Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 15:27-25:30

Si Haring Peka ng Israel

27 Nang ikalimampu't dalawang taon ni Azarias na hari sa Juda, nagsimulang maghari si Peka, na anak ni Remalias sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari ng dalawampung taon.

28 Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya tinalikdan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.

29 Nang mga araw ni Peka na hari ng Israel, si Tiglat-pileser na hari sa Asiria ay dumating at sinakop ang Ijon, Abel-betmaaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead, at ang Galilea, ang buong lupain ng Neftali; at kanyang dinalang-bihag ang taong-bayan sa Asiria.

30 At si Hosheas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka na anak ni Remalias, at kanyang sinaktan siya, at pinatay siya, at nagharing kapalit niya, nang ikadalawampung taon ni Jotam na anak ni Uzias.

31 Ang iba pa sa mga gawa ni Peka, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Israel.

Si Haring Jotam ng Juda(A)

32 Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, si Jotam na anak ni Uzias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

33 Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerusha na anak ni Zadok.

34 Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias.

35 Gayunma'y, ang matataas na dako ay hindi inalis. Ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. Itinayo niya ang pintuang-bayan sa itaas sa bahay ng Panginoon.

36 Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Juda?

37 Nang mga araw na iyon, pinasimulang suguin ng Panginoon laban sa Juda sina Rezin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias.

38 Si Jotam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ninuno. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Ahaz ng Juda(B)

16 Nang ikalabimpitong taon ni Peka na anak ni Remalias, si Ahaz na anak ni Jotam na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Si Ahaz ay dalawampung taon nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi siya gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon niyang Diyos, na gaya ng ginawa ni David na kanyang ninuno,

sa(C) halip siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel. Maging ang kanyang anak na lalaki ay pinaraan sa apoy, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon mula sa harapan ng mga anak ni Israel.

Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako, sa mga burol, at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.

At(D) si Rezin na hari ng Siria at si Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel ay umahon upang makipagdigma sa Jerusalem, at kanilang kinubkob si Ahaz ngunit siya'y hindi nila malupig.

Nang panahong iyon, binawi ni Rezin na hari ng Aram ang Elat para sa Aram at pinalayas ang mga taga-Juda sa Elat. Ang mga taga-Aram ay dumating sa Elat at doon ay nanirahan sila hanggang sa araw na ito.

Kaya't nagpadala si Ahaz ng mga sugo kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, na ipinasasabi, “Ako ay iyong lingkod at iyong anak. Umahon ka, at iligtas mo ako sa kamay ng hari ng Siria at sa kamay ng hari ng Israel na sumasalakay sa akin.”

Kinuha rin ni Ahaz ang pilak at ginto na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kabang-yaman ng bahay ng hari at nagpadala ng kaloob sa hari ng Asiria.

Pinakinggan siya ng hari ng Asiria; ang hari ng Asiria ay umahon laban sa Damasco, at sinakop ito at dinalang-bihag ang taong-bayan sa Kir; at pinatay niya si Rezin.

Gumawa ng Bagong Dambana

10 Nang si Haring Ahaz ay pumunta sa Damasco upang makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, kanyang nakita ang dambana na dating nasa Damasco. Ipinadala ni Haring Ahaz kay Urias na pari ang isang plano ng dambana at ang anyo nito, husto sa lahat ng mga bahagi nito.

11 Itinayo ng paring si Urias ang dambana; ayon sa lahat ng ipinadala ni Haring Ahaz mula sa Damasco ay gayon ang ginawa ng paring si Urias, bago dumating si Haring Ahaz mula sa Damasco.

12 Nang dumating ang hari mula sa Damasco, pinagmasdan ng hari ang dambana. Ang hari ay lumapit sa dambana at umakyat doon,

13 at sinunog ang kanyang handog na sinusunog, ang kanyang handog na butil, at ibinuhos ang kanyang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng kanyang mga handog pangkapayapaan sa ibabaw ng dambana.

14 Ang(E) dambanang tanso na nasa harapan ng Panginoon ay kanyang inalis mula sa harapan ng bahay, mula sa lugar sa pagitan ng kanyang dambana at ng bahay ng Panginoon, at inilagay sa dakong hilaga ng kanyang dambana.

15 At inutusan ni Haring Ahaz ang paring si Urias, na sinasabi, “Sa ibabaw ng malaking dambana ay sunugin mo ang handog na sinusunog sa umaga, at ang handog na butil sa hapon, at ang handog na sinusunog ng hari at ang kanyang handog na butil, kasama ng handog na sinusunog ng lahat ng mga tao ng lupain, at ng kanilang handog na butil, at ang kanilang mga handog na inumin; at iwisik mo roon ang lahat ng dugo ng handog na sinusunog, at ang lahat ng dugo ng handog; ngunit ang dambanang tanso ay para sa akin upang doon ako'y makasangguni.”

16 Ang lahat ng ito ay ginawa ng paring si Urias, gaya ng iniutos ni Haring Ahaz.

17 At(F) pinutol ni Haring Ahaz ang mga balangkas ng mga patungan at inalis sa mga iyon ang hugasan. Kanyang ibinaba ang malaking tangke ng tubig mula sa mga bakang tanso na nasa ilalim niyon at ipinatong sa isang patungang bato.

18 Ang daang natatakpan para sa Sabbath na itinayo sa loob ng bahay, at ang pasukan ng hari na nasa labas ay kanyang inalis sa bahay ng Panginoon, dahil sa hari ng Asiria.

19 Ang iba pa sa mga gawa ni Ahaz na kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Juda?

20 At(G) si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Hosheas ng Israel

17 Nang ikalabindalawang taon ni Ahaz na hari ng Juda, si Hosheas na anak ni Ela ay nagsimulang maghari sa Samaria sa Israel, at siya ay naghari sa loob ng siyam na taon.

Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, bagaman hindi gaya ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.

Umahon laban sa kanya si Shalmaneser na hari ng Asiria; at si Hosheas ay naging sakop niya at nagbayad sa kanya ng buwis.

Subalit ang hari ng Asiria ay nakakita ng pagtataksil kay Hosheas, sapagkat siya'y nagpadala ng mga sugo kay So na hari ng Ehipto, at hindi nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, tulad ng kanyang ginagawa taun-taon. Kaya't kinulong siya ng hari ng Asiria at iginapos sa bilangguan.

Bumagsak ang Samaria

Pagkatapos ay sinalakay ng hari ng Asiria ang buong lupain at dumating sa Samaria at kinubkob ito sa loob ng tatlong taon.

Nang ikasiyam na taon ni Hosheas, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria. Dinala niya ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo.

Ito ay nangyari sapagkat ang bayang Israel ay nagkasala laban sa Panginoon nilang Diyos, na siyang naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, mula sa kamay ni Faraon na hari ng Ehipto. Sila'y natakot sa ibang mga diyos,

at lumakad sa mga kaugalian ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel, at sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel.

Ang bayang Israel ay palihim na nagsigawa ng mga bagay na hindi matuwid laban sa Panginoon nilang Diyos. Sila'y nagtayo para sa kanila ng matataas na dako sa lahat nilang mga bayan, mula sa muog hanggang sa lunsod na may kuta.

10 Sila'y(H) nagtindig ng mga haligi at Ashera sa bawat mataas na burol, at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.

11 Nagsunog sila doon ng insenso sa lahat ng matataas na dako, gaya ng ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan nila. Sila'y gumawa ng masasamang bagay na siyang ikinagalit ng Panginoon.

12 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan, na tungkol dito ay sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong gagawin ang bagay na ito.”

13 Gayunma'y binalaan ng Panginoon ang Israel at Juda sa pamamagitan ng bawat propeta at bawat nakakakita ng pangitain, na sinasabi, “Layuan ninyo ang inyong masasamang lakad at tuparin ninyo ang aking mga utos at mga tuntunin, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga ninuno, at aking ipinadala sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.”

14 Ngunit ayaw nilang makinig, kundi pinatigas ang kanilang ulo na gaya ng kanilang mga ninuno na hindi sumampalataya sa Panginoon nilang Diyos.

15 Kanilang itinakuwil ang kanyang mga tuntunin at ang kanyang tipan na ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at ang mga babala na kanyang ibinigay sa kanila. Sila'y nagsisunod sa mga walang kabuluhan at naging walang kabuluhan at nagsisunod sa mga bansa na nasa palibot nila, na iniutos ng Panginoon na huwag silang gumawa ng tulad nila.

16 At(I) kanilang itinakuwil ang lahat ng mga utos ng Panginoon nilang Diyos, at gumawa para sa kanilang sarili ng mga larawang hinulma na dalawang guya, at nagsigawa ng sagradong poste,[d] at sinamba ang hukbo ng langit, at naglingkod kay Baal.

17 Kanilang(J) pinaraan sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae at gumamit ng panghuhula at pangkukulam, at ipinagbili ang kanilang sarili upang gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, na siyang ikinagalit niya.

18 Kaya't ang Panginoon ay galit na galit sa Israel, at inalis sila sa kanyang paningin. Walang naiwan maliban sa lipi ni Juda lamang.

19 Hindi rin iningatan ng Juda ang mga utos ng Panginoon nilang Diyos, kundi lumakad sa mga kaugaliang pinasimulan ng Israel.

20 At itinakuwil ng Panginoon ang lahat ng mga anak ni Israel, at pinahirapan sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kanyang mapalayas sila sa kanyang paningin.

21 Nang kanyang maihiwalay ang Israel sa sambahayan ni David, kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nebat. At inilayo ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa Panginoon at naging dahilan upang makagawa sila ng malaking kasalanan.

22 At ang bayang Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan na ginawa ni Jeroboam; hindi nila hiniwalayan ang mga iyon,

23 hanggang sa alisin ng Panginoon ang Israel sa kanyang paningin, gaya ng kanyang sinabi sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Kaya't ang Israel ay itinapon sa Asiria mula sa kanilang sariling lupain hanggang sa araw na ito.

24 Ang hari ng Asiria ay nagdala ng mga tao mula sa Babilonia, Kut, Iva, Hamat, at Sefarvaim at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria sa halip na mga mamamayan ng Israel. Kanilang inangkin ang Samaria at nanirahan sa mga lunsod nito.

25 Sa pasimula ng kanilang paninirahan doon, hindi sila natakot sa Panginoon kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila at pinatay ang ilan sa kanila.

26 Kaya't sinabi sa hari ng Asiria, “Hindi nalalaman ng mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga lunsod ng Samaria ang kautusan ng diyos ng lupain. Kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at kanilang pinapatay sila sapagkat hindi nila nalalaman ang batas ng diyos sa lupain.”

27 Kaya't nag-utos ang hari ng Asiria, “Dalhin ninyo roon ang isa sa mga pari na inyong dinala mula roon. Hayaan siyang umalis at tumira roon at kanyang turuan sila ng kautusan ng diyos ng lupain.”

28 Kaya't isa sa mga pari na kanilang dinala mula sa Samaria ay dumating at nanirahan sa Bethel, at tinuruan sila kung paano dapat matakot sa Panginoon.

29 Ngunit bawat bansa ay gumawa pa rin ng kanilang sariling mga diyos at inilagay sa matataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, bawat bansa sa mga lunsod na kanilang tinitirhan;

30 ginawa ng mamamayan ng Babilonia ang Sucot-benot, ginawa ng mamamayan ng Kut ang Nergal, at ginawa ng mamamayan ng Hamat ang Asima.

31 Ginawa naman ng mga Aveo ang Nibhaz at Tartac, at sinunog ng mga Sefarvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adramalec at sa Anamelec, na mga diyos ng Sefarvaim.

32 Natakot din sila sa Panginoon, at pumili sa gitna nila ng lahat ng uri ng mga tao bilang mga pari sa matataas na dako, na naghandog para sa kanila sa mga dambana ng matataas na dako.

33 Sa gayon sila natakot sa Panginoon, subalit naglingkod din sa kanilang sariling mga diyos, ayon sa paraan ng mga bansang pinagkunan sa kanila.

34 Hanggang(K) sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating kaugalian. Sila'y hindi natatakot sa Panginoon, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin, ni utos, ni batas, ni mga kautusan na iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Jacob, na kanyang pinangalanang Israel.

35 Ang(L) Panginoon ay nakipagtipan sa kanila at inutusan sila, “Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos, o magsisiyukod man sa kanila, o maglilingkod man sa kanila, o maghahandog man sa kanila;

36 kundi(M) matatakot kayo sa Panginoon, na siyang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto na may dakilang kapangyarihan at may nakaunat na kamay. Luluhod kayo sa kanya, at sa kanya kayo maghahandog.

37 Ang mga tuntunin, mga batas, ang kautusan, at ang utos na kanyang sinulat para sa inyo ay lagi ninyong maingat na gawin. Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos,

38 at huwag ninyong kalilimutan ang tipan na aking ginawa sa inyo. Huwag kayong matakot sa ibang mga diyos,

39 kundi matakot kayo sa Panginoon ninyong Diyos at kanyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway.”

40 Gayunma'y ayaw nilang makinig kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating kaugalian.

41 Kaya't habang ang mga bansang ito ay natatakot sa Panginoon, ay naglingkod din sila sa kanilang mga larawang inanyuan. Gayundin ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak—kung ano ang ginawa ng kanilang mga ninuno ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito.

Si Haring Hezekias ng Juda(N)

18 Nang ikatlong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Hezekias na anak ni Ahaz na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abi na anak ni Zacarias.

Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin[e] ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno.

Kanyang(O) inalis ang matataas na dako, winasak ang mga haligi, at ibinagsak ang mga sagradong poste.[f] Kanyang pinagputul-putol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises, sapagkat hanggang sa mga araw na iyon ay pinagsusunugan ito ng insenso ng mga anak ni Israel; ito ay tinawag na Nehustan.

Siya'y nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel at walang naging gaya niya sa lahat ng mga hari ng Juda pagkatapos niya o maging sa mga nauna sa kanya.

Sapagkat siya'y humawak nang mahigpit sa Panginoon; siya'y hindi humiwalay sa pagsunod sa kanya, kundi iningatan ang kanyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Panginoon ay kasama niya; saanman siya magtungo ay nagtatagumpay siya. Siya'y naghimagsik laban sa hari ng Asiria, at ayaw niyang maglingkod sa kanya.

Kanyang nilusob ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sa mga nasasakupan nito, mula sa muog-bantayan hanggang sa lunsod na may kuta.

Nang ikaapat na taon ni Haring Hezekias, na siyang ikapitong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Shalmaneser na hari ng Asiria ay umahon laban sa Samaria at kinubkob niya iyon,

10 at sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop iyon. Nang ikaanim na taon ni Hezekias, na siyang ikasiyam na taon ni Hosheas na hari ng Israel, ang Samaria ay sinakop.

11 Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, ang ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo,

12 sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Diyos, kundi kanilang nilabag ang kanyang tipan, maging ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. Hindi sila nakinig ni sumunod.

Pinagbantaan ng Taga-Asiria ang Jerusalem(P)

13 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda at sinakop ang mga iyon.

14 Si Hezekias na hari ng Juda ay nagsugo sa hari ng Asiria sa Lakish, na nagsasabi, “Ako'y nagkamali; iwan mo ako. Anumang ipataw mo sa akin ay aking papasanin.” At pinatawan ng hari ng Asiria si Hezekias na hari ng Juda ng tatlongdaang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.

15 Ibinigay ni Hezekias sa kanya ang lahat ng pilak na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa kabang-yaman ng bahay ng hari.

16 Nang panahong yaon ay inalis ni Hezekias ang ginto mula sa mga pintuan ng templo ng Panginoon at mula sa mga haligi na binalutan ni Hezekias na hari ng Juda at ibinigay ito sa hari ng Asiria.

17 Isinugo ng hari ng Asiria ang Tartan, ang Rabsaris, at ang Rabsake na may malaking hukbo mula sa Lakish patungo kay Haring Hezekias sa Jerusalem. At sila'y umahon at nakarating sa Jerusalem. Nang sila'y makarating, sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng daluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan patungo sa Parang na Bilaran.

18 Nang matawag na nila ang hari, lumabas sa kanila si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang katiwala ng bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.

19 At sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa ano ninyo ibinabatay ang pagtitiwala ninyong ito?

20 Iyong sinasabi (ngunit mga salitang walang kabuluhan lamang) may payo at kalakasan sa pakikidigma. Ngayon, kanino ka nagtitiwala, na ikaw ay maghimagsik laban sa akin?

21 Narito ngayon, ikaw ay umaasa sa Ehipto, sa baling tungkod na iyon na tutusok sa kamay ng sinumang taong sasandal doon. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng umaasa sa kanya.

22 Ngunit kung inyong sasabihin sa akin, “Kami ay umaasa sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya yaong inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, na sinasabi sa Juda at Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa dambanang ito sa Jerusalem?”

23 Halika ngayon, makipagpustahan ka sa aking panginoong hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakaya mong lagyan ng mga mangangabayo ang mga iyon.

24 Paano mo maitataboy ang isang punong-kawal mula sa pinakamahina sa mga lingkod ng aking panginoon, samantalang umaasa ka sa Ehipto para sa mga karwahe at mga mangangabayo?

25 Bukod dito, ako ba'y umahon na hindi ko kasama ang Panginoon laban sa lugar na ito upang ito'y wasakin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’”

26 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliakim na anak ni Hilkias, at nina Sebna at Joah sa Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico sapagkat naiintindihan namin iyon. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Juda, sa mga pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”

27 Ngunit sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sinugo ba ako ng aking panginoon upang sabihin ang mga salitang ito sa iyong panginoon at sa inyo, at hindi sa mga lalaking nakaupo sa pader na nakatadhanang kasama ninyo na kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi?”

28 Pagkatapos ay tumayo ang Rabsake at sumigaw ng malakas sa wikang Juda, “Pakinggan ninyo ang salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!”

29 Ganito ang sabi ng hari, “Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat kayo'y hindi niya maililigtas sa aking kamay.

30 Huwag ninyong hayaang pagtiwalain kayo ni Hezekias sa Panginoon sa pagsasabing, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon, at ang lunsod na ito ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.’

31 Huwag kayong makinig kay Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria, ‘Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo sa akin; at ang bawat isa sa inyo ay kakain mula sa kanyang sariling puno ng ubas, at ang bawat isa mula sa kanyang sariling puno ng igos, at ang bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig sa kanyang sariling balon;

32 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng trigo at ng alak, isang lupain ng tinapay at ng mga ubasan, isang lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mabuhay at hindi mamatay. At huwag kayong makinig kay Hezekias kapag kayo'y ililigaw niya sa pagsasabing, Ililigtas tayo ng Panginoon.

33 Mayroon na bang sinuman sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng lupain niya sa kamay ng hari ng Asiria?

34 Nasaan ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?

35 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na anupa't ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”

36 Ngunit ang bayan ay tahimik, at hindi siya sinagot ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”

37 Nang magkagayon, si Eliakim na anak ni Hilkias, na katiwala ng sambahayan, si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pumunta kay Hezekias na punit ang kanilang suot at sinabi sa kanya ang mga salita ng Rabsake.

Hiningi ng Hari ang Payo ni Isaias(Q)

19 Nang ito'y marinig ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang mga suot, nagbalot ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng Panginoon.

Kanyang sinugo kay propeta Isaias na anak ni Amos sina Eliakim na katiwala sa bahay, si Sebna na kalihim, at ang matatanda sa mga pari na may mga balot na damit-sako.

Sinabi nila sa kanya, “Ganito ang sabi ni Hezekias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, ng pagsaway at ng kahihiyan. Ang mga bata ay dumating na sa kapanganakan, at walang lakas upang sila'y mailuwal.

Marahil ay narinig ng Panginoon mong Diyos ang lahat ng mga salita ng Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoong hari ng Asiria upang tuyain ang buháy na Diyos, at sawayin ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Diyos. Kaya't itaas mo ang iyong panalangin para sa nalalabing naiwan.”

At ang mga lingkod ni Haring Hezekias ay dumating kay Isaias,

at sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong panginoon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot dahil sa mga salitang narinig mo, na ipinanlait sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria.

Ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kanya, at siya'y makakarinig ng bali-balita at babalik sa kanyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.’”

Muling Nagbanta ang Taga-Asiria(R)

Bumalik ang Rabsake at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.

Nang marinig ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Tingnan mo, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo,” siya'y muling nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,

10 “Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari ng Juda, ‘Huwag kang padadaya sa Diyos na iyong inaasahan sa pamamagitan ng pangangako na ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.

11 Nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ganap nilang winawasak. At ikaw kaya ay maililigtas?

12 Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ninuno—ang Gozan, Haran, Resef, at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Telasar?

13 Nasaan ang hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”

14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito. Pagkatapos ay pumanhik si Hezekias sa bahay ng Panginoon at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.

15 At(S) si Hezekias ay nanalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, “O Panginoong Diyos ng Israel na nakaupo sa itaas ng mga kerubin, ikaw ang Diyos, ikaw lamang sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.

16 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong pakinggan at imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon. Tumingin ka at pakinggan mo ang mga salita ni Senakerib, na kanyang isinugo upang kutyain ang buháy na Diyos.

17 Sa katotohanan, Panginoon, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain,

18 at inihagis ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, mga kahoy at bato; kaya't sila'y winasak.

19 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang mga kamay, isinasamo ko sa iyo, upang makilala ng lahat ng mga kaharian sa lupa na ikaw, Panginoon, ang tanging Diyos.”

20 Pagkatapos ay nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Sapagkat ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria, ikaw ay aking pinakinggan.

Ang Mensahe ni Isaias sa Hari(T)

21 Ito ang salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:

“Hinahamak ka niya, kinukutya ka niya—
    ikaw na anak na babaing birhen ng Zion;
iniiling niya ang kanyang ulo sa likuran mo—
    ikaw na anak na babae ng Jerusalem.
22 “Sino ang iyong hinamak at kinutya?
    Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may kapalaluang itinaas ang iyong mga mata?
    Laban sa Banal ng Israel!
23 Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay kinutya mo ang Panginoon,
    at iyong sinabi, ‘Sa pamamagitan ng marami kong mga karwahe
ako'y nakaahon sa kaitaasan ng mga bundok,
    hanggang sa kasuluksulukan ng Lebanon.
Ibinuwal ko ang kanyang pinakamataas na sedro,
    ang kanyang mga piling puno ng cipres;
pinasok ko ang kanyang pinakamalayong tuluyan,
    at ang kanyang pinakamasukal na gubat.
24 Ako'y humukay ng balon
    at uminom ng ibang tubig
at pinatuyo ng talampakan ng aking paa
    ang lahat ng ilog sa Ehipto.’
25 “Hindi mo ba narinig
    na iyon ay matagal ko nang naipasiya?
Binalak ko nang nakaraang mga araw
    ang ngayon ay aking pinapangyayari,
na mga lunsod na may kuta ay gagawin mong mga bunton ng guho,
26 samantalang ang kanilang mga mamamayan ay naubusan ng lakas,
    lupaypay at nalilito,
at naging gaya ng mga halaman sa bukid,
    at gaya ng luntiang gulayin,
gaya ng damo sa mga bubungan,
    na lanta na bago ito lumago?
27 “Ngunit nalalaman ko ang iyong pag-upo
    at ang iyong paglabas at pagpasok,
    at ang iyong pagkagalit laban sa akin.
28 Sapagkat ikaw ay nagalit laban sa akin
    at ang iyong pagmamataas ay nakarating sa aking mga tainga,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
    at ang aking busal sa iyong bibig,
at ibabalik kita sa daang
    pinanggalingan mo.

29 “At ito ang magiging tanda para sa iyo: sa taong ito ikaw ay kakain ng tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghahasik kayo, at aani, at magtatanim ng ubasan, at kakainin ninyo ang kanilang bunga.

30 Ang naiwang ligtas sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim at magbubunga pataas;

31 sapagkat mula sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Zion ay isang pangkat ng naiwan. Ang sigasig ng Panginoon ang gagawa nito.

32 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria. Siya'y hindi papasok sa lunsod na ito, o papana man ng palaso doon, o darating sa unahan na may kalasag, o maglalagay man ng bunton laban doon.

33 Sa daang kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya papasok sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.

34 Sapagkat ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito, alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”

35 Nang gabing iyon ang anghel ng Panginoon ay lumabas at pumatay ng isandaan at walumpu't limang libo sa kampo ng mga taga-Asiria. At nang ang mga tao'y maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.

36 Pagkatapos ay umalis si Senakerib na hari ng Asiria, at umuwi at nanirahan sa Ninive.

37 Habang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak ng kanyang mga anak na sina Adramalec at Sharezer; at sila'y tumakas patungo sa lupain ng Ararat. Si Esar-hadon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Nagkasakit at Gumaling si Haring Hezekias(U)

20 Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Si propeta Isaias na anak ni Amos ay pumaroon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay na, hindi ka na mabubuhay.’”

Nang magkagayo'y iniharap ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding at nanalangin sa Panginoon na sinasabi,

“Alalahanin mo ngayon, O Panginoon, idinadalangin ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harapan mo sa katapatan, at nang buong puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak nang mapait.

At bago nakalabas si Isaias sa gitnang bulwagan, dumating ang salita ng Panginoon sa kanya na sinasabi,

“Bumalik ka, at sabihin mo kay Hezekias na pinuno ng aking bayan, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ni David na iyong ninuno: Narinig ko ang iyong panalangin, nakita ko ang iyong mga luha; pagagalingin kita. Sa ikatlong araw ay aakyat ka sa bahay ng Panginoon.

Dadagdagan ko ng labinlimang taon ang iyong buhay. Ililigtas ko ikaw at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria at aking ipagtatanggol ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”

At sinabi ni Isaias, “Magdala kayo ng binilong igos at itapal ito sa bukol upang siya'y gumaling.”

Sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y aakyat sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?”

At sinabi ni Isaias, “Ito ang tanda sa iyo mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kanyang ipinangako: susulong ba ang anino ng sampung hakbang, o babalik ng sampung hakbang?”

10 Sumagot si Hezekias, “Isang madaling bagay sa anino na pasulungin ng sampung hakbang; sa halip, pabalikin ang anino ng sampung hakbang.”

11 Si Isaias na propeta ay nanalangin sa Panginoon; at kanyang pinabalik ang anino ng sampung hakbang, na nakababa na sa orasang-araw ni Ahaz.

Mga Sugo mula sa Babilonia(V)

12 Nang panahong iyon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may mga sulat at kaloob kay Hezekias, sapagkat kanyang nabalitaan na si Hezekias ay nagkasakit.

13 Sila'y tinanggap ni Hezekias at ipinakita sa kanila ang lahat ng kayamanan ng kanyang bahay, ang pilak, ginto, mga pabango, at mamahaling langis, ang kanyang taguan ng mga sandata, at ang lahat ng matatagpuan sa kanyang bodega. Walang anuman sa kanyang bahay o sa kanyang nasasakupan na hindi ipinakita sa kanila ni Hezekias.

14 Nang magkagayo'y pumaroon si propeta Isaias kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila galing sa pagtungo sa iyo?” At sinabi ni Hezekias, “Sila'y galing sa malayong lupain, mula sa Babilonia.”

15 Kanyang sinabi, “Anong nakita nila sa iyong bahay?” At sumagot si Hezekias, “Kanilang nakita ang lahat ng nasa aking bahay. Walang anumang bagay na nasa aking mga bodega ang hindi ko ipinakita sa kanila.”

16 At sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Pakinggan mo ang salita ng Panginoon:

17 Ang(W) mga araw ay dumarating na ang lahat ng nasa iyong bahay at ang inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito ay tatangayin na patungo sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng Panginoon.

18 At(X) ilan sa iyong mga anak na lalaki na mula sa iyo na ipapanganak ay kukunin; at sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia.”

19 Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinabi.” Sapagkat kanyang inakala, “Bakit hindi, kung magkakaroon naman ng kapayapaan at kapanatagan sa aking mga araw?”

Natapos ang Paghahari ni Hezekias(Y)

20 Ang iba pa sa mga gawa ni Hezekias, at ang lahat niyang kapangyarihan, at kung paano niya ginawa ang tipunan ng tubig at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa lunsod, hindi ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[g] ng mga Hari ng Juda?

21 Natulog si Hezekias na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Manases ng Juda(Z)

21 Si Manases ay labindalawang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng limampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hefziba.

Siya'y(AA) gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.

Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na winasak ni Hezekias na kanyang ama; siya'y nagtayo ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng sagradong poste,[h] gaya ng ginawa ni Ahab na hari ng Israel, at sinamba ang lahat ng hukbo sa langit, at naglingkod sa kanila.

Siya'y(AB) nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon, “Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan.”

At siya'y nagtayo ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon.

At kanyang pinaraan sa apoy ang kanyang anak na lalaki. Siya'y gumamit ng panghuhula at salamangka, at sumangguni sa masamang espiritu, at sa mga mangkukulam. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, na kanyang ikinagalit.

Ang(AC) larawang inanyuan ni Ashera na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon kay David at kay Solomon na kanyang anak, “Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat ng lipi ng Israel, ay ilalagay ko ang aking pangalan magpakailanman;

hindi ko na papagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, kung kanila lamang maingat na tutuparin ang ayon sa lahat ng iniutos ko sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.”

Ngunit hindi sila nakinig; at inakit sila ni Manases na gumawa ng higit pang masama kaysa ginawa ng mga bansang pinuksa ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.

10 At ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod na mga propeta, na sinasabi,

11 “Sapagkat ginawa ni Manases na hari ng Juda ang mga karumaldumal na ito, at gumawa ng kasamaang higit kaysa lahat ng ginawa ng mga Amoreo, na nauna sa kanya, at ibinunsod niya ang Juda sa pagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga diyus-diyosan;

12 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, Aking dadalhin sa Jerusalem at Juda ang ganoong kasamaan na anupa't ang tainga ng bawat makakarinig nito ay mangingilabot.

13 Aking paaabutin sa Jerusalem ang pising panukat ng Samaria, at ang panghulog ng bahay ni Ahab. Aking pupunasan ang Jerusalem gaya ng pagpupunas ng isang tao sa isang pinggan, na pinupunasan iyon at itinataob.

14 Aking iiwan ang nalabi sa aking pamana, at ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway. Sila'y magiging bihag at samsam sa lahat nilang mga kaaway,

15 sapagkat gumawa sila ng kasamaan sa aking paningin at ginalit nila ako, mula nang araw na ang kanilang mga ninuno ay magsilabas sa Ehipto, hanggang sa araw na ito.”

16 Bukod dito, si Manases ay nagpadanak ng napakaraming dugong walang sala, hanggang sa kanyang napuno ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila, bukod sa kasalanang ibinunsod niyang gawin ng Juda. Kaya't sila'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

17 Ang iba pa sa mga gawa ni Manases, at ang lahat niyang ginawa, at ang kasalanang kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[i] ng mga Hari ng Juda?

18 Si Manases ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa halamanan ng kanyang bahay, sa halamanan ng Uza; at si Amon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Amon ng Juda(AD)

19 Si Amon ay dalawampu't dalawang taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Mesullemeth na anak ni Haruz na taga-Jotba.

20 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manases na kanyang ama.

21 At siya'y lumakad sa lahat ng landas na nilakaran ng kanyang ama, at naglingkod sa mga diyus-diyosan na pinaglingkuran ng kanyang ama, at sinamba niya ang mga iyon.

22 Kanyang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at hindi lumakad sa daan ng Panginoon.

23 At ang mga lingkod ni Amon ay nagsabwatan laban sa kanya, at pinatay ang hari sa kanyang bahay.

24 Ngunit pinatay ng mga mamamayan ng lupain ang lahat ng mga nagsabwatan laban kay Haring Amon; at ginawang hari ng mga mamamayan ng lupain si Josias na kanyang anak bilang kahalili niya.

25 Ang iba pa sa mga gawa ni Amon na kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[j] ng mga Hari ng Juda?

26 At siya'y inilibing sa kanyang libingan sa halamanan ng Uza; at si Josias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Josias ng Juda(AE)

22 Si(AF) Josias ay walong taong gulang nang magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Idida na anak ni Adaya na taga-Boscat.

Siya'y gumawa ng kabutihan sa mga mata ng Panginoon, at lumakad sa lahat ng daan ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa.

Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(AG)

Nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, sinugo ng hari si Safan na anak ni Azalia, na anak ni Mesulam, na kalihim sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,

“Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari, upang kanyang matimbang ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon na nilikom mula sa bayan ng mga bantay-pinto;

at ibigay iyon sa kamay ng mga manggagawa na silang nangangasiwa sa bahay ng Panginoon. Ibibigay naman nila iyon sa mga manggagawa na nasa bahay ng Panginoon, na nag-aayos ng bahay,

samakatuwid ay sa mga karpintero, mga tagapagtayo, mga kantero, at gayundin para sa pagbili ng kahoy at ng batong tinibag upang ayusin ang mga sira ng bahay.

Gayunma'y(AH) walang ulat ng nagugol ang hihingin sa kanila mula sa salaping ibinigay sa kanilang kamay, sapagkat sila'y tapat makitungo.”

At sinabi ni Hilkias na pinakapunong pari kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito.

Si Safan na kalihim ay pumaroon sa hari, at iniulat sa hari, na sinasabi, “Inilabas na ng iyong mga lingkod ang salaping natagpuan sa bahay, at ibinigay na sa kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng Panginoon.”

10 Sinabi ni Safan na kalihim sa hari, na sinasabi, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At ito ay binasa ni Safan sa harapan ng hari.

11 Nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, kanyang pinunit ang kanyang kasuotan.

12 At ang hari ay nag-utos ng ganito kay Hilkias na pari, kay Ahicam na anak ni Safan, kay Acbor na anak ni Micaya, kay Safan na kalihim, at kay Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,

13 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon para sa akin sa bayan, at para sa buong Juda tungkol sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Malaki ang poot ng Panginoon na nag-aalab laban sa atin, sapagkat hindi sinunod ng ating mga ninuno ang mga salita ng aklat na ito, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat tungkol sa atin.”

14 Kaya't sina Hilkias na pari, Ahicam, Acbor, Safan, at si Asaya, ay nagsiparoon kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum, na anak ni Ticvah, na anak ni Haras, na katiwala ng mga kasuotan (siya nga'y tumira sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipag-usap sa kanya.

15 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,

16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito at sa mamamayan nito, ang lahat ng salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda.

17 Sapagkat kanilang tinalikuran ako, at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, upang ako'y galitin nila sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay. Kaya't ang aking poot ay mag-aalab sa dakong ito, at ito'y hindi mapapatay.

18 Ngunit tungkol sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,

19 sapagkat ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, nang iyong marinig kung paanong ako'y nagsalita laban sa dakong ito, at laban sa mamamayan nito, na sila'y magiging kapanglawan at sumpa, at pinunit mo ang iyong kasuotan at umiyak ka sa harapan ko, narinig din kita, sabi ng Panginoon.

20 Kaya't narito, titipunin kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay payapang malalagay sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito.’” At kanilang dinala ang kasagutan sa hari.

Pinatigil ang Pagsambang Pagano(AI)

23 Pagkatapos ang hari ay nagsugo, at tinipon niya ang lahat ng matatanda ng Juda at Jerusalem.

At pumunta ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat na lalaki ng Juda at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem, mga pari, mga propeta, at ang buong bayan, hamak at dakila. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.

Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon at upang ingatan ang kanyang mga utos at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin, ng kanyang buong puso at buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito; at ang buong bayan ay nakiisa sa tipan.

Inutusan(AJ) ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel.

Kanyang tinanggal ang mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na itinalaga ng mga hari ng Juda na magsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga palibot ng Jerusalem; gayundin yaong mga nagsunog ng insenso kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga tala, at sa lahat ng hukbo sa mga langit.

At kanyang inilabas ang Ashera mula sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem, sa batis ng Cedron, sinunog ito sa batis ng Cedron, at dinurog at inihagis ang alabok nito sa libingan ng mga karaniwang tao.

Kanyang giniba ang mga bahay ng mga lalaking nagbibili ng aliw na nasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga babae ng tabing para sa Ashera.

Kanyang inilabas ang lahat ng mga pari mula sa mga lunsod ng Juda, at nilapastangan ang matataas na dako na pinagsusunugan ng insenso ng mga pari, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba. At kanyang ibinagsak ang matataas na dako ng mga pintuang-bayan na nasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng lunsod, na nasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng lunsod.

Gayunma'y ang mga pari sa matataas na dako ay hindi umahon sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng kanilang mga kapatid.

10 Kanyang(AK) nilapastangan ang Tofet, na nasa libis ng mga anak ni Hinom, upang hindi paraanin sa apoy para kay Molec ang sinuman ng kanyang anak na lalaki o babae.

11 Kanyang inalis ang mga kabayo na itinalaga ng hari ng Juda sa araw, na nasa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa tabi ng silid ni Natan-melec na eunuko, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karwahe ng araw.

12 Ang(AL) mga dambana na nasa bubungan ng silid sa itaas ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon ay kanyang pinabagsak, dinurog, at inihagis ang alabok ng mga iyon sa batis ng Cedron.

13 Nilapastangan(AM) ng hari ang matataas na dako na nasa silangan ng Jerusalem, hanggang sa timog ng Bundok ng Kasiraan, na itinayo ng Haring Solomon para kay Astarte na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Cemos na karumaldumal ng Moab, at kay Malcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon.

14 At kanyang pinagputul-putol ang mga haligi, at pinutol ang mga sagradong poste,[k] at pinuno ang kanilang mga kinatatayuan ng mga buto ng tao.

15 Bukod(AN) dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste.[l]

16 Sa(AO) pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng Panginoon na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito.

17 Pagkatapos(AP) ay kanyang sinabi, “Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?” Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, “Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel.”

18 Kanyang sinabi, “Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya.” Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.

19 At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang Panginoon, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel.

20 Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem.

Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(AQ)

21 At iniutos ng hari sa buong bayan, “Ipagdiwang ninyo ang paskuwa sa Panginoon ninyong Diyos, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.”

22 Walang gayong paskuwa ang ipinagdiwang mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa panahon ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o ng mga hari man ng Juda;

23 ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, ipinangilin sa Jerusalem ang paskuwang ito sa Panginoon.

Iba pang mga Pagbabagong Ginawa ni Josias

24 Bukod dito'y pinag-aalis ni Josias ang mga sumasangguni sa masamang espiritu at ang mga mangkukulam, ang mga terafim, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng karumaldumal na nakita sa lupain ng Juda at Jerusalem, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa bahay ng Panginoon.

25 Sa mga haring nauna sa kanya ay walang naging gaya niya na bumalik sa Panginoon ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas niya ayon sa lahat ng kautusan ni Moises, ni may lumitaw mang gaya niya pagkamatay niya.

26 Gayunma'y hindi tinalikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang malaking pagkapoot laban sa Juda, dahil sa lahat ng panggagalit na ipinanggalit ni Manases sa kanya.

27 At sinabi ng Panginoon, “Aalisin ko rin ang Juda sa aking paningin, gaya ng pag-aalis ko sa Israel, at aking itatakuwil ang lunsod na ito na aking pinili, ang Jerusalem, at ang bahay na dito ay aking sinabi, Ang pangalan ko'y doroon.”

Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias(AR)

28 Ang iba pa sa mga gawa ni Josias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[m] ng mga Hari ng Juda?

29 Nang mga araw niya, si Faraon-neco na hari ng Ehipto ay umahon laban sa hari ng Asiria sa Ilog Eufrates. Si Haring Josias ay pumaroon laban sa kanya; at pinatay siya ni Faraon-neco sa Megido, nang kanyang makita siya.

30 Dinala siyang patay ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe mula sa Megido, dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang sariling libingan. At kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias, binuhusan siya ng langis, at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama.

Si Haring Jehoahaz ng Juda(AS)

31 Si Jehoahaz[n] ay dalawampu't tatlong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlong buwan sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.

32 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga magulang.

33 Ibinilanggo siya ni Faraon-neco sa Ribla sa lupain ng Hamat, upang siya'y hindi makapaghari sa Jerusalem; at pinapagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at isang talentong ginto.

34 At(AT) ginawa ni Faraon-neco si Eliakim na anak ni Josias bilang haring kapalit ni Josias, na kanyang ama, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim. Ngunit kanyang dinala si Jehoahaz at siya'y dumating sa Ehipto at namatay doon.

Si Haring Jehoiakim ng Juda(AU)

35 Ibinigay ni Jehoiakim ang pilak at ang ginto kay Faraon; ngunit kanyang pinapagbuwis ang lupain upang ibigay ang salapi ayon sa utos ni Faraon. Kanyang siningilan ng pilak at ginto ang taong-bayan ng lupain, sa bawat isa ayon sa kanyang paghahalaga, upang ibigay kay Faraon-neco.

36 Si(AV) Jehoiakim ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Zebida na anak ni Pedaya na taga-Ruma.

37 Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga ninuno.

24 Nang(AW) kanyang kapanahunan, dumating si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at si Jehoiakim ay naging kanyang alipin sa loob ng tatlong taon; pagkatapos ay bumalik siya at naghimagsik laban sa kanya.

Ang Panginoon ay nagsugo laban sa kanya ng mga pulutong ng mga Caldeo, mga pulutong ng mga taga-Siria, ng mga Moabita, at ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ito, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod na mga propeta.

Tunay na ito ay dumating sa Juda ayon sa utos ng Panginoon, upang alisin sila sa kanyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa,

at gayundin dahil sa walang salang dugo na kanyang pinadanak, sapagkat kanyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo, at ang Panginoon ay ayaw magpatawad.

Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoiakim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[o] ng mga Hari ng Juda?

Kaya't natulog si Jehoiakim na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Jehoiakin na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Ang hari ng Ehipto ay hindi na bumalik pa mula sa kanyang lupain, sapagkat sinakop ng hari ng Babilonia ang lahat ng pag-aari ng hari ng Ehipto mula sa batis ng Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates.

Si Haring Jehoiakin ng Juda(AX)

Si Jehoiakin ay labingwalong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan. Ang pangalan ng kanyang ina ay Nehusta na anak na babae ni Elnatan na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng lahat ng ginawa ng kanyang ama.

10 Nang panahong iyon ang mga lingkod ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang lunsod ay kinubkob.

11 Si Haring Nebukadnezar ng Babilonia ay dumating sa lunsod, habang kinukubkob ito ng kanyang mga lingkod.

12 Nilabas(AY) ni Jehoiakin na hari sa Juda ang hari ng Babilonia, siya, ang kanyang ina, mga lingkod, ang mga prinsipe, at ang mga pinuno ng kanyang palasyo. Kinuha siya ng hari ng Babilonia bilang bihag sa ikawalong taon ng kanyang paghahari.

13 Tinangay ang lahat ng kayamanan sa bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan sa bahay ng hari, at pinagputul-putol ang lahat ng sisidlang ginto na ginawa ni Haring Solomon sa templo ng Panginoon, gaya ng sinabi nang una ng Panginoon.

14 Kanyang tinangay ang buong Jerusalem, ang lahat ng pinuno, mga magigiting na mandirigma, sampung libong bihag, at ang lahat ng manggagawa at mga panday; walang nalabi maliban sa mga pinakadukha sa mamamayan ng lupain.

15 Dinala(AZ) niya si Jehoiakin sa Babilonia; ang ina ng hari, at mga asawa ng hari, at ang kanyang mga pinuno at pangunahing lalaki sa lupain ay dinala niyang bihag mula sa Jerusalem patungo sa Babilonia.

16 Dinalang-bihag sa Babilonia ng hari ng Babilonia ang lahat ng mandirigma na may bilang na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga panday ay isanlibo, lahat sila ay malakas at angkop sa pakikidigma.

17 Ginawa(BA) ng hari ng Babilonia na hari si Matanias, tiyuhin ni Jehoiakin bilang haring kapalit niya, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Zedekias.

Si Haring Zedekias ng Juda(BB)

18 Si(BC) Zedekias ay dalawampu't isang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.

19 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni Jehoiakim.

20 Sapagkat(BD) dahil sa galit ng Panginoon ay nangyari sa Jerusalem at sa Juda na sila ay kanyang itinaboy sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik sa hari ng Babilonia.

Bumagsak ang Jerusalem(BE)

25 Sa(BF) ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, sa ikasampung araw ng ikasampung buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating kasama ang lahat niyang hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob ito; at nagtayo sila ng mga kutang pagkubkob sa palibot nito.

Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias.

Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang taggutom ay napakatindi sa lunsod, anupa't walang pagkain para sa mamamayan ng lupain.

Nang(BG) magkagayo'y gumawa ng isang butas sa lunsod; ang hari kasama ang lahat ng lalaking mandirigma ay tumakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader na nasa tabi ng halamanan ng hari, bagaman ang mga Caldeo ay nasa palibot ng lunsod. At sila ay humayo sa daang patungo sa Araba.

Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at kanilang inabutan siya sa mga kapatagan ng Jerico at ang lahat niyang hukbo ay nangalat at iniwan siya.

Dinakip nila ang hari at kanilang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla na naggawad ng hatol sa kanya.

Kanilang(BH) pinatay ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan at dinukit ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala at dinala sa Babilonia.

Giniba ang Templo(BI)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, si Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay, na lingkod ng hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem.

Kanyang(BJ) sinunog ang bahay ng Panginoon, ang bahay ng hari, at ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem; bawat malaking bahay ay sinunog niya.

10 Ibinagsak ang mga pader sa palibot ng Jerusalem ng lahat ng hukbo ng mga Caldeo na kasama ng punong-kawal ng bantay.

11 Ang nalabing mga tao na naiwan sa lunsod, at ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia, at ang nalabi sa napakaraming tao ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay.

12 Ngunit iniwan ng punong-kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging mag-uubas at magsasaka.

13 Ang(BK) mga haliging tanso na nasa bahay ng Panginoon at ang mga patungan at ang sisidlang tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo at dinala ang tanso sa Babilonia.

14 At(BL) kanilang tinangay ang mga palayok, mga pala, mga pamutol ng mitsa, mga pinggan para sa insenso, lahat ng kagamitang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo,

15 gayundin ang mga apuyan at ang mga mangkok. Ang anumang yari sa ginto at sa pilak ay dinalang lahat ng punong-kawal ng bantay.

16 Ang dalawang haligi, sisidlang tanso, at sa mga patungang ginawa ni Solomon para sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay hindi kayang timbangin.

17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyon; ang taas ng kapitel ay tatlong siko na may palamuti at granada na pawang yari sa tanso ang nasa kapitel sa palibot. At ang ikalawang haligi ay gaya rin niyon at may palamuti.

Dinala ang Mamamayan ng Juda sa Babilonia(BM)

18 At kinuha ng punong-kawal ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na ikalawang pari, at ang tatlong bantay-pinto;

19 at mula sa lunsod ay kumuha siya ng isang pinuno na nangangasiwa sa mga lalaking mandirigma, limang lalaki sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng punong-kawal ng hukbo na nagtipon ng mga tao ng lupain, at animnapung lalaki sa taong-bayan ng lupain na natagpuan sa lunsod.

20 Kinuha sila ni Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay at dinala sila sa hari ng Babilonia sa Ribla.

21 Pinuksa sila ng hari ng Babilonia at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamat. Sa gayon dinalang-bihag ang Juda mula sa kanyang lupain.

Si Gedalias, Tagapamahala ng Juda(BN)

22 Sa(BO) mga taong-bayang naiwan sa lupain ng Juda na iniwan ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, hinirang niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Safan.

23 Nang mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga hukbo at ng kanilang mga kalalakihan na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay pumunta sila kay Gedalias sa Mizpah. Sila ay sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumet na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maacatita.

24 At si Gedalias ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga kalalakihan na sinasabi, “Kayo'y huwag mangatakot ng dahil sa mga pinunong Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito ay sa ikabubuti ninyo.”

25 Ngunit(BP) nang ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, na mula sa angkan ng hari, ay dumating kasama ng sampung lalaki at sinaktan si Gedalias, kaya't siya'y namatay kasama ang mga Judio at mga Caldeo na mga kasama niya sa Mizpah.

26 Pagkatapos(BQ) ang buong bayan, hamak at dakila, at ang mga pinuno ng hukbo ay tumindig at pumunta sa Ehipto, sapagkat sila'y takot sa mga Caldeo.

Si Jehoiakin ay Pinalaya sa Bilangguan(BR)

27 At nangyari, nang ikadalawampu't pitong araw, nang ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag ni Jehoiakin na hari ng Juda, si Evil-merodac na hari ng Babilonia, nang taong siya'y magsimulang maghari, ay pinalaya sa bilangguan si Jehoiakin na hari ng Juda.

28 Siya'y nagsalita na may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng upuan sa itaas ng mga upuan ng mga haring kasama niya sa Babilonia.

29 Kaya't hinubad ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilangguan. At sa bawat araw ng kanyang buhay ay palagi siyang kumakain sa hapag ng hari;

30 at para sa pantustos sa kanya, may palagiang panustos na ibinibigay sa kanya ang hari, bawat araw ay isang bahagi, habang siya ay nabubuhay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001