Bible in 90 Days
16 Kaya't ang lahat ng paglilingkod sa Panginoon ay naihanda nang araw na iyon, upang ipagdiwang ang paskuwa at upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, ayon sa utos ni Haring Josias.
17 Ang(A) mga anak ni Israel na naroroon ay nagdiwang ng paskuwa nang panahong iyon, at ng kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw.
18 Walang paskuwa na gaya nito ang ipinagdiwang sa Israel mula sa mga araw ni propeta Samuel. Walang sinuman sa mga hari ng Israel ang nagdiwang ng gayong paskuwa na gaya ng ipinagdiwang ni Josias, ng mga pari, ng mga Levita, ng buong Juda at Israel na naroroon, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.
19 Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josias ipinagdiwang ang paskuwang ito.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias(B)
20 Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maihanda ni Josias ang templo, si Neco na hari ng Ehipto ay umahon upang makipaglaban sa Carquemis sa Eufrates at si Josias ay lumabas laban sa kanya.
21 Ngunit siya'y nagsugo ng mga sugo sa kanya, na ipinasasabi, “Anong pakialam natin sa isa't isa, ikaw na hari ng Juda? Ako'y hindi dumarating laban sa iyo sa araw na ito, kundi laban sa sambahayan na aking dinidigma, at iniutos sa akin ng Diyos na ako'y magmadali. Tumigil ka sa pagsalungat sa Diyos na siyang kasama ko, baka puksain ka niya.”
22 Gayunma'y ayaw siyang iwan ni Josias, sa halip ay nagbalatkayo siya upang labanan siya. Hindi siya nakinig sa mga salita ni Neco na mula sa bibig ng Diyos, kundi sumamang nakipaglaban sa kapatagan ng Megido.
23 Pinana ng mga mamamana si Haring Josias: at sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Ilabas ninyo ako; sapagkat ako'y malubhang nasugatan.”
24 Kaya't inalis siya ng kanyang mga lingkod sa karwahe at dinala siya sa kanyang ikalawang karwahe at dinala siya sa Jerusalem. Siya'y namatay at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias.
25 Iniyakan din ni Jeremias si Josias; at ang lahat ng mang-aawit na lalaki at babae ay nagsalita tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy hanggang sa araw na ito. Ginawa nila itong isang tuntunin sa Israel at ang mga ito ay nakasulat sa Mga Panaghoy.
26 Ang iba pa sa mga ginawa ni Josias at ang kanyang mabubuting gawa, ayon sa nakasulat sa kautusan ng Panginoon,
27 at ang kanyang mga gawa, ang una at huli ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda.
Si Haring Jehoahaz ng Juda(C)
36 Kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama sa Jerusalem.
2 Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlong buwan sa Jerusalem.
3 Pagkatapos ay pinaalis siya sa Jerusalem ng hari ng Ehipto at pinagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at ng isang talentong ginto.
4 At(D) ginawa ng hari ng Ehipto bilang hari sa Juda si Eliakim na kanyang kapatid, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim; ngunit kinuha ni Neco si Jehoahaz na kanyang kapatid, at kanyang dinala siya sa Ehipto.
Si Haring Jehoiakim ng Juda(E)
5 Si(F) Jehoiakim ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem. Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon niyang Diyos.
6 Laban(G) sa kanya ay umahon si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at ginapos siya ng tanikala, upang dalhin siya sa Babilonia.
7 Dinala rin ni Nebukadnezar ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng Panginoon sa Babilonia at inilagay ang mga iyon sa kanyang palasyo sa Babilonia.
8 Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoiakim, at ang mga karumaldumal na kanyang ginawa, at ang natagpuan laban sa kanya ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda. At si Jehoiakin na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Haring Jehoiakin ng Juda(H)
9 Si Jehoiakin ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng tatlong buwan at sampung araw sa Jerusalem. At kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
10 Sa(I) tagsibol ng taon, si Nebukadnezar ay nagsugo at dinala siya sa Babilonia, pati ang mahahalagang kagamitan sa bahay ng Panginoon at si Zedekias na kanyang kapatid ay ginawang hari ng Juda at Jerusalem.
Si Haring Zedekias ng Juda(J)
11 Si(K) Zedekias ay dalawampu't isang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem.
12 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon niyang Diyos; siya'y hindi nagpakababa sa harapan ni propeta Jeremias na nagsalita mula sa bibig ng Panginoon.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem(L)
13 Naghimagsik(M) din siya laban kay Haring Nebukadnezar, na siyang nagpasumpa sa kanya sa pangalan ng Diyos, ngunit pinapagmatigas niya ang kanyang leeg at pinapagmatigas niya ang kanyang puso laban sa panunumbalik sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
14 Bukod dito'y lahat ng mga namumunong pari at ang taong-bayan ay gumawa ng maraming paglabag at sumusunod sa lahat ng karumaldumal ng mga bansa. Kanilang dinumihan ang bahay ng Panginoon na kanyang itinalaga sa Jerusalem.
15 At ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno ay paulit-ulit na nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga sugo, sapagkat siya'y may habag sa kanyang bayan, at sa kanyang tahanang dako.
16 Ngunit patuloy nilang tinuya ang mga sugo ng Diyos, hinahamak ang kanyang mga salita, at nililibak ang kanyang mga propeta, hanggang sa ang poot ng Panginoon ay tumindi laban sa kanyang bayan, hanggang sa wala nang lunas.
17 Kaya't(N) dinala niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuwaryo, at hindi naawa sa binata o sa dalaga, sa matanda o sa may uban. Kanyang ibinigay silang lahat sa kanyang kamay.
18 Lahat ng mga kagamitan sa bahay ng Diyos, malaki at maliit, ang mga kayamanan sa bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng hari at ng kanyang mga pinuno ay dinala niyang lahat sa Babilonia.
19 At(O) sinunog nila ang bahay ng Diyos, at giniba ang pader ng Jerusalem, at sinunog sa apoy ang lahat ng mga palasyo nito at sinira ang lahat ng mahahalagang sisidlan nito.
20 Kanyang dinalang-bihag sa Babilonia ang mga nakatakas sa tabak, at sila'y naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa pagkatatag ng kaharian ng Persia,
21 upang(P) matupad ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa matamasa ng lupain ang mga Sabbath nito. Sa lahat ng mga araw na ito ay naiwang wasak, ito ay nangilin ng Sabbath, upang ganapin ang pitumpung taon.
Pinabalik ni Ciro ang mga Judio(Q)
22 Sa unang taon ni Ciro na hari ng Persia, upang ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng Panginoon ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia, kaya't siya'y nagpahayag sa kanyang buong kaharian, at ito ay kanya ring isinulat.
23 “Ganito(R) ang sabi ni Ciro na hari ng Persia, ‘Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Diyos ng langit. Kanyang inatasan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo ang kabilang sa kanyang buong bayan, sumakanya nawa ang Panginoon niyang Diyos! Hayaan siyang umahon.’”
Ang Utos ni Ciro tungkol sa Pagbabalik ng mga Judio
1 Nang(S) unang taon ni Ciro na hari ng Persia, upang ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng Panginoon ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia, kaya't siya'y gumawa ng pahayag sa kanyang buong kaharian, at isinulat din ito:
2 Ganito(T) ang sabi ni Ciro na hari ng Persia, “Ibinigay sa akin ng Panginoon, na Diyos ng langit, ang lahat ng kaharian sa lupa, at inatasan niya ako na ipagtayo ko siya ng isang bahay sa Jerusalem na nasa Juda.
3 Sinuman sa inyo ang kabilang sa kanyang buong bayan, nawa'y sumakanya ang kanyang Diyos, at pumunta siya sa Jerusalem na nasa Juda, at muling itayo ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, siya ang Diyos na nasa Jerusalem.
4 At sinumang naiwan, saanmang lugar siya nakikipamayan, ay tulungan siya ng mga lalaki sa kanyang kinaroroonan sa pamamagitan ng pilak at ginto, ng mga kagamitan, at ng mga hayop, bukod sa mga kusang-loob na handog para sa bahay ng Diyos na nasa Jerusalem.”
5 Nang magkagayo'y tumindig ang mga puno ng mga sambahayan ng Juda at Benjamin, at ang mga pari at mga Levita, bawat isa na ang diwa'y kinilos ng Diyos upang pumunta at muling itayo ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem.
6 Lahat ng nasa palibot nila ay tumulong sa kanila sa pamamagitan ng mga kagamitang pilak at ginto, mga ari-arian, mga hayop, at ng mga mamahaling gamit, bukod pa sa lahat ng kusang-loob na inihandog.
7 Inilabas din ni Haring Ciro ang mga kagamitan sa bahay ng Panginoon na tinangay ni Nebukadnezar mula sa Jerusalem at inilagay sa bahay ng kanyang mga diyos.
8 Ang mga ito ay inilabas ni Ciro na hari ng Persia sa pamamagitan ni Mitridates na ingat-yaman, na siyang bumilang nito kay Shesbazar, na pinuno ng Juda.
9 Ito ang bilang ng mga iyon: tatlumpung palangganang ginto, isang libong palangganang pilak, dalawampu't siyam na suuban ng insenso,
10 tatlumpung mangkok na ginto, apatnaraan at sampung iba pang mangkok na pilak, at isang libong iba pang mga kagamitan;
11 lahat ng kagamitang ginto at pilak ay limang libo at apatnaraan. Ang lahat ng mga ito ay ipinakuha ni Shesbazar, nang ang mga bihag ay dalhin mula sa Babilonia patungo sa Jerusalem.
Ang Talaan ng mga Bumalik mula sa Pagkabihag(U)
2 Ngayon ito ang mga mamamayan ng lalawigan na dumating mula sa mga bihag na dinala sa Babilonia ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia. Sila'y bumalik sa Jerusalem at sa Juda, ang bawat isa'y sa kanyang sariling bayan.
2 Sila'y dumating na kasama nina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Seraya, Reelias, Mordecai, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana. Ang bilang ng mga lalaki ng sambayanang Israel ay ito:
3 ang mga anak[a] ni Paros, dalawang libo isandaan at pitumpu't dalawa.
4 Ang mga anak ni Shefatias, tatlong daan at pitumpu't dalawa.
5 Ang mga anak ni Arah, pitong daan at pitumpu't lima.
6 Ang mga anak ni Pahatmoab, na ito ay mga anak ni Jeshua at Joab, dalawang libo walong daan at labindalawa.
7 Ang mga anak ni Elam, isang libo dalawandaan at limampu't apat.
8 Ang mga anak ni Zatu, siyamnaraan at apatnapu't lima.
9 Ang mga anak ni Zacai, pitong daan at animnapu.
10 Ang mga anak ni Bani, animnaraan at apatnapu't dalawa.
11 Ang mga anak ni Bebai, animnaraan at dalawampu't tatlo.
12 Ang mga anak ni Azgad, isang libo dalawandaan at dalawampu't dalawa.
13 Ang mga anak ni Adonikam, animnaraan at animnapu't anim.
14 Ang mga anak ni Bigvai, dalawang libo at limampu't anim.
15 Ang mga anak ni Adin, apatnaraan at limampu't apat.
16 Ang mga anak ni Ater, samakatuwid ay si Hezekias, siyamnapu't walo.
17 Ang mga anak ni Besai, tatlong daan at dalawampu't tatlo.
18 Ang mga anak ni Jora, isandaan at labindalawa.
19 Ang mga anak ni Hasum, dalawandaan at dalawampu't tatlo.
20 Ang mga anak ni Gibar, siyamnapu't lima.
21 Ang mga anak ng Bethlehem, isandaan at dalawampu't tatlo.
22 Ang mga kalalakihan ng Netofa, limampu't anim.
23 Ang mga kalalakihan ng Anatot, isandaan at dalawampu't walo.
24 Ang mga anak ni Azmavet, apatnapu't dalawa.
25 Ang mga anak ng Kiryat-jearim, Cefira, at ng Beerot, pitong daan at apatnapu't tatlo.
26 Ang mga anak ng Rama at ng Geba, animnaraan at dalawampu't isa.
27 Ang mga kalalakihan ng Mikmas, isandaan at dalawampu't dalawa.
28 Ang mga kalalakihan ng Bethel at ng Ai, dalawandaan at dalawampu't tatlo.
29 Ang mga anak ng Nebo, limampu't dalawa.
30 Ang mga anak ng Magbis, isandaan at limampu't anim.
31 Ang mga anak ng isa pang Elam, isang libo dalawandaan at limampu't apat.
32 Ang mga anak ni Harim, tatlong daan at dalawampu.
33 Ang mga anak ng Lod, Hadid, at Ono, pitong daan at dalawampu't lima.
34 Ang mga anak ng Jerico, tatlong daan at apatnapu't lima.
35 Ang mga anak ni Senaa, tatlong libo animnaraan at tatlumpu.
36 Ang mga pari: ang mga anak ni Jedias, sa sambahayan ni Jeshua, siyamnaraan at pitumpu't tatlo.
37 Ang mga anak ni Imer, isang libo at limampu't dalawa.
38 Ang mga anak ni Pashur, isang libo dalawandaan at apatnapu't pito.
39 Ang mga anak ni Harim, isang libo at labimpito.
40 Ang mga Levita: ang mga anak nina Jeshua at Cadmiel, sa mga anak ni Hodavias, pitumpu't apat.
41 Ang mga mang-aawit: ang mga anak ni Asaf, isandaan at dalawampu't walo.
42 Ang mga anak ng mga bantay-pinto: ang mga anak ni Shallum, ang mga anak ni Ater, ang mga anak ni Talmon, ang mga anak ni Akub, ang mga anak ni Hatita, at ang mga anak ni Sobai, ang lahat ay isandaan at tatlumpu't siyam.
43 Ang mga lingkod sa templo:[b] ang mga anak ni Ziha, ang mga anak ni Hasufa, ang mga anak ni Tabaot,
44 ang mga anak ni Keros, ang mga anak ni Siaha, ang mga anak ni Padon;
45 ang mga anak ni Lebana, ang mga anak ni Hagaba, ang mga anak ni Akub;
46 ang mga anak ni Hagab, ang mga anak ni Samlai, ang mga anak ni Hanan;
47 ang mga anak ni Giddel, ang mga anak ni Gahar, ang mga anak ni Reaya;
48 ang mga anak ni Rezin, ang mga anak ni Nekoda, ang mga anak ni Gazam;
49 ang mga anak ni Uza, ang mga anak ni Pasea, ang mga anak ni Besai;
50 ang mga anak ni Asnah, ang mga anak ng Meunim, ang mga anak ng Nefusim;
51 ang mga anak ni Bacbuc, ang mga anak ni Hacufa, ang mga anak ni Harhur;
52 ang mga anak ni Bazlut, ang mga anak ni Mehida, ang mga anak ni Harsa;
53 ang mga anak ni Barkos, ang mga anak ni Sisera, ang mga anak ni Tema;
54 ang mga anak ni Nesia, at ang mga anak ni Hatifa.
55 Ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay: ang mga anak ni Sotai, ang mga anak ni Soferet, ang mga anak ni Peruda;
56 ang mga anak ni Jaala, ang mga anak ni Darkon, ang mga anak ni Giddel;
57 ang mga anak ni Shefatias, ang mga anak ni Hattil, ang mga anak ni Pochereth-hazzebaim, at ang mga anak ni Ami.
58 Lahat ng mga lingkod sa templo[c] at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay tatlong daan at siyamnapu't dalawa.
59 At ang mga sumusunod ang mga pumunta mula sa Telmelah, Telharsa, Kerub, Adan, at Imer, bagaman hindi nila mapatunayan ang mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, o ang kanilang pinagmulang lahi, kung sila'y kabilang sa Israel:
60 ang mga anak ni Delaia, ang mga anak ni Tobias, ang mga anak ni Nekoda, animnaraan at limampu't dalawa.
61 Gayundin sa mga anak ng mga pari: ang mga anak ni Habaias, ang mga anak ni Hakoz, at ang mga anak ni Barzilai, na nag-asawa sa mga anak ni Barzilai na taga-Gilead, at tinawag ayon sa kanilang pangalan.
62 Hinanap ng mga ito ang kanilang mga pangalan ayon sa talaan ng kanilang salinlahi, ngunit ang mga iyon ay hindi natagpuan doon. Kaya't sila'y ibinilang na marurumi at inalis sa pagkapari.
63 Sinabi(V) sa kanila ng tagapamahala na sila'y huwag kakain ng kabanal-banalang pagkain, hanggang sa magkaroon ng isang pari na sasangguni sa Urim at Tumim.
64 Ang buong kapulungan ay apatnapu't dalawang libo tatlong daan at animnapu,
65 bukod sa kanilang mga aliping lalaki at babae, na may pitong libo tatlong daan at tatlumpu't pito, at sila'y mayroong dalawandaang mang-aawit na lalaki at babae.
66 Ang kanilang mga kabayo ay pitong daan at tatlumpu't anim; ang kanilang mga mola ay dalawandaan at apatnapu't lima;
67 ang kanilang mga kamelyo ay apatnaraan at tatlumpu't lima; ang kanilang mga asno ay anim na libo pitong daan at dalawampu.
68 At ang ilan sa mga puno ng mga sambahayan, nang sila'y dumating sa bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem, ay nag-alay ng kusang-loob na handog para sa bahay ng Diyos, upang ito ay itayo sa lugar nito.
69 Ayon sa kanilang kakayahan, sila ay nagbigay sa kabang-yaman ng gawain, ng animnapu't isang libong darikong ginto, limang libong librang pilak, at isandaang kasuotan ng mga pari.
70 Ang(W) mga pari, mga Levita, at ang ilan sa taong-bayan ay nanirahan sa Jerusalem at sa paligid, at ang mga mang-aawit, mga bantay-pinto, at ang mga lingkod sa templo ay nanirahan sa kanilang mga bayan, at ang buong Israel ay sa kanilang mga bayan.
Muling Pinasimulan ang Pagsamba
3 Nang sumapit ang ikapitong buwan, at ang mga anak ni Israel ay nasa mga bayan, ang taong-bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa Jerusalem.
2 Nang(X) magkagayo'y tumayo si Jeshua na anak ni Jozadak, at ang kanyang mga kapatid na mga pari, at si Zerubabel na anak ni Shealtiel at ang kanyang mga kamag-anak, at itinayo nila ang dambana ng Diyos ng Israel upang pag-alayan ng mga handog na sinusunog, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na tao ng Diyos.
3 Inilagay(Y) nila ang dambana sa lugar nito, sapagkat sila ay natatakot sa mga tao ng mga lupain, at sila'y nag-alay sa ibabaw nito ng mga handog na sinusunog sa Panginoon, mga handog na sinusunog sa umaga at hapon.
4 Kanilang(Z) ipinagdiwang ang kapistahan ng mga kubol,[d] gaya ng nasusulat, at nag-alay ng pang-araw-araw na mga handog na sinusunog sa tamang bilang, ayon sa itinakda sa bawat araw,
5 pagkatapos(AA) niyon ay ang patuloy na handog na sinusunog, at mga handog sa mga bagong buwan at sa lahat ng takdang kapistahan sa Panginoon, at ang handog ng bawat isa na gumawa ng kusang-loob na handog sa Panginoon.
6 Mula sa unang araw ng ikapitong buwan, sila ay nagsimulang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon. Ngunit ang pundasyon ng templo ng Panginoon ay hindi pa nailalagay.
Pinasimulan ang Muling Pagtatayo ng Templo
7 Kaya't sila'y nagbigay ng salapi sa mga kantero at sa mga karpintero; at ng pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at sa mga taga-Tiro upang magdala ng mga kahoy na sedro mula sa Lebanon patungo sa dagat, hanggang sa Joppa, ayon sa pahintulot na tinanggap nila buhat kay Ciro na hari ng Persia.
8 Nang ikalawang taon ng kanilang pagdating sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, sa ikalawang buwan, sina Zerubabel na anak ni Shealtiel at si Jeshua na anak ni Jozadak ay nagpasimulang maglingkod, kasama ang iba pa nilang mga kapatid, ang mga pari at mga Levita at silang lahat na dumating sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Kanilang hinirang ang mga Levita, mula sa dalawampung taong gulang pataas, upang mamahala sa gawain sa bahay ng Panginoon.
9 Si Jeshua at ang kanyang mga anak at mga kamag-anak, si Cadmiel pati ang kanyang mga anak na lalaki, at ang mga anak ni Juda, ay magkasamang namahala sa mga manggagawa sa bahay ng Diyos, kasama ng mga anak ni Henadad at ng mga Levita, at ng kanilang mga anak at mga kamag-anak.
10 Nang(AB) ilagay ng mga manggagawa ang pundasyon ng templo ng Panginoon, ang mga pari sa kanilang kasuotan ay lumapit na may mga trumpeta, at ang mga Levita, ang mga anak ni Asaf na may mga pompiyang, upang magpuri sa Panginoon, ayon sa mga tagubilin ni David na hari ng Israel.
11 At(AC) sila'y nag-awitan sa isa't isa na pinupuri at pinapasalamatan ang Panginoon, “Sapagkat siya'y mabuti, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman sa Israel.” Ang buong bayan ay sumigaw nang malakas nang kanilang purihin ang Panginoon, sapagkat ang pundasyon ng bahay ng Panginoon ay nailagay na.
12 Ngunit marami sa mga pari at mga Levita, at sa mga puno ng mga sambahayan, na mga matatandang nakakita sa unang bahay nang ito ay itayo, ang umiyak nang malakas nang kanilang nakita ang bahay, bagaman marami ang sumigaw nang malakas dahil sa kagalakan.
13 Dahil dito, hindi makilala ng taong-bayan ang kaibahan ng ingay ng sigaw ng kagalakan sa ingay ng iyak ng bayan, sapagkat ang taong-bayan ay sumigaw nang malakas, at ang ingay ay narinig sa malayo.
Pagsalungat sa Muling Pagtatayo ng Templo
4 Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na ang mga bumalik na bihag ay nagtatayo ng templo para sa Panginoong Diyos ng Israel,
2 lumapit(AD) sila kay Zerubabel at sa mga puno ng mga sambahayan at sinabi sa kanila, “Isama ninyo kami sa inyong pagtatayo, sapagkat sinasamba namin ang inyong Diyos na gaya ng inyong ginagawa; at kami ay naghahandog sa kanya mula ng mga araw ni Esarhadon na hari ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”
3 Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Jeshua, at ng iba pa sa mga puno ng mga sambahayan ng Israel, “Kayo'y walang pakialam sa amin sa pagtatayo ng isang bahay para sa aming Diyos; kundi kami lamang ang magtatayo para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, gaya ng iniutos sa amin ni Ciro na hari ng Persia.”
4 Nang magkagayo'y pinanlupaypay ng mga tao ng lupain ang taong-bayan ng Juda, at tinakot silang magtayo.
5 Umupa sila ng mga tagapayo laban sa kanila upang biguin ang kanilang layunin, sa lahat ng mga araw ni Ciro na hari ng Persia, maging hanggang sa paghahari ni Dario na hari ng Persia.
Pagsalungat sa Muling Pagtatayo ng Jerusalem
6 Sa(AE) paghahari ni Artaxerxes, sumulat sila ng isang bintang laban sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem.
7 At sa mga araw ni Artaxerxes, sumulat sina Bislam, Mitridates, Tabeel at ang iba pa sa kanilang mga kasama kay Artaxerxes na hari ng Persia. Ang liham ay nakasulat sa Aramaico at isinalin.[e]
8 Si Rehum na punong-kawal at si Simsai na eskriba ay sumulat ng ganito kay Artaxerxes na hari laban sa Jerusalem.
9 Nang magkagayo'y sumulat sina Rehum na punong-kawal, si Simsai na eskriba, at ang iba pa nilang mga kasamahan, ang mga hukom, mga tagapamahala, mga pinuno, mga taga-Persia, mga lalaki ng Erec, mga taga-Babilonia, mga lalaki ng Susa, na ito'y mga Elamita,
10 at ang iba pang mga bansa na ipinatapon ng dakila at marangal na si Osnapar, at pinatira sa mga lunsod ng Samaria at sa iba pang lalawigan sa kabila ng Ilog,—at ngayon
11 ito ang sipi ng sulat na kanilang ipinadala, “Sa Haring Artaxerxes: Ang iyong mga lingkod, ang mga lalaki sa lalawigan sa kabila ng Ilog ay bumabati. At ngayon,
12 dapat malaman ng hari na ang mga Judio na umahong galing sa iyo patungo sa amin ay nagpunta sa Jerusalem. Kanilang muling itinatayo ang mapaghimagsik at masamang lunsod na iyon, tinatapos nila ang mga pader, at kinukumpuni ang mga pundasyon.
13 Dapat malaman ngayon ng hari na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo at ang mga pader ay natapos, sila'y hindi magbabayad ng buwis, buwis sa kalakal, o upa, at ang kikitain ng kaharian ay hihina.
14 Ngayon, sapagkat kami ay nakikibahagi ng asin ng palasyo, at hindi marapat sa amin na makita ang ikasisirang-puri ng hari, kaya't kami ay nagsugo at ipinaaalam sa hari,
15 upang maisagawa ang isang pagsusuri sa aklat ng mga talaan ng iyong mga magulang. Matatagpuan mo sa aklat ng mga talaan at malalaman na ang lunsod na ito ay isang mapaghimagsik na lunsod, nakakasira sa mga hari at mga lalawigan, at nagkaroon ng pag-aalsa roon noong unang panahon. Iyon ang dahilan kung bakit ang lunsod na ito ay giniba.
16 Ipinaaalam namin sa hari, na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo, at ang mga pader ay natapos, hindi ka na magkakaroon pa ng pag-aari sa lalawigan sa kabila ng Ilog.”
17 Nagpadala ng sagot ang hari: “Kay Rehum na punong-kawal, at kay Simsai na eskriba, at sa iba pa nilang mga kasamahan na nakatira sa Samaria at sa iba pang lalawigan sa kabila ng Ilog, pagbati. At ngayon,
18 ang sulat na inyong ipinadala sa amin ay maliwanag na binasa sa harapan ko.
19 Ako'y gumawa ng utos, at ang pagsaliksik ay naisagawa at natagpuan na ang lunsod na ito nang una ay nag-alsa laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at panggugulo ay nagawa roon.
20 Ang mga makapangyarihang hari ay namahala sa Jerusalem, na naghari sa buong lalawigan sa kabila ng Ilog, at sa kanila ay ibinayad ang buwis, buwis sa kalakal, at upa.
21 Kaya't gumawa kayo ng utos upang patigilin ang mga taong ito, at upang ang lunsod na ito ay hindi muling maitayo, hanggang sa ang isang utos ay magawa ko.
22 Kayo'y mag-ingat na huwag magpabaya sa bagay na ito; bakit kailangang lumaki ang pinsala na ikasisira ng hari?”
23 Nang mabasa ang sipi ng sulat ni Haring Artaxerxes sa harapan nina Rehum, ni Simsai na eskriba, at ng kanilang mga kasamahan, sila'y dali-daling pumunta sa mga Judio sa Jerusalem at pinatigil nila sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan.
24 Nang(AF) magkagayo'y natigil ang paggawa sa bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at ito ay napatigil hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario na hari ng Persia.
Muling Sinimulan ang Pagtatayo ng Templo
5 Noon,(AG) ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Iddo ay nagsalita ng propesiya sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem, sa pangalan ng Diyos ng Israel na namumuno sa kanila.
2 Nang(AH) magkagayo'y tumindig si Zerubabel na anak ni Shealtiel, at si Jeshua na anak ni Jozadak, at sinimulang itayong muli ang bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at kasama nila ang mga propeta ng Diyos na tumulong sa kanila.
3 Nang panahon ding iyon ay pumunta sa kanila si Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, at si Setarboznai at ang kanilang mga kasama, at sinabi sa kanila ang ganito, “Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo ang bahay na ito?”
4 Kanilang tinanong din sila ng ganito, “Anu-ano ang mga pangalan ng mga taong gumagawa ng bahay na ito?”
5 Ngunit ang mata ng kanilang Diyos ay nakatingin sa matatanda ng mga Judio, at sila'y hindi nila napatigil hanggang sa ang isang ulat ay makarating kay Dario at ang sagot ay maibalik sa pamamagitan ng sulat tungkol doon.
6 Ang sipi ng sulat na ipinadala ni Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog at ni Setarboznai, at ng kanyang mga kasamang tagapamahala na nasa lalawigan sa kabila ng Ilog kay Haring Dario;
7 sila'y nagpadala sa kanya ng ulat na kinasusulatan ng sumusunod: “Kay Dario na hari, buong kapayapaan.
8 Dapat malaman ng hari na kami ay pumunta sa lalawigan ng Juda, sa bahay ng dakilang Diyos. Ito'y itinatayo na may malalaking bato, at ang mga kahoy ay inilapat sa mga pader. Ang gawaing ito ay masikap na nagpatuloy at sumusulong sa kanilang mga kamay.
9 Nang magkagayo'y tinanong namin ang matatandang iyon at sinabi sa kanila ang ganito, ‘Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo at tapusin ang gusaling ito?’
10 Tinanong din namin sa kanila ang kanilang mga pangalan, para sa iyong kaalaman, upang aming maisulat ang mga pangalan ng mga tao na nangunguna sa kanila.
11 Ganito ang sagot nila sa amin: ‘Kami ay mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang bahay na itinayo, maraming taon na ang nakaraan, na itinayo at tinapos ng isang dakilang hari ng Israel.
12 Ngunit(AI) dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng langit, kanyang ibinigay sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na Caldeo, na siyang gumiba ng bahay na ito, at dinala ang mga mamamayan sa Babilonia.
13 Ngunit(AJ) sa unang taon ni Ciro na hari ng Babilonia, gumawa ng utos si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos.
14 At ang mga kagamitang ginto at pilak sa bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa loob ng templo ng Babilonia, ay inilabas sa templo ng Babilonia ni Haring Ciro at ibinigay sa isang ang pangalan ay Shesbazar, na siya niyang ginawang tagapamahala.
15 At sinabi ng hari sa kanya, “Kunin mo ang mga kagamitang ito, humayo ka at ilagay mo sa templo na nasa Jerusalem, at hayaan mong itayong muli ang bahay ng Diyos sa lugar nito.”
16 Pagkatapos ay dumating ang Shesbazar na iyon, at inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Mula sa panahong iyon hanggang ngayon ay itinatayo ito, ngunit hindi pa ito tapos.’
17 Dahil dito, kung inaakalang mabuti ng hari, magsagawa nga ng pagsasaliksik sa aklatan ng kaharian na nasa Babilonia, upang makita kung mayroong utos na pinalabas si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos sa Jerusalem. At ipasabi sa amin ng hari ang kanyang pasiya tungkol sa bagay na ito.”
Muling Natuklasan ang Utos ni Ciro
6 Nang magkagayo'y nag-utos si Haring Dario, at gumawa ng pagsasaliksik sa Babilonia, sa bahay ng mga aklat na kinalalagyan ng mga kasulatan.
2 Sa Ecbatana[f] sa palasyong nasa lalawigan ng Media, isang balumbon ang natagpuan na doo'y nakasulat ang ganito: “Isang tala.
3 Nang unang taon ni Haring Ciro, si Haring Ciro ay nagbigay ng utos: Tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, hayaang muling maitayo ang bahay, ang lugar na kanilang pinag-aalayan ng mga handog at dinadala ang handog na sinusunog. Ang taas nito ay magiging animnapung siko, at ang luwang nito'y animnapung siko,
4 na may tatlong hanay ng malalaking bato at isang hanay ng kahoy; at ang magugugol ay babayaran mula sa kabang-yaman ng kaharian.
5 Gayundin, ang mga kagamitang ginto at pilak ng bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa Babilonia, ay isauli at ibalik sa templo na nasa Jerusalem, bawat isa'y sa kanyang lugar, at ilagay mo ang mga iyon sa bahay ng Diyos.”
6 “Kaya't ngayon, Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, Setarboznai, at ang inyong mga kasamang tagapamahala na nasa mga lalawigan sa kabila ng Ilog, lumayo kayo.
7 Hayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Diyos; hayaan ninyong muling itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng matatanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Diyos sa lugar nito.
8 Bukod dito'y gumagawa ako ng utos kung ano ang inyong gagawin sa matatandang ito ng mga Judio para sa muling pagtatayo ng bahay na ito ng Diyos. Ang magugugol ay ibigay ng buo sa mga taong ito at walang pagkaantala mula sa kinita ng kaharian, mula sa buwis ng lalawigan sa kabila ng Ilog.
9 At anumang kailangan—mga batang toro, mga tupa, o mga kordero para sa mga handog na sinusunog para sa Diyos ng langit, trigo, asin, alak, o langis, ayon sa kailangan ng mga pari na nasa Jerusalem, ay patuloy ninyong ibigay sa kanila araw-araw,
10 upang sila'y makapaghandog ng mga alay na kalugud-lugod sa Diyos ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kanyang mga anak.
11 Gayundin, ako'y gumagawa ng utos na sinumang bumago ng kautusang ito, isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay, at siya'y tutuhugin doon, at ang kanyang bahay ay magiging tambakan ng dumi.
12 Ang Diyos na siyang gumawa upang makapanirahan ang kanyang pangalan doon, nawa'y ibagsak ang sinumang hari o bayan na mag-uunat ng kanilang kamay upang ito'y baguhin, o gibain ang bahay na ito ng Diyos na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng utos; ipatupad ito nang buong sikap.”
Itinalaga ang Templo
13 Pagkatapos, ayon sa salitang ipinadala ni Haring Dario, buong sikap na ginawa ni Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, ni Setarboznai, at ng kanilang mga kasama ang iniutos ni Haring Dario.
14 Ang(AK) matatanda ng mga Judio ay nagtayo at umunlad sa pamamagitan ng ginawang propesiya ni Hagai na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang pagtatayo sa utos ng Diyos ng Israel, at sa utos nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na hari ng Persia.
15 Ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario.
16 At ang mga anak ni Israel, ang mga pari, mga Levita, at ang iba pa sa mga bumalik na bihag ay nagdiwang na may galak sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos.
17 Sila'y naghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos ng isandaang toro, dalawandaang lalaking tupa, apatnaraang kordero; at bilang handog pangkasalanan para sa buong Israel ay labindalawang kambing na lalaki, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel.
18 At kanilang inilagay ang mga pari sa kani-kanilang mga pangkat, at ang mga Levita sa kanilang mga paghali-halili, para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.
Ang Paskuwa
19 Nang(AL) ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ang mga bumalik na bihag ay nangilin ng Paskuwa.
20 Sapagkat ang mga pari at ang mga Levita ay magkakasamang naglinis ng kanilang sarili, silang lahat ay malilinis. Kaya't kanilang pinatay ang kordero ng Paskuwa para sa lahat ng bumalik na bihag, para sa mga kapatid nilang pari, at para sa kanilang sarili.
21 Ito ay kinain ng mga anak ni Israel na bumalik mula sa pagkabihag, at gayundin ng bawat isa na sumama sa kanila at inihiwalay ang sarili sa karumihan ng mga bansa ng lupain upang sumamba sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
22 At kanilang isinagawa na may kagalakan ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. Pinasaya sila ng Panginoon, at ikiniling sa kanila ang puso ng hari ng Asiria, kaya't kanyang tinulungan sila sa paggawa ng bahay ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
Si Ezra ay Dumating sa Jerusalem
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito, sa paghahari ni Artaxerxes na hari ng Persia, si Ezra na anak ni Seraya, na anak ni Azarias, na anak ni Hilkias,
2 na anak ni Shallum, na anak ni Zadok, na anak ni Ahitub,
3 na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraiot,
4 na anak ni Zeraias, na anak ni Uzi, na anak ni Buki,
5 na anak ni Abisua, na anak ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na punong pari—
6 ang Ezrang ito ay umahon mula sa Babilonia. Siya'y isang eskribang dalubhasa sa kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoong Diyos ng Israel. Ipinagkaloob sa kanya ng hari ang lahat niyang hiniling, sapagkat ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.
7 At umahon din patungo sa Jerusalem sa ikapitong taon ni Artaxerxes na hari, ang ilan sa mga anak ni Israel, at ilan sa mga pari at mga Levita, ang mga mang-aawit at mga tanod sa pinto, at ang mga lingkod sa templo.
8 Siya'y dumating sa Jerusalem nang ikalimang buwan, sa ikapitong taon ng hari.
9 Sa unang araw ng unang buwan ay nagsimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, sapagkat ang mabuting kamay ng kanyang Diyos ay nasa kanya.
10 Inilagak ni Ezra ang kanyang puso upang saliksikin ang kautusan ng Panginoon, upang sundin ito at ituro sa Israel ang kanyang mga batas at mga tuntunin.
Ang Sulat ni Artaxerxes kay Ezra
11 Ito ang sipi ng sulat na ibinigay ng Haring Artaxerxes kay Ezra na pari, ang eskriba, isang marunong sa mga bagay ng mga utos ng Panginoon at ng kanyang mga alituntunin sa Israel:
12 “Si Artaxerxes, hari ng mga hari, kay Ezra na pari, na kalihim[g] ng kautusan ng Diyos ng langit. At ngayon,
13 ako'y gumagawa ng utos na sinumang kabilang sa bayan ng Israel o ang kanilang mga pari o mga Levita sa aking kaharian na nagnanais pumunta sa Jerusalem, ay maaaring sumama sa iyo.
14 Sapagkat ikaw ay sinugo ng hari at ng kanyang pitong tagapayo upang mag-usisa tungkol sa Juda at Jerusalem ayon sa kautusan ng iyong Diyos na nasa iyong kamay,
15 at upang dalhin din ang pilak at ginto na kusang inihandog ng hari at ng kanyang mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang tahanan ay nasa Jerusalem,
16 kasama ang lahat ng pilak at ginto na iyong matatagpuan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ang kusang-loob na handog ng taong-bayan at ng mga pari na mga kusang-loob na ipinanata para sa bahay ng kanilang Diyos na nasa Jerusalem.
17 Sa pamamagitan ng salaping ito, buong sikap kang bibili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga handog na butil at ng mga inuming handog ng mga iyon, at ang mga iyon ay iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Diyos na nasa Jerusalem.
18 Anumang inaakala mo at ng iyong mga kapatid na mabuting gawin sa nalabi sa pilak at ginto, maaari ninyong gawin ayon sa kalooban ng inyong Diyos.
19 Ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para sa paglilingkod sa bahay ng iyong Diyos ay dalhin mo sa harapan ng Diyos ng Jerusalem.
20 Anumang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Diyos na may pagkakataon kang magbigay, ay magbigay ka mula sa kabang-yaman ng hari.
21 “At ako, si Haring Artaxerxes, ay gumagawa ng utos para sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan sa kabila ng Ilog: Anumang hingin sa inyo ni Ezra na pari, na eskriba ng kautusan ng Diyos ng langit ay gawin nang buong sikap,
22 hanggang sa isandaang talentong pilak, isandaang takal ng trigo, isandaang takal[h] na alak, isandaang takal na langis, at asin na walang takdang dami.
23 Anumang iniutos ng Diyos ng langit, gawin ito nang lubos para sa bahay ng Diyos ng langit; baka ang kanyang poot ay maging laban sa kaharian ng hari at ng kanyang mga anak.
24 Ipinagbibigay alam din namin sa inyo na hindi matuwid na patawan ng buwis, buwis sa kalakal, o upa ang sinuman sa mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga tanod sa pinto, mga lingkod sa templo, o ang iba pang lingkod ng bahay na ito ng Diyos.
25 “At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Diyos na taglay mo, humirang ka ng mga mahistrado at mga hukom na makakahatol sa buong bayan sa lalawigan sa kabila ng Ilog, yaong lahat na nakakaalam ng mga kautusan ng iyong Diyos; at yaong mga hindi nakakaalam niyon ay inyong turuan.
26 Sinumang hindi susunod sa kautusan ng iyong Diyos at sa kautusan ng hari, mahigpit na igagawad sa kanya ang hatol, maging sa kamatayan o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o sa pagkabilanggo.”
27 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng ating mga ninuno na naglagay ng ganitong bagay sa puso ng hari, upang pagandahin ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem;
28 at nagpaabot sa akin ng kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng hari, at ng kanyang mga tagapayo, at sa harapan ng lahat ng mga makapangyarihang pinuno ng hari. Ako'y nagkaroon ng tapang, sapagkat ang kamay ng Panginoon kong Diyos ay nasa akin, at tinipon ko ang mga pangunahing lalaki mula sa Israel upang pumuntang kasama ko.
Ang mga Taong Bumalik mula sa Pagkabihag
8 Ito ang mga puno ng mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at ito ang talaan ng angkan ng mga naglakbay na kasama ko mula sa Babilonia, sa panahon ng paghahari ni Haring Artaxerxes:
2 Sa mga anak ni Finehas, si Gershon; sa mga anak ni Itamar, si Daniel; sa mga anak ni David, si Hatus,
3 sa mga anak ni Shecanias. Sa mga anak ni Paros, si Zacarias, na kasama niyang itinala ang isandaan at limampung lalaki.
4 Sa mga anak ni Pahat-moab, si Eliehoenai na anak ni Zeraias, at kasama niya'y dalawandaang lalaki.
5 Sa mga anak ni Shecanias, ang anak ni Jahaziel; at kasama niya'y tatlong daang lalaki.
6 Sa mga anak ni Adin, si Ebed na anak ni Jonathan; at kasama niya ay limampung lalaki.
7 Sa mga anak ni Elam, si Jeshaias na anak ni Atalia, at kasama niya'y pitumpung lalaki.
8 Sa mga anak ni Shefatias, si Zebadias na anak ni Micael, at kasama niya'y walumpung lalaki.
9 Sa mga anak ni Joab, si Obadias na anak ni Jehiel, at kasama niya'y dalawandaan at labing walong lalaki.
10 Sa mga anak ni Shelomit, ang anak ni Josifias, at kasama niya'y isandaan at animnapung lalaki.
11 Sa mga anak ni Bebai, si Zacarias na anak ni Bebai, at kasama niya ay dalawampu't walong lalaki.
12 Sa mga anak ni Azgad, si Johanan na anak ni Hakatan, at kasama niya ay isandaan at sampung lalaki.
13 Sa mga anak ni Adonikam, na mga huling dumating, ito ang kanilang mga pangalan: Elifelet, Jeiel, at Shemaya, at kasama nila ay animnapung lalaki.
14 Sa mga anak ni Bigvai, sina Utai at Zacur[i] at kasama nila ay pitumpung lalaki.
Naghanap si Ezra ng mga Levita para sa Templo
15 Tinipon ko sila sa ilog na umaagos patungo sa Ahava at doo'y nagkampo kami sa loob ng tatlong araw. Habang aking sinisiyasat ang taong-bayan at ang mga pari, wala akong natagpuan doon na mga anak ni Levi.
16 Nang magkagayo'y ipinasundo ko sina Eliezer, Ariel, Shemaya, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at si Mesulam, na mga pangunahing lalaki, at sina Joiarib at Elnatan, na mga tagapagturo,
17 at isinugo ko sila kay Iddo na pangunahing lalaki sa lugar ng Casipia. Sinabi ko sa kanila na kanilang sabihin kay Iddo at sa kanyang mga kapatid na mga lingkod sa templo sa lugar ng Casipia, na sila'y magpadala sa amin ng mga tagapaglingkod sa bahay ng aming Diyos.
18 At sa pamamagitan ng mabuting kamay ng aming Diyos na sumasaamin, sila ay nagdala sa amin ng isang lalaking may karunungan mula sa mga anak ni Mahli, na anak ni Levi, na anak ni Israel, si Sherebias, kasama ang kanyang mga anak na lalaki at mga kapatid, na labingwalo.
19 Kasama rin si Hashabias, at pati si Jeshaias mula sa mga anak ni Merari, kasama ang kanyang mga kapatid at kanyang mga anak na lalaki, na dalawampu.
20 Bukod sa dalawandaan at dalawampung mga lingkod sa templo, na ibinukod ni David at ng kanyang mga pinuno upang tumulong sa mga Levita, silang lahat ay binanggit ayon sa pangalan.
Nanguna si Ezra sa Pag-aayuno at Pananalangin
21 Pagkatapos ay nagpahayag ako roon ng ayuno, sa ilog ng Ahava, upang kami'y magpakumbaba sa harapan ng aming Diyos, upang humanap sa kanya ng matuwid na daan, para sa aming sarili, at sa aming mga anak, at sa lahat ng aming mga pag-aari.
22 Ako'y nahiyang humingi sa hari ng isang pangkat ng mga kawal at mga mangangabayo upang ingatan kami laban sa mga kaaway sa aming daraanan; yamang aming sinabi sa hari, “Ang kamay ng aming Diyos ay para sa kabutihan ng lahat na humahanap sa kanya, at ang kapangyarihan ng kanyang poot ay laban sa lahat ng tumatalikod sa kanya.”
23 Kaya't kami'y nag-ayuno at nagsumamo sa aming Diyos dahil dito, at siya'y nakinig sa aming pakiusap.
Mga Kaloob para sa Templo
24 Nang magkagayo'y ibinukod ko ang labindalawa sa mga pangunahing pari: sina Sherebias, Hashabias, gayundin ang kanilang mga kamag-anak.
25 At tinimbang ko sa kanila ang pilak, ginto, at ang mga kagamitan, ang handog para sa bahay ng aming Diyos, na inihandog ng hari, ng kanyang mga tagapayo, mga pinuno at ng buong Israel na nakaharap doon.
26 Aking tinimbang sa kanilang kamay ang animnaraan at limampung talentong pilak, at mga sisidlang pilak na may halagang isandaang talento, at isandaang talentong ginto,
27 dalawampung mangkok na ginto na may halagang isang libong dariko, at dalawang sisidlan na pinong makinang na tanso na kasinghalaga ng ginto.
28 At sinabi ko sa kanila, “Kayo'y banal sa Panginoon, ang mga kagamitan ay banal, at ang pilak at ginto ay kusang-loob na handog sa Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
29 Bantayan ninyo at ingatan ang mga ito hanggang sa inyong matimbang sa harapan ng mga punong pari, ng mga Levita, at ng mga puno ng mga sambahayan ng Israel sa Jerusalem, sa loob ng mga silid ng bahay ng Panginoon.”
30 Sa gayo'y tinanggap ng mga pari at ng mga Levita ang timbang ng pilak, ginto, at ng mga kagamitan, upang dalhin sa Jerusalem, sa bahay ng aming Diyos.
Ang Pagbabalik sa Jerusalem
31 Pagkatapos ay umalis kami sa ilog ng Ahava nang ikalabindalawang araw ng unang buwan, upang pumunta sa Jerusalem. Ang kamay ng aming Diyos ay kasama namin, at kanyang iniligtas kami sa kamay ng kaaway at sa mga pagtambang sa daan.
32 Dumating kami sa Jerusalem at namalagi roon sa loob ng tatlong araw.
33 Sa ikaapat na araw, sa loob ng bahay ng aming Diyos, ang pilak, ginto at ang mga kagamitan ay tinimbang sa kamay ng paring si Meremot, na anak ni Urias at kasama niya si Eleazar na anak ni Finehas, at kasama nila ang mga Levitang si Jozabad na anak ni Jeshua, at si Noadias na anak ni Binui.
34 Ang kabuuan ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng lahat ay itinala.
35 Nang panahong iyon, ang mga dumating mula sa pagkabihag, ang mga bumalik na ipinatapon ay nag-alay ng handog na sinusunog sa Diyos ng Israel, labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na lalaking tupa, pitumpu't pitong kordero, at labindalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan. Lahat ng ito'y handog na sinusunog sa Panginoon.
36 Ibinigay rin nila ang mga bilin ng hari sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga gobernador ng lalawigan sa kabila ng Ilog; at kanilang tinulungan ang taong-bayan at ang bahay ng Diyos.
Nabalitaan ni Ezra ang Pag-aasawa sa mga Di-Judio
9 Pagkatapos na magawa ang mga bagay na ito, nilapitan ako ng mga pinuno at sinabi, “Ang taong-bayan ng Israel at ang mga pari at mga Levita ay hindi pa humihiwalay sa mga taong-bayan ng mga lupain ayon sa kanilang mga karumihan, sa mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Ehipcio, at mga Amoreo.
2 Sapagkat kumuha sila sa kanilang mga anak na babae para mapangasawa nila at ng kanilang mga anak na lalaki, anupa't ang banal na lahi ay humalo sa mamamayan ng mga lupain. Sa ganitong kataksilan, ang kamay ng mga pinuno at ng mga punong lalaki ay nangunguna.”
3 Nang marinig ko ito, pinunit ko ang aking suot at ang aking balabal, binatak ang buhok sa aking ulo at balbas, at ako'y umupong natitigilan.
4 Lahat ng nanginig sa mga salita ng Diyos ng Israel, dahil sa kataksilan ng mga bumalik na bihag, ay nagtipun-tipon sa paligid ko habang ako'y nakaupong natitigilan hanggang sa oras ng paghahandog sa hapon.
5 Sa panahon ng paghahandog sa hapon, bumangon ako sa aking pag-aayuno na punit ang aking suot at ang aking balabal, at ako'y lumuhod at iniunat ko ang aking mga kamay sa Panginoon kong Diyos,
6 na sinasabi, “O Diyos ko, ako'y nahihiya at namumula na itaas ang aking mukha sa iyo, aking Diyos, sapagkat ang aming mga kasamaan ay tumaas nang higit kaysa aming ulo, at ang aming pagkakasala ay umabot hanggang sa langit.
7 Mula sa mga araw ng aming mga ninuno hanggang sa araw na ito, kami ay nasa napakalaking pagkakasala. Dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga pari ay ibinigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa ganap na kahihiyan gaya sa araw na ito.
8 Subalit ngayon, sa maikling panahon ang biyaya ay ipinakita ng Panginoon naming Diyos, upang mag-iwan sa amin ng isang nalabi, at bigyan kami ng isang tulos sa loob ng kanyang dakong banal, upang palinawin ng aming Diyos ang aming mga mata, at bigyan kami ng kaunting ikabubuhay sa aming pagkaalipin.
9 Bagaman kami ay mga alipin, gayunma'y hindi kami pinabayaan ng aming Diyos sa aming pagkaalipin, kundi ipinaabot sa amin ang kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng mga hari ng Persia, upang bigyan kami ng ikabubuhay sa pagtatayo ng bahay ng aming Diyos, at upang kumpunihin ang mga guho niyon, at upang bigyan kami ng pader sa Juda at sa Jerusalem.
10 “At ngayon, O aming Diyos, ano ang aming sasabihin pagkatapos nito? Sapagkat tinalikuran namin ang iyong mga utos,
11 na iyong iniutos sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na mga propeta, na sinasabi, ‘Ang lupain na inyong pinapasok upang angkinin, ay isang maruming lupain na may karumihan ng mga mamamayan ng mga lupain, dahil sa kanilang karumihang pumunô sa magkabilang dulo ng kanilang mga kahalayan.
12 Kaya't(AM) huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kunin man ninyo ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, ni hanapin ang kanilang kapayapaan o pag-unlad, upang kayo'y lumakas at kainin ang buti ng lupain, at iwan ninyo bilang pamana sa inyong mga anak magpakailanman.’
13 At pagkatapos ng lahat na sumapit sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming napakalaking pagkakasala, yamang ikaw na aming Diyos ay nagparusa sa amin ng kaunti kaysa nararapat sa aming mga kasamaan at binigyan mo kami ng ganitong nalabi.
14 Muli ba naming sisirain ang iyong mga utos at mag-aasawa sa mga taong gumagawa ng mga karumihan na ito? Hindi ka ba magagalit sa amin hanggang sa mapuksa mo kami, kaya't hindi magkakaroon ng nalabi, o ng sinumang makakatakas?
15 O Panginoon, Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagkat kami ay naiwan na isang nalabi na nakatakas, na gaya sa araw na ito. Narito, kami ay nasa harapan mo sa aming pagkakasala, sapagkat walang makakatayo sa harapan mo dahil dito.”
Ang Pasiya tungkol sa Magkahalong Pag-aasawa
10 Habang si Ezra ay nananalangin at nagpapahayag ng kasalanan na umiiyak at nagpapatirapa sa harapan ng bahay ng Diyos, isang napakalaking pagtitipon ng mga lalaki, mga babae, at mga bata ang nagtipun-tipon sa kanya mula sa Israel; at ang taong-bayan ay umiyak din na may kapaitan.
2 At si Shecanias na anak ni Jehiel, isa sa mga anak ni Elam ay nagsalita kay Ezra: “Kami ay nagkasala laban sa ating Diyos at nag-asawa ng mga banyagang babae mula sa mga mamamayan ng lupain, subalit kahit ngayon ay may pag-asa sa Israel sa kabila nito.
3 Ngayon ay makipagtipan tayo sa ating Diyos na paalisin ang lahat ng mga asawang ito at ang kanilang mga anak, ayon sa payo ng aking panginoon at ng mga nanginginig sa utos ng ating Diyos; at gawin ito ayon sa kautusan.
4 Bumangon ka, sapagkat ito ay gawain mo, at kami ay kasama mo. Magpakalakas ka at gawin mo.”
5 Nang magkagayo'y tumindig si Ezra at pinasumpa ang mga namumunong pari, ang mga Levita at ang buong Israel, na kanilang gagawin ang ayon sa sinabi. Kaya't sumumpa sila.
6 Pagkatapos ay tumindig si Ezra mula sa harapan ng bahay ng Diyos, at pumasok sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib, na doon ay nagpalipas siya ng magdamag, at hindi kumain ng tinapay ni uminom man ng tubig, kundi siya'y nanangis dahil sa kataksilan ng mga bihag.
7 Ginawa ang isang pahayag sa buong Juda at Jerusalem sa lahat ng mga bumalik na bihag na sila'y magtipun-tipon sa Jerusalem;
8 at kung sinuman ay hindi dumating sa loob ng tatlong araw, ayon sa utos ng mga pinuno at ng matatanda, lahat ng kanyang ari-arian ay sasamsamin, at siya mismo ay ititiwalag sa kapulungan ng mga bihag.
9 Nang magkagayon, ang lahat ng kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipun-tipon sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw; noon ay ikasiyam na buwan nang ikadalawampung araw ng buwan. Ang buong bayan ay naupo sa liwasang-bayan sa harapan ng bahay ng Diyos na nanginginig dahil sa bagay na ito at dahil sa malakas na ulan.
10 Ang paring si Ezra ay tumayo at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabag at nag-asawa ng mga babaing banyaga, kaya't lumaki ang pagkakasala ng Israel.
11 Ngayon nga'y mangumpisal kayo sa Panginoon, sa Diyos ng inyong mga ninuno, at inyong gawin ang kanyang kalooban. Humiwalay kayo sa mga mamamayan ng lupain at sa mga asawang banyaga.”
12 Nang magkagayon ang buong kapisanan ay sumagot nang malakas na tinig, “Gayon nga, dapat naming gawin ang ayon sa sinabi mo.
13 Ngunit ang mamamayan ay marami, at ngayon ay tag-ulan; kami ay hindi makakatagal sa labas. Ito ay isang gawain na hindi magagawa sa isang araw o dalawa, sapagkat kami ay nakagawa ng napakalaking pagkakasala sa bagay na ito.
14 Hayaang tumayo ang aming mga pinuno para sa buong kapisanan, at pumarito sa takdang panahon ang lahat sa aming mga mamamayan na kumuha ng mga asawang banyaga, at pumaritong kasama nila ang matatanda at mga hukom ng lahat ng lunsod, hanggang sa ang mabangis na poot ng aming Diyos tungkol sa bagay na ito ay maiiwas sa amin.”
15 Si Jonathan lamang na anak ni Asahel, at si Jaazias na anak ni Tikva ang sumalungat dito, si Mesulam at si Sabetai na Levita ang tumulong sa kanila.
16 Gayon ang ginawa ng mga bihag na bumalik. Ang paring si Ezra ay pumili ng mga lalaki, mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, bawat isa sa kanila ay itinalaga ayon sa pangalan. Sa unang araw ng ikasampung buwan sila ay umupo upang suriin ang pangyayari.
17 At sa pagdating ng unang araw ng unang buwan sila ay dumating sa katapusan ng lahat ng mga lalaking nag-asawa ng mga babaing banyaga.
Ang mga Lalaking may Asawang Banyaga
18 Sa mga anak ng mga pari na nag-asawa ng mga babaing banyaga ay natagpuan sina Maasias, Eliezer, Jarib, at Gedalias na mga anak ni Jeshua, na anak ni Jozadak, at ang kanyang mga kapatid.
19 Sila'y nangako na hihiwalayan ang kanilang mga asawa; at ang kanilang handog para sa budhing maysala ay isang lalaking tupa mula sa kawan para sa budhing maysala.
20 Sa mga anak ni Imer: sina Hanani at Zebadias.
21 Sa mga anak ni Harim: sina Maasias, Elias, Shemaya, Jehiel, at Uzias.
22 Sa mga anak ni Pashur: sina Elioenai, Maasias, Ismael, Natanael, Jozabad, at Elasa.
23 At sa mga Levita: sina Jozabad, Shimei, Kelaia (na siya ring Kelita), Petaya, Juda, at Eliezer.
24 Sa mga mang-aawit: si Eliasib; at sa mga bantay-pinto: sina Shallum, Telem, at Uri.
25 Sa Israel; sa mga anak ni Paros: sina Ramia, Izzias, Malkia, Mijamin, Eleazar, Hashabias, at Benaya.
26 Sa mga anak ni Elam: sina Matanias, Zacarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elia.
27 Sa mga anak ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza.
28 Sa mga anak ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai.
29 Sa mga anak ni Bani: sina Mesulam, Malluc, Adaya, Jasub, Seal, at Ramot.
30 Sa mga anak ni Pahat-moab: sina Adna, Cheleal, Benaya, Maasias, Matanias, Besaleel, Binui, at Manases.
31 Sa mga anak ni Harim: sina Eliezer, Issia, Malkia, Shemaya, at Simeon;
32 Benjamin, Malluc, at Shemarias.
33 Sa mga anak ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Shimei.
34 Sa mga anak ni Bani: sina Maadi, Amram, at Uel;
35 Benaya, Bedias, Cheluhi;
36 Vanias, Meremot, Eliasib;
37 Matanias, Matenai, Jaasai;
38 Bani, Binui, Shimei;
39 Shelemias, Natan, Adaya;
40 Macnadbai, Sasai, Sarai;
41 Azarel, Shelemias, Shemarias;
42 Shallum, Amarias, at Jose.
43 Sa mga anak ni Nebo: sina Jehiel, Matithias, Zabad, Zebina, Jadau, Joel, at Benaya.
44 Lahat ng mga ito'y nagsipag-asawa ng mga babaing banyaga, at kanilang pinaalis sila kasama ang kanilang mga anak.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001