The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
12 Ang mga pangkat na ito ng mga bantay-pinto sa pangunguna ng pinuno ng kanilang sambahayan ay may kanya-kanyang pananagutan sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh gaya ng kanilang mga kamag-anak. 13 Nagpalabunutan sila ayon sa kani-kanilang sambahayan, para malaman kung aling pinto ang kanilang babantayan. 14 Ang pinto sa silangan ay napunta kay Selemias, at ang gawing hilaga ay sa anak niyang si Zacarias, isang mahusay na tagapayo. 15 Kay Obed-edom napunta ang gawing timog, at sa kanyang mga anak naman ang mga bodega. 16 Ang pinto sa kanluran at ang pinto ng Sallequet sa daang paakyat ay napunta kina Supim at Hosa. May kanya-kanyang takdang oras ang kanilang pagbabantay. 17 Sa gawing silangan, anim ang bantay araw-araw. Sa hilaga at timog ay tig-aapat, at tig-dadalawa naman sa bodega. 18 Sa malaking gusali sa gawing kanluran, apat sa labas at dalawa sa loob. 19 Ito ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto mula sa mga angkan ni Korah at ni Merari.
Ibang Tungkulin sa Templo
20 Ang mga Levita sa pangunguna ni Ahias ang namahala sa kabang-yaman ng Templo at sa bodega ng mga kaloob sa Diyos. 21 Si Ladan na isa sa mga anak ni Gershon ay ninuno ng maraming angkan, kasama na ang pamilya ng kanyang anak na si Jehiel. 22 Ang mga pinuno ng pangkat ni Jehiel ay ang kanyang mga anak na sina Zetam at Joel. Sila ang namahala sa mga kabang-yaman ng Templo.
23 Ang mga Amramita, Isharita, Hebronita, at Uzielita ay binigyan din ng tungkulin.
24 Si Sebuel na anak ni Gershon at apo ni Moises ang siyang pinunong namahala sa mga kabang-yaman. 25 Sa angkan ni Eliezer, ang namahala ay ang mga anak niyang sina Rehabias, Jesaias, Joram, Zicri at Selomit. 26 Si Selomit at ang kanyang mga kamag-anak ang namahala sa bodega ng mga kaloob na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng sambahayan, at ng mga pinuno ng hukbo. 27 Buhat sa mga nasamsam sa pakikidigma, naglalaan sila ng bahaging panustos sa pangangalaga sa Templo ni Yahweh. 28 At lahat ng kaloob na inialay ni propeta Samuel, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner at ni Joab na anak ni Zeruias, ay inilagay sa pangangalaga ni Selomit at ng kanyang mga kamag-anak.
Ang mga Tungkulin ng Iba pang Levita
29 Mula naman sa angkan ni Ishar, si Kenanias at ang kanyang mga anak ang inilagay na mga tagapagtala at mga hukom.
30 Sa sambahayan ni Hebron, si Hashabias at ang kanyang mga kamag-anak na may bilang na 1,700 na pawang mahuhusay ang nangalaga sa bansang Israel, sa gawing kanluran ng Jordan. Sila ang namahala sa gawain ukol kay Yahweh, at ang naglingkod sa hari ay 1,700. 31 Ayon sa talaan ng angkan ni Hebron, si Jerijas ang kanilang pinuno. Noong ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, sinaliksik ang kasaysayan ng angkan ni Hebron at natuklasan na sa Jazer ng Gilead ay may mga lalaking may pambihirang kakayahan. 32 Pumili si Haring David ng 2,700 mga pinuno ng sambahayan at pawang mahuhusay mula sa kamag-anak ni Jerijas upang mamahala sa lipi nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases. Sila ang pinamahala ni David sa lahat ng bagay na may kinalaman sa Diyos at sa hari.
Ang Organisasyong Sibil at Militar
27 Ito ang listahan ng mga Israelitang pinuno ng kani-kanilang angkan at mga pinuno ng libu-libo at daan-daan, gayundin ang mga pinuno ng hukbong naglingkod sa hari. Sila ay pinagpangkat-pangkat ng tig-24,000 at maglilingkod bawat buwan sa pangunguna ng kani-kanilang pinuno. 2 Si Jasobeam, anak ni Zabdiel, ang namahala sa pangkat na naglingkod sa unang buwan. Siya'y namuno sa 24,000 katao. 3 Mula siya sa angkan ni Peres, at siya ang pangkalahatang pinuno. 4 Si Dodai na taga-Aho ang namahala sa ikalawang buwan. 5 Ang namahala naman sa ikatlong buwan ay si Benaias, anak ng paring si Joiada. 6 Siya ang Benaias na pinuno ng Tatlumpung Matatapang na Mandirigma. Ang namahala sa kanyang pangkat ay ang anak niyang si Amizabad. 7 Ang pangkat naman na nanungkulan sa ikaapat na buwan ay pinamahalaan ni Asahel, kapatid ni Joab. Ang humalili sa kanya ay ang anak niyang si Zebadias. 8 Ang pangkat namang nanungkulan sa ikalimang buwan ay pinamahalaan ni Samhut na taga-Ishar. 9 Ang namahala naman sa pangkat na nanungkulan sa ikaanim na buwan ay si Ira, anak ni Ikes na taga-Tekoa. 10 Ang pangkat para sa ikapitong buwan ay pinamahalaan ni Helez, anak ni Efraim at taga-Pelon. 11 Ang pangkat sa ikawalong buwan ay pinamahalaan naman ni Sibecai na taga-Husa, mula sa angkan ni Zera. 12 Ang pangkat na nanungkulan sa ikasiyam na buwan ay pinamahalaan ni Abiezer na isang taga-Anatot, buhat sa lipi ni Benjamin. 13 Ang pangkat namang nanungkulan sa ikasampung buwan ay pinamahalaan ni Maharai na taga-Netofa, mula sa angkan ni Zera. 14 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabing isang buwan ay pinamahalaan naman ni Benaias na isang taga-Peraton, mula sa lipi ni Efraim. 15 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabindalawang buwan ay pinamahalaan naman ni Heldai, taga-Netofa, buhat sa angkan ni Otniel.
Ang mga Namahala sa mga Lipi ng Israel
16 Ito ang mga namahala sa Israel: sa lipi ni Ruben ay si Eliezer na anak ni Zicri; sa lipi ni Simeon ay si Sefatias na anak ni Maaca; 17 sa lipi ni Levi ay si Hashabias na anak ni Kemuel; sa angkan ni Aaron ay si Zadok; 18 sa lipi naman ni Juda ay si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa lipi ni Isacar ay si Omri na anak ni Micael; 19 sa lipi ni Zebulun ay si Ismaias na anak ni Obadias; sa lipi ni Neftali ay si Jerimot na anak ni Azriel; 20 sa lipi ni Efraim ay si Hosea na anak ni Azarias; sa kalahating lipi ni Manases ay si Joel na anak ni Pedaias. 21 Ang namahala naman sa kalahating lipi ni Manases na nasa Gilead ay si Iddo na anak ni Zacarias; sa lipi ni Benjamin ay si Jaasiel na anak ni Abner; 22 at sa lipi naman ni Dan ay si Azarel na anak ni Jeroham.
23 Hindi(A) na ibinilang ni David sa sensus ang mga Israelitang wala pang dalawampung taóng gulang sapagkat ipinangako ng Diyos na pararamihin niyang sindami ng mga bituin sa langit ang mga Israelita. 24 Ang(B) sensus ay sinimulan ni Joab, anak ni Zeruias ngunit hindi niya ito natapos sapagkat nagalit ang Diyos sa Israel sa ginawang ito. Kaya't hindi na napabilang ang mga ito sa listahan ni Haring David.
Ang mga Namahala sa Kayamanan ng Hari
25 Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Abdiel, ngunit sa mga kayamanang nasa mga lalawigan, lunsod, nayon, at ang nasa mga tore, ang namahala ay si Jonatan na anak ni Uzias. 26 Si Ezri na anak ni Kelub ang ginawang tagapamahala ng mga magsasaka. 27 Si Simei na isang taga-Rama ang namahala sa mga ubasan, at si Zabdi na isang taga-Sephan ang namahala naman sa imbakan ng alak. 28 Si Baalhahan na isang taga-Geder ang namahala sa mga tanim na olibo at sikamoro sa Sefela, at sa bodega naman ng langis ay si Joas. 29 Si Sitrai na taga-Saron ang namahala sa mga kawan sa pastulan ng Saron at si Safat, anak ni Adlai ang namahala naman sa mga kawan na nasa kapatagan. 30 Sa mga kamelyo naman, ang namahala ay si Obil na isang Ismaelita; sa mga inahing asno ay si Jedeias na taga-Meronot, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita. 31 Ang lahat ng ito'y mga katiwala ng mga ari-arian ni David.
Ang mga Tagapayo ni David
32 Si Jonatan, ang tiyo ni David, ang kinuhang tagapayo ng mga anak ng hari sapagkat siya'y matalino at dalubhasa. Magkatulong sila ni Jehiel, anak ni Hacmoni, sa pagtuturo sa mga anak ng hari. 33 Ang tagapayo naman ng hari ay si Ahitofel; at si Husai naman, na isang Arkita, ang matalik na kaibigan ng hari. 34 Nang mamatay si Ahitofel ay pumalit sa kanya si Joiada na anak ni Benaias at si Abiatar. Si Joab naman ang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng hari.
Nakamtan ang Pangako Dahil sa Pananampalataya
13 Ipinangako(A) ng Diyos kay Abraham at sa kanyang magiging lahi na mamanahin nila ang buong mundo, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil sa siya'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos. 14 Kung(B) ang pangako ay ipagkakaloob lamang sa mga sumusunod sa Kautusan, walang saysay ang pananampalataya ng tao at walang kabuluhan ang pangako ng Diyos. 15 Ang Kautusan ay nagdadala ng poot ng Diyos sa mga lumalabag. Ngunit kung walang kautusan, wala ring paglabag.
16 Kaya(C) nga't sa pananampalataya nababatay ang pangako, upang ito'y maibigay bilang walang bayad na kaloob para sa lahat ng anak ni Abraham; hindi lamang sa mga saklaw ng Kautusan, kundi sa lahat ng sumasampalataya rin tulad ni Abraham. Sapagkat siya ang ama nating lahat, 17 gaya(D) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito'y may bisa sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na hindi pa nalilikha. 18 Kahit(E) wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, “Sindami ng mga bituin ang iyong magiging lahi.” 19 Hindi(F) nanghina ang kanyang pananampalataya kahit uugud-ugod na siya, palibhasa'y isandaang taon na siya noon, at ang kanya namang asawang si Sara ay baog. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang lumakas dahil sa kanyang pananampalataya at nagpuri pa sa Diyos. 21 Lubos siyang naniwala na tutuparin ng Diyos ang ipinangako nito. 22 Kaya't dahil sa kanyang pananampalataya, siya'y itinuring na matuwid ng Diyos. 23 Ang salitang “itinuring na matuwid” ay isinulat hindi lamang para sa kanya, 24 kundi para sa atin din naman. Ituturing din tayong matuwid dahil sumasampalataya tayo sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. 25 Siya'y(G) ipinapatay dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo'y mapawalang-sala.
Mga Bunga ng Pagtanggap ng Diyos
5 Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan ng [pagsampalataya][a] kay Jesu-Cristo, tinamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at tayo'y nagagalak dahil sa pag-asang tayo'y makakabahagi sa kanyang kaluwalhatian. 3 Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa. 5 At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin.
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!
2 Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
tinitingnan kung may taong marunong pa,
na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
3 Silang lahat ay naligaw ng landas,
at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
wala ni isa man, wala nga, wala!
4 Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”
5 Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
6 Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.
7 Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.
17 Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap,
at pagdating ng panahon, si Yahweh ang magbabayad.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.