Bible in 90 Days
Nagsalita si Bildad
8 Sumagot si Bildad na taga-Shua, 2 “Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan? Nag-iingay ka lang at walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. 3 Hindi maaaring pilipitin ng Makapangyarihang Dios ang katarungan o baluktutin ang katuwiran. 4 Nagkasala ang iyong mga anak laban sa Dios kaya nararapat lamang ang natanggap nilang kaparusahan. 5 Pero kung lalapit ka sa Makapangyarihang Dios, at magmamakaawa sa kanya, 6 at mamumuhay nang malinis at matuwid, kahit ngayon ay agad ka niyang tutulungan at ibabalik sa mabuting kalagayan. 7 At ang kayamanang ibibigay sa iyo ay higit pa kaysa sa kayamanan mo noon.
8 “Tanungin mo ang mga matatanda. Alamin mo kung ano ang natutunan[a] ng kanilang mga ninuno. 9 Sapagkat parang kailan lang tayo ipinanganak at kaunti lang ang ating nalalaman, at ang mga araw natin dito sa mundo ay tulad ng anino na hindi nagtatagal. 10 Pakinggan mo sila, at sasabihin nila sa iyo ang kanilang nalalaman.
11 “Hindi mabubuhay ang halamang tubig kung walang tubig. 12 Mamamatay iyon kahit na pasibol pa lang at hindi pa panahong putulin. 13 Ganyan din ang kahihinatnan ng lahat ng taong tumatalikod sa Dios. Ang kanyang pag-asa ay mawawala. 14 Ang lahat ng inaasahan at pinagtitiwalaan niya ay kasinrupok ng sapot ng gagamba. 15 Kapag sinandalan ito, agad nalalagot; dumidikit ngunit mahina ang kapit. 16 Kung titingnan parang mabuti ang kalagayan niya, parang tanim na sagana sa dilig at sikat ng araw. Yumayabong ito sa buong hardin 17 at kumakapit ang mga ugat nito sa mga bato. 18 Pero kapag nabunot na ito, hindi na pinapansin. 19 Ganyan ang wakas ng buhay niya, at may tanim na tutubong muli sa lugar na kanyang tinubuan.
20 “Ang totoo, hindi itinatakwil ng Dios ang taong matuwid at hindi niya tinutulungan ang taong masama. 21 Patatawanin ka niyang muli, at pasisigawin sa kagalakan. 22 Ipapahiya niya ang mga napopoot sa iyo at wawasakin ang kanilang sambahayan.”
Sumagot si Job
9 Sumagot si Job,
2 “Totoo ang sinabi mo. Pero paano mapapatunayan ng tao na wala siyang kasalanan sa harapan ng Dios? 3 Kahit na makipagtalo pa siya sa Dios sa hukuman, wala siyang magagawa, dahil sa isang libong katanungan ng Dios, hindi niya masasagot isa man sa mga ito. 4 Marunong at makapangyarihan ang Dios. Sino ang nakipaglaban sa kanya at nagtagumpay?
5 “Walang anu-anoʼy pinauuga niya ang mga bundok at natitibag ito sa tindi ng kanyang galit. 6 Niyayanig niya ang lupa at ang mga pundasyon nito ay nauuga. 7 Kapag inutusan niya ang araw o ang mga bituin, hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag. 8 Tanging siya lang ang nakapaglalatag ng langit at nakapagpapatigil ng alon. 9 Siya ang manlilikha ng grupo ng mga bituin na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades, at mga bituin sa katimugan. 10 Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin. 11 Kapag dumadaan siya sa tabi ko, hindi ko siya nakikita o nararamdaman. 12 Kung may gusto siyang kunin, walang makakapigil sa kanya. At sino ang makakapagreklamo sa mga ginagawa niya? 13 Hindi pinipigil ng Dios ang kanyang galit. Kahit ang mga katulong ng dragon na si Rahab ay yumuyukod sa takot sa kanya. 14 Kaya papaano ko ipagtatanggol ang sarili ko sa Dios? Ano ang mga salitang maaari kong gamitin para makipagtalo sa kanya? 15 Kahit na wala akong kasalanan, hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko. Ang magagawa ko lamang ay magmakaawa sa Dios na aking Hukom. 16 Kahit hilingin kong magkausap kami at pumayag siya, hindi pa rin niya ako pakikinggan. 17 Sapagkat pinapahirapan niya ako na parang sinasalanta ng bagyo, at dinadagdagan pa niya ang paghihirap ko nang walang dahilan. 18 Halos malagot na ang aking hininga dahil sa paghihirap na idinulot niya sa akin. 19 Kung lakas ang pag-uusapan walang tatalo sa kanya! At kung sa hukuman idadaan, sinong makapaghahabla sa kanya? 20 Kahit na wala akong kasalanan, paparusahan pa rin ako dahil sa mga sinabi ko. 21 Kahit na wala akong kapintasan, wala na itong halaga sa akin ngayon. Kinamumuhian ko na ang aking buhay. 22 Pareho lang naman ang kapalaran ng matuwid at masama. Lahat sila ay mamamatay. 23 Kapag biglang namatay sa kalamidad ang matuwid, natatawa lang siya. 24 Ipinagkatiwala niya ang mundo sa masasama. Tinatakpan niya ang mata ng mga hukom para hindi sila humatol ng tama. Kung hindi siya ang gumagawa nito, sino pa kaya?
25 “Madaling lumipas ang mga araw sa buhay ko; mas mabilis pa ito kaysa sa mananakbo. Lumilipas ito nang walang nakikitang kabutihan. 26 Dumadaan ito na kasimbilis ng isang matuling sasakyang pandagat o ng agilang dumadagit ng pagkain. 27 Kahit tumigil na ako sa pagdaing at pagdadalamhati at akoʼy ngumiti na, 28 nananaig pa rin sa akin ang takot sa mga paghihirap na maaaring dumating sa akin. Dahil alam kong hindi niya ako ituturing na walang kasalanan. 29 Yaman din lamang na itinuring na niya akong may kasalanan, wala nang halaga na ipagtanggol ko pa ang aking sarili. 30 Kahit sabunan ko pa ang aking buong katawan para luminis, 31 ilulubog pa rin niya ako sa maputik na hukay, upang kahit ang sarili kong damit ay ikahiya ako. 32 Hindi tao ang Dios na katulad ko; hindi ko siya kayang sagutin o isakdal man sa hukuman. 33 Mayroon sanang mamagitan sa amin para pagkasunduin kaming dalawa, 34 at mapatigil sana niya ang pagpalo ng Dios sa akin, para hindi na ako matakot. 35 Kung magkagayoʼy makakausap ko na ang Dios nang walang takot, pero sa ngayon hindi ko pa ito magagawa.”
10 “Kinasusuklaman ko ang buhay ko, kaya dadaing ako hanggaʼt gusto ko. Sasabihin ko ang aking sama ng loob. 2 Ito ang sasabihin ko sa Dios: ‘Huwag nʼyo akong hatulan na masama ako. Sabihin nʼyo sa akin kung ano ang kasalanan ko sa inyo. 3 Natutuwa ba kayo na pinahihirapan nʼyo ako? Bakit nʼyo itinatakwil ang inyong nilikha, at sinasang-ayunan naman ang binabalak ng masama? 4 Ang paningin nʼyo baʼy tulad ng paningin ng tao? 5 Ang buhay nʼyo baʼy kasing-ikli ng buhay ng tao? 6 Bakit pilit nʼyo akong hinahanapan ng kasalanan? 7 Alam nʼyong wala akong kasalanan, pero sino ang makapagtatanggol sa akin mula sa inyong kamay?
8 “ ‘Kayo ang gumawa at humubog sa akin, at ngayon kayo rin ang sisira sa akin. 9 Alalahanin ninyong akoʼy hinubog nʼyo mula sa lupa[b] at ngayon baʼy ibabalik nʼyo na ako sa lupa? 10 Hindi baʼt kayo ang humubog sa akin mula sa sinapupunan ng aking ina na parang keso na hinubog mula sa gatas? 11 Binuo nʼyo ang aking mga buto at litid, at saka binalutan ng laman at balat. 12 Pagkatapos, binigyan nʼyo ako ng buhay, pinakitaan ng kabutihan at iningatan. 13 Pero nalaman ko na ang tunay ninyong plano sa akin 14 ay ang bantayan ako kung magkakasala ako at kapag nangyari iyon, hindi nʼyo ako patatawarin. 15 Nagkasala man ako o hindi, pareho lang naman na nakakaawa ako, dahil sa labis na kahihiyan at paghihirap na dinaranas ko. 16 Pinagsisikapan kong bumangon, pero para kayong leon na nakaabang sa akin. Ginagamit nʼyo ang inyong kapangyarihan laban sa akin. 17 Patuloy nʼyo akong isinasakdal at lalo kayong nagagalit sa akin. Walang tigil nʼyo akong nilulusob.
18 “ ‘Bakit niloob nʼyo pa na isilang ako? Sanaʼy namatay na lang ako at wala nang nakakita sa akin. 19 Hindi na lang sana ako nilikha. Namatay na lang sana ako bago isinilang at itinuloy sa libingan. 20 Maikling panahon na lang ang natitira sa akin, kaya hayaan nʼyo na lang ako para kahit saglit man lang ay sumaya naman ako, 21 bago ako pumunta sa lugar na malungkot at madilim, at hindi na ako makakabalik pa rito. 22 Napakadilim sa lugar na iyon; palaging gabi at walang liwanag, at naghahari doon ang kaguluhan.’ ”
Nagsalita si Zofar
11 Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama,
2 “Hindi dapat palampasin itong mga sinabi mo. Hindi mapapatunayan ng isang tao na wala siyang kasalanan sa pamamagitan lang ng kanyang mga salita. 3 Sa tingin mo baʼy mapapatahimik kami ng mga sinasabi mong walang saysay? Akala mo baʼy hindi ka namin sasawayin sa iyong panunuya? 4 Sinasabi mong tama ang iyong paniniwala at matuwid ka sa paningin ng Dios. 5 Magsalita sana ang Dios laban sa iyo, 6 at sabihin sa iyo ang mga bagay na hindi mo pa alam. May mga bagay na alam mo na at may mga bagay ding hindi mo pa alam. Alam mo bang ang parusa ng Dios sa iyo ay kulang pa sa nararapat sa iyo?
7 “Kaya mo bang unawain ang lahat-lahat tungkol sa Dios? 8-9 Mas mataas pa ito kaysa sa langit at mas malalim pa kaysa sa lugar ng mga patay. Mas malawak pa ito kaysa sa mundo at mas maluwang pa kaysa sa dagat. Maihahambing mo kaya ang karunungan mo sa kanya?
10 “Halimbawang dakpin ka ng Dios, iharap sa hukuman at ipakulong, may makakapigil ba sa kanya? 11 Alam niya kung sino ang mga mandaraya at hindi lingid sa kanya ang kanilang kasamaan. 12 Ang mangmang ay imposibleng maging marunong gaya ng asnong-gubat na imposibleng manganak ng tao.
13 “Job, kung magsisisi ka at lalapit sa Dios, 14 at tatalikuran ang iyong mga kasalanan, at kung pati ang sambahayan mo ay magsisisi sa kanilang kasalanan, 15 tiyak na hindi ka na mapapahiya, tatatag ang iyong pamumuhay at wala ka nang katatakutan. 16 Makakalimutan mo na rin ang iyong paghihirap na parang tubig na umagos lang at nawala. 17 At ang buhay moʼy magiging mas maliwanag pa kaysa sa sikat ng araw sa katanghaliang tapat. At ang dati mong buhay na madilim ay magiging maliwanag na parang umaga. 18 Mapapanatag ang buhay mo dahil may bago kang pag-asa. Iingatan ka ng Dios at makapagpapahinga ka ng walang kinatatakutan. 19 Matutulog ka ng walang mananakot sa iyo, at marami ang hihingi ng tulong sa iyo. 20 Pero ang masasama ay mabibigo at walang patutunguhan. At ang tanging pag-asa nila ay kamatayan.”
Sumagot si Job
12 Sumagot si Job, 2 “Ang akala nʼyo baʼy kayo lang ang marunong at wala nang matitirang marunong kapag namatay kayo? 3 Ako man ay marunong din gaya ninyo; hindi kayo nakahihigit sa akin. Alam ko rin ang lahat ng sinasabi ninyo. 4 Pero naging katawa-tawa ako sa aking mga kaibigan, kahit na matuwid ako at walang kapintasan, at kahit sinagot ng Dios ang mga dalangin ko noon. 5 Ang mga taong naghihirap na gaya ko na tila mabubuwal ay kinukutya ng mga taong walang problema. 6 Pero ang mga tulisan at ang mga taong ginagalit ang Dios ay namumuhay ng payapa gayong ang dinidios nilaʼy ang sarili nilang kakayahan.
7-8 “Matututo ka sa ibaʼt ibang hayop – ang lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang lumalangoy. 9 Sapagkat alam nila na ang Panginoon ang may gawa nito.[c] 10 Nasa kamay niya ang buhay o hininga ng bawat nilalang, pati na ng tao. 11 Kung alam ng dila ng tao kung alin ang masarap o hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga ng tao kung alin ang mabuti o masamang salita. 12 Maraming alam sa buhay ang matatanda, dahil habang tumatagal ang buhay nila, lalong dumarami ang kanilang nalalaman.
13 “Pero ang Dios ay hindi lang nagtataglay ng karunungan, nasa kanya rin ang kapangyarihan, at siya lang ang nakakaunawa kung ano ang dapat gawin. 14 Walang makapag-aayos ng kanyang sinisira, at walang makapagpapalaya sa kanyang ikinukulong. 15 Kung pipigilin niya ang ulan, matutuyo ang lupa, at kung ibubuhos naman niya ito, babahain ang lupa. 16 Makapangyarihan siyaʼt matagumpay, at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang mandaraya at ang dinadaya. 17 Inaalisan niya ng karunungan ang mga tagapayo, at ginagawang mangmang ang mga hukom. 18 Pinaaalis niya ang mga hari sa kanilang trono at ipinabibihag. 19 Tinatanggal niya sa tungkulin ang mga pari at ang mga taong may kapangyarihan. 20 Pinatatahimik niya ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo at inaalis ang karunungan ng matatanda. 21 Hinahamak niya ang mga mararangal na tao at inaalisan ng kakayahan ang mga may kapangyarihan. 22 Ang mga lihim ay kanyang inihahayag, at ang madilim ay pinapalitan ng liwanag. 23 Pinalalakas niya ang mga bansa at pinapalawak ang kanilang teritoryo, pero ibinabagsak din niya ito at winawasak. 24 Ginagawa niyang mangmang ang kanilang mga pinuno at inililigaw sila sa ilang. 25 Kaya para silang bulag na kumakapa sa dilim at sumusuray-suray na parang lasing.
13 “Nakita koʼt napakinggan ang lahat ng sinabi ninyo, at itoʼy aking naunawaan. 2 Ang alam ninyo ay alam ko rin. Hindi kayo nakahihigit sa akin. 3 Pero hindi na ako makikipagtalo sa inyo tungkol sa kalagayan ko. Sa Makapangyarihang Dios ko na lang ito idudulog. 4 Sapagkat pinagsisikapan ninyong gamutin ako ng kasinungalingan. Lahat kayoʼy parang manggagamot na walang silbi. 5 Mas mabuti pang tumahimik na lang kayo. Iyan ang pinakamabuti nʼyong gawin.
6 “Pakiusap naman! Pakinggan ninyo ang katuwiran ko. 7 Ipagtatanggol nʼyo ba ang Dios sa pamamagitan ng pagsisinungaling? 8 Kumakampi ba kayo sa kanya? Ipagtatanggol ba ninyo siya? 9 Kung siyasatin kaya kayo ng Dios, may kabutihan kaya siyang makikita sa inyo? Huwag ninyong isipin na madadaya ninyo siya tulad ng pandaraya ninyo sa mga tao. 10 Tiyak na sasawayin kayo ng Dios kahit na kinakampihan ninyo siya. 11 Hindi ba kayo natatakot sa kapangyarihan niya? 12 Ang mga binabanggit nʼyong kasabihan ay walang kabuluhan; itoʼy parang abo. Ang mga katuwiran nʼyo ay marupok gaya ng palayok.
13 “Tumahimik kayo habang nagsasalita ako, at anuman ang mangyari sa akin, bahala na. 14 Nakahanda akong itaya ang buhay ko. 15 Tiyak na papatayin ako ng Dios; wala na akong pag-asa. Pero ipagtatanggol ko pa rin ang aking sarili sa kanya. 16 Baka sakaling sa pamamagitan nito ay maligtas ako, dahil walang masamang tao na makakalapit sa kanya.
17 “Pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 18 Ngayong handa na akong ipagtanggol ang sarili ko; alam kong mapapawalang-sala ako. 19 Sino ang makapagpaparatang na nagkasala ako? Kung mayroon nga, mananahimik na lang ako hanggang sa mamatay.
20 “O Dios, dalawang bagay lang ang hinihiling ko sa inyo, na kung ibibigay nʼyo sa akin ay hindi na ako magtatago sa inyo: 21 Tigilan nʼyo na ang pagpaparusa sa akin at huwag nʼyo na akong takutin ng mga nakakatakot na parusa ninyo. 22 Kausapin nʼyo ako at sasagot ako, o kayaʼy ako ang magsasalita sa iyo at sagutin nʼyo ako. 23 Anu-ano po ba ang mga nagawa kong pagkakamali at kasalanan? Sabihin nʼyo po sa akin ang aking pagkakamali at mga kasalanan. 24 Bakit umiiwas kayo sa akin at itinuturing nʼyo akong kaaway? 25 Bakit nʼyo ako tinatakot at hinahabol? Para lang akong dahon o tuyong ipa na tinatangay ng hangin. 26 Inililista nʼyo ang mabibigat na paratang laban sa akin at isinasama nʼyo pa ang lahat ng kasalanan ko noong bata pa ako. 27 Para nʼyong ikinadena ang aking mga paa. Bawat hakbang koʼy binabantayan nʼyo, at pati bakas ng paa koʼy sinusundan ninyo. 28 Kaya para na akong isang bagay na nabubulok o isang damit na sinisira ng amag.
14 “Ang buhay ng tao ay maikli lamang at puno ng kahirapan. 2 Ang katulad nito ay isang bulaklak, namumukadkad pero agad nalalanta. Katulad din ito ng aninong biglang nawawala. 3 Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan nang ganito ang tao? Gusto nʼyo pa ba siyang[d] hatulan sa inyong hukuman? 4 May tao bang nabubuhay na lubusang matuwid? Wala! Sapagkat ang lahat ay ipinanganak na makasalanan. 5 Sa simula paʼy itinakda nʼyo na kung gaano kahaba ang itatagal ng buhay ng isang tao. At hindi siya lalampas sa itinakda nʼyong oras sa kanya. 6 Kaya hayaan nʼyo na lamang siya para makapagpahinga naman siya katulad ng isang manggagawa pagkatapos magtrabaho.
7 “Kapag pinutol ang isang puno, may pag-asa pa itong mabuhay at tumubong muli. 8 Kahit na matanda na ang ugat nito at patay na ang tuod, 9 tutubo itong muli na parang bagong tanim kapag nadiligan. 10 Pero kapag ang taoʼy namatay, mawawala na ang lakas niya. Pagkalagot ng hininga niya, iyon na ang wakas niya. 11 Kung papaanong bumababa ang tubig sa dagat at natutuyo ang mga ilog, 12 gayon din naman, ang taoʼy namamatay at hindi na makakabangon pa o magigising sa kanyang pagkakatulog hanggang sa maglaho ang langit.
13 “Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala ang galit nʼyo sa akin, at saka nʼyo ako alalahanin sa inyong itinakdang panahon. 14 Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa kaya ito? Kung ganoon, titiisin ko ang lahat ng paghihirap na ito hanggang sa dumating ang oras na matapos ito. 15 At sa oras na tawagin nʼyo ako, Panginoon, sasagot ako, at kasasabikan nʼyo ako na inyong nilikha. 16 Sa mga araw na iyon, babantayan nʼyo pa rin ang aking mga ginagawa, pero hindi nʼyo na aalalahanin pa ang aking mga kasalanan. 17 Parang ipinasok nʼyo ito sa bag at tinakpan para hindi nʼyo na makita.
18 “Pero kung papaanong gumuguho ang mga bundok at nahuhulog ang mga bato mula sa kanilang kinalalagyan, 19 at kung paanong nagiging manipis ang bato sa patuloy na pag-agos ng tubig, at gumuguho ang lupa dahil sa malakas na ulan, ganyan nʼyo rin sinisira ang pag-asa ng tao. 20 Nilulupig nʼyo siyang lagi at namamatay siya, at binabago nʼyo ang mukha niya kapag patay na siya. 21 Hindi na niya malalaman kung ang mga anak niyaʼy nagtamo ng karangalan o kahihiyan. 22 Ang tanging madarama na lang niya ay ang sarili niyang paghihirap at kalungkutan.”
Nagsalita si Elifaz
15 Sumagot si Elifaz na taga-Teman, 2 “Job, ang taong marunong ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan. 3 Hindi siya nakikipagtalo sa mga salitang walang saysay. 4 Pero ang mga sinasabi moʼy magtutulak sa tao upang mawalan ng paggalang sa Dios at magiging hadlang sa paglilingkod sa kanya. 5 Ang sinasabi mo ay bunga ng iyong kasamaan. At dinadaya mo ang iba sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi. 6 Hindi na kailangang hatulan pa kita, dahil ang iyong mga sinasabi mismo ang nagpapatunay laban sa iyo. 7 Akala mo baʼy ikaw ang unang isinilang? Ipinanganak ka na ba bago nilikha ang mga bundok? 8 Narinig mo na ba ang mga plano ng Dios? Ikaw lang ba ang marunong? 9 Ano bang alam mo na hindi namin alam? At ano ang naunawaan mo na hindi namin naunawaan? 10 Natuto kami sa matatanda na mas matanda pa kaysa sa iyong ama. 11 Sinabi namin sa iyo ang mga salitang mula sa Dios na makapagbibigay ng lakas at aliw sa iyo. Hindi pa ba sapat iyon? 12 Bakit nagpapadala ka sa iyong damdamin? Nabubulagan ka na ba sa katotohanan 13 para magalit ka sa Dios at magsalita ng masama laban sa kanya? 14 Kaya ba ng isang tao na mamuhay ng malinis at matuwid sa paningin ng Dios? 15 Ni hindi nga lubusang nagtitiwala ang Dios sa mga anghel niya. Kung ang mga nilalang niyang ito na nasa langit ay hindi lubusang malinis sa kanyang paningin, 16 ang tao pa kaya na ipinanganak na masama at makasalanan, at uhaw sa paggawa ng masama?
17 “Job, pakinggan mo ako. Sasabihin ko sa iyo at ipapaliwanag ang mga naranasan ko. 18 May masasabi rin tungkol dito ang mga marurunong na tao na natuto sa kanilang mga ninuno. 19 Sila lang ang nagmamay-ari ng kanilang lupain, at walang dayuhang sumakop sa kanila.
20 “Ang taong masama ay maghihirap habang buhay. 21 Palagi siyang kinakabahan kahit na walang panganib, dahil iniisip niya na baka salakayin siya ng mga tulisan. 22 Takot din siyang pumunta sa dilim dahil baka may pumatay sa kanya. 23 Kung saan-saan siya naghahanap ng pagkain. Alam niyang malapit nang dumating ang kapahamakan.[e] 24 Kaya labis ang kanyang pagkatakot, katulad ng hari na naghahanda sa pagsalakay sa kanyang mga kaaway. 25 Nangyayari ito sa kanya dahil nagrerebelde at sumusuway siya sa Makapangyarihang Dios. 26 Para siyang nakahawak sa matibay na kalasag at handang kalabanin ang Dios. 27 Kahit mataba at mayaman siya ngayon, 28 titira siya sa mga gibang bayan, sa mga bahay na walang nakatira at malapit nang gumuho. 29 Hindi na dadami ang kanyang kayamanan, at ang mga natitira niyang yaman at ari-arian ay hindi na magtatagal. 30 Hindi siya makakatakas sa kapahamakan.[f] Magiging tulad siya ng puno na ang mga sangaʼy masusunog. Lahat ng ari-arian niya ay mawawala sa isang ihip lamang ng Dios. 31 Huwag sana niyang dayain ang sarili niya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga bagay na walang kabuluhan, dahil wala siyang makukuha sa mga iyon. 32 Maagang darating sa kanya ang kanyang parusa at hindi na siya uunlad pa.[g] 33 At magiging tulad siya ng ubas na nalalagas ang mga hilaw na bunga o katulad ng olibo na nalalagas ang mga bulaklak. 34 Sapagkat mamamatay ng walang lahi ang mga taong walang takot sa Dios. At ang mga bahay na itinayo nila mula sa mga suhol ay masusunog. 35 Ang lagi nilang iniisip ay ang manggulo, gumawa ng masama, at mandaya.”
Sumagot si Job
16 Sumagot si Job, 2 “Napakinggan ko na iyan noon pa. Sa halip na aliwin ninyo ako, lalo nʼyo pang pinabigat ang paghihirap ko. 3 Hindi na ba kayo titigil sa pagsasalita ng walang kabuluhan? Ano bang gumugulo sa isipan nʼyo at wala kayong tigil sa pakikipagtalo sa akin? 4 Kung kayo ang nasa kalagayan ko, masasabi ko rin ang katulad ng mga sinasabi ninyo sa akin. Pagsasabihan ko kayo at kukutyain pa. 5 Pero hindi ko gagawin iyon. Sa halip, magsasalita ako ng mga salitang makapagpapalakas at makapagpapaaliw sa inyo. 6 Ngunit sa ngayon, patuloy pa rin ang paghihirap ko kahit ano pa ang sabihin ko. At kung tumahimik man ako, hindi rin ito mawawala.
7 “O Dios, pinanghina nʼyo ako at winasak ang buong sambahayan ko. 8 Pinapayat nʼyo ako; butoʼt balat na lang ako, at ayon sa iba ito ang katunayan na akoʼy nagkasala. 9 Sa galit nʼyo, O Dios, sinalakay nʼyo ako. Para kayong mabangis na hayop na lumuray ng aking laman. Nagngangalit ang inyong ngipin at tinititigan nʼyo ako na parang akoʼy inyong kaaway.
10 “Kinukutya ako at pinagtatawanan ng mga tao. Sinasampal para hiyain. Nagkaisa sila laban sa akin. 11 Ipinaubaya ako ng Dios sa kamay ng taong masasama at makasalanan. 12 Maganda ang kalagayan ko noon, pero sinira niya ako. Hinawakan niya ako sa leeg, inilugmok, at ginawa niya akong puntiryahan. 13 Pinalibutan ako ng mga tagapana niya at walang awang pinagpapana. Tinamaan ang aking bato, at ang apdo koʼy bumulwak sa lupa. 14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan. Sinasalakay niya akong parang mandirigma. 15 Nagdamit ako ng sako at naupo sa lupa para magluksa. 16 Namumula na ang mukha ko at namumugto na ang mga mata sa kakaiyak. 17 Wala akong nagawang kasalanan at tapat ang aking panalangin.
18 “Ang katulad koʼy isang taong pinatay na nakikiusap sa lupa na huwag tatabunan ang kanyang dugo hanggaʼt hindi niya nakakamtan ang katarungan. 19 Kahit ngayon ang saksi[h] koʼy nasa langit. Siya ang magpapatunay na wala akong kasalanan. 20 Hinahamak ako ng mga kaibigan ko; pero umiiyak ako sa Dios at humihingi ng tulong sa kanya. 21 Ang saksi ko ang siyang magmamakaawa sa Dios para sa akin, katulad ng taong nakikiusap para sa kanyang kaibigan. 22 Sapagkat malapit na akong pumanaw at hindi na babalik pa.
17 “Malapit na akong mamatay; parang malalagot na ang hininga ko. Nakahanda na ang libingan para sa akin. 2 Napapaligiran ako ng mga mangungutya. Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain. 3 O Dios, tulungan nʼyo po ako na makalaya. Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin. 4 Isinara nʼyo ang isipan ng aking mga kaibigan para hindi sila makaunawa. Kaya huwag ninyong payagan na magtagumpay sila sa kanilang mga paratang sa akin. 5 Katulad sila ng taong nandadaya sa kanyang mga kaibigan para magkapera, at ito ang magiging dahilan ng paghihirap[i] ng kanyang mga anak.
6 “Ginawa akong katawa-tawa ng Dios sa mga tao at dinuraan pa nila ang mukha ko. 7 Nagdilim na ang paningin ko dahil sa matinding kalungkutan; halos butoʼt balat na ako, at halos kasingnipis na ng anino. 8 Ang mga taong nag-iisip na sila ay matuwid ay nagtataka sa nangyaring ito sa akin. Akala nilaʼy masama ako at hindi makadios. 9 Para sa kanila ang matuwid ay matatag ang pamumuhay at lalo pang nagiging matatag. 10 Pero hinahamon ko sila na minsan pa nila akong siyasatin. At tiyak na matutuklasan kong wala kahit isa sa kanila ang nakakaunawa. 11 Malapit nang matapos ang mga araw ko. Bigo ang mga plano koʼt hinahangad. 12 Pero sinasabi ng iba na baka sakaling maging mabuti rin ang kalagayan ko sa hinaharap, dahil sa kabila raw ng dilim ay may liwanag. 13 Ngunit kung ako man ay may pag-asa pa, doon ito sa lugar ng mga patay kung saan ako titira. At nais ko nang ilagay ang higaan ko sa madilim na lugar na iyon. 14 Ituturing kong ama ang libingan ko at ang mga uod ang siya kong ina at babaeng kapatid. 15 May pag-asa pa kaya ako? Sinong makapagsasabi na may pag-asa pa ako? 16 Kasama kong malilibing ang pag-asa ko. Magkakasama kami roon sa ilalim ng lupa.”
Nagsalita si Bildad
18 Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,
2 “Job, hanggang kailan ka ba magsasalita ng ganyan? Ayusin mo ang sinasabi mo at saka kami makikipag-usap sa iyo. 3 Ang tingin mo ba sa amin ay para kaming mga hayop na hindi nakakaunawa? 4 Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo, pababayaan na ng Dios ang mundo o ililipat niya ang mga bato mula sa kinaroroonan nila?
5 “Sa totoo lang, ang taong masama ay tiyak na mamamatay. Ang tulad niyaʼy ilaw na hindi na magbibigay ng liwanag. 6 Magdidilim sa kinaroroonan niya, dahil mamamatay ang ilawang malapit sa kanya. 7 Noon ay may katatagan siya pero ngayon ay bumabagsak. Ang sarili niyang plano ang siya ring sisira sa kanya. 8 Siya mismo ang lumakad papunta sa bitag at nahuli siya. 9 Hindi na maalis doon ang mga paa niya. 10 Inilagay ang bitag sa dinadaanan niya, at tinabunan ng lupa. 11 Napapaligiran siya ng mga bagay na kinatatakutan niya at para bang hinahabol siya ng mga ito saanman siya pumunta. 12 Dahil sa pagkagutom, unti-unting nababawasan ang lakas niya. At ang kapahamakan ay nakahanda para ipahamak siya. 13 Ang balat niyaʼy sinisira ng nakakamatay na sakit at nabubulok ang kanyang mga paaʼt kamay. 14 Pinaalis siya sa tahanang kanlungan niya at dinala sa harap ng nakakatakot na hari. 15 Mawawala ang tirahan ng masama dahil masusunog iyon sa nagniningas na asupre. 16 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na natuyo ang mga ugat at mga sanga. 17 Makakalimutan siya ng lahat dito sa daigdig at wala nang makakaalala pa sa kanya. 18 Palalayasin siya mula rito sa maliwanag na daigdig patungo sa madilim na lugar ng mga patay. 19 Wala siyang magiging anak o apo at walang matitirang buhay sa pamilya[j] niya. 20 Ang mga tao sa saanmang lugar[k] ay magtataka at matatakot sa mga nangyayari sa kanya. 21 Ganyan nga ang sasapitin ng taong masama na hindi kumikilala sa Dios.”
Sumagot si Job
19 Muling sumagot si Job,
2 “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo? 3 Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin? 4 Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon. 5 Ang akala ninyoʼy matuwid kayo kaysa sa akin, at iniisip ninyong ang mga paghihirap koʼy nagpapatunay na nagkasala ako. 6 Pero ang Dios ang may gawa nito sa akin. Siya ang naglagay ng bitag sa palibot ko.
7 “Tumawag ako at humingi ng tulong pero walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan pero walang nagbigay sa akin. 8 Hinarangan ng Dios ang dinadaanan ko para hindi ako makadaan. Tinakpan din niya ito ng kadiliman. 9 Kinuha niya ang kayamanan ko pati na ang aking karangalan. 10 Pinahirapan niya ako saanman ako bumaling na halos ikamatay ko na. Inalis niya ang pag-asa ko na parang punongkahoy na binunot. 11 Labis ang galit niya sa akin at itinuring niya akong kaaway. 12 Parang pinadalhan niya ako ng mga sundalo upang salakayin at palibutan ang aking tolda.
13 “Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak;[l] at nilayuan na ako ng aking mga kakilala. 14 Wala na ang lahat ng taong malapit sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako. 15 Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan. 16 Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, makiusap man ako. 17 Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin. 18 Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako,[m] pinagtatawanan nila ako. 19 Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin. 20 Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na.
21 “Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Dios. 22 Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Dios sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin? 23 Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko, 24 o di kayaʼy iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman.
25 “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya rito sa lupa para ipagtanggol ako. 26 Pagkaalis ko sa katawang ito at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Dios.[n] 27 Makikita ko siya nang harapan at hindi na siya iba sa akin. Labis na akong nananabik na makita siya.
28 “Kung patuloy ninyo akong pararatangan na akoʼy naghihirap dahil sa aking kasalanan, 29 tiyak na darating sa inyo ang nakakatakot na parusa ng Dios. Parurusahan niya kayo dahil sa galit niya. Saka ninyo malalaman na hinatulan kayo ng Dios.”
Nagsalita si Zofar
20 Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama, 2 “Kailangang magsalita na ako dahil hindi ako mapakali. 3 Sinaway mo ako ng may halong pangungutya at may nag-uudyok sa isip kong ikaw ay sagutin.
4 “Tiyak na alam mo na mula pa noong unang panahon, simula nang likhain ang tao sa mundo, 5 ang ligaya ng taong masama ay sandali lang. Totoong hindi nagtatagal ang kasiyahan ng taong hindi naniniwala sa Dios. 6 Kahit na kasintaas ng langit at ulap ang tingin niya sa kanyang sarili, 7 mawawala rin siya magpakailanman katulad ng kanyang dumi. Ang mga kakilala niyaʼy magtataka kung nasaan na siya. 8 Mawawala siya na parang isang panaginip o pangitain sa gabi at hinding-hindi na matatagpuan. 9 Hindi na siya makikita ng mga nakakakilala sa kanya at mawawala siya sa dati niyang tirahan. 10 Ang mga anak niya ang magbabayad ng mga ninakaw niya sa mga dukha. 11 Malakas at bata pa siyang mamamatay at ililibing.
12 “Ang paggawa niya ng masama ay parang pagkaing matamis sa kanyang bibig 13 na nginunguyang mabuti at ninanamnam. 14 Pero pagdating sa tiyan, ito ay nagiging maasim at lalason sa kanya na parang kamandag ng ahas. 15 Isusuka niyang parang pagkain ang kayamanang ninakaw niya. Ipapasuka ito ng Dios sa kanya kahit itoʼy nasa tiyan na niya. 16 Sisipsipin niya ang kamandag ng mga ahas at ang pangil[o] ng ahas ang papatay sa kanya. 17 Hindi na niya matitikman ang saganang langis, gatas, at ang pulot na dumadaloy na parang batis o ilog. 18 Hindi siya gagantimpalaan para sa kanyang pinaghirapan o matutuwa man sa kanyang kayamanan. 19 Sapagkat inapi niya at pinabayaan ang mga dukha, at inagaw ang mga bahay na hindi sa kanya.
20 “Hindi niya mapapakinabangan ang kanyang pinaghirapan. Lahat ng magugustuhan niya ay hindi makakaligtas sa kanya. 21 Wala ng matitira sa kanya na makakain niya dahil mawawala ang kanyang kayamanan. 22 Sa kanyang kasaganaan, darating sa kanya ang kahirapan. Labis na paghihirap nga ang darating sa kanya. 23 Bubusugin siya ng Dios ng paghihirap. Patitikimin siya ng Dios ng kanyang matinding galit, at pauulanan ng parusa. 24 Maaaring makatakas siya sa sandatang bakal pero tatamaan din siya ng panang tanso. 25 Tutusok ito sa kanyang apdo at tatagos sa kanyang katawan. At makakaramdam siya ng takot. 26 Mawawala ang kanyang kayamanan sa kadiliman. Susunugin siya ng apoy na hindi tao ang nagpaningas, pati na ang lahat ng naiwan sa kanyang tirahan.[p] 27 Ihahayag ng langit ang mga kasalanan niya at sasaksi naman ang lupa laban sa kanya. 28 Tatangayin ng baha ang bahay niya sa araw na ibuhos ng Dios ang kanyang galit. 29 Iyan ang kapalaran ng taong masama ayon sa itinakda ng Dios sa kanya.”
Nagsalita si Job
21 Sumagot si Job, 2 “Pakinggan ninyo akong mabuti upang mapasaya rin ninyo ako. 3 Makinig kayo habang nagsasalita ako at kapag akoʼy tapos na, tuyain ninyo ako kung gusto ninyo.
4 “Ang hinaing koʼy hindi laban sa tao kundi sa Dios. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasensya ko. 5 Tingnan ninyo ako. Sa nakita ninyo sa akin makakapagsalita pa ba kayo? 6 Kung iisipin ko ang mga nangyayari sa akin, manginginig ako sa takot.
7 “Bakit patuloy na nabubuhay ang mga masama? Tumatanda sila at nagiging maunlad. 8 Nakikita nila ang paglaki ng kanilang mga anak at apo. 9 Namumuhay sila sa kanilang tahanan na ligtas sa panganib at walang kinatatakutan. Hindi sila pinaparusahan ng Dios. 10 Walang tigil ang panganganak ng kanilang mga baka at hindi ito nakukunan. 11 Marami silang anak, parang kawan ng tupa sa dami.[q] Nagsasayawan sila, 12 nag-aawitan, at nagkakatuwaan sa tugtog ng tamburin, alpa at plauta. 13 Namumuhay sila sa kasaganaan at payapang namamatay. 14 Pero sinasabi nila sa Dios, ‘Pabayaan mo kami! Ayaw naming malaman ang iyong mga pamamaraan. 15 Sino kang Makapangyarihan na dapat naming paglingkuran? At ano ba ang mapapala namin kung mananalangin kami sa iyo?’ 16 Pero ang totoo, ang pag-unlad nilaʼy hindi galing sa sarili nilang pagsisikap. Kaya anuman ang ipapayo ng masasamang taong ito ay hindi ko tatanggapin.
17 “Pero madalang ang taong masasama na namamatay. Bihirang dumating sa kanila ang kahirapan o parusang ipinapadala ng Dios dahil sa kanyang galit. 18 Bihira nilang maranasan ang mapalayas tulad ng ipa na tinatangay ng malakas na hangin. 19 Sinasabi ninyo na kapag hindi sila parurusahan ng Dios ang mga anak nila ang parurusahan. Pero sa ganang akin, ang nagkasala ang siyang dapat parusahan ng Dios para maranasan nila 20 at makita ang kanilang kapahamakan. Matikman sana nila ang galit ng Makapangyarihang Dios. 21 Kapag patay na sila, hindi na nila malalaman ang mga nangyayari sa kanilang sambahayan.
22 “Matuturuan ba ng tao ang Dios, na siya ngang pinakamataas na hukom? 23 May mga taong namamatay sa gitna ng kasaganaan at panatag na kalagayan, 24 at malusog na pangangatawan. 25 May mga tao ring namamatay sa kahirapan, at hindi nakaranas ng kahit kaunting kaginhawahan sa buhay. 26 Pero pareho rin silang ililibing sa lupa at kakainin ng mga uod.
27 “Alam ko kung ano ang nasa isip ninyo. Alam ko kung ano ang binabalak ninyo laban sa akin. 28 Sasabihin ninyo sa akin ang tungkol sa mga taong mayaman na nawasak ang tahanan dahil sa kanilang kasamaan. 29 Pero tanungin mo ang mga dumadaan at pakinggan ang sinasabi nila. Sapagkat sasabihin nila sa inyo na 30 palaging naliligtas ang masasamang tao sa araw ng pagpaparusa ng Dios. 31 Walang hayagang sumasaway sa taong masama. Walang gumaganti sa masama niyang ginawa. 32-33 At kapag namatay siya at inihatid sa kanyang huling hantungan, marami ang nakikipaglibing. Tinatanggap ng lupa ang katawan niya at binibigyan ng kapahingahan. Binabantayan pa ang kanyang libingan.
34 “Kaya paano ninyo ako maaaliw sa pamamagitan ng mga salita ninyong walang kabuluhan? Ang mga sinasabi ninyoʼy walang katotohanan!”
Nagsalita si Elifaz
22 Pagkatapos, sumagot si Elifaz na taga-Teman,
2 “May maitutulong ba ang tao sa Dios, o kahit ang taong marunong? 3 Matutuwa kaya ang Makapangyarihang Dios kung matuwid ka? May mapapala ba siya sa iyo kung walang kapintasan ang buhay mo? 4 Sinasaway ka at hinahatulan ng Dios hindi dahil may takot ka sa kanya, 5 kundi dahil sa sukdulan na ang kasamaan mo at walang tigil ang paggawa mo ng kasalanan. 6 Walang awa mong kinukuha ang damit ng iyong kapwa bilang garantiya sa kanyang utang sa iyo. 7 Hindi mo binibigyan ng tubig ang nauuhaw at hindi mo rin binibigyan ng pagkain ang nagugutom. 8 Ginagamit mo ang iyong kapangyarihan at kadakilaan sa pangangamkam ng lupa. 9 Kapag humihingi sa iyo ng tulong ang mga biyuda, pinauuwi mo silang walang dala. Pinagmamalupitan mo pa pati ang mga ulila. 10 Iyan ang mga dahilan kung bakit napapalibutan ka ng patibong at dumarating sa iyo ang biglang pagkatakot. 11 Iyan din ang mga dahilan kung bakit nadiliman ka at hindi nakakita, at inaapawan pa ng baha.
12 “Ang Dios ay nasa kataas-taasang langit, mas mataas pa sa pinakamataas na bituin. 13 Kaya sinasabi mo, ‘Hindi alam ng Dios ang ginagawa ko. Paano siya makakahatol kung napapalibutan siya ng makapal na ulap? 14 Napapalibutan nga siya ng makapal na ulap, kaya hindi niya tayo makikita habang naglalakad siya sa itaas ng langit.’
15 “Patuloy ka bang susunod sa pag-uugaling matagal ng sinusunod ng taong masasama? 16 Namatay sila nang wala pa sa panahon; katulad sila ng pundasyon ng bahay na tinangay ng baha. 17 Sinabi nila sa Makapangyarihang Dios, ‘Hayaan mo na lamang kami! Ano bang magagawa mo para sa amin?’ 18 Pero ang Dios ang pumuno ng mabubuting bagay sa bahay nila. Kaya anuman ang ipapayo nitong mga taong masama ay hindi ko tatanggapin.
19 “Kapag nakita ng mga taong matuwid at walang kasalanan ang kapahamakan ng mga taong masama, matutuwa sila at magdiriwang. 20 Sasabihin nila, ‘Napahamak na ang mga kaaway natin, at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’
21 “Job, magpasakop ka sa Dios at makipagkasundo ka sa kanya upang pagpalain ka niya. 22 Tanggapin mo ang kanyang mga itinuturo at ingatan mo sa iyong puso ang kanyang mga salita. 23 Kung manunumbalik ka sa Dios na Makapangyarihan, at aalisin ang kasamaan sa sambahayan mo, pagpapalain ka niyang muli. 24 Huwag mong pahalagahan ang iyong kayamanan; ituring mo ito na parang buhangin o batong nasa ilog. 25 At ang Dios na Makapangyarihan ang ituring mong ginto at mamahaling pilak. 26 At saka mo matatagpuan ang kaligayahang nagmumula sa Makapangyarihang Dios, at hindi ka mahihiyang lumapit sa kanya. 27 Manalangin ka sa kanya at didinggin ka niya. Tuparin mo ang iyong mga pangako sa kanya. 28 Anuman ang binabalak mong gawin ay mangyayari at magiging maliwanag ang iyong daan. 29 Kung may taong nanghihina, at kung idadalangin mo sa Dios na palakasin siya, tutulungan niya ang taong iyon. 30 Pati ang mga taong nagkasala ay ililigtas niya sa pamamagitan ng buhay mong matuwid.”
Sumagot si Job
23 Pagkatapos, sinabi ni Job, 2 “Hanggang ngayoʼy labis pa rin ang hinaing ko. Pinahihirapan pa rin ako ng Dios sa kabila ng labis kong pagdaing. 3 Kung alam ko lang kung saan ko siya hahanapin; kung makakapunta lang sana ako sa kinaroroonan niya, 4 sasabihin ko sa kanya ang aking kaso at ilalahad ang aking katuwiran. 5 Gusto kong malaman kung ano ang isasagot niya sa akin at gusto ko ring maintindihan ang sasabihin niya. 6 Makikipagtalo kaya siya sa akin gamit ang kapangyarihan niya? Hindi! Hindi niya iyon gagawin, kundi pakikinggan niya ako. 7 Ang taong matuwid na tulad ko ay maaaring mangatuwiran sa harap ng Dios na aking hukom, at palalayain niya ako nang lubusan.
8-9 “Hinanap ko ang Dios sa kung saan-saan – sa silangan, kanluran, hilaga, at timog, pero hindi ko siya matagpuan. 10 Ngunit alam niya ang ginagawa ko. Pagkatapos na masubukan niya ako, makikita niyang malinis ako tulad ng lantay na ginto. 11 Sinunod ko ang kanyang mga pamamaraan; hindi ko ito sinuway. 12 Sinusunod ko ang kanyang mga utos, at iniingatan ko ito sa aking puso. Pinahahalagahan ko ang mga salita niya ng higit pa sa pang-araw-araw na pagkain ko.
13 “Pero malaya ang Dios na gawin ang nais niyang gawin; walang sinumang makahahadlang sa kanya. 14 Kaya gagawin niya ang binabalak niyang gawin sa akin, at marami pa siyang planong gagawin sa akin. 15 Kaya natatakot ako sa kanya. At kapag iniisip ko ito, lalo akong natatakot. 16 Pinanghihina ako at tinatakot ng Makapangyarihang Dios. 17 Pero hindi ako tumigil sa pagdaing kahit na para akong nababalutan ng kadiliman.
Nagtanong si Job tungkol sa Paghatol ng Dios
24 “Bakit hindi pa itakda ng Dios na Makapangyarihan ang kanyang paghatol sa masasamang tao? Bakit hindi makita ng mga nakakakilala sa kanya ang panahong iyon ng paghatol? 2 Nangangamkam ng lupain ang masasamang tao sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon. Nagnanakaw sila ng mga hayop at isinasama sa sarili nilang mga hayop. 3 Ninanakaw nila ang mga asno ng mga ulila, at kinukuha nila ang baka ng biyuda bilang sangla sa utang. 4 Inaapi nila ang mga dukha kaya napipilitang magtago ang mga ito. 5 Naghahanap sila ng kanilang pagkain sa ilang na parang mga asnong-gubat, dahil wala silang ibang lugar na mapagkukunan ng pagkain para sa kanilang mga anak. 6 Namumulot sila ng mga tirang bunga sa mga bukid, pati na sa ubasan ng taong masama. 7 Sa gabiʼy natutulog silang giniginaw dahil wala silang damit o kumot man lamang. 8 Nababasa sila ng ulan sa mga kabundukan, at sumisiksik na lang sa mga siwang ng bato dahil walang masilungan.
9 “Kinukuha ng taong masasama ang anak ng biyuda at babaeng dukha bilang garantiya sa pagkakautang nila. 10 Lumalakad na walang damit ang mga dukha; tagapasan sila ng mga inaning trigo, pero silaʼy nagugutom. 11 Pumipiga sila ng mga olibo at ubas, pero sila mismo ay nauuhaw. 12 Naririnig sa lungsod ang daing ng mga nag-aagaw buhay at mga sugatang humihingi ng tulong, pero hindi ginagantihan ng Dios ang mga gumawa nito sa kanila.
13 “May mga taong kumakalaban sa liwanag. Hindi sila lumalakad sa liwanag at hindi nila ito nauunawaan. 14 Ang mga mamamatay-tao ay bumabangon ng maaga at pinapatay ang mga dukha, at sa gabi namaʼy nagnanakaw. 15 Ang mangangalunyaʼy naghihintay na dumilim para walang makakita sa kanya. Tinatakpan niya ang kanyang mukha para walang makakilala sa kanya. 16 Sa gabi, pinapasok ng mga magnanakaw ang mga bahay. Sa araw, nagtatago sila dahil umiiwas sila sa liwanag. 17 Itinuturing nilang liwanag ang dilim, dahil gusto nila ang nakakatakot na kadiliman.”
Ang Sagot ni Zofar
18 “Pero ang masasama ay hindi magtatagal, gaya ng bula sa tubig. Kahit na ang lupa na kanilang pag-aari ay isinumpa ng Dios. Kaya walang pumaparoon kahit sa kanilang ubasan. 19 Kung paanong ang yelo ay natutunaw at nawawala dahil sa init, ang makasalanan ay mawawala rin sa daigdig. 20 Lilimutin na sila at hindi na maaalala kahit ng kanilang ina. Lilipulin sila na parang punongkahoy na pinutol at kakainin sila ng mga uod. 21 Sapagkat hindi maganda ang pakikitungo nila sa mga babaeng baog at hindi sila nahahabag sa mga biyuda.
22 “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, ibabagsak niya ang mga taong makapangyarihan. Kahit na malakas sila, walang katiyakan ang buhay nila. 23 Maaaring hayaan sila ng Dios na mamuhay na walang panganib, pero binabantayan niya ang lahat ng kilos nila. 24 Maaari rin silang magtagumpay, pero sandali lang iyon dahil hindi magtatagal ay mawawala sila na parang bulaklak na nalalanta o parang uhay na ginapas.
25 “Kung hindi tama ang sinabi ko, sinong makapagpapatunay na sinungaling ako? Sino ang makapagsasabing mali ako?”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®