The Daily Audio Bible
Wawasakin ng Diyos ang Moab
15 Ito(A) ang pahayag tungkol sa Moab:
Noong gabing gibain ang Ar,
gumuho na ang Moab,
noong gabing wasakin ang Kir,
bumagsak na ang Moab.
2 Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon,[a]
upang sa mga burol sila ay manangis;
iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo
at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati.
3 Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan,
nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay
at sa mga liwasang-bayan.
4 Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale,
dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan,
nasisindak pati mga mandirigma ng Moab,
silang mga kawal, ngayo'y naduduwag.
5 Nahahabag ako sa Moab,
nagsisitakas ang kanyang mamamayan
patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya.
Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit,
humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim,
dahil sa kapahamakang kanilang sinapit.
6 Natuyo ang mga batis ng Nimrim,
natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan,
walang natirang sariwang halaman.
7 Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim
ang lahat nilang kayamanan at ari-arian.
8 Laganap sa buong Moab ang iyakan,
abot sa Eglaim ang hagulgulan,
dinig na dinig hanggang sa Beer-elim.
9 Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon;
ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya:
Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab.
16 Mula sa Lunsod ng Sela sa disyerto,
nagpadala ang mga taga-Moab ng mga batang tupa
bilang regalo sa namamahala sa Jerusalem.
2 Naghihintay sila sa baybayin ng batis ng Arnon,
pabalik-balik sa paglalakad na parang mga ibong nabulabog sa kanilang pugad.
3 Sasabihin nila sa mga taga-Juda:
“Sabihin ninyo sa amin ang aming gagawin;
at bigyan ng katarungan;
takpan ninyo kami, tulad ng lilim ng punongkahoy
kapag katanghaliang-tapat,
papagpahingahin ninyo kami
sa ilalim ng inyong mayayabong na sanga.
Itago ninyo kami sa mga humahabol sa amin;
kami'y mga takas, huwag ninyo kaming ibigay sa kanila.
4 Patirahin ninyo kami sa inyong bayan,
kaming mga pinalayas sa Moab.
Ingatan ninyo kami
sa nagnanais na pumatay sa amin.”
At lilipas ang pag-uusig,
mawawala ang mamumuksa,
at aalis ang nananalanta sa lupain.
5 At dahil sa wagas na pag-ibig, itatatag ang isang trono,
at uupo doon ang isang hahatol nang tapat;
magmumula siya sa angkan ni David,
isang tagapamahalang makatarungan,
at mabilis sa paggawa ng matuwid.
6 Sasabihin ng mga taga-Juda:
“Nabalitaan namin ang kataasan ng mga taga-Moab,
ang kanilang kasinungalingan at pandaraya,
ngunit walang saysay ang kanilang kayabangan.”
7 Kaya tatangisan ng mga taga-Moab ang kanilang lunsod,
sama-sama silang mananaghoy
dahil sa kanilang paghihirap,
sa tuwing maaalala nila ang masasarap na pagkain sa Kir-Hareset.
8 Sisirain ang mga bukiring malapit sa Hesbon,
at ang mga ubasan sa Sibma,
na pinagkukunan ng alak ng mga pinuno ng mga bansa.
Ubasang abot sa Jazer
hanggang sa disyerto,
at lampas pa hanggang sa kabila ng dagat.
9 Kaya tatangisan kong kasama ng Jazer
ang mga ubasan ng Sibma.
Didiligin ko ng luha ang Hesbon at Eleale
sapagkat wala silang aanihin upang magsaya ang bayan.
10 Maglalaho ang tuwa at kagalakan
sa kanyang masaganang bukirin.
Titigil ang kasayahan at awitan sa kanyang ubasan.
Wala nang alak na dadaloy sa kanyang pisaan
at tuluyang matatahimik ang masayang hiyawan.
11 Kaya parang malungkot na himig ng alpa ang aking pagdadalamhati sa sinapit ng Moab.
Nagdurugo ang puso ko sa sinapit ng Kir-heres.
12 Umahon man ang mga taga-Moab
sa kanilang mga altar sa mga sagradong burol,
at magpagod man sila ng pagsamba sa kanilang mga santuwaryo,
wala ring kabuluhan ang kanilang panalangin.
13 Ito ang sabi ni Yahweh noong una tungkol sa Moab. 14 Ngunit ito naman ang sinasabi niya ngayon: “Tatlong taon mula ngayon, malilimas ang malaking kayamanan ng Moab. Sa marami niyang tauhan ay ilan lamang ang matitira at mahihina pa.”
Paparusahan ng Diyos ang Damasco at ang Israel
17 Ganito(B) ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Damasco:
“Mawawala ang Lunsod ng Damasco,
at magiging isang bunton na lamang ng mga gusaling gumuho.
2 Kailanma'y wala ng titira sa mga lunsod ng Siria.
Magiging pastulan na lamang siya
ng mga kawan ng mga tupa at baka at walang mananakot sa kanila.
3 Mawawasak ang mga tanggulan ng Efraim,
babagsak ang kaharian ng Damasco.
Matutulad sa sinapit ng Israel ang kapalarang sasapitin ng malalabi sa Siria.”
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
4 “Sa araw na iyon
maglalaho ang kaningningan ng Israel,
ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan.
5 Matutulad siya sa isang triguhan
matapos gapasin ng mga mag-aani.
Matutuyot siyang gaya ng bukirin sa Refaim
matapos simuting lahat ng mga mamumulot.
6 Ilang tao lamang ang matitira sa lahi ng Israel,
matutulad siya sa puno ng olibo na pinitas ang lahat ng mga bunga,
at walang natira kundi dalawa o tatlong bunga
sa pinakamataas na sanga,
apat o limang bunga
sa mga sangang dati'y maraming magbunga.”
Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
7 Sa araw na iyon lalapit ang mga tao sa Lumikha sa kanila, sa Banal na Diyos ng Israel. 8 Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila na rin ang gumawa. Hindi na sila magtitiwala sa mga diyus-diyosang Ashera o sa mga altar na sunugan ng insenso na inanyuan ng kanilang mga kamay. 9 Sa araw na iyon, iiwan ng mga tao ang iyong mga lunsod. Tulad ng nangyari sa mga lunsod ng mga Hivita at Amoreo[b] noong dumating ang mga Israelita.
10 Kinalimutan ninyo ang Diyos na nagligtas sa inyo,
at hindi na ninyo naaalaala ang Bato na inyong kanlungan,
sa halip, gumawa kayo ng mga sagradong hardin
na itinalaga ninyo sa isang diyus-diyosan,
sa paniniwalang pagpapalain niya kayo.
11 Ngunit kahit tumubo man ang mga halaman
at mamulaklak sa araw na inyong itinanim,
wala kang aanihin pagdating ng araw
kundi pawang sakuna at walang katapusang kahirapan.
Tatalunin ang mga Kaaway na Bansa
12 Ang ingay ng napakaraming tao
ay parang ugong ng karagatan.
Rumaragasa ang mga bansa
na parang hampas ng mga alon.
13 Nagkakaingay ang mga bansa na tulad ng daluyong ng tubig,
ngunit pinigil sila ng Diyos, at sila'y tumakas,
parang alikabok na inililipad ng hangin sa ibabaw ng burol
at dayaming tinatangay ng ipu-ipo.
14 Sa gabi'y magsasabog sila ng sindak
ngunit pagsapit ng umaga'y wala na sila.
Ganyan ang mangyayari sa mga umaapi sa atin,
iyan ang sasapitin ng mga nagnakaw ng ating mga ari-arian.
Paparusahan ng Diyos ang Etiopia
18 Pumapagaspas(C) ang pakpak ng mga kulisap
sa isang lupain sa ibayo ng mga ilog ng Etiopia,[c]
2 mula roo'y may dumating na mga sugo
sakay ng mga bangkang yari sa tambo,
at sumusunod sa agos ng Ilog Nilo.
Bumalik na kayo, mabibilis na tagapagbalita,
sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog,
sa inyong bayan na ang tao'y matatangkad at makikinis ang balat,
bayang kinagugulatan ng lahat, makapangyarihan at mapanakop.
3 Makinig kayong lahat na mga naninirahan sa daigdig!
Abangan ninyo ang pagtataas ng watawat sa ibabaw ng bundok,
hintayin ninyo ang tunog ng trumpeta!
4 Sapagkat ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:
“Buhat sa aking kinaroroonan, tahimik akong nagmamasid,
parang sinag ng araw kung maaliwalas ang langit,
parang ulap na may dalang hamog sa tag-araw.
5 Sapagkat bago dumating ang anihan kapag tapos na ang pamumulaklak
at kapag nahinog na ang mga ubas,
ang mga sanga ay puputulin ng matatalas na karit
saka itatapon.
6 Ibibigay sila sa ibong mandaragit
at sa mababangis na hayop.
Kakainin sila ng mga ibon sa tag-araw
at ng mga hayop sa taglamig.”
7 Sa panahong iyon, dadalhin kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang mga handog na galing sa lupaing ito, sa lupaing hinahati ng mga ilog.
Magpapadala ng kanilang handog ang malakas na bansa,
ang mga taong matatangkad at makikinis ang balat, na kinatatakutan sa buong daigdig.
Pupunta sila sa Bundok ng Zion,
sa lugar na nakalaan sa pagsamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
1 Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao o sa pamamagitan ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Jesus, 2 at mula sa lahat ng mga kapatid na kasama ko, pagbati sa mga iglesya sa Galacia:
3 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Inialay ni Jesu-Cristo ang kanyang sarili para
sa ating kasalanan ayon sa kalooban ng ating Diyos Ama upang mahango tayo sa kasamaang naghahari ngayon sa sanlibutang ito. 5 Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen.
Ang Tunay na Magandang Balita
6 Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo[a] at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita. 7 Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. 8 Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! 9 Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo.
10 Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo.
Paano Naging Apostol si Pablo
11 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko'y hindi katha ng tao. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin.
13 Hindi(A) kaila sa inyo kung paano ako namuhay noon bilang kaanib ng relihiyon ng mga Judio. Walang awa kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na ito'y wasakin. 14 Sa(B) relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang maraming kasing-edad ko at ako'y lubhang masugid sa kaugalian ng aming mga ninuno.
15 Ngunit(C) dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, pinili niya ako bago pa ako ipanganak at tinawag upang maglingkod sa kanya. 16 Nang minabuti niyang ihayag sa akin ang kanyang Anak upang maipangaral ko siya sa mga Hentil, hindi ako sumangguni sa sinumang tao. 17 Ni hindi rin ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin; sa halip, nagpunta ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco. 18 Pagkaraan(D) ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem upang makipag-usap kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. 19 Wala akong nakitang iba pang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20 Totoong lahat ang isinusulat ko sa inyo. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.
21 Pagkatapos, pumunta ako sa ilang lugar sa Siria at sa Cilicia. 22 Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na nasa Judea. 23 Nakarating lamang sa kanila ang ganitong balita, “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” 24 Kaya't nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
Panalangin para Parusahan ng Diyos ang Masasama
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam.[a]
58 Tama ba ang hatol ng mga pinuno?
Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
2 Hindi! Pagkat ang inyong binabalangkas
pawang karahasa't gawaing di tama.
3 Iyang masasama sa mula't mula pa,
mula sa pagsilang ay sinungaling na.
4 Sila'y makamandag, ahas ang kaparis,
katulad ay kobrang ang tainga ay may takip;
5 itong mga tawak at salamangkero,
di niya dinirinig, hindi pansin ito.
6 Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon,
alisin ang pangil niyong mga leon.
7 Itapon mo silang katulad ng tubig,
sa daa'y duruging parang mga yagit.
8 Parang mga susô, sa dumi magwakas,
batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
9 Puputulin silang hindi nila batid,
itatapon ng Diyos sa tindi ng galit;
bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit.
10 Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap;
pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak.
11 Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan;
tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!”
-11-
12 Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.