Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 20:1-22:2

Nagkasakit si Ezequias(A)

20 Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Haring Ezequias. Dinalaw siya ng propetang si Isaias na anak ni Amoz at sinabi sa kanya, “Ipinapasabi ni Yahweh na ayusin mo na ang iyong kaharian sapagkat malapit ka nang mamatay. Hindi ka na gagaling sa sakit mong iyan.”

Humarap si Haring Ezequias sa dingding at nanalangin kay Yahweh, “Alalahanin po sana ninyo, Yahweh, na namuhay akong tapat sa inyo. Buong puso ko pong ginawa ang lahat ng bagay ayon sa iyong kagustuhan.” At buong kapaitang umiyak si Ezequias.

Hindi pa nakakalayo si Isaias sa gitnang bulwagan ng palasyo nang sabihin sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka. Sabihin mo kay Ezequias, ang hari ng aking bayan, ‘Narinig ko ang iyong panalangin at nakita ko ang iyong pagluha. Kaya, pagagalingin kita. Sa ikatlong araw, makakapasok ka na sa Templo. Mabubuhay ka pa ng labinlimang taon. Hindi lamang iyan, ililigtas pa kita at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at sa aking pangako kay David na aking lingkod.’”

Pagbalik ni Isaias kay Ezequias, iniutos niya sa mga katulong ng hari na tapalan ng katas ng igos ang bukol ng hari upang ito'y gumaling. Ginawa nga nila iyon at siya'y gumaling.

Itinanong ni Ezequias kay Isaias, “Ano ang palatandaan na pagagalingin ako ni Yahweh at makakapasok na ako sa Templo pagkalipas ng tatlong araw?”

Sumagot si Isaias, “Alin ang mas gusto mong palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh: ang aninong bumababa o umaakyat ng sampung baytang?”

10 Sumagot si Ezequias, “Madali sa anino ang umakyat kaysa bumabâ ng sampung baytang. Pababain mo ito ng sampung baytang.”

11 Nanalangin si Isaias kay Yahweh at ang anino'y bumabâ ng sampung baytang sa hagdanang inilagay ni Ahaz.

Dinalaw si Ezequias ng mga Sugo ng Hari sa Babilonia(B)

12 Nabalitaan ni Merodac-Baladan, hari ng Babilonia at anak ni Baladan, na may sakit si Ezequias kaya sinulatan niya ito at pinadalhan ng regalo. 13 Ang mga sugo ni Merodac-Baladan ay malugod namang tinanggap ni Ezequias. Ipinakita pa niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian: ang mga pilak, ginto, pabango, mamahaling langis, ang kanyang mga kasangkapang pandigma at lahat ng nasa kanyang taguan; wala siyang hindi ipinagmalaki sa kanila.

14 Pagkatapos, nilapitan siya ng propetang si Isaias at tinanong, “Tagasaan ba sila at ano ang sinabi nila sa iyo?”

“Galing sila sa isang malayong lupain, sa Babilonia,” sagot ni Ezequias.

15 “Ano ba ang nakita nila sa iyong palasyo?” tanong uli ni Isaias.

“Ipinakita ko sa kanila ang lahat ng narito. Wala akong inilihim,” sagot ni Ezequias.

16 Sinabi ni Isaias, “Pakinggan mo itong ipinapasabi ni Yahweh: 17 ‘Darating(C) ang araw na ang lahat ng nasa palasyo mo, pati ang tinipong kayamanan ng iyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia. Walang maiiwan dito. 18 Pati(D) ang ilan sa iyong mga anak na lalaki ay kukunin at gagawing mga eunuko sa palasyo ng hari ng Babilonia.’”

19 Sinabi ni Ezequias, “Maganda naman pala ang ipinapasabi ni Yahweh sa akin.” Sinabi niya iyon dahil ang akala niya ay mananatili ang kapayapaan at katiwasayan habang siya'y nabubuhay.

Ang Pagkamatay ni Ezequias(E)

20 Ang iba pang ginawa ni Ezequias, pati ang pagpapagawa ng tipunan at daanan ng tubig papunta sa lunsod ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 21 Namatay siya at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Manases sa Juda(F)

21 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Hefziba. Hindi(G) rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Itinayo niyang muli ang mga dambana sa mga burol na ipinagiba ng ama niyang si Ezequias. Ipinagpagawa pa niya ng altar si Baal at ng rebulto si Ashera tulad ng ginawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba rin si Manases sa mga bituin sa langit. Nagpagawa(H) pa siya ng maraming altar sa Templo sa Jerusalem, ang lugar na pinili ni Yahweh na kung saan siya'y dapat sambahin. Sa dalawang bulwagan sa Templo, nagpagawa siya ng tig-isang altar para sa pagsamba sa mga bituin. Sinunog rin niya ang anak niyang lalaki bilang handog. Sumangguni siya sa iba't ibang espiritu, sa mga salamangkero, sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na at sa mga manghuhula. Napakalaki ng kasamaang ginawa niya laban kay Yahweh kaya ito'y nagalit sa kanya. Ang(I) ipinagawa niyang rebulto ni Ashera ay ipinasok niya sa Templong tinutukoy ni Yahweh nang sabihin nito kina David at Solomon: “Sa Templong ito at sa Jerusalem na aking pinili mula sa labindalawang lipi ng Israel, ang lugar na ito ay pinili ko upang ako'y sambahin magpakailanman. Pananatilihin ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno kung susundin nila ang mga utos na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng aking lingkod na si Moises.” Ngunit hindi sila nakinig, sa halip ay sumunod sila kay Manases sa paggawa ng mga bagay na higit na masama sa ginawa ng mga bansang ipinataboy sa kanila ni Yahweh.

10 Sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ni Yahweh ay sinabi niya, 11 “Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, na higit pa sa kasamaan ng mga Amoreo, at dahil sa pangunguna niya sa Juda upang sumamba sa mga diyus-diyosan, 12 paparusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Mababalitaan ito ng mga iba at sila'y kikilabutan. 13 Paparusahan ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa sambahayan ni Ahab. Aalisin ko ang mga tao sa Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan. Pupunasan ko ito at pagkatapos ay itataob. 14 Itatakwil ko ang matitirang buháy sa kanila at ipapasakop sa kanilang mga kaaway. 15 Gagawin ko ito dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno sa kamay ng mga Egipcio.”

16 Bukod sa pangunguna sa Juda sa paggawa ng mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh, napakarami pang taong walang sala ang ipinapatay ni Manases at halos napuno ng dugo ang mga lansangan sa Jerusalem.

17 Ang iba pang ginawa ni Manases, pati ang kanyang kasamaan, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 18 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, ang hardin ni Uza. Ang anak niyang si Ammon ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(J)

19 Dalawampu't dalawang taóng gulang si Ammon nang maging hari ng Juda at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na anak ni Haruz, isang taga-Jotba. 20 Katulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin ni Ammon ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 21 Tulad ng kanyang ama, naglingkod at sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan, 22 tinalikuran niya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at sinuway ang mga utos nito.

23 Ang mga tauhan niya mismo ang nagkaisang pumaslang sa kanya sa loob ng palasyo. 24 Ngunit ang mga ito ay pinatay naman ng mga taong-bayan. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.

25 Ang iba pang ginawa ni Ammon ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 26 Inilibing si Ammon sa halamanan ni Uza at ang anak niyang si Josias ang humalili sa kanya bilang hari.

Si Haring Josias ng Juda(K)

22 Si(L) Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Jedida na anak ni Adaya na taga-Boskat. Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang halimbawa ng ninuno niyang si David na buong katapatang sumunod sa mga utos ng Diyos.

Mga Gawa 21:18-36

18 Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga matatandang pinuno ng iglesya. 19 Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod.

20 Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. 21 May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. 22 Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Ito(A) ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata, 24 isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. 25 Tungkol(B) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng liham sa kanila kung saan sinabi namin ang aming pasya. Sinabi naming huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.”

26 Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagdakip kay Pablo

27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at inudyukan ang mga tao. 28 “Mga kababayan, tulungan ninyo kami!” sigaw nila. “Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templong ito. Bukod pa diyan, nagsama pa siya ng mga Hentil sa loob ng Templo, at nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Ganoon(C) ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo.

30 Nagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang pintuan. 31 Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya't nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo. 33 Lumapit ang pinuno, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa?” tanong niya.

34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao. Dahil sa sobrang gulo ng mga tao, hindi maunawaan ng pinuno kung ano talaga ang nangyari, kaya't ipinadala niya si Pablo sa himpilan. 35 Pagdating nila sa hagdanan, si Pablo'y binuhat na ng mga kawal sapagkat naging marahas ang mga tao 36 na sumusunod sa kanila at sumisigaw, “Patayin siya!”

Mga Awit 150

Purihin si Yahweh

150 Purihin si Yahweh!

Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,
    purihin sa langit ang lakas na taglay!
Siya ay purihin sa kanyang ginawa,
    siya ay purihin, sapagkat dakila.

Purihin sa tugtog ng mga trumpeta,
    awitan sa saliw ng alpa at lira!
Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,
    mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!
Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,
    sa lakas ng tugtog siya'y papurihan.
Purihin si Yahweh lahat ng nilalang!

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 18:9-10

Ang taong batugan ay sinsama ng taong mapanira.
10 Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan,
    kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.