Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 18:13-19:37

Kinubkob ni Senaquerib ang Jerusalem(A)

13 Nang ikalabing apat na taon ng paghahari ni Ezequias, sinakop ni Senaquerib na hari ng Asiria ang mga lunsod ng Juda na napapaligiran ng pader. 14 Kaya, si Haring Ezequias ng Juda ay nagpadala ng ganitong mensahe kay Haring Senaquerib ng Asiria na noon ay nasa Laquis, “Nagkamali ako. Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng hingin mo, huwag mo lang kaming sakupin.” Dahil dito, sila'y hiningan ni Senaquerib ng 10,500 kilong pilak at 1,050 kilong ginto. 15 Tinipon ni Ezequias ang lahat ng pilak sa Templo at sa kabang-yaman ng palasyo at ibinigay kay Senaquerib. 16 Pati ang mga gintong nakabalot sa mga pinto ng Templo at sa mga poste sa pintuan ay tinuklap niya at ibinigay din sa hari ng Asiria. 17 Mula sa Laquis, ang heneral, ang pinuno ng mga lingkod at ang pinuno ng mga tagapagbigay-inumin sa hari, kasama ang maraming kawal, ay sinugo ni Haring Senaquerib kay Haring Ezequias sa Jerusalem. Pagdating doon, humanay sila sa may daluyan ng tubig mula sa tangke sa itaas sa may daan papunta sa lugar na pinagtatrabahuhan ng manggagawa ng tela. 18 Nang ipatawag nila ang hari, dumating si Eliakim na anak ni Hilkias at tagapamahala sa palasyo, si Sebna na kalihim ng hari, at si Joa na anak ni Asaf at namamahala sa pagtatago ng mga dokumento.

19 Sinabi sa kanila ng isang opisyal ng Asiria, “Sabihin ninyo kay Ezequias na ipinapatanong ng makapangyarihang hari ng Asiria kung ano ang kanyang ipinagmamalaki. 20 Sabihin din ninyo sa kanya na ang digmaan ay hindi nakukuha sa salita. Sino ba ang kanyang inaasahan at naghihimagsik siya laban sa makapangyarihang hari ng Asiria? 21 Ang Egipto ba na parang baling tungkod na kung hahawakan ay makakasakit? 22 Hindi rin niya maaasahan ang tulong ni Yahweh. Hindi ba't ipinagiba na niya ang mga altar nito? Hindi ba't sinabi niya sa mga taga-Juda na sa altar lamang na nasa Jerusalem dapat sumamba? 23 Kung gusto niya, bibigyan ko pa siya ng dalawang libong kabayo kung may sapat siyang tauhan na sasakay sa mga ito. 24 Kung sa mga karwahe at mangangabayo ng Egipto siya aasa, paano niya malalabanan kahit na ang pinakamahinang kawal ng aming hari? 25 Huwag niyang isiping hindi alam ni Yahweh na ako'y naparito upang wasakin ang Jerusalem. Siya pa nga ang maysabi sa aking salakayin ko ito at wasakin.”

26 Sinabi nina Eliakim, Sebna at Joa sa opisyal ng Asiria, “Nakikiusap kami sa inyo na sa wikang Arameo na lamang ninyo kami kausapin sapagkat naiintindihan din namin ito. Huwag ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo sapagkat nakikinig ang aming mga kababayan na nakatira sa tabi ng pader ng lunsod.”

27 Ngunit sinabi ng opisyal, “Ito'y hindi lamang ipinapasabi ng aming panginoon sa inyo at sa inyong hari kundi pati sa inyong mga kababayan, sapagkat pare-pareho kayong kakain ng inyong dumi at iinom ng inyong ihi.”

28 Tumayo ang opisyal at sumigaw sa wikang Hebreo, “Ipinapasabi sa inyo ng makapangyarihang hari ng Asiria, 29 na huwag ninyong paniwalaan si Ezequias! Hindi niya kayo maipagtatanggol laban sa aming hari. 30 Huwag kayong maniniwala sa kanya kahit sabihin sa inyo na ililigtas kayo ni Yahweh, at ang lunsod na ito ay hindi masasakop ng hari ng Asiria. 31 Huwag ninyong papakinggan si Ezequias. Ipinapasabi pa ng hari ng Asiria na sumuko na kayo at makipagkasundo sa kanya. At makakain ninyo ang bunga ng inyong mga ubasan at mga punong igos. Iinom din kayo ng tubig sa inyong mga balon, 32 hanggang sa mailipat ko kayo sa isang lupaing tulad ng inyong lupain na sagana sa butil at alak, sa tinapay at bungangkahoy sa mga olibo, langis at pulot. Ang piliin ninyo'y buhay at hindi kamatayan. Huwag ninyong paniwalaan si Ezequias kahit sabihin niyang ililigtas kayo ni Yahweh. 33 Mayroon na bang diyos ng alinmang bansa ang nakapagligtas sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria? 34 Ang Samaria ba'y nailigtas ng mga diyos ng Hamat, ng Arpad, ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva nang lusubin ito ng aming hari? 35 Kung ang bayan nila'y hindi nailigtas ng mga diyos na iyon laban sa aming hari, paano ngang maililigtas ni Yahweh ang Jerusalem?”

36 Hindi sumagot kahit isang salita ang mga tao sapagkat iyon ang bilin ni Haring Ezequias. 37 Pinunit nina Sebna, Joa at Eliakim na anak ni Hilkias ang kanilang kasuotan at nagbalik kay Ezequias. Isinalaysay nila sa hari ang sinabi sa kanila ng opisyal ng Asiria.

Sumangguni si Ezequias kay Isaias(B)

19 Nang marinig ni Ezequias ang ipinapasabi ni Haring Senaquerib ng Asiria, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit-sako at pumasok sa Templo. Pinagsuot din niya ng damit-sako si Eliakim na tagapamahala sa palasyo, ang kalihim niyang si Sebna at ang matatandang pari at pinapunta kay propeta Isaias na anak ni Amoz. Ipinasabi niya, “Ngayon ay araw ng kahirapan, kaparusahan at kahihiyan. Para tayong mga batang dapat nang isilang ngunit hindi mailabas sapagkat ang ina nito'y wala nang lakas. Narinig sana ng Diyos mong si Yahweh ang lahat ng sinabi ng opisyal na sinugo ni Haring Senaquerib ng Asiria upang laitin ang Diyos na buháy. Parusahan nawa ni Yahweh na iyong Diyos ang mga lumait sa kanya. Kaya, ipanalangin mo ang mga nalalabi pa sa bayan ng Diyos.”

Pagdating ng mga inutusan ng hari, sinabi ni Isaias sa mga ito, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ipinapasabi ni Yahweh na huwag siyang matakot sa mga panlalait ng hari ng Asiria. Magpapadala si Yahweh ng masamang balita sa hari ng Asiria at ito'y babalik sa kanyang lupain at doon na siya ipapapatay ni Yahweh.”

Muling Nagbanta ang Hari ng Asiria(C)

Umuwi na ang opisyal ng Asiria nang mabalitaan niya na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria. Nang siya'y makabalik, nadatnan niya na sinasalakay nito ang Libna. Dumating noon ang balita sa hari ng Asiria na sila'y lulusubin ni Haring Tirhaka ng Etiopia kaya nagsugo siya uli kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: 10 “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na sa pamamagitan ng pananalig mo sa iyong Diyos ay maliligtas ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. 11 Alam mo naman kung paano natalo ng mga naunang hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makakaligtas sa akin. 12 Nailigtas ba ng kanilang mga diyos ang Gozan, ang Haran, ang Rezef at ang mga taga-Eden sa Telasar na tinalo ng aking mga ninuno? 13 Nasaan ang mga hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena o Iva?”

14 Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo at inilatag ang sulat sa harapan ni Yahweh. 15 Nanalangin(D) si Ezequias ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos sa lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at lupa. 16 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib sa inyo, Diyos na buháy. 17 Alam po namin, Yahweh, na marami nang bansang winasak ang mga hari ng Asiria. 18 Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang iyon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong inanyuan ng mga tao. 19 Kaya ngayon, Yahweh, iligtas po ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang kaisa-isang Diyos.”

Ang Mensahe ni Isaias para kay Haring Ezequias(E)

20 Nagpadala ng sugo si Isaias kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo tungkol sa hari ng Asiria. 21 Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol kay Senaquerib:

‘Pinagtatawanan ka, Senaquerib, ng anak ng Zion;
    kinukutya ka at nililibak!
Inaalipusta ka ng lunsod ng Jerusalem.

22 “‘Sino ba ang iyong nilalait at pinagtatawanan,
    at hinahamak ng iyong pagsigaw?
Hindi mo na ako iginalang,
    ang Banal na Diyos ng Israel!
23 Ang paghamak mo kay Yahweh ay ipinahayag ng iyong mga sugo.
    Ang ipinagmamalaki mo'y maraming karwahe,
na kayang akyatin ang matataas na bundok ng Lebanon.
Pinagpuputol mo ang malalaking sedar
    at mga piling sipres doon;
napasok mo rin ang liblib na lugar,
    makapal na gubat ay iyong ginalugad.
24 Humukay ka ng maraming balon,
    tubig ng dayuhan ay iyong ininom.
Ang lahat ng batis sa bansang Egipto
    ay pawang natuyo nang matapakan mo.

25 “‘Tila hindi mo pa nababalitaan
    ang aking balak noon pa mang araw?
Ang lahat ng iyon ngayo'y nagaganap
    matitibay na lunsod na napapaligiran ng pader,
    napabagsak mong lahat at ngayo'y bunton ng pagkawasak.
26 Ang mga nakatira sa mga nasabing bayan,
    pawang napahiya at ang lakas ay naparam.
Ang kanilang katulad at kabagay
    ay halamang lanta na sumusupling pa lamang,
natuyong damo sa ibabaw ng bubong.

27 “‘Lahat ng ginagawa mo'y aking nalalaman,
    ang pinagmulan mo at patutunguhan.
    Hindi na rin lingid ang iyong isipan,
    alam kong sa akin ika'y nasusuklam.
28 Dahil sa matinding poot mo sa akin,
    at kahambugan mong sa aki'y di lihim,
ang ilong mong iya'y aking tatalian
    at ang iyong bibig, aking bubusalan,
ibabalik kita sa iyong pinagmulan.’”

29 Sinabi ni Isaias, “Haring Ezequias, ito ay magiging isang palatandaan para sa iyo: Sa taóng ito, ang kakainin mo'y bunga ng mga supling ng pinag-anihan. At sa susunod na taon ay mga bunga rin noon. Ngunit sa ikatlong taon, maghasik kayo at mag-ani, magtanim ng ubas at kainin ang mga bunga niyon. 30 At ang mga natirang buháy sa sambahayan ni Juda, ay muling dadami, mag-uugat at mamumunga nang sagana. 31 May makakaligtas sa Jerusalem, may matitirang buháy sa Zion. Sapagkat ito ang gustong mangyari ni Yahweh.”

32 Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makakapasok sa lunsod na ito ni makakatudla kahit isang palaso. Hindi niya ito malulusob ni mapapaligiran. 33 Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lunsod na ito. 34 Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at alang-alang sa aking pangako kay David na aking lingkod.”

35 Nang gabing iyon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at 185,000 kawal ang pinatay nito. Kinabukasan, nang bumangon ang mga hindi napatay, nakita nilang naghambalang ang mga bangkay. 36 Kaya nagmamadaling umuwi sa Nineve si Haring Senaquerib.

37 Minsan, nang si Senaquerib ay nananalangin sa templo ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya sa pamamagitan ng tabak ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer. Pagkatapos, nagtago ang mga ito sa lupain ng Ararat. At si Ezarhadon ang humalili sa kanyang amang si Haring Senaquerib.

Mga Gawa 21:1-17

Ang Pagpunta ni Pablo sa Jerusalem

21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Nang dumating ang araw ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lungsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na.

Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Kinumusta namin ang mga kapatid at tumigil kami doon nang isang araw. Kinabukasan,(A) tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Makalipas(B) ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. 11 Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’”

12 Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot siya, “Ano ang ginagawa ninyo? Sa pag-iyak ninyong iyan ay dinudurog ninyo ang aking puso. Handa ako, hindi lamang magpagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.”

14 Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.”

15 Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus, kung saan kami makikituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya.

Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago

17 Pagdating sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid.

Mga Awit 149

Awit ng Pagpupuri

149 Purihin si Yahweh!

O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,
    purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
    dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
    alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.

Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,
    sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
    sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan.
Papuri(A) sa ating Diyos, ipahayag nang malakas,
    hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas,
    upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan,
    at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.
Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin,
    sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin,
    upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda.
Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala.

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 18:8

Ang tsismis ay masarap pakinggan,
    gustung-gusto ng lahat na pag-uusapan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.