The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
22 Sinabi ni David, “Dito itatayo ang Templo ng Panginoong Yahweh. Dito rin ilalagay ang altar ng mga susunuging handog para sa Israel.”
Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo
2 Iniutos ni David na magtipon ang lahat ng mga dayuhan sa Israel, at inatasan niya ang ilan sa mga ito na maging tagatapyas ng mga batong gagamitin sa itatayong Templo ng Diyos. 3 Naghanda siya ng maraming bakal para gawing pako at pang-ipit sa mga pintuan at nag-ipon din siya ng tanso na sa sobrang bigat ay hindi na matimbang. 4 Napakaraming tabla at trosong sedar ang dinala ng mga taga-Sidon at taga-Tiro. 5 Sinabi ni David, “Napakabata pa ng anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Dahil dito'y ihahanda ko ang lahat ng kailangan sa ipatatayo niyang Templo ni Yahweh. Kailangang ito'y walang kasingganda upang ito'y matanyag at hahangaan ng buong daigdig.” Naghanda nga si David ng napakaraming kagamitan bago pa siya namatay.
6 Ipinatawag niya ang anak niyang si Solomon, at sinabi, “Ipagtatayo mo ng bahay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.” 7 Sinabi(A) niya rito, “Anak, matagal ko nang binalak na magtayo ng templo upang parangalan ang aking Diyos na si Yahweh 8 ngunit sinabi niya sa akin na marami na akong napatay at napakaraming hinarap na labanan. Dahil sa bahid ng dugo sa aking mga kamay, hindi niya ako pinayagang magtayo ng templo para sa kanya. 9 Ngunit ipinangako niyang pagkakalooban niya ako ng isang anak na lalaki. Mamumuhay ito nang payapa at hindi gagambalain ng kanyang mga kaaway habang siya'y nabubuhay. Tatawagin siyang Solomon[a] sapagkat bibigyan ko ang Israel ng kapayapaan at kapanatagan sa panahon ng kanyang paghahari.’ 10 Sinabi pa niya sa akin, ‘Siya ang magtatayo ng templo para sa akin. Magiging anak ko siya at ako'y magiging ama niya. Patatatagin ko ang paghahari ng kanyang angkan sa Israel magpakailanman!’”
11 Sinabi pa ni David, “Samahan ka nawa ng iyong Diyos na si Yahweh. Tuparin nawa niya ang kanyang pangako na pagtatagumpayin ka niya sa pagtatayo ng templo para sa kanya. 12 Bigyan ka nawa ng Diyos mong si Yahweh ng karunungan at pang-unawa upang pagharian mo ang Israel ayon sa kanyang Kautusan. 13 Magtatagumpay(B) ka kung susundin mong mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa Israel. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot ni panghinaan man ng loob. 14 Sinikap kong magtipon ng lahat ng kailangan sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh. Nakaipon ako ng may 3,500,000 kilong ginto, at humigit-kumulang sa 35,000,000 kilong pilak. Ang tinipon kong tanso't bakal ay hindi na kayang timbangin dahil sa sobrang bigat. Nakahanda na rin ang mga kahoy at batong kailangan. Dagdagan mo pa ang mga ito. 15 Marami ka nang manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at lahat ng uri ng napakaraming manggagawa na eksperto sa 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Simulan mo na ngayon ang gawain at tulungan ka nawa ni Yahweh!”
17 Inatasan ni David ang mga pinuno ng Israel na tulungan si Solomon. Sabi niya, 18 “Kayo ay patuloy na pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi niya kayo iniiwanan kaya nagtatamasa kayo ng kapayapaan saanmang lugar. Niloob niyang malupig ko ang mga dating naninirahan sa lupaing ito. Sila ngayon ay alipin ninyo at ni Yahweh. 19 Kaya, paglingkuran ninyo si Yahweh nang buong puso't kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng santuwaryo niya upang madala na roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang lahat ng sagradong kagamitan para sa pagsamba sa kanya.”
Ang Gawain ng mga Levita
23 Nang(C) matandang matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon.
2 Tinipon ni David ang mga pinuno ng Israel, ang mga pari at ang mga Levita. 3 Ang mga nabilang na Levita mula sa gulang na tatlumpung taon pataas ay 38,000. 4 Ang mga inatasan sa pangangalaga at paglilingkod sa Templo ay 24,000. Ang ginawang mga opisyal at mga hukom ay 6,000, 5 at 4,000 ang kinuhang mga bantay sa pintuan. Ang magpupuri kay Yahweh sa saliw ng mga instrumentong ginawa ni David ay 4,000 rin. 6 Pinagtatlong pangkat ni David ang mga Levita ayon sa tatlong anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.
7 Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan at Simei. 8 Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam at si Joel. 9 Tatlo rin ang anak ni Simei: sina Zelomit, Haziel at Haran. Sila ang mga pinuno ng mga angkan na nagbuhat kay Ladan. 10 Apat ang anak ni Simei na kapatid ni Ladan: sina Jahat, Zina, Jeus at Berias. 11 Si Jahat ang pinuno at si Zisa naman ang kanang kamay. Kakaunti ang mga anak na lalaki nina Jeus at Berias kaya't pinagsama na sila at ibinilang na iisang angkan.
12 Apat ang anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 13 Mga(D) anak ni Amram sina Aaron at Moises. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay ibinukod upang mangalaga sa mga ganap na sagradong bagay habang panahon. Sila ang magsusunog ng mga handog sa harapan ni Yahweh, maglilingkod at magbabasbas sa pangalan ni Yahweh magpakailanman. 14 Ngunit ang mga anak ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay ibinilang na kasama ng mga Levita. 15 Ang mga anak ni Moises ay sina Gershon at Eliezer. 16 Sa mga anak ni Gershon, si Sebuel ang pinuno; 17 kay Eliezer naman ay si Rehabias na kaisa-isa niyang anak na lalaki. Si Rehabias naman ay maraming anak.
18 Sa mga anak ni Izar, na pangalawang anak ni Kohat, si Zelomit ang pinuno. 19 Ang apat na anak ni Hebron ay sina Jerias na pinuno, Amarias, Jahaziel at Jecamiam. 20 Sa mga anak naman ni Uziel, si Micas ang pinuno at si Isias ang pangalawa.
21 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Mga anak ni Mahli sina Eleazar at Kis. 22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki, kundi panay babae. Sila ay napangasawa ng kanilang mga pinsan na mula sa angkan ni Kish. 23 Tatlo naman ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder at Jeremot.
24 Ito ang bumubuo sa lipi ni Levi ayon sa angkan at sambahayan. Bawat isa, mula sa edad na dalawampu pataas ay katulong sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh.
25 Sinabi ni David, “Binigyan na ni Yahweh, na Diyos ng Israel, ng kapayapaan ang kanyang bayan, at maninirahan na siya sa Jerusalem magpakailanman. 26 Dahil(E) dito'y hindi na bubuhatin ng mga Levita ang tabernakulo at ang mga kagamitan sa paglilingkod dito.” 27 Iyan ang dahilan kaya ipinapalista ang mga Levita mula sa gulang na dalawampu pataas. 28 Sila'y(F) tutulong na lamang sa mga paring mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sila ang mangangalaga sa mga bulwagan, mga silid, mga sagradong kasangkapan, at iba pang mga gawain sa Templo ng Diyos. 29 Sila rin ang tutulong sa paghahanda ng tinapay na panghandog, ng harinang panghalo sa mga panghandog, ng manipis na tinapay na walang pampaalsa, mga nilutong handog, at ng harinang hinaluan ng langis. Tutulong din sila sa pagtakal at pagsukat ng mga handog. 30 Umaga't hapon, haharap sila kay Yahweh upang magpuri at magpasalamat, 31 at kung may handog na susunugin, sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang kapistahan ayon sa bilang at patakarang ipinag-uutos, sa harapan ni Yahweh, sa lahat ng panahon. 32 Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan at sa dakong banal, at tutulungan nila ang mga paring kamag-anak nila sa lahat ng paglilingkod sa Templo ni Yahweh.
Walang Sinumang Matuwid
9 Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti[a] kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. 10 Ayon(A) sa nasusulat,
“Walang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa,
walang naghahanap sa Diyos.
12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”
13 “Parang(B) bukás na libingan ang kanilang lalamunan;
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.”
14 “Punô(C) ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.”
15 “Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa.
16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”
18 “Hindi(D) sila marunong matakot sa Diyos.”
19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang(E) taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala.
Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao
21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao, 23 sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus.
27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. 28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan ng pananampalataya itinuturing na matuwid ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat(F) iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya ituturing na matuwid ang mga Judio at mga Hentil batay sa kanilang pananampalataya. 31 Pinapawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.[a]
12 O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
wala nang taong tapat at totoo.
2 Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
nagkukunwari at nagdadayaan sila.
3 Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
4 silang laging nagsasabi,
“Kami'y magsasalita ng nais namin;
at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
5 “Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
“Upang saklolohan ang mga inaapi.
Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”
6 Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
ang katulad nila'y pilak na lantay;
tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.
7 Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
8 Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
ang mga gawang liko ay ikinararangal!
13 Ang anak na hangal ay kasawiang-palad ng kanyang ama,
at tila ulang walang tigil ang bibig ng madaldal na asawa.
14 Namamana sa magulang ang bahay at kayamanan,
ngunit si Yahweh lang ang nagbibigay ng mabuting maybahay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.