Bible in 90 Days
Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoiada(A)
16 Si Jehoiada ay gumawa ng tipan sa pagitan niya, ng buong bayan at ng hari na sila'y magiging bayan ng Panginoon.
17 At ang buong bayan ay pumaroon sa bahay ni Baal at giniba ito. Pinagputul-putol nila ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan, at pinatay nila si Mattan na pari ni Baal sa harapan ng mga dambana.
18 Naglagay si Jehoiada ng mga bantay para sa bahay ng Panginoon sa pangangasiwa ng mga Levitang pari at ng mga Levitang binuo ni David upang mangasiwa sa bahay ng Panginoon, upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na may kagalakan at pag-aawitan, ayon sa utos ni David.
19 Kanyang inilagay ang mga bantay-pinto sa mga pintuan ng bahay ng Panginoon, upang huwag pumasok ang sinuman na sa anumang paraan ay marumi.
20 Kanyang isinama ang mga pinunong-kawal, ang mga maharlika, ang mga tagapamahala ng bayan, at ang mga taong-bayan ng lupain, at ibinaba nila ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at dumaan sa pinakamataas na pintuan patungo sa bahay ng hari. Iniluklok nila ang hari sa trono ng kaharian.
21 Kaya't ang mga taong-bayan ng lupain ay nagalak, at ang lunsod ay natahimik, pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak.
Si Haring Joas ng Juda(B)
24 Si Joas ay pitong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba.
2 At gumawa si Joas ng matuwid sa paningin ng Panginoon sa lahat ng mga araw ng paring si Jehoiada.
3 Si Jehoiada ay kumuha para sa kanya ng dalawang asawang babae, at siya'y nagkaroon ng mga anak na lalaki at mga babae.
4 Pagkatapos nito, ipinasiya ni Joas na kumpunihin ang bahay ng Panginoon.
5 At kanyang tinipon ang mga pari at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa mga lunsod ng Juda, at lumikom kayo mula sa buong Israel ng salapi upang kumpunihin ang bahay ng inyong Diyos taun-taon, at sikapin ninyo na mapabilis ang bagay na ito.” Subalit hindi ito minadali ng mga Levita.
6 Kaya't(C) ipinatawag ng hari si Jehoiada na pinuno, at sinabi sa kanya, “Bakit hindi mo inatasan ang mga Levita na dalhin mula sa Juda at Jerusalem ang buwis na iniatang ni Moises, na lingkod ng Panginoon, sa kapulungan ng Israel para sa tolda ng patotoo?”
7 Sapagkat pinasok ng mga anak ni Atalia, ang masamang babaing iyon, ang bahay ng Diyos, at ginamit din nila ang lahat ng mga itinalagang bagay sa bahay ng Panginoon para sa mga Baal.
8 Kaya't nag-utos ang hari, at sila'y gumawa ng isang kaban, at inilagay ito sa labas ng pintuan ng bahay ng Panginoon.
9 Isang pahayag ang ginawa sa buong Juda at Jerusalem na dalhin para sa Panginoon ang buwis na iniatang ni Moises, na tao ng Diyos sa Israel sa ilang.
10 Lahat ng mga pinuno at ang buong bayan ay nagalak at dinala ang kanilang buwis at inihulog ito sa kaban, hanggang sa sila'y makatapos.
11 Tuwing dadalhin ng mga Levita ang kaban sa mga pinuno ng hari, kapag kanilang nakita na maraming salapi sa loob nito, ang kalihim ng hari at ang pinuno ng punong pari ay darating at aalisan ng laman ang kaban at kukunin at ibabalik ito sa kanyang kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginagawa araw-araw, at nakalikom sila ng maraming salapi.
12 Ito ay ibinigay ng hari at ni Jehoiada sa nangangasiwa ng gawain sa bahay ng Panginoon. Sila'y umupa ng mga kantero at mga karpintero upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon, gayundin ng mga manggagawa sa bakal at tanso upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon.
13 Kaya't nagtrabaho ang mga kasali sa paggawa at ang pagkukumpuni ay nagpatuloy sa kanilang mga kamay, at kanilang ibinalik ang bahay ng Diyos sa kanyang nararapat na kalagayan at pinatibay ito.
14 Nang kanilang matapos, kanilang dinala ang nalabing salapi sa harapan ng hari at ni Jehoiada, at sa pamamagitan nito ay gumawa ng mga sisidlan para sa bahay ng Panginoon, maging para sa paglilingkod at para sa mga handog na sinusunog, ng mga sandok para sa kamanyang, at mga sisidlang ginto at pilak. At sila'y patuloy na nag-alay ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga araw ni Jehoiada.
Binago ang mga Patakaran ni Jehoiada
15 Ngunit si Jehoiada ay tumanda at napuspos ng mga araw at siya'y namatay. Siya'y isandaan at tatlumpung taon nang siya'y mamatay.
16 Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David kasama ng mga hari, sapagkat siya'y gumawa ng mabuti sa Israel, sa Diyos at sa kanyang sambahayan.
17 Pagkamatay ni Jehoiada, dumating ang mga pinuno ng Juda at nagbigay-galang sa hari, at nakinig sa kanila ang hari.
18 Kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at naglingkod sa mga sagradong poste[a] at sa mga diyus-diyosan. At ang poot ay dumating sa Juda at Jerusalem dahil sa pagkakasala nilang ito.
19 Gayunma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang ibalik sila sa Panginoon; ang mga ito'y sumaksi laban sa kanila ngunit ayaw nilang makinig.
20 At(D) nilukuban ng Espiritu ng Diyos si Zacarias na anak ng paring si Jehoiada; at siya'y tumayo sa itaas ng bayan, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Diyos, ‘Bakit kayo'y lumalabag sa mga utos ng Panginoon, kaya't kayo'y hindi maaaring umunlad? Sapagkat inyong pinabayaan ang Panginoon, pinabayaan din niya kayo.’”
21 Ngunit sila'y nagsabwatan laban sa kanya, at sa utos ng hari ay pinagbabato siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon.
22 Sa ganito ay hindi naalala ng haring si Joas ang kagandahang-loob na ipinakita sa kanya ni Jehoiada na ama ni Zacarias,[b] sa halip ay pinatay ang kanyang anak. Nang siya'y naghihingalo, kanyang sinabi, “Nawa'y tumingin at maghiganti ang Panginoon!”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Joas
23 Sa pagtatapos ng taon, ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating laban kay Joas. Sila'y dumating sa Juda at Jerusalem at nilipol ang lahat ng mga pinuno ng bayan na kasama nila, at ipinadala ang lahat ng kanilang samsam sa hari ng Damasco.
24 Bagaman ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating na may iilang tauhan, ibinigay ng Panginoon ang isang napakalaking hukbo sa kanilang kamay, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa gayo'y ginawaran nila ng hatol si Joas.
25 Nang sila'y umalis, na iniwan siyang lubhang sugatan, ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya dahil sa dugo ng mga anak[c] ni Jehoiada na pari, at pinatay siya sa kanyang higaan. Gayon siya namatay at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit siya'y hindi nila inilibing sa mga libingan ng mga hari.
26 Ang mga nagsabwatan laban sa kanya ay si Zabad na anak ni Shimeat na babaing Ammonita, at si Jehozabad na anak ni Simrit na babaing Moabita.
27 Ang tungkol sa kanyang mga anak, at ang maraming mga pahayag laban sa kanya, at ang muling pagtatayo ng bahay ng Diyos ay nakasulat sa Kasaysayan ng Aklat ng mga Hari. At si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Amasias ng Juda(E)
25 Si Amasias ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoadan na taga-Jerusalem.
2 At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ngunit hindi taos sa puso.
3 Nang ang kapangyarihang maghari ay matatag na sa kanyang kamay, kanyang pinatay ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.
4 Ngunit(F) hindi niya pinatay ang kanilang mga anak, ayon sa nakasulat sa kautusan sa aklat ni Moises, na doo'y iniutos ng Panginoon, “Ang mga ninuno ay hindi papatayin ng dahil sa mga anak, ni ang mga anak man ay papatayin ng dahil sa mga ninuno; kundi bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”
Pakikidigma Laban sa Edom(G)
5 Pagkatapos ay tinipon ni Amasias ang mga lalaki ng Juda, at inayos sila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno sa ilalim ng mga punong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan para sa buong Juda at Benjamin. Kanyang binilang ang mga mula sa dalawampung taong gulang pataas at natagpuang sila ay tatlong daang libong piling lalaki, nababagay sa pakikidigma at may kakayahang humawak ng sibat at kalasag.
6 Siya'y umupa rin ng isandaang libong matatapang na mandirigma mula sa Israel sa halagang isandaang talentong pilak.
7 Ngunit dumating sa kanya ang isang tao ng Diyos, na nagsasabi, “O hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagkat ang Panginoon ay hindi kasama ng Israel, pati ng lahat ng mga anak ni Efraim na ito.
8 Ngunit kung iyong inaakalang sa paraang ito ay magiging malakas ka sa digmaan, ibubuwal ka ng Diyos sa harapan ng iyong mga kaaway, sapagkat ang Diyos ay may kapangyarihang tumulong at magbuwal.”
9 At sinabi ni Amasias sa tao ng Diyos, “Ngunit anong aming gagawin sa isandaang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel?” At ang tao ng Diyos ay sumagot, “Ang Panginoon ay makapagbibigay sa iyo nang higit kaysa rito.”
10 Nang magkagayo'y pinaalis ni Amasias ang hukbo na dumating sa kanya mula sa Efraim, upang muling umuwi. At sila'y nagalit nang matindi sa Juda, at umuwing may malaking galit.
11 Ngunit si Amasias ay nagpakatapang at pinangunahan ang kanyang mga tauhan, at pumunta sa Libis ng Asin at pinatay ang sampung libong mga taga-Seir.
12 Ang mga lalaki ng Juda ay nakabihag ng sampung libong buháy at dinala sila sa tuktok ng isang malaking bato at inihulog sila mula sa tuktok ng bato, at silang lahat ay nagkaluray-luray.
13 Ngunit ang mga tauhan ng hukbo na pinabalik ni Amasias, upang sila'y huwag nang sumama sa kanya sa pakikipaglaban ay sumalakay sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon, at pumatay sa kanila ng tatlong libo, at kumuha ng maraming samsam.
14 Pagkatapos na si Amasias ay manggaling mula sa pagpatay sa mga Edomita, kanyang dinala ang mga diyos ng mga anak ni Seir, at inilagay ang mga iyon upang maging kanyang mga diyos, at sinamba ang mga iyon at naghandog sa kanila.
15 Kaya't ang Panginoon ay nagalit kay Amasias at nagsugo sa kanya ng isang propeta, na nagsabi sa kanya, “Bakit bumaling ka sa mga diyos ng isang bayan na hindi nakapagligtas ng kanilang sariling bayan mula sa iyong kamay?”
16 Ngunit habang siya'y nagsasalita ay sinabi sa kanya ng hari, “Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? Tumigil ka, bakit kailangang patayin ka pa?” Kaya't tumigil ang propeta, ngunit nagsabi, “Nalalaman ko na ipinasiya ng Diyos na puksain ka, sapagkat ginawa mo ito at hindi mo pinakinggan ang aking payo.”
Pakikidigma Laban sa Israel(H)
17 Pagkatapos ay humingi ng payo si Amasias na hari sa Juda, at nagsugo kay Joas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na nagsasabi, “Halika, tayo'y magharap.”
18 At si Joas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang dawag sa Lebanon ay nagsugo sa isang sedro sa Lebanon, na nagsasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae para mapangasawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon, at tinapakan ang dawag.
19 Sinasabi mo, ‘Tingnan mo, nagapi ko ang Edom,’ at itinaas ka ng iyong puso sa kayabangan. Ngunit ngayon ay manatili ka sa bahay; bakit ka lilikha ng kaguluhan na iyong ikabubuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”
20 Ngunit ayaw makinig ni Amasias, sapagkat iyon ay mula sa Diyos, upang kanyang maibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, sapagkat sinunod nila ang mga diyos ng Edom.
21 Kaya't umahon si Joas na hari ng Israel; at siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagtuos sa Bet-shemes na sakop ng Juda.
22 At ang Juda ay natalo ng Israel, at bawat isa'y tumakas pauwi sa kanyang tahanan.
23 Binihag ni Joas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Joas, na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dinala siya sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko, mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Pintuan sa Panulukan.
24 Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak, at lahat ng kagamitang natagpuan sa bahay ng Diyos, at si Obed-edom na kasama nila. Sinamsam din niya ang mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.
25 Si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nabuhay ng labinlimang taon pagkamatay ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.
26 Ang iba pa sa mga gawa ni Amasias, mula una hanggang katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel?
27 Mula nang panahong talikuran niya ang Panginoon ay nagsabwatan sila laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas sa Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish, at pinatay siya roon.
28 Dinala siya na sakay sa mga kabayo, at inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.
Si Haring Uzias ng Juda(I)
26 At kinuha ng buong bayan ng Juda si Uzias, na labing-anim na taong gulang at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang amang si Amasias.
2 Kanyang itinayo ang Eloth at isinauli sa Juda, pagkatapos na ang hari ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno.
3 Si Uzias ay labing-anim na taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem.
4 At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias.
5 Itinalaga niya ang sarili upang hanapin ang Diyos sa mga araw ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa pagkatakot sa Diyos; at habang kanyang hinahanap ang Panginoon, pinagtatagumpay siya ng Diyos.
6 Siya'y lumabas at nakipagdigma laban sa mga Filisteo, at ibinagsak ang pader ng Gat, ang pader ng Jabnia, at ang pader ng Asdod. Siya'y nagtayo ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at sa iba pang lugar sa gitna ng mga Filisteo.
7 Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga taga-Arabia na naninirahan sa Gurbaal, at laban sa mga Meunita.
8 Ang mga Ammonita ay nagbayad ng buwis kay Uzias, at ang kanyang katanyagan ay lumaganap hanggang sa hangganan ng Ehipto, sapagkat siya'y naging napakalakas.
9 Bukod dito'y nagtayo si Uzias ng mga muog sa Jerusalem sa Pintuan sa Panulukan at sa Pintuan sa Libis, at sa Pagliko, at pinatibay ang mga iyon.
10 Siya'y nagtayo ng mga muog sa ilang at humukay ng maraming balon, sapagkat siya'y mayroong maraming kawan maging sa Shefela at sa kapatagan. Mayroon siyang mga magbubukid at manggagawa sa ubasan sa mga burol at sa matatabang lupain, sapagkat mahal niya ang lupa.
11 Bukod dito, si Uzias ay may hukbo ng mga kawal, nababagay sa digmaan, na pulu-pulutong ayon sa pagbilang na ginawa ni Jeiel na kalihim, at ni Maasias na pinuno, sa ilalim ng pangangasiwa ni Hananias, isa sa mga punong-kawal ng hari.
12 Ang buong bilang ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno na matatapang na mandirigma ay dalawang libo at animnaraan.
13 Sa ilalim ng kanilang pamumuno ay isang hukbo na tatlong daan pitong libo at limang daan, na may kakayahang lumaban na may kapangyarihan, upang tulungan ang hari laban sa kaaway.
14 At ang buong hukbo ay ipinaghanda ni Uzias ng mga kalasag, mga sibat, mga helmet, mga metal na saplot, mga pana, at mga batong pantirador.
15 Siya'y gumawa sa Jerusalem ng mga makina, nilikha ng mga bihasang tao, upang ilagay sa mga tore at sa panulukan, upang magpahilagpos ng mga pana at malalaking bato. At ang kanyang kabantugan ay kumalat sa malayo, sapagkat siya'y kagila-gilalas na tinulungan hanggang sa siya'y lumakas.
Si Uzias ay Pinarusahan Dahil sa Kanyang Kapalaluan
16 Ngunit nang siya'y lumakas, siya'y naging palalo na siya niyang ikinapahamak. Sapagkat kanyang nilapastangan ang Panginoon niyang Diyos, at pumasok sa templo ng Panginoon upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng dambana ng insenso.
17 Ngunit si Azarias na pari ay pumasok kasunod niya, na may kasamang walumpung pari ng Panginoon na matatapang na lalaki.
18 Kanilang(J) hinadlangan si Haring Uzias, at sinabi sa kanya, “Hindi para sa iyo, Uzias, ang magsunog ng insenso sa Panginoon, kundi para sa mga pari na mga anak ni Aaron, na mga itinalaga upang magsunog ng insenso. Lumabas ka sa santuwaryo sapagkat mali ang iyong ginawa, at hindi ito magbibigay sa iyo ng karangalan mula sa Panginoong Diyos.”
19 Nang magkagayo'y nagalit si Uzias. Noon ay mayroon siyang suuban sa kanyang kamay upang magsunog ng insenso. Nang siya'y magalit sa mga pari, may lumabas na ketong sa kanyang noo, sa harapan ng mga pari sa bahay ng Panginoon, sa tabi ng dambana ng insenso.
20 Si Azarias na punong pari at ang lahat ng mga pari ay tumingin sa kanya, siya'y may ketong sa kanyang noo! At siya'y mabilis nilang itinaboy papalabas at siya nama'y nagmamadaling lumabas, sapagkat sinaktan siya ng Panginoon.
21 Si Haring Uzias ay ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at palibhasa'y ketongin ay tumira siya sa isang bahay na nakabukod, sapagkat siya'y itiniwalag sa bahay ng Panginoon. Si Jotam na kanyang anak ang namahala sa sambahayan ng hari, na nangangasiwa sa mga mamamayan ng lupain.
22 Ang iba pa sa mga gawa ni Uzias, mula una hanggang katapusan, ay isinulat ni Isaias na propeta, na anak ni Amos.
23 At(K) si Uzias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa parang na libingan na ukol sa mga hari; sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y ketongin.” At si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Jotam ng Juda(L)
27 Si Jotam ay dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerushah na anak ni Zadok.
2 At kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias—liban lamang sa hindi niya pinasok ang templo ng Panginoon. Ngunit ang taong-bayan ay sumunod sa masasamang gawain.
3 Kanyang itinayo ang pang-itaas na pintuan ng bahay ng Panginoon, at marami siyang ginawa sa pader ng Ofel.
4 Bukod dito'y nagtayo siya ng mga lunsod sa lupaing maburol ng Juda, at ng mga kuta at mga tore sa magubat na burol.
5 Siya'y lumaban sa hari ng mga Ammonita at nagtagumpay laban sa kanila. At ang mga Ammonita ay nagbigay sa kanya nang taon ding iyon ng isandaang talentong pilak, at sampung libong koro ng trigo at sampung libo ng sebada. Ang mga Ammonita ay nagbayad sa kanya ng gayunding halaga sa ikalawa at ikatlong taon.
6 Kaya't si Jotam ay naging makapangyarihan, sapagkat inayos niya ang kanyang pamumuhay sa harapan ng Panginoon niyang Diyos.
7 Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang mga pakikipagdigma, at ang kanyang pamumuhay ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda.
8 Siya'y dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem.
9 At si Jotam ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Ahaz ng Juda(M)
28 Si Ahaz ay dalawampung taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, na gaya ni David na kanyang ninuno,
2 kundi siya'y lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel. Gumawa rin siya ng mga larawang hinulma para sa mga Baal.
3 At nagsunog siya ng insenso sa libis ng anak ni Hinom, at sinunog ang kanyang mga anak bilang handog, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
4 Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga burol, at sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy.
Pakikidigma sa Siria at sa Israel(N)
5 Kaya't(O) ibinigay siya ng Panginoon niyang Diyos sa kamay ng hari ng Siria, na gumapi sa kanya at binihag ang malaking bilang ng kanyang kababayan at dinala sila sa Damasco. Ibinigay rin siya sa kamay ng hari ng Israel na gumapi sa kanya at napakarami ang napatay.
6 Sapagkat si Peka na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isandaan at dalawampung libo sa isang araw, lahat sila ay matatapang na mandirigma, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
7 Pinatay ni Zicri, na isang matapang na mandirigma sa Efraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa palasyo at si Elkana na pangalawa sa hari.
8 At dinalang-bihag ng mga anak ni Israel ang dalawandaang libo sa kanilang mga kapatid, mga babae, mga anak na lalaki at babae. Kumuha rin sila ng maraming samsam mula sa kanila at dinala ang samsam sa Samaria.
Si Propeta Oded
9 Ngunit isang propeta ng Panginoon ang naroon na ang pangalan ay Oded; at siya'y lumabas upang salubungin ang hukbo na dumating sa Samaria, at sinabi sa kanila, “Sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ay nagalit sa Juda, kanyang ibinigay sila sa inyong kamay, ngunit inyong pinatay sila sa matinding galit na umabot hanggang sa langit.
10 At ngayo'y binabalak ninyong lupigin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem, lalaki at babae, bilang inyong mga alipin. Wala ba kayong mga kasalanan laban sa Panginoon ninyong Diyos?
11 Ngayo'y pakinggan ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag na inyong kinuha mula sa inyong mga kapatid, sapagkat ang matinding galit ng Panginoon ay nasa inyo.”
12 Ilan rin sa mga pinuno sa mga anak ni Efraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berequias na anak ni Mesillemot, si Jehizkias na anak ni Shallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikidigma.
13 At sinabi sa kanila, “Huwag ninyong dadalhin dito ang mga bihag, sapagkat binabalak ninyong dalhan kami ng pagkakasala laban sa Panginoon, na dagdag sa aming kasalukuyang mga kasalanan at paglabag. Sapagkat ang ating pagkakasala ay napakalaki na at may malaking poot laban sa Israel.”
14 Kaya't iniwan ng mga lalaking may sandata ang mga bihag at ang mga samsam sa harapan ng mga pinuno at ng buong kapulungan.
15 At ang mga lalaking nabanggit ang pangalan ay tumindig at kinuha ang mga bihag, at sa pamamagitan ng samsam ay binihisan ang lahat ng hubad sa kanila. Dinamitan sila at binigyan ng sandalyas, pinakain, pinainom, at binuhusan ng langis. Nang maisakay ang lahat ng mahihina sa kanila sa mga asno, kanilang dinala sila sa kanilang mga kapatid sa Jerico, na lunsod ng mga puno ng palma. Pagkatapos ay bumalik sila sa Samaria.
Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria(P)
16 Nang panahong iyon ay nagsugo si Haring Ahaz sa mga hari ng Asiria upang humingi ng tulong.
17 Sapagkat muling sinalakay ng mga Edomita at ginapi ang Juda, at nakadala ng mga bihag.
18 At ang mga Filisteo ay nagsagawa ng mga paglusob sa mga bayan sa Shefela at sa Negeb ng Juda, at sinakop ang Bet-shemes, Ayalon, Gederot, ang Soco at ang mga nayon niyon, ang Timna at ang mga nayon niyon, at ang Gimzo at ang mga nayon niyon; at sila'y nanirahan doon.
19 Sapagkat ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Ahaz na hari ng Israel; sapagkat siya'y gumawa ng masama sa Juda at naging taksil sa Panginoon.
20 Kaya't si Tilgatpilneser na hari ng Asiria ay dumating laban sa kanya, at pinahirapan siya, sa halip na palakasin siya.
21 Sapagkat si Ahaz ay kumuha sa bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari at ng mga pinuno at nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, ngunit hindi ito nakatulong sa kanya.
Ang mga Kasalanan ni Ahaz
22 At sa panahon ng kanyang kagipitan ay lalo pa siyang naging taksil sa Panginoon, ito ring si Haring Ahaz.
23 Sapagkat siya'y nag-alay sa mga diyos ng Damasco na gumapi sa kanya, at sinabi niya, “Sapagkat tinulungan sila ng mga diyos ng mga hari ng Siria, ako'y mag-aalay sa kanila, upang tulungan nila ako.” Ngunit sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.
24 Tinipon ni Ahaz ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos, at pinagputul-putol ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos. Kanyang isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon at siya'y gumawa para sa sarili ng mga dambana sa bawat sulok ng Jerusalem.
25 Sa bawat lunsod ng Juda ay gumawa siya ng matataas na dako upang pagsunugan ng insenso sa mga ibang diyos, at ginalit ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
26 Ang iba pa sa kanyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.
27 At(Q) si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa lunsod, sa Jerusalem; sapagkat siya'y hindi nila dinala sa mga libingan ng mga hari sa Israel. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Hezekias ng Juda(R)
29 Si Hezekias ay nagsimulang maghari nang siya'y dalawampu't limang taong gulang, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abias na anak ni Zacarias.
2 At ginawa niya ang matuwid sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno.
Ang Paglilinis sa Templo
3 Sa unang buwan ng unang taon ng kanyang paghahari, kanyang binuksan ang mga pintuan ng bahay ng Panginoon, at kinumpuni ang mga iyon.
4 Kanyang ipinatawag ang mga pari at mga Levita, at tinipon sila sa liwasan sa silangan.
5 Kanyang sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ako, mga Levita! Magpakabanal kayo ngayon, at pabanalin ninyo ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, at ilabas ninyo ang dumi mula sa dakong banal.
6 Sapagkat ang ating mga ninuno ay hindi naging tapat, at gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Diyos. Kanilang pinabayaan siya, at inilayo nila ang kanilang mga mukha mula sa tahanan ng Panginoon, at sila'y nagsitalikod.
7 Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsunog ng insenso ni naghandog man ng mga handog na sinusunog sa dakong banal para sa Diyos ng Israel.
8 Kaya't ang poot ng Panginoon ay dumating sa Juda at Jerusalem, at ginawa silang tampulan ng sindak, pagtataka at pagkutya, gaya ng nakikita ng inyong mga mata.
9 Ang ating mga ninuno ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang ating mga anak na lalaki at babae at ang ating mga asawa ay nabihag dahil dito.
10 Ngayon nga'y nasa aking puso na makipagtipan sa Panginoon, sa Diyos ng Israel, upang ang kanyang matinding galit ay maalis sa atin.
11 Mga anak ko, huwag kayo ngayong magpabaya, sapagkat pinili kayo ng Panginoon upang tumayo sa harap niya, upang maglingkod sa kanya at maging kanyang mga lingkod at magsunog ng insenso sa kanya.”
12 At tumindig ang mga Levita, si Mahat na anak ni Amasai, at si Joel na anak ni Azarias, mula sa mga anak ng mga Kohatita; at mula sa mga anak ni Merari, si Kish na anak ni Abdi, at si Azarias na anak ni Jehalelel; mula sa mga Gershonita, si Joah na anak ni Zima, at si Eden na anak ni Joah;
13 at sa mga anak ni Elisafan, sina Simri at Jeiel; sa mga anak ni Asaf, si Zacarias at si Matanias;
14 sa mga anak ni Heman, sina Jeiel at Shimei; at sa mga anak ni Jedutun, sina Shemaya at Uziel.
15 Tinipon nila ang kanilang mga kapatid, at nagpakabanal, at pumasok ayon sa utos ng hari, sa pamamagitan ng mga salita ng Panginoon, upang linisin ang bahay ng Panginoon.
16 Ang mga pari ay pumasok sa loob na bahagi ng bahay ng Panginoon upang linisin ito, at kanilang inilabas ang lahat ng karumihan na kanilang natagpuan sa templo ng Panginoon tungo sa bulwagan ng bahay ng Panginoon. At kinuha ito ng mga Levita at inilabas ito sa batis ng Cedron.
17 Sila'y nagpasimulang magpakabanal sa unang araw ng unang buwan, at sa ikawalong araw ng buwan ay pumunta sila sa portiko ng Panginoon. Pagkatapos ay kanilang itinalaga ang bahay ng Panginoon sa loob ng walong araw; at sa ikalabing-anim na araw ng unang buwan ay nakatapos sila.
Ang Templo ay Muling Itinalaga
18 Pagkatapos ay pumunta sila kay Hezekias na hari, at kanilang sinabi, “Nalinis na namin ang buong bahay ng Panginoon, ang dambana ng handog na sinusunog at ang lahat ng kasangkapan nito, at ang hapag para sa tinapay na handog, pati ang lahat ng kasangkapan nito.
19 Lahat ng kasangkapang inalis ni Haring Ahaz sa kanyang paghahari nang siya'y di-tapat ay aming inihanda at itinalaga, ang mga ito ay nasa harapan ng dambana ng Panginoon.”
20 Nang magkagayo'y maagang bumangon si Hezekias na hari at tinipon ang mga pinuno ng lunsod at umakyat sa bahay ng Panginoon.
21 Sila'y nagdala ng pitong baka, pitong tupa, pitong kordero, at pitong kambing na lalaki, bilang handog pangkasalanan para sa kaharian, sa santuwaryo, at sa Juda. At siya'y nag-utos sa mga pari na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga iyon sa dambana ng Panginoon.
22 Kaya't kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga pari ang dugo, at iwinisik sa dambana. Kanilang pinatay ang mga tupa at iwinisik ang dugo sa dambana; pinatay rin nila ang mga kordero at iwinisik ang dugo sa dambana.
23 Kanilang inilapit ang mga kambing na lalaki na handog pangkasalanan sa harapan ng hari at ng kapulungan, at ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga iyon.
24 Ang mga iyon ay pinatay ng mga pari at sila'y gumawa ng isang handog pangkasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga iyon sa ibabaw ng dambana, upang ipantubos sa buong Israel. Sapagkat iniutos ng hari na ang handog na sinusunog at ang handog pangkasalanan ay dapat gawin para sa buong Israel.
25 Kanyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ayon sa utos ni David at ni Gad na propeta ng hari, at ni Natan na propeta; sapagkat ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta.
26 Ang mga Levita ay tumayo na may mga panugtog ni David, at ang mga pari na may mga trumpeta.
27 At si Hezekias ay nag-utos na ang handog na sinusunog ay ialay sa ibabaw ng dambana. Nang ang handog na sinusunog ay pinasimulan, ang awit sa Panginoon ay pinasimulan din, pati ang mga trumpeta, sa saliw ng mga panugtog ni David na hari ng Israel.
28 At ang buong kapulungan ay sumamba, at ang mga mang-aawit ay umawit, at ang mga trumpeta ay tumunog; lahat ng ito ay nagpatuloy hanggang sa ang handog na sinusunog ay natapos.
29 Nang matapos ang paghahandog, ang hari at ang lahat ng naroroong kasama niya ay yumukod at sumamba.
30 At iniutos ni Haring Hezekias at ng mga pinuno sa mga Levita na umawit ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David at ni Asaf na propeta. At sila'y umawit ng mga papuri na may kagalakan, at sila'y yumukod at sumamba.
31 Pagkatapos ay sinabi ni Hezekias, “Ngayo'y naitalaga na ninyo ang inyong mga sarili sa Panginoon; kayo'y magsilapit, magdala kayo ng mga alay at mga handog ng pasasalamat sa bahay ng Panginoon.” At nagdala ang kapulungan ng mga alay at ng mga handog ng pasasalamat; at lahat ng may kusang kalooban ay nagdala ng mga handog na sinusunog.
32 At ang bilang ng mga handog na sinusunog na dinala ng kapulungan ay pitumpung baka, isandaang tupang lalaki at dalawandaang kordero. Lahat ng mga ito ay para sa handog na sinusunog sa Panginoon.
33 At ang mga handog na itinalaga ay animnaraang baka at tatlong libong tupa.
34 Ngunit ang mga pari ay kakaunti at hindi nila kayang balatan ang lahat ng handog na sinusunog. Kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa makapagpabanal ang nalabi sa mga pari—sapagkat ang mga Levita ay higit na matuwid ang puso kaysa mga pari sa pagpapabanal.
35 Bukod sa napakalaking bilang ng mga handog na sinusunog, mayroong taba ng mga handog pangkapayapaan, at mayroong mga handog na inumin para sa handog na susunugin. Sa gayo'y naibalik ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon.
36 At si Hezekias at ang buong bayan ay nagalak, dahil sa ginawa ng Diyos para sa bayan; sapagkat ang bagay na iyon ay biglang nangyari.
Mga Paghahanda para sa Paskuwa
30 Si Hezekias ay nagpasabi sa buong Israel at Juda, at sumulat din ng mga liham sa Efraim at Manases, na sila'y pumunta sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel.
2 Sapagkat(S) ang hari at ang kanyang mga pinuno at ang buong kapulungan sa Jerusalem ay nagkasundong ipangilin ang paskuwa sa ikalawang buwan—
3 yamang hindi nila maipangilin iyon sa panahong iyon, sapagkat wala pang sapat na bilang ng mga pari ang nakapagpabanal, at hindi pa nakapagtipon ang taong-bayan sa Jerusalem.
4 Ang panukala ay minabuti ng hari at ng buong kapulungan.
5 Kaya't kanilang ipinag-utos na gumawa ng pahayag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na ang bayan ay dapat dumating at ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel, sa Jerusalem; sapagkat hindi pa nila ito naipagdiriwang sa malaking bilang gaya ng iniatas.
6 Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay lumibot sa buong Israel at Juda dala ang sulat mula sa hari at sa kanyang mga pinuno, ayon sa utos ng hari, na sinasabi, “Kayong mga anak ni Israel, manumbalik kayo sa Panginoon, sa Diyos ni Abraham, Isaac, at Israel, upang siya'y muling manumbalik sa nalabi sa inyo na nakatakas mula sa kamay ng mga hari ng Asiria.
7 Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno at mga kapatid, na naging taksil sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno, kaya't sila'y ginawa niyang isang kapanglawan gaya ng inyong nakikita.
8 Huwag kayo ngayong maging matigas ang ulo, na gaya ng inyong mga ninuno, kundi ibigay ninyo ang sarili sa Panginoon. Pumasok kayo sa kanyang santuwaryo na kanyang itinalaga magpakailanman, at paglingkuran ninyo ang Panginoon ninyong Diyos, upang ang kanyang matinding galit ay lumayo sa inyo.
9 Sapagkat kapag kayo'y nanumbalik sa Panginoon, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay makakatagpo ng habag sa mga bumihag sa kanila at babalik sa lupaing ito. Sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay mapagpala at maawain, at hindi niya ilalayo ang kanyang mukha sa inyo, kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”
10 Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay nagtungo sa bayan-bayan sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulon; ngunit sila'y pinagtawanang may pagkutya at paghamak.
11 Tanging ang ilan sa Aser, sa Manases, at sa Zebulon ang nagpakumbaba, at pumunta sa Jerusalem.
12 Ang kamay ng Diyos ay nasa Juda rin upang bigyan sila ng isang puso upang gawin ang iniutos ng hari at ng mga pinuno sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
Ipinagdiwang ang Paskuwa
13 Maraming tao ang sama-samang dumating sa Jerusalem upang ipagdiwang ang pista ng tinapay na walang pampaalsa sa ikalawang buwan, iyon ay isang napakalaking pagtitipon.
14 Nagsimula silang gumawa at inalis ang mga dambanang nasa Jerusalem, at ang lahat ng dambana para sa pagsusunog ng insenso ay inalis nila at itinapon sa libis ng Cedron.
15 Kanilang pinatay ang kordero ng paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan. Ang mga pari at mga Levita ay nalagay sa kahihiyan, kaya't sila'y nagpakabanal at nagdala ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon.
16 At sila'y tumayo sa kanilang kinagawiang puwesto ayon sa kautusan ni Moises na tao ng Diyos. Iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kamay ng mga Levita.
17 Sapagkat marami sa kapulungan na hindi nagpakabanal ng kanilang sarili; kaya't kailangang patayin ng mga Levita ang kordero ng paskuwa para sa bawat isa na hindi malinis, upang iyon ay gawing banal sa Panginoon.
18 Sapagkat napakarami sa mga tao, marami sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar, at sa Zebulon, ang hindi naglinis ng kanilang sarili, gayunma'y kumain sila ng kordero ng paskuwa na hindi ayon sa ipinag-utos. Sapagkat idinalangin sila ni Hezekias, na sinasabi, “Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawat isa,
19 na nagtatalaga ng kanyang puso upang hanapin ang Diyos, ang Panginoong Diyos ng kanyang mga ninuno, bagaman hindi ayon sa batas ng santuwaryo hinggil sa paglilinis.”
20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekias, at pinagaling ang taong-bayan.
21 At ang mga anak ni Israel na naroroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng pista ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw na may malaking kagalakan; at pinuri ng mga Levita at ng mga pari ang Panginoon araw-araw, na umawit nang buong lakas sa Panginoon.
Ang Ikalawang Pagdiriwang
22 Si Hezekias ay nagsalitang may pampasigla sa lahat ng mga Levita na nagpakita ng mabuting kakayahan sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya't ang mga tao ay kumain ng pagkain ng kapistahan sa loob ng pitong araw, na nag-aalay ng mga handog pangkapayapaan, at nagpapasalamat sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.
23 At ang buong kapulungan ay nagkasundong ipagdiwang ang pista ng pitong araw pa; kaya't ito ay kanilang ipinagdiwang ng pitong araw pa na may kagalakan.
24 Sapagkat si Hezekias na hari ng Juda ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at pitong libong tupa bilang mga handog, at ang mga pinuno ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at sampung libong tupa. At ang napakalaking bilang ng mga pari ay nagpakabanal.
25 At ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari at mga Levita, ang buong kapulungan na lumabas sa Israel, ang mga dayuhang nagsilabas mula sa lupain ng Israel, at ang mga dayuhang naninirahan sa Juda ay nagalak.
26 Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem, sapagkat mula nang panahon ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel, ay hindi pa nagkaroon ng tulad nito sa Jerusalem.
27 Pagkatapos tumayo ang mga pari at mga Levita at binasbasan ang taong-bayan, at ang tinig nila ay narinig at ang kanilang panalangin ay umabot sa kanyang banal na tahanan sa langit.
Binago ni Hezekias ang Buhay-relihiyon
31 Nang matapos na ang lahat ng ito, ang buong Israel na naroroon ay lumabas patungo sa mga lunsod ng Juda at pinagputul-putol ang mga haligi at ibinuwal ang mga sagradong poste[d] at giniba ang matataas na dako at ang mga dambana sa buong Juda at Benjamin, sa Efraim at sa Manases, hanggang sa mawasak nilang lahat. Pagkatapos ay bumalik ang lahat ng mga anak ni Israel sa kanilang mga lunsod, bawat isa'y sa kanyang ari-arian.
2 Hinirang ni Hezekias ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita, sa kanya-kanyang pangkat, bawat lalaki ay ayon sa kanyang katungkulan, ang mga pari at mga Levita, para sa mga handog na sinusunog at sa mga handog pangkapayapaan, upang maglingkod sa mga pintuan ng kampo ng Panginoon at magpasalamat at magpuri.
3 Ang(T) ambag ng hari mula sa kanyang sariling pag-aari ay para sa mga handog na sinusunog: ang mga handog na sinusunog sa umaga at sa hapon, mga handog na sinusunog para sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na gaya ng nakasulat sa kautusan ng Panginoon.
4 At(U) nag-utos siya sa mga taong naninirahan sa Jerusalem na ibigay ang bahaging nararapat sa mga pari at mga Levita, upang maiukol nila ang kanilang mga sarili sa kautusan ng Panginoon.
5 Nang maikalat na ang utos, ang mga anak ni Israel ay saganang nagbigay ng mga unang bunga ng trigo, alak, langis, pulot, at ng lahat na bunga ng bukid, at sila ay nagdala ng napakaraming ikasampung bahagi ng lahat ng bagay.
6 Ang mga anak ni Israel at ni Juda na naninirahan sa mga bayan ng Juda ay nagdala rin ng ikasampung bahagi ng mga baka at mga tupa, at ng ikasampung bahagi ng mga bagay na itinalaga sa Panginoon nilang Diyos, at ang mga iyon ay kanilang isinalansan.
7 Nang ikatlong buwan ay nagpasimula silang magsalansan at natapos ang mga iyon sa ikapitong buwan.
8 Nang si Hezekias at ang mga pinuno ay dumating at nakita ang mga salansan, kanilang pinuri ang Panginoon at ang kanyang bayang Israel.
9 At tinanong ni Hezekias ang mga pari at mga Levita tungkol sa mga salansan.
10 Si Azarias na punong pari, mula sa sambahayan ni Zadok, ay sumagot sa kanya, “Mula nang sila ay magdala ng mga kaloob sa bahay ng Panginoon, kami ay kumain at nagkaroon ng sapat at marami ang natira, sapagkat pinagpala ng Panginoon ang kanyang bayan, kaya't kami ay mayroong ganito karaming nalabi.”
11 Kaya't inutusan sila ni Hezekias na maghanda ng mga silid sa bahay ng Panginoon; at inihanda nila ang mga iyon.
12 At may katapatan nilang dinala ang mga kaloob, mga ikasampung bahagi at ang mga itinalagang bagay. Ang punong-tagapangasiwa sa kanila ay si Conanias na Levita, at ang pangalawa ay si Shimei na kanyang kapatid.
13 Samantala, sina Jeiel, Azazias, Nahat, Asahel, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismachias, Mahat, at Benaya ay mga tagapangasiwang tumutulong kina Conanias at Shimei na kanyang kapatid, ayon sa pagpili ni Haring Hezekias at ni Azarias na punong-tagapamahala sa bahay ng Diyos.
14 Si Korah na anak ni Imna na Levita, na tanod sa silangang pintuan ay katiwala sa mga kusang-loob na handog sa Diyos, upang magbahagi ng mga ambag na inilaan para sa Panginoon at sa mga kabanal-banalang bagay.
15 Sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amarias, at Shecanias ay tapat na tumutulong sa kanya sa mga bayan ng mga pari, upang ipamigay ang mga bahagi sa kanilang mga kapatid, maging matanda at bata, ayon sa mga pangkat,
16 maliban doon sa nakatala ayon sa talaan ng angkan, mga lalaki mula sa tatlong taong gulang pataas, lahat ng pumasok sa bahay ng Panginoon, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawat araw, para sa kanilang paglilingkod ayon sa kanilang mga katungkulan ayon sa mga pangkat.
17 Ang pagtatala sa mga pari ay ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno; ang mga Levita mula dalawampung taong gulang at pataas ay ayon sa kanilang mga katungkulan, ayon sa kanilang mga pangkat.
18 Ang mga pari ay itinala kasama ng lahat nilang mga anak, mga asawa, mga anak na lalaki at babae, ang buong kapulungan; sapagkat sila'y naging tapat sa pagpapanatiling banal sa kanilang mga sarili.
19 At para sa mga anak ni Aaron, ang mga pari na nasa kabukiran ng mga nayon ng kanilang mga bayan, may mga lalaki sa iba't ibang bayan na itinalaga sa pangalan upang mamigay ng mga bahagi sa bawat lalaki sa mga pari, at sa bawat isa sa mga Levita na nakatala.
20 Ganito ang ginawa ni Hezekias sa buong Juda; at ginawa niya ang mabuti, matuwid, at tapat sa harapan ng Panginoon niyang Diyos.
21 At ang bawat gawain na kanyang ginawa sa paglilingkod sa bahay ng Diyos at ayon sa kautusan at sa mga tuntunin upang hanapin ang kanyang Diyos, ay kanyang ginawa ng buong puso, at siya'y umunlad.
Pinagbantaan ng Asiria ang Jerusalem(V)
32 Pagkatapos ng mga bagay na ito at ng ganitong gawa ng katapatan, si Senakerib na hari ng Asiria ay dumating at sinalakay ang Juda at kinubkob ang mga lunsod na may kuta, na iniisip na sakupin ang mga iyon para sa kanyang sarili.
2 Nang makita ni Hezekias na si Senakerib ay dumating at nagbabalak labanan ang Jerusalem,
3 nakipagsanggunian siya sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga mandirigma na patigilin ang tubig sa mga bukal na nasa labas ng lunsod; at kanilang tinulungan siya.
4 Napakaraming tao ang nagtipon at kanilang pinatigil ang lahat ng bukal at ang batis na umaagos sa lupain, na sinasabi, “Bakit paparito ang mga hari ng Asiria, at makakatagpo ng maraming tubig?”
5 At si Hezekias[e] ay gumawang may katatagan, at itinayo ang lahat ng pader na bumagsak, at pinataas ang mga muog, at sa labas nito ay nagtayo siya ng iba pang pader. Pinatibay niya ang Milo sa lunsod ni David. Gumawa rin siya ng maraming sandata at mga kalasag.
6 Siya'y naglagay ng mga pinunong mandirigma upang mamuno sa mga tao, at sila'y tinipon niya sa liwasang-bayan sa pintuan ng lunsod at nagsalita ng pampalakas-loob sa kanila, na sinasabi,
7 “Kayo'y magpakalakas at magpakatapang na mabuti. Huwag kayong matakot o manlupaypay sa harapan ng hari ng Asiria at sa lahat ng mga hukbong kasama niya sapagkat sa panig natin ay mayroong lalong dakila kaysa kanya.
8 Ang nasa kanya ay isang kamay na laman, ngunit kasama natin ang Panginoon nating Diyos na tutulong at lalaban sa ating mga pakikipaglaban.” At ang bayan ay nagtiwala mula sa mga salita ni Hezekias na hari ng Juda.
9 Pagkatapos nito, sinugo ni Senakerib na hari ng Asiria, na noo'y sumasalakay sa Lakish kasama ang lahat ng mga tauhan, ang kanyang mga lingkod sa Jerusalem kay Hezekias na hari ng Juda at sa lahat ng mamamayan ng Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi,
10 “Ganito ang sabi ni Senakerib na hari ng Asiria, ‘Sa ano kayo umaasa upang kayo'y makatagal na nakukubkob sa Jerusalem?
11 Hindi ba't inililigaw kayo ni Hezekias, upang kayo'y maibigay niya upang mamatay sa gutom at uhaw, nang sabihin niya sa inyo, “Ililigtas tayo ng Panginoon nating Diyos sa kamay ng hari ng Asiria?”
12 Hindi ba ang Hezekias ding ito ang nag-alis ng kanyang matataas na dako at mga dambana at nag-utos sa Juda at sa Jerusalem, “Kayo'y magsisisamba sa harapan ng isang dambana, at sa ibabaw niyon ay magsusunog kayo ng inyong mga handog?”
13 Hindi ba ninyo nalalaman kung ano ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa lahat ng mga tao ng ibang mga lupain? Ang mga diyos ba ng mga bansa ng mga lupaing iyon ay nakapagligtas sa kanilang lupain sa aking kamay?
14 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga bansang iyon na lubos na giniba ng aking mga ninuno ang nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay, na magagawa ng inyong Diyos na kayo'y mailigtas sa aking kamay?
15 Kaya't ngayo'y huwag kayong padaya kay Hezekias o hayaang iligaw kayo sa ganitong paraan. Huwag ninyo siyang paniwalaan, sapagkat walang diyos ng alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay at sa kamay ng aking mga ninuno. Gaano pa kaya ang inyong Diyos na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay!’”
16 Ang kanyang mga lingkod ay nagsalita ng marami pa laban sa Panginoong Diyos at sa kanyang lingkod na si Hezekias.
17 Siya'y sumulat ng mga liham upang alipustain ang Panginoong Diyos ng Israel at upang magsalita laban sa kanya, “Gaya ng mga diyos ng mga bansa ng mga lupain na hindi nakapagligtas ng kanilang bayan sa aking kamay, gayundin hindi maililigtas ng Diyos ni Hezekias ang kanyang bayan sa aking kamay.”
18 Iyon ay kanilang isinigaw sa malakas na tinig sa wika ng Juda sa mga mamamayan ng Jerusalem na nasa pader, upang takutin at sindakin sila, upang kanilang masakop ang lunsod.
19 At sila'y nagsalita tungkol sa Diyos ng Jerusalem na gaya ng sa mga diyos ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.
Pinahiya at Pinatay si Senakerib
20 Kaya't si Haring Hezekias at si propeta Isaias na anak ni Amos, ay nanalangin dahil dito at dumaing sa langit.
21 At ang Panginoon ay nagsugo ng isang anghel na siyang pumatay sa lahat ng malalakas na mandirigma, at mga pinuno at mga punong-kawal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya't siya'y bumalik sa kanyang sariling lupain na nahihiya. Nang siya'y dumating sa bahay ng kanyang diyos, pinatay siya roon ng tabak ng ilan sa kanyang sariling mga anak.
22 Sa gayon iniligtas ng Panginoon si Hezekias at ang mga mamamayan ng Jerusalem mula sa kamay ni Senakerib na hari ng Asiria at sa kamay ng lahat niyang mga kaaway; at kanyang binigyan sila ng kapahingahan sa bawat panig.
23 At maraming nagdala ng mga kaloob sa Panginoon sa Jerusalem at ng mahahalagang bagay kay Hezekias na hari ng Juda, anupa't siya'y dinakila sa paningin ng lahat ng mga bansa mula noon.
Ang Karamdaman at Kapalaluan ni Hezekias(W)
24 Nang mga araw na iyon ay nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Siya'y nanalangin sa Panginoon at kanyang sinagot siya at binigyan ng isang tanda.
25 Ngunit si Hezekias ay hindi tumugon ayon sa kabutihang ginawa sa kanya, sapagkat ang kanyang puso ay naging palalo. Kaya't ang poot ay dumating sa kanya, sa Juda, at sa Jerusalem.
26 Subalit nagpakababa si Hezekias dahil sa pagmamataas ng kanyang puso, siya at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't ang poot ng Panginoon ay hindi dumating sa kanila sa mga araw ni Hezekias.
Ang Kayamanan at Karangalan ni Hezekias
27 Si Hezekias ay nagkaroon ng napakalaking kayamanan at karangalan. Siya'y gumawa para sa kanyang sarili ng mga kabang-yaman para sa pilak, ginto, mga mamahaling bato, mga pabango, mga kalasag, at ng lahat ng uri ng mga mamahaling bagay;
28 ng mga kamalig para sa inaning butil, alak, at langis at ng mga silungan para sa lahat ng uri ng hayop, at mga kulungan ng tupa.
29 Bukod dito'y naglaan siya para sa kanyang sarili ng mga lunsod, at maraming mga kawan at mga bakahan sapagkat binigyan siya ng Diyos ng napakaraming pag-aari.
30 Ang Hezekias ding ito ang nagpasara ng pang-itaas na labasan ng tubig ng Gihon at pinadaloy pababa sa dakong kanluran ng lunsod ni David. At si Hezekias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang mga gawa.
31 Kaya't tungkol sa mga sugo ng mga pinuno ng Babilonia, na isinugo sa kanya upang mag-usisa tungkol sa tanda na ginawa sa lupain, ipinaubaya ito sa kanya ng Diyos, upang subukin siya at upang malaman ang lahat ng nasa kanyang puso.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekias(X)
32 Ang iba pa sa mga ginawa ni Hezekias, at ang kanyang mabubuting gawa ay nakasulat sa pangitain ni propeta Isaias na anak ni Amos, sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.
33 At si Hezekias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa gulod ng mga libingan ng mga anak ni David. Binigyan siya ng parangal ng buong Juda at ng mga mamamayan ng Jerusalem sa kanyang kamatayan. At si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Manases ng Juda(Y)
33 Si Manases ay labindalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't limang taon sa Jerusalem.
2 Siya'y(Z) gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
3 Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na iginiba ni Hezekias na kanyang ama. Siya'y nagtayo ng mga dambana para sa mga Baal, at gumawa ng mga sagradong poste,[f] at sumamba sa lahat ng mga hukbo ng langit, at naglingkod sa mga iyon.
4 Siya'y(AA) nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon, “Sa Jerusalem ay ilalagay ang aking pangalan magpakailanman.”
5 Siya'y nagtayo rin ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon.
6 Kanyang sinunog ang kanyang mga anak na lalaki bilang handog sa libis ng anak ni Hinom, at siya'y gumawa ng panghuhula, pangkukulam, at panggagaway, at sumangguni sa masasamang espiritu, at sa mga salamangkero. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon at kanyang ginalit siya.
7 Ang(AB) larawan ng diyus-diyosan na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay ng Diyos, na tungkol doon ay sinabi ng Diyos kay David at kay Solomon na kanyang anak, “Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili mula sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailanman.
8 Hindi ko na aalisin pa ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda para sa inyong mga ninuno, kung kanila lamang iingatan ang lahat ng aking iniutos sa kanila, ang buong kautusan at ang mga tuntunin at ang mga batas na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.”
9 Inakit ni Manases ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't sila'y gumawa ng higit pang kasamaan kaysa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
10 Ang Panginoon ay nagsalita kay Manases at sa kanyang bayan, ngunit hindi nila binigyang-pansin.
11 Kaya't dinala ng Panginoon sa kanila ang mga punong-kawal ng hukbo ng hari ng Asiria, na siyang nagdala kay Manases na nakagapos at itinali siya ng mga kadenang tanso at dinala sa Babilonia.
12 Nang siya'y nasa paghihirap, siya'y sumamo sa Panginoon niyang Diyos, at lubos na nagpakumbaba sa harapan ng Diyos ng kanyang mga ninuno.
13 Siya'y nanalangin sa kanya at tinanggap ang kanyang pakiusap at pinakinggan ang kanyang daing, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kanyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay siyang Diyos.
14 Pagkatapos nito ay nagtayo siya ng isang panlabas na pader para sa lunsod ni David, sa dakong kanluran ng Gihon, sa libis, at para sa pasukan patungo sa Pintuang-Isda, at ipinalibot sa Ofel, at itinaas nang napakataas. Naglagay rin siya ng mga pinunong hukbo sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda.
15 Kanyang inalis ang mga ibang diyos at ang diyus-diyosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat ng dambana na kanyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon at sa Jerusalem, at itinapon ang mga iyon sa labas ng lunsod.
16 Ibinalik rin niya sa dati ang dambana ng Panginoon at nag-alay doon ng mga handog pangkapayapaan at pasasalamat; at inutusan niya ang Juda na maglingkod sa Panginoong Diyos ng Israel.
17 Gayunman, ang taong-bayan ay patuloy pa ring nag-alay sa matataas na dako, ngunit tanging sa Panginoon nilang Diyos.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Manases(AC)
18 Ang iba pa sa mga gawa ni Manases, at ang kanyang panalangin sa kanyang Diyos, at ang mga propeta na nagsalita sa kanya sa pangalan ng Panginoong Diyos ng Israel, ay nasa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
19 At ang kanyang panalangin, at kung paanong tinanggap ng Diyos ang kanyang pakiusap, ang lahat niyang kasalanan at kataksilan, at ang mga dakong kanyang pinagtayuan ng matataas na dako at ng mga sagradong poste[g] at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba, ay nakasulat sa Kasaysayan ni Hozai.
20 Kaya't natulog si Manases na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa kanyang sariling bahay. Si Amon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Amon ng Juda(AD)
21 Si Amon ay dalawampu't dalawang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon sa Jerusalem.
22 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manases na kanyang ama. Si Amon ay naghandog sa lahat ng larawang inanyuan na ginawa ni Manases na kanyang ama, at naglingkod sa mga iyon.
23 Siya'y hindi nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, gaya ng pagpapakumbaba ni Manases na kanyang ama, kundi ang Amon ding ito ay nagbunton ng higit pang pagkakasala.
24 At ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya at pinatay siya sa kanyang sariling bahay.
25 Ngunit pinatay ng mga taong-bayan ng lupain ang lahat ng nagsabwatan laban kay Haring Amon; at ginawang hari ng mga taong-bayan ng lupain si Josias na kanyang anak bilang kapalit niya.
Si Haring Josias ng Juda(AE)
34 Si(AF) Josias ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem.
2 Kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa mga landas ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa.
3 Sapagkat sa ikawalong taon ng kanyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kanyang pinasimulang hanapin ang Diyos ni David na kanyang ninuno. At sa ikalabindalawang taon ay kanyang pinasimulang linisin ang Juda at Jerusalem sa matataas na dako, mga sagradong poste,[h] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma.
Sinira ni Josias ang Pagsambang Pagano
4 At(AG) kanilang winasak ang mga dambana ng mga Baal sa kanyang harapan; at kanyang ibinagsak ang mga dambana ng insenso na nasa ibabaw nila. Ang mga sagradong poste,[i] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma ay kanyang pinagputul-putol, dinurog, at isinabog sa mga libingan ng naghandog sa kanila.
5 Sinunog(AH) din niya ang mga buto ng mga pari sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.
6 At sa mga bayan ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, sa kanilang mga guho sa palibot,
7 ay kanyang winasak ang mga dambana at dinurog ang mga sagradong poste[j] at mga larawang inukit hanggang maging alabok, at pinagputul-putol ang lahat ng dambana ng insenso sa buong lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem.
Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(AI)
8 Sa ikalabingwalong taon ng kanyang paghahari, nang kanyang malinis na ang lupain at ang bahay, ay kanyang sinugo si Safan na anak ni Azalia, at si Maasias na tagapamahala ng lunsod, at si Joah na anak ni Joahaz na tagapagtala, upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon niyang Diyos.
9 Sila'y pumunta kay Hilkias na pinakapunong pari at ibinigay ang salapi na dinala sa bahay ng Diyos na nalikom ng mga Levita at mga bantay sa pintuan mula sa kamay ng Manases at ng Efraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, Juda, Benjamin, at sa mga naninirahan sa Jerusalem.
10 Iyon ay kanilang ibinigay sa mga manggagawang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay iyon ng mga manggagawa na gumagawa sa bahay ng Panginoon upang kumpunihin at isaayos ang bahay.
11 Ibinigay nila iyon sa mga karpintero at sa mga tagapagtayo upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga trosong panghalang at mga biga para sa mga gusaling hinayaang magiba ng mga hari ng Juda.
12 At matapat na ginawa ng taong-bayan ang gawain. Inilagay na mga tagapamahala sa kanila sina Jahat at Obadias na mga Levita, mula sa mga anak ni Merari; at sina Zacarias at Mesulam, mula sa mga anak ng mga Kohatita upang mangasiwa. Ang mga Levita, na pawang bihasa sa mga kagamitang panugtog,
13 ay namahala sa mga tagabuhat ng mga pasan at pinamamahalaan ang lahat ng gumagawa sa bawat uri ng paglilingkod; at ang ibang mga Levita ay mga manunulat, mga pinuno, at mga bantay-pinto.
14 Samantalang kanilang inilalabas ang salaping ipinasok sa bahay ng Panginoon, natagpuan ni Hilkias na pari ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.
15 Sinabi ni Hilkias kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan.
16 Dinala ni Safan ang aklat sa hari, at bukod dito'y iniulat pa sa hari, “Lahat ng ipinamahala sa iyong mga lingkod ay kanilang ginagawa.
17 Kanilang kinuhang lahat ang salaping natagpuan sa bahay ng Panginoon at ibinigay ito sa kamay ng mga tagapamahala at mga manggagawa.”
18 At sinabi ni Safan na kalihim sa hari, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At binasa ito ni Safan sa harapan ng hari.
19 Nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, pinunit niya ang kanyang suot.
20 At inutusan ng hari sina Hilkias, Ahicam na anak ni Safan, Abdon na anak ni Micaias, Safan na kalihim, at si Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,
21 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon, para sa akin at sa kanila na naiwan sa Israel at Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na natagpuan sapagkat malaki ang poot ng Panginoon na nabubuhos sa atin. Sapagkat hindi iningatan ng ating mga ninuno ang salita ng Panginoon, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat sa aklat na ito.”
22 Kaya't si Hilkias at silang mga sinugo ng hari, ay pumunta kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum na anak ni Tokhat, na anak ni Haras, na tagapag-ingat ng silid ng kasuotan; (siya nga'y nakatira sa Jerusalem sa Ikalawang Bahagi;) at kanilang sinabi sa kanya ang gayon.
23 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,
24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda.
25 Sapagkat tinalikuran nila ako at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos, upang galitin sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking poot ay ibubuhos sa dakong ito at hindi mapapawi.
26 Ngunit sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salitang iyong narinig,
27 sapagkat ang iyong puso ay nagsisisi, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos nang iyong marinig ang kanyang mga salita laban sa dakong ito, at sa mga mamamayan nito, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ko, at pinunit mo ang iyong suot, at umiyak sa harapan ko; dininig din kita, sabi ng Panginoon.
28 Ilalakip kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay mapapalakip na payapa sa iyong libingan. Hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaang aking dadalhin sa lugar na ito at sa mamamayan nito.’” At kanilang dinala ang mensahe sa hari.
Nakipagtipan si Josias upang Sundin ang Panginoon(AJ)
29 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at tinipon ang lahat ng matatanda sa Juda at sa Jerusalem.
30 Umakyat ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, ang mga pari at mga Levita, at lahat ng mga tao, maging dakila at hamak. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.
31 Ang hari ay tumayo sa kanyang lugar at nakipagtipan sa harapan ng Panginoon, upang lumakad nang ayon sa Panginoon at ingatan ang kanyang mga utos, mga patotoo, at mga tuntunin, ng kanyang buong puso at kaluluwa, upang isagawa ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.
32 Kanyang pinanumpa rito ang lahat ng nasa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga naninirahan sa Jerusalem ang ayon sa tipan ng Diyos ng kanilang mga ninuno.
33 At inalis ni Josias ang lahat ng karumaldumal sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga anak ni Israel, at ang lahat ng nasa Israel ay pinapaglingkod sa Panginoon nilang Diyos. Sa lahat ng kanyang mga araw ay hindi sila humiwalay sa pagsunod sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.
Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(AK)
35 Nagdiwang si Josias sa Jerusalem ng isang paskuwa sa Panginoon; at kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan.
2 Kanyang hinirang ang mga pari sa kanilang mga katungkulan at pinasigla sila sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.
3 At sinabi niya sa mga Levita na nagturo sa buong Israel, na mga banal sa Panginoon, “Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Solomon, na anak ni David, na hari ng Israel. Hindi na ninyo kailangan pang pasanin iyon sa inyong mga balikat. Maglingkod kayo ngayon sa Panginoon ninyong Diyos at sa kanyang bayang Israel.
4 Ihanda(AL) ninyo ang inyong mga sarili ayon sa mga sambahayan ng inyong mga ninuno, ayon sa inyong mga pangkat, alinsunod sa nakasulat na tagubilin ni David na hari ng Israel at sa nakasulat na tagubilin ni Solomon na kanyang anak.
5 Tumayo kayo sa dakong banal ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng inyong mga kapatid na mga anak ng bayan, at magkaroon ang bawat isa ng isang bahagi ng sambahayan ng mga ninuno ng mga Levita.
6 Katayin ninyo ang kordero ng paskuwa, at magpakabanal kayo, at ihanda ninyo para sa inyong mga kapatid, upang gawin ang ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.”
7 At si Josias ay nagkaloob sa mga taong-bayan, bilang mga handog sa paskuwa para sa lahat ng naroroon, ng mga kordero at ng mga anak ng kambing mula sa kawan, na ang bilang niyon ay tatlumpung libo at tatlong libong toro; ang mga ito'y mula sa mga ari-arian ng hari.
8 Ang kanyang mga pinuno ay kusang-loob na nagbigay sa taong-bayan, sa mga pari, at sa mga Levita. Sina Hilkias, Zacarias, at Jeiel, na mga pinuno sa bahay ng Diyos, ay nagbigay sa mga pari ng mga handog sa paskuwa ng dalawang libo at animnaraang tupa at mga kambing at tatlong daang toro.
9 Gayundin sina Conanias, Shemaya, si Natanael na kanyang mga kapatid, at si Hashabias, Jeiel, at Josabad, na mga pinuno ng mga Levita, ay nagbigay sa mga Levita ng mga handog sa paskuwa ng limang libong tupa at kambing, at limang daang toro.
10 Nang nakapaghanda na para sa paglilingkod, ang mga pari ay nagsitayo sa kanilang lugar, at ang mga Levita ayon sa kanilang mga pangkat ayon sa utos ng hari.
11 Kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa, at iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kanila samantalang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop.
12 At kanilang ibinukod ang mga handog na sinusunog, upang kanilang maipamahagi ang mga iyon ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng taong-bayan, upang ihandog sa Panginoon, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises. At gayundin ang ginawa nila sa mga toro.
13 Kanilang(AM) inihaw ang kordero ng paskuwa sa apoy ayon sa batas; at ang mga banal na handog ay kanilang nilaga sa mga palayok, sa mga kaldero, at sa mga kawali, at mabilis na dinala sa lahat ng taong-bayan.
14 Pagkatapos ay naghanda sila para sa kanilang sarili at sa mga pari; sapagkat ang mga pari na mga anak ni Aaron ay abala sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng taba hanggang sa kinagabihan. Kaya't ang mga Levita ay naghanda para sa kanilang sarili at sa mga pari na mga anak ni Aaron.
15 Ang(AN) mga mang-aawit na mga anak ni Asaf ay nasa kanilang lugar, ayon sa utos nina David, Asaf, Heman, at ni Jedutun na propeta ng hari. Ang mga bantay-pinto ay nasa bawat pintuan. Hindi na sila kailangang umalis sa kanilang paglilingkod, sapagkat ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001