncio Pilato. 14 Hanggang ang ating Panginoong Jesucristo ay dumating, tuparin mo ang utos na ito nang walang dungis at walang maipupula sa iyo. 15 Siya ay mahahayag sa takdang panahon. Siya lamang ang pinagpala at makapangyarihan, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang hindi maaaring mamatay, naninirahan sa liwanag na hindi malala­pitan ng sinuman, walang sinumang nakakita sa kaniyani makakakita sa kaniya. Sumasakaniya ang karangalan at kapang­yarihang walang hanggan. Siya nawa.

Mga Panghuling Salita

17 Utusan mo ang mayayaman sa kapanahunang ito na huwag silang maging mapagmataas. Hindi nila dapat ilagak ang kanilang pag-asa sa kayamanang walang katiyakan. Sa halip, dapat nilang ilagak ang kanilang pag-asa sa buhay na Diyos na marangyang ipinagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay upang tayo ay masiyahan.

18 Utusan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, maging mapagbigay sila at handang magbahagi sa iba. 19 Dapat silang maglaanng isang mabuting saligan para sa kanilang sarili para sa hinaharap upang sila ay makapanangan sa buhay na walang hanggan.

20 O Timoteo, ingatan mo ang mga ipinagkakatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang mapaglapastangan at mga usapang walang kabuluhan at mga pagtatalo na napagkaka­maliang tawaging karunungan. 21 Nang ang ilang mga tao ay nagsa­sabi na mayroon silang gayong kaalaman, sumala sila sa pananampalataya.

Sumaiyo ang biyaya. Siya nawa!

Akong si Pablo ay isang apostol ni Jesucristo sa pamama­gitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus. Ako ay sumusulat sa iyo, O Timoteo, ang minamahal kong anak.

Ang Diyos Ama at si Cristo Jesus na ating Panginoon ang magkakaloob sa iyo ng biyaya, kahabagan at kapayapaan.

Pinapayuhan ni Pablo si Timoteo na Maging Matapat

Nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi, tulad ng paglilingkod ng aking mga ninuno. Kapag ako ay nananalanging may paghiling gabi at araw, lagi kitang naaala-ala.

Kapag naaala-ala ko ang iyong mga luha, labis akong nananabik na makita ka upang mapuspos ako ng kagalakan. Naaala-ala ko ang pananam­palataya mong walang pagkukunwari na unang nanahan sa iyong lola Loida at sa iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nananahan din ito sa iyo. Dahil dito, pinaaalalahanan kita na pagningasin mong muli ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpatong ko ng aking mga kamay sa iyo. Ito ay sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot, sa halip, binigyan niya tayo ng espiritu ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng maayos na pag-iisip.

Kaya nga, huwag kang mahiya sa patotoo patungkol sa ating Panginoon, ni sa akin na isang bilanggo. Subalit dahil sa ebanghelyo, makibahagi kang kasama ko sa kahirapan ayon sa kapangyarihan ng Diyos. Siya ang nagligtas at tumawag sa atin sa pamamagitan ng isang banal na pagtawag, hindi dahil sa ating mga gawa ngunit ayon sa kaniyang sariling layunin at biyaya. Ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa man nagsimula ang panahon. 10 Ngunit ngayon, ito ay nahayag sa pamamagitan ng pagdating ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Pinawalang-bisa niya ang kapangyarihan ng kama­tayan at dinala niya ang buhay at ang kawalan ng kamatayan sa liwanag ng ebanghelyo. 11 Dito ay itinalaga ako na maging isang tagapangaral, isang apostol at isang guro para sa mga Gentil. 12 Dahil dito, nagtitiis ako sa mga bagay na ito. Ngunit hindi ako nahihiya. Ang dahilan nito ay kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong kaya niyang ingatan ang inilagak ko sa kaniya hanggang sa araw na iyon.

13 Panatilihin mong maging huwaran ng mapagkaka­tiwalaang salita na iyong narinig mula sa akin. Panatilihin mo ito sa pananampalataya at sa pag-ibig na na kay Cristo Jesus. 14 Ingatan mo ang mabuting bagay na inilagak ko sa iyo. Bantayan mo ito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin.

15 Alam mo na iniwan ako ng lahat ng taga-Asya, kabilang sina Figelo at Hermogenes.

16 Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo. Ang dahilan nito ay maraming ulit niya akong pinasiglang muli at hindi niya ikinahiya ang aking pagiging bilanggo. 17 Noong siya ay nasa Roma, pinagsikapan niya akong hanapin at natagpuan niya ako. 18 Maging kalooban nawa ng Panginoon na makatagpo siya ng habag mula sa Panginoon sa araw na iyon. Higit mong nalalaman kung gaano siya naglingkod ng lubos sa Efeso.

Kaya nga, anak ko, magpakatibay ka sa biyaya na na kay Cristo Jesus. Narinig mo ang maraming bagay na aking sinabi sa harapan ng maraming saksi. Ipagkatiwala mo ang mga bagay na ito sa mga lalaking mapagkakatiwalaan na makaka­pagturo rin naman sa iba. Kaya nga, tiisin mo ang lahat ng hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Jesucristo. Hindi isinasangkot ng naglilingkod bilang isang kawal ang kaniyang buhay sa mga bagay ng buhay na ito. Ito ay upang mabigyan niya ng kasiyahan ang nagtala sa kaniya bilang isang kawal. Gayundin naman, kung ang sinuman ay nakiki­pagpaligsahan sa palaro, kung hindi siya makikipagpaligsahan ayon sa alituntunin, siya ay hindi bibigyan ng gantimpalang-putong. Ang nagpapagal na magsasaka ang dapat munang maki­nabang sa kaniyang mga ani. Pakaisipin mo ang mga sinasabi ko at bibigyan ka nawa ng Panginoon ng pang-unawa sa lahat ng bagay.

Alalahanin mo na si Jesucristo ay mula sa angkan ni David, na ibinangon mula sa mga patay ayon sa aking ebanghelyo. Dahil dito, tiniis ko ang mga paghihirap kahit sa pagkabilanggo tulad sa isang manggagawa ng kasamaan. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi matatanikalaan. 10 Dahil dito, tiniis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga pinili, upang sila ay magtamo rin naman ng kaligtasan na na kay Cristo Jesus na may walang hanggang kaluwalhatian.

11 Ito ay mapagkakatiwalaang pananalita sapagkat kung tayo ay namatay na kasama niya, tayo rin naman ay mabubuhay na kasama niya. 12 Kung tayo ay maghihirap, tayo rin naman ay maghaharing kasama niya. Kung ipagkakaila natin siya, ipag­kakaila rin niya tayo. 13 Kung hindi tayo mapagkaka­tiwalaan, siya ay nananatiling mapagkakatiwalaan. Hindi niya maipag­kakaila ang kaniyang sarili.

Manggagawang Minarapat ng Diyos

14 Patuloy mong ipaala-ala sa kanila ang mga bagay na ito. Mahigpit mong iutos sa kanila, sa harapan ng Diyos, na huwag silang makikipagtalo patungkol sa mga salita na walang kabu­luhan at nakakapagpahamak sa mga nakikinig.

15 Pagsi­kapan mong mabuti na iyong iharap ang iyong sarili na katanggap-tanggap sa Diyos, isang manggagawa na walang dapat ikahiya, na itinuturo ng tama ang salita ng katotohanan. 16 Ngunit layuan mo ang usapang walang kabuluhan at mapaglapastangan sa Diyos sapagkat ang ganitong usapan ay nagbubunsod sa hindi pagkakilala sa Diyos. 17 Ang katuruan ng mga guma­gawa nito ay kumakalat na parang kanggrena. Sina Himeneo at Fileto ay kabilang dito. 18 Sila ay sumala sa katotohanan. Sinasabi nila: Naganap na ang muling pagka­buhay. Sa ganyang paraan ay itinataob nila ang pananam­palataya ng ilan. 19 Gayun­man, ang matatag na saligan ng Diyos ay nakatindig nang matibay. Ito ang nakatatak dito:

Kilala ng Panginoon ang kabilang sa kaniya. Lumayo sa kalikuan ang bawat isang sumasambit sa pangalan ni Cristo.

20 Ngunit sa isang malaking bahay, hindi lamang mga kasangkapang gawa sa ginto at pilak ang naroon, subalit may mga kasangkapan ding gawa sa kahoy at putik. Ang ilang kasangkapan ay ginagamit sa pagpaparangal, ang iba ay ginagamit sa hindi pagpaparangal. 21 Kaya nga, kung nilinis ng isang tao ang mga bagay na ito na nasa kaniyang sarili, siya ay magiging kasangkapang kagamit-gamit sa pagpaparangal, pinaging-banal, kapaki-pakinabang siya sa kaniyang panginoon at nakahanda para sa bawat mabuting gawa.

22 Ngunit takasan mo ang masasamang nasa ng kabataan. Pagsikapan mong maabot ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Pangi­noon mula sa malinis na puso. 23 Tanggihan mo ang mangmang at mga hangal na pagtatalo. Alam mong ang mga ito ay nagbubunga ng mga paglalaban-laban. 24 Ang pakikipag-away ay hindi nababagay sa isang alipin ng Panginoon. Sa halip, siya ay maging mabait sa lahat, handang makapagturo at matiisin sa iba. 25 Kailangan niyang turuan ng may kababaang-loob ang mga sumasalungat sa kaniya. Marahil ay maging kalooban ng Diyos na magsisi sila at sila ay makaalam sa katotohanan. 26 At sila ay magigising at tatakas mula sa silo ng diyablo, na bumihag sa kanila upang sumunod sa kaniyang kalooban.

Kawalan ng Pagsamba sa Mga Huling Araw

Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw, daratingang magulong panahon.

Ito ay sapagkat ang tao ay magigimg maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, hindi mapagpasalamat, hindi banal. Sila ay walang pag-ibig, hindi mapagpatawad, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabagsik, hindi mapagmahal sa kabutihan. Sila ay mga taksil, mga hindi mapigil at mga mapagpalalo. Iniibig nila ang kalayawan kaysa sa ibigin nila ang Diyos. Sila ay may anyo ng pagkamaka-Diyos ngunit ipinagkakaila ang kapangyarihan nito. Iwasan mo ang mga taong ito.

Ito ay sapagkat ang ganitong mga tao ang pumapasok sa bahay sa pamamagitan ng panlilinlang at binibihag ang mga babaeng mahihina ang kaisipan. Ang mga kasalanan ay nagpapabigat sa mga babaeng ito at inililigaw sila ng lahat ng uri ng pagnanasa. Sila ay laging nag-aaral ngunit hindi sila kailanman makakaalam ng katotohanan. Kung paanong si Janes at Jambres ay sumalungat kay Moises, gayundin ang pagsalungat sa katotohanan ng mga taong ito na may mga kaisipang napakasama. Patungkol sa pananampalataya, sila ay nasumpungang walang kabuluhan. Ngunit sila ay hindi makakasulong pa. Ito sapagkat kung paanong nakita ng lahat ang kamangmangan nina Janes at Jambres, makikita rin ng lahat ang kamangmangan ng mga ito.

Ang Bilin ni Pablo kay Timoteo

10 Ngunit maingat mong sinunod ang mga itinuro ko, ang aking pamamaraan sa buhay, ang aking layunin, pananam­palataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis.

11 Alam mo ang aking mga pag-uusig at ang aking mga kahirapan. Alam mo ang mga bagay na nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio at sa Listra. Alam mo kung anong uri ng pag-uusig ang aking binata. Iniligtas ako ng Panginoon mula sa lahat ng ito. 12 At lahat nga ng ibig na mamuhay kay Cristo ng may pagkamaka-Diyosay uusigin. 13 Ngunit ang mga taong masasama at mga mapagpakunwari ay higit pang sasama. Inililigaw nila ang iba at ililigaw din sila ng iba. 14 Ngunit ikaw ay manatili sa mga bagay na iyong natutunan at sa mga bagay na nakakatiyak ka, sapagkat kilala mo kung kanino mo ito natutuhan. 15 Mula ng ikaw ay sanggol pa lamang, alam mo na ang banal na mga kasulatan na makakapagbigay ng karunungan sa iyo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Kinasihan ng Diyos ang bawat kasulatan. Ang mga ito ay mapakikinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, na naihandang lubos sa mga mabubuting gawa.

Inuutusan kita sa harap ng Diyos at sa harapan ng Panginoong Jesucristo, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay sa kaniyang pagpapakita at paghahari. Ipangaral mo ang salita. Maging handa ka sa mabuting panahon o sa hindi mabuting panahon. Manumbat ka, magsaway ka, manghi­kayat kang may katapatan at pagtuturo. Ito ay sapagkat ang panahon ay darating na ang mga tao ay ayaw nang tumanggap ng mabuting katuruan. Sa halip, ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa, mag-iipon sila ng mga guro para sa kanilangmga sarili. Magtuturo sila kung ano ang nais ng kanilang nangangating tainga. Itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan. Babaling sila sa mga alamat. Ngunit ikaw, maging maayos ang iyong pag-iisip sa lahat ng mga bagay. Tiisin mo ang lahat ng kahirapan. Gawin mo ang gawain ng isang mangangaral ng ebanghelyo. Ganapin mong lubusan ang iyong paglilingkod.

Ito ay sapagkat ibinuhos na ako tulad ng isang handog. Sumapit na ang panahon ng aking pag-alis. Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka. Natapos ko na ang takbuhin. Naingatan kong lubusan ang pananampalataya. Kaya nga, ang Diyos ay naglaan para sa akin sa itaas ng isang gantimpalang putong ng katuwiran. Ang Panginoon na siyang matuwid na tagahatol ang magbibigay sa akin nito sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin, kundi sa kanila na nagmamahal sa kaniyang pagpapakita.

Mga Sariling Habilin

Sikapin mong makaparito sa akin sa lalong madaling panahon.

10 Ito ay sapagkat pinabayaan ako ni Demas at siya ay pumunta sa Tesalonica dahil inibig niya ang kasalukuyang sanlibutang ito. Si Cresente ay pumunta sa Galacia. Si Tito ay pumunta sa Dalmacia. 11 Si Lucas lamang ang naiwang kasama ko. Si Marcos ay isama mo sa iyong pagparito sapagkat siya ay mahalaga sa akin para sa paglilingkod. 12 Ngunit si Tiquico ay pinapunta ko sa Efeso. 13 Sa pagparito mo, dalhin mo ang balabal na aking iniwan kay Carpo sa Troas at ang mga aklat, lalong lalo na ang mga balat ng hayop na sinusulatan.

14 Ginawan ako ng napakaraming kasamaan ni Alexander na panday. Gantihan nawa siya ng Panginoon ayon sa kaniyang mga gawa. 15 Mag-ingat ka sa kaniya sapagkat mahigpit niyang sinalungat ang aming mga salita.

16 Sa aking unang pagtatanggol, walang sinumang sumama sa akin sa halip ay pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawa itong ibilang laban sa kanila. 17 Ngunit ang Panginoon ang kasama ko at nagbigay sa akin ng kakayanan upang makapangaral ako ng lubusan at upang marinig ito ng mga Gentil. Sinagip niya ako mula sa bibig ng leon. 18 At sasagipin ako ng Panginoon mula sa lahat ng masasamang gawa. Ililigtas niya ako para sa kaniyang makalangit na paghahari. Sumakaniya ang kaluwal­hatian magpa­kailan pa man. Siya nawa.

Panghuling Pagbati

19 Batiin mo sina Priscila at Aquila at ang mga tao sa sambahayan ni Onesiforo.

20 Si Erasto ay nanatili sa Corinto. Dahil si Trofimo ay may sakit, iniwan ko siya sa Mileto. 21 Sikapin mong makaparito bago mag-taglamig. Binabati ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid.

22 Sumaiyong espiritu nawa ng Panginoong Jesucristo. Sumaiyo ang biyaya. Siya nawa!

Akong si Pablo ay alipin ng Diyos at apostol ni Jesucristo ayon sa pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos.Ayon sa kaalaman ng katotohanan at ayon sa pagkamaka-Diyos. Mayroon akong buhay na walang hanggan na nakabatay sa pag-asa. Ito ay ipinangako na ng Diyos na hindi makapagsisi­nungaling, bago pa sa pasimula ng panahon. Sa panahong itinakda ng Diyos, inihayag niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng pangangaral. Ang pangangaral na ito ay ipinagkatiwala niya sa akin alinsunod sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas. Sumusulat ako sa iyo Tito. Ikaw ay tunay kong anak ayon sa pananampalatayang nasa ating lahat.

Sumaiyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos Ama at Panginoong Jesucristo na ating Tagapagligtas.

Ang Mga Ginawa ni Tito sa Creta

Ang dahilan kung bakit kita iniwan sa Creta ay upang ayusin mo ang mga bagay na kulang at upang magtalaga ka ng mga matanda sa bawat lungsod. Italaga mo sila gaya ng iniutos ko sa iyo.

Ito ang aking utos: Italaga mo ang lalaking walang maipupula ang sinuman at may isang asawa. Ang kaniyang mga anak ay mga mananampalataya, dapat na hindi mapapa­ratangan ng walang pagpipigil o masuwayin. Ito ay sapagkat dapat na walang maipaparatang sa tagapangasiwa bilang katiwala ng Diyos. Hindi niya dapat ipagpilitan ang kaniyang sariling kalooban at hindi madaling magalit. Siya ay hindi dapat manginginom ng alak, hindi palaaway at hindi gahaman sa salapi. Sa halip, ang kaniyang tahanan ay bukas para sa mga panauhin, mapagmahal sa mabuti, ginagamit nang maayos ang isip, matuwid, banal at may pagpipigil sa sarili. Dapat din na panghawakan niya ang matapat na salita ayon sa itinuro sa kaniya. Ito ay upang mahimok niya ang ilan at kaniyang masaway yaong mga laban sa salita, sa pamamagitan ng mabuting aral.

10 Ito ay sapagkat marami ang mga masuwaying tao. Sila ay nagsasalita ng walang kabulukan at mga mandaraya, lalong-lalo na iyong nasa pagtutuli. 11 Huwag mo na silang pagsalitain sapagkat itinataob nila ang mga sambahayan. Magkamal lang ng salapi ay nagtuturo na sila ng mga bagay na hindi niladapat ituro. 12 Isa sa kanila, ito ay sarili nilang propeta, ang nagsabi: Ang mga taga-Creta ay laging sinungaling, asal masamang hayop at matatakaw na batugan. 13 Ang sinabing itopatungkol sa kanila ay totoo. Dahil dito, mahigpit mo silang sawayin upang sila ay tumibay sa pananampalataya. 14 Ito ay upang huwag sila makinig sa mga katha ng mga Judio at ng mga utos ng taong tumatalikod sa katotohanan. 15 Sa taong malinis, ang lahat ng mga bagay ay malinis. Ngunit sa lahat ng nadungisan at hindi sumasampalataya ay walang bagay na malinis. Subalit ang kanilang pag-iisp at budhi ay nadungisan. 16 Sinasabi nilang kilala nila ang Diyos ngunit siya ay ipinagkakaila nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Sila ay kasuklam-suklam, masuwayin at hindi makagagawa ng anumang mabuti.

Ang Dapat Ituro sa Iba’t Ibang Pangkat

Ngunit magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mabuting aral.

Ang matatandang lalaki ay maging mapagpigil, may karapat-dapat na ugali, ginagamit nang mabuti ang isip, may mabuting pananampalataya, pag-ibig at pagtitiis.

Sa ganoon ding paraan ang kilos ng mga matatandang babae ay maging karapat-dapat sa mga banal, hindi mga mapanirang-puri, hindi nagpaaalipin sa maraming alak. Sila ay maging mga guro ng mga bagay na mabuti. Dapat silang maging ganito upang kanilang maturuan ang mga naka­babatang babae na maging mapagmahal sa kanilang asawa at mapag­mahal sa mga anak. Turuan mo rin silang gumamit nang maayos ng kanilang isipan, maging dalisay, maging abala sa sariling bahay. Turuan mo silang maging mabuti, magpa­sakop sa sarili nilang asawa upang huwag mapagsalitaan ng masama ang salita ng Diyos.

Ang mga nakakabatang lalaki, sa gayunding paraan, ay hikayatin mong may katapatan na magkaroon sila ng tamang pag-iisp. Sa lahat ng mga bagay ipakita mo ang iyong sarili na huwaran ng mga mabubuting gawa. Sa pagtuturo, ay may katapatan, may karapat-dapat na pag-uugali at buhay na walang kabulukan. Ipakita mong huwaran ang iyong sarili sa magaling na pananalitang hindi mahahatulan. Dapat kang maging ganito upang siya na nasa kabila ay mapahiya at walang masasabing masama patungkol sa iyo.

Ang mga alipin ay magpasakop sa sarili nilang mga amo. Sa lahat ng mga bagay ay maging kalugud-lugod at hindi palasagot. 10 Hindi sila dapat magnakaw ngunit nagpapakita ng lahat ng mabuting pagtatapat upang ang aral ng inyong Diyos na Tagapagligtas ay kanilang palamutian sa lahat ng mga bagay.

11 Ito ay sapagkat ang biyaya ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan ay nahayag sa lahat ng mga tao. 12 Ito ay nagtuturo na dapat tayong mamuhay sa kasalukuyang panahon na may mabuting paggamit ng isip, mamuhay na matuwid at mamuhay na may pagkilala sa Diyos. Mamuhay tayong tumatanggisa hindi pagkilala sa Diyos at makamundong pagnanasa. 13 Mamuhay tayo nang ganito habang hinihintay ang mapag­palang pag-asa at marilag na pagpapakita ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesucristo. 14 Ibinigay niya ang kaniyang sarili para sa atin upang tubusin niya tayo mula sa lahat ng hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos at malinis niya para sa kaniyang sarili, ang tao na kaniyang pag-aari, masigasig sa mabubuting gawa.

15 Ang mga bagay na ito ang iyong ipangaral at ihikayat at isumbat na may buong kapamahalaan. Huwag kang pahahamak sa kaninuman.

Paggawa ng Mabuti

Ipaala-ala mo na sila ay magpasakop sa mga pinuno at sa mga may kapamahalaan. Maging masunurin at maging handa sa paggawa ng mabubuti.

Ipaala-ala mo rin sa kanila na huwag silang manlait sa kaninuman. Dapat din silang maging mapayapa, mahinahon at nagpapakita ng kababaang-loob sa lahat ng mga tao.

Ito ay sapagkat sa nakaraang panahon, tayo rin naman ay mga mangmang, mga masuwayin at mga iniligaw. Naging alipin tayo sa iba’t ibang masasamang pita at kalayawan. Namuhay tayo sa masamang hangarin at inggitan. Kinapootan tayo ng mga tao at napoot tayo sa isa’t isa. Ngunit nahayag ang kabutihan ng Diyos, na ating Tagapagligtas at ang kaniyang pag-ibig samga tao. Nang mahayag ito, iniligtas niya tayo, hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng katuwiran na ating ginawa, kundi ayon sa kaniyang kahabagan. Ito ay sa pamamagitan ng muling kapanganakang naghuhugas sa atin at sa pamamagitan ng Banal na Espiritung bumabago sa atin. Masagana niyang ibinuhos ang Banal na Espiritu sa atin, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas. Ginawa niya ito upang sa pagpapaging-matuwid sa atin, sa pamamagitan ng biyaya at ayon sa pag-asa, tayo ay maging tagapagmana ng buhay na walang hanggan. Ito ay mapagkakatiwalaang salita. Ibig kong palagi mong bigyan ng diin ang mga bagay na ito upang ang mga mananampalataya sa Diyos ay maging maingat sa pagpapanatili ng mabuting gawa. Ang mga bagay na ito ay mabuti at kapakipakinabang sa mga tao.

Iwasan mo ang hangal na pagtatanungan, ang walang katapusang pagsasalaysay ng mga angkan, ang pag-aaway-away at pagtatalo patungkol sa kautusan sapagkat wala itong kapakinabangan at walang itong kabuluhan. 10 Itakwil mo ang taong lumilikha ng pagkakampi-kampi, kung hindi siya nakinig pagkatapos ng una at ikalawang babala. 11 Alam mo na ang ganyang tao ay lihis at nagkakasala, na hinatulan na niya ang kaniyang sarili.

Panghuling Tagubilin

12 Nang isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico, sikapin mong pumunta sa akin sa Nicopolis sapagkat aking ipinasyang doon magpalipas ng taglamig.

13 Sikapin mong matulungan si Zenas na manananggol at si Apollos sa kanilang paglalakbay. 14 Dapat matutunan ng ating mga tao na manatili sa mabu­buting gawa sa araw-araw na pangangailangan upang magbunga.

15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya.

Biyaya ang sumainyong lahat. Siya nawa!

Akong si Pablo na bilanggo ni Cristo Jesus at si Timoteo na ating kapatid ay sumusulat kay Filemon. Ikaw ay aming minamahal at aming kamanggagawa. Kami rin ay sumusulat kay Apia na aming minamahal. Sumusulat kami kay Arquipo na aming kasamang kawal. Sumusulat kami sa iglesiya na nasa iyong bahay.

Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa ating Diyos Ama at sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapasalamat ni Pablo sa Diyos Dahil kay Filemon at Ipinanalangin Siya

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa inyo. Lagi kong binabanggit ang iyong pangalan sa aking mga panalangin.

Nabalitaan ko ang pag-ibig mo sa lahat ng mga banal at ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong maging mabisa ang pakikisama ng iyong pananam­palataya sa lubos na pagkakilala ng bawat mabubuting bagay na nasa inyo kay Cristo Jesus. Malaki ang aming pasasalamat at lumakas ang aming loob dahil sa iyong pag-ibig. Ang kalooban ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid.

Ang Mahigpit na Pakiusap ni Pablo para kay Onesimo

Ako ay mayroong lubos na kalakasan ng loob kay Cristo na utusan ka kung ano ang mga bagay na dapat mong gawin.

Gayunman, ipinamamanhik ko sa iyo alang-alang sa pag-ibig. Ako nga, si Pablo, matanda na at ngayon ay bilanggo rin ni Jesucristo. 10 Ipinamamanhik ko sa iyo patungkol sa anak kong si Onesimo na naging anak ko sa pananampalataya habang ako ay nakabilanggo. 11 Dati ay hindi mo siya pinakinabangan, subalit ngayon, siya ay malaking kapakinabangan sa iyo at gayundin sa akin.

12 Pinabalik ko siya sa iyo. Kaya nga, tanggapin mo siyang parang aking sariling puso. 13 Ibig ko sanang manatili siya sa akin upang kaniyang gampanan ang dapat mong gawin sa paglilingkod sa akin habang ako ay nakabilanggo dahil sa ebanghelyo. 14 Ngunit kung hindi mo pahihintulutan ay ayaw kong gumawa ng anumang hakbang. Nais kong ang iyong kabutihang-loob ay huwag maging tila sapilitan kundi maging taos sa iyong kalooban. 15 Marahil, dahil dito napalayo siya sa iyo nang ilang panahon upang mapasaiyo siya nang habang panahon. 16 Siya ay mapapasaiyo hindi na bilang alipin, kundi higit pa sa alipin, isang kapatid na minamahal. Mahal na mahal ko siya, gaano pa kaya sa iyo? Higit mo siyang mahalin sa laman at gayundin sa Panginoon.

17 Kaya nga, yamang itinuturing mo ako bilang iyong kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. 18 Subalit kung siya ay may pagkakasala o anumang pagkaka­utang sa iyo, ibilang mo iyon sa akin. 19 Ako, si Pablo, ang sumusulat ng mga salitang ito nang sarili kong kamay. Babayaran kita. Gayunman, hindi na kailangang sabihin saiyo na utang mo ang iyong buhay sa akin. 20 Oo kapatid, mayroon din akong kapakinabangan sa iyo sa Panginoon. Paginhawahin mo ang aking kalooban alang-alang sa Pangi­noon. 21 Sinusulatan kita sa pagtitiwala sa iyong pagtalima. Alam ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.

22 Ngunit bago ang lahat, ipaghanda mo ako ng matutuluyan sapagkat aking inaasahan na ako ay mapahintulutang maka­sama mo, bilang tugon sa iyong mga panalangin.

Panghuling Pagbati

23 Binabati ka ni Epafras na kapwa ko bilanggo kay Cristo Jesus.

24 Binabati ka nina Marcos, Aristarco, Demas at ni Lucas na mga kamanggagawa ko.

25 Sumainyong espiritu ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo. Siya nawa!

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International