The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ipinangako ang Muling Pagsasaya sa Jerusalem
8 Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 2 “Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal; isang pagmamahal na naging dahilan upang mapoot ako sa kanyang mga kaaway. 3 Babalik ako sa Jerusalem upang muling manirahan doon. Tatawagin itong Tapat na Lunsod at Banal na Bundok ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 4 Ganito ang sinabi ni Yahweh: “Muling makikita ang matatandang babae't lalaking nakatungkod na nakaupo sa mga liwasan ng lunsod. 5 Ang mga lansangan ay mapupuno ng mga batang naglalaro. 6 Aakalain ng mga naiwan sa lupain na mahirap itong mangyari. Ngunit para kay Yahweh ay walang imposible. 7 Ililigtas ko ang aking bayan mula sa mga lugar sa silangan at sa kanluran, 8 at muli ko silang ibabalik sa Jerusalem. Sila ay aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Diyos.”
9 Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Lakasan ninyo ang inyong loob, kayo na nakarinig ng mensahe ng mga propeta noong inilalagay ang pundasyon ng aking templo. 10 Bago pa dumating ang panahong iyon, hindi nila kayang umupa ng tao o hayop, at mapanganib kahit saan sapagkat ang bawat isa'y ginawa kong kaaway ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ngayon, hindi ko na pababayaang mangyari sa inyo ang nangyari noon. 12 Mapayapa na kayong makapaghahasik. Magbubunga na ang inyong mga ubasan. Papatak na ang ulan sa takdang panahon, ibibigay ko ang lahat ng ito sa mga naiwan sa lupain. 13 Bayan ng Juda at Israel, kayo ang naging sumpa sa mga bansa. Sinasabi nila, ‘Danasin sana ninyo ang kahirapang dinanas ng Juda at ng Israel.’ Ngunit ililigtas ko kayo at gagawing pagpapala para sa kanila. Kaya huwag kayong matakot at lakasan ninyo ang inyong loob.”
14 Ipinapasabi pa rin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Noong una, binalak kong parusahan ang inyong mga ninuno dahil sa kanilang kasamaan. Ginawa ko nga ito. 15 Ngunit ngayon, ipinasya ko namang pagpalain ang Jerusalem at ang Juda; kaya huwag kayong matakot. 16 Ganito(A) ang dapat ninyong gawin: Katotohanan lamang ang sasabihin ninyo sa isa't isa, paiiralin ninyo ang katarungan at pananatilihin ang kapayapaan. 17 Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa at huwag magsisinungaling, sapagkat nasusuklam ako sa mga ito.”
18 Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, 19 “Sabihin mo sa kanila na ang mga araw ng pag-aayuno tuwing ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ng taon ay gagawin kong araw ng kagalakan at pagdiriwang ng Juda. Kaya't pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.”
20 Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating sa Jerusalem ang mga tao mula sa iba't ibang bayan. 21 Aanyayahan nila ang bawat isa, ‘Tayo na at sambahin natin si Yahweh. Humingi tayo ng pagpapala kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.’ 22 Maraming tao at bansang makapangyarihan ang pupunta sa Jerusalem upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat at upang humingi sa kanya ng pagpapala. 23 Sa araw na iyon, sampu-sampung dayuhan ang makikiusap sa bawat Judio na isama sila dahil sa balitang ang mga Judio ay pinapatnubayan ng Diyos.”
Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos
16 Mula sa templo'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang laman ng pitong mangkok ng poot ng Diyos.”
2 Kaya(A) umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. At nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang mangkok sa dagat. Ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang may buhay na nasa dagat.
4 Ibinuhos(B) naman ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang mangkok sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo rin ang mga ito. 5 At narinig kong sinabi ng anghel na namamahala sa mga tubig,
“Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal,
sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito.
6 Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propeta
ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin.
Iyan ang nararapat sa kanila!”
7 At narinig ko ang isang tinig mula sa dambana na nagsasabi,
“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!”
8 At ibinuhos din ng ikaapat na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa araw. At ito'y binigyan ng kapangyarihang pasuin ang mga tao sa tindi ng init nito. 9 Napaso nga sila, ngunit sa halip na magsisi at talikuran ang kanilang mga kasalanan at magpuri sa Diyos, nilapastangan pa nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihang magpadala ng ganoong mga salot.
10 Ibinuhos(C) naman ng ikalimang anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kaharian nito. Napakagat-dila sa kirot ang mga tao, 11 at sinumpa nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang hirap at tinamong mga pigsa. Ngunit hindi rin sila nagsisi at tumalikod sa masasama nilang gawain.
12 At(D) ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates. Natuyo ang ilog upang magkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan. 13 At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, sa bunganga ng halimaw, at sa bunganga ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka. 14 Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15 “Makinig(E) kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Pinagpala ang nananatiling gising at nag-iingat ng kanyang damit. Hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa harap ng mga tao!”
16 At(F) ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon.
17 Pagkatapos nito, ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa himpapawid. At may nagsalita nang malakas mula sa tronong nasa templo, “Naganap na!” 18 Kumidlat,(G) kumulog, at lumindol nang napakalakas. Ito ang pinakamalakas na lindol mula pa nang likhain ang tao dito sa lupa. 19 Nahati(H) sa tatlong bahagi ang malaking lungsod, at nawasak ang lahat ng lungsod sa buong daigdig. Hindi nga nakaligtas sa parusa ng Diyos ang tanyag na Babilonia. Pinainom siya ng Diyos ng alak mula sa kopa ng kanyang matinding poot. 20 Umalis(I) ang lahat ng mga pulo at nawala ang lahat ng mga bundok. 21 Umulan(J) ng malalaking batong yelo na tumitimbang ng halos limampung (50) kilo bawat isa, at nabagsakan ang mga tao. At nilapastangan ng mga tao ang Diyos dahil sa nakakapangilabot na salot na iyon.
Pasasalamat sa Diyos sa Pagtatagumpay ng Hari
Katha ni David.
144 Purihin si Yahweh na aking kanlungan,
sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.
2 Matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
Tagapagligtas kong pinapanaligan,
nilulupig niya sakop kong mga bayan.
3 O(A) Yahweh, ano nga ba naman ang tao?
At pinagtutuunan mo siya ng pansin?
4 Katulad ay ulap na tangay ng hangin,
napaparam siya na tulad ng lilim.
5 Langit mong tahanan ay iyong hubugin, Yahweh, lisanin mo't bumabâ sa amin;
mga kabundukan ay iyong yanigin, lalabas ang usok, aming mapapansin.
6 Ang maraming kidlat ay iyong suguin, lahat ng kaaway iyong pakalatin;
sa pagtakas nila ay iyong tudlain!
7 Abutin mo ako at iyong itaas,
sa kalalimang tubig ako ay iligtas;
ipagsanggalang mo't nang di mapahamak sa mga dayuhang may taglay na lakas,
8 ubod sinungaling na walang katulad,
kahit ang pangako'y pandarayang lahat.
9 O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa'y tutugtugin at aawit ako.
10 Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.
11 Iligtas mo ako sa mga malupit kong kaaway;
sa kapangyarihan ng mga banyaga ay ipagsanggalang;
sila'y sinungaling, di maaasahan,
kahit may pangako at mga sumpaan.
12 Nawa ang ating mga kabataan
lumaking matatag tulad ng halaman.
Ang kadalagaha'y magandang disenyo,
kahit saang sulok ng isang palasyo.
13 At nawa'y mapuno, mga kamalig natin
ng lahat ng uri ng mga pagkain;
at ang mga tupa'y magpalaanakin,
sampu-sampung libo, ito'y paramihin.
14 Mga kawan natin, sana'y dumami rin
at huwag malagas ang kanilang supling;
sa ating lansangan, sana'y mawala na ang mga panaghoy ng lungkot at dusa!
15 Mapalad ang bansang kanyang pinagpala.
Mapalad ang bayang si Yahweh'y Diyos na dinadakila!
29 May apat na bagay na kasiya-siyang pagmasdan sa kanilang paglakad:
30 Ang leon, pinakamatapang na hayop at kahit kanino ay di natatakot.
31 Ang tandang na magilas, ang kambing na mabulas,
at ang hari sa harap ng bayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.