Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 1-3

Binigyan ng Karunungan si Solomon(A)

Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sapagkat pinagpapala siya ng Diyos niyang si Yahweh at pinalakas ang kanyang kapangyarihan. Ipinatawag niya ang mga pinunong namamahala sa libu-libo at sa daan-daan, ang lahat ng may kapangyarihan at ang buong bayan. Isinama niya ang mga ito sa burol ng Gibeon, sa Toldang Tipanan, na ginawa ni Moises noong sila'y nasa ilang. Ngunit(B) wala roon ang Kaban ng Tipan sapagkat ito'y kinuha ni David sa Lunsod ng Jearim at dinala sa Jerusalem, sa toldang itinayo niya roon. Ang(C) nasa Gibeon, sa harap ng tabernakulo ni Yahweh, ay ang altar na tanso na ginawa ni Bezalel, anak ni Uri at apo ni Hur. Pagdating sa Gibeon, nag-alay si Solomon ng sanlibong handog na susunugin sa altar na tanso na nasa loob ng Toldang Tipanan.

Kinagabihan, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya: “Sabihin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko sa iyo.”

Sumagot si Solomon: “Napakabuti ninyo sa aking amang si David. At ngayo'y ginawa ninyo akong hari kahalili niya. Panginoong(D) Yahweh, natupad sa akin ang pangako ninyo sa kanya. Ginawa ninyo akong hari ng isang lahing sindami ng alabok sa lupa. 10 Kaya ngayon, ang hiling ko'y bigyan ninyo ako ng karunungan at kaalaman upang mapamahalaan ko ang bayang ito. Kung hindi, paano ko pamamahalaan ang malaking bayang ito?”

11 “Mabuti ang hiniling mo,” sagot ng Diyos kay Solomon. “Hindi ka naghangad ng kayamanan o karangalan. Hindi mo hinihiling ang kamatayan ng iyong mga kaaway o pahabain ang iyong buhay. Sa halip, ang hiningi mo'y karunungan at kaalaman sa pamamalakad sa bayang ito na niloob kong pagharian mo. 12 Ipinagkakaloob ko sa iyo ang hinihingi mo. At hindi lamang iyan! Bibigyan pa kita ng kayamanan at karangalan na kailanma'y hindi nakamtan ng mga haring nauna sa iyo, at hindi kakamtan ng mga susunod pa.” 13 Pagkatapos sumamba sa Gibea, bumalik si Solomon sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.

Ang Kayamanan at Kapangyarihan ni Solomon(E)

14 Nagtatag(F) si Solomon ng isang hukbong binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 15 Sa panahon ng paghahari ni Haring Solomon, ang ginto at pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa paanan ng mga burol. 16 Ang(G) mga kabayo niya'y galing pa sa Egipto at sa Cilicia, na binibili ng kanyang mga tagapamili. 17 Bumibili rin siya ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak ang isa, at sa 150 pirasong pilak naman ang isang kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili naman niya sa mga hari ng mga Heteo at mga Arameo.

Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(H)

Nagpasya si Solomon na magtayo ng templo na kung saan ay sasambahin si Yahweh, at ng palasyo para sa kanyang sarili. Naglagay si Solomon ng 80,000 katao na tagatibag ng bato sa kabundukan, 70,000 tagahakot, at 3,600 tagapamahala. Pagkatapos ay sumulat siya kay Haring Hiram ng Tiro na ganito ang sinasabi: “Kung paano ninyo pinakitunguhan ang aking amang si David at pinadalhan ninyo ng mga kahoy na sedar na ginamit niya sa pagtatayo ng kanyang palasyo, gayundin po sana ang gawin ninyo sa akin. Ngayon po'y magtatayo ako ng isang templo na kung saan ay sasambahin ang aking Diyos na si Yahweh. Magiging banal na lugar iyon para sa kanya bilang dakong sunugan ng insenso at pag-aalayan ng tinapay at handog na susunugin sa umaga, sa hapon, sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa mga takdang kapistahan ni Yahweh na aming Diyos, sapagkat ito'y utos sa Israel magpakailanman. Malaki ang templong ipatatayo ko sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa alinmang diyos. Ngunit(I) sino nga ba ang makakapagtayo ng isang templong maaaring tirahan niya gayong maging sa kataas-taasang langit ay hindi siya magkasya. At sino naman ako upang ipagtayo siya ng templo? Ang ipatatayo ko'y isa lamang templong mapagsusunugan ng mga handog sa harap niya. Kaya kung maaari, padalhan ninyo ako ng isang taong mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso at bakal, sanay humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul, at mahusay din naman sa pag-ukit. Siya ang mamamahala sa aking mga manggagawa rito sa Juda at sa Jerusalem, sa mga tauhang inihanda ng aking amang si David. Padalhan din ninyo ako ng mga kahoy na sedar, sipres at algum na galing sa Lebanon. Alam kong bihasa ang mga tauhan ninyo sa pagputol ng kahoy sa Lebanon. Magpapadala ako ng aking mga tauhan upang tumulong. Maraming kahoy ang kailangan kong ihanda sapagkat malaki at kahanga-hanga ang templong aking ipatatayo. 10 Ako ang bahala sa pagkain ng inyong mga tauhang magpuputol ng kahoy. Bibigyan ko sila ng 20,000 malalaking sisidlan[a] na puno ng trigo, 20,000 malalaking sisidlan na puno ng sebada, 2,000 malalaking sisidlan na puno ng alak at 2,000 malalaking sisidlan na puno ng langis.”

11 Ganito naman ang sagot ni Haring Hiram: “Dahil sa pag-ibig ni Yahweh sa kanyang bayan, kayo ang ginawa niyang hari. 12 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel na lumikha ng langit at lupa. Binigyan niya si Haring David ng isang anak na matalino, may karunungan at kaalaman na siyang magtatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. 13 At ngayon, papupuntahin ko sa inyo si Huram, isang taong matalino at mahusay sa lahat ng trabaho. 14 Ang ina niya'y mula sa lipi ni Dan; taga-Tiro naman ang kanyang ama. Isa siyang mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy. Sanay siyang gumawa ng mga kagamitang bato o kahoy man. Bihasa siyang humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul at ng linong mamahalin. Magaling din siyang umukit ng anumang uri ng disenyong ipapagawa sa kanya. Kaya niyang gawin ang anumang iutos ninyo sa kanya, kasama ng mga manggagawa ninyo at ng inyong mahal na amang si David. 15 Kaya ipadala na ninyo rito ang trigo, sebada, langis at alak na inyong ipinangako, 16 at magpapaputol na kami ng lahat ng kahoy na kailangan ninyo. Mula sa Lebanon ay palulutangin namin sa dagat ang mga kahoy hanggang Joppa. Buhat naman doon ay kayo na ang magpahakot patungo diyan sa Jerusalem.”

17 Ipinakuha ni Solomon ang bilang ng lahat ng dayuhan sa Israel, tulad ng ginawa ni David. At ang nabilang nila ay 153,600 dayuhan. 18 Inatasan niya ang 70,000 sa paghahakot, at ang 80,000 sa pagtitibag ng bato sa bundok. Ang 3,600 naman ay ginawa niyang tagapamahala ng mga manggagawa.

Ang Templo sa Jerusalem(J)

Ang(K) Templo ni Yahweh sa Jerusalem ay sinimulang itayo ni Solomon sa Bundok ng Moria, sa giikan ng Jebuseong si Ornan. Inihanda ni David ang pook na iyon matapos magpakita sa kanya si Yahweh. Sinimulan niya ang pagtatayo noong ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.

Ito ang sukat ng Templo sa Jerusalem: dalawampu't pitong metro ang haba at siyam na metro ang luwang ayon sa matandang sukatan. Ang haba ng portiko sa dakong harap ng Templo ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo at limampu't apat na metro naman ang taas. Binalutan niya ng lantay na ginto ang loob nito.

Ang bulwagan ay pinatakpan ni Solomon ng mga tablang sipres. Pagkatapos, pinabalutan niya ito ng purong ginto at pinalagyan ng disenyo ng mga punong palma at kadena. Pinalamutian pa niya ito ng magagandang batong hiyas at gintong galing sa Parvaim. Binalutan niya ng ginto ang mga biga at hamba ng mga pinto at ang mga dingding ng Templo. Pinaukitan pa niya ang mga dingding ng mga larawan ng kerubin.

Ang(L) haba naman ng Dakong Kabanal-banalan ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo—at siyam na metro ang luwang. Binalot din niya ito ng lantay na ginto na umabot sa 21,000 kilo, at dalawampung onsa naman ang ginto na ginamit sa paggawa ng mga pako. Binalot din ng ginto ang mga dingding ng mga silid sa itaas.

10 Nagpagawa(M) siya ng dalawang rebultong kerubin na yari sa kahoy sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Binalot din ito ng ginto. 11 Siyam na metro ang kabuuang haba ng mga pakpak ng dalawang kerubin, dalawa't kalahating metro ang bawat isang pakpak. Ang dulo ng isang pakpak ng unang kerubin ay abot sa dingding at ang dulo naman ng kabilang pakpak ay abot sa dulo ng pakpak ng ikalawang kerubin. 12 Gayundin naman, ang dulo ng isang pakpak ng pangalawang kerubin na dalawa't kalahating metro ang haba ay abot sa kabilang dingding at ang dulo ng kabilang pakpak ay abot naman sa dulo ng pakpak ng unang kerubin. 13 Kaya't ang nasasakop ng kanilang mga pakpak ay siyam na metro. Nakatayo ang mga rebultong kerubin at parehong nakaharap sa bulwagan ng Templo.

14 Ang(N) ginamit na tabing ay mga telang hinabi sa lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula, at mamahaling lino. Pinaburdahan pa ito ng mga larawan ng kerubin.

Ang Dalawang Haliging Tanso(O)

15 Sa harap ng Templo, nagtayo siya ng dalawang haligi na labing-anim na metro ang taas at ang taas naman ng pinagkakabitan nito sa itaas ay dalawa't kalahating metro. 16 Nagpagawa siya ng mga kadena at isinabit iyon na parang kuwintas sa ibabaw ng mga haligi, at ikinabit sa mga kadena ang sandaang bunga ng granadang yari sa tanso. 17 Itinayo niya sa magkabilang tagiliran ng pasukan ng Templo. Ang nasa kanan ay tinawag na Jaquin at ang nasa kaliwa ay tinawag na Boaz.

Roma 6

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy kay Cristo

Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala? Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? Samakatuwid,(A) tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.

Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Kung tayo'y namatay nang kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay rin tayong kasama niya. Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. 10 Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa lahat ng panahon dahil sa kasalanan; at ang buhay niya ngayon ay para sa Diyos. 11 Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy para sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus.

12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos?

Hinding-hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa katotohanan na nasa aral na ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran. 19 Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, isuko ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin.

20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. 21 Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon. 22 Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Mga Awit 16

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Miktam[a] ni David.

16 Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.

Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko,
    kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.”

Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!
    Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan.

Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunud-sunod,
    sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama;
at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba,
    hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila.

Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
    lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay,
    kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay.
Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga,
    napakaganda ng iyong pamana!

Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
    at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
Alam(A) kong kasama ko siya sa tuwina;
    hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.

Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
    hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.
10 Pagkat(B) di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
    sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.
11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
    sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
    ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

Mga Kawikaan 19:20-21

20 Dinggin mo at sundin ang payo sa iyo,
    at pagdating ng araw, pakikinabangan mo.
21 Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak,
    ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.