The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Si Haring Joas ng Juda(A)
24 Pitong taóng gulang si Joas nang siya'y maging hari at apatnapung taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Sibias na taga-Beer-seba. 2 Kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ang lahat ng ginawa niya habang nabubuhay ang paring si Joiada. 3 Ikinuha ni Joiada si Joas ng dalawang asawa at nagkaroon siya sa mga ito ng maraming anak na lalaki at babae.
4 Hindi nagtagal, ipinasya ni Joas na ipaayos ang mga sira sa Templo ni Yahweh. 5 Kaya ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita. Iniutos niya sa mga ito: “Libutin ninyo ang mga lunsod ng Juda at pagbayarin ninyo ang mga tao ng buwis para sa taunang pagpapaayos ng Templo ng inyong Diyos. Gawin ninyo ito sa lalong madaling panahon.” Ngunit hindi agad kumilos ang mga Levita. 6 Dahil(B) dito, tinawag ng hari ang pinuno ng mga pari na si Joiada. Sinabi ng hari sa kanya, “Ano ba ang ginagawa mo at hanggang ngayon ay wala pang nalilikom na buwis ang mga Levita mula sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem? Ang buwis na iyan ay ipinag-utos sa Israel ni Moises na lingkod ni Yahweh para sa Toldang Tipanan.”
7 Ang Templo ng Diyos ay pinasok ng mga anak ng masamang babaing si Atalia. Kinuha nila ang lahat ng kayamanan at kasangkapan doon at ginamit pa sa pagsamba kay Baal.
8 Iniutos ng hari na gumawa ng isang kaban at ilagay ito sa may pasukan ng Templo. 9 At ipinahayag niya sa buong Juda at Jerusalem na dalhin ang kanilang buwis para kay Yahweh gaya nang utos ni Moises noong sila'y nasa ilang. 10 Nagalak ang mga tao at ang kanilang mga pinuno, at naghulog sila ng kani-kanilang buwis sa kaban hanggang sa mapuno ito. 11 Dinadala naman ito ng mga Levita sa mga kagawad ng hari at ang laman nito ay kinukuha ng kalihim ng hari at ng kanang-kamay ng pinakapunong pari. Pagkatapos, ibinabalik uli ang kaban sa may pasukan ng Templo. Ganito ang ginagawa nila araw-araw kaya't nakalikom sila ng malaking halaga.
12 Ang nalilikom nilang salapi ay ipinagkakatiwala naman ng hari at ni Joiada sa mga namamahala sa pagpapagawa ng Templo. Umupa sila ng mga kantero, mga karpintero at mga panday ng bakal at ng tanso upang magkumpuni ng mga sira sa Templo. 13 Nagtrabaho nang mabuti ang mga manggagawa. Ibinalik nila sa dating kalagayan ang Templo ng Diyos at pinatibay pa ito. 14 Ibinalik nila sa hari at kay Joiada ang natirang salapi at ipinagpagawa naman ito ng mga kagamitan sa Templo. Gumawa sila ng kasangkapang gamit sa paglilingkod at handog na susunugin, mga lalagyan ng insenso at iba pang mga sisidlang ginto at pilak. Patuloy silang naghahandog ng mga haing susunugin sa Templo ni Yahweh habang nabubuhay pa si Joiada.
Binago ang mga Patakaran ni Joiada
15 Tumanda si Joiada at umabot sa sandaan at tatlumpung taóng gulang bago siya namatay. 16 Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David sapagkat naging mabuti siya sa Israel, sa Diyos at sa Templo nito.
17 Pagkamatay ni Joiada, ang mga pinuno ng Juda ay nagbigay-galang sa hari at sila na ang pinapakinggan ng hari. 18 At pinabayaan nila ang Templo ni Yahweh na Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa halip, sumamba sila sa mga Ashera at sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, nagalit ang Diyos at pinarusahan ang mga taga-Juda at ang mga taga-Jerusalem. 19 Gayunma'y nagsugo si Yahweh ng mga propeta upang ang mga tao'y magbalik-loob sa kanya. Ngunit hindi sila nakinig sa mga ito. 20 Dahil(C) dito, lumukob ang Espiritu[a] ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo siya sa harap ng bayan. Sinabi niya, “Ito ang sinabi ng Diyos: ‘Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Yahweh? Bakit ninyo ipinapahamak ang inyong mga sarili. Sapagkat itinakwil ninyo siya, itinakwil din niya kayo!’” 21 Ngunit nagsabwatan ang mga tao laban sa kanya. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias hanggang sa mamatay. Naganap ito sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. 22 Kinalimutan ni Haring Joas ang kagandahang-loob sa kanya ni Joiada na ama ni Zacarias. Bago namatay si Zacarias, ganito ang kanyang sinabi, “Makita sana ni Yahweh ang ginagawa ninyong ito at parusahan niya kayo!”
Ang Wakas ng Paghahari ni Joas
23 Nang patapos na ang taóng iyon, si Joas ay sinalakay ng hukbo ng Siria. Pinasok ng mga ito ang Juda at Jerusalem at pinatay ang mga pinuno ng bayan. Lahat ng sinamsam nila'y ipinadala sa hari sa Damasco. 24 Maliit man ang hukbo ng Siria ay nagtagumpay sila laban sa malaking hukbo ng Juda sapagkat itinakwil nito si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan pinarusahan si Joas.
25 Iniwan ng hukbong Siria si Joas na may malubhang sugat. Ngunit pagkaalis nila, nagkaisa ang mga lingkod ng hari na ipaghiganti ang pagkamatay ng anak ng paring si Joiada. Kaya pinatay nila si Joas sa kanyang higaan. Siya'y inilibing nila sa Lunsod ni David ngunit hindi sa libingan ng mga hari. 26 Ang mga kasama sa pagpatay sa kanya ay si Sabad na anak ni Simeat na isang Ammonita at si Jehosabad na anak ni Simrit na isang Moabita. 27 Ang mga kasaysayan tungkol sa kanyang mga anak, mga propesiya laban sa kanya at ang kanyang muling pagtatayo sa Templo ay nakasulat sa Paliwanag sa Aklat ng mga Hari. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Amazias.
Si Haring Amazias ng Juda(D)
25 Dalawampu't limang taon si Amazias nang siya'y maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jehoadan na taga-Jerusalem. 2 Naging kalugud-lugod kay Yahweh ang kanyang mga ginawa, ngunit hindi niya ginawa ang mga ito nang buong puso. 3 Nang matatag na siya sa kanyang paghahari, ipinapatay niya ang mga tauhan niya na pumatay sa kanyang amang hari. 4 Ngunit(E) hindi niya pinatay ang kanilang mga anak alinsunod sa utos ni Yahweh na nasa aklat ni Moises na ganito ang sinasabi, “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.”
Digmaan Laban sa Edom(F)
5 Pagkatapos, tinipon ni Amazias ang mga lalaki sa Juda at pinagpangkat-pangkat ayon sa kani-kanilang angkan. Ginawa rin niya ito sa lipi ni Benjamin. Bumuo siya ng mga pangkat na libu-libo at ng mga daan-daan. Nilagyan niya ang mga ito ng kanya-kanyang pinuno. Pagkatapos, ibinukod niya ang mga kabataang may dalawampung taon ang gulang pataas at nakatipon siya ng tatlong daang libo. Lahat ng ito'y handang makipagdigma at sanay humawak ng panangga at sibat. 6 Kumuha pa siya sa Israel ng 100,000 matatapang na kawal at inupahan niya ang mga ito ng 3,500 kilong pilak. 7 Ngunit may isang lingkod ng Diyos na nagpayo sa kanya ng ganito: “Mahal na hari, huwag po ninyong isasama ang hukbo ng Israel sa inyong pagsalakay sapagkat hindi na po pinapatnubayan ni Yahweh ang mga Efraimitang iyon! 8 Maaaring iniisip ninyo na palalakasin nila kayo sa digmaan. Ngunit ang Diyos ang nagbibigay ng tagumpay o pagkatalo. Ipapatalo niya kayo sa inyong mga kaaway.”
9 Sinabi ni Amazias sa propeta, “Ngunit paano naman ang mga pilak na naibayad ko na sa kanila?”
Sumagot ang propeta ng Diyos, “Higit pa riyan ang maibibigay sa inyo ni Yahweh.”
10 Pinauwi na nga ni Amazias ang mga kawal na mula sa Efraim. Dahil dito, lubha silang nagdamdam at umuwing galit na galit sa mga taga-Juda.
11 Lumakas ang loob ni Amazias at sumalakay sila sa Libis ng Asin at may sampung libong mga kawal ng Edom ang kanilang napatay. 12 Ang sampung libo pa na kanilang nabihag ay dinala nila sa itaas ng bangin at inihulog mula roon kaya namatay ang mga itong bali-bali ang mga buto. 13 Ang mga kawal naman ng Israel na pinauwi ni Amazias ay sumalakay sa Juda mula sa Samaria hanggang Beth-horon. Pinagpapatay nila ang tatlong libong mamamayan doon at nag-uwi pa ng maraming samsam.
14 Pagkatapos nilang malupig ang mga Edomita, kinuha ni Amazias ang mga diyus-diyosan ng mga ito at dinala sa Jerusalem. Kinilala niyang diyos ang mga iyon, sinamba at hinandugan. 15 Ikinagalit ito ni Yahweh, kaya sinugo niya ang isang propeta at sinabi kay Amazias, “Bakit ka sumamba sa mga diyos ng ibang bansa na hindi nakapagligtas sa kanilang sariling bayan mula sa iyong kapangyarihan?”
16 Nagsasalita pa ito'y sinabi na sa kanya ng hari, “Kailan pa kita ginawang tagapayo ko? Tumigil ka kung ayaw mong mamatay.”
Bago tumahimik ang propeta sinabi muna niya ito: “Alam kong pupuksain ka ng Diyos dahil sa ginawa mong ito at dahil hindi ka nakinig sa aking payo.”
Dinigma ang Israel(G)
17 Si Amazias na hari ng Juda ay nakipagpulong sa kanyang mga tagapayo. Pagkatapos, nagpadala siya ng mensahe kay Joas na hari ng Israel, na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito ng labanan. 18 Ito naman ang sagot ni Joas na hari ng Israel: “Ang dawag sa Lebanon ay nagpadala ng sugo sa sedar ng Lebanon upang sabihin, ‘Ang anak mong dalaga'y ipakasal mo sa aking anak.’ Ngunit may dumaang mabangis na hayop mula sa Lebanon at tinapakan ang dawag. 19 Sinasabi mong natalo mo ang Edom at ipinagmalaki mo iyon! Mabuti pa'y tumigil ka na sa bahay mo! Bakit lumilikha ka ng gulo na ikapapahamak mo at ng iyong bayan?”
20 Ngunit hindi ito pinansin ni Amazias sapagkat kalooban ng Diyos na mahulog sa kamay ni Joas ang Juda, bilang parusa sa pagsamba ni Amazias sa mga diyus-diyosan ng Edom. 21 Nagharap sa labanan si Haring Joas ng Israel at si Haring Amazias ng Juda, sa Beth-semes na sakop ng Juda. 22 Natalo ng Israel ang Juda at ang mga kawal nito'y tumakas pauwi. 23 Ngunit nabihag ni Haring Joas si Haring Amazias at dinala ito sa Jerusalem. Winasak ni Joas ang pader ng lunsod mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuan sa Sulok, mga 180 metro ang haba. 24 Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak at mga kagamitan sa Templo ng Diyos na nasa pag-iingat ng mga anak ni Obed-Edom. Sinamsam din niya ang mga kayamanan sa palasyo at nagdala pa siya sa Samaria ng mga bihag.
25 Labinlimang taon pang nabuhay si Haring Amazias ng Juda mula nang mamatay si Haring Joas ng Israel. 26 Ang iba pang mga ginawa ni Amazias mula sa pasimula hanggang sa wakas ng kanyang paghahari ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel. 27 Mula nang sumuway siya kay Yahweh, nagkaroon ng sabwatan sa Jerusalem laban sa kanya kaya't tumakas siya patungong Laquis, ngunit sinundan siya roon at pinatay. 28 Ang kanyang bangkay ay isinakay sa kabayo at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David.
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[a] ninyo sa Diyos. 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung(A) paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. 6 Tumanggap(B) tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. 7 Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. 8 Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.
9 Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11 Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.
14 Idalangin(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. 15 Makigalak(D) kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. 16 Magkaisa(E) kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha.[b] Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.
17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. 19 Mga(F) minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip,(G) “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”[c] 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.
19 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20 Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21 Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22 Mga(A) ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.
25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”
8 Sa pagluklok ng hari upang igawad ang kahatulan,
walang matatagong anumang kasamaan.
9 Sino ang makakapagsabi na ang puso niya'y malinis
at di namuhay sa kasamaan kahit isang saglit?
10 Ang mandarayang timbangan at mandarayang sukatan,
kay Yahweh ay parehong kasuklam-suklam.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.