Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 30-31

Ang Paghahanda para sa Paskwa

30 Inanyayahan ni Ezequias ang buong Israel at Juda upang idaos sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Pinadalhan din niya ng sulat ang mga taga-Efraim at Manases. Pinag-usapan(A) ng hari, ng mga pinuno at ng buong kapulungan na idaos ang Paskwa sa ikalawang buwan. Hindi ito naidaos sa takdang panahon sapagkat maraming pari ang hindi pa nakakapaglinis ng sarili ayon sa Kautusan at kaunti lamang ang taong natipon noon sa Jerusalem. Nagkaisa ang hari at ang buong kapulungan sa ganoong panukala. Kaya't ibinalita nila sa buong Israel mula Beer-seba hanggang Dan na kailangang dumalo ang lahat sa Jerusalem upang idaos ang paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ayon sa ulat, ito ang pagtitipong dinaluhan ng pinakamaraming tao. Ganito ang nakasaad sa paanyaya na ipinadala ng hari at ng mga pinuno: “Mga taga-Israel, magbalik-loob kayo kay Yahweh, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Israel upang kalingain niyang muli ang mga nakaligtas sa inyo na di nabihag ng mga hari ng Asiria. Huwag ninyong tularan ang ugali ng inyong mga ninuno at mga kababayan na nagtaksil sa Panginoong Yahweh. Kaya matindi ang parusa sa kanila ng Diyos tulad ng inyong nakikita ngayon. Huwag maging matigas ang ulo ninyo katulad nila. Sa halip, maging masunurin kayo kay Yahweh. Dumulog kayo sa kanyang Templo na inilaan niya para sa kanyang sarili magpakailanman. Paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh upang mapawi ang galit niya sa inyo. Kung manunumbalik kayo sa kanya, ang inyong mga kababayan at kamag-anak na dinalang-bihag sa ibang bansa ay kahahabagan ng mga bumihag sa kanila at pababalikin sila sa lupaing ito. Mahabagin at mapagpala ang Diyos ninyong si Yahweh at tatanggapin niya kayo kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”

10 Pinuntahan ng mga sugo ang lahat ng lunsod sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulun ngunit pinagtawanan lamang sila ng mga ito. 11 Mayroon din namang ilan mula sa Asher, Manases at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem. 12 Ngunit niloob ng Diyos na dumalong lahat ang mga taga-Juda at magkaisa silang sumunod sa utos ng hari at ng mga pinuno nila ayon sa salita ni Yahweh.

Ang Pagdiriwang ng Paskwa

13 Napakaraming pumunta sa Jerusalem noong ikalawang buwan upang ipagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinagsunugan ng mga handog at ng insenso at itinapon ang mga ito sa Libis ng Kidron. 15 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa noong ikalabing apat na araw ng ikalawang buwan. Napahiya ang mga pari at Levita kaya naglinis sila ng sarili at nagdala ng mga handog na susunugin sa Templo ni Yahweh. 16 Muli nilang ginampanan ang dati nilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugong ibinigay sa kanila ng mga Levita. 17 Marami sa kapulungan ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan kaya nagpatay ang mga Levita ng mga korderong pampaskwa upang maging banal ang mga ito para kay Yahweh. 18 Kahit marami ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan, kumain na rin sila ng korderong pampaskwa. Karamihan sa mga ito ay buhat sa Efraim, Manases, Isacar at Zebulun. Gayunman, nanalangin ng ganito si Ezequias para sa kanila: 19 “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno, patawarin po ninyo ang lahat nang sumasamba sa inyo nang buong puso kahit hindi sila nakapaglinis ng sarili ayon sa kautusan.” 20 Pinakinggan ni Yahweh si Ezequias at pinatawad ang mga tao. 21 Pitong araw nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Buong lakas na umawit ng papuri araw-araw ang mga pari at ang mga Levita kay Yahweh. 22 Pinuri ni Haring Ezequias ang mga Levita dahil sa maayos nilang pangangasiwa ng pagsamba kay Yahweh. Pitong araw na ipinagdiwang ng bayan ang kapistahang iyon. Nag-alay sila ng mga handog pangkapayapaan, kumain ng mga handog at nagpuri kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

23 Nagkaisa ang kapulungan na ipagpatuloy ng pitong araw pa ang pista. Kaya, pitong araw pa silang nagsaya. 24 Nagkaloob si Haring Ezequias ng sanlibong toro at pitong libong tupa para sa pagtitipong iyon. Ang mga pinuno naman ay nagkaloob ng sanlibong toro at sanlibong tupa para sa mga tao. Dahil dito, maraming mga pari ang naglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan. 25 Masayang-masaya ang lahat, ang mga mamamayan ng Juda, ang mga pari at ang mga Levita. Gayundin ang lahat ng dumalo buhat sa Israel at ang mga dayuhang nakikipanirahan sa Israel at sa Juda. 26 Noon lamang nagkaroon ng ganoong pagdiriwang sa Jerusalem mula noong panahon ni Solomon na anak ni Haring David ng Israel. 27 Tumayo ang mga pari at ang mga Levita at binasbasan ang mga tao. Ang panalangin nila'y nakaabot sa tahanan ng Diyos sa langit.

31 Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, ang lahat ng Israelitang dumalo ay pumunta sa mga lunsod ng Juda, at pinutol nila ang mga haliging sinasamba at dinurog ang mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. Winasak din nila ang mga sambahan at dambana ng mga pagano. Ginawa rin nila ito sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manases. Pagkatapos ay umuwi na sila sa kanilang mga tahanan.

Pinagpangkat-pangkat muli ni Ezequias ang mga pari at Levita at binigyan ng kanya-kanyang gawain: may para sa handog na susunugin, at may para sa handog na pagkain. Ang iba'y tutulong sa pagdaraos ng pagsamba. Ang iba'y taga-awit ng pagpupuri at pasasalamat at ang iba nama'y mangangasiwa sa mga pintuan ng Templo ni Yahweh. Lahat(B) ng handog na susunugin sa umaga at sa gabi, at sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang panahon ay kaloob ng hari, ayon sa itinakda ng Kautusan. Iniutos(C) ni Ezequias sa mga taga-Jerusalem na ibigay sa mga pari at Levita ang para sa mga ito upang ang buong panahon nila ay maiukol sa kanilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Yahweh. Pagkatanggap ng utos, ang mga Israelita ay nagbigay ng kanilang mga kaloob mula sa pangunahin nilang ani ng trigo, alak, langis at pulot at iba pang bunga ng kanilang bukid. Nagbigay din sila ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang kinita. Ang mga taga-Juda at mga Israelitang naninirahan sa mga lunsod ng Juda ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at lahat ng mga inani sa kanilang lupain. Nagdala rin sila ng napakaraming mga handog na inialay nila kay Yahweh na kanilang Diyos. Nagsimula ang pagdating ng mga kaloob noong ikatlong buwan at nagpatuloy hanggang sa ikapito. Nang makita ni Ezequias at ng kanyang mga pinuno ang dami ng mga kaloob, pinuri nila si Yahweh at pinasalamatan ang buong bayan. Tinanong ni Ezequias ang mga pari at mga Levita tungkol sa napakaraming handog. 10 Ganito ang sagot ni Azarias, ang pinakapunong pari mula sa angkan ni Zadok: “Mula nang magdala ng handog sa Templo ni Yahweh ang mga tao, saganang-sagana kami sa pagkain at marami pang natitira. Nangyari ito dahil sa pagpapala ni Yahweh.”

11 Iniutos ni Ezequias na gumawa ng mga bodega sa Templo, 12 upang doon ilagay ang mga kaloob at mga ikasampung bahagi. Si Conanias na isang Levita ang ginawa nilang katiwala sa lahat ng ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na si Simei. 13 Ang iba pang mga katulong nila ay sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asael, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismaquias, Mahat at Benaias. Pinili sila ni Haring Ezequias at ni Azarias, ang namamahala sa Templo ni Yahweh. 14 Si Korah na anak ni Imna at isang Levita ang bantay sa pintuan sa gawing silangan, ang pinamahala sa pagtanggap at pamamahagi ng mga kusang-loob na handog. Siya ang nagbibigay sa mga pari ng bahagi ng handog ng pasasalamat na para kay Yahweh at ng bahagi ng handog para sa kasalanan na kakainin ng mga pari sa banal na lugar. 15 Ang katulong naman niya sa mga lunsod ng mga pari ay sina Eden, Minyamin, Jeshua, Semaya, Amarias at Secanias. Sila ang namamahagi sa mga kapatid, matanda o bata, ayon sa kanya-kanyang pangkat. 16 Bawat isa'y tumatanggap ng nauukol sa sarili—lahat ng lalaki mula sa gulang na tatlong taon pataas na may pang-araw-araw na tungkulin sa Templo. 17 Ang mga pari ay pangkat-pangkat na inilagay sa kanya-kanyang tungkulin ayon sa kanilang angkan at ang mga Levita namang mula sa dalawampung taon pataas ay ayon sa kanilang tungkulin. 18 Itinalang kasama ng mga pari ang kanilang pamilya sapagkat kailangang maging handa sila anumang oras sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 19 Ang mga pari na naninirahan sa mga lunsod na ibinigay sa angkan ni Aaron, o sa mga bukiring nasa lunsod ng mga ito ay nilagyan din ng mga tagapamahagi ng pagkain para sa lahat ng lalaki sa mga pamilya ng mga pari at sa lahat ng nakatala sa angkan ng mga Levita.

20 Sa buong Juda, ginawa ni Haring Ezequias ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos niyang si Yahweh. 21 Naging matagumpay siya, sapagkat ang lahat ng ginawa niya para sa Templo at sa kanyang pagtupad sa Kautusan, ay ginawa niya nang buong puso at katapatan sa kanyang Diyos.

Roma 15:1-22

Bigyang-kasiyahan ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Tayong malalakas sa paniniwala ay dapat tumulong sa mahihina at huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating isipin. Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa kanyang ikalalakas. Sapagkat(A) maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang binagsakan ng mga pag-alipusta na sa iyo ipinapatama.” Anumang(B) nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus, upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Magandang Balita ay para rin sa mga Hentil

Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, at(C) upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,

“Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
    At aawitan ko ang iyong pangalan.”

10 Sinabi(D) rin,

“Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”

11 At(E) muling sinabi,

“Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,
    lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”

12 Sinabi pa ni Isaias,

“May isisilang sa angkan ni Jesse,
    upang maghari sa mga Hentil;
    siya ang kanilang magiging pag-asa.”

13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo

14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. 15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo. 17 Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos. 18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[a] Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. 21 Subalit(F) tulad ng nasusulat,

“Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.
    Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”

Ang Balak ni Pablong Dumalaw sa Roma

22 Iyan(G) ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo.

Mga Awit 25:1-15

Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan

Katha ni David.

25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
    sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
    at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
    at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
    at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
    sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
    na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
    ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!

Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
    itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
    sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
    sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.

11 Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,
    ang marami kong sala'y iyong patawarin.
12 Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,
    matututo ng landas na dapat niyang lakaran.
13 Ang buhay nila'y palaging sasagana,
    mga anak nila'y magmamana sa lupa.
14 Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,
    ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.

15 Si Yahweh lang ang laging inaasahan,
    na magliligtas sa akin sa kapahamakan.

Mga Kawikaan 20:13-15

13 Matulog ka nang matulog at ika'y maghihirap,
    ngunit maganda ang iyong bukas kung ika'y magsisikap.
14 Ang sabi ng mamimili, “Ang presyo mo'y ubod taas.”
    Ngunit pagtalikod ay ipinamamalitang nakabarat.
15 Ang taong nakakaalam ng kanyang sinasabi,
    daig pa ang may ginto at alahas na marami.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.