Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 4:38-15:26

Dalawa Pang Kababalaghan

38 Nang si Eliseo ay bumalik sa Gilgal, may taggutom sa lupain. Habang ang mga anak ng mga propeta ay nakaupo sa harapan niya, sinabi niya sa kanyang lingkod, “Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng pagkain ang mga anak ng mga propeta.”

39 Ang isa sa kanila ay lumabas sa parang upang manguha ng mga gulayin, at nakakita ng isang baging na ligaw. Namitas siya roon hanggang sa ang kanyang kandungan ay napuno ng ligaw na bunga. Siya'y bumalik at pinagputul-putol ang mga iyon sa palayok ng pagkain, na hindi nalalaman kung ano ang mga iyon.

40 Kanilang inihain ang ilan upang kainin ng mga tao. Subalit nang sila'y kumakain ng niluto, sila'y nagsisigaw, “O tao ng Diyos, may kamatayan sa palayok.” Hindi nila makain iyon.

41 Ngunit kanyang sinabi, “Magdala rito ng kaunting harina.” Iyon ay kanyang inilagay sa palayok, at kanyang sinabi, “Ihain ninyo sa mga tao ninyo upang sila'y makakain.” At hindi na nagkaroon pa ng anumang nakakasama sa palayok.

42 Dumating ang isang lalaki mula sa Baal-salisa, na may dala para sa tao ng Diyos na tinapay mula sa mga unang bunga, dalawampung tinapay na sebada, at mga sariwang uhay ng trigo na nasa kanyang sako. At sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo sa mga tao, upang sila'y makakain.”

43 Ngunit sinabi ng kanyang lingkod, “Paano ko ito maihahain sa harapan ng isandaang katao?” Kaya't kanyang inulit, “Ibigay mo sa mga tao upang sila'y makakain, sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sila'y kakain, at may matitira pa.’”

44 Kaya't inihain niya ang mga iyon sa harapan nila. Sila'y kumain, at mayroong natira, ayon sa salita ng Panginoon.

Gumaling si Naaman

Si(A) Naaman na punong-kawal ng hukbo ng hari ng Siria, ay dakilang lalaki sa harapan ng kanyang panginoon at iginagalang, sapagkat sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria. Siya ay isang makapangyarihang lalaki na may kagitingan, subalit siya'y ketongin.

Ang mga taga-Siria, sa isa sa kanilang pagsalakay ay nagdala ng bihag na dalagita mula sa lupain ng Israel, at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.

Sinabi niya sa kanyang babaing panginoon, “Sana'y naroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong.”

Kaya't si Naaman ay pumasok at sinabi sa kanyang panginoon kung ano ang sinabi ng dalagitang mula sa lupain ng Israel.

At sinabi ng hari ng Siria, “Humayo ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari ng Israel.” Kaya't siya'y humayo at nagdala ng sampung talentong pilak, anim na libong pirasong ginto, at sampung magagarang bihisan.

Kanyang dinala ang sulat sa hari ng Israel, na nagsasaad, “Kapag dumating sa iyo ang sulat na ito, alam mo na aking sinugo sa iyo si Naaman na aking lingkod upang iyong pagalingin siya mula sa kanyang ketong.”

Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, kanyang pinunit ang kanyang suot at nagsabi, “Ako ba'y Diyos upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ang taong ito sa kanyang ketong? Tingnan mo lamang at makikita mong siya'y naghahanap ng pag-aawayan namin.”

Ngunit nang mabalitaan ni Eliseo na tao ng Diyos na pinunit ng hari ng Israel ang kanyang suot, siya'y nagsugo sa hari, na sinasabi, “Bakit mo hinapak ang iyong damit? Paparituhin mo siya sa akin at nang kanyang malaman na may isang propeta sa Israel.”

Kaya't dumating si Naaman na dala ang kanyang mga kabayo at karwahe at huminto sa tapat ng pintuan ng bahay ni Eliseo.

10 Si Eliseo ay nagpadala ng sugo sa kanya, na sinasabi, “Humayo ka at maligo sa Jordan ng pitong ulit. Ang iyong laman ay manunumbalik at ikaw ay magiging malinis.”

11 Ngunit si Naaman ay nagalit, at umalis, na sinasabi, “Akala ko'y tiyak na lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos, at iwawasiwas ang kanyang kamay sa lugar at pagagalingin ang ketongin.

12 Hindi ba ang Abana at ang Farpar, na mga ilog ng Damasco, ay higit na mabuti kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba ako maaaring maligo sa mga iyon, at maging malinis?” Kaya't siya'y pumihit at umalis na galit na galit.

13 Ngunit ang kanyang mga lingkod ay nagsilapit at sinabi sa kanya, “Ama ko, kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? Lalo na nga kung sabihin niya sa iyo, ‘Maligo ka at maging malinis ka?’”

14 Kaya't lumusong siya at pitong ulit na lumubog sa Jordan, ayon sa sinabi ng tao ng Diyos. Ang kanyang laman ay nanumbalik na gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.

15 Pagkatapos, siya at ang buong pulutong niya ay bumalik sa tao ng Diyos. Siya'y dumating, tumayo sa harapan niya, at kanyang sinabi, “Ngayo'y nalalaman ko na walang Diyos sa buong daigdig maliban sa Israel; kaya't tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.”

16 Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng anuman.” At ipinilit niya na ito'y kanyang kunin, ngunit siya'y tumanggi.

17 At sinabi ni Naaman, “Kung hindi, hayaan mong bigyan ang iyong lingkod ng lupang kasindami ng mapapasan ng dalawang mola; sapagkat buhat ngayon ang iyong lingkod ay hindi na maghahandog ng handog na susunugin o alay man sa ibang mga diyos, kundi sa Panginoon.

18 Sa bagay na ito'y patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod: kapag ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimon upang sumamba roon, at siya'y humilig sa aking kamay, at ako'y yumukod sa bahay ni Rimon. Pagyukod ko sa bahay ni Rimon, patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod sa isang bagay na ito.”

19 Sinabi niya sa kanya, “Humayo kang payapa.” Kaya't siya ay lumayo sa kanya sa di-kalayuan.

20 Ngunit si Gehazi, na lingkod ni Eliseo na tao ng Diyos ay nagsabi, “Tingnan mo, pinalampas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga-Siria, sa di pagtanggap mula sa kanyang mga kamay ng kanyang dala. Habang buháy ang Panginoon, hahabulin ko siya, at kukuha ako ng kahit ano sa kanya.”

21 Kaya't sinundan ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman na may humahabol sa kanya, siya'y bumaba sa karwahe upang salubungin siya at sinabi, “Lahat ba'y mabuti?”

22 At kanyang sinabi, “Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon upang sabihin na, ‘May kararating pa lamang sa akin mula sa lupaing maburol ng Efraim na dalawang binata sa mga anak ng mga propeta. Bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pampalit na bihisan.’”

23 Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana ang dalawang talento.” Kanyang hinimok siya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, pati ang dalawang pampalit na bihisan, at ipinasan sa dalawa sa kanyang mga tauhan, na nagdala ng mga iyon sa harapan ni Gehazi.

24 Nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya ang mga iyon sa kanila at itinago niya sa bahay. Pinahayo niya ang mga lalaki at sila'y umalis.

25 Siya'y pumasok at tumayo sa harapan ng kanyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kanya, “Saan ka nanggaling, Gehazi?” At kanyang sinabi, “Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.”

26 Ngunit kanyang sinabi sa kanya, “Hindi ba sumama ako sa iyo sa espiritu nang ang lalaki ay bumalik mula sa kanyang karwahe upang salubungin ka? Panahon ba upang tumanggap ng salapi at mga bihisan, ng mga olibohan at mga ubasan, ng mga tupa at mga baka, ng mga aliping lalaki at babae?

27 Kaya't ang ketong ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.” At siya'y umalis sa kanyang harapan na isang ketongin, na kasimputi ng niyebe.

Naibalik ang Talim ng Palakol

At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, “Tingnan mo, ang lugar na aming tinitirhan sa pangangasiwa mo ay napakaliit para sa amin.

Papuntahin mo kami sa Jordan, at kukuha roon ang bawat isa sa amin ng troso at hayaan mong gumawa kami roon ng isang lugar na aming matitirahan.” Siya'y sumagot, “Sige.”

At sinabi ng isa sa kanila, “Maaari bang ikalugod mo na sumama ka sa iyong mga lingkod?” At siya'y sumagot, “Ako'y sasama.”

Kaya't siya'y sumama sa kanila. Nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng mga punungkahoy.

Ngunit samantalang ang isa'y pumuputol ng troso, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig; at siya'y sumigaw, “Naku, panginoon ko! Iyon ay hiram lamang.”

Sinabi ng tao ng Diyos, “Saan iyon bumagsak?” Nang ituro sa kanya ang lugar, pumutol siya ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.

At kanyang sinabi, “Kunin mo.” Kaya't kanyang iniabot iyon ng kanyang kamay at kinuha iyon.

Nagapi ang Hukbo ng Siria

Minsan, nang ang hari ng Siria ay nakikipagdigma sa Israel, siya'y sumangguni sa kanyang mga lingkod. Kanyang sinabi, “Sa gayo't gayong lugar ay ilalagay ko ang aking kampo.”

Ngunit ang tao ng Diyos ay nagsugo sa hari ng Israel, na nagsasabi, “Mag-ingat ka na huwag dumaan sa lugar na ito, sapagkat darating ang mga taga-Siria doon.”

10 Nagsugo ang hari ng Israel sa lugar na sinabi sa kanya ng tao ng Diyos. Ganoon niya laging binabalaan siya, kaya't kanyang iningatan ang kanyang sarili roon na hindi lamang minsan o makalawa.

11 Ang isipan ng hari ng Siria ay lubhang nabagabag dahil sa bagay na ito. Kanyang tinawag ang kanyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, “Sabihin ninyo sa akin! Sino sa atin ang nasa panig ng hari ng Israel?”

12 Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, “Wala po, panginoon ko, O hari. Si Eliseo, ang propetang nasa Israel, ang nagsasabi sa hari ng Israel ng mga salita na iyong sinabi sa iyong silid-tulugan.”

13 At kanyang sinabi, “Humayo ka at tingnan mo kung saan siya naroroon, upang ako'y makapagsugo at dakpin siya.” At sinabi sa kanya, “Naroon siya sa Dotan.”

14 Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo, mga karwahe, at isang malaking hukbo. Sila'y dumating nang gabi, at pinaligiran ang lunsod.

15 Kinaumagahan, nang ang lingkod ng tao ng Diyos ay bumangong maaga at lumabas, isang hukbo na may mga kabayo at mga karwahe ang nakapaligid sa bayan. At sinabi ng kanyang lingkod, “Kahabag-habag tayo, panginoon ko! Paano ang ating gagawin?”

16 At siya'y sumagot, “Huwag kang matakot, sapagkat ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila.”

17 Si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na buksan mo ang kanyang mga mata upang siya'y makakita.” At binuksan ng Panginoon ang mga mata ng binata, at siya'y nakakita. Ang bundok ay punô ng mga kabayo at ng mga karwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo.

18 Nang ang mga taga-Siria ay dumating laban sa kanya, nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang mga taong ito.” At kanyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.

19 At sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi ito ang daan, at hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong inyong hinahanap.” At kanyang dinala sila sa Samaria.

20 Pagkarating nila sa Samaria, sinabi ni Eliseo, “O Panginoon, imulat mo ang mga mata ng mga lalaking ito upang sila'y makakita.” Iminulat ng Panginoon ang kanilang mga mata at kanilang nakita na sila'y nasa loob ng Samaria.

21 Nang sila'y makita ng hari ng Israel, sinabi niya kay Eliseo, “Ama ko, papatayin ko ba sila? Papatayin ko ba sila?”

22 Siya'y sumagot, “Huwag mo silang papatayin. Papatayin mo ba ang binihag ng iyong tabak at ng iyong pana? Maghain ka ng tinapay at tubig sa harapan nila, upang sila'y makakain at makainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.”

23 Kanyang ipinaghanda sila ng malaking handaan; at nang sila'y makakain at makainom, kanyang pinahayo sila, at sila'y pumunta sa kanilang panginoon. At ang mga taga-Siria ay hindi na sumalakay pa sa lupain ng Israel.

Ang Pagsakop sa Samaria

24 Pagkatapos nito, tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang kanyang buong hukbo, at sila'y umahon, at kinubkob ang Samaria.

25 Nagkaroon ng malaking taggutom sa Samaria, habang kanilang kinukubkob ito, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay ipinagbili sa halagang walumpung siklo ng pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati sa halagang limang siklo ng pilak.

26 Habang ang hari ng Israel ay dumaraan sa ibabaw ng pader, sumigaw ang isang babae sa kanya, na nagsasabi, “Saklolo, panginoon ko, O hari.”

27 Kanyang sinabi, “Hindi! Hayaang saklolohan ka ng Panginoon. Paano kita matutulungan? Mula sa giikan o sa ubasan?”

28 Ngunit tinanong siya ng hari, “Ano ang iyong daing?” Siya'y sumagot, “Sinabi ng babaing ito sa akin, ‘Ibigay mo ang iyong anak, kakainin natin siya ngayon, at kakainin natin ang anak ko bukas.’

29 Kaya't(B) niluto namin ang anak ko, at kinain namin siya. Nang sumunod na araw, sinabi ko sa kanya, ‘Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya’; ngunit kanyang ikinubli ang kanyang anak.”

30 Nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, kanyang pinunit ang kanyang suot (nagdaraan siya noon sa ibabaw ng pader;) at ang taong-bayan ay nakatingin, at siya noon ay may suot na pang-ilalim na damit-sako—

31 at kanyang sinabi, “Gawing gayon ng Diyos sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Shafat ay manatili sa kanyang mga balikat sa araw na ito.”

32 Kaya't ang hari ay nagsugo ng isang tao mula sa kanyang harapan. Noon si Eliseo ay nakaupo sa kanyang bahay, at ang matatanda ay nakaupong kasama niya. Bago dumating ang sugo, sinabi ni Eliseo sa matatanda, “Nakikita ba ninyo kung paanong ang anak ng mamamatay-taong ito ay nagsugo ng isang tao upang pugutin ang aking ulo? Pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at hawakan ninyo ang pinto laban sa kanya: Di ba ang tunog ng mga paa ng kanyang panginoon ay nasa likuran niya?”

33 Samantalang siya'y nakikipag-usap sa kanila, dumating ang sugo at kanyang sinabi, “Ang kasamaang ito'y mula sa Panginoon! Bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?”

Ngunit sinabi ni Eliseo, “Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon. Ganito ang sabi ng Panginoon: Bukas sa ganitong oras, ang isang takal ng piling harina ay ipagbibili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada sa isang siklo sa pintuang-bayan ng Samaria.”

Nang magkagayon, ang punong-kawal na sa kanyang kamay ay nakahilig ang hari, ay sumagot sa tao ng Diyos, “Kung mismong ang Panginoon ang gagawa ng mga dungawan sa langit, ito na kaya iyon?” Ngunit kanyang sinabi, “Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon.”

Umalis ang Hukbo ng Siria

Noon ay mayroong apat na ketongin sa pasukan ng pintuang-bayan; at kanilang sinabi sa isa't isa, “Bakit nauupo tayo rito hanggang sa tayo'y mamatay?

Kung ating sabihin, ‘Pumasok tayo sa lunsod,’ ang taggutom ay nasa lunsod, at mamamatay tayo roon; at kung tayo'y uupo rito, tayo'y mamamatay rin. Kaya't tayo na, pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung ililigtas nila ang ating buhay, tayo'y mabubuhay; at kung tayo'y patayin nila, talagang tayo'y mamamatay.”

Kaya't sila'y nagsitindig nang magtatakip-silim upang pumunta sa kampo ng mga taga-Siria. Ngunit nang sila'y dumating sa hangganan ng kampo ng mga taga-Siria ay walang tao roon.

Sapagkat ipinarinig ng Panginoon sa hukbo ng mga taga-Siria ang dagundong ng mga karwahe, ng mga kabayo, at ang dagundong ng isang malaking hukbo, kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng mga Heteo, at ang mga hari ng mga Ehipcio upang sumalakay sa atin.”

Kaya't sila'y nagsitakas nang takipsilim at iniwan ang kanilang mga tolda, ang kanilang mga kabayo, asno, at iniwan ang buong kampo sa dati nitong kaayusan at tumakas dahil sa kanilang buhay.

Nang ang mga ketonging ito ay dumating sa gilid ng kampo, sila'y pumasok sa isang tolda, kumain at uminom, at nagsikuha ng pilak, ginto, at bihisan, at humayo at itinago ang mga iyon. Muli silang bumalik at pumasok sa ibang tolda, at kumuha ng mga bagay roon, at umalis at itinago ang mga iyon.

Pagkatapos ay sinabi nila sa isa't isa, “Hindi tama ang ginagawa natin. Ang araw na ito ay araw ng mabuting balita. Kung tayo'y mananahimik at maghihintay ng liwanag sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin. Tayo na ngayon, umalis na tayo at ating sabihin sa sambahayan ng hari.”

10 Kaya't sila'y umalis at tinawag ang mga bantay-pinto ng lunsod at kanilang sinabi sa kanila, “Kami ay pumunta sa kampo ng mga taga-Siria, ngunit walang taong makikita o maririnig doon, liban sa mga nakataling kabayo, mga nakataling asno, at ang mga tolda sa dati nilang kaayusan.”

11 At nagbalita ang mga bantay-pinto, at napabalita iyon sa loob ng sambahayan ng hari.

12 Ang hari ay bumangon nang gabi, at sinabi sa kanyang mga lingkod, “Sasabihin ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga-Siria laban sa atin. Kanilang nalalaman na tayo'y gutom. Kaya't sila'y nagsilabas ng kampo upang kumubli sa parang, na iniisip na, ‘Kapag sila'y nagsilabas sa lunsod, kukunin natin silang buháy at papasok tayo sa lunsod.’”

13 Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, “Hayaan mong ang ilang tauhan ay kumuha ng lima sa mga kabayong nalalabi, yamang ang mga nalalabi rito ay magiging gaya rin lamang ng buong karamihan ng Israel na nangamatay na. Tayo'y magsugo at ating tingnan.”

14 Kaya't sila'y nagsikuha ng dalawang lalaking naka-karwahe at sila ay sinugo ng hari upang tingnan ang hukbo ng mga taga-Siria, na sinasabi, “Humayo kayo at tingnan ninyo.”

15 Kaya't kanilang sinundan sila hanggang sa Jordan; nakakalat sa buong daan ang mga kasuotan at mga kasangkapan na inihagis ng mga taga-Siria sa kanilang pagmamadali. Kaya't ang mga sugo ay bumalik at nagsalaysay sa hari.

16 Pagkatapos ang taong-bayan ay lumabas at sinamsaman ang kampo ng mga taga-Siria. Kaya't ang isang takal ng mainam na harina ay naipagbili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay isang siklo, ayon sa salita ng Panginoon.

17 At inihabilin ng hari sa punong-kawal na sinasandalan ng kanyang kamay sa pangangasiwa sa pintuang-bayan, at pinagtatapakan siya ng taong-bayan sa pintuang-bayan, kaya't siya'y namatay na gaya ng sinabi ng tao ng Diyos nang pumunta ang hari sa kanya.

18 At nangyari, gaya ng sinabi ng tao ng Diyos sa hari, na sinasabi, “Ang dalawang takal ng sebada ay maipagbibili ng isang siklo, at ang isang takal ng mainam na harina ay isang siklo, bukas sa mga ganitong oras sa pintuang-bayan ng Samaria;”

19 ang punong-kawal ay sumagot sa tao ng Diyos, at nagsabi, “Kung mismong ang Panginoon ay gagawa ng mga durungawan sa langit, mangyayari ba ang gayong bagay?” At kanyang sinabi, “Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon.”

20 Kaya't iyon ang nangyari sa kanya, sapagkat tinapakan siya ng taong-bayan hanggang sa namatay sa pintuang-bayan.

Bumalik ang Babae mula sa Sunem

At(C) sinabi ni Eliseo sa babae na ang anak ay kanyang muling binuhay, “Bumangon ka, at umalis kang kasama ang iyong sambahayan. Mangibang bayan ka kung saan ka makarating sapagkat tumawag ang Panginoon ng taggutom at ito ay darating sa lupain sa loob ng pitong taon.”

Kaya't ang babae ay bumangon, at ginawa ang ayon sa salita ng tao ng Diyos. Siya'y umalis na kasama ang kanyang sambahayan, at nangibang bayan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

At nangyari, sa katapusan ng ikapitong taon, pagbalik ng babae mula sa lupain ng mga Filisteo, siya'y humayo upang makiusap sa hari tungkol sa kanyang bahay at lupa.

Ang hari noon ay nakikipag-usap kay Gehazi na lingkod ng tao ng Diyos, na sinasabi, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng mga dakilang bagay na ginawa ni Eliseo.”

At nangyari, samantalang kanyang sinasabi sa hari kung paanong kanyang ibinalik ang buhay ng patay, ang babae na ang anak ay kanyang muling binuhay ay nakiusap sa hari para sa kanyang bahay at lupa. Sinabi ni Gehazi, “Panginoon ko, O hari, ito ang babae, at ito ang kanyang anak na muling binuhay ni Eliseo.”

Nang tanungin ng hari ang babae, ay isinalaysay niya ito sa kanya. Kaya't humirang ang hari ng isang pinuno para sa kanya na sinasabi, “Isauli mo ang lahat ng kanya, pati ang lahat ng bunga ng bukirin mula nang araw na kanyang iwan ang lupain hanggang ngayon.”

Si Eliseo at si Haring Ben-hadad ng Siria

Si Eliseo ay pumunta sa Damasco samantalang si Ben-hadad na hari ng Siria ay may sakit. At nagsalita sa kanya, na sinasabi, “Ang tao ng Diyos ay naparito,”

at sinabi ng hari kay Hazael, “Magdala ka ng isang kaloob, at humayo ka upang salubungin ang tao ng Diyos, at sumangguni ka sa Panginoon sa pamamagitan niya, na sinasabi, “Gagaling ba ako sa sakit na ito?”

Kaya't umalis si Hazael upang salubungin siya, at nagdala siya ng kaloob, ng bawat mabuting bagay sa Damasco, na apatnapung pasang kamelyo. Nang siya'y dumating at tumayo sa harapan niya, ay sinabi niya, “Sinugo ako sa iyo ng anak mong si Ben-hadad na hari ng Siria, na sinasabi, ‘Gagaling ba ako sa sakit na ito?’”

10 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Humayo ka, sabihin mo sa kanya, ‘Ikaw ay tiyak na gagaling,’ subalit ipinakita sa akin ng Panginoon na siya'y tiyak na mamamatay.”

11 Kanyang itinuon ang kanyang paningin at tumitig sa kanya, hanggang sa siya'y napahiya. At ang tao ng Diyos ay umiyak.

12 At sinabi ni Hazael, “Bakit umiiyak ang aking panginoon?” At siya'y sumagot, “Sapagkat nalalaman ko ang kasamaan na iyong gagawin sa mga anak ni Israel. Ang kanilang mga tanggulan ay iyong susunugin ng apoy, at ang kanilang mga kabataang lalaki ay iyong papatayin ng tabak, at dudurugin ang kanilang mga bata, at iyong bibiyakin ang tiyan ng mga babaing buntis.”

13 At(D) sinabi ni Hazael, “Magagawa ba ng iyong lingkod na isang aso lamang ang ganitong napakalaking bagay?” At sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ng Panginoon na ikaw ay magiging hari sa Siria.”

14 Pagkatapos ay iniwan niya si Eliseo at pumaroon sa kanyang panginoon, na nagsabi sa kanya, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” At siya'y sumagot, “Kanyang sinabi sa akin na tiyak na ikaw ay gagaling.”

15 Subalit kinabukasan, kanyang kinuha ang munting kumot at binasa sa tubig, at iniladlad sa mukha niya hanggang siya'y namatay. At si Hazael ay naging hari na kapalit niya.

Si Haring Jehoram ng Juda(E)

16 Nang ikalimang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, noong si Jehoshafat ay hari sa Juda, si Jehoram na anak ni Jehoshafat na hari ng Juda ay nagpasimulang maghari.

17 Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y maging hari; at siya'y walong taong naghari sa Jerusalem.

18 Siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang anak ni Ahab ay kanyang asawa. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

19 Gayunma'y(F) ayaw wasakin ng Panginoon ang Juda, alang-alang kay David na kanyang lingkod, yamang kanyang ipinangako na magbibigay siya ng isang ilawan sa kanya at sa kanyang mga anak magpakailanman.

20 Sa(G) kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom sa ilalim ng pamamahala ng Juda, at naglagay sila ng kanilang hari.

21 Pagkatapos ay dumaan si Joram sa Seir kasama ang lahat niyang mga karwahe. Siya'y bumangon nang gabi, at pinatay niya at ng kanyang mga pinuno ang mga Edomita na nakapalibot sa kanya; ngunit ang kanyang mga tauhan ay tumakas sa kani-kanilang mga tolda.

22 Sa gayo'y naghimagsik ang Edom laban sa pamumuno ng Juda, hanggang sa araw na ito. Ang Libna ay naghimagsik din nang panahon ding iyon.

23 At ang iba pa sa mga gawa ni Joram, at ang lahat niyang ginawa, di ba nasusulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?

24 At si Joram ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama nila sa lunsod ni David. Si Ahazias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Ahazias ng Juda(H)

25 Nang ikalabindalawang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, nagsimulang maghari si Ahazias na anak ni Jehoram na hari sa Juda.

26 Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na apo ni Omri na hari ng Israel.

27 Siya'y lumakad din sa landas ng sambahayan ni Ahab, at gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat siya'y manugang sa sambahayan ni Ahab.

28 Siya'y sumama kay Joram na anak ni Ahab upang makipagdigma laban kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead, na doon ay sinugatan ng mga taga-Siria si Joram.

29 Si Haring Joram ay bumalik sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria sa Rama nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Si Ahazias na anak ni Jehoram, na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y sugatan.

Si Jehu ay Pinahiran ng Langis Bilang Hari ng Israel

At tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at sinabi sa kanya, “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang sisidlang ito ng langis at pumunta ka sa Ramot-gilead.

Pagdating mo, hanapin mo roon si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi. Pasukin mo siya at paalisin mo siya sa kanyang mga kasamahan at dalhin mo siya sa isang silid sa loob.

Pagkatapos ay kunin mo ang sisidlan ng langis, at ibuhos mo sa kanyang ulo, at iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Binubuhusan kita upang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos ay buksan mo ang pintuan at tumakas ka, huwag ka ng maghintay.”

Kaya't ang batang lalaki, ang lingkod ng propeta ay pumunta sa Ramot-gilead.

Nang siya'y dumating, ang mga punong-kawal ng hukbo ay nagpupulong. At kanyang sinabi, “Ako'y may sasabihin sa iyo, O punong-kawal.” At sinabi ni Jehu, “Sino sa aming lahat?” At kanyang sinabi, “Sa iyo, O punong-kawal.”

Kaya't(I) siya'y tumindig at pumasok sa bahay, at ibinuhos niya ang langis sa kanyang ulo, na sinasabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Aking binuhusan ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, samakatuwid ay sa Israel.

Ibabagsak mo ang sambahayan ni Ahab na iyong panginoon, upang aking maipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat ng lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezebel.

Sapagkat ang buong sambahayan ni Ahab ay malilipol at aking ihihiwalay kay Ahab ang bawat batang lalaki, bihag man o malaya, sa Israel.

Aking gagawin ang sambahayan ni Ahab na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahia.

10 Lalapain(J) ng mga aso si Jezebel sa nasasakupan ng Jezreel, at walang maglilibing sa kanya.” Pagkatapos ay kanyang binuksan ang pintuan, at tumakas.

11 Nang lumabas si Jehu patungo sa mga lingkod ng kanyang panginoon, kanilang sinabi sa kanya, “Lahat ba'y mabuti? Bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo?” At sinabi niya sa kanila, “Kilala ninyo ang lalaki at ang kanyang pananalita.”

12 Kanilang sinabi, “Ito'y isang kasinungalingan, sabihin mo sa amin ngayon.” At kanyang sinabi, “Ganito lamang ang sinabi niya sa akin: ‘Ganito at ganito ang sabi ng Panginoon, Binuhusan kita ng langis upang maging hari sa Israel.’”

13 At dali-daling kinuha ng bawat isa ang kanya-kanyang kasuotan at iniladlad para sa kanya sa ibabaw ng hagdan, at kanilang hinipan ang trumpeta, at ipinahayag, “Si Jehu ay hari.”

Napatay si Haring Joram ng Israel

14 Gayon nakipagsabwatan si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi, laban kay Joram. Si Joram at ang buong Israel ay nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria;

15 ngunit nakabalik na si Haring Joram sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Kaya't sinabi ni Jehu, “Kung ito ang inyong iniisip, huwag hayaang makalabas ang sinuman sa lunsod at magsabi ng balita sa Jezreel.”

16 Sumakay si Jehu sa karwahe at pumunta sa Jezreel, sapagkat si Joram ay nakaratay roon. At si Ahazias na hari ng Juda ay bumaba upang dalawin si Joram.

17 Noon ang tanod ay nakatayo sa muog sa Jezreel, at kanyang natanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, “Ako'y nakakakita ng isang pulutong.” At sinabi ni Joram, “Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin upang salubungin sila, at magsabi, ‘Kapayapaan ba?’”

18 Kaya't pumaroon ang isang nangangabayo upang salubungin siya, at sinabi, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Kapayapaan ba?’” At sinabi ni Jehu, “Anong pakialam mo sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko.” At nag-ulat ang tagatanod, “Ang sugo ay nakarating sa kanila, ngunit siya'y hindi bumabalik.”

19 Pagkatapos ay nagsugo siya ng ikalawang mangangabayo na dumating sa kanila, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Kapayapaan ba?’” At sumagot si Jehu, “Ano ang iyong pakialam sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko.”

20 At muling nag-ulat ang tanod, “Siya'y dumating sa kanila, subalit siya'y hindi bumabalik. At ang pagpapatakbo ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi, sapagkat siya'y napakatuling magpatakbo.”

21 Sinabi ni Joram, “Maghanda kayo.” At kanilang inihanda ang kanyang karwahe. Si Joram na hari ng Israel at si Ahazias na hari ng Juda ay nagsilabas, bawat isa sa kanyang karwahe, at sila'y umalis upang salubungin si Jehu, at nasalubong siya sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita.

22 Nang makita ni Joram si Jehu, ay kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, Jehu?” At siya'y sumagot, “Paanong magkakaroon ng kapayapaan, habang ang mga pakikiapid at mga pangkukulam ng iyong inang si Jezebel ay napakarami?”

23 Kaya't pumihit si Joram at tumakas, na sinasabi kay Ahazias, “Pagtataksil, O Ahazias!”

24 Binunot ni Jehu ng kanyang buong lakas ang pana at pinana si Joram sa pagitan ng kanyang mga balikat. Ang pana ay tumagos sa kanyang puso, at siya'y nabuwal sa kanyang karwahe.

25 Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang punong-kawal, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita. Sapagkat naaalala ko, nang ako't ikaw ay nakasakay na magkasama na kasunod ni Ahab na kanyang ama, kung paanong binigkas ng Panginoon ang salitang ito laban sa kanya:

26 ‘Kung(K) paanong tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Nabat, at ang dugo ng kanyang mga anak, sabi ng Panginoon, pagbabayarin kita sa lupang ito.’ Ngayon nga'y buhatin mo siya at ihagis mo sa lupa, ayon sa salita ng Panginoon.”

Napatay si Haring Ahazias ng Juda

27 Ngunit nang makita ito ni Ahazias na hari ng Juda, siya'y tumakas patungo sa Bet-hagan. At siya'y hinabol ni Jehu, at sinabi, “Panain mo rin siya;” at pinana nila siya sa karwahe sa ahunan sa Gur na malapit sa Ibleam. At siya'y tumakas patungo sa Megido, at namatay roon.

28 Dinala siya ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe patungo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang libingan na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

29 Nang ikalabing-isang taon ni Joram na anak ni Ahab, nagsimulang maghari si Ahazias sa Juda.

Pinatay si Jezebel

30 Nang si Jehu ay dumating sa Jezreel, nabalitaan ito ni Jezebel. Kanyang kinulayan ang kanyang mga mata, at ginayakan ang kanyang ulo, at dumungaw sa bintana.

31 At habang pumapasok si Jehu sa pintuang-bayan, kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, ikaw Zimri, ikaw na mamamatay ng iyong panginoon?”

32 Siya ay tumingala sa bintana, at sinabi, “Sino ang sa aking panig? Sino?” Dalawa o tatlong eunuko ang dumungaw sa kanya.

33 Kanyang sinabi, “Ihulog ninyo siya.” Kaya't kanilang inihulog siya at ang iba niyang dugo ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayo, at siya'y kanyang niyurakan.

34 Pagkatapos ay pumasok siya at kumain at uminom. At kanyang sinabi, “Tingnan ninyo ngayon ang isinumpang babaing ito. Ilibing ninyo siya, sapagkat siya'y anak ng hari.”

35 Ngunit nang sila'y lumabas upang ilibing siya, wala na silang natagpuan sa kanya maliban sa bungo, mga paa, at ang mga palad ng kanyang mga kamay.

36 Nang(L) sila'y bumalik at sabihin sa kanya, ay sinabi niya, “Ito ang salita ng Panginoon, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias na Tisbita, ‘Sa nasasakupan ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel;

37 ang bangkay ni Jezebel ay magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng bukid sa nasasakupan ng Jezreel, upang walang makapagsabi, Ito si Jezebel.’”

Pinatay ang mga Anak ni Ahab

10 Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Kaya't gumawa si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa matatanda, at sa mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab, na sinasabi,

“Pagdating ng sulat na ito sa inyo, yamang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karwahe at mga kabayo, at mga lunsod na may kuta, at mga sandata,

piliin ninyo ang pinakamahusay at ang pinakamarapat sa mga anak ng inyong panginoon at iupo ninyo sa trono ng kanyang ama, at ipaglaban ninyo ang sambahayan ng inyong panginoon.”

Ngunit sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi nakatagal sa kanya ang dalawang hari; paano nga tayo makakatagal sa kanya?”

Kaya't ang tagapamahala ng palasyo, at ang tagapamahala ng lunsod, gayundin ang matatanda, at ang mga tagapag-alaga, ay nagsugo kay Jehu, na nagsasabi, “Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat ng iyong iuutos sa amin. Hindi namin gagawing hari ang sinuman; gawin mo ang mabuti sa iyong paningin.”

Nang magkagayo'y gumawa siya ng ikalawang sulat sa kanila, na nagsasabi, “Kung kayo'y nasa aking panig, at kung kayo'y handang sumunod sa akin, kunin ninyo ang mga ulo ng mga anak na lalaki ng inyong panginoon, at pumarito kayo sa akin sa Jezreel bukas sa ganitong oras.” Ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao ay kasama ng mga pinuno sa lunsod na nag-aalaga sa kanila.

Nang ang sulat ay dumating sa kanila, kanilang kinuha ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao; at pinagpapatay sila, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga basket, at ipinadala sa kanya sa Jezreel.

Nang dumating ang sugo at sinabi sa kanya, “Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari,” ay kanyang sinabi, “Ilagay ninyo sila ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.”

Kinaumagahan, nang siya'y lumabas, siya'y tumayo at sinabi sa buong bayan, “Kayo'y mga walang sala. Ako ang nakipagsabwatan laban sa aking panginoon at pumatay sa kanya; ngunit sinong pumatay sa lahat ng ito?

10 Talastasin ninyo ngayon na walang salita ng Panginoon ang mahuhulog sa lupa, na sinabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ni Ahab; sapagkat ginawa ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias.”

11 Kaya't(M) pinatay ni Jehu ang lahat ng nalabi sa sambahayan ni Ahab sa Jezreel, ang lahat niyang mga pinuno, at ang kanyang mga malapit na kaibigan, at ang kanyang mga pari, hanggang sa wala siyang itinira.

Pinatay ang mga Kapatid ni Haring Ahazias

12 Pagkatapos siya'y naghanda at nagtungo sa Samaria. Sa daan, samantalang siya'y nasa Bet-eked ng mga Pastol,

13 nakasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ahazias na hari ng Juda, at sinabi niya, “Sino kayo?” At sila'y nagsisagot, “Kami ay mga kapatid ni Ahazias, at kami ay nagsilusong upang dalawin ang mga anak ng hari at ang mga anak ng reyna.”

14 Sinabi niya, “Hulihin ninyo silang buháy.” Kanilang hinuli silang buháy, at pinatay sila sa hukay ng Bet-eked; wala siyang itinirang buháy sa kanila na binubuo ng apatnapu't dalawang katao.

15 Nang siya'y makaalis mula roon, nasalubong niya si Jonadab na anak ni Recab na dumarating upang salubungin siya. Kanyang binati siya at sinabi sa kanya, “Ang iyo bang puso ay tapat, gaya ng aking puso sa iyong puso?” At sumagot si Jonadab, “Oo.” At sinabi ni Jehu, “Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay.” At iniabot niya sa kanya ang kanyang kamay. At isinama siya ni Jehu at isinakay sa karwahe.

16 At kanyang sinabi, “Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sigasig sa Panginoon.” Kaya't kanilang pinasakay sila sa kanyang karwahe.

17 Nang siya'y dumating sa Samaria, kanyang pinatay ang lahat ng nalabi kay Ahab sa Samaria, hanggang sa kanyang malipol sila, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi kay Elias.

Pinatay ang mga Sumasamba kay Baal

18 Pagkatapos ay tinipon ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, “Si Ahab ay naglingkod kay Baal ng kaunti, ngunit si Jehu ay maglilingkod sa kanya ng marami.

19 Ngayon nga'y tawagin ninyo sa akin ang lahat ng propeta ni Baal, ang lahat ng mga sumasamba sa kanya, at ang lahat niyang mga pari; walang sinuman ang mawawala, sapagkat mayroon akong dakilang handog na iaalay kay Baal. Sinumang wala roon ay hindi mabubuhay.” Ngunit ito'y ginawa ni Jehu na may katusuhan upang kanyang malipol ang mga sumasamba kay Baal.

20 Iniutos ni Jehu, “Magdaos kayo ng isang taimtim na pagpupulong para kay Baal.” At kanilang ipinahayag iyon.

21 Nagpasugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng sumasamba kay Baal ay nagsidating, kaya't walang taong naiwan na hindi dumating. Sila'y pumasok sa bahay ni Baal; at ang templo ni Baal ay napuno mula sa isang dulo hanggang sa kabila.

22 Sinabi niya sa katiwala ng silid-bihisan, “Ilabas mo ang lahat ng mga kasuotang para sa lahat ng sumasamba kay Baal.” Kaya't inilabas niya ang mga kasuotan para sa kanila.

23 Sina Jehu at Jonadab na anak ni Recab ay pumasok sa bahay ni Baal, at kanyang sinabi sa mga sumasamba kay Baal, “Maghanap kayo at tiyakin ninyo na wala kayo ritong kasamang lingkod ng Panginoon, kundi mga sumasamba kay Baal lamang.”

24 At sila'y nagsipasok upang mag-alay ng mga handog at ng mga handog na sinusunog. Si Jehu naman ay nagtalaga ng walumpung lalaki sa labas, at sinabi, “Ang taong magpapatakas sa sinumang mga taong ibinigay ko sa inyong mga kamay, ang kanyang buhay ay ibibigay bilang kapalit.”

25 Kaya't pagkatapos niyang makapag-alay ng mga handog na sinusunog, sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong-kawal, “Kayo'y pumasok at patayin ninyo sila; huwag patatakasin ang sinuman.” Pinatay sila ng mga bantay at mga punong-kawal sa pamamagitan ng talim ng tabak at inihagis sila sa labas ng mga bantay at ng mga punong-kawal; pagkatapos ay pumasok sila sa loob ng bahay ni Baal,

26 at kanilang inilabas ang mga haligi ng bahay ni Baal, at sinunog ito.

27 At kanilang winasak ang haligi ni Baal, at winasak ang bahay ni Baal, at ginawang tapunan ng dumi hanggang sa araw na ito.

28 Sa gayon pinawi ni Jehu si Baal mula sa Israel.

29 Gayunma'y(N) hindi humiwalay si Jehu sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, samakatuwid ay ang mga guyang ginto na nasa Bethel at Dan.

30 Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Sapagkat ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa aking paningin, at iyong ginawa sa sambahayan ni Ahab ang ayon sa lahat ng nasa aking puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel.”

31 Ngunit si Jehu ay hindi maingat sa paglakad ng kanyang buong puso sa kautusan ng Panginoong Diyos ng Israel. Siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel.

Ang Kamatayan ni Jehu

32 Nang mga araw na iyon ay pinasimulan ng Panginoon na putulan ng mga bahagi ang Israel. Ginapi sila ni Hazael sa buong nasasakupan ng Israel,

33 mula sa Jordan patungong silangan, ang buong lupain ng Gilead, ang mga Gadita, ang mga Rubenita, ang mga Manasita, mula sa Aroer na nasa libis ng Arnon, na ito'y ang Gilead at ang Basan.

34 Ang iba pang mga gawa ni Jehu, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang lahat niyang kagitingan, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Israel?

35 At si Jehu ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa Samaria. At si Jehoahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

36 At ang panahong naghari si Jehu sa Israel sa Samaria ay dalawampu't walong taon.

Si Reyna Atalia ng Juda(O)

11 Nang makita ni Atalia na ina ni Ahazias, na ang kanyang anak ay patay na, siya'y tumindig at nilipol ang lahat ng binhi ng hari.

Ngunit kinuha ni Jehosheba, na anak na babae ni Haring Joram, na kapatid na babae ni Ahazias, si Joas na anak ni Ahazias, at lihim na kinuha siya mula sa mga anak ng hari na malapit nang patayin, at kanyang inilagay siya at ang kanyang yaya sa isang silid-tulugan. Sa gayon niya ikinubli ang bata kay Atalia, kaya't siya'y hindi napatay.

Siya'y nanatiling kasama niya sa loob ng anim na taon na nakatago sa bahay ng Panginoon, samantalang si Atalia ay naghari sa lupain.

Ngunit nang ikapitong taon, si Jehoiada ay nagsugo at dinala ang mga punong-kawal ng mga Cariteo, at ang mga bantay, at sila'y pinapasok niya sa bahay ng Panginoon. Siya'y nakipagtipan sa kanila at pinasumpa sila sa bahay ng Panginoon, at ipinakita sa kanila ang anak ng hari.

At kanyang iniutos sa kanila, “Ito ang bagay na inyong gagawin: ang ikatlong bahagi sa inyo, na nagpapahinga sa Sabbath at nagbabantay sa bahay ng hari

(ang isa pang ikatlong bahagi ay nakatalaga sa pintuang-bayan ng Sur; at ang ikatlong bahagi ay sa pintuang-bayan sa likod ng bantay), ay magiging bantay sa bahay ng hari;

ang dalawang pulutong naman sa inyo, na hindi nagbantay sa Sabbath na ito ay siyang magbabantay sa bahay ng Panginoon para sa hari.

Inyong paliligiran ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang lumapit sa hanay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari kapag siya'y lumalabas at pumapasok.”

At ginawa ng mga pinuno ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehoiada na pari, at kinuha ng bawat isa ang kanyang mga tauhan, yaong hindi magbabantay sa araw ng Sabbath, kasama ng mga nagbabantay sa araw ng Sabbath, at nagsiparoon kay Jehoiada na pari.

10 Ibinigay ng pari sa mga pinuno ang mga sibat at ang mga kalasag na naging pag-aari ni Haring David, na nasa bahay ng Panginoon;

11 at ang mga bantay ay tumayo, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa may dambana at sa may bahay, sa palibot ng hari.

12 Pagkatapos ay inilabas niya ang anak ng hari, at ipinutong ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo; at kanilang ipinahayag siyang hari, at binuhusan siya ng langis, at kanilang ipinalakpak ang kanilang mga kamay, at nagsipagsabi, “Mabuhay ang hari!”

13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng bantay at ng taong-bayan, pumasok siya sa loob ng bahay ng Panginoon patungo sa mga tao.

14 Nang(P) siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng haligi, ayon sa kaugalian, at ang mga pinuno at ang mga manunugtog ng trumpeta sa tabi ng hari; at ang buong bayan ng lupain na nagsasaya at humihihip ng trumpeta. Kaya't hinapak ni Atalia ang kanyang kasuotan, at sumigaw, “Pagtataksil! Pagtataksil!”

15 At ang paring si Jehoiada ay nag-utos sa mga kapitan ng tig-iisandaan na itinalaga sa hukbo, “Ilabas ninyo siya sa pagitan ng mga hanay, at patayin ninyo ng tabak ang sinumang sumunod sa kanya.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag siyang papatayin sa bahay ng Panginoon.”

16 Sa gayo'y kanilang binigyan siya ng daan, at siya'y pumasok sa pasukan ng mga kabayo patungo sa bahay ng hari, at doon siya pinatay.

Pagbabagong Ginawa ni Jehoiada(Q)

17 Si Jehoiada ay nakipagtipan sa Panginoon, sa hari, at sa mamamayan, na sila'y magiging bayan ng Panginoon; gayundin sa pagitan ng hari at ng bayan.

18 At ang lahat ng mamamayan ng lupain ay pumunta sa bahay ni Baal, at ito'y ibinagsak. Ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan ay kanilang pinagputul-putol ng lubusan at kanilang pinatay si Matan na pari ni Baal sa harap ng mga dambana. At ang pari ay naglagay ng mga bantay sa bahay ng Panginoon.

19 Kanyang isinama ang mga punong-kawal, ang mga Cariteo, ang mga bantay, at ang buong mamamayan ng lupain. Kanilang ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at nagsidaan sa pintuang-bayan ng mga bantay patungo sa bahay ng hari. At siya'y naupo sa trono ng mga hari.

20 Kaya't ang lahat ng mamamayan ng lupain ay nagsaya. Ang lunsod ay tumahimik pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak sa bahay ng hari.

21 [c] Si Jehoas ay pitong taon nang siya'y nagsimulang maghari.

Si Haring Jehoas ng Juda(R)

12 Nang ikapitong taon ni Jehu, nagsimulang maghari si Jehoas at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba.

Gumawa si Jehoas ng matuwid sa mga mata ng Panginoon sa lahat ng kanyang araw, sapagkat tinuruan siya ni Jehoiada na pari.

Gayunma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ang mga tao ay patuloy na naghandog at nagsunog ng insenso sa mga mataas na dako.

Sinabi(S) ni Jehoas sa mga pari, “Ang lahat ng salaping inihandog bilang mga banal na bagay na ipinasok sa bahay ng Panginoon, ang salaping umiiral, na salaping inihalaga sa mga pagkatao na hiniling sa bawat isa, at ang salapi na iniudyok ng puso ng tao na kanyang dalhin sa bahay ng Panginoon,

ay kukunin ng mga pari para sa kanila, bawat isa sa kanyang kakilala; at kanilang aayusin ang mga sira ng bahay saanman matuklasang may anumang sira.”

Ngunit nang ikadalawampu't tatlong taon ni Haring Jehoas, ang mga pari ay hindi nag-ayos ng mga sira sa bahay.

Kaya't tinawag ni Haring Jehoas si Jehoiada na pari at ang iba pang mga pari at sinabi sa kanila, “Bakit hindi ninyo inaayos ang mga sira ng bahay? Ngayon ay huwag na kayong tumanggap ng salapi sa inyong mga kakilala, kundi ibigay ninyo para sa mga sira ng bahay.”

Kaya't pinagkasunduan ng mga pari na hindi na sila kukuha pa ng salapi mula sa taong-bayan, at hindi na nila aayusin ang mga sira ng bahay.

At si Jehoiada na pari ay kumuha ng isang kaban, at binutasan ang takip niyon, at inilagay sa tabi ng dambana sa gawing kanan ng pagpasok sa bahay ng Panginoon. Isinilid doon ng mga pari na nagtatanod sa pintuan ang lahat ng salapi na dinala sa bahay ng Panginoon.

10 Tuwing makikita nila na marami ng salapi sa kaban, ang kalihim ng hari at ang pinakapunong pari ay umaakyat, at kanilang binibilang at isinisilid sa mga supot ang mga salapi na natagpuan sa bahay ng Panginoon.

11 Pagkatapos ay ibinibigay nila ang salaping tinimbang sa mga kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng Panginoon; at ito ay kanilang ibinayad sa mga karpintero at sa mga manggagawa na gumawa sa bahay ng Panginoon,

12 at sa mga mason at nagtatabas ng bato, gayundin upang ibili ng mga kahoy at mga batong tinibag para sa pag-aayos ng mga sira sa bahay ng Panginoon, at para sa lahat ng magugugol sa bahay sa pag-aayos nito.

13 Ngunit walang ginawa para sa bahay ng Panginoon na mga palangganang pilak, mga pamutol ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta, o anumang kasangkapang ginto, o kasangkapang pilak, mula sa salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon,

14 sapagkat iyon ay kanilang ibinigay sa mga gumawa ng gawain at sa pamamagitan niyon ay inayos nila ang bahay ng Panginoon.

15 Hindi(T) sila humingi ng pagsusulit mula sa mga lalaki na sa kanilang mga kamay ay ibinigay ang salapi upang ibayad sa mga manggagawa, sapagkat sila'y nagsigawang may katapatan.

16 Ang(U) salapi mula sa handog para sa budhing nagkasala, at ang salapi mula sa handog pangkasalanan ay hindi ipinasok sa bahay ng Panginoon; ang mga iyon ay nauukol sa mga pari.

17 Nang panahong iyon, si Hazael na hari ng Siria ay umahon at nilabanan ang Gat, at nasakop iyon at iniharap ni Hazael ang kanyang mukha upang umahon sa Jerusalem upang ito ay labanan,

18 at kinuha ni Jehoas na hari ng Juda ang lahat ng bagay na itinalaga ni Jehoshafat, at ni Jehoram, at ni Ahazias, na kanyang mga ninuno, na mga hari sa Juda, at ang kanyang mga itinalagang bagay, at ang lahat ng ginto na natagpuan sa mga kabang-yaman ng bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari, at ipinadala kay Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos si Hazael ay umalis sa Jerusalem.

19 Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[d] ng mga Hari ng Juda?

20 At ang kanyang mga lingkod ay nagsitindig at nagsabwatan, at pinatay nila si Joas sa bahay ng Milo, sa daang palusong sa Silah.

21 Si Josakar na anak ni Shimeat at si Jozabad na anak ni Somer, na kanyang mga lingkod, ang sumunggab sa kanya, kaya't siya'y namatay. At kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga magulang sa lunsod ni David; at si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Jehoahaz ng Israel

13 Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Joas na anak ni Ahazias na hari ng Juda, si Jehoahaz na anak ni Jehu ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; at siya'y naghari sa loob ng labimpitong taon.

Gumawa siya ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at sumunod sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel; hindi niya iniwan ang mga iyon.

Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, kaya't paulit-ulit niyang ibinigay sila sa kamay nina Hazael na hari ng Siria at ni Ben-hadad na anak ni Hazael.

Ngunit si Jehoahaz ay nanalangin sa harap ng Panginoon, at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita niya ang pagmamalupit sa Israel, kung paanong pinagmalupitan sila ng hari ng Siria.

Kaya't binigyan ng Panginoon ang Israel ng isang tagapagligtas, at sila'y nakatakas mula sa kamay ng mga taga-Siria; at ang mamamayan ng Israel ay nanirahan sa kanilang mga tolda gaya ng dati.

Gayunma'y hindi nila tinalikuran ang mga kasalanan ng sambahayan ni Jeroboam, na dahil dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala, kundi lumakad sila sa mga ito; ang Ashera ay nanatili rin sa Samaria.

Kaya't walang naiwan kay Jehoahaz na hukbo na higit pa sa limampung mangangabayo at sampung karwahe at sampung libong taong lakad; sapagkat pinuksa ang mga iyon ng hari ng Siria na gaya ng alabok sa giikan.

Ang iba sa mga gawa ni Jehoahaz, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[e] ng mga Hari ng Israel?

Kaya't si Jehoahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa Samaria. Si Joas na kanyang anak ang nagharing kapalit niya.

Si Haring Jehoas ng Israel

10 Nang ikatatlumpu't pitong taon ni Joas na hari ng Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon.

11 Siya'y gumawa rin ng masama sa paningin ng Panginoon. Siya'y hindi humiwalay sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, kundi lumakad siya sa mga iyon.

12 Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, hindi ba't ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[f] ng mga Hari ng Israel?

13 At si Joas ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Jeroboam ay naupo sa kanyang trono. Si Joas ay inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari ng Israel.

Namatay si Eliseo

14 Nang(V) si Eliseo ay nagkasakit ng karamdaman na kanyang ikinamatay, si Joas na hari ng Israel ay pumunta sa kanya at umiyak sa harapan niya, “Ama ko, ama ko! Ang mga karwahe ng Israel at ang kanyang mga mangangabayo!”

15 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” At siya'y kumuha ng pana at mga palaso.

16 At sinabi niya sa hari ng Israel, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pana”; at inilagay niya ang kanyang kamay. At inilagay ni Eliseo ang kanyang mga kamay sa mga kamay ng hari.

17 At kanyang sinabi, “Buksan mo ang bintana sa dakong silangan”; at binuksan niya ito. Nang magkagayo'y sinabi ni Eliseo, “Panain mo;” at siya'y pumana. At kanyang sinabi, “Ang palaso ng pagtatagumpay ng Panginoon, ang palaso ng pagtatagumpay laban sa Siria! Sapagkat lalabanan mo ang mga taga-Siria sa Afec, hanggang sa sila'y iyong malipol.”

18 Siya'y nagpatuloy, “Kunin mo ang mga palaso;” at kinuha niya ang mga iyon. At sinabi niya sa hari ng Israel, “Ipana mo ang mga iyon sa lupa;” at siya'y pumana nang tatlong ulit, at tumigil.

19 Ang tao ng Diyos ay nagalit sa kanya, at nagsabi, “Pumana ka sana nang lima o anim na ulit; nang sa gayon ay napabagsak mo sana ang Siria hanggang sa iyong malipol. Ngunit ngayo'y papanain mo ang Siria nang tatlong ulit lamang.”

20 Namatay si Eliseo at kanilang inilibing siya. Noon ang mga pulutong ng mga Moabita ay laging sumasalakay sa lupain sa panahon ng tagsibol.

21 At habang inililibing ang isang lalaki, kanilang natanaw ang isang sumasalakay na pulutong. At ang lalaki ay naihagis sa libingan ni Eliseo; at nang sumagi ang tao sa mga buto ni Eliseo, siya'y muling nabuhay at tumayo sa kanyang mga paa.

22 Pinahirapan naman ni Hazael na hari ng Siria ang Israel sa lahat ng mga araw ni Jehoahaz.

23 Ngunit ang Panginoo'y naging mapagpala sa kanila at nahabag sa kanila, at siya'y bumaling sa kanila, dahil sa kanyang tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob; at ayaw niya silang lipulin, ni palayasin man sa kanyang harapan hanggang sa ngayon.

24 Nang namatay si Hazael na hari ng Siria, si Ben-hadad na kanyang anak ay naging hari kapalit niya.

25 At binawi ni Jehoas na anak ni Jehoahaz sa kamay ni Ben-hadad na anak ni Hazael ang mga lunsod na kanyang kinuha sa pakikidigma mula sa kamay ni Jehoahaz, na kanyang ama. Tatlong ulit siyang tinalo ni Joas at nabawi ang mga lunsod ng Israel.

Si Haring Amasias ng Juda(W)

14 Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel, si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoaddin na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin ng Panginoon, gayunman ay hindi gaya ni David na kanyang magulang; kanyang ginawa ang ayon sa lahat ng ginawa ni Joas na kanyang ama.

Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; ang taong-bayan ay nagpatuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.

Nang matatag na ang kaharian sa kanyang kamay, pinatay niya ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.

Ngunit(X) hindi niya pinatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao ayon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, “Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi ang bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”

Siya'y pumatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela nang salakayin niya ito, at tinawag itong Jokteel, na siyang pangalan nito hanggang sa araw na ito.

Nang magkagayo'y nagpadala ng mga sugo si Amasias kay Jehoas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na sinasabi, “Halika, tayo'y magharap sa isa't isa.”

At si Jehoas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang damo na nasa Lebanon ay nagpasabi ng ganito sa isang sedro na nasa Lebanon, na sinasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae upang maging asawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon at tinapakan ang damo.

10 Tunay na sinaktan mo ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso. Masiyahan ka sa iyong kaluwalhatian, at manatili ka sa bahay; sapagkat bakit ka gagawa ng kaguluhan upang ikaw ay mabuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”

11 Ngunit ayaw makinig ni Amasias. Kaya't umahon si Jehoas na hari ng Israel, siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagharap sa labanan sa Bet-shemes na sakop ng Juda.

12 Ang Juda ay nagapi ng Israel; at bawat isa ay tumakas patungo sa kanya-kanyang tirahan.

13 Nabihag ni Jehoas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Jehoas na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dumating sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko mula sa pintuang-bayan ng Efraim hanggang sa pintuang-bayan ng Panulukan.

14 Kanyang sinamsam ang lahat ng ginto at pilak, at ang lahat ng sisidlang matatagpuan sa bahay ng Panginoon at sa kabang-yaman ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.

15 Ang iba sa mga gawa ni Jehoas na kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, at kung paanong siya'y nakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[g] ng mga Hari ng Israel?

16 At natulog si Jehoas na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel; at si Jeroboam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Ang Pagkamatay ni Haring Amasias ng Juda(Y)

17 Si Amasias na anak ni Joas, na hari ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon pagkamatay ni Jehoas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.

18 Ang iba sa mga gawa ni Amasias, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[h] ng mga Hari ng Juda?

19 Sila'y nagsabwatan laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas patungong Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish at pinatay siya roon.

20 Kanilang dinala siya na sakay ng mga kabayo, at siya'y inilibing sa Jerusalem na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

21 Kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias na labing-anim na taong gulang, at ginawa siyang haring kapalit ng kanyang amang si Amasias.

22 Kanyang itinayo ang Elat at isinauli ito sa Juda, pagkatapos na ang hari ay matulog na kasama ng kanyang mga ninuno.

23 Nang ikalabinlimang taon ni Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda, si Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel ay nagsimulang maghari sa Samaria, at siya'y naghari ng apatnapu't isang taon.

24 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya tinalikdan ang lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala.

25 Kanyang(Z) ibinalik ang hangganan ng Israel mula sa pasukan ng Hamat hanggang sa dagat ng Araba, ayon sa salita ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si propeta Jonas na anak ni Amitai, na mula sa Gat-hefer.

26 Sapagkat nakita ng Panginoon na ang paghihirap ng Israel ay totoong masaklap, sapagkat walang naiwan, laya man o bihag, at walang tumulong sa Israel.

27 Ngunit hindi sinabi ng Panginoon na kanyang papawiin ang pangalan ng Israel mula sa silong ng langit, kaya't kanyang iniligtas sila sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam na anak ni Joas.

28 Ang iba sa mga gawa ni Jeroboam, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong binawi niya para sa Israel ang Damasco at ang Hamath, na dating sakop ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[i] ng mga Hari ng Israel?

29 At si Jeroboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ang mga hari ng Israel. At si Zacarias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Azarias ng Juda(AA)

15 Nang ikadalawampu't pitong taon ni Jeroboam na hari ng Israel, si Azarias na anak ni Amasias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya'y labing-anim na taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias.

Gayunma'y hindi inalis ang matataas na dako; ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.

At sinaktan ng Panginoon ang hari, at siya'y isang ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at siya'y tumira sa isang bukod na bahay. At si Jotam na anak ng hari ang tagapamahala ng sambahayan, na humahatol sa sambayanan ng lupain.

Ang iba sa mga gawa ni Azarias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[j] ng mga Hari ng Juda?

At(AB) si Azarias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David; si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Zacarias ng Israel

Nang ikatatlumpu't walong taon ni Azarias na hari ng Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naghari sa Israel sa Samaria sa loob ng anim na buwan.

Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng kanyang mga magulang. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala.

10 At si Shallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban sa kanya, at sinaktan siya sa harapan ng bayan,[k] at pinatay siya, at nagharing kapalit niya.

11 Ang iba sa mga gawa ni Zacarias, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[l] ng mga Hari ng Israel.

12 Ito(AC) ang pangako ng Panginoon na ibinigay niya kay Jehu, “Ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel.” At gayon nga ang nangyari.

Si Haring Shallum ng Israel

13 Si Shallum na anak ni Jabes ay nagsimulang maghari nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Uzias na hari ng Juda; at siya'y naghari sa loob ng isang buwan sa Samaria.

14 Pagkatapos si Menahem na anak ni Gadi ay umahon mula sa Tirsa at dumating sa Samaria, at kanyang sinaktan si Shallum na anak ni Jabes sa Samaria, at pinatay siya at nagharing kapalit niya.

15 Ang iba pa sa mga gawa ni Shallum, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[m] ng mga Hari ng Israel.

16 Nang panahong iyon, ginapi ni Menahem si Tifsa[n] at ang lahat ng naroroon, at ang mga nasasakupan nito mula sa Tirsa, sapagkat siya ay hindi nila pinagbuksan, kaya't sinakop niya ito; at biniyak niya ang tiyan ng lahat ng babaing buntis na naroroon.

Si Haring Menahem ng Israel

17 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Menahem na anak ni Gadi, at siya ay naghari ng sampung taon sa Samaria.

18 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon. Siya'y hindi humiwalay sa lahat niyang mga araw sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.

19 Dumating laban sa lupain si Pul na hari ng Asiria; at binigyan ni Menahem si Pul ng isanlibong talentong pilak upang ang kanyang kamay ay mapasa kanya upang mapatatag ang kanyang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno.

20 At pinapagbayad ni Menahem ng salapi ang Israel, samakatuwid ay ang lahat ng mga makapangyarihang lalaki na mayaman, limampung siklong pilak sa bawat tao upang ibigay sa hari ng Asiria. Kaya't ang hari ng Asiria ay umurong, at hindi tumigil doon sa lupain.

21 Ang iba sa mga gawa ni Menahem, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[o] ng mga Hari ng Israel?

22 At natulog si Menahem na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Pekahia na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Pekahia ng Israel

23 Nang ikalimampung taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Pekahia, na anak ni Menahem sa Samaria, at siya ay naghari ng dalawang taon.

24 Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.

25 At si Peka na anak ni Remalias, na kanyang punong-kawal ay nakipagsabwatan laban sa kanya at sinaktan siya sa Samaria sa muog ng bahay ng hari, na kasama si Argob at si Arif at kasama niya ang limampung lalaki na mga Gileadita at kanyang pinatay siya at nagharing kapalit niya.

26 Ang iba sa mga gawa ni Pekahia, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[p] ng mga Hari ng Israel.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001