Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 22-24

Ang Pahayag tungkol sa Jerusalem

22 Ito ang pahayag tungkol sa Libis ng Pangitain:

Anong nangyayari sa inyo?
    Bakit kayong lahat ay nagdiriwang sa bubong ng inyong mga bahay?
Ang buong lunsod ay nagkakagulo;
    punô ng ingay at kasayahan.
Ang mga anak mo'y namatay hindi sa pamamagitan ng espada;
    hindi sila nasawi sa isang digmaan.
Nagsitakas nang lahat ang inyong mga pinuno
    ngunit nahuling walang kalaban-laban.
Ang lahat ninyong mandirigma ay nabihag na rin
    kahit nakatakas na at malayo na ang narating.
Kaya sinabi ko,
“Pabayaan ninyo ako!
    Hayaan ninyong umiyak ako nang buong pait;
huwag na kayong magpumilit na ako'y aliwin,
    dahil sa pagkawasak ng aking bayan.”

Sapagkat ito'y araw
    ng kaguluhan, pagyurak at pagkalito
    na itinalaga ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
    sa Libis ng Pangitain.
Araw ng pagpapabagsak ng mga pader;
    araw ng panaghoy na maririnig sa kabundukan.
Dala ng mga taga-Elam ang kanilang mga pana,
    sakay ng kanilang mga karwahe at kabayo,
    at dala naman ng mga taga-Kir ang kanilang kalasag.
Ang magaganda ninyong libis ay puno ng mga karwahe,
    at sa mga pintuan ng Jerusalem ay nakaabang ang mga kabayuhan.
Durog na ang lahat ng tanggulan ng Juda.

Kapag nangyari ito, ilabas ninyo ang mga sandata mula sa arsenal. Sa araw na iyon nakita ninyo na maraming sira ang tanggulan ng Lunsod ni David at nag-imbak kayo ng tubig mula sa ibabang tipunan. 10 Binilang ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ninyo ang ilan sa mga iyon upang gamitin ang mga bato sa pagpapatibay sa pader ng lunsod. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at pinuno ninyo iyon ng tubig mula sa Lumang Tipunan. Ngunit hindi ninyo naisip ang Diyos na siyang nagplano nito noon pang una at nagsagawa nito.

12 Nanawagan sa inyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
    upang kayo'y manangis at managhoy,
    upang ahitin ninyo ang inyong buhok at magsuot ng damit-panluksa.
13 Ngunit(A) sa halip, nagdiwang kayo at nagpakasaya,
    nagpatay kayo ng tupa at baka
    upang kainin, at nag-inuman kayo ng alak.
Ang sabi ninyo:
“Kumain tayo at uminom,
    sapagkat bukas, tayo'y mamamatay.”

14 Ganito ang ipinahayag sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:

“Ang kasalanang ito'y hindi ipapatawad sa inyo, hanggang sa kayo'y mamatay.”

Babala Laban kay Sebna

15 Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon:

“Puntahan mo si Sebna,
ang katiwala ng palasyo
    at sabihin mo sa kanya:
16 ‘Anong karapatan mong pumarito?
    Sinong nagpahintulot sa iyo na humukay ng sariling libingang bato na inukab sa gilid ng bundok?
17 Sino ka man ay dadamputin ka ni Yahweh
    at itatapon sa malayo!
18 Parang bola kang dadamputin at ihahagis sa malayong lupain.
Doon ka mamamatay, sa tabi ng ipinagmamalaki mong mga karwahe,
ikaw ang nagdadala ng kahihiyan sa sambahayan ng iyong panginoon.’
19 Aalisin kita sa iyong katungkulan,
    palalayasin kita sa iyong kinalalagyan.
20 Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod,
si Eliakim na anak ni Hilkias.
21 Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan,
ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan,
siya ang magiging ama ng mga taga-Jerusalem at ng mga taga-Juda.
22 Ibibigay(B) ko sa kanya ang susi ng sambahayan ni David;
walang makakapagsara ng anumang buksan niya,
at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya.
23 Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda,
    itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar,
    at siya'y magiging marangal na trono sa sambahayan ng kanyang ama.”

24 Sa kanya maaatang ang lahat ng kaluwalhatian ng sambahayan ng kanyang ama. Ang kanyang mga kamag-anak ay sa kanya aasa, parang mga sisidlan, mga kopa at palayok na nakasabit. 25 “Kung magkagayon,” ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “mababali ang sabitan at malalaglag. At ang lahat ng nakasabit doon ay madudurog.”

Ang Pahayag Laban sa Tiro at Sidon

23 Ito(C) ang pahayag tungkol sa Tiro:

Manangis kayo, mga mangangalakal sa Tarsis,
    sapagkat ang Tiro na inyong daungan ay wasak na;
    wala na kayong mga tahanang matitirhan!
Ito'y inihayag na sa inyo mula sa lupain ng Cyprus.
Tumahimik kayo, mga nakatira sa dalampasigan;
    kayong mga mangangalakal ng Sidon,
nagpadala kayo ng inyong mga mensahero sa ibayong dagat,
    upang bilhin at ipagbili ang mga trigo ng Sihor,
    ang trigong inani sa kapatagan ng Nilo,
    at upang makipagkalakal sa lahat ng bansa.
Lunsod ng Sidon, mahiya ka naman!
    Isinusuka ka na ng karagatan, sapagkat ganito ang kanyang pahayag:
“Kailanma'y hindi ako nagkaanak;
    wala akong pinalaking mga anak na lalaki at babae.”
Kapag umabot sa mga Egipcio ang pagkawasak ng Tiro,
    sila'y tiyak na magigimbal at mapapahiya.
Tumawid kayo sa Tarsis;
    manangis kayo mga nakatira sa dalampasigan!
Ito ba ang masaya at maingay na lunsod ng Tiro
    na natatag noon pang unang panahon?
Ito ba ang lunsod na nagsugo ng mga mamamayan sa ibayong dagat
    upang doo'y magtayo ng mga bayan?
Sinong nagbalak nito
    laban sa maharlikang lunsod ng Tiro,
    na kinikilala ang mga dakilang mangangalakal,
    at pinaparangalan sa lahat ng bansa?
Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagplano nito
    upang hamakin ang kanilang kataasan
    at hiyain ang mga taong dinadakila ng sanlibutan.
10 Kayong mangangalakal ng Tarsis,
    sakahin na ninyo[a] ang inyong lupain na tulad ng Nilo,
    sapagkat wala nang gagambala sa inyo.
11 Ang parusa ni Yahweh ay abot hanggang sa ibayong dagat
    at ibinagsak ang mga kaharian;
iniutos na niyang wasakin ang mga kuta sa Canaan.
12 Ang sabi ni Yahweh,
“Lunsod ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw mo!
    Kahit na pumunta ka sa Cyprus ay nanganganib ka pa rin.”

13 Masdan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia,
    ang bayang ito ay hindi Asiria,
    at ang Tiro ay pinananahanan na ng mga ligaw na hayop.
Pinaligiran siya ng mga tore at mga kuta,
    at winasak ang kanyang mga palasyo.
14 Manangis kayo mga mangangalakal ng Tarsis,
    sapagkat wasak na ang inyong inaasahan.
15 Pitumpung taon na malilimot ang Tiro,
    sintagal ng buhay ng isang hari.
Ngunit pagkatapos ng panahong iyon,
    siya'y muling babangon at matutulad sa babaing binabanggit sa awit na ito:
16 “Tugtugin mo ang iyong alpa,
    babaing haliparot,
    libutin mo ang lunsod;
galingan mo ang pagtugtog sa alpa,
    umawit ka ng maraming awitin
    upang ikaw ay muling balikan.”

17 Pagkatapos ng pitumpung taon, muling lilingapin ni Yahweh ang lunsod ng Tiro. Manunumbalik ito sa dating pamumuhay at muling ibebenta ang sarili sa lahat ng kaharian sa daigdig. 18 Ang kanilang tutubuin sa hanapbuhay ay hindi na nila iipunin. Sa halip, ito'y ihahandog nila kay Yahweh upang ibili ng pagkain at kasuotan ng mga taong sumasamba sa kanya.

Paparusahan ni Yahweh ang Sanlibutan

24 Ang daigdig ay wawasakin ni Yahweh,
    sasalantain niya ang mga lupain at pangangalatin ang mga tao.
Iisa ang sasapitin ng lahat—mamamayan at pari,
    alipin at panginoon;
    alila at may-ari ng bahay,
nagtitinda't namimili,
    nangungutang at nagpapautang.
Mawawasak ang daigdig at wala nang papakinabangin dito;
    mangyayari ito sapagkat sinabi ni Yahweh.

Matutuyo at malalanta ang lupa,
    manghihina ang buong sanlibutan.
    Ang langit at ang lupa ay mabubulok.
Sinira na ang daigdig ng mga naninirahan dito
dahil sinuway nila ang katuruan ng Diyos;
    at nilabag ang kanyang mga utos;
    winasak nila ang walang hanggang tipan.
Kaya susumpain ng Diyos ang daigdig,
    at magdurusa ang mga tao dahil sa kanilang kasamaan,
mababawasan ang mga naninirahan sa lupa;
    kaunti lamang ang matitira sa kanila.
Mauubos ang alak,
    malalanta ang ubasan,
    ang mga nagsasaya'y daranas ng kalungkutan.
Ang masayang tugtog ng tamburin ay hindi na maririnig;
    titigil na ang ingay ng mga nagsasaya;
    mapaparam ang masayang tunog ng alpa!
Mawawala na rin ang pag-iinuman ng alak sa saliw ng awitan,
    ang alak ay magiging mapait sa panlasa.
10 Magulo ang lunsod na winasak;
    ang pintuan ng bawat tahanan ay may harang upang walang makapasok.
11 Sa mga lansangan ay sumisigaw sila dahil kulang ng alak,
    nawala na ang kagalakan at nauwi sa kalungkutan;
    lahat ng kasayahan ay napawi sa lupa.
12 Naguho na ang buong lunsod,
    ang pinto nito'y nagkadurug-durog.
13 Ganyan din ang mangyayari sa lahat ng bansa sa buong daigdig;
parang puno ng olibo matapos lagasin ang bunga,
    tulad ng ubasan matapos ang anihan.

14 Silang nakaligtas ay aawit dahil sa kagalakan,
    mula sa kanluran ay kanilang dadakilain si Yahweh.
15 Pupurihin siya doon sa silangan,
    at ipagbubunyi ang pangalan ni Yahweh,
    ang Diyos ng Israel, sa baybayin ng dagat.
16 May awit ng pagpupuring maririnig, maging sa pinakamalalayong dulo ng daigdig,
    bilang papuri sa Diyos na Matuwid.
Ngunit ang sabi ko naman, “Nalulungkot ako.
    Nasasayang lamang ang panahon. Wala na akong pag-asa.
Patuloy ang panlilinlang ng mga taksil.
    Palala nang palala ang kanilang pagtataksil.”

17 Mga tao sa daigdig, naghihintay sa inyo
    ang matinding takot, malalim na hukay, at nakaumang na bitag.
18 Sinumang tumakas dahil sa takot,
    sa balong malalim, doon mahuhulog.
Pag-ahon sa balon na kinahulugan,
    bitag ang siyang kasasadlakan.
Sapagkat mabubuksan ang durungawan ng langit,
    at mauuga ang pundasyon ng daigdig.
19 Ang daigdig ay tuluyang mawawasak,
    sa lakas ng uga ito'y mabibiyak.
20 Ang lupa'y tulad ng lasenggong pasuray-suray
    at kubong maliit na hahapay-hapay,
sa bigat ng kasalanang kanyang tinataglay,
    tiyak na babagsak ang sandaigdigan at hindi na babangon magpakailanman.

21 Darating ang araw na paparusahan ni Yahweh
    ang hukbo ng kasamaan sa himpapawid,
    gayundin ang mga hari dito sa daigdig.
22 Tulad ng mga bilanggo,
    ihuhulog silang sama-sama sa isang malalim na balon;
ikukulong sila sa piitang bakal,
    at paparusahan pagkaraan ng maraming araw.
23 Mawawala ang liwanag ng araw at buwan,
at maghahari si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
    sa Bundok ng Zion, at sa Jerusalem.
Doo'y mahahayag ang kanyang kaluwalhatian, sa harap ng mga pinuno ng bayan.

Galacia 2:17-3:9

17 Ngunit kung sa pagsisikap naming mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuan kaming makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! 18 Ngunit kung itinatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. 19 Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus. 20 Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko tinatanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!

Kautusan o Pananampalataya?

Mga hangal kayong mga taga-Galacia! Sino ang nakagayuma sa inyo? Sa harap mismo ng inyong mga mata ay ipinakita ang pagkamatay ni Jesu-Cristo sa krus! Sabihin nga ninyo, tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ayon sa Kautusan o sa pamamagitan ng inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? Talagang napakahangal ninyo! Nagsimula na kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa pamamagitan ng inyong sariling kapangyarihan! Wala na bang halaga sa inyo ang mga naranasan ninyo? Marahil naman ay mayroon. Dahil ba sa pagsunod ninyo sa kautusan ay ipinagkakaloob ng Diyos ang Espiritu sa inyo at gumagawa kayo ng mga himala, o dahil sa pananampalataya na inyong narinig tungkol kay Cristo?

Tulad(A) ng nangyari kay Abraham, “Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos na matuwid.” Kung(B) gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang mga tunay na anak ni Abraham. Bago(C) pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Magandang Balitang ito ay ipinahayag na kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ang lahat ng bansa.” Kaya naman pagpapalain ang mga sumasampalataya tulad ni Abraham na sumampalataya.

Mga Awit 60

Panalangin Upang Iligtas

Upang(A) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[a] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.

60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
    kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
    bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
    lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
    upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[b]
Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
    upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.

Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
    “Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
    ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
    ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
    samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
    samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
    at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”

Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
    Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
    Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
    pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
    matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.

Mga Kawikaan 23:15-16

-13-

15 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. 16 Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.