The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
18 Matatapang ang mga kawal ng mga lipi nina Ruben at Gad, gayundin ng kalahating lipi ni Manases. Sila'y mga sanay na mandirigma; bihasa sa paggamit ng kalasag, tabak, at pana. Binubuo sila ng 44,760 kawal. 19 Nakipagdigma sila laban sa mga Hagrita, Jetur, Nafis at Nodab. 20 Nagtitiwala sila sa Diyos at laging nananalangin sa kanya. Dinirinig naman sila at laging tinutulungan. Dahil dito'y nalupig nila ang kanilang mga kaaway. 21 Ito ang nasamsam nilang hayop: 50,000 kamelyo, 250,000 tupa at 2,000 asno. May 100,000 kawal naman ang kanilang nabihag. 22 Marami silang napatay sa kanilang mga kaaway, sapagkat ang Diyos ang nanguna sa kanila. Patuloy silang nanirahan sa lupaing iyon hanggang sa sila'y dalhing-bihag sa ibang bansa.
Kalahati ng Lipi ni Manases
23 Ang kalahating lipi ni Manases ay napakarami. Kumalat sila sa iba't ibang lupain mula sa Bashan, Baal-hermon, Senir hanggang sa Bundok ng Hermon. 24 Ito ang mga pinuno ng kanilang mga angkan: sina Efer, Isi, Eliel, Azriel, Jeremias, Hodavias at Jahdiel. Sila'y magigiting na mandirigma at mga tanyag na pinuno ng kani-kanilang angkan.
25 Ngunit ang mga liping ito ay hindi nanatiling tapat sa Diyos ng kanilang mga ninuno. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan ng mga bansang pinalayas ng Diyos. 26 Kaya't(A) inudyukan ng Diyos ng Israel si haring Pul ng Asiria, na tinatawag ding Tiglat-Pileser, na salakayin ang Israel. Binihag nito ang mga Rubenita, Gadita at ang kalahating lipi ni Manases. Dinala sila sa Hala, Habor, Hara at sa tabi ng Ilog Gozan.
Ang Lipi ng mga Pinakapunong Pari
6 Ang mga anak ni Levi ay sina Gersom, Kohat at Merari. 2 Ang mga anak naman ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel. 3 Ang mga anak ni Amram ay sina Aaron, Moises at Miriam. Mga anak naman ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. 4 Anak naman ni Eleazar si Finehas na ama ni Abisua. 5 Anak ni Abisua si Buki na ama ni Uzi. 6 Anak naman ni Uzi si Zerahias na ama ni Meraiot. 7 Anak ni Meraiot si Amarias na ama ni Ahitob. 8 Anak ni Ahitob si Zadok na ama ni Ahimaaz. 9 Anak ni Ahimaaz si Azarias na ama ni Johanan. 10 Anak naman ni Johanan si Azarias, ang paring naglingkod sa Templong itinayo ni Solomon sa Jerusalem. 11 Anak naman ni Azarias si Amarias na ama naman ni Ahitob. 12 Anak ni Ahitob si Zadok na ama ni Sallum. 13 Anak ni Sallum si Hilkias na ama naman ni Azarias. 14 Anak ni Azarias si Seraya na ama ni Jehozadak. 15 Si Jehozadak ay nakasama nang ipatapon ni Yahweh ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ni Nebucadnezar.
Iba pang Angkan ni Levi
16 Ang(B) mga anak ni Levi ay sina Gersom, Kohat at Merari. 17 Anak ni Gersom sina Libni at Simei. 18 Mga anak ni Kohat sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel. 19 Ang kay Merari naman ay sina Mahli at Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa kanilang mga magulang.
20 Anak ni Gershon si Libni na ama ni Jahat na ama ni Zima. 21 Anak ni Zima si Joah na ama naman ni Iddo, na ama ni Zara na ama ni Jeatrai.
22 Anak ni Kohat si Aminadab na ama ni Korah na ama ni Asir. 23 Anak ni Asir si Elkana na ama ni Ebiasaf na ama ni Asir. 24 Anak ni Asir si Tahat na ama ni Uriel, ama ni Uzias na ama ni Shaul.
25 Anak naman ni Elkana sina Amasai at Ahimot. 26 Anak ni Ahimot si Elkana na ama ni Zofar na ama ni Nahat. 27 Anak naman ni Nahat si Eliab na ama ni Jeroham na ama ni Elkana na ama ni Samuel.
28 Dalawa ang anak ni Samuel. Si Joel ang panganay at si Abija ang pangalawa.
29 Anak ni Merari si Mahli na ama ni Libni na ama ni Simei na ama ni Uza. 30 Anak naman ni Uza si Simea na ama ni Hagia na ama ni Asaya.
Ang mga Mang-aawit sa Templo
31 Ito ang mga lalaking pinamahala ni David sa mga awitin sa Templo ni Yahweh mula nang dalhin doon ang Kaban ng Tipan. 32 Ginampanan nila ito ayon sa mga tuntuning itinakda ang kanilang mga tungkulin sa tabernakulo ng Toldang Tipanan, hanggang sa itayo ni Solomon ang Templo sa Jerusalem. 33 Ito ang mga angkan na nagsipaglingkod: sa angkan ni Kohat ay kabilang ang tagapangunang si Heman na anak ni Joel na anak ni Samuel. Si Samuel ay 34 anak ni Elkana na apo ni Jeroham na anak ni Eliel na anak ni Toah. Si Toah ay 35 anak ni Zuf na anak ni Elkana na anak ni Mahat na anak ni Amasai. Si Amasai ay 36 anak ni Elkana na anak ni Joel na anak ni Azarias na anak ni Zefanias. Si Zefanias ay 37 anak ni Tahat na anak ni Asir na anak ni Ebiasaf na anak ni Korah. Si Korah ay 38 anak ni Izar na anak ni Kohat na anak ni Levi na anak ni Israel. 39 Nasa gawing kanan ni Heman ang ikalawang koro, ang pangkat ng kapatid niyang si Asaf na anak ni Berequias na anak ni Simea. 40 Si Simea ay anak ni Micael na anak ni Baaseias na anak ni Malquias. Si Malquias ay 41 anak ni Etni na anak ni Zera na anak ni Adaias. Si Adaias ay 42 anak ni Etan na anak ni Zima na anak ni Simei. Si Simei ay 43 anak ni Jahat na anak ni Gershon na anak ni Levi. 44 Nasa gawing kaliwa naman ni Heman ang angkan ni Merari, sa pangunguna ni Etan na anak ni Quisi na anak ni Abdi na anak ni Malluc. Si Malluc ay 45 anak ni Hashabias na anak ni Amazias na anak ni Hilkias. Si Hilkias ay 46 anak ni Amzi na anak ni Bani na anak ni Semer. Si Semer ay 47 anak ni Mahli na anak ni Musi na anak ni Merari na anak ni Levi. 48 Ang kanilang mga kapatid na Levita naman ang inatasan sa iba pang gawain sa Templo.
Ang Angkan ni Aaron
49 Si Aaron naman at ang kanyang mga anak ang nangangasiwa sa pag-aalay sa altar ng mga handog na susunugin at sa altar ng insenso; sa gawain sa Dakong Kabanal-banalan at sa pagtubos sa kasalanan ng Israel, ayon sa iniutos ni Moises na lingkod ng Diyos. 50 Ito ang mga sumunod pang angkan ni Aaron: Si Eleazar na ama ni Finehas na ama naman ni Abisua; 51 si Buki na ama ni Uzi na ama ni Zerahias; 52 si Meraiot na ama ni Amarias na ama ni Ahitob; 53 at si Zadok na ama ni Ahimaaz.
Ang mga Lunsod ng mga Levita
54-55 Ang mga lugar na inilaan para sa angkan ni Aaron sa angkan ni Kohat ay ang Hebron sa Juda at ang mga pastulan sa paligid nito. Sila ang binigyan ng unang bahagi ng lupaing itinalaga para sa mga Levita. 56 Ang mga bukirin naman ng lunsod at mga nayong sakop nito ay ibinigay kay Caleb na anak ni Jefune. 57 Ibinigay sa mga sumunod na salinlahi ni Aaron ang mga lunsod-kanlungan: ang Lunsod ng Hebron, Libna at ang mga pastulan nito; ang Jatir at Estemoa at ang mga pastulan ng mga ito; 58 ang Hilen at Debir at ang mga pastulan ng mga ito; 59 ang Asan at Beth-semes at ang mga pastulan ng mga ito. 60 Ang ibinigay naman sa lipi ni Benjamin ay ang Geba, Alemet at Anatot, kasama ang mga pastulan sa paligid nito. Labingtatlong lunsod ang nakuha ng kanilang angkan.
61 Sampung lunsod ang nakuha ng iba pang angkan ni Kohat mula sa kalahating lipi ni Manases. 62 Buhat sa lipi nina Isacar, Asher, Neftali at Manases, labingtatlong lunsod lamang sa Bashan ang napunta sa mga anak ni Gershon ayon sa kanilang sambahayan. 63 Sa mga anak ni Merari ayon sa kanilang sambahayan, labindalawa namang lunsod ang nakuha nila buhat sa mga lipi nina Ruben, Gad at Zebulun. 64 Ang mga Levita ay binigyan ng mga Israelita ng mga lunsod at mga pastulan. 65 Ang mga lunsod na ito, na mula sa lipi nina Juda, Simeon at Benjamin, ay napunta sa kanila sa pamamagitan ng palabunutan.
66 May ilan pa sa mga angkan ni Kohat na nagkaroon ng mga lunsod mula sa lupain ni Efraim. 67 Ang nakuha nila ay ang mga lunsod-kanlungan gaya ng Shekem at ang mga pastulan sa kaburulan ng Efraim, Gezer, 68 Jocmeam, Beth-horon, 69 Ayalon, at Gat-rimon. 70 Mula naman sa kalahating lipi ni Manases, napunta sa iba pang sambahayan ni Kohat ang Aner at ang mga pastulan nito, at ang Bileam at ang mga pastulan nito.
71 Mula rin sa kalahating lipi ni Manases, napunta naman sa mga anak ni Gershon ang Golan sa Bashan, at ang Astarot at ang pastulan ng mga ito. 72 Mula sa lipi ni Isacar ay napunta kay Gershon ang Kades, Daberat, 73 Ramot at Anem at ang pastulan ng mga ito. 74 Mula naman sa lipi ni Asher ay ang Masal, Abdon, 75 Hucoc at Rehob at ang mga pastulan ng mga ito. 76 Sa lipi ni Neftali ay napunta ang Kades sa Galilea, ang Hamon, ang Kiryataim at ang mga pastulan ng mga ito. 77 Napunta rin sa iba pang mga angkan ni Merari na mula sa lipi ni Zebulun ang Rimono at Tabor at ang pastulan ng mga ito. 78 Sa gawing silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico, napunta rin sa kanila mula sa lipi ni Ruben ang Bezer, Jaza, 79 Kedemot at Mefaat at ang pastulan ng mga ito. 80 At mula naman sa lipi ni Gad ay ang Ramot sa Gilead, Mahanaim, 81 Hesbon at Hazer at ang mga pastulan ng mga ito.
Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Agripa
26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.”
Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili:
2 “Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako at sa harapan ninyo ako magtatanggol ng aking sarili laban sa lahat ng mga paratang ng mga Judio 3 sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan.
4 “Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. 5 Matagal(A) na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo. 6 At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno. 7 Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio! 8 Bakit(B) hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay?
9 “Akala(C) ko rin noong una'y dapat kong gawin ang lahat ng aking magagawa laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10 At ganoon nga ang ginawa ko sa Jerusalem. Maraming Cristiano ang aking ipinabilanggo batay sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga punong pari ng mga Judio. Isa rin ako sa mga humatol ng kamatayan sa kanila. 11 Pinarusahan ko sila sa lahat ng mga sinagoga upang piliting talikuran ang kanilang pananampalataya. Sa tindi ng poot ko'y inusig ko sila kahit sa mga lungsod sa ibang bansa.”
Isinalaysay ni Pablo Kung Paano Siya Sumampalataya(D)
12 “Iyan ang layunin ng pagpunta ko sa Damasco, taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. 13 Nang katanghaliang-tapat, habang kami'y naglalakbay, nakita ko, Haring Agripa, ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, ito'y maliwanag pa kaysa sa araw. Totoong nakakasilaw ang liwanag sa paligid naming magkakasama. 14 Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Sinasaktan mo ang iyong sarili sa ginagawa mong iyan. Para mong sinisipa ang matulis na bagay.’ 15 At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong inuusig. 16 Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang italaga ka bilang aking lingkod at magpatotoo tungkol sa mga nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita mula sa mga kababayan mong Judio at gayundin sa mga Hentil kung saan kita isusugo. 18 Imumulat mo ang kanilang mga mata, ibabalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, ililigtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibabalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at mabibigyan ng lugar kasama ng mga taong ginawang banal ng Diyos.’”
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
19 “Dahil dito, Haring Agripa, hindi po ako sumuway sa pangitaing mula sa langit. 20 Nangaral(E) ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa. 21 Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio habang ako'y nasa Templo, at pinagtangkaang patayin. 22 Ngunit hanggang ngayo'y tinutulungan ako ng Diyos, kaya't nakatayo ako ngayon dito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, hamak man o dakila. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises, 23 na(F) ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabuhay na muli upang magpahayag ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa sobrang pag-aaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”
25 Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Ang sinasabi ko'y mga salita ng katinuan at pawang katotohanan. 26 Nalalaman po ninyo, Haring Agripa, ang tungkol sa mga bagay na ito, kaya malakas ang loob kong magsalita sa inyong harapan. Tiyak na hindi lingid sa inyo ang mga ito sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito. 27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”
28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa palagay mo ba'y mahihikayat mo akong maging Cristiano sa loob ng maikling panahon?”
29 Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.”
30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng kasama nila. 31 Lumabas sila at nag-usap-usap, “Ang taong ito'y walang ginawang anumang nararapat sa hatol na kamatayan o pagkabilanggo.” 32 At sinabi pa ni Agripa kay Festo, “Kung hindi lamang niya hiniling na dumulog sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.”
Panalangin sa Panahon ng Bagabag
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]
6 O(A) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
2 Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
3 Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?
4 Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
5 Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?
6 Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
7 Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.
8 Kayong(B) masasama, ako'y inyong layuan,
pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
9 Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.
20 Anumang sabihin ng tao ay kanyang pananagutan,
ayon sa kanyang salita siya'y gagantimpalaan.
21 Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay,
makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.