Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Cronica 1:1-2:17

Mga Talaan ng mga Angkang Pinagmulan ng Israel

Si Adan ang ama ni Set at si Set ang ama ni Enos. Si Enos ang ama ni Kenan at si Kenan ang ama ni Mahalalel na ama ni Jared. Si Jared ang ama ni Enoc, at anak ni Enoc si Matusalem na ama ni Lamec. Si Lamec ang ama ni Noe at mga anak naman ni Noe sina Shem, Ham at Jafet.

Ang mga anak ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. Ang mga anak naman ni Gomer ay sina Askenaz, Difat at Togarma. Ang mga anak ni Javan ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Rodanim.

Ang mga anak ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan. Mga anak ni Cus sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca, at ang kay Raama naman ay sina Sheba at Dedan. 10 Anak din ni Cus si Nimrod, ang unang makapangyarihang mananakop sa daigdig. 11 Si Egipto ang pinagmulan ng mga Ludim, Anamim, Lehabim at Naftuhim. 12 Siya rin ang pinagmulan ng mga Patrusim, Casluhim at Caftorim, na siya namang pinagmulan ng mga Filisteo. 13 Ang mga anak ni Canaan ay si Sidon, na siyang panganay, at si Het. 14 Sila ang mga ninuno ng mga Jebuseo, Amoreo, Gergeseo, 15 Hivita, Arkita, Sinita, 16 Arvadita, Zemareo at Hamateo.

17 Ang mga anak ni Shem ay sina Elam, Asur, Arfaxad, Lud, Aram, Uz, Hul, Geter at Meshec. 18 Si Arfaxad ang ama ni Selah na ama naman ni Eber. 19 Dalawang lalaki ang naging anak ni Eber; Peleg[a] ang pangalan ng isa sapagkat sa panahon niya nahati ang daigdig, at Joctan naman ang pangalan ng kapatid nito. 20 Si Joctan ang ama ng magkakapatid na Almodad, Selef, Hazarmavet, Jerah, 21 Hadoram, Uzal, Dicla, 22 Ebal, Abimael, Sheba, 23 Ofir, Havila at Jobab.

24 Ganito ang pagkakasunud-sunod ng lahi mula kay Shem hanggang kay Abram: Shem, Arfaxad, Selah, 25 Eber, Peleg, Reu, 26 Serug, Nahor, Terah, 27 at Abram, na tinawag ding Abraham.

Ang Lahi ni Ismael(A)

28 Ang dalawang anak ni Abraham ay sina Isaac at Ismael. 29 Ang mga anak ni Ismael ay sina Nebayot, Kedar, Adbeel, Mibsam, 30 Misma, Duma, Massa, Hadad, Tema, 31 Jetur, Nafis at Kedema.

32 Ito ang mga anak ni Abraham sa kanyang asawang-lingkod na si Ketura: sina Zimran, Jocsan, Medan, Midian, Isbak at Sua. Ang mga anak ni Jocsan ay sina Sheba at Dedan. 33 Mga anak ni Midian sina Efa, Efer, Hanoc, Abida at Eldaa.

Ang Lahi ni Esau(B)

34 Ang anak ni Abraham na si Isaac ay may dalawang anak: sina Esau at Jacob. 35 Ang mga anak ni Esau ay sina Elifaz, Reuel, Jeus, Jalam at Korah. 36 Ang mga anak ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefi, Gatam, Kenaz, Timna at Amalek. 37 Ang kay Reuel naman ay sina Nahat, Zera, Sammah at Miza.

Ang Lahi ni Seir(C)

38 Ang mga anak ni Seir ay sina Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, Dison, Eser at Disan. 39 Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Homam; si Timna ang kapatid na babae ni Lotan. 40 Mga anak ni Sobal sina Alian, Manahat, Ebal, Sefi at Onam. Ang mga anak ni Zibeon ay sina Aias at Ana. 41 Anak ni Ana si Dison. Si Dison naman ang ama ng magkakapatid na Hamram, Esban, Itran at Keran. 42 Mga anak ni Eser sina Bilhan, Zaavan at Jaacan. Ang kay Disan naman ay sina Hus at Aran.

Ang mga Hari at Pinuno ng Edom(D)

43 Ito ang mga naghari sa lupain ng Edom bago nagkaroon ng hari ang mga Israelita: si Bela na anak ni Beor at ang kanyang lunsod ay Dinhaba. 44 Pagkamatay niya, siya'y pinalitan ni Jobab na anak ni Zera na taga-Bosra. 45 Nang mamatay si Jobab, si Husam na isang Temaneo ang pumalit sa kanya. 46 Namatay si Husam at ang pumalit sa kanya ay isang taga-Avit, si Hadad na anak ni Bedad. Siya ang tumalo kay Midian sa lupain ng Moab. 47 Pagkamatay ni Hadad, pumalit sa kanya bilang hari si Samla na taga-Masreca. 48 Namatay din si Samla at pinalitan siya ni Saul na taga-Rehobot sa may Ilog Eufrates. 49 Nang mamatay si Saul, pumalit sa kanya bilang hari si Baal-hanan na anak ni Acbor. 50 Namatay si Baal-hanan at pumalit sa kanya si Hadad na taga-lunsod ng Pai. Si Hadad ang asawa ni Mehetabel na anak ni Matred. Si Matred ay anak na babae ni Mezahab.

51 Pagkamatay ni Hadad, ang mga ito ang naging pinuno ng Edom: Timna, Alian, Jetet, 52 Aholibama, Ela, Pinon, 53 Kenaz, Teman, Mibzar, 54 Magdiel, at Iram.

Ang Lahi ni Juda

Ito ang mga anak ni Jacob: Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulun, Dan, Jose, Benjamin, Neftali, Gad, at Asher. Ang mga anak ni Juda kay Bat-sua na isang Canaanita ay sina Er, Onan at Sela. Ang panganay niyang si Er ay naging masama sa paningin ni Yahweh kaya ito'y pinatay. Sina Peres at Zera naman ang naging mga anak niya kay Tamar na kanyang manugang, kaya limang lahat ang anak ni Juda.

Ang mga anak ni Peres ay sina Hezron at Hamul. Ang kay Zera naman ay sina Zimri, Etan, Heman, Calcol at Darda. Limang lahat ang naging anak ni Zera. Anak(E) ni Zimri si Carmi. Ang anak naman ni Carmi na si Acan,[b] ang nagdulot ng malaking kapahamakan sa Israel dahil sa paglabag sa utos ng Diyos na may kinalaman sa mga bagay na itinakdang wasakin. Si Azarias naman ay anak ni Etan.

Ang Angkan na Pinagmulan ni David

Ang mga anak ni Hezron ay tatlo: sina Jerameel, Ram at Caleb. 10 Anak ni Ram si Aminadab na ama ni Naason, isang pinuno sa lipi ni Juda. 11 Anak ni Naason si Salma na ama naman ni Boaz. 12 Si Boaz ang ama ni Obed na ama naman ni Jesse. 13 Ang panganay na anak ni Jesse ay si Eliab, pangalawa si Abinadab at si Simea ang pangatlo. 14 Ang pang-apat ay si Netanel, panglima si Radai, 15 pang-anim si Ozem at pampito si David. 16 Dalawa ang kapatid nilang babae: sina Zervias at Abigail. Tatlo ang anak ni Zervias: sina Abisai, Joab at Asahel. 17 Ang anak naman ni Abigail ay si Amasa na ang ama ay si Jeter na isang Ismaelita.

Mga Gawa 23:11-35

11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Kung paanong nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”

Pinagtangkaan ang Buhay ni Pablo

12 Kinaumagahan, nagkasundo ang mga Judio at ang bawat isa ay sumumpa na hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit na apatnapung lalaki ang nanumpa ng ganoon. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan, at sinabi nila, “Kami ay sumumpang hindi kakain at hindi iinom hangga't hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya, hilingin ninyo at ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa pinuno ng mga sundalo na dalhin muli rito si Pablo. Idahilan ninyong sisiyasatin ninyong mabuti ang kanyang kaso. At sa daan pa lamang ay papatayin na namin siya.”

16 Ang balak na ito'y nalaman ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo. Kaya't nagpunta ito sa himpilan at sinabi kay Pablo ang balak na pagpatay sa kanya. 17 Tinawag naman ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi, “Samahan nga po ninyo ang binatilyong ito sa inyong pinuno sapagkat mayroon siyang gustong sabihin.”

18 Sinamahan nga ng kapitan ang binatilyo sa pinuno ng mga sundalo. Sinabi niya, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo at pinasamahan sa inyo ang binatilyong ito, sapagkat may sasabihin daw siya sa inyo.”

19 Hinawakan ng pinuno sa kamay ang binatilyo, dinala sa isang tabi at tinanong, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?”

20 Sumagot siya, “Pinagkasunduan po ng mga Judio na hilingin sa inyo na iharap si Pablo sa Kapulungan bukas at kunwari'y sisiyasatin nila siya nang mas mabuti. 21 Ngunit huwag po kayong maniniwala. Tatambangan po siya ng mahigit sa apatnapung lalaki na nanumpang hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Handang-handa na po sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.”

22 “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin,” sabi ng pinuno ng mga sundalo. At pinauwi niya ang binatilyo.

Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix

23 Ang pinuno ay tumawag ng dalawang kapitan at sinabi sa mga ito, “Maghanda kayo ng dalawandaang sundalo at pitumpung kawal na nakakabayo at dalawandaang kawal na may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong alas nuwebe ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayong sasakyan ni Pablo at ihatid ninyo siya kay Gobernador Felix. Ingatan ninyo siyang mabuti!”

25 At sumulat siya ng ganito,

26 “Sa Kagalang-galang na Gobernador Felix, maligayang bati mula kay Claudio Lisias! 27 Ang lalaking ito'y hinuli ng mga Judio at papatayin na sana. Nalaman kong siya'y isang mamamayang Romano, kaya't nagsama ako ng mga kawal at iniligtas siya. 28 Sa hangad kong malaman kung ano ang sakdal laban sa kanya, pinaharap ko siya sa Kapulungan. 29 Nalaman kong ang paratang sa kanya'y tungkol sa ilang usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, at hindi sapat na dahilan upang siya'y ipapatay o ipabilanggo. 30 At nang malaman kong siya'y pinagtatangkaang patayin ng mga Judio, agad ko siyang ipinadala sa inyo. Sinabi ko sa mga taong nagsasakdal na sa inyo sila magharap ng reklamo laban sa kanya.”

31 Sinunod nga ng mga kawal ang utos sa kanila. Kinagabiha'y kinuha nila si Pablo at dinala sa Antipatris. 32 Kinabukasan, nagbalik na sa himpilan ang mga kawal, at hinayaan ang mga sundalong nakakabayo na magpatuloy sa paglalakbay kasama si Pablo. 33 Pagdating sa Cesarea iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat na dala nila. 34 Pagkabasa sa sulat, tinanong ng gobernador si Pablo kung saang lalawigan siya nagmula. At nang malamang siya'y taga-Cilicia, 35 kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsasakdal sa iyo.” At pinabantayan niya si Pablo sa palasyo ng gobernador.

Mga Awit 3

Panalangin sa Umaga

Awit(A) ni David nang siya'y tumatakas mula kay Absalom.

O Yahweh, napakarami pong kaaway,
    na sa akin ay kumakalaban!
Ang lagi nilang pinag-uusapan,
    ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah)[a]

Ngunit ikaw, Yahweh, ang aking sanggalang,
    binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan.
Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong,
    sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)[b]

Ako'y nakakatulog at nagigising,
    buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
Sa maraming kalaba'y di ako matatakot,
    magsipag-abang man sila sa aking palibot.

Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako!
Parusahang lahat, mga kaaway ko,
    kapangyarihan nila'y iyong igupo.
Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay;
    pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)[c]

Mga Kawikaan 18:14-15

14 Ang matatag na kalooban ay mabuti sa tao,
    ngunit kung mahina ang loob, anong mangyayari rito?
15 Ang matalino ay nagdaragdag ng kaalaman,
    ang may unawa'y namumulot pa ng karunungan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.