The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Ang Propesiya ni Semaias(A)
11 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ng Juda at Benjamin. Pumili siya ng 180,000 mahuhusay na mandirigma upang salakayin ang sampung lipi ng Israel at ibalik sila sa kanyang kapangyarihan. 2 Ngunit sinabi ni Yahweh kay propeta Semaias: 3 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng Juda at sa lahat ng mga Israelitang taga-Juda at Benjamin, 4 na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag na ninyong salakayin ang inyong mga kapatid. Hayaan na ninyo silang makauwi sa kani-kanilang tahanan. Ako ang may kagustuhan nito.’” Sinunod nga nila ang ipinasabi ni Yahweh. Nag-uwian na sila at hindi na nila dinigma si Jeroboam.
Pinaligiran ng Pader ang mga Lunsod
5 Sa Jerusalem tumira si Rehoboam at pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod na ito sa Juda at Benjamin: 6-10 Bethlehem, Etam, Tekoa, Beth-sur, Soco, Adullam, Gat, Maresa, Zif, Adoraim, Laquis, Azeka, Zora, Aijalon, at Hebron. 11 Pinatibay niya ang kuta ng mga ito, nilagyan ng kani-kanilang pinuno at mga imbakan ng pagkain, langis at alak. 12 Naglagay rin siya ng mga sibat at mga panangga sa mga nasabing lunsod. Pinatibay niyang mabuti ang mga lunsod na ito. Sa ganitong paraan, napanatili niya sa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang Juda at Benjamin.
Pumunta sa Juda ang mga Pari at Levita
13 Nagdatingan ang mga pari at ang mga Levita mula sa lahat ng panig ng Israel upang maglingkod kay Rehoboam. 14 Iniwan nila ang kanilang mga pastulan at mga ari-arian upang manirahan sa Juda at sa Jerusalem sapagkat inalis sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ni Yahweh. 15 Sa(B) halip, naglagay si Jeroboam ng kanyang mga sariling pari para sa mga sagradong burol, sa mga satiro at sa mga rebultong guya na ipinagawa niya. 16 Subalit mula sa lahat ng lipi, may mga tapat na lingkod si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sila ay sumunod sa mga pari at mga Levitang pumupunta sa Jerusalem upang maghandog kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 17 Dahil dito, pinatatag nila ang kaharian ng Juda at pinatibay ang kapangyarihan ni Rehoboam na anak ni Solomon sa loob ng tatlong taon, sapagkat sumusunod sila sa magagandang halimbawa ni David at ni Solomon.
Ang Sambahayan ni Rehoboam
18 Napangasawa ni Rehoboam si Mahalat na anak ni Jerimot at ni Abihail. Anak ni David si Jerimot at si Abihail naman ay anak ni Eliab na anak ni Jesse. 19 Sina Jeus, Semarias at Zaham ang mga anak na lalaki ni Rehoboam kay Mahalat. 20 Napangasawa rin ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom at ang mga anak nila'y sina Abias, Atai, Ziza at Selomit. 21 Mahal na mahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom higit sa iba niyang mga asawa at asawang-lingkod. Labingwalo ang asawa niya at animnapu ang kanyang asawang-lingkod. Dalawampu't walo ang naging anak niyang lalaki at animnapu naman ang mga babae. 22 Sapagkat gusto ni Rehoboam na si Abias ang maging hari pagkamatay niya, inilagay niya itong pinuno at pangunahin sa kanyang mga kapatid. 23 Ipinadala ni Rehoboam ang kanyang mga anak na lalaki sa iba't ibang lugar sa lupain ng Juda at Benjamin, sa mga lunsod na napapaligiran ng pader. Binigyan niya sila ng lahat nilang kailangan at inihanap ng mga asawa.
Nilusob ng Egipto ang Juda(C)
12 Nang maging matatag na ang paghahari ni Rehoboam, tinalikuran niya at ng buong Israel ang Kautusan ni Yahweh. 2 Subalit nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sapagkat hindi sila naging tapat kay Yahweh, sinalakay ni Shishak, hari ng Egipto, ang Jerusalem. 3 Ang hukbo ni Shishak ay binubuo ng 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at di mabilang na mga tauhan pati mga taga-Libya, taga-Sukuim at taga-Etiopia. 4 Nakuha niya ang mga may pader na lunsod ng Juda at nakaabot siya hanggang Jerusalem.
5 Dahil sa pananalakay ni Shishak, ang mga pinuno ng Israel ay nagtipon sa Jerusalem kasama ni Rehoboam. Dumating naman ang propetang si Semaias at sinabi sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak.’”
6 Pagkarinig niyon, nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel at sinabi nila: “Makatarungan si Yahweh.”
7 Nakita ni Yahweh ang kanilang pagpapakumbaba, kaya sinabi niya kay Semaias: “Nagpakumbaba na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak. 8 Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa.”
9 Sinalakay(D) ni Haring Shishak ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem at sinamsam ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Kinuha niya ang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 10 Pinapalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng kalasag na tanso. Pinaingatan niya ang nasabing mga panangga sa pinuno ng mga bantay ng palasyo. 11 Tuwing pupunta sa Templo ang hari, inilalabas nila ang mga kalasag at pagkatapos ay ipinababalik sa silid ng mga bantay. 12 Sapagkat nagpakumbaba si Rehoboam, hindi ganap na ibinuhos ng Diyos ang galit nito sa kanya. Hindi sila nalipol nang tuluyan at naging matiwasay na ang kalagayan ng Juda.
Ang Buod ng Kasaysayan ng Paghahari ni Rehoboam
13 Naging matatag ang paghahari ni Rehoboam sa Jerusalem. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang magsimulang maghari at labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Yahweh sa lahat ng lipi ng Israel upang doon siya sambahin. Ang kanyang ina ay si Naama, na isang Ammonita. 14 Naging masama siya sapagkat hindi niya sinunod ang kalooban ni Yahweh.
15 Ang mga ginawa ni Rehoboam buhat sa simula hanggang sa wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Semaias at sa Kasaysayan ng propetang si Iddo. Patuloy ang digmaan nina Jeroboam at Rehoboam sa buong panahon ng paghahari nila. 16 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lunsod ni David at si Abias na anak niya ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Digmaan nina Abias at Jeroboam(E)
13 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda. 2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Micaias na anak ni Uriel na taga-Gibea.
Nagkaroon ng digmaan sina Jeroboam at Abias. 3 Ang hukbo ni Abias ay binubuo ng 400,000 kawal, samantalang ang kay Jeroboam naman ay 800,000. 4 Humanay ang hukbo ni Abias sa may bulubundukin ng Efraim, sa taluktok ng Bundok Zemaraim. Mula roo'y sumigaw siya: “Makinig kayo, Jeroboam at buong bayang Israel! 5 Hindi ba ninyo alam na pinagtibay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa isang kasunduang hindi maaaring sirain, na si David at ang kanyang mga anak ang maghahari sa Israel magpakailanman? 6 Ngunit si Jeroboam na anak ni Nebat at dating alipin ni Solomon na anak ni David ay naghimagsik laban sa kanyang haring si Solomon. 7 Mga walang-hiya at tampalasang tao ang sumama sa kanya. Hindi nila kinilala si Rehoboam na anak ni Solomon. Palibhasa'y bata pa noon at walang karanasan si Rehoboam, kaya't wala siyang nagawa.
8 “Ngayo'y ibig ninyong labanan ang kaharian ni Yahweh na ibinigay niya sa mga anak ni David, palibhasa'y marami kayo at mayroon kayong mga guyang ginto na ipinagawa ni Jeroboam para sambahin ninyo. 9 Hindi ba't pinalayas ninyo ang mga pari ni Yahweh, ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita? At gumaya kayo sa ibang mga bansa sa pagpili ng mga pari? Ngayon, sinumang lumapit na may dalang handog na isang batang toro at pitong lalaking tupa ay pinapayagan na ninyong maging pari ng mga diyus-diyosan. 10 Ngunit para sa amin, si Yahweh pa rin ang aming Diyos at hindi namin siya itinakwil. Ang aming mga pari ay pawang mga anak ni Aaron at ang mga katulong nila sa paglilingkod kay Yahweh ay ang mga Levita. 11 Araw-gabi ay nag-aalay sila kay Yahweh ng mga handog na susunugin at insenso. Nag-aalay sila ng handog na tinapay sa harapan niya sa ibabaw ng inihandang mesang yari sa lantay na ginto. At gabi-gabi'y nagsisindi sila ng mga ilawang nasa gintong patungan. Sinusunod namin ang utos ni Yahweh, subalit itinakwil ninyo siya. 12 Kaya kasama namin siya sa labanang ito. Siya ang aming pinuno at kasama rin namin ang kanyang mga pari na dala ang kanilang mga trumpeta na handang hipan sa pakikipaglaban sa inyo. Bayang Israel, huwag ninyong kalabanin si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”
13 Nagsugo si Jeroboam ng pangkat sa likuran ng kalaban upang lihim na sumalakay roon. Samantala, ang karamihan ng hukbo niya ay kaharap ng hukbo ng Juda. 14 Nang lumingon ang mga ito, nakita nilang may kalaban sila sa harapan at sa likuran. Humingi sila ng tulong kay Yahweh at hinipan ng mga pari ang kanilang mga trumpeta. 15 Sumigaw ang hukbo ng Juda at sa sandaling iyon, tinalo ng Diyos si Jeroboam at ang buong hukbo ng Israel sa harap ni Abias at ng Juda. 16 Tumakas ang hukbo ng Israel sa Juda at itinulot ng Diyos na masakop sila ng Juda. 17 Nagtagumpay sina Abias. May 500,000 mahuhusay na kawal ng Israel ang napatay. 18 Mula noon, ang Israel ay nasakop ng Juda. Ito'y dahil sa pagtitiwala ng Juda kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 19 Tinugis ni Abias si Jeroboam, at nasakop niya ang mga lunsod ng Bethel, Jesana at Efron, pati ang mga nayon nito. 20 Sa panahon ng paghahari ni Abias, hindi na nakabawi si Jeroboam hanggang sa patayin siya ni Yahweh. 21 Naging makapangyarihan si Abias. Labing-apat ang kanyang asawa, at ang mga naging anak niya'y dalawampu't dalawang lalaki at labing-anim na babae. 22 Ang iba pang ginawa at sinabi ni Abias ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Iddo.
26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat, kaya't ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, at dumaraing sa paraang hindi natin kayang sambitin. 27 At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, ayon sa kalooban ng Diyos.
28 Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya,[a] silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging katulad ng kanyang Anak. Sa gayon, siya ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. 30 Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian.
Ang Pag-ibig ng Diyos
31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? 34 Sino ang hahatol upang sila'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, at ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin? 35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? 36 Ayon(A) sa nasusulat,
“Dahil sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.”
37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol,
di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol.
38 Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay;
sa paanan ko'y bagsak sila at talunan.
39 Pinapalakas mo ako para sa labanan,
at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
40 Mga kaaway ko'y pinapaatras mo,
mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko.
41 Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong,
tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon.
42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad
sa pinong alikabok na ipinapadpad;
aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
nanginginig papalabas sa kanilang muog.
46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat!
Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48 at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.
Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(A) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin,
ang iyong pangalan, aking sasambahin.
50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.
27 Ang anak na ayaw makinig sa pangaral
ay tumatalikod sa turo ng kaalaman.
28 Ang saksing sinungaling ay sumisira sa takbo ng katarungan,
ang bibig ng liko ay nagbubunga ng kasamaan.
29 May hatol na nakalaan para sa mga mapanuya,
at sa mga mangmang ay may hagupit na nakahanda.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.