Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Mangangaral 3 - Awit ng mga Awit 8

May Kanya-kanyang Oras ang Lahat

May oras na nakatakda para sa lahat ng gawain dito sa mundo:
May oras ng pagsilang at may oras ng kamatayan;
    may oras ng pagtatanim at may oras ng pag-aani.
May oras ng pagpatay at may oras ng pagpapagaling;
    may oras ng pagsira at may oras ng pagpapatayo.
May oras ng pagluha at may oras ng pagtawa;
    may oras ng pagluluksa at may oras ng pagdiriwang.
May oras ng pagkakalat ng bato at may oras ng pagtitipon nito;
    may oras ng pagsasama[a] at may oras ng paghihiwalay.
May oras ng paghahanap at may oras ng paghinto ng paghahanap;
    may oras ng pagtatago at may oras ng pagtatapon.
May oras ng pagpunit at may oras ng pagtahi;
    may oras ng pagtahimik at may oras ng pagsasalita.
May oras ng pagmamahal at may oras ng pagkagalit;
    may oras ng digmaan at may oras ng kapayapaan.

Kung ang mga oras na ito ay itinakda na ng Dios, ano ngayon ang kabuluhan ng pagsisikap ng tao? 10 Nakita ko ang mga gawaing itinakda ng Dios para sa tao. 11 At lahat ng ito ay itinadhana ng Dios na mangyari sa takdang panahon. Binigyan niya tayo ng pagnanais na malaman ang hinaharap, pero hindi talaga natin mauunawaan ang mga ginawa niya mula noong simula hanggang wakas. 12 Naisip ko na walang pinakamabuting gawin ang tao kundi magsaya at gumawa ng mabuti habang nabubuhay. 13 Gusto ng Dios na kumain tayo, uminom at magpakasaya sa mga pinaghirapan natin dahil ang mga bagay na itoʼy regalo niya sa atin. 14 Alam kong ang lahat ng ginagawa ng Dios ay magpapatuloy magpakailanman at wala tayong maaaring idagdag o ibawas dito. Ginagawa ito ng Dios para magkaroon tayo ng paggalang sa kanya. 15 Ang mga nangyayari ngayon at ang mga mangyayari pa lang ay nangyari na noon. Inuulit lang ng Dios ang mga pangyayari.

16 Nakita ko rin na ang kasamaan ang naghahari rito sa mundo sa halip na katarungan at katuwiran. 17 Sinabi ko sa sarili ko, “Hahatulan ng Dios ang matutuwid at masasamang tao, dahil may itinakda siyang oras sa lahat ng bagay. 18 Sinusubok ng Dios ang mga tao para ipakita sa kanila na tulad sila ng mga hayop. 19 Ang kapalaran ng tao ay tulad ng sa hayop; pareho silang mamamatay. Pareho silang may hininga, kaya walang inilamang ang tao sa hayop. Talagang walang kabuluhan ang lahat! 20 Iisa lang ang patutunguhan ng lahat. Lahat ay nagmula sa lupa at sa lupa rin babalik. 21 Sino ang nakakaalam kung ang espiritu ng taoʼy umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa ilalim ng lupa?” 22 Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao ay magpakasaya sa pinaghirapan niya, dahil para sa kanya iyon. Walang sinumang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari kapag siya ay namatay.

Nakita ko ulit ang mga pang-aapi rito sa mundo. Umiiyak ang mga inaapi, pero walang tumutulong sa kanila dahil makapangyarihan ang mga umaapi sa kanila. Kaya nasabi kong mas mabuti pa ang mga patay kaysa sa mga buhay. Pero higit na mabuti ang mga hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakakita ng kasamaan dito sa mundo.

Nakita ko rin na nagsusumikap ang mga tao at ginagawa ang lahat ng makakaya dahil naiinggit sila sa kanilang kapwa. Wala itong kabuluhan; para silang humahabol sa hangin.

Hangal ang taong tamad, kaya halos mamatay sa gutom. Mas mabuti pang magkaroon ng isang dakot na pagkain pero may kapayapaan, kaysa sa maraming pagkain pero hirap na hirap naman sa pagtatrabaho at nauuwi lang sa wala ang lahat. Para ka lang humahabol sa hangin.

May nakita pa ako sa mundong ito na walang kabuluhan. May isang taong nag-iisa sa buhay. Wala siyang anak at wala ring kapatid. Pero wala siyang tigil sa pagtatrabaho at hindi nakokontento sa kanyang kayamanan. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi na ako nakakapagsaya dahil sa sobrang pagtatrabaho. Pero wala naman akong mapag-iiwanan ng aking mga pinaghirapan.” Wala itong kabuluhan! At napakalungkot ng ganitong klase ng buhay.

Mas mabuti ang may kasama kaysa mag-isa; mas marami silang magagawa. 10 Kapag nadapa ang isa sa kanila maitatayo siya ng kanyang kasama. Kaya nakakaawa ang taong nag-iisa at nadapa, dahil walang tutulong sa kanya. 11 Kapag malamig, pwede kayong matulog nang magkatabi at pareho kayong maiinitan. Pero kung nag-iisa ka, papaano ka maiinitan? 12 Madali kang matalo kung nag-iisa ka, pero kung may kasama ka, mahirap kayong talunin. Tulad din ng lubid na may tatlong pilipit na hibla, mahirap itong malagot.

13 Mas mabuti pa ang isang batang mahirap pero marunong, kaysa sa isang matandang hari pero hangal at ayaw tumanggap ng payo. 14 At maaaring maging hari ang batang iyon kahit siya ay nakulong at ang matandang hari namang iyon ay maaaring maghirap kahit na ipinanganak pa siyang dugong bughaw. 15 Pero naisip ko na kahit maraming tao dito sa mundo ang susunod sa batang iyon na pumalit sa hari, 16 at hindi mabilang ang mga taong paghaharian niya, maaaring hindi rin masisiyahan sa kanya ang susunod na henerasyon. Ito man ay wala ring kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin.

Huwag Pabigla-bigla sa Pangako

Mag-ingat ka sa ikikilos mo kung pupunta ka sa templo ng Dios. Mas mabuting pumunta ka roon na handang sumunod[b] sa Dios, kaysa sa maghandog na gaya ng paghahandog ng isang mangmang na hindi alam kung ano ang mabuti at masama. Huwag kang pabigla-bigla sa pagsasalita. Mag-isip ka muna nang mabuti bago ka mangako sa Dios. Tandaan mo na ang Dios ay nasa langit at ikaw ay nandito sa lupa. Kaya mag-ingat ka sa pagsasalita. Kung papaanong madaling managinip kapag maraming alalahanin, madali ring makapagsalita ng kamangmangan kung padalos-dalos ka sa iyong pagsasalita. Kapag nangako ka sa Dios, tuparin mo agad ito. Tuparin mo ang ipinangako mo sa kanya dahil hindi siya natutuwa sa mga hangal na hindi tumutupad sa mga pangako. Mas mabuti pang huwag ka na lang mangako kaysa mangako ka at hindi mo naman tutuparin. Huwag kang magkasala sa iyong pagsasalita. At huwag mong sabihin sa pari[c] na nasa templo na hindi mo sinasadya ang iyong pangako sa Dios. Dahil magagalit ang Dios kung gagawin mo ito at sisirain niya ang lahat ng pinaghirapan mo. Ang sobrang pananaginip at pagsasalita ay walang kabuluhan. Sa halip, matakot ka sa Dios.

Walang Kabuluhan ang Kayamanan

Huwag kang magtaka kung makita mo sa inyong lugar na ang mga mahihirap ay inaapi at pinagkakaitan ng katarungan at karapatan. Dahil ang mga pinunong gumigipit sa kanila ay inaalagaan ng mas nakatataas na pinuno, at ang dalawang ito ay inaalagaan ng mas mataas pang pinuno. Pero mas lamang pa rin ang nakukuha ng hari sa kita ng lupain ng mahihirap, kaysa sa lahat ng mga pinuno.

10 Ang taong maibigin sa pera at iba pang kayamanan, kailanman ay hindi masisiyahan. Wala rin itong kabuluhan. 11 Kung dumarami ang kayamanan mo, dumarami rin ang nakikinabang nito, kaya wala kang mapapala sa kayamanan mo kundi pagmasdan lang ito. 12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang pagkain niya; pero ang mayaman, hindi makatulog nang mahimbing dahil sa kanyang kayamanan.

13 May nakita akong hindi maganda rito sa mundo: Ang kayamanang iniipon ng tao ay nakapagpapahamak sa kanya. 14 Nauubos ito dahil sa hindi mabuting negosyo at wala ng matitira para sa mga anak niya. 15 Kung paanong hubad tayong ipinanganak mula sa sinapupunan ng ating ina, hubad din tayong mamamatay. Hindi natin madadala ang ating mga pinaghirapan. 16 Napakalungkot isipin! Ipinanganak tayong walang dala, mamamatay tayong walang dala. Kaya ano pa ang saysay ng mga pagpapakahirap natin? Para lang tayong humahabol sa hangin na walang napapala. 17 Ang buhay natin ay puno ng kahirapan, kaguluhan, sakit at galit.

18 Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao sa maiksing buhay na ibinigay sa kanya ng Dios ay kumain, uminom at magpakasaya sa kanyang pinaghirapan habang siyaʼy nabubuhay, dahil para naman talaga sa kanya ang mga iyon. 19 Binibigyan ng Dios ang bawat tao ng mga pag-aari at kayamanan. Hinahayaan niyang pakinabangan nila ang mga ito para matanggap nila ang para sa kanila at magpakasaya sa mga pinaghirapan nila. Ito ang regalo ng Dios sa kanila. 20 At dahil ginagawa ng Dios na abala ang tao sa mga bagay na nakapagpapasaya sa kanila, hindi sila nag-aalala na maiksi ang buhay nila.

May nakita pa akong isang hindi magandang pangyayari rito sa mundo na nagpapahirap sa mga tao. May mga taong binibigyan ng Dios ng kanilang mga hinahangad tulad ng karangalan, ari-arian at kayamanan. Pero hindi niya hinahayaang pakinabangan nila ito, sa halip, ibang tao ang nakikinabang nito. Hindi ito maganda at walang kabuluhan. Masasabi kong mas mabuti pa ang isang sanggol na ipinanganak na patay kaysa sa taong nabuhay nga nang matagal at nagkaanak pa ng marami, pero hindi naman nagkaroon ng kasiyahan sa buhay at hindi nailibing nang maayos. Kahit walang saysay ang pagkakapanganak sa sanggol, at kahit na siya ay nasa lugar ng mga patay at hindi na maaalala pa, at kahit hindi siya nakakita ng liwanag ng araw o nalaman ang buhay, mas may kapayapaan pa siya kaysa sa taong iyon na walang kasiyahan sa mga magagandang bagay na kanyang natanggap at kahit na mabuhay pa ang taong iyon ng ilang libong taon. Ang totoo ay iisa ang hahantungan ng lahat.

Nagtatrabaho ang tao para may makain, pero hindi pa rin siya nasisiyahan. Kaya ano ang lamang ng marunong sa mangmang? Ano ang mapapala ng mahirap kahit alam niya ang pasikot-sikot sa buhay? Wala itong kabuluhan! Para siyang humahabol sa hangin. Kaya mas mabuting masiyahan ka sa mga bagay na mayroon ka, kaysa sa maghangad ka nang maghangad ng mga bagay na wala sa iyo. 10 Lahat ng pangyayari sa mundo at mangyayari sa isang taoʼy nakatakda na noon pa. Kaya walang saysay na makipagtalo pa tayo sa Dios na higit na makapangyarihan kaysa sa atin. 11 At habang nakikipagtalo tayo, dadami lang ang sasabihin nating walang kabuluhan. Kaya ano ang pakinabang nito? 12 Walang sinumang nakakaalam kung ano ang mabuti para sa isang taong maikli at walang kabuluhan ang buhay – lumilipas lang ito na parang anino. Sino ang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari sa mundo pagkamatay niya?

Ang mga Paalala sa Buhay

Ang malinis na pangalan ay mas mabuti kaysa sa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan. Mas mabuting pumunta sa namatayan kaysa sa isang handaan, dahil ang lahat ay mamamatay. Dapat ay lagi itong isipin ng mga buhay pa. Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa sa kaligayahan dahil ang kalungkutan ay nakakatuwid ng buhay ng tao. Laging iniisip ng marunong ang kamatayan; pero ang hangal, ang laging iniisip ay kasiyahan. Mas mabuting makinig sa pagsaway ng marunong kaysa makinig sa papuri ng hangal. Ang tawa ng hangal ay parang tinik na pag-iginatong ay nagsasaltikan ang apoy. Ito ay walang kabuluhan. Ang marunong kapag nandaya ay para na ring hangal. Kung tumatanggap ka ng suhol, sinisira mo ang sarili mong dangal. Mas mabuti ang pagtatapos kaysa sa pagsisimula. Ang pagiging matiisin ay mas mabuti kaysa sa pagiging mapagmataas. Huwag maging magagalitin dahil ang pagiging magagalitin ay ugali ng mga hangal. 10 Huwag mong sabihin, “Bakit mas mabuti pa noon kaysa ngayon?” Dahil ang tanong na iyan ay walang katuturan. 11-12 Ang karunungan ay mabuti gaya ng isang pamana, pareho itong nakakatulong sa mga namumuhay dito sa mundo. Nagbibigay din ito ng proteksyon gaya ng pera. Pero higit pa roon, iniingatan nito ang buhay ng nagtataglay nito. 13 Pag-isipan mo ang ginawa ng Dios. Sino ang makapagtutuwid ng kanyang binaluktot? 14 Magalak ka kung mabuti ang kalagayan mo. Pero kung naghihirap ka, isipin mong ang Dios ang gumawa sa dalawang bagay na ito. Para hindi natin malaman kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. 15 Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang lahat ng bagay. Ang matuwid ay maagang namamatay sa kabila ng kanilang matuwid na pamumuhay, at ang mga masasama sa kabila ng kanilang kasamaan ay nabubuhay nang matagal. 16 Huwag mong ituring ang iyong sarili na sobrang matuwid at marunong, dahil kung gagawin mo iyon, sinisira mo lang ang iyong sarili. 17 At huwag ka rin namang magpakasama o magpakamangmang, dahil baka mamatay ka naman nang wala sa oras. 18 Huwag kang pasobra sa mga bagay na iyon; dapat balanse lang, dahil ang taong may takot sa Dios ay hindi nagpapasobra sa anumang bagay. 19 Higit na malaki ang magagawa ng karunungan sa isang tao, kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan. 20 Wala ni isang tao rito sa mundo ang laging gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala. 21 Huwag mong pakikinggan ang lahat ng sinasabi ng tao at baka mismong alipin mo ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo. 22 Dahil alam mo sa sarili mo na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.

23 Sinubukan kong intindihin ang lahat ng nangyayari rito sa mundo sa pamamagitan ng aking karunungan. Akala koʼy maiintindihan ko pero hindi pala. 24 Hindi ko kayang intindihin ang mga nangyayari dahil mahirap talagang maintindihan. At walang sinuman ang makakaintindi nito. 25 Pero patuloy akong nag-aral at nag-usisa, para makamit ko ang karunungan at masagot ang aking mga katanungan, at para malaman ko kung gaano kahangal ang taong gumagawa ng masama at kung gaano kasama ang isipan ng taong gumagawa ng kahangalan.

26 Napag-alaman kong ang babaeng nanunukso ay mas mapait kaysa sa kamatayan. Ang pag-ibig niyaʼy parang bitag, at ang mga kamay niya na yumayakap sa iyo ay parang kadena. Ang taong nakalulugod sa Dios ay makakatakas sa kanya, pero ang taong masama ay mabibitag niya. 27-28 Sinasabi ko bilang isang mangangaral, “Iniisip kong mabuti ang bawat bagay sa paghahanap ko ng kasagutan sa aking mga katanungan. Pero hindi ko pa rin natagpuan ang mga kasagutan. Ngunit ito ang aking natuklasan, sa 1,000 lalaki isa lang ang matuwid,[d] pero sa 1,000 babae wala ni isang matuwid. 29 Higit sa lahat, ito ang nalaman ko: Ginawa ng Dios ang tao na matuwid, pero nag-iisip ang tao ng maraming paraan para maging masama.”

Walang katulad ang taong marunong na kayang magpaliwanag ng mga bagay. Ang karunungan ng taoʼy nakapagpapasaya ng mukha, at ang simangot ay nawawala.

Sundin ang Hari

Sundin mo ang utos ng hari, dahil ipinangako mo sa Dios na gagawin mo ito. Huwag mong pababayaan ang tungkulin mo sa hari, at huwag kang sasama sa mga nagpaplano ng masama laban sa kanya,[e] dahil kayang gawin ng hari ang anumang gustuhin niya. Makapangyarihan ang utos ng hari at walang makakatutol dito. Ang sinumang sumusunod sa kanyang utos ay hindi mapapahamak. Alam ng taong marunong kung kailan at kung paano gagawin ang isang bagay. Dahil ang bawat bagay ay may kanya-kanyang tamang oras at pamamaraan ng paggawa gaano man kabigat ang kinakaharap ng tao.

Dahil walang sinuman ang nakakaalam ng hinaharap, walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari. Kung paanong hindi mapipigilan ng tao ang hangin,[f] hindi rin niya mapipigilan ang kanyang kamatayan. Tulad sa isang labanan, hindi siya makakaatras. At ang kasamaan niyaʼy hindi makapagliligtas sa kanya sa kamatayan.

Pinagmasdan ko ang mga bagay na nangyayari rito sa mundo, nakita kong ang mga tao ay may kakayahang saktan ang isaʼt isa. 10 Nakita ko ring ibinuburol ang masasama. Sila ang laging pumapasok sa banal na lungsod ng Jerusalem at doon gumagawa ng kasamaan. At pinupuri[g] pa sila ng mga taong taga-roon mismo sa lugar na ginagawan nila ng kasamaan. Wala itong kabuluhan.

11 Kapag ang taong nagkasalaʼy hindi agad pinarusahan, naiisip din ng iba na gumawa ng kasalanan. 12 Kahit ang isang taoʼy magkasala ng isandaang beses at mabuhay pa nang matagal, alam kong mas mabuti pa rin ang kahihinatnan ng taong may takot sa Dios. 13 Hindi magtatagal ang buhay ng taong masama na walang takot sa Dios. Magiging parang anino ang buhay niya, sandali lang at agad mawawala. 14 Ang problema lang sa mundong ito ay kung minsan ang mga taong matuwid pa ang siyang napaparusahan ng parusang para sana sa masasama. At ang masasama naman ang siyang tumatanggap ng gantimpalang para sana sa mga matuwid. Ito man ay walang kabuluhan.

15 Kaya para sa akin, mas mabuting magpakasaya ang tao sa buhay. Walang mas mabuti para sa kanya dito sa mundo kundi ang kumain, uminom at magsaya. Sa ganitong paraan mararanasan niya ang kasiyahan habang nagpapakapagod siya sa buong buhay niya na ibinigay ng Dios sa kanya dito sa mundo.

16 Habang pinagsisikapan kong intindihin ang mga nangyayari rito sa mundo, nalaman ko kung gaano kaabala sa trabaho ang mga tao araw at gabi. 17 Nakita ko rin ang mga ginagawa ng Dios dito sa mundo. Walang sinuman ang makakaintindi nito. Kahit ano pa ang gawin ng tao para intindihin ito, hindi pa rin niya ito maiintindihan. Kahit sabihin pa ng marunong na naiintindihin niya, pero ang totoo, hindi niya talaga naiintindihan.

Inisip kong mabuti ang lahat ng bagay at nalaman kong nasa patnubay ng Dios ang matutuwid at marurunong, pati na ang kanilang mga ginagawa. Pero hindi nila alam kung ang kasasapitan ba nila ay pag-ibig o poot. Iisa lang ang kasasapitan ng lahat ng klase ng tao – ang matuwid at ang masama, ang tama at ang mali,[h] ang malinis at ang marumi,[i] ang naghahandog at ang hindi naghahandog. Pareho lang ang matuwid at ang makasalanan at pareho lang din ang sumusumpa at hindi sumusumpa. Ito ang hindi maganda sa lahat ng nangyayari rito sa mundo: iisa lang ang kasasapitan ng lahat. At hindi lang iyan, kundi pawang kasamaan at kamangmangan ang iniisip ng tao habang nabubuhay, at pagkatapos ay mamamatay din siya. Habang may buhay ang tao, may pag-asa. May kasabihan nga, “Mas mabuti pa ang buhay na aso kaysa sa patay na leon.” Ang totoo, alam ng buhay na tao na mamamatay siya. Pero ang patay ay walang nalalaman. Wala na rin siyang gantimpalang matatanggap at makakalimutan na. Ang pag-ibig nila, poot at inggit noong nabubuhay pa ay wala na. At wala na rin silang malay sa lahat ng nangyayari rito sa mundo.

Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom dahil iyan ang gusto ng Dios na gawin mo. Palagi ka sanang maging maligaya.[j] Magpakasaya ka kasama ang minamahal mong asawa, sa buhay mong walang kabuluhan na ibinigay ng Dios dito sa mundo. Sapagkat para sa iyo naman iyan, para sa pagpapagal mo rito sa mundo. 10 Gawin mo ng buo mong makakaya ang iyong ginagawa, dahil wala ng trabaho roon sa lugar ng mga patay na patutunguhan mo. Wala ng pagpaplano roon, wala ring kaalaman at karunungan.

11 Mayroon pa akong nakita rito sa mundo: Hindi lahat ng mabibilis ay nananalo sa takbuhan, at hindi lahat ng malalakas ay nananalo sa labanan. Hindi rin lahat ng matatalino ay nagkakaroon ng hanapbuhay, hindi lahat ng marurunong ay nagiging mayaman at hindi rin lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay. Dahil ang bawat tao ay may kanya-kanyang kapalaran. 12 Pero hindi niya alam kung kailan darating ang takdang oras. Tulad siya ng isang ibong nabitag o ng isdang nahuli sa lambat. Biglang dumarating sa tao ang masamang pagkakataon na para siyang nahuli sa isang patibong.

Mas Mabuti ang Karunungan Kaysa Kamangmangan

13 Mayroon pang isang halimbawa ng karunungan na aking nagustuhan. 14 May isang maliit na lungsod na kakaunti lang ang mga mamamayan. Nilusob ito ng makapangyarihang hari kasama ng kanyang mga kawal at pinalibutan. 15 Sa lungsod na iyon ay may isang lalaking marunong pero mahirap. Maaari sana niyang iligtas ang lungsod sa pamamagitan ng kanyang karunungan pero walang nakaalala sa kanya. 16 Sinabi kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kapangyarihan, pero ang karunungan ng isang taong mahirap ay hindi binibigyang halaga at ang mga sinasabi niyaʼy hindi pinapansin. 17 Ang marahang salita ng marunong ay mas magandang pakinggan kaysa sa sigaw ng isang pinunong hangal. 18 Mas makapangyarihan ang karunungan kaysa sa mga sandata ng digmaan. Pero ang isang makasalanan ay makakasira ng maraming kabutihan.

10 Kung paanong napapabaho ng isang patay na langaw ang isang boteng pabango, ganoon din ang kaunting kamangmangan, nakakasira ng karunungan at karangalan. Ang taong marunong ay gustong gumawa ng kabutihan, pero ang hangal ay gustong gumawa ng kasamaan. At kahit sa paglalakad ng hangal, nakikita ang kawalan niya ng karunungan at ipinapakita sa lahat ang kanyang kahangalan.

Kung nagalit sa iyo ang iyong pinuno, huwag ka agad magbitiw sa tungkulin, dahil kapag nawala na ang galit niyaʼy baka patawarin ka niya gaano man kalaki ang iyong kasalanang nagawa. May isa pa akong nakitang hindi maganda rito sa mundo at itoʼy ginagawa ng mga pinuno: Ang mga mangmang ay binibigyan ng mataas na tungkulin, pero ang mga mayayaman[k] ay binibigyan ng mababang tungkulin. Nakakita rin ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo habang ang mga dakilang taoʼy naglalakad na parang alipin.

Kapag ikaw ang naghukay, baka ikaw din ang mahulog doon. Kapag lumusot ka sa butas ng pader, baka tuklawin ka ng ahas doon. Kapag nagtibag ka ng bato, baka mabagsakan ka nito. Kapag nagsibak ka ng kahoy, baka masugatan ka nito. 10 Kapag palakol moʼy mapurol at hindi mo hinahasa, buong lakas ang kailangan mo sa paggamit nito. Mas nakakahigit ka kung marunong ka, dahil sa pamamagitan nitoʼy magtatagumpay ka.

11 Walang saysay ang kakayahan mong magpaamo ng ahas, kung tutuklawin ka lang naman nito. 12 Ang sinasabi ng marunong ay magbibigay sa kanya ng kabutihan, pero ang sinasabi ng hangal ay magpapahamak sa kanya. 13 Sa umpisa pa lang kamangmangan na ang sinasabi niya, at kinalaunan ay naging masamang-masama na, na parang nawawala na siya sa sarili. 14 At wala siyang tigil sa kasasalita.

Walang nakakaalam tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap, kaya walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari kapag tayoʼy patay na. 15 Napapagod ang mangmang sa kanyang trabaho, kaya naiisip niyang huwag nang pumunta sa bayan para magtrabaho.[l]

16 Nakakaawa ang isang bansa na ang hari ay isip-bata at ang mga pinunoʼy puro handaan ang inaatupag. 17 Pero mapalad ang bansa na ang hari ay ipinanganak sa marangal na pamilya at ang mga pinuno ay naghahanda lang sa tamang panahon para sa ikalalakas at hindi sa paglalasing.

18 Pinapabayaan ng taong tamad na tumutulo ang bubong ng kanyang bahay hanggang sa mawasak na ang buong bahay niya. 19 Makapagpapasaya sa tao ang handaan at inuman; at ang pera ay makapagbibigay ng lahat niyang pangangailangan. 20 Huwag mong susumpain ang hari kahit sa isip mo lang o ang mayayaman kahit na palihim lang, dahil baka may magsabi sa kanila.[m]

Ang Gawain ng Taong Marunong

11 Ipuhunan mo ang pera mo sa negosyo at sa kalaunan ay kikita ka.[n] Ilagay mo ang pera mo sa ibaʼt ibang[o] negosyo,[p] dahil hindi mo alam kung anong kalamidad ang darating dito sa mundo. Kapag makapal na ang ulap, magbubuhos ito ng ulan sa mundo. At kung saan natumba ang puno, doon iyon mananatili.[q] Kung palagi ka lang maghihintay ng magandang panahon, hindi ka makakapagtanim at wala kang aanihin.

Kung paanong hindi mo nalalaman ang direksyon ng hangin o kung paano lumalaki ang sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina, ganoon din ang ginagawa ng Dios na gumagawa ng lahat ng bagay, hindi mo rin ito maiintindihan.

Maghasik ka ng binhi sa umaga hanggang gabi, dahil hindi mo alam kung alin sa itinanim mo ang tutubo, o kung lahat ito ay tutubo. Masarap mabuhay, kaya mas mabuting mabuhay. Kaya sa buong buhay mo ay maging masaya ka, gaano man ito kahaba. Ngunit, alalahanin mong darating ang kamatayan at magtatagal iyon. Lahat ng mangyayari ay walang kabuluhan.

Kayong mga kabataan, magsaya kayo habang kayoʼy bata pa. Gawin ninyo ang gusto ninyong gawin, pero alalahanin ninyong hahatulan kayo ng Dios ayon sa inyong mga ginawa. 10 Huwag kayong mag-alala o mabalisa man dahil ang panahon ng kabataan ay lumilipas lang.

12 Alalahanin mo ang lumikha sa iyo habang bata ka pa at bago dumating ang panahon ng kahirapan at masabi mong, “Hindi ako masaya sa buhay ko.” Alalahanin mo siya bago dumilim ang araw, ang buwan at ang mga bituin na parang natatakpan ng makakapal na ulap. Darating ang araw na manginginig ang iyong mga bisig[r] at manghihina ang iyong mga tuhod.[s] Hindi ka na makakanguyang mabuti dahil iilan na lang ang iyong ngipin.[t] At lalabo na ang iyong paningin.[u] Ang tainga[v] moʼy hindi na halos makarinig, kahit ang ingay ng gilingan o huni ng mga ibon o mga awitin ay hindi na marinig. Matatakot ka ng umakyat sa matataas na lugar o lumakad sa lansangan ng nag-iisa. Puputi na ang iyong buhok, hindi ka na halos makakalakad at mawawala na ang lahat ng iyong pagnanasa. Sa bandang huli, pupunta ka sa iyong tahanang walang hanggan at marami ang magluluksa para sa iyo sa mga lansangan. Kaya alalahanin mo ang Dios habang nabubuhay ka, habang hindi pa nalalagot ang kadenang pilak at hindi pa nababasag ang gintong lalagyan, o hindi pa nalalagot ang tali ng timba sa balon, at nasisira ang kalo nito. Kung magkagayon, babalik ka sa lupa kung saan ka nagmula at ang espiritu[w] moʼy babalik sa Dios na siyang nagbigay nito.

Sabi ng mangangaral,[x] “Walang kabuluhan! Tunay na walang kabuluhan ang lahat!”

Paggalang at Pagsunod sa Dios

Bukod sa pagiging marunong nitong mangangaral, itinuturo din niya sa mga tao ang lahat ng kanyang nalalaman. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihang binanggit niya rito. 10 Pinagsikapan niyang gamitin ang mga nararapat na salita, at ang lahat ng isinulat niya rito ay tama at totoo. 11 Ang mga salita ng marunong ay parang matulis na tungkod na pantaboy ng pastol sa paggabay sa kanyang kawan o parang pakong nakabaon. Ibinigay ito ng Dios na tangi nating tagabantay.

12 Anak, mag-ingat ka sa isa pang bagay na ito: Ang pagsusulat ng aklat ay walang katapusan, at ang labis na pag-aaral ay nakakapagod.

13 Ngayong nabasa[y] mo na ang lahat ng ito, ito ang aking huling payo: Matakot ka sa Dios at sundin mo ang kanyang mga utos, dahil ito ang tungkulin ng bawat tao. 14 Sapagkat hahatulan tayo ng Dios ayon sa lahat ng ating ginagawa, mabuti man o masama, hayag man o lihim.

Ang pinakamagandang awit ni Solomon.[z]

Babae

Paliguan mo ako ng iyong mga halik. Pagkat mas matamis pa kaysa katas ng ubas ang iyong pag-ibig. Kay sarap amuyin ng iyong pabango, at ang ganda ng pangalan mo, kaya hindi kataka-takang mga dalagaʼy napapaibig sa iyo. Sige na, O aking hari, dalhin mo ako sa iyong silid.

Mga Babae ng Jerusalem

Sa piling mo,[aa] kami ay maligaya. Mas gusto pa namin ang pag-ibig mo kaysa anumang inumin.

Babae

Tama lang na umibig sila sa iyo! O mga babaeng taga-Jerusalem, maitim nga ako gaya ng mga tolda sa Kedar, pero maganda naman tulad ng kurtina sa palasyo ni Solomon. Huwag ninyo akong hamakin[ab] dahil sa kulay ng aking balat. Maitim nga pagkat nabibilad sa init ng araw. Nagalit sa akin ang mga kapatid kong lalaki, at doon sa ubasan akoʼy pinagtrabaho nila. Dahil ditoʼy napabayaan ko ang sarili ko.[ac]

Mahal, sabihin mo sa akin kung saan ka nagpapastol ng iyong mga tupa. Saan mo sila pinagpapahinga tuwing tanghali? Sabihin mo sa akin para hindi na ako maghanap pa sa iyo doon sa iyong mga kaibigan na nagpapastol din ng tupa. Dahil baka akoʼy mapagkamalan na isang babaeng bayaran.

Lalaki

Kung hindi mo alam, O babaeng ubod ng ganda, sundan ang bakas ng aking mga tupa. Papunta ito sa tolda ng mga pastol, at mga kambing moʼy doon mo na rin ipastol. O irog ko, tulad moʼy isang babaeng kabayo na nagustuhan ng lalaking kabayo na humihila ng karwahe ng hari ng Egipto.[ad] 10 Napakaganda ng iyong mga pisngi, na lalong pinaganda ng mga hiyas. O anong ganda rin ng leeg mong sinuotan ng kwintas. 11 Ikaʼy igagawa namin ng alahas na yari sa mga ginto at pilak.

Babae

12 Habang ang hariʼy nasa kanyang mesa, pabango koʼy humahalimuyak. 13 Parang samyo ng mira ang bango ng aking iniibig, habang sa aking dibdib siya ay nakahilig. 14 Ang mahal koʼy tulad ng kumpol ng mga bulaklak na henna, na namumulaklak doon sa ubasan ng En Gedi.[ae]

Lalaki

15 Napakaganda mo, aking giliw. Mga mata moʼy kasing pungay ng mga mata ng kalapati.

Babae

16 Kay kisig mo, mahal ko. Napakaganda mong pagmasdan habang tayo ay nakahiga sa mga damo, 17 sa lilim ng mga punong sipres at sedro.

Babae

Akoʼy isang bulaklak lamang ng Sharon, isang liryo[af] sa lambak.

Lalaki

Kung ihahambing sa ibang kababaihan, ang irog koʼy tulad ng liryo sa gitna ng matinik na halamanan.

Babae

Kung ihahambing naman sa ibang kabinataan, ang mahal koʼy tulad ng puno ng mansanas sa gitna ng mga puno roon sa kagubatan. Ako ay nanabik na maupo sa lilim niya, at tikman ang matamis niyang bunga. Dinala niya ako sa isang handaan para ipakita sa lahat na ako ay kanyang minamahal. Pakainin ninyo ako ng pasas at mansanas para akoʼy muling lumakas, sapagkat nanghina ako dahil sa pag-ibig. Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa niyang bisig at ang kanang kamay naman niya ay nakayakap sa akin.

Kaya kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.

Ayan na! Naririnig ko nang paparating ang aking mahal. Dumarating siyang patalon-talon na parang usa sa mga bundok at burol. Tingnan ninyo, nariyan na siya na nakatayo sa may pader, at sa bintana akoʼy sinisilip. 10 Sinabi niya sa akin, “Halika na irog kong maganda at sa akin ay sumama ka. 11 Tapos na ang panahon ng taglamig at tag-ulan. 12 Namumukadkad na ang mga bulaklak sa parang, panahon na ng pag-aawitan at maririnig na rin ang huni ng mga kalapati sa kabukiran. 13 Ang mga bunga ng igos ay hinog na[ag] at humahalimuyak ang bulaklak ng mga ubas. Halika na irog kong maganda, sa akin ay sumama ka na.”

Lalaki

14 Katulad moʼy kalapating nagtatago sa bitak ng malaking bato. Ipakita mo sa akin ang magandang mukha mo at iparinig din ang maamo mong tinig.

Mga Babae ng Jerusalem

15 Bilis! Hulihin ang mga asong-gubat[ah] na sumisira ng aming mga ubasang namumulaklak.

Babae

16 Akin lang ang mahal ko, at ako naman ay kanya lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo. 17 Bago magbukang-liwayway at magliwanag, magbalik ka, mahal ko. Tumakbo ka na kasimbilis ng batang usa o gasela sa kabundukan.

Sa gabi, habang akoʼy nakahiga, nananabik ako sa aking minamahal. Hinahanap-hanap ko siya, subalit hindi makita. Kaya bumangon akoʼt nilibot ang lungsod, mga lansangan, at mga liwasan. Hinanap ko ang aking mahal, pero hindi ko siya makita. Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Tinanong ko sila, “Nakita ba ninyo ang mahal ko?”

Hindi pa man ako nakakalayo sa kanila, nakita ko ang mahal ko. Hinawakan ko siya ng buong higpit at hindi binitiwan hanggang nadala ko siya sa bahay ng aking ina, doon sa silid kung saan ako nabuo. Kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.

Mga Babae ng Jerusalem

Sino kaya itong dumarating mula sa ilang na tila makapal na usok na amoy mira at insensong itinitinda ng mangangalakal? Tingnan ninyo! Iyan ang karwahe ni Solomon na napapalibutan ng 60 pinakamagagaling na kawal ng Israel. Lahat silaʼy mayroong espada at bihasa sa pakikipaglaban. Laging handa kahit sa gabi man sumalakay. Ang karwaheng iyon na ipinagawa ni Haring Solomon ay yari sa kahoy na galing sa Lebanon. 10 Nababalot sa pilak ang haligi nito at palamuting ginto ang tumatakip dito. Ang kutson ng upuan ay binalot sa telang kulay ube at mga babaeng taga-Jerusalem ang nagpaganda ng loob ng karwahe.

Babae

11 Lumabas kayo, kayong mga dalaga ng Jerusalem,[ai] at tingnan ninyo si Haring Solomon na may korona. Ipinutong ito sa kanya ng kanyang ina sa araw ng kanyang kasal – ang araw na buong puso niyang ikinagalak.

Lalaki

Napakaganda mo, O irog ko. Ang mga mata mong natatakpan ng belo ay parang mga mata ng kalapati. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead. Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong gupit at pinaliguan. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay. Ang mga labi moʼy parang pulang laso, tunay ngang napakaganda. Ang mga pisngi mong natatakpan ng beloʼy mamula-mula na parang bunga ng pomegranata. Ang leeg moʼy kasingganda ng tore ni David. Napapalamutian ng kwintas na tila isang libong kalasag ng mga kawal. Ang dibdib moʼy kasing tikas ng tindig ng kambal na batang usa na nanginginain sa gitna ng mga liryo. Bago magbukang-liwayway at bago mawala ang dilim, mananatili ako sa dibdib mong tila mga bundok na pinabango ng mira at insenso. O irog ko, ang lahat sa iyoʼy maganda. Walang maipipintas sa iyo.

O aking magiging kabiyak, sumama ka sa akin mula sa Lebanon. Bumaba tayo mula sa tuktok ng mga bundok ng Amana, Senir at Hermon, na tinitirhan ng mga leopardo at leon. O irog ko na aking magiging kabiyak, sa isang sulyap mo lamang at sa pang-akit ng iyong kwintas na napapalamutian ng iisang bato ay nabihag mo na ang aking puso. 10 Ang pag-ibig mo aking irog ay walang kasingtamis. O aking magiging kabiyak, higit pa ito kaysa sa masarap na inumin. Ang samyo ng iyong pabangoʼy mas mabango kaysa sa lahat ng pabango. 11 Ang mga labi mo, aking magiging kabiyak ay kasintamis ng pulot. Ang dila moʼy tila may gatas at pulot. At ang damit moʼy kasimbango ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 12 O irog ko, aking magiging kabiyak, tulad ka ng isang halamanan na may bukal at nababakuran. 13 Ang mga punoʼy namumunga ng pomegranata at iba pang mga piling bunga. Sagana ito sa halamang henna, nardo, 14 safron, kalamo at sinamon, maging ng ibaʼt ibang klase ng insenso, mira, aloe at iba pang mamahaling pabango. 15 Tulad ka ng isang hardin na may bukal na umaagos mula sa mga kabundukan ng Lebanon.

Babae

16 Kayong hanging amihan at habagat, umihip kayo sa aking hardin upang kumalat ang bango nito. Papuntahin ang aking mahal sa kanyang hardin upang kainin ang mga piling bunga nito.

Lalaki

Nasa hardin ako ngayon, aking irog na magiging kabiyak ko. Nanguha ako ng mira at mga pabango. Kinain ko ang aking pulot at ininom ang aking alak at gatas.

Mga Babae ng Jerusalem

Kayong mga nagmamahalan, kumain kayo at uminom.

Babae

Habang akoʼy natutulog, nanaginip ako. Narinig kong kumakatok ang mahal ko. Ang sabi niya, “Papasukin mo ako, irog ko. Basang-basa na ng hamog ang ulo ko.” Pero sinabi ko, “Hinubad ko na ang aking damit, isusuot ko pa ba itong muli? Hinugasan ko na ang aking mga paa, dudumihan ko pa ba itong muli?” Nang hawakan ng aking mahal ang susian ng pinto, biglang tumibok ng mabilis ang aking puso. Bumangon ako upang siyaʼy papasukin. At nang hawakan ko ang susian ng pinto tumulo ang mira sa kamay ko. Binuksan ko ang pinto para sa aking mahal, pero wala na siya. Hinanap ko siya, pero hindi ko siya makita. Tinawag ko siya, pero walang sumagot. Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Pinalo nila ako, at akoʼy nasugatan. Kinuha[aj] pa nila ang aking damit. Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo sa akin! Kapag nakita ninyo ang aking mahal, sabihin ninyo sa kanyang nanghihina ako dahil sa pag-ibig.

Mga Babae ng Jerusalem

O babaeng pinakamaganda, ano bang mayroon sa iyong minamahal na wala sa iba, at kami ay iyong pinasusumpa pa? Siya baʼy talagang nakakahigit sa iba?

Babae

10 Ang aking mahal ay makisig at mamula-mula ang kutis. Nag-iisa lamang siya sa sampung libong lalaki. 11 Mas mahal pa sa ginto ang kanyang ulo. Buhok niyaʼy medyo kulot at kasing-itim ng uwak. 12 Mga mata niyaʼy napakagandang pagmasdan, tulad ng mamahaling hiyas at tulad ng mata ng mga kalapati, na kasingputi ng gatas, sa tabi ng batis. 13 Mga pisngi niyaʼy kasimbango ng harding puno ng halamang ginagawang pabango. At ang mga labi niyaʼy parang mga liryo na dinadaluyan ng mira. 14 Mga bisig niyaʼy tila mahahabang bareta ng ginto na napapalamutian ng mamahaling bato. Katawaʼy tila pangil ng elepante, makinang at napapalamutian ng mga batong safiro. 15 Mga paa niyaʼy tulad ng mga haliging marmol na nakatayo sa pundasyong ginto. Napakaganda niyang pagmasdan, tulad ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 16 Kay tamis halikan ang kanyang bibig. Tunay ngang siyaʼy kaakit-akit. O mga babae ng Jerusalem, siya ang aking mahal, ang aking iniibig.

Mga Babae ng Jerusalem

O babaeng pinakamaganda, nasaan na ang iyong mahal? Saan siya nagpunta upang matulungan ka naming hanapin siya?

Babae

Ang aking mahal ay nagpunta sa hardin niyang puno ng halamang ginagawang pabango, upang magpastol doon at kumuha ng mga liryo. Akoʼy sa aking mahal, at ang mahal ko naman ay sa akin lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo.

Lalaki

O napakaganda mo, irog ko. Kasingganda ka ng lungsod ng Tirza at kabigha-bighani gaya ng Jerusalem. Kamangha-mangha ka gaya ng mga kawal na may dalang mga bandila. Huwag mo akong titigan dahil hindi ko ito matagalan. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead. Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong paligo. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay nito. Mamula-mula ang noo mong natatakpan ng belo, tulad ng bunga ng pomegranata.

Kahit na akoʼy may 60 asawang reyna, 80 asawang alipin, at hindi mabilang na mga dalaga, nag-iisa lang ang aking sinisinta. Tunay na maganda at walang kapintasan. Ang tanging anak na babae ng kanyang ina at pinakapaborito pa. Ang mga babaeng nakakakita sa kanya ay hindi mapigilang purihin siya. Kahit na ang mga asawang reyna at asawang alipin ay humahanga sa kanya. 10 Ang sabi nila, “Sino ba ito na kapag tiningnan ay parang bukang-liwayway ang kagandahan? Kasingganda siya ng buwan, nakakasilaw na parang araw at nakakamangha tulad ng mga bituin.”[ak]

11 Pumunta ako sa taniman ng almendro para tingnan ang mga bagong tanim na sumibol sa may lambak, at para tingnan na rin kung umuusbong na ang mga ubas at kung ang mga pomegranata ay namumulaklak na. 12 Hindi ko namalayan, ako palaʼy nandoon na sa maharlikang higaan kasama ang aking mahal.

Mga Babae ng Jerusalem

13 Bumalik ka, dalagang taga-Shulam, bumalik ka para makita ka namin.[al]

Lalaki

Bakit gusto ninyong makita ang dalaga ng Shulam na sumasayaw sa gitna ng mga manonood?

O maharlikang babae, napakaganda ng mga paa mong may sandalyas. Hugis ng iyong mga hitaʼy parang mga alahas na gawa ng bihasa. Ang pusod moʼy kasimbilog ng tasang laging puno ng masarap na alak. Ang baywang moʼy parang ibinigkis na trigong napapaligiran ng mga liryo. Ang dibdib moʼy tila kambal na batang usa. Ang leeg moʼy parang toreng gawa sa pangil ng elepante. Ang mga mata moʼy kasinglinaw ng batis sa Heshbon, malapit sa pintuang bayan ng Bet Rabim. Ang ilong moʼy kasingganda ng tore ng Lebanon na nakaharap sa Damasco. Ang ulo moʼy kasingganda ng Bundok ng Carmel. Ang buhok moʼy kasingkintab ng mga maharlikang kasuotan at ang hariʼy nabihag sa kagandahan nito.

O napakaganda mo, aking sinta, umaapaw ka sa kariktan. Ang tindig moʼy parang puno ng palma at ang dibdib moʼy parang mga bunga nito. At aking sinabi, “Aakyat ako sa palma at hahawak sa kanyang mga bunga.” Ang iyong dibdib ay parang katulad ng kumpol ng ubas, at ang samyo ng iyong hiningaʼy parang mansanas. Ang halik moʼy kasingtamis ng pinakamasarap na alak. Ang alak na itoʼy dahan-dahang dumadaloy mula sa labi ng aking minamahal.

Babae

10 Ako ay sa kanya lang, at ako lamang ang kanyang inaasam. 11 Halika mahal ko, pumunta tayo sa bukid at doon magpalipas ng gabi, sa tabi ng mga bulaklak ng henna.[am] 12 Maaga tayong gumising at ating tingnan kung namulaklak at namunga na ang ubasan. Tingnan din natin kung namumukadkad na ang mga pomegranata. At doon, ipadarama ko sa iyo ang aking pagmamahal. 13 Maaamoy mo ang bango ng mandragora, at malapit sa ating pintuan ay may mga piling hain na prutas, luma at bago. Sapagkat ang mga itoʼy sadyang inihanda ko para sa iyo, aking mahal.

Kung naging kapatid lamang sana kita, na pinasuso ng aking ina, hahalikan kita saanman tayo magkita, at hindi nila ako pag-iisipan ng masama. Dadalhin kita sa bahay ng aking ina, at doon ay tuturuan mo ako ng tungkol sa pag-ibig. Paiinumin kita ng mabangong alak na mula sa katas ng aking mga pomegranata. Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa mong bisig at ang kanang kamay mo naman ay nakayakap sa akin.

Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo na hindi ninyo hahayaan na ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.

Mga Babae ng Jerusalem

Sino kaya itong dumarating mula sa ilang na nakahilig sa kanyang minamahal?

Babae

Ginising ko ang iyong damdamin, doon sa ilalim ng puno ng mansanas, kung saan ka isinilang. Iukit mo ang pangalan ko sa puso mo para patunayan na ako lamang ang mahal mo. At ako lamang ang yayakapin ng mga bisig mo. Makapangyarihan ang pag-ibig gaya ng kamatayan; maging ang pagnanasa ay hindi mapipigilan. Ang pag-ibig ay parang lumiliyab at lumalagablab na apoy. Kahit laksa-laksang tubig, hindi ito mapipigilan. Sinumang magtangkang bilhin ito kahit ng lahat niyang yaman ay baka malagay lamang sa kahihiyan.

Ang mga Kapatid na Lalaki ng Babae

May kapatid kaming dalagita, at ang kanyang dibdib ay hindi pa nababakas. Anong gagawin namin sa araw na may manligaw na sa kanya? Birhen man siya o hindi, iingatan namin siya.[an]

Babae

10 Akoʼy birhen nga, at ang dibdib koʼy parang mga tore. Kaya nga ang aking mahal ay lubos na nasisiyahan sa akin.

11 May ubasan si Solomon sa Baal Hamon na kanyang pinauupahan sa mga magsasaka roon. Bawat isa sa kanilaʼy nagbibigay sa kanya ng 1,000 piraso ng pilak bilang parte niya sa ubasan. 12 Ikaw ang bahala Solomon, kung ang parte mo ay 1,000 piraso ng pilak at ang parte ng mga magsasaka ay 200 piraso ng pilak. Pero ako na ang bahala sa sarili kong ubasan.

Lalaki

13 O irog kong namamasyal sa hardin, mabuti pa ang mga kaibigan mo, naririnig nila ang iyong tinig. Iparinig mo rin ito sa akin.

Babae

14 Halika, aking mahal. Tumakbo ka nang mabilis gaya ng usa sa kabundukan na punong-puno ng mga halamang ginagawang pabango.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®