Bible in 90 Days
Ang Mensahe tungkol sa Jerusalem
29 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang Jerusalem,[a] ang lungsod na tinitirhan ni David! Sige, ipagdiwang ng lungsod na ito ang kanyang mga pista bawat taon. 2 Pero lulusubin ko ito, at mag-iiyakan at mananaghoy ang kanyang mga mamamayan. Para sa akin, ang buong lungsod ay magiging parang altar na puno ng dugo.[b] 3 Kukubkubin ko ang lungsod ng Jerusalem. Paliligiran ko ito ng toreng panalakay at patatambakan ng lupa sa gilid ng mga pader para maakyat ito. 4 Mawawasak ito at magiging parang multo na tumatawag mula sa ilalim ng lupa na ang tinig ay nakakapangilabot. 5 Pero darating ang araw na ang marami niyang kaaway ay magiging parang alikabok o ipa na tatangayin ng hangin. Bigla itong mangyayari sa kanila. 6 Ang Jerusalem ay aalalahanin ko, at ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay darating na may kulog, lindol, ingay, buhawi, bagyo, at nagliliyab na apoy. 7-8 Mawawalang parang panaginip ang maraming bansang sumasalakay sa Jerusalem[c] at gumigiba ng mga pader nito. Ang katulad nilaʼy taong nananaginip na kumakain, pero nang magising ay gutom pa rin; o katulad ng taong nananaginip na umiinom, pero nang magising uhaw pa rin.”
9 Kayong mga taga-Juda, magpakatanga kayo at magpakabulag. Maglasing kayo at magpasuray-suray, pero hindi dahil sa alak. 10 Sapagkat pinatulog kayo ng Panginoon nang mahimbing. Tinakpan niya ang inyong mga ulo at mga mata na walang iba kundi ang inyong mga propeta.
11 Para sa inyo, ang lahat ng ipinahayag na ito sa inyo ay parang aklat na nakasara. Kapag ipinabasa mo sa taong marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ko iyan mabasa dahil nakasara.” 12 At kapag ipinabasa mo sa hindi marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ako marunong bumasa.”
13 Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong itoʼy nagpupuri at nagpaparangal sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, pero ang puso nilaʼy malayo sa akin. At ang pagsamba nila sa akin ay ayon lamang sa tuntunin ng tao. 14 Kaya muli akong gagawa ng sunud-sunod na kababalaghan sa mga taong ito. At mawawala ang karunungan ng marurunong at ang pang-unawa ng nakakaunawa.”
15 Nakakaawa kayong mga nagtatago ng inyong mga plano sa Panginoon. Ginagawa ninyo ang inyong mga gawain sa dilim at sinasabi ninyo, “Walang makakakita o makakaalam ng ginagawa natin.” 16 Baluktot ang pag-iisip ninyo. Itinuturing ninyong parang palayok ang gumagawa ng palayok.[d] Masasabi ba ng palayok sa gumawa sa kanya, “Hindi naman ikaw ang gumawa sa akin”? Masasabi ba ng palayok sa humugis sa kanya, “Wala kang nalalaman”?
17 Hindi magtatagal, ang kagubatan ng Lebanon ay magiging matabang lupain, at ang matabang lupain ay magiging kagubatan. 18 Sa araw na iyon, ang bingi ay makakarinig ng binabasang aklat. At ang bulag, na walang nakikita kundi kadiliman ay makakakita na. 19 Muling sasaya ang mga mapagpakumbaba at mga dukha dahil sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. 20 Sapagkat mawawala ang mga malulupit at ang mga nangungutya. At mamamatay ang lahat ng mahilig sa pagkakasala, 21 pati na ang lahat ng naninira ng kapwa, ang mga nagsisinungaling para mapaniwala nila ang mga hukom, at ang mga pekeng saksi para hindi mabigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan.
22 Kaya ang Panginoon, ang Dios na nagligtas kay Abraham ay nagsabi tungkol sa lahi ni Jacob, “Mula ngayon, wala na silang dapat ikahiya o ikatakot man. 23 Sapagkat kapag nakita nila ang mga ginawa ko sa kanila, igagalang nila ako, ang Banal na Dios ni Jacob. At magkakaroon sila ng takot sa akin, ang Dios ng Israel. 24 Ang mga hindi nakakaunawa ng katotohanan ay makakaunawa na, at ang mga nagrereklamo kapag tinuturuan ay matutuwa na.”
Walang Kabuluhan ang Pakikipagkasundo ng Juda sa Egipto
30 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang aking mga anak na suwail. Gumagawa sila ng mga plano na hindi naaayon sa kalooban ko. Nakikipagkasundo sila na hindi ko pinapayagan. Kaya lalo lang nadadagdagan ang kanilang kasalanan. 2 Pumunta sila sa Egipto para humingi ng proteksyon sa hari, na hindi man lang sumangguni sa akin. 3 Pero mabibigo lamang sila sa hinihingi nilang proteksyon sa Faraon. 4 Sapagkat kahit na namumuno ang Faraon hanggang sa Zoan at Hanes, 5 mapapahiya lang ang Juda dahil wala namang maitutulong ang mga taga-Egipto sa kanila kundi kabiguan at kahihiyan.”
6 Ito ang pahayag ng Dios tungkol sa mga hayop sa Negev: Nilakbay ng mga taga-Juda ang ilang na mahirap lakbayin kung saan may mga leon, at may mga makamandag na ahas na ang ibaʼy parang lumilipad. Ikinakarga nila ang kanilang mga kayamanan sa mga asno at mga kamelyo, para iregalo sa bansang hindi man lang makatulong sa kanila. 7 Ang bansang iyon ay ang Egipto, na ang tulong ay walang silbi. Kaya tinatawag ko itong “Dragon[e] na Inutil.”
8 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Halika, isulat mo sa aklat ang paratang ko laban sa mga taga-Israel, para lagi itong magsilbing patunay ng kasamaan nila sa darating na panahon. 9 Sapagkat mga rebelde sila, sinungaling, at ayaw makinig sa mga aral ko. 10 Sinabi nila sa mga propeta, ‘Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa mga pahayag ng Dios sa inyo. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tama. Sabihin nʼyo sa amin ang mga bagay na makapagpapasaya sa amin at mga pangitain na hindi mangyayari. 11 Umalis kayo sa aming dinadaanan, huwag ninyo kaming harangan. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa Banal na Dios ng Israel.’ ”
12 Kaya sinabi ng Banal na Dios ng Israel, “Dahil sa itinakwil ninyo ang aking mensahe at nagtiwala kayo sa pang-aapi at pandaraya, 13 bigla kayong malilipol. Ang inyong mga kasalanan ay katulad ng bitak na biglang wawasak ng mataas na pader. 14 Madudurog kayo na parang palayok, na sa lakas ng pagbagsak ay wala man lang kahit kapirasong mapaglagyan ng baga o maipansalok ng tubig.”
15 Sinabi pa ng Panginoong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, “Magbalik-loob kayo sa akin at pumanatag, dahil ililigtas ko kayo. Huwag kayong mabahala kundi magtiwala sa akin, dahil palalakasin ko kayo. Pero tumanggi kayo 16 at sinabi ninyo, ‘Makakatakas kami sa aming mga kaaway, dahil mabibilis ang aming mga kabayo.’ Oo nga, makakatakas kayo pero mas mabibilis ang mga hahabol sa inyo. 17 Sa banta ng isa, 1,000 sundalo ang makakatakas sa inyo. Sa banta ng lima, makakatakas kayong lahat. Matutulad kayo sa nakatayong bandila na nag-iisa sa tuktok ng bundok.”
18 Pero naghihintay ang Panginoon na kayoʼy lumapit sa kanya para kaawaan niya. Nakahanda siyang ipadama sa inyo ang kanyang pagmamalasakit. Sapagkat ang Panginoon ay Dios na makatarungan, at mapalad ang nagtitiwala sa kanya.
19 Kayong mga taga-Zion, na mga mamamayan ng Jerusalem, hindi na kayo muling iiyak! Kaaawaan kayo ng Panginoon kung hihingi kayo ng tulong sa kanya. Kapag narinig niya ang inyong panalangin, sasagutin niya kayo. 20 Para kayong pinakain at pinainom ng Panginoon ng kapighatian at paghihirap. Pero kahit na ginawa niya ito sa inyo, siya na guro ninyo ay hindi magtatago sa inyo. Makikita ninyo siya, 21 at maririnig ninyo ang kanyang tinig na magtuturo sa inyo ng tamang daan, saan man kayo naroroon. 22 Ituring na ninyong marumi ang inyong mga dios-diosang gawa sa pilak at ginto. Itapon nʼyo na parang napakaruming basahan at sabihin, “Ayaw ko nang makita kayo!”
23 Bibigyan kayo ng Panginoon ng ulan sa panahon ng pagtatanim, at magiging sagana ang inyong ani. At ang inyong mga hayop ay manginginain sa malawak na pastulan. 24 Ang mga baka ninyo at asnong pang-araro ay kakain ng pinakamainam na pagkain ng hayop. 25 Sa mga araw na iyon na papatayin ang inyong mga kaaway at wawasakin ang kanilang mga muog, dadaloy ang tubig mula sa bawat matataas na bundok. 26 Liliwanag ang buwan na parang araw. Ang araw naman ay magliliwanag ng pitong ibayo, na parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama sa iisang araw. Mangyayari ito sa araw na gagamutin at pagagalingin ng Panginoon ang sugat ng mga mamamayan niya.
27 Makinig kayo! Dumarating ang Panginoon mula sa malayo. Nag-aapoy siya sa galit at nasa gitna ng usok. Ang mga labi niyang nanginginig sa galit ay parang nagliliyab na apoy. 28 Ang kanyang hininga ay parang malakas na agos na umaabot hanggang leeg. Nililipol niya ang mga bansa na parang sinasalang trigo. Para silang mga hayop na nilagyan ng bokado at hinila. 29 Pero kayong mga mamamayan ng Dios ay aawit, katulad ng ginagawa ninyo sa gabi ng pista ng pagpaparangal sa Panginoon. Magagalak kayo katulad ng taong nagmamartsa sa tunog ng plauta habang naglalakad patungo sa Bundok ng Panginoon para sambahin siya, ang Bato na kanlungan ng Israel. 30 Ipaparinig ng Panginoon ang nakakapangilabot niyang tinig. At ipapakita niya ang kanyang kamay na handa nang magparusa sa tindi ng kanyang galit. Sasabayan ito ng nagliliyab na apoy, biglang pagbuhos ng ulan, pagkulog at pagkidlat, at pag-ulan ng yelo na parang mga bato. 31 Tiyak na matatakot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ng Panginoon na magpaparusa sa kanila. 32 Lulusubin niya sila. At sa bawat hampas ng Panginoon sa kanila, sasabay ito sa tunog ng tamburin at alpa. 33 Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari ng Asiria. Maluwang ito at malalim, at handa na ang napakaraming panggatong. Ang hininga ng Panginoon na parang nagniningas na asupre ang magpapaningas ng mga panggatong.
Kawawa ang mga Nagtitiwala sa Egipto
31 Nakakaawa kayong humihingi ng tulong sa Egipto. Umaasa kayo sa mabibilis nilang kabayo, sa marami nilang karwahe, at malalakas na sundalong nangangabayo. Pero hindi kayo nagtitiwala sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at hindi kayo humihingi ng tulong sa kanya. 2 Sa karunungan ng Dios, magpapadala siya ng salot, at talagang gagawin niya ang kanyang sinabi. Paparusahan niya ang pamilya ng masasama at ang mga tumutulong sa kanila. 3 Ang mga taga-Egipto ay mga tao lang din at hindi Dios. Ang mga kabayo nilaʼy hindi naman mga espiritu, kundi tulad lang din ng ibang mga kabayo. Kapag nagparusa na ang Panginoon, mawawasak ang Egipto pati ang mga bansa na tinulungan nito. Pare-pareho silang mawawasak. 4 Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Walang makakapigil sa leon sa paglapa niya sa kanyang biktima kahit na magsisigaw pa ang mga nagbabantay ng mga hayop. Katulad ko rin, walang makakapigil sa akin para ingatan ang Bundok ng Zion. 5 Ako ang Panginoong Makapangyarihan, babantayan ko ang Jerusalem na parang ibon na nagbabantay sa kanyang pugad. Iingatan ko ito, ililigtas, at hindi pababayaan.”
6 Mga Israelita, magbalik-loob kayo sa Panginoong labis na ninyong sinuway. 7 Sapagkat darating ang araw na itatakwil ninyo ang inyong mga dios-diosang pilak at ginto na kayo mismo ang gumawa dahil sa inyong pagiging makasalanan.
8 Mamamatay ang mga taga-Asiria, pero hindi sa pamamagitan ng espada ng tao. Tatakas sila mula sa digmaan, at magiging alipin ang kanilang mga kabataan. 9 Tatakas ang kanilang mga kawal[f] dahil sa takot, pati ang kanilang mga pinuno ay hindi na malaman ang gagawin kapag nakita nila ang bandila ng kanilang mga kaaway. Iyan ang sinabi ng Panginoon, na ang kanyang apoy ay nagniningas sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem.[g]
Ang Matuwid na Hari
32 May isang hari na maghahari nang matuwid, at ang kanyang mga opisyal ay mamamahala nang may katarungan. 2 Ang bawat isa sa kanilaʼy magiging kanlungan sa malakas na hangin at bagyo. Ang katulad nilaʼy ilog na dumadaloy sa disyerto, at lilim ng malaking bato sa mainit at tuyong lupain. 3 Maghahanap at makikinig ang mga tao sa Dios. 4 Ang taong pabigla-bigla ay mag-iisip nang mabuti para malaman niya ang kanyang gagawin. Ang taong hindi alam kung ano ang sasabihin ay makakapagsalita nang mabuti at malinaw. 5 Ang mga hangal ay hindi na dadakilain, at ang mga mandaraya ay hindi na igagalang. 6 Sapagkat kahangalan ang sinasabi ng hangal, at ang masama niyang isipan ay nagbabalak na gumawa ng mga kasamaan. Nilalapastangan niya ang Dios, at pinagkakaitan ang mga nagugutom at nauuhaw. 7 Masama ang pamamaraan ng mandaraya. Ipinapahamak niya ang mga dukha sa pamamagitan ng kanyang kasinungalingan, kahit na sa panahon ng paghingi ng mga ito ng katarungan. 8 Pero ang taong marangal ay may hangarin na palaging gumawa ng mabuti, at itoʼy kanyang tinutupad.
9-10 Kayong mga babaeng patambay-tambay lang at walang pakialam, pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyo! Bago matapos ang taon, mababagabag kayo dahil hindi na mamumunga ang mga ubas at wala na kayong mapipitas. 11 Matagal na kayong nakatambay at walang pakialam. Ngayon manginig na kayo sa takot. Hubarin ninyo ang inyong mga damit at magbigkis ng sako sa inyong baywang. 12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan dahil sa mangyayari sa inyong masaganang bukirin at mabungang ubasan. 13 Ang lupain ng aking mga mamamayan ay tutubuan ng mga damo at matitinik na halaman, at mawawala ang masasayang tahanan at lungsod. 14 Ang mataong lungsod at ang matibay na bahagi nito ay hindi na titirhan. Ang burol at ang bantayang tore nito ay magiging parang ilang magpakailanman. Itoʼy magiging tirahan ng mga maiilap na asno at pastulan ng mga tupa. 15 Mangyayari ito hanggang sa ipadala sa atin ang Espiritu mula sa langit. Kung magkagayon, ang ilang ay magiging matabang lupain at ang matabang lupain ay magiging kagubatan. 16 Lalaganap ang katarungan at katuwiran sa ilang at matabang lupain. 17 At ang bunga ng katuwiran ay ang mabuting kalagayan, kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman. 18 Kayong mga mamamayan ng Dios ay titira sa mapayapang tahanan at ligtas sa kapahamakan. At wala nang gagambala sa inyo. 19 Kahit masisira ang kagubatan at ang mga lungsod dahil umuulan ng yelo na parang bato, 20 pagpapalain kayo ng Dios. Magiging masagana ang tubig para sa mga pananim, at ang inyong mga hayop ay malayang manginginain kahit saan.
Tutulungan ng Dios ang Kanyang mga Mamamayan
33 Nakakaawa kayong mga nangwawasak na hindi pa nakaranas ng pagkawasak. Nakakaawa kayo, kayong mga taksil, na hindi pa napagtataksilan. Kapag natapos na ang inyong pangwawasak at pagtataksil, kayo naman ang wawasakin at pagtataksilan.
2 Panginoon, kaawaan nʼyo po kami. Nagtitiwala kami sa inyo. Palakasin nʼyo kami araw-araw, at iligtas sa panahon ng kaguluhan. 3 Tumatakas ang mga tao sa dagundong ng inyong tinig. Kapag kayoʼy tumayo para magparusa, nagsisipangalat ang mga bansa. 4 Sasamsamin ang kanilang mga ari-arian, at matutulad sila sa halamang sinalakay ng balang.
5 Ang Panginoon ay dakila sa lahat! Siyaʼy naninirahan sa langit. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa Jerusalem. 6 Siya ang magpapatatag sa inyo. Iingatan niya kayo at bibigyan ng karunungan at kaalaman. At ang mahalagang kayamanan ninyo ay ang pagkatakot sa Panginoon.
7 Makinig kayo! Ang matatapang nʼyong mamamayan ay humihingi ng saklolo sa mga lansangan. Ang inyong mga sugo para sa kapayapaan ay umiiyak sa pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan. 8 Wala nang dumadaan o lumalakad sa mga lansangan. Nilalabag na ang kasunduan at hindi na pinahahalagahan ang mga saksi nito.[h] Wala nang taong iginagalang. 9 Kawawa ang lupain ng Israel. Nalalanta ang mga puno ng Lebanon, at napapahiya. Naging ilang ang kapatagan ng Sharon. Nalalaglag ang mga dahon ng mga puno sa Bashan at sa Carmel. 10 Sinabi ng Panginoon, “Kikilos na ako ngayon, at dadakilain ako ng mga tao. 11 Kayong mga taga-Asiria, walang kabuluhan ang inyong mga plano at mga ginagawa. Ang nag-aapoy ninyong galit[i] ang tutupok sa inyo. 12 Masusunog kayo hanggang sa maging tulad kayo ng apog. Matutulad kayo sa matitinik na mga halaman na pinutol at sinunog. 13 Kayong mga bansa, malapit man o malayo, pakinggan ninyo ang mga ginawa ko at kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.”
14 Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion. Sabi nila, “Ang Dios ay parang nagliliyab na apoy na hindi namamatay. Sino sa atin ang makakatagal sa presensya ng Dios?” 15 Ang makakatagal ay ang mga taong namumuhay nang matuwid at hindi nagsisinungaling, hindi gahaman sa salapi o tumatanggap man ng suhol. Hindi sila nakikiisa sa mga mamamatay-tao at hindi gumagawa ng iba pang masamang gawain. 16 Ganyang klaseng mga tao ang maliligtas sa kapahamakan, parang nakatira sa mataas na lugar, na ang kanilang kanlungan ay ang malalaking bato. Hindi sila mawawalan ng pagkain at inumin.
17 Mga Israelita, makikita ninyo[j] ang isang makapangyarihang hari na namamahala sa napakalawak na kaharian. 18 Maaalala ninyo ang nakakatakot na araw nang dumating sa inyo ang mga pinuno ng Asiria at binilang ang inyong mga tore at kung ilang ari-arian ang makukuha nila sa inyo. 19 Pero hindi na ninyo makikita ang mga mayayabang na iyon, na ang salita nila ay hindi ninyo maintindihan. 20 Tingnan ninyo ang Zion, ang Jerusalem, ang lungsod na pinagdarausan natin ng ating mga pista. Makikita na magiging mapayapang lugar at magandang tirahan ito. Itoʼy magiging parang toldang matibay, na ang mga tulos ay hindi mabunot at ang mga tali ay hindi malagot. 21 Ipapakita rito sa atin ng Panginoon na siyaʼy makapangyarihan. Ang Jerusalem ay parang isang lugar na may malawak na ilog at batis, na hindi matatawid ng mga sasakyan ng mga kaaway. 22 Gagawin ito ng Panginoon dahil siya ang ating hukom, mambabatas,[k] at hari. Siya ang magliligtas sa atin.
23 Ang Jerusalem ngayon ay parang sasakyang pandagat na maluwag ang mga tali at palo, at hindi mailadlad ang layag. Pero darating ang araw na maraming ari-arian ang sasamsamin ng Jerusalem sa kanyang mga kaaway. Kahit ang mga pilay ay bibigyan ng bahagi. 24 Wala ng mamamayan sa Jerusalem na magsasabi, “May sakit ako.” Patatawarin sila ng Dios sa kanilang mga kasalanan.
Parurusahan ng Dios ang Kanyang mga Kaaway
34 Kayong mga bansa, lumapit kayo at makinig nang mabuti. Makinig ang buong mundo at ang lahat ng nasa kanya. 2 Sapagkat galit ang Panginoon sa lahat ng bansa; galit siya sa kanilang mga kawal. Ganap niyang lilipulin ang mga ito. Papatayin niya silang lahat. 3 Hindi ililibing ang kanilang mga bangkay kaya aalingasaw ito, at ang mga bundok ay mamumula dahil sa kanilang dugo. 4 Matutunaw ang lahat ng bagay sa langit, at ang langit ay mawawala na parang kasulatan na nairolyo. Mahuhulog ang mga bituin na parang mga dahon ng ubas o ng igos na nalalanta at nalalagas. 5 Pagkatapos gamitin ng Panginoon ang kanyang espada sa langit, tatama naman ito sa Edom para parusahan at lipulin. 6 Ang espada ng Panginoon ay mapupuno ng dugo at taba, na parang ginamit sa pagkatay ng mga kambing at tupang ihahandog, sapagkat papatayin ng Panginoon ang mga taga-Bozra bilang handog. Marami ang kanyang papatayin sa iba pang mga lungsod ng Edom. 7 Papatayin din na parang mga toro ang kanilang mga makapangyarihang mamamayan. Ang kanilang lupain ay mapupuno ng dugo at taba. 8 Sapagkat ang Panginoon ay may itinakdang araw upang maghiganti sa kanyang mga kaaway para tulungan ang Zion. 9 Ang mga sapa at ang lupa sa Edom ay masisira.[l] Ang buong bansa ay masusunog at hindi na mapapakinabangan. 10 At hindi ito mapapatay araw at gabi. Ang usok nitoʼy papailanlang magpakailanman. Wala nang titira o dadaan man lang sa Edom kahit kailan. 11 Magiging tirahan ito ng mga kuwago at mga uwak. Nasa plano na ng Panginoon na ipadanas sa lupaing ito ang kaguluhan at kapahamakan. 12 At tatawagin itong, “Walang Kwentang Kaharian.” Mawawala ang lahat ng pinuno nito. 13 Tutubo ang matitinik na mga halaman sa mga napapaderang lungsod at matitibay na bahagi nito. Maninirahan doon ang mga kuwago at mga asong-gubat. 14 Magsasama-sama roon ang mga asong-gubat kasama ng iba pang hayop sa gubat. Tatawagin ng mga maiilap na kambing ang mga kasamahan nila roon. At ang mga malignong lumalabas kapag gabi ay pupunta roon para magpahinga. 15 Ang mga kuwago ay magpupugad doon, mangingitlog, mamimisa, at iingatan nila ang kanilang mga inakay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Ang mga uwak ay pares-pares na magtitipon roon.
16 Tingnan ninyo ang aklat ng Panginoon at basahin. Wala ni isa man sa mga sinabi ko ang hindi matutupad. Walang mawawala ni isa man sa mga hayop na iyon, at wala ni isa man sa mga ito ang walang kapares, sapagkat iyan ang ipinasya ng Panginoon, at siya mismo[m] ang magtitipon sa kanila. 17 Siya ang magbibigay sa mga hayop ng lupa na kanilang titirhan. Mapapasakanila ito magpakailanman, at doon sila titira magpakailanman.
Ang Kaligayahan ng mga Iniligtas
35 Ang disyerto ay matutuwa na parang tao. Mamumulaklak ang mga halaman dito. 2 Aawit at sisigaw ito sa tuwa, at mamumukadkad ang maraming bulaklak nito. Magiging maganda ito katulad ng Bundok ng Lebanon, at mamumunga ito nang sagana katulad ng kapatagan ng Carmel at Sharon. At mahahayag dito ang kapangyarihan at kadakilaan ng Panginoon na ating Dios.
3 Kaya palakasin ninyo ang mga nanghihina. 4 Sabihin ninyo sa mga natatakot, “Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob. Darating ang inyong Dios para maghiganti sa inyong mga kaaway, at ililigtas niya kayo.” 5 At kapag nangyari na ito, makakakita na ang mga bulag at makakarinig na ang mga bingi. 6 Lulundag na parang usa ang mga pilay at sisigaw sa tuwa ang mga pipi. Aagos ang tubig sa disyerto at dadaloy ang tubig sa mga sapa sa ilang. 7 Ang mainit na buhanginan ay magiging tubigan. At sa tigang na lupain ay bubukal ang tubig. Tutubo ang sari-saring damo sa lugar na tinitirhan noon ng mga asong-gubat.[n] 8 Magkakaroon ng maluwang na lansangan sa ilang at iyon ay tatawaging, “Banal na Lansangan.” Walang makasalanan o hangal na makararaan doon, kundi ang mga sumusunod lamang sa pamamaraan ng Panginoon. 9 Walang leon o anumang mababangis na hayop na makakaraan doon kundi ang mga tinubos[o] lamang ng Panginoon. 10 Babalik sila sa Zion na umaawit. Mawawala na ang kanilang kalungkutan at pagdadalamhati, at mapapalitan na ng walang hanggang kaligayahan.
Sinalakay ng mga Taga-Asiria ang Jerusalem(A)
36 Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekia, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito. 2 Noong nasa Lakish si Senakerib, inutusan niya ang kumander ng kanyang mga sundalo pati ang buong hukbo niya na pumunta sa Jerusalem at makipagkita kay Haring Hezekia. Nang nasa labas na ng Jerusalem ang kumander, tumigil muna siya at ang kanyang hukbo sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig. Malapit ito sa daan papunta sa pinaglalabahan. 3 Nakipagkita sa kanya roon si Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, si Shebna na kalihim, at si Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian. 4 Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:
“Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 5 Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? 6 Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. 7 Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar[p] pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?”
8 Sinabi pa ng kumander, “Ngayon, inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo. 9 Hindi ka talaga mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 10 At isa pa, iniisip mo bang labag sa Panginoon ang pagpunta ko rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”
11 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil ang wikang ito ay naiintindihan din namin. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.”
12 Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”
13 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mga mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 14 Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 15 Huwag kayong maniwala sa kanya na manalig sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’
16 “Huwag kayong makinig kay Hezekia! Ito ang ipinapasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga tanim at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 17 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng katas ng ubas at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay. 18 Huwag ninyong pakinggan si Hezekia, inililigaw lang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ May mga dios ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 19 May nagawa ba ang mga dios ng Hamat, Arpad, at Sefarvaim? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 20 Alin sa mga dios ng mga bansang ito ang nakapagligtas ng kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking mga kamay?”
21 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Hezekia na huwag sumagot. 22 Pagkatapos, pinunit nina Eliakim, Shebna, at Joa ang damit nila sa sobrang kalungkutan. Bumalik sila kay Hezekia at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.
Sumangguni si Haring Hezekia kay Isaias(B)
37 Nang marinig ni Haring Hezekia ang balita, pinunit niya ang kanyang damit, nagdamit siya ng sako para ipakita ang kalungkutan niya, at pumunta siya sa templo ng Panginoon para manalangin. 2 Pinapunta niya kay Propeta Isaias na anak ni Amoz sina Eliakim na tagapamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at ang mga punong pari na nakadamit ng sako.
3 Pagdating nila kay Isaias, sinabi nila sa kanya, “Ito ang sinabi ni haring Hezekia: Ito ang panahon ng paghihirap, pagtutuwid at kahihiyan. Katulad tayo ng isang babae na malapit nang manganak na wala ng lakas para iluwal ang kanyang sanggol. 4 Ipinadala ng hari ng Asiria ang kumander ng kanyang mga sundalo para kutyain ang Dios na buhay. Baka sakaling narinig ng Panginoon na iyong Dios ang sinabi ng kumander at parusahan ito sa sinabi niya. Kaya ipanalangin mo ang mga natira sa atin.”
5 Nang dumating ang mga opisyal, na ipinadala ni Haring Hezekia kay Isaias, 6 sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong amo na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Huwag kang matakot sa narinig mong paglapastangan sa akin ng mga tauhan ng hari ng Asiria. 7 Pakinggan mo! Pupuspusin ko ng espiritu ang hari ng Asiria. Makakarinig siya ng balita na magpapabalik sa kanya sa sarili niyang bansa. At doon ko siya ipapapatay sa pamamagitan ng espada.’ ”
Muling Pinagbantaan ng Asiria ang Juda(C)
8 Nang marinig ng kumander na umalis na sa Lakish ang hari ng Asiria at kasalukuyang nakikipaglaban sa Libna, pumunta siya roon. 9 Nang makatanggap ng balita si Haring Senakerib ng Asiria na lulusubin sila ni Haring Tirhaka ng Etiopia, nagsugo siya ng mga mensahero kay Hezekia para sabihin ito: 10 “Huwag kang magpaloko sa inaasahan mong Dios kapag sinabi niya, ‘Hindi ipapaubaya ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. 11 Makinig ka! Narinig mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa halos lahat ng bansa. Nilipol sila nang lubusan. Sa palagay mo ba makakaligtas ka? 12 Nailigtas ba ang mga bansang ito ng dios nila? Ang mga lungsod ng Gozan, Haran, Reshef at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Tel Asar ay nilipol ng mga ninuno ko. 13 May nagawa ba ang hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena at Iva?’ ”
Ang Panalangin ni Hezekia
14 Nang makuha ni Hezekia ang sulat mula sa mensahero, binasa niya ito. Pumunta siya sa templo ng Panginoon at inilapag ang sulat sa presensya ng Panginoon. 15 Pagkatapos, nanalangin siya, 16 “Panginoon, Dios ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Dios na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang kalangitan at ang mundo. 17 Panginoon, pakinggan nʼyo po ako, at tingnan nʼyo ang mga nangyari. O buhay na Dios, pakinggan nʼyo ang mga sinabi ni Senakerib na lumapastangan sa inyo. 18 Panginoon, totoo po na nilipol ng mga hari ng Asiria ang maraming mamamayan at mga lupain nila. 19 Winasak nila ang mga dios-diosan ng mga ito sa pamamagitan ng pagtapon ng mga ito sa apoy. Dahil hindi po ito mga totoong dios, kundi mga bato at kahoy lang na ginawa ng tao. 20 Kaya, Panginoon naming Dios, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, para malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon, ang Dios.”
21 Pagkatapos, nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng ganitong mensahe kay Hezekia: Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Dahil nanalangin ka tungkol kay Haring Senakerib ng Asiria, 22 ito ang sinabi ko laban sa kanya: “Pinagtatawanan at iniinsulto ka ng mga naninirahan sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Umiiling-iling sila sa paghamak sa iyo habang nakatalikod ka. 23 Sino ba ang hinahamak at nilalapastangan mo? Sino ang pinagtataasan mo ng boses at pinagyayabangan mo? Hindi baʼt ako, ang Banal na Dios ng Israel? 24 Kinutya mo ako sa pamamagitan ng iyong mga sugo. Sinabi mo pa, ‘Sa pamamagitan ng aking maraming karwahe naakyat ko ang matataas na mga bundok pati ang tuktok ng bundok ng Lebanon. Pinutol ko ang pinakamataas na mga puno ng sedro at natatanging sipres[q] nito. Nakarating ako sa tuktok na may makapal na kagubatan. 25 Naghukay ako ng balon sa ibang mga lugar[r] at uminom ng tubig mula rito. Sa pagdaan ko, natuyo ang mga sapa sa Egipto.’
26 “Totoo ngang winasak mo ang mga napapaderang lungsod. Pero hindi mo ba alam na matagal ko nang itinakda iyon? Mula pa noon, naplano ko na ito at ngayon ginagawa ko na ito. 27 Ang mga mamamayan ng mga lungsod na iyong nilipol ay nawalan ng lakas. Natakot sila at napahiya. Para silang mga damo sa parang na madaling malanta, o mga damong tumutubo sa bubungan ng bahay na pagkatapos tumubo ay nalanta rin agad.
28 “Pero alam ko ang lahat tungkol sa iyo,
kung saan ka nananatili, kung saan ka galing, kung saan ka pupunta, at kung gaano katindi ang galit mo sa akin. 29 Dahil narinig ko ang galit mo at ang pagmamayabang sa akin, lalagyan ko ng kawit ang ilong mo, at bubusalan ko ang bibig mo, at hihilahin ka pabalik sa iyong pinagmulan, sa daan na iyong tinahak.”
30 Sinabi pa ni Isaias kay Hezekia, “Ito ang tanda na iingatan ng Panginoon ang Jerusalem sa mga taga-Asiria: Sa taon na ito, ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumutubo lang ang kakainin ninyo. At sa susunod na taon, ang mga bunga naman ng mga tanim na tumubo mula sa mga dating tanim lang ang kakainin ninyo. Pero sa ikatlong taon, makakapagtanim na kayo ng trigo at makakaani. Makakapagtanim na rin kayo ng mga ubas at makakakain ng mga bunga nito. 31 At ang mga natirang buhay sa Juda ay muling uunlad, katulad ng tanim na nagkakaugat ng malalim at namumunga. 32 Sapagkat may mga matitirang buhay na mangangalat mula sa Jerusalem, sa Bundok ng Zion. Titiyakin ng Panginoong Makapangyarihan na itoʼy magaganap.
33 “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakapasok sa lungsod ng Jerusalem, ni hindi nga siya makakapana kahit isang palaso rito. Hindi siya makakalapit na may pananggalang o kayaʼy mapapaligiran ang lungsod para lusubin ito. 34 Babalik siya sa pinanggalingan niya, sa daan na kanyang tinahak. Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, hindi siya makakapasok sa lungsod na ito. 35 Iingatan at ililigtas ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil sa pangako ko kay David na aking lingkod.”
36 Pumunta ang anghel ng Panginoon sa kampo ng Asiria at pinatay niya ang 185,000 kawal. Kinaumagahan, paggising ng mga natitirang buhay, nakita nila ang napakaraming bangkay. 37 Dahil dito, umuwi si Senakerib sa Nineve at doon na tumira.
38 Isang araw, habang sumasamba si Senakerib sa templo ng dios niyang si Nisroc, pinatay siya ng kanyang dalawang anak na lalaki na sina Adramelec at Sharezer sa pamamagitan ng espada at tumakas ang mga ito papunta sa Ararat. At ang anak niyang si Esarhadon ang pumalit sa kanya bilang hari.
Nagkasakit si Hezekia(D)
38 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia na halos ikamatay niya. Pumunta sa kanya si Propeta Isaias na anak ni Amoz at sinabi, “Sinabi ng Panginoon na magbilin ka na sa sambahayan mo dahil hindi ka na gagaling, mamamatay ka na.”
2 Nang marinig ito ni Hezekia, humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon. 3 Sinabi niya, “Panginoon, alalahanin po ninyo kung papaano ako namuhay nang tapat at buong pusong naglingkod sa inyo at kung papaano ako gumawa ng mabuti sa paningin ninyo.” At umiyak siya ng husto.
4 Sinabi ng Panginoon kay Isaias 5 na bumalik siya kay Hezekia at sabihin ito: “Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng iyong ninunong si David: Narinig ko ang iyong dalangin at nakita ko ang mga luha mo. Dadagdagan ko pa ng 15 taon ang buhay mo. 6 Ililigtas kita pati ang lungsod na ito sa hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lungsod na ito. 7 Ito ang tanda na aking ibibigay para patunayang gagawin ko ang ipinangako kong ito: 8 Pababalikin ko ng sampung guhit ang anino ng araw sa orasang ipinagawa ni Ahaz.” At nangyari nga ito.
9 Ito ang isinulat ni Haring Hezekia ng Juda nang gumaling siya sa kanyang sakit: 10 Akala koʼy mamamatay na ako sa panahon ng aking kabataan, at mananatili sa lugar ng mga patay. 11 Akala koʼy hindi ko na makikita ang Panginoon dito sa mundo ng mga buhay o hindi ko na makikita ang mga tao rito sa mundo. 12 Muntik nang nawala ang buhay ko na parang tolda ng mga pastol ng mga tupa na iniligpit. Ang akala koʼy mapuputol na ang buhay ko na parang telang puputulin na sa habihan. Mula sa umaga hanggang gabi ay inaakala kong wawakasan mo na ang buhay ko. 13 Buong pagpapakumbaba akong naghintay hanggang umaga sa pag-aakalang mamamatay na ako. Parang nilalansag ng leon ang aking mga buto kaya akala koʼy wawakasan mo na ang buhay ko. 14 Humingi ako ng tulong hanggang sa ang tinig koʼy para nang huni ng langay-langayan o ng tagak. Dumaing ako na parang tinig na ng kalapati. Ang mga mata koʼy pagod na rin ng katititig sa itaas. Panginoon, tulungan nʼyo po ako sa kahirapang ito.
15 Pero ano pa ang masasabi ko? Sapagkat sinagot niya ako at pinagaling. Mamumuhay ako nang may kapakumbabaan dahil sa mapait kong karanasan.
16 Panginoon, sa ginawa nʼyo pong ito, mapapalakas nʼyo ang loob ng tao, at ako mismo napalakas ninyo. Pinagaling nʼyo ako at pinayagan pang mabuhay. 17 Totoong ang mga kahirapang aking tiniis ay para rin sa aking kabutihan. Dahil sa pag-ibig nʼyo, iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan at pinatawad nʼyo ang aking mga kasalanan. 18 Sapagkat papaano pa akong makakapagpuri sa inyo kung patay na ako? Ang mga patay ay hindi makakapagpuri sa inyo o makakaasa man sa inyong katapatan. 19 Ang mga buhay lamang ang makakapagpuri sa inyo katulad ng ginagawa ko ngayon. Ang bawat henerasyon ay magpapahayag sa susunod na henerasyon tungkol sa inyong katapatan. 20 Panginoon, iniligtas nʼyo po ako, kaya sa saliw ng tugtog, aawit kami sa inyong templo habang kami ay nabubuhay.
21 Noong hindi pa gumagaling si Hezekia, sinabi sa kanya ni Isaias na patapalan niya sa kanyang mga katulong ng dinikdik na bunga ng igos ang bukol niya para gumaling. 22 Nagtanong si Hezekia, “Ano ang palatandaan na magpapatunay na ako ngaʼy gagaling at makakapunta sa templo ng Panginoon?”
Ang Sugo mula sa Babilonia
39 Nang panahong iyon, nabalitaan ng hari ng Babilonia na si Merodac Baladan na anak ni Baladan, na gumaling si Hezekia sa sakit nito. Kaya nagpadala siya ng sulat at mga regalo sa pamamagitan ng kanyang mga sugo. 2 Malugod na tinanggap ni Hezekia ang mga sugo, at ipinakita niya sa mga ito ang lahat ng mga bagay sa taguan ng kayamanan niya – ang mga pilak, ginto, sangkap, magagandang uri ng langis, mga armas at ang iba pa niyang kayamanan. Wala ni isang bagay sa palasyo o kaharian ang hindi niya ipinakita sa kanila.
3 Samantala, pumunta si Propeta Isaias kay Haring Hezekia at nagtanong, “Saan ba nanggaling ang mga taong iyan at ano ang kailangan nila?” Sumagot si Hezekia, “Pumunta sila rito na galing pa sa Babilonia.” 4 Nagtanong pa ang propeta, “Ano ang nakita nila sa palasyo mo?” Sumagot si Hezekia, “Nakita nila ang lahat ng bagay sa palasyo ko. Wala kahit isa sa mga kayamanan ko ang hindi ko ipinakita sa kanila.” 5 Pagkatapos, sinabi ni Isaias kay Hezekia, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: 6 Darating ang panahon na dadalhin sa Babilonia ang lahat ng kayamanan sa palasyo mo, pati ang lahat ng naipon ng mga ninuno mo na nariyan pa hanggang ngayon. Walang matitira, sabi ng Panginoon. 7 At ang iba sa mga susunod na lahi mo ay bibihagin at magiging alipin sa palasyo ng hari ng Babilonia.” 8 Ang akala ni Hezekia ay hindi iyon mangyayari sa panahon niya, kundi magiging mapayapa at walang panganib ang kanyang buhay. Kaya sinabi niya kay Isaias, “Maganda ang mensahe ng Panginoon na sinabi mo sa akin.”
Pinalakas ang Loob ng mga Mamamayan ng Dios
40 Sinabi ng Dios, “Palakasin at pagaanin ninyo ang loob ng aking mga mamamayan. 2 Magsalita kayo nang mahinahon sa mga taga-Jerusalem. Sabihin ninyo sa kanila na tapos na ang paghihirap nila, at pinatawad na ang kanilang mga kasalanan. Sapagkat pinarusahan ko sila nang husto sa lahat ng kasalanan nila.” 3 May tagapagbalitang sumisigaw na nangangaral sa mga tao, “Ihanda ninyo ang daan sa ilang para sa Panginoon. Gawin ninyong matuwid ang daan na dadaanan ng ating Dios. 4 Tambakan ninyo ang mga mababang lugar, patagin ang mga bundok at burol, at pantayin ang mga baku-bakong daan. 5 Mahahayag ang makapangyarihang presensya ng Panginoon, at makikita ito ng lahat. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.”
6 May nagsabi sa akin, “Mangaral ka!” Ang tanong ko naman, “Anong ipapangaral ko?” Sinabi niya, “Ipangaral mo na ang lahat ng tao ay parang damo, ang kanilang katanyagan ay parang bulaklak nito. 7 Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag kapag hinipan ng hanging mula sa Panginoon. 8 Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag, pero ang salita ng ating Dios ay mananatili magpakailanman.”
9 Kayong mga nagdadala ng magandang balita sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umakyat kayo sa mataas na bundok, at isigaw ninyo ang magandang balita. Huwag kayong matakot, sabihin ninyo sa mga bayan ng Juda na nandiyan na ang kanilang Dios. 10 Dumarating ang Panginoong Dios na makapangyarihan at maghahari siya na may kapangyarihan. Dumarating siyang dala ang gantimpala para sa kanyang mga mamamayan. 11 Aalagaan niya ang kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang mga tupa. Kinakarga niya ang maliliit na tupa at maingat niyang pinapatnubayan ang mga inahing tupa.
12 Sino ang makakatakal ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang mga palad, o makakasukat ng langit sa pamamagitan ng pagdangkal nito? Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang lalagyan, o makakapagtimbang ng mga bundok at mga burol? 13 Sino ang makapagsasabi ng nasa isip ng Panginoon, o makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin? 14 Kanino siya sumasangguni para maliwanagan, at sino ang nagturo sa kanya ng tamang pagpapasya? Sino ang nagturo sa kanya ng kaalaman, o nagpaliwanag sa kanya para kanyang maunawaan? Wala! 15 Para sa Panginoon, ang mga bansa ay para lamang isang patak ng tubig sa timba o alikabok sa timbangan. Sa Dios, ang mga pulo ay parang kasinggaan lamang ng alikabok. 16 Ang mga hayop sa Lebanon ay hindi sapat na ihandog sa kanya at ang mga kahoy doon ay kulang pang panggatong sa mga handog. 17 Ang lahat ng bansa ay balewala kung ihahambing sa kanya. At para sa kanya walang halaga ang mga bansa. 18 Kaya kanino ninyo maihahambing ang Dios? O saan ninyo siya maitutulad? 19 Maitutulad nʼyo ba siya sa mga dios-diosang inukit ng tao at binalutan ng ginto ng platero at pagkatapos ay nilagyan ng mga palamuting pilak na kwintas? 20 O sa matitigas na rebultong kahoy na hindi basta nabubulok, na ipinagawa ng taong dukha bilang handog? Ipinagawa niya ito sa magaling umukit para hindi bumuwal.
21 Hindi nʼyo ba alam o hindi ba ninyo napakinggan? Wala bang nagbalita sa inyo kung paano nilikha ang mundo? 22 Nilikha ito ng Dios na nakaupo sa kanyang trono sa itaas ng mundo. Sa paningin niya, ang mga tao sa ibaba ay parang mga tipaklong lamang. Iniladlad niya ang langit na parang kurtina, o parang isang tolda para matirhan. 23 Inaalis niya sa kapangyarihan ang mga pinuno ng mundo at ginagawang walang kwenta. 24 Para silang mga tanim na bagong tubo na halos hindi pa nagkauugat. Hinipan sila ng Panginoon at biglang nalanta at tinangay ng buhawi na parang ipa.
25 Sinabi ng Banal na Dios, “Kanino ninyo ako ihahalintulad? Mayroon bang katulad ko?”
26 Tumingin kayo sa langit! Sino kaya ang lumikha sa mga bituing iyon? Ang Dios ang lumikha niyan. Inilabas niya isa-isa ang mga iyon habang tinatawag niya ang kanilang pangalan. At dahil sa kanyang kapangyarihan, ni isa man ay walang nawala. 27 Kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob, bakit kayo nagrereklamo na ang inyong mga panukala at mga karapatan ay binalewala ng Dios? 28 Hindi nʼyo ba alam o hindi nʼyo ba narinig na ang Panginoon ay walang hanggang Dios na lumikha ng buong mundo?[s] Hindi siya napapagod o nanghihina at walang nakakaarok ng kanyang isip. 29 Pinalalakas niya ang mga nanghihina at ang mga napapagod. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod, nanlulupaypay at nabubuwal, 31 ngunit ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay muling magkakaroon ng lakas. Lilipad sila na gaya ng isang agila. Tumakbo man sila ay hindi mapapagod. Lumakad man sila ay hindi manghihina.
Tutulungan ng Dios ang Israel
41 Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan sa malalayong lugar, tumahimik kayo at makinig sa akin. Kayong mga bansa, lakasan ninyo ang inyong loob, lumapit kayo sa akin at sabihin ang inyong mga reklamo. Magtipon-tipon tayo at pag-usapan natin ito. 2 Sino ang nagpadala ng isang tao mula sa silangan at nagbigay sa kanya ng tagumpay sa pakikipaglaban, saan man siya pumunta? Sino ang nagpasakop sa kanya ng mga hari at mga bansa? Winasak niya ang mga bansa at pinatay ang mga hari nito sa pamamagitan ng espada at pana. At ang mga itoʼy naging parang mga alikabok na tinangay ng hangin. 3 Hinabol niya sila at walang humarang sa kanya kahit sa mga lugar na hindi pa niya napupuntahan. 4 Sino ang gumawa ng lahat ng ito? Sino ang nagpanukala ng lahat ng mga mangyayari mula pa noong unang henerasyon? Hindi baʼt ako? Akong Panginoon ay naroon noong sinimulan ang mundo, at naroroon din ako hanggang sa katapusan nito. 5 Nakita ng mga tao sa malalayong lugar ang aking mga gawa, at nanginig sila sa takot. Nagtipon sila, 6 at ang bawat isa ay nagtulungan at nagpalakas sa isaʼt isa. 7 Ang mga karpintero, platero, at ang iba pang mga manggagawa na gumagawa ng mga dios-diosan ay nagpalakas sa isaʼt isa na nagsasabi, ‘Maganda ang pagkakagawa natin.’ Pagkatapos, ipinako nila ang ginawa nilang rebulto sa lalagyan nito para hindi mabuwal.
8 “Pero ikaw, Israel, na aking lingkod at pinili na mula sa lahi ni Abraham na aking kaibigan, 9 tinawag kita at kinuha mula sa pinakamalayong dako ng mundo. Sinabi ko sa iyo na ikaw ay aking lingkod. Pinili kita at hindi itinakwil. 10 Huwag kang mangamba dahil ako ang Dios mo. Palalakasin kita at tutulungan. Iingatan kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan na siya ring makapagliligtas sa iyo. 11 Ang lahat ng nagagalit sa iyo ay tiyak na mapapahiya at malilito. Ang mga lumalaban sa iyo ay mapapahamak. 12 At kahit hanapin mo ang iyong mga kaaway hindi mo na sila makikita. Silang mga kumakalaban sa iyo ay magiging walang kabuluhan. 13 Sapagkat ako ang Panginoon na iyong Dios. Ako ang nagpapalakas sa iyo at nagsasabing huwag kang matatakot dahil tutulungan kita. 14 Kahit na maliit ka at mahina,[t] huwag kang matatakot dahil ako mismo ang tutulong sa iyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Ako ang iyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel. 15 Makinig ka! Gagawin kitang parang bagong panggiik, matalim at maraming ngipin. Gigiikin mo at dudurugin ang mga bundok at burol. Gagawin mo ito na parang ipa. 16 Tatahipan mo sila at tatangayin sila ng hangin; ikakalat sila ng malakas na hangin. Pero ikaw ay magagalak sa Panginoon; magpupuri ka sa Banal na Dios ng Israel.
17 “Kapag nangangailangan ng tubig ang mga mamamayan kong dukha, at wala silang matagpuan, at kapag natutuyo na ang mga lalamunan nila sa uhaw, akong Panginoon ang tutulong sa kanila. Akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila. 18 Paaagusin ko ang tubig sa batis, dadaloy ito sa mga tuyong burol at magkakaroon ng mga bukal sa mga lambak. Gagawin kong tubigan ang ilang at ang mga lupang tigang ay magkakaroon ng mga bukal.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®