Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Paralipomeno 26-28

26 At kinuha ng buong bayan ng Juda si Uzzias na may labing anim na taon, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama na si Amasias.

Kaniyang itinayo ang Eloth at isinauli sa Juda, pagkatapos na ang hari ay makatulog na kasama ng kaniyang mga magulang.

May labing anim na taon si Uzzias nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limangpu't dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jecholia na taga Jerusalem.

At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang amang si Amasias.

At siya'y tumalagang hanapin ang Dios sa mga kaarawan ni Zacharias, na siyang maalam sa pangitain sa Dios: at habang kaniyang hinahanap ang Panginoon, pinagiginhawa siya ng Dios.

At siya'y lumabas at nakipagdigma laban sa mga Filisteo, at ibinagsak ang kuta ng Gath, at ang kuta ng Jabnia, at ang kuta ng Asdod; at siya'y nagtayo ng mga bayan sa lupain ng Asdod, at sa gitna ng mga Filisteo.

At tinulungan siya ng Dios laban sa mga Filisteo, at laban sa mga taga Arabia na nagsisitahan sa Gurbaal, at sa mga Meunim.

At ang mga Ammonita ay nagsipagbigay ng mga kaloob kay Uzzias; at ang kaniyang pangalan ay lumaganap hanggang sa pasukan ng Egipto; sapagka't siya'y lumakas na mainam.

Bukod dito'y si Uzzias ay nagtayo ng mga moog sa Jerusalem sa pintuang-bayan na nasa panulok, at sa pintuang-bayan sa libis, at sa pagliko ng kuta, at mga pinagtibay.

10 At siya'y nagtayo ng mga moog sa ilang, at humukay ng maraming balon, sapagka't siya'y nagkaroon ng maraming kawan; sa mababang lupa rin naman, at sa kapatagan; at siya'y may mangbubukid at manggagawa sa ubasan sa mga bundok at sa mga mabungang bukid; sapagka't siya'y may hilig sa bukiran.

11 Bukod dito'y si Uzzias ay may hukbo ng mga manglalaban, na nagsisilabas sa pakikipagdigma na pulupulutong ayon sa bilang ng kanilang kabilangan na ginawa ni Jehiel na kalihim, at ni Maasias na pinuno, sa kapangyarihan ni Hananias, na isa sa mga punong kawal ng hari.

12 Ang buong bilang ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, na mga makapangyarihang lalaking matatapang, ay dalawang libo at anim na raan.

13 At sa kapangyarihan ng kanilang kamay ay may isang maayos na hukbo, na tatlong daan at pitong libo at limang daan, na nakikipagdigmang may malakas na kapangyarihan, upang tulungan ang hari laban sa kaaway.

14 At ipinaghanda sila ni Uzzias sa makatuwid baga'y ang buong hukbo, ng mga kalasag, at mga sibat, at ng mga turbante, at ng mga sapyaw, at ng mga busog, at ng mga bato na ukol sa panghilagpos.

15 At siya'y gumawa sa Jerusalem ng mga makina, na katha ng mga bihasang tao, upang malagay sa mga moog at sa kuta upang magpahilagpos ng mga pana at mga malaking bato. At ang kaniyang pangalan ay lumaganap na mainam: sapagka't siya'y tinulungang kagilagilalas hanggang sa siya'y lumakas.

16 Nguni't nang siya'y lumakas, ang kaniyang puso ay nagmataas, na anopa't siya'y gumawa ng kapahamakan, at siya'y sumalangsang laban sa Panginoon niyang Dios; sapagka't siya'y pumasok sa templo ng Panginoon upang magsunog ng kamangyan sa ibabaw ng dambana ng kamangyan.

17 At si Azarias na saserdote ay pumasok pagkatapos niya, at kasama niya'y walong pung saserdote ng Panginoon, na mga matapang na lalake:

18 At kanilang hinadlangan si Uzzias na hari, at nagsipagsabi sa kaniya, Hindi nauukol sa iyo, Uzzias, na magsunog ng kamangyan sa Panginoon, kundi sa mga saserdote na mga anak ni Aaron, na mga itinalaga na magsunog ng kamangyan; lumabas ka sa santuario; sapagka't ikaw ay sumalangsang; ni di magiging karangalan sa iyo sa ganang Panginoong Dios.

19 Nang magkagayo'y si Uzzias ay naginit; at siya'y may suuban sa kaniyang kamay upang magsunog ng kamangyan; at habang siya'y nagiinit sa mga saserdote, ang ketong ay lumabas sa kaniyang noo sa harap ng mga saserdote sa bahay ng Panginoon, sa siping ng dambana ng kamangyan,

20 At si Azarias na punong saserdote, at ang lahat ng mga saserdote, ay nagsitingin sa kaniya, at narito, siya'y may ketong sa kaniyang noo, at kanilang itinulak siya na madalian mula roon; oo, siya nama'y nagmadaling lumabas sapagka't sinaktan siya ng Panginoon.

21 At si Uzzias na hari ay nagkaketong hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan, at tumahan sa bahay na bukod dahil sa may ketong: sapagka't siya'y nahiwalay sa bahay ng Panginoon; at si Joatham na kaniyang anak ay katiwala ng bahay ng hari, na humahatol sa bayan ng lupain.

22 Ang iba nga sa mga gawa ni Uzzias, na una at huli, isinulat ni Isaias na propeta, na anak ni Amos.

23 Sa gayo'y natulog si Uzzias na kasama ng kaniyang mga magulang; at inilibing nila siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa parang na libingan na ukol sa mga hari; sapagka't kanilang sinabi, Siya'y may ketong: at si Joatham na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

27 Si Joatham ay may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jerusa na anak ni Sadoc.

At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang amang si Uzzias: gayon ma'y hindi siya pumasok sa templo ng Panginoon, At ang bayan ay gumawa pa ng kapahamakan.

Siya'y nagtayo ng mataas na pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, at sa kuta ng Ophel ay nagtayo siya ng marami.

Bukod dito'y nagtayo siya ng mga bayan sa lupaing maburol ng Juda, at sa mga gubat ay nagtayo siya ng mga palasyo at mga moog.

Siya'y nakipaglaban din naman sa hari ng mga anak ni Ammon, at nanaig laban sa kanila. At ang mga anak ni Ammon ay nagsipagbigay sa kaniya ng taon ding yaon ng isang daang talentong pilak, at sangpung libong karo ng trigo, at sangpung libo ng sebada. Gayon ding karami ang ibinayad ng mga anak ni Ammon sa kaniya sa ikalawang taon naman, at sa ikatlo.

Sa gayo'y si Joatham ay naging makapangyarihan, sapagka't kaniyang inayos ang kaniyang mga lakad sa harap ng Panginoon niyang Dios.

Ang iba nga sa mga gawa ni Joatham, at ang lahat niyang mga pakikipagdigma, at ang kaniyang mga lakad, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel, at sa Juda.

Siya'y may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari, at nagharing labing anim na taon sa Jerusalem.

At si Joatham ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan ni David: at si Achaz na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

28 Si Achaz ay may dalawangpung taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at hindi siya gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, na gaya ni David na kaniyang magulang.

Kundi siya'y lumakad ng mga lakad ng mga hari sa Israel, at iginawa rin naman ng mga larawang binubo ang mga Baal.

Bukod dito'y nagsunog siya ng kamangyan sa libis ng anak ni Hinnom, at sinunog ang kaniyang mga anak sa apoy, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na mga pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

At siya'y naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako, at sa mga burol, at sa ilalim ng bawa't punong kahoy na sariwa.

Kaya't ibinigay ng Panginoon niyang Dios siya sa kamay ng hari sa Siria; at sinaktan nila siya, at tumangay sa kaniya ng isang malaking karamihang bihag, at mga dinala sa Damasco. At siya nama'y nabigay sa kamay ng hari sa Israel na siyang sumakit sa kaniya ng malaking pagpatay.

Sapagka't si Peca na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isang daan at dalawangpung libo sa isang araw, silang lahat ay mga matapang na lalake; sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang.

At pinatay ni Zichri, na makapangyarihang lalake sa Ephraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa bahay, at si Elcana na pangalawa ng hari.

At ang mga anak ni Israel ay nagsipagdala ng bihag sa kanilang mga kapatid na dalawang daang libo, mga babae, mga anak na lalake at babae, at nagsipaglabas din ng maraming samsam na mula sa kanila, at dinala ang samsam sa Samaria.

Nguni't isang propeta ng Panginoon ay nandoon, na ang pangalan ay Obed: at siya'y lumabas na sinalubong ang hukbo na dumarating sa Samaria, at sinabi sa kanila, Narito, sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, ay naginit sa Juda, ay ibinigay niya sila sa inyong kamay, at inyong pinatay sila sa isang pagaalab ng loob na umaabot hanggang sa langit.

10 At ngayo'y inyong inaakalang pasukuin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem na maging pinaka aliping lalake at babae sa inyo: wala ba kayong pagsalangsang sa inyong sarili laban sa Panginoon ninyong Dios?

11 Ngayo'y dinggin nga ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag, na inyong kinuhang bihag sa inyong mga kapatid: sapagka't ang malaking pagiinit ng Panginoon ay dumating sa inyo.

12 Nang magkagayo'y ilan sa mga pangulo sa mga anak ni Ephraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berachias na anak ni Mesillemoth at si Ezechias na anak ni Sallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikipagdigma,

13 At sinabi sa kanila, Huwag kayong magsisipagdala ng mga bihag dito: sapagka't inyong inaakala na magdala sa atin ng pagsalangsang laban sa Panginoon, upang idagdag sa ating mga kasalanan at sa ating mga pagsalangsang: sapagka't ang ating pagsalangsang ay malaki, at may malaking pagiinit laban sa Israel.

14 Sa gayo'y iniwan ng mga lalaking may sakbat ang mga bihag at ang mga samsam sa harap ng mga prinsipe at ng buong kapisanan.

15 At ang mga lalaking nasaysay sa pangalan ay nagsitindig, at kinuha ang mga bihag, at sa samsam ay binihisan ang lahat na hubad sa kanila, at dinamtan at sinapatusan, at mga pinakain at pinainom, at mga pinahiran ng langis, at dinala ang lahat na mahina sa kanila na nakasakay sa mga asno, at mga dinala sa Jerico, na bayan ng mga puno ng palma, sa kanilang mga kapatid: saka nagsibalik sila sa Samaria.

16 Nang panahong yao'y nagsugo ang haring Achaz sa mga hari sa Asiria upang tulungan siya.

17 Sapagka't nagsiparoon uli ang mga Idumeo at sinaktan ang Juda, at dinalang bihag.

18 Nilusob naman ng mga Filisteo ang mga bayan ng mababang lupain, at ang Timugan ng Juda, at sinakop ang Beth-semes, at ang Ajalon, at ang Gederoth, at ang Socho pati ang mga nayon niyaon, at ang Timna pati ang mga nayon niyaon, ang Gimzo man at ang mga nayon niyaon: at sila'y nagsitahan doon.

19 Sapagka't ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Achaz na hari sa Israel; sapagka't hinubaran ang Juda, at sumalangsang na mainam laban sa Panginoon.

20 At si Tilgath-pilneser na hari sa Asiria ay naparoon sa kaniya, at ginipit siya, nguni't hindi siya pinalakas.

21 Sapagka't si Achas ay kumuha ng bahagi sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari at sa mga prinsipe, at ibinigay sa hari sa Asiria: nguni't hindi siya tinulungan.

22 At sa panahon ng kaniyang kagipitan ay lalo pa manding sumalangsang siya laban sa Panginoon, ang hari ring ito na si Achaz.

23 Sapagka't siya'y naghain sa mga dios ng Damasco, na sumakit sa kaniya: at sinabi niya, Sapagka't tinulungan sila ng mga dios ng mga hari sa Siria, kaya't ako'y maghahain sa kanila, upang tulungan nila ako. Nguni't sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.

24 At pinisan ni Achaz ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at pinagputolputol ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon; at siya'y gumawa sa kaniya ng mga dambana sa bawa't sulok ng Jerusalem.

25 At sa bawa't iba't ibang bayan ng Juda ay gumawa siya ng mga mataas na dako upang pagsunugan ng kamangyan sa mga ibang dios, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang.

26 Ang iba nga sa kaniyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel.

27 At si Achaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan, sa Jerusalem; sapagka't hindi nila dinala siya sa mga libingan ng mga hari sa Israel: at si Ezechias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

Roma 13

13 Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios.

Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

Sapagka't ang mga pinuno ay hindi kilabot sa gawang mabuti, kundi sa masama. At ibig mo bagang mawalaan ng takot sa may kapangyarihan? gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan sa kaniya:

Sapagka't siya'y ministro ng Dios sa ikagagaling mo. Datapuwa't kung ginagawa mo ang masama, ay matakot ka; sapagka't hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak: sapagka't siya'y ministro ng Dios, tagapaghiganti sa ikagagalit sa gumagawa ng masama.

Kaya nga't dapat na kayo'y pasakop, hindi lamang dahil sa kagalitan, kundi naman dahil sa budhi.

Sapagka't dahil dito ay nagsisipagbayad naman kayo ng buwis; sapagka't sila'y mga tagapangasiwa ng paglilingkod sa Dios, na nagsisipamahalang walang patid sa bagay na ito.

Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.

Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kanino man, maliban na sa mangagibigan kayo: sapagka't ang umiibig sa kaniyang kapuwa'y nakaganap na ng kautusan.

Sapagka't ito, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mananakim, at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, sa makatuwid baga'y Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili.

10 Ang pagibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa: ang pagibig nga ay siyang katuparan ng kautusan.

11 At ito, yamang nakikilala ang panahon, na ngayo'y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka't ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kay sa nang tayo'y magsisampalataya nang una.

12 Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.

13 Magsilakad tayong mahinhin, gaya ng sa araw; huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa mga pagkakaalit at pagkakainggitan.

14 Kundi bagkus isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon.

Awit 23

23 Ang Panginoon ay aking pastor; hindi ako mangangailangan.

Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan: pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan,

Kaniyang pinapananauli ang aking kaluluwa: pinapatnubayan niya ako sa mga landas ng katuwiran alangalang sa kaniyang pangalan.

Oo, bagaman ako'y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagka't ikaw ay sumasa akin: ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, ay nagsisialiw sa akin.

Iyong pinaghahandaan ako ng dulang sa harap ko sa harapan ng aking mga kaaway: iyong pinahiran ang aking ulo ng langis; ang aking saro ay inaapawan.

Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako'y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man.

Kawikaan 20:11

11 Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa, kung ang kaniyang gawa ay magiging malinis, at kung magiging matuwid.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain