Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 60:1-62:5

Ang Magandang Kasasapitan ng Jerusalem

60 Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw.
Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh.
Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig;
ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh,
at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian.
Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag,
ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat.

Pagmasdan(A) mo ang iyong kapaligiran,
ang lahat ay nagtitipun-tipon upang magtungo sa iyo;
manggagaling sa malayo ang mga anak mong lalaki;
ang mga anak mong babae'y kakargahing parang mga bata.
Magagalak ka kapag nakita sila;
sa iyong damdami'y pawang kasiyahan ang madarama;
sapagkat malaking yaman buhat sa karagata'y iyong matatamo,
at mapapasaiyo ang kayamanan ng maraming bansa.
Darating ang maraming pangkat ng kamelyo mula sa Midian at Efa;
buhat sa Seba ay darating silang may dalang mga ginto at insenso,
at naghahayag ng pagpupuri kay Yahweh.
Lahat ng kawan ng tupa sa Kedar ay dadalhin sa iyo,
at paglilingkuran ka ng mga barakong tupa sa Nebaiot.
Ihahain sila bilang handog sa aking altar at pararangalan ko ang aking Templo.

Sino ang mga ito na lumilipad na tulad ng mga ulap,
at gaya ng mga kalapating bumabalik sa tahanan?
Ang mga malalaking barko ay hinihintay sa daungan;
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malalayong lupain.
May mga dala silang ginto at pilak,
bilang pagpaparangal kay Yahweh na iyong Diyos,
ang Banal na Diyos ng Israel,
sapagkat ikaw ay kanyang pinaparangalan.

10 Sinabi ni Yahweh sa Jerusalem,
“Mga dayuhan ang muling magtatayo ng iyong mga pader,
at maglilingkod sa iyo ang kanilang mga hari.
Nang ako'y mapoot, ikaw ay pinarusahan ko,
ngunit ngayo'y tinutulungan kita at kinahahabagan.
11 Ang(B) mga pintuan mo'y aking ibubukas araw at gabi,
upang dito papasok ang mga hari ng mga bansa,
at dalhin sa iyo ang kanilang mga kayamanan.
12 Ngunit ang bansa o kahariang hindi maglilingkod sa iyo ay ganap na wawasakin.
13 At ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo;
sama-samang pagagandahin ang aking santuwaryo;
sa pamamagitan ng mga kahoy na mahuhusay, tulad ng sipres, pino at iba pa.
Upang lalong maging maningning ang aking tahanan.
14 Nakayukong(C) lalapit sa iyo bilang paggalang
ang mga salinlahi ng mga bansang sa iyo'y umapi;
hahalik sa iyong paa ang mga humahamak sa iyo,
at tatawagin ka nilang, ‘Zion, ang lunsod ni Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.’

15 “Hindi na kita pababayaan at kapopootan o iiwang mag-isa.
Ikaw ay kanilang itataas at dadakilain;
magiging lugar ng kaligayahan magpakailanman.
16 Aalagaan ka ng mga hari't mga bansa,
tulad ng pag-aalaga ng isang ina sa kanyang anak.
Malalaman mong akong si Yahweh ang iyong Tagapagligtas;
at palalayain ka ng Makapangyarihang Diyos ni Jacob.

17 “Sa halip na tanso ay bibigyan kita ng gintong dalisay,
pilak ang bigay ko sa halip na bakal;
sa halip na kahoy, tanso ang dala ko,
papalitan ko ng bakal ang dati'y bato.
Ang kapayapaan ay paghahariin sa iyo,
at ang katarungan ay mararanasan mo.
18 Ang ingay ng ‘Karahasan’ ay hindi na maririnig pa,
gayundin ang ‘Pagwasak’ sa iyong nasasakupan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong ‘Kaligtasan,’
at ‘Papuri’ naman ang iyong mga pintuan.

19 “Sa(D) buong maghapon ay wala nang araw na sisikat,
sa buong magdamag ay wala nang buwan na tatanglaw,
sapagkat si Yahweh mismo ang magiging ilaw mo magpakailanman,
at ang iyong Diyos ang liwanag mong walang katapusan.
20 Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw,
at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho;
si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw,
at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala.
21 Ang mamamayan mo'y magkakaroon ng matuwid na pamumuhay,
kaya ang lupain ay aariin nila magpakailanman.
Sila'y nilikha ko at itinanim,
upang ihayag nila ang aking kadakilaan.
22 Ang pinakamaliit na lipi ninyo ay dadaming mainam,
at ang munting bansa ay magiging makapangyarihan.
Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako
kapag dumating na ang takdang panahon.”

Magandang Balita ng Kaligtasan

61 Ang Espiritu[a] (E) (F) ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang;
sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi,
upang pagalingin ang mga sugatang-puso,
upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya.
Sinugo(G) niya ako upang ipahayag
na darating na ang panahon ng pagliligtas ni Yahweh;
at ang paghihiganti ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway;
sinugo niya ako upang aliwin ang mga nagluluksa;
upang pasayahin ang mga tumatangis sa Zion,
kaligayahan sa halip na bigyan ng kapighatian,
awit ng kagalakan sa halip na kalungkutan;
matutulad sila sa mga punong itinanim ni Yahweh,
na ginagawa kung ano ang makatuwiran,
at maluluwalhati ang Diyos dahil sa kanilang ginawa.
Muli nilang itatayo ang mga sirang lunsod, na napakatagal nang wasak at tupok.

Paglilingkuran kayo ng mga dayuhan,
at sila ang magpapastol ng inyong mga kawan;
mga dayuhan din ang magsasaka ng inyong lupain at mag-aalaga ng inyong ubasan.
Ngunit kayo nama'y tatawaging mga pari ni Yahweh,
at makikilalang mga lingkod ng ating Diyos.
Pagpipistahan ninyo ang kayamanan ng mga bansa.
Ipagmamalaking inyo na ang karangyaang dati'y sa kanila.
Sa halip na kahihiyan, ang bayan ko'y tatanggap ng kasaganaan.
Sa halip na paghamak, sila'y magsasaya sa kanilang minana,
magiging doble ang inyong kayamanan;
at ang inyong kagalaka'y magpasawalang hanggan.

Ang sabi ni Yahweh:
“Ako'y namumuhi sa kasalanan at pang-aalipin; ang nais ko'y katarungan.
Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin,
walang hanggang tipan ang aking gagawin para sa kanila.
Ang lahi nila ay makikilala sa lahat ng bansa,
ang mga anak nila'y sisikat sa gitna ng madla;
sinumang makakita sa kanila ay makikilalang
sila ang aking bayang pinagpala.”

10 Buong(H) puso akong nagagalak kay Yahweh.
Dahil sa Diyos ako'y magpupuri sapagkat sinuotan niya ako ng damit ng kaligtasan, at balabal ng katuwiran,
gaya ng lalaking ikakasal na ang palamuti sa ulo'y magagandang bulaklak,
gaya ng babaing ikakasal na nakasuot ng mga alahas.
11 Kung paanong sa lupa'y sumisibol ang halaman, at sa hardin ay lumilitaw ang binhing itinanim,
ipapakita ng Panginoong Yahweh, ang kanyang katuwiran
at papuri sa harap ng lahat ng bansa.

62 Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem.
Hindi ako tatahimik hanggang hindi niya nakakamit ang kaligtasan;
hanggang sa makita ang kanyang tagumpay na parang sulong nagliliyab.
Makikita ng mga bansa ang pagpapawalang-sala sa iyo,
at ng lahat ng hari ang iyong kaningningan.
Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan,
na si Yahweh mismo ang magkakaloob.
Ikaw ay magiging magandang korona sa kamay ni Yahweh, isang maharlikang putong na hawak ng Diyos.
Hindi ka na tatawaging ‘Pinabayaan,’
at ang lupain mo'y hindi na rin tatawaging ‘Asawang Iniwanan.’
Ang itatawag na sa iyo'y ‘Kinalulugdan ng Diyos,’
at ang lupain mo'y tatawaging ‘Maligayang Asawa,’
sapagkat si Yahweh ay nalulugod sa iyo,
at ikaw ay magiging parang asawa sa iyong lupain.
Tulad ng isang binatang ikinakasal sa isang birhen,
ikaw ay pakakasalan ng sa iyo ay lumikha,
kung paanong nagagalak ang binata sa kanyang kasintahan,
ganoon din ang kagalakan ng Diyos sa iyo.

Filipos 1:27-2:18

27 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay nang nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y naninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y ililigtas ng Diyos. 29 Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo. 30 Ngayon,(A) kasama ko na kayo sa pakikipaglabang nakita ninyong ginawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon.

Ang Halimbawa ni Cristo

Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.

Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos,
    hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos,
    at namuhay na isang alipin.
Ipinanganak siya bilang tao.
    At nang siya'y maging tao,
nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
    maging ito man ay kamatayan sa krus.
Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa(B) gayon, sa pangalan ni Jesus
    ay luluhod at magpupuri ang lahat
    ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.[a]
11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Maging Ulirang Anak ng Diyos

12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, 13 sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.

14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, 15 upang(C) kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang mga hirap at pagod ko sa inyo.

17 Kung ang buhay ko ma'y ibuhos bilang handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. 18 Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.

Mga Awit 72

Panalangin para sa Hari

Katha ni Solomon.

72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
    sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
    at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
    maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
    mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
    at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
    hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.

Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
    bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
    maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.

Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
    mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
    isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
    Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
    mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.

12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
    lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
    sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
    sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.

15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
    At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
    sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
    kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
    ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
    at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
    sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
    manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
    pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”

18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!

    Amen! Amen!

20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.

Mga Kawikaan 24:11-12

-25-

11 Tulungan mo at iligtas ang hinatulang mamatay nang walang katarungan. 12 Kapag sinabi mong, “Wala akong pakialam sa taong iyan,” ito'y hindi maikakaila sa Diyos na nakakaalam ng laman ng iyong puso. Alam ito ng Diyos na nakatunghay sa iyo. Pagbabayarin niya ang tao ayon sa ginawa nito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.