Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Mga Hari 23:31-25:30

31 Si Joachaz ay may dalawangpu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.

32 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.

33 At inilagay ni Faraon-nechao siya sa pangawan sa Ribla, sa lupain ng Hamath, upang siya'y huwag makapaghari sa Jerusalem; at siningilan ang bayan ng isang daang talentong pilak, at isang talentong ginto.

34 At ginawa ni Faraon-nechao si Eliacim na anak ni Josias, na hari na kahalili ni Josias, na kaniyang ama, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim: nguni't kaniyang dinala si Joachaz; at siya'y naparoon sa Egipto, at namatay roon.

35 At ibinigay ni Joacim ang pilak at ginto kay Faraon; nguni't kaniyang pinabuwis ang lupain upang magbigay ng salapi ayon sa utos ni Faraon; kaniyang siningil ang pilak at ginto ng bayan ng lupain, sa bawa't isa ayon sa ipinabuwis niya upang ibigay kay Faraon-nechao.

36 Si Joacim ay may dalawangpu't limang taon nang magpasimulang maghari: at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Zebuda na anak ni Pedaia na taga Ruma.

37 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.

24 Nang kaniyang mga kaarawan ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at si Joacim ay naging kaniyang alipin na tatlong taon: nang magkagayo'y bumalik siya at nanghimagsik laban sa kaniya.

At ang Panginoon ay nagsugo laban sa kaniya ng mga pulutong ng mga Caldeo, at ng mga pulutong ng mga taga Siria, at ng mga pulutong ng mga Moabita, at ng mga pulutong ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta.

Tunay na sa utos ng Panginoon ay dumating ito sa Juda, upang alisin sila sa kaniyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa.

At dahil naman sa walang salang dugo na kaniyang ibinubo; sapagka't kaniyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo: at hindi pinatawad ng Panginoon.

Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda.

Sa gayo'y natulog si Joacim na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Joachin na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

At ang hari sa Egipto ay hindi na bumalik pa mula sa kaniyang lupain: sapagka't sinakop ng hari ng Babilonia, mula sa batis ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates, lahat na nauukol sa hari sa Egipto.

Si Joachin ay may labing walong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y naghari sa Jerusalem na tatlong buwan: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Neusta na anak na babae ni Elnathan na taga Jerusalem.

At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang ama.

10 Nang panahong yao'y ang mga lingkod ni Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang bayan ay nakubkob.

11 At si Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay naparoon sa bayan, samantalang ang kaniyang mga lingkod ay nangakukulong.

12 At nilabas ni Joachin na hari sa Juda ang hari sa Babilonia, niya, at ng kaniyang ina, at ng kaniyang mga lingkod, at ng kaniyang mga prinsipe, at ng kaniyang mga pinuno: at kinuha siya ng hari ng Babilonia sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari.

13 At dinala niya mula roon ang lahat na kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at pinagputolputol ang lahat na kasangkapang ginto na ginawa ng haring Salomon sa templo ng Panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon.

14 At kaniyang dinala ang buong Jerusalem, at ang lahat na prinsipe, at ang lahat na makapangyarihang lalake na may tapang, sa makatuwid baga'y sangpung libong bihag, at ang lahat na manggagawa at mangbabakal; walang nalabi liban sa mga pinakadukha sa bayan ng lupain.

15 At dinala niya si Joachin sa Babilonia; at ang ina ng hari, at ang mga asawa ng hari, at ang kaniyang mga pinuno, at ang mga pinakamahal sa lupain, ay dinala niya sa pagkabihag sa Babilonia mula sa Jerusalem.

16 At ang lahat na makapangyarihang lalake na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga mangbabakal na isang libo, lahat na sa kanila ay malakas at matalino sa pakikipagdigma, ay pinagdadalang bihag sa Babilonia ng hari.

17 At ginawa ng hari sa Babilonia na hari si Matanias na kapatid ng ama ni Joachin na kahalili niya, at binago ang kaniyang pangalan ng Sedecias.

18 Si Sedecias ay may dalawangpu't isang taon nang magpasimulang maghari, at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.

19 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni Joachin.

20 Sapagka't sa pamamagitan ng galit ng Panginoon ay nangyari sa Jerusalem at sa Juda, hanggang sa kaniyang itinaboy sila sa kaniyang harap: at si Sedecias ay nanghimagsik laban sa hari sa Babilonia.

25 At nangyari nang ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari sa ikasangpung buwan, nang ikasangpung araw ng buwan, na si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay naparoon, siya at ang buo niyang hukbo, laban sa Jerusalem, at humantong laban doon; at nagsipagtayo sila ng mga kuta sa palibot laban doon.

Sa gayo'y nakubkob ang bayan hanggang sa ikalabing isang taon ng haring Sedecias.

Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang kagutom ay lumala sa bayan, na anopa't walang tinapay sa bayan ng lupain.

Nang magkagayo'y gumawa ng isang butas sa kuta ng bayan, at ang lahat na lalaking mangdidigma ay nagsitakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta, na nasa siping ng halamanan ng hari (ang mga Caldeo nga ay nangasa tapat ng palibot ng bayan;) at ang hari ay yumaon sa daan ng Araba.

Nguni't hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan nila siya sa mga kapatagan ng Jerico: at ang buo niyang hukbo ay nangalat sa kaniya.

Nang magkagayo'y kinuha nila ang hari at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla; at sila'y nangagbigay ng kahatulan sa kaniya.

At kanilang pinatay ang mga anak ni Sedecias, sa harap ng kaniyang mga mata, at inukit ang mga mata ni Sedecias at siya'y nilagyan ng damal, at dinala siya sa Babilonia.

Nang ikalimang buwan nga, nang ikapitong araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, ay naparoon sa Jerusalem si Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, na lingkod ng hari sa Babilonia.

At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at ang lahat na bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga'y bawa't malaking bahay, ay sinunog niya ng apoy.

10 At ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem sa palibot, ng buong hukbo ng mga Caldeo, na kasama ng punong kawal ng bantay.

11 At ang nalabi na mga tao na naiwan sa bayan, at yaong nagsihiwalay, na nagsihilig sa hari sa Babilonia, at ang labi sa karamihan, ay dinalang bihag ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay.

12 Nguni't iniwan ng punong kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging maguubas at magbubukid.

13 At ang mga haliging tanso na nangasa bahay ng Panginoon, at ang mga tungtungan at ang dagatdagatan na tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay dinurog ng mga Caldeo, at dinala ang tanso sa Babilonia.

14 At ang mga palayok, at ang mga pala, at ang mga gunting, at ang mga kutchara, at ang lahat na kasangkapan na tanso na kanilang ipinangangasiwa, ay kanilang dinala.

15 At ang mga apuyan, at ang mga mangkok; na ang sa ginto, ay ginto, at ang sa pilak ay pilak, pinagdadala ng punong kawal ng bantay.

16 Ang dalawang haligi, ang dagatdagatan, at ang mga tungtungan, na ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon; ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay walang timbang.

17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyaon; at ang taas ng kapitel ay tatlong siko, na may yaring lambat at mga granada sa kapitel sa palibot, lahat ay tanso; at mayroong gaya ng mga ito ang ikalawang haligi na may yaring lambat.

18 At kinuha ng punong kawal ng bantay si Saraias na dakilang saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang tatlong tagatanod-pinto:

19 At sa bayan ay kumuha siya ng isang pinuno na inilagay sa mga lalaking mangdidigma: at limang lalake sa kanila na nakakita ng mukha ng hari na nangasumpungan sa bayan: at ang kalihim, ang punong kawal ng hukbo, na humusay ng bayan ng lupain; at anim na pung lalake ng bayan ng lupain, na nangasumpungan sa bayan.

20 At kinuha sila ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla.

21 At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Sa gayo'y dinala ang Juda na bihag mula sa kaniyang lupain.

22 At tungkol sa bayan na naiwan sa lupain ng Juda, na iniwan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, ay sa mga yaon ginawa niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan.

23 Nang mabalitaan nga ng lahat ng pinuno ng mga hukbo, nila, at ng kanilang mga lalake, na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay nagsiparoon sila kay Gedalias sa Mizpa, sa makatuwid bagay si Ismael na anak ni Nathanias, at si Johanan na anak ni Carea, at si Saraia na anak ni Tanhumet, na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maachateo, sila at ang kanilang mga lalake.

24 At si Gedalias ay sumampa sa kanila at sa kanilang mga lalake, at nagsabi sa kanila, Kayo'y huwag mangatakot ng dahil sa mga lingkod ng mga Caldeo: magsitahan kayo sa lupain, at kayo'y magsipaglingkod sa hari sa Babilonia, at ikabubuti ninyo.

25 Nguni't nangyari nang ikapitong buwan, na si Ismael na anak ni Nathanias, na anak ni Elisama, na mula sa lahing hari, at sangpung lalake na kasama niya, ay naparoon, at sinaktan si Gedalias, na anopa't namatay, at ang mga Judio at ang mga Caldeo, na mga kasama niya sa Mizpa.

26 At ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki, at ang mga pinuno ng hukbo, ay nagsitindig, at nagsiparoon sa Egipto; sapagka't sila'y nangatakot sa mga Caldeo.

27 At nangyari nang ikatatlongpu't pitong taon ng pagkabihag ni Joachin na hari sa Juda, nang ikalabing dalawang buwan, nang ikadalawangpu't pitong araw ng buwan, na si Evil-merodach na hari sa Babilonia, nang taon na siya'y magpasimulang maghari, ay itinaas ang ulo ni Joachin na hari sa Juda sa bilangguan;

28 At siya'y nagsalita na may kagandahang loob sa kaniya, at inilagay ang kaniyang luklukan sa itaas ng luklukan ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.

29 At kaniyang pinalitan ang kaniyang damit na pagkabihag. At kumain si Joachin ng tinapay sa harap niya na palagi sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

30 At tungkol sa kaloob sa kaniya, may palaging kaloob na ibinibigay sa kaniya ang hari, bawa't araw isang bahagi ng pagkain, lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.

Mga Gawa 22:17-23:10

17 At nangyari, na, nang ako'y makabalik na sa Jerusalem, at nang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng diwa,

18 At siya'y nakita ko na nagsasabi sa akin, Magmadali ka, at umalis ka agad sa Jerusalem; sapagka't hindi nila tatanggapin sa iyo ang patotoo tungkol sa akin.

19 At aking sinabi, Panginoon, napagtatalastas nila na ako ang nagbilanggo at humampas sa bawa't sinagoga sa mga nagsisisampalataya sa iyo:

20 At nang ibubo ang dugo ni Estebang iyong saksi, ay ako nama'y nakatayo sa malapit, at sinasangayunan ko, at iningatan ko ang mga damit ng sa kaniya'y nagsipatay.

21 At sinabi niya sa akin, Yumaon ka: sapagka't susuguin kita sa malayo sa mga Gentil.

22 At kanilang pinakinggan siya hanggang sa salitang ito; at sila'y nangagtaas ng kanilang tinig, at nangagsabi, Alisin sa lupa ang isang gayong tao: sapagka't hindi marapat na siya'y mabuhay.

23 At samantalang sila'y nangagsisigawan, at ipinaghahagisan ang kanilang mga damit, at nangagsasabog ng alabok sa hangin,

24 Ay ipinagutos ng pangulong kapitan na siya'y ipasok sa kuta, na ipinaguutos na siya'y sulitin sa pamamagitan ng hampas, upang maalaman niya kung sa anong kadahilanan sila'y nangagsigawan ng gayon laban sa kaniya.

25 At nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling katad, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, Matuwid baga sa iyo na hampasin ang isang taong taga Roma, na hindi pa nahahatulan?

26 At nang ito'y marinig ng senturion, ay naparoon siya sa pangulong kapitan at sa kaniya'y ipinagbigay-alam, na sinasabi, Ano baga ang gagawin mo? sapagka't ang taong ito ay taga Roma.

27 At lumapit ang pangulong kapitan at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa akin, ikaw baga'y taga Roma? At sinabi niya, Oo.

28 At sumagot ang pangulong kapitan, Binili ko ng totoong mahal ang pagkamamamayang ito. At sinabi ni Pablo, Nguni't ako'y katutubong taga Roma.

29 Pagkaraka nga'y nagsilayo sa kaniya ang mga sa kaniya sana'y susulit: at ang pangulong kapitan din naman ay natakot nang maalamang siya'y taga Roma, at dahil sa pagkagapos niya sa kaniya.

30 Datapuwa't nang kinabukasan, sa pagkaibig na matanto ang katunayan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio, ay kaniyang pinawalan siya, at pinapagpulong ang mga pangulong saserdote at ang buong Sanedrin, at ipinapanaog si Pablo at iniharap sa kanila.

23 At si Pablo, na tumititig na mabuti sa Sanedrin, ay nagsabi, Mga kapatid na lalake, ako'y nabuhay sa harapan ng Dios sa buong kabutihan ng budhi hanggang sa mga araw na ito.

At ipinagutos ng dakilang saserdoteng si Ananias sa mga nalalapit sa kaniya na siya'y saktan sa bibig.

Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pablo, sasaktan ka ng Dios, ikaw na pinaputing pader: at nakaupo ka baga upang ako'y hatulan mo ayon sa kautusan, at ako'y sinasaktan mo ng laban sa kautusan?

At sinabi ng nangakatayo sa malapit, Nilalait mo ang dakilang saserdote ng Dios?

At sinabi ni Pablo, Hindi ko nalalaman, mga kapatid na lalake, na siya'y dakilang saserdote: sapagka't nasusulat, Huwag kang magsasalita ng masama sa isang pinuno ng iyong bayan.

Datapuwa't nang matalastas ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanedrin, Mga kapatid na lalake, ako'y Fariseo, anak ng mga Fariseo: ako'y sinisiyasat tungkol sa pagasa at pagkabuhay na maguli ng mga patay.

At nang masabi na niya ang gayon, nangyari ang isang pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo; at nagkabahabahagi ang kapulungan.

Sapagka't sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay na maguli, ni anghel, ni espiritu; datapuwa't kapuwa pinaniniwalaan ng mga Fariseo.

At nagkaroon ng malaking sigawan, at nagsitindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at nakikipagtalo, na nagsipagsabi, Wala kaming masumpungang anomang kasalanan sa taong ito: at ano kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?

10 At nang magkaroon ng malaking pagtatalo, sa takot ng pangulong kapitan na baka pagwaraywarayin nila si Pablo, ay pinapanaog ang mga kawal at ipinaagaw siya sa gitna nila, at siya'y ipinasok sa kuta.

Awit 2

Bakit ang mga bansa ay nangagugulo, at ang mga bayan ay nangagaakala ng walang kabuluhang bagay?

Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda, at ang mga pinuno ay nagsasanggunian, Laban sa Panginoon at laban sa kaniyang pinahiran ng langis, na sinasabi:

Lagutin natin ang kanilang tali, at ating iwaksi ang kanilang mga panali sa atin.

Siyang nauupo sa kalangitan ay tatawa: ilalagay sila ng Panginoon sa kakutyaan.

Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot, at babagabagin sila sa kaniyang malabis na sama ng loob:

Gayon ma'y inilagay ko ang aking hari sa aking banal na bundok ng Sion.

Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay aking anak; sa araw na ito ay ipinanganak kita.

Humingi ka sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa na iyong pinakamana, at ang mga pinakadulong bahagi ng lupa ay iyong pinakaari.

Sila'y iyong babaliin ng isang pamalong bakal; iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalyok.

10 Ngayon nga'y magpakapantas kayo, Oh kayong mga hari: mangatuto kayo, kayong mga hukom sa lupa.

11 Kayo'y mangaglingkod sa Panginoon na may takot, at mangagalak na may panginginig.

12 Hagkan ninyo ang anak, baka magalit siya, at kayo'y mangapahamak sa daan, sapagka't ang kaniyang poot ay madaling magalab. Mapapalad ang nanganganlong sa kaniya.

Kawikaan 18:13

13 Ang sumasagot bago makinig, ay kamangmangan at kahihiyan sa kaniya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain