Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 4:1-6:11

Mga Kasangkapan sa Bulwagan ng Templo(A)

Gumawa(B) siya ng isang altar na tanso na siyam na metro ang haba, siyam na metro din ang luwang, at apat at kalahating metro ang taas. Gumawa rin siya ng malaking ipunan ng tubig na yari sa tanso. Ito'y isang malaking kawa, apat at kalahating metro ang luwang ng labi, dalawa't kalahating metro naman ang lalim at labingtatlo't kalahating metro ang sukat pabilog. Sa gilid nito'y may palamuting hugis toro na nakapaikot, sampu sa bawat apat at kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na hinulma kasama ng kawa. Ang patungan ng lalagyang ito ay labindalawang torong magkakatalikod: tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, tatlo sa kanluran at tatlo sa silangan. Tatlong pulgada ang kapal ng kawa at ang labi nito'y hugis kopa, parang bulaklak na liryo. Maaaring maglaman ito ng tatlong libong baldeng tubig. Nagpagawa(C) rin siya ng sampung palangganang hugasan, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Doon nililinis ang mga handog na susunugin at sa malaking kawa naman naghuhugas ang mga pari.

Gumawa(D) rin siya ng sampung ilawang ginto, katulad ng ipinagawa ni Yahweh kay Moises. Ipinalagay naman niya ang mga ilawang ito sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Pagkatapos,(E) nagpagawa siya ng sampung hapag at ipinalagay rin sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa gawing kaliwa. Nagpagawa rin siya ng sandaang mangkok na ginto.

Gumawa rin siya ng bulwagan ng mga pari, at ng bulwagang malaki, pati ng mga pinto nito. Ang mga pintong ito ay binalot niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang malaking kawa sa gawing kanan sa dakong timog-silangang sulok ng Templo. 11 Gumawa rin si Huram ng mga lalagyan ng abo, mga pala at mga kalderong sahuran ng dugo.

Tinapos nga ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa Templo ng Diyos: 12 ang dalawang haliging tanso, ang hugis mangkok na nasa itaas ng mga haligi at ang dalawang hanay ng palamuti na parang lambat na nakapaligid dito; 13 ang apatnaraang granadang tanso na dalawang hanay ang pagkakabit sa mga palamuting hugis mangkok sa itaas ng mga haligi; 14 ang sampung palanggana at ang sampung patungan ng mga ito; 15 ang malaking kawang tanso at ang labindalawang rebultong toro na kinapapatungan nito; 16 ang mga lalagyan ng abo, mga pala at mga pantusok at iba pang kasangkapan. Ang mga kasangkapang ito na yari lahat sa makinis na tanso ay ginawa ni Huram para sa Templo ni Yahweh ayon sa utos ni Haring Solomon. 17 Ipinahulma ng hari ang lahat ng ito sa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zereda. 18 Sa dami ng mga kagamitang ito na ipinagawa ni Solomon, hindi na matiyak ang kabuuang timbang ng ginamit na tanso.

19 Ipinagawa rin ni Solomon ang mga kasangkapan sa loob ng Templo ng Diyos: ang altar na ginto, ang mga mesa para sa tinapay na handog; 20 ang mga ilawang lantay na ginto, pati ang mga ilawang dapat sindihan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, ayon sa Kautusan; 21 ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga sipit na pawang gintong lantay; 22 ang mga pampatay ng ilaw, mga palanggana, mga lalagyan ng insenso at mga lalagyan ng baga ay pawang lantay na ginto. Pati ang mga pinto ng Templo, at ng Dakong Kabanal-banalan ay balot din ng ginto.

Nang(F) matapos na ang lahat ng ipinagawa ni Solomon para sa Templo, ipinasok niya sa kabang-yaman ng Templo ang lahat ng bagay na inilaan para dito ng kanyang amang si David: ginto, pilak, mga lalagyan at iba pang kagamitan.

Dinala sa Templo ang Kaban ng Tipan(G)

Pinulong(H) ni Solomon sa Jerusalem ang matatandang pinuno ng Israel, ang lahat ng pinuno ng mga lipi at ng mga angkan upang kunin sa Zion, sa Lunsod ni David, ang Kaban ng Tipan. Kaya't nagtipun-tipon ang kalalakihan ng Israel noong ikapitong buwan, Pista ng mga Tolda. Pagdating ng pinuno ng Israel, binuhat ng mga Levita ang Kaban ng Tipan at dinala sa Templo. Ipinasok din ng mga pari at ng mga Levita ang Toldang Tipanan pati ang mga banal na kagamitan nito sa loob ng Templo.

Pagkatapos, si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagkakatipon sa harap ng kaban ay naghandog ng mga baka at mga tupa na sa dami ay hindi na mabilang. At ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan. Inilagay nila ito sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Ang mga pasanan ay lampas sa magkabilang dulo ng Kaban at nakikita ito mula sa Dakong Kabanal-banalan. Ngunit hindi ito nakikita sa labas. Ganito pa rin ang ayos ng lahat ng iyon hanggang ngayon. 10 Walang(I) laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai.[a] Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa Egipto.

Ang Kaluwalhatian ni Yahweh

11 Ang lahat ng paring naroon, kahit na iba't ibang pangkat ay naghanda ng kani-kanilang sarili sa paglilingkod. At paglabas nila mula sa Templo, 12 nakatayo naman sa gawing silangan ng altar ang mga mang-aawit na Levita: sina Asaf, Heman at Jeduthun, kasama ang kanilang mga anak at mga kapatid. Nakadamit sila ng mamahaling lino at tumutugtog ng pompiyang, alpa at lira, kasaliw ng mga trumpeta na hinihipan ng 120 pari. 13 Ang(J) (K) mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat kay Yahweh. Sa saliw ng mga trumpeta, pompiyang at iba pang mga instrumento ay inaawit nila ang ganito: “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” At ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay napuno ng ulap. 14 Kaya't ang mga pari'y hindi nakatagal sa loob upang maglingkod. Napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang buong Templo.

Binasbasan ni Solomon ang Buong Israel(L)

Sinabi noon ni Solomon:

“Sinabi ninyo, Yahweh, na ibig ninyong manirahan sa makapal na ulap.
Ipinagtayo ko kayo ng isang maringal na bahay,
    isang lugar na titirhan ninyo magpakailanman.”

Pagkatapos ay humarap ang hari at binasbasan ang buong sambayanang Israel. Sinabi(M) niya: “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon: ‘Mula nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayan hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa mga lipi ng Israel upang ipagtayo ako roon ng isang Templo kung saan ako'y sasambahin. Hindi pa rin ako pumipili ng sinuman upang mamuno sa Israel. Ngunit pinili ko ang Jerusalem upang doon ako sambahin at hinirang ko si David upang mamuno sa aking bayang Israel.’

“Binalak ni David na aking ama na ipagtayo ng templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang doon siya sambahin. Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Mabuti ang binabalak mong magtayo ng isang Templo para sa akin. Subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon, kundi ang isa sa magiging anak mo.’

10 “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at ngayo'y nakaupo ako sa trono ng Israel gaya ng pangako ni Yahweh. Naitayo ko na ang Templo kung saan ay sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 11 Nailagay ko na roon ang Kaban ng Tipan na kinalalagyan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa sambayanang Israel.”

Roma 7:1-13

Wala na sa Ilalim ng Kautusan

Mga kapatid, ako'y nagsasalita sa inyo na mga nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao'y nasasakop lamang ng batas habang siya'y nabubuhay. Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon. Kaya nga, siya'y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos. Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa mga bahagi ng ating katawan na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi ayon sa lumang batas na nakasulat, kundi ayon sa bagong buhay ng Espiritu.

Ang Kautusan at ang Kasalanan

Ang(A) ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung paano pagnasaan ang pag-aari ng iba kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnasaan ang pag-aari ng iba.” Ngunit dahil sa utos, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang Kautusan. Noong una, namuhay ako nang walang Kautusan. Subalit nang dumating ang utos, nabuhay ang kasalanan 10 at ako'y namatay. Ang utos na dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat(B) kinasangkapan ng kasalanan ang utos upang ako'y dayain, at sa gayon ay napatay nga ako ng kasalanan.

12 Kaya nga, ang Kautusan ay banal, at ang bawat utos ay banal, matuwid at mabuti. 13 Ang ibig bang sabihin nito'y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama.

Mga Awit 17

Panalangin ng Isang Walang Sala

Panalangin ni David.

17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
    dinggin mo ako sa aking kahilingan;
    dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
Hahatol ka para sa aking panig,
    pagkat alam mo kung ano ang matuwid.

Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
    kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
    Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
    walang kasamaan maging sa aking bibig.
Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
    tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
    ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
    hindi ako lumihis doon kahit kailan.

Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
    kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
    at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.

Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
    at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
    mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.

Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
10     mayayabang magsalita, suwail at matatapang;
11 saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan,
    naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal.
12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,
    mga batang leon na nakahandang sumagpang.

13 Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan,
    sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban!
14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang, sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.
Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,
    pati mga anak nila ay labis mong pahirapan
    at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay!

15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
    at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.

Mga Kawikaan 19:22-23

22 Kaibig-ibig sa isang tao ang kanyang katapatan,
    higit na mainam ang mahirap kaysa isang bulaan.
23 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay,
    ang gumawa nito'y makakaranas ng kapayapaan, at ligtas sa kapahamakan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.