Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Zacarias 12-13

Ang Pagliligtas na Gagawin sa Jerusalem

12 Ito ang mensahe ni Yahweh para sa Israel, ang Diyos na gumawa ng langit at lupa, at nagbigay-buhay sa tao: “Ang Jerusalem ay gagawin kong parang isang mangkok na puno ng alak upang ang sinumang maghangad lumusob dito ay maging parang lasing na susuray-suray. Ang pagkubkob sa Jerusalem ay pagkubkob na rin sa buong Juda. Sa araw na iyon, ang mga bansa ay magkakaisa laban sa Jerusalem ngunit gagawin ko itong tulad sa isang malaking bato na mahirap galawin. Sinumang gumalaw nito ay naghahanap ng sakit ng katawan. Tatakutin ko ang kanilang mga kabayo at magugulo ang mga kawal na sakay nito. Babantayan ko ang Juda at bubulagin ang mga kabayo ng kaaway. Dahil dito, sasabihin ng mga taga-Juda na ang lakas ng Jerusalem ay buhat kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos.

“Sa araw na iyon, ang Juda ay gagawin kong parang apoy na tutupok sa kakahuyan at sulo na susunog sa ginapas na palay. Lilipulin niya ang mga karatig-bansa at ang Jerusalem naman ay muling titirhan ng mga tao.

“Ang unang pagtatagumpayin ko ay ang mga sambahayan ng Juda upang ang karangalan ng angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi humigit sa ibang bayan ng Juda. Sa araw na iyon, palalakasin ko ang mga taga-Jerusalem upang pati ang mga mahihina ay magiging sinlakas ni David. Ang sambahayan ni David ay magiging makapangyarihang tulad ng Diyos, tulad ng anghel ni Yahweh na nanguna sa kanila. At sa araw na iyon, mawawasak ang alinmang bansang mangangahas sumakop sa Jerusalem.

10 “Ang(A) (B) lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalanginin. Sa gayon, kapag pinagmasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay matutulad sa nangyari noon sa Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido. 12 Tatangis ang buong lupain, ang bawat sambahayan, ang lahi ni David, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Natan, pati ang sambahayan doon, 13 ang lahi ni Levi, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Simei, pati ang kababaihan doon, 14 at ang iba pang lahi, pati ang kanilang kababaihan.”

13 Sinabi pa ni Yahweh, “Sa panahong iyon, lilitaw ang isang bukal at lilinisin nito ang kasalanan at karumihan ng sambahayan ni David at ng mga taga-Jerusalem.

“Aalisin ko sa lupain ang lahat ng diyus-diyosan at mapapawi sila sa alaala habang panahon. Aalisin ko na rin ang mga bulaang propeta at masasamang espiritu. Sakali mang may lumitaw na bulaang propeta, sasabihin ng kanyang mga magulang na hindi siya dapat mabuhay, pagkat ginagamit pa niya sa kasinungalingan ang pangalan ni Yahweh. At ang mga magulang niya mismo ang papatay sa kanya sa sandaling siya'y magpahayag. Sa araw ngang iyon, wala nang magmamalaking siya ay propeta, wala nang magdadamit-propeta ni magkukunwaring propeta. Sa halip, sasabihin nilang sila'y hindi propeta kundi mga hamak na magbubukid lamang mula sa kanilang kabataan. Kung may magtanong sa kanya tungkol sa mga pilat niya sa dibdib, sasabihin niyang iyon ay likha ng mga nagmamahal sa kanya.”

Ang Pagpatay sa Pastol ni Yahweh

Ito(C) ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Tabak, kumilos ka laban sa tagapangalaga ng aking mga tupa, laban sa aking lingkod. Patayin mo ang pastol upang magkawatak-watak ang mga tupa; lilipulin ko naman pati ang maliliit. Malilipol ang dalawang ikatlong bahagi ng naninirahan sa lupain; ikatlong bahagi lamang ang matitira. Ang mga ito'y padadaanin ko sa apoy upang dalisayin, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Tatawag sila sa akin at akin namang diringgin. Sasabihin kong sila ang aking bayan. Sasabihin naman nilang ako ang kanilang Diyos.”

Pahayag 19

19 Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, “Aleluia! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang! Matuwid(A) at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpasamâ sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!” Muli(B) silang umawit, “Aleluia! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lungsod!” Ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno at ang apat na nilalang na buháy ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. Sabi nila, “Amen! Aleluia!”

Ang Handaan sa Kasalan ng Kordero

May(C) nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!” Pagkatapos(D) ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng rumaragasang tubig at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero at inihanda na ng kasintahang babae ang kanyang sarili. Binihisan siya ng malinis at puting-puting lino.” Ang lino ay ang mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos.

At(E) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: pinagpala ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.”

10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sambahin siya, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo at tulad ng iyong mga kapatid na nagpapatotoo tungkol kay Jesus. Ang Diyos ang sambahin mo, sapagkat ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang diwa ng propesiya.”

Ang Nakasakay sa Kabayong Puti

11 Pagkaraan(F) nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo, sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12 Parang(G) nagliliyab na apoy ang kanyang mga mata, at sa kanyang ulo ay mayroong maraming korona. Nakasulat sa kanya ang isang pangalan niya na siya lamang ang nakakaalam ng kahulugan. 13 Basang-basa(H) sa dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay “Salita ng Diyos.” 14 Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. 15 May(I) matalim na tabak na lumalabas sa kanyang bibig na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. Mamamahala siya sa mga ito sa pamamagitan ng tungkod na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”

17 Nakita(J) ko naman ang isang anghel na nakatayo sa araw. Sumigaw siya nang malakas at tinawag ang mga ibon sa himpapawid, “Halikayo, at magkatipon para

sa malaking handaan ng Diyos! 18 Kainin ninyo ang laman ng mga hari, ng mga kapitan, ng mga kawal, ng mga kabayo at ng kanilang mga sakay. Kainin din ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin at malaya, hamak at dakila!”

19 At nakita kong nagkatipon ang halimaw at ang mga hari sa lupa, kasama ang kanilang mga hukbo upang kalabanin ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo nito. 20 Nabihag(K) ang halimaw, gayundin ang huwad na propeta na gumawa ng mga kababalaghan sa harap ng halimaw upang dayain ang mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ang halimaw at ang huwad na propeta ay inihagis nang buháy sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre. 21 Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo. Nabusog nang husto ang mga ibon sa pagkain ng kanilang mga bangkay.

Mga Awit 147

Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan

147 Purihin si Yahweh!

O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
    ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
    sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
    ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.

Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
    isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
    taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
    ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.

Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
    purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
    itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
    sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
    pinapakain nga niya nagugutom na inakay.

10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
    kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
    sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.

12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
    Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
    ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
    sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.

15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
    dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
    para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
    lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
    umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.

19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
    ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
    pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 31:1-7

Mga Kawikaan ng Ina ni Haring Lemuel

31 Ito ang mga payo ni Haring Lemuel ng Massa, mga kawikaang itinuro ng kanyang ina.

“Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin. Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari. Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin. Kadalasan kapag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang karapatan ng mga taong naghihirap. Ang alak ay ibigay mo na lamang sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding kahirapan. Hayaan silang uminom upang hirap ay malimutan, at kasawia'y di na matandaan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.