The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Awit ng Papuri kay Yahweh
25 O Yahweh, ikaw ang aking Diyos;
pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan;
sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa;
buong katapatan mong isinagawa
ang iyong mga balak mula pa noong una.
2 Ang mga lunsod ay iyong iginuho,
at winasak ang mga kuta;
ibinagsak ninyo ang mga palasyo ng mga dayuhan,
at ang mga iyon ay hindi na muling maitatayo.
3 Kaya dadakilain ka ng taong malalakas,
at matatakot sa iyo ang malulupit na lunsod.
4 Ikaw ang tunay na kanlungan ng mahihirap,
at mga nangangailangan,
matatag na silungan sa panahon ng unos
at nakakapasong init.
Sa harap mo'y mabibigo ang mararahas,
sila'y parang bagyong humahampas sa matibay na pader.
5 Ang ingay ng dayuhan ay parang init sa disyerto,
ngunit napatahimik mo ang ingay ng mga kaaway;
hindi na marinig ang awit ng malulupit,
parang init na natakpan ng ulap.
Naghanda ng Handaan ang Diyos
6 Sa Bundok ng Zion, aanyayahan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang lahat ng bansa para sa isang malaking handaan.
Pinakamasasarap na pagkain at alak ang kanyang ipinahanda.
7 Sa bundok ding ito'y papawiin niya
ang ulap ng kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa.
8 Lubusan(A) nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan,
at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata.
Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
9 Sasabihin ng lahat sa araw na iyon:
“Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati'y magliligtas,
siya si Yahweh na ating inaasahan.
Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo'y kanyang iniligtas.”
Paparusahan ng Diyos ang Moab
10 Iingatan(B) ni Yahweh ang Bundok ng Zion,
ngunit ang Moab ay tatapakan;
gaya ng dayaming tinatapak-tapakan sa tambakan ng basura.
11 Sisikapin ng mga taga-Moab na igalaw ang kanilang mga kamay na parang lumalangoy sa tubig.
Ngunit sila'y bibiguin ng Diyos hanggang sa sila'y lumubog.
12 Ang matataas niyang pader ay iguguho ni Yahweh,
at dudurugin hanggang maging alabok.
Awit ng Pagtitiwala kay Yahweh
26 Sa araw na iyo'y ganito ang aawitin sa Juda:
“Matatag na ang ating lunsod;
si Yahweh ang magtatanggol sa atin
at magbibigay ng tagumpay.
2 Buksan ang pintuan,
at hayaang pumasok
ang matuwid na bansa na laging tapat.
3 Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan
ang mga may matatag na paninindigan
at sa iyo'y nagtitiwala.
4 Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman,
sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
5 Ibinababâ niya ang mga nasa itaas;
ibinabagsak niya ang lunsod na kanilang tinitirhan;
hanggang maging alabok ang mga pader nito.
6 Ito'y tinapak-tapakan ng mga taong hinamak;
at ginagawang tuntungan ng mahihirap.”
7 Patag ang daan ng taong matuwid,
at ikaw, O Yahweh, ang dito'y pumatag.
8 Sinusunod namin ang mga kautusan mo;
ikaw lamang ang aming inaasahan.
9 Pagsapit ng gabi'y hinahanap-hanap ka ng aking kaluluwa,
nangungulila sa iyo ang aking espiritu.
Kapag hinatulan mo ang mga tao sa daigdig,
malalaman nila kung ano ang matuwid.
10 Kahit mahabag ka sa taong masama,
hindi rin siya matututong mamuhay nang tapat;
kahit na kasama siya ng bayang matuwid,
kadakilaan ni Yahweh ay hindi pa rin mapapansin.
11 Nagbabala(C) ka ng parusa, O Yahweh, ngunit hindi rin nila ito pinansin.
Kaya ipadama mo sa kanila ang nakahandang parusa,
upang makita nila ang pagmamahal mo sa iyong bayan.
12 Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kapayapaan,
at anumang nagawa nami'y
dahil sa iyong kalooban.
13 O Yahweh, aming Diyos, may ibang panginoong sa ami'y nanguna,
ngunit ang pangalan mo lamang ang aming kinikilala!
14 Mga patay na sila at hindi na mabubuhay,
sapagkat pinarusahan mo at winasak na ganap,
hindi na sila maaalala kailanman.
15 Pinaunlad mo ang iyong bansa, O Yahweh,
at pinalawak mo rin ang kanyang lupain.
Dahil dito'y karapat-dapat kang parangalan.
16 Hinanap ka nila sa gitna ng hirap,
nang parusahan mo'y ikaw ang tinawag.
17 Sa iyong harapan, katulad nami'y babaing manganganak,
na napapasigaw sa tindi ng hirap.
18 Matinding hirap ang aming dinanas,
ngunit ito'y nawalan ng kabuluhan,
wala kaming napagtagumpayang labanan,
at wala kaming anak na magmamana ng lupain.
19 Ngunit muling mabubuhay ang mga anak mong namatay,
mga bangkay ay gigising at aawit na may galak;
kung paanong ang hamog sa lupa ay nagpapasariwa,
ang espiritu ng Diyos ay nagbibigay-buhay.
Ang Kahatulan at Panunumbalik
20 Pumasok kayo sa inyong bahay, bayan kong hinirang,
isara ninyo ang mga pinto,
magtago kayo hanggang humupa ang galit ni Yahweh.
21 Sapagkat darating si Yahweh mula sa kalangitan,
upang parusahan ang mga tao sa daigdig dahil sa kanilang mga kasalanan.
Sa sandaling ito'y mahahayag ang mga lihim na pagpaslang
at mabubunyag pati ang kanilang libingan.
Ililigtas ang Israel
27 Sa(D) araw na iyon, gagamitin ni Yahweh
ang kanyang malupit at matalim na espada;
paparusahan niya ang Leviatan,[a] ang tumatakas na dragon,
at papatayin niya ang halimaw na nakatira sa dagat.
2 Sa araw na iyon,
sasabihin niya sa kanyang mainam na ubasan,
3 “Akong si Yahweh ang nag-aalaga ng ubasang ito
na dinidilig bawat sandali,
at binabantayan ko araw at gabi
upang walang manira.
4 Hindi na ako galit sa aking ubasan,
ngunit sa sandaling may makita akong mga tinik,
ang mga ito'y titipunin ko
at saka susunugin.
5 Ngunit kung nais nilang sila'y aking ingatan,
ang dapat nilang gawin, makipagkasundo sa akin.
6 Darating ang araw na mag-uugat ang lahi ni Jacob,
mamumulaklak ang Israel, magbubunga ng marami
at mapupuno ang buong daigdig.
7 Pinarusahan ba ng Diyos ang Israel gaya ng ginawa sa mga kaaway nito?
Pinatay ba niya ang mga Israelita tulad ng ginawa sa pumaslang sa kanila?
8 Hinayaan ni Yahweh na mabihag ang kanyang bayan bilang parusa;
tinangay sila ng malakas na hangin buhat sa silangan.
9 Patatawarin lang sila kung wawasakin nila ang mga altar
at itatapon ang larawan ng diyus-diyosang si Ashera,
at dudurugin ang altar na sunugan ng insenso.
10 Wasak na ang lunsod na siyang tanggulan,
para itong disyerto na walang nakatira,
at ginawang pastulan na lamang ng mga baka.
11 Nabali at natuyo ang mga sanga ng punongkahoy,
pupulutin naman ng mga babae at gagawing panggatong.
Sapagkat ang bayang ito'y walang pagkaunawa,
kaya hindi sila kahahabagan ng Diyos na kanilang Manlilikha.
12 Sa araw na iyon ay titipunin ni Yahweh,
ang mga Israelita gaya ng inaning trigo;
mula sa Ilog Eufrates hanggang sa hangganan ng Egipto.
13 Pagtunog ng trumpeta, tatawagin pabalik sa Jerusalem,
ang mga Israelitang nangalat sa Asiria at Egipto
upang sambahin nila si Yahweh sa banal na bundok sa Jerusalem.
Babala sa Israel
28 Kawawa ang Israel, sapagkat naglalaho na ang kanyang karangalan;
parang kumukupas na kagandahan ng bulaklak sa ulo ng mga lasenggong pinuno.
May pabango nga sila sa ulo ngunit animo'y patay na nakahiga dahil sa kalasingan.
2 Narito, may inihanda na ang Panginoon, isang taong malakas at makapangyarihan;
sinlakas ito ng isang mapaminsalang bagyo,
taglay ang malakas na hangin, ulan at rumaragasang baha,
upang palubugin ang buong lupa.
3 Yuyurakan ang ipinagmamalaking karangalan
ng mga lasenggong pinuno ng Israel.
4 Mabilis ang pagkawala ng kanyang nagniningning na kagandahan
tulad ng pagkaubos ng mga unang bunga ng igos,
na agad kinukuha at kinakain kapag nahinog.
5 Sa araw na iyon, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang magiging maningning na korona ng mga nalabing hinirang.
6 Siya ang papatnubay sa mga hukom upang maging makatarungan sa paghatol;
at magbibigay ng tapang at lakas
sa mga tagapagtanggol ng bayan laban sa mga kaaway.
Si Isaias at ang mga Lasenggong Propeta ng Juda
7 Sumusuray na sa kalasingan
ang mga pari at mga propeta kaya sila'y nalilito.
Hindi na maunawaan ng mga propeta ang nakikita nilang pangitain;
at hindi na matuwid ang paghatol ng mga pari.
8 Ang lahat ng mesa'y punô ng kanilang suka,
nakakapandiri ang buong paligid.
9 Ganito ang sinasabi nila laban sa akin:
“Ano kaya ang palagay ng taong ito sa atin;
sino bang nais niyang turuan at pagpaliwanagan?
Ang sinabi niya'y para lamang sa mga batang musmos
na nangangailangan pa ng gatas.
10 Sinong makikinig sa kanyang pamamaraan:
Isa-isang letra, isa-isang linya,
at isa-isang aralin!”
11 Kaya(E) naman magsasalita si Yahweh sa bayang ito
sa pamamagitan ng mga dayuhan, siya'y magtuturo.
12 Ganito ang kanyang sasabihin:
“Narito ang tunay na kapahingahan para sa mga napapagal,”
ngunit hindi nila ito pinakinggan.
13 Kaya ganito ang pagtuturo ni Yahweh sa kanila:
“Isa-isang letra, isa-isang linya,
at isa-isang aralin;”
at sa kanilang paglakad, sila'y mabubuwal,
mahuhulog sa bitag, masasaktan at mabibihag.
10 Ang(A) lahat ng nagtitiwala sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” 11 Malinaw(B) na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”[a] 12 Ang(C) Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng itinatakda ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.”
13 Tinubos(D) tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat binibitay sa punongkahoy.” 14 Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus at sa pamamagitan ng pananalig ay matanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.
Ang Kautusan at ang Pangako
15 Mga kapatid, narito ang isang pangkaraniwang halimbawa. Kapag nalagdaan na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-saysay ni madaragdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo. 17 Ito(E) ang ibig kong sabihin, pinagtibay ng Diyos ang isang kasunduan at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang kasunduang iyon at ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon. 18 Kung(F) ang pamana ay ipinagkakaloob dahil sa Kautusan, hindi na ito dahil sa pangako. Ngunit ang pamana ay ibinigay ng Diyos kay Abraham bilang katuparan ng kanyang pangako.
19 Kung ganoon, ano ang silbi ng Kautusan? Idinagdag ito upang maipakita kung ano ang paglabag, at may bisa ito hanggang sa dumating ang anak na pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Kapag may tagapamagitan, nangangahulugang higit sa isang panig ang gumagawa ng kasunduan—subalit ang Diyos ay iisa.
Ang mga Anak at ang mga Alipin
21 Ang ibig bang sabihin nito'y salungat ang Kautusan sa mga pangako [ng Diyos]?[b] Hinding-hindi! Kung ang kautusang ibinigay ay nakapagbibigay-buhay, ang tao'y magiging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod niya sa Kautusan. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ng tao'y alipin ng kasalanan, kaya't ang ipinangako ng Diyos ay matatanggap sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo na ibinibigay sa lahat ng sumasampalataya.
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
61 Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
2 Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
sapagkat malayo ako sa tahanan.
Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
3 pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
matibay na muog laban sa kaaway.
4 Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)[a]
5 Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.
6 Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
bayaang ang buhay niya'y patagalin!
7 Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.
8 At kung magkagayon, kita'y aawitan,
ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.
-14-
17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip, si Yahweh ay laging igalang at sundin. 18 Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.