The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
Ang Gawain ng mga Pari
24 Ito ang mga pangkat ng mga angkan ni Aaron: ang mga anak niya ay sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. 2 Sina(A) Nadab at Abihu ay naunang namatay kaysa kay Aaron at wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar lamang ang naging mga pari. 3 Sa tulong nina Zadok na anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na anak ni Itamar, ang mga kabilang sa angkan ni Aaron ay hinati ni David sa mga pangkat at binigyan ng kani-kanilang tungkulin. 4 Marami ang pinuno ng mga sambahayan sa angkan ni Eleazar kaysa kay Itamar. Kaya sa dalawampu't apat na pangkat, labing-anim ang napili mula sa angkan ni Eleazar at walo naman ang kay Itamar. 5 Pinili sila ni David sa pamamagitan ng palabunutan sapagkat maging sa angkan ni Eleazar at ni Itamar ay may mga tagapangasiwa sa loob ng dakong banal at may mga tagapanguna sa pagsamba. 6 Si Semaias na anak ng Levitang si Netanel ang naglista ng mga pangalan, at ginawa niya ito sa harapan ng hari. Nasaksihan din ito ng mga prinsipe, ni Zadok na pari, ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at ng mga pinuno ng angkan ng mga pari at Levita. Isang sambahayan ng mga pari ang inilista sa panig ni Eleazar at isa rin kay Itamar.
7-18 Ito ang pagkakasunud-sunod ng paglilingkod mula sa una hanggang sa ikadalawampu't apat na pangkat ayon sa palabunutan: Jehoiarib, Jedaias, Harim, Seorim, Malaquias, Mijamin, Hacos, Abias, Jeshua, Secanias, Eliasib, Jaquim, Jupa, Jesebeab, Bilga, Imer, Hezer, Afses, Petaya, Hazaquiel, Jaquin, Gamul, Delaias, Maasias.
19 Ito ang kaayusan at takdang panahon ng paglilingkod nila sa Templo ni Yahweh ayon sa itinatag ng kanilang ninunong si Aaron, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
Ang Listahan ng mga Levita
20 Ito ang iba pang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi: si Subael sa angkan ni Amram at si Jehedias sa angkan ni Subael; 21 si Isias na isang pinuno sa angkan ni Rehabias; 22 si Zelomot sa angkan ng Isharita, at si Jahat sa angkan ni Zelomot; 23 sina Jerias, Amarias, Jahaziel, at Jecamiam sa angkan ni Hebron; 24 si Micas sa angkan ni Uziel; si Samir sa angkan ni Micas; 25 si Isias na kapatid ni Micas at si Zacarias sa angkan ni Isias; 26 sina Mahli at Musi sa angkan ni Merari; si Beno sa angkan ni Jaazias; 27 sina Beno, Soham, Zacur at Ibri, mga anak ni Jaazias sa angkan ni Merari. 28-29 Si Mahli ay may dalawang anak, sina Eleazar at Kish. Si Eleazar ay walang anak, ngunit si Kish ay mayroong isang anak, si Jerameel. 30 Sina Mahli, Eder at Jerimot ay mga anak ni Musi.
Sila ang mga angkan ng mga Levita. 31 Ang mga ito, tulad ng mga kamag-anak nila mula sa angkan ni Aaron ay nagpalabunutan din maging sila'y pinuno ng sambahayan o hindi. Sinaksihan ito ni Haring David, nina Zadok at Ahimelec, at ng mga pinuno ng sambahayan ng mga pari at mga Levita.
Ang mga Mang-aawit sa Templo
25 Pinili ni David at ng mga pinuno ng mga Levita ang mga anak nina Asaf, Heman at Jeduthun upang manguna sa pagsamba. Tungkulin nilang magpahayag ng salita ng Diyos sa saliw ng lira, alpa, at pompiyang. Ito ang listahan ng kanilang mga pangalan at ang kani-kanilang tungkulin: 2 sina Zacur, Jose, Netanias at Asarela. Sila ay pinangunahan ni Asaf na kanilang ama sa pagpapahayag ng salita ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ng hari. 3 Sina Gedalias, Zeri, Jesaias, Hashabias, Matitias at Simei ay pinangunahan ng ama nilang si Jeduthun sa pagpapahayag ng salita ng Diyos nang may pagpupuri at pasasalamat kay Yahweh sa saliw ng lira. 4 Sina Bukias, Matanias, Uziel, Sebuel, Jerimot, Hananias, Hanani, Eliata, Gedalti, Romamti-ezer, Josbecasa, Maloti, Hotir at Mahaziot 5 ay mga anak ni Heman na propeta ng hari—labing-apat na lalaki at tatlong babae. Ang mga ito ang itinalaga ng Diyos kay Heman upang tumugtog ng tambuli. 6 Ang kanilang ama ang namahala sa kanilang pag-awit sa Templo ni Yahweh, gayundin sa pagtugtog ng pompiyang, alpa, at lira. Sina Asaf, Jeduthun at Heman na namamahala sa kani-kanilang mga anak ay nasa ilalim ng pamamahala ng hari. 7 Ang bilang ng mga ito kasama na ang iba pa nilang mga kamag-anak na pawang nagsanay sa pag-awit kay Yahweh ay 288.
8 Sama-sama silang nagpalabunutan para malaman ang kanilang tungkulin, bata at matanda, guro at mag-aaral.
9-31 Ang 288 na ito ay hinati, ayon sa kani-kanilang sambahayan, sa dalawampu't apat na pangkat na tiglalabindalawa. Ang bawat isa ay pinamahalaan ng isang pinuno. Ito ang pagkakasunud-sunod nila ayon sa kani-kanilang tungkulin: 1) Si Jose sa sambahayan ni Asaf; 2) si Gedalia; 3) si Zocur; 4) si Zeri; 5) si Netanias; 6) si Bukias; 7) si Azarel; 8) si Jesaias; 9) si Matanias; 10) si Simei; 11) si Uziel; 12) si Hashabias; 13) si Sebuel; 14) si Matitias; 15) si Jerimot; 16) si Hananias; 17) si Josbecasa; 18) si Honani; 19) si Maloti; 20) si Eliata; 21) si Hotir; 22) si Gidalti; 23) si Mahaziot; at 24) si Romamti-ezer.
Ang mga Bantay sa Pinto ng Templo
26 Ito naman ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto ng Templo: sa angkan ni Korah ay si Meselemias na anak ni Korah, buhat sa pamilya ni Asaf. 2 Ang pito niyang anak ay si Zacarias na siyang panganay, kasunod sina Jediael, Zebadias, Jatniel, 3 Elam, Jehohanan at Eliehoenai. 4 Pinagpala(B) ng Diyos si Obed-edom. Binigyan siya ng walong anak na lalaki; si Semaias na panganay, kasunod sina Jehozabad, Joa, Sacar, Natanel, 5 Amiel, Isacar, at Peulletai. 6 Si Semaias ay may mga anak na naging pinuno ng kanilang sambahayan, sapagkat sila'y mahuhusay at bihasa. Ang pangkat ng mga ito'y binubuo 7 nina Otni, Refael, Obed, Elzabad, at ang dalawa pa niyang anak na matatapang din, sina Elihu at Semaquias. 8 Ang mga anak at apo ni Obed-edom na pawang may kakayahang maglingkod ay animnapu't dalawa. 9 Labingwalo naman ang mga kamag-anak na pinamumunuan ni Meselemias at pawang matatapang din. 10 Kabilang din ang pangkat ni Hosa, mula sa angkan ni Merari na binubuo ng kanyang mga anak. Si Simri, bagama't hindi panganay ay ginawang pinuno ng sambahayan ng kanyang ama. 11 Kasama rin ang iba pang mga anak niyang sina Hilkias, Tebalias at Zacarias. Labingtatlo ang mga anak at kamag-anak ni Hosa.
Ang Halimbawa ni Abraham
4 Tungkol kay Abraham na ating ninuno, ano naman ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito? 2 Kung itinuring siya ng Diyos na matuwid dahil sa mga nagawa niya, may maipagmamalaki sana siya. Ngunit wala siyang maipagmalaki sa paningin ng Diyos. 3 Ano(A) ang sinasabi ng kasulatan? “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos na matuwid.” 4 Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran. 5 Ngunit ang hindi nananalig sa sariling mga gawa kundi sumasampalataya sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya. 6 Kaya't tinawag ni David na pinagpala ang taong itinuring ng Diyos na matuwid nang hindi dahil sa sarili nitong mga gawa. Sinabi niya,
7 “Pinagpala ang mga taong pinatawad na ang pagsuway,
at ang mga taong pinawi na ang mga kasalanan.
8 Pinagpala ang taong hindi na pagbabayarin ng Panginoon
sa kanyang mga kasalanan.”
9 Ang pagpapala kayang ito'y para lamang sa mga tuli? Hindi! Ito'y para rin sa mga di-tuli. Sinasabi natin, batay sa Kasulatan na itinuring na matuwid ng Diyos si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. 10 Kailan iyon nangyari? Bago siya tinuli, o pagkatapos? Bago siya tinuli, at hindi pagkatapos. 11 Ang kanyang pagtutuli ay naging tanda na siya'y itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa pananampalataya niya noong hindi pa siya tuli. Kaya't siya'y naging ama ng lahat ng mga sumasampalataya sa Diyos, at sa gayon, sila'y itinuring na matuwid kahit hindi sila tinuli. 12 At siya'y ama rin ng mga tuli, hindi lamang dahil sa kanilang pagiging tuli, kundi dahil sa sila'y sumunod sa halimbawa ng pananampalataya ng ating ninunong si Abraham noong bago siya tuliin.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
13 Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin?
Gaano katagal kang magtatago sa akin?
2 Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin
at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin?
Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?
3 Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin,
huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.
4 Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo,
at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko.
5 Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas,
magagalak ako dahil ako'y ililigtas.
6 O Yahweh, ika'y aking aawitan,
dahil sa iyong masaganang kabutihan.
15 Ang taong tamad ay laging nakatihaya;
kaya't siya'y magugutom, walang panlagay sa sikmura.
16 Ang tumutupad sa kautusan ay nag-iingat ng kanyang buhay,
at ang nagwawalang-bahala sa utos ay tiyak na mamamatay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.