Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mga Hukom 9:22-10:18

22 At si Abimelech ay naging prinsipe sa Israel na tatlong taon.

23 At nagsugo ang Dios ng isang masamang espiritu kay Abimelech at sa mga lalake sa Sichem; at ang mga lalake sa Sichem ay naglilo kay Abimelech.

24 Upang ang dahas na ginawa sa pitong pung anak ni Jerobaal ay dumating, at upang ang kanilang dugo ay malagpak kay Abimelech na kanilang kapatid, na siyang pumatay sa kanila, at sa mga lalake sa Sichem, na nagpalakas ng kaniyang mga kamay upang patayin ang kaniyang mga kapatid.

25 At binakayan siya ng mga lalake sa Sichem sa mga taluktok ng mga bundukin, at kanilang pinagnakawan yaong lahat na dumaan sa daang yaon na malapit sa kanila; at naibalita kay Abimelech.

26 At dumating si Gaal na anak ni Ebed na kasama ng kaniyang mga kapatid, at dumaan sa Sichem: at inilagak ng mga lalake sa Sichem ang kanilang tiwala sa kaniya.

27 At sila'y lumabas sa bukid, at namitas sa kanilang mga ubasan, at pinisa, at nagpapista, at napasa bahay ng kanilang dios, at nagkainan at naginuman, at sinumpa si Abimelech.

28 At sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, Sino si Abimelech at sino si Sichem, upang, aming paglingkuran siya? hindi ba siya ang anak ni Jerobaal? at si Zebul ay kaniyang pinuno? Maglingkod kayo sa mga lalake ni Hamor na ama ni Sichem: nguni't bakit kami maglilingkod sa kaniya?

29 At kahi manawari ang bayang ito'y mapasa ilalim ng aking kamay. Kung magkagayo'y aking hahalinhan si Abimelech. At kaniyang sinabi kay Abimelech, Dagdagan mo ang iyong kawal at lumabas ka.

30 At nang marinig ni Zebul na puno ng bayan ang mga salita ni Gaal na anak ni Ebed, ay nagalab ang kaniyang galit.

31 At lihim na nagsugo siya ng mga sugo kay Abimelech, na nagsabi, Narito, si Gaal na anak ni Ebed at ang kaniyang mga kapatid ay naparoon sa Sichem; at, narito, kanilang pinilit ang bayan laban sa iyo.

32 Ngayon nga'y bumangon ka sa gabi, ikaw at ang bayan na kasama mo, at bakayan mo sa bukid:

33 At mangyayari, na sa kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay babangon kang maaga, at isasalakay mo ang bayan: at, narito, pagka siya at ang bayan na kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo nga sa kanila ang magalingin mo.

34 At bumangon si Abimelech, at ang buong bayan na kasama niya, sa kinagabihan at sinalakay nila ang Sichem, na sila'y apat na pulutong.

35 At lumabas si Gaal na anak ni Ebed, at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan; at si Abimelech ay bumangon sa pagbakay at ang bayan na kasama niya.

36 At nang makita ni Gaal ang bayan, ay kaniyang sinabi kay Zebul, Narito, bumababa ang bayan mula sa taluktuk ng mga bundok. At sinabi ni Zebul sa kaniya, Iyong nakikita'y mga lilim ng mga bundukin, na parang mga lalake.

37 At nagsalita uli si Gaal, at nagsabi, Tignan mo, bumababa ang bayan sa kalagitnaan ng lupain, at isang pulutung ay dumarating sa daan ng encina ng Meonenim.

38 Nang magkagayo'y sinabi ni Zebul sa kaniya, Saan nandoon ngayon ang iyong bibig, na iyong ipinagsabi, Sino si Abimelech upang tayo'y maglingkod sa kaniya? hindi ba ito ang bayan na iyong niwalan ng kabuluhan? lumabas ka ngayon at lumaban sa kanila.

39 At lumabas si Gaal sa harap ng mga lalake sa Sichem, at lumaban kay Abimelech.

40 At hinabol ni Abimelech siya, at siya'y tumakas sa harap niya, at nabuwal ang maraming sugatan hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.

41 At si Abimelech ay tumahan sa Aruma: at pinalayas ni Zebul si Gaal at ang kaniyang mga kapatid, upang sila'y huwag tumahan sa Sichem.

42 At nangyari nang kinaumagahan, na ang baya'y lumabas sa parang; at kanilang isinaysay kay Abimelech.

43 At kaniyang kinuha ang bayan, at binahagi niya ng tatlong pulutong, at bumakay sa parang; at siya'y tumingin, at narito, ang bayan ay lumabas sa kabayanan; at siya'y bumangon laban sa kanila, at sila'y sinaktan niya.

44 At si Abimelech at ang mga pulutong na kasama niya ay nagsidaluhong at nagsitayo sa pasukan ng pintuan ng bayan: at ang dalawang pulutong ay nagsidaluhong doon sa lahat ng nasa bukid, at sila'y sinaktan nila.

45 At lumaban si Abimelech sa bayan nang buong araw na yaon; at sinakop ang bayan, at pinatay ang bayan na nasa loob niyaon: at iginiba ang kabayanan at hinasikan ng asin.

46 At nang mabalitaan yaon ng lahat ng mga lalake sa moog ng Sichem, ay pumasok sila sa kuta ng bahay ng El-berith.

47 At nasaysay kay Abimelech, na ang lahat ng mga tao sa moog ng Sichem ay nagpipisan.

48 At umahon si Abimelech sa bundok ng Salmon, siya at ang buong bayan na kasama niya; at sumunggab si Abimelech ng isang palakol sa kaniyang kamay, at pumutol ng isang sanga sa mga kahoy at itinaas, at ipinasan sa kaniyang balikat: at sinabi niya sa bayan na kasama niya, Kung ano ang makita ninyo na gawin ko, magmadali kayo, at gawin ninyo ang aking ginawa.

49 At ang buong bayan ay pumutol na gayon din ang bawa't lalake ng kanikaniyang sanga, at sumunod kay Abimelech, at ipinaglalagay sa kuta, at sinilaban ang kuta sa pamamagitan niyaon; na ano pa't ang lahat ng mga lalake sa moog ng Sichem ay namatay rin, na may isang libong lalake at babae.

50 Nang magkagayo'y naparoon si Abimelech sa Thebes, at humantong ng laban sa Thebes, at sinakop.

51 Nguni't may isang matibay na moog sa loob ng bayan, at doo'y nagsitakas ang lahat na lalake at babae at ang lahat na nasa bayan, at sinarhan, at nagsisampa sa bubungan ng moog.

52 At naparoon si Abimelech sa moog, at lumaban, at lumapit sa pintuan ng moog, upang sunugin ng apoy.

53 At hinagis ng isang babae, ng isang pangibabaw na bato ng gilingan ang ulo ni Abimelech at nabasag ang kaniyang bungo.

54 Nang magkagayo'y tinawag niyang madali ang bataang kaniyang tagadala ng almas, at sinabi niya sa kaniya, Kunin mo ang iyong tabak, at patayin mo ako, upang huwag sabihin tungkol sa akin ng mga tao, Isang babae ang pumatay sa kaniya. At pinalagpasan siya ng kaniyang bataan, at siya'y namatay.

55 At nang makita ng Israel na namatay si Abimelech, ay yumaon ang bawa't lalake sa kanikaniyang dako.

56 Ganito pinaghigantihan ng Dios ang kasamaan ni Abimelech, na kaniyang ginawa sa kaniyang ama, sa pagpatay ng kaniyang pitong pung kapatid:

57 At ang buong kasamaan ng mga lalake sa Sichem ay pinaghigantihan ng Dios sa kanilang mga ulo: at dumating sa kanila ang sumpa ni Jotham na anak ni Jerobaal.

10 At pagkamatay ni Abimelech ay bumangon doon, upang magligtas sa Israel, si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalake ng Issachar; at siya'y tumahan sa Samir sa lupaing maburol ng Ephraim.

At siya'y naghukom sa Israel na dalawang pu't tatlong taon; at namatay, at inilibing sa Samir.

At pagkamatay niya'y bumangon si Jair, na Galaadita; at siya'y naghukom sa Israel na dalawang pu't dalawang taon.

At siya'y may tatlong pung anak na sumasakay sa tatlong pung asno, at sila'y may tatlong pung bayan na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nangasa lupain ng Galaad.

At namatay si Jair, at inilibing sa Camon.

At ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal, at kay Astaroth, at sa mga dios sa Siria, at sa mga dios sa Sidon, at sa mga dios sa Moab, at sa mga dios ng mga anak ni Ammon, at sa mga dios ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang Panginoon, at hindi naglingkod sa kaniya.

At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at ipinagbili niya sila sa kamay ng mga Filisteo, at sa kamay ng mga anak ni Ammon.

At kanilang pinahirapan at pinighati ang mga anak ni Israel nang taong yaon: labing walong taong pinighati ang lahat ng mga anak ni Israel na nangasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amorrheo, na nasa Galaad.

At ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang lumaban naman sa Juda, at sa Benjamin, at sa sangbahayan ni Ephraim; na ano pa't ang Israel ay totoong pinapaghinagpis.

10 At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, na sinasabi, Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagka't aming pinabayaan ang aming Dios, at kami ay naglingkod sa mga Baal.

11 At sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, Di ba pinapaging laya ko kayo sa mga taga Egipto, at sa mga Amorrheo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo?

12 Ang mga Sidonio man, at ang mga Amalecita, at ang mga Maonita ay pumighati rin sa iyo; at kayo'y dumaing sa akin, at pinapaging laya ko kayo sa kanilang mga kamay.

13 Gayon ma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga dios: kaya't hindi ko na kayo palalayain.

14 Kayo'y yumaon at dumaing sa mga dios na inyong pinili; palayain kayo nila sa panahon ng inyong kapighatian.

15 At sinabi ng mga anak ni Israel sa Panginoon, Kami ay nagkasala: gawin mo sa amin anomang iyong mabutihin; isinasamo namin sa iyo, na iligtas mo lamang kami sa araw na ito.

16 At kanilang inihiwalay ang mga dios ng iba sa kanila, at naglingkod sa Panginoon: at ang kaniyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa karalitaan ng Israel.

17 Nang magkagayon ang mga anak ni Ammon ay nagpipisan, at humantong sa Galaad. At ang mga anak ni Israel ay nagpipisan, at humantong sa Mizpa.

18 At ang bayan, at ang mga prinsipe sa Galaad, ay nagsangusapan, Sinong tao ang magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? siya'y magiging pangulo ng lahat na taga Galaad.

Lucas 24:13-53

13 At narito, dalawa sa kanila ay naparoroon nang araw ding yaon sa isang nayong ngala'y Emaus, na may anim na pung estadio ang layo sa Jerusalem.

14 At kanilang pinaguusapan ang lahat ng mga bagay na nangyari.

15 At nangyari, na samantalang sila'y naguusap at nagtatanongan, na si Jesus din ay lumapit, at nakisabay sa kanila.

16 Datapuwa't sa mga mata nila'y may nakatatakip upang siya'y huwag nilang makilala.

17 At sinabi niya sa kanila, Ano ang mga salitaan ninyong ito sa inyong paglalakad? At sila'y nagsitigil, na nangalulumbay ang mga mukha.

18 At isa sa kanila, na nagngangalang Cleopas, sa pagsagot ay sinabi sa kaniya, Ikaw baga'y nakikipamayan lamang sa Jerusalem, at hindi nakaalam ng mga bagay na doo'y nangyari nang mga araw na ito?

19 At sinabi niya sa kanila, Anong mga bagay? At sinabi nila sa kaniya, Ang mga bagay tungkol kay Jesus na Nazareno, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Dios at ng buong bayan:

20 At kung paano ang pagkabigay sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga pinuno upang hatulan sa kamatayan, at siya'y ipako sa krus.

21 Datapuwa't hinihintay naming siya ang tutubos sa Israel. Oo at bukod sa lahat ng mga ito ay ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.

22 Bukod sa rito iba sa mga babaing kasamahan namin na nagsiparoong maaga sa libingan, ay nakapagtaka sa amin;

23 At nang hindi mangasumpungan ang kaniyang bangkay, ay nangagbalik sila, na nangagsabing sila nama'y nakakita ng isang pangitain ng mga anghel, na nangagsabing siya'y buhay.

24 At nagsiparoon sa libingan ang ilang kasama namin, at nasumpungan nila alinsunod sa sinabi ng mga babae: datapuwa't siya'y hindi nila nakita.

25 At sinabi niya sa kanila, Oh mga taong haling, at makukupad ang mga pusong magsisampalataya sa lahat ng salita ng mga propeta!

26 Hindi baga kinakailangang si Cristo ay maghirap ng mga bagay na ito, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?

27 At magmula kay Moises at sa mga propeta, ay ipinaaninaw niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga kasulatan.

28 At sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan: at naganyo siyang wari may paroroonang lalo pang malayo.

29 At siya'y kanilang pinigil, na sinasabi, tumuloy ka sa amin, sapagka't gumagabi na, at kumikiling na ang araw. At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.

30 At nangyari, nang siya'y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay kaniyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito'y pinagputolputol, at ibinigay sa kanila.

31 At nangabuksan ang kanilang mga mata, at siya'y nakilala nila; at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.

32 At sila-sila'y nangagsabihan, Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?

33 At sila'y nagsitindig sa oras ding yaon, at nangagbalik sa Jerusalem, at naratnang nangagkakatipon ang labingisa, at ang kanilang mga kasama.

34 Na nangagsasabi, Tunay na nagbangong muli ang Panginoon, at napakita kay Simon,

35 At isinaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan, at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputolputulin ang tinapay.

36 At samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila'y nagsabi, Kapayapaa'y suma inyo.

37 Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

38 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?

39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.

40 At pagkasabi niya nito, ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.

41 At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi niya sa kanila, Mayroon baga kayo ritong anomang makakain?

42 At binigyan nila siya ng isang putol na isdang inihaw.

43 At kaniyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.

44 At sinabi niya sa kanila, Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako'y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa mga awit.

45 Nang magkagayo'y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan;

46 At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw;

47 At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.

48 Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.

49 At narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa't magsipanatili kayo sa bayan, hanggang sa kayo'y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.

50 At kaniyang dinala sila sa labas hanggang sa tapat ng Betania: at itinaas niya ang kaniyang mga kamay, at sila'y binasbasan.

51 At nangyari, na samantalang sila'y binabasbasan niya, ay iniwan niya sila; at dinala siya sa itaas sa langit.

52 At siya'y sinamba nila, at nagsibalik sila sa Jerusalem na may malaking galak:

53 At palaging sila'y nasa templo, na nangagpupuri sa Dios.

Awit 100

100 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, kayong lahat na lupain.

Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.

Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya: tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.

Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa kaniyang looban na may pagpupuri: mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.

Sapagka't ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man; at ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi.

Kawikaan 14:11-12

11 Ang bahay ng masama ay mababagsak: nguni't ang tolda ng matuwid ay mamumukadkad.

12 May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain