The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
6 Naglagay ako ng mga bantay sa mga pader mo, Jerusalem;
hindi sila tatahimik araw at gabi.
Ipapaalala nila kay Yahweh ang kanyang pangako,
upang hindi niya ito makalimutan.
7 Huwag ninyo siyang pagpapahingahin
hanggang hindi niya naitatatag muli itong Jerusalem;
isang lunsod na pinupuri ng buong mundo.
8 Sumumpa si Yahweh at gagawin niya iyon
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan:
“Hindi na ibibigay ang inyong ani upang kainin ng mga kaaway;
hindi rin makakainom ang mga dayuhan, sa alak na inyong pinaghirapan.
9 Kayong nagpagod at nagpakahirap, nagtanim, nag-ani,
ang siyang makikinabang at magpupuri kay Yahweh;
kayong nag-alaga at nagpakahirap sa mga ubasan,
kayo ang iinom ng alak sa mga bulwagan ng aking Templo.”
10 Pumasok kayo at dumaan sa mga pintuan!
Gumawa kayo ng daan para sa ating kababayang nagsisibalik!
Maghanda kayo ng malawak na lansangan! Alisan ninyo ito ng mga bato!
Maglagay kayo ng mga tanda upang malaman ng mga bansa,
11 na(A) si Yahweh ay nagpapahayag sa buong lupa:
Sabihin mo sa mga taga-Zion,
“Narito, dumarating na ang inyong Tagapagligtas;
dala niya ang gantimpala sa mga hinirang.”
12 Sila'y tatawagin ng mga tao na ‘Bayang Banal, na Tinubos ni Yahweh.’
Tatawagin silang ‘Lunsod na Minamahal ng Diyos,’
‘Lunsod na hindi Pinabayaan ng Diyos.’
Ang Tagumpay ni Yahweh Laban sa mga Bansa
63 “Sino(B) itong dumarating na buhat sa Edom,
buhat sa Bozra na ang maringal na kasuotan ay kulay pula?
Sino ang magiting na lalaking ito
na kung lumakad ay puno ng kasiglahan?
Ako ang nagbabadya ng tagumpay;
ang kalakasan ko'y sapat na upang kayo ay iligtas.”
2 “Bakit pula ang iyong suot?
Tulad ng damit ng nagpipisa ng ubas upang gawing alak?”
3 Ang(C) sagot ni Yahweh: “Pinisa ko ang mga bansa na parang ubas,
wala man lang tumulong sa akin;
tinapakan ko sila sa tindi ng aking galit,
kaya natigmak sa dugo ang aking damit.
4 Nagtakda na ako ng araw upang maghiganti,
sapagkat dumating na ang panahon ng aking pagliligtas.
5 Ako'y(D) naghanap ng makakatulong
ngunit walang nakita kahit isa;
ako'y pinalakas ng aking galit,
at mag-isa kong nakamit ang pagtatagumpay.
6 Sa tindi ng aking galit ay dinurog ko ang mga bansa,
aking ibinuhos ang kanilang mga dugo sa lupa.”
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
7 Aking sasaysayin ang pag-ibig ni Yahweh na hindi nagmamaliw;
pupurihin ko siya sa lahat ng bagay na kanyang ginawa para sa atin.
Tunay na kanyang pinagpala ang bayang Israel,
dahil sa kahabagan niya at wagas na pag-ibig.
8 Sinabi ni Yahweh, “Sila ang bayan ko na aking hinirang,
kaya hindi nila ako pagtataksilan.”
Iniligtas niya sila
9 sa kapahamakan at kahirapan.
Hindi isang anghel,
kung hindi si Yahweh mismo ang nagligtas sa kanila;
iniligtas sila dahil sa pag-ibig niya't habag,
na sa simula pa ay kanya nang ipinakita.
10 Ngunit sa kabila nito, sila'y naghimagsik
at pinighati nila ang kanyang banal na Espiritu;
dahil doon naging kaaway nila si Yahweh.
11 Pagkatapos, naalala nila ang panahon ni Moises,
ang lingkod ni Yahweh.
Ang tanong nila, “Nasaan na si Yahweh, na nagligtas sa mga pinuno ng kanyang bayan nang sila'y tumawid sa Dagat ng mga Tambo?
Nasaan na si Yahweh, na nagbigay ng kanyang banal na Espiritu kay Moises?
12 Sa(E) pangalan ni Yahweh, hinawi ni Moises ang tubig ng dagat,
kaya ang Israel doon ay naligtas.
At siya ay natanyag sa lahat para sa kanyang sarili.”
13 Natawid nila ang karagatan sa tulong ni Yahweh,
parang kabayong matatag na hindi nabuwal.
14 Kung paanong ang kawan ay dinadala sa sariwang pastulan,
ang Espiritu[a] ni Yahweh ang nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan,
at sila'y ginabayan upang siya ay maparangalan.
Dalangin para sa Tulong ni Yahweh
15 Magmula sa langit tunghayan mo kami, Yahweh,
at iyong pagmasdan mula sa iyong dakila at banal na trono.
Saan ba naroon ang malasakit mo at kapangyarihan?
Pag-ibig mo at kahabagan,
huwag kaming pagkaitan.
16 Kung walang nagawa sa amin si Jacob at Abraham,
ikaw lamang, Yahweh, ang aming pag-asa at Amang aasahan;
tanging ikaw lamang ang nagliligtas ng aming buhay.
17 Bakit ba, O Yahweh, kami'y tinulutang maligaw ng landas,
at ang puso nami'y iyong hinayaang maging matigas?
Balikan mo kami at iyong kaawaan,
mga lingkod mo na tanging iyo lamang.
18 Kami, na iyong banal na bayan ay sandaling itinaboy ng mga kaaway;
winasak nila ang iyong santuwaryo.
19 Ang turing mo sa amin ay parang hindi mo pinamahalaan;
ang nakakatulad ay mga nilalang na di nakaranas na iyong pagharian.
64 Bakit hindi mo buksan ang langit at bumabâ ka sa mundong ibabaw,
upang ang mga bundok ay manginig sa takot sa iyong harapan?
2 Sila'y manginginig na parang tubig na kumukulo sa init ng apoy.
Ipakita mo ang iyong kapangyarihan sa iyong mga kaaway,
upang manginig ang mga bansa sa iyong harapan.
3 Nang ikaw ay dumating sa nakaraang panahon, gumawa ka ng mga bagay na nakakapangilabot na hindi namin inaasahan;
ang mga bundok ay nanginig sa takot nang ikaw ay makita.
4 Sangkatauhan(F) ay wala pang nakikita
o naririnig na Diyos maliban sa iyo;
ikaw na tumutugon sa mga dalangin ng mga umaasa sa iyo.
5 Tinatanggap mo ang mga taong nagagalak gumawa ng tama;
at sila na sa iyo'y nakakaalala sa nais mong maging buhay nila.
Ngunit kapag patuloy kaming nagkakasala, ikaw ay nagagalit.
At sa kabila ng iyong poot, patuloy kami sa paggawa ng masama.
6 Lahat tayo'y naging marumi sa harapan ng Diyos;
ang mabubuting gawa nati'y maruruming basahan ang katulad.
Nalanta na tayong lahat gaya ng mga dahon;
tinatangay tayo ng malakas na hangin ng ating kasamaan.
7 Walang sinumang tumatawag sa pangalan mo;
walang sinumang bumabangon upang sa iyo'y lumapit.
Kami'y iyong pinagtaguan,
at dahil sa aming mga kasalanan, kami'y iyong pinuksa.
8 Gayunman, O Yahweh, ikaw pa rin ang aming Ama.
Kami ang putik at ikaw ang magpapalayok.
Ikaw ang sa ami'y humubog.
9 O Yahweh, huwag kang mapoot sa amin nang labis;
huwag mo nang alalahanin magpakailanman ang aming mga kasamaan;
mahabag ka sa amin sapagkat kami'y iyong bayan.
10 Ang mga banal na lunsod mo'y naging mga disyerto;
ang Jerusalem ay naging mapanglaw na guho.
11 Ang aming banal at magandang Templo,
na sinasambahan ng aming mga ninuno,
ngayon ay sunog na;
at ang lahat ng lugar na kawili-wiling pagtipunan, ay wasak nang tuluyan.
12 O Yahweh, pagkatapos ng mga bagay na ito, ano ang iyong gagawin?
Tatahimik ka ba at patuloy kaming pahihirapan?
Parusa sa Mapanghimagsik
65 Sinabi(G) ni Yahweh: “Nakahanda akong sagutin ang panalangin ng aking bayan,
ngunit hindi naman sila nananalangin.
Nakahanda akong magpakita sa naghahanap sa akin,
ngunit hindi naman sila naghahanap.
Sinasabi ko sa bansang ayaw tumawag sa akin,
‘Narito ako upang ikaw ay tulungan.’
2 Buong(H) maghapong nakaunat ang aking mga kamay,
sa isang bansang mapanghimagsik,
at ginagawa ang lahat ng magustuhan nila.
3 Sinasadya nilang ako ay galitin,
naghahandog sila sa mga sagradong hardin,
at nagsusunog ng mga insenso sa mga altar ng pagano.
4 Pagsapit ng gabi'y nagpupunta sila sa mga puntod at nitso
upang sangguniin ang kaluluwa ng patay na tao.
Kumakain sila ng karneng-baboy,
at maruming sabaw ng karneng handog ng pagano.
5 Ang sabi pa ng isa sa kanila, ‘Lumayo kayo!
Huwag kayong lalapit sapagkat mas malinis ako sa inyo.’
Ang mga taong ito'y parang usok sa aking ilong,
tulad ng apoy na nagniningas sa buong maghapon.
6 Tingnan ninyo! Lahat ay naisulat na sa aking harapan.
Hindi ako maaaring tumahimik.
Ngunit paparusahan ko ang kanilang mga kasalanan; pagbabayarin ko sila,
7 sa kanilang kasalanan at sa kasalanan ng kanilang mga ninuno.
Nagsusunog sila ng insenso sa kabundukan
at ako'y sinusuway nila sa kaburulan.
Karapat-dapat na parusa ang igagawad ko sa kanilang mga gawa.
8 Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Ang isang kumpol na ubas ay maaaring gawing alak,
kaya ang sabi ng mga tao, ‘Huwag ninyo itong sirain,
sapagkat mayroon itong pagpapala!’
Ganyan din ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod,
hindi ko sila ganap na wawasakin.
9 Pagpapalain ko ang mga salinlahi ni Jacob,
at kay Juda ibibigay ko ang aking mga bundok.
Mananahan doon ang aking mga bayan na naglingkod sa akin.
10 Ako(I) ay sasambahin ng aking mga lingkod, at kanilang pangungunahan ang kanilang mga tupa at baka
sa pastulan sa kapatagan ng Sharon sa kanluran
at sa Libis ng Kaguluhan sa gawing silangan.
11 Ngunit kayo na nagtakwil kay Yahweh
at lumilimot sa aking banal na bundok,
kayo na sumamba kay Gad at Meni, mga diyos ng suwerte at kapalaran;
12 itatakda ko kayong sa espada mamatay,
ang mga leeg ninyo'y tatagpasin ng palakol.
Sapagkat tinawag ko kayo ngunit hindi kayo sumagot,
kinausap ko kayo ngunit hindi kayo nakinig.
Ang ginawa ninyo'y pawang kasamaan sa aking paningin,
pinili ninyo ang hindi nakalulugod sa akin.”
13 Kaya ganito ang sabi ng Panginoong Yahweh:
“Ang mga lingkod ko'y magsisikain,
samantalang kayo'y aking gugutumin;
ang mga lingkod ko ay aking paiinumin,
ngunit kayo'y aking uuhawin;
ang mga lingkod ko'y pawang kagalakan ang tatamasahin,
samantalang kayo'y aking hihiyain.
14 Sa laki ng tuwa ay mag-aawitan ang aking mga lingkod,
samantalang kayo'y tataghoy sa hirap at sama ng loob.
15 Ang pangalan ninyo'y susumpain ng aking mga hinirang,
sa kamay ng Panginoong Yahweh kayo'y mamamatay,
samantalang bibigyan niya ng bagong pangalan ang kanyang mga lingkod.
16 Sinuman sa lupain ang nais na pagpalain,
doon siya humingi sa Diyos na matapat.
At sinuman ang gustong mangako,
sa pangalan ng Diyos na matapat, gawin niya ito.
Mapapawi na at malilimutan,
ang hirap ng panahong nagdaan.”
Bagong Langit at Lupa
17 Ang(J) sabi ni Yahweh: “Ako ay lilikha ng isang bagong lupa at bagong langit;
ang mga bakas ng nakaraan ay ganap ng malilimutan.
18 Kaya naman kayo'y dapat na magalak sa aking ginawa,
ang Jerusalem na aking nilikha ay mapupuno ng saya,
at magiging masaya ang kanyang mamamayan.
19 Ako(K) mismo'y magagalak
dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan.
Doo'y wala nang pagtangis o panaghoy man.
20 Ang mga sanggol ay hindi na mamamatay,
lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal.
Ituturing pa rin na isang kabataan ang taong sandaang taon na,
at ang hindi umabot sa gulang na ito ay ituturing na isinumpa.
21 Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan,
magtatanim sila ng ubas at sila rin ang aani.
22 Hindi tulad noong una, sa bahay na ginawa'y iba ang tumira.
Sa tanim na halama'y iba ang nakinabang.
Tulad ng punongkahoy hahaba ang buhay ng aking mga hirang,
lubos nilang papakinabangan ang kanilang pinagpaguran.
23 Anumang gawaing paghirapan nila'y tiyak na magbubunga,
at hindi magdaranas ng mga sakuna ang mga anak nila;
pagpapalain ko ang lahi nila,
at maging ang mga susunod pa.
24 Ang dalangin nila kahit hindi pa tapos ay aking diringgin,
at ibibigay ko ang kanilang hinihiling.
25 Dito'y(L) magsasalong parang magkapatid, ang asong-gubat at tupa,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
At ang ahas naman na ang pagkain ay alabok kahit tapakan mo'y hindi ka mangangamba.
Magiging panatag at wala nang masama sa banal na bundok.
Sa Bundok ng Zion ay walang makakapinsala o anumang masama.”
Sina Timoteo at Epafrodito
19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko agad riyan si Timoteo upang mapanatag ang aking loob kapag aking malaman mula sa kanya ang inyong kalagayan. 20 Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa aking damdamin at pagmamalasakit para sa inyong kapakanan. 21 Ang inaatupag lamang ng iba ay ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Kayo na rin ang nakakaalam sa katapatan ni Timoteo. Kasama ko siya sa pangangaral ng Magandang Balita. Tinulungan niya ako tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama. 23 Kaya, binabalak kong papuntahin siya riyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko rito. 24 Subalit ako'y umaasa, sa tulong ng Panginoon, na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon.
25 Inisip kong kailangan nang papuntahin diyan ang ating kapatid na si Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong sa akin. 26 Sabik na sabik na siya sa inyong lahat.[a] Nag-aalala siya dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoong siya'y nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi pati ako, upang huwag nang madagdagan pa ang aking kalungkutan.
28 Kaya nga, nais kong makapunta na siya riyan sapagkat alam kong matutuwa kayong makita siyang muli. Sa gayon, mawawala na ang aking kalungkutan. 29 Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya. 30 Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan ang hindi ninyo kayang gampanan.
Ang Tunay na Pagiging Matuwid
3 Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para sa inyong kapakanan.
2 Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng maselang bahagi ng kanilang katawan. 3 Tayo at hindi sila, ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus at hindi tayo umaasa sa mga pisikal na bagay.
IKATLONG AKLAT
Ang Katarungan ng Diyos
Awit ni Asaf.
73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
2 Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
3 Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
at sa biglang yaman ng mga masama.
4 Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
sila'y masisigla't katawa'y malakas.
5 Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
di nila dinanas ang buhay na gipit.
6 Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
at ang dinaramit nila'y pandarahas.
7 Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
at masasama rin ang nasa isipan;
8 mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
9 Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.
15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
pati anyo nila'y nalimutan na rin.
21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
-26-
13 Anak, uminom ka ng pulot-pukyutan at ito'y makakabuti sa iyo. Kung ang pulot-pukyutan ay masarap sa panlasa, 14 ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.