Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Cronica 15:1-16:36

Inilipat sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan

15 Nagpagawa si David para sa kanyang sarili ng maraming bahay sa Jerusalem. Naghanda rin siya ng isang lugar para sa Kaban ng Tipan at nagpatayo ng isang tolda para rito. Sinabi(A) niya, “Walang maaaring bumuhat sa Kaban ng Tipan ng Diyos maliban sa mga Levita, sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang magdala ng kanyang kaban at maglingkod sa kanya habang panahon.” Pagkatapos, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga mula sa angkan ni Aaron at ang mga Levita: sa angkan ni Kohat, si Uriel at ang 120 kamag-anak na pinamumunuan niya; sa angkan ni Merari, si Asaias at ang pinamumunuan niyang 220 mga kamag-anak; sa angkan ni Gershon ay si Joel at ang 130 kasama niya; sa angkan ni Elizafan, si Semaias at ang 200 mga kamag-anak na kanyang pinamumunuan; sa angkan ni Hebron, si Eliel at ang walumpung kamag-anak niya; 10 at sa angkan ni Uziel, si Aminadab at ang pinamumunuan niyang 112 mga kamag-anak.

11 Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levitang sina Uriel, Asaias, Joel, Semaias, Eliel, at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng angkan ng mga Levita. Linisin ninyo ang inyong sarili pati ang inyong mga kapatid at dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa lugar na inihanda ko para dito. 13 Dahil hindi namin kayo kasama nang unang buhatin ito, nagalit ang Diyos nating si Yahweh sapagkat hindi namin ginawa ang ayon sa ipinag-uutos niya.”

14 Kaya nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili upang dalhin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Pinasan(B) ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga kahoy na pambuhat, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

16 Inutusan din ni David ang mga pinunong Levita na pumili ng mga kapwa nila Levita upang umawit at tumugtog ng lira, alpa at pompiyang. 17 Kaya kinuha nila si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berequias; sa angkan ni Merari, si Etan, anak ni Cusaias. 18 Sa pangalawang hanay ng mang-aawit at manunugtog ay pinili nila sina Zacarias, Jaazael, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaias, Maasias, Matitias, Elifelehu, Micneias at sina Obed-edom at Jeiel, mga bantay sa pinto. 19 Sina Heman, Asaf at Etan ang pinili nilang tumugtog ng pompiyang. 20 Sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias at Benaias ang tutugtog ng mga lirang mataas ang tono. 21 At sina Matitias, Elifelehu, Micneias, Obed-edom, Jeiel at Azazias naman ang sa mga lirang mababa ang tono. 22 Ang kukumpas sa pagtugtog ay si Quenanias, pinuno ng mga manunugtog na Levita, sapagkat siya ang sanay sa gawaing ito. 23-24 Sina Berequias at Elkana kasama sina Obed-edom at Jehias ay ang mga bantay sa pinto sa kinalalagyan ng kaban. Ang iihip naman ng mga trumpeta sa harap ng Kaban ng Tipan ay ang mga paring sina Sebanias, Joshafat, Nathanael, Amazias, Zacarias, Benaias at Eliezer.

Dinala sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan(C)

25 Pagkatapos, si David, ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng libu-libong kawal ay masayang nagpunta sa bahay ni Obed-edom upang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. 26 Sa tulong ng Diyos, nadala ng mga Levita ang Kaban ng Tipan, kaya't sila'y naghandog ng pitong toro at pitong tupang lalaki. 27 Si David ay nakasuot ng kamisetang yari sa magandang telang lino, gayundin ang mga Levitang may dala sa Kaban, ang mga manunugtog at si Kenaniaz, ang pinuno ng mga manunugtog. Suot din ni David ang isang efod na lino. 28 Ang buong Israel ay kasama nang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sila'y nagsisigawan sa galak, hinihipan ang tambuli at trumpeta, at tinutugtog ang pompiyang, lira at alpa.

29 Habang ipinapasok sa Lunsod ni David ang Kaban ng Tipan, si Mical, anak na babae ni Saul ay dumungaw sa bintana. Nang makita niyang si David ay nagsasayaw sa tuwa, siya'y labis na nainis.

Ang Kaban sa Loob ng Tolda

16 Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh, at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas.

Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel. Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang. Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos. Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh.

Ang Awit ng Papuri(D)

Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan;
    ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam.
Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan,
    ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan.
10 Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan,
    ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang.
11 Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin,
    sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
12 Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa,
    ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga.
13 Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod,
    ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob.
14 Si Yahweh ang ating Diyos,
    nasa buong mundo ang kanyang mga utos.
15 Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin,
    kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin.
16 Ang(E) ginawa niyang tipan kay Abraham,
    pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan.
17 Kay(F) Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan,
    walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman:
18 “Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan.
    Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.”

19 Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga,
    nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira.
20 Sa maraming bansa sila'y natatagpuan,
    nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian.
21 Di(G) hinayaan ng Diyos sila'y alipinin,
    mga hari'y binalaang huwag silang aapihin.
22 Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang,
    ang mga propeta ko ay iyong igalang.”

23 Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan,
    ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan.
24 Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian.
    Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan.

25 Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan,
    siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan.
26 Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang,
    ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan.
27 Kanya ang kaluwalhatian at karangalan,
    lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan.

28 Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa,
    dapat siyang kilalanin na marangal at dakila.
29 Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan,
    bawat isa'y lumapit at siya ay handugan.
Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan,
30     sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa.
Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa.
31 Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa.
    “Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita.
32 Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon,
    ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh.
33 Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan
    sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan.

34 Purihin(H) si Yahweh, sa kanyang kabutihan;
    pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
35 Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
    tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban;
    upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan
    at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.”
36 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya ngayon at magpakailanman!

Pagkatapos, ang buong bayan ay sumagot ng “Amen,” at nagpuri kay Yahweh.

Roma 1:18-32

Mga Kasalanan ng Sangkatauhan

18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. 20 Mula(A) pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. 21 Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. 22 Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. 23 Tinalikuran(B) nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang.

24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Tinalikuran nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.

26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki ayon sa likas na kaparaanan, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. 27 Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae ayon sa likas na kaparaanan, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.

28 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan,[a] kasakiman, maruruming pag-iisip, pagkainggit, pagpaslang, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahilig sa tsismis, 30 mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos,[b] walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. 31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. 32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na karapat-dapat sa parusang kamatayan ang mga gumagawa nito. Gayunman, hindi lamang patuloy sila sa paggawa nito kundi sumasang-ayon pa sila sa mga gumagawa rin ng mga ito.

Mga Awit 10:1-15

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
    Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
    nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.

Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
    si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
    sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.

Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
    ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
    palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
    kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
    dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.

Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
    upang paslangin ang walang kamalay-malay.
Para silang leon na nasa taguan,
    mga kawawang dukha'y inaabangan,
    hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
    at pagkatapos ay kinakaladkad.

10 Dahan-dahan silang gumagapang,
    upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
    Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”

12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
    silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
    na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?

14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
    at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
    sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.

15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
    parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.

Mga Kawikaan 19:6-7

Marami ang lumalapit sa taong mabait,
    at sa taong bukas-palad, lahat ay malapit.
Kung ang mahirap ay tinatalikuran ng mismong kapatid,
    wala na itong magiging kaibigan, kaninuman lumapit.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.